Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikaanim na Bahagi) Unang Seksiyon

II. Ang mga Interes ng mga Anticristo

Nitong huli ay nagbahaginan tayo tungkol sa Ikasiyam na Aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: Ginagawa nila ang kanilang tungkulin para lang maging tanyag sila at maisakatuparan ang kanilang sariling mga interes at ambisyon; hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipinagkakanulo pa ang mga interes na iyon, ipinagpapalit para sa kanilang personal na kaluwalhatian. Pagkatapos, hinati natin ang mga interes ng mga anticristo sa ilang aytem. Ang una ay ang sarili nilang seguridad, ang ikalawa ay ang sarili nilang reputasyon at katayuan, at ang ikatlo ay ang mga kapakinabangan. Ano ang kabilang sa mga kapakinabangang ito? (Ang una ay ang paglulustay sa mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos, ang ikalawa ay ang paggamit sa mga kapatid para maglingkod at gumawa para sa kanila, at ikatlo ay ang paggamit ng kanilang posisyon para makakuha ng makakain, maiinom, at iba pang mga kanais-nais na bagay sa pamamagitan ng pandaraya sa ilalim ng pagkukunwaring nananampalataya sila sa Diyos.) Kasama sa mga “ibang bagay” na ito ang espesyal na pagtrato, pag-aasikaso sa kanilang mga personal na usapin, at iba pa, tama ba? (Oo.) Nakalilito ba sa inyo ang ganitong paraan ng pakikipagbahaginan, ang paghahati sa mga pangunahing paksa tungo sa maliliit na paksa, at maliliit na paksa tungo sa iba’t ibang aspekto na pagbabahaginan? (Hindi naman.) Sa katunayan, habang mas naisasagawa ang pagbabahaginan sa ganitong paraan, tiyak na mas nagiging malinaw ang mga bagay-bagay. Nagbahaginan na tayo tungkol sa tatlong aytem ng mga interes ng mga anticristo, ngunit may isa pa, na siyang pinakamahalaga, ang ikaapat sa mga interes ng mga anticristo—ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Ang kinabukasan at kapalaran ay marahil ang pangunahing layon na kinikimkim ng mga anticristo sa pananampalataya nila sa Diyos. Ang mga ito rin ang pinakamalalaking pangarap na pinanghahawakan nila sa puso nila, at ang mga pinakamataas na bagay na hinahangad nila sa kaibuturan ng kanilang puso. Malamang na pamilyar kayo sa paksa ng kinabukasan at kapalaran. Ito ay nauukol sa kung saan hahantong ang mga tao, kung saan patungo ang mga tao, o kung saan pupunta ang mga tao sa hinaharap o sa susunod na kapanahunan—sa madaling salita, ang kanilang destinasyon sa hinaharap. Hindi ba’t ito ang pinakamalaki at pinakamahalagang bagay sa puso ng bawat isa sa mga nananampalataya sa Diyos? (Oo.) Ang kinabukasan at kapalaran ay napakahalaga para sa lahat ng nananampalataya sa Diyos. At kaya, hindi na kailangang sabihin pa na para sa mga anticristo, ang pinakabuod ng kanilang mga interes ay tiyak na ang kanilang kinabukasan at kapalaran, ibig sabihin, ang kanilang destinasyon.

D. Ang Kanilang mga Kinabukasan at Kapalaran

Magbahaginan din tayo tungkol sa kinabukasan at kapalaran sa loob ng mga interes ng mga anticristo mula sa iba’t ibang anggulo at aspekto upang maging medyo malinaw ang mga bagay-bagay. Ang iba’t ibang interes ng mga anticristo na pinagbahaginan natin dati ay kinapapalooban ng kapwa materyal at di-materyal na mga interes. Halimbawa, ang sariling seguridad, reputasyon, at katayuan ng isang tao ay pawang mga di-materyal na interes; ang mga ito ay mga di-nahahawakang bagay sa kanilang espirituwal na mundo. Samantala, ang mga materyal na interes ay kinabibilangan ng mga ari-arian, pagkain at inumin, pati na rin ng espesyal na pagtrato, materyal na kasiyahan, at iba pa. Kaya, ano ang nakapaloob sa kinabukasan at kapalaran ng pagbabahaginan ngayong araw? Kung titingnan natin ang mga ito mula sa perspektiba ng mga kuru-kuro ng tao, ang mga ito ba ay nahahawakan o di-nahahawakan? (Ang mga ito ay di-nahahawakan.) Samakatwid, tiyak na ang mga ito ay mga bagay na umiiral sa espirituwal na mundo ng mga tao, sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kanilang isipan. Para sa mga tao, ang mga bagay na ito ay isang uri ng pag-asa at panustos, at ang mga ito ang hinahangad ng mga tao sa buong buhay nila. Bagama’t ang mga bagay na ito ay di-nakikita at di-nahahawakan ng mga tao, malaki ang impluwensiya ng mga ito sa puso ng mga tao, pinangingibabawan ng mga ito ang buong buhay ng mga tao, at kinokontrol ng mga ito ang kanilang mga kaisipan at kilos, ang kanilang mga intensiyon, at ang direksiyon ng kanilang mga paghahangad. Kaya, napakahalaga para sa lahat ang kinabukasan at kapalaran! Bagama’t mahalaga ang kinabukasan at kapalaran, hinahangad ng mga anticristo ang mga ito sa paraang lubos na naiiba sa mga normal at ordinaryong tao. Ano mismo ang pagkakaiba? Aling mga aspekto ang nagpapakita nito, at nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makita at makilatis na isa itong pamamaraan ng paghahangad ng isang anticristo, at ang katangian ng isang anticristo? Hindi ba’t karapat-dapat itong pag-usapan at pagbahaginan? Siyempre, ang mga pagpapamalas ng maraming tao ay maraming pagkakatulad sa mga pagpapamalas ng mga tunay na anticristo at ng mga may diwa ng mga anticristo. Ngunit kahit na magkakapareho ang kanilang mga pagpapamalas at disposisyon, magkakaiba ang kanilang diwa. Magbahaginan tayo tungkol sa ikaapat na mga interes ng mga anticristo—ang kanilang kinabukasan at kapalaran—mula sa iba’t ibang aspekto.

Paano natin mahihimay ang kinabukasan at kapalaran? Anong uri ng pamamaraan at aling mga halimbawa ang maaari nating gamitin para mahimay na ang kinabukasan at kapalaran sa mga interes ng mga anticristo ay hindi naaayon sa katotohanan, at na ang mga ito ay mga paghahayag ng diwa ng mga anticristo? Mula sa anong mga aspekto maaaring himayin ang mga ito? Nangangailangan ito ng masusing pagsisiyasat. Hatiin natin ito sa ilang malawak na kategorya para mas maunawaan ng mga tao ang diwa ng mga anticristo nang mas tumpak at malinaw. Ang una ay kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, ang ikalawa ay kung paano tinatrato ng mga anticristo ang kanilang tungkulin, ang ikatlo ay kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan, ang ikaapat ay kung paano itinuturing ng mga anticristo ang titulong “tagapagserbisyo,” at ang ikalima ay kung paano hinaharap ng mga anticristo ang kanilang katayuan sa iglesia. Bakit sa limang kategoryang ito nahati? Subukang alamin ito. Kaya ba ninyong unawain nang kaunti ang bawat isa sa mga ito? Kaya ba ninyong maghanap ng ilang kaukulang pagpapamalas o disposisyon na nabibilang sa mga anticristo? Ano mismo ang dapat himayin batay sa pundasyon ng limang kategoryang ito? Pagdating sa mga kategoryang ito, ano ang mga pangunahing katangian ng mga anticristo at ang mga pangunahing disposisyon na ipinapakita nila, at ano ang mga pagpapamalas ng mga normal na tagahangad ng katotohanan at ng mga ordinaryong tao? Ano ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga ordinaryong tiwaling tao? Saan matatagpuan ang mga pagkakaibang ito? Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga landas na pinili nila? Ano ang pagkakaiba sa kanilang mga pagpapamalas? Mayroon ba kayong kaunting pag-unawa sa mga kategoryang ito? (Sa limang kategoryang ito, pangunahing hindi tinitingnan ng mga anticristo ang mga bagay-bagay batay sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Palagi nilang ginagamit ang panlabas na anyo ng ilang bagay o ang kanilang sariling sitwasyon para hulaan ang mga layunin ng Diyos batay sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, para makita kung mayroon silang kinabukasan at kapalaran. Halimbawa, pagdating sa kanilang tungkulin, kung nagagawa nilang maging tampok at tugunan ang kanilang mga pagnanais, banidad, at pride, mararamdaman nila na parang sila ay mga kapaki-pakinabang na tao sa sambahayan ng Diyos, at na tila mayroon silang kinabukasan at kapalaran. Sa sandaling mapungusan sila, mararamdaman nila na hindi nalulugod ang Diyos sa kanila, na hindi nasisiyahan ang Diyos sa kanila, at panghihinaan sila ng loob at madidismaya tungkol sa pananampalataya sa Diyos, at uusbong ang pagkanegatibo at pagkontra sa loob nila.) Ang buod na ito ay nagbibigay ng kaunting liwanag at bahagyang tumutukoy sa katotohanan sa loob ng usaping ito. Batay sa pangkalahatang kahulugan ng sinabi ninyo, malamang na mayroon na kayong pangunahing pagkaunawa sa limang kategoryang ito. Susunod, isa-isa nating pagbabahaginan ang mga ito.

1. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang mga Salita ng Diyos

Ang unang kategorya ay kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos. Ang mga anticristo ay mga tao rin na nananampalataya at sumusunod sa Diyos; may hawak din silang mga salita ng Diyos, nakikinig sila sa mga sermon, dumadalo sa mga pagtitipon, at mayroon silang normal na espirituwal na buhay. Para sa mga anticristo, ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay parte rin ng kanilang buhay, at madalas nila itong ginagawa. Bagama’t pareho silang nagbabasa ng mga salita ng Diyos, ang mga anticristo ay naiiba sa mga tagahangad ng katotohanan; ganap na naiiba ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos. Kaya, paano tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos? Una, sinasaliksik at sinusuri nila ang mga salita ng Diyos, pinag-aaralan ang mga ito mula sa isang kakaibang perspektiba at pananaw. Bakit Ko ito tinatawag na “pinag-aaralan”? Batay sa obhetibong sitwasyon, napipilitan ang mga anticristo na aminin na ito ay mga salita ng Diyos, at sa kanilang puso, nararamdaman din nilang napakatayog ng mga salitang ito na hindi kayang ipahayag ng mga ordinaryong tao ang mga ito at hindi makikita sa ibang lugar ang mga salitang ito. Sa batayang ito, wala silang magawa kundi aminin na ang mga ito ay mga salita ng Diyos, pero tinatanggap ba nila ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan? Hindi. Kaya, bakit binabasa pa rin ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos? Dahil, sa mga salita ng Diyos, may mga bagay na kailangan nila, mga bagay na gusto nilang malaman, at mga bagay na tumutustos sa kanila sa kanilang espirituwal na mundo. Ano ang mga bagay na ito? Siyempre, ang mga ito ay mahigpit na nauugnay sa kinabukasan at kapalaran ng mga anticristo. Kapag pinag-aaralan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, palagi silang naghahanap ng mga salita na nauugnay sa mga hantungan, kalalabasan, kung saan mapupunta ang mga tao sa hinaharap, at iba pa. Samakatwid, ang pagbabasa ng mga anticristo sa mga salita ng Diyos ay tinatawag na “pag-aaral,” sinasaliksik, sinusuri, at hinuhusgahan nila ang mga salita ng Diyos habang binabasa ang mga ito. Sinasaliksik nila ang mga salita Niya habang nagbabasa: “Sa tono ng diyos, tila hindi niya gusto ang mga ganitong uri ng tao. Bakit pakiramdam ko ay isa ako sa kanila? Dapat kong alamin kung ano ang hantungang ibinibigay ng diyos sa mga taong ito.” Kapag nakikita nila na nagsasalita ang Diyos tungkol sa pagtapon sa gayong mga tao sa walang hanggang hukay, iniisip nila, “Hindi maganda ito. Ang maitapon sa walang hanggang hukay ay nangangahulugan na katapusan ko na, hindi ba? Ang mga ganitong uri ng tao ay walang kinabukasan at wala silang magandang hantungan, kaya ano ang dapat kong gawin?” Nakakaramdam sila ng kaunting kirot, pagkabagabag, at pagkabalisa sa puso nila. “Ganito ba talaga tinatrato ng diyos ang mga taong gaya nito? Hindi ako puwedeng sumuko.” Dahil dito, patuloy nilang hinahanap ang mga salita ng Diyos. Kapag nakita nila na sinasabi ng mga salita ng Diyos na, “Mga anak Ko, gagawin Ko ang partikular na mga bagay para sa iyo, at may mga partikular na bagay na mangyayari sa iyo,” hindi na sila nababalisa. “Nagbibigay-sigla sa puso ko ang mga salita ng diyos, kamangha-mangha ang mga ito. Isa ako sa ‘mga anak’ na tinutukoy ng diyos.” Pagkatapos, nakikita nila ang “mga panganay na anak” at “mamuno bilang mga hari” na binanggit sa mga salita ng Diyos, at iniisip nila, “Ayos! May mga pakinabang at may magandang kinabukasan sa pananampalataya sa diyos. Tama ang napili kong landas. Tama ang naging desisyon ko. Kailangan kong maging masipag sa aking pananampalataya at kumapit sa tunika ng diyos. Hindi ako puwedeng sumuko, kahit na sa huling sandali!” Habang patuloy silang nagbabasa, nakikita nila na binabanggit ng mga salita ng Diyos na, “ang sumusunod hanggang sa katapusan ay tiyak na maliligtas.” Para sa mga anticristo, ang pagbabasa nito ay katulad ng pagkapit sa pag-asa nila sa buhay. “Magsasagawa ako ayon sa mga salitang ito. Kahit kailan at kahit saan, at kahit ano pa ang mangyari, kahit matuyo ang dagat at maging alikabok ang mga bato, kahit maging berdeng parang ang asul na dagat, hindi magbabago ang mga salitang ito. Kahit mawala na ang langit at lupa, ang mga salitang ito ay hindi mawawala. Hangga’t sinusunod ko ang mga salitang ito, hindi ba’t magkakaroon ako ng magandang kalalabasan, ng magandang hantungan? Hindi ba’t magiging maayos na ang kinabukasan at kapalaran ko? Mabuti! Kailangan kong maging isang taong sumusunod hanggang sa wakas!” Sa paulit-ulit na paghahanap, pagsasaliksik at pagsusuri gamit ang kung ano-anong paraan, sa wakas ay nakahanap sila ng pag-asa sa buhay sa mga salita ng Diyos at natuklasan nila ang pinakamalaking “lihim.” Napuno sila ng galak, “Sa wakas, hindi ko na kailangang mag-alala na matitiwalag ako, hindi ko na kailangang mag-alala na mapunta ako sa lawa ng apoy at asupre, hindi ko na kailangang mag-alala na mapunta ako sa impiyerno. Nahanap ko na sa wakas ang hantungan ko at ang isang daanan patungong langit, ang magandang hantungan ng sangkatauhan—kamangha-mangha!” Pero hindi ito nagtatagal, at kapag binabasa nila ang kabanata ng mga salita ng Diyos, ang “Tungkol sa Hantungan,” iniisip nila: “Ano ang sinasabi ng mga salitang ito tungkol sa mga hantungan? Parang hindi masyadong detalyado magsalita ang diyos tungkol sa mga hantungan ng iba’t ibang uri ng tao. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng diyos? Ano ang dapat kong gawin? Hindi ako dapat mag-alala, kailangan kong patuloy na magbasa.” Pagkatapos, kapag nakikita nila na sinasabi ng Diyos na “maghanda ng sapat na mabubuting gawa para sa iyong hantungan,” muli nila itong pinag-iisipan. “Kung gusto kong magkaroon ng magandang hantungan, kailangan kong maghanda ng sapat na mabubuting gawa. Ngayong inilatag na ng diyos ang mga kondisyon, nagiging mas madali na ang mga bagay-bagay. Hindi ko na kailangan na gumawa ng mga gawain na walang patutunguhan at magsumikap nang walang saysay—alam ko na ngayon kung saan ko dapat ituon ang aking mga pagsisikap.” Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, natututunan ng mga anticristo kung ano ang mabubuting gawa, nakakahanap sila ng “paraan,” at nagkakaroon ng solusyon. “Napakasimple lang pala nito. Ang pagbibigay ng limos at mga handog ay mabubuting gawa. Ang pangangaral ng ebanghelyo at pagkakamit ng mas maraming tao ay mabubuting gawa. Ang pagsuporta sa mga kapatid ay isang mabuting gawa. Ang pagbibigay ng mga bagay na mahalaga sa akin ay isang mabuting gawa. Para sa hantungan ko, itataya ko ang lahat ng ito; ipamimigay ko ang lahat ng bagay na ito!” Subalit pagkatapos ay iniisip nila, “Hindi puwede. Kung ibibigay ko ang lahat ng pera at materyal na ari-arian ko, paano ako mabubuhay sa hinaharap? Dapat ko munang basahin ang mga salita ng diyos para malaman kung kailan matatapos ang gawain niya at kung kailan hindi na kakailanganin ng mga tao ang mga bagay na ito sa kanilang buhay sa lupa. Hindi ako dapat magmadali. Pero kung hindi ko ihahandog ang mga bagay na ito, paano ako makakapaghanda ng mabubuting gawa? Ang magpatuloy ng ilang kapatid at mangaral ng ebanghelyo para magkamit ng mga tao ay mga bagay na madali lang gawin. Kaya kong kamtin ang mga bagay na ito.” Habang naghahanda ng mabubuting gawa, palagi nilang binibilang sa puso nila kung gaano na karaming mabubuting gawa ang naihanda nila at kung gaano kaposible na magkaroon sila ng magandang hantungan. “Napakarami ko nang naihandang mabuting gawa, pero bakit walang ipinapahayag na pasya ang diyos tungkol sa akin? Hindi pa natatapos ang gawain ng diyos, kaya ano ang dapat kong gawin? Hindi maaari, kailangan kong makita kung ano pa ang sinasabi ng mga salita ng diyos tungkol sa kinabukasan at kapalaran at kung ano pang mga partikular na paliwanag ang nilalaman ng mga ito.” Patuloy silang naghahanap sa mga salita ng Diyos nang paulit-ulit. Kapag may nahanap sila na nakakabuti sa kanilang kinabukasan at kapalaran, natutuwa sila; kapag may nahanap sila na hindi umaayon sa kanilang kinabukasan at kapalaran, nasasaktan sila. Sa ganitong paraan, sa mga taon na binabasa nila ang mga salita ng Diyos, paulit-ulit silang nagiging negatibo at mahina dahil sa mga salita ng Diyos, at paulit-ulit din silang nagiging positibo, masaya, at sobrang nagagalak dahil sa mga salita Niya. Gayumpaman, kahit ano pa ang mga ipinapakita nilang mga kalagayan o emosyon, sadyang hindi nila matakasan ang pagkahumaling nila sa kanilang hantungan, kinabukasan, at kapalaran, at patuloy nilang hinahanap sa mga salita ng Diyos ang mga kapasyahan at pahayag tungkol sa kalalabasan ng iba’t ibang uri ng tao. Sa madaling salita, inilaan nila ang lahat ng pagsisikap nila sa mga salita ng Diyos. Pero kahit paano nila basahin ang mga salita ng Diyos, hindi talaga nila alam na naroroon ang katotohanan, ang daan, at ang buhay sa mga salita ng Diyos. Alam lang nila na mahahanap nila sa mga salita ng Diyos ang kanilang hantungan, ang hantungan ng sangkatauhan, at ang isang paraan para maiwasan ang mapunta sa impiyerno at mawalan ng kanilang hantungan. Kaya, pagkatapos ng maraming taon ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, ano ang nakamit nila? Kaya nilang magsalita tungkol sa maraming tamang doktrina at espirituwal na teorya, pero talagang hindi nila maiugnay ang mga salita ng Diyos sa kanilang diwa ng pagkontra sa Diyos, paghihimagsik laban sa Diyos, hindi pagsasagawa sa katotohanan, at hindi pagmamahal sa katotohanan kahit kaunti.

Madalas na nagsasaliksik at naghahanap sa mga salita ng Diyos ang mga anticristo para sa Kanyang mga paghahayag tungkol sa mga misteryo. Naghahanap din sila sa mga salita Niya para sa mga bagong termino, bagong bagay, at mga bagong pahayag, umaabot pa nga sila sa paghahanap ng ilang misteryo na hindi pa alam ng kahit sinong tao, espirituwal man o hindi, gaya ng kung ano ang puno ng igos, ano ang kahulugan ng 144,000 batang lalaki, at ano ang isang mananagumpay, pati na rin ang ilang pahayag at termino sa Aklat ng Pahayag na napakaraming taon nang sinasaliksik ng mga tao nang walang pagkaunawa. Talagang pinagsusumikapan nila ang mga bagay na ito at palagi silang naghahanap at nagsasaliksik kung mayroong anumang pahayag tungkol sa mga hantungan ng mga tao sa mga salitang ito, at kung mayroong anumang malinaw na paliwanag tungkol sa mga hantungan ng mga tao. Ngunit gaano man sila maghanap, palaging nagiging walang saysay ang mga pagsisikap nila. Kaya, habang ang mga anticristo ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos, sumusunod sa Diyos, at sumasabay lang sa mga nangyayari sa iglesia, palagi silang nababagabag sa kaibuturan ng puso nila. Madalas nilang tanungin sa kanilang sarili: “Makakatanggap ba ako ng mga pagpapala? Ano nga ba ang kinabukasan at kapalaran ko? Magkakaroon ba ako ng lugar sa kaharian ng diyos? Kapag dumating na ang hantungan ko, mapagmamasdan ko ba ang isang asul na langit o mapupunta ba ako sa isang napakadilim na mundo kung saan ni sarili kong kamay ay hindi ko makita? Ano nga ba ang hantungan ko?” Habang patuloy nilang tinatanong ang sarili nila nang ganito sa kanilang puso, palihim din nilang tinatanong ang Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso: “Kalipikado ba akong pumasok sa kaharian ng langit? Maiiwasan ko ba ang mapunta sa impiyerno? Makakapasok ba ako sa kaharian ng langit sa pamamagitan ng paghahangad nang ganito? Makakatanggap ba ako ng mga pagpapala sa hinaharap? Makakapasok ba ako sa mundong darating? Ano ang saloobin ng diyos? Bakit hindi ako binibigyan ng diyos ng tumpak at tiyak na pahayag tungkol sa usaping ito para mapayapa ang isipan ko? Ano ba talaga ang magiging kalalabasan ko?” Hindi ba’t ito ang iniisip ng mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso habang pinag-aaralan nila ang mga salita ng Diyos, at habang sumasabay lang sila sa agos at walang ibang magawa kundi magpatuloy? Ito ang kinikimkim nilang saloobin sa kaibuturan ng kanilang puso tungkol sa kanilang kinabukasan at kapalaran: Palaging abala ang isipan nila tungkol sa mga bagay na ito, desperado silang kumakapit sa mga ito at tumatangging bumitaw.

Kapag pinag-aaralan ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos, may isang bagay na mas interesante para sa kanila kaysa sa paghahanap ng kanilang mga hantungan at pagsasaliksik ng mga misteryo; iyon ay kung kailan aalis sa lupa ang Diyos na nagkatawang-tao, kung kailan Niya tatapusin ang Kanyang ministeryo, kung kailan matatapos ang Kanyang malaking proyekto, kung kailan matatapos ang Kanyang gawain, kung kailan magtatamasa ng mga dakilang pagpapala ang mga sumusunod sa Kanya, at makikita ang tunay Niyang persona. Nag-aalala rin sila nang husto kung makikita nila ang pag-alis ng Diyos. Bukod sa araw kung kailan matagumpay na makokompleto ang plano ng pamamahala ng Diyos, mas inaalala nila kung kailan aalis si Cristo sa lupa, kung ano ang mangyayari kapag umalis si Cristo sa lupa, kung ilang taon na sila ngayon, kung buhay pa rin ba sila sa oras na iyon para makita ang pag-alis ni Cristo sa lupa sa darating na 10 o 20 taon, kung ano ang mangyayari kung makita nila ito, at kung ano ang mangyayari kung hindi nila ito makikita; gayon ang mga kalkulasyon sa isipan nila. May ilan na nagninilay-nilay, “Animnapung taong gulang na ako. Kung buhay pa ako sa darating na 10 taon, tiyak na makikita ko ang pag-alis ni cristo sa lupa, pero kung patay na ako kapag natapos na ang gawain ng diyos sa darating na 10 taon, ano pa ang silbi ng pananampalataya ko sa diyos? Bagama’t inorden ng diyos na ipanganak ako sa panahong ito, kung bilang tagasunod ng diyos ay mapalampas ko ang pagkakataon na masaksihan ang isang napakadakila at napakalaking kaganapan, kung gayon, hindi ako maituturing na pinagpalang tao, at wala akong matatanggap na anumang dakilang pagpapala!” Ang gayong mga kaisipan ay nagbubunga ng kalungkutan at kawalang-kasiyahan sa kanila. Gaano katindi ang kanilang kawalang-kasiyahan? “Masyado na akong matanda; bakit hindi pa umalis ang diyos sa lupa? Bakit hindi pa natatapos ang gawain ng diyos? Kailan tayo matatapos sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? Hayaang mabilis na matapos ang gawain ng diyos, hayaan ang diyos na tapusin ang kanyang malaking proyekto, hayaan na mabilis na bumagsak ang mga sakuna, hayaan ang diyos na magmadaling wasakin si Satanas at parusahan ang masasamang tao!” Ano ba ang ginagawa nila? Hindi ba’t nanghihingi sila sa Diyos batay sa kanilang sariling kalooban, umaasa na mahihikayat nila Siya na kumilos ayon sa kalooban nila? Hindi ba’t nakapaloob sa kalooban nilang ito ang kanilang mga personal na interes? Dahil sa sarili nilang mga interes, sabik silang umaasa na tapusin na ng Diyos ang Kanyang dakilang proyekto, na mabilis na bumagsak ang mga sakuna, na magmadali ang Diyos at na parusahan ng Diyos ang masasama at gantimpalaan ang mabubuti, at na matanggap ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian. Anong mga motibo ang kinikimkim nila sa kanilang puso? Isinasaalang-alang ba nila ang mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila? (Umaasa sila na makatanggap ng mga pagpapala.) Gusto nila na sa kanilang hantungan umikot ang plano ng pamamahala ng Diyos, alang-alang sa kanilang sariling mga interes at hantungan. Hindi ba’t kasuklam-suklam ito at walang kahihiyan? Sa lahat ng usapin, ano ang diwang ipinapakita ng mga anticristo? Inuuna nila ang kanilang mga interes sa lahat ng bagay, at hinahayaang mangibabaw ang kanilang mga interes. Ibig sabihin, hindi nila tinutulutan na may anumang bagay na sumalungat sa kanilang mga interes, kahit pa ang plano ng pamamahala ng Diyos. Kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos, kung kailan makokompleto ang Kanyang dakilang proyekto, kung kailan Siya makakatanggap ng kaluwalhatian, at kung kailan Niya wawasakin ang sangkatauhan, ang lahat ng ito ay dapat na umiikot sa mga interes ng mga anticristo at sa hantungan nila, ang lahat ng ito ay dapat na nakaugnay sa hantungan nila. Kung hindi, itatatwa nila ang Diyos, tatalikuran ang kanilang pananampalataya sa Kanya, at isusumpa pa nga nila Siya.

Isa sa mga pangunahing pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang salita ng Diyos ay ang pag-aaral. Sa ganitong saloobin tinatrato ng isang tunay na hindi mananampalataya ang salita ng Diyos. Ano ang pinag-aaralan nila? Hindi nila pinag-aaralan ang katotohanan, o kung ano ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, o ang mga salita Niya na naglalantad sa sangkatauhan, o ang mga salita Niya na humahatol sa sangkatauhan, at tiyak na hindi nila pinag-aaralan ang Kanyang mga layunin, pinag-aaralan nila ang sarili nilang kinabukasan at kapalaran. Anumang parte ng salita ng Diyos ang binabasa nila, kung naglalaman ito ng mga salita na nauugnay sa kanilang kinabukasan at kapalaran—na pinakanag-aalala sila—ang mga iyon ay maingat nilang pag-aaralan at mamarkahan bilang importante. Halimbawa, kapag nakakakita sila ng mga salita ng Diyos na naglalantad at naghihimay tungkol sa mga taong tulad nila, o ng mga paglalarawan at pahayag tungkol sa mga taong tulad nila, masusi nilang pag-aaralan at babasahin nang paulit-ulit ang mga gayong salita. Ano ang hinahanap nila? Naghahanap ba sila para makita kung paano nila mauunawaan ang mga layunin ng Diyos at matutuklasan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa? Naghahanap ba sila para makita kung paano nila mauunawaan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng salita ng Diyos? Hindi. Naghahanap sila para mahinuha nila ang ipinapahiwatig sa mga salitang ito, nang sa gayon ay malinaw nilang makita ang saloobing kinikimkim ng Diyos sa mga taong katulad nila sa likod ng mga salitang ito, kung kinamumuhian at kinasusuklaman ba sila ng Diyos, o kung ililigtas Niya sila. Sinisiyasat nila hindi lang ang nilalaman ng mga salitang ito ng Diyos kundi pati ang tono at saloobin ng mga salita Niya at ang mga kaisipan sa likod ng mga ito. Kapag napagsama-sama na nila ang lahat ng parte ng salita ng Diyos na may kaugnayan sa mga hantungan ng mga taong tulad nila, at natuklasan nila na ang saloobin ng Diyos sa kanila ay pagtataboy at hindi pagliligtas, agad na manlalamig nang 80 hanggang 90 porsiyento ang kanilang saloobin sa pananampalataya sa Diyos. Agad na uusbong sa puso nila ang di-pananampalataya, at ganap na magbabago ang saloobin nila. Gaano kalaki ang pagbabagong ito? Hindi na nila nanaising gawin ang mga tungkuling balak nilang gawin, o talikuran ang bagay na balak nilang talikuran. Bagama’t ginusto nilang ipangaral ang ebanghelyo sa kanilang mga pamilya noong una, hindi na nila gagawin iyon—dahil hindi na sila nananampalataya, at siguradong hindi rin nananampalataya ang mga tao sa pamilya nila. Sa kabuuan, sisirain at bibitiwan nila ang lahat ng kanilang orihinal na plano. Hindi ba’t isa itong esensiyal na saloobin na kinikimkim ng mga anticristo patungkol sa salita ng Diyos? Ang pakay nila sa pag-aaral ng salita ng Diyos ay hindi ang hangarin ang katotohanan at hanapin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan, para maunawaan nila ang mga layunin ng Diyos, at maging tapat sila sa Kanya; ang pakay nila ay ang makahanap ng tumpak na pahayag kung paano tinutukoy ng Diyos ang mga kalalabasan at hantungan ng mga taong katulad nila. Kapag nakakita sila ng katiting na pag-asa, kakapit sila rito nang napakahigpit; makakaya nilang talikuran ang lahat para sa katiting na pag-asang ito, at magbabago nang husto ang saloobin nila. Pero kapag gumuho ang lahat ng pag-asa nila na makatanggap ng mga pagpapala, muli na namang magbabago nang husto ang saloobin nila, hanggang sa puntong mawala ang kanilang pananampalataya at bumaling sila sa pagkakanulo, at maging sa pagmumura sa Diyos sa puso nila. Ito ang mga pagpapamalas ng mga anticristo.

Siyempre, gagamitin din ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos para maghanap ng pansariling kapakinabangan habang pinag-aaralan nila ang mga ito. Anong uri ng kapakinabangan? Habang pinag-aaralan nila ang mga salita ng Diyos, ibinubuod nila kung ano ang mga panuntunan ng pananalita ng Diyos, kung ano ang tono Niya kapag pinupungusan Niya ang mga tao, kung ano ang Kanyang paraan ng pagsasalita kapag inilalantad Niya ang sangkatauhan, kung paano Niya binibigyang-ginhawa at hinihimok ang mga tao, anong mga pamamaraan ang ginagamit Niya, at anong karunungan ang mayroon Siya. Dalubhasa ang mga anticristo sa pag-aaral at panggagaya sa paraan ng pagsasalita at paggawa ng Diyos; kasabay nito, gumagamit din sila ng mga salitang karaniwang sinasabi ng Diyos sa pakikipag-usap at pakikipagbahaginan sa iba. Habang pinag-aaralan nila ang mga salita ng Diyos, patuloy din nilang sinasangkapan ang sarili nila ng mga salita ng iba’t ibang katotohanan sa mga ito, ginagawa nilang sariling pag-aari ang mga ito, ginagamit ang mga salitang ito ng Diyos para gumawa at mag-ipon ng kapital. Ano ang tinutukoy ng kapital na ito? Halimbawa, naniniwala sila na[a] sa isang pagtitipon, ang sinumang mas mahusay magsalita ng mga tamang salita at doktrina, ang sinumang mas maraming naisasaulong salita ng Diyos, nakakapagsipi ng mas maraming salita ng Diyos, at nakakapagpaliwanag ng mas maraming salita ng Diyos ay maaaring ang uri ng tao sa iglesia na may pinakamalaking tsansa na maligtas. Anuman ang ginagawa ng mga anticristo, nauugnay ito sa kinabukasan at kapalaran nila. Hindi nila kailanman simpleng isasagawa ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, hindi rin sila magdurusa o magbabayad ng halaga alang-alang sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para ilihis ang mga tao, para itaas ang sarili nilang reputasyon, at para maghanda ng mga sapat na kondisyon para sa kanilang kaligtasan. Kaya, ang diwa ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang salita ng Diyos ay na kahit kailan, hinding-hindi nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan o bilang isang daan na dapat sundin ng mga tao. Bagama’t ipinangangalandakan at binabasa ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos araw-araw, at bagama’t nakikinig sila sa pagbabasa ng Kanyang mga salita, isang bagay ang sigurado: Hindi nila isinasagawa ang mga salita ng Diyos. Sa tuwing oras na para isagawa ang Kanyang mga salita, nawawala ang kanilang sinseridad—nagpapakana lamang sila para sa kanilang sariling kinabukasan at kapalaran. Sa panlabas, nagpapanggap silang mahal nila ang mga salita ng Diyos at pinananabikan nila ang mga ito. Ngunit ang totoo, sa pagbabasa at pag-iipon ng mga salita ng Diyos araw-araw, ang layon nila ay ang makamit ang mga kondisyon para sa kanilang kaligtasan; ginagawa nila ito nang umaasa na makapagbibigay sila ng magandang impresyon sa Diyos bilang kapalit. Hindi sila naniniwala na sinisiyasat ng Diyos ang puso ng mga tao—alam lang nila na tumitingin lang ang mga tao sa panlabas na anyo, kaya iniisip nila na tiyak na tumitingin lang din ang Diyos sa panlabas na anyo, at kaya, sa mga bagay na ito, nagbabalatkayo at nanlilinlang sila, gumagamit ng panlalansi. Iniisip nila, “Kailangan ko lang itong gawin sa panlabas. Hindi mahalaga kung ano ang saloobin ko sa puso ko—hindi naman ito nakikita ng mga tao, pati na rin ng diyos. Sa katunayan, kahit gaano pa ako magbasa ng mga salita ng diyos, hindi ko ito ginagawa para maging isang tunay na nilikha. Kung walang kinalaman ang kinabukasan at kapalaran ko, hindi ko titiisin ang paghihirap na ito, ni ang hinanakit na ito!” Sa isipan nila, gaano man kaganda pakinggan ang mga salita ng Diyos, hindi posibleng maisakatuparan ang mga ito, at hindi posibleng maisabuhay ng mga tao ang mga ito. Kahit pa may iilang tao na nagsasabuhay sa mga salita ng Diyos nang kaunti, siguradong ginagawa nila ito para sa sarili nilang mga pakay. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Walang libreng tanghalian.” Iniisip nila, “Tinitiis namin ang mga gayong paghihirap para sa pananampalataya namin sa diyos, nagbabasa at nakikinig kami sa mga salita niya araw-araw, namumuhay ayon sa mga salita niya—para saan ang lahat ng ito? Hindi ba’t para lang sa iisang layon na iyon? Alam na alam ng lahat sa kaibuturan ng puso nila na lahat ito ay alang-alang sa kanilang kinabukasan at kapalaran; kung hindi, bakit namin isusuko ang magagandang panahon ng paghahangad sa mundo para lang magdusa rito?” Sa usaping ito, anong katunayan ang itinanggi nila? Ang salita ng Diyos ay katotohanan, at kayang iligtas ng katotohanan ang mga tao, baguhin ang mga tao, at tulungan ang mga tao na iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t ito ang resulta na kayang idulot ng salita ng Diyos? (Ito nga.) Inaamin ba ng mga anticristo ang katunayang ito? Itinatanggi nila ito, sinasabi nila, “Sinasabi ng lahat na kayang iligtas ng salita ng diyos ang mga tao, pero sino na ang naligtas nito? Sino na ang nakakita na nangyari ito? Bakit hindi ako naniniwala rito?” Bakit sinasabi na kayang iligtas ng salita ng Diyos ang mga tao, baguhin ang mga tao, at tulungan ang mga tao na makawala mula sa tiwaling disposisyon ni Satanas? Dahil ang salita ng Diyos ay ang katotohanan, at maaari itong maging buhay ng mga tao. Kapag taglay ng mga tao ang salita ng Diyos bilang buhay nila, maliligtas sila; sila ang nagiging mga taong naligtas. Ang katunayang ito ay hindi kinikilala ng mga anticristo. Naniniwala sila na alang-alang lamang sa pagtanggap ng mga pagpapala at sa isang magandang hantungan kaya nakarating ang mga tao sa kinaroroonan nila ngayon, at na ito ang tanging dahilan kung bakit ginagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Itinatanggi nila ang mga bunga ng salita ng Diyos, itinatanggi ang mga resulta na nakakamit ng katotohanan sa mga tao, at itinatanggi na ang katotohanan ay kayang lupigin ang mga tao, baguhin ang mga tao, at iligtas ang mga tao. Naniniwala sila na sumusunod lang ang mga tao sa Diyos dahil lang sa pag-aalala at paghahangad sa sariling kinabukasan at kapalaran ng mga ito. Hindi sila naniniwala na ang salita ng Diyos ay kayang baguhin ang mga tao, gawing tapat ang mga tao sa Diyos, o hikayatin ang mga tao na magpasakop sa Diyos nang walang kondisyon, o hikayatin ang mga tao na gawin ang mga tungkulin ng mga ito bilang mga nilikha sa sambahayan ng Diyos—hindi sila naniniwala sa alinman sa mga ito. Samakatwid, ang mga anticristo, na inuuna ang kanilang mga interes, ay hindi naghahangad sa katotohanan nang sila mismo; habang itinuturing nila ang mga salita ng Diyos bilang isang uri ng retorika, isang uri ng pahayag, hindi sila naniniwala na kayang iligtas ng mga salitang ito ng Diyos ang mga tao. Naniniwala sila na ang lahat ng sinsero at tapat sa Diyos ay mga huwad at may mga sariling interes na nakataya. Gaano man karaming salita ng Diyos ang marinig nila, gaano man karaming sermon ng Diyos ang marinig nila, sa huli, ang dalawang salitang iyon lang ang mananatili sa puso nila—kinabukasan at kapalaran. Ibig sabihin, ang mga salita ng Diyos, ang gawain ng Diyos, at ang plano ng pamamahala ng Diyos ay makakapaghatid ng magandang kinabukasan at kapalaran, at pati na ng magandang hantungan para sa mga tao. Para sa mga anticristo, ito ang pinakatotoo, at pinakakataas-taasang katotohanan. Kung hindi dahil dito, una, hindi sila mananampalataya sa Diyos. Pangalawa, hindi nila titiisin ang mga gayong hinanakit para manatili sa sambahayan ng Diyos. Pangatlo, hindi sila gagawa ng anumang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Pang-apat, hindi sila magtitiis ng anumang paghihirap sa loob ng sambahayan ng Diyos. At panglima, matagal na sana silang bumalik sa makamundong buhay para magpakasasa sa yaman at kaluwalhatian, maghangad sa mundo, maghangad ng kasikatan at pakinabang, pera, at mga buktot na kalakaran. Pansamantala lang silang nananatili ngayon sa sambahayan ng Diyos dahil nakataya ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Determinado ang kanilang saloobin patungkol sa pagtitiyak sa kanilang kinabukasan at kapalaran, habang nagkikimkim din sila ng isang mentalidad ng pakikipagsapalaran, umaasa na kapag natapos na ang gawain ng Diyos, mapapabilang sila sa mga makakapasok sa kaharian ng langit at makakatanggap ng mga dakilang pagpapala. Anong klaseng mentalidad ito? Gusto nilang subukang makakuha ng mga pakinabang mula sa Diyos para makamit ang mga layon nila, pero ayaw nilang magpasakop sa Kanya; higit pa rito, ni hindi nila pinaniniwalaan ang lahat ng salitang sinabi ng Diyos, ni pinaniniwalaan na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi ba’t medyo buktot ito? Pagdating sa kanilang saloobin sa pag-aaral ng salita ng Diyos, sila ay mga hindi mananampalataya. Ang kakayahan ng mga anticristo na gamitin ang gayong saloobin sa pagsasaliksik, pagbabasa, at pagtrato sa mga salita ng Diyos ay nagpapakita na sila ay mga tipikal na hindi mananampalataya, mga tahasang hindi mananampalataya sa lahat ng aspekto. Kaya, paanong nagagampanan pa rin nila ang ilang paimbabaw na gawain sa sambahayan ng Diyos at paanong patuloy pa rin silang nakakasunod nang hindi lumilihis? Paano man sila pinupungusan, bakit nagagawa nilang manatili at makilahok pa nga sa buhay iglesia, at patuloy na makinig at magbasa ng mga salita ng Diyos? Bakit ganito? (Gusto nilang makatanggap ng mga pagpapala.) Dahil gusto nilang makatanggap ng mga pagpapala. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Sinuman ang nagpapakain sa akin ay aking ina, at sinuman ang nagbibigay sa akin ng pera ay aking ama.” Anong klaseng lohika ito? Hindi ba’t ang lohikang ito ay puno ng pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo? Nananampalataya sila sa Diyos sa ilalim ng impluwensiya ng satanikong pilosopiyang ito: “Wala akong pakialam kung anong ekstraordinaryong gawain na ang nagawa mo—ano man ang disposisyon o diwa mo, basta’t mapagkakalooban mo ako ng mga pagpapala, ng isang magandang hantungan, at magandang hinaharap, at hahayaan mo akong magkaroon ng mga dakilang pagpapala, susunod ako sa iyo at ituturing kitang diyos sa ngayon.” Mayroon bang anumang aspekto ng tunay na pananalig dito? (Wala.) Kaya, pagdating sa kung paano nila tinatrato ang mga salita ng Diyos, ang paglalarawan sa mga gayong tao bilang mga anticristo at hindi mananampalataya ay napakatumpak!

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “naniniwala sila na.”