Ikalabindalawang Aytem: Gusto Nilang Umatras Kapag Wala Silang Katayuan o Pag-asang Magkamit ng mga Pagpapala (Ikatlong Seksiyon)

III. Pagharap ng mga Anticristo sa Pagtatanggal sa Kanila

Katatapos lang nating magbahaginan sa dalawa sa mga pagpapamalas ng mga anticristo, ang isa ay kapag nahaharap sila sa pagpupungos, at ang isa naman ay kapag may mga pagbabagong ginagawa sa kanilang tungkulin. Ang naging pokus ng ating pagbabahaginan ay tungkol sa kung anong saloobin ang mayroon ang mga anticristo kapag nangyayari sa kanila ang gayong mga bagay, at kung ano ang mga nagiging desisyon nila. Siyempre, kahit ano pa ang perspektiba at saloobin ng isang anticristo kapag pinupungusan siya o kapag binabago ang kanyang mga tungkulin, palagi niyang iniuugnay ang mga bagay na ito kung makakatanggap ba siya ng mga pagpapala o hindi. Kung sigurado siyang hindi siya pagpapalain, na wala talaga siyang pag-asa, kusa na siyang aatras. Sa isang karaniwang tao, sa isang taong walang anumang ambisyon o pagnanais, hindi naman talaga isang malaking isyu para sa kanya ang pagpupungos o ang pagbabago ng kanyang tungkulin. Wala sa mga ito ang magkakaroon ng malaking epekto sa kanya. Hindi naman siya inalisan ng karapatang gumawa ng tungkulin, ni hindi inalis ang pag-asa niyang maligtas, kaya para sa isang karaniwang tao, hindi na kailangang magkaroon ng labis na reaksiyon, matakot o masaktan, o magsimulang gumawa ng mga alternatibong plano. Gayumpaman, hindi ganito ang lagay para sa isang anticristo. Tinitingnan niyang isang napakaseryosong bagay ang mga ito, dahil iniuugnay niya ang mga ito sa pagiging pinagpala, at nagiging dahilan ito para magkaroon ng iba’t ibang mapaghimagsik na kaisipan at pag-uugali sa kanya, na dahilan naman para magkaroon ng mga ideya at planong pag-atras, at iwan ang Diyos. Maaari pa ngang magkaroon ang mga anticristo ng ideyang umatras kapag nangyayari sa kanila ang mga ganitong bagay, na labis na pangkaraniwan. Kaya, para sa isang taong may katayuan at responsable sa mahalagang gawain sa sambahayan ng Diyos, anong uri ng saloobin kaya ang mayroon siya kapag tatanggalin siya? Paano kaya niya ito haharapin, at ano kayang desisyon ang gagawin niya? Lalo pa ngang magsisilbing halimbawa ang gayong mga bagay. Para sa isang anticristo, katayuan, kapangyarihan, at katanyagan ang pinakamahahalagang uri ng mga interes, at ang mga bagay na itinutumbas niya sa sarili niyang buhay. Ito ang dahilan kung bakit, kapag tinanggal ang isang anticristo, kapag nawala na ang titulo niyang “lider” at wala na siyang katayuan, na nangangahulugang wala na siyang kapangyarihan at katanyagan, na hindi na siya makakatanggap ng espesyal na pagtrato ng paggalang, pagsuporta, at pagtingala, bilang isang anticristo na tinitingnan ang katayuan at kapangyarihan bilang buhay mismo, lubos itong hindi katanggap-tanggap sa kanya. Kapag natanggal ang isang anticristo, ang unang reaksiyon niya ay para siyang tinamaan ng kidlat, na para bang binagsakan siya ng langit, at gumuho ang kanyang mundo. Ang bagay na napaglagakan niya ng kanyang pag-asa ay wala na, gayundin ang pagkakataon niyang makapamuhay na mayroon ng lahat ng pakinabang ng katayuan, kasama na ang pagnanais na mag-amok at gumawa ng masasamang bagay. Ito ang pinaka hindi katanggap-tanggap para sa kanya. Ang unang nasa isip niya ay, “Ngayong wala na akong katayuan, ano na ang magiging tingin sa akin ng mga tao? Ano na ang iisipin ng mga kababayan kong kapatid tungkol sa akin? Ano na ang magiging tingin sa akin ng lahat ng nakakakilala sa akin? Magsisipsip pa rin ba sila sa akin para makakuha ng pabor? Magiging napakagiliw ba nila sa akin? Patuloy pa ba nila akong susuportahan sa lahat ng pagkakataon? Susunod pa rin ba sila sa akin kahit saan? Aasikasuhin pa rin ba nila ang lahat ng bagay na kailangan ko sa buhay ko? Kapag nakikipag-usap ako sa kanila, magiging magalang pa rin ba sila sa akin at sasalubungin ako nang may ngiti? Paano ako makakaraos sa buhay nang wala ang katayuan ko? Paano ko tatahakin ang susunod na landas? Paano ako makakatayo para sa sarili ko sa gitna ng ibang tao? Ngayong nawala na ang katayuan ko, hindi ba’t ibig sabihin nito ay nabawasan na rin ang pag-asang pagpalain ako? Makakatanggap ba ako ng mga dakilang pagpapala? Makakakuha ba ako ng anumang malaking gantimpala, o isang malaking korona?” Kapag naiisip niyang nawasak na ang pag-asa niyang pagpalain o na nabawasan na ito nang husto, para bang sasabog na ang ulo niya, para bang pinupukpok ng martilyo ang kanyang puso, at kasingsakit ito ng mahiwa ng kutsilyo. Kapag mawawala na ang kanyang pagpapalang makapasok sa kaharian ng langit na araw-gabi niyang pinakaasam-asam, para itong isang napakasamang balita sa kanya na bigla na lang lumitaw mula sa kung saan. Sa isang anticristo, ang hindi pagkakaroon ng anumang katayuan ay katumbas lang ng hindi pagkakaroon ng anumang pag-asang pagpalain, at siya ay nagiging parang isang naglalakad na bangkay, nagiging parang isang walang-lamang kabibe ang katawan niya, walang kaluluwa, at walang kahit ano na gagabay sa buhay niya. Wala siyang pag-asa at wala siyang anumang aasahan sa buhay. Kapag nahaharap sa paglalantad at pagtatanggal ang isang anticristo, ang unang bagay na nangyayari sa kanya ay ang mawalan ng anumang pag-asang pagpalain. Kaya, susuko na lang ba siya sa puntong ito? Papayag kaya siyang magpasakop? Gagamitin kaya niya ang pagkakataong ito para talikuran ang pagnanais niyang magtamo ng mga pagpapala, bitiwan ang katayuan, pumayag na maging isang karaniwang tagasunod, at buong galak na magtrabaho para sa Diyos at gumawa ng kanyang tungkulin nang maayos? (Hindi.) Ito kaya ang magiging daan para magbago siya? Magiging daan kaya ito para mapabuti siya at maging positibo, o makapagpapasama at makapagpapanegatibo ito sa kanya? Batay sa kalikasang diwa ng isang anticristo, maliwanag na ang pagkakatanggal ay hindi talaga simula ng pagbitiw niya sa pagnanais niyang magtamo ng mga pagpapala, o ang simula ng pagmamahal at paghahanap niya sa katotohanan. Sa halip, lalo pa siyang magsisikap na lumaban para sa pagkakataon at sa pag-asang pagpalain; kakapit siya sa anumang pagkakataong makapagbibigay sa kanya ng mga pagpapala, na makakatulong sa kanya para paghandaan ang kanyang pagbabalik, at makakapanumbalik sa kanyang katayuan. Kaya, kapag nahaharap sa pagkatanggal, bukod sa masama ang loob niya, dismayado, at mapanlaban, makikipagbaka rin nang husto ang isang anticristo para hindi siya tanggalin, at sisikapin niyang baligtarin ang sitwasyon, at baguhin ito. Magpupunyagi siya nang husto para mapanatili ang kanyang pag-asang pagpalain, at para panatilihin ang kanyang katayuan, katanyagan, at kapangyarihan sa ganoon ding kalagayan. Paano siya nagpupunyagi? Sa pamamagitan ng pagtatanggol sa sarili niya, sa pamamagitan ng pangangatwiran, pagdadahilan, at pagsasabi tungkol sa kung paano niya ginawa ang mga bagay na ginawa niya, kung ano ang dahilan kung bakit siya nagkamali, kung paanong nagpupuyat siya buong magdamag para tulungan ang iba at makipagbahaginan sa kanila, at kung ano ang naging dahilan at nakapagpabaya siya sa bagay na ito. Lilinawin at ipapaliwanag niya nang husto ang bawat bahagi tungkol sa bagay na ito, nang sa gayon ay maisalba niya ang sitwasyon at matakasan ang kamalasan na matanggal.

Sa anong mga konteksto at bagay pinakamalamang na maibulgar at maibunyag ng mga anticristo ang satanikong kalikasan nila? Ito ay kapag inilalantad at tinatanggal sila, sa madaling sabi, kapag nawalan na sila ng katayuan. Ang pangunahing pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo ay na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para mapawalang-sala ang kanilang sarili at makapanlansi. Kahit gaano mo pa ibahagi ang katotohanan sa kanila, lumalaban sila, at ayaw nilang tanggapin ang mga sinasabi mo. Kapag nahaharap sila sa paglalantad ng hinirang na mga tao ng Diyos ng lahat ng katunayan ng kanilang kasamaan, hinding-hindi nila inaamin ang mga bagay na ito, sa takot na kung aamin sila mapapatunayang nagkasala sila, at mapapaalis at mapapatalsik sila. Habang tumatanggi silang aminin ang mga paratang laban sa kanila, ipinapasa pa nila ang mga pagkakamali at responsabilidad nila sa ibang tao. Sapat nang ipinapakita ng katunayang ito na hindi kailanman tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, hindi nila kinikilala ang kanilang mga pagkakamali, o tunay na nakikilala ang kanilang sarili, at pinatutunayan lalo nito na mapagmataas at mapagmagaling ang kanilang kalikasan, na tutol ito sa katotohanan, namumuhi sa katotohanan, at hindi talaga nito tinatanggap ang katotohanan sa anupamang paraan, at kaya naman imposible na silang maligtas. Ang mga may kakaunting pagkatao at kaunting katwiran ay maaamin at matatanggap ang sarili nilang mga pagkakamali, iyuyuko ang kanilang ulo kapag nakompronta ng mga katunayan, at makakaramdam ng pagsisisi dahil sa masasamang bagay na nagawa nila; pero, hindi kayang gawin ng mga anticristo ang mga bagay na ito. Ipinapakita nito na walang taglay na kahit anong konsensiya o katwiran ang mga anticristo, at wala talaga silang pagkatao. Sa puso nila, itinutumbas lagi ng mga anticristo ang taas o baba ng katayuan nila sa kung gaano kalaki o kaliit ang magiging mga pagpapala nila. Sa sambahayan ng Diyos man ito o sa anupamang grupo, nakatakda na ang katayuan at klase ng mga tao para sa kanila, gayundin ang kanilang mga kahihinatnan; kung gaano kataas ang katayuan ng isang tao at kung gaanong kapangyarihan ang hawak ng taong ito sa loob ng sambahayan ng Diyos sa buhay na ito, katumbas ito ng dami ng mga pagpapala, gantimpala, at korona na matatanggap ng taong ito sa mundong darating—magkakaugnay ang mga bagay na ito. May katotohanan ba ang pananaw na iyon? Hindi ito kailanman sinabi ng Diyos, ni hindi Niya kailanman ipinangako ang anumang gaya niyon, pero ito ang uri ng pag-iisip na umuusbong sa kaibuturan ng isang anticristo. Sa ngayon, hindi na muna natin tatalakayin ang mga dahilan kung bakit may ganoong mga kaisipan ang mga anticristo. Pero pagdating sa kalikasang diwa nila, ipinanganak na silang mahilig sa katayuan, at umaasa rin silang magkakaroon sila ng marangal na katayuan at mataas na karangalan sa buhay na ito, na makahawak sila ng kapangyarihan, at gusto nilang patuloy na tamasahin ang lahat ng ito sa buhay na darating. Kaya, paano nila makakamit ang lahat ng ito? Sa isip ng mga anticristo, makakamit nila ito sa pamamagitan ng paggawa ng ilang bagay na kaya nilang gawin at ng mga bagay na gusto at hilig nilang gawin habang may katayuan, kapangyarihan, at katanyagan sila sa buhay na ito, at pagkatapos, ipapapalit nila ang mga bagay na ito para sa mga pagpapala, korona, at gantimpala sa hinaharap. Ito ang pilosopiya ng mga anticristo para sa mga makamundong pakikitungo, at ganito ang paraan nila ng pananampalataya sa Diyos at ito ang perspektibang pinanghahawakan nila sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ganap na walang kinalaman sa mga salita at pangako ng Diyos ang kanilang mga kaisipan, pananaw, at ang paraan kung paano sila nananampalataya sa Diyos—wala talagang kaugnayan ang mga ito sa isa’t isa. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t medyo may sira sa ulo ang mga anticristong ito? Hindi ba’t sobrang buktot nila? Binabalewala at ayaw nilang tanggapin ang anumang sinasabi ng mga salita ng Diyos, inaakala nilang tama ang paraan kung paano sila mag-isip at ang paraan kung paano sila manampalataya sa Diyos, at ikinatutuwa nila ito, nasisiyahan at hinahangaan ang sarili nila. Hindi nila hinahanap ang katotohanan, ni hindi nila sinisiyasat kung isinasaad ba ng mga salita ng Diyos ang mga gayong bagay o kung ipinapangako ba ng Diyos ang mga gayon. Ipinagpapalagay ng mga anticristo na likas silang mas matalino kaysa sa ibang tao, likas na marunong, talentado, at may napaka-espesyal na kaloob; pakiramdam nila ay sila dapat ang namumukod-tanging tao sa kalipunan ng ibang tao, na sila dapat ang boss, na dapat silang tingalain ng iba, na dapat silang magkaroon ng kapangyarihan, na dapat silang maghari sa iba, na para bang sila dapat ang mamahala sa lahat ng mananampalataya sa Diyos, at sila dapat ang manguna sa lahat ng tao. Ang lahat ng bagay na ito ang gusto nilang makamit sa buhay na ito. Gusto rin nilang makamit ang mga pagpapalang hindi kayang kamtin ng ibang tao sa mundong darating, at itinuturing nila itong isang natural na bagay. Ang magkaroon ang mga anticristo ng gayong mga kaisipan at pananaw, hindi ba’t nagmumukha silang napakawalang-kahihiyan dahil dito? Hindi ba’t may pagkabingi sila sa katwiran? Sa anong dahilan at ganito ka mag-isip? Sa anong dahilan at gusto mong makuha ang mataas na pagpapahalaga ng iba? Sa anong dahilan at gusto mong pamahalaan ang iba? Sa anong dahilan at gusto mong magkaroon ng kapangyarihan at malagay sa isang mataas na posisyon sa gitna ng mga tao? Itinakda na ba ng Diyos noong una pa lang ang mga bagay na ito, o taglay mo ba ang katotohanan at ang pagkatao? Kalipikado ka bang igiit ang iyong katayuan at pamunuan ang iba dahil lang sa may kaunti kang pinag-aralan at kaalaman, at dahil medyo matangkad ka at may hitsura ka? Kalipikado ka na bang magbigay ng mga utos dahil doon? Kalipikado ka na bang kontrolin ang ibang tao dahil doon? Saan naroroon sa mga salita ng Diyos na sinasabi Niyang, “Kaakit-akit ka, nagtataglay ka ng mga kalakasan at kaloob, kaya naman dapat mong pamunuan ang ibang tao at dapat kang magkaroon ng permanenteng katayuan”? Ibinigay ba sa iyo ng Diyos ang kapangyarihang ito? Itinadhana ba ito ng Diyos? Hindi. Kapag pinipili ka ng mga kapatid na maging lider o manggagawa, binibigyan ka ba nila ng katayuan? Isa ba itong pagpapala na nararapat sa iyo sa buhay na ito? Binibigyang pakahulugan ng ilang tao na ang pagtatamasa sa mga bagay na ito ay katumbas ng pagtanggap ng makaisandaang higit sa buhay na ito, at iniisip nila na hangga’t may katayuan at kapangyarihan sila, at kaya nilang mag-utos at mamahala ng maraming tao, dapat silang mapaligiran ng grupo ng mga tagasunod, at dapat lagi silang may mga taong magsisilbi at lumiligid sa kanila saan man sila magpunta. Sa anong dahilan at gusto mong magtamasa ng mga bagay na ito? Pinipili ka ng mga kapatid para maging isang lider nang sa gayon ay magawa mo ang tungkuling ito; hindi ito para mailihis mo ang mga tao, bigyan ka ng mataas na pagpapahalaga at tingalain ng mga kapatid, at lalong hindi para makahawak ka ng kapangyarihan at matamasa mo ang mga pakinabang ng katayuan, sa halip, ito ay para magawa mo ang tungkulin mo alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain at sa mga katotohanang prinsipyo. Higit pa rito, hindi itinadhana ng Diyos na ang isang taong pinili ng mga kapatid para maging lider ay hindi puwedeng tanggalin. Sa tingin mo ba ay isa kang tao na kinakasangkapan ng Banal na Espiritu? Sa tingin mo ba ay walang puwedeng magtanggal sa iyo? Kaya anong mali sa pagtatanggal sa iyo? Kung hindi ka napatalsik, ito ay dahil kinaawaan ka at binibigyan ka pa ng pagkakataong magsisi, pero hindi ka pa rin nakuntento. Ano ba ang ikinakatwiran mo? Kung gusto mong umatras at hindi na manampalataya sa Diyos dahil wala ka nang pag-asang pagpalain, sige umatras ka! Sa tingin mo ba ay hindi makakapagpatuloy ang sambahayan ng Diyos nang wala ka? Na titigil sa pag-ikot ang mundo kung wala ka? Na hindi maisasakatuparan ang gawain ng sambahayan ng Diyos kung wala ka? Mali ang iniisip mo! Hindi titigil ang ikot ng mundo, o ang pagsikat ng araw dahil sa pagkawala ng sinumang tao—tanging ang Diyos ang hindi puwedeng mawala, hindi ang sinumang tao—patuloy na tatakbo ang gawain ng iglesia gaya nang dati. Kung iniisip ng sinuman na hindi makapagpapatuloy ang iglesia kung wala siya, at na hindi kakayanin ng sambahayan ng Diyos kung wala siya, hindi ba’t isa siyang anticristo? Nasanay ka nang tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, hindi ba? Nasanay ka nang nasisiyahan na tinitingala ka, iginagalang nang husto, at masyadong pinupuri ng iba, hindi ba? Paano ka naging kalipikado na tingalain ng iba? Paano ka naging kalipikado na batiin ng iba nang may ngiti? Gusto mo rin bang yumukod ang mga tao at sambahin ka? Kung ganoon, hindi ba’t nangangahulugan iyon na wala ka na talagang kahihiyan? Kapag tinatanggal ang ilang tao sa kanilang tungkulin, lalong sumasama ang loob nila at mas nagdurusa pa kaysa sa isang namatayan ng kapamilya. Inuungkat nila ang lahat at nakikipagtalo sila sa sambahayan ng Diyos, na para bang wala nang ibang maaaring manguna sa iglesia, na para bang sila lang ang sumusuporta sa gawain ng iglesia hanggang sa kasalukuyan—isa itong malaking pagkakamali. Ang hindi pagtalikod sa Diyos ng hinirang na mga tao ng Diyos ay isang epektong nakamit ng mga salita ng Diyos, at dumadalo sila sa mga pagtitipon at isinasabuhay nila ang buhay-iglesia dahil nananampalataya sila sa Diyos at mayroon silang tunay na pananalig sa Diyos. Hindi ito ang kaso na naninindigan at karaniwang dumadalo sa mga pagtitipon ang hinirang na mga tao ng Diyos dahil nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan at dinidiligan ang mga ito nang maayos. Napapalitan ang mga lider sa iglesia nang paulit-ulit, maraming huwad na lider at huwad na manggagawa ang tinatanggal, at dumadalo ang hinirang na mga tao ng Diyos sa mga pagtitipon at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos gaya nang dati—wala itong kinalaman sa mga huwad na lider at huwad na manggagawa sa anupamang paraan. Ano ang saysay sa mga pakikipag-argumentong iyon? Hindi ba’t gumagawa ka lang ng mga argumentong kakatwa at magulo? Kung tunay na tinataglay mo ang katotohanang realidad at nalutas mo na ang marami sa mga isyu ng hinirang na mga tao ng Diyos sa buhay pagpasok, malalaman ito ng hinirang na mga tao ng Diyos sa kanilang puso; kung hindi mo naman tinataglay ang katotohanang realidad at hindi mo kayang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problema, kung magkagayon, walang kinalaman sa iyo ang normal na pag-unlad ng gawain ng iglesia. Napakaraming huwad na lider at huwad na manggagawa ang patuloy na nagdadahilan matapos silang matanggal, na para bang napakarami nilang naiambag sa iglesia, samantalang ang totoo niyan, wala naman silang nagawang anumang tunay na gawain, at ang normal na kaayusan ng buhay iglesia ay hindi napanatili sa pamamagitan ng pangangalaga nila; kahit wala sila, patuloy na dumadalo nang normal sa mga pagtitipon ang hinirang na mga tao ng Diyos at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin gaya nang dati. Kung hindi mo taglay ang katotohanang realidad at hindi mo kayang gumawa ng anumang tunay na gawain, kung gayon, dapat kang tanggalin para hindi ka na patuloy na makaapekto at makaantala kapwa sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ikaw na huwad na lider at huwad na manggagawa ay hindi gagamitin ng sambahayan ng Diyos—inisip mo bang walang kapangyarihan ang sambahayan ng Diyos na tanggalin ka? Ginulo mo lang ang gawain mo, nakapagdulot ka ng malaking problema at napakalaking kawalan sa gawain ng iglesia, pinag-alala mo nang husto ang Itaas, napakahirap mong gamitin, at nagiging dahilan tuloy ito para makaramdam ang mga tao ng matinding pagkamuhi, pagtutol, at pagkasuklam. Napakahangal, napakamangmang, at napakatigas ng ulo mo, at hindi ka nararapat man lang na pungusan, kaya gusto ka nang sipain palabas ng sambahayan ng Diyos, itiwalag ka kaagad, at nang matapos na ang usapin. Pero gusto mo pa ring bigyan ka ng Itaas ng isa pang pagkakataon para manatiling lider? Hindi bale na! Pagdating sa mga huwad na lider at anticristo na walang konsensiya at katwiran at gumagawa ng kasamaan at lumilikha ng mga kaguluhan, kapag itiniwalag na sila, habambuhay na silang tiwalag. Kung kaya mong gumawa ng tunay na gawain, gagamitin ka; kung hindi ka naman gumagawa ng tunay na gawain at gumagawa ka rin ng kasamaan at lumilikha ng mga kaguluhan, ititiwalag ka kaagad—ito ang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao. Hindi nagpapatalo ang ilang anticristo, at sinasabing, “Tatanggalin mo ako dahil sa hindi ako gumawa ng tunay na gawain—bakit hindi mo ako bigyan ng pagkakataong magsisi?” Hindi ba’t baluktot na pangangatwiran ito? Tinatanggal ka dahil nakagawa ka ng matinding kasamaan, at tinatanggal ka lang matapos pungusan nang napakaraming beses at lubos ka pa ring tumatangging magsisi, kaya ano pa bang mga pangangatwiran ang magagawa mo? Naghangad ka ng kasikatan, pakinabang, at katayuan at hindi ka gumawa ng tunay na gawain, hindi umusad ang gawain ng iglesia dahil sa iyo, at tambak ang napakaraming problema at hindi mo inasikaso ang mga ito—gaanong pag-aalala ang idinulot nito sa Itaas nang dahil sa iyo? Habang sinusuportahan ka ng Itaas at tinutulungan ka sa gawain mo, may mga bagay kang ginagawa nang palihim, napakarami mong ginagawa na labag sa mga prinsipyo, mga bagay na hindi dapat makita, habang nakatalikod ang Itaas, ginagastos ayon sa maibigan mo ang mga handog para sa Diyos para bumili ng napakaraming bagay na hindi mo dapat bilhin, na nagdudulot ng matinding pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at nagdadala ng napakatinding sakuna sa gawain ng iglesia! Bakit hindi ka man lang nagsasalita tungkol sa masasamang gawang ito? Kapag gusto ng sambahayan ng Diyos na tanggalin ka, walang kahihiyan mong sinasabi, “Maaari mo ba akong bigyan ng isa pang pagkakataon?” Dapat ka bang bigyan ng sambahayan ng Diyos ng isa pang pagkakataon nang sa gayon ay patuloy kang makapag-amok at gumawa ng masasamang bagay? Wala ka na ba talagang kahihiyan na hilingin sa sambahayan ng Diyos na bigyan ka pa ng isa pang pagkakataon? Maaari ka bang bigyan ng isa pang pagkakataon nang hindi mo man lang nakikilala ang sarili mong kalikasan, lalo na’t wala kang anumang pagsisisi sa puso mo? Walang kahihiyan ang mga taong tulad nito, makapal ang mukha nila, at sila ay masasamang tao at mga anticristo!

Wala man lang magawang tunay na gawain ang ilang lider at manggagawa, at wala pa rin silang anumang magawa kahit matapos magabayan at matulungan ng Itaas sa loob ng ilang panahon. Ni hindi nila maasikaso nang maayos ang mga pangkalahatang usapin, at ipinapakita nito na masyado silang kulang sa kakayahan. Dapat ding regular na usisain at inspeksiyonin ng Itaas ang lahat ng aspekto ng gawain at sabihan ang mga kapatid na mag-ulat kaagad ng anumang problema; kailangan din ng Itaas na magsagawa ng mga inspeksiyon, pumatnubay, at makipagbahaginan tungkol sa mga prinsipyong may kinalaman sa lahat ng aspekto ng gawain. Pagkatapos makipagbahaginan ng Itaas tungkol sa mga prinsipyo, may ilang tao pa ring hindi alam kung paano gagawin ang mga bagay-bagay, at hindi nila ito ginagawa nang maayos, at nag-aamok pa nga ang ilan at gumagawa ng masasamang bagay; kahit ano pang gawain ang ginagawa nila, hindi sila kailanman sumasangguni sa Itaas, hindi nila kailanman iniuulat ang anumang problema sa Itaas, sa halip ginagawa lang nila ang mga bagay-bagay nang palihim—anong problema ito? Ano ang kalikasan ng mga taong ito? Mahal ba nila ang katotohanan? Nararapat ba silang linangin? Nararapat pa rin ba silang maging mga lider at manggagawa? Una, hindi sila naghahanap bago nila gawin ang isang bagay; pangalawa, hindi sila gumagawa ng anumang ulat habang ginagawa nila ito; at pangatlo, hindi sila nagbibigay ng feedback matapos gawin ito. Labis na kahiya-hiya silang kumilos at ayaw pa rin nilang tanggalin sila, at hindi sila sumusuko pagkaraan na sila ay tanggalin—hindi ba’t wala nang magagawa pa para sa mga taong ito? Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t wala talagang kahihiyan at bingi sa lahat ng katwiran ang karamihan sa mga taong mahirap nang tulungan? Wala silang magawa nang maayos, at sila ay tamad at nagnanasa ng kaginhawahan; kapag may anuman silang ginagawa, utos lang sila nang utos, at kapag nakapagsalita na sila wala na silang iba pang ginagawa. Hindi nila kailanman pinangangasiwaan, iniinspeksiyon, o sinisiyasat muli ang gawain, nakakaramdam sila ng pagkapoot at hinanakit sa sinumang gumagawa ng ganitong mga bagay, at gusto nilang papagdusahin ang taong iyon—hindi ba’t mga klasikong anticristo ang mga ito? Kawalang-kahihiyan ito ng mga anticristo; hindi nila alam kung ano sila, sadyang kumikilos sila nang walang kahihiyan at gusto pa rin nilang pagpalain sila, gusto pa rin nilang makipagkompitensiya laban sa sambahayan ng Diyos at sa Itaas para sa superyoridad, at gusto pa rin nilang makipagtalo—hindi ba nila inilalagay ang isang paa nila sa hukay kapag ginagawa nila ito? Kapag tinanggal ang mga basurang gaya nito, nagiging napakamagagalitin at napakasutil nila. Wala talaga silang kahihiyan at wala silang kahit katiting mang katwiran! Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, nag-aamok sila at gumagawa ng masasamang bagay at ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, at kapag tinanggal sila, hindi lamang sa tumatanggi silang kilalanin ang sarili nilang mga pagkakamali, ipinapasa rin nila ang responsabilidad sa iba at naghahanap sila ng ibang masisisi, na sinasabing, “Ginawa niya ang bagay na ito, kaya’t hindi lang ako ang responsable sa paggawa ng isang bagay na iyon. Sama-samang pinag-usapan ng lahat ang bagay na iyon at hindi ako ang pasimuno.” Hindi nila inaako ang kahit anong pananagutan, na para bang kapag pinanagutan nila ang isang bagay, makokondena at matitiwalag sila at lubusang mawawala ang pag-asa nilang pagpalain. Samakatwid, mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa kilalanin ang kanilang mga pagkakamali at aminin na sila ang mismong may-sala, sa halip ay pilit nilang ipinapasa sa iba ang responsabilidad. Kung titingnan ang kanilang mentalidad, lalaban sila sa Diyos hanggang sa pinakahuli! Mga tao ba itong tumatanggap sa katotohanan? Mga tao ba itong tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos? Ang magawang labanan ang sambahayan ng Diyos sa ganitong paraan ay nagpapakita na may mali talaga sa kanilang disposisyon. Pagdating sa kung paano nila hinaharap ang kanilang mga pagkakamali, una sa lahat, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at pangalawa, hindi nila pinagninilay-nilayan ang sarili nila; ipinapasa rin nila ang responsabilidad sa iba, at kapag inilarawan sila ng sambahayan ng Diyos sa isang partikular na paraan at tinanggal sila sa kanilang tungkulin, lumalaban sila sa sambahayan ng Diyos, at ipinagkakalat nila ang kanilang mga reklamo at pagkanegatibo saan man sila magpunta, at sinusubukang makuha ang simpatiya ng hinirang na mga tao ng Diyos. Nananampalataya sila sa Diyos pero sinasalungat naman nila Siya—hindi ba nila inilalagay ang kanilang isang paa sa hukay? Talaga ngang bingi ang mga taong ito sa lahat ng katwiran! Kaya ano naman kung tinanggal sila sa kanilang tungkulin at nawala ang kanilang katayuan? Hindi pa naman sila pinatalsik, at ang karapatan nilang mabuhay ay hindi pa naman inaalis sa kanila; maaari silang magsisi, magsimulang muli, at bumangong muli kung saanman sila nabigo at nadapa. Ni hindi matanggap ng mga anticristo ang gayong kasimpleng bagay—imposible na talagang maligtas ang mga taong ito! Siyempre, kapag natanggal ang ilang anticristo, nag-aatubili silang sumunod sa panlabas, at hindi sila gaanong pinanghihinaan ng loob o nagpapakita ng anumang pagkontra, pero ibig bang sabihin nito ay tinatanggap na nila ang katotohanan at nagpapasakop na sila sa Diyos? Hindi, hindi ganoon. May anticristong disposisyon at diwa ang isang anticristo, at ito ang ipinagkaiba niya sa isang normal na tao. Bagama’t sa panlabas ay wala siyang sinasabi matapos siyang tanggalin, sa puso niya ay patuloy siyang lumalaban. Hindi niya inaamin ang kanyang mga pagkakamali, at gaano man katagal ang panahong lumipas, hindi siya kailanman magkakaroon ng kakayahang tunay na kilalanin ang kanyang sarili. Matagal na itong napatunayan. Mayroon ding isa pang bagay tungkol sa isang anticristo na hindi nagbabago kailanman: Saanman niya ginagawa ang mga bagay-bagay, gusto niyang maging iba, tingalain at pahalagahan ng iba; kahit na wala siyang lehitimong posisyon at titulo bilang lider ng iglesia o lider ng pangkat gusto pa rin niyang makahigit sa iba pagdating sa katayuan at kahalagahan. Kaya man niyang gawin ang gawain, anupaman ang uri ng pagkatao o karanasan sa buhay ang mayroon siya, mag-iisip siya ng iba’t ibang kaparaanan at gagawin ang lahat ng kanyang makakaya para makahanap ng pagkakataon na magpakitang-gilas, makuha ang pabor ng mga tao, makuha ang loob ng iba, at maakit at malihis ang mga tao, para makuha ang kanilang pagpapahalaga. Ano ang gusto ng mga anticristo na hangaan sa kanila ng mga tao? Kahit na tinanggal na sila, iniisip nila na “mas malakas pa rin ang isang nanghihinang oso kaysa sa isang usa,” at na nananatili silang agila na lumilipad sa ibabaw ng mga manok. Hindi ba’t ito ang pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid kaysa iba ng mga anticristo, at kung ano ang naiiba sa kanila? Hindi nila makakayang tanggapin sa kanilang sarili na wala silang katayuan, na maging pangkaraniwang mananampalataya at isang ordinaryong taong ginagawa lang ang kanilang tungkulin nang mahusay at sa praktikal na paraan, na nananatili sa kanilang puwesto, na ginagawa nang maayos ang trabaho nila, ipinapakita ang kanilang katapatan at ginagawa ang lahat ng makakaya nila sa gawaing napupunta sa kanila. Hindi sila nasisiyahan sa mga bagay na ito. Ayaw nilang maging ganoong uri ng tao o gawin ang ganoong mga bagay. Ano ang kanilang “pinakamataas na mithiin”? Ang siya ay pahalagahan at tingalain, at humawak ng kapangyarihan. Kaya, kahit wala siyang partikular na titulo sa kanyang pangalan, magsusumikap ang isang anticristo para sa kanyang sarili, magsasalita at mangangatwiran para sa kanyang sarili, gagawin ang lahat ng kanyang makakaya para magpasikat, natatakot na hindi siya mapansin ng mga tao o na walang magbibigay ng atensiyon sa kanya. Susunggaban niya ang bawat oportunidad para lalong makilala, lalong maging tanyag, makita ng mas maraming tao ang kanyang mga kaloob at kalakasan, at maipakita na nakakaangat siya kaysa sa iba. Habang ginagawa ang mga bagay na ito, handa ang isang anticristo na magbayad ng anumang halagang kinakailangan para magpapansin at parangalan ang kanyang sarili, para isipin ng lahat na, kahit na hindi na siya lider, at wala nang katayuan, mas nakakaangat pa rin siya sa mga ordinaryong tao. Kung magkagayon, nakamit ng isang anticristo ang kanyang layon. Hindi maluwag sa kalooban niyang maging pangkaraniwang tao, isang ordinaryong tao; gusto niya ng kapangyarihan at katanyagan, at maging nakahihigit sa iba. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi lubos-maisip ito. Ano ba ang silbi ng pagkakaroon ng katayuan, katanyagan, at kapangyarihan?” Sa isang taong may katwiran, walang kabuluhan ang kapangyarihan at katayuan, at hindi ito ang mga bagay na dapat niyang hangarin. Pero para sa mga anticristong punong-puno ng ambisyon, napakahalaga ng katayuan, kapangyarihan, at katanyagan sa kanila; walang sinumang makapagpapabago ng kanilang perspektiba, at walang sinumang makapagpapabago ng paraan ng kanilang pamumuhay at mga layon ng kanilang pag-iral—ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Kaya, kung may makikita kang isang tao na maagap na gumaganap ng kanyang tungkulin at iniingatan ang kanyang katayuan kapag hawak niya ito, at gusto pa rin niyang gawin ang lahat ng kanyang makakaya para protektahan ang sarili niyang reputasyon kapag wala siyang katayuan—ang ganitong uri ng tao ay imposible nang maligtas, at isa siyang ganap na anticristo sa loob at sa labas.

Bago at pagkatapos tanggalin ang isang anticristo, kapag bigo pa rin siyang makakuha ng katayuan, maging ng kapangyarihan at katanyagang gusto nila sa kabila ng ginawa niyang sunod-sunod na mga pagsusumikap, hindi niya bibitiwan ang katayuan at ang pagnanasa niyang magtamo ng mga pagpapala. Hindi niya isasantabi ang mga bagay na ito at hindi siya magbabalik-loob para hangarin ang katotohanan, o gagawin nang maayos ang kanyang tungkulin sa isang praktikal at maayos na paraan. Hindi siya kailanman tunay na magsisisi sa anumang maling nagawa niya, at sa halip ay gagawa siya ng paulit-ulit na mga pagtatasa gaya ng, “Magkakaroon ba ako ng anumang pag-asang magtamo ng katayuan sa hinaharap? May anumang pag-asa ba ako na pagpalain kung wala akong katayuan? Matutupad ba ang pagnanais kong magtamo ng mga pagpapala? Nasa anong ranggo ba ako sa sambahayan ng diyos, at sa iglesia? Nasaan ba ako sa herarkiya?” Kapag napagkongklusyunan niyang wala naman siyang dakilang karangalan sa iglesia, na hindi naman maganda ang tingin sa kanya ng mas nakararaming tao, at na ginagamit pa nga siya ng marami bilang isang negatibong halimbawa sa pagtuturo, pakiramdam niya ay sirang-sira na ang karangalan niya sa loob ng iglesia, na wala sa kanya ang suporta ng karamihan sa mga tao, at imposible nang sang-ayunan pa siya ulit ng karamihan ng mga tao, at na talagang wala naman siyang pag-asa na pagpalain. Kapag nakikita niya ang lahat ng ito, kapag ito ang nagiging mga kongklusyon niya sa kanyang pagtatasa, ang magiging isipan at saloobin pa rin niya ay ang hindi bitiwan ang sarili niyang mga intensiyon at pagnanais at tunay na magsisi sa Diyos, o ang lubos na italaga ang kanyang sarili sa pagtatrabaho para sa Diyos, at gawin ang kanyang tungkulin nang tapat. Hindi ito ang nasa isip niya—kung hindi ganito, ano? “Yamang hindi ko makakamit ang aking mga minimithi o hindi ako magkakaroon ng anumang katayuan sa sambahayan ng diyos, at sa iglesia, kung gayon, bakit kailangan ko pang patuloy na sumunod sa landas na ito na wala namang kapupuntahan? Maaaring makinabang ang mga tao sa pagbabago ng lokasyon. Maaari talagang bumuti ang mga bagay-bagay para sa akin kung lilipat ako sa ibang lugar. Bakit nga ba hindi na lang ako umalis sa lugar na ito na nagdulot ng sakit sa puso ko? Bakit hindi ko na lang iwan ang lugar na ito kung saan hindi ko matupad ang aking mga minimithi, kung saan mahirap makamit ang aking mga minimithi?” Kapag naiisip ng isang anticristo ang mga bagay na ito, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay aalis na siya sa iglesia? Gugustuhin ba ninyong umalis ang ganoong tao, o manatili? Dapat ba siyang himuking manatili? (Hindi siya dapat himukin, at hindi naman siya mananatili kahit subukan pa ng mga taong himukin siya.) Walang makakapilit sa kanya na manatili—totoo ito. Ano ang dahilan nito? Dahil sa bandang huli, hindi naman talaga mahal ng mga anticristo ang katotohanan, kaya masasaktan lang sila kung mananatili pa sila sa sambahayan ng Diyos. Para lang itong sinusubukan mong kumuha ng isang bayarang babae, isang mahalay na babae, para maging katuwang ng kanyang asawang lalaki at turuan ang kanyang mga anak, na maging isang malinis na babae at mabuting asawa at mabait na ina. Magagawa ba niya ang mga bagay na iyon? (Hindi.) Ang pinag-uusapan kasi rito ay ang kalikasan ng isang tao. Kaya kung nakikita mong gusto ng isang anticristo na umatras, anuman ang gawin mo, huwag mo siyang subukang kumbinsihing manatili, maliban kung may isang partikular na sitwasyon, kung saan sinasabi niyang, “Bagaman isa akong anticristo, gusto kong magtrabaho para sa sambahayan ng diyos. Pipilitin ko ang aking sarili na huwag gumawa ng anumang masama at maghihimagsik ako laban kay Satanas.” Sa ganitong kaso, kailangan ba siyang bugawing gaya ng isang langaw? (Hindi.) Sa ganitong kaso, maaari nating hayaan na lang na kusang mangyari ang mga bagay-bagay, pero may isang pamamaraan ang dapat ilapat: Dapat pangasiwaan at bantayan ng mas maraming tao ang anticristong iyon, at sa unang senyales pa lang ng problema, gaya ng gusto niyang gumawa ng masama, dapat siyang alisin agad-agad. Kung hindi niya kayang tiisin na pinapangasiwaan at binabantayan siya ng iba, at pakiramdam niya ay minamaltrato siya at ayaw niyang magtrabaho, kung gayon, paano ba dapat tratuhin ang isang taong gaya nito? Dapat mo siyang tulungan sa pamamaraan niya at sabihing, “May talento ka, at dapat kang humayo sa mundo ng mga walang pananampalataya at tuparin ang engrande mong mga plano. Isa kang isda na masyadong malaki para sa maliit na palaisdaang ito, hindi bagay sa iyo ang iglesia. Hindi mo maibubuka ang mga pakpak mo dito; ang gawaing ito ay hindi nababagay para sa iyong mga talento. Kung babalik ka sa mundo baka tumaas ang ranggo mo, kumita ka ng maraming pera, at yumaman. Baka maging sikat kang tao!” Hikayatin mo na siyang umalis agad. Kung naghahangad siya ng kayamanan at katayuan, at hinahanap-hanap niya ang mga pakinabang ng katayuan, kung gayon, hayaan mo siyang bumalik sa mundo para magtrabaho at kumita ng pera, para maging isang opisyal at tamasahin ang kanyang buhay na nauukol sa laman. Maaari sigurong itanong ng ilan kung ang pagtrato ba sa kanya nang ganito ay pagtrato sa kanya nang walang mapagmahal na puso. Ang totoo, kahit hindi mo pa sabihin ang gayong mga bagay sa kanila, maiisip ng mga anticristo sa kanilang puso, “Hmph, itinaas ng ranggo isang araw at pagkatapos ay tinanggal naman. Binigyan nga ako ng katayuan pero binabantayan naman ako, pinangangasiwaan, at pinupungusan—napakasaklap naman nito! Hindi mahirap para sa akin na makahanap ng ganitong uri ng katayuan, at kung hindi ako nanampalataya sa diyos, mayaman na sana ako at mataas na sana ako ngayon sa herarkiya ng lipunan sa mundo, isa na sana akong kadre man lang sa lungsod. Ipinanganak ako para maging isang opisyal. Namumukod-tangi ako anuman ang gawin ko sa mundong ito, nagagawa ko nang maayos ang lahat ng bagay, kaya kong gumawa ng pangalan para sa sarili ko sa anumang industriya, at masigasig ako.” Kahit hindi mo pa sabihin sa kanya ang gayong mga bagay, sasabihin niya ang ganitong mga bagay, at kaya dapat magsalita ka kaagad ng ilang magagandang pakinggang mga salita na gusto niyang marinig at himukin mo siyang umalis kaagad sa iglesia—makikinabang ang lahat dito. Naghahangad ng katayuan, kapangyarihan, at katanyagan ang mga anticristo; ayaw nilang maging ordinaryong mga tao, bagkus gusto nilang laging makaungos sa iba, hanggang sa masira nila ang kanilang reputasyon at katayuan, at maisumpa ng Diyos sa bandang huli. Kaya, payag ba kayong maging ordinaryong mga tao? (Oo.) Kung tutuusin, makahulugan ang maging ordinaryong mga tao. Hindi naghahangad ng kasikatan at pakinabang, sa halip ay namumuhay ng totoong buhay, namumuhay nang may kapayapaan at kagalakan, at magkaroon ng pusong mababang-loob—ito ang tamang landas sa buhay. Kung gusto lagi ng isang tao na maging nakahihigit at maging angat kaysa sa iba, katumbas iyon na pagsalang nila ng kanilang sarili sa apoy at inilalagay ang kanilang sarili sa gilingan ng karne—naghahanap sila ng gulo. Bakit ba sila may ganoong damdamin? Isang mabuting bagay ba ang maging angat kaysa sa iba? (Hindi.) Hindi ito isang mabuting bagay. Pero pilit na pinipili ng mga anticristo ang landas na ito. Anuman ang gawin ninyo, huwag ninyong sundan ang landas na ito!

Kapag wala pang pundasyon ang isang ordinaryong tiwaling tao sa kanyang pananampalataya sa Diyos, kapag hindi pa siya nagkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos, kakaunti lang ang kanyang pananalig o tayog. Kapag nahaharap sa isang balakid ang ganitong tao, magiging mababa ang tingin niya sa kanyang sarili, at iisipin niyang hindi siya mahal ng Diyos, na namumuhi Siya sa kanya. Kapag nakikita niyang may balakid sa harapan niya at nabibigo sa bawat pagkakataon, hindi mabigyang kaluguran ang Diyos, masisiraan na siya ng loob; makakaranas din siya ng kaunting panghihina at pagkanegatibo, at paminsan-minsan ay maiisipan niyang iwan ang iglesia. Pero hindi ito katulad ng pagiging suwail. Ganitong uri ng kaisipan ang pumapasok sa isang tao kapag nawawalan siya ng pag-asa at nasisiraan ng loob, at ibang-iba ito sa pag-atras ng isang anticristo. Kapag gusto ng isang anticristo na umatras, mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa magsisi, pero kapag nasisiraan ng loob ang isang ordinaryong tiwaling tao at naiisipan nitong umalis sa iglesia, sa tulong at pakikipagbahaginan ng iba, kasama ng sarili niyang aktibong pakikipagtulungan, at sa pamamagitan ng panalangin at paghahanap, at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, magagawa ng mga salita ng Diyos na unti-unting maimpluwensiyahan siya, baguhin siya, at baguhin kung mananatili ba siya o aalis, pati na ang kanyang desisyon at isip. Gayundin, matutulungan din siya ng mga salita ng Diyos para unti-unting makapagsisi, magkaroon ng positibong saloobin, at kagustuhang magpunyagi, na nagbibigay-daan para unti-unti siyang lumakas. Isa itong pagpapamalas ng proseso ng buhay pagpasok para sa isang normal na tao. Sa kabilang dako, makikipagbaka naman ang isang anticristo hanggang sa huli. Hindi siya kailanman magsisisi, at mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa amining mali siya, kaysa kilalanin ang kanyang sarili, kaysa isuko ang pagnanais niyang magtamo ng mga pagpapala. Wala siyang taglay ni katiting mang buhay pagpasok. Kaya, para sa isang taong ganoon, na hindi pumapayag na magtrabaho, o hindi ito ginagawa nang maayos, payuhan mo na lang siyang umalis sa iglesia. Isa itong matalinong desisyon, at ang pinakamatalinong paraan para harapin ang gayong bagay. Kahit hindi mo siya payuhang gawin iyon, magagawa mo bang kumbinsihin siyang manatili? Mababago mo ba ang pamamaraan niya sa paghahangad o ang kanyang perspektiba? Hindi mo kailanman mababago ang mga bagay na ito. May ilang tao na hinihimok na manatili, at tinutulungan at sinusuportahan ng sambahayan ng Diyos, dahil ang pagkanegatibo nila, ang kanilang kahinaan, at ang mga tiwaling disposisyong ibinunyag nila ay karaniwan na sa lahat ng ordinaryong tiwaling tao, at nasasaklaw sa maituturing na normal. Sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos, sa tulong at suporta ng iba, maaari silang unti-unting lumakas, magkaroon ng tayog, magkaroon ng pananalig sa Diyos, at maging sinsero sa pagganap ng kanilang tungkulin. Ganitong uri ng tao ang dapat nating tulungan at himuking manatili. Pero, para sa mga anticristong ayaw magtrabaho o hindi nagtatrabaho nang maayos, himukin mo na silang umalis, dahil, bago mo pa man silang payuhang umalis, nais na talaga nilang gawin iyon, o nasa bingit na silang umalis anumang oras. Ito ang iba’t ibang pagpapamalas at kaisipang mayroon ang mga anticristo kapag nahaharap sila sa pagkatanggal at kagustuhang umatras.