Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Ikalawang Bahagi) Ikaapat na Seksiyon
C. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang Kababaang-loob at Pagiging Tago ni Cristo
Namamalas sa maraming paraan kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagiging normal at praktikal ni Cristo, at inilantad natin kani-kanina lang ang ilang partikular na halimbawa. Tatapusin na natin ang ating pagbabahaginan sa aspektong ito rito. Tungkol naman sa isa pang aspekto ni Cristo—ang Kanyang kababaang-loob at pagiging tago—nagpapakita pa rin ang mga anticristo ng natatangi nilang disposisyong diwa, at taglay nila ang mga pangunahing pagpapamalas at pamamaraang kapareho ng pagturing nila sa pagiging normal at praktikal ni Cristo. Hindi pa rin nila matanggap ang mga bagay na ito mula sa Diyos, o matanggap ang mga ito bilang mga positibong bagay, sa halip ay kinamumuhian nila ang mga ito, kinukutya at kinokondena pa nila ang mga ito, at pagkatapos ay itinatanggi ang mga ito. May tatlong bahagi ang seryeng ito: Una, nagmamasid sila, pagkatapos ay kumokondena sila, at sa huli ay itinatanggi nila. Lahat ng ito ay nakagawiang kilos ng mga anticristo; itinatakda ito ng diwa ng mga anticristo. Ano ba ang kababaang-loob at pagiging tago? Dapat hindi ito mahirap maunawaan sa literal na kahulugan—nangangahulugan ito ng hindi pagkahilig sa pagpapakitang-gilas, hindi pagyayabang sa sarili, hindi pagpapapansin, at pananatiling hindi kilala. May kinalaman ito sa disposisyon ng Diyos na nagkatawang-tao at sa likas na personalidad ng Diyos. Batay sa panlabas na anyo, hindi dapat mahirap para sa mga tao na mapansin ito: walang ambisyon si Cristo, hindi Siya nagtatangkang agawin ang kapangyarihan, wala Siyang pagnanais para sa kapangyarihan, hindi Niya ikinukulong ang puso ng mga tao, ni hindi Niya pinag-aaralan ang pagbabasa ng isip; nagsasalita nang simple, payak, at malinaw si Cristo, hindi Siya kailanman gumagamit ng mga salitang mapang-usisa o ng mga panlalansi para dahan-dahang alamin ang tunay na iniisip ng mga tao. Kung may gustong sabihin ang mga tao, puwede nila itong sabihin; kung wala naman, hindi Niya sila pinipilit. Kapag inilalantad ni Cristo ang mga tiwaling disposisyon at iba’t ibang kalagayan ng mga tao, nagsasalita Siya nang direkta at malinaw Niyang tinutukoy ang mga ito; higit pa rito, napakasimple ng paraan ni Cristo sa pangangasiwa ng mga bagay. Dapat may ganitong impresyon ang mga nakisalamuha na sa Akin, sinasabing, “Napakaprangka Mo, wala Kang anumang taktika para sa mga makamundong pakikitungo. Sa kabila ng pagkakaroon ng katayuan, parang hindi Ka nakadarama ng pagiging mataas sa anumang grupo.” Tumpak nga ang pahayag na ito; hindi Ko gustong maging sentro ng atensiyon o lalong maging tanyag sa harap ng iba. Kung wala talaga Ako ng katayuang ito at hindi Ako pinatotohanan ng Diyos, ang likas Kong personalidad ay ang manatili sa likod ng karamihan ng tao, ayaw Kong makita ng iba, ayaw Kong malaman ng iba kahit na mayroon Akong ilang espesyal na kasanayan, dahil kung nalaman ng mga tao, susundan nila Ako kung saan-saan, na isang abala at mahirap pangasiwaan. Kaya, saan man Ako pumunta, sa sandaling sumunod sa Akin ang mga tao kung saan-saan, naghahanap Ako ng mga paraan para itaboy sila, tinatalakay ang mga usapin kapag kinakailangan, at kapag hindi kinakailangan, agad Ko silang pinapabalik sa tama nilang lugar para gawin ang dapat nilang gawin. Para sa mga tiwaling tao, hindi nila ito lubos maisip, “Kaming mga tao ay minamahal at sinusuportahan Ka nang labis! Sobra kaming nahuhumaling sa Iyo! Bakit hindi Mo tinatanggap ang pagmamahal namin?” Anong pinagsasasabi nila? Sinabi Ko na ang dapat Kong sabihin sa iyo, itinuro Ko na ang dapat Kong ituro, kaya gawin mo na ang dapat mong ginagawa, huwag ninyo Akong palibutan, ayaw Ko nito. Sa pananaw ng mga tao, iniisip nila, “O Diyos, matapos gawin ang gayon kadakilang gawain, madalas Ka rin bang nasisiyahan sa Iyong sarili? Sa dami ng Iyong tagasunod, hindi Mo rin ba palaging nararamdaman ang pagiging mataas? Hindi Mo ba palaging ninanais na magtamasa ng espesyal na pagtrato?” Sinasabi Ko na hindi Ko kailanman naramdaman iyon; hindi Ko kailanman namamalayan ang pagkakaroon ng napakaraming tagasunod, hindi Ako nakakaramdam ng pagiging mataas, at wala Akong kamalayan sa kung gaano kataas ang Aking katayuan. Sabihin ninyo sa Akin, gaano kasaya ang isang normal na tao sa araw-araw kung nasa gayong posisyon siya? Hindi ba’t hindi niya malalaman kung ano ang kakainin at susuotin? Hindi ba’t para siyang palutang-lutang sa ere sa buong araw? Hindi ba’t palagi niyang nanaising may mga taong susunod sa kanya kung saan-saan? (Oo.) Sa partikular, palaging maghahanap ng mga paraan ang mga may ilang abilidad para magsagawa ng mga pagpupulong, para matamasa ang pakiramdam ng atensiyon at palakpakan habang nagsasalita, iniisip na higit pa ito sa kasiyahan ng pagkain ng karne at pag-inom ng alak. Napapaisip Ako, bakit hindi Ako nakararamdam ng ganoon? Bakit hindi Ko nararamdaman na mabuti iyon? Bakit hindi Ko gusto ang pakiramdam na iyon? Sa industriya ng musika sa mundo, ang mga may kaunting abilidad, lalo na ang mga marunong kumanta at sumayaw, ay tinatawag na mga diyosa, diyos, hari ng musika, reyna ng musika, at maging mga ama, ina, at lolo. Hindi maganda ang mga titulong ito. Bukod pa rito, hindi nasisiyahan ang ilang tao kapag tinatawag silang “Xiao[a] Wang” o “Xiao Li,” iniisip na ibinababa nito ang senyoridad nila, kaya naghahanap sila ng mga paraan para baguhin ang antas ng senyoridad nila, para tawagin sila ng mga tao na hari o reyna sa hinaharap. Ito ang tiwaling lahi ng tao. Ang ilang tao, pagkatapos manampalataya sa Diyos, ay sinasabing hindi dapat maging walang galang na mayabang ang mga mananampalataya tulad ng mga walang pananampalataya, na hindi sila dapat tawaging diyos, hari, o reyna, na dapat hindi sila napapansin at dapat silang maging mapagpakumbaba. Naniniwala sila na medyo bulgar ang direktang pagtawag sa sarili nila na Mapagpakumbaba, na hindi ito sapat na maliit o mababa, kaya’t tinatawag nila ang sarili nila na Maliit, Napakaliit, Alikabok, Munti, at ang iba pa ay Butil ng Buhangin at Nanometer. Hindi nila pinagtutuonan ang katotohanan pero pinag-iisipan nila ang pagiging bulgar, gamit ang mga pangalang Maliit na Damo, Supling, at maging Lupa, Putik, Dumi, at iba pa. Mas hindi kaaya-aya at mas mababa ang mga pangalang ito kaysa sa nauna, pero mababago ba ng mga ito ang anuman? Nakikita Ko na ang mga taong may ganitong mga pangalan ay napaka-arogante rin, hindi mabuti, at masasamang tao pa nga ang ilan. Hindi lamang hindi naging mas maliit o mapagpakumbaba ang mga may ganitong pangalan kundi nananatili silang hindi magagalang na mayabang, buktot, at mapaminsala.
Sa unang pagkakataon na naging tao ang Diyos para gumawa sa lupa, simple at maikli ang Kanyang gawain, pero kailangang-kailangan at mahalagang yugto ang gawaing iyon para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Gayumpaman, pagkatapos na ipako sa krus ang Panginoong Jesus, muli Siyang nabuhay at umakyat sa langit, hindi na Siya muling nagpakita sa sangkatauhan. Bakit hindi na Siya muling nagpakita sa sangkatauhan? Ito ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos. Ayon sa normal na lohika ng tao, naging tao ang Diyos at nagdusa nang tatlumpu’t tatlo at kalahating taon, tiniis Niya ang pagtanggi, paninirang-puri, pagkondena, pang-aabuso ng sangkatauhan, at iba pa, at dapat Siyang bumalik sa piling ng mga tao para tamasahin ang mga bunga ng Kanyang tagumpay at kaluwalhatian pagkatapos Siyang maipako sa krus at muling nabuhay. Dapat nabuhay pa Siya ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon pa o mas matagal pa, tinatamasa ang pagsamba at pagtingala ng sangkatauhan sa Kanya, at ang katayuan at pagtrato na nararapat sa Kanya. Gayumpaman, hindi ito ginawa ng Diyos. Sa yugtong ito ng gawain, tahimik at palihim na dumating ang Diyos, nang walang anumang seremonya, at hindi tulad ng mga tao na gustong iparamdam ang presensiya nila sa tuwing mayroon silang kaunting abilidad, hindi nanaisin ng Diyos na iproklama sa mundo, “Narito Ako, Ako ang Diyos Mismo!” Hindi nagbigkas ang Diyos ng kahit isang salitang tulad nito para sa Kanyang sarili kundi tahimik Siyang ipinanganak sa isang sabsaban. Bukod sa tatlong pantas na nagpunta para sambahin ang Diyos, puno ng hirap at pagdurusa ang natitirang buhay ng Panginoong Jesucristo, na nagtapos lamang sa Kanyang pagkapako sa krus. Nagkamit ng kaluwalhatian ang Diyos at pinatawad Niya ang mga kasalanan ng tao—ibig nitong sabihin na gumawa Siya ng isang dakilang bagay para sa sangkatauhan dahil tinulungan Niya ang mga tao na makatakas mula sa kasalanan at sa dagat ng pagdurusa, at Siya ang Manunubos ng sangkatauhan. Kaya lohikal na dapat tinamasa ng Diyos ang pagsamba, paghanga, at pagpapatirapa ng sangkatauhan. Gayumpaman, tahimik at palihim na umalis ang Diyos, nang walang anumang ingay. Sa nakalipas na dalawang libong taon, patuloy na lumalaganap ang gawain ng Diyos. Puno ng hirap, pagdanak ng dugo, at pagkondena at paninirang-puri ng buong sangkatauhan ang proseso ng pagpapalaganap na ito. Pero, anuman ang saloobin ng sangkatauhan sa Diyos, patuloy Siyang nagpapahayag ng katotohanan at hindi kailanman tumigil sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao. Bukod pa rito, sa loob ng dalawang libong taong ito, hindi kailanman gumamit ang Diyos ng mga malinaw na salita para ideklara ang Kanyang sarili, upang sabihin na ang Panginoong Jesus ang Kanyang nagkatawang-taong laman, at na dapat Siyang sambahin at tanggapin ng sangkatauhan. Ginagamit lang ng Diyos ang pinakasimpleng pamamaraan, ipinapadala ang Kanyang mga lingkod para ipangaral ang ebanghelyo ng kaharian ng langit sa lahat ng bansa at lugar, na nagpapahintulot sa mas maraming tao na magsisi, lumapit sa harapan ng Diyos, at tanggapin ang Kanyang kaligtasan, at sa gayon ay makamit ang kapatawaran sa mga kasalanan nila. Hindi kailanman gumamit ang Diyos ng anumang malabis na salita para sabihin na Siya ang paparating na Mesiyas; sa halip, pinatunayan Niya sa pamamagitan ng mga katunayan na ang lahat ng Kanyang ginawa ay ang gawain ng Diyos Mismo, na ang pagliligtas ng Panginoong Jesus ang sariling pagliligtas ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ang tumubos sa buong sangkatauhan, at Siya ang Diyos Mismo. Sa kasalukuyang pagkakatawang-tao, dumating ang Diyos sa piling ng mga tao sa parehong paraan at anyo. Ang pagdating ng Diyos sa laman ay isang malaking pagpapala para sa sangkatauhan, isang napakapambihirang pagkakataon, at higit pa rito, ito ang magandang kapalaran ng sangkatauhan. Pero ano ang kahulugan nito para sa Diyos Mismo? Ito ang pinakamasakit na bagay. Nauunawaan ba ninyo ito? Ang diwa ng Diyos ay Diyos. Ang Diyos, na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos, ay likas na walang kayabangan, at sa halip, tapat, banal, at matuwid Siya. Sa pagparito ng Diyos sa sangkatauhan, kailangan Niyang harapin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ng tao, na nangangahulugang ang lahat ng taong nais Niyang iligtas ay iyong mga kinamumuhian at kinasusuklaman Niya. Walang mayabang na disposisyon, kabuktutan, at panlilinlang ang Diyos; minamahal Niya ang mga positibong bagay, matuwid at banal Siya, pero isang grupo ng mga tao na kabaligtaran at kaaway ng Kanyang diwa ang Kanyang kinakaharap. Ano ba ang ibinibigay ng Diyos nang higit sa lahat? Ang Kanyang pagmamahal, pagtitiyaga, awa, at pagpaparaya. Ang pagmamahal, awa, at pagpaparaya ng Diyos ang Kanyang kababaang-loob at pagiging tago. Iniisip ng tiwaling sangkatauhan, “Gumagawa ang Diyos ng napakadakilang gawain, nakakamit Niya ang napakadakilang kaluwalhatian, at may kataas-taasang kapangyarihan Siya sa napakaraming bagay, kaya bakit hindi Niya inaanunsiyo o idinedeklara ang Kanyang sarili?” Para sa mga tao, parang kasingdali ito ng pagpitik ng daliri; kapag gumagawa sila ng mabuting gawa, pinapalaki nila ito nang sampung beses, kapag gumagawa sila ng kaunting mabuti, pinapalaki nila ito nang dalawa o tatlong beses, pinapalaki ito nang walang hanggan, at iniisip na kapag mas detalyado ito, mas mainam. Pero wala sa diwa ng Diyos ang mga bagay na ito. Anuman ang gawin ng Diyos, walang diumano’y mga “transaksiyon” ng tao rito; walang anumang gustong hilingin ang Diyos, hindi Niya “hinahangad ang kabayaran” gaya ng sinasabi ng tao. Walang pagnanais para sa katayuan ang Diyos, gaya ng ginagawa ng tiwaling sangkatauhan, hindi Niya sinasabi, “Ako ang Diyos; ginagawa Ko ang nais Ko, at anuman ang gawin Ko, kailangan ninyong tandaan ang Aking kabutihan, kailangan ninyong isapuso ang mga bagay na ginagawa Ko at palagi Akong tandaan.” Wala ng ganitong mismong uri ng diwa ang Diyos; wala Siyang ambisyon, wala Siyang mayabang na disposisyon ng tiwaling sangkatauhan, at hindi Niya idinedeklara ang Kanyang sarili. Sinasabi ng ilan, “Kung hindi Mo idedeklara ang Iyong sarili, paano malalaman ng mga tao na Ikaw ang Diyos? Paano nila makikita na mayroon Kang katayuan ng Diyos?” Hindi na ito kinakailangan; ito ang kayang maisakatuparan ng diwa ng Diyos. Nagtataglay ang Diyos ng diwa ng Diyos; gaano man Siya kamapagpakumbaba at gaano man Siya katago, gaano man Siya palihim na gumagawa, gaano man Siya nagpapakita ng awa at pagpaparaya sa sangkatauhan, ang pinakahuling epekto ng Kanyang mga salita, gawain, kilos, at iba pa sa mga tao ay tiyak na tatanggap sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha ang mga nilikhang tao, yuyukod at sasamba sa Lumikha, at kusang-loob na magpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha. Itinakda ito ng diwa ng Diyos. At ito mismo ang hindi kayang gawin ng mga anticristo. May mga ambisyon at pagnanais sila, pati na mga mayabang, malupit, at buktot na disposisyon, wala silang katotohanan, pero gusto pa rin nilang taglayin at kontrolin ang mga tao, at obligahin ang mga tao na magpasakop at sumamba sa kanila. Batay sa diwa ng mga anticristo, hindi ba’t mga buktot sila? Nakikipag-agawan sa Diyos ang mga anticristo para sa Kanyang mga hinirang na tao, makikipag-agawan ba ang Diyos sa kanila? Mayroon bang ganitong diwa ang Diyos? Nakakamit ba ng Diyos ang pagsamba at pagpapasakop ng mga nilikhang tao sa pamamagitan ng pakikipag-agawan para dito? (Hindi.) Paano Niya ito nakakamit? Nilalang ng Diyos ang mga nilikha; tanging ang Lumikha ang nakakaalam kung ano ang kailangan, ang dapat taglayin ng sangkatauhan, at kung paano dapat mamuhay ang sangkatauhan. Halimbawa, sabihin nang lumikha ng isang makina ang isang tao. Tanging ang imbentor nito ang nakakaalam ng mga depekto at kahinaan nito, at kung paano ito aayusin; ang sinumang magtangkang gumawa ng pekeng bersiyon ng makina ay hindi alam ang mga bagay na ito. Sa parehong paraan, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan; tanging ang Diyos ang nakakaalam kung ano ang kailangan ng mga tao, tanging ang Diyos ang makakapagligtas sa sangkatauhan, at tanging ang Diyos ang makakapagpabago sa tiwaling tao tungo sa pagiging tunay na tao. Ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito hindi sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad, hindi sa pamamagitan ng sariling deklarasyon, pangangatwiran sa sarili, o sa pamamagitan ng panunupil, panlilihis, o pagkontrol sa mga tao; hindi ginagamit ng Diyos ang mga diskarte at pamamaraang ito, tanging si Satanas at ang mga anticristo ang gumagawa nito.
Pagkatapos ng napakaraming pagbabahaginan, ano ang pagkaunawa ninyo sa kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos? Ano ba ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos? Ang pagiging tago ba ay sadyang pagkukubli ng Kanyang pagkakakilanlan, ang intensiyonal na pagtatago ng Kanyang diwa at tunay na kalagayan? (Hindi.) Ang kababaang-loob ba ay pineke sa isang paimbabaw na paraan? Pagpipigil ba ito sa sarili? Pagkukunwari ba ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Ikaw ang Diyos na nagkatawang-tao, paano nakakapagsuot ng karaniwang damit ang isang tao na may napakataas na katayuan?” Sinasabi Kong isang ordinaryong tao lang Ako, namumuhay ng isang ordinaryong buhay; ordinaryo ang lahat ng tungkol sa Akin, kaya bakit hindi Ako puwedeng magsuot ng mga ordinaryong damit? Sinasabi ng ilan, “Ikaw si Cristo, ang Diyos na nagkatawang-tao. Marangal ang Iyong katayuan—huwag Mong maliitin ang Iyong sarili.” Sinasabi Ko, anong pangmamaliit? Hindi Ko minamalaki o minamaliit ang Aking sarili; Ako ay kung sino Ako, ginagawa Ko ang dapat Kong gawin, at sinasabi Ko ang dapat Kong sabihin—ano ang mali roon? Parehong hindi tama ang pagmamalaki o pangmamaliit; kayabangan ang pagmamalaki, at pagkukunwari at panlilinlang ang pangmamaliit. Sinasabi ng ilan, “Dapat may asal ng isang tanyag na tao ang Diyos na nagkatawang-tao, at dapat maging elegante ang Iyong pananalita at kilos. Tingnan Mo ang mga ayos ng buhok, kasuotan, at kolorete ng makapangyarihang kababaihan sa lipunan, sila ang mga taong may katayuan, sila ang mga tinitingala ng mga tao!” Sinasabi Ko, ano ba ang katayuan? Ano ba ang pakialam Ko kung tinitingala Ako ng mga tao? Wala Akong pakialam doon; kung tinitingala mo Ako, nakakasuklam at nakakasuka iyon para sa Akin. Huwag na huwag mo Akong titingalain. Sinasabi ng iba, “Tingnan Mo ang mga babaeng negosyante sa lipunan, napakarangal at elegante ng pananamit nila. Sa isang tingin lang, makikita na makapangyarihan, elitistang personalidad sila—bakit hindi Ka matuto mula sa kanila?” Bakit Ko kailangang matutuhan ang isang bagay na hindi Ko gusto? Nagsusuot Ako ng mga damit na akma sa Aking edad, bakit Ako magpapanggap? Bakit Ko kailangang matuto mula sa iba? Ako ay Ako, para kanino Ako magpapanggap? Hindi ba’t panlilinlang iyon? Sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng wangis, hitsura, pananalita, at pag-uugali ang dapat mayroon ang Diyos na nagkatawang-tao para tumugma sa Kanyang pagkakakilanlan? Mayroon ba kayong mga pamantayan para dito? Siguradong mayroon, kung wala, hindi ninyo titingnan si Cristo sa gayong paraan. Mayroon Akong mga pamantayan—lumalampas ba ang Aking mga pamantayan sa saklaw ng mga katotohanang prinsipyo? (Hindi.) Bakit palaging may mga kuru-kuro ang ilang tao tungkol sa anumang isuot o kainin Ko, palaging nagbubuod at humahatol sa Akin—hindi ba’t nakakasuklam iyon? Bakit nakikita nila Ako sa ganitong paraan? Sa mga mata nila, mali ang anumang gawin ni Cristo, negatibo ang lahat ng ito, laging may kaduda-duda rito. Napakabuktot siguro nila! Batay sa seryeng ito ng iba’t ibang pagkakakilanlan, iba’t ibang perspektiba sa Diyos—mula sa Espiritu ng Diyos, sa diwa ng Diyos Mismo, hanggang sa pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao—wala sa diwa ng Diyos ang kayabangan o ang anumang ambisyon at pagnanais ni Satanas, at lalong wala ang diumano’y paghahangad ng tao sa katayuan. Bukod sa diwa ng Diyos Mismo, ang pinakakapansin-pansing katangiang taglay ng Diyos, mula sa Espiritu ng Diyos hanggang sa Kanyang nagkatawang-taong laman, ay ang Kanyang kababaang-loob at pagiging tago. Hindi peke ang kababaang-loob na ito, hindi sadyang pag-iwas ang pagiging tagong ito; ito ang diwa ng Diyos, ito ang Diyos Mismo. Kung nasa espirituwal na mundo man ang Diyos o nagkatawang-tao Siya bilang tao, hindi nagbabago ang Kanyang diwa. Kung hindi makita ng isang tao na nagtataglay ng diwa ng Diyos ang nagkatawang-tao na Cristo batay rito, anong klaseng tao siya? Wala siyang espirituwal na pang-unawa, isa siyang hindi mananampalataya. Kung tinitingnan ng mga tao ang diwa ng kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, iniisip nila: “Parang hindi naman ganoon kadakila ang awtoridad ng Diyos. Parang hindi masyadong kapani-paniwala ang pagsasabi na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, mas ligtas na sabihing makapangyarihan ang Diyos. Dahil wala Siyang gayong kalaking awtoridad, paano Siya magkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa sangkatauhan? Dahil hindi Niya ipinapakita kailanman ang katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos, kaya ba Niyang talunin si Satanas? Sinasabing may karunungan ang Diyos—kaya ba ng karunungan na pagpasyahan ang lahat ng bagay? Alin ang mas dakila, ang karunungan o ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat? Kaya bang maapektuhan ng karunungan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat? Kaya bang impluwensiyahan ng karunungan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat?” Pinag-iisipan ito ng mga tao pero hindi nila ito kayang makilatis o maunawaan. Nagkikimkim ng mga pagdududa ang ilang tao sa puso nila, at pagkatapos ay unti-unti nila itong pinoproseso, patuloy silang naghahanap at sumusubok na maunawaan ang usaping ito sa pamamagitan ng mga karanasan nila, at hindi nila namamalayang nagkakaroon sila ng ilang pandama na kaalaman. Ang mga anticristo lang, matapos pagdudahan ang lahat ng aspekto ng diwa ng Diyos, ang lahat ng pagpapamalas na ito, at lahat ng Kanyang kilos, ang hindi lamang nabibigong maunawaan na kababaang-loob at pagiging tago ito ng Diyos, na ito ang kaibig-ibig sa Diyos, kundi sa kabaligtaran ay nagkakaroon sila ng mas maraming pagdududa tungkol sa Diyos at ng mas matinding pagkondena sa Diyos. Pinagdududahan nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, pinagdududahan nila na kayang talunin ng Diyos si Satanas, pinagdududahan nila na kayang iligtas ng Diyos ang sangkatauhan, pinagdududahan nila na maisasakatuparan ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, at higit pa rito, pinagdududahan nila ang katunayang ibubunyag ng Diyos ang Kanyang sarili sa di-mabilang na mga tao sa Kanyang kaluwalhatian. Matapos pagdudahan ang mga bagay na ito, anong ginagawa nila? Itinatanggi nila ang mga bagay na ito. Kaya, sinasabi ng mga anticristo, “Walang kabuluhan ang kababaang-loob at pagiging tago ni cristo, hindi karapat-dapat na purihin o itaas ang mga ito, at hindi diwa ng diyos ang mga ito. Hindi mga bagay na taglay ng diyos ang gayong kababaang-loob at pagiging tago; mga pagpapamalas ng kawalan ng kakayahan ni cristo ang kanyang kababaang-loob at pagiging tago. Sa mundo, hangga’t may kaunting katayuan ang isang tao, pinaparangalan siya bilang hari, marquis, o emperador. Itinatag ni cristo ang kaharian niya at napakarami niyang tagasunod, at kasabay nito, lumalaganap ang gawain ng ebanghelyo nang may malakas na puwersa—hindi ba’t nangangahulugan iyon na lumalakas ang kapangyarihan ni cristo? Pero batay sa mga kilos niya, hindi niya balak na palakasin ang kanyang kapangyarihan, o magkaroon ng gayong kapangyarihan. Para bang wala siyang abilidad na magkaroon ng kapangyarihang ito, na mapasakamay ang kaharian ni cristo. Kung gayon, maaari ba akong magkamit ng mga pagpapala kung susunod ako sa kanya? Maaari ba akong maging panginoon ng susunod na kapanahunan? Maaari ba akong mamuno sa di-mabilang na mga bansa at tao? Kaya ba niyang wasakin ang lumang mundong ito, ang tiwaling sangkatauhang ito? Kung titingnan ang ordinaryong anyo ni cristo, paano niya maisasakatuparan ang mga dakilang bagay?” Palaging lumilitaw ang mga gayong pagdududa sa puso ng mga anticristo. Ang kababaang-loob at pagiging tago ni Cristo ay mga bagay na hindi kayang tanggapin, sang-ayunan, o makita ng lahat ng tiwaling tao, lalo na ng mga anticristo; itinuturing ng mga anticristo ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos bilang ebidensiya para sa mga pagdududa nila sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, bilang ebidensiya at bentaha para itanggi ang awtoridad ng Diyos, kaya tinatanggihan nila ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at ang diwa ni Cristo. Pagkatapos tanggihan ang diwa ni Cristo, nagsisimulang kumilos ang mga anticristo laban sa hinirang na mga tao ng Diyos sa loob ng nasasakupan nila, nang walang awa, nang walang kaluwagan, at nang walang takot, at kasabay nito, hindi nila itinatanggi o pinagdududahan ang sarili nilang abilidad, kasanayan, o ambisyon kahit kaunti. Sa loob ng saklaw ng impluwensiya nila, sa loob ng saklaw kung saan sila makakakilos, iniuunat ng mga anticristo ang mga kuko nila, kinokontrol ang mga makokontrol nila, at inililihis ang mga maililihis; ganap nilang hindi isinasaalang-alang si Cristo at ang Diyos, ganap na pinuputol ang ugnayan nila sa Diyos, kay Cristo, at sa sambahayan ng Diyos.
Ano ba ang pangunahing pinagbabahaginan natin sa aytem na ito tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kababaang-loob at pagiging tago ni Cristo? Ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos—na dapat maunawaan ng mga tao—ay mga kondisyong pinakapaborable sa mata ng mga anticristo para gawin ang anumang gusto nila at magtatag ng isang nagsasariling kaharian sa sambahayan ng Diyos. Natatago sa laman ang Diyos, at may ibang anyo ang yugtong ito ng gawain sa mga huling araw kumpara sa Kapanahunan ng Biyaya. Bagaman hindi gumagawa ang Diyos ng mga himala at kababalaghan sa yugtong ito, nagsalita Siya ng higit na mas maraming salita, ng di-mabilang na mga salita. Paano man gumagawa ang Diyos, basta’t nagkatawang-tao Siya, napakalaking kahihiyan ang kasama sa paggawa Niya ng Kanyang gawain. Tanging ang ganitong Diyos, na may banal na diwa, ang tunay na makakapagpakumbaba at makakapagtago ng Kanyang sarili para maging isang ordinaryong tao para gawin ang Kanyang gawain, dahil taglay Niya ang diwa ng kababaang-loob at pagiging tago. Sa kabaligtaran, ganap na walang kakayahan si Satanas na gawin ito. Anong uri kaya ng laman ang isusuot ni Satanas para gumawa sa gitna ng mga tao? Una, magkakaroon ito ng kahanga-hangang anyo, at magiging malupit, mapanlinlang, at buktot ito; pagkatapos, dapat itong maging dalubhasa sa iba’t ibang estratehiya at taktika para paglaruan at manipulahin ang mga tao, kasama ang iba’t ibang mapanlinlang na panlalansi, dapat maging sapat na walang awa at mapaminsala ito. Kailangan nitong palaging ipakita ang sarili nito sa mga tao, at maging sentro ng atensiyon sa lahat ng dako, sa takot na baka may isang tao na hindi ito makilala, at dapat nitong palaging subukang palakihin ang kasikatan nito at itaas ang sarili nito. Kapag sa wakas ay tinawag ito na hari o emperador ng mga tao, masisiyahan na ito. Kabaligtaran mismo ng ginagawa ni Satanas ang ginagawa ng Diyos. Patuloy na nagpapakita ng pagtitiyaga at pagiging tago ang Diyos, at habang ginagawa Niya ito, itinatanim Niya ang Kanyang mga salita at ang Kanyang buhay sa mga tao gamit ang awa at mapagmahal na kabaitan ng Lumikha, para maunawaan ng mga tao ang katotohanan, maligtas, at maging tunay na mga nilikhang may normal na pagkatao at normal na pamumuhay. Kahit na para sa sangkatauhan ay hindi matutumbasan ng halaga ang ginagawa ng Diyos, itinuturing ng Diyos na Kanyang sariling responsabilidad ito. Kaya, personal Siyang nagkatawang-tao, at walang kapagurang nagtutustos, tumutulong, sumusuporta, nagbibigay-liwanag, at nagtatanglaw sa mga tao tulad ng isang ina o isang ama. Siyempre, kinakastigo, hinahatulan, itinutuwid, at dinidisiplina rin Niya ang mga tao, pinagmamasdan Niya ang pagbabago nila sa araw-araw, ang pamumuhay nila ng isang normal na buhay iglesia sa araw-araw, at ang paglago nila sa buhay araw-araw. Kaya, ang realidad ng mga positibong bagay ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Sa gitna ng sangkatauhan, pinupuri ng mga tao ang mga halagang ibinayad ng Diyos, ang Kanyang dakilang kapangyarihan, at ang Kanyang kaluwalhatian, pero sa mga salita ng Diyos, kailan ba Niya sinabi sa mga tao: “Ginawa Ko ito at iyon para sa sangkatauhan, nagsakripisyo Ako nang husto; dapat Akong purihin at itaas ng mga tao”? Mayroon bang mga gayong hinihingi ang Diyos sa sangkatauhan? Wala. Ito ang Diyos Mismo. Hindi kailanman gumamit ng mga kondisyon ang Diyos para makipagpalitan sa mga tao, sinasabing, “Inilagay Ko si Cristo kasama ninyo, dapat ninyo Siyang tratuhin nang mabuti, makinig kayo sa Kanyang mga salita, magpasakop kayo sa Kanya, at sumunod sa Kanya. Huwag magdulot ng mga kaguluhan o pagkagambala, gawin ang anumang iniuutos Niya sa inyo, kung paano Niya ito ipinapagawa sa inyo, at kapag naisakatuparan na ang lahat, mapaparangalan kayong lahat.” Kahit kailan ba ay sinabi ng Diyos ang gayong bagay? Ito ba ang layunin ng Diyos? Hindi. Sa kabaligtaran, ang mga anticristo ang laging sumusubok na gumamit ng iba’t ibang paraan para akitin, pigilin, kontrolin at mapangibabawan ang lahat tungkol sa mga tao, para iwanan ng mga tao ang Diyos at lumapit sila sa mga anticristo. Ang mga anticristo ang nagpoproklama at nag-aanunsiyo saanman kapag may nagagawa silang kahit na maliit na gawa. Hindi lang nila hindi kayang maunawaan, tanggapin, purihin, o itaas ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, kundi, hinahamak at nilalapastangan din nila ang mga bagay na ito. Itinatakda ito ng disposisyong diwa ng mga anticristo.
Ngayon, nagbahaginan tayo tungkol sa tatlong pagpapamalas kung paano itinatanggi ng mga anticristo ang diwa ni Cristo. Dito na natin tatapusin ang ating pagbabahaginan. May mga tanong ba kayo? (Wala.) Sige, paalam!
Nobyembre 21, 2020
Talababa:
a. Ang mga nagsasalita ng Tsino ay naglalagay ng “Xiao” bago ang apelyido ng isang tao na mas bata kaysa sa kanila.