Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikaanim na Bahagi) Ikalawang Seksiyon

Ang saloobin ng mga anticristo patungkol sa mga salita ng Diyos ay isang saloobin ng pag-aaral. Hindi nila kailanman itinuturing ang salita ng Diyos bilang ang salita ng Diyos; ano ang turing nila rito? Isang koleksiyon ng mga misteryo? Isang hindi kapani-paniwalang kuwento? Mga malabo at di-maarok na teksto? Kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila hinahanap ang mga layunin Niya, hindi rin nila sinusubukang unawain ang Kanyang mga layunin o disposisyon. Hindi rin nila gustong makilala ang Diyos, lalong hindi nila gustong isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos na, “Ang madalian Kong pagnanais ngayon ay ang maghanap ng isang grupo ng mga tao na kayang maging lubusang mapagsaalang-alang sa Aking mga layunin,” naaantig ba sila? Sinasabi nila: “Ano ba itong iba’t ibang usapin tungkol sa paghahanap ng mga tao na nagsasaalang-alang sa mga layunin ng diyos? Ano ang silbi ng pagsasaalang-alang sa iyong mga layunin? Mapapakain ba ako nito nang regular o tutulutan akong kumita ng pera? Nauuwi ba sa magandang hantungan ang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng diyos? Makapagbibigay ba ito sa akin ng malalaking pagpapala? Kung hindi nito magagawa ang mga bagay na ito, hindi bale na lang; hindi ko kailangan maging mapagsaalang-alang. Naghahanap ako ng landas para maiwasan ko ang maitapon sa impiyerno at para makakuha ako ng magandang hantungan. Kung makakapagbigay sa akin ng mga pagpapala ang pagsasaalang-alang sa mga layunin mo, kung gayon ay magiging mapagsaalang-alang ako. Sabihin mo lang sa akin kung paano.” Sa tingin ba ninyo ay matutugunan nila ang mga hinihingi ng Diyos? (Hindi.) Isang bagay lang ang inihahain ng Diyos: sundin ang kalooban ng Diyos, magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa paggawa nito, isinasaalang-alang mo ang mga layunin Niya at makakatanggap ka ng malalaking pagpapala. Kapag naririnig ito ng mga anticristo, iniisip nila, “Hindi ako nag-isip nang husto, hindi ako dapat sineryoso. Wala akong kakayahang isaalang-alang ang mga layunin ng diyos, hindi bale na. Hindi uubra ang ganitong paraan; maghahanap ako ng iba pa.” Pagkatapos, nagsisimula silang magsumikap sa ibang mga aspekto ng mga salita ng Diyos. Itinutuon nila ang kanilang pagsisikap sa pananaliksik at pagsusuri ng ibang mga aspekto, pero pagkatapos ng lahat ng pagsusuri, ang nakukuha lang nila mula rito ay ilang salita at doktrina. Dahil hindi nila mahal ang katotohanan, at dahil itinuturing nila ang sarili nilang mga interes, kinabukasan, at kapalaran bilang ang panghabambuhay na pakay ng kanilang paghahangad, naging simpleng mga kasabihan na lang para sa kanila ang mga salita ng Diyos. Hindi sila kailanman nakaranas ng anumang pagtatamasa mula sa gawain ng Diyos o sa patnubay ng Banal na Espiritu. Kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, wala silang nakikitang liwanag at wala silang natatamong kaliwanagan o pagtustos. Ang tanging nakakamit nila ay ilang salita at doktrina, at ilang pagsisiwalat at kasabihan tungkol sa mga misteryo at hantungan. Kapag itinuturing nila ang mga kasabihan at doktrinang ito bilang kapital, tila nararamdaman nila na naging kontrolado na nila ang sarili nilang hantungan, na natiyak na nila ang kanilang hantungan. Gayumpaman, sa gitna ng patuloy na paglalantad, paghatol, at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, o sa gitna ng mga hinihingi ng Diyos sa tao sa iba’t ibang yugto, pakiramdam nila ay tila nawalan na sila ng hantungan at hindi na sila maliligtas. Sa panahong ito, palagi silang hindi mapalagay; palaging may mga pagtatalo sa isipan nila sa kanilang kaibuturan alang-alang sa pagtitiyak ng isang magandang hantungan. Mahihirapan sila dahil sa isang pangungusap ng Diyos, magiging negatibo sila dahil sa isa pang pangungusap ng Diyos, at magiging masaya sila dahil sa isa pa. Gayumpaman, masaya man sila o kumakapit man sila sa isang hibla ng pag-asa, para sa mga gayong tao, panandalian lang ito. Kaya, sa huli, nararamdaman ng ilang anticristo na parang hindi maliligtas ang mga taong katulad nila; nakikita nila mula sa mga salita ng Diyos na tila ayaw ng Diyos sa mga taong kagaya nila—makakatanggap ba sila ng mga pagpapala o hindi? Ano ba talaga ang kinabukasan at kapalaran nila? Pakiramdam nila ay walang nakakabatid sa mga ito, hindi sila sigurado tungkol sa mga ito. Sa puntong ito, ano ang gagawin nila? Maaari ba silang magsisi? Katulad ng mga taga-Ninive, kaya ba nilang abandonahin ang kasamaang hawak nila, magbalik-loob para magtapat at magsisi sa Diyos, tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang buhay nila, at tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon ng kanilang pag-iral? Hindi. Kung gayon, pagkatapos ng maraming taon ng paghahangad, maraming taon ng pag-asa, at maraming taon ng pag-aaral sa mga salita ng Diyos, kung mapagtatanto nila na ang mga katulad nila ay talagang hindi makakatanggap ng mga pagpapala, walang anumang pag-asa, at tiyak na hindi ang mga taong ililigtas ng Diyos, at hindi makakakuha sa gusto nila, ano ang gagawin nila? (Iiwan nila ang Diyos.)

May isang espirituwal na kasabihan, “Pinapanibago ko ang panata ko na mahalin ang Diyos: Iniaalay ko ang aking katawan at puso sa Kanya.” “Napakaringal” ng kasabihang ito. Noong una Kong marinig ang mga salitang ito, lubos Kong naramdaman ang “karingalan” ng wika ng tao sa puso Ko. Itinuturing ng mga tao ang kanilang mga panata bilang napakahalaga, napakadalisay at walang kapintasan; itinuturing nila ang kanilang pag-aalay ng pagmamahal bilang napakadalisay at sagrado. Kaya ba ng mga anticristo na panibaguhin ang kanilang mga panata na mahalin ang Diyos at ialay ang kanilang katawan at puso sa Kanya? (Hindi nila kaya.) Bakit hindi? Sinasabi ng ilang tao: “Pagkatapos basahin ang napakaraming salita ng Diyos, kapag nakikita ko na hindi gumagana o walang nakukuhang mga resulta ang paraan ko ng pag-iisip, pinapanibago ko lang ang aking panata na mahalin ang Diyos, at inuulit ko ang orihinal kong panata sa Kanya. Hindi ba’t pagbabalik-loob ito? Hindi naman ito mahirap.” Kaya bang gawin ng mga anticristo ang gayong bagay? (Hindi nila kaya.) Bakit hindi nila kaya? Hindi ba’t ang “Pinapanibago ko ang aking panata na mahalin ang Diyos” ang pinakamatalinong pahayag ng tao? Hindi ba’t ito ang pinakadakila at pinakadalisay na pagmamahal ng tao? Kung gayon, bakit hindi ito magawa ng mga anticristo? (Walang pagkaunawa sa Diyos ang mga anticristo, lalong wala silang tunay na pagmamahal. Ang pagmamahal nila ay pawang peke at nakabatay sa mga interes nila. Sa sandaling wala silang makamit na mga pakinabang, tatalikod sila at aalis.) Kapag umabot sa puntong ito ang mga anticristo, pakiramdam nila ay may mali at na nagkamali sila ng pasya. Para mapalakas ang loob nila, kailangan nilang gumamit ng islogan o teorya para suportahan ang kanilang mga espirituwal na mundo—anong klaseng islogan? “Pinapanibago ko ang panata ko na mahalin ang Diyos: Iniaalay ko ang aking katawan at puso sa Kanya.” Ibig sabihin nito, magsisimula silang muli. Kung hindi, hindi na sila makakapagpatuloy na mamuhay, at matatapos na ang pananampalataya nila sa Diyos. Nagsasalita ang Diyos araw-araw sa Kanyang gawain, at sa tuwing nagsasalita Siya, ang mga salita Niya ay pawang tungkol sa katotohanan—ang mga ito ay pawang mga salitang naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng tao, na nag-uutos sa mga tao kung paano sila dapat pumasok sa mga katotohanang realidad at kung paano nila uunawain ang mga katotohanang prinsipyo—lahat ng ito ay mga salitang ito. At kaya, iniisip ng mga anticristo: “Bakit wala sa mga salitang ito ang tumatalakay tungkol sa mga hantungan o nagbabanggit ng mga usapin na may kinalaman sa pagkakamit ng mga pagpapala? Hindi ba’t ibig sabihin nito ay nauwi sa wala sa mga kamay ng diyos ang kinabukasan at kapalaran namin? Wala na ba ang pangako ng diyos sa amin? Kung hindi kailanman binabanggit ng diyos ang mga bagay na ito, kung gayon, marahil ay mabibigo lang ang mga inaasam namin. Kung mabibigo ang mga inaasam namin, ano ang dapat naming gawin? Madali lang iyon. Kung walang sinasabi ang mga salita ng diyos tungkol sa mga bagay na ito, gumamit tayo ng pamamaraang pantao: Panibaguhin natin ang ating mga panata na mahalin ang diyos!” Paano nagkaroon ng napakatinding sigasig ang mga tao, ng napakalaking pagmamahal at pananalig noong una silang manampalataya sa Diyos? Nang umabot sa rurok ang mga ito, ang mga tao ay gumawa ng mga kapasyahan sa harap ng Diyos at nanumpa, sinabi nila: “Kailanman at nasaan man ako sa buhay na ito, igugugol ko ang sarili ko para sa Diyos at iaalay ko ang sarili ko sa Kanya nang walang anumang reklamo o pagsisisi. Umulan man o umaraw, sa hirap man o ginhawa, magkasakit man ako, at kahit ano pa ang mga kapighatian, susunod ako sa Kanya hanggang sa huli, hanggang matuyo ang dagat at maging alikabok ang mga bato. Kung lalabagin ko ang panatang ito, tatamaan ako ng kidlat mula sa langit at hindi ako magkakaroon ng magandang hantungan.” Bakit wala na ngayon ang mga panata nila? Pakiramdam nila ay dahil masyado nang matagal ang lumipas, at napawi nito ang kanilang pananalig at pagmamahal. Sa puso nila, iniisip nila: “Hindi maaari, kailangan kong lakasan ang loob ko. Kailangan kong maging masigasig at masigla, at magkaroon ng pananalig at sigasig na kagaya noon. Kailangan kong ibalik ang mga mithiin ko, hantungan ko, at ang pagnanais ko na makatanggap ng mga pagpapala. Sa gayong paraan, hindi ba’t magiging kasinglaki ng dati ang pananalig at pagmamahal ko sa diyos? Hindi ba’t magiging katulad ng dati ang tunay kong dedikasyon sa kanya?” Gayumpaman, gaano man mahirapan sa kaibuturan ng puso niya ang isang taong hindi naghahangad sa katotohanan ni kaunti, o gaano man niya gunitain ang orihinal niyang pananalig at sigasig para sa Diyos, hindi nito mababago ang kasalukuyan niyang sitwasyon. Ano ang sitwasyong ito? Kapag nauwi sa wala ang kinabukasan at kapalaran niya, kapag papalayo nang papalayo sa kanya ang kinabukasan at kapalaran niya, kapag halos nawasak na ang pagnanais niya na makatanggap ng mga pagpapala, at kapag hindi maisakatuparan ang lahat ng kanyang inaasam at pagnanais, nagiging napakahirap para sa kanya na magpursige—napakasakit para sa kanya sa kaibuturan ng kanyang puso na magpursige sa ganitong paraan. Madalas siyang nakakaranas ng kalagayan at lagay ng loob kung saan tila hindi na niya kayang magpatuloy. Madalas niyang inaabangan kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos upang matamasa niya ang mga pagpapala ng kaharian ng langit. Umaasa pa nga ang ilang tao, “Hayaang matapos agad ang gawain ng diyos, hayaang mabilis na sumapit ang malalaking sakuna—kapag bumagsak ang langit, mamamatay ang lahat, walang sinuman ang dapat umasa sa magagandang resulta. Kung hindi ako magtatamo ng mga pagpapala, walang sinuman ang nararapat!” Sa kaibuturan ng puso nila, hindi sila umaasa na paparito ang kaharian ng Diyos, hindi sila umaasa na matatapos ang malaking proyekto ng Diyos, at hindi sila umaasa na maluluwalhati sa wakas ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, o na ang Diyos ay magkakamit ng mga mananagumpay sa gitna ng sangkatauhan at mag-aakay sa sangkatauhan patungo sa magandang hantungan—hindi sila umaasa sa mga bagay na ito. Sa kabaligtaran, kapag nahaharap sa pagkawasak ang lahat ng kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, sa kaibuturan ng kanilang puso, isinusumpa nila ang gawain ng Diyos, tutol sila sa gawain ng Diyos, at higit pa rito, tutol sila sa mga salita Niya.

Para sa ilang tao sa panahon ngayon, matapos makinig ng mga sermon sa loob ng napakaraming taon, habang mas nakikinig sila, mas lalo silang nakakaunawa, mas nalilinawan ang puso nila, at mas lalo nilang gustong makinig. Sa kabaligtaran, mas nasusuklam ang ibang tao habang mas nakikinig sila sa mga sermon. Sa sandaling marinig nila ang mga salita ng Diyos, kusang nagpapakita ang malademonyo nilang katangian. Sa sandaling makinig sila sa pakikipagbahaginan ng Diyos tungkol sa katotohanan at tumutukoy ito sa mga tiwaling disposisyon ng tao, lumalabas ang kanilang mapaghimagsik na pag-iisip, at lubusan nilang ipinapakita ang pagkasuklam nila—hanggang saan nila ito dadalhin? Ang ilan ay sumusumpa sa puso nila: Isinusumpa nila ang Diyos, ang katotohanan, ang mga lider at manggagawa ng iglesia, at mas isinusumpa nila ang mga taong naghahangad sa katotohanan. Kapag nakikita nila ang mga ganoong uri ng tao, hindi nila nagugustuhan ang mga ito at gusto nilang atakihin ang mga ito. Kapag nakikita nila ang mga gayong tao na nangangaral ng mga salita ng Diyos, nagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, at nakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, sumusumpa sila sa puso nila hanggang sa mapagod at antukin sila. Kaya, nagliliwanag ang mga mata ng ilang tao sa sandaling makarinig sila ng pakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, samantalang kapag nakakarinig ang iba ng pakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos o kapag naririnig nilang sinasabi ng isang tao na nakatanggap ito ng kaunting liwanag mula sa mga salita ng Diyos, nalilito ang isipan nila, lumalabo ang mga isipan nila, at pinanghihinaan sila ng loob. Pakiramdam nila ay masyadong nabibigatan ang puso nila na hindi na sila makahinga, at palagi nilang gustong lumabas para makalanghap ng sariwang hangin. Pero kapag nakikipagbahaginan ka tungkol sa mga bagay tulad ng mga kinabukasan at kapalaran, mga pagpapala ng Diyos, kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos, at ng mga misteryo, gaano man kaliit ang silid o gaano man kasama ang hangin, hindi sila lumalabas para magpahangin o hindi sila nakakatulog; nakikinig silang mabuti. Hindi mahalaga kung gaano katagal kang magsalita, kahit mawalan pa sila ng tulog o pagkain. Noong nakipag-ugnayan sa Akin ang ilang bagong mananampalataya, nakipagbahaginan Ako sa kanila tungkol sa mga kalagayan ng mga tao at kung paano dapat hangarin ng mga tao ang katotohanan, pero hindi sila nakaunawa at tinanong nila Ako kung puwede ba Akong magsalita tungkol sa ilang misteryo. Sabi Ko: “Gusto ninyong makarinig tungkol sa mga misteryo? Kung gayon, hayaan ninyong sabihin Ko muna sa inyo ang isang katunayan. Ang mga laging nag-uusisa tungkol sa mga misteryo at laging nagbibigay-pansin sa pagsasaliksik ng mga bagay na ito sa mga salita ng Diyos ay mga walang kuwenta. Sila ay pawang mga hindi mananampalataya at mga Pariseo.” Natulala ang mga bagong mananampalataya sa sagot Ko at masyado na silang nahiyang magtanong pa, pero nakahanap sila ng pagkakataon na magtanong ulit kalaunan, at sinagot Ko sila sa parehong paraan. Ano ang tingin ninyo sa paraan ng pagsagot Ko sa kanila? (Mabuti ito. Makakatulong ito sa kanila na pagnilayan ang kanilang sarili.) Magninilay-nilay ba sila? Hindi. Kung gayon, paano ninyo sila matutulungan? Sabihin lang ninyo sa kanila: “Ang mga misteryo ay hindi buhay o katotohanan. Kahit gaano karaming misteryo ang nauunawaan mo, hindi ito magiging katumbas ng pag-unawa mo sa katotohanan. Kahit malaman mo ang bawat misteryo, hindi ito magiging katumbas ng pagbibigay-daan sa iyo na makapunta sa langit o magkaroon ng magandang hantungan.” Ano ang tingin ninyo sa pagtulong sa kanila gamit ang mga salitang ito? Hindi ba’t ganap nitong naipapaliwanag ang usapin? Kapag ang mga salitang ito ay naririnig ng mga taong may espirituwal na pagkaunawa, nagmamahal sa katotohanan, at naghahangad sa katotohanan, sinasabi nila, “Inakala ko na ang mga misteryo ay buhay, pero ngayong alam ko na na hindi pala, hindi na ako magsasaliksik pa tungkol sa mga ito. Kung gayon, ano ba ang buhay?” Ipinapakita nito na nakaunawa na sila nang kaunti. Kaya, natutulungan ba ang mga anticristo pagkatapos nilang marinig ang mga salitang ito? Nagbabago ba sila? Hindi nila nagagawang magbago. Hindi sila nakakahanap ng anumang pakinabang sa mga salitang ito, naniniwala sila na walang mga pagpapala sa mga salitang ito, na walang kinalaman sa mga ito ang kinabukasan at kapalaran nila, na hindi nauugnay at hindi konektado ang mga ito sa kinabukasan at kapalaran nila, at na walang silbi ang mga ito, kaya, hindi nila kayang tanggapin ang mga ito. Kung gayon, anong pakikipagbahaginan ang konektado sa kinabukasan at kapalaran nila? Maaari mong sabihin, halimbawa: “Sa panahon ngayon, maraming lumilitaw na kakaibang penomena sa mundo. Sa ilang lugar, may lumitaw na apat na buwan, at ilang beses nang namasdan ang blood moon. Madalas nangyayari ang mga kakaibang pangyayari sa kalangitan. Iba’t ibang salot at sakuna na rin ang lumitaw sa mundo ng tao, at sa ilang lugar, nasasangkot ang mga tao sa kanibalismo. Kung titingnan ang sitwasyon, nakarating na tayo sa panahon ng mga mangkok at salot na ipinropesiya sa Aklat ng Pahayag.” Kapag naririnig ng mga anticristo ang mga salitang ito, nagniningning ang mga mata nila, at nakikinig silang mabuti. Nagagalak sila, “Mabuti na isinilang ako sa panahong ito. Makakatanggap ako ng malalaking pagpapala. Talagang matalino ako! Hindi ko pinili na maghangad ng mga makamundong bagay. Tinalikuran ko ang aking makamundong kinabukasan at ang aking pamilya para sundin ang yugtong ito ng gawain ng diyos—masayang-masaya ako na nakakasunod ako hanggang ngayon. Nalalapit na ang araw ng diyos. Batay sa sitwasyon, mukhang aabot ako sa araw na matatapos ang gawain ng diyos bago ako mamatay. Sa araw na iyon, sigurado ako na isa ako sa mga ililigtas niya. Kay ganda nito!” Sa puso nila, lihim silang nagagalak na napili nila ang tamang landas, nahanap ang tamang pintuan, at na nakapagbayad sila ng ilang halaga. Nagagalak din sila na nagawa nilang sumunod hanggang sa puntong ito nang hindi sumusuko, na nasa sambahayan pa rin sila ng Diyos, at hindi nakapagdulot ng anumang problema, o hindi sila naalis o napatalsik. Kaya, mula noon, isasagawa ba nila ang katotohanan o magpapatuloy ba silang kumapit sa mga parehong inaasam? Hindi magbabago ang kanilang kaloob-loobang saloobin. Samakatwid, kapag nakahanap sila ng isang parte sa mga salita ng Diyos na pinaniniwalaan nilang natupad na, pakiramdam nila ay parang nakahanap sila ng kayamanan. Agad nilang nararamdaman na masuwerte sila, na napili nila ang tamang landas, na nakapasok sila sa tamang pintuan, na napili nila ang tamang Diyos, at na sila ay matatalinong tao at matatalinong dalaga. “Buti na lang, iniwan ko ang trabaho ko noon. Tama ang naging pasya ko. Bakit napakatalino ko? Kung hindi ako naging napakaingat noon, baka napalampas ko ang mga pagpapala ngayon. Kailangan kong patuloy na mag-ingat sa hinaharap at ilaan ang buhay ko sa pagsisikap para sa kinabukasan at kapalaran ko.” Anong diwa ng mga anticristo ang nakikita ninyo sa usaping ito? Hindi ba’t mga oportunista ang mga taong ito? Wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos, sa Kanyang mga salita, o sa Kanyang gawain. Mga oportunista sila, mga taong nakapuslit sa sambahayan ng Diyos. Kaya, sa sambahayan ng Diyos, palaging pasibo ang mga taong ito, nagpapalipas lang ng mga araw nila. Binibilang nila sa mga daliri nila kung ilang taon na silang sumusunod sa Diyos, binibilang nila ang mga halagang ibinayad nila, ang mga dakilang bagay na nagawa nila, ang gawain ng Diyos na personal nilang naranasan, at ang mga hakbang ng gawain ng Diyos na may kaunti silang pagkaunawa. Kinakalkula nila ang mga bagay na ito sa puso nila buong araw, nang paulit-ulit, isinasantabi ang mga pinakamahalagang aspekto ng katotohanan at buhay. Nananampalataya sila sa Diyos para lang makatanggap ng mga pagpapala—ito ay oportunismo. Wala sa mga salita ng Diyos, o sa kaalamang batay sa karanasan ng sinuman, ang makakapagbago sa oportunistang saloobin nila kahit kailan. Ganito ang mga anticristo. Hindi sila kailanman makikipagkompromiso pagdating sa sarili nilang mga interes; hindi nila kailanman babaguhin ang mga pananaw nila, babaguhin ang direksiyon at mga layon ng landas na tinatahak nila, o babaguhin ang mga prinsipyo nila sa pag-asal alang-alang sa kinabukasan at kapalaran nila. Hindi nila isasagawa ang alinman sa mga salita ng Diyos para sa kinabukasan at kapalaran nila, kahit isang salita. Sinasabi ng ilan: “Isinasagawa naman nila paminsan-minsan ang ilang salita, tulad ng pagtalikod sa mga bagay-bagay o paggugol ng kanilang sarili.” Anuman ang isinasagawa nila, ginagawa nila ito sa batayan na may kinabukasan at kapalaran sila, at makakatanggap sila ng mga pagpapala. Anuman ang katotohanang isinasagawa nila, ito ay nadungisan at ginawa nang may intensiyon at layon. Ganap itong naiiba sa pagsasagawang hinihingi ng Diyos.

Kapag nagbabasa ang mga anticristo ng mga salita ng Diyos, pangunahing ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para hanapin ang kanilang hantungan at ang mga misteryo, kasama ang nilalaman na may kaugnayan sa kung kailan matatapos ang gawain at plano ng pamamahala ng Diyos, at kung kailan sasapit ang mga sakuna, at iba pa. Alang-alang sa sarili nilang hantungan, kaya nilang magsumikap nang husto at gumawa ng maraming bagay. Kaya, kapag natapos na ang gawain ng Diyos at sumapit ang malalaking sakuna, ang nais nilang malaman at ang iniisip lang nila ay kung maaari bang ipagpalit sa mga pagpapalang nais nila ang mga bagay na nagawa nila, ang mga halagang ibinayad nila, at ang mga bagay na tinalikuran nila, at kung maiiwasan ba nila na magdusa sa mga sakuna. Sa buong proseso ng pag-aaral nila sa mga salita ng Diyos, ilang taon man ang itatagal nito, ang iniisip lang nila ay ang kanilang sariling kinabukasan at kapalaran. Samakatwid, ang pokus nila habang binabasa ang mga salita ng Diyos at ang nilalaman na hinahanap nila sa mga salita ng Diyos ay pawang may ilang espesyal na tanda at katangian. Karaniwan, sa unang anim na buwan o sa unang taon, naghahanap ang mga bagong mananampalataya ng mga gayong paksa sa mga salita ng Diyos. Pero pagkatapos ng anim na buwan o isang taon, napagtatanto ng ilang tao na nabasa na nila ang lahat ng parteng ito noon pa, at sa tingin nila ay wala nang kabuluhan na saliksikin pa ang mga ito, na hindi mabibigyang-daan ng mga ito ang mga tao na makapasok sa katotohanan, at maaari pa nga itong makaapekto at makagulo sa pagpasok nila sa katotohanan, kaya, hindi na nila binabasa ang mga parteng ito. Para sa kanila, sapat na ang paminsan-minsang pagtingin at pag-unawa sa mga ito. Sa mga natitirang oras, nagninilay-nilay sila, “Paano ako makakapasok sa katotohanan? Maraming salita ng Diyos ang naglalantad sa sangkatauhan. Inilalantad ng mga ito ang panlilinlang, pagiging mapaghimagsik, at mayayabang na disposisyon ng mga tao; inilalantad ng mga ito ang iba’t ibang kuru-kurong panrelihiyon at saloobin ng mga tao patungkol sa Diyos. Higit pa rito, inilalantad ng mga ito ang iba’t ibang pagpapamalas ng di-normal na pagkatao ng mga tao. Kaya, paano ko mahahanap ang dapat isagawa ng mga tao mula sa mga salita ng Diyos?” Ang mga bagay na ito ang pinagsusumikapan ng mga taong nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Madalas silang nagtatanong tungkol sa mga aktuwal na problema na kailangan nilang maunawaan at pasukin sa kanilang tunay na buhay, gaya ng, “Ano ang susunod na dapat nating gawin, at paano tayo dapat magsagawa? Matapos manampalataya sa Diyos, siguradong magiging iba tayo sa mga walang pananampalataya at sa mga taong may mga matibay na paniniwala sa relihiyon, kaya anong mga makabuluhang pagbabago ang dapat mangyari sa buhay natin? Pagdating sa pag-asal natin at sa pakikitungo sa mundo, paano tayo dapat magsalita at kumilos, paano tayo dapat makisalamuha sa iba, at paano natin dapat isagawa ang katotohanan?” Gayumpaman, kahit manampalataya ang mga anticristo nang 10, 20, o 30 taon, hindi nila kailanman itatanong ang mga ito. Pinag-aaralan nila ang mga salita ng Diyos at hinahanap nila sa mga salita ng Diyos ang pag-asa na makatanggap ng mga pagpapala at ang hantungan nila, at kahit maghanap pa sila sa loob ng 20 o 30 taon, hindi sila magsasawang gawin ito. Sa sandaling magkaroon ng katiting na tanda ng problema, agad silang naghahanap ng nilalaman sa mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa hantungan nila, at pagkatapos ay sinusuri nila kung ano ang maaaring saloobin ng Diyos sa kanila batay sa kanilang kasalukuyang pananampalataya. Tila tinutukoy nila ang kanilang destinasyon ayon sa mga siklo at mga panahon. Hinding-hindi nila babaguhin ang mga kaisipan at saloobin nila, at hinding-hindi nila hahangarin ang katotohanan dahil lang sa mga pagbabago sa paraan ng paggawa ng Diyos o sa pagpapahayag ng Kanyang apurahang layunin para sa sangkatauhan. Hinding-hindi nila gagawin ang gayong bagay. Kaya naman, may ilang tao na 20 o 30 taon nang nananampalataya ang patuloy na pinagsusumikapan ang mga misteryo at paksang iyon na binanggit ng Diyos na may kinalaman sa kapalaran at hantungan ng sangkatauhan. Gaano nagsisikap ang ilang tao? Sinasabi nila, “Nang ikumpara ko ang bawat parte ng mga salita ng diyos, natuklasan ko ang pinakamalaking misteryo. Kapag lumisan na si cristo sa lupa, mangyayari ito sa tagsibol.” Ano sa tingin ninyo ang nararamdaman Ko matapos itong marinig? Masaya ba Ako o malungkot? Hindi Ako masaya at hindi rin Ako malungkot. Sa tingin Ko, katawa-tawa ito. Talagang may mga taong pinagsusumikapan ang ganitong bagay, hanggang sa puntong alam na nila ang partikular na panahon. Kung mas magsusumikap pa sila at matutuklasan nila ang eksaktong oras, hanggang sa puntong alam na nila ang tumpak na minuto at segundo, talagang magiging mga “henyo” na sila! Talagang katawa-tawa at nakakainis na kayang matuklasan ng mga “henyo” na iyon ang isang bagay na maging Ako mismo ay hindi alam. Bakit ito katawa-tawa? Walang taong nakakaalam sa eksaktong oras kung kailan nagkatawang-tao ang Diyos, ni si Satanas ay hindi alam ito. Hahayaan ba ng Diyos na malaman ng sinuman ang isang bagay na kahit si Satanas ay hindi alam? Siyempre hindi. Gayundin, pagdating sa kung kailan tatapusin ng Diyos ang Kanyang malaking proyekto, at kung kailan tatapusin ng Kanyang katawang-tao ang gawain sa lupa at kung kailan Siya lilisan—isa ba itong bagay na ipapaalam ng Diyos sa sinuman? May dahilan ba para malaman ito ng lahat? (Wala.) Hahayaan ba ng Diyos na aksidenteng malaman ng mga tao ang anumang bagay na ayaw Niyang malaman ng mga tao kapag nagsasalita Siya? Tiyak na hindi. Subalit, talagang sinasabi ng ilang tao na natuklasan nila sa mga salita ng Diyos ang oras kung kailan aalis ang Diyos sa lupa. Sinasabi pa nga nila na sa tagsibol ito. Hindi ba’t kakaiba ito? Hindi ba’t katawa-tawa ito? Alin sa mga salita ng Diyos ang pinagbatayan ng mga taong ito ng kanilang pahayag? Nang magsalita ang Diyos tungkol sa paggawa ng isang bagay sa tagsibol, maaaring ibang bagay ang tinutukoy Niya. Maaari kayang ito ang tinutukoy Niya? Paano nila naisip na iugnay ito rito? Malinaw at hayagang sasabihin ng Diyos sa mga tao ang gusto Niyang malaman ng mga tao. Hindi mauunawaan ng mga tao ang isang bagay na ayaw ng Diyos na malaman nila, gaano man sila magsaliksik; imposibleng malaman ng sangkatauhan ang mga gayong bagay. Sinasabi ng mga taong ito na alam nila, at na may mga resulta ang pagsasaliksik nila. Nagbibigay pa nga sila ng eksaktong oras. Hindi ba’t pagsasalita ito ng walang katuturan? Ito ay paglilihis sa mga tao, panggugulo sa isipan nila, at paninira sa paningin nila. Nagmumula ito kay Satanas at tiyak na hindi ito kaliwanagan mula sa Diyos. Hindi Niya bibigyang-liwanag ang mga tao tungkol sa bagay na ito. Walang silbi na malaman ito ng mga tao. Tiyak na hindi kailanman hahayaan ng Diyos na aksidenteng malaman ng mga tao ang anumang bagay na ayaw Niyang malaman ng mga tao. Kaya Ko sinasabing katawa-tawa ito. Kung gayon, bakit nakakainis ito? (Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para mabago ng mga tao ang mga tiwaling disposisyon nila sa pamamagitan ng mga salitang ito, at para hikayatin ang mga tao na hangarin at kamtin ang katotohanan, pero ginagamit ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos para magsaliksik ng mga hantungan at mga misteryo.) Medyo nakakainis din ito, pero ano ang tunay na dahilan ng pagkainis Ko? Halimbawa, kung malaki ang kinikita ng isang mayamang magulang para sa mga anak niya, at maliliit pa ang mga anak niya at kinakailangang umasa sa magulang nila para palakihin sila, at ganap na nakasalalay sa magulang na iyon ang kabuhayan nila, hihilingin ba ng mga anak na iyon na maagang mamatay ang magulang nila? Hahanap ba sila ng manghuhula para mabilis na makalkula kung kailan mamamatay ang magulang nila? May sinuman ba na kumikilos sa ganitong paraan? (Wala.) Kung mayroon man, hindi ba’t nakakainis ito? Nakakainis nga! Kamuhi-muhi ang mga gayong tao! Ngayong pumarito na sa lupa ang Diyos, kahit pa kaya ng katawang-tao Niya na mamuhay nang higit sa isang daang taon at gumawa nang isang daang taon, limitado pa rin ang mga katotohanang kayang maunawaan ng mga tao. Isipin ninyo, mula sa pagkakatawang-tao ng Panginoong Jesus hanggang sa kasalukuyang yugto ng gawain ng Diyos, gaano karaming katotohanan ang nakamit ng sangkatauhan sa loob ng dalawang libong taong ito? Halos hindi nauunawaan ng sangkatauhan ang katotohanan. Sa yugtong ito, 30 taon nang gumagawa ang Diyos, at halos 30 taon nang nagsasalita ang Diyos. Iyong mga pinakamatagal nang nagbabasa sa mga salita ng Diyos ay 30 taon nang nagbabasa ng mga ito. Ilang katotohanan na ang naunawaan ng mga tao? Napakalimitado ng pagkaunawa nila. Mabagal ang pagpasok ng sangkatauhan sa katotohanan. Ibig sabihin, napakahirap at napakabagal ng pagkintal ng katotohanan sa mga tao at gawin itong buhay nila. Subalit, kahit na ganoon ito kabagal, may mga tao pa rin na umaasa, “Kailan lilisanin ng diyos ang lupa? Kailan matatapos ang gawain ng diyos?” Makikinabang ba sila sa pag-alis ng Diyos sa lupa at sa pagtatapos ng Kanyang gawain? Sa araw na umalis ang Diyos sa lupa, mamamatay sila. Masesentensiyahan sila ng kamatayan. Ano ang dapat nilang ikagalak? Anong klaseng tao ito? Hindi ba’t wala silang moralidad? Tinatawag silang mga di-mabuting anak sa piling ng mga makamundong tao. Tinatawag natin silang mga hindi mananampalataya at mga anticristo, at wala silang kuwenta.

Noong ipinapahayag ang nilalaman ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, maraming tao ang naniwala na “Ang diyos na nagkatawang-tao ay gumagawa lang ng gawain. Isinasakatuparan niya ang ilang hakbang ng gawain, mayroon siyang ilang paraan ng paggawa, at ilang paraan ng pagsasalita, at iyon na iyon, matatapos na ang gawain niya pagkatapos niyon. Kapag natapos na ang gawain niya, wala nang magiging silbi ang katawang-tao, at hindi na niya kakailanganing magsalita pa. Mayroon tayong makakamit, at kailangan na lang nating abangan ang araw na matatapos ang gawain ng diyos. Sa sandaling magawa na nating matalakay at maipangaral ang mga salitang ito ng diyos, magkakaroon tayo ng hantungan at tatanggap ng malalaking pagpapala.” Nagkimkim ng ganitong saloobin ang ilang tao. Pagkatapos, nagbahagi Ako ng mas maraming salita, partikular na ang mga salita ng Ukol sa Pagkakilala sa Diyos, pati na ang mga salitang ibinabahagi Ko sa panahong ito. Nang makita ito ng ilang tao, naisip nila, “Hindi ba’t nakapaloob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ang lahat ng salita ng diyos? Bakit ipinahayag niya ngayon ang tomo na Ukol sa Pagkakilala sa Diyos? Bakit parami nang parami ang mga salitang ipinapahayag ng diyos? Mula ngayon, dapat magtalakay siya ng ilang misteryo, ng ilang usapin tungkol sa langit, at kung paano lalakad ang mga tao kasama ang diyos sa langit sa hinaharap. Talagang nagpapasigla sa amin ang pag-uusap tungkol sa mga bagay na ito!” Anong uri ng mga tao ang may mga ganitong kaisipan? (Mga anticristo.) Bakit sila nagkaroon ng mga ganitong kaisipan? Dahil hindi sila interesado sa katotohanan kahit kaunti. Naisip nila, “Maraming taon na kaming sumusunod sa diyos. Alam namin kung paano gumawa ang diyos sa simula. Personal naming naranasan ang ilang hakbang ng gawain ng diyos. Personal din naming naranasan ang mga paraan ng pagsasalita ng diyos at nakita ito ng sarili naming mga mata. Kami ang mga saksi ng diyos at ang henerasyong pinakakarapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala.” Hindi nila sinunod ang Diyos dahil nagsalita at nagpahayag Siya ng katotohanan, kundi dahil sa paunang pagtatalaga ng Diyos. Inakay sila ng Diyos na maranasan ang ilang hakbang ng gawain, at pasibo silang sumunod sa Diyos. Kalaunan, nang patuloy na umusad ang gawain ng Diyos, pumili Siya ng mas marami pang tao na kayang sumabay sa Kanyang kasalukuyang yugto ng gawain. Patuloy na lumawak at nagbago ang mga pangunahing tumatanggap ng gawain ng Diyos. Unti-unting natiwalag ang ilang taong sumusunod sa Diyos noong una dahil hindi nila hinangad ang katotohanan, dahil pinanghawakan nila ang iba’t ibang kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at dahil nagkaroon sila ng iba’t ibang uri ng pagsuway at kawalan ng kasiyahan tungkol sa Diyos. May mga dahilan na kapwa personal at obhetibo sa pagtitiwalag sa mga taong ito. Sa personal na dahilan, hindi nila hinangad ang katotohanan, at itinuring nila ang mga salita ng Diyos bilang mga doktrina at ipinangaral ang mga ito sa malayo at nang malawakan, kagaya ng mga Pariseo. Hanggang ngayon, hindi pa rin nauunawaan ng ilang tao kung ano ang mga katotohanang realidad—para silang mga patay na tao. Sa obhetibong dahilan, ang mga taong natiwalag ay mga taong personal na nakaranas sa simula ng bagong gawain ng Diyos, pero dahil sa karakter, paghahangad, at kakayahan nila, hindi sila naging kalipikado sa susunod at mas bagong gawain ng Diyos. Dahil dito, mabilis na itiniwalag at pinalayas ng mga hakbang ng gawain ng Diyos ang mga taong ito. Masasabi na sa loob ng ilang panahon bago ipinahayag ang mga salita ng Ukol sa Pagkakilala sa Diyos, maraming tao ang lihim na nagagalak sa kaibuturan ng puso nila, sinasabi nila: “Sa wakas, wala nang masasabi ang taong kinontra at kinondena ko. Natapos na rin sa wakas ang mga hakbang ng gawain niya. Noon, may mga kuru-kuro ako tungkol sa kanya. Sinuway ko siya at hindi ako nasiyahan sa kanya, at kinondena at kinontra ko rin siya. Tama nga ako. Hindi siya diyos; hindi siya si cristo. Hindi mahalaga kung paano ko siya tratuhin dahil hindi naman siya diyos. Isa lang siyang kasangkapan ng diyos, tagapagsalita ng diyos.” Higit pa rito, sinabi pa nga ng ilan: “Hindi naiiba sa atin ang katawang-taong ito. Ang espiritu sa loob niya ang nagsasalita at gumagawa ng gawain; wala itong kinalaman sa katawang-taong ito.” Lihim na kinondena at nilapastangan ng ilang tao si Cristo sa ganitong mapangahas na paraan. Nang ipahayag ang mga katotohanan sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao Volume II: Ukol sa Pagkakilala sa Diyos, nakaramdam ng pagkabalisa sa puso nila ang mga taong ito na kumondena at lumapastangan kay Cristo. Ano ang dahilan ng pagkabalisang ito? Sa isang banda, matagal na silang may mga kuru-kuro sa puso nila, kinontra nila ang taong nagpahayag sa katotohanan. Sinuway nila ang taong ito at hindi sila nasiyahan dito, at kinondena at nilapastangan pa nga nila Siya. Sa kabilang banda, ang mga salitang ipinahayag ng Diyos pagkatapos ng 2013 ay nagsiwalat ng maraming misteryong hindi pa nalalaman ng sangkatauhan. May partikular na epekto ang mga misteryong ito na nagpapatibay sa pananalig ng mga bagong mananampalatayang wala pang matatag na pundasyon, at sa isang iglap lang, ang mga misteryong ito ay nagdulot ng katiyakan sa kanilang pusong may pagdududa. Samantalang para sa mga tao na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos subalit dating kumontra, kumondena, at lumapastangan kay Cristo, direkta silang tinamaan ng mga misteryong ito, na lalo nilang ikinabalisa. Naisip nila, “Ganap na katapusan na natin ngayon. Itiniwalag tayo ng diyos. Ayaw niya sa amin. Nagpahayag ang diyos ng napakaraming salita noon, pero palagi namin siyang itinuturing na isang tao. Inakala namin na kapag natapos na ang mga hakbang ng gawain niya, wala nang kinalaman sa kanya ang mga natirang bagay, na natapos na ng taong ito ang serbisyo niya, at na mula noon, makakasalamuha na namin ang diyos sa langit at mananampalataya kami sa diyos sa langit. May pinanghawakan kaming mga kuru-kuro tungkol sa diyos sa lupa. Sinuway at hinamak namin siya.” Sa pamamagitan ng mga salitang ipinahayag noong 2013, marami sa kapangahasan ng mga taong ito ang napawi. Bago ito, nagkaroon ng mga pagdududa ang ilang tao tungkol sa gawain ng Diyos. Nilabanan at nilapastangan nila ang katawang-tao ng Diyos, at inabandona pa nga ng ilan ang pananampalataya nila. Bakit nila ginawa ito? Dahil nagkaroon sila ng mga kuru-kuro. Bukod sa itinatwa nila ang Diyos na nagkatawang-tao at ang gawain ng Diyos, itinatwa rin nila ang pag-iral ng Diyos. Batay sa saloobin ng mga taong ito tungkol sa Diyos, ano dapat ang maging kalalabasan nila? Batay sa saloobin at pananaw nila sa Diyos, ano ang diwa nila? (Diwa ng isang hindi mananampalataya.) Ang unang pangunahing katangian ng mga hindi mananampalataya ay oportunismo. Sa sandaling mahanap nila ang sarili nilang mga interes sa salita ng Diyos, kakapit sila sa mga ito, tatangging bumitiw, at susubukan nilang makinabang mula sa mga salita Niya. Ang ikalawa ay na kaya nilang lapastanganin ang Diyos kahit kailan at kahit saan, kaya nilang bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos kahit kailan at kahit saan, at kapag hindi naaayon sa mga kuru-kuro nila ang isang maliit na bagay, nagagawa nilang hatulan, kondenahin, at kontrahin ang Diyos. Wala silang takot sa Diyos ni kaunti. Pawang may diwa ng mga anticristo ang mga taong ito; mga anticristo silang lahat. Ano ang isa pa nilang katangian? Lubos na walang pagmamahal sa katotohanan ang mga taong ito. Sila ang unang tumanggap sa mga salita ng Diyos, sila ang unang nakarinig ng mga salita ng Diyos, at sila rin ang mga personal na nakaranas sa mga hakbang at pamamaraan ng gawain ng Diyos. Tatlumpung taon nang nananampalataya sa Diyos ang mga taong ito, pero ang karamihan sa kanila ay hindi kayang gumawa ng anumang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at wala silang matalakay na mga karanasan. Saanman sila pumunta, tinatalakay lang nila iyong mga walang kabuluhang salita at doktrina. Ano ang kanilang pinakahalatang katangian? Tatlumpung taon na silang nananampalataya sa Diyos, pero hindi man lang nagbago ang disposisyon nila, at wala silang takot o pagkaunawa sa Diyos. Kaya nilang basta-bastang husgahan ang katawang-tao ng Diyos nang palihim, at gumawa pa nga ng gulo at kondenahin ang Diyos nang walang kahit katiting na pangamba o takot. Hindi nila mahal ang katotohanan, tutol sila sa katotohanan, at kinokontra nila ang katotohanan. Pagdating sa Diyos na nagkatawang-tao, nangangahas silang sabihin ang kahit ano; nangangahas silang suriin at husgahan ang lahat, at sa tuwing nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, nangangahas silang ikalat ang mga ito. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang mga taong ito? (Ganoon na nga.) Sila ba ay mga tao ng Diyos? Tatlumpung taon na silang nananampalataya sa Diyos, pero wala silang taglay na mga realidad, at hindi man lang nagbago ang mga disposisyon nila—hindi ba’t mga patay na tao ang mga ito? Pagkatapos manampalataya sa Diyos nang tatlong taon pa lang, hindi ba’t makakaunawa at makakapasok sa ilang katotohanan iyong mga tunay na naghahangad sa katotohanan at talagang nagtataglay ng normal na pagkatao? (Makakaunawa at makakapasok sila.) Pero may mga tao na tatlumpung taon nang nananampalataya sa Diyos na wala man lang anumang karanasan. Kung hihilingin mo sa kanila na magtalakay tungkol sa mga karanasan nila, puro doktrina, islogan, at pangangaral ng mga salita lamang ang tatalakayin nila. Kaya, anong pagsisikap ba ang ginawa nila sa mga salita ng Diyos sa nakaraang 30 taon? Ano ang nakamit nila? Malinaw na hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos. Tinatanggap nila ang mga salita ng Diyos tungkol sa pagbibigay ng mga pagpapala at pangako sa sangkatauhan, ang Kanyang mga salita na magandang pakinggan, ang Kanyang mga salita na nakapagbibigay-ginhawa at nakapanghihikayat, at mga salitang kaaya-aya sa pandinig, pero hindi nila tinatanggap ang alinman sa mga katotohanang ipinahayag ng Diyos o ang alinman sa mga hinihingi Niya sa sangkatauhan. Wala silang tinatanggap ni isa. Hindi ba’t dapat itiwalag ang mga taong ito? (Dapat lang.) Masasabi ba na hindi makatarungan na itiwalag ang mga gayong tao? (Hindi.) Iyon ay dahil sinasadya nilang magkasala kahit na alam na alam nila ang katotohanan.