Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikalawang Bahagi) Ikalimang Seksiyon

Anong saloobin ang tinataglay ng ilang tao sa sandaling marinig nilang binabalak ng isang tao na makialam sa at pangasiwaan ang kanilang gawain? “Ayos lang ang pangangasiwa. Tinatanggap ko ang pangangasiwa. Ayos lang din ang pagtatanong—pero kung talagang pangangasiwaan mo ako, wala nang magiging paraan para magpatuloy ako sa aking gawain. Matatali ang aking mga kamay. Kung palaging ikaw ang may huling salita at gagawin akong tagapagpatupad, hindi ako makakapagsagawa. ‘Isa lang ang lalaking maaaring manguna.’” Hindi ba’t teorya ito? Ito ang teorya ng mga anticristo. Anong disposisyon ang tinataglay ng isang taong nagsasabi nito? Ito ba ang disposisyon ng isang anticristo? Ano ang ibig sabihin nito, “Isa lang ang lalaking maaaring manguna”? Hindi nga niya pahihintulutan ang Itaas na magtanong. Kung hindi nagtanong ang Itaas, hindi ba’t lalabag sa katotohanan ang mga kilos mo? May gagawin ka bang mali dahil sa mga pagtatanong? Ididiskaril ba ng Itaas ang gawain mo? Sabihin mo sa Akin, nagbibigay ba ang Itaas ng patnubay sa gawain, nagtatanong tungkol dito, at nangangasiwa rito para matiyak na matatapos ito nang mas mahusay, o mas masahol pa? (Mas mahusay.) Buweno, bakit hindi tinatanggap ng ilang tao ang mga pinahusay na resultang iyon? (Pinamamahalaan sila ng disposisyon ng isang anticristo.) Tama iyon. Ito ang kanilang disposisyong anticristo—hindi nila mapigilan ang kanilang sarili. Sa sandaling magtanong ang isang tao tungkol sa gawain na kanilang responsabilidad, naiinis sila rito. Pakiramdam nila na ibibigay sa iba ang kanilang mga interes, gayundin ang kanilang katayuan at kapangyarihan. Kaya, nababalisa sila. Pakiramdam nila ay nagulo ang kanilang mga plano at pamamaraan. At gagana ba iyon para sa kanila? Kung itinataguyod ng Itaas ang isang tao at inatasan ang taong iyon na makipagtulungan sa kanila, iniisip nila, “Wala akong planong gamitin ang taong ito, pero iginigiit ng itaas na magaling siya at itinalaga siya sa mas mataas na posisyon. Hindi maganda ang pakiramdam ko tungkol dito. Paano ako gagawa sa pakikipagtulungan sa kanya? Kung gagamitin siya ng itaas, magbibitiw na lang ako!” Sinasabi nila ito sa salita, pero sa katunayan ba ay magagawa nilang bitiwan ang kanilang katayuan? Hindi nila magagawa—ang ginagawa nila ay mapaghamon. Papayag ba sila sa sinumang gumagawa ng gawain na nagbabanta sa kanilang katayuan, na hindi nag-aangat sa kanila, na sumasabotahe sa kanilang kasalukuyang senaryo? Hindi, hindi sila papayag. Kapag itinatalaga ng Itaas sa mas mataas na posisyon ang isang tao o pinapalitan ang isang tao, halimbawa, ano ang iniisip nila? “Sampal sa mukha ko iyan! Hindi man lang nga sila dumaan sa akin. Bukod sa lahat, lider pa rin ako—bakit wala silang sinasabi sa akin nang maaga? Bakit, para bang wala talaga akong kuwenta!” Sino ka ba ha? Trabaho mo ba iyon? Una, hindi mo ito teritoryo, at pangalawa, hindi ka sinusunod ng mga taong ito, kaya bakit kailangan mong maging masyadong mahalaga sa kanila? Naaayon ba iyon sa katotohanan? Aling katotohanan? May mga prinsipyo sa pagtatalaga ng Itaas sa mas mataas na posisyon sa isang tao o sa pagpapalit nila sa isang tao. Bakit itinatalaga ng Itaas ang isang tao sa mas mataas na posisyon? Dahil kailangan siya para sa gawain. Bakit pinapalitan ng Itaas ang isang tao? Dahil hindi na siya kailangan para sa gawain—hindi niya kayang gawin ang gawain. Kung hindi mo siya papalitan, at hindi pa nga hahayaan ang Itaas na gawin ito, hindi ba’t hindi ka tinatablan ng katwiran? (Oo.) Sinasabi ng ilan, “Para tanggalin ng itaas ang isang tao—gaano kalaking kahihiyan ang idinudulot nito sa akin. Kung binabalak nilang palitan ang isang tao, dapat nilang sabihin ito sa akin sa pribado, at gagawin ko ito. Trabaho ko iyon; bahagi ito ng aking nasasaklawan. Kung papalitan ko siya, ipapakita nito sa lahat kung gaano ako mapanuri sa mga tao, at na kaya kong gumawa ng aktuwal na gawain. Isang karangalan iyon!” Ganito ba kayo mag-isip? Gusto ng ilang tao ang mabuting pangalan at karangalan, at nagbibigay sila ng mga katwirang tulad nito. Gagana ba iyon? May saysay ba iyon? Sa isang banda, ginagawa ng sambahayan ng Diyos ang gawain nito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo; sa isa pa, gumagana ito ayon sa mga kasalukuyang kondisyon. Walang tinatawag na paglabag sa mga hangganan, lalo na pagdating sa mga ginagawa ng Itaas na pagtatalaga sa mas mataas na posisyon at pagpapalit, o ang kanilang patnubay at mga tagubilin para sa ilang proyektong gawain—sa gayong mga kaso, lalo pa ngang hindi ito isang usapin ng paglaktaw sa isang antas ng pamumuno. Kaya, bakit hinahanap ng isang anticristo ang mga pagkakamaling ito? Isang bagay ang sigurado: Hindi niya nauunawaan ang katotohanan, kaya tinatasa niya ang gawain sa sambahayan ng Diyos gamit ang kanyang utak ng tao at ang mga prosesong iyon na nasa mundo. Higit pa riyan, ang kanyang pangunahing layon ay nananatiling pangangalaga sa sarili, at dapat tinataglay niya ang kanyang karangalan. Mapanlinlang at tuso siya sa lahat ng bagay na ginagawa niya; hindi niya maaaring hayaang makita ng mga taong nasa ilalim niya na mayroon siyang anumang depekto o pagkukulang. Hanggang saan niya pananatilihin ang kanyang pagpapanggap? Hanggang sa makita siya ng iba bilang walang kapintasan, walang anumang katiwalian o mga pagkukulang. Makikita ng iba na angkop na gamitin siya ng Itaas at na dapat siyang piliin ng mga kapatid—perpekto siyang tao. Hindi ba’t iyon ang gusto niyang mangyari? Hindi ba’t iyon ang disposisyon ng isang anticristo? (Ito nga.) Oo, iyon ang disposisyon ng isang anticristo.

Ang pagbabahaginan natin ngayon lang ay tungkol sa isa sa mga pangunahing pag-uugali ng mga anticristo—tinatanggihan nilang tulutan ang iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa kanila sa kanilang gawain. Anumang mga pagsasaayos ang ginagawa ng sambahayan ng Diyos para masubaybayan ang kanilang gawain, o higit na malaman ang tungkol dito, o pangasiwaan ito, gagamit sila ng lahat ng uri ng teknik para hadlangan at tanggihan ang mga ito. Bilang halimbawa, kapag itinalaga ng Itaas ang ilang tao sa isang proyekto, lumilipas ang ilang panahon nang wala talagang anumang pag-usad. Hindi nila sinasabi sa Itaas kung ginagawa nila ito, o kung kumusta ito, o kung nagkaroon ba ng anumang nakaaabalang mga paghihirap o problema. Hindi sila nagbibigay ng feedback. Ang ilan sa gawain ay apurahan at hindi maaaring maantala, pero nagmamabagal sila, pinatatagal ito nang mahabang panahon nang hindi tinatapos ang gawain. Dapat nang magtanong ang Itaas. Kapag ginagawa ito ng Itaas, nakararamdam ng matinding pagkahiya ang mga taong iyon mula sa mga pagtatanong, at nilalabanan nila ang mga ito sa kanilang puso: “May sampung araw pa lang mula nang itinalaga sa akin ang trabahong ito. Hindi pa nga ako nasasanay, at agad, nagtatanong na ang Itaas. Masyado lang mataas ang hinihingi nila sa mga tao!” Nandiyan sila, naghahanap ng mga pagkakamali sa mga pagtatanong. Ano ang problema rito? Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t talagang normal para sa Itaas na magtanong? Bahagi nito ay ang pagnanais na higit na malaman ang tungkol sa kalagayan ng pag-usad ng gawain, pati na rin ang kung anong mga paghihirap ang nananatiling dapat lutasin; bukod pa riyan, ito ay isang pagnanais na higit pang malaman ang tungkol sa kung anong uri ng kakayahan mayroon ang mga taong itinalaga nila sa gawaing ito, at kung talagang malulutas ng mga ito ang mga problema at magagawa ang trabaho nang maayos. Gustong malaman ng Itaas kung ano talaga ang mga totoong nangyayari, at kadalasan, nagtatanong sila sa gayong mga kaganapan. Hindi ba’t isang bagay iyon na dapat nilang gawin? Nag-aalala ang Itaas na hindi mo alam kung paano lutasin ang mga problema at hindi mo kayang pangasiwaan ang trabaho. Kaya nagtatanong sila. Medyo palaban at nasusuklam ang ilang tao sa gayong mga pagtatanong. Ayaw nilang hayaang magtanong ang mga tao, at hangga’t ginagawa ito ng mga tao, lumalaban sila at may mga pag-aalinlangan, palaging nag-iisip, “Bakit palagi silang nagtatanong at naghahanap na mas marami pang malaman? Ito ba ay dahil wala silang tiwala sa akin at minamaliit nila ako? Kung wala silang tiwala sa akin, hindi nila ako dapat gamitin!” Hindi nila kailanman nauunawaan ang mga pagtatanong at pangangasiwa ng Itaas, sa halip ay nilalabanan ang mga ito. May katwiran ba ang ganitong mga tao? Bakit hindi nila pinahihintulutan ang Itaas na magtanong at mangasiwa sa kanila? Saka bakit sila mapanlaban at mapanuway? Ano ang problema rito? Wala silang pakialam kung epektibo ang pagganap nila sa kanilang tungkulin o kung nakahahadlang ito sa pag-usad ng gawain. Hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, sa halip ay ginagawa nila ang anumang gustuhin nila. Hindi nila iniisip ang mga resulta o kahusayan ng gawain, at talagang hindi nila iniisip ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, lalong hindi ang kung ano ang nilalayon at hinihingi ng Diyos. Ang pag-iisip nila ay, “May sarili akong mga paraan at nakagawian sa paggawa ng aking tungkulin. Huwag masyadong humingi sa akin o maging masyadong detalyado sa paghingi sa akin ng mga bagay-bagay. Sapat na na nagagawa ko ang aking tungkulin. Hindi ako puwedeng masyadong mapagod o magdusa nang sobra.” Hindi nila nauunawaan ang mga katanungan at mga pagtatangka ng Itaas na malaman ang higit pa tungkol sa kanilang gawain. Ano ang kulang sa kawalan nilang ito ng pang-unawa? Hindi ba’t nawawala rito ang pagpapasakop? Hindi ba’t nawawala rito ang pagpapahalaga sa responsabilidad? Katapatan? Kung tunay silang responsable at tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin, tatanggihan ba nila ang mga pagtatanong ng Itaas sa kanilang gawain? (Hindi.) Mauunawaan nila ito. Kung talagang hindi nila ito nauunawaan, iisa lang ang posibilidad: Nakikita nila ang kanilang tungkulin bilang bokasyon nila at kabuhayan nila, at sinasamantala nila ito, itinuturing ang tungkulin na kanilang ginagawa bilang isang kondisyon at pang-negosasyon para makakuha ng gantimpala sa lahat ng oras. Gagawa lang sila ng kaunting prestihiyosong gawain para makalusot sa Itaas, nang walang anumang pagtatangka na tanggapin ang atas ng Diyos bilang tungkulin nila at obligasyon nila. Kaya, kapag nagtatanong ang Itaas tungkol sa kanilang gawain o pinangangasiwaan ito, nagkakaroon sila ng nasusuklam at mapanlaban na balangkas ng pag-iisip. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Saan nagmumula ang problemang ito? Ano ang diwa nito? Ito ay na mali ang kanilang saloobin sa proyektong gawain. Iniisip lang nila ang kaginhawahan at kasiyahan ng laman, ang kanilang sariling katayuan at karangalan, sa halip na isipin ang pagiging epektibo ng gawain at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi talaga nila hinahangad na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung mayroon talaga silang kaunting konsensiya at katwiran, mauunawaan nila ang mga pagtatanong at pangangasiwa ng Itaas. Masasabi nila, mula sa puso, “Mabuti na lang at nagtatanong ang Itaas. Kung hindi, palagi akong susunod sa sarili kong kalooban, na makahahadlang sa pagiging epektibo ng gawain, o masisira pa nga ito. Nagbabahagi ang Itaas at nagsusuri ng mga bagay-bagay, at talagang nakalutas ito ng mga aktuwal na problema—napakabuting bagay niyon!” Ipapakita nito sa kanila na maging isang responsableng tao. Natatakot sila na kung gagawin nila ang gawain sa sarili nila, kung nagkaroon ng pagkakamali o aberya, at nagdulot ito ng kawalan sa gawain sa sambahayan ng Diyos na walang paraan para lunasan, iyon ay magiging isang responsabilidad na hindi nila makakayanan. Hindi ba’t pagpapahalaga iyon sa responsabilidad? (Ganoon nga.) Ito ay pagpapahalaga sa responsabilidad, at senyales ito na tinutupad nila ang kanilang katapatan. Ano ang tumatakbo sa isipan ng mga taong hindi hahayaang magtanong ang iba sa kanilang gawain? “Ang trabahong ito ay aking gawain, dahil ako ang itinalaga rito. Ako ang nagpapasya sa sarili kong gawain; hindi ko kailangang makisali ang ibang tao!” Isinasaalang-alang nila ang mga bagay-bagay sa sarili nila, at ginagawa ang gusto nilang gawin, ayon sa idinidikta ng kanilang personalidad. Ginagawa nila ang anumang magbibigay sa kanila ng pakinabang, at walang sinuman ang pinahihintulutang magtanong tungkol sa mga bagay-bagay—walang sinuman ang pinahihintulutang malaman ang tunay na kalagayan ng mga usapin. Kung tatanungin mo sila, “Kumusta ang gawaing iyon?” sasabihin nila, “Maghintay ka.” Kung tatanungin mo sila pagkatapos, “Paano ito umuusad?” sasabihin nila, “Malapit na.” Anuman ang itinatanong mo sa kanila, magsasabi lang sila ng isa o dalawang salita. Maglalabas lang sila ng ilang salita sa isang pagkakataon, at hindi na hihigit pa riyan—hindi sila magbibigay ng isang tumpak at tiyak na pangungusap. Hindi ka ba nasusulasok na makipag-usap sa ganitong mga tao? Halatang ayaw nilang magsabi ng kahit ano pa sa iyo. Kung magtatanong ka pa nang mas marami, mawawalan sila ng pasensya: “Tanong ka nang tanong tungkol sa maliit na bagay na iyon, na para bang hindi ko kayang tapusin ang mga bagay-bagay—na para bang hindi ako karapat-dapat para sa gampanin!” Ayaw lang talaga nilang hayaan ang mga tao na magtanong. At kung patuloy mo silang kukuwestiyunin, sasabihin nila, “Ano ba ako sa iyo, isang asno o kabayo para utus-utusan? Kung wala kang tiwala sa akin, huwag mo akong gamitin; kung gagamitin mo ako, kailangan mong magtiwala sa akin—at ang pagtitiwala sa akin ay nangangahulugang hindi ka dapat palaging nagtatanong!” Ito ang uri ng saloobin na mayroon sila. Tinatrato ba nila ang programang gawain bilang isang tungkulin na dapat nilang gawin? (Hindi.) Hindi tinatrato ng mga anticristo ang gawain bilang kanilang tungkulin, kundi bilang isang pang-negosasyon para makakuha ng mga pagpapala at isang gantimpala. Kontento na sila sa pagtatrabaho lang, na gusto nilang ipagpalit sa mga pagpapala. Iyon ang dahilan kung bakit gumagawa sila nang may pabasta-bastang saloobin. Ayaw nilang makialam ang iba sa kanilang gawain, sa isang bahagi, para mapanatili ang kanilang dignidad at karangalan. Naniniwala sila na ang tungkulin na kanilang ginagampanan at ang gawaing ginagawa nila ay personal nilang pagmamay-ari, na mga pribadong usapin nila ang mga ito. Iyon ang dahilan kung bakit hindi nila hinahayaan ang iba na makialam. Ang isa pang bahagi nito ay na kung nagawa nila nang maayos ang gawain, maaari nilang angkinin ang kredito para dito at humiling na magantimpalaan. Kung may nakialam, ang kredito ay hindi na mapupunta sa kanila lang. Natatakot sila na maagaw ng iba ang kredito mula sa kanila. Kaya naman talagang hindi sila papayag sa pakikialam ng iba sa kanilang gawain. Hindi ba’t makasarili at ubod ng sama ang mga taong tulad ng mga anticristo? Anumang tungkulin ang ginagawa nila, para lang silang umaasikaso sa kanilang mga pribadong usapin. Hindi nila hahayaang makialam o makilahok ang iba, anupaman ang mangyari kapag may ginagawa silang isang bagay sa sarili nila. Kung gagawin nila nang maayos ang bagay, hahayaan lang nilang mapunta ang kredito sa kanila lang, para hindi hayaan ang iba na umangkin ng bahagi ng kredito at mga resulta ng gawain. Hindi ba’t magulo ito? Anong disposisyon ito? Disposisyon ito ni Satanas. Kapag kumikilos si Satanas, hindi nito pinahihintulutan ang pakikialam ng sinuman, nais nitong magkaroon ng huling salita sa lahat ng ginagawa nito at kontrolin ang lahat ng bagay, at walang sinumang maaaring mangasiwa o magtanong ng anuman. Kung makialam o pumagitna ang sinuman, lalo namang hindi ito mapahihintulutan. Ganito kumilos ang isang anticristo; kahit ano pa ang ginagawa niya, walang sinumang puwedeng magtanong ng anuman, at kahit paano pa siya kumilos sa likod ng mga eksena, walang puwedeng makialam. Ganito ang pag-uugali ng isang anticristo. Ganito siya kumilos dahil sa isang banda mayroon siyang lubhang mapagmataas na disposisyon at isa pa walang-wala siyang katwiran. Ganap siyang hindi nagpapasakop, at hindi niya pinahihintulutan ang sinuman na pangasiwaan siya o inspeksyunin ang kanyang gawain. Tunay ngang mga kilos ito ng isang demonyo, na ibang-iba sa mga kilos ng normal na tao. Sinumang gumagawa ng gawain ay nangangailangan ng kooperasyon ng iba, kailangan niya ng tulong, mga mungkahi, at kooperasyon ng ibang tao, at kahit pa may isang taong nangangasiwa o nagmamasid, hindi ito isang masamang bagay, kinakailangan ito. Kung may mangyari mang mga pagkakamali sa isang bahagi ng gawain, at natukoy ang mga ito ng mga taong nagmamasid at inayos ang mga ito kaagad, at naiwasan ang mga kawalan sa gawain, hindi ba’t malaking tulong ito? Kaya naman, kapag gumagawa ng mga bagay-bagay ang matatalinong tao, gusto nilang pinangangasiwaan, inoobserbahan, at tinatanong sila ng ibang tao. Kung sakali mang may mangyari ngang pagkakamali, at nagawa itong ipaalam ng mga taong ito, at maitutuwid kaagad ang pagkakamali, hindi ba ito isang mas kanais-nais na kinahinatnan? Walang sinuman sa mundong ito ang hindi nangangailangan ng tulong ng iba. Ang mga taong may autism o depresyon lamang ang mga gustong mapag-isa at hindi makipag-ugnayan o makipagkomunika sa ibang mga tao. Kapag ang mga tao ay may autism o depresyon, hindi na sila normal. Hindi na nila kayang kontrolin ang kanilang sarili. Kung normal ang isip at katwiran ng mga tao, subalit ayaw lang nilang makipag-ugnayan sa iba, at ayaw nilang malaman ng ibang mga tao ang tungkol sa anumang ginagawa nila, gusto nilang gawin ang mga bagay-bagay nang palihim, nang pribado, at gumagawa sa likod ng mga eksena, at hindi nakikinig sa anumang sinasabi ng iba, ang gayong mga tao ay mga anticristo, hindi ba? Mga anticristo sila.

Minsan, nang makita Ko ang lider ng isang iglesia, tinanong Ko siya kung ano ang nangyayari sa pagganap ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Tinanong Ko, “Mayroon bang sinuman sa iglesia sa kasalukuyan na nakagugulo sa buhay iglesia?” Mahuhulaan mo ba kung ano ang sinabi niya? “Maayos ang mga bagay; ayos ang mga ito.” Tinanong Ko, “Kumusta ang paggawa ni kapatid na ganito-at-ganyan ng kanyang tungkulin?” Sinabi niya, “Ayos lang.” Pagkatapos ay itinanong Ko, “Ilang taon na siyang nananampalataya sa Diyos?” Sinabi niya, “Ayos lang.” Sabi Ko, “Hindi dapat narito ang mesang ito; kailangan itong ilipat.” Sinabi niya, “Pag-iisipan ko iyan.” Sabi Ko, “Hindi ba’t kailangan ng kapirasong lupang ito ng pagdidilig?” Sinabi niya, “Pagbabahaginan namin iyan.” Sabi Ko, “Ito ang halamang itinanim mo sa kapirasong lupang ito ngayong taon. Itatanim mo ba ang parehong bagay sa susunod na taon?” Sinabi niya, “May plano ang aming grupo ng mga tagapagpasya.” Iyon ang mga uri ng mga sagot na ibinigay niya. Anong pakiramdam ang ibinibigay sa iyo na marinig ang mga ito? May nauunawaan ka bang anuman sa mga ito? Nagkamit ka ba ng anumang impormasyon? (Wala talaga.) Masasabi mo kaagad na pinaaalis ka niya, itinuturing ka na parang isang hangal, isang tagalabas. Hindi niya alam nang eksakto kung sino ang tagalabas; tinatawag ito ng mga walang pananampalataya na “isang panauhin na umaastang host.” Hindi niya kilala ang sarili niyang pagkakakilanlan. Sinabi Ko, “Napakaraming tao ang naninirahan dito, at hindi maganda ang sirkulasyon ng hangin. Dapat maglagay kayo ng bentilador, o magiging sobrang init dito, at puwedeng magkaroon ang mga tao ng heatstroke.” Sinabi niya, “Pag-uusapan namin iyan.” Sa lahat ng sinabi Ko sa kanya, kinailangan niyang pag-usapan ito, pagbahaginan ito, at pag-isipan din ito. Anumang pagsasaayos na ginawa Ko, kahit anong sinabi Ko, walang kuwenta ito sa kanya. Para sa kanya, hindi mga pagsasaayos o utos ang mga ito, at hindi niya ipinatupad ang mga ito. Ano ang tinanggap niya sa Aking mga salita, kung gayon? (Mga mungkahi para sa kanyang pagsasaalang-alang.) Binigyan Ko ba siya ng mga mungkahi para sa kanyang pagsasaalang-alang? Hindi—sinabi Ko sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin, kung ano ang kinailangan niyang gawin. Iyon ba ay na hindi niya naunawaan ang sinabi Ko? Kung hindi, ibig sabihin niyon ay isa siyang taong magulo ang isip na hindi alam kung ano ang kanyang pagkakakilanlan o kung anong tungkuling ginagawa niya. Napakaraming tao ang nanirahan doon, walang panloob na air conditioning o dumaraang hangin. Gaano ba siya katalino gayong hindi siya naglagay ng bentilador? Dapat siyang umuwi kaagad—basura siya, at hindi nangangailangan ng basura ang sambahayan ng Diyos. Hindi alam ng mga tao ang lahat tungkol sa anumang bagay, pero maaari silang matuto. May ilang bagay Akong hindi nauunawaan, kaya tinatalakay Ko ang mga ito sa iba: “Ano sa tingin ninyo ang magandang paraan para gawin ito? Malaya kayong magbigay ng inyong mga mungkahi.” Kung iniisip ng ilang tao na magiging pinakamainam ang ilang paraan, sasabihin Ko, “Sige, gawin natin ang sinasabi mo. Hindi Ko pa napapag-isipan kung ano ang dapat nating gawin, sa anumang kaso. Susundin natin ang sinasabi mo.” Hindi ba’t iyon ang pag-iisip ng normal na pagkatao? Iyon ang ibig sabihin ng pakikisama sa iba. Sa pakikisama sa iba, hindi dapat gumawa ng pag-iiba ang mga tao sa pagitan ng kung sino ang nakakataas o mababa, o kung sino ang nakakakuha at hindi nakakakuha ng pansin, o kung sino ang may huling salita sa mga bagay. Hindi na kailangang gawin ang mga pag-iibang ito—kung kaninong daan ang tama at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, iyon ang dapat pakinggan. Kaya ninyo ba itong gawin? (Oo.) May ilang tao na hindi ito kaya. Hindi kaya ng mga anticristo—iginigiit nilang magkaroon ng walang anuman kundi ang pinal na salita. Anong uri ng bagay iyon? Hindi uubra sa kanila ang binabanggit ng iba, kahit na ito ay makatwiran; alam nilang tama at makatwiran ito, pero hindi nila susundin ang anumang iminungkahi ng sinuman—masaya sila hangga’t sila ang nagpanukala ng isang bagay. Kahit sa maliit na usaping ito, nakikipaglaban sila para sa superyoridad. Anong disposisyon iyon? Ang disposisyon ng isang anticristo. Naglalagay sila ng labis na pagpapahalaga sa katayuan, kabantugan, at pride. Gaano kalaking halaga? Mas mahalaga ang mga bagay na iyon sa kanila kaysa sa kanilang buhay—pangangalagaan nila ang kanilang katayuan at kabantugan, kahit na nangangahulugan ito ng kanilang buhay.

Pinagbabawalan ng mga anticristo ang iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa anumang gawaing ginagawa nila, at naipapamalas ang pagbabawal na ito sa ilang paraan. Ang isa ay pagtanggi, ganoon kasimple. “Tigilan mo ang pakikialam, pagtatanong, at pangangasiwa sa akin kapag gumagawa ako. Anumang gawain na ginagawa ko ay responsabilidad ko, may ideya na ako kung paano ko ito gagawin at hindi ko kailangang manduhan ako ng sinuman!” Ito ay diretsahang pagtanggi. Isa pang pagpapamalas ay ang mukha namang marunong tumanggap, na sinasabing “O sige, magbahaginan tayo at tingnan natin kung paano dapat gawin ang gawain,” pero kapag nagsimula na talagang magtanong ang iba at sinubukang alamin pa ang tungkol sa kanilang gawain, o kapag may ipinaalam ang mga ito na ilang isyu at nagbigay ng ilang mungkahi, ano ang kanilang saloobin? (Hindi sila marunong tumanggap.) Tama iyon—ayaw lang talaga nilang tumanggap, humahanap sila ng mga palusot at dahilan para tanggihan ang mga mungkahi ng iba, ginagawa nilang tama ang mali at mali ang tama, pero ang totoo, sa puso nila, alam nilang ipinipilit lang nila ang kanilang lohika, na nagsasalita lang sila ng magagarbong salita, na ang sinasabi nila ay teoretikal lang, na ang kanilang mga salita ay walang realidad ng kung ano ang sinasabi ng ibang tao. Pero para maprotektahan ang kanilang katayuan—at alam na alam nilang mali sila at na tama ang ibang tao—ginagawa pa rin nilang mali ang tama ng ibang tao, at ang sarili nilang mali ang ginagawa nilang tama, at patuloy na isinasagawa ito, hindi pinapayagan ang mga bagay na tama at nakaayon sa katotohanan na maipakilala o maisakatuparan kung saan naroon ang mga ito. Hindi ba’t tinatrato nila ang gawain ng iglesia bilang isang laro, isang biro? Hindi ba’t tumatanggi sila na tumanggap ng mga pagtatanong at pangangasiwa? Hindi nila ipinahahayag ang kanilang “pagbabawal” na ito nang walang pakundangan, sa pamamagitan ng pagsasabi sa iyo, “Hindi ka pinahihintulutang makialam sa aking gawain.” Hindi ganoon lumalabas ang ginagawa nila, pero iyon ang kanilang pag-iisip. Gagamit sila ng ilang panloloko, at mukhang medyo deboto sa panlabas. Sasabihin nila, “Nagkataon na kailangan namin ng tulong, kaya ngayong narito ka, makipagbahaginan ka sa amin nang kaunti!” Maniniwala ang mas-mataas-na-antas na lider nila na nagiging totoo sila, at kaya makikipagbahaginan ito sa kanila, sinasabi sa kanila ang tungkol sa mga kasalukuyang pangyayari. Kapag narinig na nila ang lider, maiisip nila: “Ganyan mo nakikita ang mga bagay—buweno, kailangan kong makipagdebate sa iyo, para pabulaanan at pasinungalingan ang iyong pananaw. Ipapahiya kita.” Iyon ba ay isang saloobin ng pagtanggap? (Hindi.) Anong saloobin ito, kung gayon? Ito ay isang pagtanggi na payagan ang iba na nakikialam, nagtatanong, o nangangasiwa sa kanila sa gawaing kanilang ginagawa. Kahit na gagawin iyon ng mga anticristo, bakit, kung gayon, nagpapakita sila ng isang huwad na anyo para sa mga tao at nagpapanggap ng isang saloobin ng pagtanggap? Na lilinlangin nila ang mga tao sa ganitong paraan ay nagpapakita kung gaano sila katuso. Natatakot silang makikilala sila ng mga tao. Sa kasalukuyan, lalo na, may ilang tao na may kaunting pagkilatis, kaya kung direktang tatanggihan ng isang anticristo ang pangangasiwa at tulong ng iba, malalaman at makikilala sila ng mga tao. Mawawala sa kanila kung gayon ang kanilang karangalan at katayuan, at hindi magiging madali para sa kanila na mahalal na lider o manggagawa sa hinaharap. Kaya, kapag sinusuri ng isang mas-mataas-na-antas na lider ang kanilang gawain, nagkukunwari silang tinatanggap ito, nagsasabi ng mga kaaya-aya at mapambolang mga bagay, ginagawang mag-isip ang lahat, “Tingnan mo kung gaano kasigasig, kung gaano naghahanap ng katotohanan ang ating lider! Nagmamalasakit ang ating lider sa ating buhay at sa gawain ng iglesia. Inaako niya ang responsabilidad sa paggawa ng kanyang tungkulin. Pipiliin natin siyang muli sa susunod na halalan.” Ang hindi inaasahan ng sinuman ay na kapag umalis na ang mas-mataas-na-antas na lider, magsasabi ang anticristo nang ganito: “Ayos lang ang sinabi ng taong iyon na nagsuri sa gawain, pero hindi ito palaging angkop sa mga kondisyon sa ating iglesia. Magkakaiba ang mga bagay sa bawat iglesia. Hindi natin maaaring sundin ang sinabi niya sa kabuuan nito—kailangan nating isaalang-alang ito batay sa ating tunay na sitwasyon. Hindi natin maaaring ilapat ang mga regulasyon nang basta-basta!” At umaalis ang lahat na iniisip na tama ito. Hindi ba’t nailihis sila? Bahagi ng ginagawa ng isang anticristo ay ang magsalita ng mga kaaya-ayang salita at magkunwaring tinatanggap ang pangangasiwa ng iba; kaagad pagkatapos, sinisimulan niya ang gawain ng panlilihis at pambe-brainwash sa loob. Magkasabay niyang ipinatutupad ang dalawang bahagi ng diskarteng ito. May mga panlilinlang ba siya? Marami, talaga! Sa panlabas, maayos siyang nagsasalita at nagkukunwari ng pagtanggap, pinapaniwala ang lahat na pakiramdam niya ay lubos siyang responsable sa gawain, na maaari niyang bitawan ang kanyang posisyon at katayuan, na hindi siya awtoritaryan, kundi kayang tumanggap ng pangangasiwa mula sa Itaas o mula sa ibang mga tao—at habang ginagawa niya ang mga iyon, “nililinaw” niya sa mga kapatid ang mga kalamangan at kahinaan ng mga bagay, at “nililinaw” ang iba’t ibang sitwasyon. Ano ang layunin niya? Na hindi tanggapin ang pakikialam, pagtatanong, o pangangasiwa ng ibang tao, at para ipaisip sa mga kapatid na ang kasalukuyang pagkilos niya ay makatwiran, tama, alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos, at naaayon sa mga prinsipyo ng gawain, at na, bilang isang lider, sumusunod siya sa prinsipyo. Talagang iilan lang sa iglesia ang nakauunawa sa katotohanan; ang karamihan ay walang alinlangang walang kakayahan sa pagkilatis, hindi nila nakikita ang anticristo na ito kung sino talaga ito, at natural na inililihis nito. May ilang tao, halimbawa, ang hindi nakakatulog sa gabi dahil sa ilang partikular na dahilan. Buong gabi silang hindi nakakatulog. May dalawang uri ng mga tao, na sa kanila ay naipamamalas ang dalawang magkaibang paraan ng kakulangang iyon sa tulog. Ang unang uri ay nakakahanap ng pagkakataong makatulog nang kaunti sa umaga sa lalong madaling panahon. Hindi nila ipinaaalam sa iba na hindi sila nakatulog. Iyon ay isang sitwasyon, isang paraan ng mga bagay-bagay. Walang layunin sa likod nito. Ang ibang uri ng tao ay natutulog sa oras ng pagkain at sinasabi sa lahat, “Hindi ako nakatulog kagabi!” May nagtatanong, “Bakit hindi?” At sinasabi niya, “Nagkaroon ng online na pagtitipon, at natuklasan ko ang ilang problema sa gawain. Nagpuyat ako buong gabi sa paglutas sa mga ito.” Nagpapatuloy siya nang walang tigil, inaanunsiyo na hindi siya nakatulog buong gabi. Talaga bang nag-atubili siyang magpuyat? Bakit nagpapaliwanag siya sa grupo? At may isang bagay ba sa loob ng paliwanag na iyon? Ano ang layon niya? Gusto niyang ipaalam sa buong mundo ang kanyang ginawa, sa takot na baka hindi malaman ng iba. Gusto niyang malaman ng lahat na nagdusa siya, na gising siya buong gabi, na handa siyang magbayad ng halaga sa kanyang pananampalataya sa Diyos, na hindi siya naghahangad ng kaginhawahan. Sa pamamagitan nito, ibig niyang makuha ang simpatiya at pagsang-ayon ng mga kapatid. Binibili niya ang puso ng mga tao sa pamamagitan ng paggawa ng mabababaw na pagganap na ito, at sa paggawa nito, nakukuha niyang pahalagahan siya ng iba, at nagkakamit siya ng katanyagan sa puso ng mga tao. Kapag may katayuan na siya, tiyak na magsasalita na siya nang may awtoridad. At kapag nagsasalita na siya nang may awtoridad, hindi ba niya matatamasa ang espesyal na pagtrato na kaakibat ng katayuan? (Oo.) Sa palagay mo ba ay sinamantala niya nang husto ang pagkakataong ito? Sinasabi ninyo ba sa iba kapag hindi kayo nakatulog, o kung nagpuyat kayo? (Nagawa na namin.) Noong ginawa ninyo, hindi ba ito sinasadya, o mayroon bang ilang layunin sa likod nito? Sinabi mo lang ba sa isang tao nang biglaan, o gumawa ka ba ng isang engrandeng proklamasyon, na nagpapakitang-gilas? (Biglaan ito.) Walang layunin sa pagsasabi nito nang biglaan; hindi iyon nagmumungkahi ng problemang disposisyonal. May ganap na kakaibang kalikasan ang sabihin ito nang sinasadya at sabihin ito nang hindi sinasadya. Kapag kumikilos ang isang anticristo, ano ang motibo sa likod ng kanyang ginagawa, kung tila tinatanggap niya sa panlabas ang pakikialam at mga pagtatanong ng iba, o kung tinatanggihan niya ang mga ito nang tahasan—alinman ang mangyari? Sumusunggab siya sa katayuan at kapangyarihan, at hindi niya ito bibitawan. Hindi ba’t iyon ang kanyang motibo? (Ito nga.) Tama—talagang hindi niya hahayaan na ang pinaghirapan niyang kapangyarihan, ang pinaghirapan niyang katayuan at katanyagan, ay mawawala na lang nang napakakaswal, sa isang sandali nang walang pag-iingat; hindi niya hahayaan ang sinuman na pahinain ang kanyang puwersa at impluwensiya sa pamamagitan ng pakikialam sa kanyang gawain o pagtatanong tungkol dito. Pinaniniwalaan niya ito: Ang gumawa ng isang tungkulin, ang tumanggap ng isang programang gawain, ay hindi talaga isang tungkulin, at hindi niya kailangang gawin ito bilang isang obligasyon; sa halip, ito ay ang magtaglay ng isang partikular na kapangyarihan, ang magkaroon ng ilang tao sa ilalim ng kanyang pamumuno. Naniniwala siya na sa kapangyarihan, hindi na niya kailangang kumonsulta sa sinuman, pero may pagkakataon at kapangyarihan na ngayong mamuno. Ito ang uri ng saloobin na mayroon siya sa tungkulin.

May ilang iba pa na, kapag nagtatanong sa kanila ang Itaas tungkol sa kanilang gawain, nagiging pabasta-basta lang sila. Nagbibigay sila ng isang mababaw na pagganap at nagtatanong tungkol sa ilang walang-kabuluhang bagay, na para bang isang tao silang naghahanap sa katotohanan. Kung may isang insidente na malinaw na nagdudulot ng paggambala at panggugulo, halimbawa, tatanungin nila ang Itaas kung ang taong sanhi nito ay dapat pangasiwaan. Hindi ba’t bahagi ng trabaho nila ang isang bagay na tulad niyon? (Oo.) Ano ang hinahangad nila, sa pagtatanong sa Itaas ng tungkol dito? Ibig nilang bigyan ka ng huwad na anyo nila, para ipakita sa iyo na kung magtatanong sila kahit tungkol sa mga bagay na iyon, patunay ito na hindi sila walang ginagawa, na nagtatrabaho sila. Gumagawa lang sila ng isang huwad na anyo para ilihis ka. Ang katunayan ay mayroon silang ilang aktuwal na problema sa kanilang puso, at hindi nila alam kung paano magbahaginan tungkol sa katotohanan para malutas ang mga ito, ni hindi nila alam kung aling mga prinsipyo ang dapat nilang isagawa. May mga bagay na malabo sa kanila, sa pangangasiwa sa mga tao at sa pangangasiwa sa mga usapin, subalit hindi sila kailanman nagtatanong o naghahanap tungkol sa mga ito. Dahil hindi sila sigurado sa mga bagay na ito sa kanilang puso, hindi ba’t dapat itanong nila sa Itaas ang tungkol dito? (Oo.) Hindi sila sigurado tungkol sa mga ito at hindi nauunawaan ang mga ito, subalit nagpapatuloy sa pagkilos nang walang alam—ano ang mga kahihinatnan niyon? Mahuhulaan ba nila kung ano ang mangyayari? Magagawa ba nilang pasanin ang responsabilidad para sa mga kahihinatnan? Hindi, hindi nila magagawa. Kaya, bakit hindi sila nagtatanong tungkol sa mga bagay na ito? May mga pagsasaalang-alang sa hindi nila pagtatanong. Ang isa ay ang takot na matuklasan sila ng Itaas: “Kung hindi ko man lang mapangasiwaan ang walang kuwentang bagay na ito, at kailangang magtanong tungkol dito, iisipin ng itaas na ang aking kakayahan ay hindi napakahusay. Hindi ba’t magbibigay ito sa itaas ng pagkakataong makita ang tunay kong kalagayan?” Nariyan din ang pagsasaalang-alang na kung magtatanong nga sila, at kung ang desisyon ng Itaas ay salungat at naiiba sa sarili nilang pananaw, mahihirapan silang pumili. Kung hindi nila susundin ang sinasabi ng Itaas, sasabihin ng Itaas na nilalabag nila ang mga prinsipyo ng gawain; kung susundin nila, magdudulot ito ng kawalan sa sarili nilang mga interes. Kaya, hindi sila nagtatanong. Hindi ba ito isinaalang-alang? (Oo.) Ganoon nga. Anong uri ng tao sila, na isinasaalang-alang ang mga bagay na ito? (Mga anticristo.) Mga anticristo talaga sila. Sa anumang bagay, magtanong man sila tungkol dito o hindi, sabihin man nila ito o isipin lang ito, hindi nila hinahanap ang katotohanan o isinasaalang-alang ang bagay na iyon ayon sa mga prinsipyo; sa lahat ng bagay, inuuna nila ang mga sarili nilang interes. May listahan sila sa puso nila ng mga bagay na maaari nilang ipahintulot na itanong at malaman ng Itaas, at mga bagay na ayaw talaga nilang malaman ng Itaas. Itinakda nila ang hangganan ng mga rehiyong iyon at hinati ang mga ito sa dalawang kategorya. Pahapyaw silang makikipag-usap sa Itaas tungkol sa mga hindi gaanong mahalagang bagay na iyon na hindi makapagdudulot ng banta sa kanilang katayuan, para makalusot sa Itaas; subalit sa mga bagay na maaaring maging banta sa kanilang katayuan, hindi sila magsasalita nang kahit ano. At kung magtatanong ang Itaas tungkol sa mga bagay na iyon, ano ang gagawin nila? Gagamit sila ng ilang salita para malinlang sila; sasabihin nilang, “Sige, tatalakayin namin ito … patuloy kaming maghahanap …”—maraming apirmasyon para sa iyo, nang walang anumang bagay na mababasa bilang paglaban. Sa itsura, medyo mapagpasakop sila—subalit ang katunayan, may sarili silang mga kalkulasyon. Wala silang planong hayaan ang Itaas na gumawa ng mga desisyon; wala silang planong humingi ng mga mungkahi sa Itaas at hayaan ang mga itong magdesisyon, o maghanap ng ilang landas mula sa Itaas. Wala silang gayong mga plano. Ayaw nilang pahintulutan ang Itaas na makialam o malaman kung ano talaga ang nangyayari. Kapag nalaman na ng Itaas, kung gayon, anong banta ang idudulot nito sa kanila? (Mawawalan sila ng kasiguraduhan sa kanilang katayuan.) Hindi lang sila mawawalan ng kasiguraduhan sa kanilang katayuan—hindi na gagana ang kanilang mga plano at layon, at sa gayon ay hindi na sila magiging lehitimo sa kanilang paggawa ng kasamaan; hindi na nila masusunod ang sarili nilang mga plano nang lehitimo, lantaran, at walang pakundangan. Ito ang problemang haharapin nila. Kaya, matutukoy ba nila kung paano kumilos sa paraang kapaki-pakinabang sa kanila? Tiyak na may mga kaisipan at kalkulasyon sila tungkol dito. Nasusumpungan ba ninyo ang sarili ninyo na nahaharap din sa mga gayong bagay? Ano ang iniisip ninyo tungkol sa mga ito, kung gayon? Paano ninyo tinatrato ang mga ito? Magbibigay Ako ng isang halimbawa. Minsan may isang lalaki na naging lider at medyo nadala siya nito; mahilig siyang palaging magpakitang-gilas sa harap ng iba para makuha ang pagpapahalaga nila. Nakasalubong niya ang isang kilala niyang walang pananampalataya, na gustong humiram ng pera. Labis na ipinagmakaawa ng walang pananampalataya ang kaso nito kaya, sa bugso ng damdamin, sa pananabik ng sandali, pumayag ang lider, na pagkatapos nito ay naisip niya, nang mahinahon at walang pag-aalinlangan na, “Ako ang lider ng iglesia—ako dapat ang may huling salita sa pera ng iglesia. Pagdating sa mga bagay na pag-aari ng sambahayan ng diyos, ng iglesia, at mga handog—ako ang nasa katungkulan, kaya ang sinasabi ko ang masusunod. Ang pananalapi ay nasa aking pangangasiwa, at ang mga usapin sa tauhan ay nasa akin ding pamamahala—ako ang may huling salita sa lahat ng ito!” At kaya, ipinahiram niya ang pera ng sambahayan ng Diyos sa isang walang pananampalataya. Pagkatapos niyang gawin ito, nakaramdam siya ng kaunting pagkabahala, at pinag-isipan kung dapat ba niyang sabihin sa Itaas ang tungkol dito. Kung gagawin niya ito, maaaring hindi pumayag ang Itaas sa bagay na iyon—kaya, nagsimula siyang gumawa ng mga kasinungalingan at humanap ng mga palusot para linlangin ang Itaas. Ibinahagi ng Itaas ang mga katotohanang prinsipyo sa kanya, subalit hindi niya ito pinakinggan. Ganoon niya ginawa ang masamang gawa ng maling paggamit ng mga handog nang pribado. Bakit mangangahas ang gayong tao na pagplanuhang gamitin ang mga handog? Isa ka lang lider ng iglesia—may karapatan ka bang pamahalaan ang mga handog? Ikaw ba ang may huling salita sa mga usapin ng mga handog at pananalapi? Paano mo dapat ituring ang mga handog sa Diyos, kung ikaw ay isang tao na may normal na pagkatao at katwiran, isang tao na naghahangad sa katotohanan? Hindi ba’t dapat isangguni sa Itaas ang mga usaping may kaugnayan sa mga handog, para makita kung ano ang desisyon ng sambahayan ng Diyos? Wala bang karapatan ang Itaas na malaman ang tungkol sa gayon kalaking isyu? Oo. Ito ay isang bagay na dapat maging malinaw sa iyong puso; ito ang katwiran na dapat mong taglayin. Pagdating sa mga usapin sa pananalapi, ang parehong malalaki at maliliit na bagay, may karapatan ang Itaas na malaman. Isang bagay kung hindi magtatanong ang Itaas—subalit kapag nagtanong na ang Itaas, dapat kang sumagot nang totoo, at dapat kang magpasakop sa kung ano man ang desisyon ng Itaas. Hindi ba’t ito ang uri ng katwiran na dapat mong taglayin? (Ito nga.) Subalit may kakayahan ba ang mga anticristo na gawin ito? (Wala.) Iyon ang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga normal na tao. Kung sa tingin nila ay may isang daang-porsiyentong pagkakataon na hindi papayag ang Itaas sa bagay na iyon, at na magdurusa sila ng kawalan sa kanilang pride, mag-iisip sila ng lahat ng paraan para itago ito, para pigilan ang Itaas na malaman ang tungkol dito. Kokontrolin pa nga nila ang mga taong nasa ilalim nila, at sasabihing: “Kung isisiwalat ito ng sinuman, laban sila sa akin. Makaririnig sila sa akin. Haharapin ko sila, anuman ang mangyari!” At sa mga nakatatakot na salitang iyon mula sa kanila, walang nangangahas na iulat ang bagay na iyon sa Itaas. Bakit nila gagawin iyon? Naniniwala silang, “Nasa ilalim ito ng saklaw ng aking awtoridad. May karapatan akong gamitin at ipamahagi ang mga tao, pera, at materyales na sakop ng aking hurisdiksiyon!” Ano ang mga prinsipyo nila para sa paggamit at pamamahagi? Gumagawa sila ng mga pagsasaayos ayon sa kalooban nila, arbitraryo silang gumagamit at namimigay ng pera at mga materyales, nang hindi sumusunod sa anumang prinsipyo, nilulustay at sinasayang nila ang mga bagay na ito nang walang pagpili, at walang sinuman ang may karapatang makialam—dapat magkaroon sila ng huling salita sa lahat ng ito. Hindi ba’t ganyan sila mag-isip? Siyempre, hindi nila ito sasabihin nang malakas, sa gayong mga tahasang termino—subalit sa kanilang puso, ito talaga ang iniisip nila: “Ano ang silbi ng pagkakaroon ng katungkulan? Hindi ba’t tungkol lahat ito sa pera, tungkol sa patuloy na pagkakaroon ng pagkain at pananamit? Ngayon, nasa katungkulan ako; may gayon akong katayuan. Hindi ba’t kahangalan para sa akin na hindi samantalahin ang aking kapangyarihan para gawin ang gusto ko?” Hindi ba’t iyon ang pinaniniwalaan nila? (Iyon nga.) Ito ay dahil may gayon silang disposisyon, at pinaniniwalaan ito, na nangangahas silang itago ang isang bagay nang walang kaunting pag-aalinlangan, walang pakialam sa anumang kahihinatnan, sa anumang paraan at diskarteng maiisip nila. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Hindi nila tinatasa kung tama o hindi ang bagay na iyon, o kung ano ang nararapat na gawin, o kung ano ang mga prinsipyo. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito; ang tanging pagsasaalang-alang lang nila ay kung sino ang magtataguyod sa kanilang mga interes. Ang isang anticristo ay isang mapanlinlang, makasarili, ubod ng samang bagay! Gaano siya ka-ubod ng sama? Makukuha ito sa isang salita: Walanghiya siya! Hindi sa iyo ang mga taong iyon, ni ang mga bagay na iyon, at lalong hindi ang perang iyon—subalit gusto mo itong angkinin, para gamitin ayon sa gusto mo. Wala man lang karapatan ang ibang malaman ang tungkol dito; kahit na lustayin at aksayahin mo ang mga bagay na iyon, walang karapatan ang iba na magtanong. Gaano kalayo na ang inabot mo? Napunta ka na sa kawalanghiyaan! Hindi ba’t wala itong kahihiyan? (Ganoon nga.) Iyon ay isang anticristo. Ano ang hindi magagawa ng isang karaniwang tao pagdating sa pera? Iniisip niya na ang mga iyon ay mga handog sa Diyos, at ang mga handog ay ibinibigay sa Diyos ng Kanyang mga hinirang na tao, kaya pagmamay-ari ang mga ito ng Diyos—mga “personal na pag-aari” Niya ang mga ito, tulad ng maaaring sabihin ng ilan. Ang pag-aari ng Diyos ay hindi pag-aari ng mga karaniwang tao, ni hindi ito pagmamay-ari ng sinumang tao. Sino ang Panginoon ng sambahayan ng Diyos? (Ang Diyos.) Oo, ito ay ang Diyos. At ano ang kabilang sa sambahayan ng Diyos? Kabilang dito ang Kanyang mga hinirang na tao sa bawat iglesia, gayundin ang lahat ng suplay at ari-arian ng bawat iglesia. Ang lahat ng bagay na ito ay pag-aari ng Diyos. Tiyak na hindi pag-aari ang mga ito ng isang tao, at walang sinuman ang may karapatang umangkin sa mga ito. Maiisip ba iyon ng isang anticristo? (Hindi.) Naniniwala siya na ang mga handog ay pag-aari ng sinumang namamahala sa mga ito, ng sinumang may pagkakataong kumuha mula sa mga ito, at kung ang isang tao ay isang lider, may karapatan siyang gamitin ang mga ito. Iyon ang dahilan kung bakit patuloy niyang hinahangad ang katayuan nang buo niyang lakas. Kapag nakuha na niya ito, matutupad na sa wakas ang lahat ng kanyang inaasam. Bakit niya hinahangad ang katayuan? Kung inatasan mo siyang maingat na pamunuan ang mga hinirang na tao ng Diyos, na may mga prinsipyo sa kanyang mga pagkilos, subalit hindi siya pinahintulutang gamitin ang mga ari-arian ng iglesia o mga handog sa Diyos, magiging aktibo pa rin ba siya sa kanyang pakikipag-agawan pataas? Talagang hindi. Pasibo siyang maghihintay, at hahayaang mangyari ang mangyayari. Iisipin niyang, “Kung mahalal ako, gagawin ko ang trabaho at gagawin ko nang maayos ang aking tungkulin; kung hindi, hindi ako sisipsip kahit kanino. Wala akong sasabihin o gagawin tungkol dito.” Dahil nga iniisip ng isang anticristo na bilang isang lider, may karapatan ang isang tao na magdikta at magtamasa ng lahat ng ari-arian ng iglesia kaya matindi niyang pinag-iisipan, sa kanyang mga pagtatangka na magsikap pataas, hanggang sa punto ng kawalanghiyaan, para makamit ang katayuan at matamasa ang lahat ng benepisyong dala ng katayuan. Ano ang ibig sabihin ng maging walanghiya? Ibig sabihin nito ay gumawa ng mga kahiya-hiyang bagay—iyon ang ibig sabihin ng maging walanghiya. Kung may magsasabi sa kanyang, “Masyadong kahiya-hiya ang mga ginagawa mo!” Wala siyang pakialam, kundi iisipin na, “Ano ang kahiya-hiya rito? Sino ang may hindi gusto ng katayuan? Alam mo ba kung ano ang pakiramdam ng magkaroon ng katayuan? Ng magkaroon ng kontrol sa pera? Alam mo ba ang kagalakang iyon? Alam mo ba ang pakiramdam ng pribilehiyong iyon? Natikman mo na ba ito?” Ganyan tinitingnan ng mga anticristo ang katayuan, sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa oras na magkamit ng katayuan ang isang anticristo, gugustuhin niyang magkaroon ng kontrol sa lahat. Isasailalim din niya sa kanyang kontrol ang mga handog sa Diyos. Nais niyang magkaroon ng huling salita tungkol sa anumang bahagi ng gawain ng iglesia na gumagasta ng pera, nang hindi kailanman kumokonsulta sa Itaas. Nagiging panginoon siya ng pera ng sambahayan ng Diyos, at ang sambahayan ng Diyos ay nagiging kanya. May karapatan siyang magbigay ng huling salita tungkol dito, magdikta kung ano ang mangyayari dito, magbigay nito kay ganito at ganyan ayon sa gusto niya, magdikta kung paano gagastusin ang bawat bahagi nito. Sa mga handog sa Diyos, hindi siya kailanman kumikilos nang maingat at nang hindi padalus-dalos, ayon sa mga prinsipyo; sa halip, sobra siyang gastador, at kung ano ang sinasabi niya, iyon ang nasusunod. Ang taong tulad niyon ay isang tunay na anticristo.