Paano Tumatawid ang Tao Patungo sa Bagong Kapanahunan (Ikalawang Bahagi)

Naunawaan ba talaga ninyo ang lahat ng sinabi Ko? Alam ba ninyo kung paano tumawid sa bagong kapanahunan? At alam ba ninyo kung anong mga aspeto ang kailangan ninyong baguhin, kung mula sa anong mga aspeto papasok? Marahil ay hindi ninyo nauunawaan ito. Bagamat nagkaroon ng kaunting pagpasok ang mga tao noon, kulang pa rin sila sa maraming aspeto at hindi nila natugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Ngayon, nagsasalita ng napakaraming salita ang Diyos upang akayin ang mga tao sa bagong kapanahunan. Bakit palaging nagkikimkim ang mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang gawain? Ipinapakita nito na hindi nila nakamit ang katotohanan noon at na wala silang katotohanang realidad. Bagamat nagagawa mong tanggapin ang mga salita ng Diyos kapag binabasa mo ang mga ito ngayon, bakit sa iyong totoong buhay ay hindi mo maisagawa ang katotohanan, at sa halip ay palagi kang kumikilos nang mapaghimagsik sa Diyos at sumasalungat sa Kanya? Bakit kapag nangyayari ang mga bagay sa iyo, palagi kang may sariling mga ideya at kumikilos ayon sa sarili mong kagustuhan, ngunit hindi mo kayang sumunod sa Diyos? Ito ay dahil napakaraming bagay ng laman at bagay ng sariling kagustuhan sa loob mo, palaging iniisip na ang daan mo ang tamang daan. Maganda ang pakiramdam ninyo kapag nakikinig sa isang sermon at wala kayong kinikimkim na mga kuru-kuro, ngunit kapag may nangyayari sa inyo, gusto ninyong isagawa ang katotohanan, pero nawawalan kayo ng kontrol, at kusang lumilitaw ang mga mapanghimagsik na bagay sa loob ninyo. Sinasabi Ko na masyado kayong mapanghimagsik, at kung hindi kayo nananalig sa Akin, maaari kayong gumawa ng isang talaan. Sa tuwing makaririnig ka ng isang pagbigkas ng Diyos, itala mo kung anong mga kuru-kuro ang umuusbong sa puso mo at kung ano ang iyong mga iniisip, at pagkatapos ay ilantad ang mga bagay sa loob mo, himay-himayin ang mga ito, ihambing ang mga ito sa mga salita ng Diyos, at malalaman mo kung hanggang saan ang iyong paghihimagsik. Ang pagsasagawa nang ganito ay kapaki-pakinabang para sa iyong pagpasok sa buhay. Dapat kang maglakas-loob na harapin ang mga katunayan at maglakas-loob na ibunyag ang iyong sarili. Kapag naglakas-loob kang ibunyag ang iyong sarili, pinapatunayan nito na mayroon kang pusong tumatanggap sa katotohanan, isang pusong bumibitiw sa mga kuru-kuro at nagpapasakop sa Diyos. Dapat mong talikdan ang iyong sarili; huwag paulit-ulit na maghimagsik laban sa Diyos, sapagkat mali iyon. Hindi maaari na nananalig sa Diyos ngunit hindi marunong sumunod sa Kanya. Sa oras na madali na para sa iyo na sundin ang Diyos, magkakaroon na ng kapayapaan at kagalakan sa iyong puso; labis ka nang matutuwa kapag binabasa mo ang mga salita ng Diyos, mahahanap mo na ang mga salitang sasabihin kapag nananalangin ka sa Diyos, at magiging mas malapit ka sa Kanya. Yaong mga palaging naghihimagsik laban sa Diyos ay hindi kailanman nagnanais na isagawa ang katotohanan, at kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila lubos na naiintindihan ang mga salita—magkakaroon pa ba ng kapayapaan at kagalakan sa kanilang puso? Kapag nakatatagpo ng mga isyu ang mga tao, lumilitaw ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at hindi nila maiwasan ang mga ito. Dapat kang magbulay-bulay at magnilay-nilay, iniisip na, “Paano nangyari ang problemang ito? Paano lumitaw ang ganitong uri ng kuru-kuro? Saan matatagpuan ang pinagmulan nito?” Dapat kang magdasal sa Diyos, magbasa ng mga salita ng Diyos, unawain ang usaping ito, at kapag nalutas na ang problema, magkakaroon ka ng pagpasok sa buhay. Kung hindi mo praktikal na lulutasin ang iyong mga problema sa ganitong paraan, palaging paniniwalaan na hindi isang malaking bagay ang magkimkim ng ilang kuru-kuro, na kusang mawawala ang mga ito matapos ang ilang araw, at na sa sandaling mawala na ang mga ito, mangangahulugan na hindi ka nagkikimkim ng mga kuru-kuro, palagi mong iisipin na wala kang mga kuru-kuro, samantalang sa katunayan ay kapag lumilitaw ang mga kuru-kuro, binabalewala mo ang mga ito at hinahayaan na lang. Pakiramdam mo noong oras na iyon ay walang pinsalang nagawa, at pagkatapos ay tumatanggi kang aminin na mayroon kang anumang pinsala. Karaniwan, kapag hindi sumasailalim ang mga tao sa pagtatabas at pagwawasto, kapag hindi nila kinakailangang harapin ang anumang hindi kanais-nais na sitwasyon, wala silang kinikimkim na mga kuru-kuro at nakakalimutan nilang mayroon sila niyon. Iniisip nila na kamangha-mangha sila, na talagang wala silang mga kuru-kuro. Subalit kapag nangyayari ang isang bagay, lumilitaw ang mga kuru-kuro at sumasalungat sila sa Diyos, at pagtagal-tagal ay naglalaho ang mga kuru-kuro at nakakalimutan nila ang tungkol dito, at muli nilang nararamdaman na mayroon silang magandang kalagayan at na wala silang kinikimkim na mga kuru-kuro tungkol sa Diyos—ano ang problema sa kanila? Iyon ay na hindi nila tunay na nauunawaan ang katotohanan at hindi nalutas ang pinagmulan ng kanilang mga kuru-kuro. Kaya naman paulit-ulit na lumilitaw ang ganitong mga uri ng kuru-kuro, hanggang sa oras na may isang taong masusing magbabahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, at tuluyan nang malulutas ang kanilang mga kuru-kuro. Pagdating sa paglutas ng mga kuru-kuro ng isang tao, hindi maaaring hindi hanapin ang katotohanan nang taimtim—walang silbi ang basta lang na pag-unawa sa doktrina. Ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay may limitado, mababaw na kaalaman sa kanilang sarili. Minsan kapag lumilitaw ang mga kuru-kuro sa kanila, hindi nila natutuklasan ang mga ito, ni nararamdaman man lang ang mga ito. Ang isang maliit na kuru-kuro na hindi nalulutas ay hindi magsasanhing magkamali ang isang tao, ngunit ang isang malaking kuru-kuro na hindi nalulutas ay agad na magpapabagsak sa kanya. Upang makilala ang iyong sarili, kailangan mo munang lutasin ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, at lutasin ang iyong mga maling pananaw na madalas lumilitaw. Pagkatapos ay lutasin ang lahat ng iyong iba’t ibang tiwaling disposisyon, mula sa mabababaw hanggang sa mga mas malalim, at sa paggawa nito ay unti-unti kang makapapasok sa katotohanang realidad. Ang pagkilala sa iyong sarili ay nagsisimula sa pagkilala muna sa mga kuru-kuro at imahinasyon na umiiral sa loob mo. Habang mas lumalalim ang pagkaunawa mo sa katotohanan, mas lalalim din lalo ang pagkakilala mo sa iyong sarili. Pagdating sa pagkilala sa iyong sarili, dapat kang maging metikuloso. Kung hindi mo kailanman makikilala ang iyong sarili, hindi ka magkakamit ng pagpasok sa buhay; ang pagpasok sa buhay ay nagsisimula sa pagkilala sa iyong sarili. Kung nais mong magkamit ng pagpasok sa buhay, dapat maingat mong hanapin ang katotohanan, samantalahin ang mga pagkakataong malutas ang iyong mga isyu, at huwag palampasin ang kahit isa. Sa sandaling naitala mo na ang iyong mga kuru-kuro, kailangan mong hanapin ang katotohanan, buksan ang iyong sarili at makisali sa pagbabahagi, at suriin ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, ganap na malulutas ang mga ganitong uri ng kuru-kuro. Kung muli kang mahaharap sa parehong isyu at muling lilitaw ang iyong mga kuru-kuro, at kinokontrol ng mga ito ang puso mo, ipinapakita nito na hindi mo tunay na naunawaan ang katotohanan, bagkus ay naunawaan mo lamang ang doktrina, at kaya nananatili ang iyong mga kuru-kuro. Kapag tunay mong nauunawaan ang katotohanan, saka lamang ganap na maglalaho ang iyong mga kuru-kuro, at kahit na lumitaw muli ang mga ito sa hinaharap, madaling malulutas ang mga ito at hindi ka makokontrol ng mga ito, dahil nauunawaan mo na ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, mahirap bang isagawa ang pagkilala sa iyong sarili at pagpasok sa katotohanan sa ganitong paraan? Kailangan ba nito ng labis na pagsisikap? Oo! Kung ang iyong kaalaman sa sarili ay mayroon lamang pahapyaw na pagkakilala sa mabababaw na bagay—kung sasabihin mo lang na mayabang at mapagmatuwid ka, na nagrerebelde at lumalaban ka sa Diyos—kung gayon, hindi ito tunay na kaalaman, kundi doktrina. Dapat mong isama ang mga katunayan dito: Dapat mong isiwalat ang alinmang mga usapin na may pinanghahawakan kang mga maling intensiyon at pananaw o mga kakatwang opinyon para sa pagbabahagi at pagsusuri. Ito lamang ang tunay na pagkakilala sa sarili. Hindi ka dapat magkaroon ng pagkaunawa sa iyong sarili batay lamang sa iyong mga kilos; dapat mong maarok kung ano ang susi at lutasin ang ugat ng problema. Sa sandaling lumipas ang isang panahon, dapat mong pagnilayan ang iyong sarili at ibuod kung aling mga problema ang nalutas mo, at kung alin ang nananatili pa rin. Kaya, dapat mo ring hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problemang ito. Hindi ka dapat maging pasibo, hindi mo dapat palaging kailangan ang iba na hikayatin o himukin ka na gawin ang mga bagay-bagay, o kontrolin ka pa nga; dapat mayroon kang sariling landas para sa buhay pagpasok. Dapat madalas mong suriin ang iyong sarili para makita kung anong mga bagay na nasabi at nagawa mo ang salungat sa katotohanan, kung alin sa mga intensiyon mo ang mali, at anong mga tiwaling disposisyon ang naibunyag mo. Kung palagi kang nagsasagawa at pumapasok sa ganitong paraan—kung mataas ang hinihingi mo sa iyong sarili—kung gayon, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan, at magkakaroon ng buhay pagpasok. Kapag tunay mong nauunawaan ang katotohanan, makikita mo na isa ka lang talagang hamak na tao. Una, mayroon kang malubhang tiwaling disposisyon; pangalawa, malaki ang kakulangan mo, at hindi mo nauunawaan ang anumang katotohanan. Kung darating ang araw na tunay ka nang magtataglay ng gayong kaalaman sa sarili, hindi ka magiging mapagmataas, at sa maraming usapin, magtataglay ka ng katinuan, at makakaya mong sumunod. Ano ang pangunahing isyu ngayon? Sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagsusuri sa diwa ng mga kuru-kuro, naunawaan na ng mga tao ang dahilan kung bakit sila nagkakaroon ng mga kuru-kuro; nagagawa nilang lutasin ang ilang kuru-kuro, pero hindi ito nangangahulugan na nakikita nila nang malinaw ang diwa ng bawat kuru-kuro, nangangahulugan lamang ito na mayroon silang kaunting kaalaman sa sarili, pero hindi pa sapat na malalim o malinaw ang kanilang kaalaman. Sa madaling salita, hindi pa rin nila malinaw na nakikita ang kanilang sariling kalikasang diwa, ni hindi nila nakikita kung anong mga tiwaling disposisyon ang nag-ugat sa puso nila. May limitasyon sa kung gaano kalaki ang makakamit na kaalaman ng isang tao sa kanyang sarili sa ganitong paraan. Sinasabi ng ilang tao, “Alam ko na masyadong mayabang ang disposisyon ko—hindi ba’t nangangahulugan ito na kilala ko ang sarili ko?” Masyadong mababaw ang gayong kaalaman; hindi nito malulutas ang problema. Kung talagang kilala mo ang iyong sarili, bakit hinahangad mo pa rin ang pansariling pagsulong, bakit ninanais mo pa rin na magkaroon ng katayuan at maging katangi-tangi? Ibig sabihin, hindi pa napupuksa ang mayabang mong kalikasan. Kaya, dapat magsimula ang pagbabago mula sa mga kaisipan at pananaw mo, at sa mga intensiyon sa likod ng iyong mga salita at kilos. Kinikilala ba ninyo na karamihan sa mga sinasabi ng mga tao ay may tinik at kamandag, at na mayroong elemento ng pagmamayabang sa tonong ginagamit nila? Nasa kanilang mga salita ang kanilang mga intensiyon at personal na opinyon. Makakakilala yaong mga may kabatiran kapag naririnig nila ito. Ang ilang tao ay madalas na may partikular na paraan ng pagsasalita at may partikular na mga ekspresyon kapag hindi nagpapakita ang kanilang kayabangan, pero ang kanilang pag-uugali ay ibang-iba kapag nabubunyag ang kanilang kayabangan. Kung minsan ay patuloy silang nagdadaldal tungkol sa kanilang tila mga importanteng ideya, kung minsan ay nananakot sila at nagmamalaki. Iniisip nila na sobrang importante nilang tao, at nalalantad dito ang pangit na mukha ni Satanas. Lahat ng uri ng intensiyon at tiwaling disposisyon ay nasa loob ng bawat tao. Katulad lang ng kung paanong kumikindat ang mga tusong tao kapag nagsasalita sila, at palihim na sumusulyap sa mga tao—may tiwaling disposisyon na nakatago sa mga kilos na ito. Ang ilang tao ay nagsasalita nang hindi tuwiran, at talagang hindi malaman ng iba ang ibig nilang sabihin. Palaging may mga nakatagong kahulugan at panlalansi sa loob ng kanilang mga salita, pero sa panlabas, sila ay napakakalmado at panatag. Ang ganitong mga tao ay mas tuso, at mas lalong mahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan. Napakahirap nilang iligtas.

Noon, kapag nananalig sa Diyos ang mga tao, palagi silang kontento na sa pagkakaroon ng isang mapayapang tahanan at pagiging maayos ng lahat ng kanilang ginagawa, at naniwala sila na nangangahulugan ito na tiyak na mahal sila ng Diyos at nalulugod Siya sa kanila. Kung nakokontento ka lang sa mga bagay na ito, hinding-hindi ka makatatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Huwag makontento sa kung gaano kahusay o kaayos ang buhay mo sa panlabas; hindi mahalaga ang mabababaw na bagay na iyon. Ang pagliligtas ng Diyos sa mga tao ngayon ay kinasasangkutan ng paglilinis at pagbabago sa mga bagay na malalalim nang nakabaon sa mga tao na nauukol kay Satanas, hinuhukay ang ugat ng mga ito, at inilalantad ang mga ito mula sa diwa at kalikasan ng tao. Bakit palaging sinusuri ng Diyos ang mga pananaw at intensiyon ng tao? Ito ay dahil ang kalikasan ng tao ay napakalalim na nakabaon. Hindi tinitingnan ng Diyos kung paano mo ginagawa ang mga bagay-bagay, o kung ano ang hitsura mo, o kung gaano ka katangkad, ni hindi Siya tumitingin sa kung anong uri ng pamilya ang mayroon ka o kung may trabaho ka o wala—hindi tumitingin ang Diyos sa mga bagay na ito. Ang pangunahing bagay na tinitingnan ng Diyos ay ang iyong diwa, upang malutas ang diwa at ugat ng iyong mga problema. Samakatuwid, huwag maging kontento lamang sa isang mapayapang tahanan at pagiging maayos ng lahat ng bagay, iniisip na pinagpapala ka ng Diyos—mali ito. Huwag hangarin ang mga panlabas na bagay na ito at huwag hayaan ang iyong sarili na masyadong masangkot sa mga ito. Kung makokontento ka na lang sa mga bagay na ito, ipinapakita nito na masyadong mababa ang layon na hinahangad mo sa iyong pananampalataya sa Diyos, at labis kang nagkukulang sa mga hinihingi ng Diyos. Dapat kang tumutok sa pagbabago ng disposisyon, simula sa iyong disposisyon at pagkatao, pati na sa iyong mga layon at pananaw na pinanghahawakan mo sa iyong pananampalataya sa Diyos. Sa ganitong paraan, kapag nakikipag-ugnayan ka sa mga taong kasisimula pa lang manalig sa Diyos o hindi pa tumanggap sa Kanya, makikita nila sa iyong anyo na sumailalim ka na sa pagbabago, at na talaga ngang iba ang hinahangad mo. Sinasabi nila, “Sa aming pananampalataya sa Diyos, hinahangad naming kumita ng mas maraming pera, magkaroon ng katayuan, makapasok sa kolehiyo ang mga anak namin, at makahanap ang aming mga anak na babae ng nararapat na kapareha. Bakit hindi mo hinahangad ang mga bagay na ito? Tinitingnan mo ang mga bagay na ito na para bang mga dumi ito at ganap na walang halaga. Kung gayon, paano ka nananalig sa Diyos?” Pagkatapos ay magbabahagi ka sa kanila kung kumusta ang karanasan mo, kung anong mga tiwaling disposisyon ang mayroon ka, kung paano ka tinatabasan at iwinawasto ng Diyos, pinarurusahan at hinahatulan ka, kung paano mo pinagninilayan ang iyong sarili at nauunawaan ang mga bagay-bagay, at kung paano ka nagsisisi at nagbabago. Kapag nagkita kayo ng mga tao, nararamdaman nila kung gaano kapraktikal ang pagbabahagi mo, na medyo nagtutustos ito sa kanila at kapaki-pakinabang para sa kanila, at na hindi ka basta lang nagbibigay ng mabababaw na sermon para hikayatin at payuhan ang mga tao. Magagawa mong magsalita tungkol sa pagpasok sa buhay at kaalaman sa sarili, at patutunayan nito na tunay kang isang tao na nasa bagong kapanahunan, tunay na isang bagong tao. May ilan ngayon na pinag-uusapan pa rin ang mga bagay ng nakaraan, sinasabing, “Nananalig ako noon sa Panginoong Jesus, at saanman ako magpunta para gumawa, gumagawa ng dakilang gawain ang Banal na Espiritu. Kapag ipinapalaganap ko ang ebanghelyo, marami ang handang makinig sa akin, at kung sino man ang ipinagdarasal ko ay mabilis na gumagaling….” Pinag-uusapan pa rin nila ang mga bagay na ito, at masyado itong paurong! Dapat kayong gumugol ng mas maraming oras na pinag-uusapan ang mahahalagang bagay na gagawin sa pagpasok sa buhay, tulad ng pagbabahagi sa katotohanan, pagpasok sa buhay, mga pagbabago sa disposisyon, at kaalaman sa sarili. Huwag pag-usapan ang mga bagay na walang kinalaman sa katotohanan. Kung madalas kayong magsasagawa sa ganitong paraan, magkakamit kayo ng ilang katotohanang realidad. Dahil sa inyong kasalukuyang tayog, hindi kayo nakakagawa ng gawaing nagbibigay ng buhay o nakakagamit ng katotohanan upang malutas ang mga suliranin. Ang nagagawa lang ninyo ay hikayatin at payuhan ang mga tao, sinasabing, “Huwag suwayin o labanan ang Diyos. Sa kabila ng ating pagiging lubhang tiwali, inililigtas pa rin tayo ng Diyos, kaya dapat nating pakinggan ang Kanyang mga salita at magpasakop sa Kanya.” Matapos itong marinig, nauunawaan ng mga tao ang mga doktrina, ngunit kulang pa rin sila sa lakas at hindi alam kung paano isasagawa o dadanasin ang mga salita ng Diyos. Pinatutunayan nitong kayo, bilang mga pinuno at manggagawa, ay hindi rin nagtataglay ng katotohanang realidad. Kung kayo mismo ay hindi nakamit ang pagpasok, paano kayo makapagbibigay sa iba kung gayon? Hindi mo mauunawaan ang sanhi ng mga paghihirap at tiwaling disposisyon ng ibang tao, hindi mo maiintindihan kung ano ang susi, sapagkat hindi mo pa rin kilala ang iyong sarili. Dahil dito, ang paglalaan ng buhay sa inyong gawain sa iglesia ay hindi ninyo maabot, at sa paghihikayat lamang sa mga tao, pagsasabi sa kanilang maging mabuti at taimtim na sumunod, wala kayong kakayahang lumutas ng mga tunay na suliranin. Ito ay sapat na katibayang hindi kayo tunay na nakaunawa ng katotohanan o nakakamit ng anumang pagpasok sa buhay. Ang alam lamang ng karamihan sa inyo ay kung paano ipangaral ang mga doktrinang espirituwal at mga hungkag na teoryang teolohiko, ngunit hindi ninyo kayang magbigay ng buhay; dahil dito, napakababa ng inyong tayog. Mayroon pang dapat mabago sa iyong pananaw sa pananampalataya sa Diyos. Ang iyong pag-unawa at mga layon ay nananatiling pareho. Magkakaroon ka ba ng landas pasulong sa paghiling sa iba na magbago kung ikaw mismo ay hindi pa nakalutas sa sarili mong mga isyu? Matutustusan mo ba ang iba? Magagawa mo bang lutasin ang kanilang mga problema? Anong mga resulta ang makakamit mo sa paghiling sa iba na magbago kung hindi mo kayang gawin ang alinman sa mga bagay na ito? Kung ang tanging nagagawa mo ay mangaral ng mga salita at doktrina para pangaralan at payuhan ang mga tao, maipapaunawa mo ba sa iba ang katotohanan? Kung ikaw mismo ay walang tunay na pagkaunawa sa gawain ng Diyos, mauunawaan kaya ng hinirang na mga tao ng Diyos ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pakikinig sa iyong pagbabahagi? Paano mo mahihikayat ang hinirang na mga tao ng Diyos na gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin kung ikaw mismo ay gumaganap sa iyong tungkulin nang walang mga prinsipyo? Paano sila magkakaroon ng lakas para sundan ang Diyos? Yaong mga kumikilos bilang mga lider at manggagawa ay dapat na makaunawa at maging dalubhasa sa mga kalagayan ng lahat ng iba’t ibang uri ng tao sa iglesia, kung sino sa kanila ang may karanasan at pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at sa gawain ng Diyos, at kung sino sa kanila ang tunay na may kaalaman sa sarili at tunay na nagsisisi. Yaong mga lider at manggagawa na may kakayahan na lubos na maunawaan ang mga bagay na ito ay magkakaroon ng kakayahang gampanan ang ilang praktikal na gawain. Kung ang mga katuwang mo sa iyong tungkulin ay katulad mo lamang, sinesermunan ang iba nang walang anumang kaalaman sa sarili, kung gayon ay pinapatunayan niyon na wala rin sa iyo ang katotohanang realidad, na hindi mo kilala ang iyong sarili at na wala kang ipinagkaiba sa kanila. Naisip na ba ninyo ang mga bagay na ito dati? Ang alam lang ninyo ay “Nabigyan ako ng kapangyarihan dito, may katayuan ako, isa akong opisyal sa iglesia at mayroon na akong posisyon kung saan makakapangaral ako sa iba.” Tumutuon ka lang sa katayuan at katanyagan, sa kung paano mangaral sa iba at magbigay ng mga sermon, kung ano ang sasabihin para makinig ang iba sa iyo, para magkaroon ka ng impluwensya sa ilang iglesia at magtamo ng mataas na katanyagan, at para matibay na maitatag ang iyong posisyon. Ang pagtutok lamang sa mga bagay na ito ay nagpapatunay na naligaw ka na. Ang pagpasok sa isang bagong kapanahunan mula sa isang lumang kapanahunan ay hindi lamang nangangahulugan na nagbabago ang mga paraan ng paggawa at pagsasabi ng mga tao, bagkus ay nangangailangan din ito na magkaroon sila ng mas mataas na pagpasok, na magbayad ng higit pang halaga, upang tuluyan nang matalikdan ang kanilang laman, upang bitiwan ang mga pagtatangi ng laman, upang hangarin lamang ang katotohanan bilang kanilang buhay at isabuhay ang isang tunay na wangis ng tao. Sa ganitong paraan lamang sila tunay na makakaranas ng puspusang pagbabago. Sa paggawa ng bagong gawain, kinakailangang gumawa ang Diyos ng mga bagong kahilingan sa tao, at sa pagkapit sa mga luma, tradisyonal na mga kuru-kurong iyon, pinababagal lamang ng tao ang mga bagay-bagay. Ang ilang tao ay may bulag na pananampalataya sa Bibliya at hindi kailanman humihiwalay rito—kaya ba nilang magkamit ng buhay at makilala ang Diyos sa pamamagitan ng paggawa nito? Hindi, talagang hindi. Sa loob ng maraming henerasyon, binasa ng mga Pariseo ang Bibliya, at sa huli ay ipinako nila sa krus ang Panginoong Jesus na nagpapahayag ng katotohanan—paanong nangyari iyon? Kung talagang naunawaan nila ang Bibliya, dapat ay nakilala nila ang Diyos, at nang dumating ang Panginoong Jesus, dapat ay sinalubong nila Siya at hindi Siya kinondena. Marami pa ring mga tao ang hindi kayang maarok ang bagay na ito. Sa puso nila, lagi nilang iniisip na kahit gaano pa karami ang binibigkas ng Diyos ngayon, dapat pa rin nilang basahin ang Bibliya at hindi sila dapat humiwalay rito. Nangangahulugan ito na sa huli ay naaalala nila ang maraming nakasulat sa Bibliya, ngunit hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos o naisasagawa ang mga ito. Sa huli, wala silang anumang tunay na patotoong batay sa karanasan at sila ay pinalalayas. Hindi ba’t nakakahiya ito? Sa katunayan, marami na ngayon ang madalas na nagbabasa ng Bibliya ngunit napakakaunti ang binabasang mga salita ng Diyos—matalinong bagay ba na gawin ito o isang kahangalan? Noon, kapag nananalig sila sa Panginoon, naniniwala ang mga tao na ang labis na kasigasigan ay nangangahulugan ng isang magandang buhay at mabuting pananampalataya. Kapag sinabi ngayon na, kung may kasigasigan lamang at walang pagbabago sa disposisyon, hindi dapat purihin ng Diyos ang isang tao, palaging iniisip ng ilan na hindi makatarungan ang pakikitungo ng Diyos sa gayong mga tao. Naiwasto Ko na noon ang ilang taong may kasigasigan lang pero walang pagbabago sa disposisyon, at hindi ito tinanggap ng ilan sa mga taong nag-isip na hindi makatarungan ang pakikitungo Ko sa gayong mga tao, at ipinagtanggol nila ang mga taong iyon, sinasabing, “Napakatagal na nilang nananalig sa Diyos. Nagbayad sila ng halaga at nagdusa nang husto, at nagsumikap sila kahit na hindi sila nakagawa ng anumang kontribusyon. Bakit Mo sila tinatrato nang ganito?” Hindi nagagawang ituwid ng ilang tao ang kanilang mga pananaw. Mahirap bang unawain ito? Nakikita ng mga tao kung paano ginagawa ng iba ang mga bagay sa panlabas, samantalang nakikita ng Diyos ang kanilang diwa, at ibang-iba ang bagay na iyon. Nakikita mo lang kung gaano kamaka-Diyos ang isang tao sa panlabas, kung gaano siya kahusay magsalita, at kung gaano siya nagpapakaabala at nagbabayad ng halaga. Paanong hindi mo sinasabi kung gaano karaming kuru-kuro ang kinikimkim niya, o kung gaano siya ka-mapagmatuwid at kayabang? Bakit hindi mo nakikita ang mga bagay na iyon? Iyon ang dahilan kung bakit Ko sinasabi na masyadong luma at paurong ang mga pananaw ninyo sa mga bagay-bagay. Hindi na tinitingnan ngayon ng Diyos ang halagang binabayaran ng mga tao sa panlabas; hindi Siya nagsasalita tungkol sa halagang nabayaran o sa iyong kapital, o kung gaano ka nagdusa—tinitingnan Niya ang iyong diwa. Ano ang mga prinsipyo sa paggamit ng mga tao sa nakaraang kapanahunan? Ang sinumang labis na masigasig, sinumang nagpapakaabala at gumugugol sa kanyang sarili, sinuman ang pinakamatagal nang nananalig sa Diyos, at sinuman ang pinakamatanda at walang asawa—kapag mas umaangkop ang isang tao sa paglalarawang ito, mas mataas ang katanyagang mayroon siya at mas may kakayahang maging lider. Hindi na mahalaga ang mga bagay na iyon. Ang diwa ng isang tao ang mahalaga, dahil ang susi sa pananalig sa Diyos ay kung ano ang diwa ng isang tao, kung kaya ba niyang sambahin ang Diyos, at kung kaya niyang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos. Kung ngayong pumarito na ang Diyos sa katawang-tao ay hindi mo Siya kilala, ano ang ipinapahiwatig niyon tungkol sa diwa mo? Hindi ba’t ipinapahiwatig nito na ang diwa mo ay lumalaban sa Diyos? Depende ito sa kung umaayon sa Diyos o hindi ang iyong mga pananaw at intensiyon. Kung kaya mong tanggapin ang tunay na daan at talikdan ang mga dati mong intensiyon at kuru-kuro, matatanggap at pagpapalain ng Diyos ang mga taong katulad mo. May mga prinsipyo sa kung paano ginagamit ng Diyos ang mga tao sa Kanyang gawain. Hindi Niya tinitingnan ang iyong kapital, pinanggalingang pamilya, katanyagan o katayuan. Hindi Niya ginagamit ang mga lumalaban sa Kanya—hindi ba’t maaantala lamang niyon ang Kanyang gawain? Palaging pinag-uusapan ng mga tao ang kanilang kapital, labis ang kayabangan nila—sila ay mga diyablo! Hindi natin pinag-uusapan ang mga bagay tulad ng paghahandog, paggugol sa sarili, kapital, at katanyagan—walang saysay na pag-usapan ang mga bagay na iyon! Sinuman ang pinakasinsero sa Diyos at pinakahandang sumunod sa Diyos ay magtataglay ng katotohanang realidad, at sinasang-ayunan natin ang gayong mga tao. May saysay pa bang tingnan ang panlabas? Maaaring magbago ang ilang bagay sa panlabas ng isang tao, ngunit maraming bagay sa loob ng kalikasan nila ang hindi magbabago, at darating ang panahon na lilitaw ang mga ito. Kaya, dapat mong malaman ang mga bagay na ito at malantad ang mga ito. Napakaraming bagay sa kalikasan ng isang tao! Siyempre, ang kalikasan ng tao ay mayabang, mapagmatuwid, at mapaghimagsik, at ito ang pinakamalaki, pinakanakaugat na mga problema. Bukod sa mga ito, mayroon ding ilang tiwaling disposisyon sa loob ng tao. Samakatuwid, ang pagkilala sa sarili ay hindi isang simpleng bagay. Yaong mga may kaunting kakayahan ay madaling mamamalayan at mauunawaan kapag may nagagawa silang mali o nagkakasala sila. Gayunpaman, ang mga bagay na nasa kalikasan nila, ang mga bagay na nasa disposisyon nila, at lalo na ang mga bagay na nauugnay sa kanilang malulubhang kahinaan, ay ang mga bagay na para sa kanila ay pinakamahirap makita at malaman. Huwag isipin na, kapag gumawa ka ng mali at nagdasal ka sa Diyos, o nakagawa ka ng kasalanan at ipinagtapat mo ito sa Diyos, ibig sabihin ay kilala mo ang iyong sarili—malayong-malayo iyan sa kamalayan sa sarili! Kung hindi ka naniniwala sa Akin, gawin mo ang gusto mo at tingnan mo ang mangyayari. Marahil ay darating ang isang araw na may haharapin kang isyu at malulugmok ka, o marahil ay darating ang panahon na maaaresto ka at sa loob ng isang gabi, magiging isa kang Hudas, at masisiraan ka ng loob. Kung nais mong magkaroon ng pagpasok sa buhay, dapat mo munang kilalanin ang iyong sarili; kung nais mong magtamo ng pagbabago sa disposisyon, kung gayon ay mas lalong dapat mong pagnilayan at kilalanin ang iyong sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Kapag nagkaroon ka ng isang daan pasulong sa pagkakilala sa sarili, kapag mas lumalalim ang pagkilala mo sa sarili, at kapag natuto ka kung paano isagawa ang katotohanan, likas kang magkakaroon ng pagpasok sa buhay. Nagsisimula rin ang pagbabago sa disposisyon sa puntong ito. Kung tunay mong nakikilala ang iyong sarili, magkakaroon ka ng daan pasulong sa pagpasok sa buhay at pagbabago ng disposisyon, at magiging mas madali para sa iyo ang mga bagay na ito.

Huling bahagi ng 1995

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.