Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi) Ikapitong Seksiyon
Kapag nakikisalamuha Ako sa mga tao at nakikipag-ugnayan sa kanila, sinuman sila o gaano man maging katagal ang pakikipag-ugnayan, nararamdaman ba ng sinuman sa kanila na: “Palagi Niya akong sinusubukang kontrolin, pinamamahalaan Niya ang lahat ng mga usapin ng aking sambahayan, palagi Niya akong sinusubukang lupigin”? Hindi kita nilulupig! Ano ang magiging pakinabang niyon? Basahin mo ang mga salita ng Diyos sa iyong sarili, at pagnilayan ang mga ito at pumasok sa mga ito nang dahan-dahan. Kung ikaw ay isang taong naghahangad sa katotohanan, gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at ang Diyos ay magkakaroon ng mga pagpapala at patnubay para sa iyo. Kung hindi ka isang tao na naghahangad sa katotohanan, kung palagi kang mapanlaban sa lahat ng Aking sinasabi, at ayaw mong marinig ito, at hindi ito tinatanggap, sa huli, ay palagi kang mabubunyag, at ang mga bagay-bagay ay palaging magiging mali kapag kumikilos ka—hindi mo tataglayin ang pamumuno ng Diyos. Paano iyon nangyayari? (Sinisiyasat ng Diyos ang lahat.) Hindi lang sa sinisiyasat ng Diyos ang lahat. Pagdaanan mo ito at danasin ito para sa sarili mo. Kapag may sinasabi Ako, sumasang-ayon man dito ang mga tao o hindi, o tinatanggap man nila ito o hindi, itinataguyod ba ito ng Banal na Espiritu, o wala ba Siyang pakialam? (Itinataguyod Niya ito.) Tiyak na itinataguyod ito ng Banal na Espiritu at talagang hindi Niya ito pahihinain. Tama para sa inyong tandaan ito. Matatanggap man ng mga tao ang sinasabi Ko o hindi, darating ang araw na magiging malinaw ang mga katunayan, at sa isang sulyap, sasabihin ng lahat na, “Tama pala talaga ang sinabi Mo! Matagal Mo nang sinabi ito—bakit wala akong ideya tungkol dito?” Naniwala man kayo noong oras na iyon na ang Aking mga salita ay nagmula sa Aking imahinasyon, o mula sa Aking isipan, o mula sa kaalaman—isang araw, pagkatapos maranasan ang ilang bagay, maiisip ninyo na, “Katotohanan pala talaga ang mga sinabi Mo!” At paano ka nakarating sa ganitong pag-unawa? Mula sa karanasan. Kung magagawa mong makamit ang kaalamang ito, magiging sa pamamagitan ba ito ng mental na pagsusuri? Talagang hindi; aakayin ka rito ng Banal na Espiritu—magiging gawa ito ng Diyos. Nagpapatuloy ang mga walang pananampalataya buong buhay nila nang may kaunting kaalaman tungkol sa ilan sa mga tuntunin para sa langit at lupa at lahat ng bagay, pero kaya ba nilang makamit ang katotohanan? (Hindi.) Kaya, ano ang kulang sa kanila? (Wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu.) Tama. Wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu—iyan ang kulang sa kanila. Kaya, gaano mo man Ako ituring at suriin bilang isang tao, at paano mo man tinatrato ang mga salitang sinasabi Ko at ang mga bagay na ginagawa Ko, sa huli ay dapat magkaroon ito ng resulta. Kikilos ang Diyos, at ibubunyag Niya kung tama o mali ang iyong pinili, kung tama o mali ang iyong saloobin, at kung may naging mali sa iyong pananaw. Itinataguyod ng Diyos ang gawain ng Kanyang katawang-tao. Bakit hindi sinusuportahan ng Diyos ang ibang tao, kung ganoon? Bakit hindi Niya sinusuportahan ang mga anticristo? Ito ay dahil ang Espiritu at ang katawang-tao ay iisa; pareho Sila ng pinagmulan. Sa katunayan, hindi ito pagtataguyod—ibig sabihin, kapag naranasan mo na hanggang sa wakas, ito man ay mga salitang binigkas ng Diyos na nagkatawang-tao o ang mga dumating sa iyo mula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu, magiging magkatugma ito. Hindi kailanman sasalungatin ng mga ito ang isa’t isa; magiging magkaayon ang mga ito. May kumpirmasyon ba kayo nito? Mayroon ang ilang tao, habang ang iba ay hindi pa umaabot sa puntong ito sa kanilang karanasan, at hindi nagtataglay ng kumpirmasyon nito. Ibig sabihin nito na hindi pa umaabot ang kanilang pananalig sa puntong iyon; napakaliit pa rin nito. Sa madaling salita, kapag ang iyong pananampalataya ay umabot sa isang partikular na antas, biglang darating ang isang araw na mararamdaman mo na ang isang ordinaryong parirala, na binigkas ng ordinaryong katawang-tao na ito, isang parirala na sa tingin mo ay hindi lubhang kahanga-hanga nang marinig mo ito, ay naging buhay mo. Paano ito magiging buhay mo? Sasandig ka rito, nang hindi nalalaman, sa iyong mga pagkilos. Magiging gabay ito para sa iyong pang-araw-araw na buhay. At kapag wala kang landas, ang pariralang iyon ay magiging realidad mo, at ito ay magiging isang layon na magpapakita sa iyo ng daan; kapag nakararamdam ka ng sakit, ang pariralang iyon ang magbibigay-daan para makalabas ka sa pagiging negatibo at maunawaan kung ano ang problema mo. Pagkatapos ng gayong karanasan, makikita mo na kahit gaano ka-ordinaryo ang pariralang iyon, may bigat at buhay sa mga salita nito—na ito ang katotohanan! Kung hindi ka tutuon sa paghahangad sa katotohanan at hindi mo mahal ang katotohanan, maaaring kondenahin mo ang Diyos, at ang Kanyang pagkakatawang-tao, at ang mga katotohanang ipinahahayag Niya. Kung isang tao kang naghahangad sa katotohanan, darating ang isang araw sa iyong karanasan na sasabihin mong, “Sadyang madaling pakisamahan ang Diyos. Sadyang madaling pakisamahan ang Diyos na nagkatawang-tao”—subalit walang magsasabi na, “Pinakikisamahan ko Siya na para bang Siya ay isang tao.” Bakit ganito? Dahil ang karanasan mo ng mga salita ni Cristo, at ng gawain na ginagawa ng Banal na Espiritu sa iyo kapag hindi mo Siya nakikita sa iyong pang-araw-araw na buhay, ay pareho. Ano ang pupukawin sa iyo ng “pareho” na ito? Sasabihin mong, “Ang Diyos ay nag-anyo ng isang ordinaryong, pangkaraniwang panlabas, ang larawan ng isang katawang-tao, kaya hindi napansin ng mga tao ang Kanyang diwa. Tiyak na ito ay dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao kaya hindi nila nakikita ang bahagi ng Diyos na Kanyang diwa. Nakikita lang nila ang bahaging nakikita ng tao. Talagang walang katotohanan ang mga tao!” Hindi ba’t ganyan ito? (Ganyan nga.) Ganyan nga ito. Sa ilang gawain, halimbawa, kung maraming aspekto nito ang hindi Ko kayang gawin, maraming tao ang siguradong makabubuo ng mga kuru-kuro. Subalit kapag nagagawa Ko ang ilan sa bawat aspekto ng gawain, mas kalmado nang kaunti ang lahat, at medyo nagkakaroon sila ng kaaliwan sa puso: “Sige. Para Siyang Diyos—iyon lang ang masasabi ko. Para Siyang Diyos na nagkatawang-tao, Siya ay parang Cristo. Malamang Siya si Cristo.” Iyon lang ang uri ng depinisyong mayroon ang mga tao. Pero kung makikipagbahaginan lang Ako ng katotohanan at magpapahayag ng ilang salita ng Diyos, at wala nang ginawang higit pa roon—kung hindi Ako nagbigay ng praktikal na payo tungkol sa anumang gawain, at hindi nagawang makapagbigay ng praktikal na payo, mababawasan noon ang pagtingin ng mga tao sa katawang-tao na ito at sa halaga na itinatakda nila sa Kanya. Naniniwala ang mga tao na ang katawang-tao ay dapat nagtataglay ng partikular na mga abilidad at mga partikular na talento. Ito ba, sa katunayan, ay isang talento? Hindi. Maipagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang lahat ng uri ng mga talento, kaloob, at abilidad, kaya sabihin mo sa Akin, ang Diyos ba mismo ay nagtataglay ng ganoong mga bagay? Napakarami! Kaya, may ilang tao na hindi kayang lutasin ang palaisipang ito, at nagsasabing, “Paano Mo kami tuturuang kumanta kung Ikaw Mismo ay hindi marunong kumanta? Hindi ba’t iyon ay isang di-propesyonal na nagbibigay ng mga tagubilin sa mga propesyonal? Hindi ba’t sumasalungat iyon sa mga prinsipyo?” Sasabihin Ko sa iyo, Ako ang eksepsiyon. Bakit ganoon? Kung hindi ninyo kayang gawin ang isang bagay nang maayos, kailangan Kong iabot ang Aking kamay para tulungan kayo; kung may magagawa kayo, ayos lang sa Akin ang hindi makialam, ayaw Kong makialam—mapapagod Ako sa paggawa nito. Kung kaya ninyong gawin ang isang bagay nang maayos, bakit kailangan Kong iabot ang Aking kamay para tulungan kayo? Hindi Ako nagpapakitang-gilas dito, at hindi Ako naglalabas ng matatayog na ideya. Gusto Ko lang kayong turuan, sa larangan ng mga propesyonal na kasanayan at sa larangan ng mga katotohanang prinsipyo. Kapag natutunan na ninyong lahat ang mga kasanayan at naarok ang mga prinsipyo, isang malaking pabigat ito na matatanggal sa Aking puso, dahil ang mga bagay na iyon ay nasa labas ng gawaing nauukol sa Akin na gawin. Sinasabi ng ilan na, “Kung hindi ito gawain na nauukol sa Iyo, bakit Mo ito ginagawa?” Dapat itong gawin, at malayo pa ang mga tao sa pagiging handa para sa gampanin. Kung hindi Ako nagbigay ng payo tulad nang ginagawa Ko, ang mga nagawang gawain ay hindi magiging espesyal, at magbubunga ng hindi gaanong kahusay na mga resulta ang pagpapatotoo sa Diyos. Kung wala Akong maipapakitang makabuluhang mga gawain, magiging medyo pabaya Ako at hindi rin mapapakali, kaya gagawa Ako ng kaunting gawain, ayon sa pinapayagan ng Aking lakas at kondisyon ng katawan. Bakit? May ilang pagsasaalang-alang. Kapag nakita ng buong sangkatauhan ang mga bagay na ginawa ng mga tao, at inunawa ang mga ito, ang mga perspektiba, pananaw, at kakayahang makaarok na mayroon ang mga tao ay naiiba lamang pagdating sa kung gaano katagal na silang naging mananampalataya, kanilang karanasan, at kanilang kakayahan, pero karaniwang magkakaparehong lahat ang kanilang mga pinagsimulan. Ang mga pinagsimulan nila ay ang mga karanasan nila sa katotohanang prinsipyo batay sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan. Ito ang mga bagay na kayang gawin ng sangkatauhan. Hindi Ko kayang gumawa ng mga bagay o gumawa ng mga gawain mula sa perspektiba ng isang ordinaryong tao. Anong perspektiba ang dapat Kong gamitin, kung ganoon? Iyong sa katawang-tao? Hindi Ko rin kayang gawin iyon. Hindi ito magiging angkop, hindi ba? Siyempre, gagamitin Ko ang perspektiba ng Diyos at ng Kanyang gawain mula sa katawang-tao, para sabihin ang mga salitang iyon, gawin ang mga bagay na iyon, at ipahayag ang mga pananaw na iyon. Masusukat ba ng pera ang halaga ng mga bagay na ito sa sangkatauhan? (Hindi.) Hindi maaari. Ito ay dahil ang mga bagay na ito, kapag ginawang mga natapos na gawain, ay mga bagay na mananatili magpakailanman para sa sangkatauhan. Siyempre, mananatili rin magpakailanman ang mga ordinaryong gawaing iyon. Pero dahil ang mga gawaing ito ay mananatili magpakailanman, at sa hinaharap, at magbibigay ng kontribusyon sa buong sangkatauhan, maging gabay man ang mga ito sa pananampalataya sa Diyos, o mga probisyon at tulong, dapat Akong gumawa ng ilang mas mabigat na gawain, tama ba? Iyon ang dahilan kung bakit kailangan Kong magsabi ng mga salita at gumawa ng mga gawain mula sa isang perspektiba na hindi kayang gawin ng sangkatauhan. Para saan Ko ito ginagawa? Para madagdagan ang kasikatan ng iglesia. Tama ba ang motibong iyon? (Tama.) Sabihin mo sa Akin, kapaki-pakinabang ba sa pagpapatotoo para sa Diyos kung tumaas ang kasikatan ng iglesia? (Oo.) Itinataguyod ba ito nito, o pinipigilan ito? (Itinataguyod ito nito.) Tiyak iyon—tiyak na itinataguyod ito nito. Kapag nakikita ng ilang walang pananampalataya at mga relihiyosong grupo ang mga gawaing ito, namamangha sila kung gaano kahusay ang pagkakagawa sa mga pelikulang ito, at palaging hinihiling na makilala ang tagagawa ng pelikula sa likod ng kamera. Hindi Ako makikipagkita sa mga taong ito. Wala Akong oras para makipagkita sa mga taong ito, at hindi Ko alam kung ano ang magiging layunin ng pakikipagkita nila sa Akin. Anong silbi sa Akin ng pakikipagkita sa kanila, kung ganoon? Kung kayang tanggapin ng mga taong iyon na nakakapanood sa mga pelikulang ito ang katotohanan, sapat na iyon, at kung handa nilang imbestigahan ang tunay na daan, mas mabuti iyon. Hindi kinakailangan para sa kanila na makipagkita sa Akin. Sa madaling salita, gumagawa Ako ng ilang mabigat na gawain, para kapag nakita ng sangkatauhan ang mga bagay na ito, ito ay medyo may mas malaking pakinabang sa kanila. Mabuting bagay o masamang bagay ba ito, na ipagkatiwala ang mga bagay na ito sa sangkatauhan? (Isang mabuting bagay.) Kapaki-pakinabang ito; karapat-dapat itong gawin.
Ito ang paraan na mayroon Ako para makisama sa inyo. Ang relasyon na mayroon Ako sa inyo ay itong nakikita at nararamdaman ninyo. Kaya, anong uri ng relasyon mayroon ang Diyos sa inyo? Mararamdaman ba ito? Pareho ito. Huwag mong isiping, “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isang tao; madali Siyang pakisamahan. Pero ang Diyos sa langit ay hindi, taglay ang pagiging maharlika at poot Niya—nakakatakot Siya!” Ang Diyos ay tulad Ko. Hindi Niya kayo lulupigin o kokontrolin sa pamamagitan ng isang puna o isang pamamaraan, o sa pamamagitan ng puwersa. Hindi Niya gagawin iyon. Makikisama Siya sa inyo kung paanong nararamdaman ninyong pinakikisamahan Ko kayo: tinuturuan Ko kayo nang anumang makakaya Ko, at binibigyang-kakayahan Ko kayong maunawaan ang anumang makakaya Ko. Para sa mga bagay na hindi ninyo kayang maunawaan, hindi Ko kayo sapilitang iniindoktrinahan ng mga ito. Puwedeng sabihin ng ilan na, “Sinasabi Mo na hindi Mo kami iniindoktrinahan sa pamamagitan ng puwersa—buweno kung gayon, ano ang ginagawa Mo sa pangangaral ng katotohanan sa lahat ng oras?” Indoktrinasyon ba iyon? Tinatawag iyong pagtutustos sa inyo—hindi ito isang kaso ng pamumuwersa sa inyong umunlad, pagdidilig ito. Wasto ang pagdidilig; isa itong positibong bagay. Sasabihin ng ilan, “Hindi ba’t ang panlulupig ng mga anticristo sa mga tao ay katulad nang sa Diyos?” (Hindi ito ganoon.) Sa anong paraan na hindi ito ganoon? Ang parehong salita ay ginagamit sa panlulupig ng mga anticristo sa mga tao at sa panlulupig ng Diyos sa mga tao; ano ang pagkakaiba ng diwa sa pagitan ng dalawang paggamit na iyon ng salita? Maipapaliwanag ba ninyo ito nang malinaw? Kung kahit iyon ay hindi ninyo magawa, sadyang napakababa ng inyong pang-unawa sa katotohanan. (Ang panlulupig ni Satanas sa mga tao ay sapilitang pagkontrol, samantalang ang sa Diyos ay ang probisyon ng katotohanan—ito ay pagsasabi sa mga tao ng mga katotohanang prinsipyo, na maisasagawa kalaunan ng mga tao, at sa ganoon ay makapagkakamit ng buhay.) Kaya, tinatanong Ko kayo: kinokontrol at nilulupig ni Satanas ang mga tao, pero tinataglay ba nito ang katotohanan? (Hindi.) Ano si Satanas? Sa mga anong batayan nito nilulupig ang mga tao? Sa madaling salita, ano ang nagbibigay-kalipikasyon kay Satanas na lupigin ang mga tao at subukang sila ay makamit? Wala si Satanas ng kahit anuman. Kaya, ano ang ginagamit nito para lupigin ang mga tao? Ano ang maibibigay nito sa mga tao, kapag nalupig na sila nito? Magagawa ka lang nitong tiwali; magagawa ka lang nitong paglaruan at sirain, at sa huli, kapag tapos na itong sirain ka, ipapadala ka nito pababa sa impiyerno. Ano ang uri ng panlulupig at pagkontrol nito? Ito ay tahasang pang-aabuso. Ang layunin nito sa pagkontrol at paglupig sa iyo ay para pigilan kang magpasakop sa Diyos at sa katotohanan, at gawin kang magpasakop kay Satanas. Para kay Satanas, mali ang magpasakop ka sa Diyos, at tama ang pagpapasakop dito. Kung nagpapasakop ka kay Satanas, at nakokontrol at nalulupig nito, iniwan mo na ang Diyos at lubos Siyang tinanggihan. Paano, kung ganoon, gumagana ang panlulupig ng Diyos sa mga tao? Ang Diyos mismo ang katotohanan; Siya ang realidad ng lahat ng positibong bagay, ang pinagmumulan ng lahat ng positibong bagay, ang pinagmumulan ng katotohanan. Ano, kung ganoon, ang mga tao? Ang mga tao ay isang uring ginawang tiwali ni Satanas. Hindi nila tinataglay ang katotohanan. Kaya, dapat hatulan at kastiguhin ng Diyos ang mga tao, at subukan at pinuhin sila, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan at paglalantad ng tiwaling disposisyon ng tao, para maunawaan ng mga tao ang mga salita na Kanyang sinasabi, at kilalanin Siya bilang Lumikha at sila bilang Kanyang mga nilikha, at lumapit sa Kanya, magpatirapa sa Kanya, at tanggapin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Hindi ba’t naaayon ang lahat ng ito sa katotohanan? (Naaayon ito.) Kaya, ano ang panlulupig na ito? Ito ay pagkakamit ng mga tao, ito ay kaligtasan; ito ay isang positibong bagay. Hindi ito nakasasama sa iyo. Wala bang pagkakaiba sa pagitan niyon at ng panlulupig ni Satanas? Nararapat para sa Diyos na lupigin ang mga tao. Siya ang katotohanan, ang pinagmumulan ng lahat ng positibong bagay. Ang sabihing “nilulupig Niya ang sangkatauhan” ay napakaangkop na paraan para sabihin ito! Hindi tinataglay ng sangkatauhan ang katotohanan, sila ay lubos na ginawang tiwali ni Satanas, at ginawang kauri nito. Kaya nga hindi nagpapasakop ang mga tao sa Diyos, at itinatanggi Siya, at tinatanggihan Siya. Ano ang dapat gawin tungkol dito? Dapat ipahayag ng Diyos ang katotohanan at gamitin ang mga pamamaraan ng pagkastigo at paghatol para maunawaan ng mga tao kung sino ang Diyos, kung sino ang Lumikha, kung sino ang mga nilikha, at kung sino si Satanas, at gawin silang kilalanin ang Panginoon at bumalik sa Kanya, kilalanin ang Lumikha, at kilalanin ang kanilang sarili bilang Kanyang mga nilikha sa Kanyang presensiya. Iyon ang ibig sabihin ng panlulupig. Nauunawaan ba ng mga nilupig ng Diyos ang katotohanan, o hindi? (Nauunawaan nila.) At ang mga taong nilupig ni Satanas—ano ang napapala nila? Wala silang nauunawaang mga katotohanan, at iniiwasan nila, ipinagkakanulo, at tinatanggihan ang Diyos, may mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, at sinusundan pa nga si Satanas at ang mga anticristo. Puwede pa nga nilang husgahan ang Diyos, maghimagsik laban sa Kanya, at isumpa Siya, tumatangging kilalanin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, lalong hindi ang magpasakop dito. Katanggap-tanggap na mga nilikha ba ang mga ito? (Hindi.) Sila ang eksaktong kabaligtaran ng mga taong nilupig ng Diyos; ang epekto ay ang kabaligtaran ng panlulupig ng Diyos sa mga tao.
Kung ang isang tulad ng isang anticristo ay may katayuan, at pumunta siya sa isang lugar kung saan hindi alam ng mga tao na siya ay isang lider, matutuwa ba siya tungkol dito? Hindi. Saanman siya magpunta, gagamitin niya ang anumang paraan na mayroon siya para sabihin sa lahat na, “Ako ang lider; ipaghanda mo ako ng pagkain. Kailangan kong kumain ng masarap!” Ano sa palagay ninyo ang pananaw Ko tungkol sa katayuan? (Hindi Ka interesado rito.) Paano naipamamalas ang kawalan ng interes na iyon? Kapag nagpupunta Ako sa isang lugar, sinasabi Ko sa mga tao roon hanggang sa makakaya Ko na huwag basta-bastang ipagkalat o ipamalita sa mga tao ang Aking pagkakakilanlan. Bakit Ko ito ginagawa? Dahil kapag nalaman ng mga tao ang tungkol dito, mahirap talaga ito. Kung hindi nila alam, puwedeng magsabi sila nang kaunti sa Akin kung ano ang nasa puso nila; mahirap ito kapag nalaman nila—tumitikom ang bibig nila sa Akin. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t malulungkot Ako, na walang sinumang magsasabi ng nilalaman ng kanilang puso sa Akin? Sinisikap Ko nang sobra na huwag ipaalam sa mga tao, para tratuhin nila Ako na parang isang karaniwang tao, at sabihin kung ano ang gusto nilang sabihin sa Akin. Napakainam para sa mga tao na makaramdam ng kalayaan at kaluwagan, para hindi Ko sila palaging ginagapos, at para hindi sila palaging magiging masyadong magalang sa Aking presensiya. Hindi kailangang kumilos sila nang ganoon; hindi Ko gusto iyon. Iniisip ng mga hindi nakauunawa sa katotohanan na, “Tiyak na gusto Mo iyan, kaya ganyan Kita tatratuhin.” Kapag nakakakita Ako ng ganyang mga tao, nagtatago Ako. Kapag nakakakita Ako ng taong palaging labis-labis ang pagiging magalang, nagtatago Ako, singbilis ng makakaya Ko. Talagang ayaw Kong makipag-ugnayan sa ganoong mga tao—masyadong malaking abala, masyadong malaking problema! Pero iba ang mga anticristo. Umaasa silang makakamit ang paggalang ng mga tao, para makatanggap ng espesyal na pagtrato saanman sila magpunta. At ano pa ang mas inaasahan nila? Na hangga’t naririto sila, ang mga tao sa ilalim ng kanilang pamumuno ay ganap na susunod sa kanilang mga utos, at susunod sa kanila nang walang kompromiso, hanggang sa punto ng pagiging lubos; pagkatapos iniisip nilang, “Tingnan mo—ano ang tingin mo sa mga sundalong pinamumunuan ko, sa grupong pinamumunuan ko? Ginagawa nilang lahat ang sinasabi ko, nang masunurin.” Nakararamdam sila ng isang espesyal na pakiramdam ng tagumpay. Sinasanay nila ang mga tao na maging tulad ng mga papet, na maging tulad ng mga alipin, na walang independiyenteng kaisipan, o mga sarili nilang opinyon, o mga pananaw; ginagawa nilang manhid at mapurol ang pag-iisip ng bawat isa sa kanila. Ang mga anticristo pagkatapos ay nakararamdam ng kagalakan at kasiyahan sa kaibuturan ng kanilang puso, nararamdamang nagbunga ng mga resulta ang kanilang gawain, na natupad ang kanilang mga pagnanais at ambisyon. Kung hindi ganoon ang mga bagay, nalulungkot sila nang sobra: “Bakit hindi na lang gawin ng mga tao ang sinasabi ko? Anong pamamaraan ang dapat kong gamitin para sundin nila ako? Sige—kung hindi mo alam na kahanga-hanga ako, kailangan ko lang na ipakita sa iyo! Mayroon akong graduate degree; dala-dala ko ang diploma ko araw-araw, para makita mo ito. Naipasa ko ang Pagsusulit para sa mga Medyor sa Ingles Ikawalong Baitang, at naging lider ako ng unyon ng mga mag-aaral. Dahil sa nakikita kong hindi ninyo ako masyadong nauunawaan, magpapakitang-gilas ako nang kaunti sa inyo!” Sa tuwing tinatalakay nila ang gawain, sinasabi nila, “Anumang kaisipan ang mayroon kayong lahat, sabihin ninyo ang mga ito; malaya ninyong ipahayag ang inyong mga pananaw—huwag kayong magpapigil sa akin.” At kaya, nagsimulang magpahayag ang mga tao roon ng kanilang mga pananaw. Pagkatapos nilang gawin ito, sinasabi nitong “superyor na tao” na ito na may graduate degree, “Hindi mahusay ang inyong mga pananaw. Karaniwan ang lahat ng mga ito, lahat ng pananaw ng mga karaniwang tao. Kailangan ko talagang makialam—tingnan ninyo: Hindi ninyo magagawa ang gawain! Hindi ko gustong akuin ang gawaing ito, sa katunayan, pero kung wala ako rito, hindi ninyo talaga magagawang akuin ang pasaning ito, kaya kailangan kong tumulong. Pinag-isipan kong mabuti ang bagay na ito. Ganito natin ito aasikasuhin. Wala sa mga binanggit ninyong pakana ang gagana; bibigyan ko kayo ng isang mas mahusay. Iyon ang hinihingi sa atin ng mga pagsasaayos ng gawain dati—simula ngayon, hindi na natin susundin ang mga regulasyong iyon. Hindi na natin ito gagawin nang tulad niyon.” Sinasabi ng ilang tao na, “Kung hindi tayo kikilos alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain, magdudulot ito ng malaking kawalan sa sambahayan ng Diyos.” Sumasagot sila, “Huwag ninyo itong masyadong isipin—pagmamalasakitan ba ng sambahayan ng diyos ang maliit na halagang ito ng pera? Tutukan natin ang mga resulta—ang mga ito ang mahalaga. Simula ngayon, gawin na lang ninyo ang sinasabi ko. Kung may mangyaring mali, tatanggapin ko ang sisi!” Walang makapipigil sa kanila. Hindi ba’t naglalabas lang sila ng magagarbong ideya? Ano ang layunin nila sa paggawa niyon? Ito ay para magpakitang-gilas, at paalalahanan ang bawat isang tao sa lahat ng oras ng tungkol sa kanilang pag-iral, pati na rin ng kanilang galing. Sa anong paraan sila magaling? Sa pagiging mahirap nilang unawain sa mga ordinaryong tao. Kahit na may parehong pananaw ang mga anticristo tulad ng sa ibang mga tao, tinatanggihan pa rin nila ang pananaw na iyon kapag ipinahahayag ito ng iba, na pagkatapos noon ay nagsisimula silang muli at nangunguna sa muling pagpapahayag nito. Naririnig sila ng grupo at sinasabing: “Hindi ba’t parehong ideya rin iyon?” Sinasabi nila, “Pareho o hindi, ako ang nagsabi. Hindi kayo ang nagsabi nito. Ako ang nanguna sa ideyang ito.” Gaano man sila pabalik-balik sa sinasabi nila, ang layunin nila ay kumbinsihin ang lahat, para ipaalam sa mga tao na: “Hindi ako isang lider para sa wala; hindi ako ang lider ng grupo at ang taong namamahala para sa wala. Hindi lang ako puro salita—hindi ako mapupunta sa posisyong ito kung wala ang aking mga talento, kaloob, at abilidad.” Kung may mangyayari habang wala sila, walang ibang magsasabi kung ano ang mga dapat gawin, at kung naroon sila, sila dapat ang magsasabi kung ano ang mga dapat gawin. Dapat bantayan ng lahat ang kanilang ekspresyon. Makakahinga lang nang maluwag ang bawat tao kapag sila ang nagsasabi ng mga dapat gawin; kung hindi, nababalisa ang lahat. Kung hindi sila pinapayagang magsabi ng kung ano ang mga dapat gawin, hindi magiging posibleng lutasin ang kasalukuyang gawain. Wala ba silang layunin sa paggawa nito? Minsan iniisip nila sa sarili nilang, “Tama ba ang ginagawa ko? Mas mabuting hindi ko na ito gawin—ginagawa kong hangal ang sarili ko. Hindi ba’t ganito kumikilos ang mga anticristo? Hindi puwede iyon; ang karangalan ko ang mahalaga. ‘Anticristo’? Hindi ako kinondena ng itaas, kaya hindi ako isang anticristo!” At patuloy silang umaasta nang gaya ng dati. Minsan, alam na alam nilang lumalabag sa mga pagsasaayos ng gawain at sa mga katotohanang prinsipyo ang ginagawa nila, na halatang isinasaalang-alang nila ang sarili nilang karangalan at katayuan, na mayroon silang mga sarili nilang layunin—pero patuloy nilang ginagawa ang ginagawa na nila, nang hindi iniisip ang mga kahihinatnan, lalo nang walang may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi ba’t ito ay isang disposisyonal na problema? Ano ang idudulot sa kanilang gawin ng ganitong uri ng disposisyon? Na maging lubhang makasarili, at na magwala habang gumagawa ng di-mabubuting bagay. Hindi ba talaga nila alam sa puso nila ang tamang paraan ng pagkilos? Hindi ba talaga nila nauunawaan na ang ginagawa nila ay lumalabag sa mga prinsipyo? Hindi ba talaga nila alam na ang ginagawa nila ay panlilihis at pagkontrol sa iba, na gumagawa sila ng kasamaan? Alam at nauunawaan nila ang mga bagay na ito. Na patuloy pa rin silang nakakikilos sa parehong paraan ay nangangahulugang hindi nila mahal ang katotohanan at tutol sila rito. Tinatanggihan nila ang anumang pananaw, daan, pamamaraan, o pahayag, hangga’t hindi ito nagmumula sa bibig nila. Hindi ba’t ito ay ambisyon? (Ambisyon ito.) May ambisyon at masasamang layunin na nakapaloob dito. Anong masasamang layunin? Ano ang nakatago sa likod nito? (Pagpapagawa sa mga tao ng sinasabi nila.) Pagpapagawa sa mga tao ng sinasabi nila—talagang hindi nila puwedeng palampasin ang anumang ganoong kalamangan o pagkakataong mamukod-tangi, o payagan ang mga ito na mapunta sa sinumang iba pa. Sa bawat pagkakataon, sila dapat ang gumagawa ng mga desisyon; sa bawat pagkakataon, sila dapat ang nagsasabi kung ano ang mga dapat gawin; sa bawat pagkakataon, ang mga bunga ng gawain ay dapat na sa kanila lamang, at dapat na makredito sa kanila lamang. Sa huli, idinudulot nilang bumuo ang lahat ng isang tendensiya. Anong tendensiya? Ang tendensiyang isipin na gagana lang ang gawain kapag nasa grupo sila—kung wala sila, para bang walang ibang makaaako ng pasanin. Dahil dito, hindi ba’t natupad na nila ang kanilang layunin? Ang mga taong iyon ay napasailalim na sa kanilang kontrol. Ano ang pasimula sa pagiging kontrolado? Ang pagiging lubusang nalupig at natalo—pinahihirapan ka ng mga anticristo para sumuko sa kanila, para hindi mo malaman ang tama sa mali, at hindi mo subukang kilatisin sila o iugnay ang anumang aspekto ng katotohanan sa kanila, at matibay na maniwalang anumang gawin nila ay tama, at hindi na mangangahas na kilatisin kung sila ay tama o mali. Ito ang mga kahihinatnang dulot pagkatapos na ang mga tao ay mailihis at makontrol ng mga anticristo, at kaagad pagkatapos, sumusunod ang mga taong iyon sa mga anticristo. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Hindi ba’t malinaw na pagpapamalas ito ng kung paano nagagawa ng mga anticristo na sa kanila lamang sumunod ang iba, hindi sa katotohanan o sa Diyos? (Ganoon nga.) Ano ang mga motibo at masamang layunin sa likod ng lahat ng ginagawa nila, at ano ang pinagmumulan ng mga pagkilos nila, mga paraan at pinagkukunan nila, at maging ng mga pahayag nila? Ito ay na gusto nilang talunin ka, supilin ka, pasukuin ka sa kanila, at ipakita sa iyo kung sino ang amo, sino ang kalipikadong manguna, sino ang may huling salita roon, at na hindi na ang katotohanan ang may panghuling salita—na walang sinuman kundi sila ang puwedeng maging panginoon ng mga taong ito, o magsabi ng mga dapat gawin, o gumawa ng mga desisyon. Gusto mong banggitin ang katotohanan, pero walang paraan para gawin mo ito. Gusto mong magsabi ng magkakaibang opinyon—pero huwag mo nang isipin ito. Anong disposisyon ng mga anticristo ito? Ito ay kalupitan; gusto nilang lupigin at kontrolin ang mga tao. Gaano mo man tingnan ang mga pagnanais at ambisyon ng mga anticristo, o ang mga tunay nilang pagkilos, ang lahat ng ito ay nagpapakita ng kanilang disposisyon ng kalupitan at pagiging tutol sa katotohanan. Ang mga paraan, pagbubunyag, at pagpapamalas na ito na mayroon ang mga anticristo sa paglupig at pagkontrol sa mga tao, pati na rin ang kanilang mga diwa, ay ganap na tumutugma sa pangunahing paksang pinagbabahaginan natin. Gagawin ng mga anticristo na sa kanila lamang sumunod ang iba—ang implikasyon nito ay dapat gawin ng mga tao ang sinasabi nila, na ang paggawa nito ay pagpapasakop sa Diyos. Kung may isang tao na magsasabi ng naiibang opinyon at magsasabi na ang kanilang ginagawa ay salungat sa katotohanan, sasagot sila, “Salungat sa katotohanan? Sabihin mo sa amin—ano ang katotohanan? Kung malinaw mo itong maipapaliwanag, magpaparaya ako sa iyo—pero kung hindi mo magagawa, ipapahiya kita!” Kapag sinasabi nila iyon, natatakot ang ilang tao, sinasabi na, “Hindi ko talaga ito maipapaliwanag nang malinaw, kaya gagawin ko na lang kung ano ang sasabihin mo.” Dahil dito, naisakatuparan ng mga anticristo ang layunin nila. May mga tao bang gumagawa nito? (Oo.) Nagawa ninyo na ba ang mga bagay na tulad nito? (Hindi.) May ganitong kasanayan ang mga anticristo. Sumusuko ang isang karaniwang tao kapag nakikita nilang hindi nila kayang hikayatin ang iba; hindi nila taglay ang kaparaanang iyon. Sa isang banda, hindi sila makapagsalita at makapagpahayag ng kanilang sarili sa ganoong paraan—hindi sila makapagsalita at makapagdebate nang maayos. Sa isa pa, sa kanilang puso, hindi sila sapat na malupit. Ang mga makagagawa ng mga bagay na ito ay dapat na may buktot na disposisyon sa kalooban nila. Dapat silang maging malupit at sapat na walang awa, at walang pakialam sa damdamin ng sinuman. Kung may sinumang hindi sasang-ayon sa kanila, pahihirapan nila ang mga ito sa sobrang marahas na paraan, at gaano man kalupit ang kanilang gawin, hindi makararamdam ang kanilang konsensiya ng paninisi o kamalayan tungkol dito. May magsasabing, “Nakakaawa na sila; bakit ko pinapagawa sa kanila ang sinasabi ko? Pakakawalan ko na lang sila—nananampalataya sila sa Diyos, hindi sa akin. Puwede na lang nilang pakinggan ang sinumang nagsasalita nang ayon sa katotohanan—hindi mahalaga kung sino ito. Pababayaan ko na lang ito sa pagkakataong ito.” Ganito ba mag-isip ang mga anticristo? Hindi; talagang walang ganoong pagkamakatwiran ang mga anticristo. Sadyang hindi sila malabo tungkol sa mga ambisyon at pagnanais nila. Kumakapit sila sa mga ito at hindi bumibitaw, tulad ng isang lobo na may kagat na tupa sa mga panga nito. Kung susubukan mong makipag-negosasyon sa isang lobo, at pipigilan ito sa pagkain ng tupa—gagana ba iyon? Hindi ito gagana. Bakit hindi? Dahil iyon ang disposisyon nito. Ano ang pinaniniwalaan ng lobo? “Gutom ako. Gusto kong kumakain ng tupa. Tama ito. Gusto ko mang kainin ang tupa o hindi, ayos lang ito.” Iyon ang pilosopiya nito, ang pamantayan at pinagmumulan ng mga pagkilos nito. Gayundin, kapag nilulupig at kinokontrol ng mga anticristo ang mga tao, iniisip ba nilang, “Hindi ako Diyos. Gaano ako ka-walang pakundangan para kontrolin ang mga tao. Kung kikilatisin ako ng mga tao, paano ko maipapakita ang mukha ko kahit saan?” May ganoon ba silang pakiramdam ng kahihiyan? (Wala.) Wala silang pakiramdam ng kahihiyan. Kaya, ano ang nawawala sa pagkatao nila? Ang kahihiyan, pagkamakatwiran, at konsensiya. Wala ang mga bagay na ito sa pagkatao nila. Kung wala ang mga bagay na iyon, tao pa ba sila? Hindi sila tao. Hindi naman lahat ng nagsusuot ng balat ng tao ay tao talaga—ang iba ay mga demonyo, ang iba ay mga naglalakad na bangkay, at ang iba ay mga hayop. Anong uri ng mga bagay ang mga anticristo, kung ganoon? Mga demonyo sila; ang ilan sa kanila ay masasamang demonyo, at ang iba ay masasamang espiritu. Sa kabuuan, hindi sila tao. Ito ay dahil hindi sila nagtataglay ng katwiran, konsensiya, at kahihiyan ng normal na pagkatao kaya ang mga anticristo ay nagagawang makipaglaban sa Diyos para sa mga tao at sa puso ng mga tao. Ipinapakita nito ang kanilang kalikasang diwa na maging buktot. Hindi makatwiran para sa kanila na makipaglaban sa iba para sa katayuan, lalo na ang makipaglaban sa Diyos para sa katayuan at para sa mga tao! Lalong ipinapakita nito na sila ay mga tunay na anticristo, na sila ay mga diyablo at mga Satanas.
Nagbahaginan tayo ngayon tungkol sa mga pagpapamalas ng mga anticristo hanggang sa ikawalong aytem. Makagagawa na ba kayo ngayon ng mga ugnayan sa pagitan ng inyong sarili at ng mga anticristo, gayundin ng mga taong tumatahak sa landas ng mga anticristo at ang mga nagtataglay ng kanilang disposisyon, para makita kung anong uri kayo ng tao? (Oo.) Magagawa ninyo ang ilan sa ugnayang ito. Alin sa mga problema ng mga tao ang malulutas sa paggawa nito? (Maiiiwas tayo nito sa pagtahak sa maling landas.) Maiiiwas kayo nito sa pagtahak sa maling landas. Ano pa? (Binibigyang-kakayahan tayo nito para makilatis ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid natin.) Binibigyang-kakayahan kayo nito para makilatis ang ilang tao sa paligid ninyo. Ang pagiging mapagkilatis sa iba ay bahagi nito; higit sa lahat, gayumpaman, dapat malaman ninyo kung paano magiging mapagkilatis sa inyong sarili, sa disposisyon ng anticristo sa kalooban ninyo at ang landas na inyong tinatahak. Tutulungan kayo nitong hindi maligaw sa paggawa ng inyong tungkulin, at hindi tumahak sa landas ng mga anticristo. Kapag sinimulang tahakin ng isang tao ang landas ng mga anticristo, madali ba para sa kanila na bumalik? Hindi; kapag nagsimula na sila, hindi na madali para sa kanilang bumalik. Alam mo ba ang dahilan nito? (Hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu.) Iyon ang pangunahing dahilan. Ang pagtahak sa maling landas ay mapanganib, dahil pinili mong makipaglaban sa Diyos, makipaglaban sa Kanya para sa Kanyang mga taong hinirang, at makipaglaban sa Kanya hanggang sa wakas; hindi mo hinahanap ang katotohanan, o hinahangad na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Tahakin mo ang isang landas na tulad niyon, at magkakaroon ka ng problema. Magiging salungat ka sa Diyos—magiging salungat ka sa Kanya sa pamamagitan ng iyong subhetibong kalooban; ibig sabihin, ang iyong mga kaisipan, pananaw, opinyon, at pagpipilian ay magiging mapanlaban lahat sa Diyos. Kung, bago ka tumahak sa landas na ito, mayroon kang ilang obhetibong pagpapamalas, disposisyon, at diwa na salungat at mapanlaban sa Diyos, pero sa lahat ng oras, maingat ka sa puso mo tungkol sa hindi pagtahak sa landas ng pagiging mapanlaban sa Diyos, o sa landas ng mga anticristo, may pagkakataon kang maligtas. Kung tatahakin mo ang landas ng mga anticristo, ng pagiging mapanlaban sa Diyos, nasa panganib ka. Gaano kalaki ang panganib? Sapat na malaki na hindi magiging madali para sa iyo na bumalik. May ilang tao ngayon lang na nagsabi na hindi na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu—halatang-halata iyon! Paano gagawa ang Banal na Espiritu sa ganoong tao? Kapag tumahak ka na sa ganoong uri ng landas, kapag napili mo na ang desisyong iyon, nasa panganib ka. Kung nauunawaan mo ito sa iyong puso, pero ginagawa mo pa rin ito, tinatahak ang daang iyon, at ginagawa ang desisyong iyon, at nagpapatuloy palagi ayon sa iyong mga sariling prinsipyo at sa iyong mga dating, naunang paraan ng pagkilos, nang hindi lumilingon o nagsisisi, nang hindi binabaligtad ang iyong landas, na kumakatawan sa iyong desisyon—napagdesisyunan mo nang tahakin ang landas na ito ng pagiging mapanlaban sa Diyos. Hindi sa hindi mo nauunawaan ang ginagawa mo—sinasadya mong gumawa ng kasalanan. Katulad lang ni Pablo, na nagsabi, “Sino ka, panginoon? Bakit gusto mo akong pabagsakin?” Alam na alam niya na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na Siya ang Cristo, pero sinalungat pa rin niya Siya hanggang sa wakas. Iyon ay sadyang paggawa ng kasalanan. Hindi nagpatotoo si Pablo para sa Panginoon, ni hindi niya Siya dinakila. Inisip niyang, “Hindi ba’t karaniwang tao ka lang? Hindi ba’t pinababagsak mo ako dahil lang may kapangyarihan ka? Puwedeng may kapangyarihan ka, pero naniniwala pa rin ako sa diyos sa langit. Ikaw, ang pagkakatawang-tao, ay hindi diyos; wala kang kaugnayan sa diyos. Ikaw ay anak ng diyos, at ikaw ay aming kapantay.” Hindi ba’t iyon ang pananaw niya? Ano ang pundasyon ng pananaw na ito ni Pablo? Pagkatapos niyang malaman na ang Panginoong Jesus ay si Cristo na nagkatawang-tao, itinaguyod pa rin niya ang pananaw na ito, tulad ng ginawa niya noon. Seryosong problema ito, at kasama nito, napagpasyahan na ang kanyang kalalabasan. Dahil pinanghawakan niya ang pananaw na iyon nang buong panahon, puwede kayang nabago ang landas na tinahak niya? Ang landas na tinatahak ng isang tao ay batay sa kanyang mga pananaw: Anuman ang iyong mga pananaw, iyon ang landas na iyong tinatahak. At kabaligtaran, kung anong landas ang iyong tinatahak, iyon ang mga pananaw na lilitaw sa iyo, mga pananaw na magkakaroon ka, mga pananaw na magpapabago at magtuturo sa iyo. Sa sandaling tahakin mo ang landas ng pagiging mapanlaban sa Diyos, ang mga pananaw na ito ay mabubuo at mag-uugat sa kalooban mo, at isang bagay ang tiyak: Tiyak na magiging salungat ka sa Diyos sa huli; tiyak na panghahawakan mo ang iyong mga sariling maling pananaw, kaalaman, at saloobin, nagpapahayag ng hinanaing laban sa Diyos hanggang sa wakas. Hindi mo talaga babaguhin ang iyong landas—hindi kung sasabihin sa iyo ng sinuman na gawin ito, o kung bibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu, o kung hihikayatin ka ng mga kapatid, o kung tatanglawan ka ng Diyos. Walang magiging puwang para dito. Ito ang pinili mo. Bibigyan ka ng una, pangalawa, at pangatlong pagkakataon—kung, pagkatapos ng tatlong pagkakataong magsisi ay hindi mo ito ginawa, hindi ka na magkakaroon ng mga pagkakataon sa hinaharap. Gaano ka man gumawa at magbayad ng halaga, hindi nito maaantig ang Diyos—buo na ang isip Niya tungkol sa iyo. Ano na ang napagdesisyunan ng Diyos para sa iyo? Na pagseserbisyuhin ka, na gagamitin ka; at pagkatapos kang gamitin, ilalagay ka Niya sa isang lugar kung saan ka kakastiguhin at parurusahan, gaya ng Kanyang napagdesisyunan. Paano ito nangyayari, ang pagdedesisyon ng Diyos nang ganito? Dahil ba ito sa iyong panandaliang pag-iisip? Batay ba ito sa iyong mga panandaliang ideya? Sa saglit mong pagtapak sa maling landas? Hindi; ibinabatay ito ng Diyos sa iyong mga pananaw na nasa kaibuturan ng iyong puso, sa iyong pangmatagalang saloobin sa katotohanan, at sa landas na napagdesisyunan mong tahakin. Napagdesisyunan mo nang kumilos nang ganito, at anuman ang sabihin ng sinuman, wala itong silbi; napagdesisyunan mo nang gamitin ang teoryang ito bilang pundasyon para sa landas na tatahakin mo sa hinaharap. At dahil nakapagdesisyon ka na, hindi ba’t dapat itakda ng Diyos ang iyong kalalabasan? Ang iyong kalalabasan ay matagal nang naitakda; hindi na kailangan ng Diyos na maghintay hanggang sa wakas para gawin ito. Para sa ilang tao, palaging tinitingnan ng Diyos ang kanilang mga pagpapamalas—kapag sa wakas ay nakarating na ang mga taong ito sa dulo ng daan, ang kanilang mga kinalabasan sa huli ay itinakda batay sa kanilang iba’t ibang pagpapamalas. Ang ilang tao ay nakagawa ng mas maraming mabuting gawa kaysa sa masasama; nagkimkim sila ng mas maraming mabuti at positibong saloobin sa Diyos kaysa sa mga negatibo at masasamang gawa, at batay sa sukat ng kabuuan ng kanilang iba’t ibang pag-uugali at pagpapamalas, ang kanilang panghuling kinalabasan ay itinakda. May iba, gayumpaman, na ang mga kinalabasan ay itinakda ng Diyos pagkatapos ng isang sulyap sa landas na kanilang tinatahak. Kung ganoon, binibigyan ba ng Diyos ang mga tao ng pagkakataon bago itakda ang kanilang mga kalalabasan? Nagbibigay Siya. Ilan? Malamang na walang kongkretong numero. Depende ito sa kalikasang diwa ng isang tao, at batay rin ito sa kanyang paghahangad. Ang ilang tao ay puwedeng makakuha ng tatlong pagkakataon. Ang ilan ay hindi na matutubos, sobra silang hangal at mapagmatigas, at hindi talaga sila tumatanggap ng anumang katotohanan—itinakda na ang kanilang mga kalalabasan bago pa man sila magkaroon ng tatlong pagkakataon. Pero sa ilang tao, isinasaayos ng Diyos ang ilang kapaligiran para sa kanila batay sa kanilang mga kalagayan, at batay sa kanilang edad at mga bagay na pinagdaanan nila, puwedeng bigyan Niya sila ng limang pagkakataon. Batay ito sa kanilang kalikasan, diwa, at saloobin habang tinatanggap ang katotohanan. Itinatakda ng Diyos ang kahihinatnan at patutunguhan ng isang tao batay sa mga bagay na ito.
Nangyayari sa mga tao ang lahat ng uri ng mga bagay, at kadalasan ay hindi nila alam kung paano haharapin ang mga ito; ayos lang ba kung hindi sila nagsikap na maunawaan ang katotohanan? Madali para sa mga tao na tahakin ang maling landas kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Bakit Ko ito sinasabi? Namumuhay ang mga tao ayon sa mga tiwaling disposisyon ni Satanas, at ang mga bagay na lumalabas sa kalooban nila ay mga bagay na natural nilang ibinubunyag, at wala ni isa sa mga ito ang nakaayon sa katotohanan, o hindi taksil sa Diyos. Kaya, bakit dapat palagi silang nakikinig sa mga sermon? Ang palaging pakikinig sa mga sermon, pag-iisip sa mga ito, at pagsasapuso sa mga ito; palaging pagdarasal at paghahanap; pagharap sa Diyos nang may-takot-sa-Diyos na puso, na may pusong may kabanalan, na may pusong nananabik sa katotohanan; pagkakaroon ng mga tiyak na oras bawat araw para sa mga debosyonal, panalangin, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos; at pakikipagbahaginan sa iba, at maayos na pakikipagtulungan sa iba para gumawa ng gawain; pagkilos bawat araw alinsunod sa mga prinsipyong ito, at paghawak sa mga ito bawat araw—tinitingnan ng Diyos kung ang mga detalyadong elementong ito ng pagsasagawa ng mga tao ay nagkakamit ng mga resulta. Puwedeng magtanong ang ilan, “Hindi ba’t mga proseso lamang ang mga iyon?” Ano ang isang proseso? Hindi panlabas na mga bagay ang mga ito—puwede mo lang panghawakan ang mga bagay na ito kung may puso kang gawin ito. Kung wala ang pusong iyon, ilang araw mo mapanghahawakan ang mga iyon? Hindi mo mapanghahawakan ang mga ito. Ang ilang lider ay hindi kailanman kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at hindi kailanman nakikibahagi sa mga debosyonal. Ano ang ibig sabihin nito? Na hindi sila mga tunay na mananampalataya. Kung hindi sila mga tunay na mananampalataya, paano sila naging mga lider? Sa ilang lugar, walang angkop para sa trabaho, kaya kailangang pagtiyagaang gamitin ng iglesia ang mga taong ito. Mali ang iniisip nila na, “Napili ako bilang lider. Magagawa ko pa rin ang gawaing ito nang hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos—hangga’t may mga paa at bibig ang mga tao, magagawa nila ang gawaing ito.” Kalokohan ito. Hindi tinitingnan ng Diyos kung kaya mong gawin ang gawain—tinitingnan Niya kung ano ang nagawa mo. Ang gawaing kaya mong gawin, kaya ring gawin ng iba. Puwede itong gawin ng sinumang may kaunting normal na katalinuhan. Huwag mong isiping dahil napili ka bilang lider, at kaya mong gawin ang gawaing iyon, na garantisado ang iyong tagumpay, na naperpekto ka na, na may pagkakataon ka nang maligtas. Hindi iyon ganoon. Hindi kailanman tinitingnan ng Diyos kung gaano karami ang ginagawa mo; tinitingnan Niya ang iyong nagawa, ang landas na iyong tinatahak. Huwag mong lokohin ang sarili mo tungkol dito. Puwedeng isipin mong, “Napakaraming tao na hindi pinili, pero pinili ako. Mukhang namumukod-tangi ako, na mas mataas ang kakayahan ko at mas mahusay kaysa sa iba.” Ano ang mahusay sa iyo? Kahit na mahusay ka, tiyak na wala kang karapatan na hindi magsagawa ng katotohanan, at kumilos nang labag sa katotohanan? Kahit na mahusay ka, tiyak na wala kang karapatang hindi makisali sa mga debosyonal o panalangin, at hindi hanapin ang katotohanan kapag kumikilos ka? Wala kang karapatan sa mga bagay na iyon. Walang katayuan o titulo ang iyong kapital. Iyon ay mga bagay na panandalian, mga bagay na panlabas. Tinitingnan ng Diyos ang iyong katapatan; tinitingnan Niya ang pagsasagawa mo ng katotohanan, ang paghahangad mo rito, at ang iyong saloobin tungkol dito; tinitingnan Niya ang iyong pagpapasakop; tinitingnan Niya ang iyong saloobin sa iyong tungkulin at sa iyong misyon. May ilang tao na puwedeng nagsusumikap sa paggawa ng kanilang tungkulin, pero hindi nila ito ginagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung sasabihin mo sa kanila na dapat silang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, lumalaban sila, nagagalit sila at hindi nila ito tinatanggap. Ganoon lang, nabunyag na sila. Ano ang nabunyag? Na hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Anong uri ng mga tao sila, ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan? Mga hindi mananampalataya. Ano ang bulag na pinagkakaabalahan ng mga hindi mananampalataya? Bakit sobrang puno sila ng lakas sa pagiging abala nila? May layunin sila—nakikita nila na, “May pagkakataon para sa akin na maging opisyal dito, at kung magiging opisyal ako, puwede akong kumita sa iglesia, at sambahin ng lahat. Ang ganda ng lugar na ito! Napakadaling makuha ng sustentong ito sa pagkain, at gayundin ang karangalan at kita; napakadaling makamit ng katayuang ito—sadyang napakadaling maging opisyal dito!” Hindi nila inakalang magiging “opisyal” sila sa buhay na ito. Pero kapag nawala sa kanila ang “opisina” nila, ipinapakita nila ang kanilang tunay na kulay. Hindi na sila nagsisikap para sa sambahayan ng Diyos. Magagawa pa rin ba nilang magdusa at magbayad ng halaga? Hindi. Hindi ba sila nabunyag kung ganoon? Bigay-todo ang ilang tao kapag mayroon silang katayuan, nagsisikap at nagpapawis, hindi nagrereklamo gaano man sila nagdurusa—pero sa sandaling wala na silang katayuan, nagiging negatibo sila, hanggang sa punto na pinananaigan sila ng kanilang pagiging negatibo. Hindi ba’t nabunyag sila? Ibinunyag sila ng katayuan. May anuman bang pangangailangan para isailalim sila sa mga pagsubok? Wala. Sige, tatapusin na natin ang pagbabahaginan ngayon dito.
Oktubre 1, 2019