Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Unang Bahagi) Unang Seksiyon

I. Hindi Naniniwala ang mga Anticristo na Mayroong Diyos

Magbabahaginan tayo ngayon sa ikalabinlimang aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo—hindi sila naniniwala na mayroong Diyos, at itinatanggi nila ang diwa ni Cristo. Inilalantad ng aytem na ito ang dalawang pagpapamalas ng kung paano itinuturing ng mga anticristo ang Diyos at si Cristo, na kumakatawan sa diwa ng mga anticristo. Parehong tumutukoy sa Diyos Mismo ang dalawang pagpapamalas na ito, sa isang aspekto ay may kinalaman sa Espiritu ng Diyos, at sa isa pang aspekto sa nagkatawang-taong Diyos. Hindi naniniwala ang mga anticristo na mayroong Diyos, at hindi rin nila kinikilala ang Kanyang nagkatawang-taong laman. Ito ang mga pananaw na kinikimkim ng mga anticristo ukol sa Diyos, at ang mga ito ang mga pangunahing pagpapamalas ng kung paano itinuturing ng mga anticristo ang Diyos. Sa ngayon, hindi natin pagbabahaginan ang diwa ng dalawang pangunahing pagpapamalas na ito, sa halip, talakayin muna natin kung paano naipapamalas ang kawalan ng paniniwala ng mga anticristo na mayroong Diyos, na ibig sabihin, kung anong mga kaisipan, pananaw, saloobin, at mga partikular na pag-uugali, pagpapamalas, at pamamaraang mayroon ang mga anticristo ukol sa Diyos na nagpapatunay na hindi sila naniniwala na mayroong Diyos. Mayroon bang mga kongkretong pagpapamalas ng kawalan ng paniniwalang ito? Maaaring sabihin ng ilan, “Ang kawalan ng paniniwala ng mga anticristo na mayroong Diyos ay nangangahulugan lamang na hindi nila kinikilala ang katunayang ito at itinatanggi nilang mayroong Diyos. Sa puso nila, naniniwala sila na walang Diyos, at na ang Espiritu ng Diyos, ang Diyos Mismo, at ang Lumikha, ay hindi nakikita at hindi umiiral. Para sa kanila, walang kabuluhan at bunga lamang ng imahinasyon ng tao ang titulong ‘Diyos.’ Hindi ba’t simple lang itong ipaliwanag at pagbahaginan? Paano ito nauugnay sa diwa ng mga anticristo? Paano nagkakaroon ng mga partikular na pagpapamalas nito? Hindi ba’t pagpapalaki lang ito ng isyu? Talaga bang ganoon ito kakomplikado?” Tama ba ang ganitong pag-iisip? Kung hihilingin sa inyo na magbahagi tungkol sa paksa ng hindi paniniwala ng mga anticristo na mayroong Diyos, paano ninyo ito pagbabahaginan at hihimayin? Halimbawa, isaalang-alang ang isang partikular na mapanlinlang na tao. Puwede mo bang talakayin ang mga partikular na pagpapamalas ng pagiging mapanlinlang niya? Kung sasabihin mo lang, “Napakamapanlinlang ng taong ito at lagi siyang nagsisinungaling at walang binibitiwang kahit isang totoong salita,” tapos ka na ba sa pagbabahagi? Ano ang mga partikular na kalagayan at pagpapamalas ng pagiging mapanlinlang? Paano mo mahihimay ang pagiging mapanlinlang ng taong iyon? Anong mga pamamaraan ang ginagamit niya sa pakikitungo sa mga tao at sa pangangasiwa sa mga bagay sa pang-araw-araw niyang buhay? Anong mga pamamaraan ang ginagamit niya sa pakikitungo sa mundo? Kumusta ang karakter niya? Ano ang pananaw niya sa mga tao, pangyayari, at bagay? Paano mapapatunayang napakamapanlinlang ng taong ito? Hindi ba’t may mga detalye rito? Tiyak na may mga detalye. Hindi lang ito tungkol sa pagsasabi ng kung ano ang pagiging mapanlinlang o kung anong mga pagkilos ang mapanlinlang, at hindi lamang ito tungkol sa pagpapaliwanag ng terminong ito, sa halip, kailangan mong himayin ang mga partikular niyang pagpapamalas, pag-uugali, kaisipan, pananaw, ang mga pamamaraan niya sa pangangasiwa sa mga bagay, ang karakter niya, at iba pa. Ang pangunahing katangian ng isang taong mapanlinlang ay na hindi niya ipinagtatapat ang nilalaman ng kanyang puso para magbahagi kaninuman, at hindi siya nagtatapat kahit sa kanyang pinakamatalik na kaibigan. Lubha siyang imposibleng maintindihan. Sa katunayan, maaaring hindi naman matanda ang gayong tao, o maaaring wala pa siyang masyadong kaalaman sa mundo, at maaaring wala siyang gaanong karanasan, pero imposible siyang maintindihan. Napakatuso niya sa kabila ng kanyang edad. Hindi ba likas na mapanlinlang ang taong ito? Itinatago niya nang husto ang kanyang tunay na pagkatao na walang sinuman ang nakakahalata rito. Ilang salita man ang kanyang sabihin, mahirap matukoy kung alin ang totoo at alin ang hindi, at walang nakakaalam kung kailan siya nagsasabi ng totoo o kailan siya nagsisinungaling. Dagdag pa riyan, sanay na sanay siya sa pagpapanggap at paggamit ng maling argumento. Madalas ay itinatago niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling impresyon sa mga tao, kaya ang nakikita lang ng mga tao ay ang huwad niyang ipinapakita. Nagpapanggap siya bilang isang taong matayog, mabuti, matuwid, at tapat, bilang isang taong gusto at sinasang-ayunan ng iba, at sa huli, sinasamba at tinitingala siya ng lahat. Gaano katagal mo man nakakasama ang gayong tao, hindi mo malalaman kailanman kung ano ang kanyang iniisip. Ang kanyang mga pananaw at saloobin sa lahat ng klase ng tao, pangyayari, at bagay ay nakatago sa kanyang puso. Hindi niya sinasabi ang mga bagay na ito kaninuman kahit kailan. Hindi siya nagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito kahit sa kanyang pinakamalapit na katapatang-loob. Kahit kapag nagdarasal siya sa Diyos, maaaring hindi niya ipinagtatapat ang nilalaman ng kanyang puso o ang katotohanan tungkol sa mga ito. Hindi lang iyan, sinisikap niyang magpanggap bilang isang taong may mabuting pagkatao, na napaka-espirituwal at dedikado sa paghahangad sa katotohanan. Walang sinumang nakakakita kung anong klaseng disposisyon ang taglay niya at kung anong klase siyang tao. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng pagiging mapanlinlang. Halimbawa, isaalang-alang ang isang tamad na tao. Ano ang mga partikular na pagpapamalas ng katamaran? Puwedeng sabihin ng ilan, “Ang katamaran ay hindi paggawa ng anumang gawain, paupo-upo lang buong araw, ayaw kumilos o mag-alala sa anumang bagay, at ayaw magsalita.” Ang mga ito ba ang mga kongkreto at pangunahing pagpapamalas ng katamaran? (Hindi, mga paimbabaw na penomena lamang ang mga ito.) Ano, kung gayon, ang mga pangunahing pagpapamalas ng katamaran? Sa kabuuan, may dalawang pangunahing pagpapamalas: una, ayaw magtiis ng anumang hirap, hindi nagdadala ng pasanin o responsabilidad sa anumang ginagawa niya, laging nagrereklamo tuwing ang katawan niya ay nakakaramdam ng kaunting sakit, o bahagyang nahihirapan o medyo napapagod; pangalawa, ayaw gumawa ng anumang gawain, gusto ng masarap na buhay, mas gusto ang maglibang at ayaw magtrabaho, inaaksaya ang kanyang oras, at hinahayaang lumipas na lang ang mga araw niya, pati na rin, palaging nagrereklamo at nagtatago para hindi siya makita ng iba kapag may kailangang gawin. Ang mga ito ang dalawang pangunahing pagpapamalas ng katamaran; hindi natin tatalakayin ang mga partikular na pagpapamalas dito. Gamitin nating halimbawa ang isang masibang tao. Ano ang mga partikular na pagpapamalas ng kasibaan? Isang bagay ito sa sangkatauhan na dapat madaling himayin at kilatisin, hindi ba? (Palaging naghahangad ng mga pisikal na kasiyahan, palaging gustong kumain ng masasarap na pagkain, pinagbibigyan ang sariling pagkatakam.) (Hindi nawawalan ng gana pagdating sa masasarap na pagkain.) Pagpapamalas ang mga ito ng kasibaan. Hindi ba’t may mga tao na, kapag narinig na may masarap na pagkain sa isang lugar, ay gagawin ang lahat para hanapin ang lugar na ito? Halimbawa, sabihin nang may bagong bukas na restoran sa isang lugar, at nag-aalok ito ng iba’t ibang masasarap na putahe, ngunit medyo mahal at malayo ito, at aabutin ng isang oras na biyahe para makarating doon. Iisipin ng karamihan ng tao na hindi sulit magbiyahe nang ganoon kalayo para lang sa isang pagkain. Pero ang mga taong mahilig kumain, kapag narinig ang tungkol sa restorang ito, ay mag-iisip, “Hindi naman ganoon kalayo ang isang oras na biyahe. Hindi ba’t ang buhay ay tungkol sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya? Tara, kain tayo!” Pero kung hihilingin sa tao ring iyon na magbiyahe nang isang oras para gampanan ang nararapat niyang gawain, magsisimula siyang mag-isip, “Hindi ba ako mapapagod papunta roon? Magiging kapaki-pakinabang ba sa akin na maglaan ng napakaraming oras para pumunta at gumawa roon? Paano kung makaharap ako ng masasamang tao? Paano kung maubusan ng gasolina ang sasakyan? Ano ang kakainin ko roon? Mayroon na bang nakahandang pagkain? Paano kung hindi ako makaangkop sa lugar? Paano kung hindi ako makatulog sa gabi?” Masyado niyang iniisip-isip ang mga bagay kapag tungkol sa nararapat niyang gawain, nakakakita siya ng mga hirap kahit saan. Pero kapag tungkol sa pagkain ng masarap, handa siyang mapagtagumpayan ang lahat ng balakid; hindi na nagiging isyu ang bawat balakid, at itinitigil niya ang sobrang pag-iisip. Mga partikular na pagpapamalas ng kasibaan ang mga ito. Binanggit Ko lang ito nang pahapyaw rito; hindi Ko na ito palalawakin pa.

Balikan natin ang paksa ng ating pagbabahaginan ngayon. Ano ang mga pagpapamalas ng hindi paniniwala ng mga anticristo na mayroong Diyos? Anong mga partikular na kaisipan, pananaw, at kalagayan ang ibinubunyag nila? Kapag may nangyayari sa kanila, anong mga saloobin, pananaw, at ideya ang mayroon sila na nagpapatunay na talagang hindi sila naniniwala na mayroong Diyos? Hindi ba’t karapat-dapat itong pagbahaginan? Hindi naniniwala ang mga anticristo na mayroong Diyos; ano ang mga detalye at partikular na pagpapamalas ng hindi nila paniniwala? (Kahit ano ang mangyari, hindi sila naniniwala na pinamamatnugutan at isinasaayos ito ng Diyos, at hindi nila ito matanggap mula sa Diyos.) (Hindi sila naniniwala na ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama, kaya wala silang pakundangang gumagawa ng kasamaan.) Ang mga ito ang ilang partikular na pagpapamalas. Hindi naniniwala ang mga anticristo na mayroong Diyos. Itong hindi paniniwala na mayroong Diyos ay isang pagtanggi. Anong itinatanggi nila na nagpapatunay na itinatanggi nila na mayroong Diyos? (Itinatanggi nila ang pagkakakilanlan ng Diyos bilang ang Lumikha.) (Itinatanggi nila na kontrolado ng Diyos ang lahat ng bagay at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat.) (Itinatanggi nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at itinatanggi nila na ang gawain ng Diyos ng paghatol at pagkastigo ay makapaglilinis ng katiwalian ng mga tao at makapagliligtas sa kanila mula kay Satanas.) Alin sa mga pahayag na ito ang kumakatawan at mas mahalaga? Ang pagtanggi sa pagkakakilanlan ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay—hindi ba’t kumakatawan ang mga ito? Hindi ba’t mahahalagang isyu ang mga ito? (Oo.) Ang paniniwala na mayroong Diyos, sa isang aspekto, ay pagkilala sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Bukod pa rito, ito ay pagtanggap at pagkilala sa katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, batay sa pundasyon ng paniniwala sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Hindi ba’t ito ang ganap na paniniwala na mayroong Diyos? Hindi ba’t napakahalaga ng dalawang puntong ito? (Oo.) Ang dalawang ito ang pinakamahahalagang isyu. Kaya, para himayin ang kawalan ng paniniwala ng mga anticristo na mayroong Diyos, kailangan muna nating himayin ang dalawang bagay: una, ang pagtanggi ng mga anticristo na kilalanin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos; pangalawa, ang pagtanggi ng mga anticristo na kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Nakapaloob sa dalawang puntong ito ang ibang mga aspekto. Dati na nating napagbahaginan kung paanong hindi kinikilala ng mga anticristo na ang Diyos ang katotohanan, na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, o na ang Diyos ay makapagliligtas ng mga tao. Isang katunayan din ito. Gayumpaman, sinasabi Ko rito na sa pinakapangunahing antas, hindi naniniwala ang mga anticristo na mayroong Diyos, at hindi rin sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Ang paghimay nito mula sa perspektiba ng hindi pagkilala ng mga anticristo sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at ng pagtanggi nila na kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, ay magiging mas makapangyarihan at kumakatawan.

A. Tumatangging Kilalanin ang Pagkakakilanlan at Diwa ng Diyos

Simulan natin sa pagbabahaginan ng unang punto: Ang mga anticristo ay tumatangging kilalanin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Ano ba ang pagkakakilanlan ng Diyos? Para sa lahat ng nilikha, ang Diyos ang Lumikha, kaya ano ang Kanyang pagkakakilanlan para sa lahat ng bagay? (Ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay.) Tumpak din ang titulong ito, ngunit ano ang tunay na pagkakakilanlan ng Diyos? Kapag tinutukoy ang Diyos, puwede ba ninyong direktang tawagin Siya bilang “ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay”? Para itong kung paanong ang pagkakakilanlan ng iyong ina para sa iyo ay bilang ang taong nagsilang at nagpalaki sa iyo, pero puwede mo ba siyang tawaging “ang taong nagsilang at nagpalaki sa akin”? (Hindi.) Ano ang tawag mo sa kanya? (Nanay.) Iyan ang tawag mo sa iyong ina. Samakatwid, ang titulo ng Lumikha, ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, ay Diyos, at tanging ang Diyos Mismo ang puwedeng tawaging Diyos. Para sa lahat ng nilikha at di-nilikhang bagay, ang Diyos ay Diyos; ang Kanyang pagkakakilanlan ay ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang Kanyang titulo ay Diyos. Ang Siyang may hawak ng titulong ito ay ang Diyos Mismo, Siya ang Diyos. Tanging Siya na karapat-dapat sa titulong Diyos ang nagtataglay ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Huwag muna nating pag-usapan ang salitang “diwa” sa ngayon, at sa halip, pag-usapan natin ang tungkol sa pagkakakilanlan. Ang Diyos Mismo, na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos, ay gumagawa ng mga bagay na ayon sa Diyos, nagpapahayag ng disposisyon ng Diyos, at pinangungunahan ang buong sangkatauhan at may kataas-taasang kapangyarihan sa buong sangkatauhan at sa lahat ng bagay gamit ang pamamaraan ng Diyos. Para sa mga naniniwala sa Diyos at kinikilala ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang perspektiba nila sa lahat ng ginagawa ng Diyos ay lubos na naiiba sa perspektiba ng mga anticristo. Ang mga tamang nakakaunawa sa lahat ng ginagawa ng Diyos sa gitna ng lahat ng bagay ay makikita mula rito ang Kanyang pamamaraan ng pagkilos, at higit pa nilang mapapatunayan sa sarili nila ang Kanyang pag-iral sa gitna ng lahat ng bagay. Sa kabaligtaran, ang pananaw, pamamaraan, at anggulo ng pagtingin ng mga anticristo sa lahat ng bagay na ito ay ganap na salungat sa mga naniniwala na mayroong Diyos. Dahil dito, mas pipiliin pa ng mga anticristo na mamatay kaysa sa maniwala na mayroong Diyos, o maniwala na ang Siyang may kakayahang gawin ang lahat ng bagay na ito ay ang Siyang nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos, at na Siya lamang ang karapat-dapat na tawaging Diyos at ang karapat-dapat tawagin ng mga tao bilang Diyos.

Para sa maraming bagay na umiiral sa gitna ng lahat ng bagay at ng buong sangkatauhan, nakikita man ang mga ito ng mata o hindi, kung titingnan at iintindihin ng mga tao ang mga ito sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at sa pagkamakatwiran ng normal na pagkatao, matutuklasan nila na pinangungunahan ng Diyos ang sangkatauhan sa gitna ng lahat ng bagay, at na umiiral nga talaga Siya. Ang mga batas ng lahat ng bagay at ang pag-unlad ng lahat ng bagay ay pinamamatnugutan at isinasaayos sa loob ng isang di-nakikita, di-mailarawang hanay ng mga tuntunin, kaya sino ang may kakayahang pamatnugutan at isaayos ang lahat ng ito? Hindi ito nagagawa ng sinumang dakilang tao, o ng sinumang bayani, at tiyak na hindi ito likas na nagaganap. Sa halip, ito ay ang Siyang di-nakikita at di-nahahawakan, ngunit nararamdaman ng tao, na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito. Sino Siya? Siya ang Diyos. Hindi ba’t ang paniniwala na mayroong Diyos ang pinakapayak na pagkamakatwiran na dapat taglayin ng tao? Hindi ba’t ito ang pinakapayak, ang pangunahing pananaw at ang anggulo ng mga tao sa pagtingin sa mga bagay? Gayumpaman, walang ganitong pagkamakatwiran ang mga anticristo, kaya’t hindi nila tinitingnan ang mga bagay mula sa gayong pananaw at anggulo. Kaya, tungkol sa mga bagay na pinamatnugutan ng Diyos, na kaya lamang maramdaman ng sangkatauhan, at na hindi tuwirang ipinahayag ng Diyos sa sangkatauhan sa malinaw na wika, itinuturing ng mga anticristo na nagkataon lamang ang mga ito, gawa ng tao, likas na nabuo, o imahinasyon at manipulasyon pa nga ng mga tao. Kahit gaano mo pa patotohanan ang pag-iral ng Diyos, kahit gaano karaming katunayan ang gamitin mo para patunayan na nasa gitna ng lahat ng bagay ang Diyos, na nagtataglay ang Diyos ng pagkakakilanlan ng Diyos, at na tanging Siya na may pagkakakilanlan ng Diyos ang makagagawa ng mga bagay na ito, at makapag-aayos ng lahat ng bagay sa maayos na paraan, at na ang gayong May Kataas-taasang Kapangyarihan ang Siyang nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos, makikita ba ito ng mga anticristo sa ganitong paraan? Maiintindihan ba ito ng mga anticristo sa ganitong paraan? (Hindi.) Kahit gaano karaming katunayan ang ipresenta mo para patunayan ito, hindi pa rin ito paniniwalaan o kikilalanin ng mga anticristo. Kahit na wala silang sinasabi sa panlabas, at kahit hindi nila kayang magbigay ng ebidensya para pabulaanan ito, sa kaibuturan, paulit-ulit nila itong tinututulan at ayaw kilalanin, at paulit-ulit nila itong pinagdududahan. Iniisip nila na mga hangal ang mga taong naniniwala sa pagkakakilanlan ng Diyos, at na nailigaw sila, at na isang bagay ito na ginagawa at iniisip lamang ng mga kulang sa sapat na pag-iisip. Sa pananaw nila, ang malayang kalooban ng tao ay dapat na kontrolado ng tao mismo at malayang naipapahayag. Iniisip nila na dapat bumuo ng mga opinyon ang mga tao tungkol sa mga pangyayaring nagaganap sa gitna ng lahat ng bagay sa anumang paraan na piliin nila, at na dapat tingnan ang mga pangyayaring ito sa pamamagitan ng pamamaraang pang-agham at perspektibang pang-agham, na hindi dapat maging sobrang mapamahiin ang mga tao, o gamitin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos para ipaliwanag ang lahat ng bagay, o harapin ang lahat ng bagay gamit ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Halimbawa, sa iglesia, maraming kapatid ang nakaranas ng maraming tanda at kababalaghan na ginawa ng Diyos mula nang tanggapin nila ang Kanyang pagliligtas. Nagpapatotoo sila tungkol sa kung paano sila pinangunahan ng Diyos noong panahong iyon, kung paano ipinakita ng Diyos sa kanila na tunay nga Siyang umiiral sa pamamagitan ng mga pangyayaring ito, at na tunay na ginawa Niya ang mga ito, pati na rin ang mga napakalaking pagpapala at biyayang natanggap nila sa pamamagitan ng mga pangyayaring ito. Nariyan ang ebidensya, kapwa sa mga patotoo at sa pisikal na patunay. Ang pananalig ng mga naniniwala na mayroong Diyos ay pinalalakas ng mga patotoo at pisikal na patunay na ito, pero nagbabago ba ang pananaw ng mga anticristo, na hindi naniniwala na mayroong Diyos, pagkatapos marinig ang mga ito? (Hindi.) Paano mo malalaman? Sapagkat, gaano man katotoo ang mga sinasabi mo o gaano man karaming tao ang personal na nagpapatunay sa patotoo mo, hindi ito paniniwalaan ng mga anticristo. Sasabihin nila, “Maliban na lamang kung ako mismo ang makaranas nito, kung hindi ko ito nakita, hindi ito totoo. Ang nasaksihan at naranasan mo ay nagkataon lamang, isang hindi sinasadyang pangyayari. Hindi ba’t nakakaranas ang lahat ng tao ng mga mapanganib o nagkataong pangyayari sa buhay nila? Nagpapatunay ba ang mga nagkataon at hindi sinasadyang pangyayaring ito na gawa ito ng diyos? Pinapatunayan ba nito na ang gumagawa ng mga bagay na ito ay ang diyos? Baka naman imahinasyon mo lamang ito, baka mapalad ka lang na may isang mabuting tao na tumulong sa iyo, o baka hindi mo pa talaga oras na mamatay at mapalad kang nakaligtas.” Kita mo, kinikilala ba nila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga taong ito? (Hindi nila kinikilala.) Hindi nila kinikilala o pinaniniwalaan ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga kapatid, ni hindi sila naniniwala na kayang gawin ng Diyos ang mga gayong gawa, o na talagang nangyari ang mga naranasan ng mga kapatid. Iniisip nila, “Paano magkakaroon ng mga gayong bagay sa mundo? Kung mayroon man, bunga lamang ang mga ito ng imahinasyon ng tao. Gaya ng kasabihan, ‘Kung ano ang iniisip mo sa umaga, iyon ang mapapanaginipan mo sa gabi.’ Pawang ilusyon lamang ang mga bagay na ito.” Kapag naririnig ng mga anticristo kung paano naranasan ng mga kapatid ang ilang tanda at kababalaghan, ang ilang espesyal na biyaya at pagpapala ng Diyos, at ang ilang bagay na lampas sa abot ng karaniwang tao, hindi nila ito pinaniniwalaan. Kaya, mapapaniwalaan ba ng mga anticristo ang kaliwanagan at patnubay na nakakamit ng mga kapatid habang nararanasan nila ang mga salita ng Diyos? Hindi rin nila iyon pinaniniwalaan. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ay nagbibigay-liwanag, tumatanglaw, at gumagabay sa mga tao. Iniisip nila na nagmumula sa isip ng tao ang lahat ng ito, mula sa pagsusuri at pang-unawa ng tao batay sa kaalaman, at na ito ang nagbubunga ng mga patotoong batay sa karanasan. Naniniwala sila, “Kung ang mga tao ay mag-iisip nang mabuti at magsisikap sa direksyong ito, hindi ba’t makakamtan nila ang kaunting kaalaman? Kung magsisikap din ako, at mag-iisip nang mabuti at magbubulay-bulay nang husto tungkol dito, kung gayon, gaya ng pagsusulat ng isang artikulo, makakagawa rin ako ng ilang patotoong batay sa karanasan.” Kaya, pagdating sa mga patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid, kung saan nagpapatotoo sila sa kung paano sila pinangunahan ng Diyos, kung paano Niya sila binigyang-liwanag at tinanglawan, kung paano Niya sila hinatulan, kinastigo, pinungusan, at dinisiplina, at kung paano namatnugot ang Diyos ng mga sitwasyon para subukin at pinuhin sila, pati na rin kung paano nila naunawaan ang mga layunin ng Diyos mula rito, at iba pa, hindi kinikilala o pinaniniwalaan ng mga anticristo ang alinman sa mga gawang ito ng Diyos. Iniisip nila na imposible ang lahat ng bagay na ito. Hindi kinikilala o pinaniniwalaan ng mga anticristo ang mga pangyayaring ito na nagaganap sa mga kapatid. Pinatutunayan ba nito ang diwa ng mga anticristo na ganap na tumatangging kilalanin ang pagkakakilanlan ng Diyos? Sa katunayan, hindi ito ang pinakamakapangyarihang ebidensya para patunayan ang diwa ng mga anticristo na tumatangging kilalanin ang pagkakakilanlan ng Diyos.

Pansamantala, lampasan natin ang saklaw ng iglesia at ng mga kapatid, at suriin natin ang mga pananaw ng mga anticristo sa iba’t ibang usapin sa mga grupo ng tao at sa tunay na buhay. Anu-ano ang mga usaping ito? (Ang pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ng mga tao, pati na ang mga pagbabago sa lipunan, mga pagbabago sa politika, at ang pagdating ng mga kalamidad. Hindi nalalaman ng mga anticristo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa loob ng alinman sa mga bagay na ito.) (Hindi naniniwala ang mga anticristo na nasa mga kamay ng Diyos ang tadhana ng mga tao, sa halip, gusto nilang lumikha ng isang magandang bayan gamit ang kanilang sariling mga kamay.) Mga partikular na pagpapamalas ito na tumatalakay sa diwa ng usapin. Nakikita ba ng mga anticristo na ang tadhana ng tao, ang buhay at kamatayan, at ang lahat ng karanasan ng bawat tao sa buhay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Hindi nila ito nakikita. Halimbawa, may isang kilalang kasabihan sa lipunan: “Ang paggawa ng mga tulay at pagkukumpuni ng daan ay nauuwi sa pagkabulag, samantalang tinitiyak ng mga mamamatay-tao at arsonista na dumarami ang kanilang mga anak.” Makabuluhang tuntunin ba para sa isang bagay ang kasabihang ito? Ito ba ang katotohanan? Isang pilosopikal na teorya ba ito? (Hindi.) Kung gayon, saan nagmula ang kasabihang ito? Tiyak na hindi ito mula sa mga nananampalataya sa Diyos; isa itong mababaw na pangyayari sa kalagayan ng pamumuhay ng iba’t ibang tao sa pag-unlad ng sangkatauhan. Naniniwala ang mga tao na walang katarungan sa mundo, na kapag mas maraming mabuting gawa ang isang tao, mas malamang na mabubulag siya, at mas malamang na maharap siya sa paghihiganti, samantalang kapag mas maraming kasamaang ginagawa ang isang tao, mas umuunlad at nagtatagumpay siya sa mundo. Ang mga batas ba ng pag-unlad ng iba’t ibang bagay sa sangkatauhan ay naaayon sa kasabihang ito sa anumang paraan? Mayroon ding kasabihang, “Ang mabubuting tao ay namamatay nang maaga habang ang masasamang tao ay nabubuhay hanggang sa pagtanda.” Anong klaseng mga tao ang nag-isip ng kasabihang ito? Nalalaman ng mga tao ang mga uri ng kasabihang ito bilang mga salawikain; anong klaseng mga tao ang may kakayahang magsalita ng mga salawikaing ito? Nananampalataya ba sila sa Diyos? Naniniwala ba sila na mayroong Diyos? (Hindi.) May ilang uri ng mga siniko na hindi nagtatagumpay sa lipunan at sa mga tao, na nahaharap sa mga hadlang saanman, na may mabigat na kapalaran, at hindi natutupad ang mga pangarap nila, at hindi sila umuunlad saanman sila pumunta. Iniisip nila na medyo mahusay at may kakayahan naman sila, pero hindi pa rin nila magawang sumikat, umunlad, lampasan ang iba, o bigyan ng karangalan ang mga ninuno nila. Saanman sila pumunta, iniiwasan, inaapi, at sinusupil sila, at wala silang kakayahang makawala mula sa lahat ng ito. Kalaunan, nabubuo nila ang kongklusyon na: “Walang katarungan sa lipunan o sa sangkatauhan, walang gantimpala para sa mabuti at parusa para sa masama, o paghihiganti. Gumagawa ng masasamang bagay ang masasamang tao nang hindi napaparusahan, samantalang ang mabubuting tao na gumawa ng maraming mabuting bagay, tulad ng pagbibigay ng donasyon at pagtulong sa mahihirap, ay hindi nakakatanggap ng gantimpala sa huli. Kaya huwag maging mabuti; wala rin naman itong saysay. Ang mabubuting tao ay nauuwi sa pagkabulag—dapat maging masamang tao na lamang.” Dahil hindi sila nagtatagumpay sa mundo at sa mga grupo ng mga tao, nagrereklamo sila sa kawalan ng katarungan at hustisya sa mundo, at sa kawalan ng tagapagligtas sa mundo. Iniisip nila na nagawan sila ng masama ng lahat ng tao dahil walang nakakakita sa kanilang mga kalakasan o kahusayan, at walang naglalagay sa kanila sa mahahalagang posisyon. Kaya, bumubuo sila ng ganitong uri ng baluktot na teorya upang magreklamo tungkol sa sangkatauhan at sa mundo. Sa realidad, may mga dahilan ba sa likod ng nangyayaring ito? Mayroon bang mga ugnayang nagsanhi ng mga ito? Tiyak na mayroon! Pareho ang pananaw ng mga anticristo sa mga taong ito; hindi sila naniniwala na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, ni hindi sila naniniwala na ang lahat ng may kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—na may pagkakakilanlan ng Diyos—ay matuwid. Samakatwid, bukod sa hindi kinikilala ng mga anticristo na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kumakatawan sa Kanyang pagkakakilanlan, naniniwala rin sila sa mga baluktot na teorya at mga maling paniniwala na kumakalat sa lipunan. Naniniwala sila na totoo ang mga baluktot na teorya at maling paniniwalang iyon, at tanging ang mga nagtatagumpay sa mundong ito, na sinasamba at sinusunod, ang puwedeng tawaging ang mga diyos sa kanilang puso, at ang mga nasa puso nila na may pagkakakilanlan ng mga diyos. Halimbawa, sa mga alamat ng Tsina, may mga tauhan tulad ng Inang Reyna ng Kanluran, ang Jade Emperor, ang Walong Imortal, Guanyin, at ang Buddha—ang mga ito ang tunay na sinasamba ng mga anticristo sa puso nila. Sa mga alamat na ito, ang Jade Emperor ang pinakadakila; may kapangyarihan siyang parusahan ang mga makasalanan sa kalangitan sa pamamagitan ng pagpapababa sa kanila sa mortal na mundo. Kapag narinig ito ng mga anticristo, labis silang humahanga sa kanya, iniisip na, “Tunay na isang diyos ang Jade Emperor! Mayroon siyang asal, tindig, at mga kakayahan ng isang diyos!” Ang mga alamat na ito, kasama ang mga diumano’y imortal na pinag-aalayan ng publiko, ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa mga tao. Naniniwala sila, “May dakilang kasanayan at kapangyarihan ang mga diumano’y imortal na ito. Karapat-dapat silang tawaging mga diyos. Nagagawa nilang magbigay ng pahayag ng resolusyon sa kalangitan tungkol sa lahat ng hindi makatarungan at hindi kasiya-siyang bagay na nangyayari sa mundo, at kung naghahanap ng katarungan ang isang tao, makakakuha siya ng sagot mula sa mga imortal na ito. Halimbawa, ang mga makasaysayang tauhan tulad nina Bao Gong at Guan Gong ay nagtataguyod ng katarungan para sa sangkatauhan sa espirituwal na mundo. Kapag namaltrato ang isang tao, at hindi makatarungan ang mga hukuman, kung dadalhin niya ang kanyang kaso kay Bao Gong o Guan Gong, tiyak na makakamit niya ang katarungan.” Naniniwala ang mga tao na ang mga karakter na ito mula sa mga kuwentong-bayan ay makakapagbigay ng katarungan para sa sangkatauhan, makapagpaparusa sa masasamang tao, at maiwawasto ang lahat ng kawalan ng katarungan sa mundo, na nagbibigay-daan sa mga nagdurusa at nahihirapan na tumigil na sa pagluha. Iniisip nila na ang mahihirap na tao na nasa laylayan ng lipunan, ang mga walang kakayahan at inaapi, ay kailangan lamang mag-alay, maniwala, at sumunod sa mga tauhang ito para makatakas sa lahat ng paghihirap nila, at malutas ang lahat ng pang-aabuso at pang-aaping kinakaharap nila. Katulad nito, sa kanilang puso at isip, naniniwala ang mga anticristo na ang mga diyos ay dapat maging katulad ng diumano’y Bodhisattva at Buddha, nilulutas ang lahat ng pagdurusa ng tao at inililigtas ang mga tao mula sa dagat ng kalungkutan. Halimbawa, ang isang lalaki na ang ina ay may malubhang sakit at hindi na magagamot ng medisina, ay napakabuting anak at ayaw niyang mamatay ang kanyang ina, kaya kada araw, nagsusunog siya ng tatlong piraso ng insenso at nag-aalay ng masasarap na pagkain at inumin sa isang idolo ng Guanyin Bodhisattva. Pagkatapos ay nangako siya: Kung magagamot ang sakit ng kanyang ina at mabubuhay siya ng 30 taon pa, handang ipalit ng anak ang 30 taon ng sarili niyang buhay, maging vegetarian habambuhay, at hindi na muling papatay ng anumang nilalang. Matapos niyang sunugin ang insenso, lumuhod at ibigay ang panatang ito, at ialay ang tapat niyang puso, gumaling ang sakit ng kanyang ina. Ibig bang sabihin nito ay narinig ni Bodhisattva ang panata ng anak? Ibig bang sabihin nito ay mabubuhay ang kanyang ina ng 30 taon pa at mababawasan ang buhay niya ng 30 taon? Hindi. Pero dahil naniniwala siya, kumbinsido siya na totoo ito. Pagkatapos ay sinimulan niyang tuparin ang panata niya sa pamamagitan ng pagiging vegetarian. Isang araw, naisip niya: “Gumaling na ang aking ina, at hindi na problema ang haba ng buhay niya, kaya puwede ko bang sirain ang panata ko sa hinaharap? Puwede ba akong kumain ng hita ng manok? Kung gusto kong kumain ng isa, puwede naman.” Pagkatapos niyang kainin ang hita ng manok, gumaan ang pakiramdam niya, at naging payapa ang kanyang puso, pero kinabukasan, nagsuka at nag-diarrhea siya, at ilang araw siyang nagkasakit at hindi bumubuti ang kalagayan niya. Sa ikaapat na araw, naisip niya: “Parusa ba ito mula sa Bodhisattva? Hindi ba niya ako pinapayagang kumain ng karne? Mukhang mahalaga talaga ang mga salitang sinabi ko noon—hindi ako puwedeng kumain ng karne!” Nang naisip niya ito, agad siyang nagsunog ng tatlong piraso ng insenso, nag-alay ng maraming masarap na pagkain, at inamin ang kasalanan niya. Gumaling kinabukasan ang sakit niya. Nang nakita niya na napakaepektibo ng Bodhisattva, mas lalo siyang naniwalang: “Kapag kumikilos ang mga tao, nagmamasid ang Bodhisattva. Hindi ko siya dapat lansihin, dapat kong tuparin ang panata ko, o haharapin ko ang parusa niya!” Mula noon, lalo niyang naramdaman na banal at hindi dapat labagin ang titulong “Bodhisattva.” Nagsusunog siya ng tatlong piraso ng insenso araw-araw at nag-aalay tuwing may mga pista at pista opisyal. Sa paglipas ng panahon, lalong lumakas sa gayong tao ang paniniwalang mga diyos ang mga idolong inaalayan ng mga tao tulad ng Jade Emperor, Guanyin Bodhisattva, Guan Gong, at iba pa. Naging matatag ang katayuan ng mga ito sa puso niya, nang walang anumang pag-aalinlangan o pagdududa. Kahit na hindi naranasan ng mga anticristo ang mga bagay na ito o hindi sila nag-alay sa mga idolo o clay figure na ito sa bahay, paminsan-minsan nilang naririnig o nararanasan ang mga gayong bagay sa mga kakilala nila. Halimbawa, naririnig nila kung paano pinagaling ni Buddha ang sakit ng isang tao o kung paano ito nagbigay ng hustisya sa pamamagitan ng pagpaparusa sa masasamang tao, o kung paano yumaman ang isang tao matapos ayusin ng isang Feng Shui master ang ilang bagay sa bahay niya, o kung paanong ang isang tao na kumonsulta sa isang Feng Shui master o Yin Yang master tungkol sa mga puntod at pagpili ng mga libingan ay nagdulot na maging matataas na opisyal o magtamasa ng malaking tagumpay sa propesyon nila ang kanilang mga inapo, at iba pa. Nag-iiwan ang mga bagay na ito ng impresyon sa isipan ng mga anticristo na dapat magtaglay ang mga diyos ng mga kakayahan at kapangyarihan tulad ng mga diumano’y buddha at emperador na ito na nakakasalamuha at nakikita ng mga tao sa pang-araw-araw nilang buhay. Iniisip pa nga nila na ang mga diyos ay dapat maging katulad ng mga idolong iyon na inaalayan ng mga tao, nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan sa mga tao para magdulot ng takot at pagkamangha. At kung hindi ito ginagawa ng isang diyos, iniisip nila na hindi ito dapat ituring na isang diyos. Sa mga gayong pananaw at pagkaunawa sa mga diyos, ano ang nagiging konsepto ng diyos para sa mga anticristo? Sa isipan nila, ang isang nilalang na tulad ng Jade Emperor, na kayang magpadala ng mga sundalo ng langit para itapon ang mga lumalabag sa mga batas ng langit sa mortal na mundo anumang oras at saanmang lugar, ay tunay na isang diyos, at ang siyang nagtataglay ng pagkakakilanlan ng isang diyos. O, isang idolo na inaalayan ng mga tao na kaya silang payamanin at maging mataas na opisyal—para sa mga anticristo, karapat-dapat ding magtaglay ng pagkakakilanlan ng mga diyos ang mga gayong nilalang. Ito ang panloob na pananaw at pagkaunawa ng mga anticristo tungkol sa pagkakakilanlan ng mga diyos. Kaya, kapag kumikilos ang Diyos sa lupain ng malaking pulang dragon, at inaaresto ang ilang kapatid, napipinsala ang iglesia, at nahahadlangan at nagugulo ang gawain ng Diyos, ano ang iniisip ng mga anticristo? “Kung ito ay diyos, bakit nangyayari ang mga gayong bagay sa iglesia? Kapag inaaresto ang mga kapatid, dapat magpakita ang diyos ng mga pangitain sa kalangitan, at magpadala ng kulog at galit, na magdudulot sa masasamang pulis na umaaresto sa mga kapatid para magtatakbo sa takot tulad ng mga takot na daga. Bakit hindi ko pa naririnig ang tungkol sa mga gayong pangyayari? Dahil sumusunod sa diyos ang mga taong ito at hinirang na mga tao sila ng diyos, bakit hindi sila inililigtas at pinoprotektahan ng diyos? Masugid at malupit na inuusig ng malaking pulang dragon ang mga sumusunod sa diyos. Bakit hindi pumaparito ang diyos sa lupa upang ipagkaloob ang katarungan para sa sangkatauhan? Bakit hindi hinahadlangan ng diyos ang malaking pulang dragon? Bakit hindi niya pinaparusahan ang malaking pulang dragon? Siguro naman, hindi lang kayang magsalita at magtustos ng katotohanan ang diyos na may pagkakakilanlan ng diyos? Kung ihahambing sa Jade Emperor, Guanyin Bodhisattva, at Buddha, mukhang walang dakilang kakayahan at kasanayan ang diyos. Sinasabi nila na may kapangyarihan at awtoridad ang diyos, ngunit nasaan ang kapangyarihan at awtoridad na ito? Tunay bang diyos ang isang nilalang na kayang magtustos lamang ng katotohanan at walang kapangyarihan at awtoridad ng isang diyos? Kapag malapit nang arestuhin ang mga kapatid, dapat maglagay ang diyos ng pader sa harap ng masasamang pulis, o gawin niya silang bulag at pilay, at gawin silang baliw o hangal. Bago pa man dumating ang panganib, dapat ipaalam ng diyos sa lahat ang paparating na panganib, dapat silang makarinig ng tinig, makaramdam ng malakas na sensasyon, at magkaroon ng malinaw na pag-iisip. Bakit hindi ginagawa ng diyos ang mga gayong bagay? Bakit hindi siya nagbibigay ng pahiwatig kapag papalapit ang ganitong uri ng sitwasyon? Kapag inaaresto, pinahihirapan, at inuusig ang mga tao, bakit hindi pinipigilan o pinaparusahan ng diyos ang mga diyablo at masasamang pulis na ito? Kapag pinoposasan nila ang mga kapatid, kapag hinahampas nila ng baton ang mga kapatid, bakit walang ginagawa ang diyos? Kung ito ay ang Jade Emperor o si Guanyin Bodhisattva, hindi niya kailanman hahayaang magdusa nang ganito ang mga tagasunod niya. Tiyak na makikialam at tutulong siya, gagawin niyang bulag ang masasamang pulis, babaluktutin ang mukha nila, gagawin silang mga baliw, papabulukin ang mga kamay at paa nila, bibigyan ng mga nakakamatay na sakit, at uudyukan sila na magpatayan. Bakit hindi ito ginagawa ng diyos? Nasaan nga ba ang diyos? Talaga bang umiiral siya? Kapag dumarating ang mga problema, hindi inililigtas ng diyos ang mga tao kahit na manalangin sila sa kanya, at hindi rin siya nagsasaayos ng mga sitwasyon para makatakas sila sa panganib. Kapag pinahihirapan ng masasamang pulis ang mga walang kalaban-labang taong ito, idinidikta ng sentido komun na dapat manghimasok, tumulong, at hindi basta na lamang tumayo sa isang tabi ang isang diyos, nang walang ginagawa, dahil hindi gusto ng mga diyos na makakita ng mga inhustisya sa mundo, at dapat na iligtas ng mga diyos ang mga tao mula sa kapighatian at iligtas ang lahat ng nilalang mula sa pagdurusa. Bakit hindi man lang ginagawa ng diyos na pinaniniwalaan ko ngayon ang mga gayong bagay? Talaga bang umiiral ang diyos na pinaniniwalaan ko?” Matapos makaranas ng maraming bagay, palaging nalilito at nagdududa ang mga anticristo. Pumupunta pa sila sa mga manghuhula at Yin Yang master habang naniniwala sila sa Diyos para magpabasa, para malaman kung ano ang kinabukasan nila, para alamin kung makukulong sila, kung magiging maayos ang trabaho nila, kung may masamang tao na maghihiganti sa kanila, o kung may paraan para maiwasan ang pagkakakulong kung ito ang kapalaran nila.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.