Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasiyam na Bahagi) Ikalawang Seksiyon

b. Ang mga Paraan Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang Titulong “Tagapagserbisyo”

Ang paksa sa pagbabahaginan ngayong araw ay ang paghihimay-himay sa saloobin ng mga anticristo patungkol sa titulong “tagapagserbisyo.” Ngayong natapos na tayong magbahaginan tungkol sa depinisyon ng titulong “tagapagserbisyo,” hindi ba’t may positibong pagkaunawa ang karamihan sa mga tao sa titulong ito? Nakakaramdam pa rin ba kayo ng paglaban o pag-ayaw sa titulong ito? (Hindi na.) Kung gayon, tingnan natin ngayon kung paano tinatrato ng mga anticristo ang titulong “tagapagserbisyo,” at kung ano ang saloobin nila patungkol dito. Ang mataas na posisyon, mataas na katanyagan, at ganap na kapangyarihan ang labis na pinahahalagahan ng mga anticristo. Pagdating sa mga labis na karaniwan, simple, at mabababang-antas na titulo, at ibang mga titulo na medyo nakakahiya para sa mga tao, nakakaramdam ng matinding paglaban at diskriminasyon ang mga anticristo sa puso nila, at partikular nila itong nararamdaman tungkol sa titulong “tagapagserbisyo.” Kahit gaano pa kamatiisin at kamapagpasensiya ang Diyos sa grupong ito ng mga tao na kilala bilang mga tagapagserbisyo, at kahit ano pa ang paliwanag at interpretasyon ng Diyos sa titulong “tagapagserbisyo,” minamaliit pa rin ng mga anticristo ang titulong ito sa kaibuturan ng kanilang puso. Iniisip nila na masyadong mababa ang titulong ito, at na kung sila mismo ay mga tagapagserbisyo, wala na silang mukhang maiharap sa iba. Iniisip nila na sa sandaling binigyan sila ng titulong ito, hinahamon at minamaliit ang kanilang integridad, pride, at reputasyon; bumabagsak ang kanilang halaga, at wala nang kabuluhan ang buhay. Samakatwid, hindi tatanggapin ng mga anticristo ang titulong “tagapagserbisyo” kahit ano ang mangyari. Kapag pinapapunta mo sila sa sambahayan ng Diyos at pinapagserbisyo para sa gawain ng Diyos, sasabihin nila: “Masyadong nakakapanghamak ang titulong ‘tagapagserbisyo,’ at hindi ako handang maging ganoon. Sa paghiling mo sa akin na maging tagapagserbisyo, iniinsulto mo ako. Hindi ako nanampalataya sa diyos para lang insultuhin mo ako—pumarito ako para makatanggap ng mga pagpapala. Kung hindi, bakit ko pa tinalikuran ang aking pamilya, iniwan ang aking trabaho, at isinuko ang aking mga makamundong kinabukasan? Hindi ako pumarito para maging tagapagserbisyo; hindi ako pumarito para magtrabaho para sa iyo at paglingkuran ka. Kung sasabihan mo akong maging isang tagapagserbisyo, mas pipiliin ko pang hindi na lang manampalataya!” Hindi ba’t ganito ang saloobin ng mga anticristo? May mga anticristo pa nga na nagsasabing: “Kung sasabihan mo akong maging tagapagserbisyo sa sambahayan ng diyos, ano pa ang silbi na manampalataya ako sa diyos? Ano pa ang kabuluhan nito?” Kaya, kapag nagsasagawa sila ng isang trabaho o tumatanggap ng isang atas o gampanin sa sambahayan ng Diyos, nais muna nilang alamin ang sumusunod: “Pagkatapos kong tanggapin ang trabahong ito, magiging lider ba ako ng iglesia o lider ng pangkat, o magiging isang alipores lang na nagseserbisyo at nagtatrabaho para sa iba?” Bago nila malaman ito, gumagawa muna sila pansamantala. Sa panahong ito, inoobserbahan nila ang mga salita at ekspresyon ng mga tao, nagmamasid at nakikinig nang mabuti, at nagtatanong ng impormasyon mula sa iba’t ibang mapagkukunan. Gusto nilang malaman kung pansamantala lang ba silang nagseserbisyo rito o kung maaari ba nilang gawin ang trabahong ito nang pangmatagalan, kung maaari ba silang linangin o kung ginagamit lang sila pansamantala para punan ang isang bakanteng posisyon. Kung ginagamit lang sila para punan ang isang bakanteng posisyon, at pinagseserbisyo para sa merito ng iba at para sa posisyon at kapangyarihan ng iba, tiyak na hindi nila ito gagawin. Wala silang pakialam kung kailangan ng sambahayan ng Diyos na gumawa sila ng isang tungkulin, o kung gaano kahalaga ang tungkuling ginagawa nila para sa gawain ng sambahayan ng Diyos—wala silang pakialam tungkol sa mga bagay na ito. Sa sandaling mapagtanto nila na nagseserbisyo sila rito nang walang kapangyarihan na masunod at magdesisyon, nagiging pabasta-basta sila sa kanilang mga kilos, pinababayaan nila ang kanilang tungkulin, kumikilos sila nang walang ingat, nagiging awtokratiko rin sila at kaya pa nga nilang talikuran ang kanilang tungkulin at umalis anumang sandali; tinatrato nila na parang laro ng mga bata ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang kanilang sariling tungkulin. Mayroon silang kasabihan sa buhay na ganito: “Hindi ako magpapakapagod nang hindi nalalaman ng iba samantalang napupunta sa iba ang atensiyon.” Iniisip nila, “Ipinanganak ako na maging lider. Ipinanganak ako na may kapangyarihan na masunod at magdesisyon. Kung mawawala sa akin ang dalawang bagay na iyon, ano pa ang silbi ng mabuhay? Ano pa ba ang magiging kabuluhan ng pananampalataya sa diyos? Bakit ako nananampalataya sa diyos? Hindi ba’t binitiwan ko ang maliliit na pakinabang para makatanggap ako ng mas malalaking pagpapala? Kung hindi matutupad ang pagnanais na ito, walang duda na mas pipiliin ko na lang na sumunod sa makamundong kalakaran at mapunta sa impiyerno!” Ano ang salawikain ng mga anticristo? “Hinding-hindi ko hahayaang samantalahin ako ng sinuman para umangat sila; ako ang nananamantala sa iba. Kung ginagantimpalaan ang mga tao batay sa kanilang mga kontribusyon, dapat ako ang nasa tuktok ng listahan. Saka lang ako magtatrabaho nang masigasig at ibubuhos ang lahat ng makakaya ko, kung hindi, kalimutan mo na lang na gagawin ko ito. Kung hihilingin mo sa akin na magsikap nang husto, na bigyan ka ng payo, at gumawa nang buong puso’t kaluluwa, pero sa huli, kapag dumating ang oras na gagantimpalaan ang mga tao batay sa kanilang mga kontribusyon, at wala akong natanggap, huwag mo nang hilingin sa akin na gumawa para sa inyo, magsumikap para sa inyo, at magserbisyo sa inyo!” Hindi ba’t ang mga ito ang mga tunay na pagbubunyag at pagpapamalas ng disposisyon ng mga anticristo? Kahit na hindi nila sinasadyang subukang iwaksi ang titulong “tagapagserbisyo,” kung ang kanilang disposisyong diwa ang pag-uusapan, palagi nila itong iwinawaksi at palagi silang nakikibaka, nagsisikap, at nagpupumilit na mawala sa kanila ang titulong ito. Kung, kapag isinasagawa ng isang anticristo ang ilang gawain, ay nagkaroon sila ng pagkakataong mamukod-tangi at maging bida, o kung sila ang mayroong huling salita at sila ang nagdedesisyon, nagiging lider, may posisyon, impluwensiya, at katanyagan, at may mga tao silang nasasakupan, labis silang nasisiyahan. Kung isang araw ay may isang taong naglalantad ng problema nila at nagpupungos sa kanila, na nagsasabing, “Maraming bagay ang hindi mo pinangangasiwaan ayon sa mga prinsipyo, sa halip ay ayon sa anumang paraang gusto mo. Ito ang pag-uugali ng isang taong nagseserbisyo lamang; hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin,” matatanggap ba iyon ng anticristo? (Hindi.) Una, sasabihin nilang wala silang kasalanan, magpapaliwanag sila, at ipagtatanggol nila ang kanilang sarili, at pangalawa, agad silang makakaramdam ng pagtutol at paglaban sa mga salitang “pagseserbisyo,” at tiyak na hindi nila ito tatanggapin. Sasabihin nila, “Nagbayad ako ng napakalaking halaga at labis na nagdusa. Maaga akong nagsisimulang magtrabaho at gabing-gabi nang natatapos, hindi ako nakakatulog nang sapat at nakakalimot akong kumain, pero sinasabi mo pa rin na nagseserbisyo lang ako? Mayroon ba talagang mga taong nagseserbisyo nang ganito? Nagbayad ako ng napakalaking halaga at ang tanging nakukuha ko ay ang titulong ito, ang depinisyong ito na ‘tagapagserbisyo.’ Ano pa ba ang aasahan ko? Ano pa ang kabuluhan ng pananampalataya sa diyos? Ano pa ang motibasyon doon? Mas mabuti pang huwag nang manampalataya sa ganitong uri ng diyos!” Nawawala ang kanilang kasigasigan. Pagkatapos mapungusan, bukod sa ayaw itong tanggapin ng mga anticristo, nakakaramdam din sila ng paglaban at pagtutol, at higit pa rito, nagkakaroon sila ng mga maling pagkaunawa. Kapag nagtatrabaho sila at ginagawa nila ang kanilang tungkulin pagkatapos niyon, nagbago ang kanilang saloobin, at iniisip nila, “Tagapagserbisyo ako ngayon kahit ano pa ang gawin ko, kaya, kapag ginagawa ko ang trabahong ito, mas mabuting magpigil ako, bumuo ng alternatibong plano, at huwag ibigay rito ang lahat ng mayroon ako. Sinasabi ng lahat na matuwid ang diyos, pero bakit hindi ko ito makita? Paanong matuwid ang diyos? Dahil isa akong tagapagserbisyo anuman ang gawin ko, kung gayon, mula ngayon, babaguhin ko na ang paraan ng pananampalataya ko sa diyos; magseserbisyo na lang ako, at tingnan natin kung sino ang takot kanino. Dahil hindi naman ako pupurihin o sasang-ayunan sa kahit anong gawin ko, kung gayon, bahala na, babaguhin ko na lang ang pamumuhay ko at ang paraan ng paggawa ko sa mga bagay-bagay. Gagawin ko ang anumang ipapagawa mo sa akin, at hindi ako magsasalita kung mayroon akong anumang ideya—magsalita ang sinumang may gusto. Kung may magpupungos sa akin, sa panlabas ay magpapanggap akong sumasang-ayon sa kanya, at kapag may nagkakamali sa trabaho, wala akong anumang sasabihin kahit na napapansin ko ito. Kung may isang taong kumikilos nang walang pagkaunawa sa mga prinsipyo, hindi ko sasabihin sa kanya ang mga prinsipyo kahit na nauunawaan ko ang mga ito. Papanoorin ko lang siya na kumilos na parang isang hangal, hahayaan ko siyang magkamali para mapungusan siya kagaya ko, at titingnan ko kung makakayanan ba niya ang pakiramdam na mailarawan bilang isang tagapagserbisyo. Dahil pinahihirapan ninyo ako, pahihirapan ko rin kayo at hindi ko rin gagawing madali para sa inyo ang mga bagay-bagay!” Nakakaramdam na sila ng matitinding emosyon at paglaban sa simpleng pagpupungos at pagdidisiplina lang sa kanila—saloobin ba ito ng pagtanggap sa katotohanan? (Hindi.) Ano ang masama sa pagseserbisyo? Masama bang magserbisyo para sa Diyos? Nakakapinsala ba sa iyong dignidad ang pagseserbisyo para sa Diyos? Hindi ba karapat-dapat ang Diyos na mapagserbisyuhan mo? Kung gayon, ano ang karapat-dapat sa iyo para sa paggawa ng Diyos? Bakit masyado kang sensitibo at lumalaban sa mga salitang ito? Nagpakumbaba ang Lumikha para maging isang tao na namumuhay sa gitna ng mga tao at nagseserbisyo Siya sa bawat tiwaling tao, mga taong kumokontra at nagtatakwil sa Kanya. Kung gayon, bakit hindi makapagserbisyo nang kaunti ang mga tao alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Ano ang mali sa paggawa nito? Mayroon bang kawalang-dangal dito? Mayroon bang kahiya-hiya tungkol dito? Kumpara sa kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, habang-buhay na mananatiling kasuklam-suklam at pangit ang mga tao. Hindi ba’t ganoon nga iyon?

Maaaring pansamantala lamang na sumasama ang loob ng mga tiwaling tao na naghahangad sa katotohanan kapag naririnig nila ang titulong “tagapagserbisyo,” ngunit maaari itong maging isang motibasyon na magtutulak sa kanila na hangarin ang katotohanan para makapagpasakop sa Diyos; hindi sila masyadong sensitibo sa titulong ito na ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Ngunit hindi ganito ang kaso sa mga anticristo. Palagi silang labis na nagbubusisi sa mga titulong ibinibigay ng Diyos sa mga tao at dinidibdib nila ang mga ito. Madaling nalalabag ng isang pariralang sinabi ng Diyos ang kanilang mga interes at napipinsala sila rito, at kapag lumalabag sa kanilang intensiyon at pagnanais na makatanggap ng mga pagpapala ang sinasabi ng Diyos, nasasaktan ang kanilang pagpapahalaga sa sarili. Sa sandaling masaktan ang kanilang pagpapahalaga sa sarili at ang kanilang dignidad, hinuhusgahan, itinatakwil, at ipinagkakanulo nila ang Diyos; nais nilang iwan ang Diyos, ayaw nilang patuloy na gawin ang kanilang tungkulin, kasabay nito, sinusumpa nila ang Diyos sa pagiging hindi matuwid at hindi pakikisimpatya sa mga tao. Sinasabi pa nga ng ilang tao na napakahirap palugurin ng Diyos, at na wala na silang ginawang tama. Pawang nagmumula sa mga anticristo ang mga salita, sentimyento, at disposisyong ito. Bukod sa ganap na wala silang saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, binubusisi rin nila ang iba’t ibang bagay na sinasabi ng Diyos, at pabaya sila at walang pakialam sa iba’t ibang hinihingi ng Diyos. Palagi nilang nilalabanan ang titulong ito na “tagapagserbisyo” at wala silang intensiyon na tanggapin ito o magpasakop, at lalong wala silang intensiyon na unawain ang layunin ng Diyos. Ang ginagawa lang nila ay patuloy na maghangad na iwaksi ang katawagan at pagkakakilanlang ito, ang katayuan at posisyong ito bilang “tagapagserbisyo,” at hindi man lang nila hinahanap kung paano makipagtulungan sa Diyos para matugunan ang layunin ng Diyos, o kung paano magkamit ng pagbabago sa disposisyon, makapasok sa katotohanang realidad at magpasakop sa Diyos. Hindi nila hinahangad ang mga positibong bagay na ito kahit kaunti, at maging kapag inilantad sila bilang mga tagapagserbisyo, biglang sumasabog ang kanilang galit at init ng ulo. Gaano ito kalubha? Lihim na sinusumpa ng ilang anticristo ang Diyos sa mga pampublikong lugar habang malakas Siyang sinusumpa sa likod ng mga nakasarang pintuan, sinasabing, “Hindi matuwid ang diyos. Mas mabuti pang hindi na ako manampalataya sa ganitong uri ng diyos!” Hayagan nilang pinoprotesta at kinokontra ang Diyos. Sa pamamagitan lang ng salitang “tagapagserbisyo,” nabubunyag na ang diwa ng mga anticristo na kumokontra sa Diyos at tutol sa katotohanan. Tuluyang nahuhubad ang maskara ng kanilang buktot na mukha sa harap ng salitang “tagapagserbisyo,” at ganap na silang nalalantad. Ano mismo ang nalalantad? Iyon ay na hindi sila nananampalataya sa Diyos para tanggapin ang Kanyang pagliligtas o tanggapin ang katotohanan, ni hindi sila nananampalataya sa Diyos dahil ang Diyos ang katotohanan o dahil Siya ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay. Sa halip, nananampalataya sila sa Diyos dahil may gusto silang makuha mula sa Kanya. Pinipilit nila ang kanilang sarili na pumunta sa sambahayan ng Diyos alang-alang sa kanilang mga ambisyon at pagnanais. Walang saysay silang nagtatangkang mamukod-tangi sa karamihan at tumanggap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng kanilang sariling mga paraan, pagsisikap, paggawa nang husto, at pakikibaka, o, higit pa rito, marahil ay nagtatangka silang makatanggap ng mas malaking gantimpala sa kanilang kabilang buhay. Samakatwid, sa paningin nila, ang salitang “tagapagserbisyo” ay isang nakakababang bagay at isang mapanghamak na termino magpakailanman, isang bagay na hindi nila kailanman matatanggap. Iniisip ng ilang kapatid, “Isang pagpapala para sa atin na magserbisyo sa Diyos. Mabuting bagay ito, isang marangal na bagay.” Gayumpaman, hindi kailanman tinatanggap ng mga anticristo ang katunayang ito, at sinasabi nila, “Isang pagpapala para sa atin na magserbisyo sa diyos? Anong klaseng salita iyan? Kalokohan! Nasaan ang pagpapala sa paggawa niyon? Nasaan ang kasiyahan? Ano ang mapapala sa pagseserbisyo sa diyos? Makakakuha ka ba ng pera, ginto, o kayamanan mula sa pagseserbisyo? O makakakuha ka ba ng bahay at sasakyan? Matitiwalag ang lahat ng nagseserbisyo; mayroon bang mga tagapagserbisyo na mabubuting tao? Walang taong nagseserbisyo ang makapagtatamo kailanman ng anumang bagay.” Hindi nila tinatanggap ang katunayang ibinahagi ng mga kapatid na “ang pagseserbisyo sa Diyos ay isang pagpapala sa sangkatauhan,” at nakakaramdam sila ng paglaban at pagkasuklam dito; mas gugustuhin pa nilang makinig sa ibang bagay.

Ang mga anticristo ay kayang gumugol ng kanilang sarili, magsilbi, at magsalin ng inumin para sa kahit sinong opisyal o taong may posisyon at katanyagan sa mundo, at sasang-ayon pa nga sila na magserbisyo para sa mga taong ito at magiging mas buo ang kanilang loob na gawin ito. Kapag nagseserbisyo na sila sa Diyos, saka lang sila umaayaw at nag-aatubili, puno ng reklamo, paglaban, at mga damdamin. Anong klaseng mga nilalang ang mga taong ito? Ganito ba ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang tagasunod ng Diyos? Malinaw na mga pagpapamalas ang mga ito ng diwa ng mga anticristo. Kung pupunta sa mundo ang isang anticristo para magserbisyo sa isang alkalde, gobernador, o sa kahit sinong tanyag na politiko, iisipin nila na isa itong bagay na naghatid ng kaluwalhatian sa kanilang mga ninuno at ipinagmamalaki ng kanilang pamilya. Magiging lubos silang masaya; para silang nakalutang sa alapaap. Kung may magtatanong sa kanila kung ano ang kanilang trabaho, sasabihin nila, “Nagseserbisyo ako sa alkalde. Ako ang malapit na tauhan ng alkalde, ang kanyang personal na guwardiya!” O sasabihin nila, “Inaasikaso ko ang pang-araw-araw na pangangailangan ng presidente!” Sasabihin nila ito nang may buong pagmamalaki. Iisipin nilang isa itong napakagandang trabaho, at na makikisalo ang kanilang buong pamilya sa kaluwalhatian nito. Mananaginip sila sa gabi at magigising nang masaya, at hindi nila itatago ang kanilang ginawa kahit saan sila magpunta. Bakit ganoon? Hindi nila makikitang kahiya-hiya ang kanilang trabaho; sa halip, mararamdaman nila na marangal ito, isang trabahong naglalagay sa kanila sa mataas na ranggo kaysa sa iba, isang trabahong nagbibigay sa kanila ng magandang imahe. Gayumpaman, pagkatapos manampalataya sa Diyos ang isang taong gaya nito, kung pinagseserbisyo siya sa Diyos, ayaw niyang gawin ito, nakakaramdam siya ng paglaban at nagrereklamo at sinusumpa pa nga ang Diyos, at kaya rin niyang ipagkanulo at itatwa ang Diyos. Kung ihahambing ang dalawang bagay na ito, makikita natin na ang mga anticristo ay talagang mga anticristo, na parte sila ng grupo ni Satanas. Paano man nila paglingkuran si Satanas, at gaano man kadumi, nakakapagod, o nakakababa ang trabahong iyon, itinuturing nila itong isang karangalan. Subalit, kapag gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Diyos sa Kanyang sambahayan, gaano man kamakabuluhan, kahalaga, o kamarangal ang mga bagay na ginagawa nila, o gaano man sila itinataas dahil sa paggawa ng mga ito, palagi nilang itinuturing na ito ay isang maliit na usapin. Gaano man kalaking pagpapala ito at gaano man kalaking karangalan ito na makapagserbisyo sa Diyos at sa gawain ng Diyos, at gaano man kahalagang oportunidad ito para sa sangkatauhan, sadyang hindi nila magawang maging masaya tungkol dito. Bakit ganito? Isa lamang ang dahilan: Parte ng grupo ni Satanas ang mga anticristo—sila ay kay Satanas at mga buhay na Satanas, likas na antagonistiko sa Diyos. Kung hinihiling sa kanila na maglingkod sa Diyos at magserbisyo para sa Diyos, sadyang hindi nila kayang maging masaya tungkol dito. Paano man magbahagi ang sambahayan ng Diyos sa mga tao tungkol sa katotohanan o subukang ipaunawa sa mga tao ang layunin ng Diyos patungkol sa titulong “tagapagserbisyo,” hindi ito kayang tanggapin ng mga anticristo mula sa Diyos o tanggapin ang alinman sa mga katotohanang may kaugnayan dito, lalo na ang tanggapin ang katunayan o ang katotohanan na ang isang nilikhang nagseserbisyo para sa Lumikha ay marangal, mahalaga, at makabuluhan—ito ang saloobing kinikimkim ng mga anticristo tungkol sa titulong “tagapagserbisyo.” Nahaharap sa titulong ito, at nahaharap sa katunayan na nagseserbisyo sa Diyos ang mga tao, ang tanging ginawa ng mga anticristo ay pagsumikapang alisin ang titulong ito at iwasan ang katunayang ito, sa halip na tanggapin ang katunayan, tanggapin ang titulong ito na “tagapagserbisyo” mula sa Diyos, at pagkatapos ay hangarin ang katotohanan, pakinggan ang mga salita ng Diyos, at magpasakop at matakot sa Diyos. Batay sa mga pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo patungkol sa titulong “tagapagserbisyo,” kailangang banggitin na kauri ni Satanas ang mga anticristo, na parte sila ng mga mapanlaban na puwersa ni Satanas, at na antagonistiko sila sa Diyos, sa katotohanan, at sa lahat ng positibong bagay.

Ang saloobing kinikimkim ng mga anticristo patungkol sa titulong “tagapagserbisyo” ay hindi pagtanggap, paglaban, pagkapoot, at pagkasuklam. Kanino man nagmula ang titulong ito, palagi silang nakakaramdam ng paglaban dito at hindi nila ito tinatanggap, naniniwala sila na mababa ang pagiging tagapagserbisyo, at na palagi itong mababa kahit sino pa ang kanilang pinagseserbisyuhan. Iniisip nila na ang “tagapagserbisyo” ay hindi isang depinisyon na ibinibigay ng Diyos sa tao batay sa diwa ng tao, kundi isang hamon at pagpapakita ng paghamak sa pagkakakilanlan at halaga ng tao—ito ang pangunahing pananaw ng mga anticristo sa titulong “tagapagserbisyo.” Mula sa saloobin ng mga anticristo patungkol sa mga salita ng Diyos, makikita natin na hindi nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang pamantayan o bilang ang katotohanan, kundi bilang mga bagay na dapat nilang siyasatin at suriin. Ibig sabihin, hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos batay sa pagkaarok sa katotohanan o pagtanggap na ang Diyos ang Lumikha, bagkus ay hinaharap nila ang mga salita ng Diyos nang may intensiyon na magsiyasat, lumaban, at kumontra. Para sa kanila, ang bawat salitang sinasabi ng Diyos at ang bawat kasabihang binibigkas Niya ay isang bagay na dapat siyasatin, at kasama na rito ang titulong “tagapagserbisyo.” Nagsisikap sila sa pagsisiyasat at pagninilay-nilay sa salitang “tagapagserbisyo,” at nakikita nila sa mga salita ng Diyos na hindi itinuturing ng Diyos na mabuti ang mga tagapagserbisyo, kundi bilang aba, mas mababa, walang halaga, bilang mga taong hindi mahal ng Diyos, at mga taong kinasusuklaman ng Diyos. Kahit na ito ang saloobin ng Diyos patungkol sa titulong “tagapagserbisyo,” may konteksto at katwiran kung bakit may ganito Siyang saloobin—batay ito sa diwa ng tao. May isa pa ring katunayan na hindi pa nila nakikita: Gaano man kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, hindi kailanman sumuko ang Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan, at hindi rin Niya itinigil ang gawain ng Kanyang plano ng pamamahala na iligtas ang sangkatauhan. Hindi pinaniniwalaan ng mga anticristo ang katunayang ito, hindi rin nila ito kinikilala o nakikita. Nakatuon lamang sila sa kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa mga kalalabasan ng iba’t ibang uri ng tao, at partikular na tungkol sa titulong “tagapagserbisyo,” mayroon silang lubhang sensitibong saloobin. Ayaw nilang maging mga tagapagserbisyo, at ayaw nilang matukoy ng Diyos bilang mga tagapagserbisyo, at lalong ayaw nilang magserbisyo sa Diyos nang dala-dala ang titulong “tagapagserbisyo.” Kaya naman, kapag pumasok ang mga anticristo sa sambahayan ng Diyos, nag-uusisa sila sa maraming iba’t ibang grupo, nagtatanong kung sila ba mismo ay mga tagapagserbisyo, at mula sa mga salita ng Diyos at sa mga sinasabi ng mga tao tungkol sa kanila, gusto nilang makarinig ng matatapat na salita at alamin ang katotohanan ng usapin—mga tagapagserbisyo ba sila o hindi? Kung oo, agad-agad silang lumilisan; hindi sila nagseserbisyo para sa Diyos o sa sambahayan ng Diyos. Matindi ang kanilang reaksiyon laban sa titulong “tagapagserbisyo,” at nagiging malinaw na, para sa mga anticristo, ang pagkakakilanlan, posisyon, mga kinabukasan, tadhana, at hantungan ay mga aytem na dapat palagiang hangarin at mga interes na hindi kailanman aabandonahin. Para sa mga anticristo, ang mga tagapagserbisyo ang pinakamababa sa gitna ng sangkatauhan gaya ng pagtukoy ng Diyos. Kahit ano pa ang sabihin mo o gaano man karaming tao ang tumatanggap sa katunayang ito at sa titulong ito, tiyak na hindi ito tatanggapin ng mga anticristo. Kapag gumagawa ng trabaho, hinihingi lamang nila na pagserbisyuhan, pakinggan, sundin, at pagtuunan sila ng iba, at hindi nila kailanman hinihingi sa kanilang sarili na makipagtulungan o makipagtalakayan sa iba, o na tanungin ang opinyon ng iba, konsultahin ang mga layunin ng Diyos, o hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Iniisip nila, “Kung makikipagtulungan ako at makikipagtalakayan sa iba at kung hahanapin ko ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa ko ang mga bagay-bagay, kung gayon ay ibinababa ko ang sarili ko at nawawalan ako ng awtonomiya, at hindi ba’t magiging pagseserbisyo na iyon? Hindi ba’t nagpapakapagod lang ako nang hindi nalalaman ng iba samantalang napupunta sa iba ang atensiyon? Hindi ba’t mag-aasikaso at magseserbisyo ako sa iba?” Ito ang bagay na talagang ayaw nilang gawin. Iginigiit lang nila sa iba na asikasuhin sila, magpasailalim sa kanila, pakinggan sila, pahalagahan sila, labis silang purihin, pagmukhain silang mabuti sa lahat ng bagay, bigyan sila ng puwang, pagserbisyuhan sila, at magtrabaho para sa kanila, at iginigiit pa nga nila na bigyan sila ng Diyos ng mga naaangkop na gantimpala at nababagay na korona alinsunod sa kanilang nagawa. Kahit na banggitin ng sinuman kung gaano kalaki ang halagang ibinayad ng Diyos at kung gaano Siya nagdusa para sa kaligtasan ng sangkatauhan, kung paano Siya nagpakumbaba, at kung gaano karami ang naitustos Niya para sa sangkatauhan, kapag naririnig ng mga anticristo ang mga salitang ito at kapag nakikita nila ang mga katunayang ito, nananatili silang walang pakialam at normal lang ang mga ito para sa kanila. Paano binibigyang-kahulugan ng mga anticristo ang mga gayong bagay? Sinasabi nila: “Dapat gawin ng diyos ang lahat para sa tao at dapat niyang ipagkaloob sa tao ang pinakamainam, ipagkaloob ang mga pagpapala at biyaya, at ipagkaloob ang kapayapaan at kagalakan sa tao. Dapat niyang ialay ang lahat ng ito sa tao; obligasyon niya ito. At kapag tinatalikuran ng mga tao ang mga bagay-bagay, iginugugol ang kanilang sarili, at kapag nagbabayad sila ng halaga para sa diyos, kapag iniaalay nila ang lahat para sa diyos, dapat silang makakuha ng mga gantimpala mula sa diyos at makatanggap ng mas mainam na bagay. Hindi ba’t patas na transaksiyon iyon? Isang magkatumbas na kalakalan? Ano pa ba ang dapat pag-usapan dito? Anong merito mayroon ang diyos? Bakit wala pa akong nakitang anumang merito ng diyos? Nagkakaloob ang diyos ng mga bagay-bagay sa tao, kaya, hindi ba’t natural lang na karapat-dapat ang tao na matanggap ang mga ito? Nagbayad ng halaga ang mga tao!” Hindi sila naniniwala na ang lahat ng bagay na ito na ginagawa ng Diyos para sa tao ay ang pinakamalaking biyaya para sa tao; hindi sila mapagpasalamat at hindi sila nag-iisip na suklian ang Diyos. Sa halip, nais nilang ipagpalit ang halagang ibinayad nila para sa magandang hantungan na ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan, at likas silang naniniwala na nararapat lang para sa kanila na magnais ng mga pagpapala at magkimkim ng lahat ng intensiyong ito, kaya, sa kahit anong paraan man ito tingnan ng isang tao, hindi dapat gawin ng Diyos na mga tagapagserbisyo Niya ang mga tao. Naniniwala sila na may dignidad at integridad ang mga tao, at kung ang mga taong may gayong dakilang pagmamahal at kayang magkawanggawa, gumugol ng kanilang sarili, at tumalikod sa mga bagay-bagay ay pinagseserbisyo para sa Diyos, kung gayon, lubha silang ipinapahiya at tinatrato nang hindi makatarungan. Para sa mga anticristo, hindi karapat-dapat na banggitin ang lahat ng bagay na ito na ginagawa ng Diyos. Sa halip, walang katapusan nilang pinalalaki ang mga bagay na sila mismo ang gumagawa, kahit maliit lang ito na bagay, at itinuturing nila ang mga bagay na ito bilang kapital para makatanggap sila ng mga pagpapala.

Hindi kailanman gumagawa nang maayos ang ilang tao kapag ginagawa ang kanilang tungkulin sa iglesia. Kung hindi tatanggapin ng mga kapatid ang mga bagay na ginagawa nila, ang mga kasanayan at talentong ibinabahagi nila, o ang mga ideya at mungkahing iniaalok nila, tatanggi silang patuloy na gumawa at gugustuhin nilang bitiwan ang kanilang tungkulin at lumayo—gugustuhin nilang talikuran ang Diyos. Kung hihilingin mo sa kanila na makipagtulungan sa isang tao, hindi nila gagawin ito, at kung hihilingin mo sa kanila na gawin ang lahat ng kanilang makakaya sa paggawa ng kanilang tungkulin, hindi rin nila iyon gagawin. Magiging kaliwa’t kanan lang ang pag-uutos nila, uutusan nila ang iba na makinig sa kanila, asikasuhin sila, maging tagapagserbisyo nila, at maglingkod sa kanila imbes na gawin ang sariling tungkulin ng mga ito sa sambahayan ng Diyos. At kung hindi nila nakukuha ang ganitong uri ng pagtrato, o kung mawala ang ganitong pagtrato sa kanila, itong pagtrato na pinaglilingkuran sila ng iba, nagtatrabaho ang iba para sa kanila, at sumusunod sa kanilang mga utos, gusto na nilang magbitiw at lumayo; naniniwala silang hindi matuwid ang Diyos, puno ng reklamo at galit sa Diyos ang kanilang puso at nagkakaroon sila ng pagkamuhi sa mga kapatid, at walang sinuman ang nakakatulong sa kanila. Hindi nila kayang makipagtulungan nang may pagkakasundo sa sinuman at hindi nila magawang makipag-ugnayan sa sinuman bilang kapantay. Ang mga panuntunan nila sa pakikipag-ugnayan sa iba ay na dapat sila lang ang mangibabaw sa iba kapag nagsasalita at kumikilos sila, pinapanood nila ang iba na ginagawa ang lahat para sa kanila at sinusunod ang bawat utos at islogan na binibigkas nila; walang sinuman ang karapat-dapat na makipagtulungan sa kanila, at walang sinuman ang kalipikadong makipag-ugnayan sa kanila bilang kapantay. Kung tinatrato sila ng isang tao bilang kaibigan o ordinaryong kapatid, at kinakausap sila, nakikipagtalakayan sa kanila tungkol sa gawain, at nakikipagbahaginan sa kanila tungkol sa pagkaunawa na para bang magkapantay sila, kung gayon, itinuturing nila ito bilang isang napakalaking insulto at matinding paghamon sa kanilang integridad. Sa puso nila, namumuhi at nakakaramdam sila ng pagkamapanlaban sa gayong mga tao, at maghahanap sila ng mga pagkakataon na makapaghiganti sa kahit sinong tumatrato sa kanila bilang kapantay o sa mga hindi sumeseryoso sa kanila. Hindi ba’t ito ang ginagawa ng mga anticristo? Ito ang may herarkiya na perspektiba na ipinapakita ng mga anticristo sa pakikipag-ugnayan sa ibang tao. Siyempre, may kaugnayan ito sa tunay na opinyon at saloobin na kinikimkim ng mga anticristo tungkol sa titulong “tagapagserbisyo.” Ni hindi nila kayang tanggapin ang isang titulo na ibinibigay ng Diyos sa sangkatauhan, kaya, matatanggap ba nila ang pagkondena, paglalantad, at pagsusuri ng iba? Lalong hindi nila kayang tanggapin ang mga bagay na ito. Sa isang banda, nakakaramdam sila ng pagkamapanlaban at pagtutol sa titulo at sa diwa ng “tagapagserbisyo,” ngunit sa kabilang banda, walang-kapaguran silang nanghihikayat ng mas maraming tao sa panig nila at inaakay nila ang mga ito na magserbisyo sa kanila, maglingkod sa kanila, mag-asikaso sa kanila, at sumunod sa kanila. Hindi ba’t kasuklam-suklam ito? Buktot ang diwa ng mga gayong tao, at totoo talaga iyon. Nais nilang kontrolin ang iba. Sila mismo ay malinaw na walang kuwenta at walang kayang gawin; basura lang sila sa sambahayan ng Diyos, wala silang normal na pagkatao, at hindi nila kayang makipag-ugnayan nang normal sa ibang tao, at lalong wala silang normal na katwiran. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan kahit kaunti, hindi sila naliwanagan tungkol sa katotohanan, may kaunti lang silang propesyonal na kaalaman at ilang kasanayang nalalaman, at hindi nila magawa nang maayos ang anumang tungkulin. Gayumpaman, hindi pa rin sila umaasal nang mabuti at gusto nilang agawin ang kapangyarihan, at kapag hindi nila maagaw ang kapangyarihan, pakiramdam nila ay katapusan na nila, iniisip nila, “Siguro ay nagserbisyo lang ako noong ginawa ko ang mga bagay na iyon dati. Ayaw kong magserbisyo. Mas mabuti pang magmadali na akong umalis ngayon bago ako labis na magsikap o labis na mawalan.” Ito ang ideya nila. Palagi silang may gayong kapasyahan at nabubuo nila ang gayong desisyon; kaya nilang tumigil sa pananampalataya at umalis anumang oras, iwanan ang kanilang tungkulin sa anumang sandali at tumakas, bumalik sa yakap ni Satanas at maging katuwang nito sa paggawa ng kasamaan. Mayroon bang mga ganitong tao? (Oo.) Pagdating sa ilang aspekto ng propesyonal na gawain, maaaring may kaunti silang nauunawaan, ngunit pagdating sa mga katotohanang prinsipyo na dapat nilang maarok para sa aspektong iyon ng propesyonal na gawain, ganap silang ignorante; pagdating sa isang aspekto ng kaalaman o mga kaloob, maaaring nagtataglay sila ng ilan, ngunit pagdating sa mga katotohanang prinsipyo na dapat nilang maunawaan para magawa ang kanilang tungkulin, muli ay ganap silang mangmang, at baluktot ang kanilang pagkaarok. Hindi nila magawang makipagtulungan nang maayos sa iba, at hindi sila magkaintindihan kapag nakikipagbahaginan sila sa ibang tao. Saan ba nababagay ang mga gayong tao? Kung tunay silang may konsensiya at katwiran, magagawa nilang tratuhin nang tama ang ibang tao, at kapag ang sinasabi ng mga tao ay tama at naaayon sa katotohanan, matatanggap nila ang mga ito, kusang-loob silang magpapasakop, at magagawa nilang maghimagsik laban sa kanilang laman. Hindi nila dapat palaging gustuhing mamukod-tangi, mamuno sa iba, at kontrolin ang iba; sa halip, dapat nilang bitiwan ang kanilang ambisyon at pagnanais na mangibabaw sa iba at maging handang maging pinakahindi mahalaga sa lahat ng tao, kahit pa may kasama itong pagseserbisyo—dapat nilang gawin ang anumang makakaya nila. Sila mismo ay mga ordinaryong tao, kaya dapat silang bumalik sa posisyon ng mga ordinaryong tao, gawin ang kanilang makakaya sa kanilang mga tungkulin, at umasal sa praktikal na paraan. Ang mga ganitong tao ay makakapanindigan hanggang sa huli. Kung hindi nila pipiliin ang landas na ito at sa halip ay ituturing ang kanilang sarili na dakila at marangal, kung walang sinuman ang makakagalaw o makakalapit sa kanila, at kung gusto nilang maging siga ng bayan, isang tirano, at sumunod sa landas ng mga anticristo, kung gayon ay nakatadhana silang maging masasamang tao. Kung hindi sila handang maging ang pinakahamak na tao, na maging ganap na hindi kilala o malayo sa atensiyon ng iba, o ibigay ang lahat ng makakaya nila, kung gayon ay tiyak na mga anticristo sila at hindi sila maliligtas—mapanganib ito para sa kanila. Kung ang ganitong tao ay makakapagnilay-nilay sa kanyang sarili, magkakaroon ng kamalayan sa sarili, makakatanggap sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, makakaako sa kanilang angkop na posisyon, at magagawang maging ordinaryong tao, at hindi na magpapanggap, kung gayon, magkakaroon siya ng pagkakataon na makamit ang kaligtasan. Kung palagi mong gustong maging mapanupil at di-makatwiran at ipakita ang iyong sarili bilang isang makapangyarihang tao, kung gayon, walang saysay iyon. Ang sambahayan ng Diyos ay puno ng hinirang na mga tao ng Diyos, at gaano ka man katindi, kabagsik, o kasama, walang silbi iyon. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang lugar ng labanan, kaya kung gusto mong makipaglaban, gawin mo iyon sa mundo sa labas. Walang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang gustong makipaglaban sa iyo; walang interesado rito o may oras para dito. Ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar na nangangaral ng katotohanan, na tumutulong sa mga tao na makaunawa sa katotohanan at maisagawa ang katotohanan. Kung hindi mo maisagawa ang katotohanan, mahirap iyon at ipinapakita lang nito na hindi ka nabibilang dito. Kung palagi mong gustong makipaglaban, kung palagi mong gustong maging mabagsik, malupit, mapanupil at di-makatwiran, kung gayon, hindi angkop na lugar para sa iyo ang iglesia. Karamihan ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ay nagmamahal sa katotohanan; gusto nilang sumunod sa Diyos at magkamit ng buhay, at hindi sila natutuwa sa pang-iintriga at pakikipaglaban sa mga diyablo. Ang mga anticristo lamang ang natutuwang makipaglaban palagi at makipagkompetensiya para sa kapangyarihan at pakinabang, at iyon ang dahilan kung bakit hindi makapanindigan ang mga anticristo sa sambahayan ng Diyos.

Mayroong isang uri ng tao na sobrang sensitibo sa mga bagay na tulad ng pagkakakilanlan, posisyon, at katayuan, at partikular silang nakakaramdam ng matinding pagtutol at pagkasuklam sa titulong “tagapagserbisyo,” at talagang hindi nila matanggap ito—ang mga gayong tao ay mga anticristo. Bukod sa hindi nila hinahangad ang katotohanan at tutol sila sa katotohanan, tutol din sila na matawag na “tagapagserbisyo.” Sa totoo lang, ang mga tutol sa titulong “tagapagserbisyo” ay dapat na maghangad sa katotohanan—kung kaya nilang hangarin ang katotohanan, hindi ba’t maiwawaksi na nila ang titulong “tagapagserbisyo”? Pero ito mismo ang problema. Dahil labis silang tutol sa katotohanan, hinding-hindi nila tatahakin ang landas ng paghahangad at pagsasagawa nito. Kaya naman, sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos, habang-buhay nilang gagampanan ang papel ng mga tagapagserbisyo. Siyempre, para sa mga anticristo, ang magawang kumilos bilang mga tagapagserbisyo sa plano ng pamamahala ng Diyos ay isa pa ring pagpapala; isa itong pagkakataon para makita nila ang mga gawa ng Lumikha, marinig ang Lumikha na nagpapahayag ng katotohanan at nagbabahagi ng Kanyang mga kaloob-loobang kaisipan sa sangkatauhan, at mapahalagahan ang karunungan at mga makapangyarihang gawa ng Lumikha. Para sa kanila, hindi masama na maging mga tagapagserbisyo ng Lumikha, at naaarok man nila o hindi, isang bagay na palaging matatandaan ng mga anticristo at mga kasamahan ni Satanas ang pagiging mga tagapagserbisyo nila sa Diyos at pagseserbisyo sa sambahayan ng Diyos, kahit matapos na ang gawain ng Diyos kalaunan. Sa buong proseso ng pagiging antagonistiko ng tiwaling sangkatauhan sa Diyos, hindi namamalayan ng mga anticristo na nagseserbisyo sila para sa plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ang maliit na halaga sa pag-iral ng bawat anticristo—isa itong katunayan. Ang ginagawang kontribusyon ng mga anticristo ay ang pagpapahintulot sa hinirang na mga tao ng Diyos na makilatis at makilala ang mga anticristo mula sa negatibong aspekto. Handa man silang kilalanin ang katunayang ito o hindi, at sila man ay handa, nagagalak, at masaya na maging mga tagapagserbisyo, ano’t anuman, ang pagseserbisyo para sa gawain ng Diyos bilang mga tagapagserbisyo at paggampan ng papel na ito ay mga bagay na sulit—ito ang pagtataas ng Diyos sa kanila. Sinasabi ng ilang tao, “Itinataas din ba ng Diyos ang mga anticristo?” Ano ang mali roon? Sila ay mga nilikha; hindi ba sila puwedeng itaas ng Diyos? Totoo ang sinasabi Ko. Ngayon, ano ang nararamdaman ng mga anticristo kapag naririnig nila ang mga salitang ito? Hindi sila dapat maghanap ng mga kamalian at dapat silang magkamit ng kaunting kaginhawahan. Kahit papaano, nakapag-ambag sila ng kaunting pagsisikap sa mahalagang usapin ng plano ng pamamahala ng Diyos. Kusang-loob man nila itong ginawa, o kung aktibo o pasibo man nila itong ginawa, ano’t anuman, pagtataas ito ng Diyos sa kanila, at dapat nila itong tanggapin nang nagagalak at hindi labanan ito. Kung kayang maghimagsik ng mga anticristo laban sa kanilang mga ninuno, maghimagsik laban kay Satanas, at maghangad sa katotohanan at ng pagpapasakop sa Lumikha, kung gayon, sabihin mo sa Akin, magiging masaya ba ang Diyos? (Oo, magiging masaya Siya.) Mapalad din dito ang hinirang na mga tao ng Diyos, at dapat din silang maging masaya—mabuting bagay ito. Mapapangatwiranan man o hindi ang katunayang ito, ano’t anuman, kung kayang magbago ng mga anticristo at tumahak sa landas ng pagsisisi, siyempre, mabuting bagay iyon. Kaya, bakit Ko sinasabing mapalad dito ang hinirang na mga tao ng Diyos? Kung kusang-loob na magseserbisyo ang isang anticristo, hindi ba’t mababawasan ng isang salot sa sambahayan ng Diyos? Kung mababawasan kayo ng isang diyablo, mababawasan ng isang nanggugulo at nang-aabala, hindi ba’t magiging mas mapayapa ang mga araw ninyo? Kung titingnan sa ganitong perspektiba, kung talagang kusang-loob na magseserbisyo ang mga anticristo, magiging magandang bagay rin ito na nararapat ipagdiwang. Dapat ninyong hikayatin at tulungan sila, at hindi sila tuluyang balewalain. Kung mayroon kayong mabubuting layunin at hinahayaan ninyo silang manatili, ngunit mas nakakagulo lang ang kanilang pagseserbisyo kaysa nakakatulong at humahantong ito sa sakuna, kung gayon, dapat silang pakitunguhan ayon sa mga prinsipyo. Hindi ba’t isa itong mabuting paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay? (Oo, ganoon na nga.)

May isa pang uri ng tao na karapat-dapat banggitin. May mga taong handang magdusa at magbayad ng halaga habang ginagawa ang kanilang tungkulin, at kung minsan, kaya rin nilang sumunod at magpasakop o makitungo sa mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Ang personal nilang pagnanais ay ang tahakin ang landas ng paghahangad ng katotohanan, palagi nilang kayang magpasakop sa anumang isinaayos ng ang Itaas o ng iglesia, at palagi nilang kayang tapusin ang mga gampanin sa tamang oras. Hindi sila nagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan sa sambahayan ng Diyos, at naghahatid ng maraming benepisyo at pakinabang sa mga kapatid ang gawain at tungkuling ginagawa nila. Sa panlabas, bagama’t hindi sila nakagawa ng anumang kasamaan, hindi sila nanggagambala o nanggugulo, at hindi sila mukhang masasamang tao, may ginagawa sila na hindi kayang gawin o hindi ginagawa ng mga ordinaryong tao, at iyon ay na nasisiyahan sila sa pagpapalawak ng kanilang impluwensiya at pagtatatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian. Kapag naatasan sila sa ilang gampanin, sa sandaling maging superbisor sila ng trabahong iyon, nakakapagsimula na silang magtayo ng kanilang mga nagsasariling kaharian at hindi namamalayang nakakapagsimula na silang palakasin ang kanilang kapangyarihan at mga koneksiyon sa loob ng saklaw ng kanilang impluwensiya. Sa loob ng saklaw na ito, ganap at lubusan nilang nakukuha ang loob ng lahat, at malakas na pinupuri at labis na hinahangaan ng mga tao ang lahat ng kanilang ginagawa, ang lahat ng kanilang sinasabi, at ang halagang ibinabayad nila. Itinuturing nila ang saklaw ng kanilang pamamahala bilang kanilang sariling munting pamilya sa loob ng pamilya ng Diyos. Sa panlabas, mukhang kaya nilang magbayad ng halaga, magdusa, at magpasan ng responsabilidad—tila wala namang problema. Gayumpaman, sa mahahalagang sandali, kaya nilang ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Upang mapangalagaan ang kanilang sariling katanyagan at ang kanilang pagiging pinakamataas, at mapangalagaan ang kanilang absolutong posisyon, dignidad, at kapangyarihan sa iglesia, hindi sila sumasalungat o nananakit sa sinuman. Kahit na may isang taong pumipinsala o nagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kahit na may nanggugulo o sumisira sa gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nila sinusuri ang isyung ito, hindi nila ito pinapansin, at kaya nila itong kunsintihin. Hangga’t hindi banta sa kanilang posisyon ang taong iyon at nagseserbisyo pa rin sa loob ng saklaw ng kanilang impluwensiya, ayos lang iyon—ito ang kanilang pinakamataas na pamantayan. Anuman ang mga kaguluhang idinudulot ng taong iyon, hindi nila ito nakikita, hindi nila ito pinapansin, at hindi nila pinupungusan o sinasaway ang taong iyon, at lalong hindi nila ito pinakikitunguhan. Ang mga gayong tao ay mga mapanganib na elemento. Mahirap silang makilatis ng karaniwang tao, at marahil ay hindi mo mapapansin ang anumang mali sa kanila kapag wala silang posisyon. Ngunit sa sandaling magkaroon sila ng posisyon, lubusang nalalantad ang kanilang kalikasang diwa. At ano mismo ang nalalantad? Ito ay na may balak sa likod ng halagang ibinabayad nila at sa lahat ng ginagawa nila; hindi nila ginagawa ang mga bagay na ito para mapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi talaga nila ginagawa ang kanilang tungkulin, at hindi nila ginagawa ang lahat ng bagay na ito para makita ng Diyos, kundi para makita ng mga tao. Gusto nilang maakit ang mga titig, mga mata, at atensiyon ng iba, at higit pa rito, gusto nilang ilihis ang puso ng mga tao para tingalain, hangaan, at purihin sila ng mga tao. Iyon ang dahilan kung bakit wala silang pakialam kung paano sila nakikita o tinatrato ng Diyos; kung sinasabi ng Diyos na nandoon lamang sila para magserbisyo, wala silang pakialam. Hangga’t nagagawa ng mga tao na lumuhod sa harap ng kanilang mga paa at yumukod sa kanila, ayos lang ito. Ang mga taong ito ay mga mapanganib na elemento at hindi kaisa sa isipan ng Diyos at ng sambahayan ng Diyos, at ang puso nila ay hindi katulad ng sa hinirang na mga tao ng Diyos na tunay na naghahangad sa katotohanan. Nagpapalawak sila ng kanilang impluwensiya, at pati na rin ng impluwensiya ni Satanas. Batay sa kanilang iba’t ibang pagpapamalas, ang tungkuling ginagawa nila at ang lahat ng ginagawa nila ay pawang isang paraan para magpakitang-gilas ng kanilang sarili at bolahin ang iba sa abot ng kanilang makakaya.

Kayang magserbisyo ng mga anticristo sa sambahayan ng Diyos at sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos, at sa isang punto, maaari pa nga silang maging magagaling na tagapagserbisyo. Gayumpaman, dahil sa landas na tinatahak nila, at dahil sa mga layon at direksiyong pinipili nila, pati na rin sa kanilang pagnanais para sa posisyon at kapangyarihan at pananabik sa kasikatan at pakinabang na nasa loob nila, hindi nila kailanman maiwaksi ang titulong “tagapagserbisyo,” hindi nila maunawaan ang katotohanan, hindi nila maarok kung ano ang katotohanang realidad o hindi sila makapasok dito, hindi nila maisagawa ang katotohanan, hindi nila makamtan ang tunay na pagpapasakop, at hindi sila makapagtamo ng takot sa Diyos. Ang mga gayong tao ay mga mapanganib na elemento. Mayroon silang malalalim na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, may mga napakatusong paraan ng pag-asal at pakikitungo sa mundo, at partikular nilang binibigyang-pansin ang kanilang paraan ng pagsasalita at ang mga salitang ginagamit nila kapag nakikipag-usap sa iba, at mahigpit nilang pinagtutuunan ng pansin ang mga pamamaraang ginagamit nila kapag nakikipag-ugnayan sila sa mga tao. Bagama’t sa panlabas ay maaaring hindi sila mukhang taksil at masama, ang puso nila ay puno ng mga buktot na ideya, kaisipan, at pananaw, at maging ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa katotohanan at ng pagkabigong maunawaan ang Diyos. Bagama’t hindi makita ng mga tao kung ano ang masama sa mga taong ito o makita na sila ay masasamang tao, dahil napakabuktot ng kanilang diwa, at dahil hindi nila kayang gawin kahit kailan ang kanilang tungkulin nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo o tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan at umabot sa tunay na pagpapasakop sa Diyos, sa huli, hindi nila kailanman maiwawaksi ang titulong “tagapagserbisyo.” Ang mga taong ito ay mas tuso at mas may kakayahang ilihis ang iba kaysa sa mga hayag na anticristo at masamang tao. Sa panlabas, tila wala silang opinyon o kinikimkim na saloobin tungkol sa titulong “tagapagserbisyo,” at na lalong wala silang nararamdamang anumang pagtutol dito. Gayumpaman, ang totoo, batay sa kanilang diwa, kahit na magserbisyo sila para sa Diyos, nagkikimkim pa rin sila ng mga intensyon at layon; hindi sila nagseserbisyo nang walang kondisyon, at hindi nila ito ginagawa para makamit ang katotohanan. Dahil buktot at tuso ang kalooban ng mga taong ito, hindi madali para sa iba na kilatisin sila. Tanging sa mga kritikal na usapin at oras nabubunyag ang kanilang kalikasang diwa, mga kaisipan, mga pananaw, at ang landas na tinatahak nila. Habang nagpapatuloy ito, kung pipiliin ng mga taong ito ang ganitong paraan ng paghahangad at pipiliin nilang tumahak sa ganitong landas, kung gayon, maaaring isipin na hindi maliligtas ang mga gayong tao. Ginagamit nila ang tiwalang ibinibigay sa kanila ng sambahayan ng Diyos at ang oportunidad ng gawain ng Diyos para magpakana alang-alang sa kanilang sariling kapakinabangan, para kontrolin at pahirapan ang mga tao, at para matugunan ang kanilang sariling mga ambisyon at pagnanais. Sa huli, hindi nila nakakamit ang katotohanan, kundi sa halip ay nabubunyag sila dahil sa paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Kapag nabunyag sila, nagiging malinaw na hindi hinahangad ng mga taong ito ang katotohanan, at na hindi sila nananampalataya sa Diyos alang-alang sa paghahangad sa katotohanan at pagtamo ng kaligtasan. Pagkatapos makinig sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang paglalantad sa iba’t ibang uri ng tao, kung patuloy na gagamitin ng mga taong ito ang mga prinsipyo, diskarte, at pamamaraan ng pakikitungo sa mundo para gawin ang kanilang tungkulin, kung gayon, iisa lang ang maaaring maging kalalabasan: Kailangang gampanan nila ang papel ng tagapagserbisyo sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at mabunyag at matiwalag sa huli—isa itong katunayan. Ni minsan ba ay nagkaroon kayo dati ng mga karanasan sa mga gayong tao? Kapag ibinunyag at pinatalsik sila, ang ilang anticristo ay nagiging mga komandante na walang hukbo. Napakarami at napakalaki ng kasamaang nagawa nila, at kinasusuklaman at inaabandona sila ng mga kapatid. Mayroon ding isa pang uri ng tao na, kapag nabunyag, kinondena, at itinakwil sila ng iglesia, marami silang kasabwat at katulong na nagtatanggol sa kanila, nakikipaglaban para sa kanila, at nagpoprotesta laban sa Diyos. Hindi ba’t mas kaya ng mga ganitong uri ng tao na manlihis ng iba? Mas lalo pang mapanganib ang mga gayong tao. Tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang titulong “tagapagserbisyo,” at aling mga natatagong pagsasagawa, ideya, at pagpapamalas ang ipinapakita nila, tatapusin na muna natin dito ang pagbabahaginan natin sa ngayon.