Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos (Unang Bahagi)

Ngayon, magsasalita Ako tungkol sa isyu ng tiwaling kalikasan, diwa, at disposisyon ng sangkatauhan. Ano ang kalikasan? Ang kalikasan ay ang likas na diwa ng mga tao, ang bagay sa loob nila na nagdudulot ng kumokontrol at nagdidirektang epekto. Ang kinamumuhian, kinasusuklaman, o mga nais ng isang tao ay lahat kumakatawan sa kanyang disposisyon, na direktang nauugnay sa kanyang kalikasang diwa. Sa katunayan, ang kalikasan ay ang diwa, at ang kalikasan ng isang tao ang tumutukoy sa kanyang diwa. Ang disposisyon ay ang bagay na lumalabas mula sa diwa at kalikasan ng tao. Ang disposisyong inihahayag ng mga tao sa kanilang pananalita, mga kilos, at asal, ay kumakatawan sa kanilang kalikasan, na kanilang diwa. Ito ang konsepto ng kalikasan. Ibig sabihin, kung ano ang gusto, kinamumuhian, o kinasusuklaman ng isang tao, at kung ano ang hinahangad ng isang tao, ay lahat kumakatawan sa kanyang kalikasan. Ito ang mga pangunahing bagay na dapat tingnan upang makita kung ang kalikasang diwa ng isang tao ay mabuti o masama sa huli. Halimbawa, kung ang isang tao ay mahilig gumawa ng masama, ang kalikasang diwa ng taong iyon ay talagang masama; kung mahilig siyang gumawa ng mabuti at kumilos nang matuwid, ang kalikasang diwa ng taong iyon ay mabuti. Sa sinabing ito, naiintindihan ba ninyong lahat ang konsepto ng kalikasan? Ang kalikasan ay diwa. Noon, sinasabi na ang mga tao ay may kaparehong diwa ng kanilang espiritu: Anumang espiritu ang nasa loob nila, alinmang uri ng espiritu, iyon ang uri ng kalikasan na mayroon sila. Siyempre hindi iyon mali, ngunit ngayon, ang sabihin lamang na tinutukoy ng espiritu ang kalikasan ay medyo malabo, at hindi ito praktikal. Ngayon, ano ang gagamitin Ko para ipaliwanag ito? Gagamit Ako ng disposisyon para ipaliwanag ang kalikasan at diwa ng tao, dahil ang disposisyon ang nagpapamalas, ang puwedeng makita, mahawakan, at makaugnayan ng mga tao, kaya ito ay mas kongkreto at obhetibo. Pagdating naman sa espiritu, iniisip ng mga tao na mayroong malabong katangian dito, na ito ay misteryoso, at medyo walang kabuluhan, dahil lang hindi nila ito maisip, ni makita o mahawakan, at wala silang paraan upang maipahayag ito. Ang palaging pagsasalita tungkol sa espiritu at kaluluwa ay hindi angkop, at hindi rin ito kinakailangan. Hindi natin ito kailangan upang maipaliwanag ang usapin ng kalikasan, dahil ang mga bagay na iyon ay hindi nakikita, hindi kongkreto. Ang tinatalakay natin ngayon ang pinakakongkreto at totoo, at malulutas nito ang problema ng katiwalian ng mga tao. Sa paggamit ng ganitong uri ng wika upang ipahayag at ipaliwanag ang problemang ito, makapagtatamo tayo ng mga resulta.

Katatapos lang natin pag-usapan ang konsepto ng kalikasan, ngunit ano nga ba ang kalikasan ng tao? Alam ba ninyo? Dahil ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, ang kanilang kalikasan, na siya ring diwa nila, ay nagbago. Kung gayon, ano ang diwa ng tao? Ang tinutukoy Ko ngayon ay ang diwa at kalikasan ng lahat ng tao, at hindi ito nakadirekta sa isang partikular na indibidwal. Mula nang gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, nagsimulang sumama ang kanilang likas na pagkatao, at unti-unti nilang nawala ang katinuang taglay ng mga normal na tao. Hindi na sila kumikilos bilang mga tao sa posisyon ng tao, bagkus ay puno sila ng matitinding paghahangad; nalagpasan na nila ang katayuan ng tao—ngunit ninanasa pa rin na maging mas mataas. Ano ang tinutukoy ng “mas mataas” na ito? Nais nilang lagpasan ang Diyos, lagpasan ang kalangitan, at lagpasan ang lahat ng iba pa. Ano ang ugat kung bakit nagpapakita ng gayong mga disposisyon ang mga tao? Pagkatapos ng lahat, labis na mayabang ang kalikasan ng tao. Nauunawaan ng karamihan ng tao ang kahulugan ng salitang “kayabangan.” Isa itong mapanirang-puri na termino. Kung ang isang tao ay nagpapakita ng kayabangan, iniisip ng iba na hindi siya isang mabuting tao. Sa tuwing masyadong mayabang ang isang tao, inaakala lagi ng iba na isa siyang masamang tao. Walang sinumang gustong matawag na ganito. Gayunman, ang totoo, lahat ay mayabang, at lahat ng tiwaling tao ay may ganitong diwa. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako mayabang kahit kaunti. Hindi ko ginusto kailanman na maging arkanghel, ni hindi ko ginusto kailanman na higitan ang Diyos, o higitan ang lahat ng iba pa. Noon pa man ay mabait at masunurin na ako.” Hindi ganoon palagi; hindi tama ang mga salitang ito. Kapag naging mayabang ang kalikasan at diwa ng mga tao, maaari silang madalas na sumuway at lumaban sa Diyos, hindi makinig sa Kanyang mga salita, bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at mga bagay na dumadakila at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi mo na hindi ka mayabang, ngunit ipagpalagay na binigyan ka ng isang iglesia at tinulutan kang pamunuan ito; ipagpalagay nang hindi kita iwinasto, at na wala ni isa sa pamilya ng Diyos ang pumuna o tumulong sa iyo: Matapos mo itong pamunuan sandali, aakayin mo ang mga tao sa iyong paanan at hihikayatin mo silang magpasakop sa iyong harapan, kahit hanggang sa puntong hinahangaan at iginagalang ka. At bakit mo gagawin iyon? Matutukoy ito sa iyong kalikasan; ito ay walang iba kundi isang likas na paghahayag. Hindi mo kailangang matutunan ito mula sa iba, ni hindi nila kailangang ituro ito sa iyo. Hindi mo kailangan ang iba na turuan ka o pilitin kang gawin ito; likas na nangyayari ang ganitong klaseng sitwasyon. Ang lahat ng ginagawa mo ay tungkol sa paghikayat sa mga tao na dakilain ka, purihin ka, sambahin ka, magpasakop sa iyo, at makinig sa iyo sa lahat ng bagay. Ang pagpahintulot sa iyo na maging isang lider ay likas na nagdudulot sa sitwasyong ito, at hindi ito mababago. At paano nangyayari ang sitwasyong ito? Natutukoy ito sa mapagmataas na kalikasan ng tao. Ang pagpapamalas ng kayabangan ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Kapag ang mga tao ay mapagmataas, mapagpahalaga sa sarili, at mapagmagaling, malamang magtayo sila ng kani-kanyang mga nagsasariling kaharian at gawin ang mga bagay-bagay sa anumang paraang gusto nila. Inaakay rin nila ang iba na magpakontrol sa kanila at magpasakop sa kanila. Para magkaroon ang mga tao ng kakayahang gawin ang gayong mga mapagmataas na bagay, pinatutunayan lang niyon na ang diwa ng kanilang mapagmataas na kalikasan ay katulad ng kay Satanas; katulad ito ng sa arkanghel. Kapag umabot ang kanilang kayabangan at pagpapahalaga sa sarili sa isang partikular na antas, wala nang puwang sa puso nila para sa Diyos, at isinasantabi ang Diyos. Pagkatapos ninanais nilang maging Diyos, pinasusunod ang mga tao sa kanila, at sila ay nagiging arkanghel. Kung taglay mo ang gayong satanikong mapagmataas na kalikasan, hindi magkakaroon ng puwang ang Diyos sa iyong puso. Kahit naniniwala ka pa sa Diyos, hindi ka na kikilalanin pa ng Diyos, ituturing ka Niya bilang isang masamang tao, at palalayasin ka.

Naipangaral na natin ang ebanghelyo nang paulit-ulit sa maraming lider ng mga relihiyosong grupo, subalit paano man natin ibahagi ang katotohanan sa kanila, hindi nila tinatanggap ito. Bakit ganito? Dahil pumapangalawa ang kanilang kayabangan sa kanilang likas na pagkatao, at wala nang puwang ang Diyos sa puso nila. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Ang mga taong nasa ilalim ng pamumuno ng ilang pastor sa relihiyosong mundo ay talagang masigasig; parang nasa piling nila ang Diyos.” Itinuturing mo bang pagkakaroon ng determinasyon ang pagiging masigasig? Gaano man katayog pakinggan ang mga teorya ng mga pastor na iyon, kilala ba nila ang Diyos? Kung talagang natakot sila sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, hihikayatin ba nila ang mga tao na sumunod sa kanila at dakilain sila? Magagawa ba nilang kontrolin ang iba? Mangangahas ba silang hadlangan ang iba na hanapin ang katotohanan at siyasatin ang tunay na daan? Kung naniniwala sila na talagang kanila ang mga tupa ng Diyos, at dapat ay makinig silang lahat sa kanila, hindi ba nila itinuturing ang kanilang sarili bilang Diyos? Mas masahol pa ang gayong mga tao kaysa sa mga Pariseo. Hindi ba’t mga tunay silang anticristo? Kaya, nakamamatay ang kanilang kayabangan, at dahil dito ay makagagawa sila ng mga bagay na mapagrebelde. Hindi ba’t nangyayari sa inyo ang mga ganitong bagay? Makasisilo ba kayo ng mga tao sa ganitong paraan? Oo, kaya lang hindi ka pa nabigyan ng pagkakataon, at walang tigil kang tinatabasan at iwinawasto, kaya hindi ka mangangahas. Ang ilang tao ay itinataas din ang kanilang mga sarili sa mga pasikot-sikot na paraan, pero nagsasalita sila nang napakatuso, kaya’t hindi ito matukoy ng mga ordinaryong tao. Ang ilang tao ay masyadong mayabang kung kaya’t sinasabi nila: “Hindi katanggap-tanggap na ibang tao ang mamuno sa iglesiang ito! Kailangang dumaan sa akin ang Diyos para makarating dito, at maaari lamang Siyang mangaral sa inyo pagkatapos kong maipaliwanag sa Kanya ang sitwasyon ng iglesiang ito. Bukod sa akin, walang ibang maaaring pumunta rito at magdilig sa inyo.” Ano ang intensiyon sa likod ng pagsasabi nito? Anong uri ng disposisyon ang ibinubunyag nito? Ito ay kayabangan. Kapag kumikilos nang ganito ang mga tao, ang kanilang asal ay mapanlaban at mapanghimagsik sa Diyos. Kaya’t tinutukoy ng mayabang na kalikasan ng mga tao na itataas nila ang kanilang sarili, magrerebelde at magkakanulo sila sa Diyos, sisiluhin nila ang iba, ipapahamak ang iba, at pipinsalain ang kanilang sarili. Kung mamamatay sila nang hindi nagsisisi, palalayasin sila sa huli. Hindi ba’t delikado para sa isang tao na magkaroon ng mayabang na disposisyon? Kung mayroon siyang mayabang na disposisyon, ngunit nagagawa niyang tanggapin ang katotohanan, mayroon pa ring puwang na mailigtas siya. Dapat siyang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at dapat niyang iwaksi ang kanyang tiwaling disposisyon, upang makamit ang tunay na kaligtasan.

Palaging sinasabi ng ilang tao: “Bakit ginagamit ng Diyos ang paghatol at pagkastigo para iligtas ang mga tao sa mga huling araw? Bakit napakatindi ng mga salita ng paghatol?” May isang kasabihang maaaring alam ninyo: “Iba-iba ang gawain ng Diyos sa bawat indibidwal; ito ay naibabagay sa mga pangyayari, at hindi Siya sumusunod sa mga panuntunan.” Ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga huling araw ay pangunahing nakatuon sa mayabang na kalikasan ng mga tao. Ang kayabangan ay binubuo ng maraming bagay, ng maraming tiwaling disposisyon; ang paghatol at pagkastigo ay direktang pinupuntirya ang salitang ito, “kayabangan,” upang ganap na maalis ang mayabang na disposisyon ng mga tao. Sa huli, hindi maghihimagsik ang mga tao laban sa Diyos o lalaban sa Kanya, kaya, hindi sila magsisikap na magtayo ng kani-kanilang nagsasariling kaharian, ni magtataas o magpapatotoo sa kanilang sarili, ni kikilos nang masama, ni magkakaroon ng labis na mga hinihingi sa Diyos—sa ganitong paraan, naiwaksi na nila ang kanilang mayabang na disposisyon. Ang kayabangan ay maraming pagpapamalas. Halimbawa, sabihin nating ang isang taong nananalig sa Diyos ay pilit na humihingi ng Kanyang biyaya—sa anong batayan mo ito puwedeng hingin? Isa kang taong ginawang tiwali ni Satanas, isang nilikha; ang katunayang nabubuhay ka at humihinga ay ang pinakadakila na sa mga biyaya ng Diyos. Maaari mong matamasa ang lahat ng nilikha ng Diyos sa lupa. Sapat na ang ibinigay sa iyo ng Diyos, kaya bakit ka pilit na hihingi ng higit pa sa Kanya? Ito ay dahil hindi kailanman nakokontento ang mga tao sa kanilang parte. Palagi nilang iniisip na mas magaling sila kaysa sa iba, na dapat silang magkaroon ng higit pa, kaya lagi nilang pilit na hinihingi ito sa Diyos. Inilalarawan nito ang kanilang mayabang na disposisyon. Hindi man sabihin ng kanilang bibig, sa panahong unang magsimulang maniwala ang mga tao sa Diyos, maaaring iniisip nila sa kanilang puso na, “Gusto kong mapunta sa langit, hindi sa impiyerno. Gusto ko hindi lamang ako ang mapagpala, kundi ang buong pamilya ko. Gusto kong kumain ng masasarap na pagkain, magsuot ng magagandang damit, magtamasa ng magagandang bagay. Gusto ko ng isang mabuting pamilya, isang mabuting asawa at mabubuting anak. Sa huli, gusto kong mamuno bilang hari.” Lahat ito ay tungkol sa kanilang mga kinakailangan at pilit na hinihingi. Ang disposisyon nilang ito, ang mga bagay na iniisip nila sa kanilang puso, ang labis-labis na mga hangaring ito—lahat ng ito ay kumakatawan sa mayabang na kalikasan ng tao. Paano Ko ito nasasabi? Lahat ay nakasalalay sa katayuan ng mga tao. Ang tao ay isang nilalang na nagmula sa alabok; binuo ng Diyos ang tao mula sa luwad, at hiningahan siya ng hininga ng buhay. Gayon ang abang katayuan ng tao, subalit humaharap pa rin ang mga tao sa Diyos at humihingi ng ganito at ganoon. Napakawalang-dangal ng katayuan ng tao, hindi siya dapat magbuka ng bibig at humingi ng anuman sa Diyos. Kaya ano ang dapat gawin ng mga tao? Dapat silang magsumikap kahit pa punahin sila, dapat silang magpunyagi, at masayang sumunod. Hindi ito tungkol sa kung masaya ba silang nagpapakumbaba—huwag bastang magalak sa pagiging mapagpakumbaba; ito ang katayuan ng mga tao na likas sa kanila; dapat silang maging likas na masunurin at mapagpakumbaba, sapagkat ang kanilang katayuan ay aba, kaya nga hindi sila dapat humingi ng mga bagay mula sa Diyos, ni hindi sila dapat magkaroon ng labis-labis na mga hangarin sa Diyos. Dapat walang mga ganitong bagay na matatagpuan sa kanila. Narito ang isang simpleng halimbawa. Ang isang mayamang pamamahay ay umupa ng isang utusan. Ang posisyon ng utusan na ito sa mayamang pamamahay ay napakababa, ngunit gayunpaman ay sinabi niya sa amo: “Gusto kong isuot ang sombrero ng anak mo, gusto kong kainin ang kanin mo, gusto kong isuot ang mga damit mo, at gusto kong matulog sa kama mo. Anuman ang ginagamit mo, ginto man o pilak, gusto ko ang mga ito! Malaki ang kontribusyon ko sa aking trabaho, at nakatira ako sa bahay mo, kaya gusto ko ang mga ito!” Paano siya dapat tratuhin ng amo? Sasabihin ng amo: “Dapat mong malaman ang uri mo, kung ano ang iyong papel: Isa kang utusan. Ibinibigay ko sa anak ko ang gusto niya, dahil iyon ang katayuan niya. Ano ang katayuan mo, ang iyong identidad? Hindi ka kwalipikadong hilingin ang mga bagay na ito. Dapat kang kumilos at gawin kung ano ang dapat mong gawin, isakatuparan mo ang mga obligasyon mo, ayon sa iyong katayuan at identidad.” May anumang katinuan ba ang gayong tao? Maraming taong nananalig sa Diyos ang walang gaanong katinuan. Mula sa simula ng pananampalataya sa Diyos, mayroon silang mga lihim na motibo, at habang nagpapatuloy, walang tigil silang pilit na humihingi sa Diyos: “Kailangan akong sundan ng gawain ng Banal na Espiritu habang ipinapalaganap ko ang ebanghelyo! Kailangan Mo rin akong patawarin at tiisin kapag nakagagawa ako ng masama! Kung marami akong gagawin, kailangan Mo akong gantimpalaan!” Sa madaling salita, ang mga tao ay palaging naghahangad ng mga bagay-bagay mula sa Diyos, palagi silang sakim. Ang ilang tao na nakagawa ng kaunting gawain at nakapamuno nang maayos sa isang iglesia ay talagang nag-iisip na nakahihigit sila kaysa sa iba, at kadalasang nagpapakalat ng mga salitang tulad ng: “Bakit ako inilalagay ng Diyos sa isang mahalagang posisyon? Bakit palagi Niyang binabanggit ang pangalan ko? Bakit palagi Niya akong kinakausap? Mataas ang tingin sa akin ng Diyos dahil may kakayahan ako at dahil nakaaangat ako sa ordinaryong tao. Naiinggit pa nga kayo na tinatrato ako ng Diyos nang mas mabuti. Ano ang dapat ninyong ikainggit? Hindi ba ninyo nakikita kung gaano karami ang ginagawa ko at kung gaano kalaki ang isinasakripisyo ko? Hindi kayo dapat mainggit sa anumang magagandang bagay na ibinibigay sa akin ng Diyos, dahil karapat-dapat ako sa mga ito. Maraming taon akong nagtrabaho at labis akong nagdusa. Karapat-dapat ako sa papuri at kwalipikado ako.” May iba na nagsasabing: “Tinulutan ako ng Diyos na sumali sa mga pagpupulong ng magkakatrabaho at makinig sa Kanyang pagbabahagi. Mayroon akong ganitong kwalipikasyon—mayroon ba kayo niyon? Una, mayroon akong mataas na kakayahan, at hinahangad ko ang katotohanan nang higit sa inyo. Bukod dito, ginugugol ko ang aking sarili nang higit sa inyo, at kaya kong tapusin ang gawain ng iglesia—kaya ba ninyo iyon?” Ito ay kayabangan. Magkakaiba ang mga resulta ng pagganap ng mga tao sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang gawain. Ang ilan ay may magagandang resulta, samantalang ang iba ay may hindi magagandang resulta. Ang ilang tao ay ipinanganak na may mahusay na kakayahan at nagagawa rin nilang hanapin ang katotohanan, kaya mabilis na bumubuti ang mga resulta ng kanilang mga tungkulin. Ito ay dahil sa kanilang mahusay na kakayahan, na paunang itinakda ng Diyos. Ngunit paano lutasin ang problema ng hindi magagandang resulta sa pagganap ng tungkulin ng isang tao? Dapat kayong patuloy na maghanap sa katotohanan at magsikap, at pagkatapos, kayo rin ay unti-unting makakakuha ng magagandang resulta. Hangga’t nagsusumikap kayo para sa katotohanan at nagkakamit sa abot ng inyong mga kakayahan, sasang-ayon ang Diyos. Ngunit magaganda man o hindi ang mga resulta ng inyong gawain, hindi kayo dapat magkaroon ng mga maling ideya. Huwag ninyong isiping, “Kwalipikado akong maging kapantay ng Diyos,” “Kwalipikado akong tamasahin ang ibinigay sa akin ng Diyos,” “Kwalipikado akong purihin ng Diyos,” “Kwalipikado akong mamuno sa iba,” o “Kwalipikado akong magsermon sa iba.” Huwag mong sabihing kwalipikado ka. Hindi dapat magkaroon ng ganitong mga kaisipan ang mga tao. Kung mayroon ka ng mga kaisipang ito, nagpapatunay ito na wala ka sa iyong angkop na kinalalagyan, at ni wala ka ng pangunahing katinuan na dapat taglayin ng isang tao. Kaya paano mo maiwawaksi ang iyong mayabang na disposisyon? Hindi mo ito magagawa.

Sinasabi ng ilang tao na wala silang tiwaling disposisyon, na hindi sila mayabang. Anong klaseng mga tao ito? Ang mga taong ito ay walang katinuan, at sila rin ang pinakahangal at pinakamayabang sa lahat. Sa katunayan, mas mayabang at suwail pa sila kaysa kaninuman; kapag mas sinasabi ng isang tao na wala siyang mga tiwaling disposisyon, mas mayabang siya at mapagmagaling. Bakit nagagawa ng iba na kilalanin ang sarili nila, at tanggapin ang paghatol ng Diyos, subalit ikaw ay hindi? Bukod-tangi ka ba? Santo ka ba? Namumuhay ka bang nakahiwalay sa ibang tao? Hindi mo inaamin na labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, na may tiwaling disposisyon ang lahat. Ibig sabihin nito ay hindi mo talaga nauunawaan ang katotohanan, at ikaw ang pinakasuwail, pinakamangmang, at pinakamayabang sa lahat. Ayon sa iyo, maraming mabubuting tao sa mundo at iilan-ilan lang na masama—kaya bakit ito puno ng kadiliman, puno ng karumihan at katiwalian, puno ng hidwaan? Bakit, sa mundo ng mga tao, nangunguha at nagnanakaw ang lahat sa isa’t isa? Maging ang mga nananalig sa Diyos ay hindi naiiba. Laging naglalaban-laban at nag-aaway-away ang mga tao. At saan nagmumula ang sigalutang ito? Siyempre, ito ay resulta ng kanilang tiwaling kalikasan, ang mismong pagpapamalas ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang mga taong may tiwaling kalikasan ay may kayabangan at paghihimagsik na lumalabas mula sa kanila; iyong mga namumuhay sa isang satanikong disposisyon ay palaaway at mapanlaban. Ang mga palaaway at mapanlaban ang pinakamayayabang na tao sa lahat, hindi sila nagpapasakop kaninuman. Bakit madalas ipagtapat ng mga tao ang kanilang mga kasalanan ngunit hindi sila nagsisisi? Bakit sila nananalig sa Diyos ngunit hindi nila maisagawa ang katotohanan? Bakit sila nananalig sa Diyos nang maraming taon, ngunit hindi nila magawang umayon sa Kanya? Ang lahat ng ito ay dahil sa mayabang na kalikasan ng mga tao. Ang sangkatauhan ay palagi nang naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, lubusang ayaw tanggapin ang katotohanan, at kinasusuklaman at tinatanggihan pa nga ang katotohanan. Hindi ito sa kadahilanang masyadong mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, kundi dahil masyadong mabangis at walang awang nilalabanan ng mga tao ang Diyos, labis-labis kung kaya’t gagawin nilang kaaway nila ang Diyos at ipapako Siya sa krus. Hindi ba’t masyadong mabangis, mayabang, at hindi makatwiran ang gayong tiwaling sangkatauhan? Ang Diyos ay nagpapahayag ng napakaraming katotohanan, Siya ay nahahabag at nagliligtas sa mga tao, at nagpapatawad sa kanilang mga kasalanan—ngunit hindi man lang tinatanggap ng sangkatauhan ang katotohanan, palagi nilang kinokondena at nilalabanan ang Diyos, at ginagawang hindi maipagkakasundo sa Diyos ang kanilang sarili. Ngayon, sa anong antas ang ugnayan ng sangkatauhan sa Diyos? Ang tao ay naging kaaway na ng Diyos, ang Kanyang kabaligtaran. Nagpapahayag ang Diyos ng katotohanan upang ihayag, hatulan, at iligtas ang mga tao; hindi ito tinatanggap ng mga tao at hindi nila Siya binibigyan ng pansin. Hindi ginagawa ng mga tao ang hinihingi ng Diyos sa kanila; sa halip ay ginagawa nila ang mga bagay na kinasusuklaman at kinamumuhian Niya. Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan, ngunit isinasantabi ito ng mga tao. Hinahatulan at pinarurusahan ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at bukod sa hindi nila tinatanggap ang katotohanan, nakikipagtalo at nag-aalsa pa sila laban sa Kanya. Gaano kayabang ang mga tao? Ang tiwaling sangkatauhan ay buong tapang na itinatatwa at nilalabanan ang Diyos. Kahit pa nananalig sila sa Diyos, palagi silang naghahangad ng malaking kayamanan, gantimpala, at pagpasok sa kaharian ng langit; gusto rin nilang maging mga pinuno at magkaroon ng awtoridad. Ito ang modelong representasyon ng kayabangan, ang napakatiwaling disposisyon ng tao.

Naging tao ang Diyos upang iligtas ang tao, ngunit kapalit ng pagtanggap sa Diyos, humingi ang mga tao ng mga panggastos para mabuhay, gantimpala, pagpapala, at ipinagyabang pa nga nila na natanggap nila ang Diyos, at sinasabing sila ay pinakamamahal ng Diyos, para maging mataas ang tingin sa kanila ng iba. Malinaw na batid ng iilan na Siya na tinanggap nila ay ang Diyos, subalit nanghingi sila ng pera mula sa mga iglesia bilang kapalit. Sinasabi ng ganitong mayayabang na tao na wala silang tiwaling disposisyon, at na ang kanilang paniniwala ay nakahihigit kaysa kaninumang iba pa, na mas deboto sila sa Diyos kaysa sa sinumang iba pa, at mas mahusay silang kumilos kaysa sa sinumang iba pa. Ipinagyayabang ng ilang tao ang kanilang sarili: “Dalawampung taon na akong nananalig sa Diyos. Noong una akong nagbalik-loob, walang iglesia—ipinalaganap ko ang ebanghelyo kahit saan ako magpunta!” Bakit mo ipinagyayabang ang iyong sarili? Wala kang dapat ipagyabang. Base sa iyong kasalukuyang pag-uugali, dapat mong sampalin ang iyong sarili, isumpa ang iyong sarili, kasuklaman ang iyong sarili, at kamuhian ang iyong sarili. Kaya bakit mo ipinagyayabang ang iyong sarili? Masyadong matindi ang mayabang mong disposisyon—naabot mo na ang tugatog, ang sukdulan! Marami man o kaunti ang sinasabi ng mga tao, ang kanilang tono, ang kanilang mga intensiyon, at ang kanilang mga salita ay lahat may mayabang na tanda at diwa. Magbibigay Ako ng isang simpleng halimbawa. Sabihin nang ang iglesia ay may isang taong kakapanalig lang, na medyo maaasahan, na tapat na naghahangad. Maaaring minamaliit siya ng ilang tao, mayabang na sinasabi sa kanya na: “Ilang taon ka nang mananampalataya? Saan ka galing? Mayroon ka bang mga kuru-kuro? Aling mga katotohanan ang hindi pa rin malinaw sa iyo? Nasangkapan ka ba ng mga pangunahing katotohanang ito? Pagkatapos mong masangkapan, kailangan mong ipalaganap ang ebanghelyo!” Anong mga kwalipikasyon ang mayroon ka para sermunan ang isang tao nang ganito? Tao ka rin, medyo mas nauna ka lang tumanggap. Gayunpaman, hindi mo pa naiwawaksi ang kayabangan sa diwa ng iyong sariling tiwaling disposisyon. Anong mga kwalipikasyon ang mayroon ka para sermunan ang iba? Siyempre, maaari kang magbahagi sa kanila, ngunit hindi tama ang iyong mga perspektiba at intensiyon, mali ang iyong saloobin, at kasuklam-suklam ang iyong pagkatao! Ang ilang tao ay kinakausap ng Itaas upang maunawaan ang sitwasyon ng gawain ng ebanghelyo, tinatanong sila kung mayroong mga suliranin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, o kung anong mga problema ang kailangang lutasin sa gawain ng ebanghelyo. Sinasabi nila: “Normal lang ang gawain, walang mga problema,” at mayroon silang saloobing sadyang nagbabalewala. Bihira nilang iulat kung aling mga problema ang umiiral sa gawain ng ebanghelyo, o kung paano nalulutas ang mga ito, lalo na kung anong mga suliranin ang kailangang lutasin ng Itaas. Anong klaseng problema ito? Isa ba itong pagpapamalas ng responsableng paggawa ng tungkulin ng isang tao? Isa ba itong pagpapamalas ng katapatan sa Diyos? Paulit-ulit nilang sinasabi na nagpapasakop at sumusunod sila sa Diyos, at sinasabi nilang nakita na nila ang tunay na Diyos, na tunay silang nagpapasakop, na tunay silang handang gumugol para sa Diyos, na magbayad ng halaga, ngunit sa huli, nagagawa nilang magpamalas ng gayong disposisyon at magsabi ng gayong mga salita—anong diwa sa tingin ninyo ang talagang mayroon sa gayong tao? Ano kaya ang kalalabasan ng gayong tao? Sa anong bagay sila karapat-dapat? Kung hindi Ko sinabi ang mga salitang ito, kung hindi Ako nagpakita ng anumang interes sa mga usaping tulad nito, anong punto ang masasabi ninyong maaabot ng gayong mga tao? Masyadong kakila-kilabot isipin ang mga kahihinatnan. Kapag nagsasalita Ako at nakikipag-usap sa ilang tao nang may normal na tono, nagiging mayabang sila, iniisip na isa Akong ordinaryong tao. Nadadala sila, at nagsisimulang magsalita nang magsalita, gustong panghimasukan at suriin ang lahat, at palaging gustong magpakitang-gilas. Kapag nakikita Kong ganoong klase silang tao, hindi Ko sila pinapansin. Para sabihin Ko sa inyo ang totoo, nakikita Ko na karamihan sa mga tao ay medyo kasuklam-suklam. Agad-agad pagkatapos Ko silang makilala, hindi pa Ako tapos magsalita ng tatlong pangungusap ay nagsisimula na silang tumango at tumawa; wala pang isang linggo matapos silang makilala, mangangahas na silang sermunan ang Diyos. Matapos makilala ang gayong tao nang ilang panahon, ayaw Ko na sa kanila, hindi Ko sila pinapansin, at kalaunan ay nababalitaan Ko na may ginawa silang masama, na sila ay masasama. Ilagay ninyo ang inyong sarili sa posisyon ng iba at isipin sandali: Kung mahaharap kayo sa ganitong uri ng sitwasyon habang pinapalaki ang inyong mga anak, ano ang mararamdaman ninyo? Ang mga tao ay nagpapalaki ng mga bata para alagaan sila ng mga ito sa kanilang pagtanda at bigyan sila ng maayos na libing; kung hindi sila papansinin ng mga anak nila pagtanda nila, kung iisipin ng mga ito na mas magaling ang mga ito kaysa sa kanila at sesermonan sila nito, o hahayaan silang maltratuhin at sasamantalahin sila, nang walang kahit katiting na paggalang sa magulang, ano ang mararamdaman nila? Hindi ba’t makakaramdam sila ng kapwa galit at lungkot? Bata pa kayo ngayon, na may mababaw na antas ng karanasan, at hindi pa ninyo ito mapapahalagahan sa ngayon. Marami na Akong napuntahang lugar at nakilalang tao. Sa mga taong iyon, sa mga nakasama Ko bilang isang kapantay at sa mga nakapagbahaginan Ko, upang makipag-usap tungkol sa buhay, wala ni isa sa kanila ang nagsabing: “Mabuti sa akin ang Diyos. Kailangan kong magkaroon ng kaunting konsiyensiya at katwiran, hindi ako gagawa ng anumang lumalabag sa aking konsiyensiya.” Hindi man nga lang makagawa ang mga tao ng maliit na bagay nang may konsiyensiya o pagkatao. Hindi man lang sila makapagsalita mula sa sarili nilang posisyon, o makapagpatuloy sa kanilang tungkulin, bukod pa sa pagsasagawa ng katotohanan, na hindi rin nila kayang gawin. Kung magiging masyadong mayabang ang mga tao, magiging mas masahol pa sila kaysa sa arkanghel, malalampasan pa ito.

Ang ilang tao ay medyo mas mahusay ang kakayahan; kaya nilang gumawa ng kaunting gawain, at hinihirang sila upang maging mga lider ng iglesia. Matapos maging lider, wala pa silang masyadong nagagawang tunay na gawain ay nagsisimula na silang maging mayabang. Hindi nangangahas ang mga tao na iwasto o tukuyin ang kanilang mga pagkakamali; kung nagsasalita ka nang malakas o medyo mahigpit sa kanila, nagagalit sila, at sinasabing: “Hindi ko iyan gagawin. Kung sino man ang gusto mong gumawa niyan, sa kanila mo iyan ipagawa. Tingnan ko lang kung may makakagawa nito nang mas mahusay kaysa sa akin. Hayaang ibunyag sila ng Banal na Espiritu!” Napakayabang ng mga salitang ito! Gaano karebelde ang mga tao? Wala silang anumang nararamdaman sa mga salitang sinasabi nila o sa mga bagay na ginagawa nila—lubos silang walang kamalayan. Habang sinusuri Ko ang kanilang mayayabang na salita, ang kanilang mayayabang na kilos, ang mga motibasyon na hawak nila sa kanilang puso, at ang kapangitang paunti-unti nilang ipinapakita, nagagawang maunawaan ng mga tao ang sarili nila. Ganoon kamanhid ang mga tao. Kung wala ang ganitong pagsusuri at paglilinaw, makikilala ba ng mga tao ang sarili nila? May magagawa ba silang anumang makatao? Magiging mas maayos lamang silang kumilos nang kaunti kung palagi Ko silang hahampasin ng patpat, ganoon kawalang kwenta ang mga tao! Nasa ganitong antas na ng kayabangan ang mga tao; ganap nang walang silbi ang pagdidisiplina. Sinasabi ng ilan: “Matapos basahin ang maraming salita ng Diyos, nararamdaman ko na ang mga ito ang katotohanan, at na tama ang mga salitang inihayag Niya tungkol sa mga tao, ngunit ilang taon na akong nananalig sa Diyos, kaya bakit hindi pa Niya ako dinidisiplina?” Ano sa palagay ninyo: Nang magtaksil ang arkanghel sa Diyos, kung agad-agad itong dinisiplina at pinarusahan ng Diyos, magagawa ba nitong magtaksil? Nalutas kaya ang likas na katangian nito ng pagkakanulo? Naalis kaya ang mayabang na disposisyon nito? Hindi iyon magagawa! Kaya, ang mga tao ngayon ay mayabang hanggang sa puntong sampu o dalawampung beses silang mas mayabang kaysa sa arkanghel. Hindi sapat ang pagdidisiplina lamang, kailangan nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo, kailangan nilang tanggapin at hangarin ang katotohanan—saka lamang makagagawa ang Diyos sa kanila, saka lamang Niya sila masusubok at mapipino. Kung hindi mo matanggap ang katotohanan, hindi mahalaga kung gaano karaming taon kang nananalig, dahil hindi gagawa sa iyo ang Diyos. Kung kapwa wala kang konsiyensiya at katwiran, isa ka sa mga hayop; walang masasabi ang Diyos sa iyo, hindi ka dinidisiplina anuman ang gawin mo, at kung guguluhin mo ang iglesia, palalayasin ka. Pagkatapos magsalita ng napakaraming katotohanan, tingnan mo kung hinahangad ito ng mga tao o hindi. Kung sasabihin mong: “Talagang ayaw kong maghangad, gusto kong maglublob sa pagkabulok. Handa akong maging mababang-uri,” naghihintay kang maparusahan. Hindi Ko dinidisiplina ang sinuman sa ngayon, nakikipag-usap lang Ako sa kanila, ibinubunyag at hinahatulan ang kanilang katiwalian. Kung isinasapuso mo ito, naghahangad ka sa isang pataas na direksyon; kung hindi mo ito isinasapuso, naghihintay ka ng parusa kalaunan. Ngayon, maliban sa pagtustos ng katotohanan, mayroon ding paghahayag, paghatol, at pagkastigo, at pagkatapos ay mayroong kaparusahan at pagganti. Siyempre, ang pagganti at kaparusahan ay darating sa malao’t madali; sino ang makapagsasabi kung anong araw ka maaaring lumabag sa isang atas administratibo, pagkatapos ay mamamatay ka. Gayunpaman, pinapayuhan Ko ang bawat isa sa inyo, huwag ninyong hintayin na dumating ang kaparusahan para magising at maghangad kayo; sa puntong iyon, magiging masyadong huli na para magsisi, at ikaw ay mapapahamak. Wala nang mga pagkakataong magsisi. Sa puntong iyon, masyadong huli na para maghangad, at wala na ring silbi. Mas mabuti pang samantalahin mo ang kasalukuyan upang magising ka nang maaga, upang gumawa ka ng ilang makataong bagay, ilang bagay na may konsiyensiya. Huwag kang magmatigas na kumapit sa maling landas.

Ang ilang tao ay inaanunsyo ang kanilang sarili bilang may mabuting pagkatao, ngunit kung talagang may mabuti kang pagkatao, bakit ka gagawa ng mayayabang na bagay? Bakit hindi ka makagawa ng anumang makatao? Bakit wala ka ni katiting na konsiyensiya o katwiran? Napakayabang ng mga tao, na gusto nila ang lahat maliban sa Diyos; sinasamba nila ang bawat sikat na tao, diyablo, at Satanas, ngunit hindi sila sumasamba sa Diyos, ni nagpapasakop sa Kanya; nagagawa nila ang anumang masamang bagay. Marami na Akong napuntahan. Ang ilang taong tumanggap sa Akin ay siningil Ako ng malaking halaga para sa pagkain at tuluyan, at higit pa rito, ang pagkain at mga pang-araw-araw na bagay ay binabayaran ng iglesia. Tinatanong Ko sa inyo, paanong walang anumang konsiyensiya ang mga taong ito? Hindi ba Ako karapat-dapat kumain ng pagkaing inihanda nila? Sinabi nila noon na handa silang tanggapin Ako, ngunit pagdating Ko, kahiya-hiya silang umaasal nang ganito. Tao pa ba sila? May pagkatao pa ba sila? Huwag maging tuso—hindi mo maaaring gawin ito, wala kang pagkatao, at isa kang hayop. Kinokendena ka ng iyong kalikasan at kayabangan. Napakaliit ng pananalig ng mga tao. Masyado silang mayabang at suwail na wala na silang puwang para sa Diyos! Karapat-dapat bang tawaging tao ang isang taong ganito katiwali? Ito ang mismong modelo ng isang diyablo, ni Satanas. Iniisip ng mga tao: “Kahit pa nasa Iyo ang katotohanan, isa Ka pa ring tao, kaya ano ang magagawa Mo? Ano ang maitutulong Mo sa akin? Ano ang magagawa Mo sa akin? Saan Mo ako madadala? Mababa ang tingin ko sa Iyo. Wala akong pakialam kung Ikaw ang Diyos o hindi.” Wala silang pakialam dito. Sa palagay Ko, kung ang pinuno ng inyong kumpanya ay pupunta sa bahay mo, hindi mo siya papayagang umalis kung susubukan niya; sisikapin mong papanatilihin siya sa bahay mo nang dalawang araw, at pakikitunguhan mo siya nang maayos. Kaya, hindi dapat palaging magsalita nang mayabang ang mga tao, hindi nila dapat sabihin na gusto nila ang Diyos nang higit pa sa sinuman, na mas mahusay sila sa pagsasagawa ng katotohanan kaysa sa iba, na mas magaling silang gumugol ng kanilang sarili kaysa sa iba, na nagbayad sila ng mas malaking halaga kaysa sa sinuman, at na mas tapat sila kaysa sa sinuman. Huwag mong ipagmalaki ang iyong sarili—hindi ka kwalipikadong gawin ito, hindi mo rin nabayaran ang halagang iyon, hindi ka rin nakagawa ng maraming tunay na gawain. Bagamat gumawa ka nang kaunti, hindi ito katumbas ng taimtim na paggugol ng iyong sarili para sa Diyos, lalong hindi katumbas ng buong katapatan sa Diyos, at pagpapasakop hanggang sa kamatayan. Maaari kang magpatuloy nang tatlo hanggang limang taon, ngunit sa paglipas ng panahon, hindi mo na magagawang magpatuloy pa, kaya magiging pabasta-basta ka, at magrereklamo ka. Huwag mong isiping mas mataas ka sa ibang tao. Kung ikukumpara sa iba, wala ka sa mataas na pamantayan, higit kang mas mababa sa kanila; lalong hindi mo maikukumpara ang iyong sarili sa mga banal sa mga kapanahunan. Kwalipikado ka ba talagang magyabang ng anumang bagay? Sinasabi ninyong lahat: “Kung makikipag-ugnayan ako sa Diyos kalaunan, ipinapangako kong hindi ko Siya lilinlangin.” Ang pangako mo ay kailangang masubok nang ilang panahon. Ayaw Kong makipag-ugnayan sa mas maraming tao; ang makipag-ugnayan sa kanila at makita ang kanilang asal ay sapat na para magalit Ako! Maaaring alam ng ilan sa inyo kung gaano Ako kagalit dahil sa bagay na ito. Nagagalit Ako lalo na kapag nakikita Ko yaong mga taong hindi man lang hinahangad ang katotohanan, na laging gustong gumamit ng awtoridad para kontrolin ang iba. Kinamumuhian Ko sila. Yaong mga hindi naghahangad sa katotohanan ay talagang masama lahat, wala silang pagkatao; tiyak na hindi Ako makikipag-ugnayan sa gayong mga tao. Kapag nakikita ng gayong mga tao na hindi Ko sila pinapansin, maaaring magreklamo sila. Masyadong hindi makatwiran ang mga taong ito! Ngayon, karamihan sa mga tao ay hindi alam kung paano hangarin ang katotohanan—napakababa ng tayog nila, at napakababa ng taglay nilang kaunting pagkatao at katwiran, kaya wala Akong paraan para makipag-ugnayan sa kanila. Kung makikipag-ugnayan ka sa gayong tao sa loob ng dalawang araw, mamaliitin ka nila, magiging mayabang sila—napakayabang—at hindi sila makikinig, anuman ang sabihin mo.