Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikapitong Bahagi) Unang Seksiyon
II. Ang mga Interes ng mga Anticristo
D. Ang Kanilang mga Kinabukasan at Kapalaran
Noong nakaraan, nagbahaginan tayo sa ikaapat na aytem ng mga interes ng mga anticristo: ang kanilang kinabukasan at kapalaran, na nahahati sa limang karagdagang aytem. Una, balikan ang limang aytem na ito. (1. Kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos; 2. Kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang tungkulin; 3. Kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan; 4. Kung paano itinuturing ng mga anticristo ang titulong “tagapagserbisyo”; 5. Kung paano hinaharap ng mga anticristo ang katayuan nila sa iglesia.) Noong nakaraan, nagbahaginan tayo sa nauna sa mga aytem na ito, “Kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos.” Una, ginamit natin ang salitang “mag-aral” para ilantad ang isa sa mga pangunahing saloobin ng mga anticristo sa pagtrato nila sa mga salita ng Diyos. Ang “pag-aaral” ay isang pangunahin at pundamental na saloobin ng mga taong gaya ng mga anticristo sa pagtrato nila sa mga salita ng Diyos. Hindi talaga nila tinatrato ang mga salita ng Diyos nang may saloobin ng pagtanggap o pagpapasakop, at sa halip ay sinisiyasat nila ang mga ito. Talagang hindi nila tinatanggap o itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan o bilang ang daan na dapat sundan ng mga tao, at hindi nila tinatrato ang mga salita ng Diyos nang may saloobin ng paghahanap o pagtanggap sa katotohanan. Sa halip, ang layon nila sa lahat ng bagay ay ang sarili nilang mga pagnanais at ambisyon, ang sarili nilang kinabukasan at kapalaran, at naghahanap sila ng mga hantungan, kinabukasan at kapalaran sa mga salita ng Diyos. Isa sa pangunahing saloobin nila sa pagtrato sa mga salita ng Diyos ay ang pag-uugnay nila sa mga salita ng Diyos sa sarili nilang kinabukasan at kapalaran sa bawat bagay. Batay sa saloobin nila sa pagtrato sa mga salita ng Diyos, ang kalikasang diwa ng ganitong uri ng tao ay na hindi sila tunay na nananampalataya, tumatanggap, o nagpapasakop sa mga salita ng Diyos, bagkus ay sinisiyasat at sinusuri nila ang mga ito, naghahanap sila ng mga pagpapala at mga pakinabang sa loob ng mga ito para magkamit sila ng malaking kalamangan. Batay sa saloobin nila sa pagtrato sa mga salita ng Diyos, gaano sila nananampalataya sa Diyos? Mayroon ba silang tunay na pananalig sa Kanya? Batay sa diwa nila, wala silang tunay na pananalig sa Diyos. Kaya bakit kaya pa rin nilang panghawakan ang mga salita ng Diyos at basahin ang mga ito? Batay sa kalikasang diwa, mga layunin, at mga pagnanais nila, ayaw nilang makamit ang katotohanan at ang landas ng pagbabago sa disposisyon nila mula sa mga salita ng Diyos, nang sa gayon ay matamo nila ang kaligtasan. Sa halip, gusto nilang hanapin sa mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay na gusto nila. Ano ang hinahanap nila? Hinahanap nila ang mga misteryo, ang mga lihim na tanging Langit ang nakakaalam, at ilang matayog na doktrina at malalim na kaalaman. Samakatwid, batay sa saloobin ng ganitong uri ng tao sa pagtrato nila sa mga salita ng Diyos at sa kalikasang diwa nila, sila ay mga ganap na hindi mananampalataya. Ang nais nila ay wala nang iba kundi isang magandang hantungan, magandang kinabukasan, at magandang kapalaran. Hindi nila taos-pusong tinatanggap ang mga salita ng Diyos, sa halip, sinusubukan nilang maghanap ng iba’t ibang pagkakataon at paraan sa loob ng mga salita Niya para makuha ang mga bagay na gusto nila, at para matugunan ang mga pagnanais at ambisyon nila na magkamit ng mga pagpapala. Kaya, hinding-hindi tatratuhin ng ganitong uri ng tao ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan o bilang ang daan na dapat nilang sundin. Kung may gayong saloobin ang pagtrato ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos, ano naman ang saloobin nila sa isa sa mga pinakapangunahing hinihingi sa sangkatauhan sa mga salita ng Diyos—ang paggampan sa tungkulin nila bilang mga nilikha? Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa pangalawang aytem—kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang tungkulin—at ilalantad natin kung ano ang mga pagpapamalas at saloobin ng mga anticristo kapag ginagawa nila ang tungkulin nila.
2. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang Kanilang Tungkulin
Hindi tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos nang may saloobin ng pagtanggap at pagpapasakop, kaya, siyempre ay hindi nila magawang tratuhin ang hinihingi sa Kanyang mga salita na gampanan ng sangkatauhan ang kanilang tungkulin bilang mga nilikha na may saloobin ng pagtanggap sa katotohanan. Kaya, sa isang banda, mapanlaban sila sa tungkuling ipinagkatiwala ng Diyos sa tao at ayaw nilang gawin ang tungkulin nila, at sa kabilang banda, natatakot silang mawalan ng pagkakataon na magkamit ng mga pagpapala. Dahil dito, nagkakaroon ng isang uri ng transaksiyon. Anong transaksiyon iyon? Natutuklasan nila mula sa mga salita ng Diyos na kung hindi gagawin ng mga tao ang mga tungkulin nila, puwede silang matiwalag, na kung hindi nila gagawin ang mga tungkulin nila bilang mga nilikha, hindi sila magkakaroon ng pagkakataon na makamit ang katotohanan, at na kung hindi nila gagawin ang mga tungkulin nila bilang mga nilikha, puwede silang mawalan ng mga pagpapala sa kaharian ng langit sa hinaharap. Ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na kung hindi gagawin ng isang tao ang tungkulin niya, tiyak na mawawalan siya ng pagkakataon na magkamit ng mga pagpapala. Matapos magtamo ang mga anticristo ng gayong impormasyon mula sa mga salita ng Diyos at mula sa maraming pagbabahaginan at sermon, nagkakaroon sila ng pagnanais at interes sa kaibuturan ng puso nila na gawin ang tungkulin nila bilang mga nilikha. Ang pagkakaroon ba ng gayong pagnanais at interes ay nagpapakita na kaya nilang taos-pusong gugulin ang sarili nila para sa Diyos at taos-pusong gawin ang tungkulin nila? Batay sa kalikasang diwa ng mga anticristo, napakahirap marating ang puntong ito. Kung gayon, anong nagdudulot na gawin nila ang kanilang tungkulin? Dapat ay may talaan nito sa puso ng bawat isa, at dapat ay may ilang partikular na kuwento sa loob ng talaang ito. Kung gayon, ano ang hitsura ng talaang ito sa puso ng isang anticristo? Gumagawa sila ng mga napakadetalyado, tumpak, tiyak, at masusing kalkulasyon, kaya, hindi ito isang magulong talaan. Kapag nagpasya silang gawin ang kanilang tungkulin, kinakalkula muna nila: “Kung gagawin ko ang aking tungkulin ngayon, kakailanganin kong isakripisyo ang kasiyahan na makasama ang pamilya ko, at kakailanganin kong isakripisyo ang aking propesyon at ang aking makamundong kinabukasan. Kung iiwan ko ang mga bagay na ito para gawin ang aking tungkulin, ano ang makakamit ko? Sinasabi ng mga salita ng diyos na, sa huling kapanahunang ito, ang mga nakakatagpo sa diyos, na nakagagampan ng kanilang tungkulin sa sambahayan ng diyos, at na nakapananatili hanggang sa huli ay ang mga nakakapagkamit ng mga dakilang pagpapala. Dahil iyon ang mga sinasabi ng mga salita ng diyos, sa palagay ko ay magagawa at maisasakatuparan ito ng diyos ayon sa mga salitang ito. Bukod pa rito, maraming ipinapangako ang diyos sa mga taong ito na nakakagawa ng kanilang tungkulin at kayang gumugol ng kanilang sarili para sa kanya!” Sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga salita ng Diyos, pinipili nila ang maraming pangako ng Diyos sa huling kapanahunan sa mga taong gumagawa ng kanilang tungkulin, at ito, dagdag pa sa kanilang mga personal na imahinasyon at lahat ng kuru-kurong nilikha ng kanilang sariling pagsusuri at pagsisiyasat sa mga salitang ito ay lumilikha ng malalim na interes at udyok sa paggawa ng kanilang tungkulin. Pagkatapos, nananalangin sila sa harap ng Diyos, nangangako at nanunumpa nang taimtim, itinatatag ang kanilang kahandaan na talikuran at igugol ang lahat para sa Diyos, na ialay ang buhay na ito sa Kanya at bitiwan ang lahat ng kasiyahan at kinabukasan ng laman. Bagama’t nananalangin sila sa ganitong paraan at tila tama ang kanilang mga salita, ang iniisip nila sa kaibuturan ay sila lang ang nakakaalam at ang Diyos. Tila dalisay ang kanilang mga panalangin at ang kanilang kapasyahan, tila ginagawa lang nila ito para tuparin ang atas ng Diyos, upang gawin ang kanilang tungkulin at tugunan ang mga layunin ng Diyos, pero sa kaibuturan ng kanilang puso, kinakalkula nila kung paano nila makakamtan ang mga pagpapala at matatamo ang mga bagay na nais nila sa pamamagitan ng paggawa ng kanilang tungkulin, at kung ano ang maaari nilang gawin para makita ng Diyos ang lahat ng kanilang isinakripisyo at upang lubos Siyang mapahanga sa kanilang ibinayad at sa kanilang nagawa, upang gugunitain Niya ang kanilang nagawa at sa huli ay pagkakalooban sila ng kinabukasan at pagpapala na nais nila. Bago magpasyang gawin ang kanilang tungkulin, sa kaibuturan ng kanilang puso, punong-puno ang mga anticristo ng mga ekspektasyon tungkol sa kanilang kinabukasan, pagtatamo ng mga pagpapala, magandang hantungan, at maging ng isang korona, at malaki ang kanilang kumpiyansa na matatamo nila ang mga bagay na ito. Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may gayong mga intensyon at adhikain. Kaya, nakapaloob ba sa paggampan nila ng tungkulin ang sinseridad, tunay na pananalig at katapatan na hinihingi ng Diyos? Sa puntong ito, hindi pa makikita ng isang tao ang kanyang tunay na katapatan, pananalig, o sinseridad, dahil nagkikimkim ang lahat ng isang ganap na transaksiyonal na pag-iisip bago nila gawin ang kanilang mga tungkulin; lahat ay nagdedesisyon na gawin ang kanilang tungkulin batay sa kanilang mga hilig, at batay rin sa paunang kondisyon ng kanilang nag-uumapaw na mga ambisyon at pagnanais. Ano ang intensyon ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin? Ito ay upang makipagkasunduan, para makipagpalitan. Masasabi na ito ang mga kondisyon na itinatakda nila para sa paggawa ng tungkulin: “Kung gagawin ko ang aking tungkulin, dapat akong magtamo ng mga pagpapala at magkaroon ng magandang hantungan. Dapat kong makamit ang lahat ng pagpapala at pakinabang na sinabi ng diyos na inihanda para sa sangkatauhan. Kung hindi ko makakamit ang mga ito, hindi ko gagawin ang tungkuling ito.” Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may mga gayong intensyon, ambisyon, at pagnanais. Tila mayroon silang kaunting sinseridad, at siyempre, para sa mga bagong mananampalataya at sa mga kakasimula pa lang na gawin ang kanilang tungkulin, maaari din itong tawagin na kasigasigan. Ngunit walang tunay na pananalig o katapatan dito; mayroon lamang antas ng kasigasigan. Hindi ito matatawag na sinseridad. Kung pagbabatayan ang saloobing ito ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin, ito ay ganap na transaksiyonal at puno ng kanilang mga pagnanais sa mga pakinabang tulad ng pagtatamo ng mga pagpapala, pagpasok sa kaharian ng langit, pagkakamit ng korona, at pagtanggap ng mga gantimpala. Kaya, sa panlabas, bago mapatalsik, mukhang maraming anticristo ang gumagawa ng tungkulin nila at mas marami na nga silang tinalikuran at pinagdusahan kaysa sa karaniwang tao. Ang iginugugol nila at ang halagang ibinabayad nila ay kapantay ng kay Pablo, at hindi rin masasabi na hindi sila gaanong abala kumpara kay Pablo. Isa itong bagay na nakikita ng lahat. Sa usapin ng pag-uugali nila at ng kagustuhan nilang magdusa at magbayad ng halaga, nararapat na wala silang makuha. Gayumpaman, hindi tinatrato ng Diyos ang isang tao batay sa panlabas niyang pag-uugali, kundi batay sa diwa niya, sa disposisyon niya, sa kung ano ang ibinubunyag niya, at sa kalikasan at diwa ng bawat bagay na ginagawa niya. Kapag hinuhusgahan at tinatrato ng mga tao ang iba, tinutukoy nila kung sino ang mga tao batay lamang sa panlabas na kilos ng mga ito, kung gaano nagdurusa ang mga ito, at kung anong halaga ang ibinabayad ng mga ito, at isa itong mabigat na pagkakamali.
Ang saloobin ng mga anticristo sa pagtrato sa tungkulin nila ay ganito na mula pa noong simula. Pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang tungkulin nila nang may mga ambisyon, pagnanais, at mga transaksiyon. Ito ang kinakalkula at pinaplano nila sa kaibuturan ng puso nila bago gawin ang kanilang tungkulin. Ano ang plano nila? Ano ang pinakapunto at sentro ng mga kalkulasyon nila? Naglalayon silang magkamit ng mga pagpapala, magkaroon ng magandang hantungan, at naglalayon pa nga ang ilan na makaiwas sa sakuna. Ito ang layunin nila. Paulit-ulit nilang sinisiyasat ang mga salita ng Diyos, pero kahit anong pagsisikap nila, hindi nila makita na ang mga salita ng Diyos ay pawang katotohanan, na nasa mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa, at na kayang tulutan ng mga salita ng Diyos ang mga tao na malinis, magtamo ng pagbabago sa disposisyon, at magkamit ng kaligtasan. Hindi nila makita ang mga bagay na ito gaano man sila magsikap na maghanap. Gaano man nila basahin ang mga salita ng Diyos, ang pinaka-inaalala at pinahahalagahan nila ay walang iba kundi ang mga pagpapala at pangakong ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tumatalikod, gumugugol, nagtitiis ng paghihirap, at nagbabayad ng halaga para sa Kanya. Kapag natuklasan nila sa mga salita ng Diyos na ang pinaniniwalaan nila ay ang pinakasentro at pinakamahalagang nilalaman, para bang natagpuan nila ang kanilang “kailangan sa buhay.” Pakiramdam nila na tila magkakamit sila ng malalaking pagpapala, at iniisip nila na sila ang mga pinakapinagpala at pinakamapalad na tao sa kapanahunang ito. Kaya naman, nagagalak sila sa kaibuturan ng puso nila: “Nagkaroon ako ng magandang pagkakataon sa buhay na ito; walang sinuman sa mga apostol at propeta sa lahat ng nakaraang kapanahunan ang nakatagpo kay cristo ng mga huling araw. Ngayon, sumusunod ako kay cristo ng mga huling araw, kaya hindi ko puwedeng palampasin ang pagkakataong ito na magkamit ng malalaking pagpapala. Isa itong pagkakataon para magantimpalaan at makakuha ng korona! Hindi magkakaroon ng ganitong magandang kapalaran ang mga walang pananampalataya, at gaano man nila natatamasa ang buhay na ito o gaano man kataas ang katayuan nila, malilipol silang lahat pagdating ng malalaking sakuna. Kaya, dapat kong bitiwan ang mga kasiyahan ng laman sa mundo, dahil gaano ko man natatamasa ang mga bagay na ito, pansamantala at panandalian lamang ang mga ito. Tutuon ako sa hinaharap at magkakamit ako ng mas malalaking pagpapala at gantimpala, at ng mas malaking korona!” At kaya naman, sa puso nila, binabalaan nila ang sarili nila: “Sa paggawa ng tungkulin ko, gaano man ako magdusa o gaano man ako maging abala, makulong man ako o mapahirapan, at kahit ano pang mga paghihirap ang maranasan ko, kailangan kong magpursige, magpursige, at higit pang magpursige! Hindi ako puwedeng panghinaan ng loob, kailangan kong tiisin ang lahat ng kahihiyan at dalhin ang isang mabigat na pasanin, at magpursige hanggang sa huling sandali. Naniniwala ako na ang sinabi ng diyos na, ‘Ang sumusunod hanggang sa katapusan ay tiyak na maliligtas,’ ay nakatakdang matupad para sa akin.” Mayroon bang alinman sa mga ideya at opinyon na iniisip at pinaniniwalaan nila sa puso nila ang naaayon sa katotohanan? (Wala.) Wala sa mga ito ang naaayon sa katotohanan, at wala sa mga ito ang alinsunod sa mga salita ng Diyos o sa mga layunin ng Diyos—pawang mga kalkulasyon at plano para sa personal nilang kinabukasan at kapalaran. Sa kaibuturan ng puso nila, wala silang interes sa anumang hinihingi sa sangkatauhan na binanggit sa mga salita ng Diyos; hindi nila pinapansin ang mga ito. Sa kaibuturan ng puso nila, nasusuklam at mapanlaban sila sa paglalantad ng sangkatauhan at sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos sa kanila, at nagkakaroon pa nga sila ng mga kuru-kuro, kaya kapag nakikita nila ang mga salitang ito, nagiging mapanlaban sila sa mga ito at naaasiwa sila, at pagkatapos ay nilalaktawan lamang nila ang mga ito nang hindi binabasa. Pagdating sa mga panghihikayat, pagpapagaan ng loob, paalala, awa, at simpatya para sa sangkatauhan sa mga salita ng Diyos, nagpapakita sila ng pagkayamot at ayaw nilang tumanggap at makinig, naniniwala sila na hindi taos-puso ang mga salitang ito. Sa puso nila, nasusuklam at mapanlaban sila sa mga salita ng Diyos ng paghatol at pagkastigo, at sa Kanyang gawain ng mga pagsubok sa mga tao, at ayaw nilang tanggapin ang mga ito, at iniiwasan nila ang mga ito. Sa halip, lubos lamang silang interesado sa mga salita tungkol sa mga pangako o pagpapala ng Diyos para sa sangkatauhan, at madalas pa nga nilang binabasa ang mga ito para matugunan ang sabik na pagnanais ng puso nila na magkamit ng mga pagpapala, sabik silang ma-rapture kaagad tungo sa kaharian ng langit at mapalaya sa lahat ng pagdurusa. Kapag hindi na nila kayang magpursige sa paggawa ng tungkulin nila, at nagkaroon sila ng mga pagdududa tungkol sa kung magkakamit ba sila ng mga pagpapala, at humihina ang “pananalig” nila, o kapag hindi matatag ang determinasyon nila at gusto nilang umurong, binabasa nila ang mga salitang ito at ginagawang motibasyon ang mga ito sa paggawa ng tungkulin nila. Hindi nila kailanman sinusubukang pagnilayan ang katotohanan sa mga salita ng Diyos sa alinman sa mga kabanata o sipi ng mga ito, at ayaw nilang maranasan ang paghatol ng mga salita ng Diyos kahit kaunti, lalong ayaw nilang makilala ang sarili nila at malinaw na makita ang realidad ng malalim na katiwalian ng sangkatauhan sa pamamagitan ng mga salitang iyon ng Diyos na naglalantad sa tiwaling diwa ng sangkatauhan. Nagbibingi-bingihan din sila sa mga layunin, hinihingi, at panghihikayat ng Diyos sa sangkatauhan, hindi nila binibigyang-pansin ang mga ito at tinatrato ang mga ito nang may saloobin ng walang paggalang at walang pakialam. Sa kaibuturan ng puso nila, naniniwala sila, “Ang sinasabi at ginagawa ng diyos ay isang pormalidad lang; sino ang makatatanggap nito? Sino ang makauunawa nito? Sino ang tunay na makakapagsagawa ayon sa mga salita ng diyos? Ang mga salitang ito ng diyos ay pawang hindi kinakailangan. Ang pinakamakatotohanan ay ang ipagpalit ng mga tao ang paggampan nila ng tungkulin nila sa mga pagpapala—wala nang mas makatotohanan pa kaysa rito.” Kaya, paulit-ulit silang naghahanap sa mga salita ng Diyos, at sa sandaling matagpuan nila ang landas na ito, itinuturing nila ang paggawa ng tungkulin bilang ang tanging landas sa pagkamit ng mga pagpapala. Ito ang mga layunin, pakay, at kaloob-loobang kalkulasyon ng mga anticristo kapag ginagawa ang tungkulin nila. Kaya, anong mga pagpapamalas at pagbubunyag ang ipinapakita nila habang ginagawa ang tungkulin nila na nagpapakita sa mga tao na ang diwa ng mga gayong tao ay isang ganap na anticristong diwa? Hindi aksidente na nakakayang gawin ng mga anticristo ang tungkulin nila—tiyak na ginagawa nila ang tungkulin nila nang may sarili nilang mga layunin at pakay, at pagnanais na magkamit ng mga pagpapala. Anuman ang tungkuling ginagawa nila, ang pakay at saloobin nila ay tiyak na hindi maihihiwalay sa pagkamit ng mga pagpapala, sa magandang hantungan at kinabukasan at kapalaran na iniisip at inaalala nila araw at gabi. Katulad sila ng mga negosyanteng walang ibang pinag-uusapan kundi ang trabaho nila. Ang anumang ginagawa ng mga anticristo ay pawang nauugnay sa kasikatan, pakinabang, at katayuan—lahat ng ito ay nauugnay sa pagkamit ng mga pagpapala at kinabukasan at kapalaran. Sa kaibuturan, ang puso nila ay punung-puno ng mga gayong bagay; ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Dahil mismo sa ganitong uri ng kalikasang diwa kaya malinaw na nakikita ng iba na ang magiging pinakawakas nila ay ang maitiwalag.
Sa mga salita ng Diyos, may mga hinihingi ang Diyos para sa lahat ng uri ng tao, at may mga hinihingi at malinaw Siyang kasabihan sa lahat ng iba’t ibang uri ng tungkulin at gawain. Ang mga salitang ito ay pawang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, at dapat sundin at isagawa at tamuhin ng mga tao ang mga hinihinging ito. Anong saloobin mayroon ang mga anticristo patungkol sa mga salita ng Diyos at sa mga hinihingi ng Diyos? Mayroon ba silang saloobin ng pagpapasakop? Mayroon ba silang saloobin ng mapagkumbabang pagtanggap? Tiyak na wala. Batay sa disposisyon nila, kapag pumupunta ang mga anticristo sa sambahayan ng Diyos para gawin ang tungkulin nila, magagawa ba nila ito nang maayos ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos? (Hindi, hindi nila magagawa.) Tiyak na hindi nila magagawa. Kapag ginagawa ng mga anticristo ang tungkulin nila, ang una nilang iniisip ay hindi kung ano ang mga prinsipyong nauugnay sa paggawa ng tungkulin nila, kung ano ang hinihingi ng Diyos, o kung ano ang mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, ang una nilang inaalam ay kung pagpapalain o gagantimpalaan ba sila sa paggawa ng tungkuling ito. Kung hindi sigurado na pagpapalain o gagantimpalaan sila, ayaw nilang gawin ang tungkuling ito; at kahit gawin nila, magiging pabaya sila. Mabigat sa kalooban na ginagawa ng mga anticristo ang kanilang tungkulin para makakuha ng mga pagpapala. Itinatanong din nila kung magagawa ba nilang magpakitang-gilas at kung titingalain ba sila kapag ginawa nila ang tungkuling ito, at kung malalaman ba ng Itaas o ng Diyos kung gagawin nila ang tungkuling ito. Ito ang lahat ng bagay na isinasaalang-alang nila kapag ginagawa nila ang isang tungkulin. Ang unang gusto nilang matiyak ay kung anong mga pakinabang ang maaari nilang makuha sa paggawa ng isang tungkulin at kung maaari ba silang pagpalain. Ito ang pinakamahalagang bagay sa kanila. Hindi nila kailanman iniisip kung paano isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at suklian ang pagmamahal ng Diyos, kung paano ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, nang sa gayon, makamit ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos at matamo ang kaligayahan, lalong hindi nila kailanman hinahangad na maunawaan ang katotohanan, o hinahanap kung paano lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon at isabuhay ang isang wangis ng tao. Hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga bagay na ito. Ang iniisip lang nila ay kung maaari ba silang pagpalain at magkamit ng mga pakinabang, kung paano magkaposisyon, kung paano magkaroon ng katayuan, kung paano nila makukuha ang pagrespeto ng mga tao, at kung paano mamukod-tangi at maging pinakamahusay sa iglesia at sa karamihan ng tao. Tiyak na ayaw nilang maging mga ordinaryong tagasunod. Gusto nilang laging maging una sa iglesia, ang may huling salita, maging mga lider, at mapakinggan sila ng lahat. Saka lamang sila makokontento. Nakikita naman ninyo na ang puso ng mga anticristo ay nag-uumapaw sa mga bagay na ito. Tunay nga ba silang gumugugol para sa Diyos? Taos-puso ba nilang ginagawa ang kanilang tungkulin bilang mga nilikha? (Hindi.) Kung gayon, ano ang gusto nilang gawin? (Ang humawak ng kapangyarihan.) Tama iyon. Sinasabi nila, “Para sa akin, gusto kong mahigitan ang lahat ng tao sa sekular na mundo. Kailangan na ako ang maging una sa anumang grupo. Ayaw kong pumangalawa lang, at hindi ako kailanman magiging isang sidekick. Gusto kong maging isang lider at ang may huling salita sa anumang grupo ng mga tao na kinabibilangan ko. Kung hindi ako ang may huling salita, susubukan ko ang lahat ng posibleng paraan para kumbinsihin kayong lahat, para respetuhin ninyo akong lahat, at para piliin ninyo ako bilang lider. Sa sandaling may katayuan na ako, ako na ang may huling salita, kailangan nang makinig sa akin ang lahat. Kailangan na ninyong gawin ang mga bagay-bagay ayon sa paraang gusto ko, at kailangang mapasailalim kayo sa kontrol ko.” Anumang tungkulin ang ginagawa ng mga anticristo, sisikapin nilang ilagay ang sarili nila sa mataas na posisyon, sa isang nakalalamang na posisyon. Hindi sila kailanman makokontento sa kanilang posisyon bilang isang ordinaryong tagasunod. At ano ang pinakakinahuhumalingan nila? Iyon ay ang tumayo sa harap ng mga tao na inuutusan at pinagagalitan ang mga tao, ipinagagawa sa mga tao ang kanilang sinasabi. Hindi nila iniisip kailanman kung paano gawin nang maayos ang kanilang tungkulin—lalo nang hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo habang ginagawa ang kanilang tungkulin, upang isagawa ang katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Sa halip, nag-iisip sila nang husto ng mga paraan para mapatanyag ang sarili, para tumaas ang tingin sa kanila ng mga lider at itaas sila ng ranggo, upang sila mismo ay maging lider o manggagawa, at mamuno sa ibang mga tao. Ito ang pinag-iisipan at inaasam nila buong araw. Hindi pumapayag ang mga anticristo na pamunuan ng iba, ni hindi sila pumapayag na maging ordinaryong tagasunod, lalo na ang manahimik na lamang habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang walang nakukuhang atensyon. Anuman ang kanilang tungkulin, kung hindi sila maaaring maging bida, kung hindi sila maaaring maging mataas sa iba at maging lider ng ibang tao, nagiging nakababagot para sa kanila ang paggawa ng kanilang tungkulin, at nagiging negatibo sila at nagsisimulang tamarin. Kung walang papuri o pagsamba ng iba, lalong hindi ito interesante sa kanila, at lalong wala silang pagnanais na gawin ang kanilang tungkulin. Ngunit kung maaari silang maging bida habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin at sila ang may huling salita, lumalakas sila, at handang danasin ang anumang paghihirap. Palagi silang may personal na mga layunin sa pagganap sa kanilang tungkulin, at gusto nila na palaging mamukod-tangi bilang isang pamamaraan para matugunan ang kanilang pangangailangan na talunin ang iba, at matugunan ang kanilang mga pagnanais at ambisyon. Habang ginagawa ang kanilang tungkulin, dagdag pa sa pagiging masyadong mapagkompetensiya—nakikipagkompetensiya, sa lahat ng bagay, para mamukod-tangi, manguna, mangibabaw sa iba—iniisip din nila kung paano mapanatili ang kanilang kasalukuyang katayuan, reputasyon at katanyagan. Kung may sinumang nagbabanta sa kanilang katayuan o katanyagan, walang nakakapigil sa kanila, at walang awa, sa pagpapabagsak at pag-aalis sa taong ito. Gumagamit pa nga sila ng kasuklam-suklam na mga kaparaanan para supilin iyong mga nagagawang hangarin ang katotohanan, na gumagawa sa kanilang tungkulin nang may katapatan at pagpapahalaga sa responsabilidad. Puno rin sila ng inggit at pagkamuhi sa mga kapatid na gumaganap nang mahusay sa kanilang tungkulin. Namumuhi sila lalo na sa mga ineendorso at inaaprubahan ng iba pang mga kapatid; naniniwala sila na malaking banta ang gayong mga tao sa pinagsisikapan nilang matamo, sa kanilang reputasyon at katayuan, at isinusumpa nila sa kanilang puso na “Ikaw o ako, ako o ikaw, walang puwang para sa ating dalawa, at kung hindi kita ibabagsak at tatanggalin, hindi ko matatanggap iyon!” Sa mga kapatid na nagpapahayag ng ibang opinyon, na naglalantad sa kanila, o nagbabanta sa kanilang katayuan, wala silang habag: Iniisip nila ang anumang maiisip nila para may makalap sila tungkol sa mga ito para husgahan at kondenahin ang mga ito, para siraan at pabagsakin ang mga ito, at hindi sila titigil hangga’t hindi nila nagagawa iyon. Mayroon lamang silang isang saloobin sa pagtrato nila sa sinumang tao: Kung banta ang taong iyon sa katayuan nila, pababagsakin nila ito at aalisin. Ang lahat ng masugid nilang tagasunod ay mga taong nambobola sa kanila, at anumang masasamang bagay na ginagawa ng mga taong ito at gaano man kalaki ang pinsalang idinudulot nila sa gawain ng iglesia at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, pagtatakpan at poprotektahan sila ng mga tagasunod nila. Habang ginagawa ang tungkulin nila, palaging pinamamahalaan ng mga anticristo ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, pinamamahalaan ang nagsasarili nilang kaharian. Ang diwa ng paggawa ng tungkulin nila ay ang ipaglaban ang nagsasarili nilang kaharian at ipaglaban ang sarili nilang kinabukasan at kapalaran.
Ang ilang anticristo ay namumuno sa humigit-kumulang isang dosenang tao sa isang maliit na pangkat, at ang iba naman ay namumuno sa isang iglesia ng mga tao o higit pa. Gaano man karaming tao ang pinamumunuan nila, kontrolado na nila ang mga taong ito habang ginagawa ang mga tungkulin nila, at ginagamit nila ang kapangyarihan bilang hari sa mga taong ito. Hindi sila nag-aalala kung gaano kinokondena at kinasusuklaman ng Diyos ang mga gayong bagay, ang mahalaga lang sa kanila ay ang panatilihing mahigpit ang pagkakahawak nila sa kapangyarihan at mahigpit na kontrolin ang mga taong iyon na nasa ilalim nila, na kaya nilang kontrolin. Samakatwid, batay sa mga layunin at motibasyon ng mga anticristo sa paggawa ng mga tungkulin nila, malupit at buktot ang diwa nila. Kaya, batay sa pag-uugali nila habang ginagawa ang mga tungkulin nila, anong disposisyon ang inihahayag nila? Malupit din ang disposisyon nila. Paano nailalarawan ang malupit na disposisyong ito? Bagama’t nagdurusa sila ng paghihirap at nagbabayad ng halaga habang ginagawa ang mga tungkulin nila, wala sa mga tungkuling ginagawa nila ang ginagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Habang ginagawa ang mga tungkulin nila, hindi talaga nila ipinapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, lalong hindi nila hinahanap ang mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos para sa bawat gampanin. Tinutugunan lamang nila ang pansarili nilang mga kagustuhan at ang pagnanais nila sa kapangyarihan, at pati na ang personal nilang kahilingan na palagi silang may ginagawa. Mga kondisyon ang lahat ng ito na pinaniniwalaan ng mga anticristo na magbibigay sa kanila ng korona. Nag-iilusyon silang nag-iisip: “Kung gagawin ko lang nang ganito ang mga bagay-bagay, kung magbabayad ako ng halaga, tatalikuran at igugugol ko ang sarili ko, siguradong bibigyan ako ng diyos ng korona at gagantimpalaan niya ako sa huli!” Hindi nila kailanman pinapansin o sineseryoso ang mga hinihingi at prinsipyong binibigyang-diin at paulit-ulit na isinusulong sa sangkatauhan sa mga salita ng Diyos; itinuturing lang nila ang mga iyon bilang mga kasabihan. Ang mentalidad nila ay: “Anuman ang mga hinihingi mo, hindi ko puwedeng pakawalan ang kapangyarihan ko o ang mga paghahangad ko, at hindi ko puwedeng bitiwan ang mga kahilingan o ambisyon ko. Kung wala ako ng mga bagay na ito, ano pa ang mag-uudyok sa akin o magiging motibasyon ko na gawin ang mga tungkulin ko?” Ito ang ilan sa mga pagpapamalas ng mga anticristo kapag ginagawa ang mga tungkulin nila. Anuman ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, at anuman ang mga hinihinging pamantayan at prinsipyo ng Itaas para sa iba’t ibang gampanin, hindi nakikinig ang mga anticristo at hindi nila pinapansin ang mga ito. Gaano man kapartikular ang mga salita ng Itaas, gaano man kahigpit ang mga hinihingi tungkol sa aspektong ito ng gawain, nagkukunwari silang hindi nakaririnig o hindi nakauunawa, at kumikilos pa rin sila nang walang ingat at basta-basta at nanggugulo sa ibaba, gumagawa ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang mga layunin. Naniniwala sila na kung gagawin nila ang mga bagay-bagay ayon sa mga pamamaraan na hinihingi ng Itaas, mawawala ang katayuan nila, at malilipat at maglalaho ang kapangyarihang hawak nila. Naniniwala sila na ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa katotohanan at ayon sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos ay isang di-halatang pag-atake at pagkakait sa kapangyarihan nila—pag-atake ito sa personal nilang reputasyon. Iniisip nila: “Hindi ako ganoon kahangal. Kung tatanggapin ko ang mga opinyon ninyo, hindi ba’t magmumukha akong walang kakayahan at walang talento sa pamumuno? Kung tatanggapin ko ang mga opinyon ninyo, kung aaminin ko na mali ako, makikinig pa rin ba sa akin ang mga kapatid ko pagkatapos niyon? Magkakaroon pa rin ba ako ng katanyagan? Kung gagawin ko ang mga bagay-bagay ayon sa mga hinihingi ng itaas, hindi ba’t mawawalan ako ng pagkakataon na ipangalandakan ang sarili ko? Sasambahin pa rin ba ako ng mga kapatid kung magkagayon? Makikinig pa rin ba sila sa sinasabi ko? Kung wala sa kanila ang makikinig sa sinasabi ko, ano pa ang silbi ng paggawa ko ng tungkuling ito? Paano ko pa magagawa ang gawaing ito? Kung wala akong awtoridad sa grupo at bumaba ang katanyagan ko, at kung silang lahat ay makikinig sa mga salita ng diyos at magsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba’t magiging walang kabuluhan ang pamumuno ko? Hindi ba’t magiging parang papet na lang ako? Kung gayon, paano pa ako gaganahan sa paggawa ng mga bagay na ito? Kung walang kabuluhan ang pamumuno ko at walang saysay ang anumang ginagawa ko, magkakaroon pa kaya ako ng anumang magandang kinabukasan?” Ang nais ng mga anticristo ay maipuwesto sila sa itaas ng lahat ng iba pa sa anumang grupo, nang sa gayon ay makakuha sila ng korona at mga gantimpala sa hinaharap. Naniniwala sila na hangga’t nagiging bukod-tanging tao at pinuno sila ng iba sa gitna ng hinirang na mga tao ng Diyos, magiging karapat-dapat silang makatanggap ng korona at ng malalaking pagpapala sa hinaharap. Kaya, hindi pakakawalan ng mga anticristo ang kapangyarihang hawak nila sa anumang oras at hindi sila magpapakampante sa anumang sitwasyon. Natatakot sila na kung magpapabaya sila kahit kaunti, mawawala o hihina ang kapangyarihang hawak nila. Kapag ginagawa nila ang mga tungkulin nila, hindi nila ginagawa ang mga ito nang buong husay sa sarili nilang posisyon, hindi nila ginagawa nang maayos ang mga tungkulin nila at hindi sila nagpapatotoo sa Diyos ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi. Sa halip, ginagamit nila ang mga gayong pagkakataon para mahigpit na panghawakan ang korona na pinaniniwalaan nilang malapit na nilang matanggap. Kahit pa natutupad ng ilang anticristo ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos bilang isang hanay ng mga regulasyon, hindi pa rin niyon mapapakita na mga tao silang tumatanggap sa katotohanan at nagpapasakop sa mga salita ng Diyos. Ano ang dahilan sa likod nito? May ilang anticristo na habang ginagawa ang mga tungkulin nila ay palaging nais umangkin ng kapangyarihan at tugunan ang pagnanais nila para dito, at palaging gustong magkaroon ng katayuan at sermunan ang mga tao at utus-utusan ang mga ito mula sa isang posisyon ng katayuan. Pero ang ilang anticristo ay iba at mayroon silang ganitong pag-aalala: “Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril. Ibig sabihin, ang sinumang sumusuong sa panganib at nagkakamali, siya ang magdurusa. Hindi ako magiging ganoon kahangal. Kahit gaano ako kahusay, tatlumpung porsiyento lang ang ibibigay ko, at ititira ko ang pitumpung porsiyento para sa sarili ko bilang reserba—dapat akong magtira nang kaunti. Anuman ang sabihin o hilingin ng sambahayan ng diyos sa akin, sa panlabas ay sasang-ayon ako, at hindi ako magiging isang taong nanggagambala o nanggugulo. Kung sino man ang namumuno, susunod ako, at sasang-ayon ako sa anumang sasabihin niya. Magiging ayos lang ako basta’t susundin ko ang mga regulasyong ibinigay ng itaas at hindi ako lalabag sa mga iyon. Tungkol naman sa paglalaan ng katapatan ko sa diyos at taos-pusong paggugol ng sarili ko para sa kanya, hindi na ito kailangan pa. Gugugol ako ng kaunting pagsisikap sa paggawa ng tungkulin ko, katanggap-tanggap na ang paggawa nang sapat lang, at hindi ako magpapakahangal. Anuman ang gawin ko, kailangan kong magtira nang kaunti para maiwasan ko na walang matanggap at na wala akong maipakitang resulta sa huli.” Ang ganitong uri ng anticristo ay naniniwala na isang kahangalan para sa iba na umako ng mga responsabilidad sa paggawa ng mga tungkulin nila at na palaging sumuong sa panganib para lutasin ang mga problema, at na hindi siya dapat maging ganoon kahangal. Sa puso niya, alam niya na kung may sinumang naghahangad ng katayuan at namamahala ng sarili niyang kapangyarihan, sa malao’t madali ay malalantad din siya, pero upang maisagawa ang katotohanan, kailangan niyang magbayad ng halaga, magsikap, mag-alay ng kanyang sinseridad, at maging tapat. Kakailanganin niyang magdusa ng maraming paghihirap, at hindi siya handang gawin iyon. Gumagamit siya ng pamamaraan ng pakikipagkompromiso, hindi siya sumusuong sa panganib o umaatras, nananatili siya sa gitna. Naniniwala siya: “Gagawin ko ang anumang ipinapagawa sa akin. Iraraos ko lang ang gawain at tatapusin ito, at kung ipapagawa ito sa akin nang mas maayos, hindi ko ito gagawin. Para magawa ito nang mas maayos, kakailanganin kong magbayad ng mas malaking halaga at suriin ang mas maraming materyal—magiging masyadong nakakapagod ito! Kung bibigyan ako ng diyos ng mga karagdagang gantimpala dahil ginawa ko iyon, ayos lang, pero parang wala namang sinasabi ang mga salita ng diyos tungkol sa mga karagdagang gantimpala. Dahil ganito ang kaso, hindi ko na kailangang magdusa at magpakapagod; mas mabuting maghinay-hinay lang ako.” Magagawa ba nang maayos ng gayong tao ang tungkulin niya? Makakamit ba niya ang katotohanan? Matatanggap ba ng mga taong hindi nagsusumikap sa katotohanan, bagkus ay nagiging pabaya o negatibo at nagpapakatamad sa gawain nila, ang pagsang-ayon ng Diyos? Tiyak na hindi.