Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikatlong Bahagi) Unang Seksiyon
Karagdagang Babasahin: Isang Paghihimay sa Tradisyonal na Kultura sa Silangan at Kanluran
Sabihin mo sa Akin, ano ang katotohanan? Hindi ba’t nagbahaginan na tayo sa paksang ito noon? (Oo, nagbahaginan na tayo.) Kung gayon, sabihin ninyo sa Akin kung ano ang katotohanan sa mga sarili ninyong salita. (Ang katotohanan ay ang prinsipyo at ang pamantayan kung saan sinusukat ang lahat ng tao, mga pangyayari, at mga bagay.) Mabuti. Sino pa? May iba bang paraan ng paglalahad nito? Huwag ninyong isipin kung aling mga salita ng doktrina ang gagamitin, o kung aling linya ng mga salita ng Diyos ang pipiliin para sa inyong sagot, sumagot lang kayo gamit ang mga salita mula sa inyong sariling aktuwal na karanasan at aktuwal na pagkaunawa. Ayos lang kung hindi masyadong malalim ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan.” Kahit na tama ito, kung nagagawa mo lang sabihin ang mga salitang ito, subalit hindi nauunawaan ang aktuwal na kahulugan ng mga ito, pawang doktrina lang ang mga ito sa iyo. Ipagpatuloy pa natin ngayon ang usapan—ano ang katotohanan? Ano ang mga salita ng Diyos? Ano ang diwa ng mga salita ng Diyos? Ang katotohanan ba ang pamantayan na binubuo ng mga tao sa pamamagitan ng pag-iisip at pagsasaalang-alang? (Hindi, hindi iyon.) Ang katotohanan ba ay ang kabuuan ng naranasan ng mga tao at ang kaalamang nakamit nila, o isang uri ng kulturang panlipunan, o isang tradisyonal na kultura na ginawa sa loob ng isang tiyak na kontekstong panlipunan? (Hindi, hindi iyon.) Kung gayon, ang katotohanan ba ay ang mga prinsipyong ibinubuod ng mga tao sa sarili nila para sa kanilang asal at mga kilos? (Hindi, hindi iyon.) Kung gayon, ano ba talaga ito? Paano natin matutukoy ang mga prinsipyong binanggit dito, para magkaroon sila ng isang tiyak na kahulugan at malaman ng mga tao, na ito ang katotohanan sa sandaling marinig nila ito? Paano natin ito maipaliliwanag nang maikli at tumpak para sa mga tao? (Pawang katotohanan ang mga hinihingi ng Diyos sa tao.) Pawang katotohanan ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, tama iyon, subalit paano mo iyon masasabi sa mas eksakto pang paraan? (Ang katotohanan ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay.) Madalas itong sinasabi noon. Madalas nating sabihin na ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang mga hinihingi sa tao, at ang realidad ng lahat ng positibong bagay ay ang katotohanan—ano pa ba ang mayroon doon? (Ang katotohanan ay ang pamantayan at ang landas kung paano dapat harapin ng mga tao ang mga usapin at kung paano dapat umasal.) Ang katotohanan ay ang pamantayan at ang landas kung paano dapat harapin ng mga tao ang mga usapin at paano sila dapat umasal, tama rin ito. Ngayon pagsamahin ang lahat ng aspektong ito at ipaliwanag ang katotohanan sa isang maikling pangungusap. (Ang Diyos ang katotohanan.) Ang Diyos ang katotohanan; medyo masyadong malawak ito, masyadong pangkalahatan. Kailangan nitong maging mas espesipiko, para kapag narinig ito ng mga tao, maramdaman nilang isa itong tumpak na depinisyon, hindi humpak subalit medyo kongkreto at praktikal, at isipin na ito ay angkop. Subukan muling ibuod ito; paano mo ito eksaktong maipahahayag nang mas tumpak? (Nakipagbahaginan ang Itaas noon na ang katotohanan ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos.) Hindi ba’t naipahayag iyon nang maikli? (Oo, ganoon nga.) Ang katotohanan ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos. Bakit tinutukoy ito bilang isang pamantayan? Paano natin dapat unawain ang salitang “pamantayan” sa literal na pakahulugan? (Bilang isang tumpak na prinsipyo.) Bilang isang tumpak na prinsipyo o tuntunin; matatawag din itong isang regulasyon. Kaya, ano ang tinutukoy ng isang “pamantayan”? (Isang huwaran.) Tumutukoy ito sa isang huwaran, tiyak na tuntunin at prinsipyo. Iyan ang tinatawag nating pamantayan. Ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos—kung tumpak ang mga depinisyong ito, saan nauugnay ang pamantayang ito? Ano ang tinutukoy nito rito? Tulad ito nang nauna nang tinukoy: ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos. Ito ang katotohanan. Ngayon, kapag may magbabasa ng pangungusap na iyon, maiisip kaya nila, “Katotohanan rin ang ating tradisyonal na kultura”? Maaari ba itong ilagay sa ilalim ng kategorya ng katotohanan? (Hindi, hindi maaari.) Hindi maaari. Masasabi ba nila, “Mayroon kaming kongklusyon ng akademikong pananaliksik na siyang katotohanan,” o “Ang ating mga tao ay may kultura, o isang karanasan, o isang mabuting pamantayang moral na siya ring katotohanan”? Maaari bang tukuyin ang katotohanan nang ganito? (Hindi, hindi maaari.) Bakit hindi natin maaaring gamitin ang mga bagay na ito para tukuyin ang katotohanan? Bakit sinasabi nating walang kinalaman ang mga bagay na ito sa katotohanan? (Walang kinalaman ang mga ito sa pagsamba sa Diyos.) Tama iyan. Maaaring nauugnay ang mga ito sa asal ng mga tao, subalit hindi nauugnay ang mga ito sa pagsamba sa Diyos. Ano ang tinutukoy ng asal na pinag-uusapan nila? Ano ang kanilang mga pamantayan at tuntunin? Mabuting pag-uugali na nagmumula kay Satanas. Hindi tungkol ang mga ito sa pagsamba sa Diyos, tungkol ang mga ito sa pagsamba at pagtatanggol kay Satanas. Kalipunan ang mga ito ng mga kasabihan o kultura tungkol sa asal na ibinuod mula sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, at mula sa kung ano ang pinaniniwalaan ng mga tao bilang mabubuting moralidad o pag-asal. Hindi napapaloob sa mga ito ang katotohanan o ang pagsamba sa Diyos—walang kinalaman ang mga ito sa pagsamba sa Diyos.
Nagbuod ang mga Tsino ng isang tradisyonal na kultura na angkop lang para sa mga Tsino, at na hindi matatanggap ng mga Kanluranin. Ang mga Kanluranin ay may kanilang sariling mga pambansang bayani, pambansang pagpapahalaga ng moral na integridad, at pambansang kultura, subalit kung dadalhin nila ang kanilang mga kultura sa Silangan, tatanggapin ba ang mga ito ng mga tao roon? (Hindi, hindi nila tatanggapin.) Hindi rin tatanggapin ang mga ito. Samakatwid, gaano man kataas ang pagtingin ng mga tao sa mga kulturang ito, o gaano man karangal ang tingin nila sa mga tradisyong ito, mayroon bang anumang kaugnayan sa pagitan ng mga ito at ng katotohanan? (Wala, walang kaugnayan.) Walang kaugnayan. Halimbawa, may isang uri ng tradisyonal na kultura sa Silangan na nagsasaad na hindi mapalad na hayop ang mga kuwago. Ano ang sinasabi ng mga tao? “Hindi ang kuwago na umiiyak ang dapat mong katakutan, kundi ang kuwago na tumatawa. Pakinggan ang tawag nila, at tiyak na may mangyayaring masasamang bagay.” Sa tradisyonal na kultura ng Silangan, pinaniniwalaang hindi mapalad at malas ang mga kuwago. Kung gayon, gusto ba ng mga taga-Silangan ang “malas” na hayop na ito? (Hindi, hindi nila gusto.) Saan nakabatay ang hindi pagkagustong ito? Batay ito sa tradisyonal na kultura ng Silangan, at sa kung ano ang ipinasa sa mga henerasyon, na nagsasabing “Nagbabalita ng kamatayan sa pamilya ang tawag ng isang kuwago.” Maaaring isa itong batas na binuod ng mga tao, o isang imahinasyon ng tao, o nagkataon lang, at pagkatapos ay pinaniniwalaan na ng mga tao sa puso nila na masama ang mga kuwago. Iniisip nilang walang dapat sumamba sa mga ito o tratuhin ang mga ito bilang mapapalad na hayop, at na, kung makakita sila ng isang kuwago, dapat nila itong mabilis na itaboy, at huwag itong tanggapin. Hindi ba’t isa itong uri ng kultura? (Oo, ito nga.) Positibo o negatibo man ang uri ng kulturang ito, isa itong uri ng katutubong pamana. Sa ngayon, huwag muna nating pag-usapan kung tama o mali ito, at sabihin na lang na ang ganitong uri ng kultura ay lubusang ineendorso ng bawat tao sa Silangan, partikular sa Tsina. Naniniwala ang bawat tao roon sa kanilang puso na masasama at hindi mapapalad na hayop ang mga kuwago, kaya’t magmamadali silang iiwas kung makikita nila ito. Subalit sa Kanluran, naniniwala ang ilang tao na isang uri ng mapalad na hayop ang mga kuwago, at ginagamit ang mga estatwa at pinta ng kuwago bilang mga dekorasyon. Ang lahat ng uri ng mga gawang burda at totem ay mayroon ding mga disenyo ng kuwago, at tinatrato ang mga ito bilang mapapalad na hayop. Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang mapalad na hayop? Iyon ay na maaaring magdala ng suwerte sa iyo ang hayop na ito, at hindi ka makatatagpo ng kamalasan pagkatapos marinig itong tumawag o makita ang isa nito. Ito ay isang uri ng popular na tradisyonal na kultura sa Kanluran. Hindi tayo gagawa ng panghuhusga kung alin sa mga kulturang ito ang tama at kung alin ang mali; hindi tayo ang manghuhusga tungkol dito. Subalit sa pamamagitan ng bagay na ito makikita natin na ang parehong hayop na nilikha ng Diyos ay napapasailalim sa iba’t ibang pananaw at kuru-kuro sa Silangan at sa Kanluran, na bukod doon ay ganap na magkaiba. Hindi ito itinuturing ng mga taga-Silangan na isang mabuting bagay, at tumatawa o umiiyak man ang isang kuwago, hindi ito itinuturing na mabuti para sa kanila, habang itinuturing itong mapalad ng mga taga-Kanluran umiiyak o tumatawa man ito, at na ang makita lang ang isa nito ay maaaring magdala sa kanila ng suwerte, kaya tinatrato nila bilang mapapalad na hayop ang mga kuwago. Nagmula sa tradisyonal na kultura ang dalawang pananaw at paraan na ito ng pakikitungo sa mga kuwago: isa na naniniwala na malas ang mga kuwago, at isa na itinuturing na mapalad ang mga ito. Kung titingnan ito ngayon, alin ang naaayon sa katotohanan, at alin ang hindi? (Hindi naaayon ang alinman sa katotohanan.) Saan ninyo ibinabatay ang paninindigang iyon? (Wala sa alinmang pananaw ang nagmumula sa Diyos.) Tama iyan. Kapag sinasabi ng mga tao na hindi mapapalad na hayop ang mga kuwago, saan nila ibinabatay iyon? Ito ay tradisyonal na kultura ng Silangan; kung ano ang pinaniniwalaan nilang mapalad o hindi mapalad, o na magdadala ng sakuna, kamalasan, o suwerte, ay sinusukat ayon sa tradisyonal na kultura. Isa itong paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay na hango sa mga imahinasyon at kuru-kuro, kung saan nagmumula ang ganitong uri ng kultura. Iniisip ng mga Kanluranin na ang ganitong uri ng hayop ay maaaring magdala ng suwerte sa mga tao, at siyempre pa, ito ay mas mabuti nang kaunti at mas progresibo ito kaysa sa pagtrato at pagturing dito bilang malas. Pinararamdam nito sa mga tao na ito ay isang medyo mabuting hayop, at na kahit papaano ay magiging kalmado at matatag ang pakiramdam nila pagkatapos makakita ng isa nito, na mas mabuti kaysa sa makaramdam ng pagiging malas. Subalit ano ang mapapala mo sa pagkaunawa rito nang ganito? Makapagdadala ba talaga sa iyo ng suwerte ang mga kuwago? (Hindi, hindi kaya ng mga ito.) Kung ipinanganak ka sa Tsina, maaari ba talagang itakda ng mga kuwago ang iyong suwerte? Hindi rin. Kaya, ano ang makikita mo mula rito? Naniniwala ka man o hindi na makapagdadala ng kamalasan o suwerte ang hayop na ito, isa lang itong paniniwala at kuru-kuro ng tao, hindi isang katunayan. Ano ang pinatutunayan nito? (Na hindi katotohanan ang tradisyonal na kultura.) Tama; walang kultura ang katotohanan. Kaya paano mo dapat tratuhin ang mga kuwago sa paraang naaayon sa katotohanan? May kinalaman ito sa pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos. Ano ang pamantayan dito? Ibig sabihin, sa anong uri ng perspektiba mo dapat tingnan ang nilalang na ito, at paano mo ito dapat tratuhin kapag may nagpapakitang isa nito sa iyo, umiiyak man ito o tumatawa—may kaakibat na pamantayan ang mga bagay na ito. Ano ang pamantayan? (Ang katotohanan.) Ang pamantayan ay ang katotohanan. Pagdating sa kung paano mo dapat tratuhin ang isang kuwago, saan mo dapat ibabatay ito? (Sa mga salita ng Diyos.) At ano ang sinasabi ng salita ng Diyos tungkol sa pakikitungo sa ganitong uri ng nilalang? Hindi partikular na sinasabi ng kanyang mga salita na, “Dapat mong tratuhin nang tama ang mga kuwago, at hindi dapat na kumiling sa bagay na ito. Hindi mo dapat sabihin na malas ang mga kuwago, o na hindi rin magdadala ng suwerte ang mga ito sa iyo. Dapat mong tratuhin nang obhetibo at patas ang mga kuwago.” Hindi ito sinabi ng Diyos. Kaya, anong batayan ang kailangan mong taglayin para umayon ang iyong mga pananaw sa mga kuwago sa pamantayan, sa katotohanan? (Ang katunayang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay.) Dapat mong maging batayan ang katotohanang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, ito ang katotohanan. Sa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay ay may kanya-kanyang gamit, misyon, at halaga sa pag-iral. Ano pa? (Ang lahat ng bagay ay mabuti sa perspektiba ng Diyos.) Tama, ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay mabuti, may halaga sa pag-iral, at kailangang umiral. Hangga’t nagmumula sa Diyos at ginawa Niya ang isang bagay, hindi ito kailanman mawawalan ng silbi. Ano ang ibig sabihin nitong “hindi kailanman mawawalan ng silbi”? Ito ay na hindi ito basta-basta magdadala ng kamalasan sa mga tao. Talaga bang basta na lang makapagdadala sa iyo ng kamalasan ang isang maliit na kuwago? Hindi ba’t gagawin naman niyang napakamakapangyarihan ang kuwago? Alin ang mas mataas: tao o kuwago? Ang mga tao ang mga tagapangalaga ng lahat ng bagay, at mas tumpak na sabihing kinokontrol nila ang mga tadhana ng mga kuwago, at kaya nilang lipulin ang lahat ng mga kuwago nang ganoon lang. Imposible para sa mga kuwagong baguhin ang tadhana ng tao. Kaya, anong paraan ng pagtrato sa nilalang na ito ang naaayon sa katotohanan? Ang pagtrato rito nang naaayon sa mga salita ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, ang lahat ng iba’t ibang nilalang, at ang mga tao rin. Ang mga kuwago ay mga nilalang, kaya dapat nating pakitunguhan ang mga ito nang naaayon sa perspektiba nang pagtrato natin sa lahat ng nilalang. Una, hindi natin dapat basta-bastang sinisira ang mga batas ng pananatiling buhay nito. Halimbawa, ang kagawian at katangian ng mga kuwago ay ang pagtulog sa umaga, at manghuli at maging aktibo sa gabi. Kung nakatagpo ka ng isang sugatang kuwago, at mabuti mo itong kinupkop, paano mo ito dapat tratuhin? (Ayon sa mga kagawian nito.) Tama, dapat mong igalang ang mga batas kung saan ito nabubuhay. Huwag mong isiping patulugin ito sa gabi, pakainin ito ng mga gamot-pampatulog kung hindi ito natutulog. Mali ito. Kung palagi itong maingay sa gabi, at naaabala nito ang iyong pahinga, maaari mo itong ilipat sa isang lugar kung saan hindi ka nito maaabala, subalit hindi mo dapat gambalain ang mga batas kung saan ito nabubuhay, o labagin ang paraan nito ng pananatiling buhay. Hindi ba’t ito ang tamang paraan ng pagtrato rito? (Oo, ito nga.) Ito dapat ang iyong perspektiba sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Una, magkaroon ng tamang perspektiba. Ito ang unang hakbang na dapat mong gawin kapag gumagawa ng anumang bagay. Pangalawa, dapat mong gamitin ang tamang perspektibang ito kapag gumagawa ng mga bagay-bagay o nag-aasikaso ng mga usapin, para ang ginagawa mo ay maging naaayon sa katotohanan. Ang mga ito ang pamantayan. Ang mga pamantayan, sa totoo lang, ay mga tiyak na tuntunin at batas. Halimbawa, kapag nakakakita ang pusa ng isang daga, gusto nitong hulihin ito. Sabihin nating sa tingin mo ay nilikha rin ng Diyos ang mga daga, at gusto mong pigilan ang pusa, at hadlangan itong mahuli ang daga—mali ba ito? (Oo, mali ito.) Ano ang palagay mo sa pamamaraang ito? (Nilalabag nito ang mga batas.) Labag ito sa mga batas ng kalikasan. Kapag nakakakita ang ilang tao ng isda sa tubig, nagtataka sila, “Sinasabi ng lahat na hindi mabubuhay ang isda kapag walang tubig. Subalit susubukan ko ang lahat para mailabas ito sa tubig at mabuhay ito sa lupa.” Nagreresulta ito sa pagkamatay ng isda ilang sandali pagkatapos nito. Anong tawag dito? (Kalokohan.) Kalokohan ito. Sa pagtalakay sa mga kuwago, medyo nauunawaan na ba ninyo kung ano ang mga pamantayan, at kung saan nakabatay ang mga ito? (Nakabatay ang mga ito sa mga salita ng Diyos.) Tama, nakabatay ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Kaya, paano ninyo dapat tratuhin ang mga kuwago sa hinaharap? Kung, isang gabi, may umiiyak na isang kuwago sa tabi ng iyong bintana, paano mo ito haharapin? Kahit papaano, alam nating may karapatan itong umiyak, at dapat nating pahintulutan ang karapatang iyon. Kung masyado itong maingay, maaari mo itong itaboy, subalit hindi kailangang mag-alala kung makatatagpo ka ng kamalasan sa susunod na araw. Walang silbing isipin ito, dahil ang kapalaran, buhay, at kamatayan ng tao ay lahat nasa kamay ng Diyos at nasa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, kaya madali silang kumikiling sa mga bagay-bagay, at maaaring magkaroon pa nga ng mga imahinasyon at kuru-kuro, o maging medyo mapamahiin. Humahantong ito sa pagkakaroon ng mga tao ng mga maling pananaw sa maraming bagay, at sa pagkabigong kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo o matugunan ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos sa lahat ng bagay. Ano ang dahilan nito? (Ang hindi pagkaunawa sa katotohanan.) Dulot ito ng hindi pagkaunawa sa katotohanan.
Kapag nakikipag-ugnayan ang ilang taga-Silangan sa mga Kanluranin, nakikita nila ang mga natatanging katangian ng mga ito—ang matataas na tulay ng kanilang ilong, ang malalaki nilang mga mata, ang sari-saring kulay ng kanilang buhok, at kung gaano ka-elegante silang lahat tingnan—at walang kamalay-malay na nakararamdam ng inggit o paghanga sa kanila. Pagkatapos, sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na ugnayan, patuloy nilang tinatanggap ang kulturang Kanluranin. Bakit nagagawa nila itong tanggapin? Dahil sa inggit sa kanilang puso, at sa kanilang pagnanais na maging katulad nila. Iniisip nilang ang mga hitsura ay inorden ng Diyos at hindi mababago, subalit magiging marangal sila kung matatapatan nila ang mga Kanluraning paraan ng pamumuhay, tulad ng kung paano sila kumain, manamit, at ang paraan ng paggamit nila ng mga bagay-bagay, gayundin ang kanilang paraan ng pananalita, paraan ng pag-iisip, at kultura. Ano ang palagay mo sa ganitong uri ng ideya? Tinataglay ba ito ng lahat? (Oo, tinataglay nila.) Gustong gayahin ng ilang taga-Silangan ang mga Kanluranin, at ang unang ginagaya nila ay ang pag-inom ng kape. Pakiramdam nila ay masyadong hindi sopistikado ang pag-inom ng mga taga-Silangan ng tsaa, kaya pinag-aaralan nilang uminom ng kape mula sa mga Kanluranin. Sa partikular, nakikita ng ilang taga-Silangan ang maraming Kanluranin na nagmamadaling pumunta sa kanilang trabaho tuwing umaga, tangan ang kanilang tasa ng kape, at sa paglipas ng panahon ay natututuhan din nila itong gawin, minsan kahit na hindi sila talagang abala. Panggagaya ang tawag dito. Wala talagang ganitong kagawian ang mga taga-Silangan, subalit iniisip nilang mabuti, matayog, at elegante ang mga kaugalian ng mga Kanluranin. Naniniwala sila na, kung wala sila ng kagawiang ito, dapat nila itong matutuhan at gayahin, at kung matutuhan na nila ito, at mamumuhay nang naaayon sa kagawiang ito, iniisip nilang tiyak na makasasali sila sa hanay ng mga Kanluranin at magiging isa sa kanila. Isa itong uri ng pagsamba sa mga Kanluranin. Kung talagang gusto mo ang isang bagay, sa anumang paraan ay pag-aralan mo ito, subalit kung pinag-aaralan mo lang ang ganitong uri ng kagawian bilang isang pakitang-tao para magpasikat sa iba, panggagaya iyon. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, wala siyang magiging pamantayan sa anumang ginagawa niya, at magiging parang langaw siyang walang ulo, na walang layon at direksiyon. Kapag nakakakita sila ng mga Kanluranin, pag-aaralan nila kung paano kumilos ang mga Kanluranin; kapag nakikita nila kung anong uso sa mundo, pag-aaralan nila iyon. Ganito ang mga walang pananampalataya, at kung sinumang nananampalataya sa Diyos ang gumawa ng katulad na bagay, anong klaseng tao sila? (Ang isang hindi mananampalataya.) Tama iyon. Mayroon ba silang anumang pamantayan o prinsipyo kapag gumagawa ng mga bagay? (Wala, wala sila noon.) Wala silang mga prinsipyo. Bakit? Dahil sinasamba nila ang mga makamundong uso at kabuktutan; hindi nila hinahangaan ang Diyos, hindi nila minamahal ang katotohanan sa kanilang puso, at hindi nila tinatanggap at hinahanap ang katotohanan. Pawang mga hindi mananampalataya ang gayong mga tao. Dahil ang ganitong uri ng tao ay may ganitong mga diwa, kahit pa nasa iglesia sila na nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nakikinig sa mga sermon, hindi pa rin nila magagawang matagpuan ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos. Ipinahihiwatig nito na hindi nila kailanman makakamit ang katotohanan. Hindi ba’t tama iyon? (Oo, tama nga.) Ang panggagaya sa iba sa pag-inom ng kape ay makapagbubunyag ng mga kagustuhan ng isang tao, ang landas na kanyang tinatahak, at ang mga prinsipyo ng kanyang mga pagkilos. Sabihin mo sa Akin, ang pag-inom ba ng tsaa ang katotohanan, o ang pag-inom ba ng kape ang katotohanan? (Wala sa alinman ang nauugnay sa katotohanan.) Mahusay na pagkakasabi. Kaya, ano ang katotohanan? Sinasabi ng ilang tao na: “Ang lahat ng nagmumula sa Diyos ay ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos na nagsasabing mabuti para sa iyo na kumain ng mga pana-panahong bagay ay ang katotohanan.” Tama ito. Ang katotohanan ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos. Kaya, ano ang kabilang sa pamantayan para sa asal? May kinalaman ito sa bawat aspekto ng katotohanan tungkol sa asal. Paano naman ang pamantayan para sa mga kilos? Ito ang estilo at pamamaraan ng pangangasiwa mo sa mga bagay-bagay. Hindi na kailangang sabihin, alam nating lahat ang pamantayan sa pagsamba sa Diyos. Ang saklaw ng pamantayang ito ay tumutukoy sa mga bagay na ito, at lahat ng mga ito ay may kinalaman sa katotohanan. Ipagpalagay na sinasabi ng isang tao na, “Bakit ayaw mo ng tsaa?” At sinasabi mong, “Ang hindi ko ba pagkagusto sa tsaa ay hindi kaayon sa katotohanan?” Sinasabi ng isa pang tao na: “Nasa Kanluran ka, kaya bakit hindi ka natutong uminom ng kape? Walang kasarap-sarap ito, hindi ako iinom ng kape!” At sinasabi mo na, “Sinusubukan mo ba akong kondenahin? Kasalanan ba ang hindi uminom ng kape? Katotohanan ba ang ‘lasa’? Ano ang halaga ng lasa?” Ganap itong walang halaga, tama? Ang hindi pagkaunawa sa katotohanan ang talagang walang halaga! Ano ang dapat maunawaan ng mga tao mula sa halimbawang ito? Dapat nilang maunawaan kung anong mga pananaw ang dapat nilang taglayin sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay na ito, at kung paano haharapin ang mga ito ayon sa hinihingi ng Diyos, para matugunan ang Kanyang mga hinihinging pamantayan. Ano ang dapat maunawaan at hanapin ng mga tao mula sa lahat ng ito? Ang pamantayang dapat nilang sundin ay dapat na sumasaklaw sa lahat ng uri ng mga bagay.
Sa palagay ninyo ba na ang isang tradisyonal na kultura o isang pambansang damdamin ay maaaring maging karapat-dapat para sa terminong “pamantayan”? (Hindi.) Halimbawa, “Ang pagiging tao ay nangangahulugang dapat mong mahalin ang iyong bansa”—isa ba itong pamantayan? (Hindi, hindi ito.) “Ang pagiging tao ay nangangahulugang dapat kang maging mabuting anak sa iyong mga magulang”—isa ba itong pamantayan? (Hindi, hindi ito.) Sinasabi rin ng ilan, “Ang mga babae ay dapat na malinis,” o “Ang mga babae ay dapat na sumusunod sa mga pagpapahalaga ng Confucianismo,” pero mga pamantayan ba ang mga ito? (Hindi, hindi mga pamantayan ang mga ito.) “Ang lalaki ay maaari lang magkaroon ng isang asawa, at dapat maging tapat”—isa ba itong pamantayan? Kalipikado ba ito bilang katotohanan? (Hindi, hindi ito kalipikado.) Isa itong tamang pag-uugali at moral, at ang pinakapangunahin at pundamental na bagay sa sangkatauhan, subalit hindi ito nakakaabot sa katotohanan. Naaayon ito sa moral at pamantayan sa pag-uugali ng normal na sangkatauhan, subalit maaari ba itong ituring na pamantayan? Ano ang tinutukoy ng pamantayan? (Ang katotohanan.) Tumutukoy ang pamantayan sa katotohanan, at anumang hindi nakakaabot sa katotohanan samakatwid ay hindi ang pamantayan. Nakikita mo ba? Ang mga hinihingi ba ng mga lalaki at babae sa tradisyonal na kultura na kababanggit Ko lang ay ang mga hinihingi ng Diyos? (Hindi, hindi ang mga ito ang pamantayan ng Diyos.) Kung gayon, ano ang hinihingi ng Diyos sa mga lalaki? Ano ang sinasabi sa Bibliya? (Na magtrabaho sila at magsikap para suportahan ang kanilang mga pamilya.) Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga lalaki, at ito ang pinakapangunahing bagay na dapat magawa ng isang lalaki. Paano naman ang tuntunin ng Diyos para sa mga babae? (Na ang pagnanais nila ay sa kanilang mga asawa.) Dahil ito ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, ito ang katotohanan, at ito ang dapat sundin ng mga tao. Anumang nagmumula sa tradisyonal na kultura o mga moral na kasulatan ng tao, tama man ito, ay hindi ang katotohanan. Bakit Ko sinasabing hindi ito ang katotohanan? (Dahil hindi ito sinabi ng Diyos.) Ang hindi sinasabi ng Diyos ay tiyak na hindi ang katotohanan, o hindi rin ang walang kinalaman sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos. Ano ang mga pamantayan ng mga taga-Silangan sa pagtukoy sa mga babae? Naniniwala silang ang mabubuting babae ay dapat na unang-una ay mayumi at malinis, may pinag-aralan at pino, maganda at maliit, at na pagkatapos ng kasal, dapat nilang alagaan ang lahat ng iba pa sa pamilya, bata at matanda, nang walang reklamo. Mga kuskusan lang sila ng paa. Ito ang imahe ng mga babae na nilikha ng mga taga-Silangan; ito ang mga hinihinging pamantayan na mayroon sila para sa mga babae. Tingnan naman natin ngayon kung ano ang mga hinihinging pamantayan ng mga Kanluranin para sa mga babae, ibig sabihin, kung ano ang itinuturo at itinataguyod nila sa pamamagitan ng kanilang mga kaisipan at pananaw. Naniniwala ang mga Kanluranin na ang mga babae ay dapat maging independiyente, malaya, at pantay-pantay—ito pangunahin ang mga karapatang pangkababaihan na itinataguyod ng Kanluran. May pundamental na depinisyon at hinihingi ang mga karapatang ito para sa mga babae, ibig sabihin, nagpapakita ang mga ito ng isang pangunahing konsepto para sa pamumuhay at hitsura ng isang babae. Ano ang konseptong ito? Na ang mga babae ay hindi dapat tulad ng mga kuskusan ng paa na maging sunud-sunuran, kaawa-awa, at maayos kumilos sa buong araw. Iniisip nilang masama ito, at na ang mga babae ay dapat na malakas at matapang. Ito ay mga hinihinging pamantayan para sa mga babae sa puso ng mga Kanluranin. Naniniwala silang ang mga babae ay hindi kailangang maging tulad ng mga papet, mababang-loob na nagpapasakop sa paghihirap sa araw-araw, naghihintay sa iba na pagalitan o utusan sila. Iniisip nilang hindi ito kailangan. Itinataguyod ng mga Kanluranin na maging maagap, independiyente, at matapang sa kanilang mga pagkilos ang mga babae. Siyempre, ang nauunawaan natin ay maaaring hindi lubos na tugma sa kanilang pag-iisip, subalit ito ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng mga babae sa Silangan at sa Kanluran. Alin sa dalawang pananaw na ito ang tama? (Walang alinman ang tama.) Sa totoo lang, hindi ito tungkol sa tama at sa mali. Sa ilalim ng isang kalagayang panlipunan sa Silangan, sa loob ng gayong komunidad, kailangan mong mamuhay nang ganoon. Kaya mo bang maghimagsik kung gusto mo? Sa isang pamilya, may panganib ng kamatayan kung maghihimagsik ka. Sa Kanluran, maaari kang mamuhay gaya ng ginagawa ng isang Kanluraning babae, subalit paano ka man nabubuhay, sa ilalim ng alinmang kalagayang panlipunan o sa alinmang komunidad, aling pananaw ang naaayon sa katotohanan? (Walang alinman sa mga ito ang naaayon sa katotohanan.) Walang alinmang pananaw ang naaayon sa katotohanan, pareho nilang nilalabag ito. Bakit Ko sinasabi ito? Gusto ng mga taga-Silangan na palaging maging maayos ang pag-uugali ng mga babae, para katawanin ang mga pagpapahalagang Confucianismo, na maging malinis at mayumi—para sa anong layunin? Para madali silang makontrol. Ito ay isang nakakapinsalang ideolohiya na lumago mula sa tradisyonal na kultura ng Silangan, at talagang nakakasama ito sa mga tao, na sa huli ay nagdudulot sa mga babae na mamuhay nang walang direksiyon o sa kanilang mga sariling ideya. Hindi alam ng mga babaeng ito kung ano ang dapat nilang gawin, kung paano ito gagawin, o kung anong mga pagkilos ang tama o mali. Iniaalay pa nga nila ang kanilang buhay sa kanilang mga pamilya, subalit pakiramdam pa rin nila ay hindi sapat ang kanilang nagawa. Hindi ba’t ito ay isang uri ng pinsala sa mga babae? (Oo, ito nga.) Hindi man lang sila lumalaban kapag inaalis ang kanilang mga sariling karapatan, ang mga karapatang dapat nilang tinatamasa. Bakit hindi sila lumalaban? Sinasabi nilang: “Mali ang lumaban, hindi ito mabuti. Tingnan mo si ganito-at-ganyan, higit na mas mahusay sila kaysa sa akin at nagdusa nang mas higit pa, subalit hindi sila nagrereklamo.” Bakit sila mag-iisip nang ganito? (Naimpluwensiyahan sila ng tradisyonal na kultural na pag-iisip.) Itong tradisyonal na kulturang ito ang nag-ugat nang malalim sa kalooban nila, at nagdulot sa kanila ng matinding pagdurusa. Paano nila nagagawang matiis ang ganitong uri ng pagdurusa? Alam na alam nilang masakit ang ganitong uri ng pagdurusa, na nagdudulot ito sa kanila ng pakiramdam ng walang magawa at nagpapasakit sa kanilang puso, kaya paano pa rin nila ito natatanggap? Ano ang obhetibong dahilan? Na ito ang kanilang kalagayang panlipunan, kaya hindi sila makalaya, kundi mababang-loob lang na tinatanggap ito. Ganito rin ang subhetibo nilang nararamdaman. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, o kung paano dapat mabuhay nang may dignidad ang mga babae, o ang tamang paraan ng pamumuhay ng mga babae. Walang nagsabi sa kanila ng mga ganitong bagay. Sa pagkakaalam nila, ano ang pamantayan para sa asal at mga kilos ng mga babae? Tradisyonal na kultura. Iniisip nilang kung ano ang ipinamana sa mga henerasyon ay tama, at na kung may lumalabag dito, dapat na kondenahin ang kanilang konsensiya. Ito ang kanilang “pamantayan.” Subalit tama ba talaga ang pamantayang ito? Dapat bang ilagay ito sa mga panipi? (Oo, dapat.) Hindi naaayon ang pamantayang ito sa katotohanan. Gaano man ka-aprubado o pinapaboran ang pag-uugali ng isang tao sa ilalim ng pagkontrol ng ganitong uri ng pag-iisip at pananaw, isa ba talaga itong pamantayan? Hindi, dahil labag ito sa katotohanan at pagkatao. Sa loob ng mahabang panahon, kinailangang alagaan ng mga babae sa Silangan ang buo nilang pamilya, at naging responsable sila sa lahat ng maliit na walang kuwentang usapin. Patas ba ito? (Hindi, hindi ito patas.) Kung gayon paano nila ito natitiis? Dahil nakatali sila sa ganitong uri ng pag-iisip at pananaw. Ang kakayahan nilang tiisin ito ay nagpapahiwatig na, sa kaibuturan, 80% silang sigurado na ito ang tamang bagay na gawin, at na kung magtitiis lang sila, matutugunan nila ang mga pamantayan ng tradisyonal na kultura. Kaya, tumatakbo sila patungo sa direksiyon na iyon, patungo sa mga pamantayang iyon. Kung, sa kaibuturan nila, naisip nilang mali ito at hindi nila ito dapat gawin, na hindi ito naaayon sa pagkatao, at na lumabag ito sa sangkatauhan at sa katotohanan, magagawa pa rin ba nila ito? (Hindi, hindi nila magagawa.) Kailangan nilang mag-isip ng paraan para makalayo sa mga taong iyon, at na hindi maging mga alipin nila. Subalit hindi mangangahas ang karamihan ng kababaihan na gawin ito—ano ang iniisip nila? Na kaya nilang mabuhay nang wala ang kanilang komunidad, subalit magdadala sila ng kakila-kilabot na stigma kung aalis sila, at magdurusa ng ilang partikular na kahihinatnan. Pagkatapos timbangin ito, iniisip nila na kung gagawin nila ito, pagtsitsismisan ng kanilang mga kasamahan ang tungkol sa kung paanong hindi sila malinis, kokondenahin sila ng lipunan sa ilang partikular na paraan at magkakaroon ng ilang partikular na opinyon tungkol sa kanila, at ang lahat ng ito ay magdudulot ng mga seryosong kahihinatnan. Sa huli, pinagninilayan nila ito at iniisip, “Mas mabuting pagtiisan na lang ito. Kung hindi, dudurugin ako ng bigat ng pagkondena!” Ganito ang mga babaeng taga-Silangan, sa bawat henerasyon. Ano ang kinakailangan nilang tiisin sa likod ng lahat ng mabuting gawang ito? Ang pagkakait ng kanilang dignidad at karapatan bilang tao. Naaayon ba sa katotohanan ang mga kaisipan at pananaw na ito? (Hindi, hindi naaayon ang mga ito.) Hindi naaayon sa katotohanan ang mga ito. Pinagkaitan sila ng kanilang dignidad at karapatang pantao, at nawala ang kanilang mga integridad, ang kanilang independiyenteng pamumuhay at mga espasyo para sa pag-iisip, at ang kanilang mga karapatang magsalita at ipahayag ang mga sarili nilang pagnanais—lahat ng ginagawa nila ay para sa mga taong iyon sa tahanan. Ano ang layunin nila sa paggawa nito? Para matugunan ang mga pamantayang hinihingi ng tradisyonal na kultura sa mga babae, at para purihin sila ng ibang tao, tinatawag silang mabubuting asawa at mabubuting tao. Hindi ba’t isa itong uri ng pagpapahirap? (Oo, isa itong uri.) Tama ba o baluktot ang paraang ito ng pag-iisip? (Baluktot ito.) Naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi, hindi ito naaayon.) Nilikha ng Diyos ang malayang kalooban para sa sangkatauhan, at ano ang mga kaisipang nagmumula sa malayang kaloobang ito? Naaayon ba ang mga ito sa pagkatao? Dapat kahit papaano ay naaayon ang mga kaisipang ito sa pagkatao. Bukod dito, nilayon din Niyang magkaroon ang mga tao ng tumpak na pananaw at pang-unawa sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa takbo ng kanilang buhay, at pagkatapos ay makapili ng tamang landas para mabuhay at sumamba sa Diyos. Ang pamumuhay sa ganitong paraan ay ibinigay ng Diyos at dapat na tamasahin. Gayumpaman, ang mga tao ay pinaghihigpitan, ginagapos, at binabaluktot ng mga tinatawag na tradisyonal na kultura at moral na mga kasulatang ito sa kanilang buong buhay, at sa huli ay nagiging ano sila? Nagiging mga papet sila ng tradisyonal na kultura. Hindi ba’t dulot ito ng hindi pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan? (Oo, ganoon nga.) Pipiliin ninyo bang tahakin ang landas na ito sa hinaharap? (Hindi, hindi ko pipiliin.) Kaya, ano ang dapat mong gawin? Ipagpalagay na sinasabi mo, “Lalabanan ko sila,” o “Hindi ko na sila paglilingkuran. May mga karapatang pantao ako, at may sarili akong integridad.” Ayos ba ito? (Hindi, hindi ito ayos.) Hindi ito ayos. Pagpunta ito mula sa isang sukdulan tungo sa isa pa, at hindi ito nagpapatotoo o nagluluwalhati sa Diyos. Kaya, paano ka dapat kumilos? (Nang naaayon sa mga prinsipyo.) Siyempre tamang kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at dapat mong tratuhin ang lahat nang naaayon sa mga prinsipyo, tratuhin sila bilang mga kapatid kung nananampalataya sila sa Diyos, at bilang mga walang pananampalataya kung hindi sila nananampalataya. Walang dahilan para siraan mo ang iyong sarili, baluktutin ang iyong integridad, o isuko ang iyong dignidad at mga karapatan sa pamamagitan ng pag-aalay ng iyong buhay para sa kanila. Hindi sila karapat-dapat para dito. May Isa lang sa mundong ito na karapat-dapat na paggugulan mo ng iyong buhay. Sino ito? (Ang Diyos.) Bakit? Dahil ang Diyos ang katotohanan, at ang Kanyang mga salita ang pamantayan para sa pag-iral, asal, at mga kilos ng tao. Hangga’t mayroon kang Diyos, at mga salita ng Diyos, hindi ka lilihis, at magiging tumpak ka sa kung paano ka aasal at kikilos. Ito ang pangwakas na epekto na naisasakatuparan ng mga salita ng Diyos sa isang tao pagkatapos silang mailigtas.
“Ano ang Katotohanan?” ay isang masyadong malawak na paksa. Nagbigay lang tayo ng ilang halimbawa, isa rito ay kung paano tatratuhin ang mga kuwago. Ano pang ibang halimbawa ang naroon? (Ang mga taga-Silangan na gumagaya sa mga Kanluranin sa pag-inom ng kape.) (Ang mga hinihinging pamantayan ng mga taga-Silangan at Kanluranin sa mga babae.) Ito ang mga pinakahalatang halimbawa. Kaya, sa pagitan ng mga pananaw ng mga taga-Silangan at Kanluranin sa iba’t ibang bagay, alin ang pamantayan? (Walang alinman.) Walang alinman sa dalawa ang may kinalaman sa katotohanan, pareho silang mga pananaw at opinyon ng mga tao. Sa mas tiyak, parehong mga maling pananaw at panlilinlang ang mga ito. Hindi mga pamantayan ang mga ito, mga estratehiya, teorya, at pilosopiya ito ni Satanas na pumipinsala sa mga tao. Mas nauunawaan mo na ba ang bagay na ito, pagkatapos Ko magbahagi dito nang gaya nito? (Oo, mas nauunawaan namin.) Kung hindi Ako nagsalita tungkol dito, siguro isang araw naisip mong subukang gayahin ang mga Kanluranin sa pamamagitan ng pag-inom ng kape at pagkain ng hamburger, tularan sila. Naaayon ba iyon sa mga prinsipyo? Kahit kumain ka pa ng Kanluraning pagkain araw-araw, walang silbi ang lahat ng ito kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, hindi ka pa rin magkakaroon ng pamantayan kung paano aasal. Ang susi ay kung kaya mong hanapin ang katotohanan at kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo—ito ay kapaki-pakinabang sa iyo. Sa pamamagitan ng pagbabahagi Ko nang gaya nito, nagkaroon ba kayo ng kaunting pagkaunawa sa katotohanan at mga pamantayan? (Oo, nagkaroon kami.) May katotohanan ba sa loob ng tradisyonal na kultura o pamantayang moral ng mga tao? (Wala, walang katotohanan.) May katotohanan ba sa mga moral na banal na kasulatan? (Wala, walang katotohanan.) Makatitiyak ka na ba ngayon na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan? (Oo, makatitiyak na kami.) Pagkatapos kumpirmahin ang Kanyang mga salita bilang katotohanan, kailangan mong isaalang-alang: Ano ang mga salita ng Diyos? Ano ang mga prinsipyong kinakailangan sa Kanyang mga salita? Ano ang mga pamantayang sinabi Niya sa tao? Paano sila eksaktong dapat kumilos para umayon sa mga salita ng Diyos, at ano ang mga tamang prinsipyo sa paggawa nito? Ito ang dapat mong hanapin, subalit sa ngayon, iyan lang muna sa paksang ito.