Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan (Ikalawang Bahagi)
Ano ang pagkakaiba ng mga eskriba at Pariseo na nananampalataya sa Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at ng mga pastor, elder, pari, at obispo ng mga modernong kapilya ng Kristiyano at Katoliko? Ibig sabihin, ano ang pagkakaiba ng pananampalataya kay Jehova at pananampalataya kay Jesus? Bukod sa pangalang sinasampalatayaan nila, ano ang pagkakaiba? Ano ang pinanghawakan ng mga nananampalataya kay Jehova? Ano ang pamamaraan nila ng pananampalataya? (Sinunod nila ang batas at ang mga kautusan.) Naunawaan ba nila ang gawain ng Banal na Espiritu? Naunawaan ba nila ang landas ng pagpasan ng krus? (Hindi nila naunawaan.) Nalaman ba nila na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay? Nagkaroon ba sila ng gayong konsepto? Nalaman ba nila ang mga mensaheng narinig ng mga mananampalataya ni Jesus? (Hindi nila nalaman.) Ano ang tingin sa kanila ng mga mananampalataya ni Jesus? (Sila ay paurong, konserbatibo, at hindi sila nakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu.) Ang pangunahing bagay ay na hindi sila nakasabay sa mga hakbang ng gawain ng Diyos. Sinabi ng Diyos na darating ang Mesiyas, at nang pumarito Siya sa katawang-tao, tinawag Siyang Jesucristo. Hindi nila Siya tinanggap, sa halip ay mapagmatigas Siyang nilabanan. Hindi nila kinilala na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao, at ipinako nila Siya sa krus. Napag-iwanan sila, at itiniwalag sila ng Kapanahunan ng Biyaya. Hindi nila alam ang mga mensahe ng Kapanahunan ng Biyaya, tulad ng pagtubos, kaligtasan sa krus, at pagsisisi. Hindi ba’t pagkakaiba iyon? (Ganoon na nga.) Kaya ano ang sinasabi ng mga nasa Kapanahunan ng Biyaya? Ano ang pagkakaiba nila sa mga mananampalataya sa Kapanahunan ng Kautusan? Ano pa ba ang alam nila? Una sa lahat, kung titingnan ang pagbabasa ng Bibliya, binabasa nila ang Luma at Bagong Tipan; kung titingnan ang pangalan ng Diyos na kanilang sinasampalatayaan, hindi na nila tinutukoy ang Diyos bilang Jehova lamang, sa halip ay pangunahin nila Siyang tinatawag na Jesucristo. Ano ang isinasagawa nila? Pangungumpisal at pagsisisi, mahabang pagtitiis at pagpapakumbaba; sila ay mapagmahal, sinusunod nila ang mga utos, pinapasan nila ang kanilang krus, tinatahak nila ang landas ng pagdurusa sa krus, at inaabangan nila ang pag-akyat sa langit pagkatapos ng kamatayan. Sa maraming paraan, naiiba sila sa mga mananampalataya sa Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan. Nagsasalita sila tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu, at sa pagiging napuspos at napangunahan ng Banal na Espiritu; nagsasalita sila tungkol sa panalangin, sa pagkilos sa pangalan ng Panginoong Jesus, at sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang mga bagay na sinasabi nila ay lubos na naiiba sa mga nasa Kapanahunan ng Kautusan, ngunit sa huli, natatanggap nila ang parehong kongklusyon mula sa Diyos na gaya ng sa mga tao ng pananampalatayang Hudyo—kabilang din sila sa isang relihiyosong grupo. Anong klaseng bagay ito? Yaong mga Pariseong Hudyo, punong saserdote, at eskriba ng Kapanahunan ng Kautusan ay nanalig sa Diyos sa pangalan lamang, ngunit sila ay tumalikod sa Kanyang daan, at ipinako pa nila ang nagkatawang-taong Diyos. Nakakuha kaya ng pagsang-ayon ng Diyos ang kanilang pananalig? (Hindi.) Itinalaga na sila ng Diyos bilang mga tao ng pananampalatayang Hudyo, bilang mga miyembro ng isang relihiyosong grupo. At gayundin, nakikita ng Diyos ang mga nananampalataya ngayon kay Jesus bilang mga miyembro ng isang relihiyosong grupo, na hindi Niya sila kinikilala bilang mga miyembro ng Kanyang iglesia o bilang mga mananampalataya sa Kanya. Bakit kaya kokondenahin ng Diyos ang mundo ng relihiyon? Sapagkat ang lahat ng miyembro ng mga relihiyosong grupo, lalo na ang matataas na antas na lider ng iba’t ibang denominasyon, ay walang may-takot-sa-Diyos na puso, at hindi rin sila mga tagasunod ng kalooban ng Diyos. Lahat sila ay mga hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala sa pagkakatawang-tao, lalong hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi nila kailanman hinahangad, hinihiling, sinusuri, o tinatanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw o ang mga katotohanang ipinapahayag Niya, sa halip ay diretso nilang kinokondena at nilalapastangan ang gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw. Malinaw na makikita rito ng isang tao na maaaring sumasampalataya sila sa Diyos sa pangalan, ngunit hindi sila kinikilala ng Diyos bilang mga mananampalataya sa Kanya; sinasabi Niya na sila ay masasamang tao, na wala sa kanilang ginagawa ang may katiting na kaugnayan sa Kanyang gawain ng pagliligtas, na sila ay mga walang pananampalataya na taliwas sa Kanyang mga salita. Kung nananampalataya kayo sa Diyos tulad ng ginagawa ninyo ngayon, hindi ba’t darating ang araw na kayo rin ay magiging mga relihiyosong lingkod na lamang? Ang pananampalataya sa Diyos mula sa loob ng relihiyon ay hindi magkakamit ng kaligtasan—bakit ganito mismo? Kung hindi ninyo masabi kung bakit ganito, ipinapakita nito na hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos kahit kaunti. Ang pinakakalunos-lunos na maaaring mangyari sa pananampalataya sa Diyos ay ang pagbaba nito sa relihiyon at ang pagtitiwalag ng Diyos dito. Hindi ito kapani-paniwala para sa tao, at ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay hindi kailanman makikita nang malinaw ang bagay na ito. Sabihin ninyo sa Akin, kapag unti-unting naging relihiyon ang isang iglesia sa mga mata ng Diyos at naging isang denominasyon sa loob ng maraming mahabang taon mula nang mabuo ito, ang mga tao ba sa loob nito ang mga maliligtas ng Diyos? Miyembro ba sila ng Kanyang pamilya? (Hindi.) Hindi sila kabilang. Anong daan ang kanilang tinatahak, nitong mga taong sa pangalan lamang nananampalataya sa tunay na Diyos, ngunit itinuturing Niyang mga relihiyosong tao? Ang daan na kanilang tinatahak ay ang daan kung saan dinadala nila ang bandila ng pananampalataya sa Diyos ngunit hindi kailanman sumusunod sa Kanyang daan; ito ay isang daan kung saan nananampalataya sila sa Diyos ngunit hindi Siya sinasamba, at tinatalikuran pa nga Siya; ito ay isang daan kung saan ipinapahayag nilang nananampalataya sila sa Diyos ngunit nilalabanan Siya, pakunwaring nananalig sa pangalan ng Diyos, sa tunay na Diyos, ngunit sumasamba kay Satanas at sa mga diyablo, at nakikibahagi sa mga pagpapatakbo ng tao, at nagtatatag ng isang nagsasariling kaharian ng tao. Iyon ang daang tinatahak nila. Kung titingnan ang daang tinatahak nila, maliwanag na sila ay isang grupo ng mga hindi mananampalataya, isang pangkat ng mga anticristo, isang grupo ng mga Satanas at diyablo na tahasang lumalaban sa Diyos at gumagambala sa Kanyang gawain. Iyan ang diwa ng mundo ng relihiyon. May kinalaman ba ang grupo ng mga gayong tao sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao? (Wala.) Sa sandaling ang mga mananampalataya sa Diyos, gaano man sila karami, ay may paraan ng pananampalataya na natukoy ng Diyos bilang isang denominasyon o isang grupo, sila rin ay natukoy ng Diyos bilang mga hindi maliligtas. Bakit Ko ito sinasabi? Ang isang pangkat na walang gawain o patnubay ng Diyos na hindi nagpapasakop sa Kanya o sumasamba sa Kanya ay maaaring nananampalataya sa Diyos sa pangalan, ngunit ang mga pari at elder ng relihiyon ang sinusunod at tinatalima nila, at ang mga pari at elder ng relihiyon ay sataniko at mapagpaimbabaw sa diwa. Samakatuwid, ang sinusunod at tinatalima ng mga taong iyon ay ang mga Satanas at mga diyablo. Sa kanilang puso, nananampalataya sila sa Diyos, ngunit sa katunayan, minamanipula sila ng tao, napapailalim sa mga pangangasiwa at kontrol ng tao. Kaya, sa mahahalagang termino, ang sinusunod at tinatalima nila ay si Satanas, at ang mga diyablo, at ang mga puwersa ng kasamaan na lumalaban sa Diyos, at ang mga kaaway ng Diyos. Ililigtas ba ng Diyos ang isang pangkat ng mga taong tulad nito? (Hindi.) Bakit hindi? Buweno, ang mga gayong tao ba ay may kakayahang magsisi? Wala; hindi sila magsisisi. Sila ay nakikilahok sa mga pagpapatakbo ng tao at mga proyekto ng tao sa ilalim ng bandila ng pananampalataya sa Diyos, na sumasalungat sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao, na ang pinakakalalabasan ay itataboy sila ng Diyos. Imposibleng ililigtas ng Diyos ang mga taong ito; wala silang kakayahang magsisi, at habang tinatangay sila ni Satanas, ipinapasa sila ng Diyos dito. Ang pananampalataya ba ng isang tao sa Diyos ay maaaring magkamit ng Kanyang pagsang-ayon depende sa kahabaan ng taon nito? Nakadepende ba ito sa uri ng mga ritwal na sinusunod ng isang tao o sa mga regulasyong itinataguyod niya? Tinitingnan ba ng Diyos ang mga kagawian ng tao? Tinitingnan ba Niya ang dami nila? (Hindi.) Ano ang tinitingnan Niya, kung gayon? Nang pumili ang Diyos ng isang grupo ng mga tao, sa anong batayan Niya sinusukat kung sila ay maliligtas, kung ililigtas ba Niya sila? Ito ay batay sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan; ito ay batay sa daan na kanilang tinatahak. Bagamat maaaring hindi nasabihan ng Diyos ang tao ng maraming katotohanan sa Kapanahunan ng Biyaya gaya ng ginagawa Niya ngayon, at bagamat hindi kasing partikular ang mga iyon, nagawa pa rin Niya noon na gawing perpekto ang tao, at mayroon pa ring mga taong nailigtas noon. Kaya, kung ang mga tao sa kasalukuyang kapanahunan, na nakarinig ng napakaraming katotohanan at nakauunawa sa mga layunin ng Diyos, ay hindi kayang sumunod sa Kanyang daan o tumahak sa landas ng kaligtasan, ano ang kahihinatnan nila sa huli? Ang kahihinatnan nila sa huli ay magiging katulad ng sa mga mananampalataya sa Kristiyanismo at Hudaismo—tulad nila, hindi sila maliligtas. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Hindi mahalaga kung gaano karaming sermon ang napakinggan mo o kung gaano karaming katotohanan ang naunawaan mo—kung sumusunod ka pa rin sa tao, kung sinusunod mo pa rin si Satanas, at hindi mo magagawang sundin ang daan ng Diyos sa huli, o matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan, kung gayon, itinataboy ng Diyos ang mga gayong tao. Ang mga tao sa relihiyon ay maaaring nakapangangaral ng napakaraming kaalaman sa Bibliya, at maaaring nakauunawa sila ng ilang espirituwal na doktrina, ngunit hindi sila nakapagpapasakop sa gawain ng Diyos, o nakapagsasagawa at nakararanas ng Kanyang mga salita, o tunay na nakasasamba sa Kanya, at hindi rin nila nagagawang matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan. Lahat sila ay mapagpaimbabaw, hindi mga taong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang mga gayong tao ay tinutukoy bilang parte ng isang denominasyon, ng isang grupo ng tao, ng isang pangkat ng tao, bilang tirahan ni Satanas. Sama-sama, sila ang pangkat ni Satanas, ang kaharian ng mga anticristo, at lubusan silang itinataboy ng Diyos.
Sa ngayon, ang pinakaapurahang bagay na dapat ninyong gawin ay hangarin ang katotohanan. Sa isang banda, hindi kayo maaaring mag-antala habang ginagawa ang inyong tungkulin, at sa isa pang banda, kailangang mabilis kayong magsikap sa maikling panahon na humakbang patungo sa landas ng kaligtasan, at hindi matalikuran ng Diyos. Magiging kahila-hilakbot na bagay iyon! Ito ang iyong huli at panandaliang pagkakataon habang ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga huling araw. Kung tutukuyin ng Diyos ang isang tao, sasabihing hindi mo kailanman sinunod ang Kanyang daan, na talagang hinding-hindi ka matatakot sa Kanya o iiwas sa kasamaan, at kapag nagpasya Siyang talikuran ka, hindi ka na Niya sasawayin o didisiplinahin, hindi ka na pupungusan, at hindi ka na hahatulan o kakastiguhin—tuluyan ka Niyang susukuan. Sa oras na iyon, ganap na magiging malaya ang pakiramdam mo. Wala nang magbabantay pa sa iyo. Wala nang makikialam kung paano ka mananampalataya sa Diyos; walang pananaway, kahit ano pang masasamang bagay ang gawin mo. Walang pananaway o pagdisiplina kung habang ginagawa mo ang iyong tungkulin ay hindi ka nagiging tapat, o kung hinahangad mo lang na tuparin ang sarili mong mga ambisyon at hangarin, o guluhin at gambalain ang gawain ng iglesia. Kahit na mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos sa puso mo, walang pananaway o pagdisiplina. Kung lalabanan o tatanggihan mo ang pagpupungos, kung huhusgahan o mamaliitin mo ang iba kapag nakatalikod sila, o aakitin sila sa iyong panig, walang pananaway o pagdisiplina. Ano ang senyales na ito? Magandang senyales ba ito? Walang nagbabantay sa iyo, walang nagpupungos sa iyo, at hindi ka sinasaway ng Diyos. Ang lahat ay tila umaayon sa gusto mo, at nagagawa mo ang anumang nais mo. Napakalinaw na hindi ito isang magandang senyales. Kapag nais ng Diyos na sukuan ka, hindi ka na magkakaroon ng pananaway, hindi ka na makararamdam ng pagdisiplina, at hindi ka na rin makararamdam ng paghatol at pagkastigo. Ano ang ipinahihiwatig ng pagsuko ng Diyos sa isang tao? Ipinahihiwatig nito na ang taong iyon ay walang kahihinatnan sa huli, na nawala ang kanyang pagkakataon na mailigtas. Kapag sinusukuan ng Diyos ang isang tao, unang ipinadarama ng Diyos sa kanya ang kawalan ng pananaway; labis siyang nasisiyahan sa kanyang sarili araw-araw, at iniisip niyang pinagpapala siya, kaya’t basta-basta niyang pinapalayaw ang kanyang sarili, nagiging mababang-uri, sumusunod sa mga ninanasa ng kanyang puso, ginagawa ang anumang nais niya, at kumikilos sa anumang paraang gusto niya. Anumang pasaway na bagay ang gusto niyang gawin, walang pananaway, o pagdisiplina, lalong walang pakiramdam ng pagkabalisa o na ang lahat ay hindi maayos. Ang sinumang umalis sa pananaway at pagdisiplina ng Diyos ay nasa bingit ng panganib. Anong uri ng landas ang maaari niyang tahakin sa susunod? Magsisimula siyang maging mababang-uri, pasaway, mapagpalayaw sa sarili, at magiging walang tigil ang kanyang masasamang gawa. Napakalaking problema nito. Sa panlabas, ang ilang tao ay tila namumuhay nang medyo komportable, nang walang kahit isang alalahanin, ngunit nakikita ng mga nakauunawa sa katotohanan na ang mga gayong tao ay nanganganib, na ayaw ng Diyos sa kanila—iniwan na sila ng Diyos, at hindi man lang nila alam ito! Ang mga anticristo sa mundo ng relihiyon ay gumugugol ng buong araw ng paghuhusga sa mga salita at gawain ng nagkatawang-taong Diyos, gumagawa ng maraming masamang bagay na lumalaban sa Diyos. Bagamat wala na silang pagdisiplina o pananaway, ito ay dahil iniwan na sila ng Diyos, at sa bandang huli, mahaharap silang lahat sa isang malaking parusa, na kung saan wala ni isa sa kanila ang makatatakas. Mula sa bagay na ito, nakikita mo ba ang layunin at saloobin ng Diyos? (Oo.) Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan habang sumusunod kayo sa Diyos ngayon, maaari kayong umabot sa parehong punto tulad nila, at pagkatapos ay manganganib kayo; ang inyong kahihinatnan sa huli ay magiging katulad ng sa kanila, tiyak iyon. Kaya ngayon mismo, ano ang pinakakinakailangang gawin kaagad ng mga tao para maiwasang masadlak sa puntong iiwan sila ng Diyos? (Dapat naming hangarin ang katotohanan at gampanan nang tama ang aming tungkulin.) Bukod sa pagganap nang tama sa inyong tungkulin, dapat madalas kayong humarap sa Diyos, kumain at uminom at magnilay-nilay sa Kanyang mga salita, at dapat ninyong tanggapin ang Kanyang disiplina at patnubay, at matutuhan ang aral ng pagpapasakop—napakamahalaga nito. Dapat kang makapagpasakop sa lahat ng kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos para sa iyo, at pagdating sa mga bagay na hindi mo lubos maarok, dapat kang manalangin nang madalas habang hinahanap ang katotohanan; sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa mga layunin ng Diyos ka makahahanap ng isang daan pasulong. Dapat kang magkaroon ng pusong may takot sa Diyos. Gawin ang dapat mong gawin nang maingat at listo, at mamuhay sa harap ng Diyos nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Madalas na patahimikin ang sarili mo sa harap Niya, at huwag maging pasaway. Kahit papaano man lang, kapag may nangyayari sa iyo, patahimikin muna ang iyong sarili, pagkatapos ay magmadaling manalangin, at sa pamamagitan ng pananalangin at paghahanap at paghihintay, unawain mo ang mga layunin ng Diyos. Hindi ba’t isa itong saloobin ng pagkatakot sa Diyos? Kung natatakot at nagpapasakop ka sa Diyos sa puso mo, at napatatahimik mo ang iyong sarili sa harap Niya at naaarok mo ang Kanyang mga layunin, kung gayon, sa ganitong uri ng pakikipagtulungan at pagsasagawa, mapoprotektahan ka, at hindi ka matutukso, ni hindi ka gagawa ng anumang bagay na makagagambala o makagugulo sa gawain ng iglesia. Hanapin ang katotohanan sa mga bagay na hindi mo malinaw na nakikita. Huwag bulag na manghusga o maglabas ng mga pagkondena. Sa ganitong paraan, hindi ka kapopootan ng Diyos, o itataboy Niya. Kung mayroon kang pusong may takot sa Diyos, matatakot kang magkasala sa Kanya, at kung may isang bagay na tumutukso sa iyo, mamumuhay ka sa harap ng Diyos nang may kilabot at pangamba, at mananabik kang magpasakop sa Kanya at palugurin Siya sa lahat ng bagay. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong pagsasagawa at magawa mong mamuhay nang madalas sa gayong kalagayan, na madalas na pinatatahimik ang iyong sarili sa harap ng Diyos at madalas na lumalapit sa Kanya, saka mo lang hindi namamalayang maiiwasan ang tukso at masasamang bagay. Kung walang pusong may takot sa Diyos, o may pusong wala sa harapan Niya, may ilang kasamaan na makakaya mong gawin. Mayroon kang tiwaling disposisyon, at hindi mo ito makontrol, kaya’t kaya mong gumawa ng masama. Hindi ba’t magiging malubha ang mga kahihinatnan kung sakaling gagawa ka ng gayong kasamaan na bumubuo ng pagkagambala at kaguluhan? Kahit papaano, pupungusan ka, at kung malubha ang nagawa mo, itataboy ka ng Diyos, at ititiwalag ka sa iglesia. Gayunpaman, kung mayroon kang pusong nagpapasakop sa Diyos, at madalas na napatatahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at kung nangangamba at natatakot ka sa Diyos, hindi ba’t magagawa mong manatiling malayo sa maraming masamang bagay? Kung natatakot ka sa Diyos at sinasabing, “Nangangamba ako sa Diyos; natatakot akong magkasala sa Kanya, magambala ang Kanyang gawain at maudyukan ang Kanyang pagkapoot,” hindi ba’t isa itong normal na saloobin at isang normal na kalagayan na dapat taglay mo? Ano ang makapagdudulot ng iyong takot? Ang iyong kilabot ay magmumula sa isang pusong may takot sa Diyos. Kung may takot ka sa Diyos sa puso mo, iiwas at lalayo ka sa masasamang bagay kapag nakita mo ang mga ito, at sa gayon ay mapoprotektahan ka. Maaari bang matakot sa Diyos ang isang taong ang puso ay walang takot sa Kanya? Maiiwasan ba nito ang kasamaan? (Hindi.) Hindi ba’t mga mapangahas na tao ang mga hindi natatakot sa Diyos at hindi nangangamba sa Kanya? Maaari bang pigilan ang mga mapangahas na tao? (Hindi.) At hindi ba’t gagawin ng mga taong hindi mapigilan ang anumang naiisip nila nang walang pagsasaalang-alang? Ano ang mga bagay na ginagawa ng mga tao kapag kumikilos sila ayon sa sarili nilang kagustuhan, sa kanilang kasigasigan, sa kanilang tiwaling disposisyon? Sa nakikita ng Diyos, masasamang bagay ang mga ito. Kaya, dapat malinaw ninyong makita na mabuting bagay para sa tao na magkaroon ng pagkasindak sa Diyos sa puso—kung mayroon nito, matatakot ang isang tao sa Diyos. Kapag ang isang tao ay may Diyos sa puso niya at kayang matakot sa Diyos, magagawa niyang manatiling malayo sa masasamang bagay. Ang gayong tao ang may pag-asang mailigtas.