Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Ikalawang Bahagi) Ikatlong Seksiyon

B. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang Pagiging Normal at Praktikal ni Cristo

Kanina lang, pinagbahaginan at hinimay natin ang unang pagpapamalas ng mga anticristo sa pagtanggi sa diwa ni Cristo, na kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pinagmulan ni Cristo, kung anong mga pananaw at pagkaunawa ang kinikimkim nila, at kung ano ang mga ikinikilos nila. Hinimay natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo para matukoy ang diwa ng mga gayong tao. Tungkol naman sa isa pang aspekto ni Cristo—ang Kanyang pagiging normal at praktikal, anong mga pananaw ang pinanghahawakan ng mga anticristo, anong mga ikinikilos nila, at anong mga disposisyon at diwa ang ipinapakita nila? Susunod, hihimayin natin ang ikalawang pagpapamalas ng mga anticristo sa pagtanggi sa diwa ni Cristo, na kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagiging normal at praktikal ni Cristo. Pagdating sa pagiging normal at praktikal, dapat na may mga partikular na ideya at pagkaunawa ang karamihan sa mga tao. Halimbawa, ang hindi pag-inom ng tubig o hindi pagkain sa loob ng tatlong araw, pero hindi nakakaramdam ng gutom o uhaw, sa katunayan ay mas malakas ang pakiramdam ng katawan at mas masigla pa kaysa dati—maituturing ba itong pagiging normal at praktikal? Nakakaramdam ng pagod ang mga normal na tao pagkatapos maglakad ng apat o limang kilometro; kung hindi nakakaramdam ng pagod si Cristo kahit pagkatapos Niyang maglakad ng 40 kilometro, at hindi sumasakit ang Kanyang mga paa, at pakiramdam pa Niya ay mas magaan Siya kaysa sa hangin, at mas masigla ang pakiramdam Niya, maituturing ba ito na pagiging normal at praktikal? Kung hindi sinisipon si Cristo kapag nalantad sa lamig, at hindi nagkakasakit sa anumang sitwasyon, kung makakapaglabas ng liwanag ang Kanyang mga mata na mas malakas nang ilang dosenang beses kaysa sa anumang malakas na ilaw na nasisilayan ng Kanyang mga mata, at hindi napapagod o hindi nanlalabo ang Kanyang paningin kahit gaano katagal Siyang nakatingin sa kompiyuter, kung hindi Siya nasisilaw kahit gaano katagal Niyang tinititigan ang araw, at hindi Niya kailangan ng plaslayt kapag naglalakad sa gabi, samantalang kailangan ito ng iba, at lalong lumilinaw ang Kanyang mga mata habang lumilipas ang maghapon—maituturing ba ang mga ito na pagiging normal at praktikal? Hindi, karaniwang kaalaman ito na madalas nakakaharap ng mga tao. Ang pagiging normal at praktikal ay nangangahulugan ng pagkaramdam ng uhaw pagkatapos hindi uminom ng tubig nang matagal, pagkaramdam ng pagod pagkatapos magsalita nang matagal, pagkaramdam ng pananakit ng paa pagkatapos maglakad nang matagal, at pagkaramdam ng lungkot at pagluha kapag nakarinig ng malungkot at nakakadurog ng puso na balita—pagiging normal at praktikal ito. Kaya, ano mismo ang tumpak na kahulugan ng pagiging normal at praktikal? Ang mga bagay na umaayon sa mga normal na pangangailangan at likas na gawi ng laman, at hindi lumalampas sa saklaw na ito, ang kahulugan ng pagiging normal at praktikal. Ang mga umaayon sa mga kapabilidad at saklaw ng normal na pagkatao, ang pagiging makatwiran ng normal na pagkatao, at ang mga emosyon ng normal na pagkatao, tulad ng kaligayahan, galit, kalungkutan, at saya, ay sakop ng pagiging normal at praktikal. Si Cristo ang laman na isinusuot ng Diyos sa lupa; Siya, tulad ng sinumang normal na tao, ay may normal na pananalita at pag-uugali, isang normal na gawi ng pamumuhay at iskedyul. Kung hindi Siya matutulog sa loob ng tatlong araw at gabi, makakaramdam Siya ng antok at gusto Niyang matulog kahit na nakatayo; kung hindi Siya kakain maghapon, makakaramdam Siya ng gutom; at kung maglalakad Siya nang matagal, mapapagod Siya at gugustuhin Niyang magpahinga agad. Halimbawa, napapagod din Ako pagkatapos makipagtipon at makipagbahaginan sa inyo nang tatlo o apat na oras, at kailangan Ko ring magpahinga. Ito ang pagiging normal at praktikal ng laman, ganap na naaayon ito sa mga katangian ng laman at sa iba’t ibang pagpapamalas at likas na gawi ng normal na pagkatao, hinding-hindi ito mahiwaga. Samakatwid, maraming pagpapamalas at pagbubunyag ng pagkatao ang gayong laman, at ang panlabas na pamumuhay at pang-araw-araw na gawain ng pagkatao ng laman na ito ay walang pagkakaiba sa ipinapamalas at ibinubunyag ng bawat ordinaryo at normal na tao, magkaparehong-magkapareho ang mga ito. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at nagtataglay ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ng parehong mga katangian at mga likas na gawi sa buhay na normal at praktikal na katulad ng sa sangkatauhan, hindi talaga Siya mahiwaga. Hindi kayang tumagos sa mga pader o saradong pinto ang mga tao, at ganoon din ang nagkatawang-taong Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t ikaw ang nagkatawang-taong diyos? Hindi ba’t ikaw si cristo? Hindi ba’t nagtataglay ka ng diwa ng diyos? Puwede ka ba talagang hadlangan ng isang nakakandadong pinto? Dapat kaya mong tumagos sa mga saradong pinto. Nakakaramdam ng pagod ang mga tao pagkatapos maglakad ng limang kilometro, pero hindi ka dapat mapagod kahit na maglakad ka ng 40 kilometro; kumakain ang mga tao nang tatlong beses sa isang araw, pero dapat kaya mong hindi kumain ng 30 araw, kakain ka lang kapag gusto mo, at hindi ka kakain kapag ayaw mo, at kaya mo pa ring mangaral sa mga pagtitipon, at mamuhay nang mas masigla kaysa sa iba. Bahagi ng buhay ng tao ang pagkakasakit, pero hindi ka dapat magkasakit. Dahil ikaw si cristo, dapat may bahagi ka na naiiba sa mga ordinaryong tao, saka ka lang magiging karapat-dapat na tawaging cristo, tanging ito ang magpapatunay na nagtataglay ka ng diwa ng diyos.” Tama ba ito? (Hindi.) Bakit mali ito? Mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ang mga ito, hindi ang katotohanan.

Normal at praktikal ang nagkatawang-taong laman ng Diyos—lahat ng aktibidad na isinasagawa ng Kanyang normal na pagkatao, at ang Kanyang pang-araw-araw na buhay, pananalita, at kilos, ay pawang realidad ng mga positibong bagay. Mula sa simula nang likhain ng Diyos ang mga tao, pinagkalooban Niya sila ng mga normal, praktikal na likas na gawi; kaya hindi rin kailanman lalabag sa mga batas na ito ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ito ang dahilan at batayan kung bakit mga positibong bagay ang pagiging normal at praktikal ni Cristo. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at ginawa ang lahat ng kanilang pagpapamalas at likas na gawi ayon sa Kanyang kagustuhan. Ibinigay ng Diyos sa tao ang mga likas na gawing ito, at ito ang mga batas ng pang-araw-araw na buhay ng tao—ipapalabag ba ng Diyos sa Kanyang nagkatawang-taong laman ang mga batas na ito ng pagiging normal at praktikal? Malinaw na hindi. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at ang diwa ng nagkatawang-taong laman ay ang Diyos din—nagmula Sila sa iisang pinagmulan, kaya magkapareho rin ang mga prinsipyo at layon ng Kanilang mga kilos. Dahil sa mga pagpapamalas ng pagiging normal at praktikal ni Cristo, natural Siyang nagmumukhang isang lubos na ordinaryong tao sa mata ng masa. Sa maraming bagay, wala Siyang mga kapangyarihan ng pag-alam at pagkaunawa sa hinaharap na iniisip ng mga tao na taglay Niya, at hindi Niya kayang magpalaho o magpalitaw ng mga bagay, gaya ng iniisip ng mga tao, at lalong hindi Niya kayang higitan ang mga ordinaryong tao, lagpasan ang mga kapabilidad at likas na gawi ng laman, o lagpasan ang normal na pag-iisip ng mga tao para gawin ang ilang bagay na walang sinumang tao ang makakagawa, tulad ng iniisip ng mga tao. Salungat sa mga imahinasyong ito, sa paningin ng tao, hindi nagbunyag o nagpamalas ang ordinaryong tao na ito ng anumang bakas ng Diyos mula sa simula ng Kanyang gawain hanggang sa kasalukuyan. Sa paningin ng tao, maliban sa Kanyang pananalita at paggawa, walang bakas ng Diyos o mga pagbubunyag ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ang puwedeng makita sa alinman sa Kanyang mga normal na aktibidad ng tao. Paano man Siya tingnan ng mga tao, palagi Siyang nagmumukhang isang ordinaryong tao sa kanila. Bakit? Iisa ang dahilan: Tama ang nakikita ng tao; ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay tunay na isang normal at praktikal na tao, isang normal at praktikal na laman. Nakakaranas ang gayong panlabas na normal at praktikal na laman ng pang-uusig at pagtugis ng malaking pulang dragon tulad ng ibang tao, nang walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, o anumang lugar para makapagpahinga. Dito, wala Siyang pagkakaiba sa ibang tao, at hindi Siya eksepsiyon. Habang nararanasan ang gayong pang-uusig, nagtatago rin Siya kung saan Siya makakapagtago; hindi Niya kayang gawing di-nakikita ang Kanyang sarili o magtago sa ilalim ng lupa, wala Siyang mga mahiwagang kapangyarihan para maiwasan ang mga panganib na ito. Ang tanging magagawa Niya ay kumuha ng impormasyon tungkol sa mga ito nang maaga, at pagkatapos ay magmadaling tumakas. Kapag nahaharap sa mga mapanganib na sitwasyon, kinakabahan at natatakot ang mga tao, sa palagay ninyo ba natatakot si Cristo? Sa palagay ninyo ba kinakabahan Siya? (Oo.) Tama kayo; paano ninyo nalaman? (Kakabahan ang sinumang normal na tao sa sitwasyong iyon.) Tama iyan. Napakaganda ng paliwanag ninyo. Tunay ninyong nauunawaan ang pagiging normal at praktikal, ganap ninyo itong naunawaan. Kakabahan at matatakot din si Cristo sa mga ganitong sitwasyon, pero magpapakita ba Siya ng karuwagan? Masisindak ba Siya sa naghaharing partido? Makikipagkompromiso ba Siya rito? Hindi. Kakabahan at matatakot lang Siya, at nanaisin Niyang mabilis na makatakas mula sa pugad na ito ng mga demonyo. Mga pagpapamalas ang lahat ng ito ng pagiging normal at praktikal ni Cristo. Siyempre, marami-rami pang mga pagpapamalas ng pagiging normal at praktikal ni Cristo, tulad ng pagiging makakalimutin minsan, pagkalimot sa pangalan ng mga tao matapos silang hindi makita nang matagal, at iba pa. Ang pagiging normal at praktikal ay simpleng mga katangian, likas na gawi, tanda, at palatandaan ng isang normal, ordinaryong tao. Dahil mismo si Cristo ay may normal, praktikal na pagkatao, mga likas na gawi sa pananatiling buhay, at lahat ng katangian ng laman kaya nagagawa Niyang magsalita at gumawa nang normal, makipag-ugnayan sa mga tao nang normal, pamunuan ang mga tao sa isang normal at praktikal na paraan, at gabayan at tulungan ang mga tao sa pagtupad ng mga tungkulin nila sa isang normal at praktikal na paraan. Dahil mismo sa pagiging normal at praktikal ni Cristo kaya lahat ng nilikhang tao ay higit na nakakaramdam ng pagiging praktikal ng gawain ng Diyos, nakikinabang mula sa gawaing ito, at nakakatanggap ng mas maraming kongkreto at kapaki-pakinabang na mga nakakamit mula rito. Mga tanda ng normal na pagkatao ang pagiging normal at praktikal ni Cristo, kinakailangan ang mga ito para ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay makabahagi sa lahat ng normal na gawain, aktibidad, at buhay ng tao, at higit pa rito, mga bagay ito na kailangan ng lahat ng sumusunod sa Diyos. Gayumpaman, hindi nauunawaan ng mga anticristo ang pagiging normal at praktikal ni Cristo sa ganitong paraan. Naniniwala ang mga anticristo na isang ordinaryong tao lang si Cristo dahil normal at praktikal Siya, at masyadong katulad ng tao—na nangangahulugang hindi Siya karapat-dapat tawaging anak ng diyos, ang pagsasakatawan ng diyos sa mga tao, o si cristo, dahil masyado Siyang normal at praktikal, praktikal hanggang sa puntong hindi nakikita ng mga tao ang anumang bakas o diwa ng diyos sa Kanya. Sinasabi ng mga anticristo, “Makakapagligtas ba ng tao ang gayong diyos? Karapat-dapat ba ang gayong diyos na matawag na cristo? Masyadong hindi katulad ng diyos ang diyos na ito! Wala siyang ilang elemento ng kuru-kuro ng tao sa diyos: una, ang pagiging mahiwaga, pambihira, at misteryoso; ikalawa, ang pagkakaroon ng mga mahiwagang kapangyarihan, at kakayahang magpakita ng makapangyarihang lakas; ikatlo, isang hitsura na katulad ng sa diyos, na may taglay na pagkakakilanlan, dignidad, at diwa ng diyos, at iba pa. Kung wala sa mga elementong ito ang makikita sa kanya, paano siya magiging diyos? Ang kanyang pagsasalita ba ng ilang salita at paggawa ng kaunting gawain ay nangangahulugang diyos siya? Kung gayon, napakadali namang maging diyos, hindi ba? Paano magiging diyos ang isang ordinaryo, normal na laman?” Isang bagay ito na hindi kailanman matatanggap ng mga anticristo.

Habang nakakaranas ng pang-uusig ng malaking pulang dragon sa mainland Tsina, Ako, kasama ang ilang kapatid, ay madalas na kailangang magtago saanman kami magpunta, walang anumang personal na kalayaan. Minsan, kapag nakarinig kami ng balita ng panganib, kailangan naming tumakbo nang mabilis. Sa mga ganitong kalagayan, walang nanghina sa mga kasama Ko. Ano ang dahilan nito? Hangal ba sila? Mapurol ba ang utak nila? Hindi, ito ay dahil matatag nilang nakilala ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi lang sila walang kuru-kuro o pagkondena sa pagiging normal at praktikal ni Cristo, kundi nagpapakita rin sila ng pagsasaalang-alang at pag-unawa sa mga katangiang ito, at naarok nila ang mga ito sa tamang paraan. Anuman ang paghihirap na tiniis ni Cristo, tiniis nila ito kasama Niya, at kahit anong pang-uusig at pagtugis ang naranasan ni Cristo, patuloy pa rin silang sumusunod sa Kanya nang walang reklamo, hindi kailanman nanghina dahil sa mga sitwasyong ito. Noong nagpunta lang Ako sa ilang lugar, na may ilang indibidwal na—alam na tumakas Ako nang madalian para maiwasan ang mga mapanganib na kapaligiran, at na maaaring wala Akong mapuntahan, o maaaring wala na Akong mahahanap na ibang lugar na mapupuntahan para mapagpahingahan—iniisip na: “Hmph! Sinasabi mong ikaw si cristo, ang nagkatawang-taong laman ng diyos, pero tingnan mo ang kaawa-awa mong kalagayan ngayon. Paano ka naging karapat-dapat na maging cristo? Sa anong paraan ka mukhang diyos? Iniisip mong makapagliligtas ka ng iba? Dapat magmadali ka munang iligtas ang sarili mo! Magdadala ba ng mga pagpapala ang pagsunod sa iyo? Mukhang imposible iyon! Kung makakapagligtas ng iba ang mga salita mo, bakit hindi ka mailigtas ng mga ito? Tingnan mo nga ang sarili mo ngayon, wala ka man lang lugar na mapagpapahingahan ng ulo mo, at kailangan mo pang humingi ng tulong sa aming mga tao, sa mga makapangyarihang tao. Kung diyos ka, hindi ka dapat maging masyadong kahabag-habag. Kung ikaw ang nagkatawang-taong laman ng diyos, hindi ka dapat mawalan ng tahanan!” Kaya hindi kailanman maunawaan ng mga taong ito ang usaping ito. Kung makikita nila isang araw na ipinapalaganap sa ibang bansa ang ebanghelyo ng kaharian, na maraming tao sa iba’t ibang bansa ang tumatanggap nito, at makikita nila na bumagsak na ang malaking pulang dragon, na naglalakad na nang may kumpiyansa ang mga tagasunod ng Diyos, at hindi na inuusig, at namumuno at gumagamit ang mga ito ng kapangyarihan nang walang sinumang nangangahas na apihin ang mga ito, tiyak na ganap nilang babaguhin ang tipikal nilang saloobin, at hindi na sila magkikimkim ng anumang kuru-kuro tungkol sa paghahari ng Diyos sa laman. Bakit magkakaroon ng biglaang pagbabago? Umaasa lang ang mga indibidwal na ito sa kung ano ang nakikita ng mga mata nila; hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, na Siya ang makapangyarihan sa lahat, o na magaganap ang lahat ng Kanyang sinasabi. Naniniwala ba sa Diyos ang mga gayong tao? Ano ang pinaniniwalaan nila? (Kapangyarihan.) May kapangyarihan ba si Cristo? Sa tiwaling sangkatauhan, walang kapangyarihan si Cristo. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t may awtoridad ang diyos? Kung diyos ang diwa ni cristo, bakit wala siyang taglay na awtoridad ng diyos? Mas higit ang awtoridad kaysa sa kapangyarihan, kaya hindi ba’t dapat mayroon din siyang kapangyarihan?” Ano ang layon ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao? Ano ang responsabilidad ng Diyos na nagkatawang-tao? Ito ba ay para magpakitang-gilas ng kapangyarihan? (Hindi.) Samakatwid, tulad ng sinumang normal na tao, nararanasan Niya ang pagtanggi, pang-iinsulto, paninirang-puri, at pagkamapanlaban mula sa mundong ito—dapat tiisin ni Cristo ang lahat ng ito, hindi Siya liban sa mga ito.

Ang mga tunay na naghahangad sa katotohanan ay hindi lamang walang kuru-kuro tungkol sa pagiging normal at praktikal ni Cristo—sa kabaligtaran, mas nakikita pa nila ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos sa mga katangiang ito, at mas nauunawaan nila ang tunay na diwa ng Diyos at ang tunay na diwa ng Lumikha sa pamamagitan ng mga ito. Nagiging mas malalim, mas praktikal, mas tunay, at mas tumpak ang pagkaunawa nila sa Diyos. Sa kabaligtaran, madalas na ayaw ng mga anticristo na sundan ang ganitong Cristo dahil sa lahat ng Kanyang pagiging normal at praktikal, iniisip nila na wala Siyang mga mahiwagang abilidad at hindi Siya namumukod-tangi sa mga ordinaryong tao, at higit pa rito, nakakaranas Siya ng mga kalagayan ng pamumuhay na katulad ng sa sangkatauhan. Ang mga anticristo ay hindi lamang hindi kayang tanggapin ito nang maluwag sa kalooban, at hindi kayang maunawaan ang disposisyon ng Diyos mula rito, kinokondena rin nila ito at nagbabantay sila laban dito, at higit pa rito ay nag-aakusa sila tungkol dito. Halimbawa, kapag may isang tao na gumawa ng isang bagay na labag sa mga prinsipyo, kung hindi Ako magtatanong tungkol dito at walang magsasabi sa Akin tungkol dito, hindi Ko ito malalaman—hindi ba’t isa itong pagpapamalas na nasa saklaw ng pagiging normal at praktikal? (Oo.) Ipapaliwanag sa Akin nang malinaw at detalyado ng mga taong may tamang pagkaunawa at normal na pagkatao ang usaping ito, at pagkatapos ay hahayaan nila Akong pangasiwaan ang mga ito nang ayon sa nakikita Kong nararapat. Kabaligtaran ang ginagawa ng mga anticristo; pinagmamasdan nila Ako gamit ang kanilang mga mata, at sinusubok nila Ako sa pamamagitan ng pag-uusisa sa Akin. Pagkatapos, iniisip nila, “Dahil hindi mo alam ang tungkol sa usaping ito, madali tuloy itong pangasiwaan—may plano ako para pangasiwaan ka sakaling alam mo ang tungkol dito, at may isa pa akong plano para pangasiwaan ka sakaling hindi mo alam; para sa isang malaking isyu, pagmumukhain ko itong maliit na isyu, at pagkatapos ay pagmumukhain ko itong ganap na walang halaga, para tuluyan kang walang malaman, at hahayaan kong lumipas na lang ang usaping ito—dahil hindi mo alam ang isyung ito, hindi mo na kailangan o kinakailangang malaman ito sa hinaharap. Ako na ang bahala rito. Kapag nalaman mo ito balang araw, nangyari na ito ayon sa plano ko, at ano ang magagawa mo sa akin sa oras na iyon?” Aling mga tao ang tumuturing kay Cristo sa ganitong paraan? Mabubuting tao ba sila? Mga tao ba silang naghahangad sa katotohanan? May taglay ba silang pagkatao at integridad? (Wala.) May ilang lider na gumawa ng ilang bagay; inangat nila ang mga indibidwal sa iglesia nang arbitraryo, nilustay nila ang mga handog, at bumili nang labis-labis at nang walang ingat, at kahit gaano kalaki ang perang nagastos, o kahit anong mahahalagang isyu ang lumitaw, wala silang sinabing ni isang salita tungkol dito. Pumunta Ako roon nang maraming beses, at hindi nila Ako kinonsulta o tinanong tungkol sa mga bagay na ito kailanman, sila-sila na lang ang nagdesisyon; hindi rin nila Ako hinayaang magsagawa ng anumang pagbeberipika, at kinailangan Kong usisain ang impormasyon sa kanila. Itinuring nila Ako na parang isang tagalabas: “Dahil narito ka, mag-uulat na lang kami at sasabihin sa iyo ang tungkol sa mga nakikita mo sa harap mo. Tungkol naman sa mga bagay na ginawa namin habang nakatalikod ka, mas mabuting huwag mo nang subukang alamin ang alinman sa mga iyon. Hindi ka namin papayagang makialam o magtanong.” Kahit ilang beses Akong bumisita, hindi nila Ako kailanman hinayaang magtanong. Dahil sa takot na magsimula Akong magtanong, sinadya nilang itago ang katotohanan sa pamamagitan ng mga huwad na salitang magandang pakinggan, nagsasagawa sila ng panlalansi. Nagsabwatan sila, nagkasundo, at nagpalitan ng makahulugang tingin sa isa’t isa; nanatili silang nagkakaisa, at hindi nila iniulat ang mga problema ng bawat isa, pinoprotektahan nila ang isa’t isa. Nang nalaman Ko ang mga bagay na ginagawa nila kapag nakatalikod Ako at ginusto Ko silang papanagutin, patuloy nilang pinrotektahan ang isa’t isa, hindi sinasabi kung sino ang may pananagutan, nagpapanggap na walang alam, at ang labo nilang kausap. Anong pagkakamali ang nagawa nila? Inisip nila, “Bukod sa kanyang normal, simpleng pag-iisip, at ordinaryo, normal na pagkatao, si cristo—ang ordinaryong tao na ito—ay walang anumang bagay na maipagmamalaki, at wala siyang mga mahiwagang kapangyarihan. Kung gayon, puwede kaming gumawa ng ilang maliit na hakbang habang nakatalikod ka, at panatag naming gagawin ang sarili naming mga proyekto. Kontrolado namin ang pera ng iglesia, kaya bibilhin namin ang kahit anong gusto namin. Hindi na namin kailangang sumangguni kapag kailangan ng pirma, puwede naming pirmahan na lang nang arbitraryo ang mga pagbili, nang hindi na ito kailangan pang suriin, at puwede kaming gumastos ng pera nang basta-basta. Hindi ba’t diyos si cristo? Kaya mo bang kontrolin ang mga bagay na ito? Gagawin namin ang gusto namin; bukod sa mga oras na nariyan ka, sa natitirang panahon ay sakop namin ito!” Paano nila itinuring ang pagiging normal at praktikal ni Cristo? Hindi ba’t itinuring nila Siya bilang isang taong madaling apihin? Inisip nila, “Hangga’t may normal kang pagkatao, hindi kami natatakot na apihin ka. Kung wala kang mahiwagang pagkatao, hindi kami natatakot sa iyo.” Anong klaseng mga tao sila? Kung huhusgahan batay sa pagkatao nila, maikokonsidera ba silang mabubuting tao? Maikokonsidera ba na mga tao silang may moralidad at pagkatao? Maikokonsidera ba silang mga tao na may marangal na integridad? Ano ba talaga sila? Hindi ba’t isang grupo sila ng mga imoral? Sino ang kinakatawan ng mga taong ito noong gumawa sila sa sambahayan ng Diyos? Hindi man lang nila kinatawan ang tao, kundi kinatawan nila si Satanas. Gumawa sila ng mga bagay para kay Satanas, mga alipin at kasabwat sila nito; narito sila para guluhin at wasakin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ginagampanan ang mga tungkulin nila kundi gumagawa sila ng kasamaan. Paano naiiba sa malaking pulang dragon ang grupong ito ng mga kasabwat ni Satanas na dumadakip, umuusig, at umaabuso sa hinirang na mga tao ng Diyos? Nakikita ng malaking pulang dragon na isang ordinaryong tao lang ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na hindi talaga Siya nakakatakot, kaya arbitraryo nitong tinatangkang dakpin Siya, at kapag nadakip na Siya nito, susubukan nitong patayin Siya. Hindi ba’t ganito rin ang pagturing ng mga kasabwat ni Satanas na ito, ng mga anticristong ito, kay Cristo? Hindi ba’t pareho ang diwa nila? (Oo.) Ano ang turing nila kay Cristo sa kanilang pananampalataya? Nanampalataya ba sila sa Kanya sa paniniwalang Siya ay Diyos o isang tao? Kung itinuring nila si Cristo bilang Diyos, ituturing ba nila Siya sa ganitong paraan? (Hindi.) May isang paliwanag lang: Nakita nila si Cristo bilang isang tao, bilang isang tao na puwede nilang husgahan, lansihin, paglaruan, hamakin, at tratuhin ayon sa nais nila; ibig sabihin ay napakalakas ng loob nila. Kung ikakategorya natin ang mga gayong mapangahas na tao, puwede ba silang isama sa kategorya at grupo ng mga nilikha, ng hinirang na mga tao ng Diyos, ng mga tagasunod Niya, ng mga tao na puwede Niyang gawing perpekto, at mga tao na puwede Niyang iligtas? (Hindi.) Saan dapat ilagay ang mga gayong basura? Sa kampo ni Satanas. Inilalarawan bilang mga anticristo ang mga tao sa grupong ito. Itinuring nila si Cristo bilang isang ordinaryong tao, at kumilos sila nang walang pakundangan at walang ingat at gumamit sila ng absolutong kapangyarihan sa loob ng saklaw ng kanilang impluwensiya, iniisip nila, “Ano man ang isyu, hangga’t hindi ako naghahanap mula sa iyo o ipinaalam ito sa iyo, wala kang karapatang makialam, at hindi mo ito malalaman kailanman.” Sabihin mo sa Akin, may karapatan ba si Cristo na pangasiwaan sila? (Oo.) Ano ang angkop na paraan para gawin ito? (Patalsikin sila sa iglesia.) Ganito dapat pangasiwaan ang mga anticristo at mga Satanas; hindi dapat maging maluwag sa kanila. Kapag nananampalataya sa Diyos ang ganitong mga tao, anuman ang gawin ng Diyos, kung paano man Niya tinutustusan ng katotohanan ang mga tao, o anumang gawain ang ginagawa Niya, hindi nila ito pinapansin. Kung wala silang kapangyarihan, nag-iisip sila ng mga paraan para makuha ito, at kapag nasa kapangyarihan na sila, gusto nilang pumantay kay Cristo, para makihati sa Kanya sa mundo, upang makipagkompetensiya para makita kung sino ang nakatataas at para makipag-agawan ng katayuan sa Kanya. Sa loob ng saklaw ng impluwensiya nila, gusto nilang hamunin si Cristo, sinasabi nila, “Gusto kong makita kung kaninong salita ang mas matimbang, iyong sa iyo ba o sa akin. Teritoryo ko ang iglesiang ito; gagastusin ko ang pera ng iglesia ayon sa gusto ko, bibilhin ko ang kahit anong gustuhin ko, at pangangasiwaan ko ang mga usapin ayon sa kagustuhan ko. Ang sinumang sabihin kong walang kuwenta ay walang kuwenta. Gagamitin ko ang sinumang nais ko, at walang sinuman ang puwedeng gumalaw sa mga taong pinili kong gamitin. Kung may gagalaw sa kanila, hindi ko iyon kailanman palalampasin—kahit na sabihin ng diyos na gusto niya, hindi ko ito papayagan!” Hindi ba’t paghahangad ito ng kamatayan?

Kung mas nauunawaan ng mga tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at nagkakamit sila ng mas malinaw at mas tumpak na pagkaunawa sa pagiging praktikal at sa diwa ng Diyos sa pamamagitan ng normal at praktikal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, mga tao silang naghahangad sa katotohanan at may pagkatao. Gayumpaman, hindi itinuturing ng ilang tao si Cristo bilang Diyos dahil sa Kanyang normal at praktikal na aspekto. Kumikilos sila nang mas walang galang at mas mapangahas sa harap Niya, nagiging mas malakas ang loob nilang kumilos nang malaya, at mas ninanais nilang malampasan si Cristo at makontrol ang hinirang na mga tao ng Diyos. Pakiramdam nila na mayroon silang kapital para hamakin at makipagkompetensiya kay Cristo, at na may ebidensiya sila para ituring si Cristo bilang isang tao. Iniisip nila na pagkatapos nilang makuha ang ebidensiyang ito, hindi na sila kailangang matakot kay Cristo, at na malaya na silang punahin Siya, makipag-usap at makipagtawanan sa Kanya nang kaswal at ipantay ang sarili nila sa Kanya, at talakayin ang kanilang mga personal na usapin at alalahanin sa Kanya. Sinasabi pa ng ilan, “Ibinahagi ko sa iyo ang aking mga panloob na kaisipan, kahinaan, at mga tiwaling disposisyon, kaya sabihin mo naman sa akin ang kalagayan mo. Ikinuwento ko sa iyo ang mga karanasan ko bago at pagkatapos kong manampalataya sa diyos, at sinabi ko sa iyo kung paano ko tinanggap ang gawain ng diyos, kaya ibahagi mo naman sa akin ang mga karanasan mo.” Ano ang sinusubukan nilang gawin? Hindi ba nila nakikita ang Diyos na nagkatawang-tao bilang masyadong ordinaryo at normal, at gusto nila Siyang gawing miyembro ng pamilya nila, isang kabarkada, isang kaibigan, o isang kapitbahay? Gaano man kanormal at kapraktikal si Cristo, hindi kailanman magbabago ang Kanyang diwa. Anuman ang Kanyang edad, kung saan Siya ipinanganak, o kung paano ihahambing ang Kanyang mga kalipikasyon at karanasan sa iyo, kung mukha man Siyang mataas o mababa para sa iyo, huwag kailanman kalilimutan na palagi Siyang iba sa iyo. Bakit ganito? Siya ang Diyos na nabubuhay sa isang panlabas na normal at praktikal na laman; ang Kanyang diwa ay walang hanggang naiiba sa diwa mo; ang Kanyang diwa ay sa Diyos na kataas-taasang laging higit sa lahat ng sangkatauhan magpakailanman. Huwag mong kakalimutan ito. Sa panlabas, mukha Siyang isang ordinaryo at normal na tao, tinatawag Siyang Cristo, at may pagkakakilanlan Siya bilang Cristo, pero kung ituturing mo Siyang isang tao sa pananampalataya mo, at titingnan Siya bilang isang ordinaryong tao, bilang isang miyembro ng tiwaling sangkatauhan, nasa panganib ka. Hindi kailanman nagbabago ang pagkakakilanlan at diwa ni Cristo, ang Kanyang diwa ay ang diwa ng Diyos, at ang Kanyang pagkakakilanlan ay palaging ang pagkakakilanlan ng Diyos. Ang katunayang namumuhay Siya sa isang normal, praktikal na laman, ay hindi nangangahulugang miyembro Siya ng tiwaling sangkatauhan, hindi rin ito nangangahulugan na puwede Siyang manipulahin o kontrolin ng mga tao, o na puwede silang maging kapantay Niya o makipag-agawan sa Kanya para sa kapangyarihan. Hangga’t tinitingnan ng mga tao si Cristo bilang tao, at sinusukat Siya gamit ang mga pamamaraan at perspektiba ng tao, at sinusubukan Siyang gawing kaibigan, kapantay, katrabaho, o nakatataas na opisyal, inilalagay nila ang sarili nila sa isang mapanganib na posisyon. Bakit ito mapanganib? Kung nakikita mo si Cristo bilang isang ordinaryo, normal na tao, magsisimula nang lumabas ang mga tiwaling disposisyon mo. Mula sa sandaling ituring mo si Cristo bilang tao, magsisimula nang malantad ang masasama mong gawa. Hindi ba’t ito ang mapanganib na bahagi? Hangga’t tinitingnan ng mga tao si Cristo bilang tao, at iniisip na normal at praktikal Siya, na madali Siyang lansihin, at katulad lang Siya ng sangkatauhan, hindi sila natatakot sa Diyos, at sa panahong ito ay nagbabago ang ugnayan nila sa Diyos. Ano ang nangyayari sa ugnayang ito? Ang kanilang ugnayan ay hindi na ugnayan ng isang nilikhang tao at ng Lumikha, hindi na ito ugnayan ng isang tagasunod at ni Cristo, at hindi na rin ito ugnayan ng isang pakay ng pagliligtas at ng Diyos, sa halip nagiging ugnayan ito ni Satanas at ng May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay. Sumasalungat ang mga tao sa Diyos, at nagiging mga kaaway Niya. Kapag tinitingnan mo si Cristo bilang isang tao, binabago mo rin ang pagkakakilanlan mo sa harap ng Diyos, at ang halaga mo sa Kanyang mga mata; ganap mong winawasak ang iyong mga kinabukasan at kapalaran dahil sa pagpapalayaw mo sa sarili, paghihimagsik, kabuktutan, at kayabangan. Kikilalanin, gagabayan, at pagkakalooban ka lamang ng Diyos ng buhay at ng pagkakataong makamit ang kaligtasan, kung isa kang nilikha, isang tagasunod ni Cristo, at isang taong tinanggap ang kaligtasan ng Diyos. Kung hindi, magbabago ang ugnayan mo sa Diyos. Kapag itinuturing ng mga tao ang Diyos, si Cristo, bilang isang tao, hindi ba’t nagpapatawa sila? Kadalasan, hindi ito nakikita ng mga tao bilang isang problema, iniisip nila, “Sinabi ni cristo na isa siyang ordinaryo at normal na tao, kaya ano ang mali sa pagtrato sa kanya bilang isang tao?” Sa totoo lang, walang mali rito, pero may mga seryosong kahihinatnan ito. Maraming pakinabang para sa iyo ang pagturing kay Cristo bilang isang tao. Sa isang banda, pinapataas nito ang katayuan mo, sa isa pang aspekto, pinapalapit nito ang distansiya sa pagitan mo at ng Diyos, at bukod pa rito, hindi ka magiging masyadong mahiyain sa presensiya ng Diyos, maluwag at malaya ang pakiramdam mo. Magkakaroon ka ng iyong mga karapatang pantao, kalayaan, at isang pakiramdam ng kahalagahan ng pag-iral mo, at mararamdaman mo ang iyong sariling presensiya—hindi ba’t maganda iyon? Walang mali sa pagturing sa isang tunay na tao sa ganitong paraan, ipinapakita nito na may dangal at integridad ka. Hindi dapat madaling yumukod ang isang tao; hindi sila dapat madaling lumuhod, sumuko, o tumanggap ng pagiging mababa nila sa sinumang tao—hindi ba’t ito ang mga batas ng pagiging ligtas ng tao at ang mga alituntunin ng laro ng tao? Maraming tao ang inilalapat ang mga batas at alituntuning ito sa pakikisalamuha nila kay Cristo. Problema ito at madali nitong masasalungat ang disposisyon ng Diyos. Ito ay dahil pare-pareho ang kalikasang diwa ng lahat ng miyembro ng sangkatauhan, anuman ang lahi nila. Tanging si Cristo ang naiiba sa sangkatauhan. Bagaman may anyo si Cristo ng pagiging normal at praktikal, at nagtataglay ng mga pamumuhay at nakagawian ng normal, praktikal na pagkatao, hindi katulad ng sa sinumang tiwaling tao ang Kanyang diwa. Dahil mismo rito kaya kalipikado Siyang igiit sa Kanyang mga tagasunod na ituring Siya sa paraang hinihingi Niya. Maliban kay Cristo, wala nang iba pang tao ang kalipikado na gumamit ng mga pamamaraan at pamantayang ito para magtakda ng mga hinihingi sa mga tao. Bakit? Dahil ang Diyos Mismo ang diwa ni Cristo, at dahil si Cristo, ang ordinaryo, normal na taong ito, ay isang normal na laman na isinuot ng Diyos, at ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa gitna ng mga tao. Batay lang dito, mali ang pagtingin kay Cristo bilang isang tao, mas lalong mali ang pagturing sa Kanya na parang tao, at mas malubha pa ang panlalansi, paglalaro, at pakikipaglaban sa Kanya na parang isa Siyang tao. Ang mga anticristo, itong pangkat ng masasamang indibidwal na napopoot sa katotohanan, ay nananatiling walang kamalayan sa napakahalagang problema at malinaw na pagkakamaling ito. Bakit ganito? Dahil ang kalikasang diwa nila ay ang diwa ng isang anticristo. Nakikipaglaban sila sa Diyos sa espirituwal na mundo, nakikipag-agawan sa Kanya para sa katayuan, hindi Siya kailanman tinatawag o itinuturing bilang Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, inuulit nila ang ganitong pag-uugali, itinuturing si Cristo sa parehong paraan. Itinuring ng ninuno nila ang Diyos sa ganitong paraan, kaya hindi nakakapagtaka na hindi nila maiwasang kumilos nang ganito. Dahil hindi nila maiwasang kumilos nang ganito, at natiyak na ang kalikasang diwa nila, puwede pa bang iligtas ng Diyos ang mga gayong tao? Hindi ba’t dapat silang paalisin at patalsikin mula sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t dapat silang tanggihan ng lahat ng hinirang na tao ng Diyos? (Oo.) May mga kuru-kuro pa ba kayo tungkol sa pagkondena, pagpapaalis, at pagtitiwalag sa mga gayong indibidwal sa sambahayan ng Diyos? (Wala na.) Kaawa-awa ba sila? (Hindi.) Bakit hindi sila kaawa-awa? Kamuhi-muhi at kasuklam-suklam sila, kaya hindi sila kaawa-awa.