Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan (Unang Bahagi)

Hindi magbabago ang mga taong walang pusong may takot sa Diyos, gaano man katagal na silang nananalig sa Diyos. Tanging ang mga may takot sa Diyos ang makapagkakamit sa gawain ng Banal na Espiritu at makatatahak sa landas ng kaligtasan. Talagang napakahalaga nito, ang pagkakaroon ng tao ng isang pusong may takot sa Diyos! Bakit may ilang taong hindi kailanman nakikilala ang sarili? Ito ay dahil wala silang pusong may takot sa Diyos. Bakit may ilang tao na kailanman ay hindi nakakamit ang gawain ng Banal na Espiritu? Ito ay dahil sa wala silang pusong may takot sa Diyos. Tanging ang mga taong may pusong takot sa Diyos ang madalas na nakapagninilay at nakakakilala sa kanilang sarili; palagi silang takot na magkamali o lumakad sa maling landas. Kapag may mga nangyayari sa kanila kung saan kinakailangan nilang mamili, mas gugustuhin nilang mapasama ang loob ng tao kaysa magkasala sa Diyos, at mas gugustuhin nilang magdusa ng pang-uusig kaysa dumistansiya sa Diyos o ipagkanulo Siya. Si Job ay isang taong may takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at tumanggap siya ng pagsang-ayon ng Diyos.

Kaya, kung gusto mong matamo ang kaligtasan sa iyong pananampalataya sa Diyos, saan dapat magsimula ang karanasan mo? Dapat kang magsimula sa pamamagitan ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, pagkamit ng tunay na pagkakilala sa iyong sarili, at tunay na pagsisisi—ito ay pagtahak sa landas ng kaligtasan. Hindi madali para sa mga tao na makilala ang kanilang sarili; mas higit pang mahirap para sa kanila na malaman ang sarili nilang tiwaling disposisyon at diwa, na malaman kung gaano sila kaliit at kahamak sa harap ng Diyos, sa harap ng Lumikha. Kung hindi malalaman ng mga tao ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon o kung ano ang tiwaling diwa nila, malalaman ba nila kung anong uri ng relasyon ang mayroon sila sa Diyos, kung ano sila sa harap ng Diyos, o kung gusto ba sila ng Diyos? (Hindi.) Kaya, ano ang natamo nila pagkatapos nitong lahat ng taong pananalig sa Diyos? Nakamit ba nila ang katotohanan? Natahak na ba nila ang landas ng kaligtasan? Kung, pagkatapos manalig sa Diyos ay kinakain at iniinom nila ang mga salita Niya, ipinamumuhay ang buhay-iglesia, at ginagampanan ang tungkulin nila, katumbas na ba iyon ng pagkakaroon ng relasyon sa Diyos? Ano ba ang magagawa ng isang tao, ano ba ang dapat niyang hangarin, ano ba ang posisyon na dapat niyang katatayuan, at paano niya dapat pipiliin ang kanyang landas, upang magkaroon ng relasyon sa Lumikha? Alam ba ninyo? Hindi kayo makasagot. Tila napakarami ninyong kulang, na nangangahulugang hindi ninyo pinagtutuunan ang paghahanap o pagbabahaginan tungkol sa katotohanan sa maraming bagay na hindi ninyo nauunawaan, kaya kulang sa mga detalye ang buhay-iglesia ninyo, at maaaring hindi gaanong maganda ang mga resulta nito. Pinag-uusapan ninyo ang mga espirituwal na termino at kasabihan na kadalasang binibigkas sa pananampalataya sa Diyos, pero hindi ninyo sineseryoso ang mga ito, ni hindi kayo bumabalik sa inyong sariling espiritu at hindi ninyo pinatatahimik ang inyong puso upang magnilay: “Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito ng Diyos? Paano ko magagamit ang mga ito sa totoong buhay? Paano ko gagawing kongkreto ang mga salitang ito—paano ko magagawang realidad ang mga ito? Ano ang magagawa ko upang hindi matigil sa doktrina at teorya ang mga salitang ito, kundi maging bahagi ng buhay ko, maging direksiyon na nilalakaran ko? Paano ako dapat umasal upang maging bahagi ng buhay ko ang mga salita ng Diyos?” Kung mapagninilayan ninyo ang mga ganoong bagay, maipapaliwanag ninyo ang maraming detalye. Pero sa pangkalahatan, hindi ninyo kailanman pinagninilayan ang gayong mga bagay, kaya hanggang sa literal na pagkaunawa lang ang mayroon kayo sa karamihan sa mga katotohanang madalas pinag-uusapan. Kung hanggang sa literal na pagkaunawa lang ang mga tao, ano ang maaaring makita ng mga tao sa kanila? Madalas nangangaral ang mga tao tungkol sa mga espirituwal na teorya, espirituwal na terminolohiya, at espirituwal na kasabihan, pero sa buhay nila, hindi mo makikita ang realidad ng pagsasagawa nila sa mga salita ng Diyos o ang pagdanas sa mga salita ng Diyos. Sa ngayon, nahaharap kayo sa isang napakalaking problema. Anong problema iyon? Iyon ay na, dahil may kakayahan kayong mangaral ng kaunting doktrina, at may naiintindihan kayong partikular na mga espirituwal na kasabihan, at kaya ninyong magsalita nang kaunti tungkol sa inyong mga karanasan sa pagkilala sa inyong sarili, iniisip ninyo na nauunawaan ninyo ang katotohanan, na nakaabot na sa isang partikular na antas ang inyong pananampalataya sa Diyos, na nakakaangat kayo sa karamihan, ngunit ang totoo, hindi pa kayo nakapasok sa katotohanang realidad, at kung walang mga taong susuporta at maglalaan para sa inyo, kung walang mga taong magbabahagi ng katotohanan sa inyo at gagabay sa inyo, hihinto kayo, at magiging masama. Wala kayong kakayahang isagawa ang gawaing magpatotoo sa Diyos, hindi ninyo nagagawang kumpletuhin ang atas ng Diyos, subalit sa inyong kalooban, mataas pa rin ang tingin ninyo sa inyong sarili, iniisip ninyo na mas marami kayong nauunawaan kaysa sa karamihan—ngunit ang totoo, wala kayong tayog, hindi pa kayo nakapasok sa katotohanang realidad, at naging mayabang kayo dahil lamang sa nagagawa ninyong unawain ang ilang salita at doktrina. Sa sandaling pumasok ang mga tao sa ganitong kalagayan, kapag iniisip nila na natamo na nila ang katotohanan, at naging kampante, anong uri ng panganib ang pinasukan nila? Kung talagang lilitaw ang isang magaling magsalita na huwad na lider o anticristo, siguradong malilihis kayo at magsisimulang sumunod sa kanya. Mapanganib ito, hindi ba? Malamang na magiging mayabang, mapagmagaling at kampante kayo—kung magkagayon, hindi ba kayo mapapalayo sa Diyos? Hindi ba’t ipagkakanulo ninyo ang Diyos at tatahak sa sarili ninyong landas? Wala kayong katotohanang realidad, at hindi kayo makapagpatotoo sa Diyos; nakapagpapatotoo lamang kayo sa sarili ninyo at ipinagmamalaki ang inyong sarili—kaya, hindi ba’t nanganganib kayo? Bukod pa rito, kung nabaon kayo sa sitwasyong ito, anong mga tiwaling disposisyon ang ibubunyag ninyo? Unang-una, magpapakita kayo ng mayabang at mapagmagaling na disposisyon; na ganap na malinaw. Hindi ba’t sasamantalahin ninyo ang inyong ranggo at ipagmamalaki ang kataasan ng inyong posisyon? Hindi ba’t sesermunan ninyo ang mga tao mula sa mataas na posisyon? Kung ibubunyag ninyo ang mga tiwaling disposisyong ito, hindi ba’t kasusuklaman kayo ng Diyos? Kung may taong talagang mayabang at mapagmagaling, at hindi siya nagsusuri sa sarili, hindi ba’t posible na itaboy siya ng Diyos? Talagang napakaposible nito. Halimbawa: Maaaring nagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin sa loob ng ilang taon, ngunit walang kapansin-pansing pag-unlad sa inyong buhay pagpasok, nauunawaan lamang ninyo ang ilang mababaw na doktrina, at wala kayong tunay na kaalaman sa disposisyon at diwa ng Diyos, walang mga pambihirang tagumpay na mapag-uusapan—kung ito ang inyong tayog ngayon, ano ang malamang na gagawin ninyo? Anong mga katiwalian ang ibubunyag ninyo? (Kayabangan at kapalaluan.) Titindi ba ang inyong kayabangan at kapalaluan, o hindi magbabago? (Titindi ang mga iyon.) Bakit titindi ang mga iyon? (Dahil iisipin natin na lubhang kwalipikado tayo.) At sa anong batayan pinagpapasyahan ng mga tao ang antas ng sarili nilang mga kwalipikasyon? Sa kung ilang taon na nilang nagagampanan ang isang partikular na tungkulin, sa kung gaano karaming karanasan na ang kanilang natamo, hindi ba? At dahil sa ganitong sitwasyon, hindi ba kayo unti-unting magsisimulang mag-isip ayon sa tagal ng panunungkulan? Halimbawa, maraming taon nang naniwala sa Diyos ang isang partikular na brother at matagal na siyang nakaganap sa tungkulin, kaya siya ang pinaka-kwalipikadong magsalita; may isang partikular na sister na hindi pa gaanong matagal dito, at bagama’t may kaunti siyang kakayahan, wala siyang karanasan sa pagganap sa tungkuling ito, at hindi pa natatagalan ang paniniwala niya sa Diyos, kaya siya ang pinakamababa ang kwalipikasyon para magsalita. Ang taong pinaka-kwalipikadong magsalita ay iniisip na, “Dahil mas matagal na ako sa tungkulin, ibig sabihin ay pasado sa pamantayan ang pagganap ko sa aking tungkulin, at nakarating na sa tugatog ang aking paghahangad, at wala na akong dapat pagsumikapan o pasukin pa. Nagampanan ko nang maayos ang tungkuling ito, humigit-kumulang ay nakumpleto ko na ang gawaing ito, nasisiyahan na ang Diyos.” At sa ganitong paraan nagsisimula silang makampante. Nagpapahiwatig ba ito na nakapasok na sila sa katotohanang realidad? Hindi na sila umuunlad. Hindi pa rin nila natatamo ang katotohanan o ang buhay, subalit iniisip nila na lubha silang kwalipikado, at nagsasalita ayon sa tagal ng kanilang panunungkulan, at naghihintay ng gantimpala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang pagbubunyag ng mayabang na disposisyon? Kapag hindi “lubhang kwalipikado” ang mga tao, alam nila na dapat silang mag-ingat, ipinapaalala nila sa kanilang sarili na huwag magkamali; kapag naniwala na sila na lubha silang kwalipikado, nagiging mayabang sila, at nagsisimulang maging mataas ang tingin nila sa sarili, at malamang na maging kampante. Sa gayong mga pagkakataon, hindi ba malamang na humingi sila ng mga gantimpala at ng isang putong mula sa Diyos, tulad ng ginawa ni Pablo? (Oo.) Ano ang relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos? Hindi ito ang relasyon sa pagitan ng Lumikha at ng mga nilalang. Ito ay walang iba kundi isang relasyong transaksyonal. At kapag gayon ang sitwasyon, walang relasyon ang mga tao sa Diyos, at malamang na ikubli ng Diyos ang Kanyang mukha sa kanila—na isang mapanganib na senyales.

Isinasantabi ng ilang tao ang Diyos, kinokontrol nila mismo ang mga hinirang ng Diyos, binabago nila ang kapaligiran kung saan ginagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin tungo sa isang nagsasariling kaharian ng mga anticristo; binabago nila ang mga iglesiang naglilingkod sa Diyos at sumasamba sa Kanya tungo sa mga relihiyosong organisasyon. Nakapasok na ba ang mga taong ito sa katotohanan at buhay? Ang mga tao bang ito ay sumusunod, naglilingkod o nagpapatotoo sa Diyos? Talagang hindi. Ginagawa ba nila ang kanilang tungkulin? (Hindi.) Kung ganoon, ano ang ginagawa nila? Hindi ba’t sangkot sila sa mga operasyon at proyekto ng tao? Gaano ka man kagaling sa pakikilahok sa mga operasyon at proyekto ng tao, kung wala ang Diyos sa puso mo, at kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi ba’t nangangahulugan iyon na wala kang relasyon sa Diyos? Hindi ba’t kakila-kilabot na bagay iyon? Kapag ang isang tao ay nananalig sa Diyos at sumusunod sa Kanya, ang pinakahigit na dapat katakutan ay ang lumayo siya sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan para makilahok sa mga operasyon at proyekto ng tao. Ang gawin iyon ay paglihis papunta sa sariling landas. Halimbawa, sabihin nating naghahalal ang iglesia ng isang lider. Ang alam lang ng lider na ito ay mangaral ng mga salita at doktrina, at tumutuon lamang siya sa sarili niyang katanyagan at katayuan. Wala siyang ginagawang praktikal na gawain. Pero naririnig ninyo na mahusay niyang ipinangangaral ang mga salita at doktrina, at alinsunod sa katotohanan, at tama ang lahat ng sinasabi niya, kaya lubos ninyo siyang hinahangaan at sa tingin ninyo ay mabuti siyang lider. Pinapakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay, at sa huli, sinusundan ninyo siya, ganap na sumusunod sa kanya. Hindi ba’t nalihis at nakontrol na kayo ng isang huwad na lider kung gayon? At hindi ba’t naging isang grupong panrelihiyon na may huwad na lider sa pamunuan ang iglesiang iyon? Ang mga miyembro ng relihiyosong grupo na may namumunong huwad na lider ay maaaring magpakitang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, pero talaga bang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin? Talaga bang pinaglilingkuran nila ang Diyos? (Hindi.) Kung hindi pinaglilingkuran ng mga taong iyon ang Diyos o ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, mayroon ba silang relasyon sa Diyos? Ang isa bang pangkat na walang relasyon sa Diyos ay nananalig sa Kanya? Sabihin ninyo sa Akin, ang mga tagasunod ba ng isang huwad na lider o ang mga taong nasa ilalim ng kontrol ng isang anticristo ay mayroong gawain ng Banal na Espiritu? Siguradong wala. At bakit wala silang gawain ng Banal na Espiritu? Dahil lumihis sila sa mga salita ng Diyos, at hindi sila nagpapasakop sa Diyos o sumasamba sa Kanya, kundi pinakikinggan nila ang mga huwad na pastol at anticristo—itinataboy sila ng Diyos at hindi na Siya gumagawa ng gawain sa kanila. Lumihis sila sa mga salita ng Diyos at itinaboy na sila ng Diyos, at nawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung ganoon, maliligtas ba sila ng Diyos? (Hindi.) Hindi sila maliligtas, at problema ang ibig sabihin noon. Kaya, gaano man karami ang mga tao sa iglesia na gumaganap sa kanilang mga tungkulin, kung maliligtas ba sila ay lubusang nakadepende kung talaga bang sinusundan nila si Cristo o ang tao, kung tunay ba nilang nararanasan ang gawain ng Diyos at hinahangad ang katotohanan o nakikilahok ba sila sa mga aktibidad na panrelihiyon, sa mga operasyon at proyekto ng tao. Lubha itong nakadepende sa kung kaya ba nilang tanggapin at hangarin ang katotohanan at kung kaya ba nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema kapag natutuklasan nila ang mga ito. Ito ang mga bagay na pinakamahalaga. Kung ano ang hinahangad talaga ng mga tao at ang daan na tinatahak nila, tinatanggap man nila talaga ang katotohanan o tinatalikuran ito, nagpapasakop man sila sa Diyos o lumalaban sa Kanya—palaging sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Bawat iglesia at bawat indibiduwal ay minamasdan ng Diyos. Gaano man karaming tao ang gumaganap ng isang tungkulin o sumusunod sa Diyos sa isang iglesia, sa sandaling lumayo sila sa mga salita ng Diyos, sa sandaling mawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi na nila mararanasan ang gawain ng Diyos, at sa gayon sila—at ang tungkuling ginagampanan nila—ay wala nang koneksyon at wala nang bahagi sa gawain ng Diyos, sa kasong ito ay naging isang relihiyosong grupo na ang iglesiang ito. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang mga kahihinatnan kapag naging relihiyosong grupo ang isang iglesia? Hindi ba ninyo masasabi na nasa malaking panganib ang mga taong ito? Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan kapag nahaharap sa mga problema at hindi sila kumikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, bagkus ay nasa ilalim ng mga pagsasaayos at mga manipulasyon ng mga tao. Marami pa nga ang hindi kailanman nananalangin o naghahanap ng mga katotohanang prinsipyo habang ginagampanan ang kanilang tungkulin; nagtatanong lang sila sa iba at ginagawa ang sinasabi ng iba, kumikilos ayon sa mga hudyat ng iba. Anuman ang ipagawa sa kanila ng ibang tao, iyon ang ginagawa nila. Pakiramdam nila, ang pagdarasal sa Diyos tungkol sa kanilang mga problema at paghahanap ng katotohanan ay malabo at mahirap, kaya naghahanap sila ng isang simple at madaling solusyon. Iniisip nila na ang pag-asa sa iba at paggawa sa sinasabi ng iba ay madali at napakamakatotohanan, kaya nga ginagawa na lamang nila ang sinasabi ng ibang mga tao, nagtatanong sila sa iba at ginagawa ang sinasabi ng mga ito sa lahat ng bagay. Bunga nito, kahit matapos ang maraming taon ng pananampalataya, kapag sila ay naharap sa isang problema, ni minsan ay hindi sila humaharap sa Diyos, nananalangin at hinahanap ang Kanyang mga pagnanais at ang katotohanan, at pagkatapos ay nagtatamo ng pag-unawa sa katotohanan, at gumagawa at kumikilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos—hindi pa sila kailanman nagkaroon ng ganoong uri ng karanasan. Ang gayong mga tao ba ay talagang nagsasagawa ng pananampalataya sa Diyos? Nagtataka Ako: Bakit kaya may ilang tao, na kapag nakapasok na sila sa isang grupong panrelihiyon, ay malamang na malamang na sasampalataya sa isang tao pagkatapos manampalataya sa Diyos, mula sa pagsunod sa Diyos tungo sa pagsunod sa tao? Bakit ang bilis nilang nagbago? Bakit, pagkatapos manalig sa Diyos nang napakaraming taon, ay nakikinig at sumusunod pa rin sila sa isang tao sa lahat ng bagay? Napakaraming taon na nilang nananampalataya, pero ni minsan ay hindi nagkaroon ng puwang para sa Diyos ang puso nila. Sa lahat ng ginagawa nila, wala sa mga ito ang may kinalaman sa Diyos kahit minsan, at walang may kinalaman sa Kanyang mga salita. Ang pananalita nila, mga kilos, buhay, mga pakikitungo nila sa iba, pag-asikaso sa mga bagay-bagay, maging ang pagganap nila sa kanilang tungkulin at paglilingkod sa Diyos, at lahat ng kilos at gawa nila, at lahat ng pag-uugali nila, at maging ang bawat saloobin at ideya na ipinapamalas nila—wala sa mga iyon ang may kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, o sa Kanyang mga salita. Ang gayong tao ba ay isang taos-pusong mananampalataya sa Diyos? Matutukoy ba ang tayog ng taong iyon sa haba ng panahon ng pananampalataya ng isang tao sa Diyos? Mapapatunayan ba nito na normal ang relasyon niya sa Diyos? Talagang hindi. Ang mahalagang makita kung ang isang tao ay tapat bang nananalig sa Diyos ay ang tingnan kung matatanggap ba niya ang mga salita ng Diyos sa puso niya, at kung kaya ba niyang mamuhay kasama ang Kanyang mga salita at danasin ang Kanyang gawain.

Pagnilayan ninyo ito: Sa inyong pananalig sa Diyos, kung isasangkot lamang ninyo ang inyong sarili sa mga relihiyosong ritwal at susundin ang ilang regulasyon; kung wala sa loob ninyong ginagampanan ang inyong tungkulin at wala sa loob kayong kumikilos, nang hindi tumutuon sa mga katotohanang prinsipyo; kung bumibigkas lamang kayo ng mga salita at doktrina habang nagbabahagi sa katotohanan, ngunit wala kayong praktikal na kaalaman; kung mabababaw ang salitang ibinabahagi ninyo habang nagpapalaganap kayo ng ebanghelyo at nagpapatotoo; kung bumibigkas lamang kayo ng mga espirituwal na salita at doktrina upang tustusan at suportahan ang mga tao—makapagtatamo ba kayo ng mga resulta? Kung panlabas na espirituwalidad lang ang hinahangad ninyo sa inyong pananalig sa Diyos, isa bang karanasan sa gawain ng Diyos ang gayong pananampalataya ninyo? Makakamit ba ninyo ang katotohanan habang tinutupad ninyo ang inyong tungkulin sa ganitong paraan? Ito ba ang tunay na pananalig sa Diyos? (Hindi.) Ano ba talaga ang tunay na pananalig sa Diyos? Maaaring maraming taon na ninyong sinundan ang Diyos, nabasa ang marami Niyang salita, narinig ang higit pa sa iilang sermon, at nauunawaan ninyo ang maraming doktrina—at siyempre, ang ilan sa inyo ay bahagya nang nakapasok sa katotohanang realidad—pero maglalakas-loob ba kayong magsabi na natamo na ninyo ang tayog ng kaligtasan? Masisiguro ba ninyo na hindi na kayo muling malilihis at mabibihag ni Satanas? Masisiguro ba ninyo na hindi kayo muling sasamba at susunod sa tao? Matitiyak ba ninyo na susundan ninyo ang Diyos hanggang sa huli, na talagang hindi kayo uurong, na hindi lang kayo mananalig sa Diyos na nasa langit at malabo, gaya ng mga relihiyosong tao, sa halip na sundan ang isang praktikal na Diyos? Maaaring sinusundan ninyo ang nagkatawang-taong Diyos, ngunit hinahangad ba ninyo ang katotohanan? May kakayahan ba kayong tunay na magpasakop sa Diyos at kilalanin Siya? Hindi ba’t malamang ay ipagkakanulo pa rin ninyo ang Diyos? Dapat ninyong pagnilayan ang lahat ng ito. Ngayon, alin sa pamamaraan ninyo ng pananampalataya, mga pananaw at kalagayan ang katulad, o hawig, sa mga mananampalataya sa Kristiyanismo? Sa alin kayo may parehong kalagayan? Kung ang isang taong nananalig sa Diyos ay sumusunod sa katotohanan na para bang iyon ay mga regulasyon, hindi ba’t nanganganib na maging pakikilahok lang sa isang relihiyosong ritwal ang kanilang pananampalataya? (Oo.) Ang pagsunod sa mga relihiyosong ritwal ay talagang walang ipinagkaiba sa Kristiyanismo—ang mga gumagawa niyon ay mas makabago lang at mas higit na nakausad patungkol sa pagtuturo at teorya, at medyo mas nakatataas at makabago sa kanilang pananampalataya. Iyon lang iyon. Kung ang pananampalataya sa Diyos ay nagiging isang relihiyosong pananampalataya, nagiging isang pag-aaral ng teolohiya, mga regulasyon o ritwal, hindi ba’t ito’y naging Kristiyanismo na? May pagkakaiba sa mga bago at lumang pagtuturo, pero kung ang gagawin mo lang ay unawain ang katotohanan bilang doktrina at hindi mo alam kung paano isagawa ang katotohanan, lalong-lalo na kung paano danasin ang gawain ng Diyos—at kung, kahit gaano karaming taon ka nang nananalig sa Diyos, gaano man karaming paghihirap ang pinagdaraanan mo, gaano man karaming mabuting pag-uugali ang taglay mo, gayunpaman, wala kang tunay na pagkaunawa sa katotohanan, at hindi mo pa nakamit ang katotohanan o hindi mo napasok ang katotohanang realidad—kung gayon hindi ba’t ang pamamaraan mo ng pananampalataya ay sa Kristiyanismo? Hindi ba’t iyon ang diwa ng Kristiyanismo? (Oo.) Kaya, anong mga pananaw o kalagayang mayroon kayo sa inyong mga kilos o pagganap sa inyong tungkulin ang kapareho ng sa mga tao sa Kristiyanismo, o katulad ng sa kanila? (Sumusunod kami sa mga regulasyon at sinasangkapan ang sarili namin ng mga salita at doktrina.) Ang pagsunod sa mga regulasyon, pangangaral ng mga salita at doktrina, tungkol sa katotohanan bilang mga salita at doktrina—ano pa? (Pinagtutuunan namin ang paggawa sa gawain, hindi ang pagpasok sa buhay.) Pinagtutuunan lamang ninyo ang paggugol sa inyong sarili, hindi ang pagkamit ng buhay o pagpasok sa katotohanang realidad—ano pa? (Pinagtutuunan namin ang pagpapakita ng espirituwalidad at mabuting pag-uugali.) May iilan na kayong nasabi ngayon, kaya ibubuod Ko: ang hangarin ang pagpapakita ng mabuting pag-uugali, at ang sikaping mabuti na ibalot ang sarili sa isang pakitang-taong espirituwalidad, at ang gawin ang mga bagay na pinaniniwalaang tama ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, mga bagay na nakagawiang tangkilikin ng mga tao—ito ay paghahangad ng huwad na espirituwalidad. Ang ganitong tao ay isang mapagpaimbabaw na nakatayo sa kanyang pulpito para mangaral ng mga salita at doktrina, na nagtuturo sa iba na gumawa ng mabubuting gawa at maging mabuting tao, na nagpapanggap bilang isang espirituwal na tao. Ngunit sa kanilang pakikitungo sa iba at pag-aasikaso sa mga bagay-bagay, at sa kanilang pagganap sa kanilang tungkulin, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, bagkus ay namumuhay sila sa mga satanikong disposisyon. Anumang sumasapit sa kanila, kumikilos sila ayon sa sarili nilang kagustuhan, isinasantabi ang Diyos. Hinding-hindi sila kumikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo; sumusunod lamang sila sa mga regulasyon. Hindi talaga nila nauunawaan ang katotohanan, ni nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, o ang mga pamantayan ng mga hinihingi Niya sa tao, o kung ano ang makakamit Niya sa pagliligtas sa tao. Talagang hindi nila seryosong sinisiyasat ang mga detalye ng katotohanan o tinatanong ang tungkol sa mga ito. Ang tanging ipinapakita nitong mga pahayag at pag-uugali ng tao ay sangkap ng pagpapaimbabaw. Pagkasuri sa tunay na mga kalagayan ng gayong puso ng mga tao, pati na ng panlabas nilang pag-uugali, makatitiyak ang isang tao na wala silang anumang katotohanang realidad, na sa katunayan, sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo, na sila ay mga hindi mananampalataya. Kung nananalig ang isang tao sa Diyos pero hindi niya hinahangad ang katotohanan, totoo ba ang pananalig niya? (Hindi.) Magagawa ba ng isang taong nananalig sa Diyos sa loob ng gaano man karaming taon, ngunit hindi tinatanggap ang katotohanan, na katakutan ang Diyos at iwasan ang kasamaan? (Hindi.) Hindi niya magagawa iyon. Ano, kung gayon, ang kalikasan ng pag-uugali ng gayong mga tao? Anong uri ng landas ang malalakaran nila? (Ang landas ng mga Pariseo.) Ano ang ipinangsasangkap nila sa mga sarili nila sa araw-araw? Hindi ba’t mga salita at doktrina? Ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pagsasandata sa sarili nila, binibihisan ang sarili nila ng mga salita at doktrina upang gawin ang sarili nila na mas katulad ng mga Pariseo, mas espirituwal, mas katulad ng mga taong naglilingkod sa Diyos—ano ba talaga ang kalikasan ng lahat ng gawang ito? Ito ba ay pagsamba sa Diyos? Ito ba ay tunay na pananampalataya sa Kanya? (Hindi, ito ay hindi.) Kaya, ano ang ginagawa nila? Nililinlang nila ang Diyos; ginagawa lamang nila ang mga hakbang ng isang proseso. Iwinawagayway nila ang bandila ng pananampalataya at gumaganap ng mga ritwal na panrelihiyon, tinatangkang linlangin ang Diyos upang makamit ang kanilang layong mapagpala. Hindi talaga sinasamba ng mga taong ito ang Diyos. Sa katapusan, ang gayong grupo ng tao ay hahantong lang na katulad ng iyong mga nasa kapilya na diumano’y naglilingkod sa Diyos, at diumano’y nananalig at sumusunod sa Diyos.