Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikatlong Bahagi) Ikalimang Seksiyon
Nakapaloob sa gawain ng pagpapalawak ng ebanghelyo ang iba’t ibang proyekto na nangangailangang mag-aral at matuto ang mga tao ng iba’t ibang kasanayan at propesyon; gayumpaman, hindi nauunawaan ng ilang tao ang layunin ng Diyos at madaling naliligaw. Pinag-aaralan lang nila ang propesyonal na kaalaman at mga kasanayan nang hindi tinatanggap ang kahit katiting na katotohanan. Anong uri ng tao ito? (Isang taong may disposisyon ng isang anticristo na tumutuon sa mga kaloob.) Tama. Ito ang uri ng tao na isinisiwalat natin; ang ganitong uri ng tao ay may disposisyon ng isang anticristo at, sa malalalang kaso, siya ay isang anticristo. Ninanais niyang gamitin ang pagkakataong ito para matutunan ang mga bagay na ito at pagkatapos ay maging pinakamahusay sa pinakamahusay sa lahat ng nakakaalam ng propesyon o kasanayang ito, para maging pinakamatalino at pinakabihasa sa larangang ito nang sa gayon ay sumandig sa kanya ang iba para sa lahat ng bagay, at makinig sa kanya sa halip na magsagawa ng katotohanan habang nangunguna siya sa grupong ito. Doon nakaugat ang problema. Anong uri ng mga tao ang ganito? Iyong mga naghahangad lang na mag-aral at magbigay sa sarili nila ng lahat ng uri ng kaalaman, pagkatuto, at karanasan; na sumasandig sa kanilang kakayahan, mga talento, at mga kaloob para gawin ang lahat. Hindi magtatagal, tatahakin nilang lahat ang gayong landas. Hindi ito maiiwasan. Ito ang landas ni Pablo. Anuman ang lugar o larangan na iyong ginagalawan, ang pagkakaroon ng medyo mas maraming kaalaman, karanasan, o mga aral na natutunan kaysa sa iba ay hindi sapat para ipakita na nauunawaan mo ang katotohanan o na nakapasok ka sa katotohanang realidad, at tiyak na hindi ito nangangahulugan na nakamit mo na ang katotohanan. Kaya, ano ang sapat na nakakapagpakita nito? Ang pagkakaroon ng mas mahusay na pang-unawa sa mga prinsipyo sa paggawa ng ganitong uri ng tungkulin, gayundin ang mga hinihinging pamantayan ng sambahayan ng Diyos para sa paggawa ng tungkuling ito habang pinag-aaralan ang mga propesyonal na kasanayang ito. May ilang tao na nagiging mas mapanlaban habang mas sinisikap mong matutunan nila ang propesyonal na kaalaman, at iniisip nilang imposibleng gawin ang kanilang tungkulin, sinasabi pa nga, “Ang pananampalataya sa Diyos ay dapat tungkol sa paglayo sa mundo ng mga walang pananampalataya, kaya bakit kailangan nating matutunan ang mga kasanayan at kaalaman ng mga walang pananampalataya?” Ayaw nilang matuto. Katamaran ito. Hindi sila nagtataglay ng isang responsableng saloobin sa kanilang trabaho, wala silang katapatan, at ayaw nilang mamuhunan ng anumang pagsisikap sa gayong bagay. Ang layunin ng pag-aaral ng propesyonal na kaalaman at kasanayan ay para magawa mo nang maayos ang iyong tungkulin. Maraming kaalaman at sentido komun ang hindi mo pa nakatatagpo na kailangan mong matutunan. Ito ang hinihingi at atas ng Diyos sa tao. Samakatwid, hindi magiging walang kabuluhan ang pag-aaral ng mga bagay na ito; ang lahat ng ito ay para sa kapakanan ng paggawa mo ng iyong tungkulin nang maayos. Iniisip ng ilang tao na pagkatapos matutunan ang gayong mga kasanayan, magagawa nilang magkamit ng tiyak na lugar sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ang ganitong paraan ng pag-iisip ay nangangahulugan ng problema? Mali ang pananaw na ito. Mayroon bang sinumang may kakayahang tumahak sa landas na ito? Mas malaki ang kapangyarihan, mas malaki ang saklaw ng gawain, mas malaki ang responsabilidad na ibinibigay sa ganitong uri ng tao, mas nasa panganib sila. Paano lumilitaw ang panganib na ito? Ito ay, siyempre, dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon, at disposisyon ng isang anticristo. Kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, tumutuon lang sila sa kung paano gawin ang gawain at maging pabasta-basta. Hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo. Hindi nila, sa pamamagitan ng proseso ng paggawa ng kanilang tungkulin, nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, ni hindi nila nauunawaan pa o naaarok pa ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo, ni hindi nila sinusuri o sinisiyasat ang katiwaliang ibinubunyag nila, ang mga maling pananaw na lumilitaw sa kanila, o ang mga maling kalagayan na kinahulugan nila habang ginagawa ang kanilang tungkulin. Tumutuon lang sila sa mga panlabas na gawi, binibigyang-pansin lamang ang pagpapakadalubhasa at pagdudulot sa kanilang sarili ng iba’t ibang uri ng kaalaman na kinakailangan sa kanilang tungkulin. Naniniwala sila na, nasa anumang linya ng trabaho ang isang tao, ang kaalaman ang nangunguna sa lahat; na magiging malakas sila at maitatatag ang sarili nila sa isang grupo kung nagtataglay sila ng kaalaman; at na, anumang grupo ang kinabibilangan nila, ang mga may mataas na antas ng kaalaman at mas mataas na akademikong digri ay may mataas na katayuan. Halimbawa, sa isang ospital, ang direktor ng ospital sa pangkalahatan ay ang pinakamagaling sa lahat ng aspekto ng propesyon at nagtataglay ng pinakamalakas na mga teknikal na kasanayan, at iniisip ng gayong mga tao na ito rin ang kaso sa sambahayan ng Diyos. Tama ba ang ganitong paraan ng pag-unawa sa mga bagay-bagay? Hindi, hindi ito tama. Salungat ito sa kasabihang: “Ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos.” Pinaniniwalaan ng gayong mga tao na ang kaalaman ay naghahari sa sambahayan ng Diyos, na sinumang may kaalaman at karanasan, sinumang may sapat na senyoridad at sapat na puhunan ay magtatagumpay sa sambahayan ng Diyos, at dapat makinig sa kanya ang lahat. Hindi ba’t mali ang pananaw na ito? Maaaring hindi sinasadya ng ilang tao na mag-isip at kumilos nang ganito; hinahangad nila ito, at baka isang araw ay makatatagpo sila ng isang balakid. Bakit marahil ay makatatagpo sila ng isang balakid? Mauunawaan ba ng isang taong hindi nagmamahal o naghahangad sa katotohanan, na lubusang binabalewala ang katotohanan, ang kanyang sarili? (Hindi.) At kahit na hindi niya nauunawaan ang sarili niya, sinangkapan niya ang sarili niya ng maraming kaalaman, nagbayad ng ilang halaga para sa sambahayan ng Diyos at gumawa ng ilang kontribusyon—ano ang ginawa niya sa mga ito? Ginawa niyang puhunan ang mga ito. At para sa kanya, ano ang puhunang ito? Ito ay isang talaan ng kanyang pagsasagawa ng katotohanan, katibayan ng kanyang pagpasok sa katotohanang realidad at pag-unawa sa katotohanan. Ito ang ginawa niya sa mga bagay na ito. Sa puso ng bawat indibidwal, ang pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad ay itinuturing na isang mabuti at positibong bagay. Siyempre, totoo rin ito sa paningin ng ganitong uri ng tao. Bagaman, sa kasawiang-palad ay napagkamalan niyang katotohanan ang kaalaman. Gayumpaman, maganda pa rin ang pakiramdam niya sa pagkakamaling ito. Tanda ito ng panganib. Anong uri ng tao ang kikilos nang ganito? Ang lahat ng taong walang espirituwal na pang-unawa ay kikilos nang ganito, hindi namamalayang tumatahak sa maling landas. At sa sandaling naroon na sila, hindi mo na sila mahihila pabalik. Kung makikipagbahaginan ka sa kanila tungkol sa katotohanan, tutukuyin ang kanilang mga kalagayan, at ilalantad sila, hindi nila mauunawaan, hindi nila ito maiuugnay sa kanilang sarili. Ito ay isang seryosong kawalan ng espirituwal na pang-unawa. Likas na tinatrato ng gayong tao ang kanyang kaalaman, karanasan, at mga aral bilang katotohanan. At sa sandaling tanggapin niya ang mga bagay na ito bilang katotohanan, isang partikular na sitwasyon ang lilitaw kalaunan. Hindi ito maiiwasan. Ipagpalagay na nagsasabi ang Diyos ng isang bagay at ang ganitong uri ng tao ay nagsasabi ng isa pang bagay—tiyak na magkaiba ang kanilang mga perspektiba. Kung gayon, kaninong perspektiba ang ituturing na tama ng ganitong uri ng tao? Paniniwalaan niyang tama ang sarili niyang perspektiba. Kung ganoon, makakapagpasakop ba siya sa Diyos? (Hindi.) Ano ang gagawin niya? Kakapit siya sa sarili niyang perspektiba at itatanggi ang sinabi ng Diyos. Sa paggawa nito, hindi ba’t tinatrato niya ang sarili niya bilang pagsasakatawan ng katotohanan? (Oo.) Iniisip niya na, tulad ng isang Budista, sa wakas ay nakamit na niya ang tagumpay sa kanyang sariling paglilinang; habang itinatanggi niya ang Diyos, pinatatrato niya ang sarili niya sa iba bilang Diyos, at iniisip na siya ay naging pagsasakatawan ng katotohanan. Napakakakatwa niyan! Halimbawa, sabihin na ang isang tao ay partikular na bihasa sa isang partikular na larangan ng kaalaman o linya ng gawain. Bilang isang karaniwang tao sa larangang ito, tinatanong Ko siya ng mga katanungang may kaugnayan sa larangang ito, pero kapag ginagawa Ko ito, nagsisimula siyang magyabang. Anong uri ng tao ito? Sabihin mo sa Akin, mali bang magtanong Ako sa kanila? (Hindi.) Kung gayon, bakit Ako nagtatanong sa kanila? Dahil ang ilang usapin ay may kaugnayan sa gawain at mga propesyon, at dahil hindi Ko nauunawaan ang mga ito, dapat Akong magtanong sa iba. Higit pa rito, alam Kong mayroon siyang karanasan at nauunawaan niya ang mga bagay na ito. Talagang tama para sa Akin na magtanong sa kanya. Tama ba ang Aking layunin at diskarte? (Oo.) Wala namang dapat na anumang masama rito, hindi ba? Kung gayon, ano ang tamang paraan kung paano dapat tratuhin ng taong iyon ang usaping ito? Dapat niyang sabihin sa Akin ang lahat ng nauunawaan niya. At pagkatapos, paano niya dapat isipin ito? Ano ang tamang paraan para pag-isipan ito? Ano ang maling paraan? Paano ito iisipin ng isang normal at makatwirang tao? Paano ito iisipin ng isang taong may disposisyon ng isang anticristo? Ang ilang tao, nang marinig na hindi Ako nakauunawa, ay nagsasabi na, “O, hindi mo nauunawaan! Hindi mo alam kung gaano kahirap para sa amin na gawin ito! Hindi mo ito alam at hindi mo ito nauunawaan!” Habang nagsasalita sila, nagsisimula silang magyabang. At ano ang ipinahihiwatig ng pagyayabang na ito? Na may problema. Kadalasang napakapino at napakabanal ng mga taong ito, pero bakit bigla silang nagsisimulang magyabang? (Itinuturing nila ang sarili nila bilang ang katotohanan dahil nakauunawa sila ng kaunting kaalaman at mayroon silang kaunting karanasan.) Tama iyan. Dati, kapag tinatanong sila ng iba, hindi nila iniisip na malaking bagay ito. Pero kapag tinatanong Ko sila, iniisip nila, “Hindi ba’t ikaw ang katotohanan? Hindi ba’t dapat nauunawaan mo ang lahat? Paanong hindi mo nauunawaan ang gayong usapin? Kung hindi mo ito nauunawaan, kung gayon ay mas mataas ako sa iyo.” Gusto nilang magyabang nang kaunti. Hindi ba’t ito ang iniisip nila? (Oo.) Hindi sila nakararamdam ng karangalan, sa halip ay lumalabas sa kanila ang isang uri ng satanikong disposisyon. Bigla nilang nararamdaman na napakamakapangyarihan nila sa pagitan ng lupa at ng langit kung tutuusin! Hindi ba’t ito ay isang maling akala? Hindi ba’t hangal ang mga ito? (Oo.) Sa tingin Ko rin. Isang hangal lang ang mag-iisip nang ganito. Hindi ba’t nakauunawa lang sila nang kaunti tungkol sa larangang ito? Maraming bagay ang hindi alam ng mga tao; dapat magkaroon sila ng kaunting kamalayan sa sarili. Ang ilang tao ay may kaunting kaalaman tungkol sa mga tela at halos kaya nilang sabihin ang uri ng materyal sa paghipo lang dito. Kung pupurihin mo sila sa pagsasabing, “Mukhang alam mo ang mga tela,” sasagot sila: “Tama iyan. Hindi ninyo ito malalaman dahil hindi pa ninyo natutunan ang tungkol dito. Napag-aralan ko ang tungkol dito, mas eksperto ako tungkol dito kaysa sa inyo. Hindi kita minamaliit, kailangan mo lang talagang mag-aral pa.” Hindi ba’t medyo nakayayamot ito? Pagkatapos ay may mga taong nagluluto nang kaunti at nagsisimulang magyabang ng tungkol sa kung gaano karaming putahe ang kaya nilang ihanda at kung gaano karaming pagkain ang kaya nilang lutuin. Ang ilang tao ay sandaling nagtrabaho bilang mga nakayapak na doktor sa kanayunan. Kapag nagkaroon ng bahagyang karamdaman ang kapatid nila at humiling ng masahe mula sa kanila o na magsagawa sila ng acupuncture o cupping para sa mga ito, at nagtanong ang mga ito kung mapagagaling ba sila nito, tumutugon sila ng: “Sa palagay mo ba napakadali nitong gamutin? Hindi ninyo nauunawaan. Alam naming lahat na nasa medikal na propesyon na komplikado ang katawan ng tao. May mga misteryo sa paglikha ng diyos sa tao. Kaya, depende sa mga sitwasyon kung magagamit ang acupuncture o cupping.” Sa realidad, sila man ay napakakaunti lang din ng nalalaman. Hindi nila magawang maipaliwanag nang malinaw ang anumang kondisyong medikal o magamot ang maraming sakit. Gayumpaman, alang-alang sa kanilang dignidad, nagmamataas pa rin sila, nagkukunwari, at umaasta na parang eksperto. Ang mga pagpapamalas ng iba’t ibang uri ng mga tao na ito ay nagpapakita na may disposisyon ni Satanas at disposisyon ng isang anticristo ang lahat ng tiwaling tao. Gayumpaman, may mga mas seryoso pa ngang kaso kung saan ang mga tao ay nagbabalat-kayo at nagpapanggap hanggang sa huli. Pinupuri man sila ng iba, nagkikimkim sila ng isang madilim na pag-iisip sa kaibuturan nila. Ano ang kaisipang ito? “Hinding-hindi ko ipapaalam sa sinuman ang aking tunay na pagkakakilanlan at ang aking tunay na mga kakayahan.” Halimbawa, kung isa lamang silang nakayapak na doktor, palagi nilang sinisikap na magbigay ng impresyon sa iba na isa silang kilalang doktor, hindi kailanman ginugustong malaman ninuman na sila ay isang nakayapak na doktor, o kung nakagagamot ba talaga sila ng mga sakit o hindi. Natatakot silang malaman ng ibang tao ang tunay na kalikasan ng kanilang sitwasyon. At hanggang saan nila kinukubli ang kanilang sarili? Hanggang sa punto na iniisip ng lahat ng nakakasalamuha nila na hindi sila kailanman nagkakamali at wala silang anumang pagkukulang; na bihasa sila sa lahat ng kanilang natutunan at kayang gawin ang anumang bagay na kailangan ng iba. Kung tatanungin sila ng iba kung marunong silang magluto o hindi, sasabihin nilang kaya nila. Kapag tinanong kung kaya nilang maghanda ng isang salu-salong Manchu-Han, kahit iniisip nila sa sarili nilang, “Hindi ko kayang gawin iyon,” sasagot sila ng, “Oo!” kapag tinanong pa. Pero, kapag sinabihang gawin ito, magdadahilan sila para makatanggi. Hindi ba’t panlilinlang ito? Nagpapanggap silang alam ang lahat ng bagay, na kaya nilang gawin ang lahat, na kaya nilang gawin ang anumang bagay—hindi ba’t hangal sila? Pero hangal man sila o may kaunting kakayahan, ilang abilidad, o mga kaloob, ano ang isang bagay na karaniwan sa mga anticristo? Ito ay ang kanilang pagnanais na magpanggap na nauunawaan nila ang lahat ng bagay, na magpanggap na sila ang katotohanan. Kahit na hindi nila direktang sinasabing sila ang katotohanan, gusto nilang nagpapanggap na sila ang realidad ng lahat ng positibong bagay, na kaya nilang gawin ang lahat. Hindi ba’t ang implikasyon, kung ganoon, ay na sila ang pagsasakatawan ng katotohanan? Naniniwala sila na sila ang pagsasakatawan ng katotohanan, na lahat ng sinasabi nila ay tama, na ito ang katotohanan.
May ilang tao na inatasan ng isang espesyal na gawain ng Itaas. Nang malaman nila ito, inisip nila sa sarili nila na: “Ang gawaing ito ay ipinagkatiwala sa akin ng itaas, samakatwid ay mas lumaki ang aking kapangyarihan. Magkakaroon na ako ngayon ng pagkakataong ipakita ang aking mga talento at kapangyarihan. Ipapakita ko sa mga nasa ibaba kung gaano ako kakila-kilabot.” Kapag nakikipag-ugnayan sa mga kapatid, inuutusan nila ang mga ito, sinasabi na: “Humayo kayo at gawin ito!” Kapag tinanong kung paano ito gagawin, sinasabi nila: “Gagawin mo ba ito o hindi? Kung hindi, didisiplinahin ko kayo! Utos ito mula sa itaas. Kakayanin mo bang salungatin sila sa pag-aantala nito? Kapag naghahanap ang itaas ng pananagutan, sino ang makakayang umako ng responsabilidad na ito?” Tumutugon ang mga kapatid: “Gusto lang namin itong malaman at maghanap ng mga prinsipyo sa paggawa nito, sa halip na gawin ito nang pabasta-basta at gamitin ang anumang paraan na sa tingin namin ay angkop. Dapat gawin ang lahat nang naaayon sa mga prinsipyo. Anuman ang usapin, o kung gaano man ito kaagaran o kaimportante; sino man ang nagkakatiwala nito, ang pagsunod sa mga prinsipyo ay isang hindi nababagong katotohanan. Ito ang aming tungkulin at dapat kaming maging responsable. Ang paghahanap sa mga prinsipyo ang hinihingi ng Diyos sa amin. Naghahanap at nanghihingi kami ng paglilinaw nang may responsableng saloobin. Walang mali rito. Kailangan mong linawin ang usaping ito para sa amin.” Pero, tumutugon sila ng: “Ano ang kailangang sabihin tungkol sa usaping ito? Puwede bang maging mali ang sinabi ng itaas? Bilisan mo at tapusin mo na ito!” Na tinutugunan ng mga kapatid ng: “Dahil sinabi ng Itaas, tiyak na gagawin namin ito agad. Pero puwede mo bang sabihin sa amin nang malinaw kung paano ito dapat gawin? Mayroon bang anumang partikular na alituntunin o tagubilin?” Sinasabi nilang: “Gawin ninyo ang sa tingin ninyong nararapat. Ang mga tagubilin mula sa itaas ay hindi gaanong detalyado. Alamin ninyo ito sa sarili ninyo!” Anong uri ng tao ito? Kalimutan muna natin ang tungkol sa kanyang motibo o ugat na dahilan sa paggawa nito; sa halip, suriin muna natin ang kanyang disposisyon. Mabuti ba ang diskarte niyang ito? (Hindi.) Paano siya nakaisip ng gayong diskarte? Normal na diskarte ba ito? (Hindi, hindi ito normal.) Hindi ito normal. Problema ba ito sa kanyang mental na kalagayan o sa kanyang disposisyon? (Isang problema sa kanyang disposisyon.) Tama iyan, problematiko ang disposisyon niya. May isang pagpapahayag na tinatawag na “naghihintay ng tamang pagkakataon.” Nangangahulugan ito na sa nakalipas, hindi sila nagkaroon ng tamang pagkakataon na buuin ang kapangyarihan nila; pero, ngayong dumating na ang ganitong pagkakataon, sasamantalahin nila ito at gagamiting dahilan para kumilos. Anong uri ng disposisyon ito? Anuman ang tungkulin na natanggap mo mula sa Itaas, hindi magbabago ang mga prinsipyo ng mga pagkilos mo. Kapag ipinagkatiwala sa iyo ng Itaas ang isang trabaho o gawain, ito ay isang atas lang na ipinagkatiwala sa iyo. Tungkulin mo ring gawin ito. Gayumpaman, pagkatapos tanggapin ang atas mula sa Itaas at kunin ang trabaho, masasabi mo bang ikaw ay isang embahador na may buong kapangyarihan at eksperto sa katotohanan? May awtoridad ka bang utusan ang iba at gawin ang gusto mo? Pinapayagan ka bang sundin lang ang iyong mga sariling hilig, kumikilos ayon sa gusto mo alinsunod sa mga sarili mong kagustuhan at sa sarili mong paraan? Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng direktang pagkakatiwala sa iyo ng Itaas na gawin ang isang bagay at paggawa ng iyong karaniwang tungkulin gaya ng karaniwan mong ginagawa? Walang pagkakaiba; parehong tungkulin mo ang mga ito. Dahil parehong tungkulin mo ang mga ito, nagbago ba ang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay? Hindi, hindi nagbago. Samakatwid, saan mo man tinanggap ang iyong tungkulin, pareho pa rin ang diwa at kalikasan ng iyong tungkulin. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig sabihin nito na dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo anuman ang tungkulin na iyong ginagawa. Hindi ibig sabihin na dahil lang direktang ipinagkatiwala sa iyo ng Itaas na gawin ang isang bagay, magagawa mo ito sa anumang paraan mo gustuhin, at na ang anumang gagawin mo ay magiging tama at makatwiran. Kahit na may ilan kang abilidad, puwede ka bang lumihis sa landas ng paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo? Isa ka pa ring tiwaling tao. Hindi ka naging diyos; wala ka sa isang espesyal na grupo. Ikaw ay ikaw pa rin at ikaw ay palaging magiging tao. Sa Bibliya, maraming tao ang personal na tinawag ng Diyos: Moises, Noe, Abraham, Job at marami pang iba. Marami ring tao ang nakausap ng Diyos; gayumpaman, wala ni isa sa mga taong ito ang naniwala na sila ay isang espesyal na tao o isang miyembro ng isang espesyal na grupo. Sa mga taong ito, personal na nakita ng ilan na nagpakita ang Diyos sa ningas ng apoy, narinig ng iba ang pananalita ng Diyos sa mga sarili nilang tainga, narinig ng ilan ang mga mensahero na naghatid ng mga salita ng Diyos, habang ang iba rin ay personal na tumanggap ng mga pagsubok ng Diyos. At mayroon bang sinuman sa kanila na itinuring ng Diyos na iba sa mga ordinaryong tao? (Wala.) Wala. Hindi ito ganoon nakikita ng Diyos. Pero kung ganoon mo ito nauunawaan at palaging tinitingnan ang iyong sarili bilang isang espesyal na tao, anong uri ng disposisyon mayroon ka? (Ang disposisyon ng isang anticristo.) Talagang ito ay ang disposisyon ng isang anticristo, na nakakatakot! Kahit pa ipinatong ng Diyos ang Kanyang mga kamay sa iyong ulo at pinagkalooban ka ng kapangyarihang gumawa ng mga himala na sinusuportahan ng banal na kapangyarihan o tumupad ng ilang gawain, palagi ka pa ring mananatiling tao; hindi ka magiging pagsasakatawan ng katotohanan. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito na hindi ka kailanman magiging karapat-dapat na gamitin ang pangalan ng Diyos para sumalungat sa katotohanan at kumilos nang naaayon sa gusto mo, iyon ang pag-uugali ng arkanghel. Kung minsan, gumagamit ang Diyos ng mga espesyal na pamamaraan o mga espesyal na daluyan para ipagkatiwala sa mga partikular na tao na gumawa ng mga espesyal na bagay, na tumupad ng espesyal na gawain, o na maghatid ng mga espesyal na pangyayari o atas. Ito ay dahil naniniwala ang Diyos na may kakayahan ang mga taong ito na gawin ang gayong gawain, na makukumpleto nila ang gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, na karapat-dapat sila sa pagtitiwala ng Diyos—at wala nang iba pa. Kahit na personal silang inatasan mismo ng Diyos, narinig ang mga pagbigkas mula sa bibig ng Diyos, o nakipag-usap sa Diyos, hindi sila magiging iba sa isang ordinaryong tao; ni hindi sila itataas mula sa pagiging isang karaniwang nilikha tungo sa isang natatangi o mas mataas na nilikha. Hindi iyon kailanman mangyayari. Samakatwid, sa gitna ng sangkatauhan, sa sambahayan ng Diyos, gaano man ka-espesyal ang ilang bagay tulad ng mga talento, pagkakakilanlan, katayuan, karanasan, o mga aral ng isang tao, hindi sila mababago para maging pagsasakatawan ng katotohanan. Kung ang isang tao ay walang pakundangang nagpapanggap na gayon, walang pag-aalinlangang isang anticristo ang taong iyon. Kahit na paminsan-minsan ay ibinubunyag ng ilang tao ang gayong disposisyon, puwede pa rin nilang tanggapin ang katotohanan at magsisi. Ang gayong mga tao ay may disposisyon ng isang anticristo at tumatahak sa landas ng isang anticristo; may pag-asa pa rin silang mailigtas. Gayumpaman, kung ang isang tao ay patuloy na nagpapanggap na pagsasakatawan ng katotohanan, patuloy na naniniwalang tama siya, at tumatangging magsisi, tunay siyang anticristo. Ang sinumang anticristo ay hindi tatanggap ng kahit katiting na katotohanan. Kahit ibinunyag at itiniwalag siya, hindi pa rin niya makikilala ang sarili niya; at hindi rin siya tunay na makapagsisisi. Ang ilang lider at manggagawa ay mayroon lamang disposisyon ng isang anticristo. Ang mga prinsipyo nila sa pagkilos at ang mga landas na pinipili nila ay kapareho ng sa isang anticristo. Wala rin silang pagkamakatwiran at hindi nauunawaan ang katotohanan, ni hindi nila alam ang kalikasan at mga kahihinatnan ng kanilang mga pagkilos, at kumikilos sila nang walang ingat. Gayumpaman, ang pinagkaiba nila ay na kaya pa ring tanggapin ng ilan sa kanila ang mga sinasabi Ko. Kaya pa rin silang udyukan ng mga salita Ko at magsilbing babala sa kanila. Kahit na may disposisyon sila ng isang anticristo, kaya pa rin nilang tumanggap ng ilang katotohanan; kaya nilang tumanggap ng kaunting pagpupungos, kaya nilang tunay na magsisi at magbalik-loob kahit papaano. Ito ang nagpapaiba sa kanila sa mga anticristo. Ito ang mga taong mayroon lang disposisyon ng isang anticristo. May pagkakatulad sa pagitan ng pagkakaroon ng kalikasang diwa ng isang anticristo at ng pagkakaroon ng disposisyon ng isang anticristo. Magkapareho talaga ang mga ito, na may parehong katangian sa pagitan ng isang anticristo at ng isang taong may disposisyon ng isang anticristo dahil pareho silang may disposisyon ng isang anticristo. Gayumpaman, kaya ng ilan sa mga taong ito ang tumanggap ng katotohanan at magpakita ng tunay na pagsisisi. Ang gayong tao ay hindi isang anticristo, kundi isang tao na may disposisyon ng isang anticristo. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng isang anticristo at ng mga may disposisyon ng isang anticristo. Ang sinumang hindi kayang tumanggap ng kahit katiting na katotohanan at walang tunay na pagsisisi ay isang tunay na anticristo. Ang sinumang kayang tumanggap ng katotohanan at may tunay na pagsisisi ay isang tao na may disposisyon ng isang anticristo at puwedeng maligtas. Dapat magawa mong malinaw na makilatis ang dalawang uri ng mga taong ito at hindi gumawa ng mga walang batayang paghuhusga. Aling uri kayo? Puwedeng sabihin ng ilang tao na, “Bakit pakiramdam ko ay kapareho ako ng isang anticristo? Parang walang anumang pinagkaiba.” Tumpak ang pakiramdam na ito, walang malinaw na pagkakaiba. Kung matatanggap mo ang katotohanan at makapagpapakita ng tunay na pagsisisi, iyon lang ang pagkakaiba; ito rin ay isang pagkakaiba pagdating sa pagkatao. Ibig sabihin, ang anticristo ay isang masamang tao. Ang tao na may disposisyon ng isang anticristo, sa kabilang banda, ay hindi isang masamang tao; may tiwaling disposisyon lang siya. Iyon lang ang pagkakaiba. Walang pagkakaiba sa kanilang mga tiwaling disposisyon, pare-pareho sila sa bagay na ito, ito ay isang pagkakatulad na tinataglay nilang lahat. Ang iba’t ibang kondisyon ng tiwaling sangkatauhan na inilantad ng mga salita ng Diyos ay ganap na tumpak at hindi lumilihis kahit kaunti sa katotohanan. Kapag binabasa ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga salita ng Diyos, pareho ang nararamdaman nilang lahat; pare-pareho silang lahat ng pang-unawa, nagkakaiba lang sa lalim ng kanilang mga karanasan. Kinikilala nilang lahat ang sarili nilang kayabangan at kawalan ng katwiran. Nagagawa nilang lahat na mapagtanto na mayroon silang napakaraming tiwaling disposisyon, na napakalalim ng pagkagawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan, at na hindi madali para sa Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Kahit napakarami na nang nasabi, marami pa ring masasabi. Kinikilala nilang lahat na mahirap at kaawa-awa, bulag at mangmang ang sangkatauhan. Alam nilang lahat na si Satanas ang gumawang labis na tiwali sa sangkatauhan, na ang ugat ng katiwalian at kabuktutan ng sangkatauhan ay nakasalalay sa katiwalian at pagkontrol ni Satanas sa sangkatauhan. Pagkatapos gawing tiwali ni Satanas, nadungisan ang sangkatauhan ng lason ni Satanas, sa ganoon ay nabuo ang disposisyon ni Satanas at nawala ang pagkamakatwiran, konsensiya, at katwiran ng mga normal na tao. Nawalan ng kakayahan ang mga tao na makilala ang tama at mali. Kung hindi nagtatag ng mga batas ang Diyos para sa sangkatauhan, hindi malalaman ng mga tao kung tama o mali ang manakit o pumatay ng tao; o magnakaw o maging walang pamantayan sa pagpili. Maniniwala sila na ang kanilang mga pagkilos ay makatwiran at na dapat silang kumilos sa ganoong paraan. Gayumpaman, pagkatapos na magpahayag ang Diyos ng mga batas at kautusan, nalaman ng mga tao na ang paggawa ng mga bagay na ito ay isang kasalanan; naging medyo normal ang kanilang pagkamakatwiran. Siyempre, ito lang ang pinakamababaw na antas ng pagkamakatwiran, na natural na magiging mas malalim kapag naunawaan na nila ang katotohanan. Ngayon, kung nagagawang mas maunawaan ng mga tao ang iba’t ibang katotohanan, na makilala ang sarili nila, mahanap ang tamang lugar nila, at tumpak na masukat ang lawak ng kanilang sariling kakayahan, persepsyon, at abilidad na maarok ang katotohanan, at kung nagagawa din nilang gamitin ang katotohanan bilang isang pamantayan at sandigan ang mga salita ng Diyos para malaman ang mga bagay-bagay tulad ng alin sa iba’t ibang saloobin sa Diyos na tinataglay ng mga tiwaling tao ang positibo at alin ang hindi, at alin ang mga kuru-kuro at imahinasyon, at alin ang ayon sa katotohanan, mas magiging normal pa ang kanilang pagkamakatwiran. Samakatwid, ang katotohanan lang ang makapagbibigay sa mga tao ng bagong buhay. Gayumpaman, kung sasangkapan mo ang sarili mo ng kaalaman, bibigyang-diin ang mga partikular na gawi, at palaging magpapasikat, palaging itatanghal ang iyong sarili, at palaging ipagmamalaki ang maliit na bahagi ng malabo, di-makabuluhang kaalaman o pagkatuto at hindi mo hinahangad ang katotohanan, magagawa mo bang makamit ang bagong buhay na ito? Hindi, magiging delusyonal iyon. Hindi lang sa hindi mo ito makakamtan, mawawalan ka pa ng pagkakataon para sa kaligtasan, at iyon ay lubhang mapanganib!
Ang bawat isa sa inyo ay nakinig sa maraming sermon sa katotohanan at ngayon ay medyo mayroon nang kaunting pagkilatis tungkol sa iba’t ibang uri ng mga tao. Kahit na nakikilatis mo ang masasamang tao at hindi mabubuting tao, hindi mo pa rin nakikilatis ang mga huwad na lider at anticristo. Ngayon, unti-unting nililinis ng sambahayan ng Diyos mula sa iglesia ang lahat ng hindi tumatanggap ng ni katiting na katotohanan, na kumikilos pa rin nang walang ingat at gumugulo at gumagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ipinapakita nitong umabot na ang gawain ng Diyos sa yugtong ito, at ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nagsisimula nang magising. Nang nakipag-ugnayan Ako sa ilang tao sa nakalipas, pakiramdam Ko palagi na may isang uri ng “amoy” na nagmumula sa kanila. Anong uri ng amoy? Katulad lang ito ng amoy ng mababangis na halimaw at mababangis na hayop na tumitindig ang balahibo at umaalulong bago pa man makalapit sa kanila ang isang tao. Nagpapakita rin ang mga tao ng ilang pag-uugali na katulad nang sa mga hayop. Paano nabubuo ang mga pag-uugaling ito? Nagmumula ang mga ito sa mga tiwaling satanikong disposisyon na taglay ng mga tao. Ano ang ibig Kong sabihin sa “amoy”? Ang ibig Kong sabihin ay hindi mo nakikita ang pagiging taos-puso kapag tumingin ka sa kanilang mga mata; sa halip, sinasalubong ka ng isang blangkong, gumagalang tingin. Pakiramdam nila ay hindi ka nila masukat kaya gumagala ang kanilang mga mata kapag tumitingin sila sa iyo. Hindi ka rin makakita ng anumang pagkamatapat sa mga salitang binibigkas nila, dahil sa kaibuturan ay wala sila nito. Ano ang ibig Kong sabihin kapag sinasabi Kong wala silang pagkamatapat? Ibig Kong sabihin na kahit sino pa ang nakakahalubilo nila, may depensibong barikada sa kalooban nila. Mararamdaman mo ang depensibong barikadang ito sa pagtingin sa mga mata nila, sa tono ng boses nila, at paraan ng pagsasalita nila. Ito ang uri ng amoy na mayroon sila; nagbibigay ito ng pakiramdam sa isang tao na kahit na maraming sermon na siyang narinig, hindi pa rin niya nauunawaan ang katotohanan, ni hindi pa rin niya tinatahak ang landas ng kaligtasan. Gaano ka man magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan o maglantad ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan; gaano mo man kataos-pusong tinatrato sila, tinutustusan sila, pinapastulan sila, o tinutulungan sila, hindi ka makakakuha ng isang taos-pusong saloobin mula sa kanila. Kaya, ano ang nasa kalooban nila? Pag-iingat, pagdududa—ito ang pinakakaraniwan; bukod pa rito, mayroon ding isang uri ng proteksiyon sa sarili at isang pagnanais na palagi silang hangaan. Samakatwid, ang mga salita nila, ang tingin sa mga mata nila, ang mga ekspresyon sa mukha nila, ang lahat ng ito ay nagbubunyag ng isang bagay na medyo hindi natural. Ibig sabihin, ang nakikita mo sa mga mata at ekspresyon nila ay iba sa kung ano ang iniisip nila sa kaibuturan. Sa madaling salita, mahiyain man ang isang tao, o maingat, o may mga paghihirap sa kalooban niya, kung hindi mo nakikita ang pagkamatapat niya, hindi ba magiging problematiko ito? (Oo.) Sa katunayan, isa itong problema. Kaya, paano natin malalaman? Malalaman natin sa pag-uugali nila o sa paraan nila ng pagsasalita. Hindi nila sinasabi kung ano ang nasa isip nila; sa halip, pinipili nila ang mga salita na sa tingin nila ay angkop at nagbabahagi sa iyo ng tungkol sa mga bagay na napag-isipan na nila. Isa itong taktika sa pagdedepensa sa sarili ng mga walang pananampalataya. Sa tuwing may nangyayari sa kanila, tumitindig muna ang mga balahibo nila na parang parkupino, na pinoprotektahan ang sarili nila. Ang katotohanan nila, ang mga abilidad at talento nila, ang mga pagkakamaling nagawa nila, ang pagkalito nila—kahit ang panlilinlang at pagpapaimbabaw nila—ay nakabalot lahat sa mga tinik nila, inilayo sa paningin ng panlabas na mundo, inilayo maging sa Aking paningin. Masyado silang nagsisikap na pagtakpan at ayusin ang sarili nila at para protektahan din ang sarili nila. Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Nakuha ng sangkatauhan ang mga bagay na ito pagkatapos gawing tiwali ni Satanas. Sa simula, pagkatapos likhain ng Diyos sina Adan at Eba, inakay Niya sila na manirahan sa Hardin ng Eden; sinabi Niya sa kanila kung aling mga bunga mula sa aling mga puno ang puwede nilang kainin, at kung alin ang hindi nila puwedeng kainin. Hubad sila at hindi nahihiya sa harap ng Diyos. At ano ang naisip nila tungkol dito? Inisip nila na ganito sila nilikha ng Diyos, na mayroon silang anumang ibinigay sa kanila ng Diyos, at na hindi nila kailangang magtago sa Diyos—hindi nila kailanman naisip na gawin iyon. Samakatwid, paano man sila humarap sa Diyos, palaging bukas ang kanilang puso. Makikita mo ang pagiging taos-puso sa kanilang mga mata; wala silang mga depensa o pader na proteksiyon laban sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso. Hindi nila kailangang protektahan ang sarili nila sa harap ng Diyos dahil alam nila, sa kaibuturan ng kanilang puso, na hindi banta ang Diyos sa kanila; lubos silang ligtas. Poprotektahan lang sila ng Diyos, mamahalin sila, at pahahalagahan sila. Hindi sila kailanman sasaktan ng Diyos. Sa kaibuturan, ito ang kanilang pinakapangunahin at matibay na kaisipan. Pero kailan ito nagsimulang magbago? (Nang kinain nila ang bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama.) Ang pagkain mula sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama ay, sa katunayan, simboliko. Ibig sabihin nito na, simula noong unang inakit ni Satanas si Eba, unti-unti silang naakit ni Satanas, gumagawa ng mga kasalanan, gumagawa ng mga maling bagay, at tumatahak sa maling landas; pagkatapos, pumasok sa kanila ang lason ni Satanas. Hindi nagtagal, bago ang pagdating ng Diyos, sila ay madalas magtago sa Diyos, hindi nila ginustong mahanap sila ng Diyos. Bakit nila ginawa ito? Pakiramdam nila ay malayo sila sa Diyos. At saan nagmula ang distansyang ito? Ito ay dahil nagkaroon sila ng kakaibang bagay sa kalooban nila. Binigyan sila ni Satanas ng ilang kaisipan at pananaw; binigyan sila nito ng isang uri ng buhay, na nagdulot sa kanilang magduda at mag-ingat laban sa Diyos. Agad silang nagsimulang magtaka kung pagtatawanan sila ng Diyos kapag nakita silang hubo’t hubad. Saan nagmula ang ideyang ito? (Mula kay Satanas.) Bakit hindi sila nag-isip nang ganito bago sila akitin ni Satanas? Sa oras na iyon, taglay nila ang pinakaunang buhay na ibinigay ng Diyos; hindi sila natakot na pagtatawanan sila ng Diyos, ni hindi sila nagkaroon ng ganoong mga kaisipan. Gayumpaman, pagkatapos na maakit ni Satanas, ang lahat ay nagsimulang magbago. Una, naisip nilang, “Wala tayong suot na anuman. Hindi ba’t pagtatawanan tayo ng Diyos? Ibig sabihin ba nito na wala tayong kahihiyan?” Sunod-sunod na tanong ang nabuo sa isipan nila. At sa sandaling lumitaw ang mga kaisipang ito, hindi nila maiwasang magtago sa Diyos. Tiyak na naisip nila sa sarili nilang, “Kailan darating ang Diyos? Kung dumating nga ang Diyos, ano ang dapat kong gawin? Kailangan kong magtago agad!” Naramdaman nila ang pangangailangan na palaging magtago. Isa ba itong tiwaling disposisyon? (Oo.) Ang pang-aakit ni Satanas ang ugat ng tiwaling disposisyong ito. Kapag nag-iingat at nagtatago sa Diyos, magtitiwala pa rin ba sila sa Diyos sa kanilang puso? Sasandig pa rin ba sila sa Kanya? (Hindi.) Kaya, ano ang natira? (Pag-iingat.) Ang mga natitira lang na bagay ay pag-iingat at paghihinala, gayundin ang distansiya, takot, at pagdududa—nagkaroon ng lahat ng ito. Naisip pa nga nilang, “Sasaktan ba tayo ng Diyos? Nakahubad tayo at walang anuman para maipagtanggol ang ating sarili. Sasaktan kaya tayo ng Diyos? Papatayin kaya Niya tayo?” Hindi kailanman sumagi sa isip nila na ibinigay ng Diyos sa kanila ang kanilang buhay, at tiyak na hindi Niya sila papatayin nang basta-basta. Malabo ang pag-iisip nila, naging lito na sila. Ang paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan; ang saloobin ng sangkatauhan sa Diyos ay makikita sa mga mata ng mga tao, at hindi kailanman nagbago. Wala na ang pagiging taos-puso; wala na ang tunay na pananalig, pagtitiwala, at pagsandig sa Diyos. Nasaan ang ugat ng kasinungalingang ito? (Sa katiwalian ni Satanas.) Tama iyan, ito ay nasa katiwalian ni Satanas. Labis na pininsala ni Satanas ang sangkatauhan! Kahit na puwedeng isipin ng mga tao na ang panahon bago ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan ay medyo mabuti, sa realidad, kung ikukumpara sa panahon pagkatapos na mailigtas at maunawaan ang katotohanan at makilala ang Diyos, ang mga bagay noon ay hindi pa rin kasing ganda ng mga ito pagkatapos na mailigtas. Kung makakapili kayo, alin sa mga senaryo na ito ang pipiliin ninyo? (Ang panahon pagkatapos na mailigtas.) Sa totoo lang, hindi nararapat na piliin ng mga tao ang alinman sa dalawa; hindi makakapili ang mga tao. Itinakda ito ng Diyos, kapalaran ito ng sangkatauhan. Bago ginawang tiwali ni Satanas, kahit na nagtiwala at sumandig ang mga tao sa Diyos, hindi naunawaan ng naunang sangkatauhan ang katotohanan at hindi alam kung sino ang Diyos. Sa panahon ngayon, kahit papaano ay may konsepto nito ang mga tao; alam nila na nagmula ang sangkatauhan sa Diyos, na mga nilikha sila at na ang Diyos ang kanilang Lumikha. Alam nila na ang Diyos ang may kontrol sa lahat. Pero hindi nauunawaan ng mga tao noong panahong iyon ang mga bagay na ito. Medyo simple sila, ibig sabihin hindi sila natatakot na makita sila ng Diyos o pagtawanan sila, at bumabaling sila sa Diyos para sa lahat. Ganoon kasimple ang mga pananampalataya nila. Gayumpaman, kilala ba nila kung sino ang Diyos? Hindi. Samakatwid, ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos ay may malalim na halaga at malaking kahalagahan para sa sangkatauhan. Lahat ito ay mabuti. Kapag pinag-uusapan natin ang kasaysayan ng paghihimagsik ng sangkatauhan laban sa Diyos, medyo nalulungkot ba kayo? Ang dating matalik na relasyon sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos ay naging napakalayo. Taos-pusong pinoprotektahan at minamahal ng Diyos ang sangkatauhan, pero pinagdududahan ng mga tao ang Diyos; nagtatago at lumalayo sila sa Diyos, tinitingnan pa nga nila ang Diyos bilang isang kaaway. Talagang nagdadala ng labis na kalungkutan ang sabihin ito. Pero maibabaling lang natin ang galit natin kay Satanas; labis na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Kahit na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan nang ganoon kalala, may paraan ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Gaano man nanggugulo si Satanas, hindi ito makaaapekto sa gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Ito ang kapangyarihan ng Diyos, ang awtoridad ng Diyos.
Ang mga anticristo ay nagpapanggap bilang pagsasakatawan ng katotohanan kapag nagtamo na sila ng kaunting karanasan at kaalaman, at natuto ng ilang aral. Kahit papaano ay nagbahaginan na tayo tungkol sa paksang ito. Anong impormasyon ang nakuha ninyo mula rito? Anong mga katotohanan ang nauunawaan ninyo? (Hindi namin dapat pahalagahan ang kaalaman.) Ito ay isang aspekto. May iba pa ba? (Ang sangkatauhan ay hindi kailanman ang katotohanan at hindi dapat magpanggap na Diyos.) Ang pagpapanggap bilang katotohanan ay hindi isang positibong bagay sa sarili nito. Ang katotohanan ay hindi isang bagay na puwedeng magpanggap ang isang tao na siya ito; ito ang diwa ng Diyos. Ang Diyos ay nagbibigay sa iyo ng kaunting katotohanan—at ang pagkakaroon ng kaunting katotohanan ay sapat na. Pero gusto ng ilang tao na maging pagsasakatawan ng katotohanan. Imposible ito. Ganap na walang batayan ang gayong mga pahayag. Higit pa rito, kung gustong maligtas ng mga tao sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, dapat nilang matutunang umasal nang may kababaang-loob at hindi maghangad ng pagiging perpekto. Kahit na ang salitang “pagiging perpekto” ay puwedeng umiral, ang ideya na nagiging perpekto ang mga taong nilikha ay hindi katanggap-tanggap. Ang pagiging perpekto ay matatagpuan lang sa Diyos. Sino sa mga tao, na puno ng katiwalian, ang perpekto? Lahat ng nilikha ng Diyos ay walang kapintasan. Ito ang tinatawag nating “pagiging perpekto.” Isipin ang mga isda sa dagat, ang mga ibon sa himpapawid, ang mga hayop na may pakpak at mga hayop na gumagala sa lupa—perpekto ang lahat ng ito. May mahahanap ka bang hindi mabuti? At nariyan ang biyolohikal na kadena na binuo ng lahat ng nabubuhay na bagay—napakaperpekto nito! Ang mga tiwaling tao ay puwede lang magdulot ng pagkawasak, ginagawa itong hindi perpekto, may depekto, at may kakulangan. Napakamakasarili at kasuklam-suklam! Lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti. Ang mga dahon sa mga puno ay may iba’t ibang hugis; ang mga hayop malaki at maliit ay may iba’t ibang uri ng pangangatawan, bawat isa ay may sariling gamit. Masyadong maalalahanin ang Diyos sa sangkatauhan; gayumpaman, ang sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas, ay nabigong pangalagaan ang lahat ng bagay. Sa halip, sinira ng sangkatauhan ang mga bagay at sinayang ang maingat na layunin ng Diyos. Hindi pinahalagahan ng mga tao ang lahat ng ito; sa halip, puspusan nilang sinira ito, nilustay at winasak ang lahat ng yaman sa sukdulan. At ano ang resulta nito? Ano ang pinakahuling kinalabasan? Inaani nila ang kanilang itinanim! Nawasak ang kapaligiran, naputol ang kadena ng pagkain, narumihan ang hangin, at naging kontaminado ang tubig. Walang natural na pagkain ang natira; wala man lang malinis na tubig na maiinom. Samakatwid, hindi umiiral ang konsepto ng “pagiging perpekto” sa mga tao na ginawang tiwali ni Satanas. Ang sinumang tao na, sa ilalim ng bandera ng paghahangad ng katotohanan, ay nagsasabing perpekto siya o naghahangad na maging perpekto ay gumagawa ng isang pahayag na hindi mapatutunayan—ito ay isang mapanlinlang, mapanlihis na kasinungalingan. Gayumpaman, ang gayong mga tiwaling tao ay nagnanais na magpanggap na pagsasakatawan ng katotohanan! Nakagawa na sila ng napakaraming masamang bagay pero iniisip pa rin nila na makapagpapanggap sila na pagsasakatawan ng katotohanan! Hindi ba’t nangangahulugan ito na hindi nagbabago ang satanikong kalikasan nila? (Oo.) Ang hindi pagtataglay ng katotohanan pero nagnanais pa ring magpanggap na pagsasakatawan ng katotohanan, napakawalanghiya ng mga satanikong uring ito!
Nobyembre 20, 2019