Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Ikalawang Bahagi) Unang Seksiyon

Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikalabinlimang aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: Hindi sila naniniwala na mayroong Diyos, at itinatanggi nila ang diwa ni Cristo. Sa ating huling pagbabahaginan, hinati natin ang paksang ito sa dalawang bahagi. Ang unang bahagi ay ang iba’t ibang pagpapamalas ng hindi paniniwala ng mga anticristo na mayroong Diyos, na hinati pa natin sa dalawang aytem: una, ang pagtanggi ng mga anticristo sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos; ikalawa, ang pagtanggi ng mga anticristo sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Noong nakaraan, pangunahin nating pinagbahaginan kung paano hindi kinikilala ng mga anticristo ang diwa ng Diyos o ang Kanyang disposisyon, at kung paano hindi kinikilala ng mga anticristo na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan at kumakatawan sa Kanyang pagkakakilanlan, at kung paanong tiyak na hindi tinatanggap ng mga anticristo ang kahulugan at katotohanan sa likod ng lahat ng ginagawa ng Diyos. Sinasamba ng mga anticristo si Satanas, itinuturing na Diyos si Satanas, at ginagamit ang lahat ng pahayag at pananaw ni Satanas bilang batayan at pamantayan sa pagsukat sa pagkakakilanlan, diwa, at lahat ng ginagawa ng Diyos. Kaya, sa puso nila, paulit-ulit nilang itinataas at sinasamba ang ginagawa ni Satanas, itinataas at pinupuri nila ang mga kilos ni Satanas, at ginagamit nila si Satanas para palitan ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Ang mas masahol pa, sa batayan ng pagkilala nila sa lahat ng ginagawa ni Satanas, kinukuwestiyon nila ang mga salita at gawain ng Diyos sa bawat pagkakataon at bumubuo sila ng mga kuru-kuro at paghusga tungkol sa mga ito, at kinokondena nila ang Kanyang mga salita at gawain sa huli. Kaya, sa proseso ng pagsunod sa Diyos, hindi tinatanggap ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, kanilang katotohanan, o kanilang direksyon at layon sa buhay. Sa halip, sumasalungat sila sa Diyos sa bawat pagkakataon, at sinusukat nila ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos gamit ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, ang lohika at pag-iisip ni Satanas, at ang disposisyon at mga pamamaraan ni Satanas. Sa proseso ng pagsunod sa Diyos, patuloy nilang pinagdududahan, pinaghihinalaan, at binabantayan ang Diyos, palagi nila Siyang hinuhusgahan, at hinahamak, kinokondena, at itinatanggi sa puso nila. Ang lahat ng bagay na ginagawa ng mga anticristo at ang iba’t iba nilang pagpapamalas ay talagang nagpapatunay na hindi sila mga tagasunod ng Diyos, mga tunay na mananampalataya, o mga nagmamahal sa katotohanan at mga positibong bagay, kundi mga kaaway sila ng katotohanan at ng Diyos. Kapag pumupunta sa sambahayan ng Diyos ang mga taong ito, sa iglesia, hindi sila narito para tanggapin ang pagliligtas ng Diyos o para lumapit sa Diyos at tanggapin ang Kanyang mga salita bilang buhay. Kaya, ano ang ginagawa nila sa sambahayan ng Diyos? Kapag pumupunta sa sambahayan ng Diyos ang mga taong ito, una, kahit papaano, tinatangka nilang tugunan ang pagkamausisa nila; ikalawa, nais nilang sumunod sa kalakarang ito; at ikatlo, nais nila ng mga pagpapala. Ito ang kanilang mga intensiyon at layon, at iyon na iyon. Batay sa kalikasang diwa ng mga anticristo, hindi nila kailanman layong tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, hindi nila kailanman planong ituring ang mga salita ng Diyos bilang mga prinsipyo ng pagsasagawa o bilang kanilang direksyon at layon sa buhay, at hindi nila kailanman planong baguhin o talikuran ang sarili nilang mga pananaw, o baguhin o talikuran ang sarili nilang mga kuru-kuro, at lumapit sa Diyos para lubusang magsisi, at magpatirapa sa Kanyang harapan at tanggapin Siya bilang Tagapagligtas nila. Wala silang gayong mga layunin. Patuloy lamang nilang ipinagmamalaki sa harap ng Diyos kung gaano sila kagaling, kung gaano sila kahusay, kung gaano sila kamakapangyarihan, kung gaano kahusay ang kanilang mga kaloob at talento, at kung paano sila puwedeng maging haligi at gulugod ng sambahayan ng Diyos, at iba pa, para sa gayon ay maabot nila ang layon nilang maging mataas ang pagtingin sa kanila sa sambahayan ng Diyos, makilala sila ng Diyos, at maitaas ang ranggo nila sa sambahayan ng Diyos, para matugunan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais. Hindi lamang iyon, nais din nilang matugunan ang ambisyon nila, pagnanais, at plano na “tumanggap ng isang daang beses sa buhay na ito at ng walang-hanggang buhay sa mundong darating.” Kailanman ba ay tinalikuran nila ang mga ambisyon, pagnanais, at planong ito? Kaya ba nilang subhetibong maunawaan, talikuran, at lutasin ang mga isyung ito? Hindi nila kailanman planong gawin ito. Kahit ano pa ang sinasabi o inilalantad ng mga salita ng Diyos, kahit na puwede nilang maiugnay ang Kanyang mga salita sa sarili nila, kahit na alam nila na ang kanilang mga plano, kaisipan, at layunin ay salungat sa mga salita ng Diyos at hindi naaayon sa mga ito, na taliwas ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo at mga pagpapamalas ng disposisyon ng mga anticristo, patuloy pa rin nilang pinanghahawakan ang sarili nilang mga pananaw, ambisyon, at pagnanais, at wala silang balak na baguhin ang sarili nila, baligtarin ang mga pananaw nila, talikuran ang kanilang mga ambisyon at pagnanais, at lumapit sa Diyos para tanggapin ang Kanyang paglalantad, paghatol, pagkastigo, at pagpupungos. Ang mga taong ito ay hindi lang mapagmatigas ang puso, kundi mayabang at palalo rin—mayabang na wala na sila sa katwiran. Kasabay nito, labis silang tutol at namumuhi sa bawat salitang sinasabi ng Diyos sa kaibuturan ng puso nila; kinamumuhian nila ang paglalantad ng Diyos sa kalikasang diwa ng tiwaling sangkatauhan, at ang Kanyang paglalantad sa iba’t ibang tiwaling disposisyon. Kinamumuhian nila ang Diyos at ang katotohanan nang walang dahilan; kinamumuhian pa nga nila ang mga taong naghahangad sa katotohanan at ang mga minamahal ng Diyos. Ganap na ipinapakita nito na buktot talaga ang disposisyon ng mga anticristo. Ang kanilang walang-dahilang pagkamuhi, pagkamapanlaban, pagsalungat, paghusga, at pagtanggi sa Diyos at sa katotohanan ay nagpapakita rin sa atin na talagang may malupit na disposisyon ang mga anticristo.

Ang iba’t ibang disposisyon ng mga anticristo ay mga pinakaperpektong halimbawa ng mga taglay na disposisyon ng tiwaling sangkatauhan, at ang tindi ng iba’t ibang disposisyon ng mga anticristo ay mas malala kaysa sa disposisyon ng sinumang karaniwang tiwaling indibidwal. Kahit gaano pa kalalim o kakongkreto ang paglalantad ng Diyos sa mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, itinatatwa at itinatanggi ito ng mga anticristo, at hindi nila ito tinatanggap bilang ang katotohanan o bilang ang gawain ng Diyos. Kinikilala at pinaniniwalaan lang nila na ang pagiging sapat na masama, walang-awa, buktot, mapaminsala, at malupit ang tanging paraan upang makapanindigan, mangibabaw, at manatiling matatag sa huli sa lipunang ito at sa gitna ng masasamang kalakaran. Ito ang lohika ng mga anticristo. Dahil dito, nagkikimkim ng pagkamapanlaban at pagkamuhi ang mga anticristo sa matuwid at banal na diwa ng Diyos, sa katapatan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at sa iba pang mga positibong bagay na tulad ng mga ito. Kahit gaano pa magpatotoo ang mga tao tungkol sa pagkakakilanlan, diwa, at lahat ng gawain ng Diyos, at kahit gaano pa nila kakongkreto at kamatapat na gawin ito, hindi ito tinatanggap ng mga anticristo; hindi nila inaamin na gawa ito ng Diyos, na may katotohanang dapat hanapin dito, o na ito ang pinakamagandang edukasyonal na materyal at patotoo para sa kaalaman ng sangkatauhan sa Diyos. Sa kabaligtaran, sa anumang maliit na bagay na ginagawa ni Satanas, nang namamalayan o hindi, nagpapatirapa ang mga anticristo sa paghanga rito. Pagdating sa mga bagay na ginagawa ni Satanas, nagkakaisa ang mga anticristo sa pagtanggap, paniniwala, pagsamba, at pagsunod sa mga bagay na ito, itinuturing man ang mga ito na marangal o mababa ng sangkatauhan. Gayumpaman, may isang bagay na bumabagabag sa mga anticristo: Sinabi ni Buddha na kaya niyang paratingin ang mga tao sa Purong Lupain, at iniisip ng mga anticristo: “Mukhang mas mababa ang Purong Lupaing ito kaysa sa kaharian ng langit at sa langit na binabanggit ng diyos—hindi ito gaanong ideyal. Bagaman makapangyarihan si Satanas, at kaya nitong magbigay ng walang-katapusang mga pakinabang sa mga tao, at tugunan ang lahat ng kanilang ambisyon at pagnanais, ang isang bagay na hindi nito magawa ay ang mangako sa tao, bigyang-kakayahan ang mga tao na makapasok sa kaharian ng langit at makamtan ang buhay na walang hanggan. Hindi nangangahas si Satanas na ipahayag ito, ni hindi ito kayang gawin ni Satanas.” Sa kaibuturan ng puso nila, nararamdaman ng mga anticristo na hindi ito lubos maisip, at kasabay nito, iniisip nilang ito ang pinakanakakapanghinayang na bagay. Kaya habang sumusunod sa Diyos nang labag sa kanilang loob, patuloy pa rin nilang pinaplano kung paano makakamtan ang mas higit pang mga pagpapala, at kung sino ang makakatugon sa kanilang mga pagnanais at ambisyon. Kuwenta sila nang kuwenta, at sa huli, wala silang magawa kundi ang makipagkompromiso na manatili sa sambahayan ng Diyos. Batay sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, ano ang kanilang saloobin at pananaw sa Diyos? Mayroon ba silang kahit kaunting tunay na pananampalataya? Mayroon ba silang tunay na pananalig sa Diyos? Kinikilala ba nila kahit kaunti ang mga gawa ng Diyos? Kaya ba nilang sabihin ang “Amen” mula sa kaibuturan ng puso nila sa katunayang ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ang buhay, at ang daan? Ginawa ng Diyos ang napakadakilang gawain sa sangkatauhan—kaya bang purihin ng mga anticristo ang dakilang kapangyarihan at matuwid na disposisyon ng Diyos mula sa kaibuturan ng puso nila? (Hindi.) Ito ay dahil itinatanggi mismo ng mga anticristo ang pagkakakilanlan, diwa, at lahat ng gawa ng Diyos kaya palagi nilang itinataas at pinapatotohanan ang sarili nila sa proseso ng pagsunod sa Kanya, at kaya nila sinusubukang makuha ang pabor at puso ng mga tao, at kaya sinusubukan pa nga nilang kontrolin at ikulong ang puso ng mga tao, at makipagkompetensiya sa Diyos para sa Kanyang mga hinirang. Pinapatunayan ng lahat ng gayong pagpapamalas na hindi kailanman kinikilala ng mga anticristo ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, o kinikilala na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha ang sangkatauhan at lahat ng bagay. Ito ang hinimay natin noong nakaraan tungkol sa mga pananaw, pagpapamalas, at mga pagbubunyag ng mga anticristo tungkol sa pag-iral ng Diyos. Dahil may ganitong pananaw at pagpapamalas ang mga anticristo tungkol sa pag-iral ng Diyos, ano naman ang saloobin nila kay Cristo, sa Diyos na nagkatawang-tao? Magagawa ba nilang tunay na paniwalaan, kilalanin, sundan Siya, at magpasakop sa Kanya? (Hindi.) Batay sa pakikitungo ng mga anticristo sa pag-iral ng Diyos, kinikimkim nila ang ganitong saloobin sa Espiritu ng Diyos, kaya hindi na kailangang sabihing mas kasuklam-suklam pa ang saloobin nila sa Diyos na nagkatawang-tao kaysa sa saloobin nila sa Kanyang Espiritu, nang may mas malinaw at mas matinding mga pagpapamalas.

II. Itinatanggi ng mga Anticristo ang Diwa ni Cristo

Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo si Cristo, ang Diyos na nagkatawang-tao, batay sa hindi nila paniniwala na mayroong Diyos. Kinikilala ng maraming tao ang katunayang hindi naniniwala ang mga anticristo na may Diyos. Matapos ang lahat ng pagbabahaginan, pagsisiwalat, at paghihimay na ito, nakakuha ba kayo ng kongkretong pagkaunawa sa mga disposisyon at pagpapamalas ng mga anticristo? Tinatanggap man nila ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao, o ang katunayang naging laman ang Diyos, sa realidad, itinatanggi nila ang pag-iral ng Diyos. Kaya, anong klaseng tao ba talaga sila? Sa tumpak na pananalita, sila ay mga mapagsamantalang hindi mananampalataya—sila ay mga Pariseo. Malinaw na masama ang ilan sa kanila, habang mukhang mapagpakumbaba, may pinong ugali, may dignidad, at marangal ang iba—mga tipikal na Pariseo sila. Pagdating sa dalawang uri ng taong ito—iyong mga mukhang masama at iyong mga mukhang banal at hindi masama—kung pangunahin silang hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos, masasabi ba natin na mga hindi sila mananampalataya? (Oo.) Nagbabahaginan tayo ngayon tungkol sa kung ano ang mga pananaw at saloobin ng mga hindi mananampalataya kay Cristo, kung ano ang mga pagpapamalas na ipinapakita nila sa iba’t ibang aspekto ni Cristo, at kung paano natin mauunawaan ang diwa ng mga anticristo sa pamamagitan ng mga pagpapamalas na ito.

A. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang Pinagmulan ni Cristo

Pagdating kay Cristo, na isang ordinaryong tao na may espesyal na pagkakakilanlan, ano ang mga bagay na kadalasang pinakapinapahalagahan ng mga tao? Una sa lahat, hindi ba’t maraming tao ang nagpapahalaga sa Kanyang pinagmulan? Isang pangunahing pokus iyan ng atensiyon ng mga tao. Kaya, una nating pagbahaginan kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pinagmulan ni Cristo. Bago tayo magbahaginan tungkol dito, pag-usapan muna natin kung paano pinlano ng Diyos ang iba’t ibang aspekto ng pinagmulan ng Kanyang laman nang nagkatawang-tao Siya. Gaya ng alam ng marami, noong Kapanahunan ng Biyaya, ipinaglihi si Cristo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ipinanganak ng isang birhen. Ipinanganak Siya sa isang lubhang ordinaryo at normal na pamilya, na sa modernong salita ay matatawag na isang sambahayan ng mga karaniwang mamamayan. Hindi Siya ipinanganak sa isang mayaman, opisyal, o kilalang malaking pamilya—ipinanganak pa nga Siya sa isang sabsaban, na lubhang wala sa hinagap at imahinasyon ng lahat. Kung titingnan ang bawat aspekto ng pinagmulan ng unang nagkatawang-taong laman ng Diyos, napakaordinaryo ng pamilya kung saan isinilang ang Diyos na nagkatawang-tao. Si Maria, ang Kanyang ina, ay ordinaryo rin, at hindi isang taong bukod-tangi, at tiyak na wala siyang taglay na anumang espesyal na kapangyarihan, o mga pambihira at natatanging talento. Gayumpaman, mahalagang tandaan na hindi siya hindi mananampalataya o walang pananampalataya, kundi isa siyang tagasunod ng Diyos. Napakahalaga nito. Si Jose, ang asawa ni Maria, ay isang karpintero. Ang isang karpintero ay isang uri ng artesano, at katamtaman ang kita niya, pero hindi siya mayaman at wala siyang masyadong pera. Gayumpaman, malayo siya sa pagiging mahirap, at kaya niyang tugunan ang lahat ng pangunahing pangangailangan ng pamilya niya. Ipinanganak sa ganitong uri ng pamilya ang Panginoong Jesus; ayon sa mga pamantayan ng kita at mga kondisyon ng pamumuhay ngayon, halos hindi masasabing nasa panggitnang uri ang pamilya niya. Maituturing bang marangal o mababa sa sangkatauhan ang gayong pamilya? (Mababa.) Samakatwid, ang pamilya kung saan isinilang ang Panginoong Jesus ay malayo sa pagiging kilala, mayaman, o tanyag, at lalong malayo sa itinuturing ngayong mataas na uri. Kapag lumalabas ang mga bata mula sa mga pamilyang mayaman o may mataas na katayuan, karaniwan silang pinapalibutan at dinudumog ng mga tao, pero kabaligtaran ang nangyari sa pamilya ng Panginoong Jesus. Ipinanganak Siya sa isang pamilya na walang marangyang kondisyon ng pamumuhay o kilalang katayuan. Isang napakaordinaryong pamilya ito na hindi napapansin at binabalewala ng mga tao, nang walang sinumang pumupuri o dumudumog sa kanila. Sa ganitong kalagayan at panlipunang kapaligiran noon, nasa posisyon ba si Cristo para makatanggap ng mataas na edukasyon o maimpluwensiyahan at maapektuhan ng iba’t ibang pamumuhay, kaisipan, pananaw, at iba pa ng mataas na antas na lipunan? Maliwanag na hindi. Karaniwang edukasyon ang natanggap Niya, binasa Niya ang mga Kasulatan sa bahay, nakinig Siya sa mga kuwento mula sa Kanyang mga magulang, at dumalo Siya sa mga pagsamba sa iglesia kasama nila. Sa lahat ng aspekto, ang pinagmulan ng Panginoong Jesus at ang kontekstong kinalakihan Niya ay hindi prestihiyoso o marangal gaya ng inaakala ng mga tao. Ang kapaligirang kinalakihan Niya ay katulad ng sa isang ordinaryong tao. Simple at ordinaryo ang Kanyang pang-araw-araw na buhay, katulad ng sa karaniwang tao ang mga kondisyon ng Kanyang pamumuhay, hindi espesyal ang mga ito, at wala Siya ng mga espesyal at nakakataas na kondisyon ng pamumuhay ng mataas na antas ng lipunan. Ito ang konteksto kung saan ipinanganak ang unang nagkatawang-taong laman ng Diyos, at ang kapaligirang Kanyang kinalakihan.

Bagaman ang kasarian ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagkakataong ito ay lubos na naiiba sa nakaraang pagkakatawang-tao, ordinaryo rin at hindi kapansin-pansin ang katayuan ng Kanyang pinagmulang pamilya. Nagtatanong ang ilan, “Gaano kaordinaryo?” Sa kasalukuyang panahon, ang ordinaryo ay nangangahulugan ng isang karaniwang kapaligiran sa pamumuhay. Ipinanganak si Cristo sa isang pamilya ng manggagawa, ibig sabihin, isang pamilya na umaasa sa sahod para sa kabuhayan nila, na kayang tugunan ang sarili nilang mga pangunahing pangangailangan, pero hindi sila mayaman tulad ng mga nakakariwasa. Nakisalamuha si Cristo sa mga ordinaryong tao, at naranasan Niya ang buhay ng mga ordinaryong tao; namuhay Siya sa ganitong uri ng kapaligiran, at walang anumang espesyal dito. Sa pangkalahatan, may pagkakataon bang matuto ng mga masining na kasanayan ang mga anak mula sa mga pamilya ng mga manggagawa? Mayroon ba silang pagkakataong malantad sa iba’t ibang pananaw na laganap sa mataas na lipunan? (Wala.) Hindi lamang sila walang pagkakataong matutunan ang iba’t ibang kasanayan, higit pa rito, wala silang mga pagkakataong makihalubilo sa mga tao, pangyayari, at bagay sa mataas na lipunan. Mula sa perspektibang ito, napakaordinaryo ng pamilya kung saan isinilang ang Diyos na nagkatawang-tao sa pagkakataong ito. Namumuhay nang disente ang Kanyang mga magulang, nakasalalay ang kabuhayan nila sa kanilang trabaho at hanapbuhay, at karaniwan ang kondisyon ng pamumuhay nila. Pinakakaraniwan sa modernong lipunan ang gayong mga kondisyon. Mula sa perspektiba ng mga walang pananampalataya, walang nakakaangat na kondisyon sa kapaligiran ng kapanganakan ni Cristo, at wala sa Kanyang pinagmulang pamilya o kalidad ng buhay ang maipagyayabang. Ipinanganak sa mga pamilyang intelektuwal ang ilang kilalang tao; pawang mga edukador at matataas na intelektuwal ang mga ninuno nila. Lumaki sila sa ganitong kapaligiran, na may kasamang estilo at tindig ng isang intelektuwal na pamilya. Pinili ba ng Diyos ang katulad na pinagmulang pamilya para sa Kanyang nagkatawang-taong laman? Hindi. Sa pagkakataong ito, ang Diyos na nagkatawang-tao ay wala ring kilalang pinagmulang pamilya at kilalang katayuan sa lipunan, at lalong wala Siyang nakakaangat na kapaligiran ng pamumuhay—nagmula Siya sa isang lubos na ordinaryong pamilya. Huwag muna nating pag-usapan kung bakit pinili ng Diyos na nagkatawang-tao ang gayong pamilya, kapaligiran sa pamumuhay, at pinagmulang Kanyang kinalakihan; hindi natin pag-uusapan ang kahalagahan nito sa ngayon. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t nababahala ang ilang tao kung nakapag-aral si Cristo sa unibersidad? Sasabihin Ko sa inyo ang katotohanan: Huminto Ako sa pag-aaral bago kumuha ng college entrance exam at umalis Ako sa bahay sa edad na 17. Kaya, nakapag-aral ba Ako sa unibersidad? (Hindi.) Masama ba o magandang balita ito para sa inyo? (Sa tingin ko, wala nang saysay na malaman pa ito, wala itong kinalaman sa pagsunod sa Diyos.) Iyan ang tamang perspektiba. Hindi Ko pa ito nabanggit dati, hindi dahil gusto Ko itong itago o pagtakpan, kundi dahil hindi na ito kailangang sabihin, dahil ganap na walang kinalaman ang mga bagay na ito sa pagkilala at pagsunod sa Diyos. Bagaman ang kuwento sa likod ng kapanganakan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang kapaligiran ng Kanyang pamilya, at ang kapaligiran kung saan Siya lumaki ay walang epekto sa pagkilala sa Diyos o sa Diyos na nagkatawang-tao, at hindi talaga konektado sa mga bagay na ito, bakit Ko tinatalakay ang mga isyung ito rito? May kinalaman ito sa isa sa mga pananaw ng mga anticristo tungkol kay Cristo na ating hinihimay ngayon. Hindi pinili ng Diyos ang isang kilalang katayuan, marangal na pagkakakilanlan, o kilalang pinagmulan ng pamilya at pinagmulan sa lipunan para sa Kanyang nagkatawang-taong laman, lalong hindi Niya pinili ang isang nakakaangat, komportable, mayaman, marangyang kapaligiran na Kanyang kinalakihan. Hindi rin pinili ng Diyos ang isang pinagmulang pamilya kung saan makakatanggap Siya ng mas mataas na edukasyon o makakasalamuha Niya ang mataas na lipunan. Kung isinasaalang-alang ang mga aspekto ng pagpili ng Diyos nang nagkatawang-tao Siya, maaapektuhan ba ng mga bagay na ito ang gawaing ipinarito ni Cristo? (Hindi.) Kung titingnan ang proseso, kalikasan, at mga resulta ng Kanyang mga huling gawain, hindi nakakaapekto ang mga aspektong ito sa anumang paraan sa plano ng gawain, mga hakbang, o mga resulta ng Diyos, ngunit sa kabaligtaran, may isang uri ng pakinabang sa mga aspektong ito ng Kanyang pagpili, ibig sabihin, mas kapaki-pakinabang para sa kaligtasan ng mga hinirang na tao ng Diyos ang pagpili Niya na ipanganak sa gayong kapaligiran, dahil nagmula ang 99% sa kanila sa katulad na pinagmulan. Isang aspekto ito ng kahalagahan ng pinagmulan ng Diyos na nagkatawang-tao na dapat maunawaan ng mga tao.

Kanina lang, nagsalita Ako sa simpleng paraan tungkol sa pinagmulan at kapaligiran ng kapanganakan ni Cristo, para mabigyan kayo ng pangkalahatang pagkaunawa tungkol dito. Susunod, himayin natin kung paano itinuturing ng mga anticristo ang pinagmulan ng Diyos na nagkatawang-tao. Una, ang mga anticristo ay lihim na nanghahamak at may pakiramdam ng paglaban sa kapaligiran at pinagmulan ng kapanganakan ni Cristo. Bakit nila ito hinahamak at nilalabanan? Dahil mayroon silang mga kaisipan at kuru-kuro sa kalooban nila. Ano ang perspektiba nila tungkol dito? “Ang diyos ang lumikha, pinakamakapangyarihan siya sa lahat, nasa itaas siya ng kalangitan, at nasa itaas ng sangkatauhan at ng lahat ng nilikha. Kung diyos siya, dapat siyang umangat sa pinakamataas na posisyon sa sangkatauhan.” Ano ang ibig nilang sabihin sa pag-angat niya sa pinakamataas na posisyon? Ibig nilang sabihin na mas mataas siya dapat sa lahat, na dapat na ipinanganak siya sa isang kilala at marangal na malaking pamilya, at wala na siyang mahihiling pa; na dapat ipinanganak siya mula sa mayamang pamilya, may ganap na kapangyarihan, pati na rin awtoridad at impluwensiya, at maging lalong mayaman at isang bilyonaryo. Kasabay nito, dapat mataas ang pinag-aralan niya, natutunan ang lahat ng bagay na dapat malaman ng mga tao sa mundong ito. Halimbawa, tulad ng isang prinsipe, dapat makatanggap siya ng personal na pagtuturo, mag-aral sa mga kilalang paaralan, at mamuhay ng buhay ng mataas na antas ng lipunan. Hindi siya dapat maging anak ng isang ordinaryong pamilya. Dahil si cristo ang nagkatawang-taong laman, dapat na higit ang edukasyon niya kaysa sa lahat, at dapat iba sa mga karaniwang tao ang kanyang mga materyal sa pag-aaral. Iniisip nila na dahil pumarito si cristo para maghari, dapat matuto siya ng sining ng pamumuno, gayundin kung paano pamahalaan at kontrolin ang sangkatauhan, at pag-aralan ang Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang, at matuto ng maraming wika at ilang masining na kasanayan, para magamit ang mga ito sa gawain niya sa hinaharap, at para mapamahalaan niya ang lahat ng uri ng tao sa hinaharap. Para sa kanila, ang gayong cristo lang ang magiging marangal, dakila, at may kakayahang iligtas ang mga tao dahil magkakaroon siya ng sapat na kaalaman at mga talento, at sapat na abilidad para mabasa ang isipan ng tao upang makontrol sila. Kinikimkim ng mga anticristo ang gayong mga kuru-kuro tungkol sa pinagmulan ng nagkatawang-taong laman ng Diyos at pinanghahawakan nila ang mga kuru-kurong ito habang tinatanggap ang Diyos na nagkatawang-tao. Una, hindi nila isinasantabi ang mga kuru-kuro nila at hindi nila nauunawaan o naaarok muli ang ginagawa ng Diyos mula sa kaibuturan ng puso nila. Hindi nila itinatanggi ang sarili nilang mga kuru-kuro at pananaw, o nauunawaan ang mga panlilinlang na kinikimkim nila, at hindi nila nakikilala si Cristo at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos at hindi nila tinatanggap ang lahat ng sinasabi at ginagawa ni Cristo nang may saloobin at prinsipyo ng pagpapasakop sa katotohanan. Sa halip, sinusukat nila ang lahat ng sinasabi ni Cristo ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at pananaw. “Walang lohika ang pahayag na ito ni cristo; hindi wasto ang mga ginamit na salita sa isang iyon; may mali sa gramatika nito; masasabi mong hindi mataas ang pinag-aralan ni cristo. Hindi ba’t nagsasalita siya na parang isang karaniwang tao? Paanong magsasalita ng ganoon si cristo? Hindi niya ito kasalanan. Sa katunayan, gusto rin niyang makilala, igalang siya ng iba, pero hindi posible iyon—hindi siya nagmula sa isang magandang pamilya. Mga ordinaryong tao lamang ang mga magulang niya, at nakaimpluwensiya ang estado nila para matulad siya sa kanila. Paano ito nagawa ng diyos? Bakit parang hindi masyadong elegante at marangal ang mga salita at kilos ni cristo? Bakit wala siyang pananalita at kilos ng mga iskolar at ng mga pinong intelektuwal sa lipunan, ng mga prinsesa at prinsipe mula sa mataas na antas ng lipunan? Bakit parang hindi tugma sa pagkakakilanlan ni cristo ang kanyang mga salita at gawa?” Nagkikimkim ang mga anticristo ng ganitong uri ng perspektiba at ng ganitong uri ng mapagmasid na pananaw sa kung paano nila tinitingnan si Cristo, at ang lahat ng Kanyang salita at gawain, kung paano Niya itinuturing ang mga tao, at ang Kanyang pananalita at kilos, at hindi maiwasang lumilitaw ang mga kuru-kuro sa puso nila. Hindi lamang sila hindi nagpapasakop kay Cristo, hindi rin nila itinuturing nang tama ang Kanyang mga salita. Sinasabi nila, “Puwede bang maging tagapagligtas ko ang gayong ordinaryong tao, ang gayong karaniwang tao? Maaari ba niya akong pagpalain? Maaari ba akong magkamit ng anumang pakinabang mula sa kanya? Maaari bang matupad ang mga pangarap at hangarin ko? Masyadong ordinaryo ang taong ito, hanggang sa puntong minamaliit siya.” Habang mas nakikita ng mga anticristo na ordinaryo at karaniwan si Cristo, at iniisip na napakanormal ni Cristo, mas lalo nilang nararamdamang mataas at marangal sila. Kasabay nito, nagkukumpara pa ang ilang anticristo, “Bata ka pa at hindi mo alam kung paano manamit o makipag-usap sa mga tao. Hindi mo alam kung paano kumuha ng impormasyon mula sa mga tao. Bakit ka masyadong direkta? Paano nahahawig sa diyos ang anumang sinasabi mo? Paanong nagpapakita ang anumang sinasabi mo na ikaw ang diyos? Paano nahahawig sa diyos ang iyong mga kilos, pananalita, ugali, gawi, at pananamit? Sa tingin ko, hindi ka naman nahahawig sa diyos sa anuman sa mga aspektong ito. Dapat na may mas mataas na edukasyon si cristo, dapat alam na alam niya ang kabuuan ng Bibliya, at dapat magaling siyang magsalita, pero palagi mong inuulit ang sinasabi mo at kung minsan ay gumagamit ka ng mga salitang hindi angkop.” Pagkatapos ng maraming taon ng pagsunod kay Cristo, hindi lang hindi tinanggap ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa puso nila, hindi rin nila tinanggap ang katunayang si Cristo ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Katumbas ito ng hindi nila pagtanggap kay Cristo bilang Tagapagligtas nila. Sa halip, mas lalo nilang hinahamak ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang ordinaryong taong ito, sa kanilang puso. Dahil wala silang nakikitang espesyal kay Cristo, dahil napakakaraniwan at napakaordinaryo ng Kanyang pinagmulan, at mukhang hindi Niya kayang magdulot ng anumang benepisyo sa kanila sa lipunan o sa sangkatauhan, o tulutan silang magtamasa ng anumang pakinabang, nagsisimula silang walang habas at hayagang husgahan Siya, “Hindi ba’t anak ka lang ng kung sinong pamilya? Anong mali sa paghuhusga ko sa iyo kung gayon? Ano ang magagawa mo sa akin? Kung nagmula ka sa isang kilalang pamilya o may mga magulang na opisyal, baka matakot ako sa iyo. Bakit ako matatakot sa iyo kung ganyan ka naman? Kaya, kahit si cristo ka, ang nagkatawang-taong laman na pinatotohanan ng diyos, hindi ako natatakot sa iyo! Patuloy pa rin kitang huhusgahan kapag nakatalikod ka, at malaya akong magkokomento tungkol sa iyo. Tuwing may pagkakataon ako, pag-aaralan ko ang iyong pamilya at lugar ng kapanganakan.” Ito ang mga bagay na paboritong gawan ng isyu ng mga anticristo. Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, at paulit-ulit nilang hinuhusgahan at nilalabanan ang anumang hindi tugma sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Alam na alam ng mga taong ito na ang katotohanan ang ipinapahayag ni Cristo, kaya bakit hindi nila hinahangad ang katotohanan? Talagang wala silang katwiran!