Ang mga Kaibahan sa Pagitan ng Pagbigkas ng mga Salita at Doktrina at ng Katotohanang Realidad (Sipi 66)
May ilang tao na hindi talaga makakilatis. Sumusunod sila sa sinumang namumuno. Natututo sila ng magandang asal kapag pinamumunuan sila ng mabubuting tao, natututo sila ng masamang asal kapag pinamumunuan sila ng masasamang tao. Natututo sila sa sinumang sinusunod nila. Kapag sumusunod sila sa mga walang pananampalataya, gumagaya sila sa mga demonyo. Kapag sumusunod sila sa mga nananalig sa Diyos, natututuhan nilang magkaroon ng kaunting wangis ng pagkatao. Hindi nila binibigyang-pansin ang pagkaunawa sa katotohanan at ang pagsasagawa ng katotohanan, kundi sumusunod lang sila sa iba at pikit-matang gumagaya sa kanila. Nakikinig sila sa sinumang gusto nila. Mauunawaan ba ng ganitong tao ang katotohanan? Talagang hindi. Ang mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan ay hindi kailanman magkakaroon ng tunay na pagbabago. Ang kaalaman at doktrina, asal ng tao, paraan ng pananalita—maaaring matutuhan sa mga tao ang mga panlabas na bagay na ito. Subalit, ang katotohanan at buhay ay makakamit lamang mula sa mga salita at gawain ng Diyos, at hinding-hindi sa mga sikat o pambihirang tao. Paano dapat kainin at inumin ng mga mananampalataya ang mga salita ng Diyos? Direkta itong nauugnay sa mahalagang katanungan na kung mauunawaan at makakamit ba ng isang tao ang katotohanan o hindi. Mayroon dapat na tamang landas sa pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos; sa kanilang buhay iglesia at habang tinutupad nila ang kanilang tungkulin, dapat kainin at inumin ng mga mananampalataya ang mga salita ng Diyos na nakatuon sa mga problema sa tunay na buhay, at lumulutas sa mga problemang iyon. Ito lang ang paraan para maunawaan ang katotohanan. Gayunpaman, kung nauunawaan nila ang katotohanan pero hindi nila ito isinasagawa, hindi sila makakapasok sa katotohanang realidad. May mga taong may magandang katangian ngunit hindi iniibig ang katotohanan; kahit na nagagawa nilang maunawaan nang kaunti ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa. Makapapasok ba ang ganoong mga tao sa katotohanang realidad? Ang pag-unawa sa katotohanan ay hindi kasingsimple ng pag-unawa sa mga doktrina. Para maunawaan ang katotohanan, kailangan mo munang malaman kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos. Gawin nating halimbawa ang pagkain at pag-inom ng isang sipi hinggil sa katotohanan ng pagmamahal para sa Diyos. Sinasabi ng salita ng Diyos: “Ang ‘pagmamahal,’ ayon sa tawag dito, ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin. Sa pagmamahal walang mga kundisyon, walang mga balakid, at walang distansya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal walang humihingi ng kapalit at walang karumihan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang). Ganito ipinakakahulugan ng Diyos ang pagmamahal, at ito ang katotohanan. Ngunit sino ang dapat mong mahalin? Dapat mo bang mahalin ang iyong asawang lalaki? Ang iyong asawang babae? Ang iyong mga kapatid sa iglesia? Hindi. Kapag nangungusap ang Diyos ng tungkol sa pagmamahal, nangungusap Siya hindi ng pagmamahal para sa iyong kapwa tao, kundi ng pagmamahal ng tao sa Diyos. Kung tunay nang nakikilala ng isang tao ang Diyos, kung tunay niyang nakikita na ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at banal, at nakikita niya na ang pagmamahal ng Diyos para sa tao ang pinakatunay at pinakatapat, ang pagmamahal ng taong iyon para sa Diyos ay tunay rin. Paano ba isinasagawa ng isang tao ang pagmamahal sa Diyos? Una sa lahat, dapat niyang ihandog ang kanyang puso sa Diyos; pagkatapos ay maiibig na ng puso niya ang Diyos. Kung tunay na nakikita ng puso ng isang tao kung gaano labis na kaibig-ibig ang Diyos, hindi niya Siya paghihinalaan, walang magiging distansya sa pagitan niya at ng Diyos, at magiging dalisay at walang dungis ang kanyang magpagmahal-sa-Diyos na puso. Ang “walang dungis” ay nangangahulugan na walang maluluhong ninanasa at hindi gumagawa ng mga labis na kahilingan sa Diyos, hindi naglalatag ng mga kondisyon sa Kanya, at hindi nagpapalusot. Nangangahulugan ito na Siya ang una sa puso mo; nangangahulugan ito na ang mga salita Niya lamang ang nasa puso mo. Isa itong pagsintang dalisay at walang dungis. Ang “pagsintang” ito ay nangangahulugan na may tiyak na lugar ang Diyos sa puso mo, at lagi mo Siyang iniisip at pinananabikan, at isinasaisip mo Siya sa bawat sandali. Ang magmahal ay nangangahulugang ginagamit mo ang iyong puso para magmahal. Ang “ginagamit mo ang iyong puso para magmahal” ay kinapapalooban ng pagiging maalalahanin, mapagmalasakit, at nananabik. Para magtagumpay sa pagmamahal sa Diyos gamit ang iyong puso, dapat mo munang hangaring makilala ang Diyos, malaman ang Kanyang disposisyon, at malaman ang Kanyang pagiging kaibig-ibig. Kung hindi mo talaga kilala ang Diyos, hindi mo Siya magagawang mahalin kahit na gusto mo pa. Sa kasalukuyan, handa kayong lahat na pagsikapan ang katotohanan at hinahangad ninyong lahat na makamit ang katotohanan. Kahit na wala kang tunay na pagkakilala sa Diyos, dapat mong gamitin ang iyong puso upang panabikan Siya, lumapit sa Kanya, magpasakop sa Kanya, maging maalalahanin sa Kanya, ibahagi sa Kanya ang laman ng isip mo, at ibuhos sa Kanya ang mga paghihirap na nasa puso mo. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hanapin mo ang Diyos; bumaling ka sa Diyos at sumandig ka sa Kanya kapag hindi mo na kaya ang isang bagay nang ikaw lang. Kapag ganito ka manalangin sa Diyos, bibigyang-liwanag at gagabayan ka ng Banal na Espiritu. Huwag kang mabahala sa pag-iisip na, “Ano ba ang kailangan kong gawin para sa Diyos? Anong malalaking bagay ang dapat kong gawin?” Mga hungkag na salita lang ang mga ito at hindi man lang praktikal. Magiging praktikal lang ito kung ibubuhos mo ang puso mo sa pagmamahal sa Diyos, at pasisiyahin mo Siya sa maliliit na bagay at sa mga tungkuling kaya mong gawin. Bagaman hindi mo sinasabi nang hayagan kung gaano mo tiyak na minamahal ang Diyos, at sa kung anong antas, taglay mo ang Diyos sa puso mo, at handa ang puso mong pasiyahin Siya. Anumang mga paghihirap ang mayroon ka, hangga’t handa ang puso mong pasiyahin ang Diyos, at kaya mong gawin ang ilang bagay para pasiyahin Siya, at kaya mong magtiis ng kaunting paghihirap para mapasiya Siya, totoong minamahal mo Siya. Kung nauunawaan mo ang ilang katotohanan at may prinsipyo ka sa pangangasiwa ng lahat ng bagay, mararamdaman mo ang pagmamahal ng Diyos, mararamdaman mong lahat ng sinasabi ng Diyos ay ang katotohanan, ay realidad, at tumutulong sa mga tao sa lahat ng oras, mararamdaman mong hindi makakahiwalay ang mga tao sa mga salita ng Diyos at hindi kakayanin ng puso nila na walang Diyos, mararamdaman mo na kung wala ang Diyos ay walang buhay, at mararamdaman mo na kung talagang iiwan mo ang Diyos ay talagang hindi ka mabubuhay, na magiging napakasakit niyon. Kapag nadarama mo ang lahat ng ito, mayroon kang pagmamahal, taglay mo ang Diyos sa puso mo. “Ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin.” Maraming nakapaloob dito. Ang tunay na pagmamahal ang hinihingi ng Diyos sa mga tao; sa ibang salita, dapat mo Siyang mahalin at alalahanin gamit ang iyong puso, at dapat mo Siyang laging isaisip. Hindi ibig sabihin nito na magsalita ka lang, at hindi rin ito nangangahulugang sadyain mong ipahayag ang isang bagay sa harap ng iba; sa halip, sa pangunahin, nangangahulugan ito na gawin mo ang mga bagay-bagay nang may puso, at hayaan mo ang puso mo na pangasiwaan ang buhay mo at ang lahat ng iyong mga kilos, nang walang motibasyon, kalituhan, o paghihinala sa iyong puso; ang pusong gaya nito ay higit na mas dalisay. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, madaling magpasakop sa Diyos. Ano ba ang iniisip ng isang taong laging pinaghihinalaan ang Diyos? “Tama bang gawin ito ng Diyos? Bakit ito sinasabi ng Diyos? Kung walang dahilan ang Diyos sa pagsasabi nito, hindi ako magpapasakop dito. Kung hindi matuwid para sa Diyos na gawin ito, hindi ako magpapasakop. Hindi ko muna ito papansinin sa ngayon.” Ang hindi magkimkim ng paghihinala ay nangangahulugang kilalanin na anumang sinasabi at ginagawa ng Diyos ay tama, at sa Diyos ay walang tama o mali, at dapat magpasakop ang tao sa Diyos, maging maalalahanin sa Diyos, pasiyahin ang Diyos, at makibahagi sa Kanyang mga kaisipan at alalahanin. Mukha mang makahulugan sa iyo o hindi ang lahat ng ginagawa ng Diyos, sumasang-ayon man ito o hindi sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at umaayon man ito o hindi sa mga doktrina ng tao, dapat ka pa rin laging magpasakop at harapin ang mga bagay na ito nang may pusong may takot sa Diyos at pusong nagpapasakop sa Diyos. Ang gayong pagsasagawa ay alinsunod sa katotohanan. Pagpapamalas at pagsasagawa ito ng pagmamahal. Kaya, kung nais mong maunawaan ang katotohanan, mahalagang malaman mo kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Kung kakaunti ang binabasa mong mga salita ng Diyos, hindi binabasa nang taimtim ang mga iyon, at hindi pinagninilayan ang mga iyon sa puso mo, hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Ang tangi mong mauunawaan ay kaunting doktrina, kaya mahihirapan ka nang husto na maunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang mga layon ng Diyos sa Kanyang mga salita. Kung hindi mo nauunawaan ang mga mithiin at resultang hinahangad na makamit ng mga salita ng Diyos, kung hindi mo nauunawaan ang hinahanap na maisakatuparan at maperpekto ng Kanyang mga salita sa tao, pinatutunayan nito na hindi mo pa naiintindihan ang katotohanan. Bakit sinasabi ng Diyos ang Kanyang sinasabi? Bakit Siya nagsasalita sa ganoong tono? Bakit Siya ay napakamasigasig at taos sa bawat salitang Kanyang sinasambit? Bakit Niya pinipiling gamitin ang ilang salita? Alam mo ba? Kung hindi mo masabi nang may katiyakan, ibig sabihin nito ay hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos o ang Kanyang mga layon. Kung hindi mo nauunawaan ang konteksto sa likod ng Kanyang mga salita, paano mo mauunawaan o maisasagawa ang katotohanan? Upang makamit ang katotohanan, dapat mo munang maunawaan ang ibig sabihin ng Diyos sa bawat salitang Kanyang binibigkas, at pagkatapos mong maunawaan ang mga salitang ito ay isagawa mo ang mga ito, na nagiging dahilan upang maisabuhay sa loob mo ang mga salita ng Diyos, at upang maging realidad mo. Sa paggawa nito ay papasok ka sa katotohanang realidad. Kapag mayroon ka nang lubos na pagkaunawa sa salita ng Diyos, saka mo lamang tunay na mauunawaan ang katotohanan. Matapos maunawaan lamang ang ilang salita at doktrina, iniisip mo na nauunawaan mo ang katotohanan at taglay mo ang realidad. Ito ay panlilinlang sa sarili. Ni hindi mo nauunawaan kung bakit hinihingi ng Diyos sa mga tao na isagawa ang katotohanan. Pinatutunayan nito na hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at na hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan. Sa katunayan, ipinapagawa ito ng Diyos sa mga tao para dalisayin at iligtas sila, upang maiwaksi ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at maging mga taong nagpapasakop at nakakakilala sa Diyos. Ito ang mithiing nais makamtan ng Diyos sa pag-uutos sa mga tao na isagawa ang katotohanan.
Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan, nauuhaw sa katotohanan, at naghahanap sa katotohanan. Para naman sa mga taong ang pagpapahalaga ay nasa mga salita at doktrina at gustong magbigay ng mahahaba at matatayog na mga pananalita, hindi nila matatamo ang katotohanan kailanman; niloloko nila ang kanilang mga sarili. Ang pananaw nila tungkol sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos ay mali, binabaligtad nila ang pagbasa roon sa matuwid—maling-mali ang kanilang pananaw. Mas gusto ng ilang tao na pag-aralan ang mga salita ng Diyos. Lagi nilang pinag-aaralan kung paano tinatalakay ng mga salita ng Diyos ang tungkol sa hantungan o kung paano pagpapalain. Lubha silang interesado sa ganitong mga uri ng mga salita. Kung hindi umaayon ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga kuru-kuro at hindi nabibigyang-kasiyahan ang pagnanasa nila para sa mga pagpapala, magiging negatibo sila, hindi na nila hahangarin ang katotohanan, at aayawan nilang igugol ang kanilang sarili para sa Diyos. Ipinapakita nito na hindi sila interesado sa katotohanan. Dahil dito, hindi sila masigasig sa katotohanan; kaya lang nilang tanggapin ang katotohanan na umaayon sa kanilang mga kuru-kuro at mga imahinasyon. Bagama’t marubdob ang gayong mga tao sa kanilang paniniwala sa Diyos at sinusubukan ang lahat ng paraang kaya nila upang gumawa ng ilang mabubuting gawa at maipakita na mabuting tao sila, ginagawa lamang nila ito para magkaroon ng magandang hantungan sa hinaharap. Sa kabila ng katunayang sumasali rin sila sa buhay-iglesia, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, hindi nila isasagawa ang katotohanan o kakamtin ito. May ilang tao na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ngunit sumasama lamang sa agos; iniisip nila na natamo na nila ang katotohanan sa pamamagitan lamang ng pagkaunawa sa ilang salita at doktrina. Mga hangal sila! Ang salita ng Diyos ang katotohanan. Gayunpaman, hindi nangangahulugan na mauunawaan at matatamo ng isang tao ang katotohanan matapos niyang mabasa ang mga salita ng Diyos. Kung nabibigo kang matamo ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, ang matatamo mo ay mga salita at doktrina. Kung hindi mo alam kung paano isagawa ang katotohanan o kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo, mananatili kang walang katotohanang realidad. Maaaring madalas mong binabasa ang mga salita ng Diyos, ngunit pagkatapos, nabibigo kang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at ang nakukuha mo lamang ay ilang salita at doktrina. Paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos upang maunawaan ang katotohanan? Una sa lahat, dapat mong matanto na ang salita ng Diyos ay hindi madaling maunawaan; ang salita ng Diyos ay napakalalim. Kahit isang pangungusap ng mga salita ng Diyos ay nangangailangan ng isang habambuhay upang maranasan. Kung wala kang ilang taon ng karanasan, paano mo posibleng maunawaan ang salita ng Diyos? Kung, kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at hindi nauunawaan ang mga layon ng Kanyang mga salita, ang pinagmulan ng mga ito, ang epektong hinahanap na makamit ng mga ito, o kung ano ang hinahanap na maisakatuparan ng mga ito, ibig sabihin ba nito ay nauunawaan mo ang katotohanan? Maaaring maraming beses mo nang nabasa ang mga salita ng Diyos at marahil ay kabisado mo na ang maraming sipi, ngunit hindi mo maisagawa ang katotohanan at hindi ka talaga nagbago, at ang iyong kaugnayan sa Diyos ay malayo at hiwalay pa rin tulad ng dati. Kapag nahaharap sa isang bagay na salungat sa iyong mga kuru-kuro, nagdududa ka pa rin sa Kanya, at hindi mo Siya nauunawaan, kundi nangangatwiran ka pa sa Kanya at nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya at nagkakamali ng pagkaunawa sa Kanya, nilalabanan Siya at nilalapastangan pa Siya. Anong klaseng disposisyon ito? Ang disposisyong ito ay ang disposisyon ng kayabangan, ng pagiging tutol sa katotohanan. Paano ito matatanggap o maisasagawa ng mga taong napakayabang at tutol na tutol sa katotohanan? Talagang hinding-hindi matatamo ng gayong mga tao ang katotohanan o ang Diyos. Bagaman ang lahat ay may kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at binabasa nila ang mga salita ng Diyos araw-araw, at gumagawa sila ng tala kapag nakikinig sila sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan, ang epekto nito sa bawat tao ay magkakaiba. May ilang tao na pinagtutuunan ang pagsasangkap sa kanilang sarili ng kaalaman at mga doktrina; ang ilan ay laging naghahangad at nag-aalala kung anong magandang asal ang dapat ipakita ng mga tao; ang ilan ay handang magbasa ng malalalim na salita na nagpapakita ng mga hiwaga; ang ilan ay pinakainaalala ang mga salita tungkol sa hantungan sa hinaharap; ang ilan ay gustong pag-aralan ang mga atas administratibo sa Kapanahunan ng Kaharian, at pag-aralan ang disposisyon ng Diyos; ang ilan ay handang magbasa ng mga salita ng Diyos na umaalo at nanghihikayat sa tao; ang ilan ay handang magbasa ng mga propesiya, ng mga salita ng pangako at mga pagpapala ng Diyos; ang ilan ay handang basahin ang mga salitang sinasabi ng Banal na Espiritu sa lahat ng iglesia, at handang maging “Kanyang anak.” Makakamit ba nila ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga salita ng Diyos nang ganito? Ito ba ay mga taong hinahangad ang katotohanan? Maliligtas ba sila sa pamamagitan ng ganitong pananalig sa Diyos? Dapat ninyong makita nang malinaw ang mga bagay na ito. May ilang bagong mananampalataya ngayon na nagsasabi, “Kahanga-hanga ang mga salita ng Diyos na umaalo sa tao; sinasabi Niya, ‘Anak Ko, Anak Ko.’ Sino sa mundong ito ang aalo sa iyo nang ganito?” Iniisip nila na mga anak sila ng Diyos, at hindi nila naiintindihan kung kanino sinasabi ng Diyos ang mga salitang ito. May ilan na hindi pa rin ito naiintindihan kahit na dalawang taon nang nananampalataya sa Diyos; may kakapalan ng mukha nilang sinasabi ang mga ganitong bagay at hindi sila nahihiya tungkol dito. Naiintindihan ba nila ang katotohanan? Hindi nila naiintindihan ang mga layunin ng Diyos, pero nangangahas silang kunin ang posisyon ng Kanyang “anak”! Ano ba ang naiintindihan nila kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos? Lubhang mali ang pagkaunawa nila sa mga iyon! Kapag binasa ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang mga salita ng Diyos ay hindi nila maiintindihan ang mga ito. Kapag nakikipagbahaginan ka sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila binibigyang halaga ang pagtanggap dito. Sa kabaligtaran, ang mga nagmamahal sa katotohanan ay naaantig pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos. Nadarama nila ang awtoridad at kapangyarihan sa mga salita ng Diyos. Kaya nilang suriin ang tunay na daan at tanggapin ang katotohanan. Ang ganitong mga tao ay may pag-asang makabalik sa Diyos at makamit ang katotohanan. Ang mga taong gustong pag-aralan ang mga salita ng Diyos ay laging iniisip ang paraan kung paano binabago ng Diyos ang Kanyang anyo, kung kailan lilisanin ng Diyos ang mundong ito, at ang araw ng Diyos. Hindi nila inaalala ang sarili nilang buhay. Inaalala ng mga tao ang mga bagay na Diyos lang ang may karapatan na pakialaman. Kung lagi kang magtatanong ng gaya nito, nanghihimasok ka sa mga atas administratibo ng Diyos at sa Kanyang plano ng pamamahala. Hindi ito makatwiran at nilalabag nito ang disposisyon ng Diyos. Kung gusto mo talagang magtanong o makaalam, at hindi mo mapigilan ang sarili mo, manalangin ka sa Diyos at sabihin mo, “O Diyos, may kinalaman ang mga bagay na ito sa Iyong plano ng pamamahala at Ikaw lang ang dapat makialam sa mga ito. Hindi ako dapat mag-usisa sa mga bagay na lagpas sa maaabot ko o sa mga bagay na hindi ko dapat malaman. Pakiusap ilayo Mo ako sa paggawa ng mga bagay na hindi makatwiran.” Paano mauunawaan ng tao ang mga usapin na sa Diyos lamang? Kung hindi binanggit o inihayag ng Diyos ang ilang bagay na may kinalaman sa Kanyang mga gawain at plano ng pamamahala, pinatutunayan lamang nito na hindi Niya ninanais na ibunyag ito sa tao. Lahat ng bagay na gusto ng Diyos na malaman ng tao ay nasa Kanyang mga salita, at ang lahat ng katotohanang dapat mong maunawaan ay nasa Kanyang mga salita. Mayroong napakaraming katotohanang dapat mong maunawaan. Kailangan mo lamang tingnan ang mga salita ng Diyos; kung may anumang hindi matatagpuan doon, huwag kang magpumilit magkaroon ng kasagutan. Kung hindi sinabi sa iyo ng Diyos, walang silbi na patuloy kang magtanong at magsiyasat. Sinabi na Niya ang lahat ng dapat mong malaman, at hindi Niya sasabihin o ibubunyag sa iyo ang hindi mo dapat malaman. Sa kasalukuyan, karamihan sa mga mananampalataya ay hindi pa nakapasok sa tamang landas; hindi nila alam kung paano pagbulayan ang mga salita ng Diyos kapag binabasa nila ang mga iyon, lalo na ang isagawa o danasin ang mga iyon. Mayroon pa ngang ilan na hindi ginagawa ang mga tungkulin nila, o na hindi nakikibahagi sa mga wastong gawain. Mas mahirap pa nga para sa mga mananampalatayang gaya nito ang maunawaan ang katotohanan. Kailangan ng isang tao ng mahabang panahon na karanasan para maunawaan ang katotohanan. Kung hindi mo maingat na babasahin ang mga salita ng Diyos, o isasagawa o daranasin ang mga salita Niya, paano mo mauunawaan ang katotohanan o mapapasok ang realidad? Paano ka makakapasok sa tamang landas ng pananampalataya kung hindi ka magpapasakop sa gawain ng Diyos? At kung hindi ka makakapasok sa tamang landas ng pananampalataya, paano ka maliligtas? Dapat na maging malinaw sa mga tunay na mananampalataya ang mga bagay na ito.