Ang mga Kaibahan sa Pagitan ng Pagbigkas ng mga Salita at Doktrina at ng Katotohanang Realidad (Sipi 67)
Ano ang katotohanang realidad? Ano ang tinutukoy nito? Ito ay tumutukoy sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at naisasagawa ito, magiging realidad nila ang katotohanan, magiging buhay nila ito. Kapag namumuhay ang mga tao ayon sa katotohanan, taglay nila ang katotohanang realidad. Wala sa mga tao ang katotohanang realidad kung nagbibigkas lang sila ng mga salita at doktrina ngunit hindi nila maisagawa ang katotohanan. Kapag nagpapahayag sila ng mga salita at doktrina, maaaring tila nauunawaan nila ang katotohanan, ngunit hindi talaga nila ito maisagawa, na nagpapatunay na hindi nila taglay ang katotohanang realidad. Kung gayon, paano makakapasok ang mga tao sa katotohanang realidad? Dapat nilang isagawa ang mga salita ng Diyos sa kanilang totoong buhay, at sa pamamagitan ng proseso ng pagdanas at pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, magkakaroon sila ng kaalaman tungkol sa katotohanan—hindi isang bagay na nasa isipan lamang, kundi aktuwal na karanasan at totoong kaalaman—at magagawa nilang kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Nangangahulugan itong nakapasok na sila sa katotohanang realidad. Kung gayon, aling mga katotohanan ang naranasan na ninyo at kinapulutan ng totoong kaalaman? Nagkaroon na ba kayo ng pakiramdam na naging buhay na ninyo ang katotohanan? Kapag kumuha ka ng isang talata sa mga salita ng Diyos, alinmang aspekto ng katotohanan ang tinutugunan ng mga ito, maaari mong ikumpara ang sarili mo sa mga ito at talagang eksakto ang mga ito sa kalagayan mo, at lubos kang naaantig, na para bang nahipo ng mga salita ng Diyos ang kaibuturan ng iyong puso, at naramdaman mong tama talaga ang Kanyang mga salita, at ganap mong tinatanggap ang mga ito, at hindi ka lang nagkakaroon ng kaalaman tungkol sa iyong sariling kalagayan, kundi nalalaman mo rin kung paano magsagawa alinsunod sa Kanyang mga layunin. Sa pamamagitan ng pag-inom at pagkain ng mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, may nakakamit kang mga benepisyo, nagkakaroon ka ng kaliwanagan at natatanglawan ka, nakukuha mo ang mga pangangailangan mo, at nababaligtad ang iyong kalagayan. Iniisip mo na dakila ang mga salita ng Diyos, at napakasaya at kuntento mo, pakiramdam mo ay nagkaroon ka ng kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos, nauunawaan mo ang ibig sabihin ng talatang ito mula sa mga salita ng Diyos, at alam mo kung paano maranasan at isagawa ang mga ito. Madalas ba na ganito ang pakiramdam ninyo? (Oo.) Kaya noong nagkaroon kayo ng ganitong pakiramdam, naramdaman ba ninyo na nakamit ninyo ang katotohanan mula sa talatang ito ng mga salita ng Diyos? (Hindi.) Dahil hindi ninyo ito naramdaman, ibig sabihin nito ay pangkaisipang tugon lamang ang pakiramdam na ito, isang pansamantalang pag-antig sa puso. Ang pagkakaroon ng gantimpala at bahagyang pagpasok ay hindi kumakatawan sa pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad. Isa lamang itong inisyal na karanasan, pagkaunawa lamang sa literal na kahulugan ng katotohanan. Ang pagpasok sa katotohanang realidad mula sa pag-unawa sa katotohanan ay isang komplikadong proseso na inaabot nang matagal na panahon. Mula sa pag-unawa sa mga salita at doktrina patungo sa tunay na pag-unawa sa katotohanan, nangangailangan ito nang hindi lamang isa, dalawa, o kahit pa maraming karanasan upang magdulot ng mga resulta. Maaaring magkaroon ka ng kaunting gantimpala mula sa isang karanasan, ngunit maraming karanasan muna ang aabutin bago mo maani ang tunay na gantimpala, at makamit ang resulta ng pag-unawa sa katotohanan. Para itong pagninilay-nilay tungkol sa isang problema; ang isang beses na pagninilay-nilay ay nagdudulot ng kaunting liwanag, ngunit ang pagninilay-nilay nang maraming beses ay magdudulot ng higit na gantimpala, at magbibigay-daan upang mas malinaw mong makita ang sitwasyon. Kung gugugulin mo ang ilang taon sa pagninilay-nilay sa problema, ganap mo itong mauunawaan. Dahil dito, kung gusto mong magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, hindi ito kasing simple ng pagkakaroon lamang ng ilang karanasan. Kayo ba mismo ay sumailalim na sa mga ganitong klaseng karanasan? Malamang ay ilang beses na itong naranasan ng lahat. Kapag nagsisimula nang maranasan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, may kaunting sinag ng liwanag, ngunit mababaw pa lamang ang kanilang kaalaman. Katulad ito ng pag-unawa sa doktrina, ngunit ang kanilang kaalaman ay tila mas praktikal nang kaunti, at hindi malinaw na maipapaliwanag sa isa o dalawang pangungusap. Dahil sa pagbabahaginan nila, nararamdaman ng iba na ang kanilang kaalaman ay mas praktikal nang kaunti kaysa sa mga salita at doktrina. Kung lalalim ang kanilang mga karanasan at makapagpapahayag sila tungkol sa ilang detalye, ang kaalaman nila ay magmimistulang mas praktikal pa rin. Kung pagkatapos noon ay patuloy na magkakaroon ng mga karanasan ang mga tao sa loob ng ilang panahon at magagawa nilang magsalita nang may tunay na kaalaman sa mga salita ng Diyos, aangat ang kanilang kaalaman mula pangkaisipan tungo sa rasyonal na antas. Ito ang tunay na pag-unawa sa katotohanan. Kapag patuloy na nararanasan ng mga tao ang mga salita ng Diyos at isinasagawa ang mga ito, magagawa nilang unawain ang mga prinsipyo ng katotohanan, at malalaman nila kung paano maisasagawa ang katotohanan. Ito ang ibig sabihin ng pagpasok sa katotohanang realidad. Sa panahong ito, kapag nagbigay sila ng patotoong batay sa karanasan, mararamdaman ng mga nakikinig na ito ay praktikal, at labis-labis nila itong pupurihin. Kapag naabot ng isang tao ang ganitong antas, magiging buhay realidad na niya ang mga salita ng Diyos, at tanging ang ganitong uri ng tao lang ang masasabing nagkamit ng katotohanan. Ito ang pinasimpleng proseso ng pagdanas sa mga salita ng Diyos at pagkamit ng katotohanan, isang bagay na hindi makakamtan kung wala ang ilang taon man lamang o higit pa sa 10 taon na pagsusumikap. Kapag nagsisimula ang isang tao na maranasan at isagawa ang mga salita ng Diyos, naiisip niyang magiging simple lang ito, ngunit kapag may nangyari sa kanya, hindi niya alam kung paano ito harapin o lulutasin, at lumilitaw ang lahat ng uri ng problema. Ang kanilang kuru-kuro at imahinasyon ay lilikha ng mga balakid, ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay lilikha ng mga gulo, at kapag naharap sila sa mga hadlang at kabiguan, hihinto na sila sa pag-alam kung paano makakaranas. Ang mga taong may mga tiwaling disposisyon ay higit na sensitibo at madaling maging negatibo, at kapag sila ay inatake, siniraan at hinusgahan, mabilis silang manlumo at hindi na makabangon. Kung ang mga problemang ito ay malulutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, kung magagawang umasa ng isang tao sa Diyos upang maging matatag, magagawa niyang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung hindi interesado ang isang tao sa katotohanan at hindi niya itinuturing ang katotohanan bilang isang bagay na mahalagang maranasan at makamit, wala siyang lakas sa kanyang pagsasagawa ng katotohanan, at sa unang tanda ng paghihirap, siya ay bibigay at hindi na makakausad. Ang ganitong uri ng tao ay isang duwag, at hindi madali para sa kanila na makamit ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, isang bagong buhay na ipinagkaloob Niya sa mga tao, at ano ang layunin ng pagtanggap sa katotohanan? Ito ay ang makamit ang katotohanan at buhay, ang maranasan ang katotohanan na tila ba ito ay sarili mong buhay. Bago maging buhay ng isang tao ang katotohanan, ang pangunahing layunin ng pagtanggap sa katotohanan ay upang malutas ang mga tiwaling disposisyon. Aling mga tiwaling disposisyon ang malulutas nito? Pangunahin nitong nilulutas ang mga bagay gaya ng pagrerebelde, mga kuru-kuro at imahinasyon, kayabangan, kapalaluan, pagkamakasarili, pagiging kasuklam-suklam, pagiging baliko, pagiging mapanlinlang, pagiging pabasta-basta, at pagka-iresponsable, at kawalan ng konsensiya at katwiran. At ano ang magiging resulta nito sa huli? Ito ay ang maaaring maging matapat ang isang tao na nagpapasakop sa Diyos, dumadakila sa Kanya, sumasamba sa Kanya, tapat at tunay na nagmamahal sa Kanya, at magpapasakop sa Kanya hanggang kamatayan. Ganap na isinasabuhay ng ganitong uri ng tao ang halimbawa ng isang tunay na tao, siya ay naging isang taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Ito ang pinakamataas na dako na maaaring maabot ng isang tao sa paghahangad ng katotohanan.
Kung gayon, paano magagawa ng mga tao na kainin, inumin at danasin ang mga salita ng Diyos para lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon? Hindi ito isang simpleng usapin. Ang mga tiwaling disposisyon ay isang problemang tunay na umiiral, at madalas ay likas na naipapahayag ang mga ito sa totoong buhay ng mga tao. Anuman ang mangyari sa mga tao, at anuman ang gawin nila, laging mabubunyag ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, anuman ang sabihin o gawin ng mga tao, kadalasan ay mayroon silang ilang partikular na layunin at hangarin. Nararamdaman ng mga taong marurunong kumilatis kung totoo o hindi ang pagsasalita at pagkilos ng mga tao, pati na rin ang mga bagay na nakatago sa kanilang mga salita at kilos, at mga patibong na nasa mga ito. Kung gayon, kusa bang nabubunyag ang mga ganitong bagay? Maitatago ba ito ng mga tao? Kahit na walang sabihin o gawin ang mga tao, kapag may nangyari sa kanila, mayroon pa rin silang reaksyon. Unang makikita ang mga bagay na ito sa kanilang ekspresyon, at lalo na sa kanilang mga salita at kilos. Palagi itong mapapansin ng mga taong marurunong kumilatis, at tanging ang mga hangal at mangmang lang ang hindi makakakilala rito. Maaaring masabi na normal para sa mga tao na ipahayag ang kanilang katiwalian, na totoo itong problema ng lahat ng tao. Ano ang layunin ng Diyos sa pagpapahayag ng napakaraming katotohanan sa Kanyang gawain sa mga huling araw? Ipinapahayag Niya ang mga katotohanang ito upang lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang mga pinag-uugatang dahilan ng kanilang mga kasalanan, upang iligtas ang mga tao mula sa katiwalian ni Satanas, upang tulungan ang mga taong makamit ang kaligtasan at makawala sa impluwensiya ni Satanas, at higit sa lahat, upang ipagkaloob sa mga tao ang buhay, ang katotohanan, at ang daan. Kung naniniwala ang mga tao sa Diyos ngunit hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi sila malilinis mula sa kanilang tiwaling disposisyon, at dahil dito ay hindi nila makakamit ang kaligtasan. Dahil dito, iyong mga tunay na naniniwala sa Diyos ay magpupursigi sa pagsasagawa at pagdanas ng Kanyang mga salita, magninilay-nilay sa kanilang sarili at susubukang kilalanin ang kanilang mga sarili kapag nabunyag ang kanilang tiwaling disposisyon, at hahanapin ang katotohanan ng mga salita ng Diyos upang lutasin ang tiwaling disposisyong ito. Iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay nakatuon sa pagninilay-nilay sa kanilang sarili at pagtatangkang kilalanin ang kanilang mga sarili sa kanilang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nararamdaman nilang ang Kanyang mga salita ay para lamang isang salamin na nagbubunyag ng sarili nilang katiwalian at kapangitan. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nagagawa nilang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkakastigo, at unti-unti nilang nalulutas ang kanilang tiwaling disposisyon. Kapag nakita nilang mas madalang na ang pagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon, kapag tunay na silang nagpapasakop sa Diyos, mararamdaman nilang mas madali na ang pagsasagawa ng katotohanan, at wala nang paghihirap. Sa pagkakataong ito, makakakita sila ng tunay na pagbabago sa kanilang mga sarili, at magkakaroon ng tunay na papuri sa Diyos sa kanilang puso: “Iniligtas ako ng Makapangyarihang Diyos mula sa pagkabihag at mga paglimita ng aking tiwaling disposisyon at iniligtas Niya ako mula sa impluwensiya ni Satanas.” Ito ang resultang matatamo mula sa pagdanas ng paghatol at pagkastigo sa mga salita ng Diyos. Kung hindi mararanasan ng mga tao ang paghatol at pagkastigo sa mga salita ng Diyos, hindi maaalis sa kanila ang kanilang mga tiwaling disposisyon at hindi sila makakawala sa impluwensiya ni Satanas. Maraming tao ang hindi nagmamahal sa katotohanan, at kahit na nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos at nakikinig sa mga sermon, pagkatapos nito ay mga salita at doktrina ang kanilang ipinapahayag, at dahil dito, hindi nila nalulutas ang alinman sa kanilang mga tiwaling disposisyon kahit na maraming taon na silang naniniwala sa Diyos. Ang mga taong ito ay mga Satanas at diyablo pa rin mula noon pa man. Akala nila, basta’t ipinapalaganap nila ang mga salita ng Diyos, malulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon; basta’t nagbibigkas sila ng ilang salita ng Diyos at nakikipagbahaginan sa iba tungkol sa Kanyang mga salita, malulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon; basta’t nakakapagpahayag sila ng maraming salita at doktrina, malulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon; at basta’t nauunawaan nila ang doktrina at natututo ng pagpipigil sa sarili, malulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Dahil dito, pagkatapos ng paniniwala sa Diyos nang napakaraming taon, wala pa ring kahit katiting na pagbabago sa kanilang mga buhay disposisyon, hindi sila makapagsalita tungkol sa patotoong batay sa karanasan kaya natitigilan sila. Pagkatapos ng maraming taon ng paniniwala sa Diyos, wala silang natutunan at walang nakamit na anumang katotohanan, walang saysay ang kanilang buhay at nag-aksaya lang sila ng maraming taon. Ngayon, maraming huwad na lider at manggagawa na tulad nito, nakatuon lamang sa pagsasagawa ng gawain at pagbibigay ng mga sermon sa halip na magpursigi sa pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos. Kung gayon, nasa landas ba sila ng paghahangad sa katotohanan? Hinding hindi.
Ano ang pinakamahalagang realidad para sa mga taong naniniwala sa Diyos? Ito ay ang pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang pinakamahalagang bahagi ng pagsasagawa ng katotohanan? Hindi ba’t ito ay ang dapat maunawaan muna ng isang tao ang mga prinsipyo? Kung gayon, ano ang mga prinsipyo? Ang mga ito ay ang praktikal na bahagi ng katotohanan, ang pamantayang makapaggagarantiya ng mga resulta. Ganito kasimple ang mga prinsipyo. Kapag literal na inunawa, iisipin mong ang bawat pangungusap sa mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, ngunit hindi mo alam kung paano isagawa ang katotohanan, ito ay dahil hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo ng katotohanan. Iniisip mo na ang mga salita ng Diyos ay ganap na tama, na katotohanan ang mga ito, ngunit hindi mo alam kung ano ang praktikal na bahagi ng katotohanan, o ang mga kalagayang tinutumbok nito, kung ano ang mga prinsipyong naririto, at kung ano ang landas tungo sa pagsasagawa—hindi mo ito maunawaan. Pinatutunayan nitong doktrina lamang ang nauunawaan mo at hindi ang katotohanan. Kung talagang nararamdaman mo na doktrina lamang ang nauunawaan mo, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong hanapin ang katotohanan. Una sa lahat, alamin mo kung ano ang praktikal na aspekto ng katotohanan, tingnan mo kung aling mga aspeto ng realidad ang pinakanamumukod-tangi, at kung paano ka dapat magsagawa upang makapasok sa realidad na ito. Sa pamamagitan ng paghahanap at pagtatanong sa ganitong paraan, mahahanap mo ang landas. Kapag nauunawaan mo na ang mga prinsipyo at naisasabuhay ang realidad na ito, makakamit mo ang katotohanan, na siyang tagumpay na nagmumula sa paghahangad ng katotohanan. Kung mauunawaan mo ang mga prinsipyo ng maraming katotohanan at isasagawa ang ilan sa mga ito, taglay mo ang katotohanang realidad, at nakamit mo ang buhay. Anumang aspekto ng katotohanan ang hinahanap mo, kapag naunawaan mo kung nasaan ang realidad ng katotohanan sa mga salita ng Diyos at kung ano ang Kanyang mga hinihingi, kapag tunay mong naunawaan, at handa kang ibigay ang hinihingi nitong kapalit at isagawa ito, nakamit mo na ang katotohanang ito. Habang nakakamit mo ang katotohanang ito, unti-unting malulutas ang iyong tiwaling disposisyon, at kikilos ang katotohanang ito sa iyong kalooban. Kung maisasagawa mo ang realidad ng katotohanan, at magagampanan mo ang iyong tungkulin at bawat pagkilos at umasal ayon sa mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanang ito, hindi ba’t ibig sabihin nito ay nagbago ka na? Naging anong klase ng tao ka? Ikaw ay naging isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad. May prinsipyo ba ang mga kilos ng isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad? May isang tao bang kumikilos nang may prinsipyo na nagkamit ng katotohanan? Isinasabuhay ba ng isang taong nagkamit ng katotohanan ang normal na pagkatao? Ang isang tao ba na nagsasabuhay ng normal na pagkatao ay nagtataglay ng katotohanan at may pagkatao? Ang mga taong nagtataglay ng katotohanan at may pagkatao ay umaayon sa mga layunin ng Diyos, at ang mga taong umaayon sa mga layunin ng Diyos ay ang uri ng mga tao na gusto Niyang makamit. Ito ang karanasan ng paniniwala at pagiging nakamit ng Diyos, at ito rin ang proseso ng pagkamit sa katotohanan sa pamamagitan ng pagsisimulang kumain at uminom ng Kanyang mga salita, gayundin ang proseso ng pagkamit ng kaligtasan. Ang landas na ito ay ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at ang landas ng pagiging ginawang perpekto ng Diyos.