Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Mga Hantungan at mga Kalalabasan | Sipi 608

Nabigyan Ko na kayo ng maraming babala at nagkaloob na sa inyo ng maraming katotohanan na ang layunin ay lupigin kayo. Sa ngayon, nararamdaman na ninyong lahat na higit kayong pinagyaman kaysa noong nakaraan, naiintindihan na ninyo ang maraming prinsipyo kung paano dapat ang isang tao, at nagtataglay na kayo ng malaking bahagi ng sentido kumon na dapat taglayin ng matatapat na tao. Inyong inani ang lahat ng ito sa loob ng maraming taon ng paggapas. Hindi Ko ikinakaila ang inyong mga nagawa, ngunit dapat Ko ring sabihin nang may katapatan na hindi Ko rin ikinakaila ang napakaraming pagsuway at paghihimagsik na inyong nagawa laban sa Akin sa loob ng maraming taon na ito, sapagkat wala ni isa mang banal sa inyo. Lahat kayo, nang walang pagtatangi, ay mga taong ginawa nang tiwali ni Satanas; mga kaaway kayo ni Cristo. Hanggang sa kasalukuyan, hindi na mabilang sa dami ang inyong mga paglabag at pagsuway, kaya hindi na talaga kakatwang maituturing na lagi Ko kayong kinukulit. Hindi Ko nais na kasama ninyong umiral sa ganitong paraan—ngunit alang-alang sa inyong mga kinabukasan, alang-alang sa inyong mga hantungan, dito at ngayon, sasabihan Ko kayong muli. Umaasa Ako na pagbibigyan ninyo Ako, at higit pa, na magagawa ninyong maniwala sa bawat pahayag Ko, at mahinuha ang malalim na mga pahiwatig ng Aking mga salita. Huwag ninyong pagdudahan ang Aking mga sinasabi, at lalong huwag pulutin ang Aking mga salita ayon sa inyong nais at itapon ang mga ito sa isang tabi nang walang pakundangan; hindi Ko ito mapagtitiisan. Huwag ninyong hatulan ang Aking mga salita, at lalong huwag maliitin ang mga ito o sabihin na lagi Ko kayong tinutukso o, higit pang malala, sabihin na ang mga sinabi Ko sa inyo ay hindi tumpak. Hindi Ko rin mapagtitiisan ang mga bagay na ito. Sapagkat itinuturing ninyo Ako at ang Aking sinasabi nang may ganyang paghihinala, hindi kailanman tinatanggap ang Aking mga salita at hindi Ako pinapansin, may lubos na kaseryosohan Kong sinasabi sa bawat isa sa inyo: Huwag ninyong ikawing sa pilosopiya ang Aking sinasabi; huwag ninyong ikawing ang Aking mga salita sa mga kasinungalingan ng mga nagmamarunong. Lalong hindi kayo dapat tumugon sa Aking mga salita nang may pag-aalipusta. Marahil ay walang sinuman sa hinaharap ang makapagsasabi sa inyo ng kung ano ang sinasabi Ko sa inyo, o makapagsasalita sa inyo nang may ganitong kabutihan, o, lalo na kahit paano’y maakay kayo nang may tiyaga sa mga bahaging ito. Gugugulin ninyo ang mga araw na darating sa pag-alala sa masasayang panahon, o sa malakas na paghikbi, o pagdaing dahil sa sakit, o mabubuhay kayo sa madidilim na gabi nang walang kaloob na kahit pilas ng katotohanan o buhay, o maghihintay na lamang nang walang pag-asa, o mananahan sa ganoon kapait na panghihinayang na mawawala ang inyong katinuan …. Halos wala ni isa man sa inyo ang makatatakas sa mga posibilidad na ito. Sapagkat wala ni isa man sa inyo ang nasa luklukan kung saan tunay ninyong sinasamba ang Diyos, bagkus ay inilulubog ninyo ang mga sarili ninyo sa mundo ng kahalayan at kasamaan, inihahalo sa inyong mga paniniwala, sa inyong mga espiritu, mga kaluluwa, at mga katawan ang napakaraming bagay na walang kinalaman sa buhay at katotohanan at sa totoo pa nga ay kasalungat ng mga ito. Kaya ang inaasam Ko para sa inyo ay ang madala kayo sa landas ng liwanag. Ang tanging inaasam Ko ay ang magkaroon kayo ng kakayahang kalingain ang inyong mga sarili, mapangalagaan ang inyong mga sarili, at hindi kayo labis na magbigay-diin sa inyong hantungan habang tinitingnan nang may pagwawalang-bahala ang inyong asal at mga paglabag.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno

Kaugnay na Nilalaman