Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 570

Ang layon ng malinaw na pagbabahagi ng katotohanan ay upang mabigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan at maisagawa ang katotohanan at magkaroon ng mga pagbabago sa kanilang mga disposisyon. Hindi lamang ito para maghatid ng liwanag at ng kaunting kaligayahan sa kanilang mga puso kapag naunawaan na nila ang katotohanan. Kung nauunawaan mo ang katotohanan ngunit hindi mo isinasagawa ang katotohanan, walang saysay ang pagbabahaginan at pag-unawa sa katotohanan. Ano ang problema kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan pero hindi ito isinasagawa? Patunay ito na hindi nila iniibig ang katotohanan, na sa kanilang mga puso, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, kung magkagayon ay mapalalampas nila ang mga pagpapala ng Diyos at ang pagkakataong maligtas. Patungkol sa kung matatamo ba ng mga tao ang kaligtasan o hindi, ang mahalaga ay kung matatanggap at maisasagawa nila ang katotohanan. Kung naisagawa mo ang lahat ng katotohanang nauunawaan mo, matatanggap mo ang kaliwanagan, pagtanglaw at paggabay ng Banal na Espiritu, at magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad, at makakamtan ang mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan, at matatamo ang katotohanan, at makakamit ang pagliligtas ng Diyos. Ang ilang tao ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan, palagi silang nagrereklamo na hindi sila nabibigyan ng kaliwanagan o natatanglawan ng Banal na Espiritu, na hindi sila binibigyan ng lakas ng Diyos. Ito ay mali; ito ay maling pagkaunawa sa Diyos. Ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu ay nabubuo sa pundasyon ng pakikipagtulungan ng mga tao. Ang mga tao ay dapat maging matapat, at handang magsagawa ng katotohanan, at malalim man o mababaw ang kanilang pagkaunawa, dapat nilang maisagawa ang katotohanan. Saka lamang sila mabibigyang-liwanag at matatanglawan ng Banal na Espiritu. Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan ngunit hindi ito isinasagawa—kung hinihintay lamang nila ang Banal na Espiritu na kumilos at puwersahin sila na isagawa ito—hindi ba’t sukdulan ang kanilang pagiging pasibo? Hindi kailanman pinupuwersa ng Diyos ang mga tao na gumawa ng kahit ano. Kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan ngunit hindi sila handang isagawa ito, ipinapakita nito na hindi nila iniibig ang katotohanan, o na ang kanilang kalagayan ay hindi normal at tila ba mayroong hadlang. Ngunit kung nagagawa ng mga tao na manalangin sa Diyos, kikilos din ang Diyos; mawawalan lamang ng paraan na gumawa sa kanila ang Banal na Espiritu kung ayaw nilang isagawa ang katotohanan at hindi rin sila nagdarasal sa Diyos. Sa katunayan, anumang uri ng paghihirap ang mayroon ang mga tao, palagi itong maaaring malutas; ang susi ay kung nakapagsasagawa ba sila nang naaayon sa katotohanan o hindi. Sa kasalukuyan, ang mga problema ng katiwalian na nasa inyo ay hindi isang kanser, hindi ito isang sakit na walang lunas. Kung makapagpapasya kayong magsagawa ng katotohanan, matatanggap ninyo ang gawain ng Banal na Espiritu, at magiging posible na magbago ang mga tiwaling disposisyong ito. Ang lahat ng ito ay nakadepende sa kung makapagpapasya kang isagawa ang katotohanan, ito ang susi. Kung isinasagawa mo ang katotohanan, kung tinatahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, magagawa mong matanggap ang gawain ng Banal na Espiritu, at tiyak na maaari kang maligtas. Kung ang landas na tinatahak mo ay ang maling landas, maiwawala mo ang gawain ng Banal na Espiritu, ang isang maling hakbang ay hahantong sa isa pa, at magiging katapusan na ng lahat para sa iyo, at gaano man karaming taon kang magpatuloy na maniwala, hindi ka magkakamit ng kaligtasan. Halimbawa, kapag sila ay gumagawa, hindi kailanman iniisip ng ilang tao kung paano gawin ang gawain sa paraan na kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos at naaayon sa kalooban ng Diyos—ang resulta nito ay marami silang ginagawa na makasarili at ubod ng sama, na kasuklam-suklam at nakapopoot sa Diyos; at sa paggawa nito, sila ay nabunyag at natiwalag. Kung sa lahat ng bagay ay nagagawa ng mga tao na hanapin ang katotohanan at magsagawa ayon sa katotohanan, nakapasok na sila sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at kaya mayroon silang pag-asa na maging isang tao na nakaayon sa kalooban ng Diyos. Nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan ngunit hindi ito isinasagawa. Sa halip, naniniwala sila na ang katotohanan ay wala nang iba pa kundi ito, at wala silang kakayahang lutasin ang sarili nilang mga gawi at mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t katawa-tawa ang ganitong mga tao? Hindi ba’t kakatwa sila? Hindi ba’t umaasta silang alam na nila ang lahat? Kung nagagawa ng mga tao na kumilos ayon sa katotohanan, maaaring magbago ang mga tiwaling disposisyon nila. Kung ang paniniwala at paglilingkod nila sa Diyos ay ayon sa sarili nilang likas na personalidad, wala ni isa sa kanila ang magkakaroon ng mga pagbabago sa kanilang mga disposisyon. Mayroong ilang tao na ginugugol ang buong araw na inaalala ang mga problemang dulot ng mga maling pagpili nila. Kahit nariyan na ang katotohanan, hindi nila ito pinag-iisipan man lang o sinusubukang isagawa, kundi ipinipilit nilang piliin ang sarili nilang landas. Napakakakatwang paraan ng pagkilos ito; tunay ngang ni hindi sila masiyahan sa mga pagpapala kapag taglay nila ang mga ito, at nakatakda silang magkaroon ng mahirap na kalagayan sa buhay. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay ganyan lang kasimple; ang mahalaga lang dito ay kung isinasagawa mo ang katotohanan o hindi. Kung isa kang tao na nagpasyang isagawa ang katotohanan, ang iyong pagiging negatibo, kahinaan, at tiwaling disposisyon ay unti-unting malulutas at mababago; depende ito kung iniibig ba ng puso mo ang katotohanan o hindi, kung nagagawa mo bang tanggapin ang katotohanan o hindi, kung kaya mo bang magdusa at magbayad ng halaga para matamo ang katotohanan o hindi. Kung talagang iniibig mo ang katotohanan, magagawa mong tiisin ang lahat ng uri ng sakit upang matamo ang katotohanan, maging ito man ay paninirang-puri, panghuhusga, o pagtanggi ng mga tao. Dapat mong tiisin ang lahat ng ito nang may pasensya at pagpapaubaya; at pagpapalain at poprotektahan ka ng Diyos, hindi ka Niya iiwan o pababayaan—sigurado ito. Kung nagdarasal ka sa Diyos nang may-takot-sa-Diyos na puso, umaasa sa Diyos at nagtitiwala sa Diyos, walang bagay na hindi mo malalampasan. Maaaring mayroon kang tiwaling disposisyon, at maaaring lumalabag ka, ngunit kung mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, at maingat mong tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, walang dudang makakapanindigan ka, at walang dudang maaakay at mapoprotektahan ka ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Kaugnay na Nilalaman