Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikapitong Bahagi) Ikatlong Seksiyon
Isa sa mga pangunahing layunin at saloobin ng mga anticristo sa kanilang tungkulin ay ang gamitin ito bilang isang pagkakataon para makipagtransaksiyon sa Diyos at para makamit ang mga pakinabang na nais nila. Naniniwala rin sila: “Kapag inaabandona ng mga tao ang kanilang mga pamilya at tinatalikuran ang kanilang mga makamundong kinabukasan para gawin ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng diyos, natural lang na dapat may makamit sila, may makuhang kapalit, ito lang ang patas at makatwiran. Kung ginagawa mo ang tungkulin mo at wala kang natatanggap, kahit pa nakakatanggap ka ng ilang katotohanan, hindi sulit ito. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi rin ganoon kakongkretong pakinabang—kahit na nakatanggap ka ng kaligtasan, walang makakakita nito!” Nagbubulag-bulagan ang mga hindi mananampalatayang ito sa anumang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi nila ito kinikilala o pinaniniwalaan, at mayroon silang saloobin ng pagtatwa. Batay sa mga saloobin at layunin ng mga anticristo sa pagtrato nila sa kanilang tungkulin, malinaw na hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan, kundi mga hindi mananampalataya at mga oportunista; nabibilang sila kay Satanas. Narinig na ba ninyo na kaya ni Satanas na tapat na gumawa ng tungkulin? (Hindi.) Kung kaya ni Satanas na gawin ang kanyang “tungkulin” sa harap ng Diyos, kung gayon, dapat na nakapaloob sa mga panipi ang tungkuling ito dahil ginagawa ito ni Satanas nang pasibo at sapilitan lamang, si Satanas ay minamanipula ng Diyos, at sinasamantala ito ng Diyos. Kaya, dahil sa kanilang anticristong diwa, at dahil hindi nila mahal ang katotohanan, dahil tutol sila sa katotohanan, at higit pa rito, dahil sa kanilang buktot na kalikasan, hindi kayang gawin ng mga anticristo ang kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha nang walang kondisyon o walang kabayaran, at hindi rin nila kayang hangarin o kamtin ang katotohanan habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, o gawin ang mga ito ayon sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos. Dahil sa kalikasan nilang ito, sa saloobin ng pagtrato nila sa kanilang mga tungkulin at dahil sa iba’t ibang pagpapamalas habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, ang pagtrato ng mga anticristo sa kanilang tungkulin ay nagiging pabaya. Habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, kaya nilang gumawa ng kasamaan at gampanan ang papel ng panggagambala at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos sa anumang oras, sa anumang sitwasyon. Ano ang pangunahin at prominenteng pagpapamalas habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin? Ito ay ang sutil at pabasta-bastang pagkilos, ang pagiging batas sa sarili nila, at paggawa ng mga bagay-bagay nang hindi kumokonsulta sa iba. Ginagawa nila ang mga bagay-bagay sa kahit anong paraan na gusto nila, nang hindi isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan. Iniisip lang nila kung paano sila makakaangat at kung paano nila makokontrol ang mas maraming tao sa pamamagitan ng paggawa ng kanilang mga tungkulin. Gusto lang nilang ipakita sa Diyos na nagtiis sila ng paghihirap at nagbayad ng halaga sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, na mayroon silang kapital at may karapatang humingi sa Diyos ng mga gantimpala at isang korona, para maisakatuparan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais at makamit ang kanilang layon na makatanggap ng mga pagpapala.
Habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, palaging nagkakalkula ang mga anticristo para sa kanilang sariling kinabukasan at tadhana: kung ilang taon na nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, kung gaano karaming paghihirap ang tiniis nila, gaano karami ang tinalikuran nila para sa Diyos, gaano kalaki ang halagang ibinayad nila, gaano karaming lakas ang naigugol nila, ilang taon ng kanilang kabataan ang isinuko nila, at kung may karapatan na ba sila ngayon na tumanggap ng mga gantimpala at ng isang korona; kung sapat na ba ang kanilang naipon na kapital sa mga taon na ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, kung sa tingin ng Diyos, sila ba ay isang taong pinapaboran sa harap Niya, at kung sa tingin ng Diyos, sila ba ay isang taong maaaring tumanggap ng mga gantimpala at ng isang korona. Habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, patuloy silang nagtitimbang, nagkakalkula, at nagpaplano sa ganitong paraan, habang inoobserbahan ang mga salita at ekspresyon ng iba at ang mga pagsusuri at pahayag ng mga kapatid tungkol sa kanila. Siyempre, ang pinakapinag-aalala nila ay kung alam ba ng Itaas na umiiral sila, at na ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Mas ipinag-aalala pa nga nila kung ano ang tingin ng Itaas sa kanila, kung ano ang sinasabi at pagsusuri ng Itaas tungkol sa kanila, kung nauunawaan ba ng Itaas ang kanilang “mabubuting layunin” sa pagdurusa ng paghihirap at pagbabayad ng halaga, kung malinaw sa Itaas ang pagdurusa at mga kapighatian na tiniis nila sa mga taon na sumusunod sila sa Diyos, at kung paano hinahatulan ng Diyos sa langit ang lahat ng kanilang ginagawa. Kasabay ng pagpapakaabala nila sa mga tungkuling hawak nila, patuloy ring nagkakalkula ang isipan nila, at hinahangad nilang makapangalap ng impormasyon mula sa iba’t ibang mapagkukunan at timbangin kung makakaiwas ba sila sa mga sakuna, makakapagkamit ng pagsang-ayon ng Diyos at makakatanggap ng di-kilalang koronang iyon at ng mga pagpapala. Ito ang mga bagay na madalas nilang kinakalkula sa kaibuturan ng kanilang puso, ang pinakapangunahin at pinakakaibuturang bagay na kinakalkula nila sa kada sandali ng bawat araw. Gayumpaman, hindi nila kailanman sinubukang pag-isipan o pagnilayan kung sila mismo ay mga taong nagsasagawa sa katotohanan; kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan nila; kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan nila ang aktuwal nilang maisasagawa; kung tunay na bang nagbago ang kanilang disposisyon; kung mayroon bang kahit katiting na sinseridad, o anumang karumihan, transaksiyon, o kahilingan na nakapaloob sa mga bagay na ginagawa nila para sa Diyos; kung gaano karaming katiwalian ang ibinunyag nila sa paggampan ng kanilang mga tungkulin; kung ang bawat tungkulin at gampaning ginagawa nila araw-araw ay ginagawa ba ayon sa mga katotohanang prinsipyo; at kung pasok ba sa pamantayan ang paggampan nila sa kanilang mga tungkulin at kung natutugunan nito ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila kailanman pinagninilayan o sinusubukang pag-isipan ang mga bagay na ito. Kinakalkula lang nila kung maaari ba silang magkamit ng mga pagpapala sa hinaharap at kung ano ang hantungan nila. Kinakalkula lang nila ang kanilang sariling mga interes at sariling mga pakinabang at kawalan, pero hindi sila kailanman gumugugol ng anumang lakas o pagsisikap para sa katotohanan, sa pagbabago ng disposisyon, o sa kung paano matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang mga anticristo ay hindi kailanman nagsasanay ng pagninilay-nilay, pagkilala, o paghihimay-himay sa kanilang sariling tiwaling disposisyon o sa mga maling landas na tinahak nila, at hindi nila kailanman iniisip kung paano babaguhin ang kanilang sariling maling perspektiba. Hindi sila kailanman mamumuhi na nilabag nila ang katotohanan at na gumawa sila ng maraming masamang bagay para labanan ang Diyos, hindi nila kailanman kamumuhian ang kanilang sarili dahil namumuhay sila ayon sa kanilang tiwaling disposisyon, at hindi sila kailanman makakaramdam ng pagsisisi sa mga maling landas na tinahak nila o sa mga bagay na ginawa nila para manggambala at manggulo. Habang ginagawa ang kanilang tungkulin, bukod sa tinatago nila ang kanilang sariling kakulangan, mga kahinaan, pagiging negatibo, pagiging pasibo, at tiwaling disposisyon sa anumang paraan, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para itanghal ang kanilang sarili para makaangat, at iniisip nila ang lahat ng posibleng paraan para ipakita sa Diyos at sa hinirang na mga tao ng Diyos ang kanilang mga talento, kaloob, at abilidad. Ginagamit nila ito para aluin ang kanilang sarili at ipaisip sa kanilang sarili na mayroon silang kapital at katiyakan na makakakuha sila ng korona at mga gantimpala, at na hindi na sila kailangang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Samakatwid, hindi matino ang katwiran ng mga anticristo. Gaano man pinagbabahaginan ang katotohanan, at gaano man ito kalinaw na pinagbabahaginan, hindi pa rin nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos o kung para saan ba talaga ang pananampalataya sa Diyos, at kung ano ang tamang landas na dapat tahakin ng mga tao. Dahil sa kanilang buktot na disposisyon, dahil sa kanilang buktot na kalikasan, at dahil sa kalikasang diwa ng mga gayong tao, sa loob-loob ay hindi nila matukoy kung ano talaga ang katotohanan at ano ang mga positibong bagay, kung ano talaga ang tama at ano ang mali. Mahigpit nilang pinanghahawakan ang kanilang sariling mga ambisyon at pagnanais, itinuturing ang mga ito bilang ang katotohanan, bilang ang tanging mga layon sa buhay, at bilang ang pinakamakatarungang gawain. Hindi nila alam ang katotohanan na kung ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago, sila ay magiging kaaway ng Diyos magpakailanman, at hindi nila alam na hindi nakabatay sa kakayahan, mga kaloob, mga talento, o kapital ng isang tao kung anong mga pagpapala ang ibinibigay ng Diyos sa kanya at kung paano tinatrato ng Diyos ang isang tao, kundi nakabatay ang mga ito sa kung gaano karaming katotohanan ang isinasagawa nila at kung gaano karaming katotohanan ang nakakamit nila, at kung sila ba ay isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Ito ang mga katotohanang hindi kailanman mauunawaan ng mga anticristo. Hindi ito kailanman makikita ng mga anticristo, at dito sila pinakahangal. Mula simula hanggang katapusan, ano ang saloobin ng mga anticristo sa kanilang tungkulin? Naniniwala sila na isang transaksiyon ang paggawa ng tungkulin, na kung sino man ang may pinakamaraming iginugugol sa kanilang tungkulin, may pinakamalaking ambag sa sambahayan ng Diyos, at nagtitiis ng pinakamaraming taon sa sambahayan ng Diyos ay magkakaroon ng mas malaking tsansa na mapagpala at makakuha ng korona sa huli. Ito ang lohika ng mga anticristo. Tama ba ang lohikang ito? (Hindi.) Madali bang baguhin ang ganitong perspektiba? Hindi ito madaling baguhin. Ito ay napagpasyahan ng kalikasang diwa ng mga anticristo. Sa kanilang puso, tutol ang mga anticristo sa katotohanan, hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit kaunti, at tinatahak nila ang maling landas, kaya, mahirap baguhin ang kanilang perspektiba ng pakikipagtransaksiyon sa Diyos. Sa huli, hindi naniniwala ang mga anticristo na ang Diyos ang katotohanan; sila ay mga hindi mananampalataya, narito sila para mag-espekula at magkamit ng mga pagpapala. Para manampalataya sa Diyos ang mga hindi mananampalataya, ito mismo ay hindi matibay, isa itong kalokohan, at nais nilang makipagtransaksiyon sa Diyos at magtamo ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pagtitiis ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga para sa Diyos, mas lalo pang malaking kalokohan ito.
Nananampalataya lamang ang mga anticristo sa Diyos para magkamit ng mga pagpapala at ng isang korona. Hindi nila tinahak ang landas na ito dahil may pumilit sa kanila, lalong hindi dahil iniligaw sila ng mga salita ng Diyos. Nagbigay ang Diyos ng mga pangako sa sangkatauhan, ngunit kasabay ng pagbibigay ng mga pangakong ito, nagkaloob din Siya sa kanila ng maraming katotohanan at naglatag ng maraming hinihingi sa kanila na dapat nakikita ng mga normal na tao. Ano ang iniisip ng mga taong may katwiran ng normal na pagkatao? “Hindi madaling kamtin ang mga pagpapalang ito, kaya dapat akong kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos at tumahak sa tamang landas; hindi ako dapat tumahak sa landas ni Pablo. Kung tatahakin ng mga tao ang landas ni Pablo, tiyak na katapusan na nila. Kapag nananampalataya, tumatanggap, at nagpapasakop sa mga salita ng Diyos ang mga tao, saka lang magkakaroon ng anumang kinalaman sa kanila ang mga pangako, pagpapala, kinabukasan at tadhana na binanggit ng Diyos. Kung hindi sila mananampalataya, hindi tatanggap, at hindi magpapasakop sa mga salitang ito ng Diyos, kung gayon, hindi magkakaroon ng anumang kinalaman sa kanila ang lahat ng pangako at pagpapalang ito na sinabi ng Diyos.” Ganito ang iisipin ng mga taong may katwiran ng normal na pagkatao. Pero bakit hindi ganito mag-isip ang mga anticristo? Ang mga anticristo ay mga Satanas, sila ay mga diyablo, at wala silang katwiran ng normal na pagkatao—ito ang unang dahilan. Pangalawa, ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan, hindi naniniwala sa bawat salita na sinabi ng Diyos, at tutol sa mga positibong bagay. Kaya ba ng isang taong hindi kumikilala sa katotohanan at tutol sa mga positibong bagay na magsagawa ayon sa katotohanan at sa mga positibong bagay? (Hindi.) Para itong pagpapakain ng damo sa isang lobo tulad ng ginagawa ng tupa—likas na hindi nila kayang gawin iyon. Kapag walang karne at malapit na silang mamatay sa gutom, maaaring mapilitan silang kumain ng kaunting damo, ngunit kapag may karne nang makakain, ang una nilang pipiliin ay tiyak na ang kumain ng karne; ito ay natutukoy ng kalikasan ng lobo. Ganoon ang kalikasan ng mga anticristo. Ang mga interes nila ay maaaring magtulak sa kanila na magpakita ng ilang mabuting pag-uugali, magbayad ng partikular na halaga, at magpakita ng ilang mabuting pagpapamalas, pero hindi nila kailanman maisusuko ang paghahangad at pagnanais para sa mga pakinabang na ito. Halimbawa, ang hinahangad nila habang ginagawa ang kanilang tungkulin ay mga pansariling interes, at ang iniisip nila ay kung paano gawing kapital ang paggawa ng kanilang tungkulin para magkamit ng mga pagpapala para sa kanilang sarili. Sa sandaling masira ang pag-asa na ito, at sa sandaling gumuho ang depensang ito, kaya nilang talikuran ang kanilang tungkulin sa anumang oras, sa anumang sitwasyon. Kapag dumating ang oras na iyon, at sinabi mo sa kanila kung gaano kabuti at gaano kaganap na likas at may katwiran ang paggawa ng tungkulin, makikinig pa kaya sila? (Hindi.) Kapag napagdesisyunan na nilang sumuko at umalis, sinusubukan silang kumbinsihin ng mga tao: “Dapat kang manatili. Ang paggawa ng tungkulin mo ay napakaganda at ang bumalik sa mundo ay napakahirap. Wala kang mapapala, maaapi ka lang at lubhang mapapagod, hindi mo makakamit ang katotohanan at hindi ka magkakaroon ng pagkakataon na maligtas.” Maaaring iniisip ng mga tao na ayos lang na magbigay ng payo sa kanila, pero bukod sa hindi sila mananatili, iiyak din sila sa kahihiyan. Bakit sila iiyak? (Dahil pakiramdam nila ay naagrabyado sila.) Totoo ito. At paano sila naagrabyado? (Pakiramdam nila ay naagrabyado sila dahil nagtiis sila ng napakaraming pagdurusa at nagbayad ng malaking halaga pero hindi nila nakamit ang gusto nila.) Iniisip nila na wala silang nakamit, at puno sila ng mga hinaing. Gumagawa ng napakadakilang gawain ang Diyos, at hindi sila kailanman naantig nito, hindi rin sila kailanman napaluha dahil dito, ngunit kapag sinusubukan silang kumbinsihin ng iba, nagsisimula silang umiyak. Kung naramdaman nilang naagrabyado sila, bakit hindi nila ito sinabi? Hindi ba’t masosolusyunan ang mga bagay-bagay kung sasabihin nila ito nang malinaw? Ano ang iniiyakan nila? Bakit hindi na lang direktang magsalita? Dahil napakasama ng kanilang mga iniisip na sila mismo ay nahihiyang pag-usapan ang mga ito. Sa simula, nanumpa sila sa Diyos na yumanig sa langit at lupa, at paano naman ngayon? “Pinagsisisihan ko ang ginawa ko; paanong naging napakahangal ko? Kung alam ko lang na aabot sa ganito, hindi sana ako kumilos nang gaya sa ginawa ko noon! Wala pa akong nauunawaan noon. Sinabi nila na maganda ang manampalataya sa diyos, kaya nanampalataya ako sa diyos. Tinalikuran ko pa nga ang pamilya at trabaho ko para gawin ang aking tungkulin sa sambahayan ng diyos. Nagdusa ako nang husto, inusig ako, at inaresto ako, pero wala akong anumang nakamit sa paggawa ng tungkulin ko nitong mga nakaraang taon.” Nakakaramdam sila ng pagkaagrabyado at kalungkutan, at pinagsisisihan nila ang lahat ng nagawa nila. Sa tingin nila ay hindi ito sulit at akala nila ay naloko at nadaya sila. Ano sa tingin ninyo ang dapat gawin sa ganitong uri ng tao? (Dapat silang paalisin kaagad.) Susubukan pa rin ba ninyong kumbinsihin sila? (Hindi.) Kung patuloy mo pa ring susubukang kumbinsihin sila, magpapagulong-gulong sila sa sahig at mag-aalboroto. Talagang hindi ninyo dapat subukang kumbinsihin ang mga gayong tao.
Ang sambahayan ng Diyos ay ang mabuting lupain ng Canaan. Isa itong piraso ng dalisay na lupain. Pumupunta ang mga tao sa sambahayan ng Diyos at tumatanggap ng paghatol at pagpupungos ng mga salita na nagmumula sa Diyos, at natatanggap nila ang Kanyang panustos, tulong, paggabay, at mga pagpapala. Personal na gumagawa at nagpapastol ang Diyos, at kahit na kailangang magbayad ng kaunting halaga at magtiis ng kaunting paghihirap ang mga tao, sulit ito. Sulit ang lahat ng ginagawa ng mga tao para makalaya sa masamang mundong ito, para mabago ang kanilang mga disposisyon, at para maligtas sila. Pero para sa mga anticristo, kung hindi ito para magkamit ng mga pagpapala o gantimpala, kung walang korona at mga gantimpala, hindi sulit na gawin ang lahat ng bagay na ito—pawang kahangalan ang mga kilos na ito, at pawang mga pagpapamalas na nadaya sila. Gaano man katibay ang determinasyon nila o gaano man katayog ang ginawa nilang panunumpa dati, ang lahat ay madali lang burahin at hindi mabibilang. Kung magdurusa sila at magbabayad ng halaga sa paggawa ng kanilang tungkulin nang ganito, at sa huli ay wala silang anumang makakamit, kung gayon, mas mabuti pang takasan nila ang “magulong lugar” na ito sa lalong madaling panahon. Itinuturing ng mga anticristo ang paggugol ng kanilang sarili para sa Diyos, pagdurusa ng paghihirap, at pagbabayad ng halaga habang ginagawa ang kanilang tungkulin bilang mga bagay na wala silang mapagpipilian kundi gawin ang mga ito, at bilang mga bentaha para magtamo ng kapital, para ipalit sa isang korona at mga gantimpala. Ang mismong panimulang puntong ito ay mali, kaya ano ang resulta sa huli? Para sa ilang tao, nawawalan ng sigla ang paggampan nila sa kanilang tungkulin at hindi sila makapagtrabaho hanggang sa huli. Kasabay nito, dahil sa kanilang kalikasang diwa, palaging nilalabag ng mga gayong tao ang mga katotohanang prinsipyo habang ginagawa ang kanilang tungkulin, kumikilos sila nang walang pakundangan at padalos-dalos at gumagawa lang ng mga bagay na nakakagambala at nakakagulo. Kaya, ano ang nangyayari sa mga tungkuling ginagawa nila? Sa pananaw ng Diyos, ang mga ito ay hindi mabubuting gawa kundi masasamang gawa, at napakarami ng mga ito. Ang mga gayong resulta ay may pinag-uugatan. Kaya bang kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos ang isang tao na sadyang hindi nananampalataya sa katotohanan o sa mga salita Niya? Tiyak na hindi. Maghahanap lang siya ng bawat pagkakataon para ipangalandakan ang kanyang sarili, umangkin ng kapangyarihan, kontrolin ang iba, kontrolin ang pag-uugali at mga kaisipan ng iba, at kontrolin pa nga ang lahat ng tungkol sa mga tao para sa sarili niyang mga layon. Samakatwid, ang ilan sa mga taong ito na gumagawa ng maraming masamang gawa ay pinatatalsik, at ang ilan na medyo taksil at magaling sa pagpapanggap ay nananatili pa rin sa sambahayan ng Diyos. Bakit sinasabi na nananatili sa sambahayan ng Diyos ang mga taong ito? Ang mga taong ito ay hindi nakagawa ng lantarang kasamaan, at ang ilan sa kanila ay marunong pa ngang lumugar at maayos ang asal at masunurin, ginagawa ang anumang inuutos sa kanila, ngunit pagdating sa kanilang diwa, hindi nila kayang tuparin ang kanilang mga tungkulin at obligasyon sa abot ng kanilang makakaya. Hindi nila iginugugol ang sarili nila para sa Diyos, sa halip, iniraraos lang nila ang gawain at pinalilipas ang oras, naniniwala na kung magtitiis sila hanggang sa huli, may mapapanalunan at makakamit sila. Anong klaseng mga tao sila? Sila iyong mga oportunista, mga taong likas na hindi naghahangad sa katotohanan. Nakagawa ng kaunting kasamaan sa sambahayan ng Diyos ang ilang tao, pero ayon sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, hindi pa sila umaabot sa antas na paaalisin o patatalsikin sila, at ginagawa pa rin nila ang kanilang mga tungkulin. Sa totoo lang, sa kaloob-looban nila, alam nila na ang dahilan kung bakit hindi pa sila pinapaalis o pinatatalsik ng sambahayan ng Diyos ay hindi dahil sa wala itong gaanong nalalaman tungkol sa kanila o hindi nito alam ang tunay nilang kalagayan, bagkus ay mayroong iba’t ibang kadahilanan. Ang ilan sa mga taong ito na hindi pinatalsik ay mga anticristo rin. Bakit Ko sinasabi ito? Ito ay dahil ang mga taong ito ay wala nang pagkakataon ngayon, pero batay sa kanilang kalikasang diwa, sa sandaling magkamit sila ng katayuan at magkaroon ng kapangyarihan, agad silang gagawa ng maraming kasamaan. Dagdag pa rito, kahit hindi pa pinapaalis sa sambahayan ng Diyos ang mga taong ito, kadalasan, mas nakalalamang ang mga negatibo kaysa sa positibo pagdating sa paggampan nila sa kanilang mga tungkulin. Madalas silang gumagawa ng masasamang bagay, mga bagay na nakakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t sila mismo ay alam ito, hindi sila kailanman nakakaramdam ng pagsisisi, hindi kailanman iniisip na may mali silang nagawa, at hindi kailanman iniisip na hindi sila dapat kumilos nang ganito. Wala silang mga pagsisisi, at sa halip, anong uri ng kalagayan ang umuusbong sa puso nila? “Hangga’t hindi ako pinatatalsik ng sambahayan ng diyos, magpapalipas na lang ako ng oras dito at iraraos ko lang ang mga gawain hanggang sa matapos na ang oras ko. Hindi ko hahangarin ang katotohanan, at kung may ipapagawa sila sa akin, gagawin ko lang ang kaya ko. Kung masaya ako, medyo mas marami pa ang gagawin ko, at kung hindi ako masaya, kaunti lang ang gagawin ko. Isa pa, kailangan ko silang pigilan at kailangan kong magkalat ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro, magkalat ng ilang mapanghusgang salita. Kapag dumating na ang oras, kahit na paalisin at patalsikin nila ako at wala akong nakakamit na anumang pagpapala, gagamitin ko ang ilang tao bilang sangkalan at isasama ko ang ilan sa pagbagsak ko.” Hindi ba’t masama ang mga taong ito? Inoobserbahan nila kung sino ang mga taong walang pagkilatis, sino ang mga madalas na mahina at negatibo, sino ang mga may masamang pagkatao, sino ang mga mahalay, at sino ang tila mga walang pananampalataya, at pagkatapos, inaakit nila ang mga taong ito at nagpapakalat sila ng pagkanegatibo sa mga taong ito kapag walang ibang nakakakita. Alam ba nila ang kalikasan ng mga gayong gawain? Alam na alam nila. Kung gayon, bakit kaya pa rin nilang kumilos nang ganito? (Hindi kayang baguhin ang kalikasan nila.) Malinaw na nakikita na hindi kayang magbago ng kalikasan nila, pero sa realidad, ano ba ang iniisip nila? (Gusto nilang mabigo ang lahat at hayaang mamatay ang iba kasama nila para makaganti sila sa Diyos.) Mayroon silang ganitong mapaminsalang pag-iisip. Alam nila na bilang na ang kanilang mga araw at na sa malao’t madali, kailangan silang paalisin. Alam nila kung ano ang nagawa nila at kung ano ang kalikasan ng mga bagay na ito na nagawa nila, pero bukod sa hindi sila nagbabago, nagsisisi, o bumibitaw sa kasamaang pinanghahawakan nila, sa halip, lalo pa silang nagpupursigi at nanghihikayat ng mas marami pang masamang tao para gumawa ng kasamaan kasama nila. Nagpapakalat pa nga sila ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro, na nagiging sanhi para mas marami pang tao ang mag-abandona at puminsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. May dala itong kaunting kalikasan ng paghihiganti, at sa paggawa nila nito ay sinasabi nila: “Hindi ko na kayang patuloy na manampalataya, at sa malao’t madali ay tiyak na paaalisin ako ng sambahayan ng diyos, kaya hindi ko ito gagawing madali para sa inyong lahat at para sa sambahayan ng diyos!” Bago pa man gumawa ng anumang desisyon ang sambahayan ng Diyos tungkol sa kanila, nauuna na silang umatake. Hindi ba’t ito ang mga gawa ng masasamang tao? Naniniwala sila, “Wala akong pag-asa na magkamit ng mga pagpapala. Hindi ninyo kailangang sabihin sa akin ang mga bagay na ginawa ko noon—malinaw ko nang naiintindihan ang lahat ng ito. Hindi ninyo ako kailangang patalsikin; kusa na akong susuko.” Naniniwala pa nga sila na ang paggawa nito ay pagkakaroon ng kamalayan sa sarili at pagiging makatwiran, na isa itong matalinong hakbang. Sinasabi nila, “Kung hindi mo ako papayagang makatanggap ng mga pagpapala, at wala akong makakamit, bukod sa hindi ako magsisisi, pipigilan din kita, magpapakalat ako ng pagkanegatibo at ng mga kuru-kuro at mga maling paniniwala habang nakatalikod ka. Kung hindi ako magkakamit ng mga pagpapala, huwag mong asahan na magkakamit din ang iba!” Hindi ba’t mapaminsala ang mga gayong tao? Nagpapakalat din ng gayong mga salita ang ilang anticristo: “Ang mga katulad namin ay sinasamantala lamang sa sambahayan ng diyos; napakahangal naming lahat!” Nakikita nila na hindi sila makakapagkamit ng mga pagpapala, kaya partikular nilang pinagtutuunan ang pagpapakalat ng mga bagay na ito sa mga taong negatibo, magulo ang isip, at walang pagkilatis. Hindi ba’t dala nito ang kalikasan ng panggugulo? Sa sandaling paniwalaan nila na hindi sila makakapanindigan sa sambahayan ng Diyos at na hindi sila pagpapalain, at na paaalisin sila sa malao’t madali, ang landas na pinipili nila ay hindi para bitiwan ang kasamaang pinanghahawakan nila at magtapat at magsisi sa Diyos, gawin ang kanilang tungkulin nang may sinseridad, at bumawi sa kanilang mga dating pagkakamali. Sa halip, mas lalo silang nagpupursigi sa pagpapakalat ng pagkanegatibo sa sambahayan ng Diyos, ginugulo ang paggampan ng iba sa mga tungkulin ng mga ito, pinipinsala at ginugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, sinusubukang itulak ang mas maraming tao na gumawa ng kasamaan katulad nila, maging negatibo at umatras, at talikuran ang paggampan sa mga tungkulin ng mga ito, na nagsasakatuparan sa kanilang layon ng paghihiganti. Hindi ba’t ito ang ginagawa ng masasamang tao? Mayroon pa bang Diyos sa puso ng mga gayong tao? (Wala, wala na.) Sa puso nila, mayroong isang malabong Diyos sa langit, at itinuturing nilang isang tao ang Diyos na nakikita ng mga tao sa lupa at ang Siyang gumagawa kasama ng mga tao. Mayroon ding ilang tao na kabaligtaran naman ang ginagawa. Sa puso nila, dati na silang nananampalataya sa isang malabong Diyos, pero sa huli, nagpapasakop sila sa mga taong iniidolo nila bilang mga diyos, kaya nagpapasakop sila sa mga taong ito sa lahat ng kanilang ginagawa. Ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos na parang Siya ay isang tao? Kapag nananampalataya sila sa isang malabong Diyos, naniniwala sila na ang malabong Diyos na ito na hindi nila nakikita ay kayang magkaloob sa kanila ng mga pagpapala at may sapat na kakayahan na dalhin sila sa susunod na kapanahunan at bigyan sila ng mga gantimpala at ng isang korona. Bago pa nila namamalayan, nagsisimula na silang magduda sa praktikal na Diyos sa lupa. Kahit paano nila Siya tingnan, hindi Siya mukhang Diyos, kaya nahihirapan silang manampalataya sa Kanya. Sa puso nila, nananampalataya lamang sila na ang Diyos sa langit ang tunay na Diyos, at dahil ang praktikal na Diyos na nakikita nila ay masyadong hamak, normal, at praktikal, sa pananaw nila, hindi taglay ng Diyos na ito ang kinakailangan para manampalataya sila sa Kanya, at itinuturing nila ang Diyos na ito bilang tao. Kapag itinuturing nilang tao ang Diyos, lumilitaw ang kanilang mga paghihirap: “Bukod sa pagbibigay sa mga tao ng katotohanan at ng ilang pangako, ano pa ang kayang gawin ng taong ito? Kahit paano ko siya tingnan, hindi siya kawangis ng diyos at wala siyang maidudulot na anumang pakinabang o benepisyo sa mga tao. Isa lang siyang tao; ano ang kayang gawin ng taong ito? Kung nananampalataya sa diyos ang mga tao, may kaunti pa silang pag-asa, at kaunting espirituwal na panustos. Ngunit kung nananampalataya sila sa isang tao, ano ang mga pakinabang at benipisyong maibibigay ng taong ito sa mga tao? Maisasakatuparan ba ang mga inaasam at panustos ng mga tao sa pamamagitan niya? Mauuwi ba ang mga ito sa wala? Kung isa siyang tao, hindi kinakailangang matakot sa kanya. Sasabihin ko ang dapat kong sabihin at gagawin ang dapat kong gawin sa harap niya.” Ganito tinatrato ng masasamang tao ang Diyos. Kapag hindi pa nila Siya nakikita, iniisip nila na ang Diyos ay napakatayog, napakabanal, at hindi puwedeng salungatin, pero kapag nakikita nila ang Diyos sa lupa, hindi na napaninindigan ang kanilang mga imahinasyon at kuru-kuro. Ano ang gagawin nila kapag nangyari ito? Itinuturing nila ang Diyos bilang isang tao. Pagkatapos, naglalaho ang kaunting respeto nila sa Diyos sa puso nila, lalo na ang kanilang pangamba at takot sa Kanya. Kung wala ang mga bagay na ito, nagiging mas matapang ang masasamang tao at naglalaho ang kanilang pagiging depensibo at ang pag-iingat sa puso nila, at pagkatapos, mangangahas silang gawin ang anumang bagay. Kahit na manampalataya ang mga gayong tao hanggang sa pinakahuli, sila pa rin ay mga taong lumalaban sa Diyos.
Madali para sa mga anticristo na manampalataya sa Diyos sa langit, pero talagang mahirap para sa kanila ang manampalataya sa Diyos sa lupa. Si Pablo ay isang buhay na halimbawa nito. Ano ang naging huling resulta ng pananampalataya niya kay Cristo? Ano ang nangyari sa layong hinangad niya sa kanyang pananampalataya kay Cristo? Ginusto niyang maging cristo at palitan si Cristo. Itinatwa niya ang Diyos sa lupa at ginustong magtamo ng korona at mga pagpapala mula sa Diyos sa langit. Ang mga anticristong ito ay eksaktong kapareho ni Pablo. Itinuturing nila ang Diyos sa lupa bilang isang tao, at ang Diyos sa langit na hindi nakikita bilang ang pinakadakilang Diyos sa kanilang puso, na maaaring linlangin, paglaruan ayon sa kanilang kagustuhan, bigyang-pakahulugan sa anumang paraang gusto nila at isailalim sa mga kuru-kuro at labanan ayon sa nais nila. Ito ang pagkakaiba sa kung paano tinatrato ng mga hindi mananampalataya at mga anticristo ang Diyos sa langit at ang Diyos sa lupa. Dahil mismo sa pagtrato nila sa Diyos sa lupa nang may gayong saloobin kaya sila nagpapakita ng iba’t ibang pagpapamalas sa pagtrato sa kanilang mga tungkulin. Kabilang sa mga pagpapamalas na ito ang unti-unting pagkawala ng interes at ng kagustuhang gumawa ng kanilang mga tungkulin kapag nakita nila ang Diyos sa lupa. Dahil dito, nawawalan sila ng interes sa pananampalataya sa Diyos at nagkakaroon sila ng mga negatibong kaisipan at pagpapamalas. Kaya, hindi nakakapanindigan ang lahat ng anticristo sa huli; kahit na hindi sila alisin ng iglesia, aalis sila nang kusa. Mayroon ba kayong alam na mga gayong halimbawa? (Oo, nakatagpo na ako ng isang anticristo noon. Napakasutil niya. Hindi niya hinangad o isinagawa ang katotohanan, at pabasta-basta at walang ingat niyang ginawa ang kanyang tungkulin. Isa pa, hindi siya nagsikap na pag-aralan ang kanyang propesyon, at napakatamad niya, at nagyayabang pa siya. Araw-araw, ang iniintindi lang niya ay pagkain at pananamit, at nakikiapid din siya. Nang patalsikin siya, wala siyang kahit katiting na intensiyon na magsisi, sa halip, pakiramdam niya ay nakahinga siya nang maluwag.) Hindi pinahahalagahan ng mga ganitong tao ang pagkakataon na makagawa ng tungkulin, lalong hindi nila iginagalang o pinahahalagahan ang kanilang sariling tungkulin, mga pabaya sila at sinasayang nila ang kanilang oras. May nakipagbahaginan ba sa kanya na hindi puwedeng gampanan ang tungkulin sa ganitong paraan? (Oo. Nakipagbahaginan din ako sa kanya, pero hindi siya nakikinig, medyo pabaya ang saloobin niya.) Mayroon pa bang makapagbibigay ng halimbawa? (May isang direktor na palaging pabaya sa paggawa ng kanyang tungkulin; marami sa mga materyal na kinunan niya ay hindi angkop, at nagsanhi rin siya ng mga pagkagambala at kaguluhan. Matapos siyang ilipat sa Grupo B, tumigil siya sa paggawa ng kanyang tungkulin. Buong araw siyang nagpapakaabala sa pagpunta sa trabaho at pagkita ng pera, at nakikihalubilo siya sa mga walang pananampalataya, at sa huli, pinaalis siya. Sa katunayan, kahit hindi siya pinaalis ng iglesia, kusa na rin sana siyang aalis. Hindi niya hinangad ang katotohanan, at hindi siya nakapanindigan sa huli.) Pare-pareho lang ang disposisyong diwa ng mga anticristong ito, tutol sila sa katotohanan at sa mga positibong bagay, mahilig sila sa kawalan ng katuwiran, at mayroon silang mga napakasidhing ambisyon at pagnanais. Itinuturing nilang parang laro ang kanilang tungkulin at tinatrato ito nang pabaya, at ang estilo ng kanilang pag-uugali ay talagang hindi marapat at hindi mapigil. Ang kalikasan nila ay buktot at malupit. Pumupunta lang sila sa sambahayan ng Diyos at gumagawa ng tungkulin para magtamo ng mga pagpapala, at kung hindi ito para magtamo ng mga pagpapala, hindi sila mananampalataya sa Diyos! Likas na walang ipinagkaiba ang mga taong ito sa mga walang pananampalataya, sila ay ganap na mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya; ito ang diwa nila. Kung hindi mo sila pinapahintulutang maging kagaya ng mga walang pananampalataya, at kung ipinapagawa mo sa kanila ang kanilang tungkulin kasama ang mga mananampalataya sa Diyos, magiging napakasakit para sa kanila ang buhay na ito, at ang araw-araw ay magiging tila pagpapahirap sa kanila. Pakiramdam nila ay hindi kawili-wiling gawin ang kanilang tungkulin kasama ang mga kapatid sa sambahayan ng Diyos nang may maayos na asal, nang nananatili sa kanilang tamang puwesto, at pakiramdam nila, ang buhay na ito ay hindi kasinglaya at di-napipigilan katulad ng kapag nakikihalubilo sila sa mga walang pananampalataya sa mundo sa labas—pakiramdam nila ay hindi kawili-wili ang ganoong paraan ng pamumuhay. Kaya, ang pagpunta nila sa sambahayan ng Diyos at paggawa ng kanilang tungkulin ay ginagawa lamang dahil kinakailangan, ito ay bunsod ng kanilang intensiyon na magkamit ng mga pagpapala, at ginagawa nila ito para matugunan ang kanilang mga pansariling ambisyon at pagnanais. Batay sa kanilang kalikasang diwa, likas nilang hindi mahal ang katotohanan o ang mga positibong bagay, lalong hindi nila pinaniniwalaan ang mga bagay na kayang isakatuparan ng Diyos. Sila ay ganap na mga hindi mananampalataya at mga oportunista. Hindi sila naparito para gawin ang kanilang mga tungkulin, kundi para gumawa ng kasamaan, magdulot ng mga kaguluhan, at makipagtransaksiyon. Kaya, batay sa kabuuan ng mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, kapag nasa sambahayan ng Diyos ang mga taong ito, sila ba ay kapaki-pakinabang o nakapipinsala sa gawain nito? (Nakapipinsala.) Ni minsan ba ay nakakita ka na ng isang tao na may anticristong diwa na medyo may kaloob at kakayahan, at kayang manatili sa kanyang tamang puwesto habang ginagawa ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos nang hindi nagdudulot ng problema o mga pagkagambala? Ipagpalagay na sasabihin mo sa isang anticristo, “Para sa isang taong katulad mo na nakagawa ng ilang kasamaan noon, hindi sigurado kung magkakaroon ka ng anumang kinabukasan o tadhana sa hinaharap. Dahil medyo may kaloob ka, magsikap ka na lang sa pagseserbisyo sa sambahayan ng Diyos!” Magiging handa ba silang magserbisyo nang walang pagsasaalang-alang sa kung sila ba ay pagpapalain o magdurusa ng kasawian? Tiyak na hindi. Ang mga taong nakakagawa nito ay iyong mga medyo may mabuting pagkatao, pero mayroon bang gayong pagkatao ang mga anticristo? (Wala.) Malupit ang kanilang disposisyon. Iniisip nila, “Kung hindi mo ako bibigyan ng mga pakinabang, o ng ilang pangako o kasunduan, paano ako makakapagsumikap para sa iyo? Huwag na huwag mong aasahan ito, imposible iyon!” Isa itong malupit na disposisyon. Ito ang komprehensibong pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang tungkulin, ang Diyos, at ang mga hinihingi ng Diyos. Sa palagay ba ninyo ay may sinumang anticristo na nagsasabi, “Itinaas ako ng Diyos at binigyan Niya ako ng kaloob na ito, kaya ihahandog ko ang sarili ko para sa Diyos”? (Wala.) Ano ang sasabihin nila? “Gusto mo akong samantalahin? Tinatangkilik mo lang ang aking mga kaloob at talento. Kung gusto mong makinabang sa akin, kailangan mo akong bigyan ng ilang pakinabang. Kung gusto mo akong samantalahin, hinding-hindi iyan mangyayari!” Hindi sila naniniwala na pagtataas ito ng Diyos sa kanila, at hindi rin sila naniniwala na ito ay isang oportunidad na bigay ng Diyos na dapat nilang pahalagahan, naniniwala sila na ito ay pagsasamantala sa kanila. Ito ang pinaniniwalaan ng mga anticristo. Marahil ay pansamantalang mangmang ang ilang tao, nagsasanhi sila ng mga pagkagambala at kaguluhan, at gumagawa ng ilang masamang bagay, at pagkatapos ay ibinubukod sila para sa pagninilay-nilay sa sarili. Ang mga naghahangad sa katotohanan ay nagninilay-nilay nang ilang sandali at sasabihin nila: “Dapat akong magtapat at magsisi sa Diyos, at hindi ako dapat kumilos ulit nang ganoon sa hinaharap. Dapat akong matutong magpasakop, matutong makipagtulungan sa iba, at matutong hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa salita ng Diyos, hindi na ako dapat muling gumawa ng kasamaan.” Pagkatapos, isinasaayos ng iglesia na gawin nila ang kanilang tungkulin, at pinasasalamatan nila ang Diyos habang lumuluha, pinahahalagahan mula sa kaibuturan ng kanilang puso ang pagkakataong ito na ibinigay sa kanila ng Diyos. Ikinararangal nila na magkaroon ng pagkakataon na magawang muli ang kanilang tungkulin. Pakiramdam nila ay dapat nila itong pahalagahan at hindi na hayaang mawala muli, at ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang mas mahusay kaysa dati. May kaunti silang pagkilala sa kanilang sarili at sumailalim sila sa ilang pagbabago. Bagama’t maaaring nakakagawa pa rin sila ng mga kamangmangan, at maaaring nagiging negatibo at mahina pa rin, at sumusuko minsan sa kanilang gawain, base sa pangkalahatang mentalidad at saloobin nila, nagbago na sila. Kinamumuhian nila ang kanilang mga dating kilos at mayroon na silang kaunting kaalaman sa usaping ito. Kaya nilang tanggapin ang katotohanan at medyo mapagpasakop sila. Ang mas mahalaga, kapag tinutulutan sila ng sambahayan ng Diyos na bumalik at gawing muli ang kanilang tungkulin, hindi sila tumatanggi, nagdadahilan, o lumalaban, at lalong hindi sila nagsasabi ng mga di-kanais-nais na bagay. Sa halip, ikinararangal nila ito at pakiramdam nila ay hindi sila inabandona ng Diyos, at iniisip nila na, dahil mayroon pa silang pagkakataon na gawin ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, dapat nila itong pahalagahan. Sumailalim na sa malaking pagbabago ang kanilang pag-uugali. Ang mga gayong tao ang maaaring iligtas.
Ano ang pagkakaiba ng mga anticristo at ng mga taong maaaring iligtas? Kapag ginagawa ng mga anticristo ang kanilang tungkulin, gusto nilang sila ang may huling salita, magpupunyagi sila para sa kapangyarihan at mga pakinabang, at gagawin lamang nila ang anumang gusto nila. Kung hindi sila magkakamit ng kapangyarihan o mga pakinabang, ayaw na nilang gawin ang kanilang tungkulin. Pagkatapos nilang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, at mapalitan, maibukod, o maalis ng sambahayan ng Diyos, kaya ba nilang tunay na magsisi? Ano ang sinasabi nila? “Gusto mo akong magsisi para masamantala mo ako? Hinihila mo ako palapit kapag may silbi ako at sinisipa mo ako palayo kapag wala kang kailangan sa akin.” Anong baluktot na lohika ito? Ano ang ibig sabihin ng pagsipa palayo? Kung hindi sila nakagawa ng kasamaan, pangangasiwaan kaya sila ng sambahayan ng Diyos? Pangangasiwaan kaya sila ng sambahayan ng Diyos nang basta-basta kung ginampanan nila ang kanilang tungkulin ayon sa mga prinsipyo? Nagdulot ng mga kawalan ang mga taong ito sa gawain ng iglesia dahil nagsanhi sila ng mga pagkagambala at kaguluhan, at gumawa sila ng kasamaan. Pinangasiwaan sila ng sambahayan ng Diyos, at hindi lang sila tumangging tanggapin ito o pagnilayan at subukang kilalanin ang sarili nila; sa halip, punong-puno sila ng sama ng loob. Pakiramdam nila ay hindi sila sikat o na wala na silang kapangyarihan, at na inaapi at minamaltrato sila. Kapag binibigyan sila ng pagkakataong gawing muli ang kanilang tungkulin, bukod sa hindi sila mapagpasalamat sa puso nila at hindi nila pinapahalagahan ang oportunidad na ito, gumagawa rin sila ng huwad na kontra-akusasyon, sinasabi nila na sinasamantala sila ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila tinatanggap mula sa Diyos ang pagtrato sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, naniniwala sila na ang mga tao ang nang-aapi sa kanila, sumisipa sa kanila palayo, at nagmamaltrato sa kanila. Puno ng mga reklamo ang puso nila, at ayaw na nilang gawing muli ang kanilang tungkulin. Ang katwiran nila kaya ayaw na nilang gawing muli ang kanilang tungkulin ay na ayaw nilang mapagsamantalahan, at naniniwala sila na ang lahat ng gumagawa ng tungkulin ay pinagsasamantalahan ng sambahayan ng Diyos. Napakawalang-saysay at nakalilinlang nito! Mayroon bang anumang salita rito na tumutugma sa katotohanan, pagkatao, o pagkamakatwiran? (Wala.) Kung gayon, hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, laging mainit ang ulo nila, ang puso nila ay puno ng kalupitan, reklamo, transaksiyon, at higit pa rito, ang puso nila ay puno ng pansariling pagnanais. Puno ng mga bagay na ito ang puso nila. Hindi nila matanggap mula sa Diyos ang mapangasiwaan ng sambahayan ng Diyos sa anumang paraan o sa anumang kapaligiran na pinamamatnugutan ng Diyos para sa kanila. Nahaharap lamang nila ang mga bagay na ito nang mainit ang kanilang ulo, nang nakikipagtuos. Hinaharap nila ang lahat ng ito gamit ang mga pamamaraan at lohika ni Satanas. Kaya sa huli, hindi pa rin nila nakakamit ang katotohanan at maaari lamang silang itiwalag. Ang iba’t ibang tao ay may iba’t ibang reaksiyon kapag pinapalitan sila at kapag may binabago sa kanilang mga tungkulin, o kahit kapag binubukod o inaalis sila. Ang mga taong tunay na nagmamahal sa katotohanan ay nasusuklam sa kanilang sariling mga gawa. Bukod sa hindi tinatanggap ng mga anticristong hindi nagmamahal sa katotohanan ang mga bagay na ito mula sa Diyos sa puso nila, puno rin sila ng pagkamuhi. Ano ang mga kahihinatnan nito? Nagsasanhi ito ng mga reklamo, pag-alipusta, paghusga, at pagkondena sa loob nila. Itinutulak sila nito na itakwil at lapastanganin ang Diyos. Ito ang pinagmumulan ng kanilang kalalabasan, ito ay itinatakda ng kanilang kalikasang diwa. Ang mga anticristo ay walang kakayahang umunawa sa katotohanan, tumanggap ng mga bagay-bagay mula sa Diyos, at magpasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos, kaya, nakatakda na ang kalalabasan nila. Inaalis sila ng sambahayan ng Diyos sa buhay na ito; hindi na kailangang banggitin pa kung ano ang mangyayari sa kanila sa darating na mundo. Nakikilatis ba ninyo ang mga usaping ito? Kung nakakatuklas kayo ng mga gayong tao sa paligid ninyo, maikukumpara ba ninyo itong mga salita Ko sa kanila? Ano ang mga pinakaprominenteng pagpapamalas ng mga anticristo? Hindi sila nananampalataya sa katotohanan, hindi tumatanggap sa katotohanan, hindi nagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, hindi nila kayang tumanggap ng anumang bagay mula sa Diyos, at hindi sila umaamin sa kanilang mga pagkakamali o nagsisisi kahit ano pang mga maling gawa ang ginagawa nila. Ito ang nagtatakda na ang mga taong ito ay kay Satanas, at na sila ay mga puntirya ng pagwasak.
Dapat lahat kayo ay ikumpara ang sarili ninyo sa iba’t ibang pagbubunyag, pagpapamalas, at pagsasagawa ng mga anticristo na inilantad Ko; habang ginagawa ninyo ang inyong mga tungkulin, sigurado na magpapakita kayo ng ilan sa mga pagpapamalas, pagbubunyag, at pagsasagawang ito, pero ano ang pinagkaiba ninyo sa mga anticristo? Kaya ba ninyong tanggapin mula sa Diyos ang mga bagay na nangyayari sa inyo? (Oo, kaya namin.) Ang magawang tanggapin mula sa Diyos ang nangyayari sa inyo ay ang pinakabihirang bagay. Kaya ba ninyong magbago kapag tinahak ninyo ang maling landas, kapag gumawa kayo ng mali, gumawa ng mga kamangmangan o ng mga pagsalangsang? Kaya ba ninyong magsisi? (Oo, kaya namin.) Ang magawang magsisi at magbago ay ang pinakamahalaga at pinakabihirang bagay. Ngunit ito ang wala mismo sa mga anticristo. Tanging ang mga taong ililigtas ng Diyos ang mayroon nito. Ano ang mga pinakamahalagang bagay na dapat taglayin? Una, ang pananampalataya na ang Diyos ang katotohanan; ito ang pinakapundamental na bagay. Kaya ba ninyo itong gawin? (Oo, kaya namin.) Hindi nagtataglay ng pinakapundamental na bagay na ito ang mga anticristo. Ikalawa, ang pagtanggap na ang salita ng Diyos ay ang katotohanan; maituturing din ito na pinakapundamental na bagay. Ikatlo, ang pagpapasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos. Ito ay ganap na hindi maabot ng mga anticristo, pero dito ito nagsisimulang maging mahirap para sa inyo. Ikaapat, ang pagtanggap ng lahat mula sa Diyos nang hindi nakikipagtalo, nagbibigay-katwiran sa iyong sarili, nagbibigay ng mga dahilan, o nagrereklamo. Ganap itong imposible para sa mga anticristo. Ikalima, ang pagsisisi pagkatapos maghimagsik o gumawa ng mga pagsalangsang. Magiging mahirap lang para sa inyo na matamo ito. Pagkatapos gumawa ng mga pagsalangsang, saka lang unti-unting nagkakaroon ang mga tao ng kaunting kaalaman tungkol sa kanilang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng ilang panahon ng pagninilay-nilay at paghahanap, kalungkutan, pagkanegatibo, at kahinaan. Siyempre, nangangailangan ito ng oras. Maaaring isa o dalawang taon, o maaaring mas matagal pa. Kaya lang ng isang tao na tunay na magsisi pagkatapos lubos na maunawaan ang kanilang mga tiwaling disposisyon at sumuko nang mula sa puso. Bagama’t hindi ito madali, sa huli ay makikita ang mga pagpapamalas ng pagsisisi sa mga taong naghahangad sa katotohanan, sa mga taong kayang kamtin ang pagliligtas ng Diyos. Pero hindi ito taglay ng mga anticristo. Pag-isipan ninyo ito, sinong anticristo ang hindi nag-uungkat sa nakaraang tatlo o limang taon, o maging sa 10 o 20 taon, matapos gumawa ng masamang bagay? Gaano man katagal na ang lumipas, pagkatapos mo silang makita ulit, ang pinag-uusapan pa rin nila ay pawang ang mga argumento nilang iyon. Hindi pa rin nila kinikilala o tinatanggap ang sarili nilang masasamang gawa, at ni hindi sila nagpapakita ng kahit katiting na pagsisisi. Ito ang kaibahan ng mga anticristo at ng mga ordinaryong tiwaling tao. Bakit hindi kayang magpakita ng pagsisisi ng mga anticristo? Ano ang ugat na dahilan? Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang katotohanan, kaya hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan. Wala nang pag-asa rito, at ito ay itinatakda ng diwa ng mga anticristo. Kapag naririnig ninyo Ako na naghihimay-himay sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, iniisip ninyo: “Katapusan ko na. May disposisyon din ako ng isang anticristo—hindi ba’t isa rin akong anticristo?” Hindi ba’t ito ay kawalan ng pagkilatis? Totoo na may disposisyon ka ng isang anticristo, pero ang kaibahan mo sa mga anticristo ay na nagtataglay ka pa rin ng mga positibong bagay. Kaya mong tanggapin ang katotohanan, magtapat, magsisi, at magbago, at ang mga positibong bagay na ito ay makapagbibigay-kakayahan sa iyo na iwaksi ang mga disposisyon ng mga anticristo, at magbibigay-daan para malinis ang iyong mga tiwaling disposisyon, at para makamit mo ang kaligtasan. Hindi ba’t ibig sabihin nito ay may pag-asa ka? May pag-asa ka pa!
Masyadong mahirap para sa inyong lahat ang pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan at hindi kayo makagawa ng mga ito. May ilang tao na isang artikulo ng patotoo lang ang naisusulat pagkatapos ng maraming taon ng karanasan. Ang iba ay isang patotoo lang ang naisusulat matapos manampalataya sa loob ng 10 o 20 taon, at sama-sama nilang ibinubuod ang pinakadiwa ng mga karanasan ng mga taon na ito. May ilan na nananampalataya na sa Diyos sa loob ng 30 taon, at wala pa rin silang tunay na kaalaman batay sa karanasan. Ang pinakapunto ay na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Kaya, ano ang dapat Kong gawin kapag nahaharap Ako sa ganitong kasalukuyang sitwasyon kung saan hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan? Kailangan Ko kayong kausapin nang mas madalas, nang matiyaga at taimtim, higit na magsalita at maglitanya, at kailangan ninyong magkaroon ng kaunting pasensiya at mas makinig sa pakikipagbahaginan Ko. Makinig kayong mabuti, magkaroon ng pagkilatis, at magsikap na unawain ang diwa ng bawat aspekto ng katotohanan. Gaya ng sinabi Ko, kung nauunawaan mo ang mga pagpapamalas ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo, kung ano ang mga pagpapamalas ng mga taong iyon na may diwa ng mga anticristo, at kung ano ang kaibahan sa pagitan ng dalawa, kung gayon, magkakaroon ka ng landas na tatahakin, at kasabay nito, magkakaroon ka rin ng pagkilatis. Makikilatis mo ang sarili mong mga tiwaling disposisyon at ang diwa ng mga anticristo. Kung makakatagpo ka ng isang anticristo, magagawa mong maagap na kilatisin at ilantad siya, maagap na pigilan at limitahan ang kanyang mga padalos-dalos at basta-bastang pagkilos at pagsasagawa, at iwasan o bawasan ang mga kawalan na dulot ng kanyang masasamang gawa sa gawain ng iglesia. Kung hindi, kung mahina ang inyong kakayahang umarok at wala kayong pagkilatis, o kung hindi kayo metikuloso pagdating sa katotohanan, at palaging mga doktrina lang ang nauunawaan ninyo, at hindi ninyo makilatis ang diwa ng isang tao, bukod sa ito ay hahantong sa kawalan ninyo ng kakayahang kumilatis sa mga anticristo sa paligid ninyo, susunod din kayo sa kanila na para bang mabubuting lider sila. Pag-isipan ninyong mabuti, isaalang-alang nang mabuti, mas higit na pakinabang ba ang hatid ng mga bagay na ginagawa ng mga anticristo sa sambahayan ng Diyos o mas higit na pinsala? Pagkatapos ng masusing pagsasaalang-alang, makikita ninyo na, bagama’t mukhang gumagawa ng ilang mabuting bagay ang mga anticristo habang gumagawa sa sambahayan ng Diyos, ang totoo ay mas nakapipinsala sila kaysa nakabubuti. Mas marami ang kawalan kaysa pakinabang. Sa katunayan, naghahatid ng mas malalaking nakatagong panganib ang mabubuting gawa nila, na nagdudulot ng mas malaking pinsala kaysa kabutihan sa gawain ng iglesia. Ang papel na ginagampanan ng mga taong ito sa sambahayan ng Diyos ay ang pagiging mga alipores ni Satanas.
Abril 25, 2020