Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 559

Ano ang pagkaunawa mo sa kalikasan ng tao? Ang talagang ibig sabihin ng pag-unawa sa kalikasan mo ay ang paghimay sa mga bagay na nasa kaibuturan ng kaluluwa mo—ang mga bagay na nasa buhay mo, at ang lahat ng lohika at pilosopiya ni Satanas na ipinamumuhay mo—na siyang buhay ni Satanas na ipinamumuhay mo. Mauunawaan mo lamang ang kalikasan mo sa pamamagitan ng paglalantad ng mga bagay na nasa kaibuturan ng iyong kaluluwa. Paano mailalantad ang mga bagay na ito? Hindi mailalantad o mahihimay ang mga ito sa pamamagitan lamang ng isa o dalawang usapin. Maraming pagkakataon na tapos ka na sa isang bagay ay hindi mo pa rin ito nauunawaan. Maaaring umabot ng tatlo o limang taon bago ka makapagtamo ng kahit katiting na pagkatanto o pagkaunawa. Kaya, sa maraming sitwasyon, kailangan mong pagnilayan at kilalanin ang sarili mo. Kailangan mong tignan ang nasa loob mo at suriin ang iyong sarili, alinsunod sa mga salita ng Diyos, upang makakita ka ng anumang resulta. Habang lumalalim nang lumalalim ang pagkaunawa mo sa katotohanan, unti-unti mong malalaman ang sarili mong kalikasan at diwa sa pamamagitan ng pagninilay sa sarili at pagkilala sa sarili.

Para malaman ang kalikasan mo, kailangan mong magtamo ng pagkaunawa rito sa pamamagitan ng ilang bagay. Una, kailangan mong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa kung ano ang gusto mo. Hindi ito tumutukoy sa gusto mong kainin o isuot, sa halip, tumutukoy ito sa mga uri ng bagay na kinasisiyahan mo, mga bagay na kinaiinggitan mo, mga bagay na sinasamba mo, mga bagay na hinahanap mo, at mga bagay na pinagtutuunan ng puso mo, mga uri ng tao na nasisiyahan kang makaugnayan, at mga uri ng tao na hinahangaan at iniidolo mo sa puso mo. Halimbawa, karamihan sa mga tao ay gusto ang mga taong mataas ang katayuan, mga taong eleganteng magsalita at kumilos, o gusto nila yaong mahuhusay at mapagpuri magsalita o yaong mga mapagkunwari. Ang mga nabanggit ay tungkol sa mga taong gusto nilang makahalubilo. Pagdating naman sa mga bagay na nagpapasaya sa mga tao, kabilang dito ang kahandaang gawin ang ilang bagay na madaling gawin, kasiyahang gawin ang mga bagay na itinuturing ng iba na mabuti at na makapaghihikayat sa mga tao na umawit ng papuri at magbigay ng papuri. Sa kalikasan ng mga tao, may karaniwang katangian ang mga bagay na gusto nila. Ibig sabihin, gusto nila ang mga tao, mga pangyayari at mga bagay na kinaiinggitan ng iba dahil sa mga panlabas na kaanyuan, gusto nila ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na talagang magaganda at mararangya, at gusto nila ang mga tao, mga pangyayari at mga bagay na nagagawa ang ibang sambahin sila. Itong mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao ay magaganda, maniningning, maririkit, at mariringal. Sinasamba ng lahat ng tao ang mga ito. Makikita na ang mga tao ay hindi nagtataglay ng anumang katotohanan, at wala ring wangis ng mga tunay na tao. Wala ni katiting na kabuluhan sa pagsamba sa mga bagay na ito, subalit gusto pa rin ito ng mga tao. Ang mga bagay na ito na gusto ng mga tao ay tila lalo nang mabuti sa mga hindi naniniwala sa Diyos, at ito ang lahat ng bagay na lalo nang handang hangarin ng mga tao. … Ang mga bagay na hinahangad at kinasasabikan ng mga tao ay nabibilang sa mga makamundong kalakaran, ang mga bagay na ito ay kay Satanas at sa mga diyablo, kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito, at walang anumang katotohanan. Ang mga bagay na inaasam ng mga tao ay nagbibigay-daan na mabunyag ang kanilang kalikasan at diwa. Maaaring makita ang mga kagustuhan ng mga tao sa paraan ng kanilang pananamit. Ang ilang mga tao ay handang magsuot ng nakakaakit ng pansin, makukulay na damit, o mga kakaibang kasuotan. Handa silang magsuot ng mga aksesorya na wala pang sinumang nakapagsuot noon, at gusto nila ang mga bagay na makakaakit sa kasalungat na kasarian. Ang pagsusuot nila ng mga damit at aksesoryang ito ay nagpapakita ng kagustuhan nila para sa mga bagay na ito sa kanilang buhay at sa kaibuturan ng kanilang puso. Hindi marangal o disente ang mga bagay na gusto nila. Ang mga ito ay hindi mga bagay na dapat hangarin ng isang normal na tao. Mayroong pagiging hindi matuwid sa pagkagiliw nila sa mga ito. Ang kanilang pananaw ay kaparehong-kapareho ng sa mga makamundong tao. Ang isang tao ay walang makikitang alinmang bahagi nito na tumutugma sa katotohanan. Samakatuwid, ang gusto mo, ang pinagtutuunan mo, ang sinasamba mo, ang kinaiinggitan mo, at ang iniisip mo sa iyong puso araw-araw ay lahat kinakatawan ang iyong kalikasan. Ang pagkahilig mo sa mga makamundong bagay na ito ay sapat na para patunayan na kinagigiliwan ng kalikasan mo ang pagiging hindi matuwid, at sa mga seryosong sitwasyon, masama at wala nang lunas ang kalikasan mo. Dapat mong suriin ang kalikasan mo sa ganitong paraan: Siyasatin mo ang kinagigiliwan mo at ang tinatalikdan mo sa buhay mo. Maaring mabait ka sa isang tao sa isang panahon, ngunit hindi nito pinatutunayan na kinagigiliwan mo sila. Ang tunay na kinagigiliwan mo ay kung ano eksakto ang nasa kalikasan mo; kahit pa mabali ang mga buto mo, masisiyahan ka pa rin dito at hindi mo ito matatalikdan kailanman. Ito ay hindi madaling baguhin. Pag-usapan natin ang paghahanap ng mapapangasawa, halimbawa, hinahanap ng mga tao ang mga taong katulad nila ang tipo. Kung talagang umibig ang isang babae sa isang tao, kung gayon walang makakapigil sa kanya. Kahit baliin ang kanyang mga binti, gugustuhin pa rin niyang makasama siya; gugustuhin niyang magpakasal sa kanya kahit mangahulugang kailangang mamatay siya. Paano nangyari ito? Ito ay dahil walang makapagpapabago sa nasa kaibuturan ng mga buto ng mga tao, sa nasa kaibuturan ng kanilang mga puso. Kahit namatay ang isang tao, parehong mga bagay pa rin ang gugustuhin ng kanyang kaluluwa; likas na sa tao ang mga bagay na ito, at kumakatawan ang mga ito sa pinakadiwa ng isang tao. Ang mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao ay naglalaman ng ilang kawalang-katarungan. Halata sa ilan ang pagkagiliw nila sa mga bagay na iyon, samantalang sa iba ay hindi; ang ilan ay napakalaki ng pagkagusto sa mga ito, samantalang ang iba ay hindi; napipigil ng ilang tao ang kanilang sarili, samantalang hindi mapigil ng iba ang kanilang sarili. Malamang na malubog ang ilang tao sa madidilim at masasamang bagay, na nagpapatunay na wala silang taglay na buhay. Nagagawa ng ilang tao na mapangibabawan ang mga tukso ng laman at hindi maging abala o magpapigil sa mga bagay na iyon, na nagpapatunay na mayroon silang kaunting tayog at na nagbago na nang kaunti ang kanilang mga disposisyon. Nauunawaan ng ilang tao ang ilang katotohanan at nadarama na mayroon silang buhay at na mahal nila ang Diyos, pero ang totoo, napakaaga pa, at ang pagdanas ng isang tao ng pagbabago sa disposisyon ay hindi isang simpleng bagay. Madali bang unawain ang kalikasan at diwa ng isang tao? Kahit nakakaunawa nang kaunti ang isang tao, dapat niyang pagdaanan ang maraming pasikut-sikot para makamit ang pag-unawang iyon, at kahit may kaunting pagkaunawa, hindi madali ang pagbabago. Ito ang lahat ng paghihirap na kinakaharap ng mga tao, at hindi makikilala ng mga tao ang kanilang sarili kung ayaw nilang hangarin ang katotohanan. Paano man maaaring magbago ang mga tao, usapin, o bagay-bagay sa iyong paligid at paano man bumaligtad ang mundo, kung ginagabayan ka ng katotohanan mula sa loob, kung nag-ugat na ito sa iyong loob at ginagabayan ng mga salita ng Diyos ang iyong buhay, mga kagustuhan, mga karanasan, at pag-iral, sa puntong iyon ay tunay ka nang nagbago. Sa kasalukuyan, ang tinatawag na pagbabago ng mga tao ay bahagyang pakikipagtulungan lamang, ito ay kakayahan lamang na atubiling tanggapin ang matabasan at maiwasto, aktibong gumanap sa kanilang mga tungkulin, at pagkakaroon ng kaunting kasigasigan at pananampalataya, ngunit hindi ito maituturing na pagbabago ng disposisyon at hindi nito pinatutunayan na may buhay ang mga tao. Mga kagustuhan at hilig lamang ito ng mga tao—wala nang iba.

Upang makamit ang pagkaunawa sa mga likas na pagkatao, bukod sa pagtuklas sa mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao sa kanilang mga likas na pagkatao, kailangan ding tuklasin ang ilan sa mga pinakamahalagang aspetong may kinalaman sa kanilang likas na pagkatao. Halimbawa, ang mga pananaw ng mga tao sa mga bagay-bagay, ang mga pamamaraan at mga mithiin ng mga tao sa buhay, ang mga pinahahalagahan ng mga tao sa buhay at pananaw sa buhay, pati na rin ang mga pananaw at ideya nila sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa katotohanan. Lahat ng ito ay umiiral sa kaibuturan ng kaluluwa ng mga tao at may direktang kaugnayan ang mga ito sa pagbabago ng disposisyon. Ano, kung gayon, ang pananaw sa buhay ng tiwaling sangkatauhan? Masasabi na ito iyon: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Lahat ng tao ay nabubuhay para sa kanilang sarili; sa deretsahang salita, nabubuhay sila para sa laman. Nabubuhay sila para lamang kumain. Paano naiiba ang pag-iral na ito sa pag-iral ng mga hayop? Walang anumang halaga sa pamumuhay nang ganito, at lalong wala itong anumang kabuluhan. Ang pananaw sa buhay ng isang tao ay tungkol sa kung saan ka umaasa para mabuhay sa mundo, para saan ka nabubuhay, at paano ka namumuhay—at ang mga ito ay lahat ng bagay na dapat gawing may pinakadiwa ng likas na pagkatao ng tao. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa likas na pagkatao ng mga tao, makikita mo na lahat ng tao ay lumalaban sa Diyos. Mga diyablo silang lahat at walang totoong mabuting tao. Sa pamamagitan lamang ng pagsusuri sa likas na pagkatao ng mga tao mo malalaman ang katiwalian at diwa ng tao at mauunawaan kung saan talaga nabibilang ang mga tao, ano talaga ang kulang sa mga tao, ano ang dapat nilang isangkap sa kanilang sarili, at paano sila dapat mamuhay na kawangis ng tao. Hindi madaling tunay na suriin ang likas na pagkatao ng isang tao, at hindi ito magagawa nang hindi nararanasan ang mga salita ng Diyos o nagkakaroon ng tunay na mga karanasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Kaugnay na Nilalaman