Malulutas Lamang ang Isang Tiwaling Disposisyon sa Pagtanggap ng Katotohanan (Unang Bahagi)

Ang pananalig sa Diyos ang tamang landas sa buhay. Pinili kayong lahat ng Diyos, at pinili ninyong lahat na sumunod sa Kanya at tumahak sa tamang landas sa buhay. Pinakamainam kung magagawa ninyong bigyang-kasiyahan ang mga layunin ng Diyos, gawin ang inyong mga tungkulin nang tama, kamtin ang katotohanan, at maperpekto ng Diyos. Hindi ba’t ito ang mithiin at inaasam ninyo? (Ito nga.) Isa itong magandang bagay, isang positibong bagay, para sa isang mananampalataya na magkaroon ng gayong mithiin, at tinutupad ng Diyos ang mga positibong mithiin at inaasam ng mga tao. Minsan ba ay mayroong mga negatibo o maling mithiin at inaasam ang mga tao? Posible ito, dahil hindi pa maayos ang kalagayan ng mga tao bago nila makamit ang katotohanan, bumabalik pa nga ito sa dati kung minsan. Kapag lumilitaw ang mga negatibong bagay na iyon, hindi ba’t nakakaapekto ang mga ito sa iyong buhay pagpasok at sa iyong normal na ugnayan sa Diyos? Kung namumuhay ang mga tao sa mga kalagayang iyon, hindi ba lalala at magiging negatibo at mahina ang lagay nila? Ano ang dapat nilang gawin sa gayong mga pagkakataon? (Humarap sa Diyos sa panalangin.) Gayunpaman, hindi ba’t may mga oras na ayaw ng mga tao na manalangin, kapag gusto nilang patuloy na mamuhay sa isang masamang kalagayan, hinahayaan si Satanas na manipulahin sila ayon sa gusto nito, habang nagpapakasasa sila at ginagawa ang anumang nais nila, nang hindi iniisip kung ano ang magiging kahihinatnan nila? Mayroon bang ganitong kalagayan? (Mayroon.) Anong problema ang ipinamamalas nito? (Tumalikod sila sa Diyos.) At ano ang nagsanhi ng pagtalikod nila sa Diyos? Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng kawalan nila ng tayog at kawalan nila ng katotohanan? Totoo ngang ito ay dahil sa kanilang hindi sapat na pagkaunawa sa katotohanan, at sa kanilang kulang na tayog. Sa tuwing nangyayari ang gayong sitwasyon, kapag nasusumpungan ng isang tao ang kanyang sarili sa ganoong kalagayan, dapat siyang manalangin sa Diyos, umasa sa Diyos, at maghanap sa katotohanan. Kung masyadong mababa ang tayog niya at kulang siya sa katotohanan, dapat siyang maghanap at makipagbahaginan sa isang taong nakauunawa sa katotohanan, at kumuha ng panustos at suporta mula sa taong ito. Minsan, kakailanganin din niyang mapungusan ng ibang tao, o madisiplina ng Diyos. Kung hindi niya kayang tumayo sa sarili niyang mga paa, ito ay dahil hindi sapat ang nauunawaan niyang katotohanan at kulang siya sa tayog. Ang kakulangan sa tayog ay nagdudulot sa tao na hindi magawang labanan ang lahat ng uri ng negatibo, masamang kalagayan at kaisipan. Hindi ba’t nakapapagod mamuhay nang ganito? Sa anong mga kalagayan karaniwang namumuhay yaong mga kulang sa tayog? Mayroon ba sa inyong may personal na karanasan dito? Anong uri ng mga kalagayan ang nagdudulot sa inyo na maging malungkot, miserable, nag-aalinlangan, at sobrang pagod at lutang, na parang walang landas pasulong, kaya nagiging malumbay kayo sa buong araw, walang ganang manalangin o hangarin ang katotohanan? Kapag nahaharap kayo sa isang problema na tila hindi malulutas, kahit minsan ba ay naisip na ninyong sumuko? (Oo.) Kaya ano ang nagsasanhing lumitaw ang mga kalagayang ito? Sadya ba itong pinag-iisipan at pinaplano sa utak ng mga tao? Tiyak na hindi. Kaya, pagnilayan ang katanungang ito—ano sa tingin ninyo ang sanhi ng mga ito? Sabihin ninyo sa Akin, kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, tunay niyang malalaman ang kanyang sariling tiwaling disposisyon, malinaw niyang makikita ang katotohanan ng sarili niyang katiwalian, malalaman niya kung anong mga katotohanan ang kailangan niyang isangkap sa sarili para maisabuhay ang wangis ng tao, at malalaman niya kung paano palugurin ang Diyos sa iba’t ibang sitwasyon, gayundin ang mga wastong pamamaraan upang mapangasiwaan ang ilang bagay at ang mga prinsipyo na dapat na maitaguyod habang ginagawa ang mga ito—kapag dumanas ng paghihirap ang isang taong may gayong tayog, ano kaya ang magiging kalagayan niya? Tiyak na medyo magiging negatibo at mahina pa rin siya, tama? (Tama.) Kaya, saan nanggagaling ang pagkanegatibo at kahinaang ito, at paano ito malulutas? Hindi ba ninyo napagnilayan o natuklasan kailanman ang mga isyung ito noon? (Bihira lang.) Kaya, nagawa ninyong magpadalos-dalos sa mga paghihirap at oras ng kahinaan at pagkanegatibo, nang hindi kailanman sineseryoso ang mga bagay na ito. Kung ganoon, napakasuwerte ninyong makaabot sa ganito, at ito ay dahil lamang sa biyaya ng Diyos, na umakay sa inyo sa gitna ng mga paghihirap na ito. Ngayon, ano ang katanungang kababanggit Ko lang? (Ano ang nagsasanhing mamuhay ang mga tao sa isang negatibo at mahinang kalagayan?) Pag-isipan ito saglit; may sagot ba kayo? Sa teorya, ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Kung ganoon, ano ang gumagabay sa buhay ng mga tao bago nila maunawaan ang katotohanan? (Ang kanilang tiwaling, mga satanikong disposisyon.) Oo, hindi ba’t iyon ang sagot ninyo? Naiintindihan na ba ninyo ito ngayon? Kapag dumaranas ng mga paghihirap ang mga tao, gusto nilang sumuko, nababalisa sila, nanghihina, miserable, nakararamdam na napipigilan at nakagapos, na parang walang daan pasulong, at pagkatapos ay nagiging negatibo sila, wala silang pananalig, at iniisip na walang kabuluhan ang pananalig sa Diyos. Ano ang nagsasanhi nito? (Ang kanilang tiwaling, mga satanikong disposisyon.) Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, anong uri ng disposisyon ang ipinamumuhay nila? Anong kalikasan ang ipinamumuhay nila? Ano ang gumagabay sa buhay nila? (Ang kanilang tiwaling, mga satanikong disposisyon.) Anong mga bagay ang maaaring lumitaw sa loob ng isang tao bilang resulta ng isang tiwaling, satanikong disposisyon? Kayabangan, paglaban sa Diyos at pagkakanulo sa Diyos, at pagsalungat sa Diyos. Ang lahat ng tiwaling disposisyong ito ay nagdudulot lang ng pagkamiserable, pagkanegatibo, at panghihina sa mga tao. Ngayon, bakit ang tiwaling, mga satanikong disposisyon ay nakapagdudulot sa mga tao ng pagkamiserable, pagkanegatibo, at panghihina, pero hindi nakapagbibigay ng kapayapaan, kagalakan, kaginhawahan, o kaligayahan sa isipan ng isang tao? Bakit nagagawang negatibo ng mga negatibong bagay na ito ang isang tao? Ang mga tiwaling disposisyon ay mga negatibong bagay, at salungat ang mga ito sa katotohanan, kaya’t hindi makagaganap ang mga ito ng anumang positibong gampanin, kundi ng mga negatibo lamang. Ang mga ito ay hindi makapagbibigay sa mga tao ng pagkapositibo, motibasyon, o ng mabuting pag-iisip, nagdudulot lamang ang mga ito sa mga tao ng kahinaan, pagkanegatibo, at pagkamiserable. Kapag nag-ugat na sa mga tao ang isang satanikong disposisyon at naging kalikasan na nila ito, sapat na ito upang magtanim ng kadiliman at kasamaan sa kanilang puso, at akayin silang hangarin at piliin ang maling landas. Sa malakas na udyok ng isang tiwaling satanikong disposisyon, ano ang mga mithiin, inaasahan, ambisyon, at layunin at direksyon sa buhay ng mga tao? Hindi ba sumasalungat ang mga ito sa mga positibong bagay? Halimbawa, palaging nais ng mga tao na maging sikat o maging mga kilalang tao; hinihiling nilang magtamo ng malaking kasikatan at katanyagan, at magdala ng karangalan sa mga ninuno nila. Mga positibong bagay ba ang mga ito? Lubhang hindi kaayon ang mga ito ng mga positibong bagay; higit pa roon, taliwas ang mga ito sa batas ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ng pamamahala sa kapalaran ng sangkatauhan. Bakit Ko sinasabi iyan? Anong uri ng tao ang nais ng Diyos? Nais ba Niya ng isang dakilang tao, isang kilalang tao, isang maharlikang tao, o isang taong yumayanig sa mundo? (Hindi.) Kaya, kung gayon, anong uri ng tao ang nais ng Diyos? (Isang taong may praktikal na saloobin na tumutupad sa tungkulin ng isang nilikha.) Oo, at ano pa? (Gusto ng Diyos ang isang matapat na tao na may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan, at nagpapasakop sa Kanya.) (Isang taong nakikiisa sa Diyos sa lahat ng bagay, na nagsusumikap mahalin ang Diyos.) Tama rin ang mga sagot na iyon. Ito ay sinumang may parehong puso at isip sa Diyos. Sinasabi ba saanman sa mga salita ng Diyos na dapat panatilihin ng mga tao ang kanilang posisyon bilang tao? (Oo.) Ano ang sinasabi nito? (“Bilang isang bahagi ng nilikhang sangkatauhan, kailangang panatilihin ng isang tao ang kanyang sariling posisyon, at kumilos nang maingat. Matapat na bantayan kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag subukang maging dakila, o maging superman, o mataas sa lahat, o maghangad na maging Diyos. Ito ang hindi dapat nasain ng tao. Katawa-tawa ang paghahangad na maging dakila o superman. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang kapuri-puri, at ang dapat na panghawakan ng mga nilikha nang higit pa sa anumang mga bagay, ay ang maging tunay na nilikha; ito lamang ang tanging mithiin na dapat hangarin ng lahat ng tao” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I).) Yamang alam ninyo kung ano ang hinihingi ng mga salita ng Diyos sa mga tao, nagagawa ba ninyong sumunod sa mga hinihingi ng Diyos sa paghahangad ninyo sa asal ng tao? Gusto ba ninyo palaging ibuka ang inyong mga pakpak at lumipad, nais ba ninyong lumipad nang mag-isa, na maging isang agila sa halip na isang munting ibon? Anong disposisyon ito? Ito ba ang prinsipyo ng pag-uugali ng tao? Ang inyong paghahangad sa pag-uugali ng tao ay dapat batay sa mga salita ng Diyos; ang mga salita ng Diyos lamang ang katotohanan. Lubha na kayong nagawang tiwali ni Satanas, at lagi ninyong itinuturing ang tradisyunal na kultura—ang mga salita ni Satanas—bilang katotohanan, bilang pakay ng inyong paghahangad, na ginagawang madali para sa inyo na tumahak sa maling landas, na tumahak sa landas ng paglaban sa Diyos. Ang mga kaisipan at pananaw ng tiwaling sangkatauhan, at ang mga bagay na pinagsusumikapan nila ay salungat sa mga pagnanais ng Diyos, sa katotohanan, at sa mga batas ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, sa Kanyang pamamatnugot sa lahat ng bagay, at sa Kanyang kontrol sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya gaano man kawasto at kamakatwiran ang ganitong klase ng paghahangad ayon sa mga kaisipan at kuru-kuro ng tao, hindi positibong bagay ang mga ito sa pananaw ng Diyos, at hindi naaayon sa Kanyang mga layunin ang mga ito. Dahil nilalabanan mo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng sangkatauhan, at dahil nais mong mag-solo, na inilalagay ang iyong kapalaran sa sarili mong mga kamay, lagi kang nauumpog sa pader, na sa lakas ay nagdurugo ang ulo mo, at walang magandang nangyayari sa iyo. Bakit walang nangyayaring maganda sa iyo? Dahil ang mga batas na itinakda ng Diyos ay hindi mababago ng sinumang nilalang. Ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay nangingibabaw sa lahat ng iba pa, hindi malalabag ng sinumang nilalang. Masyadong mataas ang tingin ng mga tao sa kanilang mga abilidad. Ano ba ang palaging nagpapanais sa mga tao na maging malaya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at palaging nagpapanais sa kanilang kontrolin ang kanilang sariling kapalaran at planuhin ang sarili nilang kinabukasan, at nagpapanais na kontrolin ang kanilang mga inaasam, direksyon, at mithiin sa buhay? Saan nanggagaling ang simulang ito? (Sa isang tiwaling satanikong disposisyon.) Ano kung gayon ang idinudulot ng tiwaling satanikong disposisyon sa mga tao? (Pagsalungat sa Diyos.) Ano ang dumarating sa mga taong sumasalungat sa Diyos? (Pasakit.) Pasakit? Ito ay pagkawasak! Ang pasakit ay wala pa sa kalahati nito. Ang nakikita mismo ng iyong mga mata ay pasakit, pagiging negatibo, at kahinaan, at paglaban at mga reklamo—ano ang kalalabasan nito? Pagkalipol! Hindi ito maliit na bagay, at hindi ito biro. Hindi ito nakikita ng mga taong walang pusong may-takot-sa-Diyos.

Ang ilang tao ay nagiging negatibo at mahina sa sandaling maharap sila sa kaunting problema, pero kapag walang problema, puno sila ng mga ambisyon at pagnanais, palaging umaasang maging isang tanyag na tao o isang eksperto. Kapag namumuhay ang mga tao sa gayong pag-iisip, kinokontrol lang sila ng kanilang satanikong kalikasan. Kapag palaging puno ng mga ambisyon at pagnanais ang mga tao, magagawa ba nilang mamuhay nang masaya? Kung hindi mo iwawaksi ang mga bagay na ito, hindi huhupa ang pagdurusa mo. Palagi kang susundan ng pagdurusa; para itong isang kutsilyo na pinipilipit sa puso mo. Paano malulutas ang problemang ito? (Sa pamamagitan ng paghahanap at paghahangad sa katotohanan.) Lahat kayo ay hindi pa gaanong nakapagsasalita tungkol sa malawak na konsepto ng paghahanap sa katotohanan, at alam ninyong lahat ito. Kapag nahaharap sa isang problema, kailangan muna ninyong hanapin ang katotohanan. Ang mga tiwaling disposisyon ng tao ay malulutas lamang sa pamamagitan ng paghahanap, pag-unawa, at pagkakamit sa katotohanan. Pagkatapos malutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon, saka lamang makakaranas ang mga tao ng tunay na kagalakan, kapayapaan, kaginhawahan, at kaligayahan, at saka lamang sila tunay na makakaharap sa Diyos. Malulutas nito ang problema mula sa mismong ugat nito. Ngayon, paano ba dapat simulang hanapin ng isang tao ang katotohanan? Anong mga detalye ang kakailanganin? Sino ang makapagpapaliwanag? (Kapag nararamdaman ninyong nag-iisip kayo tungkol sa katayuan at reputasyon o aktibong naghahangad ng mga ito, huwag balewalain ang mga kaisipan at pag-uugaling ito. Sikaping unawain ang mga ito at himay-himayin ang mga ito ayon sa salita ng Diyos. Kilalanin na ito ang pinsalang dulot sa tao ng satanikong, tiwaling mga disposisyon. Kilalanin ang maling landas na tinatahak ninyo, at pagkatapos ay kumain at uminom ng salita ng Diyos, manalangin sa Diyos, at umasa sa Kanya upang sirain ang kadenang ginagamit ni Satanas para gapusin ang tao.) (Ang pinakamahalagang bahagi ay ang pagkilala sa mga nakalilinlang na pananaw na kinikimkim ninyo tungkol sa kung ano ang dapat ninyong hangarin, pag-unawa sa pinsalang idinudulot ng satanikong, tiwaling disposisyon sa mga tao, at pagbago sa inyong mga pananaw sa mga bagay-bagay. Pagkatapos, kailangan ninyong mas humarap sa Diyos sa panalangin, maging mas malapit sa Kanya, at unti-unting bumuo ng isang normal na ugnayan sa Kanya.) May iba pa ba? (Kung mahina at negatibo ang pakiramdam ninyo minsan, at hindi ninyo matukoy ang sanhi o ang tiwaling disposisyon na pinagmumulan ng mga damdaming iyon, dapat manalangin muna kayo sa Diyos, at hilingin sa Kanya na bigyang-liwanag kayo. Maaari din ninyong ibunyag ang inyong sarili sa harap ng ilang kapatid at makipagbahaginan sa kanila. Sa pakikinig sa kanilang pagbabahagi tungkol sa kanilang mga karanasan, maaari ninyong linawin ang pagkaunawa ninyo sa kalagayang ito, pagkatapos nito ay dapat kayong maghanap ng mga nauugnay na sipi sa salita ng Diyos para malutas ito.) Magpatuloy lang. (Kung, kapag hindi umayon sa gusto ninyo ang isang bagay, palagi kayong nambubusisi, sinusuri kung sino ang tama at kung sino ang mali, kung gayon sa mga pagkakataong ito, dapat muna ninyong patahimikin ang inyong puso sa harap ng Diyos at magpasakop sa sitwasyon—manalangin sa Diyos at maghanap mula sa Diyos nang may pananalig sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Pagkatapos ay bibigyang-liwanag kayo ng Diyos at tutulutan kayong maunawaan ang Kanyang layunin. Tapos, kapag sinuri ninyong muli ang sitwasyon, mauunawaan ninyo kung anong uri ng katiwalian ang ipinapakita ninyo at kung ano ang layunin ng Diyos. Ganito ako pumasok sa katotohanan.) Kailangan kayong lahat na magsagawa ng pagbabahagi sa katotohanan—magbahagi ng inyong kaalaman, karanasan, at mga ideya, at matuto kung paano ibunyag ang inyong sarili sa pagbabahagi. Kung gagawin mo ito, darami nang darami ang makakamit mo, at darami nang darami ang mauunawaan mo. Ang ilan sa inyo ay kababahagi lang sa inyong mga personal na karanasan at kaalaman, at bawat isa sa inyo ay may ibang masasabi. Mahusay, nagbahagi kayong lahat ng isang bagay na napakapraktikal. Pagkatapos makinig sa inyong pagbabahagi, nakikita kong lumago na kayong lahat at nagkaroon ng kaunting pagpasok sa buhay sa nakalipas na ilang taon ng pagganap ng inyong mga tungkulin. Mayroon kayong kaunting kaalaman at karanasan tungkol sa mga usapin ng pananampalataya sa Diyos, hindi lamang mga simpleng deklarasyon, at nakapagtatag na kayo ng pundasyon. Napakagaling nito. Tila hindi ganoon kahirap ang manalig sa Diyos: Hangga’t sinsero ang isang tao, nakikinig sa mga salita ng Diyos, at ginagawa ang anumang sinasabi ng Diyos, at hangga’t naisasagawa niya ang katotohanan, matutupad niya ang mga hinihingi ng Diyos. Bilang konklusyon, sa inyong pananampalataya sa Diyos, may isang katotohanang dapat ninyong maunawaan nang higit sa lahat: Ang paniniwala sa Diyos ay hindi lamang nangangahulugan ng paniniwala sa pangalan ng Diyos, lalong hindi ito pagkakaroon ng pananampalataya sa malabong diyos ng iyong imahinasyon. Ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan na kailangan ninyong maniwala na praktikal ang Diyos: Dapat kang maniwala sa diwa ng Diyos, sa Kanyang disposisyon, at sa kung ano ang mayroon Siya at kung sino Siya; kailangan mong maniwala sa katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng sangkatauhan, at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa iyong tadhana. Kaya ano ang ibig sabihin ng maniwala? Nangangahulugan ba ito na kailangan talaga ng mga tao na makipagtulungan at isagawa ito? Halimbawa, kapag naharap ang ilang tao sa hindi kanais-nais na sitwasyon, magsisimula silang magreklamo at manisi ng ibang tao. Hindi nila kailanman naisip na maaaring sila mismo ang nagdulot nito sa sarili nila, at sa halip ay palagi nilang ipinapasa ang responsabilidad sa ibang tao. Pagkatapos, nasisiyahan at lumuluwag ang pakiramdam nila, at iniisip nila na, “Nalutas na ang problema. Ang manalig sa Diyos nang ganito ay sobrang kaaya-aya at madali!” Ano ang palagay mo sa pamamaraang ito ng paglutas ng mga problema? Makakamit ba ng isang tao ang katotohanan sa ganitong pagsasagawa? Nagpapakita ba ito ng saloobin ng pagpapasakop sa Diyos? Sa anong pananaw, at sa anong kaparaanan, naniniwala ang gayong mga tao sa Diyos? Nailapat na ba nila ang mga salitang “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng sangkatauhan, lahat ng pangyayari at lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay” sa kanilang pang-araw-araw na buhay? Kapag sinuri nila ang problema gamit ang pag-iisip ng tao, kapag tinugunan nila ang usapin gamit ang kaparaanan ng tao, naniniwala ba sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Nagpapasakop ba sila sa kataas-taasang kapangyarihan at plano ng Diyos sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay? Hinding-hindi. Una, hindi sila nagpapasakop; isa na itong pagkakamali. Pangalawa, hindi nila matanggap mula sa Diyos ang sitwasyon, mga tao, pangyayari, at bagay-bagay na ipinaplano Niya para sa kanila; tinitingnan lamang nila ang hitsura nito. Tinitingnan lamang nila kung ano ang hitsura ng sitwasyon mula sa labas, pagkatapos ay sinusuri nila ito gamit ang kanilang pag-iisip bilang tao at sinusubukang lutasin ito gamit ang mga pamamaraan ng tao. Hindi ba’t isa na naman itong pagkakamali? Malaking pagkakamali ba ito? (Oo.) Paano nangyari iyon? Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Iniisip nila na ang lahat ay nagkataon lang. Sa mga mata nila, wala ni isang bagay ang pinamumunuan ng Diyos, at na karamihan sa mga bagay ay nangyayari dahil sa mga kilos ng mga tao. Ito ba ay pananampalataya sa Diyos? Mayroon ba silang tunay na pananalig? (Wala.) Bakit wala? Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng usapin at lahat ng bagay—na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa bawat sitwasyon. Kung hindi nangyayari ang isang bagay ayon sa kanilang inaakala, hindi nila ito matatanggap mula sa Diyos. Hindi sila naniniwalang kayang pangasiwaan ng Diyos ang mga sitwasyong ito. Dahil hindi nila nakikita ang Diyos, iniisip nila na nagkataon lang ang mga sitwasyong ito bilang resulta ng mga kilos ng mga tao, sa halip na resulta ng pamamatnugot ng Diyos. Hindi sila naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung gayon, ano ang diwa ng kanilang pananampalataya? (Sila ay hindi mananampalataya.) Tama iyan, sila ay hindi mananampalataya! Hindi tumatanggap ng anuman mula sa Diyos ang mga hindi mananampalataya. Sa halip, pinipiga nila ang kanilang utak sa pagsisikap na harapin ang mga bagay-bagay gamit ang mga perspektibo, isipan at pamamaraan ng tao. Ito ang ugali ng mga hindi mananampalataya. Kapag nakatagpo kayo ng ganitong klaseng tao sa hinaharap, dapat kayong magkaroon ng kaunting paghiwatig tungkol sa kanila. Ang mga hindi mananampalataya ay mahusay sa paggamit ng kanilang utak at pagbubuo ng mga ideya kapag nagkaroon ng mga isyu; palagi nilang pinag-aaralan ang usapin, at sinisikap na lutasin ito gamit ang mga pamamaraan ng tao. Palagi nilang tinitingnan ang mga tao at mga bagay gamit ang pangangatwiran ng tao at ang mga satanikong pilosopiya, o batay sa batas, hindi naniniwala na ang salita ng Diyos ang katotohanan o na saklaw ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang lahat. Ang lahat ng nangyayari ay pinahihintulutan ng Diyos, pero hindi magawang tanggapin ng mga hindi mananampalataya ang mga bagay na ito mula sa Diyos, at palagi nilang tinitingnan ang mga bagay batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Bagamat karaniwang sinasabi ng mga hindi mananampalataya na naniniwala silang nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng isang tao, at na handa silang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, kapag totoong nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, hindi nila magawang tanggapin ang mga bagay na iyon mula sa Diyos at nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Ito ang ugali ng mga hindi mananampalataya. Mayroon bang mga ganitong tao sa buhay ninyo? Kayo ba ay kumilos na nang ganito kahit minsan? (Oo.) Kumikilos kayo tulad ng mga hindi mananampalataya, pero talaga bang kayo ay mga hindi mananampalataya? Naniniwala ba kayo na ang Diyos ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng bagay? Kinikilala ba ninyo ang katunayan na ang bawat tao, pangyayari, bagay, at sitwasyon ay nasa mga kamay ng Diyos? Ilang bagay ang kaya ninyong tanggapin mula sa Diyos? Ilang bagay ang nalutas ninyo gamit ang mga pamamaraan ng tao? At gaano kayo kadalas namumuhay ayon sa isang tiwaling disposisyon? Gaano kayo kadalas nakapagpapasakop sa Diyos? Pagnilayan ang mga katanungang ito, tiyak na alam ninyo ang mga kasagutan sa mga ito sa puso ninyo. Madali bang tumanggap ng mga bagay mula sa Diyos? (Magkakaroon ng agam-agam.) Totoo na magkakaroon ng agam-agam, pero ano ang resulta ng agam-agam na iyon? Ito ba ay tagumpay o kabiguan? (Minsan ay kabiguan, minsan ay tagumpay.) Kung magkapantay ang kabiguan at tagumpay, kung gayon, mayroon pa ring pag-asa para sa inyo, pero kung madalas kayong mabigo at bihirang magtagumpay, nagpapatunay ito na hindi kayo isang taong nagmamahal sa katotohanan. Normal ang kabiguan—huwag matakot sa kabiguan, huwag masiraan ng loob, huwag maging negatibo o umatras, at patuloy na magsikap. Ang kabiguan ay hindi isang masamang bagay; kahit papaano, maaaring makinabang ang mga tao mula sa kabiguan, na isang magandang bagay!