Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasiyam na Bahagi) Unang Seksiyon

II. Ang mga Interes ng mga Anticristo

D. Ang Kanilang mga Kinabukasan at Tadhana

4. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang Titulong “Tagapagserbisyo”

Ngayon ay magpapatuloy tayong magbahaginan tungkol sa ikasiyam na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: Ginagawa nila ang kanilang tungkulin para lang maging tanyag sila at maisakatuparan ang kanilang sariling mga interes at ambisyon; hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipinagkakanulo pa ang mga interes na iyon, ipinagpapalit para sa kanilang personal na kaluwalhatian. Sa aytem na ito, ang pangunahing paksa ng ating pagbabahaginan ay isang paghihimay sa mga interes ng mga anticristo, at ngayon ay magbabahaginan tayo sa ikaapat na maliit na paksa sa loob ng ikaapat na aytem ng mga interes ng mga anticristo—kung paano nila tinatrato ang titulong “tagapagserbisyo”—at hihimay-himayin kung paano tinatrato ng mga anticristo ang titulong ito. Ang mga sumusunod sa Diyos hanggang ngayon ay pamilyar na sa salitang “tagapagserbisyo,” at sa pangkalahatan ay tinanggap na ng karamihan sa kanila ang titulong ito sa kanilang puso. Batay sa kanilang mga subhetibong kagustuhan, walang pagtutol sa titulong ito. Gayumpaman, pagdating sa mga detalye ng pagsasabi na ang isang tao ay isang tagapagserbisyo, pangunahing nagpapahayag ang taong iyon ng pag-aatubili at kawalan ng kagustuhan, pagkaagrabyado, hindi talaga gustong matawag nang ganito at maging isang tagapagserbisyo. Batay sa mga ekspresyon ng mga tao, bagama’t sumasang-ayon sila na hindi masamang titulo ang “tagapagserbisyo” sa kanilang subhetibong kagustuhan, mula sa isang obhetibong perspektiba, tinatrato pa rin ng mga tao ang titulong “tagapagserbisyo” nang may ilang elemento ng diskriminasyon, pagkamapanlaban, at maging ng kawalan ng kagustuhan—mayroon silang mga ganitong sentimyento tungkol dito. Anuman ang tingin ng mga tao sa titulong “tagapagserbisyo,” kung taos-puso man nila itong matatanggap at maging isang tagapagserbisyo o hindi, o kung may kasamang maraming karumihan at kahilingan ang iniisip nila tungkol sa titulong ito o wala, pagbabahaginan muna natin ngayon kung ano nga ba ang isang tagapagserbisyo, kung paano nga ba tinutukoy at inilalarawan ang titulong “tagapagserbisyo” sa mga mata ng Diyos, kung ano ang diwa ng mga tagapagserbisyong ito na binabanggit ng Diyos, at kung paano itinuturing ng Diyos ang salitang “tagapagserbisyo” at kung paano iyon naiiba sa kung paano ito itinuturing ng mga tao, nang sa gayon ay magkaroon kayong lahat ng tumpak na pagkaunawa at konsepto sa puso ninyo ukol sa titulong “tagapagserbisyo.”

a. Ang Depinisyon at Pinagmulan ng Titulong “Tagapagserbisyo”

Ang salitang “tagapagserbisyo” ay literal na nangangahulugan na isang tao na gumagawa at nagsusumikap para sa isang bagay. Kung susukatin natin ang titulong ito batay sa posisyon, tumutukoy ito sa isang tao na pansamantalang ginagamit. Ibig sabihin, kung itinuturing ang isang tao bilang isang tagapagserbisyo at nagsisimula siyang gumawa ng isang trabaho o tumanggap ng gawain sa isang industriya, kung gayon ay hindi ito isang pangmatagalang propesyon sa industriya o trabaho na kanilang isinasagawa, kundi pansamantala lamang ito. Pansamantala silang pinaggugugol ng pagsisikap at pinagseserbisyo sa industriya o trabahong ito sa loob ng ilang panahon. Wala silang kinabukasan, walang hinaharap, at walang natatanggap na anumang materyal na benepisyo. Hindi nila kailangang pumasan ng anumang responsabilidad; binabayaran lang sila para sa kanilang pagtatrabaho. Kapag natapos na ang trabahong itinalaga sa kanila, hindi na sila kailangan, at kukunin lang nila ang kanilang sahod at aalis na sila. Sa madaling salita, pansamantala lang ito, at pinagtatrabaho lamang sila kapag kinakailangan. Ito ang literal na pagkaunawa sa isang tagapagserbisyo. Kung bibigyang-pakahulugan natin ang salitang “tagapagserbisyo” ayon sa mga ideya ng sangkatauhan, ang mga tagapagserbisyo ay tinutukoy bilang “mga kontraktuwal na manggagawa” at “mga pansamantalang manggagawa,” mga taong pansamantalang nagtatrabaho o gumugugol ng pagsisikap para sa isang trabaho o industriya. Ang tanging koneksiyon nila ay sa panahon kung kailan kinakailangan sila para sa isang trabaho, at kapag natapos na ang panahong iyon, wala na silang halaga. Ito ay dahil hindi na sila kailangan, at hindi na sila mapapakinabangan—naubos na ang kanilang halaga sa panahong iyon. Ito ang literal na kahulugan na nauunawaan at nakikita ng mga tao patungkol sa salitang “tagapagserbisyo.” Sa loob ng kahulugan na kayang ipahayag ng wika ng tao, ibig sabihin, ang kahulugan ng titulong “tagapagserbisyo” ayon sa sinabi ng Diyos na kayang maarok ng mga tao, mayroon bang antas ng kahulugan na naaayon sa katotohanan? Mayroon bang antas ng kahulugan na umaayon sa normal na pagkatao at pagkamakatwiran? Mayroon bang antas ng kahulugan na dapat maunawaan ng mga tao bilang mga tunay na nilikha? Mayroon bang antas ng kahulugan tungkol sa kung paano tinatrato ng Diyos ang titulong ito? (Wala.) Paano ninyo nalalaman na wala? Hindi kayo makasagot, hindi ninyo ito maipaliwanag. May mga estudyante sa unibersidad sa inyo, mga graduate student, mga estudyante sa doktoral, at mga propesor, pero wala ni isa sa inyo ang makapagpaliwanag nito nang malinaw, tama ba? (Oo, tama.) Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng kaalaman at ng katotohanan. Maaaring edukado ka, maaaring alam mo ang mga indibidwal na termino na “serbisyo” at “tagagawa,” at kapag pinagsama ang mga salitang ito para bumuo ng isang salita, para ilarawan ang isang uri ng tao at isang grupo ng mga tao, mauunawaan mo ang diwa ng mga taong ito, ang kanilang mga pagpapamalas, at ang kanilang ranggo sa gitna ng sangkatauhan, ngunit kapag hindi mo maunawaan ang salitang ito mula sa perspektiba ng katotohanan at sa perspektiba ng isang nilikha, saan ba mismo nanggagaling ang iyong pang-unawa? Ano ba ang mismong diwa ng salitang ito na nauunawaan mo? Hindi ba’t ito ay isang pagkaunawa sa salitang “tagapagserbisyo” na nagmula sa tiwaling sangkatauhang ito, sa lipunang ito, at sa kaalaman ng sangkatauhan? (Oo, ganoon nga.) Ang kaalaman ba ng tao ay kaayon o kontra sa katotohanan? (Ito ay kontra sa katotohanan.) Kung gayon, kapag mayroon kang ganitong pagkaunawa at pagkaarok sa salitang ito, sumasalungat ka ba sa Diyos o umaayon sa Diyos? Malinaw na kapag nauunawaan at naaarok mo ang salitang ito gamit ang iyong kaalaman, ang iyong isipan, hindi mo sinasadya at hindi mo namamalayang sumasalungat ka sa Diyos. Kapag ginagamit mo ang iyong kaalaman para unawain ang salitang ito, hindi maiiwasang makakaramdam ka ng paglaban, pagkasuklam, pagkayamot, at maging ng pagkapoot sa salitang “tagapagserbisyo.” Mayroon bang anumang pagpapasakop dito? Mayroon bang tunay na pagtanggap? (Wala.) Sinasabi ng ilang tao: “Tinatanggap ko ang magagandang salita, pero bakit dapat kong tanggapin ang masamang salitang ito? Sapat na iyong hindi ako nakakaramdam ng pagtutol dito. Halimbawa, tinatanggap ko ang mga positibong termino tulad ng ‘pagtanggap ng korona,’ ‘pagtanggap ng mga gantimpala,’ ‘pagiging pinagpala,’ ‘pagpasok sa kaharian,’ ‘pag-akyat sa langit,’ ‘hindi pagpunta sa impiyerno,’ ‘hindi napaparusahan,’ at ‘pagiging panganay na anak na lalaki.’ Natural lang ito, ito ang ordinaryong tugon ng tao, at ito ang mga bagay na dapat hangarin ng mga tao. Para naman sa mga negatibong termino tulad ng ‘masasamang tao,’ ‘mga anticristo,’ ‘napaparusahan,’ at ‘napupunta sa impiyerno,’ walang sinumang gustong tumanggap ng mga iyon. Ang salitang ‘tagapagserbisyo’ ay neutral, pero ayon sa pagkakaintindi ko, hindi ko ito matatanggap, at sapat na para sa akin na hindi ito hamakin. Kung kailangan ko itong tanggapin nang kusang-loob at magpasakop dito at tanggapin ito mula sa Diyos, hindi talaga iyon posible.” Hindi ba’t ganito mag-isip ang mga tao? (Oo, ganito nga.) Tama ba o mali ang ganitong paraan ng pag-iisip? (Mali ito.) Kailan mo nalaman na mali ito? Ngayon lang, hindi ba? Problema iyan. Ngayon mo lang nalaman na mali ito. Bago mo ito napagtanto, mukhang tinanggap mo na ang titulong “tagapagserbisyo” sa panlabas, at subhetibo mo na itong tinanggap—at totoo ba ang pagtanggap na ito o huwad? (Huwad ito.) Malinaw na hindi ito totoo, at hindi ka rin lubos na handang tanggapin ito. Mayroong pagiging huwad, pagkukunwari, at pag-aatubili rito, at may pakiramdam din na wala ka nang ibang pagpipilian.

Ang pinagbahaginan natin ngayon lang ay ang tunay na mga reaksiyon at pagpapamalas ng mga tao patungkol sa titulong “tagapagserbisyo,” at ganap nitong ipinapakita ang mga opinyon, pananaw, at pagkaarok ng mga tao tungkol sa titulong ito, ganap na ibinubunyag na ang saloobin ng mga tao sa titulong ito ay pag-aatubili, diskriminasyon at pagkasuklam, at pagtutol mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Ito ay dahil hinahamak ng mga tao ang pagiging tagapagserbisyo, hinahamak nila ang salitang “tagapagserbisyo,” hindi sila handang maging tagapagserbisyo, at kinamumuhian nila na maging tagapagserbisyo. Ito ang pagkaunawa at saloobin ng mga tao tungkol sa titulong ito. Ngayon, tingnan natin kung ano nga ba mismo ang tingin ng Diyos sa mga tagapagserbisyo, kung paano nagkaroon ng salitang “tagapagserbisyo,” kung ano ang diwa ng titulong ito sa mga mata ng Diyos, at kung ano ang pinagmulan nito. Ang literal na kahulugan ng “tagapagserbisyo,” kung sa wika ng sangkatauhan, ay isang pansamantalang manggagawa, isang tao na pansamantalang naglilingkod sa isang industriya o trabaho, at isang tao na kailangan lang pansamantala. Sa plano ng pamamahala ng Diyos, sa gawain ng Diyos, at sa sambahayan ng Diyos, ang grupong ito ng mga tao na tinatawag na tagapagserbisyo ay kailangang-kailangan. Nang dumating ang mga taong ito sa sambahayan ng Diyos, sa lugar ng gawain ng Diyos, wala silang alam tungkol sa Diyos o sa pananalig sa Diyos, lalong wala silang alam tungkol sa gawain ng Diyos o sa Kanyang plano ng pamamahala. Wala silang nauunawaan; sila ay mga tagalabas lamang, mga walang pananampalataya. Kapag dumating sa sambahayan ng Diyos ang mga taong walang pananampalataya sa mga mata ng Diyos, ano ang magagawa nila para sa Kanya? Maaaring masabi na wala silang anumang magagawa. Dahil puno ng tiwaling disposisyon ang mga tao at hindi talaga nila kilala ang Diyos, at dahil sa kalikasang diwa ng mga tao, ang tanging magagawa nila ay gawin ang anumang itinatagubilin ng Diyos sa kanila. Sinusunod nila ang gawain ng Diyos hanggang sa anumang punto ito umaabot, ang kanilang kaalaman ay umaabot lamang hanggang sa kung saan sila dinadala ng mga salita ng Diyos; alam lamang nila ang Kanyang mga salita, at wala silang nauunawaan sa mga ito kahit kaunti. Pasibong isinasagawa ng mga taong ito ang bawat trabahong ipinapagawa sa kanila ng Diyos—ganap silang pasibo, at hindi aktibo. Dito, ang ibig sabihin ng “pasibo” ay na hindi nila alam kung ano ang gagawin ng Diyos, hindi nila alam kung ano ang ipinapagawa sa kanila ng Diyos, hindi nila alam ang katuturan o halaga ng gawaing ipinapagawa sa kanila ng Diyos, at hindi nila alam kung anong landas ang dapat nilang sundin. Pagdating sa sambahayan ng Diyos, para silang mga makina na gumagana lamang ayon sa kung paano sila pinapatakbo ng Diyos. Ano ang kailangan ng Diyos mula sa kanila? Alam ba ninyo? (Ang mga tao ay ang mga pakay ng pagpapahayag ng Diyos sa katotohanan para humatol. Ang mga tao ang mga pakay ng mga salita ng Diyos.) Isang parte ito; ang mga tao ay pakay ng mga salita ng Diyos. Ano pa? Paano naman ang mga kaloob ng tao? (Oo.) Paano naman ang pag-iisip ng normal na pagkatao? (Oo.) Gagamitin ka lang ng Diyos kung taglay mo ang pag-iisip ng normal na pagkatao. Kung wala kang konsensiya at katwiran, hindi ka kalipikado na maging tagapagserbisyo man lang. Ano pa ba? (Mga kasanayan at espesyal na talento ng mga tao.) Kasama ang mga ito sa mga kaloob at parte na rin nito—ang iba’t ibang kasanayang taglay ng mga tao. Ano pa? (Ang determinasyon na makipagtulungan sa Diyos.) Parte rin ito nito, ang pagnanais na sumunod at magpasakop, at siyempre, masasabi rin na pagnanais ng mga tao na mahalin ang mga positibong bagay at mahalin ang katotohanan. Ang pagnanais na sumunod at magpasakop ay ang determinasyon na makipagtulungan sa Diyos, ngunit alin ang pinakaangkop na paraan para sabihin ito? (Ang pagnanais na sumunod at magpasakop.) Tama, ang salitang “pagnanais” ay mas malawak at mas malaki ang nasasaklaw. Kung gagamitin natin ang salitang “determinasyon,” medyo mas makitid ang saklaw. Bukod dito, ang “pagnanais” ay mas magaan sa antas kaysa sa “determinasyon,” na nangangahulugan na pagkatapos mong magkaroon ng pagnanais, unti-unti kang nagkakaroon ng iba’t ibang uri ng determinasyon; ang determinasyon ay mas partikular, samantalang ang pagnanais ay mas malawak. Para sa Lumikha, ito ang ilang bagay na kailangan ng Diyos mula sa tiwaling sangkatauhan. Ibig sabihin, kapag ang isang tagalabas na lubos na walang alam tungkol sa Diyos, sa pamamahala ng Diyos, sa diwa ng Diyos, sa mga pagbigkas ng Diyos, at sa disposisyon ng Diyos ay dumating sa sambahayan ng Diyos, para siyang isang makina, at ang kaya niyang gawin para sa Diyos at sa pakikipagtulungan niya sa gawain ng Diyos ay talagang walang kinalaman sa pamantayan na hinihingi ng Diyos—ang katotohanan. Ang mga bagay ng mga ganitong tao na maaaring gamitin ng Diyos ay ang mga bagay na nabanggit na: Una, ang mga taong ito ay maaaring maging pakay ng mga salita ng Diyos; pangalawa, ang mga kaloob na taglay ng mga taong ito; pangatlo, taglay ng mga taong ito ang pag-iisip ng normal na pagkatao; pang-apat, ang iba’t ibang kasanayan na taglay ng mga taong ito; panglima—at ito ang pinakamahalaga—ang mga taong ito ay may pagnanais na sumunod at magpasakop sa mga salita ng Diyos. Lahat ng bagay na ito ay napakahalaga. Kapag taglay na ng isang tao ang lahat ng bagay na ito, nagsisimula na siyang maglingkod sa gawain ng Diyos at sa plano ng pamamahala ng Diyos, at opisyal na tumahak sa tamang landas, ibig sabihin, opisyal na siyang naging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos.

Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, o ang mga layunin ng Diyos, at wala silang takot sa Diyos kahit kaunti, wala na silang magiging ibang papel kundi ang maging tagapagserbisyo. Ibig sabihin, ikaw ay isang tagapagserbisyo, handa ka man o hindi—hindi mo matatakasan ang titulong ito. Sinasabi ng ilang tao: “Nananampalataya ako sa Diyos sa buong buhay ko. Simula nang manampalataya ako kay Jesus hanggang ngayon, ilang dekada na ang lumipas—talaga bang isa pa rin akong tagapagserbisyo?” Ano ang tingin mo sa katanungang ito? Sino ba ang tinatanong nila tungkol dito? Dapat nilang tanungin at pagnilayan ang kanilang sarili: “Nauunawaan ko na ba ngayon ang mga layunin ng Diyos? Kapag ginagawa ko ang tungkulin ko ngayon, nagsusumikap lang ba ako o isinasagawa ko ba ang katotohanan? Sinusunod ko ba ang landas ng paghahangad at pag-unawa sa katotohanan? Nakapasok na ba ako sa katotohanang realidad? Mayroon ba akong may-takot-sa-Diyos na puso? Ako ba ay isang taong nagpapasakop sa Diyos?” Dapat nilang pagnilayan ang kanilang sarili kaugnay sa mga bagay na ito. Kung naabot na nila ang mga pamantayang ito, kung kaya nilang manindigan kapag nahaharap sa mga pagsubok ng Diyos, at kung kaya nilang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, siyempre, hindi na sila isang tagapagserbisyo. Kung hindi nila naabot ang ni isa sa mga pamantayang ito, walang duda na nananatili silang isang tagapagserbisyo, at ito ay isang bagay na hindi matatakasan o maiiwasan. Sinasabi ng ilang tao: “Nananampalataya ako sa Diyos nang higit sa 30 taon, hindi pa kasama roon ang mga taon na ginugol ko sa pananampalataya kay Jesus. Simula sa panahong ito na nagkatawang-tao, nagpakita, gumawa ang Diyos, at nagsimulang magsalita ng Kanyang mga pagbigkas, naging tagasunod na ako ng Diyos. Kasama ako sa mga unang personal na nakaranas ng gawain ng Diyos, at kasama ako sa mga unang nakarinig ng mga salitang binigkas ng Kanyang bibig. Napakaraming taon na ang lumipas mula noon, at nananampalataya at sumusunod pa rin ako sa Diyos. Ilang beses na akong naharap sa pag-aresto at pag-uusig at nakaranas ako ng napakaraming panganib, at palagi akong pinoprotektahan at ginagabayan ng Diyos; hindi ako kailanman inabandona ng Diyos. Ginagawa ko pa rin ang tungkulin ko ngayon, paganda nang paganda ang kalagayan ko, patuloy na tumitibay ang aking pananalig, at wala akong anumang pagdududa sa Diyos—talaga bang isa pa rin akong tagapagserbisyo?” Sino ba ang tinatanong mo? Hindi ba’t maling tao ang tinatanong mo? Hindi mo dapat itanong ito. Dahil napakaraming taon ka nang nananampalataya, hindi ba’t alam mo na kung ikaw ay isang tagapagserbisyo o hindi? Kung hindi mo alam, bakit hindi mo tanungin ang sarili mo kung taglay mo ba ang katotohanang realidad, kung nagtataglay ka ba ng may-takot-sa-Diyos na puso, at kung umaasal ka ba sa paraang umiiwas sa kasamaan? Napakaraming taon nang gumagawa ang Diyos, bumibigkas Siya ng napakaraming salitang ito, at gaano karami na ang iyong naunawaan at napasok? Gaano na karami ang nakamit mo? Ilang pagpupungos, at ilang pagsubok at pagpipino na ang natanggap mo? Nang tanggapin mo ang mga ito, nanindigan ka ba sa iyong patotoo? Nagawa mo bang magpatotoo para sa Diyos? Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok na katulad ng kay Job, kaya mo bang itatwa ang Diyos? Gaano kalaki mismo ang pananalig mo sa Diyos? Ang pananalig mo ba ay basta lang na pananampalataya, o tunay ba itong pananalig? Tanungin mo ang sarili mo ng mga katanungang ito. Kung hindi mo alam ang mga sagot sa mga katanungang ito, kung gayon ay isa kang taong magulo ang isip, at alam Kong sumusunod ka lang sa agos—ni hindi ka karapat-dapat na tawaging tagapagserbisyo. Ang isang taong nagkikimkim ng ganitong uri ng saloobin tungkol sa titulong “tagapagserbisyo” at nalilito pa rin sa puso niya ay sobrang kahabag-habag. Ni hindi niya alam kung ano siya, samantalang ang Diyos ay ganap na malinaw at klaro sa pagtrato Niya sa lahat ng tao.

Nagbahaginan tayo tungkol sa kung ano mismo ang orihinal na pakahulugan ng Diyos tungkol sa salitang “tagapagserbisyo.” Kapag pumasok ang mga tao sa sambahayan ng Diyos, sa umpisa, kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan at nagtataglay lamang sila ng iba’t ibang pagnanais o kaunting determinasyon na makipagtulungan, maaaring ang papel na ginagampanan lamang nila sa panahong iyon ay bilang isang tagapagserbisyo. Siyempre, hindi masyadong magandang pakinggan ang salitang “serbisyo.” Sa ibang salita, nangangahulugan ito na maglingkod at magtrabaho para sa gawain ng pamamahala ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan; nangangahulugan ito na magsikap. Hindi nakakaunawa ng anumang katotohanan ang mga taong ito, ni nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, at wala silang maiambag na anumang pagsisikap o hindi nila magawang makipagtulungan sa anumang paraan sa partikular na gawaing isinasagawa ng Diyos para iligtas at pamahalaan ang sangkatauhan, pati na sa iba’t ibang gawain na may kaugnayan sa katotohanan. Mayroon lamang silang mga kasanayan at mga kaloob, at kaya lamang nilang magpakita ng kaunting pagsisikap at magsalita ng ilang bagay para sa partikular na gawain ng pangkalahatang usapin at gumawa ng ilang serbisyong pangsuporta. Kung ito ang diwa ng gawain ng mga taong gumagawa ng kanilang tungkulin, kung pangserbisyo lang na papel ang ginagampanan nila, kung gayon ay mahihirapan silang iwaksi ang titulong “tagapagserbisyo.” Bakit mahirap itong iwaksi? Mayroon ba itong anumang kinalaman sa depinisyon ng Diyos tungkol sa titulong ito? Oo, tiyak na mayroon. Napakadali para sa mga tao na magsumikap nang kaunti at gumawa ng mga bagay ayon sa kanilang mga likas na abilidad at mga kaloob at isipan, subalit ang mamuhay ayon sa katotohanan, pumasok sa katotohanang realidad, at kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos ay sobrang nakakapagod; nangangailangan ito ng oras, paggabay ng Diyos, kaliwanagan ng Diyos, at pagdidisiplina ng Diyos, at higit sa lahat ay nangangailangan ito ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Samakatwid, habang gumagawa ang mga tao para makamit ang mga layong ito, ang nagagawa at naibibigay ng karamihan sa mga tao ay ang mga bagay na nabanggit: pagiging mga pakay ng mga salita ng Diyos, pagtataglay ng ilang kaloob at pagkakaroon ng silbi sa sambahayan ng Diyos, pagtataglay ng pag-iisip ng normal na pagkatao at pagkakaroon ng kakayahang arukin at isakatuparan ang anumang trabahong iniaatas sa kanila, pagtataglay ng ilang kasanayan at pagkakaroon ng kakayahang gamitin ang kanilang mga espesyal na talento sa isang partikular na gawain sa sambahayan ng Diyos, at, ang pinakamahalaga, ang pagkakaroon ng pagnanais na sumunod at magpasakop. Kapag nagseserbisyo ka sa sambahayan ng Diyos, kapag nagsisikap ka para sa gawain ng Diyos, kung mayroon ka man lang kahit kaunting pagnanais na sumunod at magpasakop, hindi ka magiging negatibo o tamad. Sa halip, gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya para kontrolin ang sarili at gumawa ng mas kaunting masamang bagay habang gumagawa ng mas maraming mabuting bagay. Hindi ba’t ganito ang kalagayan at kondisyon ng karamihan sa mga tao? Siyempre, napakakaunti sa inyo ang nakalampas na sa kalagayan at saklaw na ito. At ano ang nagawang taglayin ng napakakaunting taong ito? Nagawa nilang maunawaan ang katotohanan at taglayin ang katotohanang realidad. Kapag nahaharap sila sa mga isyu, kaya nilang magdasal at hanapin ang mga layunin ng Diyos, at kaya nilang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang kanilang pagnanais na sumunod at magpasakop ay hindi na hanggang determinasyon lang, bagkus ay kaya na nila na aktibong isagawa ang mga salita ng Diyos, kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at magtaglay ng may-takot-sa-Diyos na puso kapag nahaharap sa mga isyu. Hindi sila nagsasalita o kumikilos nang hindi nag-iisip, at sa halip ay maingat sila. Lalo na kapag hindi ayon sa kanilang sariling mga ideya ang pagkakapungos sa kanila, hindi nila hinuhusgahan ang Diyos, hindi sila nakikipagtalo sa Kanya, at wala silang nararamdamang pagtutol sa puso nila. Sa kaibuturan ng kanilang puso, tunay nilang tinatanggap ang pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos. Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong ito at ng mga tagapagserbisyo? Ano ang mga pagkakaibang iyon? Ang unang pagkakaiba ay na nauunawaan nila ang katotohanan, at ang pangalawa ay na kaya nilang isagawa ang ilang katotohanan. Pangatlo, mayroon silang kaunting kaalaman tungkol sa Diyos, at pang-apat, ang kanilang pagsunod at pagpapasakop ay hindi na mga pagnanais lamang, kundi naging subhetibong saloobin na—sila ay naging tunay na mapagpasakop. Panglima—at ito ang pinakaimportante at pinahahalagahan sa mga puntong ito—nagkaroon na sila ng may-takot-sa-Diyos na puso. Masasabi na naiwaksi na ng mga taong iyon na nagtataglay ng mga bagay na ito ang titulong “tagapagserbisyo.” Ito ay dahil, batay sa kanilang iba’t ibang aspekto ng pagpasok, at sa kanilang saloobin sa katotohanan, pati na rin sa antas ng kanilang kaalaman tungkol sa Diyos, hindi na ito kasingsimple ng paggawa nila ng isang propesyonal na trabaho sa sambahayan ng Diyos, at hindi na sila mga pansamantalang manggagawa na pansamantalang tinawag para gumawa ng kaunting gawain. Ibig sabihin, hindi narito ang mga taong ito para sa mga pansamantalang gantimpala; hindi sila ni-recruit para pansamantalang gamitin at obserbahan sa panahon na ginagamit sila para makita kung kaya ba nilang akuin ang gawaing ito nang pangmatagalan. Sa halip, naisasagawa nila ang katotohanan at nagagawa nang maayos ang kanilang tungkulin. Kaya, naiwaksi na ng mga taong ito ang titulo, ang katawagan na “tagapagserbisyo.” Nakakita na ba kayo ng mga gayong tao? May mga gayong tao sa iglesia. Gusto ninyong malaman kung sino-sino ang mga taong ito at kung ilan sila, pero hindi Ko ito masasabi sa ngayon; kapag nauunawaan na ninyo ang katotohanan, makikilatis ninyo sila. Ang dapat ninyong malaman ay kung nasa anong uri ng kalagayan kayo naroroon, kung aling landas ang nasa unahan ninyo na inyong sinusunod, at kung aling landas ang dapat ninyong sinusunod—ito ang mga bagay na dapat ninyong malaman.

Ngayon, ipinataw ba ng Diyos ang titulong “tagapagserbisyo” sa mga tao? Ginagamit ba ng Diyos ang titulong ito para maliitin ang mga tao, para ikategorya at iklasipika sila? (Hindi.) Kung gayon, paano binigyang-kahulugan ng Diyos ang titulong ito? Ang pagbibigay ng Diyos ng titulo sa mga tao ay hindi basta-bastang pagbibigay Niya ng palayaw sa kanila at hindi Niya ito binibigyang-kahulugan batay sa panlabas na anyo; ang titulong ito ay hindi lang basta titulo. Ang pangalan ng tao ay isang katawagan lamang, isang bansag, na walang tunay na kabuluhan. Halimbawa, may mga magulang na Tsino na umaasa na magiging matalino at maganda ang kanilang anak na babae, kaya ginagamit nila ang karakter na “maganda” sa pangalan ng kanilang anak, pero pag-aasam lang iyon, at wala itong kinalaman sa diwa ng kanilang anak. Maaaring talagang mahina ang utak at lumaking hindi maganda ang anak na ito, kaya, ano, kung gayon, ang punto ng pagtawag sa kanya na “maganda”? May ilan ding batang lalaki na pinangalanang “Chenglong” o “Chenghu,” gamit ang mga karakter na nangangahulugan na maging parang isang dragon o tigre—talaga bang kahindik-hindik sila kung tatawagin sila sa mga gayong pangalan? Maaaring mga duwag sila o walang kuwenta. Mga inaasam lang ng mga magulang ang mga ito para sa kanilang mga anak; binibigyan nila ang mga ito ng mga ganitong pangalan, at walang kaugnayan ang mga pangalang ito sa diwa ng kanilang mga anak. Samakatwid, naglalaman ang mga pangalan at titulo ng mga tao ng mga imahinasyon at magagandang kahilingan ng mga tao, ngunit mga bansag at katawagan lamang ang mga ito, at hindi ibinibigay batay sa kanilang diwa. Gayumpaman, ang mga titulo at pangalang binibigyang-kahulugan ng Diyos ay tiyak na hindi ibinibigay batay sa panlabas na anyo ng mga tao, at lalong hindi ito batay sa mga sariling kagustuhan ng Diyos. Nais ba ng Diyos na maging mga tagapagserbisyo ang mga tao? (Hindi.) Nabasa na ba ninyo sa mga salita ng Diyos na sinasabi ng Diyos na, “Gusto Kong maging tagapagserbisyo ang bawat tao at ayaw Kong may sinumang maligtas”? (Hindi.) Kung gayon, ano ang nais ng Diyos? Sinabi ng mga tao noon, “Nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang masadlak sa perdisyon ang sinuman.” Isa itong kagustuhan. Gayumpaman, hindi nagmula sa wala ang titulong “tagapagserbisyo.” Katulad lang ito ng pagtukoy ng Diyos sa mga pangalan na “puno” at “damo.” Malalaki at matataas na bagay ang mga puno, at kapag may nagbabanggit sa puno, alam ng lahat na malalaki at matataas ang mga puno, at kapag may nagbabanggit sa damo, alam ng lahat na maliit at mababa ang damo, tama ba? (Oo.) Kaya, paano naman ang titulong “tagapagserbisyo”? Nabuo ang titulong ito ayon sa diwa at mga pagpapamalas ng tao, at ayon sa yugto ng gawain ng Diyos. Kung ang mga tao ay unti-unting makakaunawa sa katotohanan kasabay ng gawain ng Diyos, makakapasok sa katotohanang realidad, at makakapagpasakop at magkakaroon ng takot sa Diyos, kung gayon, sa oras na ito, nagbabago ang titulong ito. Samakatwid, kahit na isa ka sa mga tagapagserbisyo, hindi ito nakakaapekto sa paggawa mo ng tungkulin ng isang nilikha at sa paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan, at lalong hindi ito nakakaapekto sa iyong pagpapasakop at takot sa Diyos.

May mga tao ba na hindi kailanman maiwawaksi ang titulong “tagapagserbisyo”? (Oo.) Anong klaseng mga tao? Ito ang klase ng mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan, na maaaring nakakaunawa sa katotohanan pero hindi nagsasagawa nito, lalong hindi nila minamahal ang katotohanan, at madalas pa nga silang nakakaramdam ng pagkasuklam at pagtutol sa katotohanan sa puso nila. Bakit sila nananatili sa sambahayan ng Diyos kung tutol naman sila sa katotohanan? Nais nilang magkamit ng kaunting pakinabang, nagsisikap sila at nagpapakita ng ilang mabuting pag-uugali nang may kalakip na pangangarap nang gising sa sambahayan ng Diyos. Ginagamit nila ang halagang ibinabayad nila, ang pag-aalay at paggugol ng kanilang sarili, pati na ang paglipas ng kanilang kabataan at ang paggugol ng ilan sa kanilang oras kapalit ng anumang benepisyong nais nilang makamit. Dahil sa landas na sinusunod ng mga taong ito, sa huli, hindi sila nakakapasok sa katotohanang realidad, hindi sila makapagpasakop sa Diyos, lalong hindi sila nagkakaroon ng takot sa Diyos—ilalarawan sila bilang mga tagapagserbisyo magpakailanman. May ilan sa mga ganitong uri ng tao sa sambahayan ng Diyos na makakapagserbisyo hanggang sa pinakahuli, at may ilan na hindi, at may kaunting pagkakaiba sa pagkatao ng mga makakapagserbisyo hanggang sa pinakahuli at ng mga hindi. Ang mga hindi naghahangad sa katotohanan pero makakapagserbisyo hanggang sa pinakahuli—ibig sabihin, iyong mga tao na makakapaglaan ng kaunting pagsisikap sa sambahayan ng Diyos para sa gawain ng Diyos habang nagpapatuloy ang gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos—ay medyo may mabuti at mabait na pagkatao. Hindi sila gumagawa ng kasamaan, hindi sila nagsasanhi ng kaguluhan habang nagseserbisyo, at hindi sila inaalis sa iglesia. Kayang magserbisyo ng mga gayong tao hanggang sa pinakahuli, at sila ang mga taong mananatiling mga tagapagserbisyo. Samantalang ang iba, dahil masyadong masama ang kanilang pagkatao, dahil mababa ang kanilang karakter at integridad, madalas nilang ginugulo at ginagambala ang iba’t ibang gawain sa sambahayan ng Diyos habang nagseserbisyo sila, at nagsasanhi sila ng kawalan sa maraming gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila alam kung paano magsisi kapag sila ay pinupungusan o ibinubukod nang paulit-ulit, at bumabalik lang sila sa kanilang dating masasamang gawi; wala silang nauunawaang kahit anong katotohanan, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, sa halip, kumikilos sila nang walang pakundangan, at itinitiwalag ang mga gayong tao. Bakit sila itinitiwalag? Hindi man lang kayang magserbisyo ng mga ganitong tao. Hindi sila makagawa nang maayos kapag nagsusumikap sila sa sambahayan ng Diyos, at habang nagsusumikap sila, gumagawa rin sila ng kasamaan, at pinagbabayad nila ng halaga ang sambahayan ng Diyos at ang mga kapatid. Ang paggamit sa mga gayong tao ay hindi sulit sa magiging kawalan. Paulit-ulit silang binibigyan ng mga pagkakataon para makapagnilay-nilay, pero sa huli, hindi pa rin nagbabago ang kanilang kalikasan, at hindi sila nakikinig sa sinasabi ng sinuman. Ni hindi karapat-dapat na magserbisyo sa sambahayan ng Diyos ang mga gayong tao, at wala rin silang kakayahang gawin ito, kaya sila inaalis.

Mayroon na ba kayong pangkalahatang pagkaunawa ngayon sa titulong “tagapagserbisyo”? Isang mapandiskriminang titulo ba ang “tagapagserbisyo” na ibinibigay ng Diyos sa sangkatauhan? Sinasadya ba ng Diyos na gamitin ang titulong ito para maliitin ang mga tao? Ginagamit ba ng Diyos ang titulong ito para ibunyag at subukin ang mga tao? Ginagamit ba ng Diyos ang titulong ito para ipaalam sa mga tao kung ano talaga ang mga tao? Ang mga ito ba ang nilalayon ng Diyos? Sa totoo lang, hindi nilalayon ng Diyos ang alinman sa mga bagay na ito. Hindi nilalayon ng Diyos na ibunyag ang mga tao, o na maliitin at kutyain ang mga tao, at hindi rin Niya nilalayong gamitin ang titulong “tagapagserbisyo” para subukin ang mga tao. Ang tanging pakahulugan ng Diyos sa titulong “tagapagserbisyo” ay na gumagawa Siya ng mga paglalarawan at binubuo Niya ang titulong ito ayon sa paggampan at diwa ng mga tao, ayon sa papel na ginagampanan ng mga tao sa panahon ng gawain ng Diyos, pati na rin kung ano ang kayang gawin ng mga tao at kung saan nila kayang makipagtulungan. Mula sa pakahulugang ito, nakikita natin na nagseserbisyo ang bawat tao sa sambahayan ng Diyos para sa plano ng pamamahala ng Diyos at sa isang punto ay gumampan ng papel na ito bilang tagapagserbisyo. Masasabi ba natin ito? (Oo.) Talagang masasabi natin ito, at mauunawaan na ninyong lahat ito ngayon. Hindi nais gamitin ng Diyos ang titulong ito para pahinain ang loob ng mga tao o subukin ang kanilang pananalig, lalo na ang maliitin sila o para maging mas maayos ang asal nila at mas masunurin sila, o ipaalam sa kanila kung ano ang kanilang pagkakakilanlan at posisyon, at lalong hindi nais ng Diyos na gamitin ang titulong “tagapagserbisyo” para alisin ang karapatan ng mga tao na gawin ang tungkulin ng isang nilikha. Ganap na natutukoy ang titulong ito batay sa iba’t ibang tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao at sa kanilang tunay na kalagayan habang sumusunod sila sa Diyos. Samakatwid, tiyak na walang kinalaman ang titulong ito sa kung ano ang magiging pagkakakilanlan, katayuan, posisyon, at hantungan ng mga tao kapag natapos na ang gawain ng pamamahala ng Diyos. Ganap na nagmumula ang titulong ito sa mga pangangailangan ng plano ng pamamahala at gawain ng pamamahala ng Diyos, at isa itong tunay na kalagayan ng tiwaling sangkatauhan sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Tungkol naman sa mga taong nagbibigay ng serbisyo sa sambahayan ng Diyos bilang mga tagapagserbisyo at ginagamit na parang mga makina, nakasalalay sa kanilang paghahangad kung magpapatuloy ang kalagayang ito hanggang sa pinakahuli o kung magbabago ito para sa ikabubuti ng kanilang pagsunod sa Diyos. Kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan, at kaya niyang magkamit ng pagbabago ng disposisyon at makapagpasakop at matakot sa Diyos, tuluyan na niyang maiwawaksi ang titulong “tagapagserbisyo.” At ano ang nangyayari sa mga tao kapag naiwaksi na nila ang titulong “tagapagserbisyo”? Nagiging mga tunay na tagasunod sila ng Diyos, mga tao ng Diyos, at mga tao ng kaharian, ibig sabihin, nagiging mga tao sila ng kaharian ng Diyos. Kung, habang sumusunod ka sa Diyos, nakatuon ka lang sa pagsusumikap, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga, hindi mo hinahangad ang katotohanan o isinasagawa ang katotohanan, hindi nagbabago kahit kaunti ang iyong mga tiwaling disposisyon, hindi mo kailanman ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, at sa huli, hindi mo nakakamit ang pagpapasakop at pagkatakot sa Diyos, kung gayon, ang titulong ito na “tagapagserbisyo,” ang “koronang” ito ay perpektong kakasya sa iyo, saktong-sakto, at hindi mo ito kailanman maiaalis. Kung nasa ganitong kalagayan ka pa rin sa oras na matapos ang gawain ng Diyos at hindi pa rin nagbabago ang mga disposisyon mo, kung gayon, walang magiging kaugnayan sa iyo ang titulong “mga tao ng kaharian ng Diyos,” at magiging isa kang tagapagserbisyo magpakailanman. Paano mo mauunawaan ang mga salitang ito? Dapat ninyong maunawaan na sa sandaling matapos ang gawain ng Diyos, ibig sabihin, kapag nailigtas na ang lahat ng taong nais na iligtas ng Diyos, kapag ganap nang umepekto ang gawaing nais gawin ng Diyos at natamo na ang mga layon nito, hindi na magsasalita o gagabay ang Diyos sa mga tao, hindi na Siya gagawa ng anumang gawain ng pagliligtas sa tao, at magtatapos na doon mismo ang Kanyang gawain, gayundin ang landas ng pananalig sa Diyos na sinusundan ng bawat tao. May ganitong talata sa Bibliya: “Ang siyang di-matuwid, ay hayaang manatiling di-matuwid: at ang marumi, ay hayaang magpakarumi pa: at ang matuwid, ay hayaang magpakatuwid pa: at ang banal, ay hayaang magpakabanal pa” (Pahayag 22:11). Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, na sa sandaling sabihin ng Diyos na tapos na ang Kanyang gawain, nagpapahiwatig ito na hindi na gagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao, at pagkastigo at paghatol sa tao, hindi na bibigyang-liwanag o gagabayan ng Diyos ang tao, at hindi na Siya magbibigkas ng mga salita sa tao nang walang-sawa at taimtim na nanghihikayat o pumupungos sa kanila—hindi na gagampanan ng Diyos ang gawaing ito. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na mabubunyag na ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay, at maitatakda na rin ang mga kalalabasan ng mga tao, at wala nang makapagbabago nito, at hindi na magkakaroon ng mga pagkakataon ang mga tao na maligtas. Iyon ang ibig sabihin nito.

Kapag iwinaksi ng isang tao ang titulong “tagapagserbisyo” sa pagtatapos ng gawain ng Diyos, kapag iwinaksi nila ang katawagan at kondisyong ito, ipinapahiwatig nito na hindi na isang tagalabas o isang walang pananampalataya ang taong ito sa mga mata ng Diyos, kundi isa na siyang tao ng sambahayan at ng kaharian ng Diyos. At paano nga ba nabuo ang titulong ito na “isang tao ng sambahayan at ng kaharian ng Diyos”? Paano nakakamit ng mga tao ang titulong ito? Ikaw ay nagiging isang tao ng sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, pag-unawa sa katotohanan, pagdurusa at pagbabayad ng halaga, at sa gayon ay mahusay na nagagawa ang iyong tungkulin, nagtatamo ng isang partikular na antas ng pagbabago sa disposisyon, at nagagawang magpasakop at matakot sa Diyos. Katulad nina Job at Pedro, hindi mo na kailangang mapinsala at magawang tiwali ni Satanas, maaari ka nang mamuhay nang malaya sa kaharian at sa sambahayan ng Diyos, hindi mo na kailangan pang makibaka sa iyong mga tiwaling disposisyon, at sa mga mata ng Diyos, isa kang tunay na nilikha, isang tunay na tao. Hindi ba’t isa iyong bagay na dapat ipagdiwang nang may kagalakan? Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na ganap nang natapos ang buhay ng pagdurusa at paghihirap ng isang tao na nagawang tiwali ni Satanas at nagsisimula na siyang mamuhay nang may kagalakan, kapayapaan, at kaligayahan. Nakapamumuhay na siya sa liwanag ng mukha ng Lumikha, nakapamumuhay kasama ng Diyos, at isa itong bagay na dapat ipagdiwang nang may kagalakan. Gayumpaman, para sa ibang uri ng mga taong hindi pa nagawang iwaksi ang titulong “tagapagserbisyo” sa huli, ano ang ibig sabihin nito kung hindi pa rin nila natanggal ang titulong ito, ang “korona” na ito mula sa kanilang ulo kapag nagtapos na ang gawain ng Diyos? Nangangahulugan ito na nananatili pa rin silang mga tagalabas at walang pananampalataya sa mga mata ng Diyos. Ito ay dahil hindi talaga nila tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan, hindi nila natamo ang pagbabago sa disposisyon, hindi nila kayang magpasakop sa Diyos, at wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Dapat itiwalag ang mga taong ito mula sa sambahayan ng Diyos at wala silang puwang sa kaharian ng Diyos. Kung wala silang puwang sa kaharian ng Diyos, nasaan sila? Nasa labas sila ng kaharian ng Diyos at isang grupo silang ibinukod mula sa mga tao ng Diyos. Tinatawag pa rin na “mga tagapagserbisyo” ang mga gayong tao, at ipinapahiwatig nito na hindi sila naging mga tao ng sambahayan ng Diyos, hindi sila kailanman magiging mga tagasunod ng Diyos, hindi sila kinikilala ng Diyos, at hindi na sila kailanman makakatanggap muli ng mga pagpapala o biyaya mula sa Diyos. Siyempre, nangangahulugan din ito na wala na silang pagkakataong magtamasa ng magagandang pagpapala kasama ang Diyos sa Kanyang kaharian o magkamit ng kapayapaan at kagalakan—wala nang ganitong pagkakataon. Kung gayon, dapat ba nilang ipagdiwang nang may kagalakan ang sandaling ito, o isa ba itong pangyayari na puno ng hinagpis? Isa itong pangyayari na puno ng hinagpis. At tungkol sa kung ano ang magiging gantimpala nila para sa pagdadala ng titulong ito na “tagapagserbisyo” sa labas ng sambahayan ng Diyos at sa labas ng kaharian ng Diyos, sa susunod na ang usaping iyon. Ano’t anuman, napakalaki ng pagkakaiba sa pagitan ng gantimpalang ibinibigay sa mga tagapagserbisyo at sa ibinibigay sa mga tao ng kaharian ng Diyos; may mga pagkakaiba sa posisyon, sa gantimpala, at sa iba pang mga aspekto. Hindi ba’t nakakaawa na hindi nagkamit ng katotohanan at hindi nagkaroon ng pagbabago sa disposisyon ang mga ganitong tao habang ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga tao? Sobrang nakakaawa ito! Ito ang ilang salita patungkol sa titulong “tagapagserbisyo.”

May ilang tao na nagsasabing, “Nakakaramdam ako ng pagtutol kapag nababanggit ang mga tagapagserbisyo. Ayaw ko at hindi ako masaya na maging isang tagapagserbisyo. Kung kabilang ako sa mga tao ng Diyos, matatanggap ko iyon kahit na ako ang pinakahamak sa kanila, at ayos lang iyon basta’t hindi ako tagapagserbisyo. Wala akong ibang hinahangad at wala akong kinikimkim na ibang adhikain sa buhay na ito; ang tanging inaasam ko ay maiwaksi ang titulong ‘tagapagserbisyo.’ Hindi naman malaki ang hinihingi ko.” Ano ang tingin mo sa mga ganitong tao? Ito ba ang saloobin ng isang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Anong saloobin ito? Hindi ba’t negatibong saloobin ito? (Oo.) Pagdating sa titulong “tagapagserbisyo,” hindi mo kailangang magsumikap na iwaksi ito, dahil ibinibigay ang titulong ito batay sa antas ng pag-usad mo sa iyong buhay at hindi ito napagpapasyahan batay sa kung ano ang gusto mo. Hindi ito nakasalalay sa kung ano ang gusto mo, kundi nakasalalay ito sa landas na sinusunod mo at kung nagbago na ba ang iyong mga disposisyon. Kung ang layon mo ay maiwaksi lang ang titulong “tagapagserbisyo,” kung gayon, hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang totoo: Hindi mo ito kailanman maiwawaksi hangga’t nabubuhay ka. Kung pagtutuunan mo ang paghahangad sa katotohanan at kung makakamit mo ang pagbabago sa disposisyon, unti-unti ring magbabago ang titulong ito. Batay sa dalawang puntong ito, ipinapataw ba ng Diyos sa mga tao ang titulong “tagapagserbisyo”? Tiyak na hindi! Hindi ito isang titulo na ipinapataw ng Diyos sa mga tao, ni isang katawagan—ito ay isang titulo na ibinibigay batay sa antas ng pag-usad ng mga tao sa kanilang buhay. Nababawasan ang iyong pagiging tagapagserbisyo batay sa kung gaano man kalaki ang pag-usad mo sa buhay at kung gaano man kalaki ang pagbabago sa iyong disposisyon. Kapag isang araw ay nagagawa mo nang magpasakop at magkaroon ng takot sa Diyos, kung gayon, kahit na handa ka nang maging tagapagserbisyo, hindi ka na magiging isang tagapagserbisyo, at ito ay napagpapasyahan ng iyong paghahangad, ng iyong saloobin tungkol sa katotohanan, at ng landas na sinusundan mo. May mga nagsasabi rin na, “Gusto kong iwaksi ang titulong ito na ‘tagapagserbisyo’ at ayaw kong maging ganito, pero hindi ko nauunawaan ang katotohanan at hindi ko gustong hangarin ang katotohanan. Kaya, ano ang puwede kong gawin?” May solusyon ba? Itinatakda ng Diyos ang mga kalalabasan ng lahat ng uri ng tao batay sa Kanyang mga salita at sa katotohanan—walang puwang para sa pakikipagkompromiso. Kung minamahal mo ang katotohanan at kaya mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kung gayon ay dapat mo itong ikagalak; kung tutol ka sa katotohanan at pinipili mong hindi tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kung gayon ay magsasanhi ito ng hinagpis. Ito lamang ang dalawang landas—walang landas sa gitna na mapagpipilian. Ang mga salitang binibigkas ng Diyos ay hindi kailanman lilipas; bagama’t lilipas ang lahat ng bagay, hindi lilipas ang kahit isang pagbigkas ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ang mga pamantayan sa paghatol at pagtukoy sa lahat ng bagay; ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at hindi kailanman lilipas. Kapag nagbago at lumipas na ang mundong ito, ang sangkatauhan, at ang lahat ng bagay, hindi lilipas ang kahit isang salita ng Diyos, bagkus ay matutupad ang lahat ng salita Niya. Naitatakda at naibubunyag ang mga kalalabasan ng sangkatauhan at ng lahat ng bagay dahil sa mga salita ng Diyos—walang sinuman ang makakapagpabago nito, at hindi na kailangan pang pagdiskusyunan ang usaping ito. Kaya, pagdating sa pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan at pagtatakda Niya sa mga kalalabasan ng mga tao, kung nangangarap lang nang gising ang mga tao, lubos silang mga hangal. Wala na silang mapagpipiliang pangalawang landas sa bagay na ito, dahil hindi binigyan ng Diyos ng pangalawang landas ang mga tao. Ito ang disposisyon ng Diyos, ito ang pagiging matuwid ng Diyos, at hindi puwedeng makialam ang mga tao sa bagay na ito kahit gustuhin nila. Inaakala mo na ikaw ay nasa mundong walang pananampalataya, kung saan maaaring gumastos ang mga tao ng kaunting pera at gumamit ng kanilang mga koneksiyon para pangasiwaan ang mga bagay-bagay, pero hindi iyon uubra sa Diyos. Tandaan: Walang silbi ito sa harap ng Diyos!