Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikalawang Bahagi) Ikalawang Seksiyon
B. Ang Pangangasiwa ng mga Tao sa Kanilang mga Personal na Kapaligiran
Ang pangalawang aytem: ang pangangasiwa ng mga tao sa kanilang mga personal na kapaligiran sa pang-araw-araw na buhay. Aling bahagi ng normal na pagkatao kasama ang aytem na ito? (Ang sa kapaligirang pinaninirahan ng isang tao.) At ano ang binubuo niyon? Pangunahing binubuo ito ng dalawang malawak na bahagi: ang kapaligirang pinaninirahan ng isang tao na umaabot lang sa kanyang personal na buhay, at ang mga pampublikong kapaligiran na madalas niyang nakakasalamuha. At ano ang binubuo ng dalawang malawak na bahaging ito, sa partikular? Ang paraan ng pamumuhay ng isang tao, gayundin ang pangangalaga niya sa kalinisan at sa kanyang kapaligiran. Para mas himayin pa ito, ano ang bumubuo sa paraan ng pamumuhay ng isang tao? Gawain at pahinga, diyeta, at mga bagay tulad ng pagpapanatili sa kalusugan ng isang tao sa pang-araw-araw, at karaniwang kaalaman tungkol sa pang-araw-araw na buhay. Magsisimula tayo sa una, gawain at pahinga. Dapat lang gawin ang mga iyon sa isang regular at naka-iskedyul na paraan. Sa labas ng mga espesyal na kondisyon, tulad nang kapag kinakailangan sa gawain ng isang tao na magpuyat siya o mag-overtime, ang trabaho at pahinga ay madalas na regular at naka-iskedyul. Iyon ang tamang paraan. May ilan na mas gustong gising sa gabi. Hindi sila natutulog sa gabi, pero abala sila sa lahat ng uri ng bagay. Hindi sila natutulog hanggang sa bumangon at magsimula na ang iba sa kanilang gawain, sa madaling araw, at kapag natutulog na ang iba sa gabi, doon sila bumabangon at nagtatrabaho. Hindi ba’t may mga taong ganyan? Palaging hindi katugma sa iba, palaging nagiging espesyal—ang mga taong iyon ay hindi napakamakatwiran. Ang mga ritmo ng bawat isa ay dapat na karaniwang magkakatugma sa ilalim ng mga normal na kondisyon, sa kabila ng mga espesyal na kaso. Ano ang susunod? (Diyeta.) Ang mga kinakailangang pagkain ng normal na pagkatao ay madaling makamit, hindi ba? (Oo.) Madali ang isang ito. Gayumpaman, hindi ba’t ang mga tao ay may ilang nakalilinlang na pananaw sa diyeta? Sinasabi ng ilan, “Nananampalataya kami sa Diyos, at ang lahat ay nasa Kanyang mga kamay. Walang paraan ng pagkain na makapipinsala sa tiyan ng isang tao. Kakainin namin ang anumang gustuhin namin, sa aming kaginhawahan, nang malaya. Hindi ito isang isyu, pinoprotektahan tayo ng Diyos.” Hindi ba’t may mga taong may ganitong pagkaunawa? Hindi ba’t mayroong bagay na medyo baluktot dito? Abnormal ang ganoong pagkaunawa; ang mga mayroon nito ay hindi normal sa kanilang pag-iisip. May iba na napaghahalo ang normal at sentido komun na kaalaman para sa pamumuhay sa pagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa laman. Naniniwala sila na ang pagbibigay ng atensiyon sa sentido komun na kaalaman para sa pamumuhay ay pagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa laman. Hindi ba’t may mga taong pinaniniwalaan iyon? (Mayroon.) Halimbawa, may mga taong may problema sa tiyan at hindi kumakain ng mga maanghang at nakapagpapasiglang bagay. May ilan na nagsasabi sa kanila, “Iyan ang kagustuhan mo sa pagkain; nagpapakita ka ng pagsasaalang-alang para sa laman. Kailangan mong maghimagsik laban dito. May mga lugar kang pupuntahan kung saan iyon ang pagkain, at kakailanganin mo itong kainin. Paanong hindi mo ito kakainin?” Hindi ba’t may mga tao na may ganoong uri ng pang-unawa? (Mayroon.) May ilang tao na hindi nakakakain ng isang partikular na bagay pero pinipilit na kainin ito, sa hindi nila kaginhawahan, para maghimagsik laban sa laman. Sinasabi Ko, “Hindi ka maaaring kumain nito kung ayaw mo. Walang kokondena sa iyo kung hindi mo ito kakainin.” Sinasabi nila, “Hindi, dapat ko itong kainin!” Sa kasong iyon, nararapat ang kanilang kawalan ng ginhawa. Sila mismo ang nagdulot nito sa sarili nila. Nagtakda sila ng mga regulasyon para sa sarili nila, kaya sila ang dapat na nagpapanatili ng mga ito. Mali ba ang hindi kainin ang bagay? (Hindi.) Hindi ito mali. Ang iba na may partikular na mga kondisyong pangkalusugan ay hindi hiyang sa ilang pagkain. Kailangan nilang iwasan ang mga bagay na iyon at huwag kainin ang mga ito. Ang ilan ay hindi hiyang sa mga sili, kaya hindi nila dapat kainin ang mga ito, pero ipinipilit nila ito. Patuloy nilang kinakain ang mga ito, naniniwalang iyon ang ibig sabihin ng maghimagsik laban sa laman. Hindi ba’t ito ay isang baluktot na pang-unawa? Iyon nga ito. Kung hindi sila angkop na kumain ng isang bagay, hindi nila ito dapat kainin. Bakit nila kinakalaban ang kanilang katawan? Hindi ba’t pagiging walang ingat iyon sa kanila? (Pagiging walang ingat ito.) Hindi kinakailangang sundin ang regulasyong iyon, o maghimagsik nang ganoon laban sa kanilang laman. Ang bawat isa ay may sarili nilang pisikal na kondisyon: ang ilan ay may masamang tiyan; ang ilan ay may mahinang puso; ang ilan ay mas mahina ang paningin; ang ilan ay madaling magpawis; ang ilan ay hindi kailanman nagpapawis. Iba-iba ang kondisyon ng bawat isa; dapat kang gumawa ng mga pagsasaayos batay sa iyong sarili. Maaaring suportahan ng isang pangungusap ang mga kasong ito: Matuto ng kaunting sentido komun sa buhay. Ano ang ibig sabihin ng “sentido komun” dito? Ibig sabihin nito na kailangan mong malaman kung ano ang nakakapinsala sa iyong kainin at kung ano ang mabuti para sa iyong kainin. Kung hindi masarap ang lasa ng isang bagay pero mabuti ito para sa iyong kalusugan, kailangan mo itong kainin, para sa kapakanan ng iyong kalusugan; kung malasa ang isang bagay, pero nagkakasakit ka kapag kinakain mo ito, huwag mo itong kainin. Sentido komun iyon. Higit pa riyan, dapat ding malaman ng mga tao ang ilang sentido komun na paraan para manatiling malusog. Sa apat na panahon ng taon, hayaan ang oras, klima, at panahon na magdikta sa mga bagay na iyong kinakain—isa itong pangunahing prinsipyo. Huwag mong labanan ang iyong katawan—ito ay isang kaisipan at pang-unawa na dapat magkaroon ang mga taong may normal na pagkatao. Ang ilang tao ay may enteritis at dumaranas ng pagtatae kapag kumakain sila ng mga nakakapagpasiglang pagkain. Kaya, huwag mong kainin ang mga iyon. Pero sinasabi ng ilan, “Hindi ako natatakot. Pinoprotektahan ako ng Diyos,” at nagdurusa sa pagtatae pagkatapos ng kanilang mga pagkain bilang resulta. Sinasabi pa nga nila na sinusubok at pinipino sila ng Diyos. Hindi ba’t kakatwa silang mga tao? Kung hindi sila kakatwa, mga kakila-kilabot na masiba sila na kumakain nang walang pagsasaalang-alang sa mga kahihinatnan. Ang gayong mga tao ay maraming isyu. Hindi nila makontrol ang gana nila, pero sinasabi na, “Hindi ako natatakot. Pinoprotektahan ako ng Diyos!” Kumusta ang pagkaunawa nila sa isyu? Baluktot ito; hindi nila nauunawaan ang katotohanan, pero pikit-mata nilang sinusubukang ilapat ito. May enteritis sila pero kumakain nang walang habas, at kapag nagtatae sila bilang resulta, para sabihin nilang sinusubok at pinipino sila ng Diyos—hindi ba’t iyon ay isang pikit-matang paglalapat ng mga regulasyon? Para sa gayong kakatwang tao na magsabi ng gayong basura—hindi ba’t iyon ay kalapastanganan sa Diyos? Gagawa ba ng gawain ang Banal na Espiritu sa gayong katawa-tawang tao? (Hindi.) Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo dapat pikit-matang inilalapat ang mga regulasyon sa mga bagay-bagay. Walang pagpili bang isasailalim ng Diyos ang sinuman sa mga pagsubok? Tiyak na hindi. Ni hindi ka kalipikado para doon; wala roon ang iyong tayog—at kaya, hindi ka isasailalim ng Diyos sa mga pagsubok. Ang isang tao na hindi alam kung anong mga pagkain ang makakapagpasakit sa kanya ay isang tanga na may hindi maayos na pag-iisip. Mauunawaan ba ng mga taong hindi maayos ang pagkamakatwiran at pag-iisip ang mga layunin ng Diyos? Mauunawaan ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Isasailalim ba ng Diyos ang gayong tao sa mga pagsubok? Hindi, hindi Niya gagawin. Ganoon ang mawalan ng katwiran at magsalita nang walang kapararakan. May mga prinsipyo sa pagsubok ng Diyos sa mga tao; ang mga ito ay nakadirekta sa mga taong nagmamahal sa katotohanan at naghahangad dito, sa mga taong gagamitin ng Diyos at makakapagpatotoo sa Kanya. Isinasailalim Niya sa pagsubok ang mga taong may tunay na pananalig na makakasunod sa Kanya at makakapagpatotoo sa Kanya. Walang sinumang naghahanap lang ng kaginhawahan at kasiyahan at hindi talagang naghahangad sa katotohanan, at tiyak na walang sinumang may baluktot na pagkaunawa sa mga bagay, ang may gawain ng Banal na Espiritu. Kung gayon, isasailalim ba sila ng Diyos sa mga pagsubok? Ito ay ganap na imposible.
Abot-kamay ng ilang tao ang mga halamang gamot ng Tsina o mga pagkaing pangkalusugan, na walang saysay nilang kinakain. Ang ilang babae ay naglalagay sa mukha nila ng mga bagay na pumuprotekta sa balat, na nagpapaputi at nagpapabatak dito. Gugugol sila ng dalawang oras araw-araw sa paglalagay ng makeup at tatlong oras sa pag-aalis nito, at sa huli ay sisirain ang balat nila hanggang sa hindi na ito makilala. Sasabihin pa nga nila, “Walang makakatalo sa natural na batas ng kagandahang kumukupas sa edad—tingnan mo na lang itong tumatanda kong balat!” Ang katunayan ay hindi sila magmumukhang napakatanda kung hindi nila patuloy na ginugulo ang mukha nila—ang paglalagay ng mga produktong iyon ang mismong nagpapatanda sa kanila. Ano ang masasabi mo roon? (Sila ang nagdulot nito sa sarili nila.) Tama lang sa kanila iyon! May ilang sentido komun na kaalaman para sa pamumuhay sa normal na pagkatao, at kailangang maarok ito ng isang tao, tulad ng karaniwang kaalaman tungkol sa pagpapanatili ng kanyang kalusugan at pag-iwas sa sakit: na ang malamig na paa ay nakapagdudulot ng pananakit ng likod, halimbawa, o kung paano dapat gamutin ang isang tao sa maagang pagsisimula ng farsightedness, o kung ano ang mga pinsala ng pag-upo ng masyadong matagal sa harap ng kompyuter. Dapat medyo maunawaan ng isang tao ang tungkol sa gayong sentido komun na pangangalaga para sa kanilang kalusugan. Maaaring sabihin ng ilan, “Para manampalataya sa Diyos, dapat mo lang basahin ang Kanyang mga salita. Ano ang silbi ng pag-aaral ng lahat ng sentido komun na bagay sa pangangalagang pangkalusugan? Itinakda ng Diyos ang haba ng buhay ng isang tao; walang anumang kaalaman sa pangangalagang pangkalusugan ang makapagdudulot ng anumang kabutihan. Kapag oras mo nang mamatay, walang makapagliligtas sa iyo.” Parang tama ito kung pakikinggan, pero sa katunayan, medyo kakatwa ito. Ito ay isang bagay na sinasabi ng isang taong walang espirituwal na pang-unawa. Natututo silang magbulalas ng mga lumang salita at doktrina at parang espirituwal, gayong sa katunayan, wala talaga silang anumang dalisay na pag-arok. Pikit-mata nilang tinatangkang ilapat ang mga regulasyon kapag may nangyayari sa kanila, nagsasalita nang maganda hangga’t kaya nila, nang hindi nagsasagawa ng anumang katotohanan. Maaaring sabihin ng ilang tao sa kanila na pampalusog ang ginataang mais, halimbawa, na ito ay mabuti para sa kalusugan. Hindi nila mauunawaan iyon. Pero sa sandaling marinig nilang sinasabi ng isang tao na nakakapagpalusog ang nilagang baboy, kakainin nila ito hanggang sa mabusog sila sa susunod na makita nila ito, sinasabi kahit habang ngumunguya sila, “Ano ang magagawa ko? Kailangan ko itong kainin; para ito sa kalusugan ko!” Hindi ba’t mapanlinlang na bagay na sabihin ito? (Mapanlinlang ito.) Panlilinlang ito. Para taglayin kung ano ang dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, para malaman kung ano ang dapat malaman ng mga tao, para malaman kung ano ang dapat malaman sa yugto ng buhay na tumutugma sa iyong edad—ganyan ang pagkakaroon ng normal na pagkatao. Ang ilang tao na may dalawampung taong gulang ay kumakain nang walang pagpili. Kakain sila ng mga kubito ng yelo sa isang maginaw na araw. Natatakot ang mga nakatatandang nakakakita niyon, at hinihimok silang huminto, sinasabi sa kanila na sasakit ang kanilang tiyan. “Sakit ng tiyan? Magiging ayos lang ako” sabi nila, “Tingnan mo ako: Nasa pinakamalakas na pisikal na kondisyon ako!” Wala silang alam sa mga ganitong bagay sa edad nila. Hintayin mo hanggang may apatnapung taong gulang na sila; bigyan mo sila ng kubito ng yelo para kainin. Kakainin ba nila ito? (Hindi.) At kapag animnapu na sila, kalimutan na ang pagkain ng yelo—matatakot silang lumapit dito. Magiging labis ang lamig nito para sa katawan nila. Karanasan ang tawag diyan—pag-aaral ng mga aral sa buhay. Kung hindi pa rin alam ng isang taong animnapung taong gulang na hindi makakayanan ng kanyang tiyan ang napakaraming kubito ng yelo, na hindi kaya ng kanyang katawan ang mga ito, na makapagdudulot ito sa kanya ng sakit, ano ang tawag doon? Nagkukulang ba siya sa normal na pagkatao? Nagkukulang siya sa ipinamuhay na karanasan. Kung hindi pa rin alam ng isang taong animnapung taong gulang na masama ang lamig para sa likod, na nagdudulot ng pananakit ng likod ang malamig na paa, paano kaya siya nabuhay sa may animnapung taon na iyon? Malamang ay iniraos lang niya ang mga ito. Nauunawaan ng ilang tao ang maraming sentido komun na bagay tungkol sa buhay sa oras na nasa apatnapung taong gulang na sila: sentido komun na kaalaman sa kalusugan, halimbawa; at mayroon silang ilang tamang pananaw tungkol sa mga materyal na bagay, pera, at trabaho, at tungkol sa kanilang mga kamag-anak, at mga usapin sa mundo, at buhay, at iba pa. May dalisay silang pang-unawa sa mga bagay na ito, at kahit na hindi sila nananampalataya sa Diyos, mas nauunawaan pa rin nila ang mga bagay na ito kaysa sa mga nakababata sa kanila. Ito ang mga taong may pagpapahalaga sa tama at mali, na may normal na pag-iisip. Sa dalawang dekadang ipinamuhay nila simula noong sila ay nasa edad dalawampu, naunawaan na nila ang maraming bagay, ang ilan ay malapit sa katotohanan. Ipinapakita nito na sila ay mga tao na may kakayahang makaarok, mga taong may mahusay na kakayahan. At kung sila ay taong naghahangad sa katotohanan, mas magiging mabilis ang pagpasok nila sa katotohanang realidad, dahil marami silang naranasan sa loob ng dalawampung taon na iyon, at nagkamit ng ilang positibong bagay. Magiging kapareho ng mga karanasan nila ang katotohanang realidad na binabanggit ng Diyos. Gayumpaman, kung marami ang kulang sa pagkatao ng taong iyon, at wala siyang mga tamang pananaw, o ang pag-iisip ng normal na pagkatao, lalong wala ng katalinuhan ng normal na pagkatao tungkol sa buhay, at tungkol sa mga tao, pangyayari, at bagay na lumabas sa dalawampung taon na iyon, walang kabuluhan ang naging buhay niya noong mga taong iyon. Sa ilang lugar na napuntahan Ko, nalaman Ko na hindi marunong magluto ang ilan sa mga nakatatandang kapatid na babae. Ni hindi sila makapagplano ng balanseng pagkain. Gumagawa sila ng sabaw mula sa dapat iprito, at piniprito ang dapat ilagay sa sabaw. Nagbabago ang mga prutas at gulay sa mga pagbabago ng panahon, pero palaging ang ilang magkakaparehong pagkain ang nasa hapag nila. Ano ang nangyayari doon? Iyon ay tunay na kawalan ng katalinuhan, hindi ba? Wala silang kakayahan ng normal na pagkatao. Ni hindi nila kayang lutuin ang iba’t ibang pagkain na nakikita nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay, mga bagay tulad ng repolyo at patatas. Hindi nila nagagawa ang mga pinakasimpleng gawain at hindi nila naisasakatuparan ang mga ito. Paano nila iniraos lang ang nakalipas na limampu o animnapung taon? Talaga bang walang hiningi ang puso nila sa kanilang buhay? Kung hindi nakakakuha ng karanasan ang isang tao mula sa anumang bagay na kanyang ginagawa, anong tungkulin ang magagawa ng ganoong tao? Ang katunayan ay kayang matuto ng mga tao na gumawa ng mga bagay-bagay, kung ilalapat lang nila ang sarili nila at magsasanay nang ilang sandali. Kung wala pa ring kayang gawin ang isang tao pagkatapos ng ilang taon ng pag-aaral, ang kanyang talino at kakayahan ay malamang na kakila-kilabot!
Pag-usapan natin ngayon nang bahagya ang tungkol sa pamamahala sa kalinisan. Kamakailan ay nagtungo Ako sa dalawang lugar kung saan napakarumi ng mga kapaligiran ng mga bahay. Dating medyo maayos ang lahat ng naroon, kaya paano naging mga “kulungan ng baboy” ang mga lugar na iyon? Ang dahilan ay hindi alam ng mga tao roon kung paano pangangasiwaan ang mga bagay-bagay. Wala silang kamalayan ng normal na pagkatao at ng mga hinihingi para sa kalinisan. Hindi lang ito dahil tamad sila; higit pa riyan, nasanay na silang mamuhay sa gayong mga kondisyon. Itinatapon nila ang basura sa lapag at inilalagay ang mga bagay-bagay kung saan-saan, nang walang panuntunan o paghihigpit. Kapag nilinis na nila ang isang lugar, napananatili lang nila itong malinis sa loob ng isa o dalawang araw; makalipas ang ilang araw, sa sobrang gulo at dumi nito ay masakit na ito sa matang tingnan. Sabihin mo sa Akin, ano ang tawag sa ganitong kapaligiran? At ang mga tao roon ay maayos na nakakakain at nakatutulog sa gayong mga kondisyon—anong mga tao ang mga iyon? Para silang mga baboy, hindi ba? Wala silang kamalayan at wala silang nauunawaan sa kalinisan, sa kanilang kapaligiran, sa estruktura, sa pamamahala. Hindi nila napapansin ito, gaano man ito maging madumi o magulo. Hindi sila nito naaabala; hindi sila nag-aalala at hindi nababahala sa mga ito. Patuloy silang namumuhay katulad nang dati, hindi partikular at walang mga hinihingi. Pinangangalagaan nang mabuti ng ilang lugar ang kanilang kalinisan at kapaligiran, at aakalain mo na nagmamalasakit ang mga tao roon sa kalinisan, na alam nilang pamahalaan ang kanilang kapaligiran—pero walang nakakaalam hanggang sa isang sorpresang inspeksiyon na nagpapadala sila ng mga tao bago ang mga inspeksiyon para linisin ang lugar. Kung sasabihin mo sa kanila na darating ka nang mas maaga, garantisadong magiging malinis ang lugar; kung pupunta ka nang hindi sila inaabisuhan, ibang kapaligiran ang makikita mo, isa na siguradong marumi at magulo. Ang mga silid ng ilan sa mga batang babae ay may mga damit at sapatos na nakakalat, at sa labas, ang mga kagamitan sa trabaho tulad ng asarol at piko ay nakatambak kasama ng mga damit. Maaaring sabihin ng ilan doon na naging masyado silang abala kaya wala silang oras para maglinis. Ganoon ba sila naging kaabala? Wala na ba silang panahon para huminga? Kung wala, naging abala nga talaga sila—pero siguradong hindi pa rin sila naging ganoon kaabala? Ano ang napakahirap sa pamamahala sa kanilang espasyo? Ano ang nakakapagod sa pagpapanatili ng isang malinis at maayos na kapaligiran? May kinalaman ba ito sa pagkatao? Bakit gustong-gusto ng mga tao na manirahan sa “kulungan ng baboy”? Bakit sila magiging komportable sa ganitong kapaligiran? Paanong ganap silang hindi tumutugon sa gayong mga kapaligiran? Ano ang nangyayari roon? Ano ang sanhi ng mga hindi maayos na napamahalaang kapaligiran? Kung pupunta Ako sa isang lugar paminsan-minsan at sasabihin sa kanila nang maaga, lilinisin nila ito nang sobra, pero titigil sila sa paglilinis kung madalas Akong pupunta roon. Sasabihin nila, “Madalas Kang narito, kaya huwag na tayong maging pormal. Ganito lang talaga kami. Nakakapagod ang maglinis palagi! Sino ang may lakas? Masyado kaming abala sa gawain buong araw, ni wala kaming oras para magsuklay ng buhok!” Nangangatwiran sila nang ganito. At ano pa ang ibang ikinakatwiran nila? “Ang lahat ng ito ay pansamantala. Hindi natin kailangang ayusin ito nang perpekto. Ayos na ang ganito.” Sa katunayan, ang lahat ay pansamantala—pero kahit na naninirahan ka sa isang tolda, kailangan mo pa ring asikasuhin ito, hindi ba? Iyan ay normal na pagkatao. Kung wala kang kaunting normal na pagkatao na iyon, gaano ka naiiba sa mga hayop?
May isang iglesia sa sambahayan ng Diyos na sadyang maganda ang kinalalagyan, malapit sa mga bundok at tubig. Isang kalsada ang ginawa roon, at nakahanay ang mga puno sa kalapit na ilog. May gazebo pa nga ito, na may mga pampalamuting bato sa tabi nito. Talagang napakaganda nito. Isang araw, nakita Ko mula sa malayo ang isang maliit at dilaw na bagay roon sa malinis na kalsadang iyon. Paglapit Ko, nakita Kong balat iyon ng dalandan. Sino ang nakakaalam kung sino ang kaswal na nagtatapon ng mga basura nila roon. At sa gazebo, na naging malinis din, may kumakain ng buto ng sunflower at nagtatapon ng mga balat sa buong lapag. Sabihin mo sa Akin, ang taong iyon ba ay isang taong nakakaalam sa mga patakaran? Sa normal na pagkatao, may hinihingi bang mga pamantayan para sa kalinisang pangkalusugan at kapaligiran ng isang tao, o wala? Maaaring sabihin ng ilan, “Paanong wala akong mga pamantayan? Naghuhugas ako ng mga paa ko tuwing gabi. Hindi ito ginagawa ng ilang tao. Ang ilang tao ay hindi man nga lang naghihilamos kapag bumabangon sila sa umaga.” Maaaring malinis ang iyong mga paa, sige, pero bakit parang kulungan ng baboy ang kapaligiran mo sa trabaho? Ano ang halaga ng kalinisan mo? Sa pinakamabuti, ipinapakita nito na napakamakasarili mo. Gusto mong pangasiwaan ang lahat ng bagay—paano ka magiging dalubhasa sa lahat ng bagay, kung hindi mo kayang pamahalaan ang isang compound? Iyan ay walang kahihiyan, talaga! Hindi lang ang kapaligiran nila ang hindi kayang pamahalaan ng mga taong ito—hindi nga rin nila kayang pamahalaan ang sarili nilang kalinisang pangkalusugan, at nagtatapon ng mga basura sa lapag. Paano nila nabuo ang ganitong gawi? Maaari nilang pangatwiranan ang paghahagis ng mga balat ng prutas sa lupa sa pagtawag dito na compost. Bakit hindi ilagay ang mga ito sa isang compost heap o basurahan, kung gayon? Bakit itatapon ang mga ito sa kalsada o sa gazebo na iyon? Ang gazebo ba ay isang lugar para ilagay ang compost? Hindi ba’t iyon ay pagsasawalang-bahala sa mga patakaran? (Pagsasawalang-bahala iyon.) Isa itong kahila-hilakbot na kawalan ng pagkatao, katwiran, at mga moral—mga mababang-uri sila ng tao! Sabihin mo sa Akin, may paraan ba para malutas ang isyung ito? Paano ito mapipigilan? Magiging epektibo ba ang pangangasiwa? Sino ang maaaring magbantay sa mga bagay-bagay? Ano ang dapat gawin? (Multahan sila.) Oo, iyon ang huling paraan. Dapat magkaroon ng isang maayos na sistema. Wala nang ililigtas sa pagpaparusa. Sadyang napakasalaula ng mga taong ito—hindi na sila magbabago! Sa ilang lugar, may mga bulok na kahong karton, bulok na tabla, at mga pira-pirasong papel na nagkalat, at sinasabi ng mga tao roon na tinatago nila ang mga ito para magamit sa ibang pagkakataon. Ipagpalagay na kapaki-pakinabang ang mga bagay na ito, bakit hindi ayusin ang mga ito ayon sa uri, sa mga maayos na pagkasalansan? Hindi ba’t mas magmumukhang maganda iyon at kakain ng mas kaunting espasyo? Hindi alam ng karamihan sa mga tao ang tungkol sa pamamahala. Ang mga bagay ay nakasalansan at nagkalat nang pabasta-basa sa kanilang mga lugar, kaya’t walang libreng espasyo. Nagiging mas magulo ang mga tambak habang dumarami ang mga ito, at kasama ng pagiging makalat ang dumi, hanggang sa nagiging isang tambakan ng basura ang lugar, nakapandidiri sa lahat ng nakakakita nito. May normal na pagkatao ba ang mga taong naninirahan sa gayong mga kapaligiran? Mga tao ba sila na may kakayahan, kung hindi man lang nila kayang pamahalaan ang kapaligirang pinaninirahan nila? Anong pagkakaiba ang nananatili sa pagitan ng gayong mga tao at ng mga hayop? Bahagi ng dahilan kung bakit hindi alam ng karamihan ng mga tao kung paano pamahalaan ang mga lugar na pinaninirahan nila ay dahil walang sinuman ang may kamalayan sa kalinisang pangkalusugan, at walang sinumang nakakaalam kung paano pamahalaan ang kanilang kapaligiran. Hindi nila naiisip ang mga bagay na ito, at hindi nila alam kung paano dapat ang pinaninirahang kapaligiran ng mga tao. Para silang mga hayop, walang kamalay-malay sa uri ng kapaligirang dapat nilang pinaninirahan. Ang kabilang bahagi ay may kinalaman sa mga tagapamahala na hindi alam kung paano pamahalaan ang mga bagay na ito. Hindi alam ng mga tagapamahala kung paano pamahalaan ang mga bagay na ito, at hindi maagap at walang alam sa mga bagay na ito ang mga pinamamahalaan. Sa huli, sa “pakikipagtulungan” ng lahat, ang lugar ay nagiging “kulungan ng baboy.” Kapag matagal nang nananatili ang mga taong ito sa isang lugar, umaalis Ako sa lugar na ito na may partikular na damdamin: “Bakit hindi kailanman naging malinis ang lugar na ito? Bakit parang kailanman ay hindi ito naging isang tahanan?” Sabihin mo sa Akin, nakapagpapasaya ba sa isang tao ang makakita ng ganoong lugar? (Hindi.) Bubuti ba ang pakiramdam ninyo kapag nagpunta kayo roon? (Wala kaming masyadong magiging damdamin tungkol dito.) Iyon ang magiging tunay ninyong tugon—walang masyadong damdamin. Inilatag Ko ang mga plano para sa ilan sa mga lugar na iyon, at nang matapos ang gawain at naayos muli ang mga bagay, nasiyahan ang lahat sa tanawin. Pero makalipas ang ilang araw, magulo na naman ang mga bagay. Kailangan Kong humanap ng isang taong angkop na mamamahala sa gawain, kung papanatilihin ang kalinisang pangkalusugan. Iyon ay dahil karamihan sa mga tao ay napakarumi, ginugulo ang anumang trabaho na ginagawa nila. Ang ilang tao ay kumukuha ng mga gulay at hindi alam ang tamang lugar para hugasan ang mga ito. Ipinipilit nilang maghanap ng malinis na lugar para gawin ito, na nagpaparumi sa lugar na iyon bilang resulta. Ano ang mararamdaman mo kapag nakita iyon? Hindi ba’t isang kawan ng mga hayop ang mga taong ito? Wala silang pagkatao! Ang tingnan ang mga taong ito, na walang pakialam sa kalinisang pangkalusugan at hindi alam kung paano pamamahalaan ang kanilang kapaligiran—gagalitin ka nito! Binigyan ang mga taong ito ng magandang kapaligiran para tirhan, na ang lahat ay inayos nang maganda. Ang lahat ng uri ng bulaklak at damo ay tumutubo sa tagsibol; mayroon silang mga bundok, tubig, isang gazebo; may mga lugar sila para magtrabaho, at mga lugar para tirhan, at lahat ng uri ng pasilidad. Kay ganda naman! Pero ano ang nangyari dito? Binalewala nila ito; hindi nila pinahalagahan ang kabutihan. Naisip nila, “Mas magandang lugar ito kaysa sa karamihan, pero parang kanayunan ito. Ang lupa ay walang iba kundi mga damo at putik.” Sa pag-iisip na iyon, walang pakundangan nilang ibinasura ang lugar. Hindi nila inisip na pamahalaan ang kanilang kapaligiran. Gaano karaming bagay ang wala sa gayong pagkatao! Hindi nito tinataglay ang mga bagay na dapat taglayin ng pagkatao; hindi man lang mapanatili ng mga taong iyon ang iba’t ibang aspekto ng kapaligirang pinaninirahan nila sa mga pinakapangunahing paraan. Sabihin mo sa Akin, paanong hindi naiisip ng mga tao na pahalagahan ang napakagandang kapaligiran kung saan sila naninirahan? Paanong hindi nila naiisip na pangalagaan ito? Bakit? Sa sobrang abala ba nila sa kanilang mga tungkulin ay kulang sila sa oras? O ano pa ang nangyayari sa kanila? May sinuman bang hindi abala sa kanyang mga tungkulin? May ilang naninirahan sa mas masahol na kapaligiran kaysa sa inyo, pero talagang pinangangalagaan nila ang kanilang espasyo. Nakikita ito ng mga tao at inaaprubahan sila ng mga ito, nang may paghanga at pagpapahalaga sa kanila. At pagkatapos, nariyan ang inyong kapaligirang pinaninirahan—hindi na nga kailangang pumasok ang iba sa loob; kukutyain ka na nila isang tingin pa lang sa panlabas nito. Hindi ba’t sariling gawa mo ito? Ang iyong mga kilos at pag-uugali ang nagdulot ng kalunos-lunos na nanlilimahid na kapaligirang pinaninirahan mo. Kapag nakikita ng mga tao ang kapaligirang pinaninirahan mo, parang nakikita na rin nila ang diwa mo. Masisisi mo ba sila sa pang-aalipusta nila sa iyo? Hindi napagdedesisyunan ng pagtatasa ng iba kung ang tao ay mataas o mababa, marangal o mababang-uri, kundi sa kung ano mismo ang isinasabuhay niya. Kung tinataglay mo ang mga bagay ng normal na pagkatao, maisasabuhay mo ang tunay na wangis ng tao. Maipakikita mo ang iyong marangal na kalidad, at natural na itatangi at pahahalagahan ka ng iba. Kung hindi mo tinataglay ang mga bagay na iyon, at hindi mo nauunawaan ang sentido komun na kalinisang pangkalusugan, at hindi mo alam kung paano pangangalagaan ang iyong kapaligiran, nabubuhay araw-araw sa isang “kulungan ng baboy” at sadyang nasisiyahan dito, ibinubunyag niyon ang iyong malahayop na kalidad. Nangangahulugan ito na ikaw ay mababang-uri at hamak. Ang gayong mababang-uri at hamak na tao, na may gayong mababang-uri at hamak na pagkatao, na walang ni katiting na pag-iisip, mga pananaw, mga hinihingi, at paghahangad na dapat taglayin ng normal na pagkatao—kung wala ang alinman sa mga iyon, mauunawaan ba ng gayong tao ang katotohanan? Makakapasok ba sila sa katotohanang realidad? (Hindi.) Sa tingin rin ninyo hindi nila ito magagawa? Bakit hindi? Sasabihin ng ilan, “Matagal na naming inalis sa aming sarili ang lahat ng makamundong bagay na iyon sa mga taon namin ng pananampalataya sa Diyos. Wala kaming pakialam sa mga bagay na iyon! ‘Pamumuhay nang may kalidad’—makamundong bagay iyon!” Wala bang mga taong nagsasabi nito? Makamundong bagay ba, kung gayon, ang hanging nilalanghap mo? Ang mga damit na isinusuot mo, ang lahat ng materyal na bagay na ginagamit mo—mga makamundong bagay ba ang mga ito? Bakit hindi ka maghanap ng anumang lugar sa labas para magtipon? Bakit magtitipon sa isang silid? Hindi ba’t kakatwa ang mga taong nagsasabi nito? May sasabihin Ako sa iyo na isang katunayan: Kung gusto ng gayong tao na pumasok sa katotohanang realidad, magiging mahirap iyon para sa kanya. Kung nais ng isang tao na pumasok sa katotohanang realidad, dapat muna siyang magtaglay ng normal na pagkatao; higit pa riyan, dapat niyang iwaksi ang masasamang gawi sa kanyang buhay, para hangarin ang isang bagay na may estilo at layunin sa buhay na may kalidad, mabuting asal, at moralidad. Angkop na paraan ba para sabihin ito? Kung gayon, madali bang itama ang mga problemang ito? Gaano katagal bago baguhin ang paraan ng pamumuhay ng isang tao at alisin ang masamang gawi sa kanyang buhay? Anong paraan ang dapat gamitin para hangga’t maaari ay makapasok dito nang mas mabilis? Anong mga pamamaraan ang mayroon, maliban sa pagpaparusa? (Pangangasiwa sa isa’t isa.) Ang pangangasiwa sa isa’t isa ay isang pamamaraan; nasa mga tao na kung tatanggapin nila ito. Sa nakikita Ko, ang pagmumulta ay isang makapangyarihang hakbang, at talagang epektibo ito. Sa sandaling banggitin mo ang pagpapataw ng mga multa, naaapektuhan mo ang mga interes ng mga tao. Wala silang magagawa kundi ang sumunod, sa takot na baka magdusa ang kanilang mga interes. Iyan ang naisasakatuparan ng pagmumulta. Pero bakit walang anumang naisasakatuparan ang pagbabahagi ng katotohanan sa mga taong iyon? Dahil wala silang normal na pagkatao o ng mga kinakailangang kondisyon para tanggapin ang katotohanan. Kaya naman hindi isang epektibong paraan sa kanila ang pagbabahagi ng katotohanan. Sa anumang kapaligiran sa trabaho, matuto munang pagbukud-bukurin ang mga bagay ayon sa uri, pangalawa panatilihin ang pagiging maayos, pangatlo panatilihin ang kalinisang pangkalusugan at kalinisan, at pagkatapos, higit pa rito, linangin ang gawi ng paglilinis ng basura. Iyan ang dapat taglayin ng normal na pagkatao.
May ilang babae na nagsusuklay ng buhok at lumalabas, nang hindi muna winawalis ang mga nalagas na hibla. Ginagawa nila ito araw-araw. Mababago ba ang ganitong gawi? Kapag tapos ka nang magsuklay, dapat kang maglinis at mag-ayos agad. Huwag hayaang linisin ito ng iba—pamahalaan mong mabuti ang iyong kapaligiran. Kung nais mong pamahalaan ang iyong kapaligiran nang maayos, dapat kang magsimula sa iyong sarili. Linisin mo muna ang sarili mong espasyo. Bukod pa riyan, dapat maging may pagpapahalaga sa lipunan ang isang tao tungkol sa mga pampublikong kapaligirang kanyang pinaninirahan. Dapat bigyan ng responsabilidad ang lahat para pamahalaan ang mga lugar kung saan naninirahan at nagpapahinga ang mga tao, halimbawa. Kung makakita ka ng ilang hiwa ng balat ng dalandan sa lapag, pulutin mo lang ang mga ito at itapon sa basurahan. Sa ilang lugar ng trabaho, may mga tapyas ng kahoy, pulbos ng kahoy, bakal na baras, at mga pako sa buong lugar kapag tapos na ang trabaho. Pumunta ka roon, at madali kang makakatapak ng pako kung hindi ka mag-iingat. Lubhang mapanganib ito. Bakit hindi nila lilinisin at gagawing malinis ang mga bagay kapag nagawa na nila ang trabaho nila? Anong klaseng pangit na gawi yan? Sa paggawa nito, maipaliliwanag ba nila ang sarili nila? Ano ang iisipin ng mga tao, na makakita ng ganitong magulo at maruming lugar ng trabaho? Hindi ba’t ganyan ang ginagawa ng mga hayop sa kanilang mga trabaho? Ang mga taong may pagkatao ay dapat maglinis nang mabuti kapag tapos na sila sa isang trabaho at malalaman ng iba sa isang sulyap na ang trabaho ay ginawa ng mga tao. Hindi naglilinis ang mga hayop pagkatapos ng mga itong gumawa ng trabaho, na parang ang paglilinis ay hindi para sa mga ito at walang kinalaman sa mga ito. Anong klaseng lohika iyan? Nakakita na Ako ng higit sa ilang tao na hindi naglilinis pagkatapos nilang gumawa ng trabaho. Lahat sila ay may ganitong masamang gawi. Sinabi Ko sa kanila na araw-araw, kapag tapos na ang kanilang mga trabaho, dapat isaayos nila na may isang tao na maglilinis ng lahat ng basura. Maglinis araw-araw. Sa ganoong paraan, magiging malinis ang lugar. Dapat nilang linangin ang ganoong gawi. Para maglinang ng isang gawi sa buhay, dapat magsimula sa pagpapanatili ng isang kapaligiran, pagkatapos ay maghintay na masanay rito. Pagkatapos isang araw, kapag nagbago ang kapaligirang iyon, sila mismo ay makakaramdam ng pagkabalisa na makitang may bagay na marumi. Katulad lang ito sa ilang tao na nanirahan sa ibang bansa sa loob ng tatlo o limang taon, na iniisip na mas mabuti ang lahat doon. Darating ang araw na babalik sila sa kanilang bayan, at mararamdaman nila na bigla silang naging magarbo. Titingnan nila nang may pangungutya ang iba na walang pakialam sa kalinisang pangkalusugan, sa mga taong marumi ang mga bahay. Ni hindi nila maaatim na hindi maligo nang ilang araw. Hindi ba’t ang kapaligiran nila ang nagdikta nito? Ganoon iyon gumagana. Kaya, dapat kang magsimula sa pamamahala sa sarili mong kalinisang pangkalusugan at ng iyong kapaligiran. Iyan ang paraan para kumportable mong magawa ang iyong tungkulin; ito rin ang dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Sa ilang lugar na napuntahan Ko, nakakita na Ako ng mga kuwarto ng mga babae na sobrang dumi, na magulo. Maaaring sabihin ng ilan, “Gusto Mong maging maayos kami; dapat bang parang nasa kampong militar?” Hindi na kailangan ang lahat ng iyon. Ayusin mo ang iyong higaan at linisin mo ang iyong silid araw-araw. Panatilihin ang kalinisan. Ugaliin ito. Kung gagawin mo ang mga bagay na ito araw-araw, at magiging gawi ang mga ito, isang pamantayan at awtomatiko tulad ng pagkain, nalinang mo ang ganitong uri ng pang-araw-araw na buhay na gawi, at ang mga hinihingi mo para sa iyong kapaligiran ay tataas ng isang antas. At kapag tumaas ang mga ito sa antas na iyon, ang iyong buong tindig, ang iyong mental na pananaw, ang iyong panlasa, ang iyong pagkatao, at ang iyong dignidad ay itataas lahat. Pero kung naninirahan ka sa isang “kulungan ng baboy,” isang lugar na hindi para sa mga tao, kundi mas parang pugad ng isang hayop, hindi ka nagtataglay ng wangis ng tao. Sa pagpasok sa silid, halimbawa, ang ilang tao, na nakikita na malinis ang silid at ang sahig nito, ay papagpagin sandali sa labas ang dumi mula sa kanilang mga sapatos. Magiging marumi pa rin ang pakiramdam nila, kaya’t maghuhubad sila ng kanilang mga sapatos bago pumasok sa silid. Kapag nakita ng may-ari ng silid kung gaano sila kalinis at kagalang sa kanya, igagalang din niya sila. Ang ibang tao ay tuloy-tuloy lang sa pagpasok, na may mga sapatos na puno ng putik, at na hindi iniisip na magkakaputik sa sahig. Ganap na wala silang malay rito. Nakikita ng may-ari ng silid na likas silang walang pakialam sa mga tuntunin. Masama ang tingin niya sa kanila, at kaya, kinukutya niya sila, at hindi na niya sila papapasukin sa silid sa hinaharap. Paghihintayin niya sila sa labas, at narito ang ipahihiwatig nito: “Hindi ka karapat-dapat na pumasok sa loob—dudumihan mo ang lugar kung papasok ka, at mahabang oras ang gugugulin ko para linisin ito!” Hindi niya sila igagalang. Kapag nakita niyang hindi sila nagtataglay ng wangis ng tao, ni hindi niya sila igagalang. Kung ang isang tao ay umabot sa puntong ito ng buhay niya, tao pa rin ba siya? Ang isang alagang hayop ay mas mabuti pa kaysa sa kanya. Kaya, dapat isabuhay ng mga tao ang wangis ng tao para matawag na tao, at dapat silang nagtataglay ng normal na pagkatao para maisabuhay ang wangis ng tao. Saanman naninirahan ang isang tao, anuman ang tungkuling ginagawa niya, dapat siyang sumunod sa mga patakaran. Dapat niyang pangalagaan ang kanyang espasyo at kalinisang pangkalusugan, at magkaroon ng pagpapahalaga sa responsabilidad, at magkaroon ng magagandang gawi sa buhay. Dapat na maging maasikaso at seryoso siya sa lahat ng kanyang ginagawa, at panatilihin ito hanggang sa magawa niya ang bagay nang maayos at naaayon sa pamantayan. Sa ganitong paraan, makikita ng mga tao sa pagganap mo ng iyong tungkulin at sa paraan ng pakikitungo mo sa iba at sa mga bagay-bagay na ikaw ay matuwid at disente, isang mabuting tao. Makakaramdam sila ng paghanga sa iyo, at natural na igagalang ka nila. Pahahalagahan at itatangi ka rin nila, at kaya hindi ka nila lolokohin o aapihin. Makikipag-usap sila sa iyo nang seryoso, nang walang anumang pangungutya o panghahamak. Hindi Ko alam kung paano Ako nakikita ng mga tao, pero may pakiramdam Ako: Kapag nakakatagpo Ko ang karamihan ng tao, hindi sila nagbibiro o nagsasalita nang walang kabuluhan. Hindi Ko alam kung bakit ganoon. Maaaring may pakiramdam ang mga tao: “Napakaseryoso Mong tao, at seryoso Ka rin sa Iyong pananalita at mga kilos. Isa Kang matuwid na tao; hindi ako mangangahas na makipagbiruan sa Iyo kapag nakikipag-ugnayan ako sa Iyo. Malinaw sa unang tingin na hindi Ka ganoong uri ng tao.” Kung, kapag pumupunta ka sa isang lugar at nakikipag-usap sa mga tao, nakikipagsatsatan sa mga tao, nakikipag-ugnayan sa mga tao, pakiramdam nila na may isang bagay riyan sa iyong pagkatao at moralidad—maaaring hindi nila masabi nang malinaw kung ano ito, pero malalaman mo kung ano ang mga iniisip mo sa bawat araw, at palagi kang magkakaroon ng mga prinsipyo at pamantayan kung paano mo tinitingnan ang mga bagay-bagay at kung paano ka nakikipag-ugnayan sa mga tao—kung ganyan ka nakikihalubilo at nakikipag-ugnayan sa iba, sasabihin nilang ikaw ay napakaingat, napakaseryoso at maingat sa lahat ng iyong ginagawa, ibig sabihin ay napakamaprinsipyo mo. Anong damdamin ang mapupukaw nito sa kanila sa huli? Pag-isipan mo iyon nang dahan-dahan. Kung nasangkapan ka sa iyong pag-asal ng mga bagay na dapat taglayin ng mga may normal na pagkatao, hindi mahalaga kung paano ka maaaring tasahin ng mga tao sa iyong likuran. Kung pakiramdam nila, sa kaibuturan ng kanilang puso, na isa kang matuwid, maingat na tao, isang tao na may seryoso, responsableng saloobin sa lahat ng bagay, na marangal sa katangian, pagkatapos makihalubilo at makipag-ugnayan sa iyo nang sandali, sasang-ayunan at pahahalagahan ka nila. At pagkatapos, magkakaroon ka ng halaga bilang isang tao. Kung, pagkatapos na makihalubilo sa iyo nang ilang sandali, nakita nilang wala kang ginagawang anuman nang maayos, na ikaw ay tamad at matakaw, ayaw matuto ng anuman, na ang iyong mga pamantayan ay higit sa iyong mga kakayahan, na ikaw ay sadyang ganid at makasarili—at higit pa, na wala kang pakialam sa kalinisang pangkalusugan, at hindi iniisip na pangalagaan ang iyong kapaligiran; kung nakikita nila na hindi mo alam kung paano gawin ang anumang bagay na ginagawa mo, na ikaw ay sadyang may mababang kakayahan, at na hindi ka karapat-dapat pagkatiwalaan, hindi magagawa ang anumang gawain na ibinibigay sa iyo nang maayos—ikaw ay talagang magiging walang halaga sa mga tao, at mawawalan ng bisa bilang isang tao. Sa kabuuan, hindi isang malaking bagay ang pagiging walang halaga sa iba—ang mahalaga ay kung ikaw rin ay mababang-uri, hamak, at walang halaga sa puso ng Diyos, tulad ng isang hayop, walang puso o espiritu, kung gayon ay may problema ka. Napakalayo mo pa para maligtas! Para sa sinumang tao na ang karakter ay hindi naaayon sa pamantayan, na ang pananalita at kilos ay ganap na hindi kinokontrol, na parang isang hayop, may pag-asa ba siyang maligtas? Nasa panganib siya, sa nakikita Ko. Sa kalaunan, siya ay ititiwalag.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.