Ikawalong Aytem: Hinihimok Nila ang Iba na sa Kanila Lang Magpasakop, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi) Ikalawang Seksiyon

Karagdagang Babasahin:

Mga Pangarap ni Xiaogang

Magsisimula uli Ako ngayon sa pagsasabi ng isang kuwento. Interesado ba kayong makinig sa mga kuwento? May makukuha ba kayo mula sa mga kuwento? Nangyayari ang mga bagay-bagay sa mga kuwento, at naglalaman ang mga bagay-bagay na ito ng mga katotohanan. Ang mga tao sa mga kuwento ay nagtataglay ng ilang kalagayan, ilang pagbubunyag, at ilang layunin at mga tiwaling disposisyon. Sa katunayan, umiiral ang mga ito sa lahat, at konektado ang mga ito sa lahat. Kung nauunawaan at nakikilala mo ang mga bagay na ito sa mga kuwento, pinatutunayan nitong mayroon kang espirituwal na pang-unawa. Sinasabi ng ilang tao na: “Sinasabi Mong mayroon akong espirituwal na pang-unawa—ibig sabihin ba niyan na isa akong taong nagmamahal sa katotohanan?” Hindi sa ganoon; dalawang magkaibang bagay ang mga ito. May ilang tao na may espirituwal na pang-unawa subalit hindi nagmamahal sa katotohanan. Nakauunawa lang sila at wala nang iba pa, at hindi nila ginagamit ang katotohanan para ihambing sa kanilang sarili o para isagawa ang katotohanan. May espirituwal na pang-unawa ang ilang tao, at pagkatapos makinig sa mga kuwento, natutuklasan nilang may mga katulad silang mga problema at iniisip kung paano makapapasok at kung paano magbabago sa hinaharap—naisakatuparan ng mga taong ito ang mga ninanais na resulta. Kaya ngayon, magpapatuloy Ako sa pagkukuwento. Magaan ang paksa at lahat ay gugustuhing pakinggan ito. Nitong nakaraang dalawang araw, pinag-iisipan Ko kung aling kuwento ang magdudulot sa karamihan ng tao na magkamit ng isang bagay at mapatibay pagkatapos nilang pakinggan ito, at maaaring bukod pa rito ay mas malalim na magtanim ng isang aspekto ng katotohanan sa kanila, gayundin ang bigyan sila ng kakayahang maiugnay ito sa realidad, at makinabang mula rito sa pamamagitan ng pagpasok sa isang aspekto ng katotohanan o pagwawasto sa isang uri ng paglihis. Nakaligtaan Kong bigyan ng pamagat ang huli Kong kuwento, kaya’t bibigyan natin ngayon ng pamagat ang kuwentong iyon. Ano sa tingin ninyo ang dapat itawag dito? (Mga Espesyal na Kaloob.) Tanggalin na ang salitang “espesyal”; tawagin natin itong “Mga Kaloob.” Medyo kakatwang pakinggan ang salitang “espesyal” dito, at pagtutuunan ito ng pansin ng mga tao. May mas hindi malinaw na kahulugan ang “Mga Kaloob.” Kaya, ano ang ikukuwento Ko ngayon? Ang kuwento ngayon ay pinamagatang “Mga Pangarap ni Xiaogang.” Ang ibig sabihin ng “Xiao” ay “maliit,” tulad ng alam ninyong lahat, at ano naman ang “Gang”? (“Trabaho.”) Tama. Pagkarinig sa pamagat na ito, dapat ay alam ninyo ang nilalaman ng kuwento—dapat ay malapit na ninyo itong mahulaan. Magsisimula na Ako ngayong magkuwento.

Si Xiaogang ay isang masigasig, palaaral, at masipag na binata, at medyo matalino siya. Gustung-gusto niyang mag-aral, kaya’t natututo siya nang kaunti tungkol sa ilan sa mga sikat na teknolohiya ng kompyuter ngayon, at sa sambahayan ng Diyos, natural siyang itinalaga para gampanan ang kanyang tungkulin sa Grupong Taga-edit ng Video. Nang una siyang sumali sa Grupong Taga-edit ng Video, si Xiaogang ay napakasaya at may pagmamalaki. Dahil bata pa siya at magaling sa partikular na mga teknolohiya, naniniwala siyang ang paggawa ng video ang kanyang espesyalidad at ang kanya ring libangan, at na magagamit niya ang kanyang kadalubhasaan sa pamamagitan ng pagganap ng kanyang tungkulin doon at gayundin ay umunlad sa larangang ito sa pamamagitan ng proseso ng patuloy na pag-aaral. Bukod pa rito, karamihan sa mga taong nakakasalamuha niya rito ay mga kabataan din, at gustung-gusto niya ang kapaligiran dito at nasisiyahan sa tungkuling ito. Kaya, bawat araw siyang abala sa pagtatrabaho at sa pag-aaral nang taimtim. Sa ganitong paraan gumigising nang maaga si Xiaogang para magsimula ng trabaho bawat araw, minsan ay hindi nagpapahinga hanggang kalaliman ng gabi. Nagbabayad ng maraming halaga at nagdaranas ng maraming paghihirap si Xiaogang para sa kanyang tungkulin, at natural na natututo rin siya ng maraming nauugnay na propesyonal na kaalaman; pakiramdam niya ay napaka-produktibo ng bawat araw na ginugugol niya. Madalas ding nagbabahaginan at dumadalo sa mga pagtitipon si Xiaogang kasama ang kanyang mga kapatid, at nararamdaman niya na pagkarating niya rito, mas umunlad pa siya kumpara noong nananampalataya siya sa Diyos sa kanyang bayan at na siya ay nagkagulang na, at maaari nang umako ng ilang trabaho. Sobrang saya at kuntento niya. Noong una siyang nag-aral ng teknolohiya sa kompyuter, hinangad niyang balang araw ay magtatrabaho siya sa mga kompyuter, at ngayon ay natupad na rin sa wakas ang kanyang kahilingan, kaya’t talagang pinahahalagahan niya ang pagkakataong ito. Lumipas ang ilang panahon, hindi nagbago ang trabaho at posisyon ni Xiaogang. Pinanghahawakan niya ang kanyang trabaho at pinanghahawakan ang responsabilidad at tungkulin niyang ito, at tila mas matatag ang kanyang pag-iisip kaysa dati. Nagkaroon din siya ng pag-unlad sa buhay pagpasok, madalas siyang nakikipagbahaginan at nagdarasal-nagbabasa ng mga salita ng Diyos kasama ang kanyang mga kapatid sa mga pagtitipon, at ang kanyang interes sa pananampalataya sa Diyos ay lumalakas nang lumalakas. Masasabi ring unti-unting tumitibay ang pananalig ni Xiaogang. Kaya, nagkaroon siya ng isang bagong pangarap: “Maganda kung magiging mas kapaki-pakinabang akong tao habang gumagawa ng gawain sa kompyuter!”

Lumilipas nang ganito ang oras, araw-araw, at patuloy na ginagampanan ni Xiaogang ang parehong tungkulin. Sa isang pagkakataon ay nakapanood siya ng isang pelikula, at pagkatapos ay nagkaroon ito ng malalim na epekto sa kanya. Bakit? Sa pelikula ay may isang binatang kapareho ng edad ni Xiaogang, at hinahangaan niya ang pagganap, pag-arte, at pananalita at asal ng binatang ito sa pelikula, medyo naiinggit din. Pagkatapos panoorin ang pelikula, paminsan-minsan ay naiisip niya: “Maganda kung ako ang binatang iyon sa pelikula. Araw-araw, nasa harap ako ng kompyuter, gumagawa at nag-a-upload ng lahat ng uri ng video, at gaano man ako kaabala o kapagod, o gaano ako nagsisikap magtrabaho, isa pa rin lang akong manggagawa sa likod ng kamera. Paano malalaman ng sinuman kung gaano kami kasipag na nagtatrabaho? Kung makalalabas ako sa pinilakang tabing isang araw tulad ng binatang iyon sa pelikula, at mas maraming tao ang makakakita at makakikilala sa akin, maganda iyon!” Paulit-ulit na pinapanood ni Xiaogang ang pelikulang ito, gayundin ang iba’t ibang eksena ng binatang iyon. Habang mas nanonood siya, mas naiinggit siya rito, at mas naghahangad ang kanyang puso, nananabik na maging isang aktor. Kaya, umusbong ang bagong pangarap ni Xiaogang. Ano ang bago niyang pangarap? “Gusto kong mag-aral ng pag-arte, at magsikap na maging isang kalipikadong aktor, lumabas sa pinilakang tabing, magkaroon ng impresyong tulad nang sa binatang iyon, at magkaroon ng mas maraming taong naiinggit sa akin at nagnanais na maging ako.” Simula noon, nagsimulang magsikap si Xiaogang tungo sa kanyang pangarap. Sa kanyang bakanteng oras, nag-oonline si Xiaogang at tumitingin sa lahat ng uri ng mga materyal tungkol sa pag-arte. Nanonood din siya ng lahat ng uri ng pelikula at palabas sa telebisyon, nanonood at nag-aaral nang sabay, habang nagpapantasya ng tungkol sa pagkakaroon ng pagkakataong maging isang aktor. Lumilipas pa rin isa-isa ang mga araw nang ganito—pinag-aaralan ni Xiaogang ang propesyon ng pag-arte habang pinanghahawakan ang kanyang posisyon. Sa wakas, salamat sa kanyang pagtitiyaga at kasipagan, natutunan ni Xiaogang ang ilang partikular na pundamental ng pag-arte. Natuto siyang gumaya, natuto siyang magsalita at magtanghal sa harap ng iba, at wala siyang kahit katiting na takot sa entablado. Ang paulit-ulit niyang pakikiusap ang sa wakas ay nagbigay sa kanya ng isang pagkakataon: May isang pelikula na nangangailangan ng isang binata para sa papel ng bida. Mula sa awdisyon, napagtanto ng direktor na ang kanyang hitsura, dating, at ang kanyang mga batayang kasanayan sa pag-arte ay umaabot sa pamantayan. Kung magsasanay pa siya nang kaunti, siguradong magagawa niya ito. Pagkarinig sa balitang ito, labis na nagalak si Xiaogang, at iniisip sa kanyang sarili na: “Sa wakas mula sa likod ng kamera ay makikita na ako sa pinilakang tabing—isa pang pangarap ko ang malapit nang matupad!” Pagkatapos ay inilipat si Xiaogang sa Pangkat ng mga Gumagawa ng Pelikula para gampanan ang kanyang tungkulin.

Pagkatapos lumipat ni Xiaogang sa Pangkat ng mga Gumagawa ng Pelikula, nagdala ng kasariwaan at kasiglahan sa kanya ang bagong kapaligiran sa pagtatrabaho. Pakiramdam niya ay lumilipas nang napakasaya ang bawat araw, at na hindi ito walang sigla, matamlay, at mahigpit tulad nang dati, dahil nakatira at gumagawa siya roon, at marami sa mga bagay na nararanasan niya araw-araw ay lubos na naiiba sa kanyang gawain sa kompyuter—nakatira siya sa ibang lugar ng trabaho, sa ibang mundo. Sa ganitong paraan, itinuon ni Xiaogang ang sarili sa gawain ng pagprodyus ng pelikula. Araw-araw ay abala siya sa pag-arte at pag-aaral ng kanyang mga linya, nakikinig sa tagubilin ng direktor at nakikinig sa pagsusuri ng kanyang mga kapatid sa kuwento. Para kay Xiaogang, ang pinakamahirap na bahagi ay ang pumasok sa isang karakter, kaya’t paulit-ulit niyang sinasaulo ang kanyang mga linya at patuloy na iniisip ang kanyang sariling karakter, kung paano siya dapat magsalita at kumilos, kung paano siya dapat lumakad at tumayo, pati na ang kung paano siya dapat umupo, kailangan niyang muling matutunan ang lahat ng bagay na ito. Matapos ipagpatuloy ang komplikado at sari-saring gawaing ito sa loob nang ilang panahon, sa wakas ay napagtanto ni Xiaogang kung gaano kahirap maging isang aktor. Araw-araw ay kailangan niyang isaulo ang parehong mga linya. Minsan ay perpekto niyang nabibigkas ang mga ito, subalit pagdating sa aktuwal na pagtatanghal, palagi siyang nagkakamali at kinakailangang ulitin ang eksena. Madalas siyang napagagalitan ng direktor dahil ang isa sa kanyang mga kilos o linya ay hindi naaayon sa pamantayan. Kung hindi maganda ang ilan sa sunud-sunod niyang pagtatanghal, isasailalim siya sa pagpupungos, at mapapahiya siya, magtitiis ng pagdurusa, at makakaakit pa ng mga kakaibang tingin at panunukso. Nahaharap sa lahat ng ito, medyo pinanghihinaan ng loob si Xiaogang, “Kung alam ko lang na magiging ganito kahirap ang pagiging aktor sa pinilakang tabing, hindi na sana ako pumunta rito, pero ngayon ay medyo nasa mahirap akong sitwasyon. Nandito na ako, kaya’t hindi makatwiran para sa akin na sumuko bago matapos ang paggawa ng pelikula, at walang paraan para sa akin na maipaliwanag ito. Ito ang aking pangarap, dapat ko itong gawing realidad, subalit gaano kahaba ang daan? Kaya ko bang magpatuloy?” Nagsimulang panghinaan ng loob si Xiaogang. Sa mga sumunod na araw, nahihirapan si Xiaogang na kayanin ang kanyang pang-araw-araw na trabaho at buhay. Ang bawat araw ay mas mahirap tiisin kaysa sa nagdaan, subalit dapat pa rin niya itong tiisin at pilitin ang kanyang sarili na magpatuloy. Tulad ng maiisip ng isang tao, sa pagpapatuloy ay tiyak na magkakaroon ng mga problema si Xiaogang sa iba’t ibang aspekto. Sinimulan niyang gawin ang gawaing itinalaga sa kanya nang may labis na pag-aatubili. Kapag sinasabi sa kanya ng direktor kung ano ang gagawin, nakikinig siya at iyon na iyon. Pagkatapos, pinagsisikapan niyang gawin ang kanyang makakaya, subalit kung hindi niya kayang gawin ang isang bagay, hindi niya sineseryoso ang kanyang sarili. Ano ang katayuan ni Xiaogang sa sandaling ito? Pinalilipas niya ang bawat araw nang may labis na pag-aatubili, napakanegatibo, at napakapasibo, nang hindi talaga tinatanggap sa kanyang puso ang taimtim na paggabay at tulong ng direktor o ng kanyang mga kapatid. Naniniwala siya, “Ganito na lang talaga ako, walang lugar sa pagpapabuti. Pinipilit ninyo ako nang higit sa aking mga kakayahan. Kung kaya nating isapelikula ito, gawin natin ito; kung hindi natin kaya, kalimutan na lang natin ito. Babalik ako sa aking Grupong Taga-edit ng Video para gawin ang aking tungkulin.” Naiisip niya kung gaano kaganda ang magtrabaho sa Grupong Taga-edit ng Video, nakaupo sa harap ng kompyuter araw-araw. Napakakomportable at napakadali nito; napakasaya niya! Ang kanyang buong sarili at ang kanyang buong mundo ay nasa pagtipang lahat ng isang keyboard, makukuha niya ang anumang gustuhin niya sa pagpapagana lang ng isang espesyal na epekto. Labis na kaakit-akit ang virtual na mundong iyon kay Xiaogang. Sa sandaling ito, mas lalong nangungulila si Xiaogang sa kanyang nakaraan at sa oras na ginugol niya sa pagganap ng kanyang tungkulin sa Grupong Taga-edit ng Video. Ganito lumipas ang mga araw, pagkatapos isang gabi, hindi makatulog si Xiaogang. Bakit hindi siya makatulog? Iniisip niya sa sarili niya: “Para ba sa akin ang pagiging isang aktor? Kung hindi ako para rito, dapat bumalik ako sa Grupong Taga-edit ng Video ngayon na. Magaan at madali ang tungkulin sa Grupong Taga-edit ng Video, umuupo lang ako sa harap ng kompyuter at kalahati na ng araw ang lumipas, at hindi ko kailangang magluto ng sarili kong pagkain. Hindi nakapapagod ang tungkuling iyon, lahat ay posible sa pagtipa ng aking keyboard, ang mayroon lang ay ang hindi maiisip, walang imposible. Sa panahon ngayon, bilang isang aktor, kailangan kong matutunan ang aking mga linya araw-araw at bigkasin ang mga ito nang paulit-ulit. Subalit hindi pa rin naaayon sa pamantayan ang aking pagganap, madalas akong pinagagalitan ng direktor, at madalas akong pinupuna ng aking mga kapatid. Masyadong nakapapagod ang paggawa sa tungkuling ito, mas mabuting magtrabaho sa Grupong Taga-edit ng Video!” Habang mas iniisip niya ito, mas nangungulila siya para rito. Nagpapaikot-ikot at nagpapabaling-baling siya ng posisyon sa kalahati ng gabi, hindi makatulog, at nakakatulog lang sa huling kalahati ng gabi kapag masyado na siyang pagod para manatiling gising. Kapag iminumulat ni Xiaogang ang kanyang mga mata kinaumagahan, ang unang iniisip niya ay: “Sa huli, dapat ba akong umalis o hindi? Dapat ba akong bumalik sa Grupong Taga-edit ng Video? Kung mananatili ako rito, hindi ko alam kung maituturing man lang na naaayon sa pamantayan ang pelikula pagkatapos namin itong kuhanan, at sino ang nakakaalam kung gaanong paghihirap ang dapat kong tiisin pansamantala. Hindi lang para sa akin ang pagiging isang aktor! Noon, dala lang ng panandaliang kagustuhan at kapritso na ginusto kong maging aktor, naguluhan talaga ako! Tingnan mo, gumawa ako ng isang maling galaw at ngayon napakahirap nang kontrolin ang mga bagay-bagay, at wala akong makakausap tungkol sa paghihirap na ito. Batay sa kasalukuyan kong sitwasyon, tila hindi magiging madali para sa akin ang maging isang mahusay na aktor, kaya’t dapat na akong sumuko sa lalong madaling panahon. Sasabihin ko kaagad sa direktor na babalik ako, para hindi ako makaantala ng mga bagay-bagay sa kanila.” Pagkatapos, naglakas-loob si Xiaogang na sabihin ito sa direktor: “Tingnan mo, hindi para sa akin ang pagiging isang aktor, subalit kailangan ninyo lang akong piliin—bakit hindi ninyo na lang ako hayaang bumalik sa Grupong Taga-edit ng Video?” Sinabi ng direktor: “Hindi maaari, kalahati na ng pelikulang ito ang nakuhanan natin. Kung magpapalit tayo ng mga aktor, maaabala niyon ang ating trabaho, hindi ba?” Nagpumilit si Xiaogang at nagsabi: “Ano ngayon? Palitan ninyo ako ng sinumang gusto ninyo, wala itong kinalaman sa akin. Ano’t anuman, dapat ninyo akong pakawalan. Kung hindi ninyo ako pakakawalan, hindi ako magsisikap sa pag-arte!” Nakita ng direktor na mapilit si Xiaogang na umalis at na hindi nila matatapos ang paggawa ng pelikula, kaya’t pinayagan niya siyang umalis.

Bumalik sa wakas si Xiaogang sa Grupong Taga-edit ng Video mula sa Grupong Taga-prodyus ng Pelikula. Bumalik siya sa dati niyang pinagtatrabahuhan na alam na alam niya. Hinaplos niya ang kanyang upuan at ang kanyang kompyuter, at pamilyar ang pakiramdam ng mga ito. Mas gusto niya ang lugar na ito. Pumunta siya at umupo; malambot ang upuan at handa na ang kompyuter. “Mas mabuti ang paggawa ng mga video, hindi nakakapagod ang tungkuling ito. May mga kalamangan ang pagtatrabaho sa likod ng kamera, walang nakakaalam kung nagkakamali ka, at walang namimintas sa iyo, itinatama mo lang iyon kaagad-agad at tapos na iyon.” Sa wakas ay natuklasan ni Xiaogang ang mga kalamangan ng pagiging isang manggagawa sa likod ng kamera. Ano ang kanyang damdamin sa sandaling ito? Nakararamdam siya ng labis na kaginhawahan at kasiyahan, at naiisip na: “Tama ang pinili ko. Binigyan ako ng Diyos ng isang pagkakataon at pinayagan akong makabalik sa trabahong ito. Ikinararangal kong magkaroon ng ganitong pribilehiyo!” Natutuwa siyang sa wakas ay tama ang pinili niya. Sa mga sumunod na araw, ginagawa ni Xiaogang ang mga pang-araw-araw na gawain ng Grupong Taga-edit ng Video. Walang espesyal na nangyayari sa panahong ito, at pinalilipas ni Xiaogang ang bawat araw sa ordinaryong paraan.

Isang araw, habang ginagawa ang isang video, biglang natuklasan ni Xiaogang sa isang programa ng sayaw ang isang nakakatawa at sopistikadong binata na napakahusay magtanghal. Iniisip niya: “Kaedad ko lang siya; paanong marunong siyang sumayaw at ako ay hindi?” Dahil dito, muling natukso si Xiaogang. Anong ideya ang naiisip niya? (Pagsasayaw.) Nagkaroon ng ideya si Xiaogang na mag-aral ng pagsasayaw. Paulit-ulit niyang pinapanood ang sipi ng video na ito at ang pagtatanghal ng binata. Pagkatapos ay nagtanong-tanong siya tungkol sa kung saan mag-aaral ng pagsasayaw, paano ito matututunan, at kung ano ang mga pinakapangunahing sayaw. Ginagamit niya rin madalas ang kaginhawahan ng pagiging nasa trabaho para maghanap sa kanyang kompyuter ng mga materyales sa pagtuturo, mga video, at mga sanggunian sa pag-aaral na may kinalaman sa pagsasayaw. Siyempre, habang naghahanap, hindi lang tumitingin si Xiaogang, natututo rin siya sa pamamagitan ng pag-eensayo. Para matutong sumayaw, gumigising si Xiaogang nang napakaaga araw-araw at gabing-gabi nang natutulog. Mula sa kanyang napakalimitadong pundasyon ng gymnastic dance, nagsimula siyang pormal na mag-aral ng katutubong sayaw, gumigising nang maaga araw-araw upang mag-inat at mag-unat patalikod. Sa proseso ng pag-aaral, nagtitiis ng maraming pisikal na sakit, at gumugugol ng maraming oras niya si Xiaogang, sa wakas ay nagkakaroon ng ilang maliit na bunga. Pakiramdam ni Xiaogang ay dumating na sa wakas ang kanyang pagkakataon, na makasasayaw siya sa entablado dahil naniniwala siyang medyo mas malambot na ang kanyang katawan at kaya niyang gumawa ng ilang dance move. Gayundin, sa pamamagitan ng panggagaya at pag-aaral, halos nakabisado na niya ang ilan sa mga ritmo kapag pinatutugtog niya ang musika. Sa mga sitwasyong ito, pakiramdam ni Xiaogang na oras na para mag-aplay sa iglesia para baguhin ang kanyang tungkulin. Muli, pagkatapos ng paulit-ulit na pakikiusap, sa wakas ay natupad na ang kahilingan ni Xiaogang at sumali siya sa Grupo ng Sayaw para maging isang mananayaw. Mula noon, tulad ng iba pang mga mananayaw, gumigising nang maaga si Xiaogang para sa pagsasanay sa umaga at ine-ensayo ang programa ng sayaw, at regular na dumadalo sa mga pagtitipon, nagbabahaginan, at kinikilatis at pinaplano ang programa ng sayaw kasama ang mga taong ito. Ginagawa niya lang ang gawaing ito araw-araw, at kapag natapos na ang araw, sobra ang pagod niya na namamaga ang kanyang likod at nananakit ang kanyang mga binti. Ganito ang bawat araw, umulan o umaraw. Nang nagsimula siya, puno ng pagkamausisa tungkol sa sayaw si Xiaogang, subalit kapag naunawaan na niya at naging pamilyar na siya sa buhay at iba’t ibang aspekto ng isang mananayaw, pakiramdam ni Xiaogang na ito lang ang mayroon sa pagsasayaw. Sa paulit-ulit na pagsasayaw ng isang galaw, minsan ay napipilipit ang bukung-bukong, minsan ay nababatak ang likuran, at may panganib ng pinsala. Habang sumasayaw siya, iniisip niya, “Naku, mahirap ding magtrabaho bilang isang mananayaw. Araw-araw ay masyado kong pinapagod ang aking sarili na nangangamoy-pawis ang aking buong katawan. Hindi iyon ganoon kadali. Mas mahirap pa ito kaysa sa paggawa ng video! Hindi, kailangan kong magtiyaga!” Sa pagkakataong ito ay hindi siya madaling sumusuko, at nagpupursigi siya hanggang sa tuluyan siyang makarating sa huling ensayo para sa programa sa sayaw, na pagkatapos nito, ang kanilang sayaw ay ipinadala para sa pagsusuri. Sa araw ng pagsusuri, ano ang damdamin ni Xiaogang? Sobrang sabik at puno ng pag-aasam para sa mga resulta ng kanyang pagsisikap na hindi man lang siya kumain ng pananghalian. “Nagsikap siya nang husto, hindi ba?” Sa wakas, nang inilabas na ang mga resulta, hindi pumasa ang kanilang sayaw sa unang hanay ng mga pagsusuri. Parang kidlat na tumama kay Xiaogang ang balita, at ang damdamin niya ay bumagsak sa pinakamababang antas. Napaupo siya sa upuan, “Napakahaba ng ginugol namin sa sayaw na ito, at tinatanggihan mo ito sa isang salita lang? May alam ka ba sa pagsasayaw? Sumasayaw kami nang may mga prinsipyo, nagbayad kaming lahat ng halaga, at tinatanggihan mo ang aming sayaw nang ganoon lang?” Pagkatapos ay iniisip niya, “Nasa kamay nila ang desisyon, at kung hindi nila aaprubahan ang aming sayaw, kailangan namin itong muling baguhin. Walang sinumang maaaring pangatwiranan tungkol dito. Wala na tayong iba pang magagawa, kaya magsimula tayo ulit.” Sa araw na tinanggihan ang kanilang sayaw sa unang hanay ng mga pagsusuri, hindi kumain si Xiaogang ng kanyang pananghalian, at pinilit lang niyang kumain nang kaunti sa hapunan. Sa palagay ninyo ba ay nagawa niyang matulog nang gabing iyon? (Hindi siya makatulog.) Hindi na naman siya makatulog, tumatakbo ang kanyang isip, “Bakit hindi ako nagtatagumpay saanman ako pumunta? Hindi ako pinagpala ng Diyos. Ang sayaw na pinagpapaguran namin sa loob ng dalawang buwan ay hindi pumasa sa unang hanay ng mga pagsusuri. Hindi ko alam kung kailan ito papasa sa ikalawang hanay ng mga pagsusuri, at hindi ko alam kung gaano karaming oras ang kakailanganin naming gugulin para mangyari iyon. Kailan ako makakaakyat sa entablado at opisyal na makakapagtanghal? Wala nang pag-asang magiging sentro ako ng atensyon!” Nagpapabalik-balik ang kanyang isip, nagninilay siya nang nagninilay, at nag-iisip, “Mas maganda ang gawain ng pag-eedit ng video. Pupunta lang ako roon at uupo, titipa sa keyboard, at lalabas lahat ang mga bulaklak, halaman, at puno. Humuhuni ang mga ibon kapag pinahuhuni ko sila, tumatakbo ang mga kabayo kapag pinapatakbo ko sila, anuman ang gustuhin ko, naroon ito. Subalit sa pagsasayaw, kailangan naming pumasa sa mga pagsusuri, at araw-araw ay sobra kong pinapagod ang aking sarili na nangangamoy-pawis ako. Minsan sa sobrang pagod ko ay hindi ako makakain o makatulog nang maayos, at pagkatapos ay hindi pumasa sa unang hanay ng mga pagsusuri ang aming sayaw. Mahirap din ang tungkuling ito. Hindi ba’t mas mabuti kung babalik ako sa Grupong Taga-edit ng Video para magtrabaho?” Nag-isip siya nang nag-isip, “Subalit masyado iyong kalunos-lunos, bakit nag-aalinlangan ako ulit? Hindi ako dapat nag-iisip nang ganito, matulog ka na!” Nakatulog siya, na naguguluhan. Kinabukasan ay bumangon siya at halos nakalimutan na ang lahat ng tungkol dito, kaya’t nagpatuloy siya sa pagsasayaw at nagpatuloy sa huli nilang ensayo. Pagdating sa araw ng ikalawang hanay ng mga pagsusuri, kinakabahan na naman si Xiaogang. Nagtatanong siya: “Makapapasa ba ang sayaw natin sa pagsusuring ito?” Sinasabi ng lahat: “Sino ang nakakaalam? Kung hindi ito makapapasa, pinatutunayan nitong hindi pa ganoon kahusay ang ating pagsasayaw, at magpapatuloy tayong gawin ito. Kapag nakapasa ito, iyon ay kung kailan opisyal tayong magtatanghal at bibidyuhan ito. Hayaang mangyari ang lahat ng bagay at harapin nang tama ang usaping ito.” Sinasabi ni Xiaogang na: “Hindi, maaari ninyong harapin ito nang tama, subalit wala akong oras para riyan.” Sa wakas, lumabas ang resulta ng ikalawang hanay, at muling hindi pumasa ang kanilang sayaw. Sinabi ni Xiaogang: “Hay, sabi ko na nga ba! Hindi madaling magtagumpay sa linyang ito ng trabaho! Bata tayo, may kaaya-ayang hitsura, at marunong sumayaw. Hindi ba’t kalakasan ang mga ito? Naiinggit sa atin ang mga tagasuring iyon dahil hindi sila marunong sumayaw, kaya’t hindi nila ipapasa ang ating sayaw. Parang hindi ito kailanman papasa, hindi madali ang pagsasayaw, babalik ako.” Noong gabing iyon ay natulog nang napakapayapa si Xiaogang, dahil napagpasyahan niyang mag-impake, umalis, at magpaalam kinabukasan.

Anuman ang kaso, sa wakas ay muling natupad ang kahilingan ni Xiaogang na bumalik sa Grupong Taga-edit ng Video, nakaupong muli sa harap ng kanyang kompyuter. Pinagninilayan niya ang mga pamilyar na damdamin mula sa nakalipas, at iniisip, “Ipinanganak ako para gumawa ng trabaho sa likod ng kamera. Maaari lang akong maging isang hindi kilalang bayani, wala akong tsansang mapunta sa entablado o maging sikat sa buhay na ito. Magpapakabait na lang ako at patuloy na titipa sa keyboard. Ito ang aking tungkulin, kaya gagawin ko na lang ang trabahong ito.” Pinirmi niya ang kanyang sarili pagkatapos ng lahat ng pabalik-balik na ito. Ang kanyang pangalawang pangarap ay nasira, at hindi natupad. Si Xiaogang ay isang “masigasig at palaaral” na tao, at isang “masigasig at ambisyosong” tao—sa tingin ninyo ba ay malamang na gustung-gusto niyang umupo sa isang kompyuter at gumawa ng gayong nakapapagod na gawain? Hindi, malamang na hindi niya ito gugustuhin.

Kamakailan, nahumaling si Xiaogang sa pagkanta. Paano siya nagbabago nang napakabilis? Bakit siya nahuhumaling dito, bakit hindi siya makaiwas sa entablado? May isang bagay na nakatago sa kanyang puso. Sa pagkakataong ito ay hindi siya padalos-dalos na nakiusap na baguhin ang kanyang tungkulin; naghahanap lang siya ng mga materyales araw-araw at sinasanay ang kanyang kakayahan ng boses at ang kanyang pagkanta. Madalas siyang nagsasanay hanggang mamaos siya, minsan hanggang sa ni hindi niya kayang makalikha ng tunog. Gayumpaman, hindi pa rin pinanghihinaan ng loob si Xiaogang, dahil sa pagkakataong ito ay nagbago na siya ng estratehiya. Sinasabi niya, “Sa pagkakataong ito, hindi ko maaaring baguhin ang aking tungkulin nang hindi nauunawaan ang aktuwal na sitwasyon. Kailangan ko talagang maging maingat, kung hindi, kukutyain ako ng mga tao. Ano ang iisipin nila sa akin kung palagi kong binabago ang aking tungkulin? Bababa ang tingin nila sa akin. Sa pagkakataong ito kailangan kong patuloy na magsanay hanggang sa tingin ko ay kaya ko nang maging isang bituin sa pag-awit, kasinggaling ng mga mang-aawit sa iglesia, pagkatapos ay magpapatala ako para sa Grupo ng Himno.” Nagsisikap siyang magsanay nang ganito araw-araw, kapwa sa kanyang bakanteng oras at sa trabaho, nagsasanay nang walang kapaguran. Isang araw, habang nagtatrabaho si Xiaogang, bigla siyang sinabihan ng lider ng kanyang grupo: “Xiaogang, anong uri ng trabaho ang ginagawa mo? Kung pabasta-basta ka uli tulad nito at hindi magsisikap sa iyong trabaho, hindi ka na papayagang gawin ang tungkuling ito.” Sinabi ni Xiaogang: “Wala akong ginawang anuman.” Pagkatapos, pinalibutan siya ng lahat, nagsasabing “Xiaogang, ano ang nangyari? Ay, nakagawa ka ng isang napakalaking pagkakamali! Napakaraming beses nang iwinasto ng Itaas ang ganitong uri ng pagkakamali, paanong nagawa mo pa rin ito? Ito ay dahil nagsasanay ka sa pagkanta araw-araw at hindi tumututok sa pag-eedit ng video, kaya palagi kang nagkakamali at naaantala ang mahahalagang bagay. Kung magkakamali kang muli nang ganito, papatalsikin ka ng iglesia. Hindi ka na nito gugustuhin, at tatanggihan ka naming lahat!” Patuloy na nagpaliwanag si Xiaogang: “Hindi ko ito sinasadya, mag-iingat na ako mula ngayon, bigyan ninyo ako ng isa pang pagkakataon. Huwag ninyo akong patalsikin, nagmamakaawa ako sa inyo, huwag ninyo akong patalsikin! O Diyos, iligtas Mo ako!” Nang tumawag siya, nakaramdam siya ng isang malaking kamay na tumapik sa kanyang balikat, nagsasabing, “Xiaogang, gumising ka! Gumising ka, Xiaogang!” Ano ang nangyayari? (Nananaginip siya.) Nananaginip siya. Nakapikit ang kanyang mga mata at tulala siya, sumusunggab at kumakamot sa hangin ang kanyang mga kamay. Nagtataka ang lahat kung ano ang nangyari at pagkatapos ay nakita nila si Xiaogang na nakayukong natutulog sa kanyang keyboard. Tinapik siya ng isang kapatid, at pagkatapos ng ilang pagtulak ay nagising na rin sa wakas si Xiaogang. Pagkagising niya, sinabi niya: “Naku, anong katatakutan iyon, papatalsikin na ako.” “Para saan?” Iniisip ito ni Xiaogang at nakikitang walang nangyari. Lumalabas na panaginip lang talaga iyon, nagising siya sa takot ng isang panaginip. Iyon ang katapusan ng kuwento, iyon ang “Mga Pangarap ni Xiaogang.”

Anong problema ang tinatalakay sa kuwentong ito? Ang katunayan na madalas na magkasalungat ang mga pangarap at ang realidad. Kadalasan, iniisip ng mga tao na lehitimo ang kanilang mga pangarap, subalit hindi nila alam na hindi talaga magkatulad ang mga pangarap at ang katotohanan. Ang mga pangarap ay paghihinagap mo lang, pansamantalang interes mo lang. Kadalasan, ito ay ang mga kagustuhan, ambisyon, at pagnanais ng mga tao na naging mga layunin ng kanilang mga paghahangad. Ganap na salungat ang mga pangarap ng mga tao sa realidad. Kung masyadong maraming pangarap ang mga tao, anong mga pagkakamali ang madalas nilang magagawa? Kakaligtaan nila ang gawain sa harap nila na dapat nilang ginagawa sa sandaling iyon. Ipagwawalang-bahala nila ang realidad, at isasantabi ang mga tungkuling dapat nilang gampanan, ang gawaing dapat nilang tapusin, at ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat nilang tuparin sa panahong iyon. Hindi nila seseryosohin ang mga bagay na ito at patuloy lang nilang susundan ang kanilang mga pangarap, palaging nagmamadali at nagsisikap para matupad ang mga ito, at gumagawa ng maraming walang kabuluhang bagay. Sa ganitong paraan, hindi lang sila mabibigong gampanan ang kanilang mga tungkulin nang maayos, maaari din nilang maantala at maabala ang gawain ng iglesia. Maraming tao ang hindi nakauunawa sa katotohanan o naghahangad sa katotohanan. Paano nila tinatrato ang pagganap ng isang tungkulin? Tinatrato nila ito bilang isang uri ng trabaho, isang uri ng libangan, o isang pamumuhunan ng kanilang interes. Hindi nila ito tinatratong isang misyon o isang gawaing ibinigay ng Diyos, o isang responsabilidad na dapat nilang tuparin. Lalong hindi nila hinahangad na maunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, para magampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin at makumpleto ang atas ng Diyos. Samakatwid, sa proseso ng pagganap ng kanilang mga tungkulin, may ilang taong umaayaw sa sandaling magtiis sila ng kaunting hirap at gustong tumakas. Kapag nakatatagpo sila ng ilang paghihirap o dumaranas ng ilang balakid, umaatras sila, at gustong muling tumakas. Hindi nila hinahanap ang katotohanan; iniisip lang nilang tumakas. Tulad ng mga pagong, kung may nangyayaring anumang mali, nagtatago lang sila sa kanilang talukab, pagkatapos ay naghihintay hanggang sa matapos ang problema bago sila muling lumitaw. Maraming tao ang ganito. Sa partikular, may ilang tao na, kapag sinabihang akuin ang responsabilidad para sa ilang partikular na trabaho, ay hindi iniisip kung paano nila maiaalay ang kanilang katapatan, o kung paano gagampanan ang tungkuling ito at gagawin ang gawaing ito nang maayos. Sa halip, iniisip nila kung paano makaiiwas sa responsabilidad, kung paano makaiiwas sa pagpupungos, kung paano makaiiwas na umako ng anumang responsabilidad, at kung paano lilitaw na walang pinsala kapag may mga nangyayaring problema o pagkakamali. Iniisip muna nila ang kanilang sariling ruta sa pagtakas at kung paano matutugunan ang kanilang mga sariling kagustuhan at interes, hindi kung paano gagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin at iaalay ang kanilang katapatan. Makakamit ba ng mga taong tulad nito ang katotohanan? Hindi sila nagsisikap para sa katotohanan, at hindi nila isinasagawa ang katotohanan pagdating sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Para sa kanila, palaging mas luntian ang damo sa kabilang bakod. Ngayon gusto nilang gawin ito, bukas gusto nilang gawin iyon, at iniisip nilang mas mabuti at mas madali ang mga tungkulin ng lahat ng iba pa kaysa sa kanila. Gayumpaman, hindi sila nagsisikap para sa katotohanan. Hindi nila iniisip kung ano ang mga problema sa mga ideya nilang ito, at hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Palaging nakatuon ang isipan nila sa kung kailan matutupad ang sarili nilang mga pangarap, kung sino ang nasa sentro ng atensyon, kung sino ang nakakakuha ng pagkilala mula sa Itaas, kung sino ang nagtatrabaho nang hindi pinupungusan at itinataas ang katungkulan. Puno ng mga ganitong bagay ang kanilang isipan. Matutupad ba ng mga tao na laging nag-iisip tungkol sa mga bagay na ito ang kanilang mga tungkulin nang sapat? Hindi nila ito kailanman maisasakatuparan. Kaya, anong uri ng mga tao ang gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Una, isang bagay ang tiyak: Ang mga taong tulad nito ay hindi naghahangad sa katotohanan. Hinahangad nilang tamasahin ang ilang pagpapala, maging sikat, at maging sentro ng atensyon sa sambahayan ng Diyos, tulad noong nakararaos sila sa lipunan. Pagdating sa diwa, anong uri sila ng mga tao? Sila ay mga hindi mananampalataya. Ginagampanan ng mga hindi mananampalataya ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos tulad nang sa paggawa nila sa labas na mundo. May pakialam sila sa kung sino ang itinataas ng posisyon, sino ang nagiging lider ng pangkat, sino ang nagiging lider ng iglesia, sino ang pinupuri ng lahat para sa kanilang trabaho, sino ang itinaas at binanggit. May pakialam sila sa mga bagay na ito. Katulad lang ito sa isang kumpanya: Sino ang itinataas ng posisyon, sino ang tinataasan ng sahod, sino ang nakatatanggap ng papuri ng lider, at sino ang nagiging pamilyar sa lider—may pakialam ang mga tao sa mga bagay na ito. Kung hinahanap din nila ang mga bagay na ito sa sambahayan ng Diyos, at abala sa mga bagay na ito sa buong araw, hindi ba’t katulad sila ng mga walang pananampalataya? Sa diwa, sila ay mga walang pananampalataya; sila ay mga karaniwang hindi mananampalataya. Anumang tungkulin ang kanilang ginagampanan, magtatrabaho lang sila at kikilos nang pabasta-basta. Anumang sermon ang kanilang naririnig, hindi pa rin nila tinatanggap ang katotohanan, at lalong hindi nila isinasagawa ang katotohanan. Nananampalataya sila sa Diyos sa loob ng maraming taon nang hindi dumaranas ng anumang pagbabago, at kahit ilang taon nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, hindi nila magagawang ialay ang kanilang katapatan. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, wala silang katapatan, sila ay mga hindi mananampalataya.

Natatakot ang ilang tao na umako ng responsabilidad habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung binibigyan sila ng iglesia ng isang trabahong gagawin, iisipin muna nila kung hinihingi ng trabaho na umako sila ng responsabilidad, at kung oo, hindi nila tatanggapin ang trabaho. Ang mga kondisyon nila sa pagganap ng isang tungkulin ay, una, na ito ay dapat na isang maluwag na trabaho; pangalawa, na hindi ito matrabaho o nakapapagod; at pangatlo, na kahit anong gawin nila, wala silang aakuing anumang responsabilidad. Ito lang ang uri ng tungkuling tinatanggap nila. Anong uri ng tao ito? Hindi ba ito isang hindi mapagkakatiwalaang, mapanlinlang na tao? Ayaw nilang pasanin kahit ang pinakamaliit na responsabilidad. Kinatatakutan pa nga nila na mababasag ng mga dahon ang kanilang bungo kapag nahulog ang mga ito mula sa mga puno. Anong tungkulin ang magagampanan ng taong tulad nito? Ano ang pakinabang nila sa sambahayan ng Diyos? Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa gawain ng pakikipaglaban kay Satanas, gayundin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Anong tungkulin ang walang mga kaakibat na responsabilidad? Masasabi ba ninyong may kaakibat na responsabilidad ang pagiging lider? Hindi ba’t mas mabigat ang kanilang mga responsabilidad, at hindi ba’t mas lalo silang dapat na umako ng responsabilidad? Nagpapalaganap ka man ng ebanghelyo, nagpapatotoo, gumagawa ng mga video, at iba pa—anuman ang iyong trabaho—hangga’t nauukol ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, may mga kaakibat itong responsabilidad. Kung walang prinsipyo ang pagganap mo ng iyong tungkulin, makakaapekto ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung natatakot kang umako ng responsabilidad, hindi mo magagampanan ang anumang tungkulin. Duwag ba ang isang taong natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng kanyang tungkulin, o may problema sa kanilang disposisyon? Dapat ay masasabi mo ang pagkakaiba. Ang katunayan ay hindi ito isyu ng karuwagan. Kung kayamanan ang habol ng taong iyon, o gumagawa siya ng isang bagay para sa kanyang sariling interes, paanong siya ay napakatapang? Tatanggapin nila ang anumang panganib. Subalit kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay para sa iglesia, para sa sambahayan ng Diyos, wala silang tinatanggap na anumang panganib. Ang gayong mga tao ay makasarili at ubod ng sama, ang pinakataksil sa lahat. Ang sinumang hindi umaako ng responsabilidad sa pagganap ng isang tungkulin ay walang ni katiting na pagiging totoo sa Diyos, lalong wala siyang katapatan. Anong uri ng tao ang nangangahas na umako ng responsabilidad? Anong uri ng tao ang may tapang na magbuhat ng mabigat na pasanin? Ang sinumang nangunguna at buong tapang na humaharap sa pinakamahalagang sandali sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na hindi natatakot na magpasan ng isang mabigat na responsabilidad at magtiis ng matinding paghihirap kapag nakita nila ang gawain na pinakaimportante at pinakamahalaga. Iyon ay isang taong tapat sa Diyos, isang mabuting sundalo ni Cristo. Ito ba ay ang kaso kung saan ang lahat ng natatakot na umako ng responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ginagawa iyon dahil hindi sila nakauunawa sa katotohanan? Hindi; isa itong problema sa kanilang pagkatao. Wala silang pagpapahalaga sa katarungan o responsabilidad, sila ay mga taong makasarili at ubod ng sama, hindi tunay na mananampalataya ng Diyos, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Dahil dito, hindi sila maliligtas. Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat magbayad ng malaking halaga para makamit ang katotohanan, at makahaharap sila ng maraming balakid sa pagsasagawa nito. Dapat nilang talikuran ang mga bagay-bagay, abandonahin ang kanilang mga makalamang interes, at tiisin ang ilang pagdurusa. Saka lang nila maisasagawa ang katotohanan. Kaya, maisasagawa ba ang katotohanan ng isang taong natatakot na umako sa responsabilidad? Tiyak na hindi niya maisasagawa ang katotohanan, lalong hindi ang makamit ito. Natatakot siyang magsagawa ng katotohanan, na makaranas ng kalugihan sa kanyang mga interes; natatakot siyang mapahiya, sa panghahamak, at sa panghuhusga, at hindi siya nangangahas na magsagawa ng katotohanan. Dahil dito, hindi niya ito makakamit, at gaano karaming taon man siyang nananampalataya sa Diyos, hindi nila makakamit ang Kanyang kaligtasan. Ang mga kayang gumanap ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos ay dapat na mga taong ang pasanin ay ang gawain ng iglesia, na umaako ng responsabilidad, na pinaninindigan ang mga katotohanang prinsipyo, at kayang magdusa at magbayad ng halaga. Kung ang isang tao ay nagkukulang sa mga larangang ito, hindi siya karapat-dapat na gumanap ng isang tungkulin, at hindi niya tinataglay ang mga kondisyon para sa pagganap ng tungkulin. Maraming tao ang natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng isang tungkulin. Naipamamalas ang kanilang takot sa tatlong pangunahing paraan. Ang una ay na pinipili nila ang mga tungkulin na hindi nangangailangang umako ng responsabilidad. Kung isinaayos ng isang lider ng iglesia na gumanap sila ng isang tungkulin, itatanong muna nila kung kailangan ba nilang akuin ang responsabilidad para dito: kung oo, hindi nila ito tinatanggap. Kung hindi nito hinihingi sa kanilang akuin ang responsabilidad at managot para dito, tinatanggap nila ito nang may pag-aatubili, subalit kailangan pa ring makita kung nakakapagod o nakakaabala ang trabaho, at sa kabila ng may pag-aatubili nilang pagtanggap sa tungkulin, wala silang motibasyong gampanan ito nang maayos, pinipili pa ring maging pabasta-basta. Ang paglilibang, kawalang trabaho, at kawalang paghihirap sa katawan—ito ang kanilang prinsipyo. Ang pangalawa ay na kapag nakararanas sila ng paghihirap o nakatatagpo ng isang problema, ang una nilang tugon ay ang iulat ito sa isang lider at hayaan ang lider na asikasuhin at lutasin ito, sa pag-asang mapananatili nila ang kanilang kaluwagan. Wala silang pakialam kung paano inaasikaso ng lider ang isyu at hindi nila ito iniisip—hangga’t hindi sila mismo ang umaako ng responsabilidad, lahat ay mabuti para sa kanila. Ang gayong pagganap ba ng tungkulin ay tapat sa Diyos? Tinatawag itong pagpapasa ng responsabilidad, pagpapabaya sa tungkulin, panlilinlang. Salita lang itong lahat; wala silang ginagawang anumang tunay. Sinasabi nila sa kanilang sarili, “Kung ang bagay na ito ay sa akin para ayusin, paano kung magkamali ako? Kapag tinitingnan nila kung sino ang dapat sisihin, hindi ba nila ako haharapin? Hindi ba’t ang responsabilidad para dito ay unang babagsak sa akin?” Ito ang inaalala nila. Subalit naniniwala ka bang sinisiyasat ng Diyos ang lahat? Ang lahat ay nagkakamali. Kung ang isang taong may tamang layunin ay kulang sa karanasan at hindi pa nakapag-asikaso ng ganitong uri ng usapin noon, pero ginawa niya ang kanyang makakaya, nakikita iyon ng Diyos. Dapat kang maniwala na kinikilatis ng Diyos ang lahat ng bagay at ang puso ng tao. Kung hindi man lang ito pinaniniwalaan ng isang tao, hindi ba’t isa siyang hindi mananampalataya? Anong kabuluhan ang mayroon sa pagganap ng gayong tao ng isang tungkulin? Hindi naman talaga mahalaga kung ginagampanan nila o hindi ang tungkuling ito, hindi ba? Natatakot silang umako ng responsabilidad at umiiwas sila sa responsabilidad. Kapag may nangyayari, ang una nilang ginagawa ay hindi ang mag-isip ng paraan para asikasuhin ang problema, sa halip ang unang ginagawa nila ay tumawag at abisuhan ang lider. Siyempre, may ilang taong sinusubukang asikasuhin ang problema sa sarili nila habang inaabisuhan nila ang lider, subalit hindi ito ginagawa ng ibang tao, at ang unang ginagawa nila ay ang tawagin ang lider, at pagkatapos ng tawag, pasibo lang silang naghihintay, naghihintay ng mga tagubilin. Kapag inutusan sila ng lider na gumawa ng isang hakbang, gumagawa sila ng isang hakbang; kung sinabi ng lider na gumawa ng isang bagay, ginagawa nila ito. Kung walang sinasabi o hindi nagbibigay ng tagubilin ang lider, wala silang ginagawa at nagpapaliban lang. Kung walang sinumang nag-uudyok sa kanila o nangangasiwa sa kanila, wala silang ginagawang anumang gawain. Sabihin mo sa Akin, ang gayong tao ba ay gumagawa ng isang tungkulin? Kahit pa nagtatrabaho sila, wala silang katapatan! May isa pang paraan kung paano naipamamalas ng isang tao ang takot na umako sa responsabilidad sa pagganap ng isang tungkulin. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, may ilang taong gumagawa lang ng kaunting mababaw, simpleng gawain, gawaing hindi nangangailangan ng pag-ako sa responsabilidad. Ibinabato nila sa iba ang trabahong may mga kaakibat na paghihirap at pag-ako ng responsabilidad, at kung sakaling may mangyayaring mali, isinisisi nila ito sa mga taong iyon at lumalayo sila sa gulo. Kapag nakikita ng mga lider ng iglesia na iresponsable sila, matiyaga ang mga itong nag-aalok ng tulong, o pinupungusan sila, para magawa nilang umako ng responsabilidad. Subalit ayaw pa rin nila, at iniisip nila, “Mahirap gawin ang tungkuling ito. Kailangan kong managot kapag nagkamali, at maaari pa nga akong mapaalis at matiwalag, at iyon na ang magiging katapusan ko.” Anong klaseng saloobin ito? Kung wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad sa pagganap ng kanilang tungkulin, paano nila magagampanan ang tungkulin nila nang maayos? Ang mga hindi tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos ay hindi makakayang gampanan nang mabuti ang anumang tungkulin, at iyong mga natatakot na umako ng responsabilidad ay mag-aantala lang sa mga bagay-bagay kapag ginampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Ang gayong mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan o maaasahan; ginagampanan lang nila ang kanilang tungkulin para may makain. Dapat bang itiwalag ang mga “pulubi” na tulad nito? Dapat. Hindi gusto ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Ito ang tatlong pagpapamalas ng mga taong natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng kanilang tungkulin. Ang mga taong natatakot na umako ng responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ni hindi makakayang abutin man lang ang antas ng isang tapat na trabahador, at hindi karapat-dapat na gumanap ng isang tungkulin. Itinitiwalag ang ilang tao dahil sa ganitong uri ng saloobin sa kanilang tungkulin. Kahit ngayon, maaaring hindi nila alam ang dahilan at nagrereklamo pa rin sila, nagsasabing, “Ginawa ko ang aking tungkulin nang buong sigasig, kaya’t bakit walang awa nila akong pinalayas?” Kahit ngayon, hindi nila nauunawaan. Ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay gumugugol ng kanilang buong buhay nang hindi nauunawaan kung bakit sila itiniwalag. Nagdadahilan sila para sa kanilang sarili, at patuloy na ipinagtatanggol ang kanilang sarili, iniisip, “Likas para sa mga tao na protektahan ang kanilang sarili, at dapat nila itong gawin. Sino ba ang hindi dapat nag-iingat sa kanilang sarili nang kaunti? Sino ba ang hindi dapat na nag-iisip para sa kanilang sarili nang kaunti? Sino ang hindi nangangailangan na magpanatiling bukas ng isang ruta ng pagtakas para sa kanilang sarili?” Kung pinoprotektahan mo ang iyong sarili sa tuwing may mangyayari sa iyo at nag-iiwan ka para sa iyong sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang madayang pamamaraan, isinasagawa mo ba ang katotohanan? Hindi ito pagsasagawa ng katotohanan—pagiging mapanlinlang ito. Gumaganap ka ngayon ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Ano ang unang prinsipyo sa pagtupad ng isang tungkulin? Ito ay na kailangan mo munang gampanan ang tungkuling iyon nang buong puso, lubos na pagsikapan, at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ay isang katotohanang prinsipyo, isa na dapat mong isagawa. Ang pagprotekta sa sarili sa pamamagitan ng pag-iiwan para sa sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang madayang pamamaraan, ay ang prinsipyo ng pagsasagawa na sinusunod ng mga walang pananampalataya, at ang pinakamataas nilang pilosopiya. Ang pagsasaalang-alang sa sarili muna sa lahat ng bagay at ang paglalagay sa sariling interes bago ang lahat, hindi iniisip ang iba, hindi nagkakaroon ng kaugnayan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at mga interes ng iba, iniisip muna ang mga sariling interes at pagkatapos ay nag-iisip ng isang ruta sa pagtakas—hindi ba’t iyon ay kung ano ang isang walang pananampalataya? Ito eksakto ang isang walang pananampalataya. Ang ganitong uri ng tao ay hindi karapat-dapat na gumanap ng isang tungkulin. May ilang tao pa ring tulad ni Xiaogang na mula sa kuwento—isa siyang tipikal na halimbawa. Wala silang nagagawang anuman sa praktikal na pamamaraan. Gusto nilang makaiwas sa gulo sa lahat ng kanilang ginagawa. Ayaw nilang makaranas ng kahit kaunting paghihirap o pagkabigo. Kailangang maginhawa ang kanilang laman, dapat na nakakakain at nakatutulog sila sa mga regular na oras, at hindi sila dapat nahahanginan o nabibilad sa araw. Bukod pa rito, hindi sila umaako ng anumang responsabilidad sa kanilang trabaho. Ang ginagawa nila ay dapat isang bagay na gusto nila, isang bagay kung saan sila mahusay, isang bagay na bukal sa loob nilang gawin. Kung hindi nila ginagawa ang gusto nila, wala silang kahit katiting na pagsunod. Palagi silang pabago-bago ng plano at nagdadalawang-isip. Hindi sila kailanman nakatuon sa kanilang ginagawa—palagi silang may isang paa sa loob at isang paa sa labas. Kapag nagdurusa sila, gusto nilang umatras. Hindi nila matiis ang mapungusan. Hindi sila maaasahan sa matataas na hinihingi. Hindi nila kayang magdusa. Ang kanilang ginagawa ay ganap na nakasalalay sa kanilang sariling interes at sa kanilang sariling plano—wala sa kanilang kahit katiting na pagsunod. Kung hindi kayang hanapin ng ganitong uri ng tao ang katotohanan at pagnilayan ang kanyang sarili, mahirap baguhin ang mga pagsasagawa at tiwaling disposisyong ito. Ang pagganap ng isang tungkulin bilang isang mananampalataya ng Diyos ay nangangailangan ng kahit man lang kaunting katapatan. Sa tingin mo ba ay tapat ang mga taong ito? Kapag kinakailangan ng seryosong pagsisikap, naduduwag sila. Wala silang ni katiting na sinseridad. Malaking abala at mahirap itong harapin. Pakiramdam nila ay napakahusay nila, at pakiramdam nila ay nagawan sila ng pagkakamali kahit nang tinanggal o pinungusan sila. Malaking abala kung hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan o pumapasok sa katotohanang realidad. Sapat na iyon para sa paksang ito—pumunta tayo sa pangunahing punto.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.