Ang mga Kaibahan sa Pagitan ng Pagbigkas ng mga Salita at Doktrina at ng Katotohanang Realidad (Sipi 69)

Para sa mga salitang, “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan,” paano ninyo karaniwang isinasagawa at dinaranas ang mga ito? (Sa pagpapasakop sa lahat ng mga salita at gawain ng Diyos.) Ito ay isang malawak na pahayag, isang doktrina. Tama itong pakinggan, pero medyo wala itong laman. Ano ang gagawin mo kung haharap ka sa isang bagay na labag sa mga kuru-kuro mo, at hindi mo kayang magpasakop? Ito ay isang makatotohanang hamon. Kapag nangyari ito, paano makakamit ng mga salitang ito ang mga resulta at magkakaroon ng epekto sa iyo, pinipigilan ang iyong ugali at binabago ang mga prinsipyo at direksyon ng mga kilos mo? Halimbawa, sabihin nating sumasakit ang tiyan mo at may taong nagsasabi, “Ang pag-inom ng gamot ay magpapatigil ng sakit.” Alam mong tama ang pahayag na ito, pero paano mo ito tatanggapin at isasagawa? Iinom ka ba ng gamot kapag sumasakit ang tiyan mo? Kailan mo iinumin ang mga ito? Bago o pagkatapos kumain? Ilang beses sa isang araw mo iinumin ang mga ito? Gaano karami ang iinumin mo sa isang beses para tumigil ang sakit, at ilang araw ka dapat uminom para makakuha ng mga resulta? Alam mo ba ang mga detalyeng ito? Mauunawaan mo lang ang mga detalyeng ito sa paggamit ng pahayag na “ang pag-inom ng gamot ay magpapatigil ng sakit” sa totoong buhay. Kung hindi mo ito gagamitin, paano mo man kinikilala, tinatanggap, o sinasang-ayunan ang pahayag na ito, ito ay magiging parirala lang ng doktrina sa iyo. Pero kung gagamitin mo ang pahayag na ito sa iyong tunay na buhay, gagamutin ang iyong sakit, at makikinabang dito, hindi na lang ito magiging walang kabuluhang pahayag kapag sinasabi mo ito, kundi isang praktikal na pahayag. Kapag may ibang humaharap sa katulad na sitwasyon, magagamit mo ang iyong praktikal na karanasan para tulungan sila. Kakabanggit lang natin na “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.” Ang pariralang “ang pagkatakot kay Jehova” ay isang bagay na dapat isagawa ng mga tao, at “ang pasimula ng karunungan” ay ang resultang nakakamit nila sa pagsasagawa ng pagkatakot kay Jehova. Ibig sabihin, tanging kapag isinagawa mo ang pariralang “ang pagkatakot kay Jehova” at ginamit ito sa iyong tunay na buhay, at nakatulong sa iyo ang pariralang ito, at nakinabang ka rito, na magagawa mong makamit ang resulta ng karunungan. Pag-usapan muna natin kung paano isasagawa ang pariralang ito “ang pagkatakot kay Jehova.” Ang pariralang ito ay tumatalakay sa lahat ng mga problemang hinaharap ng mga tao sa aktuwal na buhay nila, gaya ng kanilang mga kaisipan, ideya, at kalagayan, mga paghihirap na hinaharap nila, mga kuru-kuro at imahinasyon nila, mga maling pag-iisip nila tungkol sa Diyos, mga paghihinala at haka-haka nila tungkol sa Kanya, pati na rin ang pagiging pabasta-basta, panloloko, pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, pagiging batas sa sarili nila, na madalas ipinapakita ng mga tao sa proseso ng pagtupad ng mga tungkulin nila, at iba pa. Kaya, paano mo magagamit ang pariralang “ang pagkatakot sa Diyos” para mabago mo ang mga prinsipyo ng mga kilos at asal mo? Kung dadaanan, dadanasin, at aalamin mo ang lahat ng mga detalye ng pariralang ito, magiging katotohanan ito sa iyo. Kung hindi mo kailanman dinaanan ang mga detalyeng ito, at nalaman mo lang at narinig ang pariralang ito, palaging magiging doktrina ito para sa iyo. Ito ay magiging pahayag sa isang libro, mga salita lang, at hindi isang katotohanan. Bakit ko sinasabi iyan? Dahil hindi kailanman nabago ng pahayag na ito ang alinman sa iyong mga intensyon, mga ideya, o mga kaisipan at pananaw. Hindi nito kailanman nabago ang mga prinsipyo sa pagharap mo sa mundo at sa pag-asal mo. Hindi nito nabago ang saloobing taglay mo kapag gumagawa ka ng mga bagay o gumaganap ng tungkulin mo, at hindi nito nabaligtad ang kalagayan mo. Hindi ka nakinabang dito sa anumang paraan. Alam ninyo ang lahat ng kilalang kasabihang ito at kaya ninyong sabihin ang mga ito, pero nauunawaan lang ninyo ang panlabas ng mga ito, at wala kayong praktikal na karanasan ng mga ito. Paano ito naiiba sa mga mapagkunwaring Pariseo? Ang mga pastor at nakatatanda sa mundo ng relihiyon ay nakatuong lahat sa pagbigkas at pagpapaliwanag ng mga kilalang kabanata at talata sa Bibliya. Ang sinumang pinakamaraming binibigkas ang pinakaespirituwal, ang pinakahinahangaan ng lahat, at ang pinakaprestihiyoso at pinakamataas ang katayuan. Sa tunay nilang buhay, nakikita talaga nila ang mundo, sangkatauhan, at lahat ng uri ng tao sa parehong paraan gaya ng mga makamundong tao, at hindi talaga nagbago ang mga pananaw nila. Pinapatunayan nito ang isang bagay: Ang mga bahaging iyon ng Bibliya na binibigkas nila ay hindi nila naging buhay sa anumang paraan, ang mga ito ay pawang mga teorya at relihiyosong doktrina lang sa kanila, at hindi nabago ang mga buhay nila. Kung ang landas na nilalakaran ninyo ay pareho sa mga relihiyosong tao, nananampalataya kayo sa Kristiyanismo at hindi sa Diyos, at hindi ninyo nararanasan ang gawain ng Diyos. Ang ilang taong nanalig sa Diyos sa loob ng maikling panahon ay humahanga sa mga matagal nang mananampalatayang iyon na kayang magsalita tungkol sa maraming espirituwal na doktrina. Kapag nakikita nila ang matatagal nang mananampalatayang nakaupo at nagsasalita ng diretsong dalawa o tatlong oras nang walang tigil, nagsisimula silang matuto sa kanila. Natututunan nila ang mga espirituwal na termino at pagpapahayag na iyon, at natututunan nila ang mga gawi ng pananalita at pag-asal ng matatagal nang mananampalatayang iyon, at pagkatapos kinakabisado nila ang ilang klasikong salita ng Diyos. Ipinagpapatuloy nila ito hanggang isang araw ay iniisip nila sa wakas na may tinataglay sila. Pagdating ng oras para magtipon, nagsisimula silang magsalita nang tuluy-tuloy tungkol sa mga ideyang magandang pakinggan, pero kung pakikinggan mo nang mabuti, lahat ng ito ay walang saysay, salitang walang laman, at mga salita at doktrina. Malinaw na sila ay mga huwad na relihiyoso na niloko ang sarili nila at ang ibang tao. Kalunus-lunos ito! Huwag ninyong tahakin ang landas na iyan. Sa sandaling simulan ninyo ito, lubusan kayong mawawasak, at pagkatapos magiging mahirap para sa inyong bumalik, kahit gustuhin pa ninyo! Kung tatratuhin mo ang mga salita at doktrinang iyon gaya ng mga kayamanan at buhay, at ipagmamalaki ninyo ang mga ito saan man kayo magpunta, dagdag pa sa mga tiwali at sataniko mong disposisyon, nagtataglay ka ng ilang espirituwal na teorya at ilang mapagkunwaring bagay. Hindi lang ito kasinungalingan, ganap itong kasuklam-suklam. Wala itong kahihiyan, at nakakasuka ito at nakakatakot tingnan. Ngayon, tinutukoy natin ang mga denominasyon na pinaniniwalaan ng mga tagasunod ng Panginoong Jesus bilang Kristiyanismo, inuuri ang mga ito bilang isang relihiyon at isang relihiyosong grupo. Ito ay dahil ang mga taong iyon ay nananalig sa Diyos pero hindi tinatanggap ang katotohanan, at hindi nila isinasagawa o dinaranas ang mga salita ng Diyos, at sa halip pinanghahawakan lang nila ang mga relihiyosong ritwal at pormalidad, na hindi talaga binabago ang kanilang mga buhay disposisyon. Sila ay hindi mga taong naghahangad ng katotohanan, at hindi nila hinahangad ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na nanggagaling sa Diyos, sa halip hinahangad nila ang biblikal na kaalaman, tinutularan nila ang mga Pariseo, at sila ay mapanlaban sa Diyos. Dahil dito, ang grupong ito ng mga tao ay inuuri bilang Kristiyanismo. Ang mga taong itong nananalig sa Panginoon ay mga tagasunod lahat ng relihiyon. Hindi sila nabibilang sa iglesia ng Diyos, at sila ay hindi Niya tupa. Saan nanggaling ang terminong “Kristiyanismo”? Ito ay nanggaling sa katunayan na ang mga tagasunod nito ay nagkukunwaring mga mananampalataya ni Cristo, nagkukunwari silang espirituwal, at nagkukunwari silang sumusunod sa Diyos, habang itinatanggi nila ang lahat ng katotohanang ipinahayag ni Cristo, itinatanggi nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at itinatanggi nila ang lahat ng mga positibong bagay na galing sa Diyos. Binibigkis, binabalot, at ikinukubli nila ang kanilang sarili ng mga bagay na sinabi ng Diyos sa nakaraan. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital, at ginagamit nila ang mga ito sa bawat pagkakataon para makapandaya sila para sa pera. Sa pakunwaring pananalig sa Diyos, niloloko nila ang mga tao sa bawat pagkakataon, nakikipagtalo sila sa iba tungkol sa kung gaano kahusay nilang naipapaliwanag ang kahulugan ng Bibliya at tungkol sa kanilang biblikal na kaalaman, itinuturing ang mga bagay na ito na gaya ng karangalan at kapital. Gusto pa nga rin nilang makamit ang mga pagpapala at gantimpala ng Diyos sa pamamagitan ng panlilinlang. Ito ang landas ng mga anticristo na nilalakaran nila na itinatanggi at kinokondena ang Diyos na nagkatawang-tao, at dahil nga sa landas na nilalakaran ng grupong ito kaya inuri ito sa huli bilang Kristiyanismo at isang relihiyon. Tingnan natin ngayon ang terminong “Kristiyanismo”—ito ba ay isang mabuti o isang masamang titulo? Tiyak na puwede nating sabihing hindi ito mabuting titulo. Ito ay tanda ng kahihiyan at hindi ito isang bagay na maipagmamalaki o kapuri-puri.

Ano ang pangunahing bagay na dapat mong maunawaan kapag hinahangad mo ang buhay pagpasok? Dapat mong hanapin kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, at kung paano dapat maranasan ng mga tao ang gawain Niya, sa saklaw ng lahat ng salita na sinabi ng Diyos—anuman ang paksa nila. Dapat mong ikumpara ang iyong asal at ang mga paraan mo ng pagharap sa mga bagay, ang mga kaisipan at pananaw mo, at ang iba’t ibang kalagayan at pagpapamalas na taglay mo kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay sa buhay mo laban sa mga salita ng Diyos ng paglalantad at paghatol. Mas mahalaga, dapat mong pagnilayan ang sarili mo at unawain ang sarili mo, at hanapin ang katotohanan para tiyakin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Dapat mong hanapin ang landas ng pagsasagawa sa pamamagitan nito, matutunan kung paano matutugunan ang mga layunin ng Diyos habang ginagawa ang iyong tungkulin, umasal nang lubos ayon sa mga hinihingi Niya, at maging tapat na tao, at taong nagsasagawa ng katotohanan. Huwag kang gumawa ng mga bagay gaya ng pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga salita at doktrina at mga relihiyosong teorya. Huwag kang magkunwaring isang espirituwal na tao, at huwag kang maging ipokrito. Dapat kang tumuon sa pagtanggap at pagsasagawa ng katotohanan, at sa paggamit ng mga salita ng Diyos para ikumpara ang mga kalagayan mo at suriin ang mga ito, at pagkatapos ay baguhin ang mga maling pananaw at saloobin mo sa pagtrato sa bawat uri ng sitwasyon. Sa huli, dapat kang magtaglay ng isang may-takot-sa-Diyos na puso sa bawat sitwasyon, at hindi na kumilos nang padalus-dalos, sumunod sa mga sarili mong ideya, gumawa ng mga bagay ayon sa mga pagnanais mo, o mabuhay sa mga tiwaling disposisyon. Sa halip, lahat ng kilos at salita mo ay dapat nakabatay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Sa paraang ito, unti-unti kang makakabuo ng isang may-takot-sa-Diyos na puso. Ang isang may-takot-sa-Diyos na puso ay lumilitaw habang hinahangad ng isang tao ang katotohanan; hindi ito nanggagaling sa pagpipigil. Ang idinudulot lang ng pagpipigil ay isang uri ng pag-asal; ito ay isang uri ng mababaw na limitasyon. Ang tunay na may-takot-sa-Diyos na puso ay nakakamit sa pamamagitan ng laging pagtanggap ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at pagtanggap ng pagpupungos habang nararanasan ang Kanyang gawain. Kapag nakikita ng mga tao ang tunay na mukha ng sarili nilang katiwalian, malalaman nila ang kahalagahan ng katotohanan, at magagawa nilang magsikap sa katotohanan. Ang pagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon ay magiging pakaunti nang pakaunti, at magagawa nilang mabuhay nang normal sa harap ng Diyos, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos araw-araw, at gumagawa ng mga tungkulin nila bilang mga nilikha. Ang isang may-takot-sa-Diyos na puso at pusong nagpapasakop sa Diyos ay lumilitaw sa prosesong ito. Ang lahat ng laging naghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga problema habang ginagawa ang mga tungkulin nila ay ang mga mayroong may-takot-sa-Diyos na puso. Alam ng lahat ng tumanggap ng disiplina at dumanas ng maraming pagpupungos kung ano ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos. Kapag nabunyag ang kanilang katiwalian, hindi lang sila nakakaramdam ng takot at pangamba sa puso nila, nararamdaman din nila ang poot ng Diyos at ang Kanyang pagiging maharlika. Sa sitwasyong ito, natural na lumilitaw ang takot sa puso nila. Lahat ba kayo ay mayroong anumang pang-unawang batay sa karanasan sa mga bagay na ito ngayon? (Kaunti.) Kailangan nitong lumalim nang dahan-dahan. Huwag kayong makontento sa katiting lang na pang-unawang batay sa karanasan. Nasa angkop na paligid kayo ngayon, nakikinig kayo sa maraming sermon, pumupunta sa maraming pagtitipon, nagbabasa ng maraming salita ng Diyos, at nagtataglay kayo ng isang kapaligiran kung saan ninyo gagawin ang inyong tungkulin at ang lahat ng iba pang uri ng kondisyon. Iniisip mo na may takot ka sa Diyos, kaya lumago ang iyong pananampalataya, pero kung ilalagay ka sa ibang kapaligiran, magagawa mo bang panatilihin ang kasalukuyan mong kalagayan? Maaari bang mabago ng mga katotohanang nauunawaan mo ngayon ang iyong perspektiba sa mga bagay-bagay o ang iyong pagtingin sa buhay at mga pinahahalagahan? Kung hindi maisasakatuparan ng mga katotohanang nauunawaan mo ang mga bagay na ito, hindi mo tunay na nauunawaan ang katotohanan. Kapag ang mga salita ng Diyos ay naging katotohanang nauunawaan mo at buhay mo, magkakaroon ka ng buhay pagpasok, at nakapasok ka sa katotohanang realidad. Ibig sabihin nito na ang pagsasagawa ng katotohanan ay magiging isang bagay na ginagawa mo sa sarili mong pagkukusa, mararamdaman mo na dapat kang likas na gumawa ng mga bagay na tulad nito. Ang paggawa ng mga bagay ayon sa katotohanan ay magiging natural para sa iyo; magiging regular ito, gaya ng isang natural na paghahayag. Ibig sabihin nito na ang mga salita ng Diyos ay naging buhay mo. Kung palagi mong tinatahak ang maling landas kapag humaharap ka sa isang bagay at palaging dapat kang magnilay sa sarili at magkaroon ng isang tutulong at susuporta sa iyo para makabalik ka sa tamang landas, hindi man lang ito malapit, at wala ka talagang tayog. Kung walang nariyan para tumulong at sumuporta sa iyo, walang makapagsasabi kung gaano kalayo ka babagsak sa sandaling magbago nang husto ang kapaligiran mo. Puwede mong itanggi at ipagkanulo ang Diyos sa iisang gabi, puwede mong iwan ang Diyos at bumalik sa mga bisig ni Satanas sa loob ng isang gabi. Sa madaling salita, bago mo makamit ang katotohanan, at bago mo maging buhay ang katotohanan, nasa panganib ka pa rin! Hindi pinapatunayan ng pagtataglay ng kaunting pananampalataya, pagiging handang gugulin ang iyong sarili, at pagkakaroon ng kaunting pagpapasya o mabubuting mithiin ngayon na ikaw ay may buhay. Ang mga bagay na ito ay mabababaw na pangyayari lang; ito ay pangangarap lang. Bago bumuti ang iyong relasyon sa Diyos, dapat mong sangkapan ang sarili mo ng katotohanan. Dapat kaya mong maranasan ang gawain ng Diyos at ang ilang pagsubok at pagpipino. Kapag lumitaw ang tunay na pananampalataya sa Diyos sa loob mo, magkakaroon ka ng tunay na panalangin at tunay na pagbabahaginan sa Kanya. Magagawa mong sabihin sa Diyos kung ano ang nasa puso mo, at kapag may kinakaharap kang isang bagay, mararamdaman mo na sa Kanya ka lamang makakasandig at na walang ibang puwede. Ito ay kung kailan magiging normal ang iyong relasyon sa Diyos. Kapag may tunay kang pananampalataya sa Diyos, saan ka man Niya ilagay, at kahit na hindi ka nakakadalo sa pagtitipon ng ilang taon, ang pananampalataya mo sa Diyos ay mananatiling ganap na hindi nagbago, gaya ng kay Job. Kahit na hindi ka makakadalo sa mga pagtitipon at walang mangangaral sa iyo ng mga sermon, ang daan ng Diyos at mga salita ng Diyos ay mananatiling nasa puso mo. Hindi mo iiwan ang Diyos, at magiging malinaw sa iyo kung paano ka Niya inaakay sa bawat araw. Hindi mo itatanggi ang Diyos kapag naharap mo ang mga pagsubok Niya, at makikita mo pa nga ang Kanyang mga gawa sa mga ito. Sa oras na iyon, kaya mo nang magsarili. Wala pa kayo roon, marami pa rin kayong kuru-kuro at imahinasyon at karumihan. Mayroon pa ring mga nagkukunwaring bagay sa mga kilos ninyo at sa pagganap ng tungkulin ninyo. Masyadong marami ang sarili ninyong kalooban. Nasa panahon pa rin kayo ng pagkukunwari, nagsisikap pa rin kayong maging espirituwal na tao, na mangaral ng mga espirituwal na doktrina, at na mas masangkapan ang inyong sarili ng mga espirituwal na parirala, termino, at teorya. Nagsisikap ka pa ring maging Pariseo at maging huwad na espirituwal na tao. Hinahangad mo pa ring tahakin ang ganitong uri ng landas at ikaw ay nasa ganitong uri pa rin ng maling landas. Napakalayo nito sa isang taong tunay na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan! Kung kaya, dapat ninyong gawin ang lahat ng kaya ninyo para hangarin ang katotohanan at danasin ang mas maraming paghatol, pagkastigo, pagsubok, at pagpipino. Saka lang lubos na maaalis ang mga pagkukunwari, pagbabalatkayo, at mga hindi normal na kaisipang ito. Kapag nalinis na ang mga katiwaliang ito, natural na magiging normal ang relasyon sa pagitan ninyo at ng Diyos.