Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao (Ikatlong Bahagi)

Para manampalataya sa Diyos at tumahak sa tamang landas sa buhay, kahit papaano ay dapat kang mamuhay nang may dignidad at wangis ng tao, dapat kang maging karapat-dapat sa tiwala ng mga tao at maituring na mahalaga, dapat maramdaman ng mga tao na mayroong laman ang iyong karakter at integridad, na tinutupad mo ang lahat ng sinasabi mo, at mayroon kang isang salita. Dapat ganito ka suriin ng mga tao: Dapat sabihin nila na tiyak na paninindigan mo ang mga sinasabi mo, na tiyak na gagawin mo ang mga ipinapangako mo, na tiyak na isasakatuparan mo ang mga ipinagkakatiwala sa iyo nang matapat at nang buo mong puso, at para ganap na mapalugod ang taong nagkatiwala sa iyo ng gampanin. Hindi ba’t ito ang taong may isang salita? Hindi ba’t namumuhay nang may dignidad ang mga ganitong tao? (Oo.) May ilang tao na walang sinumang nagtatangkang magkatiwala sa kanila ng kahit ano. Kahit na may ibang nagkakatiwala sa kanila ng mga bagay-bagay, ito ay dahil hindi makahanap ang iba ng sinumang mas naaangkop, at wala nang ibang mapagpipilian, at kinakailangan pa rin na magtalaga ng isang tao para magbantay sa kanila. Anong klase ng tao ito? Ito ba ay isang taong may dignidad? (Hindi.) Kailangan mong analisahin at suriin ang lahat ng sinasabi niya, kailangan mong magdalawang-isip dito, at kailangan mong pagtuunan ng pansin ang tono niya, at humanap ng kumpirmasyon at beripikasyon mula sa mga taong nakapaligid sa iyo. Kapag gumawa siya ng pahayag at nagsalita tungkol sa isang bagay, halos hindi siya mapagkakatiwalaan. Maaaring umiiral ang bagay na sinasabi niya, pero maaaring pinalalaki o pinaliliit niya ito, o maaaring hindi talaga ito umiiral at gawa-gawa lang niya ito. At bakit siya nag-iimbento lang? Dahil gusto niyang manlinlang ng mga tao, para ituring siya ng mga tao na matalino at mahusay; iyon ang layon niya. Gusto ba ng ibang tao ang mga indibidwal na gaya nito? (Hindi.) Gaano katindi nilang inaayawan ang mga taong ito? Kinasusuklaman at hinahamak ng mga tao ang mga ganitong indibidwal—at maaaring mas mabuti pa nga kung hindi nila nakilala ang mga ganitong indibidwal. Kapag kasama ng mga tao ang mga ganitong indibidwal, hindi sila nagtitiwala sa anumang sinasabi ng mga ito o hindi nila ito sineseryoso; nakikipag-usap lang sila nang kaunti at sumasabay lang sa agos sa pamamagitan ng kaswal na pakikipag-usap tungkol sa ilang panlabas na usapin. Kahit na sabihin ng mga indibidwal na ito ang katotohanan, hindi nagtitiwala sa kanila ang ibang tao. Ganap na walang kuwenta at napakababa ang ganitong uri ng tao; walang sinuman ang nagpapahalaga sa kanila. Kapag umabot na sa puntong ito ang ugali ng isang tao, mayroon ba siyang dignidad? (Wala.) Walang sinumang magkakatiwala sa kanya ng anumang bagay, walang magtitiwala sa kanya, walang maglalahad ng puso nila sa kanya, walang maniniwala sa mga sasabihin niya; makikinig lang ang ibang tao, at wala nang iba pa. Kapag sinasabi ng mga ganitong indibidwal na, “Nagsasabi ako ng totoo sa pagkakataong ito,” walang naniniwala sa kanila o nagbibigay-pansin sa kanila, kahit na totoo ang sinasabi nila. Kapag sinasabi nila na, “Hindi lahat ng sinasabi ko ay di-totoo, hindi ba?” sasagot ang mga tao, “Wala akong pakialam na suriin kung totoo ba o hindi ang sinabi mo. Nakakapagod makinig sa iyo; kailangan kong analisahin at suriin ang mga motibo at intensiyon mo, at talagang malaking abala ito. Ang oras na igugugol ko para diyan ay maaaring magamit ko sa pagninilay-nilay tungkol sa isang sipi ng mga salita ng Diyos o sa pagkatutong umawit ng isang himno at talagang magkakamit ako ng ilang pakinabang sa paggawa ng mga bagay na iyon. Wala akong mapapala sa pakikipag-usap sa iyo. Walang ni isang salita sa sinasabi mo ang makatotohanan at ayaw ko nang magkaroon ng ugnayan sa iyo.” Tinatalikuran nila ang mga ganitong tao sa paraang ito. Sa panahon ngayon, madalas mong maririnig ang mga walang pananampalataya na nagsasabing, “Gusto mo bang marinig ang katotohanan o mas gusto mong makarinig ng kasinungalingan?” Walang sinumang may gustong makarinig ng mga kasinungalingan. Kaya, ang mga taong palaging nagsisinungaling at nagpapaligoy-ligoy ang pinakamababa sa lahat ng tao; wala silang halaga. Walang sinumang may gustong magbigay-pansin sa kanila, walang may gustong makipag-ugnayan sa kanila, lalong walang may gustong maglahad ng puso sa kanila o makipagkaibigan sa kanila. May karakter ba o dignidad ang mga ganitong tao? (Wala.) Lahat ng taong nakakatagpo ng mga ganitong tao ay masusuklam sa kanila; lubos silang hindi mapagkakatiwalaan sa kanilang mga salita, kilos, karakter, at integridad—ang mga ganitong indibidwal ay wala talagang kabuluhan. Magugustuhan o rerespetuhin ba sila ng mga tao kung may kaloob at talento sila? (Hindi.) Kung gayon, ano ang kailangan ng mga tao para makasundo ang isa’t isa? Kailangan nila ng karakter, integridad, dignidad, at kailangan nilang maging isang tao na mapaglalaharan ng iba ng puso nila. Ang mga taong may dignidad ay lahat may kaunting personalidad, minsan hindi nila nakakasundo ang iba, pero sila ay matapat, at walang pagsisinungaling o panlalansi sa kanila. Sa huli, mataas ang tingin ng iba sa kanila, dahil kaya nilang isagawa ang katotohanan, matapat sila, sila ay may dignidad, integridad, at karakter, hindi nila kailanman sinasamantala ang ibang tao, tinutulungan nila ang mga tao kapag nasa alanganin ang mga ito, tinatrato nila ang mga tao nang may konsensiya at katwiran, at hindi nila agad na hinuhusgahan ang mga taong ito. Kapag sinusuri o tinatalakay ang ibang tao, tumpak ang lahat ng sinasabi ng mga indibidwal na ito, sinasabi nila kung ano ang nalalaman nila at hindi sila nagsasalita tungkol sa mga bagay na hindi nila alam, hindi sila nagdadagdag ng kuwento, at maaaring magsilbing ebidensiya o sanggunian ang mga salita nila. Kapag nagsasalita at kumikilos sila, ang mga taong nagtataglay ng integridad ay praktikal at mapagkakatiwalaan. Walang sinumang tumuturing na may halaga ang mga taong walang integridad, walang nagbibigay-pansin sa mga sinasabi at ginagawa nila, o nagpapahalaga sa kanilang mga salita at kilos, at walang nagtitiwala sa kanila. Ito ay dahil masyadong marami ang kasinungalingang sinasabi nila at masyadong kakaunti ang matatapat nilang salita, ito ay dahil wala silang sinseridad kapag nakikisalamuha sila sa mga tao o gumagawa ng anumang bagay para sa mga ito, sinusubukan nilang lansihin at lokohin ang lahat ng tao, at walang sinumang may gusto sa kanila. Nakatagpo na ba kayo ng sinuman na, sa mga mata ninyo, ay mapagkakatiwalaan? Iniisip ba ninyong karapat-dapat kayo sa tiwala ng ibang tao? Mapagkakatiwalaan ba kayo ng ibang tao? Kung may isang taong magtatanong sa iyo tungkol sa sitwasyon ng isang tao, hindi mo dapat suriin at husgahan ang taong iyon ayon sa sarili mong kagustuhan, ang mga salita mo ay dapat obhetibo, tumpak, at naaayon sa mga katunayan. Dapat kang magsalita tungkol sa anumang nauunawaan mo, at hindi ka dapat magsalita tungkol sa mga bagay na wala kang kabatiran. Dapat maging makatarungan at patas ka sa taong iyon. Iyan ang responsableng paraan ng pagkilos. Kung ang naobserbahan mo lang ay ang panlabas na penomena, at ang gusto mong sabihin ay ang sarili mong panghuhusga tungkol sa taong iyon, kung gayon, dapat hindi mo pikit-matang hatulan ang taong iyon, at lalong hindi mo siya dapat husgahan. Dapat mong simulan ang sasabihin mo sa, “Sariling paghuhusga ko lamang ito,” o “Ganito lang talaga ang nararamdaman ko.” Sa ganoong paraan, magiging obhetibo ang mga salita mo, at pagkatapos pakinggan ang mga sinabi mo, mararamdaman ng ibang tao ang katapatan ng mga salita mo at ang iyong patas na saloobin, at magagawa ka na niyang pagkatiwalaan. Sigurado ba kayong maisasakatuparan ninyo ito? (Hindi.) Pinatutunayan nito na hindi sapat ang katapatan ninyo sa iba, at wala kayong sinseridad at matapat na saloobin sa inyong pag-asal at pangangasiwa sa mga bagay-bagay. Sabihin nating may nagtatanong sa iyo, “Pinagkakatiwalaan kita: Ano ang tingin mo sa taong iyon?” At sasagot ka, “Ayos naman siya.” Magtatanong muli ang taong ito, “Puwede ka bang magbigay ng mas marami pang detalye?” At sasabihin mo, “May magandang asal siya, handa siyang magbayad ng halaga kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at maayos ang pakikisama niya sa mga tao.” Mayroon bang praktikal na ebidensiya para sa alinman sa tatlong pahayag na ito? Sapat na ba ang mga ito na maging katunayan ng karakter ng taong iyon? Hindi. Mapagkakatiwalaan ka ba? (Hindi.) Wala sa tatlong pahayag na ito ang may kalakip na anumang detalye, sadyang malalawak ang saklaw ng mga ito, walang kabuluhan, at pabasta-bastang mga salita lamang. Kung kakikilala mo lang sa taong iyon at sinasabi mo na ayos lang naman siya batay sa kanyang hitsura, normal lang iyon. Pero matagal mo na siyang nakakaugnayan, at dapat ay natuklasan mo na ang ilang malalaking problema tungkol sa kanya. Gustong marinig ng mga tao kung ano ang kalkulasyon at pananaw mo sa taong iyon sa kaibuturan ng puso mo, pero wala kang sinasabing makatotohanan, o kritikal, o mahalaga, kaya hindi nagtitiwala sa iyo ang mga tao, at ayaw na nilang makipag-ugnayan sa iyo.

Kapag nakikipag-ugnayan ka sa mga kapatid, dapat mong ilahad ang puso mo sa kanila at magtapat sa kanila para maging kapaki-pakinabang ito sa iyo. Kapag gumagampan ka sa iyong tungkulin, mas lalong mahalaga na ilahad mo ang iyong puso at magtapat sa mga tao; saka lamang kayo magkasamang makagagawa nang maayos. Pero kung may isang taong hindi naglalahad ng puso niya sa iyo, kung hindi niya tinatanggap ang katotohanan, kung sa halip ay lubos siyang mapanlinlang na tao, kung gayon, isang kahangalan kung ilalahad mo ang puso mo sa kanya, at madali kang malalagay sa alanganin kung gagawin mo ito. Dapat mayroong mga prinsipyo sa kung paano ka nakikipag-ugnayan sa mga kapatid; at dapat ilahad mo lang ang puso mo at magtapat lamang sa mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos at kayang tumanggap sa katotohanan. Kung ilalahad mo ang puso mo sa masasamang tao at mga hindi mananampalataya, kung gayon ikaw ay hangal at mangmang, at wala kang karunungan. Dapat ilahad mo lang ang puso mo sa mga kapatid na tunay na nananampalataya sa Diyos at kayang tumanggap sa katotohanan. Ang mga mapanlinlang na tao, mga may magulong isip, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya—mga taong walang anumang pagtanggap sa katotohanan—ay hindi mga kapatid; anuman ang ginagawa mo, huwag mong ilahad ang puso mo sa kanila, ang paglalahad mo ng puso mo sa kanila ay parang paglalahad ng puso mo sa mga diyablo, at sa huli, maaaring humantong ito sa pagkakahulog mo sa kanilang mga pakana at patibong. Mayroong mga huwad na lider at mga huwad na manggagawa sa gitna ng mga lider at manggagawa, at mga huwad na mananampalataya at mga hindi mananampalataya sa gitna ng mga mananampalataya. Wala sa mga taong ito ang matatawag na kapatid, kaya anuman ang ginagawa mo, huwag mo silang tratuhin na parang kapatid. Tanging ang mga taong may mabuting puso at nagmamahal sa katotohanan, na kayang tumanggap sa katotohanan at isagawa ito, ang matatawag na kapatid, at kapag nakikipag-ugnayan ka sa mga totoong kapatid na ito, dapat mong ilahad ang puso mo sa kanila, dapat sadya kang magtapat sa kanila, at saka lamang magiging posible para sa inyo na mahalin ang isa’t isa, at makapagtulungan nang maayos habang ginagampanan nang mabuti ang inyong mga tungkulin. Kung minsan, kapag nag-uugnayan ang dalawang tao, hindi nagtutugma ang kanilang mga personalidad, o hindi nagtutugma ang mga kapaligiran, karanasan o kalagayang pang-ekonomiya ng mga pamilya nila. Gayunman, kung kayang ilahad ng dalawang taong iyon ang kanilang puso sa isa’t isa at magiging lubos na bukas tungkol sa kanilang mga suliranin, at makikipag-usap nang walang kasinungalingan o panlilinlang, at magagawang ipakita ang kanilang puso sa isa’t isa, sa ganitong paraan, sila ay magiging tunay na magkaibigan, na ang ibig sabihin ay magiging matalik na magkaibigan sila. Marahil, kapag iyong isang tao ay nahihirapan, ikaw ang hahanapin niya at wala nang iba, at tanging ikaw ang pagkakatiwalaan niya na makakatulong sa kanya. Kahit na pagsabihan mo siya, hindi siya makikipagtalo, dahil alam niyang isa kang matapat na tao na may pusong taos. Pinagkakatiwalaan ka niya, kaya anuman ang sabihin mo o paano mo man siya tratuhin, makakaunawa siya. Kaya ba ninyong maging ganitong mga tao? Kayo ba ay ganitong mga tao? Kung hindi, hindi ka matapat na tao. Kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, kailangan mo munang ipakita sa kanila ang iyong tunay na nararamdaman at ang iyong katapatan. Kung, habang nagsasalita at nakikipagtulungan at nakikipag-ugnayan sa iba, ang mga salita ng isang tao ay walang ingat, mabulaklak, kaaya-aya ngunit mababaw, pambobola, hindi responsable, at kathang-isip, o kung nagsasalita lamang siya upang makakuha ng pabor sa iba, ang kanyang mga salita ay walang anumang kredibilidad, at hindi siya tapat ni bahagya. Ito ang paraan niya ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao, maging sinuman ang mga ibang taong iyon. Ang gayong tao ay walang matapat na puso. Ang taong ito ay hindi matapat. Sabihin nating nasa isang negatibong kalagayan ang isang tao, at taos-puso niyang sinasabi sa iyo: “Sabihin mo sa akin kung bakit ako napakanegatibo. Hindi ko talaga ito maunawaan!” At ipagpalagay nang sa katunayan, nauunawaan mo sa iyong puso ang kanyang problema, pero hindi mo sinabi sa kanya, sa halip ay sinabi mong: “Wala iyan. Hindi ka naman negatibo; ganyan din ako.” Ang mga salitang ito ay malaking pampalubag-loob sa taong iyon, ngunit hindi sinsero ang iyong saloobin. Nagiging pabasta-basta ka sa kanya; kaya, para mas maging komportable at magaan ang loob niya, umiwas ka sa pagsasalita nang matapat sa kanya. Hindi ka masigasig na tumutulong sa kanya at diretsahang inihahayag ang kanyang problema, para maalis niya ang pagiging negatibo. Hindi mo nagawa ang nararapat gawin ng isang matapat na tao. Para lamang maalo siya at para matiyak na walang pagkakalayo o hindi pagkakasundo sa pagitan ninyo, naging pabasta-basta ka na lang sa kanya—at hindi ito ang pagiging isang matapat na tao. Kaya, upang maging isang matapat na tao, ano ang dapat mong gawin kapag nahaharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon? Kailangan mong sabihin sa kanya kung ano ang nakita at natukoy mo: “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang nakita ko at kung ano ang naranasan ko. Ikaw ang magpapasya kung ang sinasabi ko ay tama o mali. Kung ito ay mali, hindi mo ito kailangang tanggapin. Kung ito ay tama, sana ay tanggapin mo ito. Kung may sabihin ako na mahirap para sa iyo na marinig o nakakasakit sa iyo, sana ay kaya mo itong tanggapin mula sa Diyos. Ang layunin at hangarin ko ay ang tulungan ka. Malinaw kong nakikita ang suliranin: Dahil pakiramdam mo ay napahiya ka, walang nagpapadama sa iyo na importante ka, at sa tingin mo ay mababa ang tingin ng lahat sa iyo, na inaatake ka, at hindi ka pa kailanman nagawan ng ganito kalaking pagkakamali, hindi mo ito matanggap at nagiging negatibo ka. Ano sa tingin mo—ito ba talaga ang nangyayari?” At pagkarinig nito, madarama nila na ito nga talaga ang nangyayari. Ito talaga ang nasa puso mo, pero kung hindi ka matapat na tao, hindi mo ito sasabihin. Ang sasabihin mo, “Madalas din akong maging negatibo,” at kapag narinig ng taong ito na ang lahat ay nagiging negatibo, iisipin niya na normal lang para sa kanya na maging negatibo, at sa huli, hindi niya aalisin ang pagiging negatibo. Kung ikaw ay isang matapat na tao at tinutulungan mo siya nang may matapat na saloobin at matapat na puso, matutulungan mo siyang maunawaan ang katotohanan at maisantabi ang kanyang pagiging negatibo.

Maraming aspekto ang saklaw ng pagsasagawa ng katapatan. Sa madaling salita, ang pamantayan para sa pagiging matapat ay hindi lamang nakakamit sa pamamagitan ng iisang aspekto; dapat makaabot ka sa pamantayan sa maraming aspekto bago ka maging matapat. Iniisip lagi ng ilang tao na kailangan lang nilang huwag magsinungaling upang maging matapat. Tama ba ang pananaw na ito? Ang hindi pagsisinungaling lamang ba ang napapaloob sa pagiging matapat? Hindi—may kaugnayan din ito sa ilan pang aspekto. Una, anuman ang kinakaharap mo, isang bagay man ito na nakita mismo ng sarili mong mga mata o isang bagay na sinabi sa iyo ng ibang tao, pakikisalamuha man ito sa mga tao o pag-aayos ng problema, tungkulin man ito na nararapat mong gampanan o isang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, dapat mong harapin ito palagi nang may matapat na puso. Paano ba dapat isagawa ng isang tao ang pagharap sa mga bagay-bagay nang may matapat na puso? Sabihin mo kung ano ang iniisip mo at magsalita nang matapat; huwag mangusap ng mga walang kabuluhang salita, pabibo, o mga salitang masarap pakinggan, huwag mambola o magsalita ng mga bagay na mapagpaimbabaw at huwad, bagkus sabihin ang mga salitang nasa iyong puso. Ito ang pagiging isang taong matapat. Ang pagpapahayag ng tunay na mga saloobin at pananaw na nasa iyong puso—ito ang dapat gawin ng mga taong matapat. Kung hindi mo kailanman sinasabi ang iniisip mo, at nabubulok na lang ang mga salita sa puso mo, at laging salungat ang sinasabi mo sa iniisip mo, hindi iyan ang ginagawa ng isang matapat na tao. Halimbawa, ipagpalagay na hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, at kapag nagtatanong ang mga tao kung ano ang nangyayari, sinasabi mong, “Gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko, pero sa iba’t ibang kadahilanan, hindi ko nagagawa iyon.” Sa totoo lang, alam mo sa puso mo na hindi ka naging masigasig, subalit hindi mo sinasabi ang totoo. Sa halip ay nakakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan at iwasan ang responsabilidad. Iyan ba ang ginagawa ng isang matapat na tao? (Hindi.) Niloloko mo ang mga tao at iniraraos lang ang mga bagay-bagay sa pagsasabi ng mga bagay na ito. Ngunit ang diwa ng nasa loob mo, ng mga intensiyong nasa iyong kalooban, ay isang tiwaling disposisyon. Kung hindi mo mabubunyag at masusuri ang mga ito, hindi madadalisay ang mga ito—at hindi iyan maliit na bagay! Dapat kang magsalita nang tapat, “Medyo nagpapaliban ako sa paggawa ng aking tungkulin. Naging pabasta-basta ako at hindi nag-asikaso. Kapag maganda ang timpla ko, nakakaya kong magsikap nang kaunti. Kapag masama ang timpla ko, tinatamad ako at ayaw kong magsikap, at ninanasa ko ang mga kaginhawahan ng laman. Kaya, hindi epektibo ang mga pagtatangka kong gawin ang aking tungkulin. Nagbabago na ang sitwasyon nitong nakaraang ilang araw, at sinisikap kong ibigay ang lahat ko, pagbutihin ang aking kasanayan, at isagawa nang maayos ang aking tungkulin.” Pagsasalita ito nang taos-puso. Ang isang paraan ng pagsasalita ay hindi taos-puso. Dahil sa takot mong mapungusan, na matuklasan ng mga tao ang mga problema mo, at na panagutin ka ng mga tao, nakahanap ka ng maraming dahilan, pangangatwiran, at palusot para pagtakpan ang mga katunayan, na pinatitigil muna ang ibang mga tao sa pag-uusap tungkol sa sitwasyon, pagkatapos ay ipinapasa mo sa iba ang responsabilidad, upang maiwasan mong mapungusan ka. Ito ang pinagmumulan ng iyong mga kasinungalingan. Gaano man magsalita ang mga sinungaling, ang ilan sa sinasabi nila ay siguradong totoo at tunay na nangyari. Ngunit ang ilang mahalagang bagay na sinasabi nila ay maglalaman ng kaunting kasinungalingan at kaunting motibo nila. Kaya, napakahalagang matukoy at maipagkaiba ang totoo at ang hindi totoo. Gayunman, hindi ito madaling gawin. Ang ilan sa sinasabi nila ay magkakaroon ng dungis at magiging mabulaklak, ang ilan sa sinasabi nila ay aayon sa mga katunayan, at ang ilan sa sinasabi nila ay magiging taliwas sa mga katunayan; sa gayon na nagkagulo-gulo ang tunay at hindi tunay, mahirap matukoy ang totoo sa hindi totoo. Ito ang pinakamapanlinlang na klase ng tao, at ang pinakamahirap na matukoy. Kung hindi nila matanggap ang katotohanan o hindi nila magawang maging tapat, talagang ititiwalag sila. Alin kung gayon ang landas na dapat piliin ng mga tao? Alin ang daan tungo sa pagiging matapat? Dapat kayong matutong magsalita ng katotohanan at magawang magbahagi nang hayagan tungkol sa tunay ninyong mga kalagayan at mga problema. Ganyan magsagawa ang matatapat na tao, at tama ang gayong pagsasagawa. Ang mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran ay handang lahat na magsikap na maging matapat. Ang matatapat na tao lamang ang tunay na nagagalak at panatag, at sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan para makamit ang pagpapasakop sa Diyos matatamasa ng isang tao ang tunay na kaligayahan.

Maraming praktikal na problema ang lumilitaw habang nararanasan ng mga tao ang pagiging matapat. Kung minsan ay nagsasalita lang sila nang hindi nag-iisip, nagkakamali sila saglit at nagsasabi ng kasinungalingan dahil sila ay pinatatakbo ng isang maling motibo o pakay, o banidad at pride, at dahil dito, kailangan nilang magsabi ng mas higit na maraming kasinungalingan para pagtakpan iyon. Sa huli, hindi sila panatag sa puso nila, pero hindi na nila mababawi ang mga kasinungalingan na iyon, wala silang lakas ng loob na itama ang kanilang mga pagkakamali, na aminin na nagsinungaling sila, at sa ganitong paraan, patuloy silang nagkakamali. Pagkatapos nito, parang palaging may batong nakadagan sa puso nila; gusto nila palaging humanap ng pagkakataong magsabi ng totoo, na aminin ang kanilang pagkakamali at magsisi, pero hindi nila ito kailanman isinasagawa. Sa huli, pinag-iisipan nila ito at sinasabi sa kanilang sarili, “Babawi ako kapag ginampanan ko ang tungkulin ko sa hinaharap.” Lagi nilang sinasabing babawi sila, pero hindi nila ginagawa. Hindi iyon kasingsimple ng paghingi lang ng tawad pagkatapos magsinungaling—mababawi mo ba ang pinsala at mga kahihinatnan ng pagsisinungaling at panlilinlang? Kung, sa gitna ng matinding pagkamuhi sa sarili, nagagawa mong magsisi, at hindi mo na muling gagawin ang bagay na iyon, kung gayon ay maaaring matanggap mo ang pagpaparaya at awa ng Diyos. Kung nagsasabi ka ng matatamis na salita at nagsasabing babawi ka para sa mga kasinungalingan mo sa hinaharap, pero hindi ka talaga nagsisisi, at kalaunan ay patuloy kang nagsisinungaling at nanlilinlang—kung gayon ay masyado kang mapagmatigas sa iyong pagtangging magsisi, at siguradong matitiwalag ka. Dapat itong kilalanin ng mga taong may konsensiya at katwiran. Matapos magsinungaling at manlinlang, hindi sapat ang isipin lang na humingi ng tawad; ang pinakamahalaga ay na kailangan mong tunay na magsisi. Kung nais mong maging matapat, dapat mong lutasin ang problema ng pagsisinungaling at panlilinlang. Dapat kang magsabi ng katotohanan at gumawa ng mga praktikal na bagay. Kung minsan, mapapahiya ka sa pagsasabi ng katotohanan at magiging dahilan para pungusan ka, ngunit maisasagawa mo ang katotohanan, at ang pagpapasakop at pagpapalugod sa Diyos sa isang pagkakataong iyon ay magiging sulit, at magdadala ito sa iyo ng kaginhawahan. Ano’t anuman, maisasagawa mo na sa wakas ang pagiging matapat, masasabi mo na sa wakas kung ano ang nasa puso mo, nang hindi sinusubukang ipagtanggol o ipawalang-sala ang sarili mo, at ganito ang tunay na paglago. Pungusan ka man o palitan, magiging matatag pa rin ang puso mo, dahil hindi ka nagsinungaling; mararamdaman mo na dahil hindi mo ginawa nang maayos ang tungkulin mo, tama lang na pungusan ka, at na akuin mo ang responsabilidad para dito. Ito ay isang positibong pag-iisip. Gayumpaman, ano ang magiging kahihinatnan kapag ikaw ay nanlinlang? Pagkatapos mong manlinlang, ano ang mararamdaman mo sa puso mo? Balisa; palagi mong mararamdaman na may pagkakonsensiya at katiwalian sa puso mo, mararamdaman mo na palagi kang inaakusahan: “Paano ko nagawang magsinungaling? Paano ko naatim na muling manlinlang? Bakit ako ganito?” Mararamdaman mo na parang hindi mo maiaangat ang iyong ulo, na parang hiyang-hiya kang humarap sa Diyos. Lalo na kapag pinagpapala ng Diyos ang mga tao, kapag tumatanggap sila ng biyaya, habag at pagpaparaya ng Diyos, mas lalo nilang nararamdaman na nakakahiyang linlangin ang Diyos, at sa puso nila, mas matindi ang nararamdaman nilang paninisi, at wala silang kapayapaan at kagalakan. Ano ang ipinapakita nitong problema? Na ang manlinlang ng mga tao ay isang pagpapakita ng tiwaling disposisyon, ito ay para maghimagsik at lumaban sa Diyos, kaya magdudulot ito sa iyo ng pasakit. Kapag nagsisinungaling at nanlilinlang ka, maaaring nararamdaman mo na nakapagsalita ka nang napakatalino at napakaingat, at na wala kang naibigay na anumang maliliit na pahiwatig tungkol sa iyong panlilinlang—pero kalaunan, nakakaramdam ka ng paninisi at pang-aakusa, na maaaring bumagabag sa iyo sa buong buhay mo. Kung kusa at sinasadya mong magsinungaling at manlinlang, at dumating ang araw kung kailan napagtanto mo ang bigat nito, tatagos ito sa puso mo na parang isang kutsilyo, at palagi kang maghahanap ng pagkakataong makabawi sa mga mali mong nagawa. At iyon ang kailangan mong gawin, maliban na lang kung wala kang konsensiya, at hindi ka pa namuhay nang naaayon sa iyong konsensiya, at wala kang pagkatao, at walang karakter o dignidad. Kung mayroon kang kaunting karakter at dignidad, at kaunting kamalayan ng konsensiya, kapag napagtanto mo na nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mararamdaman mo na kahiya-hiya ang pag-uugali mong ito, kakutya-kutya at mababa; kamumuhian at kasusuklaman mo ang sarili mo, at tatalikuran mo ang landas ng kasinungalingan at panlilinlang. Ang kauri ni Satanas ay walang konsensiya at katwiran ng normal na tao; nananatili silang walang malay at walang pakialam sa lahat ng kasinungalingang sinasabi nila, at mayroon pa nga silang teoretikal na batayan sa kanilang pagsisinungaling, na walang mapapala ang tao nang walang sinasabing kasinungalingan, at kaya, matigas silang tumatangging magsisi. Ang mga taong may konsensiya at katwiran ay naiiba. Ang mga taong ito ay dumaan lang sa paggawang tiwali ni Satanas, at bagamat nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon, hindi sila masasamang tao, mayroon silang kamalayan ng konsensiya, mayroon silang pangangailangan ng normal na pagkatao, at ng mga likas na gawi at pangangailangan ng pagmamahal para sa mabubuti, mga makatarungan, at positibong bagay. Samakatwid, kapag nararamdaman nilang inuusig sila ng kanilang konsensiya, kaya nilang pagnilayan ang kanilang sarili at tunay na magsisi. Si Satanas ay isang bagay na may sukdulang kasamaan. Ayaw nito ng mga positibong bagay, ayaw nito ng mabubuting bagay, at sa loob ng kalikasan nito ay mayroon lamang madidilim at masasamang bagay, walang iba kundi mga tiwali at mapaminsalang bagay; wala itong pagkatao, wala itong mga pangangailangan ng normal na pagkatao, at wala itong kamalayan ng konsensiya. Pero iba ang mga tao. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, may taglay silang konsensiya at katwiran; ang mga taong may konsensiya ay may kamalayan sa kanilang puso, nararamdaman nila ang pang-aakusa at pagsaway ng kanilang konsensiya kapag sinusubukan nilang linlangin ang Diyos o ang ibang tao, at nasasaktan sila sa paninisi at mga akusasyong ito. Kapag nararamdaman ng isang tao ang pasakit na ito, kapag nararamdaman niya ang pang-aakusa at paninising ito, nagsisimulang magkaroon ng kamalayan ang kanyang konsensiya: Napagtatanto niya na dapat maging matapat ang mga tao, at na dapat silang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kapag may ganito silang pangangailangan, mabuting bagay iyon. Ngayon, nakakaramdam ba kayo ng pagsaway kapag nagsisinungaling at nanlilinlang kayo? (Oo.) Ang nararamdaman ninyong pagsaway ay nagpapatunay na mayroon kayong kaunting kamalayan ng konsensiya at na mayroon pang pag-asa para sa inyo; ito ang pinakamababang antas ng kamalayan at uri ng pag-uugali na dapat ninyong taglayin para makamit ninyo ang kaligtasan. Kung walang anumang nararamdamang pagsaway ang inyong konsensiya, problema ito, at ibig sabihin nito ay wala kayong pagkatao. Ngayon, marunong na ba kayong magsisi pagkatapos magsinungaling at manlinlang ng iba? Kung matigas kayong tatangging magsisi, ano ang magiging kahihinatnan? Hindi kayo matutubos. Nakikita na ninyong lahat ngayon na ililigtas ng Diyos ang mga taong nagtataglay ng konsensiya, katwiran, ng mga pangangailangan ng normal na pagkatao, ng abilidad na makakilala ng mabuti sa masama, ng pagmamahal sa mga positibong bagay at mabubuting bagay, ng pagkapoot sa kasamaan, at ng abilidad na tumanggap ng katotohanan. Ang mga ganitong tao ay maliligtas.

Nobyembre 30, 2017