Ikalabing-apat na Aytem: Tinatrato Nila ang Sambahayan ng Diyos na Parang Sarili Nilang Personal na Teritoryo (Ikaapat na Seksiyon)
III. Masusing Sinisiyasat at Kinokontrol ng mga Anticristo ang Puso ng mga Tao
Bukod pa sa pagmomonopolisa sa kapangyarihan at pagmamanipula sa mga sitwasyon, ano pang mga kilos ang makakakumpirma na tinatrato ng mga anticristo ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang teritoryo? Pagdating sa pagmomonopolisa sa kapangyarihan, pangunahin na nating napagbahaginan ang tungkol sa mga aspektong may kinalaman sa mga tauhan, habang ang pagmamanipula naman sa mga sitwasyon ay pangunahing tungkol sa pagkontrol sa takbo ng mga pangyayari. Ang pagmomonopolisa ng mga anticristo sa kapangyarihan ay isang panlabas na kilos, at ang pagmamanipula sa mga sitwasyon ay isa ring bagay na panlabas na kayang makita ng mga tao—madaling kontrolin ang mga aspektong ito. Pero, may isang bagay na lubhang mahirap kontrolin para sa sinumang tao. Ano ang bagay na iyon? (Ang pagkontrol sa puso ng mga tao at isipan ng mga tao.) Sabihin ninyo sa Akin, tama ba iyon? (Oo, tama.) Sinasabi ng Bibliya na, “Ang puso ay higit na mapanlinlang kaysa sa lahat ng bagay” (Jeremias 17:9), ibig sabihin, ang puso ng tao ang pinakamahirap na bagay na kontrolin. Susubukan kaya ng mga anticristong kontrolin ang pinakamahirap na bagay? Sasabihin kaya nilang, “Dahil ang puso ng tao ang pinakamapanlinlang at pinakamahirap kontrolin, hindi ko ito kokontrolin. Hayaan mo sila sa kung ano ang gusto nilang isipin; hangga’t may kapangyarihan ako, hangga’t kontrolado ko ang mga tao, sapat na iyon. Kokontrolin ko na lang ang mga kilos at pag-uugali nila, at ang Diyos na ang bahala sa kanilang mga isipan; wala akong ganoong abilidad, kaya hindi ko na lang iintindihin ang mga bagay na iyon”? Papayag ba nang ganito ang mga anticristo? (Hindi.) Kung titingnan ang diwa ng mga anticristo, ang ambisyon nila ay ang kontrolin ang buong pagkatao ng isang tao. Ang pinakamalaking hamon para sa kanila na kontrolin ay ang puso ng tao, pero ito rin ang pinakahahangad nilang kontrolin. Sinisilo nila ang mga tao sa ilalim ng kapangyarihan nila, ganap na kinokontrol ang lahat ng bagay: kung saan patungo ang mga pangyayari, kung gaano karaming tao ang kasali, kung anong mga bagay ang gagamitin, ang buong takbo ng mga pangyayaring ito, at kung ano ang kalalabasan ng mga ito—nangyayari ang lahat ayon sa plano at sa kagustuhan nila. Iyon nga lang, may isang problema, ano ang iniisip ng mga tao sa puso nila? Ano ang iniisip ng mga tao tungkol sa kanila? Maganda ba ang impresyon ng mga tao sa kanila o hindi? Naiibigan ba sila ng mga tao o hindi? Sa puso ng mga ito, naniniwala ba ang mga ito na anticristo sila? Nakikilatis ba ng mga ito o kinamumuhian ang kilos nila? Kapag nagpapakita ng respeto sa kanila ang mga tao at binobola sila, ano ba talaga ang iniisip ng mga ito sa kanilang puso? Pareho nga ba ang laman ng puso ng mga ito sa kung ano ang nakikita sa kanila sa panlabas? Tunay nga bang masunurin ang mga ito sa kanila? Isa itong bagay na lubhang nakakapagpabagabag sa mga anticristo. Habang lalo silang nababagabag, lalo naman silang naghahanap ng mga kasagutan. Ito ang ikatlong pagpapamalas na tinatrato ng mga anticristo ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang teritoryo—ang masusing pagsisiyasat at pagkontrol sa puso ng mga tao.
Madali ba na masusing siyasatin at kontrolin ang puso ng mga tao? Ang masusing pagsisiyasat at ang pagkontrol ay kumakatawan sa dalawang magkaibang antas ng kilos o pag-uugali kapag may bagay na ginagawa. Kapag may kapangyarihan ang isang anticristo at kinontrol niya ang takbo ng buong pangyayari at ang kalalabasan nito, kapag kinontrol niya ang mga bagay na ito, kung ano talaga ang nasa puso ng mga taong nasa ilalim niya o nasa loob ng kanyang balwarte—kung tinatrato ba nila siya na parang Diyos o parang isang perpektong tao, kung nagkikimkim ba sila ng pagkamuhi, mga opinyon, o kuru-kuro laban sa kanya, at kung nakikilatis ba nila siya—kung ano ang mga bagay na talagang iniisip ng mga tao sa puso nila, ito ang mga bagay na medyo mahirap sukatin. Ano kung gayon ang ginagawa niya? Inoobserbahan niya ang mga nasa ilalim niya, binibigyan ng mga biyaya o sinasabihan ng ilang magagandang salita ang sinumang walang pagkilatis at madaling samantalahin. Ang mga taong ito ay para lang mga bolang goma: Mas tumataas sila at mas maraming enerhiya ang naiipon nila tuwing tinatamaan mo sila. Ginagamit niya ang ganoong mga indibidwal bilang mga utusan. Ano ang gamit niya sa kanila? Ang mga utusang ito ang siyang inuutusan niyang magsiyasat sa puso ng mga tao para sa kanya. Maaaring sabihin niya sa isang utusan, “Nitong mga nakaraan, hindi na masyadong nagbibigay sina Sister Li at ang anak niyang babae. Medyo malaki-laki silang magbigay dati, pero ngayon bihira na silang magpunta. Ano na kaya ang pinagkakaabalahan nila? Nakipag-usap kaya sila sa mga tagalabas? May problema ba silang pinagdadaanan sa bahay? Puntahan mo nga’t alamin at mag-alok ka ng tulong.” Bibisita ang taong iyon sa bahay ni Sister Li at mag-iimbestiga sa paligid, iniisip na, “Wala namang hindi pamilyar na tao rito. Mukha namang maayos ang buhay ng dalawang kapatid. Mukha namang wala silang kinaharap na anumang suliranin. Bakit kaya hindi sila nagpupunta sa mga pagtitipon namin? Magtatanong-tanong pa nga ako.” Tatanungin ng taong ito, “May natanggap ba kayong anumang bagong kaliwanagan sa bahay kamakailan? Nanghihina ako nitong mga nagdaang araw; makipagbahaginan kayo sandali sa akin.” Dahil naparito ang tao para hanapin ang katotohanan at para humingi ng tulong, makikipagbahaginan ang mga sister sa kanya at sasabihing, “Kamakailan lang, nagkaroon kami ng bagong kaliwanagan na hindi dapat sumunod o laging umasa sa ibang tao ang mga mananampalataya sa Diyos; kapag may mga hamong kinakaharap, dapat tayong lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin; ito ang pinakamataas na karunungan. Hindi maaasahan ang mga tao, tanging sa Diyos lang makakaasa ang isang tao; kaya Niyang ipagkaloob sa mga tao ang katotohanan, ang buhay, at ang landas na dapat nilang lakaran—hindi ito kayang gawin ng mga tao. Dati, lagi akong umaasa sa iba, pero nitong huli, sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa isang sister….” Sasagot siya, “Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa isang sister? Nasaan ang sister na iyon? Isa ba siyang tagalabas?” Sasabihin ng mga sister, “Hindi naman talaga siya isang tagalabas; isa siyang sister mula sa iglesia natin na nagbalik matapos ang ilang taong pagganap niya sa tungkulin niya sa malayo.” Sasagot siya, “Hindi ba’t pakikipag-usap pa rin iyon sa isang tagalabas? Nakipag-ugnayan ka nang padalos-dalos sa mga tagalabas; kailangan mong iulat ang isyung ito sa iglesia!” Matapos makalap ang impormasyong ito, dalawang mahahalagang piraso ng impormasyon ang natuklasan ng taong iyon: Una, ayaw ng dalawang babaeng kapatid na mapalapit sa lider, at nagpakita sila ng kaunting pagkilatis sa kanya; pangalawa, nakipag-ugnayan sila sa isang tagalabas, at may sinabi sa kanila ang tagalabas na iyon; hindi malinaw kung ano iyon, at ayaw magsabi ng mga babaeng kapatid ng kahit na ano tungkol dito, sadya nilang itinatago ito, na nangangahulugang nawawala na ang katapatan nila sa lider at nagsimula na silang mag-ingat laban sa kanya. Kapag nagbalik ang taong ito at nag-ulat ito sa anticristo, matutuwa ba ang anticristo sa maririnig nito? Iisipin ba niya, “Magaling, sa wakas nagpakita na ng kaunting pagkilatis sa akin ang mga nasasakupan ko”? (Hindi.) Ano kaya ang iisipin niya? “Masama ito. Masunurin dati ang dalawang babaeng kapatid na iyon, mga tunay silang mananampalataya noon sa iglesia, at nagbibigay sila nang malaki. Mula nang makisalamuha sa kanila ang di-kilalang taong ito, medyo naging masuwayin na ang dalawang ito. Patuloy pa kaya silang magbibigay sa hinaharap? Mahirap at delikado ito.” Hindi mapakali ang anticristo. Bakit hindi siya mapakali? (Kinikilatis na siya ng mga tao at hindi na nakikinig ang mga ito sa kanya.) Tama, wala na sa ilalim ng kanyang pagmamanipula at kontrol ang puso ng mga tao, nagkakaroon na ng pagbabago sa puso ng mga ito, kaya hindi na siya mapakali. Dati-rati, inosente lang at di gaanong nag-iisip ang dalawang ito, masunurin naman sila at nagpakita lang ng kaunting pagkilatis sa kanya, anumang sabihin niya ay tinatanggap nila nang walang pagdadalawang-isip. Ngayong nagkaroon na ng pagbabago sa puso nila, natuto nang kumilatis, at dumidistansiya na sa kanya, posibleng itinatakwil na siya, at baka balak pa nga siyang isumbong—malaking problema iyan. Hindi ba’t isa itong espesipikong pagpapamalas ng kung paano masusing sinisiyasat at kinokontrol ng mga anticristo ang puso ng mga tao?
Kapag may napansing anumang kakaiba ang anticristo, ipinapadala niya kaagad ang mga tao o galamay niya para alamin ang sitwasyon at maarok ang mga pinagmumulang dahilan nito. Kung walang pagbabago, kung ganoon pa rin ang mga tao at hindi nagbago ang puso nila, napapanatag ang loob niya, at hindi na siya nababagabag o tensyonado. Pero, kung may natuklasan siyang kakaiba, isang bagay na wala siyang nalalaman, wala sa ilalim ng pagmamanipula niya, hindi tulad ng inaakala niya, problema iyon. Nag-aalala at nababalisa siya, at sa pagkataranta niya, kikilos siya. Ano ang layunin ng mga kilos niya? Gusto niyang maging kaisa niya sa isip ang mga tao, na hindi sila magkaroon ng anumang pagbabago sa puso nila. Dapat sabihin sa kanya ng mga tao kung ano ang mga iniisip nila at mag-ulat sa kanya palagi, na nagpapahayag ng katapatan, determinasyon, at sinseridad. Dapat patuloy niyang kontrolin ang mga pabagu-bagong kaisipan at ideya ng puso ng mga tao, at ang direksyon at ang mga prinsipyo ng mga isipan nila. Sa sandaling may makita siyang sinumang hindi sumasang-ayon, dapat siyang kumilos para mapagbago ito. Kung hindi sila mapagbabago at magiging kaibigan, magiging kaaway na lang sila. Ano ang masasamang ibubunga na maging kaaway niya? Daranas sila ng kaparusahan at panunupil. Isang pamamaraan ito. May isa pa. Laging nangangamba ang anticristo sa mga nasa paligid niya, hindi niya masukat-sukat ang mga ito nang husto, sa takot na baka kilatisin at isumbong siya ng mga tao, at sinasabi sa kanyang puso: “Nakita mo ba nang magnakaw ako ng mga handog at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa paraang gusto ko? Kung nakita mo nga ito, kaya mo ba itong kilatisin? Magagawa mo bang isumbong ako?” Marami pa ngang karelasyong sekswal ang ilang anticristo sa likod ng mga eksena, at iniisip nila, “Sino ang nakakaalam tungkol sa mga bagay na ito? Ano ang iniisip ng mga nakakaalam nito? Dapat ba akong magkunwari kahit papaano, lumikha ng huwad na impresyon, at pagkatapos ay subukin ang mga taong ito, usisain ang mga saloobin nila, at tingnan kung ano talaga ang iniisip nila?” Gagawin kaya ng mga anticristo ang ganoong mga bagay? Para sa mga buktot na taong gaya ng mga anticristo, parang wala na lang sa kanilang gawin ang ganoong mga bagay; sanay na sanay na sila rito—napakahusay nilang gawin ito. Sama-samang tinitipon ng anticristo ang mga tao at sinasabing, “Ipinatawag ko ang lahat dito ngayon para sa tanging layuning suriin ang mga pagkukulang ko sa gawaing tinrabaho ko sa iglesia kamakailan at para pag-usapan ang kaalaman ko tungkol sa mga tiwaling disposisyong ibinunyag ko. Magsalita kayo nang malaya, huwag ninyong pigilan ang sarili ninyo. Hindi ko kayo kokondenahin. Magbahaginan tayo nang malaya, puso-sa-puso at harap-harapan. Kung may nagawa ako, magbabago ako; kung wala, tatanggapin ko ito bilang babala na huwag itong gawin. Ang lahat ng bagay sa sambahayan ng diyos ay hayag, hindi nakatago, at nakalantad. Ginagawa natin ang lahat ng bagay sa harapan ng diyos, at hindi na kailangan pa ng sinuman na mag-ingat laban sa iba. Mga kapatid, ipanatag ninyo ang isip niyo. Magsisimula ako sa pamamagitan ng pagsusuri sa sarili ko. Kamakailan, dahil sa sarili kong katamaran at pagnanasa sa mga kaginhawahang panlaman, hindi ko nagawa nang maayos ang gawain ko. Hindi naging maayos ang takbo ng gawaing ebanghelyo nitong mga nagdaang araw, at hindi ko masyadong napagtuunan ng pansin ang buhay iglesia. Naging abala ako sa gawaing ebanghelyo at nawalan ako ng panahon sa iba pang bagay. Siyempre, ako ang may kasalanan. Dahil sa pagtitiwala ko sa mga imahinasyon ko, ipinagpalagay ko na kaya na ng mga kapatid na pangasiwaan ang buhay iglesia nang sila lang, at hindi ko na kakailanganin pang mag-alala masyado. Malalaki na kayong lahat, at napakalinaw naman ng mga salita ng diyos, kaya ibinuhos ko nang buong puso ang sarili ko sa gawaing ebanghelyo. Subalit, hindi ko rin nagawa nang mabuti ang gawaing ebanghelyo. Kailangan kong aminin ang mga pagkakamali ko sa harapan ng mga kapatid, humingi ng tawad sa inyo, at humingi ng tawad sa diyos. Heto, hayaan ninyong yumukod ako sa inyong lahat.” Makikita ito ng lahat at iisipin sa sarili nilang, “Nagbago na siya. Mukhang hindi na siya tuso gaya ng dati. Bakit napakasinsero yata niya ngayon? Parang may mali. Hindi dapat ako gumawa agad-agad ng kongklusyon. Titingnan ko muna kung ano ang mga susunod niyang sasabihin.” Magpapatuloy ang anticristo at sasabihing kinikilala niyang isa siyang diyablo, isang Satanas, inaaming wala siyang nagawang anumang aktuwal na gawain, nagpapahayag na handa siyang magpagamit sa Itaas at tanggapin ang anumang kritisismo o panunumbat mula sa mga kapatid. Sasabihin pa niyang, “Kahit tanggalin pa nila ako at huwag akong hayaang mamuno, payag akong maging isa sa mga pinakamababa. Inirerekomenda ko si Sister Li at ang anak niyang babae na mula sa iglesia natin para pumalit sa akin.” Nakapili na siya ng hahalili sa kanya. Hindi ba’t sinsero naman ang saloobin niya? Kailangan pa bang pagdudahan ito? Habang sinasabi ito, magsisimula na nga siyang umiyak. Pagkatapos, palalapitin niya ang asawa niya at sasabihing, “Sa pagkakataong ito, wala ka ring nagawang kahit anong aktuwal na gawain, nagdudulot ka lang ng mga pagkagambala at kaguluhan, at basta-basta mo na lang pinupungusan ang mga kapatid. Dapat ka ring tanggalin.” Sinisisi ng anticristo ang sarili niya at ang kanyang pamilya, dahilan para maramdaman ng mga taong sinsero siya. Kapag narinig na ito ng lahat, may magsasabing, “Ang totoo, matagal na namin kayong kinikilatis. Hindi ninyo kami sinasangguni sa mga bagay-bagay; magkakasamang pinag-uusapan ng ilan sa inyo ang mga bagay-bagay at gumagawa ng mga desisyon nang pribado. Hindi ito umaayon sa mga prinsipyo ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Bukod pa roon, kayo-kayo lang ang nagpasya kung sino ang magiging lider nang hindi namin nalalaman—ni wala kaming karapatang malaman ito. Hindi lang bigong makagawa ng anumang aktuwal na gawain ang taong pinili ninyo kundi nagdudulot pa siya ng mga kaguluhan, pero hindi ninyo siya tinatanggal.” Sunud-sunod na ibubulalas ng mga kapatid ang mga opinyon nila. Pagkarinig ng anticristo rito, iisipin niya, “Masama ito! Pero, mabuti na ring sabay-sabay nilang ibinubuhos ang tunay na laman ng isipan nila. Makikinabang dito ang gawain ko sa hinaharap. Kung hindi sila nagsalita at sa halip ay tinira nila ako nang patalikod, direktang sumulat ng ulat sa itaas nang hindi ko nalalaman, siguradong katapusan ko na, hindi ba? Buti na lang, ginamit ko ang taktikang ito, matalino at mabilis akong kumilos, at nalaman ko agad ang mga opinyon nila.” At pagkatapos ay magpapatuloy siya, sasabihin niya nang may pang-uuto, “Salamat, mga kapatid, sa tiwala ninyo, at sa taos-puso ninyong pagpuna sa mga pagkakamali ko ngayong araw. Tiyak na babaguhin ko ang mga ito sa hinaharap. Kung hindi, maparusahan at masumpa nawa ako.” Ang masusing pagsisiyasat at pagkontrol ng anticristo sa puso ng mga tao ay hindi limitado sa patagong pakikinig sa usapan ng iba at pagsilip sa mga pintuan. Sa mga seryosong sitwasyon, may nakahanda siyang plano. Anong uri ng plano? Nagpapatupad siya ng demokrasya at kalayaan, binibigyan ng sapat na kalayaan sa pananalita ang mga tao, binibigyan sila ng ganap na kalayaang ipahayag ang mga opinyon at saloobin nila, hinihimok ang mga tao na sabihin ang kanilang mga damdamin, kahit na mga reklamo pa ito. Pagkatapos, sinasamantala niya ang mga kahinaan ng mga may ibang ideya sa kanya o mga opinyon tungkol sa kanya, at nililipol sila nang sabay-sabay. Maganda ba ang pamamaraang ito ng anticristo? Napakabuktot nito! Hindi ba’t medyo katulad nito ang sa malaking pulang dragon? Iisang grupo lang sila kumbaga, na may iisang kalikasang diwa. Hindi ba’t ganoon magtrabaho ang malaking pulang dragon? Kapag nakita mo kung paano magtrabaho ang anticristo, parang nakikita mo na rin ang pangit na hitsura ng malaking pulang dragon.
Mahusay ang mga anticristo sa paggamit ng mga kaaya-aya at tamang salita para himukin ang mga taong pagkatiwalaan sila. Pagkatapos na masusing siyasatin at alamin ang mga totoong sitwasyon ng mga tao, ano ang resulta? Magsisisi ba ang mga anticristo dahil sinabi sa kanila ng mga tao ang mga totoong salita na ito? Susuko na ba sila, titigil sa paggawa ng masama, bibitiwan ang kapangyarihan nila, tatalikuran ang kanilang paghahangad sa kapangyarihan, at bubuwagin ang teritoryo nila? Hindi kailanman. Sa halip, lalo pa nilang paiigtingin ang mga ito. Pagkatapos gawin ang lahat ng makakaya nila para kontrolin ang puso ng mga tao, pinapanatili nila ang mga umaayon sa kanila at itinatapon naman ang lahat ng hindi. Hindi natin maiaalis sa isip na ang ilang kapatid sa iglesia ay napaalis na, pinatalsik, o kinumpiska na ang mga aklat nila ng mga salita ng Diyos sa ilalim ng ganoong mga sitwasyon. Ginawan ng mali ang mga indibidwal na ito. Ano ang dapat gawin ng mga kapatid na ito na ginawan ng mali? Dapat ba silang tumigil sa pananampalataya sa Diyos dahil may lumitaw na anticristo sa sambahayan ng Diyos na nagparusa sa kanila nang ganito at sumira sa pananampalataya nila? Ganoon ba ang dapat nilang gawin? (Hindi.) Tama bang makipagkompromiso o yumuko na lang sa mga anticristo o sa masasama o buktot na puwersa? Iyon ba ang landas na dapat ninyong piliin? (Hindi.) Kaya, anong landas ang dapat ninyong piliin? (Ang ilantad at isumbong ang mga anticristo.) Kapag natuklasan mong anticristo ang isang tao, hayaan mong sabihin Ko sa iyo, kung lubha siyang maimpluwensiya, at maraming lider at manggagawa ang nakikinig sa kanya at hindi makikinig ang mga ito sa iyo, at kung ilalantad mo siya at mabubukod o mapapaalis ka lang din, kung gayon, dapat mong pag-isipang mabuti ang estratehiya mo. Huwag mo siyang harapin nang mag-isa; malamang na matatalo ka. Simulan mo sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ilang tao na nakakaunawa sa katotohanan at may pagkilatis, at makipagbahaginan ka sa kanila. Kung may mapagkasunduan kayo, lumapit kayo sa dalawa pang lider o manggagawa na kayang tanggapin ang katotohanan at makipagkasunduan kayo sa kanila. Kapag may ilang tao nang magkakasamang kumikilos, ilantad at harapin ninyo ang anticristo nang sama-sama. Sa ganitong paraan, may pag-asa kayong magtagumpay. Kung masyadong malakas ang impluwensiya ng anticristo, puwede rin kayong sumulat sa Itaas. Ito ang pinakamainam na paraan. Kung talagang susubukan ng ilang lider at manggagawa na pigilan kayo, puwede ninyong sabihin sa kanila, “Kung hindi ninyo tatanggapin ang pagsisiwalat at sumbong namin, dadalhin namin ang usaping ito sa Itaas at hahayaan naming sila ang humarap sa inyo!” Palalakihin nito ang tsansa ninyong magtagumpay, dahil hindi sila mangangahas na kumilos laban sa inyo. Kapag mga anticristo ang kaharap ninyo, dapat ninyong gamitin ang maaasahang pamamaraan na ito—huwag na huwag kayong kikilos nang mag-isa. Kung hindi ka suportado ng ilang lider at manggagawa, mabibigo ka lang sa gagawin mo, maliban na lang kung makakagawa ka ng sulat at maiaabot mo ito sa Itaas. Lubhang traydor at tuso ang mga anticristo. Kung wala kang sapat na ebidensiya, iwasan mong kumilos laban sa kanila. Walang silbing makipagkatwiranan o makipagdebate sa kanila, walang silbing magpakita ng malasakit para subukang mabago sila, at walang magagawa ang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan; hindi mo sila mababago. Sa isang sitwasyon kung saan hindi mo sila kayang baguhin, ang pinakamainam mong gawin ay hindi ang makipag-usap sa kanila nang puso-sa-puso, makipagkatwiranan sa kanila, at hintaying magsisi sila. Sa halip, isiwalat at isumbong mo sila nang hindi nila nalalaman, hayaan mong ang Itaas ang humarap sa kanila, at himukin mo ang mas marami pang tao na isiwalat sila, isumbong sila, at itakwil sila, na sa huli ay mauuwi sa pagkatiwalag nila sa iglesia. Hindi ba’t isa itong magandang diskarte? Kung pakay nilang alamin mula sa iyo ang mga saloobin mo, masusi kang siyasatin, at tingnan kung may anumang pagkilatis ka sa kanya, ano ang dapat mong gawin kung natukoy mo na ngang isa siyang anticristo? (Hindi dapat ako magsalita nang tapat sa kanya, kundi sumunod lang pansamantala sa mga salita niya, hindi ipapaalam sa kanya ang pagkilatis ko, at pagkatapos ay dapat ko siyang isiwalat at isumbong nang pribado.) Ayos ba ang diskarteng ito? (Ayos ito.) Dapat mong makita nang mabuti ang mga pakana ng mga diyablo at Satanas at iwasan mong mabitag ka nila o mahulog sa kanilang mga patibong. Kapag mga Satanas at diyablo ang kaharap mo, dapat kang gumamit ng karunungan, at iwasan mong magsalita sa kanila nang tapat. Ito ay dahil ang mga puwede mo lang pagsabihan ng totoo ay ang Diyos at ang mga tunay na kapatid. Hindi ka dapat magsalita nang tapat sa mga Satanas, sa mga diyablo, o sa mga anticristo. Ang Diyos lang ang karapat-dapat makaunawa sa laman ng puso mo at magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan at sumiyasat sa iyong puso. Hindi kalipikado ang sinuman, lalo na ang mga diyablo at Satanas, na kontrolin at siyasatin ang puso mo. Samakatwid, kung susubukan ng mga diyablo at Satanas na alamin ang katotohanan mula sa iyo, may karapatan kang magsabi ng “hindi,” tumangging sagutin ito, at huwag magbigay ng impormasyon—karapatan mo ito. Kung sasabihin mo, “Diyablo ka, gusto mong pilitin akong magsalita, pero hindi ako magsasalita nang totoo sa iyo, hindi ko sasabihin sa iyo. Isusumbong kita—ano ang magagawa mo sa akin? Kung mangangahas kang pahirapan ako, isusumbong kita; kung pahihirapan mo ako, susumpain at parurusahan ka ng Diyos!” uubra ba ito? (Hindi.) Sinasabi ng Bibliya: “Mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas, at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati” (Mateo 10:16). Sa ganoong mga sitwasyon, dapat kang magpakatalino gaya ng mga ahas; dapat maging matalino ka. Ang mga puso natin ay angkop lang para siyasatin at taglayin ng Diyos, at sa Kanya lang natin dapat ibigay ang mga ito. Ang Diyos lang ang karapat-dapat sa mga puso natin, hindi karapat-dapat ang mga Satanas at diyablo! Samakatwid, may karapatan ba ang mga anticristo na malaman kung ano ang laman ng puso natin o kung ano ang iniisip natin? Wala silang karapatan. Ano ang layunin nila at sinusubukan nilang alamin ang katotohanan mula sa iyo at masusi kang siyasatin? Layunin nilang kontrolin ka; dapat makita mo ito nang malinaw. Kaya, huwag kang magsabi ng totoo sa kanila. Dapat humanap ka ng paraan para pagkaisahin ang mas marami pang kapatid para ilantad at itakwil sila, pababain sila sa posisyon nila, at huwag na huwag silang hahayaang magtagumpay. Tanggalin sila sa iglesia, para huwag na silang muling makapanggulo at makahawak ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos.
Isang realidad talaga na masusing sinisiyasat at kinokontrol ng mga anticristo ang puso ng mga tao. Kung titingnan natin ang diwa ng mga anticristo, maliwanag na natural na sa kanilang pumasok sa ganoong mga aktibidad, at pangkaraniwang-pangkaraniwan na ito. Sa iba’t ibang iglesia, madalas na ipinapadala ng mga anticristo ang mga taong napagkakatiwalaan nila para pasukin ang mga kapatid, alamin ang mga bagay-bagay, at mangalap ng impormasyon mula sa loob. Paminsan-minsan, ang impormasyong nakakalap nila ay may kinalaman sa mga mumunting domestikong bagay o kaswal na usapan sa pagitan ng mga tao, na talagang hindi naman importante. Gayumpaman, laging lumilikha ng usap-usapan ang mga anticristo tungkol sa mga bagay na ito, pinapalaki pa sa antas ng mga kaisipan at pananaw para agad na maarok ang mga pagbabago sa mga isipan at opinyon ng mga tao. Ito ay para makontrol nila ang mga sitwasyon at ang kalagayan ng bawat tao nang walang kahirap-hirap, kung saan tinutugunan nila agad ang bawat isa. Lalong espesipiko ang mga anticristo sa mga kilos nila pagdating sa kapangyarihan at katayuan. Gaano kaespesipiko? Pagdating sa pananaw ng bawat tao sa kung paano nila hinaharap ang mga bagay-bagay, pati na sa pananaw nila sa mga materyal na bagay, pera, katayuan, pananampalataya sa Diyos, pagganap sa mga tungkulin, at pagbitiw sa mga trabaho—gusto nila na kabisadong-kabisado nila ang lahat ng ito. Kapag kabisadong-kabisado na nila ito, hindi na ginagamit ng mga anticristo ang katotohanan para tustusan ang mga tao, baguhin ang mga maling pananaw ng mga tao, o lutasin ang mga isyu. Sa halip, ginagamit nila ito para pagsilbihan ang sarili nilang katayuan, kapangyarihan, at teritoryo. Ito ang layunin ng mga anticristo sa masusi nilang pagsisiyasat at pagkontrol sa puso ng mga tao. Para sa mga anticristo, ang lahat ng ginagawa nila ay tila makahulugan at mahalaga, pero ang lahat ng bagay na ito na ipinagpapalagay na makabuluhan at mahalaga ay kinokondena mismo ng Diyos. Tiyak nilang ipinagkakanulo ang Diyos at nakikipag-alitan sila sa Kanya.
Nobyembre 7, 2020