Ikalabing-apat na Aytem: Tinatrato Nila ang Sambahayan ng Diyos na Parang Sarili Nilang Personal na Teritoryo (Ikatlong Seksiyon)

II. Minamanipula ng mga Anticristo ang mga Sitwasyon

Bago ito, nagbahaginan tayo tungkol sa unang pagpapamalas ng pagtrato ng mga anticristo sa sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang personal na teritoryo: ang pagmomonopolisa sa kapangyarihan. Pagdating sa pagmomonopolisa sa kapangyarihan, pangunahin na nating ibinahagi ang tungkol sa espesipikong nilalaman ng kung paano nakakakuha ng kapangyarihan ang mga anticristo, kung paano nila pinatatatag ang kanilang katayuan matapos itong makuha at patuloy na pinalalakas ang kapangyarihang iyon, at sa huli, kung paano nila ginagamit ang kapangyarihang iyon. Bukod sa pagmomonopolisa sa kapangyarihan, ang pangalawang kongkretong nakaugaliang gawin ng mga anticristong tinatratong parang sarili nilang personal na teritoryo ang sambahayan ng Diyos ay ang pagmamanipula sa mga sitwasyon. Madali na lang dapat maunawaan ang literal na ipinapakahulugan ng pagmamanipula sa mga sitwasyon, kaya saan naman tumutukoy ang “mga sitwasyon”? Pagkatapos mamonopolisa ng isang anticristo ang kapangyarihan, makapagtatag ng sarili niyang teritoryo, makapagparami ng sarili niyang masusugid na tagasunod, kaibigan, at mapalawak ang balwarte niya, makakapayag ba siyang makialam ang iba sa kanyang gawain? Mapapahintulutan ba niya ang iba na makialam o manghimasok sa mga bagay-bagay at sa balwarte na pinangangasiwaan niya? (Hindi niya ito pinapahintulutan.) Para sa isang anticristo, kapangyarihan ang siyang buhay niya. Sa loob ng balwarte niya, siya ang dapat magdikta ng lahat ng bagay. Kahit ano pa ang mangyari sa loob ng balwarte niya, siya ang dapat mamatnugot at kumontrol sa lahat ng tao at bagay na sangkot, pati na sa huling kalalabasan ng mga bagay-bagay. Dapat itong umayon sa mga kagustuhan niya at makatugon sa kanyang mga pangangailangan, nang hindi siya nawawalan ng anuman. Halimbawa, kung hindi niya pakikialaman, panghihimasukan, o mamanipulahin ang isang partikular na bagay, bagkus hahayaan na lang itong kusang mangyari, baka sumama ang reputasyon niya o isumbong siya ng isang tao at matanggal siya, na baka ikalagay pa sa alanganin ng katayuan niya at mawala pa ang taglay niyang kapangyarihan. Kaya, sa lahat ng klase ng bagay, malaki man at maliit, na nangyayari sa loob ng iglesia, dapat harapin ng anticristo ang mga ito nang mag-isa. May kinalaman ang mga bagay na ito sa reputasyon at katayuan niya, pati na sa kanyang kapangyarihan. Pagdating naman sa mga bagay na walang kinalaman sa kapangyarihan niya, puwede niyang piliing huwag usisain ang mga ito o huwag na lang itong pansinin. Lalo na pagdating sa gawain ng sambahayan ng Diyos, sa buhay pagpasok ng mga kapatid, sa buhay iglesia, at sa mga ganoong iba’t ibang bagay, basta’t hindi nakakaapekto ang mga ito sa katayuan at kapangyarihan niya at basta’t walang kinalaman ang mga ito sa mga interaksyon niya sa Itaas, wala siyang pakialam, hindi niya inuusisa, o iniintindi ang mga ito. Halimbawa, mahalaga sa kanya ang buwanang bilang ng mga tao na naibunga ng pangkat sa ebanghelyo dahil nakakaapekto ito sa katayuan niya. Kung masisiguro ang katayuan niya sa pamamagitan ng iniuulat na bilang kada buwan, gagawin niya ang lahat para maabot ang bilang na iyon para maingatan ang kanyang katayuan habang nananatili namang walang kabuluhan sa kanya ang iba pang mga bagay. Halimbawa, sabihin na nating kailangang magbunga ng isang daang tao sa isang buwan ang lugar na pinangangasiwaan niya sa ilalim ng mga normal na sitwasyon. Pero, kung dahil sa kapaligiran, mga espesyal na sitwasyong nangyayari sa buwang iyon, o ilang tao na nasa yugto pa rin ng kanilang pagsisiyasat, hindi umabot sa isang daan ang bilang ng mga tao na naibunga, saka ngayon tututukan nang husto ng anticristo ang bagay na ito at mag-aalala nang husto. Ano ang ipinag-aalala niya? Nabibigatan at nag-aalala ba siya dahil nakikita niyang hindi maayos ang takbo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos? Ito ba ay dahil walang pagpapahalaga at pabaya sa tungkulin ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo, at nag-aalala siya kung paano niya sila didiligan at lulutasin ito? O alalahanin ba ito tungkol sa kakulangan ng mga taong magpapalaganap ng ebanghelyo, at kung paano niya ito dapat lutasin at dagdagan? Hindi, hindi siya nag-aalala tungkol sa mga bagay na ito. Nag-aalala siya kung paano niya paaabutin ng isang daan ang bilang na iyon nang hindi natutuklasan ng Itaas ang mga pailalim niyang pamamaraan. Kung walumpu lang ang aktuwal na bilang sa halip na isang daan at ito talaga ang iuulat niya, baka magpadala ng tao ang Itaas para mag-imbestiga at alamin pa ang tungkol sa sitwasyon, kaya paano niya maiuulat ang bilang para hindi na mag-imbestiga ang Itaas? Siyamnapu’t walong tao ang iuulat niya. May magsasabi, “Hindi ka maaaring magpalsipika nang ganito; pandaraya ito, hindi ito katanggap-tanggap.” Sasagot naman siya, “Ayos lang ito. Ako ang masusunod; kung may mangyari man, ako ang bahala.” Bakit itong partikular na bilang na ito ang iniulat niya? May mas malalim bang kahulugan sa likod nito? Pinag-isipan ba niya ito nang mabuti? Oo. Masyadong malaki ang magiging diperensya kung isang daang tao ang iuulat niya samantalang walumpu lang talaga ang aktuwal na bilang, magiging mahirap pagtakpan ang kasinungalingan pagdating ng panahon. Pero, kung siyamnapu’t walo ang iuulat niya, kahit na makikita ng Itaas na mas mababa ito sa isang daan, mukhang lehitimong bilang naman ito at hindi na mangangailangan pang mag-inspeksyon ang Itaas, na makapagtitiyak naman sa seguridad ng katayuan niya. Minsan, kung nakapagbunga siya ng isang daang tao, nangangahas siyang dalawang daan ang iulat, at kung may papuntahin ang Itaas para mag-imbestiga, may mga diskarte siya para pangasiwaan ito. Sinasabi niyang ang sobrang isang daan ay kasalukuyang nagsisiyasat at maibubunga sa susunod na buwan. Kung walang papapuntahin ang Itaas para inspeksyunin ito, gagawa naman siya ng paraan para ipagmayabang ang mga kontribusyon niya. Minsan, kung wala siyang ni isang tao na naibunga sa isang buwan, nag-uulat pa nga siya nang di-totoo na nakapagbunga siya ng tatlumpu o limampung tao, pagkatapos ay nag-iisip siya ng paraan para makabawi sa susunod na buwan. Sa madaling salita, pagdating sa pag-uulat ng bilang ng mga tao na naibunga sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya ng anticristo na palsipikahin ang mga ito, magsinungaling tungkol sa mga ito, mandaya, at gumamit ng mga pailalim na pamamaraan. Kung paano iuulat ang isang bilang, at kung anong bilang ang iuulat, ang anticristo ang direktang magsasabi nito. Hindi ba’t pagmamanipula ito sa mga sitwasyon?

Ginagamit ng anticristo ang katayuan at kapangyarihan niya para laging pakialaman at guluhin ang pagganap ng mga hinirang ng Diyos sa mga tungkulin nila. Pinipigilan at ibinubukod niya ang sinumang gumagawa batay sa mga prinsipyo at epektibong gumaganap sa kanilang tungkulin. Ano ang layunin niya sa pagkilos nang ganito? Ito ay para manipulahin ang mga sitwasyon; ipinapakita niyang kontrolado niya ang lahat, sinusupil ang mga nasa ilalim niya at niloloko ang Itaas. Ano ang layunin niya sa pagmamanipula sa mga sitwasyon? Ito ay para hindi mabunyag ang katotohanan, para hindi malaman ng mga tao ang katotohanan, para lokohin ang Itaas, para itago ang aktuwal na sitwasyon ng gawain niya sa ibaba, at para ikubli kung talaga nga bang may nagawa siyang aktuwal na gawain o wala at kung paano niya ginawa ang kanyang gawain. Ang layunin niya sa pagmamanipula sa mga sitwasyon ay ang pagtakpan ang mga totoong nangyari, itago ang katotohanan, at ikubli ang masasama niyang intensyon, at ang itago rin ang kanyang masasamang gawa, ang mga suwail niyang pagkilos, at ang katotohanan tungkol sa kung paanong hindi siya gumagawa at hindi niya kayang gumawa ng anumang aktuwal na gawain, at marami pang iba. Halimbawa, kapag may kailangang pera ang sambahayan ng Diyos at nagtatanong ito kung gaano kalaking handog ang hawak ng iglesia niya, tinatanong muna ng anticristo kung magkano ang kailangan ng sambahayan ng Diyos. Kung sasabihin mong kailangan mo ng ilang libo, sasabihin niyang iilang daan lang ang mayroon siya; kung sasabihin mo namang kailangan mo ng sampu-sampung libo, sasabihin niyang iilang libo lang ang mayroon siya. Ang totoo, sampu-sampung libong yuan na mga handog para sa iglesia ang hawak niya at hindi siya pumapayag na ibigay ito. Hindi ba’t may itinatago siyang masasamang intensyon kapag ganito? Ano ang gusto niyang gawin? Gusto niyang kamkamin ang mga handog na ito para sa personal niyang gamit. Nabibilang ba itong pagmamanipula sa mga sitwasyon? (Oo.) Minamanipula ng anticristo ang mga sitwasyon sa punto pa ngang hindi niya ibibigay ang mga handog. Kung tatanungin mo siya kung may mahusay ba sa pagsusulat, musika, o paggawa ng video sa iglesia niya, baka sabihin niya, “May mahusay sa amin sa pagsusulat na pitumpu’t walong taong gulang na, isang dating mamamahayag na may malalang karamdaman sa sikmura.” Ang totoo, nasa mga tatlumpung taong gulang lang ang taong ito, malakas pa, at walang nararanasang anumang matinding sakit sa sikmura. Bakit hindi niluluwagan ng anticristo ang pagkakakapit niya? Bakit siya nagbibigay ng maling impormasyon? Gusto niyang manipulahin ang mga sitwasyon. Naniniwala siyang makakaapekto sa pamumuno niya kung pakakawalan niya ang ganoong talento; gusto niya ring panatilihin ang mga talentadong indibidwal na ito. Sa kanya ba talaga ang mga talentadong tao na ito? (Hindi.) Kung gayon, bakit ayaw niyang pakawalan ang mga ito? Bakit hindi niya ibinibigay ang mahuhusay na taong ito kapag kailangan sila ng gawain ng sambahayan ng Diyos at kinakailangan pa niyang palsipikahin ang impormasyon? Gusto niyang ilihis ang mga tao para maingatan ang katayuan niya—talaga ngang minamanipula niya ang mga sitwasyon. Hindi niya tinatanong ang mga taong sangkot kung payag ba silang gawin ang mga tungkuling ito, ni hindi niya ipinipresenta sa sambahayan ng Diyos ang tunay na sitwasyon ng mga taong ito. Sa halip, pinapanatili niya ang mga ito para sa personal niyang gamit, o kung hindi man niya sila gagamitin, hindi pa rin niya ibibigay ang mga ito sa sambahayan ng Diyos. Halimbawa, kung kailangan ng sambahayan ng Diyos ng video producer mula sa iglesia, nakikita ito ng anticristo at naiisip na, “Ang makapagbigay ng isang taong mahusay sa paggawa ng mga video—mapapalampas ko ba ang isang magandang oportunidad na gaya nito? Inuuna naman ng bawat tao ang sarili niyang kapakanan: May kaunti namang nalalaman ang anak kong babae, anak kong lalaki, at ang ilan kong kamag-anak sa paggawa ng video, kaya sila na lang ang irerekomenda ko, nakakatugon man sila sa mga hinihingi ng sambahayan ng diyos o hindi.” Kapag nahaharap sa isang magandang oportunidad gaya ng pagrekomenda ng mga tao, inuuna niya ang mga kamag-anak at kaibigan niya, at hindi niya binibigyan ng pagkakataon ang mga tagalabas. Hindi ba’t pagmamanipula ito sa mga sitwasyon?

Batay sa mga halimbawang nabanggit sa itaas, saan ba talaga tumutukoy ang pagmamanipula ng mga anticristo sa mga sitwasyon? Hindi ba’t nangangahulugan itong dinodomina ng anticristo ang lahat, kinokontrol at minamanipula niya ang lahat ng tao at ang lahat ng bagay? Ang lahat ng bagay ay hawak niya sa kanyang mga kamay, at siya ang masusunod sa lahat ng bagay; siya ang kumokontrol sa lupon, pinangangasiwaan at minamanipula ito mula sa likod ng mga eksena. Ito ang pagmamanipula sa mga sitwasyon. Kapag may taong pinapunta ang Itaas sa iglesia niya para maunawaan ang sitwasyon, at gusto ng taong ito na makipag-usap sa ilang tao at kumustahin ang lagay ng buhay pagpasok ng mga kapatid at ang pagganap sa mga tungkulin nila, at tingnan kung naipamahagi ba ang mga materyal gaya ng mga aklat ng mga salita ng Diyos at mga recording ng sermon sa bawat isang hinirang ng Diyos, sinasabi ng anticristo, “Walang problema, sasamahan kita sa tahanan ng dalawang kapatid.” Sino ang dalawang taong ito? Hindi ba’t kapwa sila mga taong nasa teritoryo ng anticristo? (Oo, ganoon na nga.) Ang dalawang taong ito ay ang nakababata niyang kapatid na babae at ang nakababatang kapatid na lalaki ng asawa niya. Matapos samahan sa dalawang bahay na ito ang taong ipinadala mula sa Itaas, sasabihin ng dalawang taong ito, “Maganda ang takbo ng aming buhay iglesia, at may iba’t ibang uri kami ng sermon at pagbabahaginan at mga video na naglalaman ng mga patotoo. Ilang araw nang wala ang lider ng iglesia namin para sa gawain ng iglesia at hindi pa siya nakakauwi.” Kahit sino pa ang papuntahin sa iglesia niya, hindi talaga nila maarok kahit katiting ng tunay na sitwasyon. Pinagtatakpan ng anticristo ang lahat ng bagay patungkol sa totoong sitwasyon sa iglesia, ang mga problemang lumitaw, ang masasamang tao na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, kung sino ang gumaganap nang pabasta-basta sa mga tungkulin niya, kung aling mga gawain ang nakaranas ng mga aberya, at iba pa. Ang makikita mo pagpunta mo roon ay mga eksena lang na kaaya-ayang tingnan—pakitang-tao lang ang lahat ng ito. May isang bagay lang na kapansin-pansin: Kung magtatanong ang taong ipinadala mula sa Itaas kung may angkop bang lugar para paglagyan ng mga handog sa iglesia at kung kailangan bang kunin na ang ilan sa mga handog, nagmamadali ang anticristong sabihin na hindi naman ganoon kalaki ang mga handog sa iglesia. Pagdating sa iba pang mga gawain, positibo ang pananalita niya, maliban sa sitwasyong may kinalaman sa mga handog—pinuputol niya kaagad ang usapan bago pa makapagsalita ang taong iyon. Kinokontrol ng anticristo ang mga tauhan ng iglesia na naaangkop sa pagganap sa iba’t ibang tungkulin, habang inirerekomenda ang ilan sa mga taong kinagigiliwan niya o ang mga hindi nakakatugon sa mga kondisyon na gumanap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, lalo na ang ilang partikular na taong may masamang pagkatao at kung saan kumikilos ang isang masamang espiritu, o ang iba na wala talagang espirituwal na pang-unawa, na karumal-dumal ang pagkatao, mga pabasta-basta kung gumanap sa mga tungkulin nila, mga walang pundasyon sa kanilang pananalig sa Diyos, at para bang mga walang pananampalataya lang. Maliban sa pagganap sa tungkulin nila nang pabasta-basta, nagdudulot din ang mga taong ito ng mga gulo at pagkagambala at nagiging mga sutil, at hindi kaya ng ilan na tiisin ang hirap at gusto nang umalis sa sambahayan ng Diyos. Nagkakalat pa nga ang ilan ng mga tsismis at nagpapalaganap ng mga kuru-kuro, at ang iba ay hindi gumaganap nang maayos sa mga tungkulin nila, ginugugol ang kanilang mga araw sa panunuod ng mga drama sa telebisyon o ng iba pang walang katuturang video. At ano ang nangyayari sa huli? Ipinapadala sa ibang lugar ang ilan sa mga taong ito. Sa mga ipinapadala sa ibang lugar, mahigit siyamnapu’t limang porsyento sa kanila ang may masamang pagkatao. Gaano kasama ang kanilang pagkatao? Sobrang sama—wala silang pagkatao, at hindi talaga nananampalataya sa Diyos ang ilan. Saan nanggaling ang mga taong ito? Hindi ba’t inirekomenda silang lahat ng iglesia? Dahil rekomendado sila ng iglesia, may problema siguro sa mga taong nagrekomenda sa kanila. Hindi maiaalis sa isip na baka mga anticristo ang ilan sa mga taong ito, at na baka mga kamag-anak, kaibigan, o masusugid na tagasunod ng mga anticristo ang mga inirekomendang indibidwal. Hindi ba’t ganito ang kaso? Magagawa ba ng isang taong may tunay na pagkatao at may kaunting konsensiya na maingat na gawin ang mahalagang bagay na pagrerekomenda ng mga talentadong indibidwal? Kaya ba nilang maging responsable kahit kaunti? Kaya ba nilang alisin ang ilan sa mga makasarili nilang motibo? Kayang-kaya itong makamit ng isang taong may pagkatao at konsensiya, at may isang uri lang naman ng tao na hindi, ang mga anticristo. Gusto nilang solohin ang lahat ng mabubuting bagay para sa sarili nila, at tahasan silang tumatanggi at ayaw nilang makipagtulungan sa anumang bagay na hindi kapaki-pakinabang sa kanila—ganoon ang mga anticristo.

May isa pa ngang mas kasuklam-suklam na aspekto ang pagmamanipula ng mga anticristo sa mga sitwasyon bukod sa lagi nilang gustong kontrolin ang lahat at idikta ang mga bagay-bagay sa iglesia. Magagawa ba ng mga anticristo na nakikipagsabwatan sa masusugid nilang tagasunod na magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, na gumanap nang maayos sa mga tungkulin nila, na itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at tuparin ang mga responsabilidad at obligasyon nila? (Hindi, hindi nila magagawa.) Iyon ang dahilan kaya sinabi Kong nagsasabwatan sila. Kapag sinabing nagsasabwatan sila, nagiging malinaw na ang lahat ng sinasabi at magkakasama nilang ginagawa ay kinapapalooban ng mga ilegal na gawain. Sa panlabas, mukhang palakaibigan ang mga taong ito, may respeto sa senyoridad, at sobrang mapagmahal, magalang, at marespeto sa isa’t isa, at gayundin ay mapitagan at may mabuting pagkatao. Ang totoo, mababaw, mapanlinlang, at mapagkunwari lang ang lahat ng ito. Paano nila nagagawang maging napakagalang at magpakita ng pinakamataas na respeto at pagpipitagan sa isa’t isa? May dahilan ito. Ang layunin nila sa pagsasabwatan ay hindi para matuto sila sa isa’t isa na mapunan ang sarili nilang mga kahinaan o masuportahan ang isa’t isa sa pagpasok sa katotohanang realidad para makasunod sa kalooban ng Diyos at magawa nang maayos ang gawain ng iglesia. Sa halip, ito ay para makapanamantala, makaasa, at magdamayan sila sa isa’t isa. Nagsasabwatan sila dahil kapag mas maraming tao, mas malakas ang kapangyarihan, at kapag mas malakas ang kapangyarihan, mas madaling harapin ang mga bagay-bagay, at napapabilis nito ang pag-aasikaso sa mga pribadong bagay. Kaya, kapag magkakasama sila, mukha silang lubhang palakaibigan, na para bang malapit silang magkakapamilya. Magalang silang makipag-usap sa mga nakatatandang indibidwal, tinatawag na “kapatid” ang mga kaedad nila, sinasabi ang mga salitang ito nang may pagmamahal at puno ng pagsunod sa nakasanayang gawi. Kung walang alam ang isang tao tungkol sa mga tunay na nangyayari sa sitwasyong iyon, baka purihin pa nga niya ang mga taong ito para sa pagmamahal, pagdamay, at pagtitiwala nila sa isa’t isa; mukhang handa silang tumulong sa panahon ng kagipitan, at masayang-masaya sila at kontento, sinasabing, “Magkakapamilya tayong lahat; iisang diyos lang ang pinananampalatayaan natin.” Habang nagsasalita sila, ibinabahagi nila ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng mga makahulugang sulyap, na lalong kumukumpirma na isang pamilya nga sila at isang grupong magkakadikit. Kaya, ano ba mismo ang ginagawa nila kapag nagsasabwatan sila? Halimbawa, general manager sa isang kumpanya ang isa sa mga babaeng kapatid na elder at marami siyang kakilala at koneksyon sa lipunan. Marami na siyang nagawa para sa mga tao sa teritoryo ng anticristo, at napagbigyan na niya ang mga pabor ng karamihan sa mga tao, kaya “ate” ang tawag nila sa kanya. Sa tuwing may problema sa bahay ang isang tao, gaya ng lalaking anak na papasok sa unibersidad o babaeng anak na naghahanap ng trabaho, siguradong kokonsulta ito sa kanya at hihingan siya ng tulong sa paglutas sa mga bagay-bagay. Kapag may naospital, at may isang tao sa iglesia na nagtatrabaho sa isang ospital at makakatulong sa kanilang makakuha ng mga imported na gamot, biglang ituturing ng anticristo ang taong ito bilang isang pinagkakatiwalaang tao at kapamilya. Nagsasabwatan sila para asikasuhin ang ganoong mga trabaho, kapwa makinabang sa isa’t isa, at lumikha ng mga sitwasyon kung saan lagi silang panalo. Samakatwid, kapag magkakasama sila, mukhang magkasundong-magkasundo sila at panatag ang loob nila sa isa’t isa, masayang-masaya at hindi kailanman nag-aaway. Pero, sa likod ng katiwasayang ito, sikretong nagkikimkim ang bawat tao ng mga lihim na motibo, iniisip kung paano pagsasamantalahan ang kabilang partido at paano gagamitin ang iba, pati na kung paano nila tutulungan ang iba habang pinakikinabangan ang isa’t isa at sinusuklian ang mga pabor ng ibang tao. Kapag naitatag na ng anticristo ang teritoryo niya at nagkaroon na siya ng masusugid na tagasunod, may pangkat at “pamilya” na siyang tutulong sa kanya sa lahat ng maliliit na bagay sa pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, pagdating sa paghahanap ng trabaho, pagpasok sa kolehiyo, pagtaas ng ranggo, pagharap sa isang malubhang sakit, paglipat sa ibang lugar, o kahit paghahanap ng isang taong magbabayad ng pera bilang mediator para makalaya sa kulungan pagkatapos nilang maaresto—may isang taong mag-aasikaso sa lahat ng bagay na ito. Mula sa perspektiba ng anticristo, hindi ba’t kapaki-pakinabang ang “mga kapamilyang” ito? Hindi ba’t maaasahan sila? Hindi ba’t maaasahan at matutulungan nila ang isa’t isa? (Oo.) Samakatwid, sa loob ng teritoryong gaya nito, ang nakikita ng isang tao ay hindi ang interaksyon sa isa’t isa ng mga tao kung saan ang mga salita ng Diyos ang kanilang prinsipyo, o mga taong kumikilos ayon sa konsensiya nila, namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, sumasamba sa Diyos, nakikisalamuha nang normal sa isa’t isa, buong pusong nagbabahaginan, binubuksan ang puso nila at inilalantad ang kanilang sarili, nagbabahaginan at nalalaman ang tungkol sa sarili nilang tiwaling disposisyon, o natututo mula sa isa’t isa para punan ang sarili nilang mga pagkukulang—walang ganoon. Ang samahang ito, ang teritoryong ito, ay ang teritoryo ng grupo ng anticristo, kung saan walang kapangyarihan ang katotohanan, kung saan hindi kumikilos ang Banal na Espiritu, at kung saan wala sa puso ng mga tao ang mga salita ng Diyos. Sa halip, namumuhay rito ang grupo ng anticristo nang kontento, komportable, at may kasiyahan, tinatrato ito na parang sarili nilang tahanan. Ang totoo, hindi ito ang sambahayan ng Diyos, ni ang iglesia; ito ay lipunan, ang grupo ng anticristo.

Ginagawa ng mga anticristo na sarili nilang teritoryo ang iglesia, ginagawa itong isang samahan at grupo nila. Mga mapanira at nakakamuhing gawa ang ginagawa nila, at nagsasalita at kumikilos sila gamit ang mga taktika at pamamaraan ng mga walang pananampalataya. Ang bawat isa ay mapambola, walang kuwentang magsalita, puro basag-ulo ang alam, traydor at buktot, at ayaw tanggapin ang katotohanan. Kung titingnan sa panlabas, nagbabalatkayo sila bilang mga taong may pinag-aralan, sibilisado, magalang, disiplinado, at may mabuting asal, may kakayahan at mabuting pagkatao. Pero ang totoo, ang bawat isa sa kanila ay traydor, tuso, mababang-uri, at may buktot na pagkatao. Nagsasabwatan sila, nagpaparami ng mga koneksyon, nakikipagkompetensiya para sa impluwensiya, iniintindi ang luho, at binibigyang-diin ang mga ugnayang panggrupo at pantrabaho sa lipunan. Iniintindi nila kung sino ang mas maimpluwensiya, ang may mas mataas na katayuan, at ang mas tanyag sa lipunan, pati na kung sino ang pinakamahusay pagdating sa mga estratehiya. Wala kang makikitang anumang tunay na pananampalataya mula sa pananalita at pag-uugali nila; lalo pang hindi ka makakakita ng pinakamaliit na puwang para sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan sa mga puso nila. Isa lang laro at panloloko ang kanilang pananampalataya. Ginawa ng mga buktot na taong ito na isang samahan ang iglesia, isang teritoryo para magsabwatan ang mga taong buktot, habang walang-tigil nilang ipinapahayag ang mayayabang nilang salita, at sinasabing: “Nananampalataya kami sa diyos, ginagawa namin ang aming mga tungkulin sa sambahayan ng diyos, sinusunod namin ang diyos nang ganito, nag-aambag para sa kapakanan ng mga kapatid namin sa ganoong paraan, tinutulungan at sinusuportahan sila nang ganito, at minamahal ang isa’t isa sa ganito at ganyang paraan.” Sa pamamagitan ng mga buktot na paraan na naglilihis at sumisilo sa mga tao, kasama na ang iba’t ibang mabababang-uring pamamaraan, pinipinsala nila ang mga kapatid, pero naniniwala silang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, na tinutulungan ang mga kapatid, niluluwalhati ang Diyos, at nagpapatotoo sa Kanya. Ang hindi nila namamalayan, sa likod ng mga kilos at pag-uugaling ito, naroroon ang diwa ng mga anticristo na minamanipula ang mga sitwasyon. Sinisilo ng mga anticristo ang mga sumusunod sa Diyos sa ilalim ng kapangyarihan nila, kung saan ginagawa nilang sarili nilang teritoryo ang iglesia, ginagawang isang samahan, at isang organisasyon ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Maituturing pa bang iglesia ang ganoong organisasyon? Malinaw na hindi. Hindi ba’t sadyang nakakasuka ang ugali ng mga anticristo? Nakakita na ba kayo ng ganitong grupo ng anticristo? Ano ang nararamdaman mo kapag kasama mo sila? Sa panlabas, mukha naman silang magalang at mabait—pero kapag ibinabahagi mo na sa kanila ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, pagkasuklam at kawalan ng interes ang saloobing ipinapakita nila, taliwas sa ipinapakita nilang paggalang at kabaitan. Kapag ibinahagi mo sa kanila ang katotohanan, pakiramdam nila, tagalabas ka, lalong-lalo na kapag ibinahagi mo ang tungkol sa gawain ng iglesia; kapag ibinahagi mo pa ang tungkol sa mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa sa pagganap ng tungkulin, naaasar sila at nawawalan ng gana, at doon na nila ibinubunyag ang kanilang pagiging malademonyo, nagkakamot sila ng ulo, humihikab, at nagluluha ang mata nila sa antok. Hindi ba’t abnormal ito? Bakit lumilitaw ang kanilang pagiging malademonyo kapag ibinahagi mo na ang katotohanan? Wala bang kahit kaunting pagmamahal ang bawat isa sa kanila sa kanilang mga puso? Paano nila nagagawang mawalan ng gana kapag nagsisimula ka nang magbahagi ng tungkol sa katotohanan? Hindi ba sila nabubunyag kung ganoon? Wala ba silang matinding pagkamasigasig at katapatan sa pagsasagawa ng mga panlabas na gawain? At kung tapat sila, wala ba silang taglay na realidad? Kung may taglay silang realidad, masaya dapat sila kapag naririnig nilang nagbabahagi ang mga tao tungkol sa katotohanan, dapat nilang kasabikan ito. Bakit palaging hindi normal ang kalagayan nila, at may pagsapi pa nga ng masasamang espiritu na nangyayari? Ipinapakita nitong ang karaniwan nilang matiwasay na mga interaksyon, at ang pagiging magalang at mabait nila, ay pakitang-tao lang. Ang mga salita ng paghatol ng Diyos at ang mga katotohanang ipinapahayag Niya ang siyang ganap na nagbubunyag sa kanila. Pagkatapos ay namumuo ang galit sa loob nila, at medyo hindi na katulad ng dati ang kalagayan nila, at nagsisimula na silang gumawa ng masama at magdulot ng mga gulo. Pagkatapos, ibibigay na sila ng Diyos kay Satanas at hindi na Niya iintindihin pa ang mga ito. Sa dami ng mga buktot na ginawa nila, naipakita na nila ang tunay nilang kulay.

Talaga ngang isang realidad na minamanipula ng mga anticristo ang mga sitwasyon. Sa mga di-gaanong malalang kaso, isang tao ang nagmamanipula sa isang partikular na bilang ng mga tao; sa malalalang kaso naman, isang grupo ang nagmamanipula sa isang partikular na dami ng tao at sa lahat ng bagay. Limitado ang dami ng mga bagay at pangyayari na kayang manipulahin ng isang tao; kaya, para mapalawak ang puwersa nila at maingatan ang kanilang katayuan, dapat magsanay ng isang pangkat ng mga tao ang mga anticristo. Kailangan nilang hikayatin at kontrolin ang isang grupo ng mga tao para alalayan sila, siguruhin ang katayuan at kapangyarihan nila, at tulungan silang manipulahin ang mga sitwasyon. Sa sandaling maitatag na ng mga anticristo ang grupo nila, mas lumalaki ang kanilang balwarte, kaya lalo nilang namamanipula ang mas maraming bagay, at lumalawak ang pagkasangkot nila. Dahil dito, nadaragdagan ang bilang ng mga biktima. Ano ang dapat ninyong gawin kung makasagupa kayo ng grupo ng isang anticristo na may kakayahang manipulahin ang mga sitwasyon? Nakakita na ba kayo ng ganoong grupo? Ang mga pangunahing miyembro ng grupong ito ay karaniwang binubuo ng apat o limang indibidwal, o mahigit sa sampu. May kanya-kanyang gampanin ang bawat isa. Halimbawa, may mga dalubhasa sa pangangasiwa ng mga tauhan, may mga humahawak ng pananalapi, may mga humaharap sa Itaas, at may mabibilis magtakip ng mga bagay-bagay para sa anticristo kahit ano pa ang mangyari; may mga nagpapayo rin sa likod ng mga pangyayari, mga nagpaplano ng masasamang bagay para manakit ng mga tao; may mahuhusay magkalat ng mga tsismis, mga lumilikha ng sigalot, mga tumutulong sa mga taong gumagawa ng masama para gumawa ng kasamaan, mga nangangalap ng impormasyon, at mga kumukuha rin ng mga benepisyo at nagbibigay sa kanila ng pag-aasikasong medikal. Sa madaling salita, may isang tao sa pangkat na ito para gumanap sa bawat uri ng papel. Binabalewala ng mga anticristo ang mga indibidwal na walang impluwensiya, taos-puso at simple, at walang abilidad na mag-asikaso ng mga bagay-bagay sa lipunan. Sa halip, espesipiko nilang pinupuntirya ang mga mananampalatayang may katayuan, reputasyon, impluwensiya, at karanasan bilang opisyal o sa pag-aasikaso ng malaking negosyo sa lipunan—mga taong nalibot na ang mundo, may kakayahang gawin ang mga bagay-bagay, at makabili ng magagandang bagay para sa kanila. Halimbawa, kung ang isang kotse ay nagkakahalaga ng 400,000 yuan, magagawa ng isang magaling na tao na may kakayahang laruin ang merkado na makakuha ng segunda manong kotse para sa anticristo sa kalahati ng presyo, katumbas ng isang bagong kotse. Papapasukin ba ng anticristo sa grupo niya ang ganoong indibidwal kung makikipaglapit ito sa kanya? (Oo.) Pinapapasok ng mga anticristo ang ganitong mga tao. Ano ang layunin nila? Layunin nilang baguhin ang sambahayan ng Diyos, ang lugar ng gawain ng Diyos, at gawin itong isang samahan, para ang gawain ng Diyos at ang katotohanan ay hindi maipatupad sa mga tao—gusto nilang makamit ang sarili nilang mga mithiin. Kung buong puso at kaluluwang nananampalataya sa Diyos ang isang ordinaryong mananampalataya, kayang talikuran ang sarili niyang pamilya at trabaho, taos-puso at simple at walang abilidad na mag-asikaso ng mga bagay-bagay, gugustuhin kaya siya ng anticristo? (Hindi.) Kung parehong kaya ng asawa’t anak niya na kumita ng pera sa negosyo, may impluwensiya sila sa lipunan, at walang nangangahas na manggipit sa kanila, may anumang halaga ba sa anticristo ang isang matandang babaeng gaya nito? Kahit na maaaring wala siyang angking halaga sa paningin ng anticristo, pagdating naman sa pamilya niya, mataas ang halaga niya. Hindi siya kapos sa pera, kaya niyang patuluyin ang mga kapatid sa kanyang tahanan, at kung may mangyari man, kaya siyang tulungan ng pamilya niya na harapin ito. Ang ganitong tao ay mahalaga sa anticristo. Ginagawa ng anticristo ang lahat para hikayatin at mailihis ang ganitong tao, para tumindig ito sa panig niya at magamit niya ito. Masusing sinusuri ng anticristo ang mga taong kapaki-pakinabang sa kanya. Wala siyang pakialam o pagpapahalaga sa mga may tunay na pananalig, taos-pusong nananampalataya sa Diyos, o may mabuting pagkatao, at tapat sa pagganap sa tungkulin, at pagkatapos na akayin at diligan, nagagawang magkaroon ng progreso at tunay na magbayad ng halaga. Habang lalo kang nagpapakamatuwid, at habang lalo kang nagkakaroon ng konsensiya at katwiran, lalo naman siyang namumuhi sa iyo. Kung magsasalita ka nang totoo at diretsahan, mamumuhi at masusuklam siya sa iyo. Kapag nakita ka niya, iiwasan ka niya. Kung makikisalamuha ka sa kanya, babatiin ka lang niya pero hindi siya magsasalita mula sa puso maliban kung mahalaga ka sa kanya. Mas gusto niya ang mga taong mahalaga sa kanya, mga taong may pakinabang sa kapangyarihan at katayuan niya. Kung magagamit niya ang isang tao, at matutulungan siya nitong maisakatuparan ang mga bagay-bagay, pagtakpan ang mga totoong nangyayari, gumawa ng masasamang bagay habang naghahanap ng mga angkop na maidadahilan para sa kanya, at iligaw ang mga kapatid nang walang nakakapansin, nang walang nakakapaglantad o nakakahalata nito, magiging puntirya ang taong iyon ng pananamantala at panghihikayat niya. Kung ang isang tao, kahit sino pa ang kausapin niya, ay laging nagsasabi ng mga pambobola, umaawit ng papuri sa mga may awtoridad, sinusunod ang sinumang may katayuan, at walang pagkilatis kanino man, gagamitin ba siya ng anticristo? May halaga ang ganoong tao para sa anticristo, pero nag-iingat din siya sa ganoong tao. Hindi niya lubos na pinagkakatiwalaan ang mga nambobola sa kanya, at hindi niya hahayaang malaman nito ang ilang partikular na bagay. Kung isasaayos ayon sa herarkiya ang mga pagpupulong, hindi niya isinasama ang ganoong mga indibidwal sa mas mahahalagang pagtitipon. Makakalahok lang ang ganoong mga balimbing na indibidwal sa mga pagtitipong hindi gaanong mahalaga o mga ordinaryong pagtitipon. Ito ay dahil kung may isa pang lider na lilitaw, baka pagtaksilan siya ng mga balimbing na indibidwal na ito at ilantad siya anumang oras. Tuso ang anticristo sa pagharap sa ganoong mga tao, kung saan ginagamit niya sila batay sa sitwasyon. Samakatwid, pagdating sa pagmamanipula sa mga sitwasyon, napakaingat ng anticristo. Hinaharap niya ang ganoong mga bagay nang may sistematiko at sukat na pamamaraan, maingat na isinasaalang-alang kung paano kikilos at kung aling mga tao ang gagamitin para higit na makinabang. Alam nila kung sino ang malalapit na tagasuporta at kung sino ang mga pangkaraniwang tagasuporta.

Kapag nakipag-usap ang anticristo sa hindi niya kakilala, gaya halimbawa sa isang mas mataas na antas na lider o isang taong hindi niya masyadong kilala, inuusisa muna niya ang pagkatao nito, kung may mga partikular ba itong pinagkakaabalahan o libangan, kung may tunay ba itong pananalig, kung ilang taon na itong nananampalataya sa Diyos, kung taglay ba nito ang katotohanang realidad o nakikilatis ba siya nito, at kung may dala ba itong pasanin para sa buhay pagpasok. Sinusuri at inoobserbahan niya ang bawat aspekto, pagkatapos ay gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para makakuha ng impormasyon mula rito at subukin ito. Kung nakikita niyang magulo ang isip ng isang tao, makakahinga na siya nang maluwag at hindi na niya pagtutuunan ng pansin ang taong ito. Pero kung mukhang tuso at hindi madaling maarok ang isang tao, pakiramdam niya ay parang kailangan niyang maging maingat. Ang pagkontrol ng anticristo sa mga sitwasyon ay para makontrol niya ang lahat, dahil gusto niyang siya ang masunod sa lahat ng bagay, kabilang na ang lahat ng uri ng tao na nasa ilalim ng kontrol niya. Nagiging balewala lang sa kanya ang mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos, tulad ng isang piraso ng basurang papel, at hindi umiiral para sa kanya ang mga atas administratibo at ang disposisyon ng Diyos, na para bang hangin lang ang mga ito. Hindi lang pagkontrol sa mga tao at ang pakinggan siya ng mga tao ang ambisyon at ninanasa niya; hangad niyang kontrolin ang bawat pangyayaring nararanasan ng bawat tao, pati na ang mga bagay na hindi niya alam na nangyayari, sa loob at maging sa labas ng balwarte niya. Ano ang layunin ng pagkontrol na ito? Para masiguro ang kapangyarihan at katayuan niya pati na ang kanyang reputasyon. Isang parirala ang makapaglalarawan sa pagmamanipula ng anticristo sa mga sitwasyon: Ang lahat ay nasa ilalim ng kanyang kontrol. Kaya, hindi nangangahas ang anticristo na palampasin ang anumang bagay, malaki man ito o maliit. Hindi niya pinapalampas ang anumang bagay, gusto niyang makilahok at makialam sa anumang bagay na may kinalaman sa kanyang katayuan o sa kanyang balwarte, at hindi niya pinapalampas ang anumang pakinabang. Gusto niyang aktibong makisangkot sa maraming bagay sa loob ng iglesia, at maarok ang sitwasyon ng kung ano na ang lagay ng mga bagay-bagay. Halimbawa, kung hindi talaga nakikinig o nagpapasakop sa kanya ang ilang tao at lagi silang may mga opinyon tungkol sa kanya, humahanap siya ng paraan para parusahan ang mga ito. Pero kung hindi siya makahanap ng anumang dahilan para pungusan sila, ano ang ginagawa niya? Humahanap siya ng paraan para kontrolin ang mga aklat at mga recording ng sermon na ipinapadala mula sa sambahayan ng Diyos. Tinutukoy niya kung sino ang makakatanggap kaagad ng mga materyal na ito batay sa kung sino ang masunurin sa kanya. Kung hindi ka makikinig sa kanya o kung magpapakita ka ng ugaling hindi niya maiibigan sa pagkakataong iyon, sasabihin niyang limitado ang mga sanggunian at hindi ka niya padadalhan ng mga ito. Sinusubaybayan ng anticristo ang kilos mo. Kung pag-iisipan mo ito nang malinaw, uunawain ito, at aarukin ang sikolohiya ng anticristo; kung boluntaryo mong aaminin ang mga pagkakamali mo, at makikipaglapit sa anticristo, makakahanap siya ng dahilan para sabihing, “Sa pagkakataong ito, nagpadala ng sapat na sanggunian ang sambahayan ng diyos para sa lahat, kasama ka rito.” Pero kung makita niyang idinidistansiya mo na naman ang sarili mo pagkaraan ng ilang panahon, parurusahan ka pa rin niya. Ni hindi ka niya aabisuhan kapag may dumating na mga bagong sanggunian, basta wala na lang siyang ibibigay sa iyo, at baka maghanap pa nga siya ng dahilan para kumpiskahin ang mga bagay na nasa sa iyo na. Lalo na kapag natuklasan ng anticristo na baka may nakakaalam ng mga maling pinaggagagawa niya sa likod ng mga eksena at baka iulat siya nito, inuunahan na niya ito, at maagap na inaamin ang kanyang mga pagkakamali at ibinabahagi ang kaalaman niya tungkol sa sarili, kung saan gumagamit muna siya ng malumanay na pamamaraan. Kapag nakita ng anticristo na hindi uubra ang malumanay na pamamaraan, at medyo hindi siya nakatitiyak sa puso niya, iniisip niya na baka iulat pa rin siya ng taong ito, gagawin niya ang lahat para magtawag ng mas marami pang tao para kuyugin at puwersahang sindakin ang indibidwal na ito. Magpapatuloy ito hanggang sa makipagkompromiso ang taong iyon, ipapahayag na hindi niya ito iuulat, at pagkatapos lang noon, saka siya lulubayan ng anticristo. Sa ilang pagkakataon, baka mauna pa nga ang anticristo na ilantad ang iba; sa takot na baka ilantad at iulat siya ng iba, inuunahan na niya ang mga ito, sadyang sinasamantala ang pagkakataon para akusahan nang hindi totoo ang ibang tao at bitagin ito. Pagkatapos nito, humahanap siya ng dahilan para ibukod at patalsikin ang taong iyon, pinuputol ang komunikasyon nito sa Itaas at sa iglesia. Ngayon, makakahinga na nang maluwag ang anticristo at hindi na niya kailangang mag-alala. Hindi ba’t pagmamanipula ito sa mga sitwasyon? (Oo.) Masasabing ang mga ikinilos ng anticristo sa ganoong mga bagay ay hindi lang isa o dalawang hiwalay na pangyayari o paggamit lang ng isa o dalawang pamamaraan. Para mamanipula ang mga sitwasyon, masiguro ang katayuan niya, at nang hindi humina ang kanyang teritoryo, maraming masasamang ginagawa ang anticristo. Halimbawa, binabago niya ang mga sistema at pagsasaayos ng mga tauhan sa loob ng iglesia. Para mas marami pang tao ang makontrol, lumilikha siya ng sigalot sa pagitan ng mga kapatid, para magbatikusan ang mga kapatid at husgahan nila ang isa’t isa. Sinusulsulan pa nga niya ang kanyang mga tagasunod na kuyugin ang ilang kapatid na mas may pagpapahalaga sa katarungan; sinasabi rin niya sa harapan ng mga kapatid kung gaano kataas ang tingin sa kanya ng Itaas. Bukod pa rito, sumusulat siya sa Itaas, ipinagyayabang ang kahanga-hanga niyang gawain at sinasabing nakikilala na niya ang kanyang sarili, na kaya na niyang boluntaryong ilantad ang kanyang mga isyu, at iba pa. Sumusulat siya at ipinapaalam ang tungkol sa sarili niyang mga isyu para lang subukang makakuha ng pabor sa Itaas. Gumagamit siya ng iba’t ibang paraan at diskarte para manipulahin ang mga sitwasyon, kontrolin ang masusugid niyang tagasunod, lokohin ang mga kapatid, at lokohin din ang sambahayan ng Diyos. Ito ang iba’t ibang gawi na ginagamit ng mga anticristo para kontrolin ang mga sitwasyon sa loob ng iglesia. Siyempre, marami pang ibang espesipikong gawi, pero hindi na ililista ang mga iyon dito. Sa kabuuan, pangkaraniwan na ang mga bagay na ito patungkol sa kung paano kinokontrol ng mga anticristo ang iglesia, at pangkaraniwan na rin ang iba’t ibang gawing ipinapamalas nila.