Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 561

Nagawa nang tiwali ni Satanas ang buong sangkatauhan, at ang kalikasan ng tao ay ang ipagkanulo ang Diyos. Gayunman, sa lahat ng taong nagawa nang tiwali ni Satanas, may ilang kayang magpasakop sa gawain ng Diyos at tumanggap sa katotohanan. Sila ang mga taong maaaring magtamo ng katotohanan at magkamit ng pagbabago ng disposisyon. Ang ilang tao ay hindi hinahangad ang katotohanan, at sa halip ay nagpapatangay lang sa agos. Susundin nila at gagawin ang anumang ipagawa mo sa kanila, kaya nilang talikuran ang mga bagay-bagay at gugulin ang kanilang sarili, at kaya nilang tiisin ang anumang pagdurusa. Kakatiting ang konsensya at katwiran ng gayong mga tao, at umaasa silang maliligtas sila at mananatiling buhay, pero hindi maaaring magbago ang kanilang disposisyon dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at nasisiyahan na sila sa pag-unawa sa doktrina. Hindi sila nagsasabi o gumagawa ng mga bagay na lumalabag sa konsiyensiya, kaya nilang taos na gampanan ang kanilang mga tungkulin, at kaya nilang tumanggap ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan na ukol sa anumang problema. Gayunpaman, hindi naman nila seryosong hinahanap ang katotohanan, naguguluhan ang kanilang isipan, at hinding-hindi nila nauunawaan ang diwa ng katotohanan. Imposibleng magbago ang kanilang mga disposisyon. Kung nais mong malinis sa katiwalian mo at dumanas ng pagbabago sa disposisyon mo sa buhay, kailangan mong magkaroon ng pagmamahal sa katotohanan at kakayahang tanggapin ang katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang katotohanan? Ang pagtanggap sa katotohanan ay nangangahulugan na anumang uri ang iyong tiwaling disposisyon, o alinman sa mga lason ng malaking pulang dragon—mga lason ni Satanas—ang nasa iyong kalikasan, kapag ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito, dapat mong aminin ang mga ito at magpasakop ka, hindi ka maaaring gumawa ng ibang pagpili, at dapat mong kilalanin ang iyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos at tanggapin ang katotohanan. Anuman ang sabihin ng Diyos, gaano man kabigat ang mga pagbigkas Niya, at anumang mga salita ang ginagamit Niya, matatanggap mo ang mga ito basta’t katotohanan ang sinasabi Niya, at kaya mong kilalanin ang mga ito basta’t umaayon ang mga ito sa realidad. Kaya mong magpasakop sa mga salita ng Diyos gaano kalalim mo man nauunawaan ang mga ito, at tinatanggap mo at nagpapasakop ka sa liwanag na ibinubunyag ng Banal na Espiritu at ibinabahagi ng iyong mga kapatid. Kapag umabot na sa isang partikular na punto ang paghahangad sa katotohanan ng gayong tao, maaari niyang matamo ang katotohanan at makamtan ang pagbabago ng kanyang disposisyon. Kahit pa medyo may pagkatao ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan, kayang gumawa ng ilang mabubuting gawa, at kayang tumalikod at gumugol para sa Diyos, nalilito sila tungkol sa katotohanan at hindi ito sineseryoso, kaya hindi nagbabago kailanman ang disposisyon nila sa buhay. Nakikita mo na ang pagkatao ni Pedro ay kapareho ng pagkatao ng iba pang mga disipulo, ngunit namukod-tangi siya sa kanyang marubdob na pagtataguyod sa katotohanan. Anuman ang sinabi ni Jesus, masidhi niya iyong pinagnilayan. Nagtanong si Jesus, “Simon Bar-Jonas, mahal mo ba Ako?” Matapat na sumagot si Pedro, “Ang Ama na nasa langit lamang ang mahal ko, subalit hindi ko pa nagagawang mahalin ang Panginoon sa lupa.” Kalaunan ay naunawaan niya, naisip na, “Hindi tama ito, ang Diyos sa lupa ay ang Diyos sa langit. Hindi ba pareho ang Diyos kapwa sa langit at sa lupa? Kung ang Diyos sa langit lamang ang mahal ko, hindi tunay ang pagmamahal ko. Kailangan kong mahalin ang Diyos sa lupa, sapagkat doon lamang magiging tunay ang aking pagmamahal.” Sa gayon, naunawaan ni Pedro ang tunay na kahulugan ng salita ng Diyos mula sa itinanong ni Jesus. Para mahalin ang Diyos, at para maging tunay ang pagmamahal na ito, kailangang mahalin ng isang tao ang Diyos na nagkatawang-tao sa lupa. Ang mahalin ang isang malabo at di-nakikitang Diyos ay hindi makatotohanan ni praktikal, samantalang ang mahalin ang praktikal at nakikitang Diyos ay katotohanan. Mula sa mga salita ni Jesus, natamo ni Pedro ang katotohanan at naunawaan ang kalooban ng Diyos. Malinaw na ang paniniwala ni Pedro sa Diyos ay nakatuon lamang sa pagtataguyod sa katotohanan. Sa bandang huli, nagawa niyang mahalin ang praktikal na Diyos—ang Diyos sa lupa. Napakamasigasig ni Pedro sa kanyang pagtataguyod sa katotohanan. Sa bawat pagkakataon na pinayuhan siya ni Jesus, masidhi niyang pinagnilayan ang mga salita ni Jesus. Marahil nagnilay-nilay siya nang ilang buwan, isang taon, o ilang taon pa nga bago siya binigyang-liwanag ng Banal na Espiritu at naunawaan niya ang diwa ng mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, pumasok si Pedro sa katotohanan, at sa kanyang pagpasok, nagbago at napanibago ang kanyang disposisyon sa buhay. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, hindi niya iyon mauunawaan kailanman. Masasambit mo ang mga titik at doktrina nang sampung libong beses, ngunit mananatili pa ring mga titik at doktrina ang mga iyon. Sinasabi lamang ng ilang tao, “Si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” Ulit-ulitin mo man ang mga salitang ito nang sampung libong beses, wala pa ring silbi ang mga ito; hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng mga ito. Bakit sinasabi na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay? Maaari mo bang ipahayag ang kaalamang natamo mo tungkol dito mula sa karanasan? Nakapasok ka na ba sa realidad ng katotohanan, ng daan, at ng buhay? Binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita upang maranasan mo ang mga ito at magtamo ka ng kaalaman. Walang silbi ang isatinig lamang ang mga titik at doktrina. Makikilala mo lamang ang iyong sarili kapag naunawaan at napasok mo na ang mga salita ng Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang mga salita ng Diyos, hindi mo makikilala ang iyong sarili. Makapagtatamo ka lamang ng pagkakilala kapag nauunawaan mo ang katotohanan. Kung walang pagkaunawa sa katotohanan, wala kang kakayahang makakilala. Malinaw mo lamang makikita ang mga bagay kapag nauunawaan mo ang katotohanan. Kung walang pagkaunawa sa katotohanan, hindi mo makikita nang malinaw ang mga bagay. Makikilala mo lamang ang iyong sarili kapag nauunawaan mo ang katotohanan. Kung walang pagkaunawa sa katotohanan, hindi mo makikilala ang iyong sarili. Magbabago lamang ang iyong disposisyon kapag nakamit mo ang katotohanan. Kung wala ang katotohanan, hindi maaaring magbago ang iyong disposisyon. Pagkatapos mong makamit ang katotohanan, saka ka lamang makapaglilingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kung wala ang pagkamit ng katotohanan, hindi ka makapaglilingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Pagkatapos mong makamit ang katotohanan, saka mo lamang masasamba ang Diyos. Kung walang pagkaunawa sa katotohanan, kahit pa sambahin mo Siya, ang iyong pagsamba ay magiging pagganap lamang ng mga ritwal na panrelihiyon at wala nang iba. Kung wala ang katotohanan, lahat ng gawin mo ay hindi totoo. Sa pagkamit sa katotohanan, lahat ng gawin mo ay totoo. Lahat ng bagay na ito ay nakasalalay sa pagtatamo ng katotohanan mula sa mga salita ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Kaugnay na Nilalaman