Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikawalong Bahagi) Ikatlong Seksiyon

Dahil sa mapaminsalang kalikasan nila, hindi binibigyang-daan ng mga anticristo ang sinumang naghahangad sa katotohanan. Minamaliit nila ang sinumang lider at manggagawa na may kakayahang gumawa ng tunay na gawain, at binabansagan pa nga nila na huwad ang lahat ng lider at manggagawa, na para bang sila lamang ang tama, at mali ang lahat ng ibang tao. Paano man ibinabahagi sa kanila ang katotohanan, hindi man lang nila tatanggapin ang pagpupungos at pinaninindigan pa rin nila ang sarili nilang mga pananaw. Kung mabibigo ang sinumang nagpupungos sa kanila na lubusang kumbinsihin sila, hindi nila ito tatanggapin. Iniisip nila na walang silbi ang pagpupungos at na wala itong kinalaman sa katotohanan. Ito ang pananaw nila. Palagi nilang pinaninindigan ang sarili nilang mga pananaw, kaya napakahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan, at kasabay nito, hinuhusgahan at kinokondena nila ang mga nagpupungos sa kanila. Anong disposisyon ang ibinubunyag ng mga anticristo sa paraan nila ng pagtrato sa pagpupungos? Nakikita mo ba kung ano ang kalikasang diwa ng anticristo? Ang isa sa mga pangunahing katangian ng kalikasan ng mga anticristo ay ang kalupitan. Ano ang kahulugan ng “kalupitan”? Nangangahulugan ito na mayroon silang partikular na kasuklam-suklam na saloobin tungkol sa katotohanan—hindi lamang nabibigong magpasakop doon, at hindi lamang tumatangging tanggapin iyon, kundi kinokondena pa ang mga nagpupungos sa kanila. Iyon ang malupit na disposisyon ng mga anticristo. Iniisip ng mga anticristo na sinumang tumatanggap sa pagpupungos ay madaling apihin, at na ang mga taong palaging pumupungos sa iba ay ang mga taong palaging nagnanais na manudyo at mang-api sa mga tao. Kaya, lalabanan ng isang anticristo ang sinumang pumupungos sa kanya, at pahihirapan niya ang taong iyon. At sinumang bumabanggit sa mga kakulangan o katiwalian ng isang anticristo, o nagbabahagi sa kanya tungkol sa katotohanan at mga layunin ng Diyos, o naghihikayat sa kanyang kilalanin ang kanyang sarili, iniisip niya na pinahihirapan siya ng taong iyon at kinaiinisan niya ito. Kinamumuhian niya ang taong iyon sa kaibuturan ng kanyang puso, at paghihigantihan at pahihirapan niya ito. Isa pa itong pagpapamalas kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagpupungos na ating pagbabahaginan. Kinamumuhian nila ang sinumang nagpupungos at naglalantad sa kanila. Isa itong napakalinaw na pagpapamalas ng mga anticristo. Anong uri ng mga tao ang nagtataglay ng gayon kalupit na disposisyon? Masasamang tao. Sa katunayan, masasamang tao ang mga anticristo. Kaya, ang masasamang tao at mga anticristo lamang ang nagtataglay ng gayon kalupit na disposisyon. Kapag naharap ang isang malupit na tao sa anumang uri ng paghihikayat, akusasyon, turo o tulong na may mabuting layunin, ang saloobin nila ay hindi ang magpasalamat o tanggapin ito nang mapagpakumbaba, kundi, ang magalit nang husto dahil sa kahihiyan, at makaramdam ng matinding pagkamapanlaban, pagkamuhi, at maghiganti pa nga. May ilan na nagpupungos at naglalantad sa isang anticristo sa pamamagitan ng pagsasabing, “Kamakailan lang ay wala kang pakundangan sa pagkilos mo, hindi ka kumilos ayon sa prinsipyo, at palagi mong ipinagmamalaki ang sarili mo habang ginagawa ang tungkulin mo. Gumagawa ka lang alang-alang sa katayuan at lubusan mong ginugulo ang iyong tungkulin. Naging matuwid ka ba sa pakikitungo mo sa Diyos? Bakit hindi mo hinanap ang katotohanan habang ginagawa ang tungkulin mo? Bakit hindi ka kumikilos ayon sa prinsipyo? Bakit hindi mo tinanggap nang makipagbahaginan sa iyo ang mga kapatid tungkol sa katotohanan? Bakit mo sila binalewala? Bakit mo ginagawa ang anumang gusto mo?” Ang ilang katanungang ito “kung bakit,” ang mga salitang ito na naglalantad ng pagbubunyag niya ng katiwalian—naiirita siya sa mga ito: “Bakit? Walang ‘bakit’—gagawin ko ang anumang gusto ko! Ano ang karapatan mo para pungusan ako? Sino ka para gawin ito? Matigas ang ulo ko; ano ang magagawa mo roon? Ngayong umabot na ako sa edad na ito, walang naglalakas-loob na kausapin ako nang ganito. Ako lang ang puwedeng magsalita nang ganito sa iba; walang sinuman ang makakapagsalita sa akin nang ganito. Sino ang maglalakas-loob na pangaralan ako? Hindi pa ipinapanganak ang taong puwedeng mangaral sa akin! Sa tingin mo ba talaga ay puwede mo akong pangaralan?” Umuusbong ang pagkamuhi sa kaibuturan ng puso niya, at naghahanap siya ng pagkakataon para makapaghiganti. Sa isipan niya, nagkakalkula siya: “May kapangyarihan ba sa iglesia ang taong ito na nagpupungos sa akin? Kung gagantihan ko siya, may magsasalita ba para sa kanya? Kung pahihirapan ko siya, haharapin ba ako ng iglesia? May solusyon ako. Hindi ako gaganti laban sa kanya; lubos na palihim kong gagawin ang isang bagay. May gagawin ako sa pamilya niya na magpapahirap at magpapahiya sa kanya, nang sa gayon ay makalaya ako sa sama ng loob na ito. Kailangan kong makapaghiganti. Hindi ko ito puwedeng palampasin ngayon. Hindi ako nagsimulang manampalataya sa diyos para lang hamak-hamakin ako, at hindi ako pumarito para api-apihin ako ng iba ayon sa gusto nila; pumarito ako para magkamit ng mga pagpapala at pumasok sa kaharian ng langit! Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito. Dapat ay may lakas ang mga tao na ipaglaban ang kanilang dignidad. Ang lakas ng loob mong ilantad ako. Pang-aapi ito! Ngayong hindi mo ako itinuturing na mahalagang tao, dadalhin kita sa impiyerno, at ipapatikim ko sa iyo ang mga kahihinatnan. Magtuos tayo, tingnan natin kung sino ang mas mabangis!” Ang kaunting salita lang ng paglalantad ay lubha nang nagpapagalit sa mga anticristo at pumupukaw sa matindi nilang pagkamuhi, na nagtutulak sa kanila na gumawa ng mga labis-labis na bagay para sa paghihiganti. Lubusang nabubunyag ang malupit nilang disposisyon. Siyempre, kapag gumaganti sila sa iba dahil sa pagkamuhi, hindi ito dahil may pagkamuhi sila o dating sama ng loob sa taong iyon, kundi dahil inilantad ng taong iyon ang mga pagkakamali nila. Ipinapakita nito na ang simpleng paglalantad sa isang anticristo, kahit sino pa ang gumawa nito, at kahit ano pa ang ugnayan nila sa anticristo, ay puwedeng makapukaw sa pagkamuhi nila at mag-udyok ng paghihiganti nila. Kahit sino pa ito, nauunawaan man ng taong ito ang katotohanan, o isa man itong lider o manggagawa, o isang ordinaryong miyembro ng hinirang na mga tao ng Diyos, hangga’t may naglalantad at nagpupungos sa anticristo, ituturing niya ang taong iyon bilang kaaway. Hayagan pa ngang sasabihin ng anticristo na, “Pahihirapan ko ang sinumang magpupungos sa akin. Ang sinumang nagpupungos sa akin, naglalantad sa mga kahiya-hiyang sikreto ko, nagpapatalsik sa akin sa sambahayan ng diyos, o aagaw sa aking parte ng mga pagpapala, hinding-hindi ko siya tatantanan. Ganyan ako sa sekular na mundo: Walang nangangahas na bigyan ako ng problema. Hindi pa ipinapanganak ang taong mangangahas na abalahin ako!” Ito ang mga uri ng walang awang salita na ibinubulalas ng mga anticristo kapag nahaharap sila sa pagpupungos. Kapag ibinubulalas nila ang mga walang awang salitang ito, hindi ito para takutin ang iba, at hindi rin sila nagbubulalas para protektahan ang sarili nila. Tunay na may kakayahan silang gumawa ng kasamaan, at gagamitin nila ang anumang paraan na magagamit nila. Ito ang malupit na disposisyon ng mga anticristo. Kapag nakakatagpo ng ilang lider at manggagawa ang mga anticristong tulad nito, wala silang lakas ng loob na ilantad ang mga anticristo o umaksiyon laban sa mga ito, at kaya, nagiging mas masahol ang mga anticristo. Mas lalo pang nagiging pangahas ang paggawa nila ng masama, patuloy nilang tinatangkang ilihis at guluhin ang mga tao, at nauuwi ito sa panlilihis at pagkontrol nila sa karamihan ng tao. Ito ang nagdudulot ng sakuna. Kapag natuklasan ng ilang anticristo na inilantad o iniulat ng mga kapatid ang masasamang gawa nila sa mga mas nakatataas, gumaganti sila at inuulat ang mga kapatid sa malaking pulang dragon—inuulat nila ang mga ito sa rehimen ni Satanas. Isa itong malupit na disposisyon, hindi ba? At, dahil napakalupit ng mga anticristo, talaga bang nananampalataya sila sa Diyos? Tiyak na hindi. Mga alipin sila ni Satanas, at dumating sila para guluhin ang iglesia; masasamang demonyo silang nakapuslit papasok sa sambahayan ng Diyos at walang ginagawa kundi gambalain at sirain ang gawain ng Diyos, at kinokontra nila ang Diyos. Kaya, ang mga anticristo ay mga kaaway ng Diyos at ng mga hinirang ng Diyos. Isang malaking pagkakamali na tratuhin ang mga anticristo, masasamang demonyo nang katulad ng pagtrato sa mga kapatid; tiyak na isa kang bulag para magawa ang gayong bagay. Kung ang isang anticristo ay dinidiligan, pinapakain, at sinusuportahan na parang isa siyang kapatid, o kung itinataas ang ranggo niya at binibigyan siya ng mahalagang papel na parang isa siyang taong naghahangad sa katotohanan, gumagawa ng malaking kasamaan ang lider. Nakikibahagi ang lider sa kasamaan ng anticristo, at dapat siyang itiwalag. Kasabwat ng mga anticristo ang gayong mga huwad na lider, at makatarungang sabihin na sila mismo ay mga anticristong dapat alisin at patalsikin.

Kapag pinupungusan ang mga anticristo, ang saloobin nila ay hindi pagtanggap at pagsunod. Sa halip, laban at tutol sila rito, na nagbubunga ng pagkamuhi. Kinamumuhian nila sa kaibuturan ng puso nila ang bawat taong nagpupungos sa kanila, nagbubunyag ng mga kahiya-hiya nilang sekreto at naglalantad ng mga aktuwal nilang sitwasyon. Gaano katindi ang pagkamuhi nila sa iyo? Nagngangalit ang mga ngipin nila sa pagkamuhi, hiling nila na maglaho ka sa paningin nila, at nararamdaman nila na hindi kayo puwedeng umiral sa iisang mundo. Kung ganito ang pakikitungo ng mga anticristo sa mga tao, kaya ba nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos na naglalantad at kumokondena sa kanila? Hindi. Ang sinumang maglalantad sa kanila ay kamumuhian nila dahil sa paglalantad sa kanila at sa pagiging hindi pabor sa kanila, at gaganti sila. Nais nilang mawala sa paningin nila ang taong nagpungos sa kanila. Hindi nila matiis na makita ang taong ito na namumuhay nang maayos. Kung mamamatay o daranas ng sakuna ang taong ito, matutuwa sila; hangga’t nabubuhay ang taong ito at gumagawa pa rin ng tungkulin nito sa sambahayan ng Diyos, at nagpapatuloy ang mga bagay-bagay gaya ng dati, nakakaramdam sila ng pagdurusa, pagkabalisa, at pagkayamot sa puso nila. Kapag wala silang paraan para makaganti sa isang tao, palihim nila itong isinusumpa, o ipinagdarasal pa nga nila na parusahan at ganting-parusahan ng Diyos ang taong iyon, at na tugunan ng Diyos ang mga hinaing nila. Kapag nabuo ng mga anticristo ang ganitong pagkamuhi, nagreresulta ito sa mga sunud-sunod na pagkilos. Kabilang sa mga pagkilos na ito ang paghihiganti at mga sumpa, at siyempre, may ilan ding pagkilos gaya ng pagdidiin, paninira, at pagkondena sa iba, na nag-uugat sa pagkamuhi. Kapag may nagpupungos sa kanila, sisiraan nila ang taong iyon nang patalikod. Kapag sinabi ng taong iyon na tama ang isang bagay, sasabihin nilang mali ito. Babaluktutin nila ang lahat ng positibong bagay na ginagawa ng taong iyon at gagawin nila itong negatibo, nagpapakalat sila ng mga kasinungalingang ito at nagsasanhi ng kaguluhan habang nakatalikod ang taong iyon. Uudyukan at aakitin nila ang iba na mangmang at hindi malinaw na nakakaunawa ng mga bagay-bagay o walang sariling pagkilatis, para pumanig sa kanila ang mga taong ito at suportahan sila. Malinaw na walang anumang ginawang masama ang taong nagpupungos sa kanila, pero gusto pa rin nilang paratangan ng masasamang gawa ang taong ito, para maling paniwalaan ng lahat na ginagawa ng taong ito ang mga ganitong uri ng bagay, at magsama-sama ang lahat para itakwil ang taong ito. Ginugulo ng mga anticristo ang buhay iglesia sa ganitong paraan at ginugulo ang mga tao sa paggampan ng tungkulin nila. Ano ang layon nila? Layon nilang pahirapan ang taong nagpupungos sa kanila at ipaabandona sa lahat ang taong ito. May ilang anticristo rin na nagsasabi: “Pinungusan at pinahirapan mo ako, kaya hindi ko rin gagawing madali para sa iyo ang mga bagay-bagay. Ipapatikim ko sa iyo kung ano ang pakiramdam ng mapungusan at maabandona. Paano mo man ako tratuhin, ganoon din kita tatratuhin. Kung hindi mo gagawing madali para sa akin ang mga bagay-bagay, huwag kang umasa na magiging madali rin para sa iyo ang mga ito!” Kapag gumagawa ng kasamaan ang mga anticristo, ipinatatawag sila ng ilang lider at manggagawa para makausap, sinasabihan silang magsisi, at binabasahan sila ng mga salita ng Diyos para tulungan at suportahan sila. Bukod sa hindi nila ito tinatanggap, nagpapasimula rin sila ng walang batayang mga tsismis na hindi gumagawa ng tunay na gawain ang lider at hindi kailanman gumagamit ng salita ng Diyos para lutasin ang mga problema. Sa katunayan, nakagawa na ng gayong gawain ang lider, pero binabago at binabaliktad ng mga anticristo ang mga katunayan at sinisiraan ang taong tumutulong sa kanila. Hindi ba’t malupit ito? Nang nakadilat ang mga mata nila, ipinapahayag ng masasamang tao at mga anticristong ito na negatibo ang mga positibong bagay, at na ang kanilang mga maling gawain, pagkakamali, buktot na gawa, at mapaminsalang kilos ay mga positibong bagay na umaayon sa katotohanan. Gaano man kalaki ang maging pagkakamali nila habang ginagawa ang tungkulin nila, gaano man kalaking pinsala ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, hindi nila ito inaamin o sineseryoso man lang. Kapag tinatalakay nila ito, ginagawa lang nila itong maliit na bagay at binabalewala. Ang taong nagpupungos sa kanila dahil sa usaping ito ay nagiging makasalanan sa paningin nila at nagiging puntirya ng kritisismo nila. Hindi ba’t pagbabaliktad ito sa katunayan? May ilang anticristo pa nga na gumagawa ng mga maling kontra-akusasyon kapag pinupungusan sila ng isang lider o manggagawa, sinasabi nila: “Ang anumang pagkakamali naming mga kapatid ay sanhi ng kamangmangan at ng hindi maayos na paggawa ng mga lider at manggagawa sa trabaho nila. Kung marunong ang mga lider at manggagawa na gumampan sa gawain nila, kung binigyan nila kami ng mga maagap na paalala, at mahusay nilang pinamahalaan ang mga bagay-bagay, kung gayon, hindi ba’t mababawasan ang mga kawalan sa sambahayan ng diyos? Samakatwid, anuman ang maging mga pagkakamali namin, ang mga lider at manggagawa ang ganap na dapat sisihin at ang dapat na umako ng pinakamalaking responsabilidad.” Hindi ba’t paggawa ito ng huwad na kontra-pahayag? Ang mga huwad na kontra-pahayag na ito ay pagbabaligtad sa katunayan at isang uri ng paghihiganti.

Ang mga anticristo ay nagtataglay ng lubhang malulupit na disposisyon. Kung susubukan mo silang pungusan o ilantad, kamumuhian ka nila at ibabaon nila sa iyo ang mga ngipin nila na para bang sila ay mga makamandag na ahas. Hindi mo sila maiwawaksi o maiaalis kahit anong pilit mo. Kapag nakakatagpo kayo ng mga gayong anticristo, natatakot ba kayo? May ilang tao na natatakot at nagsasabi, “Hindi ako nangangahas na pungusan sila. Masyado silang mabangis, para silang mga makamandag na ahas, at kung pupulupot sila sa akin, magiging katapusan ko na.” Anong uri ng mga tao ang mga ito? Masyadong mababa ang tayog nila, wala silang silbi sa anumang bagay, hindi sila mabubuting sundalo ni Cristo, at hindi nila kayang magpatotoo sa Diyos. Kaya, ano ang dapat ninyong gawin kapag nakatagpo kayo ng mga gayong anticristo? Kung pinagbabantaan ka nila o tinatangka nilang kitilin ang buhay mo, matatakot ka ba? Sa mga gayong sitwasyon, dapat mabilis kang makipagkaisa sa mga kapatid mo at manindigan, mag-imbestiga, magtipon ng ebidensiya, at ilantad ang anticristo hanggang maalis sila sa iglesia. Lubusan itong paglutas sa problema. Kapag natuklasan mo ang isang anticristo at malinaw mong natukoy na taglay niya ang mga katangian ng isang masamang tao at kaya niyang magpahirap at maghiganti sa iba, huwag mo nang hintayin na makagawa pa siya ng kasamaan at makapagtipon ng ebidensiya bago mo ito pangasiwaan. Ito ay pagiging pasibo at magreresulta sa ilang kawalan. Kapag ipinapakita ng mga anticristo na mayroon silang mga katangian ng isang masamang tao at ibinubunyag nila ang mapanira at mapaminsala nilang disposisyon, at magsisimula na silang kumilos, pinakamainam na agad mo silang pangasiwaan, harapin, alisin, at patalsikin. Ito ang pinakamatinong pamamaraan. Ang ilang tao ay natatakot sa paghihiganti ng mga anticristo at hindi sila naglalakas-loob na ilantad ang mga ito. Hindi ba’t kahangalan ito? Hindi mo magawang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, na likas na nagpapakita na hindi ka tapat sa Diyos. Natatakot ka na puwedeng makahanap ang isang anticristo ng sandata para makaganti sa iyo—ano ang problema? Maaari kayang dahil hindi ka nagtitiwala sa pagiging matuwid ng Diyos? Hindi mo ba alam na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos? Kahit na matuklasan ng isang anticristo ang ilang isyu ng katiwalian sa iyo at gumawa ng gulo tungkol dito, hindi ka dapat matakot. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga problema ay pinangangasiwaan batay sa mga katotohanang prinsipyo. Ang paggawa ng mga pagsalangsang ay hindi nangangahulugang masamang tao ang isang tao. Hindi kailanman pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang sinuman dahil sa isang panandaliang pagbubunyag ng katiwalian o paminsan-minsang pagsalangsang. Pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang mga anticristo at masasamang tao na palagiang nanggugulo at gumagawa ng masama, at hindi tumatanggap ng kahit katiting na katotohanan. Hindi kailanman inaagrabyado ng sambahayan ng Diyos ang isang mabuting tao. Tinatrato nito ang lahat nang patas. Kahit na akusahan ng hindi totoo ng mga huwad na lider o anticristo ang isang mabuting tao, ipapawalang-sala siya ng sambahayan ng Diyos. Hindi kailanman aalisin o haharapin ng iglesia ang isang mabuting tao na kayang maglantad ng mga anticristo at na may pagpapahalaga sa katarungan. Palaging natatakot ang mga tao na makakahanap ang mga anticristo ng sandata para gantihan sila. Ngunit hindi ka ba natatakot na masalungat ang Diyos at maranasan ang Kanyang pagtataboy? Kung natatakot ka na makahahanap ng sandata ang isang anticristo na makaganti sa iyo, bakit hindi mo kunin ang ebidensiya ng masasamang gawa ng anticristong iyon para iulat at ilantad siya? Sa paggawa nito, makakamit mo ang pagsang-ayon at pagsuporta ng hinirang na mga tao ng Diyos, at higit sa lahat, matatandaan ng Diyos ang iyong mabubuting gawa at mga kilos ng katarungan. Kaya, bakit hindi mo gawin ito? Dapat palaging isaisip ng hinirang na mga tao ng Diyos ang atas ng Diyos. Ang pag-aalis sa masasamang tao at mga anticristo ang pinakamahalagang laban sa pakikipagsagupa kay Satanas. Kung maipapanalo ang labang ito, magiging patotoo ito ng isang mananagumpay. Ang pakikipaglaban sa mga Satanas at masasamang diyablo ay isang patotoong batay sa karanasan na dapat taglayin ng hinirang na mga tao ng Diyos. Isa itong katotohanang realidad na dapat taglayin ng mga mananagumpay. Pinagkalooban ng Diyos ang mga tao ng napakaraming katotohanan, inakay ka Niya sa loob ng napakahabang panahon, at napakarami Niyang itinustos para sa iyo, para patotohanan at pangalagaan mo ang gawain ng iglesia. Pero lumalabas na kapag gumagawa ng masasamang gawa ang masasamang tao at ang mga anticristo at kapag ginugulo nila ang gawain ng iglesia, nagiging kimi ka at umaatras ka, tumatakbo nang nakatakip ang mga kamay sa ulo—wala kang kuwenta. Hindi mo madaig ang mga Satanas, hindi ka nakapagpatotoo, at kinasusuklaman ka ng Diyos. Sa kritikal na sandaling ito, kailangan mong manindigan at makipagdigma sa mga Satanas, ilantad ang masasamang gawa ng mga anticristo, kondenahin at isumpa sila, huwag silang bigyan ng lugar na mapagtataguan, at alisin sila mula sa iglesia. Ito lang ang maituturing na pagkakamit ng tagumpay laban sa mga Satanas at pagwawakas sa kapalaran nila. Isa ka sa hinirang na mga tao ng Diyos, isang tagasunod ng Diyos. Hindi ka maaaring matakot sa mga hamon; dapat kang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang mananagumpay. Kung natatakot ka sa mga hamon at nakikipagkompromiso ka dahil natatakot ka sa paghihiganti ng masasamang tao o mga anticristo, kung gayon, hindi ka isang tagasunod ng Diyos, at hindi ka kabilang sa hinirang na mga tao ng Diyos. Isa kang walang kuwenta, mas mababa ka pa kaysa sa mga tagapagserbisyo. Maaaring sasabihin ng ilang duwag, “Napakalakas ng mga anticristo; kaya nilang gawin ang anumang bagay. Paano kung maghiganti sila sa akin?” Salita ito ng magulo ang isipan. Kung natatakot ka sa paghihiganti ng mga anticristo, nasaan ang pananalig mo sa Diyos? Hindi ba’t pinrotektahan ka ng Diyos sa loob ng maraming taon ng iyong buhay? Hindi ba’t nasa mga kamay rin ng Diyos ang mga anticristo? Kung hindi ito pinahihintulutan ng Diyos, ano ang magagawa nila sa iyo? Dagdag pa rito, gaano man kasama ang mga anticristo, ano ba talaga ang kaya nilang gawin? Hindi ba’t masyadong madali para sa hinirang na mga tao ng Diyos na magkaisa at ibunyag, at harapin sila? Kung gayon, bakit ka pa matatakot sa mga anticristo? Ang mga gayong tao ay walang kuwenta at hindi karapat-dapat na sumunod sa Diyos. Umuwi ka na, palakihin mo ang mga anak mo, at ipagpatuloy mo ang buhay mo. Sa harap ng panggugulo ng mga anticristo sa gawain ng iglesia at pamiminsala sa hinirang na mga tao ng Diyos, paano dapat tumugon ang hinirang na mga tao ng Diyos sa masasamang gawa ng mga anticristo? Paano dapat manindigan sa patotoo nila ang mga sumusunod sa Diyos? Paano nila dapat labanan ang mga puwersa ni Satanas at ang mga anticristo? Nagpapasakop ka man at nagiging tapat sa Diyos o nakaupo ka lang sa tabi-tabi at ipinagkakanulo mo ang Diyos ay ganap na mabubunyag kapag nanggugulo, gumagawa ng masama, at sumasalungat sa Diyos ang mga anticristo. Kung hindi ka isang taong nagpapasakop sa Diyos at tapat sa Kanya, kung gayon, isa kang taong nagkakanulo sa Kanya. Walang ibang pagpipilian. Ang ilang naguguluhang indibidwal at iyong mga walang pagkilatis ay pinipiling maging nyutral sa paninindigan nila at hindi sila malinaw na nagpapasya. Sa mga mata ng Diyos, walang katapatan sa Diyos at mga taksil sa Kanya ang mga taong ito. Ang ilang naguguluhang indibidwal, dahil sa karuwagan nila, ay natatakot sa pagpapahirap ng mga anticristo, at paulit-ulit nilang itinatanong sa puso nila, “Ano ang gagawin ko?” Hindi dapat ganito ang itinatanong mo. Ano ba ang dapat mong gawin? (Tuparin ang sarili naming mga tungkulin, lubusang ilantad ang masasamang gawa ng mga anticristo, bigyang-kakayahan ang mga kapatid na matutong magsagawa ng pagkilatis, at itakwil ang mga anticristo. Hindi kami dapat mag-alala sa sarili naming seguridad. Ang pinakamahalagang bagay na dapat naming isaalang-alang ay kung paano tuparin ang tungkulin namin kapag ginugulo ng masasamang tao ang gawain ng iglesia.) Paano kung nakakaapekto ito sa pamilya mo? (Dapat walang pag-aalinlangan naming gampanan ang tungkulin namin. Hindi namin dapat isantabi ang tungkulin namin o hindi kami dapat mabigong manindigan sa patotoo namin dahil lang sa mga mapagmahal na pag-aalala para sa seguridad ng pamilya namin.) Tama. Una sa lahat, dapat kang manindigan sa patotoo mo at dapat mong labanan ang mga anticristo at masasamang tao hanggang sa huli, para hindi sila magkaroon ng puwang sa sambahayan ng Diyos. Kung handa silang magtrabaho, hayaan silang gawin ito ayon sa mga panuntunan, at gawin ang anumang kaya nilang gawin. Kung ayaw nilang magtrabaho, kailangang magkaisa ang lahat at patalsikin ang mga anticristo para hindi sila makagambala, makagulo, o makasira sa gawain ng iglesia sa sambahayan ng Diyos. Ito ang unang bagay na dapat mong gawin at ang patotoo na dapat mong panindigan. Dagdag pa rito, kailangan mong maunawaan na ang pamilya at buhay mo ay pawang nasa mga kamay ng Diyos, at hindi nangangahas si Satanas na kumilos nang padalos-dalos. Sinabi ng Diyos: “Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos.” Hanggang saan mo magagawang paniwalaan ang mga salitang ito? Ibinubunyag ng pakikipaglaban sa mga anticristo at masasamang tao ang sukat ng iyong pananalig. Kung mayroon kang tunay na pananampalataya sa Diyos, kung gayon, may tunay kang pananalig. Kung maliit lang ang iyong pananampalataya sa Diyos, at malabo at hungkag ang pananampalatayang iyon, kung gayon, wala kang tunay na pananalig. Kung hindi ka nananampalataya na may kakayahan ang Diyos na magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito at na nasa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos si Satanas, at natatakot ka pa rin sa mga anticristo at masasamang tao, natitiis mo ang paggawa nila ng kasamaan sa iglesia, ang panggugulo at pagsira nila sa gawain ng iglesia, at kaya mong makipagkompromiso kay Satanas o magmakaawa rito para protektahan ang iyong sarili, nang hindi ka naglalakas-loob na tumindig at labanan sila, at kung ikaw ay naging isang taong lumilisan, mapagpalugod ng mga tao, at isang tagamasid, kung gayon ay wala kang tunay na pananampalataya sa Diyos. Nagiging kuwestiyonable ang pananampalataya mo sa Diyos, dahilan para maging lubhang kaawa-awa ang iyong pananampalataya! Kapag nakikita mo ang mga anticristo at masasamang tao na nanggugulo at nanggagambala sa sambahayan ng Diyos ngunit nananatili kang walang pakialam; kapag ipinagkakanulo mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng Kanyang hinirang na mga tao para protektahan ang sarili mong buhay, pamilya, at lahat ng sarili mong interes, kung gayon ay nagiging taksil ka, isang Hudas. Malinaw at kitang-kita ito. Madalas tayong nagbabahaginan at naghihimay-himay tungkol sa mga anticristo at masasamang tao, tinatalakay natin kung paano sila makilatis at makilala, lahat ng ito ay para makapagbahaginan nang malinaw tungkol sa katotohanan, at mabigyan ang mga tao ng pagkilatis laban sa masasamang tao at mga anticristo, para mailantad sila ng mga tao. Sa ganitong paraan, hindi na malilihis o magugulo ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos, at makakalaya na sila mula sa impluwensiya at pang-aalipin ni Satanas. Gayumpaman, may mga pilosopiya pa rin ang ilang tao para sa mga makamundong pakikitungo sa puso nila. Hindi nila sinusubukang kilatisin ang masasamang tao at mga anticristo; sa halip, ginagampanan nila ang papel ng mga mapagpalugod ng mga tao. Hindi sila nakikipaglaban sa mga anticristo, hindi sila nagtatakda ng malinaw na distansiya sa mga ito, at pinipili nila ang isang nyutral at maingat na paraan para mapangalagaan ang kanilang sariling mga interes. Hinahayaan nila ang mga diyablong ito—ang masasamang tao at mga anticristong ito—na manatili sa sambahayan ng Diyos, nag-aanyaya ng panganib sa pamamagitan ng pag-aalaga sa mga diyablo. Hinahayaan nila ang mga diyablong ito na walang habas na guluhin ang gawain ng iglesia at ang paggawa ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Anong papel ang ginagampanan ng mga gayong tao? Nagiging sanggalang sila para sa mga anticristo at mga kasabwat ng mga anticristo. Bagama’t puwedeng hindi mo ginagawa ang mga bagay na katulad sa mga anticristo o ginagawa ang katulad na masasamang gawa, may parte ka sa kanilang masasamang gawa—ikaw ay kokondenahin. Kinukunsinti at kinakanlong mo ang mga anticristo, hinahayaan silang maghasik ng kaguluhan sa paligid mo nang hindi gumagawa ng anumang aksiyon o anumang bagay. Hindi ba’t may parte ka sa kasamaan ng mga anticristo? Ito ang dahilan kung bakit nagiging kasabwat ng mga anticristo ang ilang huwad na lider at ang mga mapagpalugod ng mga tao. Ang sinumang nakakasaksi sa mga anticristo na nanggugulo sa gawain ng iglesia ngunit hindi naglalantad sa mga anticristo o nagtatakda ng malinaw na distansiya mula sa mga ito ay nagiging alipores at kasabwat ng mga ito. Wala silang pagpapasakop at katapatan sa Diyos. Sa mga kritikal na sandali ng labanan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, pumapanig sila kay Satanas, pinoprotektahan nila ang mga anticristo at ipinagkakanulo ang Diyos. Kinasusuklaman ng Diyos ang mga gayong tao.

Kapag nahaharap sa pagpupungos ang mga anticristo, kadalasan ay nagpapakita sila ng matinding paglaban, at pagkatapos ay tinatangka nilang gawin ang lahat para ipagtanggol ang kanilang sarili, at gumagamit sila ng mga nakalilinlang na argumento at mabulaklak na pananalita para ilihis ang mga tao. Medyo karaniwan ito. Ang pagpapamalas ng pagtanggi ng mga anticristo na tanggapin ang katotohanan ay lubos na naglalantad sa kanilang satanikong kalikasan na pagkamuhi at pagiging tutol sa katotohanan. Ganap na kauri sila ni Satanas. Anuman ang ginagawa ng mga anticristo, nabubunyag ang kanilang disposisyon at diwa. Lalo na sa sambahayan ng Diyos, lahat ng ginagawa nila ay kumokontra sa katotohanan, kinokondena ng Diyos, at isang masamang gawa na lumalaban sa Diyos, at lahat ng bagay na ito na ginagawa nila ay lubos na nagpapatibay na ang mga anticristo ay mga Satanas at masasamang demonyo. Samakatwid, pagdating sa pagkakapungos, talagang hindi nila ito tinatanggap sa isang paraan na masayang sumusunod at handa; sa halip, dagdag pa sa paglaban at pagsalungat, kinamumuhian din nila ang pagpupungos, kinamumuhian ang mga nagpupungos sa kanila, at kinamumuhian ang mga naglalantad sa kanilang kalikasang diwa at ang mga naglalantad sa kanilang masasamang gawa. Iniisip ng mga anticristo na sinumang naglalantad sa kanila ay pinahihirapan lang sila, kaya nakikipagkompetensiya at nakikipaglaban sila sa sinumang naglalantad sa kanila. Dahil sa ganitong kalikasan ng mga anticristo, hindi sila kailanman magiging mabait sa sinumang nagpupungos sa kanila, ni hindi sila magpaparaya o magtitiis sa sinumang gumagawa nito, lalo nang hindi nila pasasalamatan o pupurihin ang sinumang gumagawa nito. Bagkus, kung pinupungusan sila ng sinuman at nawawalan sila ng dignidad at napapahiya sila, magtatanim sila ng pagkamuhi sa taong ito sa puso nila, at nanaisin nilang maghanap ng pagkakataong paghigantihan ang taong ito. Napakalaki ng pagkamuhi nila sa iba! Ito ang iniisip nila, at hayagan nilang sasabihin sa harap ng iba, “Ngayon ay napungusan mo na ako, kaya, ngayon ay nakataga na sa bato ang away natin. Humayo ka kung saan mo gusto, at hahayo ako kung saan ko gusto, pero isinusumpa kong maghihiganti ako! Kung ipagtatapat mo sa akin ang kasalanan mo, magyuyuko ka ng ulo sa akin, o luluhod ka at magmamakaawa sa akin, patatawarin kita, kung hindi ay hinding-hindi ko ito palalagpasin!” Anuman ang sabihin o gawin ng mga anticristo, hindi nila itinuturing na ang mapagmalasakit na pagpupungos sa kanila ng sinuman o ang taos-pusong tulong ng sinuman, bilang pagsapit ng pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Sa halip, ang tingin nila rito ay isang tanda ng pagkapahiya, at bilang sandali kung kailan sila lubusang ipinahiya. Ipinapakita nito na hindi talaga tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, ang disposisyon nila ay pagiging tutol at pagkamuhi sa katotohanan. Nakatagpo na ba kayo ng masasamang tao o mga anticristo na gumanti sa iba dahil pinungusan sila? (Oo.) Paano sila gumanti? Kakila-kilabot ba ang pamamaraan nila ng paghihiganti? (Oo, kakila-kilabot ito. Nakatagpo ako minsan ng anticristo na gumawa ng masasamang gawa sa iglesia, at pagkatapos ilantad ng lider ng iglesia ang pag-uugali niya, nagsimula siyang magpakalat ng walang batayang mga tsismis sa loob ng iglesia, sinasabi niyang hindi gumawa ng tunay na gawain ang lider na ito, at na bumibigkas ng mga salita at doktrina para dalhin ang mga tao sa harapan nito. Pagkatapos, nang ilantad namin ang anticristong ito, noong una ay nagawa niyang magbalatkayo, pero nang magpatuloy kami sa paglalantad sa kanya, pinagbantaan niya kami, sabi niya, “May istasyon ng pulis sa likod ng bahay ko, madalas silang pumunta sa bahay ko.” Ang ibig niyang sabihin, kung muli namin siyang ilalantad, isusumbong niya kami sa mga pulis. Nabunyag ang kalupitan niya.) (Nakatagpo ako minsan ng isang anticristo. May isang sister na nagsulat ng liham para iulat siya, at nang makita niya ang liham na ito, nagkataong may nangyaring peligro sa lugar kung saan nakatira ang sister na ito, kaya tinipon niya ang lahat ng pangunahing katrabaho sa iglesia at sinabi niya, “Bakit biglang nagkaroon ng peligro sa lugar kung saan nakatira ang sister na ito matapos siyang magsulat ng liham para iulat ako? Talagang hindi gumagawa ang diyos ng walang saysay na gawain; marahil ay ibubunyag niya ang isang tao!” Pagkatapos, nagsabi siya ng ilang mapanulsol na bagay na nagbunsod sa lahat na sisihin ang sister, naniniwalang ang sister ang may problema. Sa huli, tinanggal at pinaalis ang sister na ito, at hindi na pinansin at inasikaso ang kanyang liham. Pagkatapos, inihambing namin ang sinabi ng anticristo mula umpisa hanggang dulo, at natuklasan namin na iba-iba ang sinasabi niya sa bawat isa sa amin. Nakita namin na talagang napakalihim na mapanira at napakamapanlinlang niya. Sa wakas, nakilatis namin siya sa pamamagitan ng pagbabahaginan, at makatarungang napangasiwaan ang usapin.) Ngayon, kumpirmado na ang lahat ng anticristo ay masasamang tao, at hangga’t may hawak na kapangyarihan ang masasamang tao, pawang mga anticristo sila.