Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikawalong Bahagi) Ikalawang Seksiyon

Kapag pinupungusan ang mga anticristo, kapag pinupuna at inilalantad sila ng mga kapatid, ano pang ibang salita ang sinasabi nila? Ang ilang anticristo ay nagkakamali o nagsasabi ng mga maladiyablong salita para ilihis ang mga tao. Kapag nakikita ito ng mga kapatid, pinupuna at pinupungusan nila ang mga anticristo, inilalantad nila ang mga anticristo bilang tuso at mapanlinlang. Bagama’t sa panlabas ay hindi tumututol ang mga anticristo, sa loob-loob nila ay lumalaban sila, na parang nagsasabing, “Ano ba ang alam mo? Kasingdami ba ng kaalaman ko ang nalalaman mo? Kasingtagal na ba kitang nananampalataya sa diyos? Ilang taon ka na bang nananampalataya sa diyos? Hindi ko ibababa ang sarili ko sa antas mo!” Kapag pinupungusan sila ng mga lider at manggagawa, maaaring maging tuso ang saloobin nila, nakikipagplastikan sa panlabas at nagsasabi ng magagandang salita, pero lihim silang hindi nasisiyahan at tumututol sila, naghahanap ng pagkakataon para gumanti. Kung isang ordinaryong kapatid ang pumupungos sa kanila, hindi gaanong maganda ang asal ng mga anticristo—magagalit sila at lubhang mayayamot, at gumaganting-atake sila at gumaganti. Kapag gumaganting-atake sila at gumaganti, madalas nilang sinasabi ang ganito: “Masyado ka pang walang muwang para pungusan ako! Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, wala akong katatakutan!” May mali ba sa mga salitang ito? Ganitong uri ng mga salita ang karaniwang sinasabi ng mga walang pananampalataya at ng mga taong lubhang salaula. Paano ito naririnig sa iglesia? Ang mga taong nakakapagsalita nang ganito ay kakaibang grupo, at may kakaibang likas na katangian ang kakaibang grupong ito. Ano ang kakaiba sa likas na katangian nila? Madalas na isinasaalang-alang ng mga gayong tao ang senyoridad sa loob ng iglesia. Ang tingin nila sa lahat ay mas mababa sa kanila, ayaw nila sa lahat, at nais nilang sermunan, pahirapan, at manipulahin ang lahat. Iniisip ng mga anticristo na bagama’t nananampalataya sila sa Diyos, walang kalipikadong maging kapareha nila. Hindi kataka-taka na nasasabi nila ang mga ganitong aroganteng salita kapag tinatrato sila ng mga tao bilang kapatid at nakikipag-usap sa kanila nang taos-puso, inilalantad ang mga tiwaling disposisyon nila, at pinupungusan ang mga salita at kilos na ipinakita nila na hindi naaayon sa katotohanan. Itinuturing nila ang sambahayan ng Diyos bilang lipunan at sarili nilang teritoryo, at itinuturing ang mga kapatid sa iglesia na mas mababa kaysa sa kanila. Iniisip nila na kaunti lang ang kaalaman ng mga kapatid at na mababaw lang ang pagkaunawa ng mga ito sa mga usapin ng lipunan, na nasa ilalim ng lipunan ang mga ito, na dapat hamakin, paglaruan, at yurakan ng iba ang mga ito. Iniisip nila na madaling apihin at paglaruan ang mga kapatid, at hindi sila magiging ganoong uri ng tao. Kaya, iniisip nila na inaapi, minamaliit, at ibinubukod sila ng sinumang pumupungos at naglalantad sa kanila. Naging mapagbantay na sila laban dito sa puso nila, “Huwag mong isipin na puwede mo akong pahirapan at api-apihin! Wala ka pang muwang!” Hindi ba’t isa itong bagay na sasabihin ng isang taong may “magiting na diwa”? Sa kasamaang-palad, hindi katotohanan ang mga salitang ito. Gaano man kalakas ang loob mo o gaano man kataas ang moral mong integridad, hindi ka sasang-ayunan ng Diyos. Kinasusuklaman ng Diyos ang mga gayong disposisyon at ang mga taong nagsasabi ng mga ganitong salita. Kinokondena at itinataboy ng Diyos ang mga taong nagsasabi ng mga ganitong bagay sa harap ng Diyos. Hindi kailanman maliligtas ng Diyos ang mga taong kumakapit sa mga salitang ito na parang ang mga ito ang katotohanan. Kaya, tingnan natin itong muli, ano ba ang mali sa mga salitang ito? Pantay-pantay ang lahat sa harap ng katotohanan, at walang pagkakaiba ng edad o pagiging mababa at marangal sa mga gumagawa ng tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos. Pantay-pantay ang lahat sa tungkulin nila, iba-iba lang ang trabaho nila. Wala silang pagkakaiba batay sa kung sino ang may senyoridad. Sa harap ng katotohanan, dapat magtaglay ang lahat ng mapagpakumbaba, mapagpasakop, at tumatanggap na puso. Dapat taglayin ng mga tao ang ganitong katwiran at saloobin. Kaya, hindi ba’t ang mga taong nagsasabi ng “Masyado ka pang walang muwang para pungusan ako!” ay puno ng impluwensiya, ideolohiya, at pagiging salaula ng lipunan? Itinuturing nila ang sambahayan ng Diyos bilang lipunan, ang mga kapatid ng sambahayan ng Diyos bilang isang bulnerableng grupo sa mababang antas ng lipunan, at itinuturing nila ang sarili nila bilang amo ng lahat, isang taong hindi puwedeng kantihin o hamunin ng sinuman, at sinisigurado nila na hindi magiging maganda ang katapusan ng mga naglalantad at pumupungos sa kanila. Iniisip nila na kapareho ng lipunan ang sambahayan ng Diyos, na makakapanindigan ang sinumang hindi sumusuko at mapanupil, na walang sinumang mangangahas na kumanti sa mga walang awa, mabagsik, at masama, at naniniwala sila na pawang hindi mahusay at walang gulugod ang mga taong tumatanggap ng pagpupungos. Iniisip nila na walang mangangahas na kumanti sa mga taong may abilidad, na walang mangangahas na maglantad sa mga taong iyon kahit pa magkamali ang mga ito, at na ang mga taong ito ay parang mga punong di yumuyuko sa hangin! Iniisip ng mga anticristo na sa kahit sa anong mga grupo sa mundo man sila nabibilang, kailangan nilang maging sapat na makapangyarihan, walang awa at masama para hindi sila apihin o utus-utusan na lang ng iba. Iniisip nila na abilidad at kagalingan ito, at gusto nilang gamitin ang abilidad na ito para magkamit ng katayuan, kasikatan, at pakinabang, at makakuha ng magandang hantungan sa huli. Anong disposisyon ito? Kapwa malupit at buktot ito. Gaano man karaming sermon ang naririnig ng mga anticristo, hindi nila maunawaan ang katotohanan. Hindi nila makita na naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos. Hindi nila makita ang mga pagbabagong nangyayari sa mga taong tumatanggap sa katotohanan, at kahit pa makita nila ang mga ito, hindi nila kinikilala na mga pagbabago ang mga ito. Iniisip nila na pawang resulta ng pagpapanggap at pagpipigil sa sarili ang mga pagbabagong iyon, at hindi nila pipigilan ang sarili nila at titiisin na lang ang hindi patas na pagtrato para lang doon. Dahil may ganito silang lohika, kaya nilang sabihin ang mga bagay tulad ng: “Huwag mong isipin na puwede mo akong pahirapan at api-apihin!” Hindi ba’t ito ang kabuktutan ng mga anticristo? Buktot ang mga gayong kaisipan at pananaw. Isang pagbubunyag ng kanilang malupit na disposisyon na nagagawa nilang magsabi ng mga salitang ito at kumilos nang ganito. Mayroon bang mga gayong tao sa iglesia? Kapag nakikipag-usap sa kanila ang mga kapatid nang taos-puso, inilalantad sila, pinag-uusapan ang mga problema, pagkukulang, at pagbubunyag nila ng katiwalian, iniisip nila na inaapi at ipinapahiya sila at na hindi sila sineseryoso. Sinasabi nila, “Masyado ka pang walang muwang para pungusan ako!” Kahit sino pa ang nakikita nilang tumatanggap ng pagpupungos, palagi nilang iniisip: “Makakamit mo ba ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtanggap sa pagpupungos? Imposible iyon!” Hindi nila ito kinikilala. Iniisip nila na ang pagpupungos sa mga tao ay pang-aapi sa mga tao at paghahanap ng kapintasang magagamit laban sa mga ito, at na naaapi ang mga tao kapag nagkakaroon ang mga ito ng kaunting pagkakamali dahil masyadong totoo ang mga ito. Hindi nila kinikilala na pagmamahal at pagtulong sa mga tao ang pagpupungos sa mga ito. Hindi nila kinikilala na tunay lamang na makakapagsisi at magbabago ang mga tao kapag tinanggap ng mga ito ang pagpupungos, at lalong hindi nila kinikilala ang katunayan na naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos. Kaya, madalas sinasabi ng mga anticristo sa sarili nila: “Sa sinumang pumupungos sa akin, hinding-hindi ko ito palalampasin. Hinding-hindi ako papayag na apihin ako ng kahit sino!” Anong klaseng mga tao ang nakakapagsabi ng mga gayong salita? Tanging ang mga hindi tumatanggap at namumuhi sa katotohanan ang nakakapagsabi ng mga gayong salita. Ang sinumang tao na may ganitong klaseng malupit na disposisyon, at nakakapagsabi ng mga gayong salita, ay may kalikasang diwa ng mga anticristo, at siya ay kauri ni Satanas.

Kapag pinupungusan, sinasabi rin ng mga anticristo ang isa pang parirala: “Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, wala akong pakialam sa kahit sino!” Ano ang ibig sabihin ng pariralang ito? Isa itong pangkaraniwang pahayag ng isang partikular na uri ng anticristo. Dahil sinabi nila ito, himayin natin ito. Dahil nasasabi nila ang mga salitang ito, tiyak na may partikular silang kahulugan. Sa panlabas, tila sinasabi ng mga salitang ito na mula nang magsimulang manampalataya sa Diyos ang mga taong ito, malaki ang naging pagbabago sa kanila. Parang may pakiramdam ng pasasalamat sa mga salitang ito, tulad ng: “Binago ako ng diyos, nilupig ako ng diyos. Kung hindi ako binago ng diyos, magiging sobrang mayabang akong tao.” Sa panlabas, parang may partikular na kaisipan ng pasasalamat ang mga salitang ito, pero kung hihimayin mula sa ibang perspektiba, may malaking problema sa mga salitang ito. Sinasabi ng mga anticristo na bago sila manampalataya sa Diyos, walang sinumang puwedeng bumangga sa kanila. Ano ang disposisyon ng mga taong ito? (Mayabang at malupit.) Sila ay sobrang mayabang at malupit na tao, at kung hindi sila nanampalataya sa Diyos, magiging lubhang masamang tao sila. Ang pagiging walang sinuman ang puwedeng bumangga ay nangangahulugan ng kawalan ng pagpapahalaga sa sinuman, ibig sabihin, niyuyurakan nila ang lahat ng tao, at na gaano man kagaling o kabuti ang ibang tao, walang kuwenta ang mga ito sa paningin nila. Hindi sila sumusuko sa kahit na sino, hinahamak nila ang lahat, at wala silang pinaglilingkuran. Kung hihilingin sa kanila na magserbisyo sa isang tao, masasaktan ang dignidad nila. Kung may sinumang karapat-dapat sa pagseserbisyo nila, ito ay ang Diyos lamang sa langit. Ngayong nananampalataya sila sa Diyos, pinigilan na nila ang ganitong pagpapamalas at pagpapakita ng pagiging walang sinuman ang puwedeng bumangga, at pagdating nila sa sambahayan ng Diyos, napilitan silang magpakumbaba para makipagtulungan sa ibang kasama nila sa grupo, inaasikaso ang mga bagay-bagay at nakikisalamuha sa iba gaya ng mga normal na tao. Pero kapag inaasikaso nila ang mga bagay-bagay o nakikisalamuha sila sa iba, hindi maiiwasan na may mga bagay na hindi umaayon sa gusto nila, kaya, muling sumasabog ang gayong disposisyon nila, kaya nasasabi nila ang mga salitang ito. Noong una, sa mundo sa labas, noong hindi pa sila nanampalataya sa Diyos, hindi sila sumusuko sa kahit sino at iniisip nila na walang sinuman ang karapat-dapat na makisalamuha sa kanila. Kaya, mula nang magsimula silang manampalataya sa Diyos, sumuko na ba sila sa kahit sinong kapatid sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Saan mang grupo siya nabibilang, aasal ba nang ganito ang isang taong may normal na pagkatao at normal na pagkamakatwiran? (Hindi.) Kahit ang mga walang pananampalataya ay nagsasabing, “Alinman sa tatlong taong magkakasamang naglalakad, kahit papaano ay mayroong isa na maaaring maging aking guro.” Ibig sabihin, sa alinmang tatlong tao, tiyak na may isa na mas malakas at mas mahusay kaysa sa iyo, na puwedeng maging guro mo, at makatulong sa iyo. Nagsasabi ng mga gayong salita ang mga walang pananampalataya, kaya, kinikilala ba ng mayayabang na taong ito ang kawastuhan ng mga salitang ito? Kaya ba nilang pantay na makisalamuha sa ibang nasa grupo? Kaya ba nilang maging makatwiran? (Hindi.) Kung gayon, kapag kasama nila ang mga walang pananampalataya na walang pananalig sa Diyos, anong uri ng mga tao ang mga anticristong ito? (Mga tao silang mahirap pakitunguhan.) Tama, mga tampalasan sila, mga taong mahirap pakitunguhan. Walang magagawa ang sinuman tungkol sa kanila. Walang sinumang nangangahas na hamunin, galitin, o kantihin sila. Mga tampalasan sila! Kung gagalitin mo sila, may mga kahihinatnan ito, para mong ginalit ang isang malupit na demonyo. Karaniwan sa lipunan, walang nangangahas na banggain ang mga gayong tao. Ang disposisyon at mga prinsipyo nila sa pakikitungo sa mga bagay-bagay ay maging bastos at hindi makatwiran, at gumawa ng gulo sa bawat pagkakataon. Walang nangangahas na galitin sila, walang nangangahas na kantihin sila, at walang nangangahas na apihin sila; sila lang ang nang-aapi sa mga tao. Nakakamit nito ang layon nila. Kaya, nagagawa ba nilang magbago pagkatapos pumasok sa sambahayan ng Diyos? Nagbago na ba sila? (Hindi.) Ano ang nagpapakita sa atin na hindi pa sila nagbago, na hindi nila kayang magbago? (Ang katunayan na sinasabi nilang, “Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, wala akong pakialam sa kahit sino!”) Karaniwang hindi nila sinasabi ang mga salitang ito—sa anong konteksto nila sinasabi ang mga salitang ito? Kapag may tumutukoy sa mga pagkukulang nila, kapag may nagsasabi ng mga bagay na nakakasakit sa dignidad nila, o na ikinapipikon nila, ibinubulalas nila ang pariralang ito, “Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, wala akong pakialam sa kahit sino! Nangangahas kang kalabanin ako, sino ka ba?” Anong disposisyon ito? Dinadagdagan pa nga nila ng pasakalye ang pariralang ito, sinasabing, “Bago ako nanampalataya sa diyos, wala akong pakialam sa kahit sino.” Hindi ba’t hindi ka pa rin sumusuko o nakikinig kahit kanino ngayong nananampalataya ka na sa Diyos? Hindi ba’t ikaw pa rin ang dating ganap na diyablo at Satanas? Pakiramdam nila ay naging mas mabuti na sila pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos. Kung naging mas mabuti na nga sila, paano nila nagagawang bigkasin ang mga salitang ito? Wala silang anumang konsensiya o katwiran, at nangangahas silang hayagang ipagsigawan at ipaalam sa iba: “Siga ako, at wala akong kinatatakutan!” Ano ba ang dapat ipagmalaki ng isang maniniil, isang tampalasan, at isang siga? Ano ba ang dapat nilang ipagyabang? Pero nagmamayabang nang ganito ang mga anticristo. Itinuturing nilang isang maluwalhating nakaraan na minsan silang naging tirano noon, at ipinangangalandakan nila ito sa sambahayan ng Diyos. Anong klaseng lugar ang sambahayan ng Diyos? Isa itong lugar kung saan naghahari ang katotohanan. Isa itong lugar ng kabanalan kung saan inililigtas ng Diyos ang mga tao. Paanong tinutulutan nito ang pagsasabi mo ng mga maladiyablong salitang ito? Walang pakiramdam ng kahihiyan ang mga anticristo, hindi nila alam na mga maladiyablong salita ang mga ito, at ipinangangalandakan pa nga nila ang mga ito na para bang mabubuting salita at ang katotohanan ang mga ito. Tunay na mga indibidwal sila na walang kahihiyan, manhid sila sa kahihiyan, at kasuklam-suklam sila! Kapag nagsasabi ng mga maladiyablong salita ang ganitong uri ng tao sa inyo, mayroon ba kayong angkop na masasabi para pabulaanan ito? (Minsan akong nakakilala ng ganitong tao; hindi siya sumuko sa kahit sino sa iglesia. Noong mga panahong iyon, nagsabi siya ng mga salitang katulad nito para punahin ako. Wala akong anumang pagkilatis, at sinabi ko sa kanya na tinatanggap ko ito.) Sumagot ka nang ganito. Mali ang ganitong pagsagot; hindi ka nagpatotoo. Kailangan mong tukuyin ang mga isyu niya at ipahiya siya. Kapag nagsasabi siya ng mga maladiyablong salita, hindi ka dapat magpadala, at hindi ka dapat sumunod sa mga maladiyablong salitang iyon. Dapat mo siyang ilantad. Para maging isa sa mga mananagumpay ng Diyos at magpatotoo para sa Diyos, dapat magawa mong ipahiya ang mga diyablo at si Satanas, at magsabi ng mga salitang makapagpapahiya kay Satanas at na naaayon sa katotohanan. Kahit na hindi niya ito tinatanggap, wala na siyang masasabi, at aayusin niya ang asal niya at magpapasakop siya. Magiging epektibo ba na takutin ang ganitong uri ng tao? Paano naman kung kokondenahin siya? Paano naman kung makikipag-usap sa kanya at susuyuin siya? (Hindi.) Kung gayon, ano ang magiging epektibo? (Kung may magsasabi ng mga gayong salita sa iglesia, sasabihin ko: “Sinusubukan mo bang mag-alboroto? Kung kaya mong makinig nang normal sa pagbabahaginan ng mga kapatid tungkol sa katotohanan at tanggapin ang katotohanan, ayos lang iyon, pero kung nais mong mag-alboroto rito, umalis ka na. Hindi ka pinahihintulutan ng sambahayan ng Diyos na mag-alboroto rito. Hindi naaayon sa katotohanan ang mga salitang ito. Huwag mong ipahiya ang sarili mo rito!”) Napakabigat ng mga salitang ito, pero ang mga ganitong uri ng tao ay mga tirano at bandido. Natatakot ba sila sa mga gayong salita? (Hindi, hindi sila natatakot.)

Hayaan ninyong ikuwento Ko sa inyo ang isang bagay. Noon, nakasalamuha Ko ang isang taong naging chef bago siya nagsimulang manampalataya sa Diyos. Minsan niyang sinabi sa Akin: “Noong chef pa ako sa mundo sa labas, at dumarating iyong mga bigating tao at opisyal para uminom, ayaw kong magkaroon ng anumang ugnayan sa kanila. Kapag ipinagluluto ko sila, nasa bewang ko ang isang kamay ko, nakatingkayad ang isang paa ko, at ipinagluluto ko sila gamit ang isang kamay.” Iminuwestra niya ito habang nagsasalita siya, at kapwa mukhang masama ang loob at tumututol ang postura niya. Ang ipinapahiwatig niya ay: “Walang sinuman sa mga walang pananampalataya ang makakapantay sa akin, at hindi ako susuko sa kahit sino sa kanila. Magaling ako, at sa mundo sa labas, maangas ang mga taong kagaya ko. Madalas na walang puwedeng bumangga sa akin sa mga opisyal!” Kumukumpas siya habang nagsasalita, mukhang nasisiyahan sa sarili niya, at madali niyang naimumuwestra ang mga galaw na iyon. Nakikita Ko na sanay na sanay siya sa pagpapakita ng mga galaw, tindig, at postura na iyon—na madalas niyang ginagawa ang mga ito. Nahahalata Ko na ginagawa niya ito nang may kaunting intensiyon na magpakitang-gilas at ipagmalaki ang kanyang “maluwalhating nakaraan,” nagsisikap siyang mapahanga ang iba. Nang makita Ko siyang kumikilos nang ganito, ngumiti Ako, at sinabi Ko sa kanya: “Kung gayon, masama ang disposisyon mo.” Sinabi Ko ito nang may ngiti, at wala na akong idinagdag pa. Agad siyang napasimangot, at kaagad din niyang inihinto ang mga galaw niya at tumahimik siya. Mula noon, hindi na niya muling binanggit ang kanyang “maluwalhating nakaraan.” Ano ang sinabi Ko sa kanya? (Masama ang disposisyon mo.) Ano ang ibig sabihin nito? (Tinukoy nito ang kalikasang diwa niya, at napahiya siya.) Tama. Ginalit Ko ba siya? Nakipagtalo ba Ako sa kanya? Sinaktan Ko ba ang dignidad niya? (Hindi.) Tinrato Ko ba siya nang pabigla-bigla at sinabing: “Umalis ka rito! Bakit ka nananampalataya sa Diyos?” o “Masyado ka pang walang muwang para ikuwento sa Akin ang iyong ‘kamangha-manghang nakaraan’!”? Ginamit Ko ba ang mga pamamaraang ito? (Hindi.) Nang hindi nagpapahiwatig ng alinman sa mga ito, isang pangungusap lang ang sinabi Ko, “Kung gayon, masama ang disposisyon mo,” at napahiya siya at natahimik. Naiparating Ko ang punto Ko nang hindi na kinakailangang magpaliwanag pa. Kung maririnig ito ng isang matalinong tao, agad niyang maiintindihan ang ibig sabihin nito, at mas magiging mapagpigil siya sa hinaharap. Ano ang tingin ninyo sa pamamaraang ito? (Mabuti ito.) Magiging angkop bang pandilatan siya at makipagtalo sa kanya? (Hindi.) Kung may magsasabi ng, “Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, walang sinuman na puwedeng bumangga sa akin!” dapat mong sabihin sa kanya, “Kung walang sinuman ang puwedeng bumangga sa iyo bago ka nanampalataya sa Diyos, ibig sabihin, masama ang disposisyon mo. Kung wala pa ring puwedeng bumangga sa iyo kahit na sino ngayong nananampalataya ka na sa Diyos, ibig sabihin, mas masahol na ang disposisyon mo at may problema sa diwa mo.” Sabihin mo lang ito at tingnan mo kung ano ang kanyang reaksiyon at pag-uugali. Ito ang tinatawag na pagpukol sa kahinaan niya. Malulungkot ba ang masasamang tao kapag narinig nila ang mga salitang ito? Sasama ang loob nila. Iisipin nila, “Akala ko nagbago na ako sa pananampalataya ko sa diyos, at ginamit ko pa nga ang mga salitang ito para ipagyabang ang mga kalipikasyon ko at ipagmalaki ang maluwalhati kong nakaraan bago ako nanampalataya sa diyos. Hindi ko inasahan na isang nakakaunawang tao ang maglalantad sa kahiya-hiyang sikreto sa likod nito, at magbubunyag na masama ang disposisyon ko.” Ano ang kahulugan ng isang masamang disposisyon? Sa magandang salita, nangangahulugan ito na hindi mabuti ang pagkatao nila; sa mas prangkang salita, nangangahulugan ito na wala silang kuwenta. Sinong mga tao sa lipunan ang walang kuwenta? (Mga maton, siga, maniniil, at tampalasan.) Tama, sila nga. Sa sandaling sabihin mo na wala silang kuwenta at masama ang disposisyon nila, maiintindihan nila iyon. Maiintindihan nila na ang mga maton, siga, maniniil, at masama ang tinutukoy mo—ang mga terminong ito at ang mga ganitong klase ng tao. Magiging maayos ba sila kapag narinig nila na kabilang sila sa kategoryang ito? (Hindi.) Hindi talaga sila magiging maayos. At kakailanganin mo pa bang magsalita pa? (Hindi na.) Mabubunyag ang kanilang kahiya-hiyang sikreto sa isang pangungusap na iyon. “Ganoong klase ka pala ng tao. Ipinangangalandakan mo pa rin ang sarili mo rito, ipinagmamalaki ang mga negatibong bagay na para bang mga positibo ang mga ito. Ano ang gusto mong palabasin? Sambahayan ito ng Diyos, huwag kang magpakitang-gilas dito. Hindi ito ang lugar para magpakitang-gilas ka. Kung gusto mong magpakitang-gilas, umalis ka na lang. Sa sambahayan ng Diyos naghahari ang katotohanan, hindi ito isang lugar kung saan puwede kang mag-astang hari at puwede mong iproklama ang masasama mong gawa. Ano ba ang ibig mong sabihin sa pagyayabang ng mga buktot at negatibong bagay sa sambahayan ng Diyos? Ang ibig mong sabihin ay na nagkamit ng mga resulta sa iyo ang gawain ng Diyos. Sinabi ba iyon ng Diyos? Hindi mo pinasasalamatan ang Diyos; ipinagmamalaki mo ang masasama mong gawa. Sino ang sinusubukan mong linlangin gamit ang mga salitang ito? Maaaring maloko mo ang isang tatlong taong gulang na bata, pero hindi mo maloloko ang mga kapatid. Hindi ka makakalusot!” Inilalantad sila sa ganitong paraan. Sa sandaling marinig ito ng mga anticristo, una, mararamdaman nila na wala kang masamang intensiyon laban sa kanila; pangalawa, tatamaan ng mga salita mo ang kanilang pinakamatinding kahinaan; pangatlo, hindi mo sila pinupuntirya; at pang-apat, ang mga salitang ito ay katunayan, at hindi ka eksaherado sa pagsasabi ng mga ito. Sa sandaling marinig nila ang mga salitang ito, agad silang magpipigil. Bakit sila magpipigil? Dahil sa mga salita mo, mapapahiya sila at wala nang mukhang maihaharap sa iba. Kapag muli mo silang nakasama, mahihiya silang ulitin ang mga gayong salita. At kahit sabihin nila ulit ang mga gayong bagay, kakailanganin nila ng tamang okasyon, at kailangan nilang tingnan kung sino ang nakikinig. Ano’t anuman, hindi sila mangangahas na ulitin ang mga ito sa harap mo. Hindi ba’t nasupil mo sila? Kapag nakatagpo kayo ng gayong tao, maglalakas-loob ba kayong kausapin siya nang ganito? (Oo.) May paraan para harapin ang ganitong klase ng tao. Hindi mo kailangang maging mainitin ang ulo o maging bastos, supilin mo lang siya nang may ngiti. Tinatawag itong paglalantad at pagpapahiya kay Satanas. Tinatawag itong paninindigan sa iyong patotoo. Ang abilidad mo na ilantad siya ay nagpapatunay na nakilatis mo siya, na ayaw mo sa mga taong tulad niya, na kinamumuhian mo ang mga taong tulad niya, at hinahamak mo ang mga taong tulad niya. Ang mga taong ito ay kabilang sa mga negatibong karakter, at ikaw ang eksaktong kabaligtaran nila. Sa harap mo, nararamdaman nilang mas mababa sila; mas malakas at mas matuwid ka kaysa sa kanila.

Kapag pinupungusan ang mga anticristo, kapag inilalantad sila paminsan-minsan ng mga kapatid, ano ang dalawang walang kahihiyang pangungusap na binibigkas nila? (“Masyado ka pang walang muwang para pungusan ako!” “Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, walang sinuman na puwedeng bumangga sa akin!”) Hindi kayang sabihin ng karamihan sa mga tao ang dalawang pangungusap na ito, hindi ba? Anong mga katangian ang taglay ng mga salitang ito? Siga at salaula ang mga ito, na may nangingibabaw na maangas at buktot na disposisyon ni Satanas. Malinaw na hindi manggagaling ang mga salitang ito sa bibig ng isang normal na tao, lalong hindi sa isang taong naghahangad sa katotohanan. Walang duda na nagtataglay ng malupit na disposisyon ni Satanas ang mga nagsasabi ng mga salitang ito. Masama sila, at mga anticristo sila. Hindi nila mahal ang katotohanan, at pinagpipitagan nila ang masasamang puwersa, karahasan, at ang malulupit na puwersa at disposisyon ni Satanas. Makikita ang mga diwa mula sa dalawang pangungusap na ito na sinasabi nila. Kapag sinasabi nila ang mga salitang ito, nabubunyag ang mga disposisyon at diwa nila. Sa mga ordinaryo, normal, tiwaling sangkatauhan, walang kuwenta ang sinumang madalas na nagsasabi ng mga salitang ito, at ang sinumang hindi nagsasabi ng mga salitang ito kahit na naririnig nila ang mga ito, na nag-iisip na kahiya-hiya at malupit ang mga nagsasabi ng mga salitang ito, na sila mismo ay hindi kayang magsalita sa ganitong paraan, na hindi posibleng makapagsabi ng mga salitang ito gaano pa man sila namumuhi, naghihinanakit, at nangmamaliit sa isang tao, at na nanghahamak sa mga taong nagsasabi ng mga salitang ito—ang gayong mga tao ay mayroon pa ring kaunting kahihiyan at matuwid na parte sa pagkatao nila. Pero ang mga madalas bumibigkas ng mga salitang ito, na madalas na tumatrato sa mga salitang ito bilang ang mga pinakamataas na prinsipyo sa kanilang pagharap sa mga bagay-bagay at pag-asal, ay walang duda na mga anticristo na miyembro ng grupo ni Satanas. Sinasabi ng ilang tao: “Noong hindi pa ako nananampalataya sa Diyos, hindi ko alam kung mabuti o masama ang mga salitang ito. Ginamit ko ang mga ito noong bata pa ako, pero tumigil ako sa pagsabi ng mga ito noong medyo tumanda na ako at mas nag-mature.” Mga anticristo ba sila? Hindi. Noong bata at mangmang pa ang mga tao, noong una nilang nakakasalamuha ang lipunan at ang pangkalahatang populasyon, itinuturing nila ang mga salitang ito bilang mabubuting salita, mga salitang may karakter. Masyado pa silang bata at hindi pa matured. Kapag medyo lumaki na sila at kaya na nilang tukuyin ang mabuti sa masama, pag-ibahin ang mabubuti at masasamang tao, hindi na nila sinasabi ang mga salitang ito. Mayroon pa ring kaunting konsensiya at pagkamakatwiran ang mga gayong tao. Saan nanggagaling ang kaunting konsensiya at pagkamakatwiran na ito? Nanggagaling ito sa abilidad nilang matukoy ang mabuti sa masama, malaman kung ano ang pagiging totoo at huwad, kung ano ang tama at kung ano ang mali, mula ito sa pagkakaroon nila ng mga pagpipilian at limitasyon sa kanilang pagkilos, pagsasalita, pagharap sa mga bagay-bagay, at pag-asal. Nagmumula ito sa hindi nila pagiging mga Satanas, hindi pagiging masasamang tao, hindi pagiging mga hayop, mula sa pag-asal nila nang may mga pamantayan at prinsipyo, at pagiging mga matuwid na tao.

Sa pamamagitan ng paglalantad sa mga anticristo, nabubunyag ang lahat ng kanilang “mga salita ng karunungan,” ang mga alituntuning pamatnubay nila sa buhay, at ang mga madalas nilang ginagamit na kasabihan. Habang nabubunyag ang mga ito, lumilitaw rin ang kalikasang diwa nila, na nagpapahintulot sa iba na makita ito nang palinaw nang palinaw. Kung hindi malalantad ang mga bagay na ito, at kung ituturing ng mga tao bilang mga ordinaryong salita ang mga salitang ito na paminsan-minsan o madalas na naririnig, at wala silang pagkilatis sa mga ito, hindi nila mailalarawan ang mga ito. Kung hindi mo mailalarawan ang mga ito, ano ang silbi ng pagkaunawa mo sa katotohanan o ang kaalaman mo tungkol sa tama at mali? Maiimpluwensiyahan ba nito ang paninindigan mo? Maiimpluwensiyahan ba nito ang pananaw mo? (Hindi.) Kung gayon, hindi mo nakikilatis kung ano ang isang normal na pagpapamalas ng katiwalian at kung ano ang isang pagpapamalas ng diwa ng isang anticristo. Kapag malinaw mong nakikilatis ang mga diwang ito, tumpak na nailalarawan at nakaklasipika ang mga ito, at malinaw na nakikilatis ang iba’t ibang pagpapamalas, pagbubunyag, disposisyon, at diwa ng positibo at negatibo, ng normal at hindi normal, saka mo lamang mas tumpak na makikilatis ang mga tao at bagay-bagay. Kung hindi, mali mong iisipin na ang pagpapamalas ng isang anticristo ay ordinaryong katiwalian o isang normal na pagpapakita, at minsan ay mapagkakamalan mo ang ilang ordinaryong pagbubunyag ng katiwalian bilang mga pagpapamalas ng diwa ng mga anticristo. Hindi ba’t may kalituhan dito? Sabihin nating isa kang lider at mayroong mga anticristo sa saklaw ng iyong responsabilidad. Kung hahayaan mo silang manatili, at patatalsikin mo ang mga ordinaryong kapatid na may mga pagbubunyag ng katiwalian, hindi ba’t isa itong pagkakamali? (Oo.) Kaya naman, napakahalaga ng pagkaunawa sa mga detalyado at partikular na pagkakaibang ito.

Kapag nahaharap ang mga anticristo sa pagpupungos, lampas pa sa natalakay natin ang mga pagpapamalas nila. Hindi lamang sila magsasalita ng ilang hindi kanais-nais na pangungusap o medyo maghihinanakit. Gagawa sila ng mas maraming bagay at magsasabi ng mas maraming hindi kanais-nais na salita. Higit pa rito, gagawa sila ng mas masasamang bagay, mga bagay na lubhang nakakagulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa normal na buhay iglesia. Ngayon, subukang magbahaginan tungkol sa iba pang puwedeng gawin ng mga anticristo, bukod sa pagsasabi ng ilang pangungusap na iyon, na nagpapahintulot sa mga tao na makita at makilatis nang malinaw na mga anticristo sila, na sa mga anticristo ang mga gawa at asal nila, at na sa mga anticristo ang disposisyon nila. Sa ganitong paraan, puwedeng makilatis at matukoy ng mga kapatid ang mga anticristong ito bilang mga anticristo bago makapagdulot ang mga ito ng mas malalaking kaguluhan. Sa ganitong paraan, sa isang banda, maiiwasan ng mga kapatid na magdusa ng mas malaking pinsala sa buhay pagpasok nila, at sa kabilang banda, maiiwasan ang panggagambala at kaguluhan na idinudulot ng mga anticristong ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t mas mabuti na matuklasan, malutas, maiwasan, at maituwid ang problemang ito nang mas maaga kaysa sa huli na? (Oo.) Kung gayon, patuloy kayong magbahaginan. (Kapag pinupungusan ang mga anticristo, hindi nila tinatanggap ang katotohanan at nagsasabi sila ng mga salita para atakihin ang mga tao. Kahit sino pa ang magpayo sa kanila, basta’t nakakanti nito ang katayuan o pride nila, huhusgahan ng mga anticristo ang taong iyon sa iglesia, at babaluktutin pa nga nila ang katotohanan para ipagtanggol ang katayuan at pride nila.) May iba pa ba? (Minsan akong nakatagpo ng isang masamang tao na nagbantang pipinsalain ang sinumang gumawa ng bagay na nakasasama sa kanya. Noong panahong iyon, hindi namin naunawaan ang katotohanan at wala kaming pagkilatis. Natakot kami sa kanya. Kumikilos siya nang basta-basta at walang ingat kapag gumagawa ng tungkulin niya, at nang makakita kami ng ilang problema sa gawain niya at gusto naming iulat ang mga ito, hinarangan niya kami at hindi kami pinayagang mag-ulat. Hindi namin taglay ang katotohanan, kaya noong panahon na iyon, hindi kami naglakas-loob na makipagtalo, at hindi rin namin siya inulat kaagad, na kalaunan ay nagdulot ng malalaking kawalan sa gawain ng iglesia. Dahil ito sa kawalan namin ng pagkilatis sa mga anticristo. Pinatalsik lamang siya kalaunan nang gumawa pa siya ng mas maraming masamang gawa.) Sa usaping ito, nabigo kayong makapanindigan sa patotoo ninyo o maprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hinayaan ninyong magdusa ng mga kawalan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. May pananagutan kayo rito. Ngayon, tila tama lang na pinatalsik ang taong ito at hindi trinato nang hindi makatarungan. Kung muli kayong makakatagpo ng ganitong uri ng tao sa hinaharap, makikilatis ba ninyo sila? (Sa pamamagitan ng pagbabahagi mula sa Diyos, mas malinaw na sa akin ang aspektong ito ng katotohanan tungkol sa pagkilatis sa mga anticristo.)

Bakit gustong patalsikin ng sambahayan ng Diyos ang mga anticristo? Ayos lang ba na hayaan silang manatili at magserbisyo? Ayos lang ba na bigyan sila ng pagkakataong magsisi? (Hindi.) Mayroon bang anumang posibilidad na magagawa nilang hangarin ang katotohanan? (Hindi kayang hangarin ng mga anticristo ang katotohanan.) Ngayon, natuklasan na ninyo na ang mga anticristo ay masasamang tao na kay Satanas at hindi kayang magsisi, kaya sila pinatatalsik. Walang taong pinatatalsik nang basta-basta. Paulit-ulit na nagpapasensiya ang sambahayan ng Diyos, paulit-ulit silang binibigyan ng mga pagkakataon na magsisi, at ng kaluwagan, para hindi maling maakusahan ang mabubuting tao, at para walang mapapatalsik o mapipinsala nang basta-basta. Hindi madali para sa kanila na manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon; matiisin ang sambahayan ng Diyos sa lahat ng tao hanggang sa lubusan silang makilatis, hanggang sa ganap silang mabunyag. Pero kaya bang magsisi ng mga anticristo? Hindi nila kayang magsisi. Ang papel na ginagampanan nila sa sambahayan ng Diyos ay ang pagiging mga alipin ni Satanas, binubuwag, ginagambala, at ginugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kahit na mayroon silang ilang kaloob o talento, hindi nila magagawang magsikap para gawin nang maayos ang tungkulin nila, o tumahak sa tamang landas. Kahit na may ilang kapaki-pakinabang na aspekto ang mga anticristo, tiyak na hindi sila gagawa ng positibong kontribusyon sa gawain ng Diyos sa sambahayan ng Diyos. Wala silang ginagawa kundi manggambala, manggulo, at unti-unting manira sa gawain ng Diyos, at hindi sila gumagawa ng mabubuting bagay. Pinanatili mo sila para maobserbahan sila at binigyan mo sila ng pagkakataong magsisi, pero wala silang kakayahan na magsisi. Sa huli, ang naisip na solusyon ay patalsikin sila. Bago sila patalsikin, malinaw mo nang naunawaan ang katunayan na isang anticristo ang ganitong uri ng tao na mas pipiliin pang mamatay kaysa magsisi, na antagonistiko siya sa Diyos at sa katotohanan. Bilang resulta, pinatalsik siya. Patatalsikin ba siya kung naging mabuting tao siya? Patatalsikin ba siya kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan at magsisi? Sa pinakasukdulan, tatanggalin siya sa tungkulin niya at ipapadala para makibahagi sa mga espirituwal na debosyonal at pagninilay-nilay, hindi siya patatalsikin. Sa sandaling magdesisyon ang sambahayan ng Diyos na patalsikin ang isang tao, ibig sabihin nito ay magiging salot ang taong ito sa sambahayan ng Diyos kung papayagan siyang manatili. Hindi siya gagawa ng mabubuting bagay, bagkus ay magsasanhi lang siya ng mga panggagambala at kaguluhan, at gagawa ng iba’t ibang uri ng masamang bagay. Sa anumang iglesia siya naroroon, guguluhin niya ito hanggang sa puntong magkawatak-watak ito na parang buhangin, tumigil ang gawain, at nakaramdam ng pagkasira ng loob ang karamihan sa mga tao at nawalan sila ng pananalig sa Diyos, at ginusto pa nga ng ilan na huminto sa pananalig nila at hindi sila makapagpatuloy sa paggawa ng mga tungkulin nila. Ano ang dahilan nito? Sanhi ito ng mga panggugulo ng anticristo. Ang anticristo ay dapat mapakitunguhan, mapaalis, at mapatalsik para magkaroon ng pag-asa ang iglesiang ito, para maging normal ang buhay iglesia, at para makapasok ang hinirang na mga tao ng Diyos sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Ang Diyos ay pagmamahal, kaya dapat din nating bigyan ang mga anticristo ng pagkakataon na magsisi.” Napakaganda pakinggan ng mga salitang ito, pero ganoon ba talaga ang mga bagay-bagay? Pagmasdan nang mabuti: Aling mga anticristo at masasamang tao na pinatalsik ang nakakilala sa sarili nila kalaunan, at nagawang hangarin at mahalin ang katotohanan? Sino ang mga nagsisi? Wala sa kanila ang nagsisi at mapagmatigas silang lahat na tumangging ikumpisal ang mga kasalanan nila, at gaano man karaming taon ang lumipas kapag nakita mo silang muli, ganoon pa rin sila, kumakapit pa rin sa mga bagay na iyon na nangyari noon at ayaw nilang bumitiw, sinusubukang pangatwiranan at ipaliwanag ang sarili nila. Hindi nagbago kahit kaunti ang disposisyon nila. Kung tatanggapin mong makabalik sila at tutulutan silang bumalik sa buhay iglesia, at hahayaan silang gumawa ng tungkulin, gagambalain at guguluhin pa rin nila ang gawain ng iglesia. Tulad ni Pablo, uulitin nila ang dati nilang mga pagkakamali, itinataas at pinatototohanan ang sarili nila. Hindi man lang nila matahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at tatahakin nila ang lumang landas nila, ang landas ng isang anticristo, ang landas ni Pablo. Ito ang batayan ng pagpapatalsik sa mga anticristo.