Ang mga Kaibahan sa Pagitan ng Pagbigkas ng mga Salita at Doktrina at ng Katotohanang Realidad (Sipi 64)
Karamihan sa mga taong ilang taon nang nananampalataya ay kayang magsalita tungkol sa ilang doktrina, tulad ng “Kailangan nating magkaroon ng mga tamang layunin sa ating pananampalataya,” “Kailangan nating matutunang mahalin ang Diyos at magpasakop sa Kanya,” “Kailangan nating gampanan ang ating mga tungkulin nang tapat; hindi tayo maaaring maghimagsik laban sa Diyos,” o “Dapat nating kilalanin ang ating sarili.” Ang lahat ng doktrinang ito ay tama, ngunit hindi ninyo nauunawaan ang tunay na kahulugan sa mga salita. Mababaw lang ang pagkaunawa ninyo sa mga ito; hindi ninyo nauunawaan ang espirituwal na kahulugan ng mga ito o ang mas malalim na kabuluhan ng mga salita ng Diyos, kaya walang katotohanan sa inyong puso. Anumang karanasan o pagkaunawa ang mayroon kayo, ito ay masyadong mababaw. Maaaring nakakapagsalita kayo ng ilang doktrina at malinaw ninyong nakikita ang ilang simpleng bagay, ngunit hindi kayo kumikilos nang may mga katotohanang prinsipyo; hindi man lang kayo nalalapit sa katotohanan. Maaaring mayroon kayong kaunting kaalaman at edukasyon, ngunit hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan. Huwag ninyong ituring ang pagkaunawa sa mga doktrina o salita bilang pagkaunawa sa katotohanan. Sa mga matagal nang nananalig sa Diyos, may ilang may mahusay na kakayahan at medyo mabuting espirituwal na pang-unawa na may kaunting karanasan sa katotohanan—subalit, hindi pa rin maaaring sabihin na nauunawaan nila ito. Sa sampung pangungusap tungkol sa kaalamang mayroon ka, marahil ay dalawa ang naglalaman ng tunay na kaalaman. Ang iba pa ay mga doktrina. Subalit, pakiramdam mo ay nauunawaan mo na ang katotohanan. Kaya mong patuloy na mangaral nang ilang araw saan ka man magpunta, palagi kang may masasabi. Kapag natapos ka na, gusto mong tipunin ang mga ito at gawing isang libro, isang “talambuhay ng isang tanyag na tao” na ipapamahagi sa lahat, upang sila ay kumain at uminom nito, para sa ikabubuti ng lahat. Ito ay labis na mayabang at hindi makatwiran, hindi ba? Hindi man lang marespeto ng mga tao ang mga bagay na may kinalaman sa katotohanan; sa pinakamahusay, maaaring nauunawaan nila ang ilan sa mga salita ayon sa nakasulat. Sapagkat sila ay matalino at may mabuting memorya, sapagkat madalas silang mangusap tungkol sa katotohanan ng mga aspetong ito gaya ng gawain ng Diyos, ang kabuluhan at hiwaga ng pagkakatawang-tao, at ang mga kaparaanan at mga hakbang ng gawain ng Diyos, kapag nasangkapan na nila ang kanilang sarili hanggang sa isang antas, nararamdaman nila na sila mismo ay nagtataglay ng katotohanan, na sila ay sagana nito. Labis silang walang katwiran dito; pinatutunayan nito na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Ang mga tao ngayon ay nakakaunawa lamang ng kaunting doktrina. Hindi nila kilala ang kanilang sarili, at lalo nang wala silang katwiran. Akala nila ay nasa kanila na ang katotohanan kapag nauunawaan nila ang ilang doktrina, at na hindi na sila mga ordinaryong tao. Pakiramdam nila ay naging napakahusay na nila at iniisip nila, “Napakaraming beses ko nang nabasa ang mga salita ng Diyos. Nakabisa ko na nga ang ilan sa mga ito, at nag-ugat na ang mga ito sa puso ko. Saan man ako magpunta, kaya kong mangaral sa ilang magkakasunod na pagpupulong, at kaya kong sabihin ang mga pangunahing punto ng alinmang kabanata ng mga salita ng Diyos.” Ang totoo, walang sinumang nakakaunawa sa katotohanan. Bakit Ko sinasabi iyon? Sa isang punto, hindi ninyo malutas ang mga problema o mahanap ang ugat ng mga ito, at hindi ninyo mahalata ang diwa ng mga ito. Isa pa, kaya lamang ninyong maintindihan ang bahagi ng anumang problema o isyu, ang inyong pagkaunawa ay malabo; hindi ninyo ito maiugnay sa katotohanan. Gayunpaman, nasisiyahan pa rin kayo sa inyong sarili, at kayo ay mapagmataas at mapagmagaling. Napakahangal at mangmang ninyo.
Paano ninyo ipaliliwanag ang mga salitang “pananalig sa Diyos”? Paano ninyo nauunawaan ang aspetong ito ng katotohanan? Ano ang tamang pananaw na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos? Ano ang mga maling pananaw na umiiral pa rin? Paano ba mismo dapat manalig ang mga tao sa Diyos? Napag-isipan na ba ninyo ang mga katanungang ito? Tila ba na kayong lahat ay “mga dalubhasa” sa katotohanan, na nauunawaan ninyong lahat ang lahat ng ito, kaya itatanong Ko sa inyo ang pinakasimpleng tanong na mayroon: Ano ang pananalig sa Diyos? Napag-isipan na ba ninyo iyan? Ano nga ba ang mismong tinutukoy ng pananalig sa Diyos? Ano ba mismo ang nais mong matamo mula sa pananalig sa Kanya, at anong mga problema ang ibig mong lutasin? Kailangang maging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito. Kailangan ding maging malinaw sa iyo ito: Ano ang mga pagpapamalas ng pananalig sa Diyos ang kailangang nasa isang tao para siya ay matapat na manalig sa Kanya? Ibig sabihin, paano mo dapat gawin ang iyong tungkulin para maging tapat ang iyong pananampalataya sa Diyos? Anong mga elemento ang hinihingi ng Diyos sa mga taong nananalig sa Kanya upang patunayan na sila ay mga taong tapat ang pananampalataya? Malinaw ba sa inyong isipan ang mga katanungang ito? Sa katunayan, lahat kayo ay nagpapakita ng ilang pag-uugali ng mga hindi mananampalataya sa inyong pang-araw-araw na pamumuhay. Malinaw ba ninyong masasabi ang mga bagay na inyong nagawa na walang kaugnayan sa inyong pananalig sa Diyos o sa katotohanan? Tunay mo bang naiintindihan ang ibig sabihin ng pananalig sa Diyos? Anong uri ng tao ito, na may tapat na pananampalataya at tunay na nananalig sa Diyos? Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng manalig sa Diyos ang isang nilikha? Ito ay tumutukoy sa mga pananaw ng isang tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Ang pananalig sa Diyos ay ang pagtahak sa tamang landas at paggawa ng mabuti; ito ay isang malaking bagay sa buhay. Ang gampanan ang ilang tungkulin para sa Diyos ay kung paano praktikal na naipamamalas ang pananalig sa Kanya.” Mayroon ding mga taong nagsasabing, “Ang pananalig sa Diyos ay tungkol sa kaligtasan; ito ay tungkol sa pagtupad sa Kanyang mga layunin.” Maaari ninyong sabihin ang lahat ng ito, ngunit tunay ba ninyong nauunawaan ang mga ito? Sa katunayan ay hindi. Ang tunay na paniniwala sa Diyos ay hindi tungkol sa paniniwala sa Kanya para lamang maligtas, at lalong hindi pananalig sa Kanya para lamang maging isang mabuting tao. Hindi rin ito pananalig sa Kanya para lamang magtamo ng wangis ng tao. Sa katunayan, ang pananalig ng mga tao sa Diyos ay hindi dapat tingnan bilang paniniwala lamang na may Diyos, at na Siya ang katotohanan, ang daan, ang buhay, at na iyon na iyon. Hindi rin ito tungkol lamang sa pagkilala sa Diyos, at paniniwalang Siya ang may Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, na Siya ay makapangyarihan sa lahat, na nilikha Niya ang mundo at lahat ng bagay, na Siya ay natatangi, at na Siya ang pinakamataas. Hindi ito nagtatapos sa mapaniwala ka sa katotohanang iyon. Ang layunin ng Diyos ay na ang iyong buong pagkatao at puso ay dapat ibigay sa Kanya at magpasakop sa Kanya. Ibig sabihin, dapat mong sundin ang Diyos, hayaan Siyang gamitin ka, at maging masaya ka na makapagserbisyo man lang sa Kanya—ang anumang ginagawa mo para sa Kanya ay ang dapat gawin. Hindi ito nangangahulugan na iyon lamang mga itinalaga at hinirang ng Diyos ang dapat maniwala sa Kanya. Ang totoo, ang buong sangkatauhan ay dapat sumamba sa Diyos, makinig sa Kanya at magpasakop sa Kanya, dahil ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos. Kung alam mo na ang layunin ng pananalig sa Diyos ay ang makamit ang kaligtasan at buhay na walang hanggan, ngunit hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti at hindi mo tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, niloloko mo ang iyong sarili, hindi ba? Kung nauunawaan mo lang ang doktrina ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, makakamit mo ba ang katotohanan? Ang pinakamalaking bahagi ng pananalig sa Diyos ay ang paghahangad sa katotohanan. Sa bawat katotohanan, dapat hanapin, pagbulayan, at siyasatin ng mga tao kung ano ang nakatagong kahulugan nito, pati na rin kung paano isagawa at pasukin ang aspetong iyon ng katotohanan. Kailangang maunawaan at taglayin ng mga nananalig ang mga bagay na ito. Pagdating naman sa iba’t ibang aspeto ng katotohanan na dapat taglayin ng isang tao sa pananalig sa Diyos, ang nauunawaan lamang ninyo ngayon ay ang mga salita at doktrina, at mga panlabas na pagsasagawa; hindi ninyo nauunawaan ang diwa ng katotohanan, dahil hindi pa ninyo ito naranasan. Halimbawa: Maraming katotohanan sa larangan ng pagtupad sa tungkulin ng isang tao at sa larangan ng pagmamahal sa Diyos, at kung nais ng mga tao na makilala ang kanilang sarili, marami ring katotohanan na kailangan nilang maunawaan. Marami ring katotohanang kailangang maunawaan sa kabuluhan at hiwaga ng pagkakatawang-tao. Kung paano dapat umasal ang mga tao; kung paano nila dapat sambahin ang Diyos; kung paano sila dapat magpasakop sa Diyos; kung ano ang dapat nilang gawin upang umayon sa mga layunin ng Diyos; kung paano nila dapat paglingkuran ang Diyos—ang lahat ng ganitong detalye ay naglalaman ng maraming katotohanan. Tungkol naman sa lahat ng katotohanang ito sa iba’t ibang dako, paano ninyo tinatrato ang mga ito, at paano ninyo nararanasan ang mga ito? Aling aspeto ng katotohanan ang pinakamahalagang pagdaanan muna? Maraming katotohanan ang kailangang maunawaan at pasukin ng mga tao pagkatapos nilang mailatag ang pundasyon sa tunay na daan. Nariyan ang katotohanan ng pagiging isang tapat na tao, at lalo na, mayroong mga katotohanang may kinalaman sa pagtupad sa isang tungkulin. Ang lahat ng ito ay nangangailangang maranasan at maisagawa ng mga tao. Kung palagi mong sinasabi ang mga salita at doktrinang iyon nang hindi binibigyang pansin kung paano magsagawa at dumanas upang makapasok sa katotohanang realidad, ikaw ay palaging mabubuhay sa mga salitang iyon, at hindi ka magkakaroon ng anumang tunay na pagbabago.