Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Unang Bahagi) Ikatlong Seksiyon
B. Pagtangging Kilalanin ang Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos sa Lahat ng Bagay
Susunod, magbahaginan tayo tungkol sa ikalawang pagpapamalas ng “Hindi sila naniniwala na mayroong Diyos, at itinatanggi nila ang diwa ni Cristo”: ang pagtanggi ng mga anticristo na kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Para sa mga anticristo, sadyang hindi umiiral ang Lumikha na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos, isa lang Siyang alamat. Kung gayon, puwede bang kilalanin ng mga anticristo ang katunayan na ang Lumikha ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Hindi na kailangang sabihin na hindi nila kinikilala ang katunayang ito. Hindi nila ito kinikilala, at nakabatay rin ito sa mga katunayan. Ang pananampalataya, kaalaman, at pagkaarok ng mga anticristo tungkol sa Diyos ay batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, sa ilang pananaw at pagkaunawa ng tao sa mga idolo, at sa mga maling paniniwala at panlilinlang na ginagamit ng mga idolong iyon upang iligaw ang mga tao. Naaayon o taliwas ba sa katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ang mga kuru-kuro, imahinasyon, maling paniniwala, panlilinlang, at iba pang bagay sa puso ng mga anticristo? Siyempre, taliwas ang mga ito sa katunayang ito. Nililigaw ang mga tao ng mga idolong pinag-aalayan nila sa pamamagitan ng paglalatag ng ilang maling paniniwala at panlilinlang na naaayon sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at panlasa ng tao, para makakuha ng matatag na puwesto sa sangkatauhan, tulad ng “Ang Buddha ay mabait,” “Pinahahalagahan ng langit ang mga buhay na nilalang,” “Ang pagliligtas ng isang buhay ay higit pa sa pagbuo ng isang pitong-palapag na pagoda,” at “Ang nakatadhana ay mangyayari, at ang hindi nakatadhana ay hindi dapat ipilit.” Ano pa? (May diyos sa tatlong talampakan sa itaas mo.) Nasaan ang tatlong talampakan sa itaas mo? Nasa hangin iyan, kung saan naninirahan si Satanas. Ano ang “diyos” na ito? (Si Satanas.) At ano ang kasabihang madalas gamitin ng mga Budista? (Ang kabutihan ay sinuklian ng kabutihan, at ang kasamaan ng kasamaan; masusuklian ang mga bagay na ito, hindi pa lang dumarating ang panahon.) Itinuturing ng mga tao bilang ang katotohanan ang mga positibong kasabihan at pilosopikal na teoryang ito na madalas sinasabi sa mundo, pero sa katunayan, ang mga salitang ito ba ang katotohanan? Mayroon bang anumang kaugnayan sa pagitan ng mga ito at ng katotohanan? (Wala.) Tulad ng “Ang kabutihan ay sinuklian ng kabutihan, at ang kasamaan ng kasamaan; masusuklian ang mga bagay na ito, hindi pa lang dumarating ang panahon”—ano ang ibig sabihin ng “ang kabutihan ay sinuklian ng kabutihan”? Ano ang tinutukoy na “mabuti”? Ito ba ay katarungan, katotohanan, o kaunting kabutihan ng tao? (Ito ay kabutihan ng tao.) Talaga bang sinusuklian ng mabuti ang kaunting kabutihan ng tao? Hindi ito tiyak. “Ang paggawa ng mga tulay at pagkukumpuni ng daan ay nauuwi sa pagkabulag”—mga gawa ng kabutihan ang paggawa ng mga tulay at pagkukumpuni ng daan, kaya bakit ito nauuwi sa pagkabulag? Mayroon bang gantimpala para sa mga gawang ito? (Wala.) “Kasamaan ng kasamaan”—masama ang pagpatay at pagsunog, kaya sinusuklian ba ito ng masama? (Hindi.) Bakit hindi? “Samantalang tinitiyak ng mga mamamatay-tao at arsonista na dumarami ang kanilang mga anak”—pinabubulaanan ng mga salitang ito ang “kasamaan ng kasamaan.” “Masusuklian ang mga bagay na ito, hindi pa lang dumarating ang panahon”—ano ang ibig sabihin ng “hindi pa lang dumarating ang panahon”? Ano ang ibig sabihin ng pagdating nito? Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, itinuturing nila ang mga salita at kasabihang ito bilang mga positibong bagay at katotohanan. Tinatanggap ng mga tao na may hungkag na puso at walang pinagkukunan ng espirituwal na panustos ang mga diumano’y tamang salitang ito bilang espirituwal na panustos nila, bilang isang uri ng espirituwal na aliw, upang aluin ang sarili nila, “Ayos lang, may pag-asa pa sa buhay, may katarungan at katuwiran pa rin sa mundong ito, at may isang tao pa ring magtataguyod ng katarungan. Posible pa ring makakuha ng makatarungang resulta, at sa huli ay magkakaroon ng pahayag ng resolusyon sa lahat ng ito.” Tunay na pagkaunawa ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay ang mga kasabihang iyon? Tunay na pagpapamalas ba ang mga ito ng pagkilala ng mga tao sa katunayang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay? (Hindi.) May kaugnayan ba ang mga kasabihan o salawikaing sinasabi ng mga tao sa katunayang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay? (Wala.) Bakit wala? (Ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan.) Pinatutunayan ito ng sagot mo sa teoretikal na antas, ngunit ano ang ugat na dahilan? Ang ugat na dahilan ay malayo sa pagiging kasingsimple ng doktrinang ito, malayong maipaliwanag ito sa isang pangungusap lamang na ito. Dahil hindi ganoon kasimple ang usapin ng pagiging may kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, paano ito dapat maunawaan? Tulad ng ating pinagbahaginan dati, hindi kinikilala ng mga anticristo na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay. Anuman ang tinitingnan ng mga anticristo, palagi nila itong sinisiyasat at sinusuri mula sa perspektiba ng isang tagamasid, at ng isang materyalista na itinuturing ang pera at kapangyarihan bilang buhay. Kung titingin ang isang tao sa anumang bagay mula sa gayong perspektiba at pananaw, hindi ba’t magbabago ang diwa ng usapin? Hindi ba’t mag-iiba ito? Ano ang magiging huling resulta kung titingnan ng isang tao ang mga batas at tuntunin ng pag-unlad ng lahat ng bagay mula sa perspektiba ng isang materyalista? Hindi ba’t ang pananaw ng isang materyalista sa mundo ay magbubunga ng mga pilosopiya, estratehiya, metodo, at pamamaraan ng tao para sa mga makamundong pakikitungo? Hindi ba’t magbubunga ito ng mga patakaran sa laro? (Oo.) Ito ang resulta, at naririto ang diwa ng usapin.
Paano tinitingnan ng isang materyalista ang kapangyarihan? Naniniwala siya na kung gusto ng isang tao na magkamit ng kapangyarihan, una, kailangan niyang magkaroon ng mga estratehiya; ikalawa, kailangan niyang mamanipula ang iba’t ibang uri ng tao; ikatlo, kailangan niyang maging malupit; at ikaapat, kailangan magawa niyang magbago. Hindi ba’t ito ang pananaw ng isang materyalista? Mayroon ba ritong bakas ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? (Wala.) Paano nabuo ng mga materyalista ang mga pananaw na ito sa kapangyarihan? Hindi ba’t bunga ng diwa ng mga anticristo ang mga pananaw na ito? (Oo.) Anong diwa ng mga anticristo? Sabihin mo sa Akin, kung walang buktot na diwa ang mga anticristo, maiisip ba nila ang mga salitang “kayang manipulahin ang mga tao”? Iisipin ba nila na “kailangan nilang magkaroon ng mga estratehiya”? Sasabihin ba nila na “kailangan nilang magawang magbago”? Kung wala silang masamang diwa, sasabihin ba nila na “kailangan nilang maging malupit”? (Hindi.) Tinutukoy ito ng diwa ng mga anticristo. Mga ideya lamang ba na umiiral sa isipan nila ang iba’t ibang kaisipang nilikha ng kanilang diwa, o magkapareho ba ang mga prinsipyo nila sa mga makamundong pakikitungo at ang asal nila sa pang-araw-araw na buhay? (Pareho ang mga prinsipyo nila sa mga makamundong pakikitungo.) Palagi silang nagbubuod sa kanilang pang-araw-araw na buhay at sa mga grupo, kaya nagiging mas maunlad at bihasa ang mga estratehiya nila, at sa huli ay nagiging sobrang masama. Ano ang ibig sabihin ng sobrang masama? Ibig sabihin nito ay sapat na silang malupit, walang awa, at tuso. Ang pagpapamalas nila ng kalupitan, kawalan ng awa, at katusuhan ay makapagpapasakop ba sa kanila sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Tiyak na hindi. Samakatwid, bata man sila o matanda, ginagawa ng mga anticristo ang lahat ng bagay batay sa sarili nilang mga pilosopiya, batas, patakaran sa laro, estratehiya, at karanasan. Naaayon o salungat ba ang lahat ng ito sa katunayang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay? (Salungat.) Kapag ipinapatupad ng mga anticristo ang lahat ng batas na nilikha nila sa pamamagitan ng kanilang mga pagbubuod, ano ang kanilang prinsipyo at pakay? Ano ang motibasyon nila? Sinasabi nila, “Kung gusto mong makuha ang gusto mo, kailangan mong matutong gawin ang lahat ng kailangang gawin, at gawin ang lahat, maging sapat na malupit, walang awa, at tuso, tulad ng kasabihan, ‘Gaya ng hindi maginoo ang lalaking may makitid na pag-iisip; dapat maging malupit ang isang tunay na lalaki.’” Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito: “Anong kataas-taasang kapangyarihan ng diyos? Anong paghihintay sa mga pagsasaayos ng langit? Walang mga gayong bagay! Sinong opisyal o hari ang nakarating sa kinalalagyan niya nang hindi gumamit ng mabagsik at brutal na pamamaraan? Hindi ba’t nakakamit ang mga posisyong ito sa pamamagitan ng pakikipaglaban at pagpapatayan?” Sa pagtingin sa pananaw nilang ito, kinikilala ba ng mga anticristo ang katunayang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay? (Hindi.) Sa mundo ng mga walang pananampalataya, may ganitong perspektiba ang mga anticristo sa batas ng kaligtasan. Kaya, habang nasa iglesia sila, gagamitin ba nila ang parehong mga estratehiya kapag kumikilos sila? Susundin ba nila ang parehong mga alituntunin sa buhay? Hindi ito magbabago kahit kaunti. Kahit kapag pumupunta ang mga anticristo sa iglesia, hindi nila kailanman pinipigilan ang sarili nila o binabago ang kanilang sarili, tiyak na hindi nila ito ginagawa. Sinasabi nila, “Kung gusto mong mangibabaw sa iba, kailangan mong matutong magkaroon ng mga estratehiya. Kapag nasa paligid ang lahat, lalo na kapag naroroon ang mga taong may katayuan, kailangan mong gawin ang iyong makakaya para makapagpakitang-gilas, at hayaang makita ito ng mga namumuno, ng mga lider, at ng mga nasa itaas. Pagkatapos ay magkakaroon ka ng pagkakataong maitaas ang ranggo mo at mailagay sa mahahalagang posisyon, at magkaroon ng pagkakataong mangibabaw sa iba. Dagdag pa rito, kailangan mong matutong mag-iba ng ugali kapag may mga tao sa paligid mo kumpara sa kapag walang tao sa paligid, kailangan mong matutong manlinlang. Gawin ang mabubuting bagay sa harap ng mga tao, at gawin nang lihim ang mga kakila-kilabot, masama, madilim na bagay, at mga bagay na hindi gusto ng mga tao. Huwag hayaang may makakilatis sa iyo. Kailangan mong ipakita sa mga tao ang pinakamagandang ugali mo, at kailangan mong magbalatkayo nang maigi. Gaano ka man talaga kasama, kailangan mo itong itago nang mabuti. Huwag mong hayaang mawala ang suporta ng mga tao. Kapag nawala ang suporta nila sa iyo, huli na—wala ka nang pagkakataon.” Ang mga anticristo ay namumuhay rin ayon sa mga gayong estratehiya at batas ng kaligtasan sa iglesia.
Paano tinitingnan ng mga anticristo ang mga patotoo ng lahat ng kapatid na naranasan at nakilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay? Sinasabi ng mga anticristo, “Ang mga tao ay may utak, kaisipan, at edukasyon, at sa pamamagitan ng pag-edit at pagbuo, nagawa nila ang mga patotoong ito na batay sa karanasan. Sa katunayan, ang mga patotoong batay sa karanasan na ito ay pawang likha lamang ng mga tao, peke ang lahat ng ito, at imposible ang lahat ng ito. Kaya ko ring gumawa ng mga patotoong batay sa karanasan, kung mag-iimbento ako. Kaya kong gumawa ng 10 o 20 artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Ayaw ko lang gawin iyon. Akala mo ba ay hindi ko nakikilatis ang mga munti mong pakana? Hindi ba’t ginagawa mo lang ito para magpakitang-gilas? Tinatawag ninyo ito sa magandang pangalan ng pagpapatotoo sa diyos, pagpapatotoo sa pangalan ng diyos, at pagpapatotoo sa kataas-taasang kapangyarihan ng diyos sa lahat ng bagay, at sinasabi mong nagpapatotoo ka sa diyos, pero sa katunayan, ginagawa ninyo ito upang magpatotoo lamang para sa sarili ninyo at mangibabaw kayo sa iba.” Hindi nila kinikilala ang katumpakan ng lahat ng patotoo tungkol sa gawaing ginawa ng Diyos sa mga tao. Pagdating sa iba’t ibang kapaligiran at sitwasyon sa mundo sa labas, at sa mga kondisyon ng bawat bansa, hindi makilatis ng mga anticristo kung paano gumagawa ang Diyos, at pagdating sa pagpapanatili, pagbabago, o pagsasaayos ng Diyos sa mga kapaligiran sa mundo sa labas, hindi nila makilatis kung ano ang kahulugan ng paggawa Niya ng lahat ng ito. Naniniwala sila na ang “‘May kataas-taasang kapangyarihan ang diyos sa lahat ng bagay’ ay isa lamang walang kabuluhan, matayog pakinggan na pahayag. Sa realidad, kahit saang bansa ka pumunta, kailangan mong sumunod sa gobyerno ng bansang iyon, tama ba? Nasasailalim ka sa mga limitasyon ng gobyerno at mga batas ng bansang iyon, hindi ba? Hindi ba’t ibig sabihin nito na mali ang pahayag na may kataas-taasang kapangyarihan ang diyos sa lahat ng bagay? Paano man niya isinasakatuparan ang kanyang kataas-taasang kapangyarihan, malalampasan ba nito ang gobyerno at mga batas ng anumang bansa?” Kaya, sa sandaling hindi pabor sa iglesia at sa gawain ng iglesia ang kapaligiran at sitwasyon sa mundo sa labas, lihim na natutuwa ang mga anticristo at pinagtatawanan ito, ibinubunyag ang kanilang malademonyong mukha. Kapag maayos ang gawain ng iglesia, at pinagpapala at pinangungunahan ito ng Diyos, at nasa tamang direksyon ang lahat ng bagay, kapag walang panghihimasok mula sa kapaligiran sa mundo sa labas, at pabuti nang pabuti ang kalagayan ng mga kapatid, hindi mapalagay at hindi makapagtimpi ang puso ng mga anticristo, labis silang naiinggit, at hindi sila komportable at punumpuno sila ng galit. Bakit punumpuno sila ng galit? Hindi sila naniniwala na puwedeng may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng ito. Ang iglesia ay sambahayan ng Diyos, ito ang lugar kung saan ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pamamahala, kung saan inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, kung saan hindi nahahadlangan ang kalooban ng Diyos, at kung saan puwedeng maisakatuparan at makumpirma ang mga salita ng Diyos sa mga tao. Kapag maayos ang iglesia, ipinapakita nito ang realidad ng awtoridad ng Diyos, gayundin ang pagkumpirma na umiiral at totoo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Kapag umiiral at napatunayan ang katunayang ito, sampal ito sa mukha ng mga anticristo. Matapos masampal sa mukha, nakakaramdam ba ang mga anticristo ng kagalakan, kapayapaan, at kaginhawahan sa puso nila, o nakakaramdam ba sila ng pagtutol at galit? (Nakakaramdam sila ng pagtutol at galit.) Ano ang iniisip nila sa kanilang puso? Namumuhi sila sa Diyos at itinatanggi nila ang Diyos. Kung sa panlabas ay tila hindi gaanong maganda ang kalagayan ng iglesia at ng mga kapatid, na inuusig, inaapi, at ibinubukod ang mga taong ito, at wala silang anumang katayuan sa lipunan, labis na natutuwa ang mga anticristo at masaya ang kanilang puso, pero kapag pawang bumubuti at patuloy na umuunlad ang gawain ng Diyos at ang buhay iglesia, hindi natutuwa ang mga anticristo. Bakit hindi sila natutuwa? Dahil labis itong hindi naaayon sa mga kuru-kuro nila, isang bagay ito na hindi nila inaasahan. Natupad at natanto ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga salita ng Diyos, sinisira ang mga pananaw nila, kaya nalulungkot sila. Batay sa mga kaisipan at pananaw na ipinapakita ng mga anticristo, pati na rin ang kawalang kasiyahan ng kanilang damdamin, hindi ba’t nagkikimkim sila ng perspektiba na katulad ng sa malaking pulang dragon? Hindi ba’t kapareho ng sa malaking pulang dragon ang kalikasang diwa nila? Ganap na magkapareho ang mga ito.
Tungkol sa buong mundo, lahat ng bagay, at mga batas at tuntuning sinusunod ng lahat ng nilikha, iniisip ng mga anticristo: “Matagal nang nabuo ang kalikasan at mga panahon. Kung malamig sa mahabang panahon, iinit din; kung mainit sa mahabang panahon, lalamig din. Kapag panahon na para malaglag ang mga dahon, malalaglag ang mga ito kapag umihip ang hangin. Hindi ba’t napakanormal ng lahat ng ito? Paano ito naging kataas-taasang kapangyarihan ng diyos? Paano ito naging batas na itinakda ng diyos? Ano ang magagawa ng mga batas ng diyos? Nakapatay na ng napakaraming hayop ang mga tao nang walang gaanong kinahinatnan; patuloy pa rin ang pamumuhay ng sangkatauhan tulad nang dati, tama ba? Sinasabing may kataas-taasang kapangyarihan ang diyos sa lahat ng bagay, pero bakit hindi ko nakikita kung paanong may kataas-taasang kapangyarihan ang diyos sa mga ito? Sinasabi nilang may kataas-taasang kapangyarihan ang diyos sa lahat ng bagay, pero bakit laging umuunlad ang masasamang tao habang ang mabubuti ay hindi kailanman nagtatagumpay?” Sa huli, ang kongklusyon nila: “Walang tagapagligtas sa mundong ito; ang sangkatauhan ang nagmamanipula sa mundo. Ang mga dakilang tao at lider ng mga bansa sa mundo ang namumuno sa mundong ito, at sila ang nagpapabago sa kalakaran ng mundong ito. Kung wala ang mga dakila at mahusay na taong iyon, mapapahamak ang mundo. Tungkol naman sa pagiging may kataas-taasang kapangyarihan ng diyos sa lahat ng bagay, hindi ko ito nakikita. Paano naging may kataas-taasang kapangyarihan ang diyos sa mga ito? Bakit hindi ko ito maramdaman? Bakit hindi ko ito maunawaan? Bakit naglalaman ng maraming bagay na taliwas sa mga kuru-kuro ng tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng diyos sa lahat ng bagay?” Hindi nila ito kayang kilalanin o tanggapin. Pagdating sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, sa paraan ng pagiging may kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, sa disposisyong ibinubunyag ng Diyos sa Kanyang pagiging may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, sa mga prinsipyo ng pagkilos ng Diyos, sa diwa ng Diyos, at iba pa, ang mga taong naghahangad ng katotohanan ay makakaunawa lang ng bahagi nito sa kanilang buhay. Pero sapat na ito para makapagpasakop sila sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha, makapagpasakop sa lahat ng salitang sinabi ng Lumikha, at kilalanin ang Lumikha bilang Diyos. Kahit na may ilang tao na makakaunawa ng isang bahagi nito, imposible para sa kanila na ganap na maunawaan ito, dahil marami sa mga gawa ng Diyos ang isinasagawa mula sa Kanyang katayuan at pagkakakilanlan, at palaging magkakaroon ng pagkakaiba sa pagitan ng mga gawang ito at sa kaisipan at kaalaman ng nilikhang tao. At ang kaunting pagkaunawa na puwedeng makuha ng mga tao mula sa mga bagay na kanilang nararanasan sa buong buhay nila ay puwede lang maarok ng mga tao na naghahangad sa katotohanan, ng mga may kabatiran at kakayahang maarok ang katotohanan. Para sa mga tao na mahina ang kakayahan, na walang kabatiran at hindi talaga nagmamahal sa katotohanan, hindi nila kayang abutin kahit ang maliit na bahaging ito ng pagkaunawa. Madalas sabihin na mas mataas kaysa sa mga kaisipan ng tao ang mga kaisipan ng Diyos. Ibig sabihin nito na palaging hindi naaabot ng mga tao ang mga kaisipan ng Lumikha, at na biyaya ng Diyos ang pagkakaroon nila ng kahit maliit na pagkaunawa. Para sa mga naghahangad sa katotohanan, makakamtan lamang ito ng mga tumatanggap sa huling yugto ng gawain ng Diyos, pagkatapos marinig ang maraming salita ng Diyos, at maunawaan at maranasan ang maraming katotohanan—kailangan nito ng habambuhay na pagsisikap. Para sa mga anticristo na pangunahing itinatanggi ang pagkakakilanlan ng Diyos, sa usapin ng kanilang diwa, hindi nila minamahal ang katotohanan o ang mga positibong bagay, at lalong hindi nila minamahal ang anumang bagay na may kinalaman sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, kaya hindi nila kailanman maaabot ang punto ng pagkilala sa katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Nakabatay ang pagkilala sa katunayang ito sa pag-unawa at paghahangad sa katotohanan, ngunit ang mga anticristo ay itinatanggi ang katotohanan, tutol sa katotohanan, namumuhi sa Diyos, at higit pa rito, namumuhi sila sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Kaya, para sa kanila, mananatiling hindi umiiral ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Ano ang ibig sabihin ng “hindi umiiral”? Ibig sabihin nito na hindi kailanman makikita o mauunawaan ng mga hangal na ito ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Samakatwid, hindi nila ito maarok. Maraming bagay ang nakapaloob sa katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, at saklaw nito ang maraming katotohanan, pati na ang karunungan ng Diyos at ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Paano pinamamatnugutan ng Diyos ang lahat ng bagay sa gitna ng lahat ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? Sa usapin ng mga pamamaraan, tiyempo, at mga konsiderasyon ng Diyos para sa bagay na ito, paano ito pinaplano at ipinapatupad ng Kanyang isipan? Batay sa mga aspektong ito, hindi isang simpleng bagay ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay; may mga komplikadong ugnayan na sangkot dito. Ang mga hangal tulad ng mga anticristo na walang espirituwal na pang-unawa at hindi tumatanggap sa katotohanan, ay hindi kailanman mauunawaan ang paraan ng pagiging may kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Hindi nila ito mauunawaan kailanman, kaya puwede ba nilang kilalanin ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilan, “Hindi nila ito kinikilala dahil hindi nila ito nauunawaan. Kung mauunawaan nila ito, hindi ba’t kikilalanin nila ito?” Hinuha lamang ito; ang mga hinuha ay naaayon lang sa lohika, pero hindi nangangahulugang umaayon ito sa mga katunayan. Kaya, ano ang katotohanan ng mga katunayan? Hindi kailanman kikilalanin ng mga anticristo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Sa ngayon, huwag muna nating pag-usapan ang mga anticristo, at sa halip ay pag-usapan natin ang arkanghel, si Satanas, ang diyablo, ang malaking pulang dragon. Inuusig nito ang hinirang na mga tao ng Diyos, pinipinsala ang iglesia, at ginugulo ang gawain ng Diyos. Kapag dinadala ng Diyos ang mga kalamidad dito, nangangamba ito, takot na takot, at halos mabaliw na, at hindi nito alam kung ano ang gagawin, at sa huli, nagmamakaawa ito, “Hindi na ako lalaban muli sa langit.” Anong impormasyon ang puwedeng makuha mula sa pahayag na ito? Kinikilala ng malaking pulang dragon ang pag-iral ng Langit, at ng Diyos, pero hindi nagbabago ang kalikasan ng malaking pulang dragon; kahit na kinikilala nito ang pag-iral ng Diyos, kumokontra at sumasalungat pa rin ito sa Diyos. Kapag hindi nito kaya ang Diyos, nagmamakaawa ito, sinasabing hindi na ito lalaban sa Langit. Pero tunay ba itong nagpapasakop at humihingi ng awa? Hindi, kapag nakabawi ito, patuloy itong lalaban; ito ang kalikasan ng malaking pulang dragon, at hindi nagbabago ang kalikasan nito. Ganito rin ang kalikasan ng mga anticristo.
Paano tinitingnan ng mga anticristo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng sangkatauhan sa loob ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Kasama rito ang isang napakaliit na bagay. Pagdating sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, ang konsepto ng “lahat ng bagay” ay malawak at masyadong malaki; hindi ito matanggap ng mga anticristo, bulag sila rito, at hindi nila ito makilatis. Kaya, nagpapasakop ba ang mga anticristo sa kung paanong may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa sarili nilang mga kapalaran? Naaarok ba nila ito? Nauunawaan ba nila ito? Nagagawa ba nila itong kilalanin? Lalong hindi. Naniniwala ang mga anticristo na nakuha nila ang lahat ng magandang bagay sa kanilang totoong buhay sa pamamagitan ng sarili nilang mga pagsisikap. Halimbawa, kung makapasok sila sa isang unibersidad, iniuugnay nila ito sa pagiging mahusay nila sa pag-aaral, naniniwala na isinilang sila para makapasok sa isang prestihiyosong unibersidad. Kung namumuhay sila nang maginhawa at kumita na ng pera, iniisip nila na nakatakda silang yumaman, dahil sinabi ng mga manghuhula na sasagana ang buhay nila, at susuwertehin sila na maging opisyal at magkakapera nang marami. Kapag nagkakaproblema, o hindi ayon sa kanilang inaasahan ang mga bagay, at nagdurusa sila, nagsisimula silang magreklamo, “Bakit napakasama ng nangyayari sa akin? Bakit napakapangit ng kapalaran ko? Napakamalas ko!” Binibigyang interpretasyon at tinitingnan nila ang mga bagay na ito mula sa perspektiba ng tao. Kung maayos ang lahat, nagiging mapagmataas at mayabang sila, nagpapakitang-gilas sa bawat pagkakataon, nagpapakita ng matapang at mapanganib na tindig, at kumikilos nang mayabang at mapagmataas; ngunit kapag hindi ayon sa kagustuhan nila ang mga bagay, sinisisi nila ang Diyos at ang ibang tao, at sinusubukan nilang humanap ng paraan para baguhin ang takbo ng mga bagay at makatakas sa sitwasyon. Sinasabi nila na mabuti ang lahat ng inoorden at ginagawa ng Diyos, ngunit sa pribado, pinipiga nila ang kanilang utak, sinusubukang gamitin ang lahat ng paraan para baguhin ang takbo ng mga bagay, at takasan o baguhin ang sitwasyon, sinasabi nila, “Hindi ako naniniwala na napakapangit ng kapalaran ko, na napakamalas ko. Hindi ako naniniwala na labis na walang katarungan sa mundo, na ang isang taong may kakayahang tulad ko ay hindi magtatagumpay balang araw, na hindi kailanman darating ang panahon na magniningning ako. Sa katunayan, ang tadhana ay isang walang kabuluhang konsepto, isang kasabihan lang ito; nakasalalay ang lahat ng ito sa sariling pagsisikap at pakikibaka. Tulad ng kasabihan, ‘Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.’ Ito ang pinakamataas na kredo; hinding-hindi ko ito dapat kalimutan, dapat ko itong gamitin bilang motibasyon ko.” Sinasabi nila nang paulit-ulit na mabuti ang lahat ng ginagawa ng Diyos, na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay at na nagpapasakop sila sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, pero sa huli, sinasabi nila, “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.” Sa panlabas, nagsasalita sila ng mga espirituwal na salita, pero sa lihim, ang mga prinsipyong kanilang ipinapatupad, isinasagawa, at sinusunod ay ang mga pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo, lohika, at pag-iisip. May pagpapasakop ba rito? (Wala.) Ganito tinitingnan, inuunawa, at tinatrato ng mga anticristo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Batay sa mga pagpapamalas at halimbawang ito, kinikilala at pinaniniwalaan ba ng mga anticristo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, o pinagdududahan at kinokondena ba nila ito? (Pinagdududahan at kinokondena nila ito.) Anuman ang sinasabi nila, batay sa kanilang mga aktuwal na pagpapamalas, pangunahing hinahamak ng mga anticristo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at hindi sila naniniwala rito. Nagsasabi pa ng walang katuturang pahayag ang ilang anticristo: “Paano ka hindi magsusumikap para sa anumang bagay, at pasibo na lamang na maghihintay para sa kataas-taasang kapangyarihan ng diyos? Hindi ba’t kailangan mong magluto ng sarili mong pagkain? Puwede ka bang basta na lang maghintay nang nakabukas ang bibig sa mga pastel na babagsak mula sa langit? Paano man may kataas-taasang kapangyarihan ang diyos, kailangan pa rin ng mga tao na magsikap at kumilos, tama ba?” Hindi lamang tumatanggi ang mga anticristo na kilalanin ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, tinatanggihan at binabaluktot din nila ito. Ano ang layon nila sa pagbabaluktot nito? Naghahanap sila ng batayan at dahilan para sa kanilang walang kapararakang pakikipaglaban para sa lahat ng pakinabang na ninanais nila. Batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, ano ang totoong perspektiba nila sa katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay? Ang hindi paniniwala, ang pagtanggi, at pagkondena—ito ang totoong perspektiba nila.
Sa dalawang puntong pinagbahaginan natin ngayon, pangunahin nating hinimay ang pagpapamalas ng mga anticristo na hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Pagkatapos makinig sa pagbabahaginang ito, nakapagkamit ba kayo ng anumang pag-unawa? Sinu-sino ang mga taong may ganitong mga isyu? Anong uri ng tao ang may disposisyon ng anticristo pero hindi ang diwa ng anticristo, at puwedeng magbago? Sino ang mga taong may parehong problema, pero taglay ang diwa ng anticristo, hindi kayang magbago, mga kaaway ng Diyos magpakailanman, at hindi ang mga pakay ng kaligtasan kundi ng pagkawasak? Ipinapakita rin ba ninyo ang mga pagpapamalas na ito? Sa tingin ba ninyo ay kaya ninyong magbago? Kaya ba ninyong tanggapin ang katotohanan at gamitin ito para baguhin at palitan ang mga kaisipang ito? (Oo.) Sinu-sino ang mga taong hindi kayang magbago? May isang uri ng tao, kapag nakakakita ng mga walang pananampalataya na namumuhay nang marangya, na nakatira sa malalaking bahay na ang mga interyor ay pinalamutian na parang palasyo, at may mangilan-ngilang mamahaling sasakyan, na natutukso at naghihinaing, “Ang saya maging mayaman, maging isang opisyal, maging may kakayahan! Bakit napakagaling niya? Bakit napakapalad niya? Paano niya kinita ang kanyang pera?” Sa tuwing makikita niya na mayroong katayuan sa lipunan ang isang tao, lalo niya itong binobola, pinupuri, at sinusubukan niyang magpalakas dito, handa siyang gawin ang anumang bagay para dito, na maging alipin sa anumang antas. Partikular siyang mahilig sa masasamang kalakaran sa lipunan at madalas na nagnanais na maging bahagi ng mga ito, nababagabag siya kapag napipigilan siya ng pananalig niya sa Diyos na gawin ito. Higit pa rito, pakiramdam niya ay napag-iwanan na siya ng mundo; nadarama niya ang pagkalumbay, kawalan ng magagawa, na walang sumusuporta sa kanya, na wala siyang masumpungang kaginhawaan, at madalas siyang nakakaramdam ng pagkadurog ng puso. Ang isa pang uri ng tao ay labis na humahanga kapag nakakakita siya ng mga may pera at kapangyarihan na nagtatamasa ng tagumpay habang nag-aasikaso ng mga gawain ng mga ito sa lipunan at madalas niyang pinupuri ang mga ito, sinasabi niya, “Pumatay sila ng tao, pero dahil may pera at mga koneksyon sila, ilang araw lang sila sa kulungan at nakalabas agad. Iyan ang tunay na kakayahan!” Labis nilang iginagalang at hinahangaan ang mga gayong tao sa lipunan. Ang isa pang uri ng tao ay nagbibigay ng espesyal na atensyon at malalim na nagmamalasakit sa mga sensitibong paksa sa politika sa lipunan, at gustung-gusto niyang makialam at sumawsaw sa ilang usaping may kinalaman sa politika. Ang mga ganitong tao at iba pang katulad na mga uri, sa kaibuturan, ay may saloobin sa Diyos na katulad ng sa mga anticristo: Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, hindi nila kinikilala ang pagkakakilanlan ng Diyos, o ang katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kabilang ang mga taong ito sa parehong pangkat ng mga anticristo. Hindi sila kabilang sa iglesia o sa sambahayan ng Diyos at sa huli ay aalisin sila. Hindi nila makasundo ang mga nananampalataya sa Diyos at salungat ang landas na kanilang tinatahak sa mga hinihingi ng Diyos. Pawang mapanganib ang mga taong ito; kahit hindi pa sila gumagawa ng anumang kasamaan, at hindi pa nila lantarang tinatanggihan, hinuhusgahan, o kinokondena ang Diyos, o lantarang inililigaw ang mga tao at nagnanais ng posisyon sa iglesia, taglay nila ang diwa ng mga anticristo dahil sa pundamental ay hindi nila kinikilala ang pagkakakilanlan ng Diyos, at higit pa, hindi nila kinikilala ang katunayang ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Bahagi sila ng mga buktot na puwersa at bahagi ng pangkat ni Satanas. Iginagalang nila ang kabuktutan, at ang anumang maling paniniwala o panlilinlang na itinataguyod ng mga diyablo at ni Satanas, gayundin ang anumang masamang kalakaran na lumilitaw, na popular, o lumalaganap sa mundo. Hindi sila kabilang sa sambahayan ng Diyos o sa iglesia at hindi sila ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos. Tunay na mga kaaway ng Diyos ang mga taong ito, mga anticristo sila.
Nobyembre 14, 2020