Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasiyam na Bahagi) Ikatlong Seksiyon

c. Kung Bakit Ayaw ng mga Anticristo na Maging mga Tagapagserbisyo

Ayaw ng mga anticristo na maging mga tagapagserbisyo at hindi nila matanggap na maging mga tagapagserbisyo. Iniisip nila na sa pagiging mga tagapagserbisyo, magdurusa sila ng matinding pang-iinsulto at diskriminasyon. Kung gayon, ano ba mismo ang gusto nila maging? Ano ang pakay nila nang magsimula silang manampalataya sa Diyos at dumating sa sambahayan ng Diyos? Handa ba silang maging isa sa mga tao ng Diyos, mga tagasunod ng Diyos? Handa ba silang maging isang taong pinerpekto? Masaya ba silang maging katulad ni Pedro at Job at matuwa na sa ganito? (Hindi.) May sinuman bang nagsasabi na masaya silang maging isa sa hinirang na mga tao ng Diyos sa kanyang pananalig sa Diyos, na sapat na iyon para sa kanya? May sinuman bang handa na maging laruan sa mga kamay ng Diyos? Wala, labis na hindi handa ang mga tao na maging ganito. Kapag dumating sa sambahayan ng Diyos ang sinuman, hinahangad nilang makakuha ng mga pakinabang, pagpapala, gantimpala, at ng isang korona. Habang tinatanggap nila ang paglalantad at paghatol ng mga salita ng Diyos, nalalaman nila na sa pagkikimkim ng mga gayong layunin sa kanilang pananalig sa Diyos, hindi nila mauunawaan ang katotohanan at hindi matatamo ang kaligtasan sa huli. Kaya, nagpapasya ang maraming tao na bitiwan muna ang kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, sa korona, at sa mga gantimpala, na bitiwan ang lahat ng pakinabang na ito at makinig muna sa kung ano ang sinasabi ng Diyos, kung ano ang Kanyang mga hinihingi sa tao, at kung ano ang gusto Niyang sabihin sa tao. Nakakaramdam ng lihim na kagalakan sa kanilang puso ang maraming taong nakikinig sa mga salita ng Diyos, sinasabi nila: “Inilalantad ng Diyos ang aming katiwalian, inilalantad Niya ang aming pangit na tunay na kulay, at inilalantad Niya ang diwa namin ng pagkontra sa Diyos at pagiging tutol sa katotohanan—katunayan ang lahat ng ito. Mabuti na lang at hindi ako nagmadaling iunat ang aking mga kamay para humingi sa Diyos ng magandang kapalaran, biyaya, at mga pagpapala; mabuti na lang at binitiwan ko muna ang mga bagay na ito. Kung hindi ko binitiwan ang mga bagay na ito, hindi ba’t magmumukha akong hangal? Ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay naglalantad sa kalikasan at diwa ng tao, kaya paano ko maiwawaksi ang mga bagay na iyon? Sinabi ng Diyos na dapat munang simulan ng mga tao ang paggawa ng kanilang tungkulin at makipagtulungan sila sa gawain sa loob ng plano ng pamamahala ng Diyos. Sa prosesong ito, kung ang mga tao ay makakapagsimulang tumahak sa landas ng pag-unawa at pagtanggap sa katotohanan, magkakaroon sila ng pag-asang makapagtamo ng kaligtasan at maaaring magkamit sila ng maraming pakinabang sa hinaharap.” Sa puntong ito, maraming tao ang huminto sa pag-iisip tungkol sa mga bagay na iyon. Ang kanilang magagandang kahilingan, ang kanilang pananabik at mga inaasam para sa hinaharap ay tila hindi na masyadong makatotohanan. Pakiramdam nila na, sa sandaling ito, mas makatotohanan, mas mahalaga, at mas kritikal kaysa sa mga kagustuhan at adhikaing iyon kung paano gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin, kung paano tugunan ang mga layunin ng Diyos, at kung paano unawain ang katotohanan at manindigan. Samakatwid, sa kritikal na yugtong ito, pinipili ng karamihan sa mga tao na gawin ang kanilang tungkulin, danasin ang gawain ng Diyos, kamtin ang katotohanan, ilaan ang kanilang oras at kabataan, at talikuran ang kanilang pamilya, ang kanilang trabaho, at ang kanilang mga makamundong kinabukasan para sa Diyos at para sa paggampan ng kanilang tungkulin, at iniiwan pa nga ng ilang tao ang kanilang buhay may-asawa para dito. Ang mga ganitong uri ng pagpapamalas, pag-uugali, at kilos ng mga tao ay walang duda na isang uri ng masunurin at mapagpasakop na saloobin tungo sa mga positibong bagay at sa lahat ng hinihingi na sinasabi ng Diyos, at ang mismong saloobing ito ang kinakailangang kondisyon na dapat taglayin ng mga tao para maunawaan nila ang katotohanan, maisagawa ang katotohanan, para makapagpasakop sila sa Diyos, at sa huli ay makamit nila ang kaligtasan. Ito ang iba’t ibang pagpapamalas at kaisipan na taglay ng bawat normal na tao bago siya dumating sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanyang tungkulin. Mula nang magsimulang manampalataya ang mga taong ito sa Diyos hanggang sa kasalukuyan, patuloy na nagbabago ang kanilang mga kaisipan at pananaw, at pati na rin ang kanilang saloobin sa katotohanan at sa Diyos ay sumasailalim sa palagiang pagbabago. Kasabay ng patuloy na pagkawasak ng mga dating pagnanais at ambisyong ito ng tao, unti-unti at aktibo na nilang binibitiwan at isinusuko ang mga ito. Ito ang mabuting ibinunga sa huli ng pagnanais ng mga tao na makipagtulungan at magpasakop sa Diyos. Isa itong positibo at mabuting pagpapamalas, at isa itong magandang resulta. Habang patuloy na umuusad ang mga tao, halos ganap nang nabitiwan ng mga tunay na naghahangad sa katotohanan ang kanilang pagnanais at intensyon na magkamit ng mga pagpapala, at kaya karamihan sa mga tao ay pangunahing hindi gaanong sensitibo o interesado sa iba’t ibang pangako ng Diyos sa tao noon. Ito ay dahil, kapag sinukat ayon sa katwiran ng isang normal na tao, kung hindi magawa ng isang tao ang kanyang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan at nabibigo siyang maunawaan ang katotohanan, mapapalampas niya ang kanyang pagkakataon na makamit ang lahat ng pagpapalang ipinangako ng Diyos at wala na siyang magiging kinalaman sa mga ito. Dapat maunawaan ng lahat ang pinakasimpleng lohikang ito. Siyempre, maraming tao na ngayon ang nakakaunawa sa gayong katunayan, at inaamin at tinatanggap din nila ito; ang mga anticristo lang ang hindi tumatanggap nito. Bakit hindi nila ito tinatanggap? Dahil mga anticristo sila. Hindi nila tinatanggap ang katunayang ito, at kaya, ano ang gusto nilang gawin? Kapag dumarating sila sa sambahayan ng Diyos, sinisiyasat nila ang mga salita ng Diyos at natatagpuan nila sa mga ito ang iba’t ibang titulo at katayuan tulad ng “persona ng Diyos,” “mga panganay na anak,” “mga anak ng Diyos,” “mga tao ng Diyos,” at “mga tagapagserbisyo,” at nagniningning ang kanilang mga mata. Mabilis na natutugunan ang kanilang mga pagnanais at ambisyon, at iniisip nila, “Masyadong ordinaryo ang maging isa sa mga anak ng diyos; karamihan sa mga tao ay mga anak ng diyos. Ang pagiging isa sa mga tao ng diyos ay nangangahulugan ng pagiging isang karaniwang tao, parte ng masa, isang ordinaryong tao lang na walang kapangyarihan o impluwensiya. At huwag mong isipin na gawin akong tagapagserbisyo. Hangga’t nabubuhay ako, wala akong magiging kinalaman sa pagiging tagapagserbisyo; ganap na wala itong kaugnayan sa akin.” Kaya, pinagtutuunan nila ang dalawang titulo—“persona ng Diyos” at “mga panganay na anak.” Sa kanilang mga kuru-kuro, naniniwala sila na ang “persona ng Diyos” ay ang Diyos Mismo, na ang “mga panganay na anak” ay ang mga panganay na anak ng Diyos, at na ang dalawang ito ay naghahatid ng kapangyarihan at impluwensiya, at kayang mamuno bilang mga hari sa sangkatauhan, kontrolin ang mga tao, kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos, magtaglay ng ganap na kapangyarihan, at magkaroon ng kapangyarihan na siyang maging tagapagdesisyon, ng kapangyarihan na maging lider, at ng kapangyarihan na manipulahin ang mga tao at magpasya kung mabubuhay o mamamatay ang mga tao—naniniwala sila na napakalaki ng mga kapangyarihang ito. Kaya imposible na gawin silang mga tagapagserbisyo. Kung sila ang papipiliin, pipiliin nilang maging mga panganay na anak o persona ng Diyos; kung hindi, titigil sila sa pananampalataya sa Diyos. Kapag gumagawa sila ng kanilang tungkulin o kumikilos bilang mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos, kumikilos, nagbabayad ng halaga, nagdurusa, at nagpaparoo’t parito sila sa paghahangad ng dalawang layong ito. Sa panahong ito, patuloy silang nagkakalkula kung gaano na kalayo ang narating nila habang nagpaparoo’t parito sila, kung ilang tao na ang nakamit nila sa pangangaral ng ebanghelyo, kung ilang tao ang gumagalang at tumitingala sa kanila, kung lumalapit ba sa iba o sa kanila ang mga kapatid na may mga problema kapag sila ang namumuno sa iglesia, at kung kaya ba nilang kontrolin at impluwensiyahan ang mga kaisipan at pananaw ng iba. Patuloy silang nagkakalkula, nagtitimbang, at nagmamasid sa mga bagay na ito, naglalayong matamo ang nais nila: ang mamuno bilang mga hari sa sambahayan ng Diyos. Normal na nakakagawa ng tungkulin ng isang nilikha ang karamihan sa mga tao pagkatapos nilang dumating sa sambahayan ng Diyos at makaunawa ng ilang katotohanan—ngunit hindi ang mga anticristo. Naniniwala sila na galing sila sa isang marangal na lahi, na parte sila ng isang marangal at espesyal na grupo, at na dapat silang tawaging dakila sa sambahayan ng Diyos; kung hindi, hindi sila mananampalataya sa Diyos. Kung mananampalataya man sila sa Diyos, dapat silang parangalan bilang dakila sa sambahayan ng Diyos at maging pinakanangunguna. Kasabay nito, kinakalkula at tinatantiya rin nila kung gaano na karami ang kanilang kredito sa talaan ng Diyos, at kung sapat na ba silang kalipikado na mamuno bilang mga hari kasama ang Diyos. Samakatwid, ang pinanggagalingan, pinagmumulan, at motibasyon ng ilang anticristo sa pagpunta sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin ay upang pumunta sa Kanyang sambahayan para mamuno bilang mga hari. Tiyak na ayaw nilang gawin ang kanilang tungkulin para lang maging mga ordinaryo at pinakahindi mahalagang tagasunod, at sa sandaling mapawi ang kanilang ambisyon at pagnanais, bigla silang nagiging mapanlaban at tumatanggi silang gawin ang kanilang tungkulin.

May ilang tao sa sambahayan ng Diyos ngayon na ilang taon nang gumagawa ng kanilang tungkulin, hindi maayos ang paggawa nila sa lahat ng bagay, at natitiwalag sila saanman nila ginagawa ang kanilang tungkulin. Dahil mayroon silang kahindik-hindik na pagkatao at mababang integridad, dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at mayroon silang malupit at buktot na disposisyon na tutol sa katotohanan, sa huli ay itinatakwil sila ng mga kapatid. Sa oras na makita nilang mauuwi na sa wala ang kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, at hindi na matutupad ang kanilang pangarap na makapamuno bilang hari at mamukod-tangi sa sambahayan ng Diyos, paano sila namumuhay sa kanilang pribadong buhay? Hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos, hindi sila nakikinig ng mga himno, hindi sila dumadalo sa mga pagtitipon, hindi nila pinapansin ang sambahayan ng Diyos kapag hiningi sa kanila na gumawa ng tungkulin, at kinakailangan pa silang tawagan, yayain, at paalalahanan ng mga kapatid kapag oras na ng pagdalo sa mga pagtitipon. Ang ilan sa kanila ay nag-aatubiling patuloy na dumalo sa mga pagtitipon, pero hindi sila nagsasalita habang nagtitipon, hindi sila nakikipagbahaginan, at nasusuklam sila sa lahat ng sinasabi ng iba at ayaw nilang marinig ito. Kapag nagdarasal ang mga kapatid, ipinipikit din nila ang kanilang mga mata, pero wala silang sinasabi—wala silang masabi sa Diyos. At ano ang ginagawa ng ibang tao sa panahon ng mga pagtitipon, kapag nakikinig ng mga sermon, o kapag nakikipagbahaginan ang mga kapatid tungkol sa katotohanan? Ang ilan ay natutulog, ang ilan ay tumitingin sa kanilang telepono at nagbabasa ng balita, ang ilan naman ay nakikipagdaldalan sa iba, at ang ilan ay naglalaro ng online games. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, iniisip nila na sa sambahayan ng Diyos, kung hindi sila magugustuhan ng iba, hindi mapapaboran ng iba, kung hindi sila mapapalibutan ng mga tagasuporta, at hindi sila maaatasan ng mahahalagang gampanin, kung gayon, hindi sila makakapamuno bilang mga hari kasama ang Diyos sa hinaharap, at kaya, para sa kanila ay hindi umiiral ang Diyos. Para sa kanila, ang pag-iral ng Diyos ay nakaugnay sa kung maaari ba silang makatanggap ng mga pagpapala o hindi. Hindi ba’t ganito umasal ang mga anticristo? Naniniwala sila na kung hindi sila hahayaan ng isang diyos na tumanggap ng mga pagpapala, hindi siya diyos at wala siyang katotohanan, at na tanging isang diyos na maaaring magpahintulot sa kanila na kumilos nang walang pakundangan, agawin ang kapangyarihan sa iglesia, at mamuno bilang mga hari sa hinaharap ang isang diyos. Ito ang lohika ni Satanas—binabaliktad nito ang tama at mali, at binabaluktot ang mga katunayan. Bilang mga mananampalataya sa Diyos, kaya hindi nila masundan ang mga yapak ng Diyos at ayaw nilang gawin ang kanilang tungkulin ay dahil tutol sila sa katotohanan, dahil sa kanilang puso, iginagalang lamang nila ang mga pilosopiya ni Satanas, ang kaalaman, kasikatan, pakinabang, at posisyon. Itinatatwa nila na ang Diyos ay katotohanan, hindi nila binibigyang-pansin ang gawain ng Diyos, at kaya, sa mga pagtitipon, tumitingin sila sa kanilang mga telepono, naglalaro, nagmemeryenda, at kaswal na nakikipagdaldalan—ginagawa nila ang anumang gusto nila at nasisiyahan pa rin sila sa kanilang sarili. Sa sandaling mawasak ang kanilang mga pag-aasam na pagpalain, wala na silang nakikitang kabuluhan sa pananalig sa Diyos, at kapag wala silang nakikitang kabuluhan sa pananalig sa Diyos, itinuturing nila ang iglesia—ang lugar kung saan nagtitipon ang mga kapatid—bilang isang palaruan, itinuturing nilang oras ng paglilibang ang oras ng pagtitipon, at para sa kanila, ang mga pagtitipon at pakikinig sa mga sermon ay nakakasakal, nakakabagot at nakakainip. Ano ang tingin nila sa mga sermon na pinakikinggan ng mga kapatid at sa katotohanan? Itinuturing nila ang mga ito bilang mga islogan, bilang walang batayang kalokohan, at nasasayangan sila sa oras na ginugol sa pakikipagtipon sa mga kapatid. Hindi ba’t nabunyag na ang mga taong ito? Dinadala nila ang kanilang mga ambisyon, mga pagnanais, at mga ilusyon sa kanilang pananalig sa Diyos, at senyales ito na tumutukoy na hindi nila magagawang sumunod sa landas hanggang sa huli, at na hindi sila karapat-dapat kahit sa pagseserbisyo para sa gawain ng Diyos at sa plano ng pamamahala ng Diyos. Hinahamak nila ang mga nakikinig sa sermon at ang mga kapatid na naghahangad sa katotohanan, at higit pa roon, itinatatwa nila ang gawain ng Diyos, ang pag-iral ng Diyos, at ang pag-iral ng katunayan ng gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos.

Kapag naiisip ng mga anticristo—ang mga taong iyon na tutol sa katotohanan—na walang idudulot na pakinabang sa kanila ang pananampalataya sa Diyos, nabubunyag ang kanilang malademonyong mukha. Sa bahay, naglalagay ng kolorete sa mukha ang ilang babaeng anticristo hanggang sa magmukha na silang mga multo. Nagsusuot sila ng anumang nauuso o kaakit-akit para sa kabilang kasarian, at may ilan pa nga na palihim na naglalaro ng mahjong, nagsusugal, at naninigarilyo—ang mga taong ito ay masyadong kakila-kilabot at kasuklam-suklam. Pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos nang nagpapanggap, at ano ang nangyayari sa huli? Hindi nila kayang mapanatili ito, hindi ba? Tanging ang katotohanan ang makapagbubunyag sa mga tao, at kung ang isang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, tutol sa katotohanan, at may malupit na disposisyon, kung gayon ay nakatadhana siyang maging mapanlaban sa katotohanan at hindi na niya magagawang magpatuloy. Kailangan pa bang itiwalag ng iglesia ang mga gayong tao? Kailangan pa ba silang kondenahin ng Diyos? Kailangan pa bang itakwil ng Diyos ang gayong tao? Hindi, hindi talaga sila pinapansin ng Diyos. Para sa Diyos, mga kulisap lang ang mga taong ito, hindi karapat-dapat kahit na maging mga tagapagserbisyo—sadyang hindi sila kalipikado. Kapag mayroon silang napakamapanghamak na saloobin tungkol sa mga pagtitipon, sa buhay iglesia, at sa kanilang tungkulin, ano ang pinatutunayan nito? Hindi sila binabantayan o pinoprotektahan ng Diyos, ni pinangungunahan ng Diyos. Hindi Siya nagsasagawa ng anumang gawain ng pagbibigay-liwanag, pagpapatnubay, o pagdidisiplina sa kanila, kaya’t namumuhay sila ng gayong masama at pangit na buhay. Ngunit iniisip nila mismo, “Hindi ako nananampalataya sa diyos; malaya ako. Kayong mga nananampalataya sa diyos, kailangan ninyong magdusa at magbayad ng halaga, talikuran ang inyong pamilya at propesyon, samantalang hindi ko kailangang magdusa ng kahit ano. Puwede akong magtamasa ng kaginhawaan sa bahay, magtamasa sa mga kasiyahan ng laman, at magsaya sa mga kaaliwan ng buhay.” Naniniwala sila na nakamit na nila ang kaligayahan at kalayaan. Pinapansin ba sila ng Diyos? (Hindi.) Bakit hindi? Para sa Diyos, ang mga taong ito ay mga kulisap, hindi mga tao, at hindi karapat-dapat sa Kanyang atensiyon. Kung hindi sila pinapansin ng Diyos, ililigtas pa ba Niya sila? Dahil hindi sila ililigtas ng Diyos, may kinalaman ba sa Diyos ang ginagawa nila? May kaugnayan ba ito sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos? Wala. Samakatwid, sa panlabas, mukha silang namumuhay nang labis na maginhawa, malaya, maluwag, at napakasaya araw-araw. Inisip mo ba na magandang bagay iyon? Isang sulyap lang sa kanilang isinasabuhay at sa landas na kanilang sinusundan, at malalaman mo nang ganap nang tapos na sila, na ayaw na ng Diyos sa kanila. Talagang mabaho ang mga kulisap na ito! Talagang hindi pinapansin ng Diyos ang mga gayong tao.

Ang mga taong nagpupunyagi sa abot ng kanilang makakaya na mamuno bilang mga hari at maging kapantay ng Diyos sa mundong darating, anuman ang kapaligiran at sitwasyon, ay mga mapagmatigas na elementong hindi na mababago, na kabilang sa mga anticristo. Ang mga gayong tao ay katulad ni Pablo; may mga tinik sa tagiliran nila, nagkikimkim sila ng mga pagdududa sa Diyos, nilalabanan at pinagbabantaan nila ang Diyos, at lubos silang nag-aatubili kapag gumagawa, gumugugol ng kanilang sarili, nagtitiis ng mga paghihirap, at nagbabayad ng halaga. Ginagawa nila ang mga bagay na ito para lang ipagpalit sa isang korona at para magawang mamuno bilang mga hari sa mundong darating. Hindi ba’t kahabag-habag pakinggan ang mga anticristo dahil sa buong prosesong ito? Sa totoo lang, hindi sila kahabag-habag. Bukod sa hindi sila kahabag-habag, medyo katawa-tawa rin sila. Pagkatapos sabihin ng Diyos ang napakaraming bagay, kung hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan, kalimutan mo na lang; paanong hindi nila maunawaan ang wika ng tao? Paanong hindi nila maintindihan ang gayon kasimpleng prinsipyo? Kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan, hindi mo makakamit ang pagbabago sa disposisyon o ang kaligtasan; at kahit pa nangako sa iyo ang Diyos, hindi mo iyon matatamo. Anumang ipinapangako ng Diyos sa tao ay may kondisyon; hindi Siya nangangako nang walang dahilan o mga kondisyon. May mga hinihingi ang Diyos sa tao, at hindi kailanman nagbabago ang mga hinihinging ito. Hindi lalabag ang Diyos sa katotohanan, at hindi rin Niya babaguhin ang Kanyang mga layunin. Kung naintindihan mo ang puntong ito, mapagmatigas ka pa rin bang kakapit sa iyong mga pagnanais at ambisyon? Tanging mga hangal at walang katwiran na tao ang mapagmatigas na kakapit sa mga ganitong bagay. Ang mga taong may normal na pagkamakatwiran at normal na pagkatao ay dapat bumitiw sa mga bagay na ito at maghangad sa nararapat nilang hangarin, tamuhin, at pasukin—dapat muna nilang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Pangalawa, ano pa ang dapat maunawaan ng mga taong may normal na pagkamakatwiran? May mga propesiya sa Bibliya na nagsasabing mamumuno tayo bilang mga hari kasama ang Diyos magpasawalang hanggan, at sa kasalukuyang gawain ng Diyos, binabanggit din Niya ang persona ng Diyos, mga panganay na anak, mga anak ng Diyos, mga tao ng Diyos, at iba pa, ikinaklasipika ang mga tao sa iba’t ibang antas at titulo. Dahil ipinangako ng Diyos ang mga bagay na ito sa tao, bakit hindi hangarin ng mga tao ang mga ito? Kung gayon, ano ang dapat na tamang pagkaarok at tamang pamamaraan? Kung itinuturing ng isang tao bilang mga layon na dapat hangarin ang pamumuno bilang hari at ang mga pangako ng Diyos, ito ba ang tamang landas? Tiyak na hindi; hindi ito positibo, masyado itong nahaluan ng sariling kagustuhan ng tao, at taliwas sa katotohanan ang landas na ito. May ilang tao na nagsasabi, “Dahil ipinangako Mo ito, bakit hindi Mo kami pahintulutang matamo ito? Dahil sinabi Mo ang lahat ng bagay na ito at ipinahayag ang mga ito nang hayagan sa buong sangkatauhan, bakit hindi Mo kami pahintulutang hangarin ito?” Nauugnay ito sa katotohanan; walang sinuman ang nakaunawa nito mula pa sa pinakasimula hanggang ngayon. Sa aling aspekto ng katotohanan ito nauugnay? Kailangan mo itong tingnan sa ganitong paraan: Nangako ang Diyos sa tao, at mula sa Diyos, nalaman ng tao ang ideya ng pamumuno bilang mga hari, pati na rin ang iba’t ibang titulo tulad ng “persona ng Diyos,” “mga panganay na anak,” “mga anak ng Diyos,” at iba pa. Gayumpaman, mga titulo lang ito. Tungkol sa kung anong titulo ang nauugnay sa kung sinong mga tao ay nakasalalay sa paghahangad at paggampan ng isang indibidwal. Anumang titulo ang ibinibigay sa iyo ng Lumikha, ganoon ka. Kung hindi ka Niya binibigyan ng titulo, wala ka lang; isang pangako lang ito mula sa Diyos, hindi isang bagay na may karapatan ang mga tao o na nararapat para sa kanila. Siyempre, ang pangakong ito ay isang layon na ninanais ng mga tao, pero ang layong ito ay hindi ang landas na dapat tahakin ng mga tao, at wala itong kinalaman sa landas na tinatahak ng mga tao. Sino ang may karapatan na magdesisyon sa usaping ito? (Ang Diyos.) Tama, kailangang maunawaan ito ng mga tao. Kung sasabihin ng Diyos na mayroon Siyang ibibigay sa iyo, mayroon ka ng bagay na iyon; kung sinasabi Niyang binabawi Niya ito mula sa iyo, wala kang tinataglay, wala kang anuman. Kung sasabihin mo na, “Hahangarin ko ito kahit na hindi ito ibigay sa akin ng Diyos, at kung ibibigay ito sa akin ng Diyos, siyempre ay tatanggapin ko ito bilang isang bagay na nararapat lang,” mali ito. Bakit mali ito? Lumalabag ito sa isang malaking kabawalan. Hindi mo kinikilala ang katunayan na ang Diyos ay palaging magiging Diyos at ang tao ay palaging magiging tao—ito ang dahilan kung bakit mali ito. May ilang tao na nagsasabi, “Ipinropesiya ito sa Bibliya. Sa maraming lugar, sinasabi sa Bibliya na mamumuno tayo bilang mga hari kasama ang Diyos magpasawalang hanggan. Bakit nasasabi ito ng Diyos pero hindi natin ito maaaring hangarin?” Ito ba ang katwirang dapat taglayin ng isang nilikha? Itinuturing mong mabuting bagay ang pangako ng Diyos sa mga tao na mamuno bilang mga hari at hinahangad mo ito, pero nagsalita na rin ang Diyos tungkol sa mga tagapagserbisyo—naghahangad ka ba na magserbisyo nang maayos para sa Diyos? Naghahangad ka ba na maging isang tagapagserbisyo na pasok sa pamantayan? Hinihingi rin ng Diyos sa mga tao na gawin ang kanilang tungkulin—hinihingi mo ba sa sarili mo na gawin nang maayos ang iyong tungkulin? Hinihingi rin ng Diyos na kumilos ang mga tao bilang mga nilikha, at ano ang ginagawa mo? Itinuturing mo ba na layon mo ang pagiging isang nilikhang pasok sa pamantayan at hahangarin mo ba ito? Ang sinabi ng Diyos na mamumuno ang mga tao bilang mga hari ay pangako Niya sa tao, at may pangunahing saligan at konteksto sa pangakong ito: Dapat kang maging isang mabuting nilikha, gawin mo nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha, iwaksi mo ang papel ng pagiging tagapagserbisyo, kamtin mo ang pagpapasakop sa Diyos at pagkatakot sa Lumikha. Sinabi ng Diyos na kapag nakamit ninyo ang lahat ng ito, magagawa ninyo nang mamuno bilang mga hari kasama ang Diyos magpakailanman—ito ang konteksto ng pagkasabi ng mga salitang ito. Walang katwiran ang mga tao. Sa sandaling marinig nila ito, iniisip nila, “Napakabuti na puwede tayong mamuno bilang mga hari kasama ang Diyos! Kailan mangyayari ito? Paano tayo mamumuno bilang mga hari? Paano tayo magiging kapantay ng Diyos? Sino ang mga paghaharian natin? Sino ang mga pamumunuan natin? Paano tayo maghahari? Paano tayo magiging mga hari?” Hindi ba’t walang katwiran ang mga tao? Bagama’t isa itong pangako ng Diyos sa tao, isang bagay na sinabi Niya para marinig ng tao, ipinapaalam sa mga tao na may ganitong kamangha-manghang bagay, dapat mo ring sukatin ang sarili mo—sino ka ba? May ganitong ideya ang Diyos at handa Siyang tulutan ang tao na mamuhay sa ganitong paraan kasama Niya, ngunit kalipikado ka bang makamit ito? Bakit hindi mo itanong sa Diyos, “Bago namin matamo ang pangakong ito, ano ang mga hinihingi Mo sa amin? Mayroon Ka bang kailangang ipagawa sa amin? Ano ang kailangan muna naming makamit bago namin matamo ang pangakong ito?” Hindi mo tinatanong ang mga bagay na ito, basta mo na lang itong hinihingi. Hindi ba’t kawalan ito ng katwiran? Walang ganitong uri ng katwiran ang tao. Kapag nakakakita ang mga tao ng isang kapaki-pakinabang na bagay, inaabot nila ito at sinusunggaban. Ang mga tao ay parang mga bandido; kung hindi mo ibibigay sa kanila ang gusto nila, magagalit sila, magiging mapanlaban, at magsisimulang mambatikos nang pasigaw. Hindi ba’t ganito ang mga tao? Ganito ang kababaan ng sangkatauhan.

Ang isang dahilan kung bakit walang katwiran ang tao ay na hindi pa rin nauunawaan ng mga tao ang katotohanan; wala itong kinalaman sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Ngunit kapag hindi ibinibigay sa kanila ang gusto nila, nagagalit sila, nagsasalita ng masama, namumuhi, at naghihiganti—ano ito? Ito ang paglitaw ng malademonyong mukha ni Satanas; ito ang kanilang mga satanikong tiwaling disposisyon. Kaya, ukol sa pangako ng Diyos sa sangkatauhan, ang ipinapamalas ng bawat tao sa harap ng Diyos ay hindi nakalulugod sa Kanya. Agad na iniaabot ng mga tao ang kanilang mga kamay, nagnanais, nang hindi alam ang kanilang lugar, agad na humihingi, at kapag hindi nila makuha ang kanilang hinihingi, nagninilay-nilay sila kung ano ang maaari nilang gamitin bilang kapalit nito. Tinatalikuran nila ang kanilang pamilya at propesyon, nagdurusa sila at nagbabayad ng halaga, nagpaparoo’t parito at gumugugol ng kanilang sarili, ipinangangaral nila ang ebanghelyo at nagkakamit sila ng mas maraming tao, nagtatrabaho sila nang higit pa, at ginagamit nila ang mga bagay na ito para ipagpalit sa gusto nila. Kung hindi nila maipagpalit ang mga bagay na ito para sa gusto nila, nagagalit sila nang labis, napupuno ng pagkamuhi ang puso nila, at nagiging tutol sila sa anumang may kinalaman sa pananalig sa Diyos. Kung pakiramdam nila ay maaari nilang ipagpalit ang mga bagay na ito para sa gusto nila, kung gayon ay araw-araw nilang pinananabikan na matapos na agad ang gawain ng Diyos, na mabilis na lipulin ng Diyos si Satanas, na mabilis na tapusin ang sangkatauhan, na mabilis na pababain ang mga kalamidad, kung hindi, pakiramdam nila ay hindi nila makakayang magtagal. Ano ang ibinubunyag ng bawat tao sa presensiya ng katotohanan? Ibinubunyag nila ang mga disposisyon tulad ng pagiging tutol sa katotohanan at pagiging malupit. Kung titingnan ito ngayon, ang kayabangan, panlilinlang, at paminsan-minsang pagiging matigas ng kalooban ng mga tao ay maaaring ituring na banayad at hindi gaanong malubha sa lahat ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan. Ang mga tiwaling disposisyon na higit na taglay ng sangkatauhan, na mas malubha at mas malalim, ay iyong kabuktutan, pagiging tutol sa katotohanan, at pagiging malupit—ito ang mga nakamamatay na elemento sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Siyempre, pagdating sa mga anticristo, mas lalong malubha ang mga disposisyong ito, at kapag ibinubunyag nila ang mga ito, hindi nila sineseryoso ang mga ito, hindi nila sinusuri ang mga ito, wala silang nararamdamang anumang pagkakautang sa Diyos, mas lalong hindi nila nararamdaman na mayroon talaga silang anumang problema; hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi nila kilala ang kanilang sarili, at lalong hindi posible para sa kanila na magsisi. Samakatwid, anuman ang sitwasyon, ang kapaligiran, o ang konteksto, itinuturing nila ang pamumuno bilang mga hari—ang pinakamatayog at pinakamagandang pangakong naibigkas ng Diyos—bilang kanilang layon na dapat nilang hangarin. Gaano ka man makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila bibitiwan ang paghahangad na ito, sa halip ay igigiit nilang sumunod sa kanilang sariling landas, at dahil dito, hindi sila maliligtas. Sobrang kakila-kilabot ng mga taong ito! Mula sa ibinubunyag ng mga taong ito, makikita mo mismo kung ano ang disposisyon at tunay na mukha ni Satanas. Napakaraming katotohanan na ang napagbahaginan, at iyong mga may katwiran, mga kayang tumanggap sa katotohanan, at may pagnanais na sumunod at magpasakop ay tunay na nakakaunawa kung ano mismo ang layunin ng Diyos. Hindi na sila masidhing naghahangad ng posisyon, kinabukasan, at tadhana, kundi, handa na silang magsisi sa ilalim ng paglalantad ng mga salitang ito ng Diyos, handang bitiwan ang kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, hangarin ang katotohanan, magpasakop sa Diyos, at palugurin ang Diyos, at magsikap na tamuhin ang kaligtasan. Kung titingnan ngayon ang mga panloob na pagnanais ng karamihan sa mga tao, nagkaroon ng pangunahing pagbabago ang mga layong hinahangad nila; handa na silang gawin ang kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, maging mga tunay na nilikha, at matamo ang kaligtasan. Hindi nila ginagawa ang kanilang tungkulin para magkamit ng mga pagpapala, at hindi nila iniraraos ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos alang-alang sa pagkamit ng mga pagpapala. Maliban sa mga anticristo, na palaging gustong mamuno bilang mga hari, karamihan sa mga tao ay handang hangarin ang katotohanan. Ang mga anticristo lang ang nagtuturing sa paghahangad ng kinabukasan, mga pagpapala, at pamumuno bilang mga hari bilang mga layon at bunga na dapat nilang makamit sa huli sa kanilang pananalig sa Diyos. Hindi sila bibitiw sa mga bagay na ito o magbabago ng landas kahit ano pa ang sabihin mo—hindi ba’t nasa malaking problema sila? Alam na alam nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, sadyang hindi lang nila ito tinatanggap, kaya walang makakapagpabago sa kanila; maaari lamang silang itiwalag at parusahan. Ito ang panghuling resulta ng pananampalataya ng mga anticristo sa Diyos.

Malinaw Ko na bang naibahagi ngayon ang usaping ito ng paghahangad ng mga tao na mamuno bilang mga hari? Nagkaroon ba kayo ng bagong pagkaarok? Tama ba ang landas na ito ng paghahangad na mamuno bilang hari? (Hindi.) Kung gayon, paano dapat harapin ng mga tao ang usaping ito? Sa usaping ito, anong katotohanan ang dapat maunawaan para makilala ang diwa ng tao? Ang Diyos na ang bahala sa paghatol kung ano ang tunay na diwa at pag-uugali ng isang tao. Saan ibinabatay ng Diyos ang Kanyang paghatol sa lahat ng ito? Ibinabatay Niya ito sa katotohanan. Kaya, ang kalalabasan o hantungan ng isang tao ay hindi itinatakda ng sarili niyang kalooban, ni hindi ng sarili niyang mga kagustuhan o imahinasyon. Ang Lumikha, ang Diyos, ang may huling salita. Paano dapat makipagtulungan ang mga tao sa usaping ito? May iisang landas lamang na maaaring piliin ang mga tao: Kung hinahanap nila ang katotohanan, nauunawaan ang katotohanan, sinusunod ang mga salita ng Diyos, kung nakakapagpasakop sila sa Diyos, at nagtatamo ng kaligtasan, saka lang sila magkakaroon sa huli ng magandang katapusan at magandang tadhana. Hindi mahirap isipin ang mga kinabukasan at tadhana ng mga tao kung gagawin nila ang kabaligtaran. Kaya sa bagay na ito, huwag tingnan kung ano ang ipinangako ng Diyos sa tao, kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa kalalabasan ng sangkatauhan, kung ano ang inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan. Walang kinalaman ang mga ito sa iyo, gawain ang mga ito ng Diyos, hindi matatamo ang mga ito sa pamamagitan ng pag-agaw, paghingi, o pakikipagpalitan para sa mga ito. Bilang isang nilikha, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong tuparin ang iyong tungkulin, gawin ang nararapat mong gawin nang buong puso, isip at lakas mo. Ang iba—mga bagay na may kinalaman sa mga kinabukasan at tadhana, at ang kahahantungan ng sangkatauhan sa hinaharap—ang mga ito ay hindi mga bagay na mapagpapasyahan mo, nasa mga kamay ng Diyos ang mga ito; ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, isinaayos Niya ito at walang kinalaman sa sinumang nilikha. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit ito sinasabi sa amin kung wala naman itong kinalaman sa amin?” Bagama’t walang kinalaman ito sa inyo, mayroon itong kinalaman sa Diyos. Ang Diyos lamang ang nakakaalam ng mga bagay na ito, ang Diyos lamang ang makapagsasalita ukol sa mga ito, at ang Diyos lamang ang may karapatang ipangako ang mga bagay na ito sa sangkatauhan. At kung nalalaman ng Diyos ang mga ito, hindi ba dapat magsalita ang Diyos tungkol sa mga ito? Isang pagkakamali na hangarin pa rin ang iyong mga kinabukasan at tadhana kapag hindi mo alam kung ano ang mga ito. Hindi hiningi ng Diyos sa iyo na hangarin ang mga ito, ipinapaalam lamang Niya sa iyo; kung nagkakamali ka ng paniniwalang sinasabi sa iyo ng Diyos na gawin itong layon ng iyong paghahangad, kung gayon, lubos kang walang katwiran, at hindi mo taglay ang isipan ng normal na pagkatao. Sapat nang may kabatiran sa lahat ng ipinapangako ng Diyos. Dapat mong kilalanin ang isang katotohanan: Anumang uri ng pangako ito, mabuti man ito o pangkaraniwan, isa man itong bagay na gusto ng mga tao o isang bagay na hindi sila masyadong interesado, lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos, at mga pagtatakda ng Lumikha. Ang pagsunod at paghahangad lamang ayon sa tamang direksiyon at landas na ipinakita ng Lumikha ang siyang tungkulin at obligasyon ng isang nilikha. Tungkol sa kung ano ang makakamit mo sa huli, at alin sa mga pangako ng Diyos ang may parte ka, nakabatay itong lahat sa iyong paghahangad, sa landas na iyong tinatahak, at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Malinaw na ba sa inyo ang mga salitang ito ngayon? (Oo.) At makatutulong ba ang mga salitang ito na matugunan ang inyong mga ambisyon at pagnanais, o makatutulong ba ang mga ito sa inyo na sumunod sa tamang landas sa buhay para sa paghahangad sa katotohanan? (Makatutulong sa amin ang mga ito na hangarin ang katotohanan at sundan ang tamang landas sa buhay.) Para sa mga nagtataglay ng normal na pagkatao at katwiran, na nagmamahal sa mga positibong bagay at sa katotohanan, bukod sa hindi sila nadidismaya kapag naririnig nila ang mga salitang ito, nagiging matatag din sila sa kanilang pananalig na hangarin ang katotohanan at tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; gayumpaman, ang mga walang normal na pagkamakatwiran, ang mga hindi normal na tao na mapagmatigas na naghahangad ng mga pagpapala, interes ng laman, at katugunan ng kanilang mga ambisyon at pagnanais, ay maaaring mawalan ng kasigasigan kapag narinig nila ang mga salitang ito, at mawalan ng interes sa pananampalataya sa Diyos. Siyempre, mayroon ding ilang tao na hindi alam kung paano manampalataya kapag narinig nila ang mga salitang ito. Hindi ba’t napakahalaga para sa mga tao na maunawaan ang katotohanan? Hindi ba’t mas naaakay ng katotohanan ang mga tao na sumunod sa tamang landas at palugurin ang Diyos? (Oo.) Tanging ang katotohanan ang makakapagbigay-daan sa mga tao na matamo ang kaligtasan; kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, madalas kang maliligaw, magkakamali, at magdurusa ng mga kawalan kapag nasa landas patungong kaligtasan, at kapag umabot ka na sa dulo ng landas sa iyong pananalig, hindi ka talaga magtataglay ng anumang katotohanang realidad at ikaw ay lubusang magiging isang tagapagserbisyo. Kung sa lahat ng taon ng pananampalataya mo sa Diyos ay ginagampanan mo ang papel ng isang tagapagserbisyo at hindi mo magawang maging isang nilikhang pasok sa pamantayan sa huli, kung gayon ay isa iyong trahedya.

Mayo 9, 2020