Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Unang Bahagi) Ikalawang Seksiyon
Sa proseso ng pananampalataya at pagsunod sa Diyos, laging may mga kuru-kuro na lumilitaw sa mga anticristo tungkol sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at palagi nilang tinatanong kung bakit nagsasalita lamang ang Diyos at hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan. Kahit na nagbabasa rin ang mga anticristo ng mga salita ng Diyos, hindi nila intensiyon na hanapin o tanggapin ang katotohanan, kundi binabasa nila ang mga ito nang may mentalidad ng pag-aaral at pagsusuri. Bilang resulta, bukod sa hindi sila nagkakaroon ng tunay na pananalig, lalo pa silang nagdududa, at nagkikimkim ng higit pang kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, habang lalo silang nagsisiyasat. Ang pangunahing kuru-kuro nila ay naniniwala silang dapat magkaroon si cristo ng sobrenatural na pagkatao. Iniisip nila: “Kung may normal na pagkatao si cristo at hindi nagpapakita ng mga tanda o kababalaghan, paano mapapatunayan na diyos siya?” Sa puso ng mga anticristo, tanging ang espiritu ng diyos ang diyos, at tanging ang isang laman na makakapagpakita ng mga tanda at kababalaghan ang diyos. Kung nagtataglay lamang ng normal na pagkatao ang isang laman at hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, kahit na kaya niyang ipahayag ang katotohanan, hindi siya itinuturing na diyos. Samakatwid, hindi nakakagulat na palaging pinagdududahan ng mga anticristo ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao. Kahit gaano pa karaming bagay ang mangyari sa kanya, ang uri ng tao na isang anticristo ay hindi kailanman sumusubok na harapin ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan na nasa mga salita ng Diyos, lalong hindi nila sinusubukang makita ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos—ito ay dahil ganap silang hindi naniniwala na ang bawat linya ng mga salita ng Diyos ay katotohanan. Paano man ibinabahagi ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan, nananatiling hindi nakikinig ang mga anticristo, at bunga nito ay wala silang tamang saloobin anuman ang sitwasyong kinakaharap nila; partikular na, pagdating sa kung paano nila hinaharap ang Diyos at ang katotohanan, matigas na tumatanggi ang mga anticristo na isantabi ang kanilang mga kuru-kuro. Ang diyos na kanilang pinaniniwalaan ay isang diyos na nagsasagawa ng mga tanda at kababalaghan, ang isang sobrenatural na diyos. Sinumang nakakagawa ng mga tanda at kababalaghan—si Guanyin Bodhisattva man, si Buddha, o si Mazu—tinatawag nilang mga diyos. Naniniwala sila na ang mga diyos na may taglay na pagkakakilanlan ng diyos ang tanging makakagawa ng mga tanda at kababalaghan, at ang mga hindi nakakagawa, gaano man karami ang katotohanang kanilang naipapahayag, ay hindi tiyak na mga diyos. Hindi nila nauunawaan na ang pagpapahayag ng katotohanan ay ang dakilang kapangyarihan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos; sa halip, iniisip nila na ang paggawa lamang ng mga tanda at kababalaghan ang dakilang kapangyarihan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng mga diyos. Kaya, tungkol sa praktikal na gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagpapahayag ng katotohanan para lupigin at iligtas ang mga tao, sa pagdidilig, pagpapastol, at pangunguna sa mga hinirang na tao ng Diyos, sa pagpaparanas sa kanila ng aktuwal na paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos, at para maunawaan ang katotohanan, maiwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila, at maging mga tao na nagpapasakop at sumasamba sa Diyos, at iba pa—itinuturing ng mga anticristo ang lahat ng ito bilang gawain ng tao, at hindi ng Diyos. Sa isipan ng mga anticristo, dapat magtago ang mga diyos sa likod ng isang altar at himukin ang mga tao na mag-alay sa kanila, kinakain ang mga pagkaing inihahandog ng mga tao, nilalanghap ang usok ng insensong sinusunog ng mga tao, tumutulong kapag may problema ang mga ito, ipinapakitang napakamakapangyarihan nila at nagbibigay ng agarang tulong sa mga tao sa saklaw ng kung ano ang nauunawaan ng mga tao, at tinutugunan ang kanilang mga pangangailangan, kapag humihingi ng tulong ang mga tao at taimtim sila sa kanilang mga pagdalangin. Para sa mga anticristo, ang diyos lamang na kagaya nito ang isang tunay na diyos. Samantalang hinahamak naman ng mga anticristo ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa kasalukuyan. At bakit ganoon? Kung pagbabatayan ang kalikasang diwa ng mga anticristo, ang kinakailangan nila ay hindi ang gawain ng pagdidilig, pagpapastol, at pagliligtas na ginagawa ng Lumikha sa mga nilikha, kundi ang kasaganaan at katuparan ng kanilang mga pangarap sa lahat ng bagay, upang huwag maparusahan sa buhay na ito, at mapunta sa langit sa mundong darating. Kinukumpirma ng kanilang pananaw at mga pangangailangan ang kanilang diwa ng pagkamuhi sa katotohanan. Mahilig ang mga anticristo sa kabuktutan, sa sobrenatural, at sa mga himala, at maging sa pagsamba sa mga kilos at maladiyablong salita ni Satanas at ng masasamang espiritu—na mga negatibo at buktot na bagay—bilang banal at bilang ang katotohanan. Itinuturing nila ang mga ito bilang mga pakay ng panghabambuhay nilang pagsamba at paghahangad, at bilang mga bagay na dapat pahalagahan at ipalaganap sa mundo. Dahil dito, hindi kailanman magbabago ang kanilang mga kuru-kuro at pananaw tungkol sa pagkakakilanlan ng Diyos habang sumusunod sila sa Diyos. Kung hindi maisasakatuparan ng mga gayong tao ang mga ambisyon nila sa sambahayan ng Diyos, kung hindi maitataas ang kanilang ranggo o kung hindi sila magagamit, at hindi nila makakamit ang mabilis at malaking tagumpay, magiging handa silang ipagkanulo ang Diyos anumang oras, sa anumang sandali, at saanmang lugar. Sampung taon nang nananampalataya ang ilan sa mga taong ito, ang iba naman ay 20 taon na, at aakalain mong mayroon na silang pundasyon, at hindi nila iiwan ang Diyos, pero sa realidad, handa silang ipagkanulo ang Diyos at bumalik sa sekular na mundo anumang oras. Kahit hindi sila umalis sa iglesia, ang mga puso nila ay lumayo na sa Diyos at ipinagkanulo na ang Diyos. Sa tuwing may pagkakataon o oportunidad, maniniwala sila sa mga huwad na diyos at masasamang espiritu. Kung magkaroon sila ng pagkakataong makamit ang biglaang tagumpay, na maging isang mataas na opisyal, maging sikat, at matamasa ang kaluwalhatian at kayamanan, hindi sila mag-aatubiling lisanin ang iglesia at sumunod sa mga kalakaran ng sekular na mundo. Tinatanong ng ilang anticristo, “Kung diyos siya, bakit siya inuusig at hinahabol ng malaking pulang dragon? Kung diyos siya, bakit hindi siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan para puksain ang malaking pulang dragon? Napakaraming hinirang na mga tao ng diyos ang nahuli at inusig ng malaking pulang dragon. Bakit hindi sila pinoprotektahan at inililigtas ng diyos mula sa pang-uusig ni Satanas?” Katulad lamang ito ng iniisip ng mga Pariseo ng Hudaismo, “Kung diyos si Jesus, bakit siya ipinako sa krus? Bakit hindi niya mailigtas ang sarili niya?” Hindi ito kailanman nauunawaan ng mga anticristo dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at hindi sila naniniwala na matutupad ang lahat sa pamamagitan ng salita ng Diyos. Naniniwala lamang sila sa nakikita nila, at wala silang pananalig sa halaga o importansiyang ipinakita ng lahat ng gawaing ginawa ng Diyos. Hindi sila naniniwala na katotohanan ang bawat salitang ipinapahayag ng Diyos at na matutupad at magkakatotoo ang bawat salita Niya; hindi sila naniniwalang ginagamit ang karunungan ng Diyos batay sa mga pakana ni Satanas, o na ginagamit ng Diyos ang malaking pulang dragon para maglingkod bilang isang hambingan na magbubunyag ng Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at na isinasakatuparan ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya mga mananampalataya pa rin ba sa Diyos ang mga anticristo? Hindi. Ang mga anticristo ay mga taong tumatatwa at lumalaban sa Diyos; ganap silang mga hindi mananampalataya.
Ano ang mga pangunahing dahilan sa likod ng pagtanggi ng mga anticristo na kilalanin ang pagkakakilanlan ng Diyos? Isa na rito ay ang hindi pagtutuwid ng Diyos sa lahat ng kawalan ng katarungan sa mundo, ang hindi Niya pagbibigay ng katarungan para sa sangkatauhan, o hindi agarang pagpaparusa sa mga gumagawa ng kasamaan, tulad ng iniisip ng mga anticristo na dapat Niyang gawin ayon sa mga kuru-kuro nila. Araw-araw, maraming nagaganap na hindi makatarungang pangyayari sa loob ng lahat ng bagay na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos, pero tila walang pakialam ang Diyos dito, at wala Siyang sinasabi o ginagawa bilang tugon. Sa mata ng mga anticristo, ang lahat ng nakikita nilang nagaganap sa mundo na saklaw ng nararanasan nila ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro nila, at hindi dapat nangyayari. Bakit nila iniisip na hindi dapat mangyari ang mga bagay na ito? Iniisip nila: “Kung mayroong diyos, bakit hindi niya inaasikaso ang mga bagay na ito? Kung mayroong diyos, bakit maraming masamang tao ang namumuhay pa rin nang maayos? Bakit ang mayayaman ay lalong yumayaman at ang mahihirap ay lalong naghihirap? Bakit ang mayayaman ay kumakain ng masasarap na pagkain araw-araw, at labis na nagsasaya, habang marami pa rin ang kailangang mamalimos ng pagkain? Bakit inaapi, sinusupil, at sinasamantala ang mga taong taos-puso? Bakit nagtatrabaho at nagpapawis ang ilang tao, gumagawa nang mahigit walong oras bawat araw para sa napakaliit na kita, samantalang sa isang oras ay kumikita ang iba nang higit sa kayang kitain ng isang tao sa buong buhay niya? Bakit hindi tinutugunan ng diyos ang mga kawalang-katarungang ito sa lipunan at sa mundo? Bakit ipinanganak ang ilan na may pilak na kutsara sa kanilang bibig habang ang iba ay ipinanganak sa kahirapan at kapaguran? Bakit nagagawang tamasahin ng ilan ang kaluwalhatian at kayamanan, at ang mapagmahal na kalinga ng kanilang mga pamilya sa buong buhay nila, habang ang iba ay hindi, kahit sila ay ipinanganak sa parehong panlipunang kapaligiran?” Walang hanggang di-malulutas na palaisipan ang mga ito sa puso ng mga anticristo. Iniisip nila na dahil nananampalataya sila sa Diyos, dapat nilang ipaubaya sa Diyos ang lahat ng bagay na hindi nila makilatis o nauunawaan, at ang lahat ng palaisipang ito na hindi nila kayang lutasin, at hilingin sa Kanya na magbigay ng mga solusyon, at na dapat nilang makita ang mga sagot sa mga ito sa mga salita ng Diyos. Gayumpaman, matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng tatlo hanggang limang taon, hindi pa rin nila nahanap ang mga sagot na ito, at pagkatapos manampalataya sa loob ng walo hanggang 10 taon, hindi pa rin nila mahanap ang mga ito. Pagkatapos nilang manampalataya sa loob ng 20 taon, nagtataka sila, “Bakit wala pa rin akong nakukuhang sagot? Bakit hindi pa rin nalulutas ng diyos ang mga isyung ito? Bakit hindi kumikilos ang diyos tulad ni Guanyin Bodhisattva o tulad ng Jade Emperor? Ang diyos ay may awtoridad at kapangyarihan, at may pagkakakilanlan ng Diyos, kaya dapat ginagawa niya ang mga bagay na ito! Lalo na sa iglesia, bakit madalas na lumilitaw ang masasamang tao at nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, nagnanakaw pa nga ang ilan ng mga handog nang hindi man lang napaparusahan? Madalas na nagsisinungaling ang ilan, at nagpapakalat ng mga kuru-kuro at tsismis ang ilan, nang hindi dinidisiplina o pinaparusahan ng diyos; ang iba naman ay bigla na lamang humihinto sa pananampalataya sa diyos at nagtatrabaho sa lipunan, at pagkatapos ng ilang taon, yumayaman sila nang hindi man lamang naghirap kailanman. Ang ilang mananampalataya ay namumuhay nang mas mahirap kaysa sa mga hindi nananampalataya sa diyos. Sa katunayan, nagdurusa ang mga mananampalataya sa diyos, at marami sa kanila ang inuusig, hindi makabalik sa mga tahanan nila, at namumuhay sa kahirapan at kapighatian. Hindi naman siguro ito ang kahulugan ng pananampalataya sa diyos? Hindi naman siguro ito ang halaga ng pagsunod sa diyos? Hindi naman siguro ito ang araw-araw na buhay na nais ibigay ng diyos sa mga tao? Kapag may mga bagay na hindi kayang gawin ng mga tao, bakit hindi gumagawa ng isang hindi pangkaraniwang bagay ang diyos para maunawaan at maintindihan nila ito agad? Maraming bagay ang hindi nauunawaan ng mga tao, at hindi nila alam kung bakit kumikilos ang diyos nang gayon. Bakit hindi nagsisindi ang diyos ng isang lampara upang bigyang-liwanag ang puso ng mga tao? Bakit hindi siya nagbibigay ng inspirasyon sa mga tao? Kapag gumagawa ng kasamaan ang mga tao, at nagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan, hindi tumitindig ang diyos para direktang isumpa ang masasamang taong iyon, at ipalasap sa kanila ang kaparusahan. Hindi pa ako nakakita ng maraming pagkakataong ginagawa ng diyos ang mga gayong bagay. Minsan, kailangan ng mga tao ang kaliwanagan, pagtanglaw, at pagtutustos ng diyos, kaya bakit hindi nila maramdaman o makita ang diyos? Nasaan ang diyos?” Ang lahat ng “bakit” na ito ay nananatiling walang sagot sa puso ng mga anticristo. Hindi nila nauunawaan kung bakit ang mga bagay at penomenang ito ay hindi kailanman nagbabago, nababaliktad, at lalong hindi bumubuti. Iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay dapat magdulot ng ganap na pagbabago sa mga tao, at na ang buong buhay nila, asal, kaisipan, at lalo na ang kalidad ng buhay nila, at ang kanilang mga abilidad at talento, ay dapat pawang umunlad sa isang positibong direksiyon. Bakit hindi nila makita ang mga pagbabagong ito matapos ang 10 o 20 taon ng pagmamasid? Hindi kailanman nalulutas o natutupad ang mga bagay na pinapangarap o pinapantasya ng mga tao sa mga kuru-kuro nila matapos silang manampalataya sa Diyos. Kaya, ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos? Ano ang halaga ng pananampalataya at pagsunod sa Diyos? Nananatiling hindi nalulutas at walang sagot ang mga tanong na ito sa puso ng mga anticristo at hindi natatanto o natutupad ang mga ito ayon sa inaasahan ng mga anticristo, kaya hindi kailanman umiiral ang diyos na nasa isip ng mga anticristo. At natural, ang Siyang may taglay ng pagkakakilanlan ng Diyos ay tinatanggihan sa isipan ng mga anticristo magpakailanman.
Masyadong maraming kontaminasyon ang pananampalataya ng mga anticristo sa Diyos. Sa realidad, hindi tunay na nananampalataya sa Diyos ang mga anticristo; puro pagpapanggap lang ang lahat ng ito. Nananampalataya sila sa Diyos katulad ng pagsamba ng mga walang pananampalataya sa mga diyablo at idolo. Mahirap para sa kanila na tanggapin ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at lagi silang nagkikimkim ng mga pagdududa at katanungan. Itinatago nila ang mga pagdududa at katanungang ito sa puso nila at hindi sila naglalakas-loob na ipahayag ang mga ito, at magaling din silang magpanggap, kaya kahit gaano katagal na silang nananampalataya sa Diyos, nananatili silang ganap na hindi mananampalataya. Sinusukat nila ang Diyos at ang lahat ng Kanyang kilos gamit ang mga pantasya nila, iba’t ibang imahinasyon at kuru-kuro tungkol sa Diyos, pati na rin ang ilang tradisyonal na kaalaman ng tao at kuru-kuro ng moralidad. Ginagamit nila ang mga bagay na ito para sukatin ang pagkakakilanlan ng Diyos at kung tunay ba Siyang umiiral o hindi. At ano ang huling resulta? Itinatanggi nila ang pag-iral ng Diyos, at hindi kinikilala ang pagkakakilanlan at diwa ng nagkatawang-taong Diyos. Hindi ba’t mali ang pamantayan ng pagsukat ng mga anticristo kung may taglay na pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ang nagkatawang-taong Diyos? Sa madaling salita, labis na iginagalang ng mga anticristo ang kaalaman at mga tanyag, dakilang tao, kaya wala sila kailanmang pagsalungat o anumang pagtutol sa mga bagay na mula sa mga tanyag, dakilang taong ito. Kaya, bakit nila kinamumuhian si Cristo kapag nakikita nila na isa Siyang normal at karaniwang tao, at nagsisimula silang makaramdam ng pagtutol at galit kapag nakikita nilang nagpapahayag si Cristo ng napakaraming katotohanan? Dahil hindi talaga positibo ang labis na iginagalang at kinagigiliwan nila, wala ni isang bahagi nito ang positibo. Ano ba ang gusto ng mga anticristo? Gusto nila ng kakaiba, kabuktutan, mga himala, at mga sobrenatural na bagay, habang pawang kinokondena sa mga mata ng mga anticristo ang pagiging normal at praktikal ng Diyos, ang tunay na pagmamahal ng Diyos sa tao, ang karunungan, katapatan, kabanalan, at katuwiran ng Diyos. Halimbawa, para magkaroon ng pagkilatis at praktikal na matuto ng aral ang mga kapatid, pinamatnugutan ng Diyos ang isang sitwasyon. Anong sitwasyon ito? Isinaayos Niya na manirahan kasama nila ang isang taong sinasapian ng demonyo. Sa simula, normal ang paraan ng pagsasalita at paggawa ng taong ito, gayundin ang pangangatwiran niya; hindi siya mukhang may problema. Pero pagkatapos makipag-ugnayan sa kanya sa loob ng ilang panahon, napansin ng mga kapatid na lahat ng sinasabi niya ay walang katuturan at walang tamang estruktura at pagkakasunud-sunod. Kalaunan, may mga nangyaring sobrenatural na bagay: Palagi niyang sinasabi sa mga kapatid na nakakita siya ng kung anong pangitain, at nakatanggap ng kung anong pagbubunyag. Isang araw, halimbawa, ibinunyag sa kanya na kailangan niyang magluto ng mga siopao—kailangan niyang gawin ito—at kinabukasan, nagkataon na kailangan niyang lumabas, kaya dinala niya ang mga siopao. Kalaunan, ibinunyag sa kanya sa isang panaginip na dapat siyang pumunta sa timog; may taong naghihintay sa kanya sa isang lugar na anim na milya ang layo. Pumunta siya, at doon mismo ay may taong naliligaw; pinatotohanan niya sa taong ito ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at tinanggap naman ito ng taong iyon. Palagi siyang nakakatanggap ng pagbubunyag, palagi siyang nakakarinig ng boses, palaging may mga sobrenatural na bagay na nangyayari sa kanya. Sa bawat araw, pagdating sa kung anong kakainin, saan pupunta, anong gagawin, kanino makikisalamuha, hindi siya sumusunod sa mga batas ng buhay ng normal na pagkatao, ni hindi siya naghahanap ng mga salita ng Diyos bilang batayan o prinsipyo, o naghahanap ng mga tao para mapagbahaginan. Palagi siyang umaasa sa mga nararamdaman niya, at naghihintay para sa isang boses, o isang pagbubunyag, o isang panaginip. Normal ba ang taong ito? (Hindi.) Tila may regular na pattern sa tatlong beses niyang pagkain sa isang araw, at sa pang-araw-araw niyang gawain, pero palagi siyang nakakarinig ng mga boses. Kinilatis siya ng ilang tao at sinabi ng mga ito na mga pagpapamalas ito ng pagsapi ng masamang espiritu. Unti-unti siyang nakilatis ng mga kapatid, hanggang isang araw, inatake siya ng sakit sa pag-iisip, nagsimula siyang magsalita ng mga kakaibang bagay, at tumakbo nang hubo’t hubad at gulo-gulo ang buhok, parang baliw. Doon natapos ang usapin. Hindi ba’t nagkaroon na ngayon ng kabatiran at pagkilatis ang mga kapatid sa mga partikular na pagpapamalas ng gawain ng masamang espiritu at pagsapi ng demonyo? Siyempre, naharap na ng ilan sa kanila ang mga gayong bagay dati, at mayroon na silang pagkilatis sa mga ito, habang hindi pa matagal na nananampalataya sa Diyos ang iba, at hindi pa napagdadaanan ang mga gayong bagay, at kaya malamang na maliligaw sila. Pero maligaw man sila o magkaroon ng pagkilatis, kung hindi isinaayos ng Diyos ang ganitong kapaligiran, magkakaroon ba sila ng tunay na pagkilatis sa gawain o sa pagsapi ng masamang espiritu? (Hindi.) Kaya, ano ba talaga ang layunin at kahalagahan ng pagsasaayos ng Diyos ng ganitong kapaligiran at paggawa ng mga bagay na ito? Ito ay para magkaroon sila ng praktikal na pagkilatis at matuto ng aral, at malaman kung paano kilatisin ang mga taong may gawain ng masasamang espiritu o sinasapian ng demonyo. Kung sasabihan lamang ang mga tao kung ano ang gawain ng masamang espiritu—katulad ng isang guro na nagtuturo mula sa isang aklat, at nagsasalita lamang tungkol sa mga teorya mula sa libro, nang hindi pinapagawa ng anumang aktwal na ehersisyo o pagsasanay ang mga estudyante niya—mauunawaan lang ng mga tao ang ilang doktrina at pahayag. Maipapaliwanag mo lang nang malinaw kung ano ang gawain ng masamang espiritu, at kung ano ang mga partikular na pagpapamalas nito, kapag personal mo itong nasaksihan, nakita ng sarili mong mga mata, at narinig ng sarili mong mga tainga. At kapag muli kang nakatagpo ng mga gayong tao, magagawa mo silang kilatisin at tanggihan; magagawa mong tugunan at pangasiwaan nang maayos ang mga gayong bagay. Kaya, hindi ba’t mas praktikal ang nakakamit mo sa gayong kapaligiran kaysa sa nakakamit mo mula sa pagdalo sa mga pagtitipon at pakikinig sa mga sermon buong araw? Ang mga taong may normal na pag-iisip at pagkamakatwiran, at naghahangad sa katotohanan ay magkakaroon ng tamang pag-unawa sa mga paraan ng Diyos sa paggawa ng mga bagay na ito. Hindi sila magrereklamo, na sinasabing, “Bakit tinutulutan ng Diyos na lumitaw sa iglesia ang masasamang espiritu? Bakit hindi ako binalaan ng Diyos nang maaga? Bakit hindi Niya nililinis ang masasamang espiritu?” Hindi sila magrereklamo tungkol sa mga bagay na ito, sa halip, magpapasalamat sila, pupurihin nila ang Diyos para sa Kanyang napakagaling at matalinong gawain, at sasabihing mahal na mahal ng Diyos ang tao! Gayumpaman, hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, at kasabay nito, puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos ang puso nila, at talagang sinasamba nila sa kanilang puso ang mga diyablo at idolo, at ikinukumpara at sinusukat ang lahat ng ginagawa ng tunay na Diyos laban sa mga idolo nila. Kaya, kapag nahaharap sila sa mga gayong sitwasyon, una nilang iniisip, “Gawain ba ito ng diyos? Bakit napakahangal ninyo? Bakit tinulutan ng diyos na lumitaw sa iglesia ang masasamang espiritu?” Hindi ba’t maling pagkaunawa ito? Una, itinatanggi nila na gawain ito ng Diyos at iniisip din nila, “Tiyak na hindi ito gagawin ng isang diyos. Ayaw ng mga diyos na magdusa ang mga tao. Kapag nakikita ni Guanyin Bodhisattva na nagdurusa ang mga tao, lumuluha ang mga rebulto niya; gusto niyang iligtas ang lahat ng nilalang mula sa pagdurusa, dalhin ang bawat tao sa pangalan ng Buddha, at iligtas sila mula sa lahat ng pagdurusa sa mundo. Dapat na maging mahabagin ang mga diyos, nagmamalasakit sa kanilang mga hinirang na tao, at hindi tinutulutan na lumitaw ang masasamang espiritu. Tiyak na hindi ito gawa ng diyos.” Kapag nangyari ang mga gayong bagay, sa puso ng mga anticristo, ang mga anticristo ay unang higit na nagdududa sa pagkakakilanlan ng Diyos, at kasabay nito ay ayaw nilang tanggapin ang mga gawa ng Diyos nang isang daan, isang libong beses, at hinuhusgahan at kinokondena pa nila ang mga ito. Pinagtatawanan din nila ang mga kapatid na tumatanggap ng bagay na ito mula sa Diyos, sinasabing, “Naniniwala pa rin kayong mga hangal na gawa ng diyos ang lahat ng bagay. Hindi kikilos nang ganito ang diyos! Dapat protektahan at alagaan ng diyos ang mga tupa niya, at harangan ang mga ito gamit ang kanyang mga kamay. Ang mga diyos ay kanlungan para sa mga tao; hindi dapat magdusa ang mga tao sa lahat ng paghihirap na ito. Hindi dapat mangyari sa mga tao ang lahat ng negatibo at masamang bagay, ganoon gumagawa ang mga diyos.” Ang puso ng mga anticristo ay puno ng mga pagdududa, pagtanggi, kuru-kuro, at pagkondena sa Diyos. Dahil dito, anuman ang gawin ng Diyos, sa mga mata nila, ay mali at hindi dapat ginagawa ng Diyos, at ebidensya at sandata ito para kondenahin at itanggi nila ang Diyos. Sa ganito, ganap na nabubunyag ang kalikasang diwa ng mga anticristo na lumalaban sa Diyos. Halimbawa, kapag nagtitiis ng pagpapahirap at pang-uusig ng CCP ang mga kapatid, pinapainit ng mga pulis ang mga bakal na pantatak hanggang sa mamula ang mga ito at idinidiin ang mga ito sa kanilang katawan, na nagdudulot ng sobrang sakit kaya nahihimatay sila, at nanlalamig ang dugo ng lahat ng naroroon. Ano ang iniisip ng mga anticristo kapag nakita nila ang ganitong tagpo? “Napakalupit ng mga Satanas at diyablong ito! Wala silang pagkatao, wala silang awa o habag. Napakabrutal ng pamamaraan nila, hindi ko kayang manood! Kung naroroon ako, papalamigin ko ang mga bakal na pantatak, gagawin ko itong koton, at dahan-dahan, may pagmamahal, at malumanay na ididikit ito sa katawan ng mga tao, katulad ng kamay ng isang diyos na hinahaplos ang mga tupa niya, na nagpaparamdam sa mga tao ng kanyang mahabaging puso, ng kanyang pagmamahal at init, at nagpapalakas pa sa kanilang pananalig at determinasyon na sumunod sa kanya. Ngunit ang mga tao ay tao lamang—wala tayong kapangyarihang gumawa ng anuman habang pinapanood ang ating mga kapatid at kapwa tao na nagdurusa nang husto. At nasaan ang diyos? Bakit hindi pinipigilan ng diyos ang mga kamay ng mga Satanas at diyablo sa sandaling ito? Bakit hindi niya pinapalamig ang mga mainit na bakal na pangtatak? Kapag dumikit ang mga bakal na pantatak sa mga kapatid, bakit hindi ginagawa ng diyos na hindi nila maramdaman ang sakit? Kung si Guanyin Bodhisattva ito, tiyak na gagawin niya ito; ayaw niyang makitang inaabuso ng mga nilalang ang isa’t isa at na nagpapatayan ang mga ito, ayaw niyang makita ang sinuman sa kanila na nagdurusa ng kahit kaunting pang-aapi o sakit. Isinasaalang-alang niya ang lahat ng nilalang, mas malawak kaysa sa langit ang puso niya, at walang hanggan ang kanyang pagmamahal. Iyan ang tunay na diyos! Bakit hindi ganito kumilos ang diyos? Hindi ako diyos, wala akong ganitong abilidad. Kung isa akong diyos, hindi ko hahayaang magdusa nang ganito ang mga tao ko.” Anuman ang mangyari sa kanila, may sariling pananaw, paninindigan, opinyon, at maging mga “matalinong ideya” ang mga anticristo. Anuman ang mangyari sa kanila, hindi nila ito kailanman iniuugnay sa mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan para maunawaan ang Diyos, para magpatotoo sa Diyos, para kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng Diyos, para kumpirmahin kung saan at paano naipapahayag ang diwa ng Diyos na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos—hindi nagsasagawa ang mga anticristo sa ganitong paraan. Sa halip, sa bawat pagkakataon ay sinusukat at nakikipagtagisan sila sa Diyos gamit ang mga perspektiba ni Satanas, ng iba’t ibang masamang espiritu, o nina Guanyin Bodhisattva at Buddha. Ano ang huling resulta nito? Itinatanggi ng mga anticristo ang Diyos sa bawat pagkakataon, itinatanggi ang Kanyang mga kilos at diwa, ang kahulugan at halaga ng lahat ng Kanyang ginagawa, at kung paano ito nagpapatibay sa mga tao. Itinatanggi nila ang epektong nais makamit ng Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan, at ang pag-iral ng mga layunin ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtanggi sa importansiya at kahalagahan ng lahat ng ginagawa ng Diyos, hindi ba’t itinatanggi ng mga anticristo ang pagkakakilanlan ng Diyos? (Oo, ganoon nga.) Ang mga pagpapamalas at diwa ng mga anticristo, ang mga iniisip na kanilang ibinubunyag, at ang galit, mga hinihingi, kawalan ng kasiyahan, at mga katanungang mayroon sila tungkol sa Diyos kapag may mga nangyayari sa kanila, at iba pa, ay pawang kongkretong pagpapamalas ng hindi pagkilala ng mga anticristo sa pagkakakilanlan ng Diyos. Ito ang mga katunayan.
Anong diwa ng mga anticristo ang napansin mo sa pamamagitan ng pagbabahaginan at paghihimay na ginawa natin tungkol sa mga pagpapamalas at pinagmumulan ng pagtanggi ng mga anticristo sa pagkakakilanlan ng Diyos? Napapansin mo ba na mga siniko ang mga anticristo sa mundong ito at mahal nila ang katarungan at katuwiran? Ang mga anticristo ba ay mga taong may mabait na pagkatao, habag, awa, dakilang pagmamahal, at pagkamuhi sa kabuktutan? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng mga tao ang mga anticristo? (Masasamang tao sila na napopoot at tutol sa katotohanan, na laging kumakalaban sa Diyos sa bawat pagkakataon.) Isang aspekto iyan. Ano pa? Hindi ba’t sumasang-ayon ang mga anticristo sa kasabihang, “Ang paggawa ng mga tulay at pagkukumpuni ng daan ay nauuwi sa pagkabulag, samantalang tinitiyak ng mga mamamatay-tao at arsonista na dumarami ang kanilang mga anak”? Hindi ba’t nangangahulugan ito na nagluluksa sila sa kalagayan ng mundo at naaawa sa sangkatauhan? Ano ang kalikasan ng pagsang-ayon nila sa kasabihang ito? Hindi ba’t nakapaloob sa kasabihang ito ang isang reklamo tungkol sa kawalan ng katarungan sa Langit? Bagaman wala silang magawa tungkol dito, nagkikimkim ang mga anticristo ng gayong sama ng loob at mga damdamin at nagrereklamo sila na hindi makatarungan ang Langit: “Hindi ba’t sinasabi na makatarungan ang langit at na may mga mata ang langit? Kung gayon, bakit hindi umaani ng mga gantimpala ang mga gumagawa ng mabuti sa mundong ito, samantalang yumayaman ang masasamang tao? Nasaan ang katarungan sa mundong ito? Paano nagkakaroon ng mga bagay na hindi makatarungan sa mundong ito? Dahil bulag at hindi makatarungan ang langit!” Ang ipinapahiwatig na kahulugan dito ay na walang katarungan sa Diyos, at tanging sina Buddha at Guanyin ang makatarungan. Kaya naman, puno ng sama ng loob, reklamo, pagtanggi, at pagkondena sa mga bagay na ginagawa ng tunay na Diyos ang puso ng mga anticristo. Ano ang sanhi ng lahat ng ito? Ano ang dahilan nito? Dulot ito ng diwa ng mga anticristo. Anong diwa ito? Sa mas detalyadong pananalita, puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa kahulugan ng isang diyos ang puso ng mga anticristo; hindi nila alam o nauunawaan kung paano eksaktong kumikilos at nagliligtas ng mga tao ang tunay na Diyos. Batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon ang kanilang ebalwasyon sa lahat ng ginagawa ng Diyos. At saan nakabatay ang mga ito? Ganap na nakabatay ang mga ito sa iba’t ibang maling paniniwala at panlilinlang na itinanim sa sangkatauhan ng diyablong hari na si Satanas. Kahit gaano kabuktot o kahit may kinikilingan ang mga maling paniniwala at panlilinlang na ito, umaayon ang mga ito sa mga kuru-kuro, sikolohikal na pangangailangan, at emosyonal na pangangailangan, at ang mismong mga bagay na ito ang nagiging pamantayan ng mga anticristo sa kanilang pag-asal at pagsukat sa lahat ng bagay, pati na ang pamantayan nila sa pagsukat sa Diyos; mali ang pinakaugat ng mga anticristo. Ang isa pang mas mahalagang dahilan ay mahilig sa kapangyarihan at mararangyang bagay ang mga anticristo. Halimbawa, ipagpalagay na ipinanganak sa isang palasyo ang isang tao, at nakakatamasa ng napakaespesyal na pagtrato araw-araw, kumakain ng pinakamasasarap na pagkain at nagsusuot ng pinakamagagandang damit, hindi nila kailangang gumawa ng anuman, at nakukuha nila ang anumang gusto nila. Hinahangad ba ng mga taong nananampalataya sa Diyos ang ganitong uri ng buhay? Makakaramdam ng kaunting inggit o selos ang isang normal na tao, pero iisipin niya pagkatapos, “Inorden ng Diyos ang lahat ng ito. Saanman tayo ilagay ng Diyos, doon tayo maninirahan. Hindi matitiyak na angkop sa atin ang ganoong buhay. Makakaya bang manampalataya sa Diyos ng isang tao sa gayong kapaligiran? Mauunawaan ba niya ang katotohanan at maliligtas ba siya? Magiging mahirap iyon. Sapat na ang ibinigay sa atin ng Diyos; basta kaya nating manampalataya sa Diyos at nasa tamang kondisyon tayo para basahin ang mga salita ng Diyos, gawin ang tungkulin natin, at makamit ang kaligtasan sa huli, iyon ang pinakamasayang bagay.” Pero ganito ba mag-iisip ang mga anticristo? (Hindi.) Iisipin nila, “Bakit hindi emperador ang tatay ko? Kung isang mayamang tao o isang emperador ang tatay ko, talagang magiging makabuluhan ang buhay ko. Bakit isang emperador ang tatay niya? Bakit siya namumuhay nang walang alalahanin, hindi nag-aalala sa pagkain o damit, nakukuha niya ang anumang gusto, lagi siyang may pera at kapangyarihan sa mga kamay niya? Hindi makatarungan ang langit! Hindi naman siya ganoon kagaling, at wala siyang talento, edukasyon, o talino. Sa anong batayan niya nakuha ang lahat ng bagay na ito? Bakit hindi ko makuha ang mga ito? Kung hindi ko makuha ang mga bagay na iyon, at nakukuha iyon ng iba, kamumuhian ko sila! At kung hindi ko sila kayang kamuhian, kamumuhian ko ang langit dahil sa pagiging hindi makatarungan nito at pagsasaayos ng masamang kapalaran para sa akin, at kamumuhian ko ang masamang kapalaran ko, kamumuhian ko ang napakasamang tao na humaharang sa aking daan, at kamumuhian ko ang masamang feng shui ng bahay ko!” Ano ang tumatakbo sa isipan nila? Kapag sumiklab ang galit sa puso ng mga anticristo, maaaring lumabas sa bibig nila ang lahat ng uri ng mapanlinlang na argumento.
Sa panlabas, tila napakabuti ng mga anticristo, ngunit sa katunayan, walang positibo sa mga bagay na sinasamba at hinahangad nila. Dahil sa mga salawikain at kasabihang ipinapangaral nila, maaaring mukha silang nagluluksa sa kalagayan ng mundo at naaawa sa sangkatauhan, at parang nagkikimkim sila ng kabutihang loob sa kanilang puso, pero sa katunayan, ganap na mga diyablo at Satanas sila. Kung magkakaroon sila ng kapangyarihan at aangat sa mundong ito, kaya ba nilang gumawa ng kasamaan? Kaya ba nilang maging mabuting tao? Mga buhong sila na puno ng mga kasuklam-suklam na kasalanan. Dahil hindi sila makapagkamit ng kapangyarihan at hindi sila masyadong umaasenso sa mundo, nadarama nila na medyo naaagrabyado sila at pagkatapos ay nananampalataya at sumusunod sila sa Diyos. Gayumpaman, sa diwa, hindi talaga nila gustong hangarin ang katotohanan, at lalong hindi nila mahal ang mga positibong bagay; sa halip, tutol sila sa mga positibong bagay at mahal nila ang masasamang puwersa, kapangyarihan, marangyang pamumuhay, at ang masasamang kalakaran ng mundo. Samakatwid, hinahamak nila ang lahat ng ipinapahayag at ginagawa ng Diyos na nagtataglay ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at kinokondena, hinuhusgahan, at sinisiraan nila ang mga ito. Gaano man kahalaga o makabuluhan ang gawain ng Diyos para sa mga tao, hindi nila ito kinikilala o tinatanggap. Hindi lang nila hindi tinatanggap ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, kundi nais din nilang magpanggap bilang isang diyos, magpanggap na isang tagapagligtas na kayang iligtas ang lahat ng nilalang mula sa pagdurusa, na makasisiguro na hindi mabubulag ang mga nagtatayo ng mga tulay at nag-aayos ng mga kalsada, na mapaparusahan at hindi magkakaroon ng mga anak na magpaparami ang mga mamamatay-tao at arsonista, at na ang mga tao sa laylayan ng lipunan at nagtitiis ng pagdurusa ay hindi na magdurusa at magkakaroon sila ng lugar para maipahayag ang kanilang mga hinaing. Gusto nilang alisin ang lahat ng sakit sa mundo at iligtas ang mga tao mula sa kapighatian. Talagang nagkikimkim ng “unibersal na pagmamahal” at isang walang katapusang “dakilang pagmamahal” ang mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso! Matapos isaalang-alang ang lahat ng ito, ano nga ba talaga ang dahilan sa likod ng pagtanggi ng mga anticristo sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? Sinasabi nila: “Anuman ang ginagawa ng diyos, hindi siya tulad ng isang diyos. Ako ang pinakakatulad ng isang diyos; ako ang pinakakalipikadong maging diyos. Ito ay dahil ang ginagawa ng diyos ay hindi angkop sa aking mga panlasa o ayon sa mga panlasa at pangangailangan ng masa; ako lang ang nakakaintindi sa mga pangangailangan at isipan ng masa, ako lang ang makakapagligtas sa lahat ng nilalang mula sa pagdurusa, at ako lang ang puwedeng maging tagapagligtas ng sangkatauhan.” Nailantad na ang kanilang mga ambisyon at diwa, hindi ba? Ano nga ba ang tunay na anyo ng mga anticristo na may mga gayong ambisyon at diwa? Ito ay ang arkanghel, ang diyablong si Satanas. Itinatanggi nila ang pagkakakilanlan ng Diyos at hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos dahil nais nilang maging diyos mismo. Naniniwala sila na ang mga iniisip nila ay kung ano ang dapat iniisip ng isang diyos, at na ang kanilang mga pagpapamalas, disposisyon, at diwa ng dakilang pagmamahal ang dapat taglayin ng isang diyos. Iniisip nila na tanging ang isang tao na may mentalidad ng pagluluksa sa kalagayan ng mundo at pagkaawa sa sangkatauhan kapag nakikita ang lahat ng kawalang katarungan sa mundo ang isang diyos. Iniisip nila na wala ang mga katangiang ito sa Diyos na pinananampalatayaan nila, na tanging sila lang ang may ganitong isipan at ganito kalaking puso, nagtataglay ng ganitong uri ng kabutihan at dakilang pagmamahal. Ito ang diwa ng mga anticristo, ang iba’t ibang pagpapamalas at diwa ng kanilang pagtanggi na kilalanin ang pagkakakilanlan ng Diyos. Samakatwid, kung iginagalang mo ang mga anticristo bilang mga diyos at sinasamba mo sila, hindi sasama ang loob nila sa iyo. Kung susundan mo sila, sinasabing ang kanilang pagkakakilanlan at diwa ay tulad ng sa mga diyos, na ang kanilang isipan at dakilang pagmamahal ay katulad kay Buddha, at na mga diyos sila, magagalak sila at lubos na masisiyahan sa iyo. Ito ang diwa ng mga anticristo. Hindi ba’t buktot ang diwang ito na ipinapakita ng mga anticristo? Gaano mo man itaas ang pangalan ng Diyos at ang Kanyang mga kahanga-hangang gawa, at gaano ka man magpatotoo sa lahat ng ginawa ng Diyos at sa mga halagang ibinayad Niya para sa kaligtasan ng tao, magiging mapanlaban sila sa kanilang puso, sinasabing, “Hindi ko ito kayang purihin. Hindi ko ito nakikita sa ganoong paraan; pawang pangangarap nang gising at imahinasyon lamang ng tao iyon.” Kapag nagpatotoo ka sa Diyos, sa Kanyang karunungan, sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, sa Kanyang masikap na layuning iligtas ang sangkatauhan, at sa mga halagang Kanyang ibinayad, at nagpatotoo ka sa Kanyang diwa, sa Kanyang pagkakakilanlan, at sa lahat ng ginawa ng Lumikha para sa sangkatauhan, isang uri lamang ng tao ang nababalisa, at iyon ay ang mga anticristo. At ano ang iniisip nila? “Bakit palagi mong tinatalakay ang tungkol sa diyos? Diniligan at sinuportahan din kita nang husto. Minahal kita, tinulungan kita, binilhan kita ng gamot noong may sakit ka, at sinuportahan kita, nagbahagi ako sa iyo, at sinamahan kita noong inabandona ka ng iba. Bakit hindi mo ako pinupuri?” Sa sandaling may magpatotoo o magpuri sa Diyos, sumasama ang loob ng mga anticristo at kinamumuhian nila ang nagpatotoo dahil sa inggit. Ano ang nararamdaman ng mga normal na mananampalataya sa Diyos kapag naririnig nilang pinupuri ng isang tao ang Diyos? Una, tutugon sila ng “Amen” sa sinabi ng taong iyon at sa patotoong batay sa karanasan na ibinahagi ng taong iyon. Dagdag pa rito, makikinig sila nang mabuti, iniisip nila, “Ganoon kumilos ang Diyos sa kanila—napakabuti ng Diyos, tunay na mahal Niya ang tao! Hahanapin ko rin ang katotohanan kung sakaling makaranas ako ng katulad na sitwasyon sa hinaharap. Nasaktan nila ang Diyos dahil sa pagkilos sa ganoong paraan; kumilos din ako nang ganoon noon, hindi ko lang iyon namalayan. May pagkakautang ako sa Diyos! Kapaki-pakinabang sa mga tao ang pagkilos ng Diyos sa ganitong paraan, at hindi ko ito natanto. Mukhang mas maliit ang tayog ko kaysa sa tayog ng taong ito, hindi dalisay ang pag-unawa ko, at mahina ang kakayahan ko. Ipinapanalangin ko na liwanagan at gabayan ako ng Diyos, na isang taong maliit ang tayog. Paano sila hindi nanghina sa pagharap sa mga pagsubok? May gabay sila ng mga salita ng Diyos. Kung ako ang nahaharap sa mga gayong kalagayan, manghihina ako at baka madapa pa ako. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang kabutihan sa akin sa pamamagitan ng pagpansin sa maliit kong tayog at hindi Niya pa ako hinayaang harapin ang ganoong uri ng sitwasyon. Mabuti ang lahat ng ginagawa ng Diyos!” Pero hindi natutuwa ang mga anticristo kapag naririnig nila ito: “Ano? Mabuti ang lahat ng ginagawa ng diyos? Nasaan ang kabutihang ito? Kung mabuti ang lahat ng ginagawa ng diyos, bakit negatibo at mahina ang mga tao? Kung mabuti ang lahat ng ginagawa ng diyos, bakit may mga taong pinapatalsik? Kung mabuti ang lahat ng ginagawa ng diyos, bakit laging may mga pagkagambala at kaguluhan habang ipinapalaganap ang ebanghelyo at habang ginagawa ang mga tungkulin? Nakagawa ako ng napakaraming mabuting gawa; ginugol ko ang sarili ko, naghandog ako, at nagkamit ako ng mga tao sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo. Bakit walang pumupuri sa akin? Bakit walang ibinibigay ang diyos sa akin na anumang kapalit, anumang gantimpala? Kung nahihiya ang mga tao na purihin ako nang harap-harapan, ayos lang kung gagawin nila ito sa likod ko. Bakit walang pumupuri o bumabati sa akin? Wala ba akong anumang kabutihan?” Sumasama ang loob nila. Kung may pumuri sa isang karaniwang tao, walang masyadong mararamdaman ang mga anticristo. Ngunit sa sandaling may magpatotoo sa dakilang kapangyarihan, dakilang pagmamahal, at karunungan ng Diyos, o sa pagkakakilanlan ng Diyos, nakakadama ng pagkamuhi at inggit ang mga anticristo. Tuwing may handang magpasakop sa Diyos, maging isang wastong nilikha at maging isang taong hindi lumalampas sa mga hangganan niya at nagpapasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, hindi ito nagugustuhan ng mga anticristo, sinasabi nila, “Bakit handang-handa at aktibong-aktibo kang nagpapasakop sa diyos? Bakit napakahirap para sa inyo na pakinggan ang sinasabi ko? Hindi naman mali ang sinasabi ko!” Gusto nilang maging mga tagasunod nila ang mga tao, na pinupuri sila ng mga tagasunod na ito sa bawat pagkakataon, binabanggit ang pangalan nila, na may puwang sila sa puso ng mga tagasunod, napapanaginipan pa nga ang kanilang mga kabutihan at kalakasan, at pinupuri sila sa lahat ng makakasalubong nila. Kung magkakasakit sila at hindi magpapakita, sasabihin ng mga tao, “Ano ang gagawin namin kung wala ka? Kung wala ka, magkakawatak-watak kami; hindi kami makakapagpatuloy sa pananampalataya o sa pamumuhay!” Kung maririnig ito ng mga anticristo, labis silang matutuwa, at para marinig ito ay handa nilang tiisin ang anumang pagdurusa o magtiis nang ilang araw na hindi kumakain o natutulog. Pero kung walang pumupuri, gumagawang huwaran, sumasamba, o sumiseryoso sa kanila, sumasama ang loob nila at nagkikimkim sila ng pagkamuhi sa kanilang puso—ito ang isang tipikal na anticristo. Sa madaling salita, hindi kailanman kikilalanin ng mga anticristo ang pagkakakilanlan ng Diyos. Hindi nila tinatanggap ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, lalo na ang gawaing ginawa sa kanila ng Siyang nagtataglay ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, hindi rin nila kinikilala o tinatanggap ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos sa sangkatauhan.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.