Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalimang Bahagi) Ikalawang Seksiyon
Ikalawang Kaso: Hinanakit na Hindi Makapunta sa Ibang Bansa
Noong gumagawa Ako sa mainland Tsina, may isang lider na nag-akalang makakasama siya sa amin papunta sa ibang bansa, at tuwang-tuwa siya dahil dito. Inisip niya, “Sa wakas, nagtagumpay na ako. Matatamasa ko na sa wakas ang mga dakilang pagpapala kasama ang diyos! Noon, nagdusa ako ng paghihirap kasama ang diyos. Ngayon, sa wakas, nagantimpalaan na ako. Karapat-dapat ako rito. Kahit papaano, isa akong lider at marami na akong naranasang paghihirap, kaya dapat makabahagi ako kapag may magandang bagay na nangyayari sa akin—dapat kong matamasa ang kanais-nais na bagay na ito.” Ito ang nasa isip niya. Gayumpaman, pagkatapos ng ilang panahon na makasama Ko siya nang malapitan, napansin Ko na wala siyang prinsipyo sa mga sinasabi at ginagawa niya, wala siyang mabuting pagkatao, at napakalakas ng intensiyon at pagnanais niyang mapagpala, at minsan, kailangan siyang mapungusan. Pagkatapos mapungusan nang ilang beses, inisip niya, “Katapusan ko na rito. Nakilatis na ako ng itaas at hindi na nila binanggit ang tungkol sa muling pagpunta sa ibang bansa. Mukhang wala na akong pag-asa na makapangibang-bansa.” Palagi niya itong pinagbubulay-bulayan sa puso niya. Sa katunayan, makikita natin na hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan, likas na hindi siya akmang mangibang-bansa, at kahit na makapunta siya roon, wala siyang magagawang anumang gawain, kaya hindi na namin ito tinalakay sa kanya. Pakiramdam niya ay wala na siyang pag-asang makapangibang-bansa, kaya nagsimula siyang gumawa ng ibang plano. Isang araw, umalis siya at hindi na bumalik kahit kailan. Nag-iwan lamang siya ng sulat na nagsasabing, “Nanampalataya ako sa diyos sa loob ng napakaraming taon at gumawa ako ng ilang gawain. Ngayon, pupunta na kayo ng ibang bansa, pero hindi ako naaangkop na sumama sa inyo. Sa mga darating na araw, maglalaan ako ng oras para bumawi rito. Kinasusuklaman ako ng diyos, kaya iiwan ko na siya. Hindi ko siya hahayaang tingnan ang isang taong kinamumuhian niya. Magtatago na lang ako.” Parang may katuturan ang mga salitang ito, at na wala namang malaking problema sa mga ito. Pagkatapos, sinabi niya, “Ganito na ang mga bagay-bagay simula nang ipinanganak ako. Kahit sino ang kasama ko, ginagamit lang ako. Puwede akong magdusa ng paghihirap kasama ang iba, pero hindi ako puwedeng magtamasa ng mga pagpapala kasama nila.” Ano ang ibig niyang sabihin dito? (Inakala niya na ginamit lang siya ng Diyos.) Iyon mismo ang ibig niyang sabihin. Lalo na nang sabihin niya na, “Kahit sino ang kasama ko, puwede lang akong magdusa ng paghihirap kasama nila, hindi ako puwedeng magtamasa ng mga pagpapala kasama nila,” ang ibig niyang sabihin ay, “Nagdusa ako ng labis na paghihirap at nagpasan ng napakalaking panganib kasama ninyo, pero kapag oras na para magtamasa ng mga pagpapala kasama ninyo, hindi kayo pumapayag.” Sa pagsasabi ng mga salitang ito, nagrereklamo siya, at dahil sa isyung ito, umusbong sa loob niya ang hinanakit. Bagama’t sinabi ng bibig niya na, “Kinasusuklaman ako ng diyos. Iiwan ko na ang diyos. Hindi ko siya hahayaang makaramdam ng pagkasuklam,” sa puso niya, ang totoo ay naghihinanakit siya: “Pupunta kayo sa ibang bansa para magtamasa ng mga pagpapala at gusto ninyo akong dispatsahin!” Ito ba talaga ang tunay na nangyari? (Hindi.) Kung gayon, ano nga ba ang nangyari? Inakala niya na pinungusan namin siya dahil gusto namin siyang dispatsahin, hindi dahil hindi niya hinangad ang katotohanan o dahil wala siyang prinsipyo sa mga sinasabi at ginagawa niya. Hindi niya naintindihan na may problema sa kanya. Sa halip, inisip niya na, “Nagdusa ako ng paghihirap kasama mo, kaya dapat din akong magtamasa ng mga pagpapala kasama mo. Talagang kailangan mo akong papasukin sa kaharian at gawin akong isa sa mga tao ng kaharian. Kahit ano pa ang gawin ko, hindi mo ako dapat abandonahin kahit kailan.” Hindi ba’t ito ang nasa isip niya? (Oo.) Ano ang diwa ng ganitong pag-iisip? (Katulad ito ng diwa ni Pablo nang subukan niyang makipagtransaksiyon sa Diyos kapalit ng isang korona.) Tama, ito ang diwa ni Pablo. Nanampalataya siya sa Diyos, sumunod sa Diyos, nagdusa ng paghihirap at nagbayad ng halaga para makakuha ng korona at mapagpala. Wala siyang tunay na pananalig, ni hindi niya hinangad ang katotohanan. Sinubukan lang niyang makipagtransaksiyon sa Diyos. Kung hindi nagtagumpay ang kasunduan, hindi siya pinagpala at pakiramdam niya ay nalugi siya, kaya nagalit siya nang husto, pakiramdam niya ay wala nang pag-asa ang lahat at huminto na siya sa pagiging maingat, at umusbong ang hinanakit sa puso niya. Ito ang mga ipinapakita niya habang nagsasalita siya. Ano ang sunod na ginawa ng taong ito? Pagkatapos, nagnegosyo ang taong ito, at napalibutan siya ng ilang dalaga. Bagama’t wala siyang sinabi na hindi siya nananampalataya sa Diyos, hindi niya ginawa ang tungkulin niya at hindi siya naging tagasunod ng Diyos. Walang sinuman ang nag-akalang isusuko niya ang pagkakataon niyang sumunod sa Diyos at magnenegosyo na lang dahil lang sa pinungusan siya nang kaunti. Ang kanyang galit na galit na asal at kung paano niya ipinamalas ang sarili niya dati ay tila dalawang magkaibang tao. Ito ang kalikasan niya na kusang nalalantad. Noon, hindi niya ito ginawa dahil lamang sa hindi pa lumitaw ang tamang sitwasyon. Ito ang isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay itinago niya kung sino siya, nagpanggap siya na hindi siya ganoon, at pinigilan niya ang sarili niya na gawin ito. Kung talagang isa kang mabuting tao, anumang sitwasyon ang nakakaharap mo, kailangan mo munang panindigan ang posisyon mo at kilalanin kung sino ka. Bukod pa rito, kaya bang gawin ng mga taong tunay na may kaunting pagkatao ang mga bagay-bagay at maling gawa na walang pagkatao? (Hindi.) Tiyak na hindi nila iyon kayang gawin. Batay sa usaping ito, malinaw na kapag hindi kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan, ito ang pinakamapanghimagsik na bagay, at nasa pinakamapanganib silang sitwasyon. Kung hindi nila kailanman matatanggap ang katotohanan, sila ay mga hindi mananampalataya. Kung masisira ang pagnanais ng ganitong tao na makatanggap ng pagpapala, iiwanan niya ang Diyos. Bakit? (Dahil ang hinahangad niya ay makatanggap ng pagpapala at magtamasa ng biyaya.) Nananampalataya siya sa Diyos pero hindi naghahangad sa katotohanan. Para sa kanya, ang kaligtasan ay isang palamuti at isang salitang magandang pakinggan. Mga gantimpala, isang korona, at mga kanais-nais na bagay ang hinahangad ng puso niya—gusto niyang makakuha ng isang daang beses nito sa buhay na ito, at gusto niyang makamit ang buhay na walang hanggan sa darating na mundo. Kung hindi niya makukuha ang mga bagay na ito, hindi siya mananampalataya; lilitaw ang tunay niyang mukha, at iiwan niya ang Diyos. Ang pinaniniwalaan niya sa puso niya ay hindi ang gawain ng Diyos, ni ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos, at hindi kaligtasan ang hinahangad niya, lalong hindi ang gawin nang maayos ang tungkulin niya bilang nilikha; sa halip, katulad ito kay Pablo—ang makatanggap ng maraming pagpapala, magkaroon ng malakas na kapangyarihan, magsuot ng malaking korona, at maging kapantay ng Diyos. Ito ang mga ambisyon at pagnanais niya. Kaya, sa tuwing may kaunting pakinabang o kanais-nais na bagay sa sambahayan ng Diyos, ipinaglalaban niyang makuha ito, sinisimulan niyang iranggo ang mga tao batay sa mga kalipikasyon at senyoridad ng mga ito, at iniisip niya, “Kalipikado ako. Dapat may parte ako rito. Kailangan kong lumaban para makuha ito.” Inilalagay niya ang sarili niya sa pinakapangunahing puwesto sa sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay iniisip niya na karapat-dapat lang na magtamasa siya ng mga pakinabang na ito ng sambahayan ng Diyos. Halimbawa, sa usapin ng pagpunta sa ibang bansa, ang unang iniisip ng taong iyon ay na dapat na makabahagi siya roon, na karamihan ng tao ay hindi niya kasinghusay, hindi nagdusa ng kasingdaming hirap ng sa kanya, hindi kasingkalipikado niya, hindi nanampalataya sa Diyos nang kasingtagal niya, at hindi niya kasingtagal na naging lider. Ginamit niya ang lahat ng dahilan at pamamaraan ng pagsusuri para iranggo ang sarili niya. Kahit paano niya iranggo ang mga tao, palagi niyang inilalagay sa unahan ang sarili niya, at sa ranggo ng mga kalipikado. Sa huli, pakiramdam niya ay karapat-dapat lang na tamasahin niya ang ganitong pagtrato. Sa sandaling hindi niya ito makuha, at sa sandaling gumuho ang pantasya niya na pagpalain siya at na magkamit ng mga bagay-bagay sa interes niya, may gagawin siya ukol dito, magagalit siya nang husto, mangangatwiran siya sa Diyos sa halip na magpasakop at maghanap sa katotohanan. Malinaw na puno na ang puso niya ng mga bagay na ito na hinangad niya, at sapat na ito para ipakita na ganap na hindi kaayon ng katotohanan ang mga bagay na hinangad niya. Gaano man karami ang gawaing ginawa niya, ang layon at intensiyon niya ay walang iba kundi ang makakuha ng korona—katulad ng layon at intensiyon ni Pablo noon—at mahigpit siyang kumapit dito at hindi kailanman bumitiw. Gaano man ibinahagi sa kanya ang katotohanan, gaano man siya pinungusan, isiniwalat, at hinimay, mapagmatigas pa rin niyang pinanghawakan ang intensiyon niya na pagpalain siya at ayaw niya itong bitiwan. Nang hindi niya natanggap ang pagsang-ayon ng Diyos at nakita niya na gumuho ang pagnanais niya na pagpalain, naging negatibo siya at umurong, inabandona niya ang tungkulin niya at umalis siya. Hindi niya tunay na natupad ang tungkulin niya o hindi siya tunay na nakapagserbisyo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian, at ganap nitong ibinubunyag na wala siyang tunay na pananalig sa Diyos, hindi siya tunay na nagpasakop, at wala siyang kahit katiting na tunay na patotoong batay sa karanasan—isa lamang siyang lobong nakadamit-tupa na nagtatago sa gitna ng mga tupa. Sa huli, ang isang taong hindi mananampalataya sa kaibuturan niya ay tuluyang nabunyag at natiwalag, at nagwakas na ang buhay niya bilang isang mananampalataya. Ito ay isang halimbawa.
Hindi nag-iisa ang ganitong kaso. Hindi lamang ito ang taong nagkamali at nabunyag ng usapin ng pagpunta sa ibang bansa. Ang halimbawa na ibinigay natin kanina ay tungkol sa isang lalaki, pero may isa pa na tungkol sa isang babae. Sa simula, ang plano ay ang isama rin ang babaeng ito sa pagpunta namin sa ibang bansa. Nang malaman niya ito, tuwang-tuwa siya sa loob-loob niya, at nagsimula siyang magplano at maghanda para dito, pero sa huli, dahil sa iba’t ibang kadahilanan, hindi siya nakasama. Noong panahong iyon, hindi siya nasabihan dahil sobrang delikado ang sitwasyon. Sa isang pagpupulong ng mga magkakatrabaho, nalaman niya ang tungkol sa desisyong ito. Suriin ito: Ano kaya ang naging resulta nang malaman ito ng babaeng ito? (Kung may pag-iisip ng normal na tao ang isang tao, malamang na hindi magiging napakatindi ng reaksiyon niya pagkatapos itong malaman. Iisipin niya na dahil mapanganib ang sitwasyon kaya hindi siya nakasama sa pagpunta sa ibang bansa, at magagawa niyang harapin nang tama ang usaping ito. Subalit, kung nalaman ito ng babaeng ito, maaaring nagalit siya nang husto at nagtangkang mangatwiran sa Diyos.) Tama, medyo naarok ninyo ang karakter ng ganitong klase ng mga tao. Ganito ang mga taong kauri niya—kahit ano pa ang usapin, hindi sila papayag na malamangan ng iba; sa halip, gusto nilang makinabang. Sa lahat ng bagay, kailangan nilang mahigitan ang lahat at maging mas magaling kaysa sa iba. Kailangan nilang maging pinakamahusay sa lahat ng bagay; kailangan nilang makuha ang lahat ng kanais-nais na bagay, at hindi katanggap-tanggap para sa kanila na wala silang parte sa isang bagay. Pagkatapos malaman ng babae ang tungkol sa usaping ito, nagalit siya kaagad at nagpagulong-gulong siya sa sahig habang nagwawala. Lumabas ang malademonyo niyang pag-uugali, at sinermunan niya ang mga katrabaho niya at ibinuhos niya sa kanila ang galit niya. Saan nanggaling ang galit niya? Lumabas na para bang galit siya sa mga kapatid, pero kanino ba talaga siya galit? (Galit siya sa Diyos.) Ito nga ang nangyayari. Kung gayon, ano ang dahilan ng galit niya? Ano ang ugat nito? (Dahil hindi natupad ang kanyang mga pagnanais.) Dahil ito sa hindi siya nagtamo ng kanais-nais na bagay, at hindi natupad ang layon niya. Hindi siya nagtagumpay na makinabang sa pagkakataong ito; sa halip, ang ibang tao ang nakinabang at hindi siya nasali, kaya siya galit na galit; hindi na niya kayang magpanggap; ibinulalas at inilabas niya ang lahat ng kawalang-kasiyahan at sama ng loob na nasa puso niya. Noon, kailangan na palaging siya ang unang nakakaalam kung ano ang mga ginagawa ng Itaas. Palagi niyang gustong makipag-ugnayan sa Itaas, at hindi siya nakikisalamuha sa mga kapatid. Palagi niyang tinatrato ang sarili niya bilang isang taong nasa mataas na antas, hindi isang karaniwang miyembro, kaya naisip niya na dapat din siyang makapunta sa ibang bansa sa pagkakataong ito—kung walang ibang dapat pumunta, siya ang dapat na pumunta. Siya ang pangunahing kandidato, at nararapat lang siyang tratuhin sa ganitong paraan. Ito ang tunay na saloobin ng puso niya. Ngayon, nakita niya na hindi niya makukuha ang ganitong pagtrato, at na walang saysay lang ang lahat ng paghihirap na tiniis niya sa loob ng maraming taon; wala siya ng katayuang pinaghirapan niyang pangasiwaan at ng pagtrato na ninais niya. Sa isang iglap, naglaho ang lahat ng bagay na ito. Hindi kapani-paniwala na hindi siya makapanloko na makuha ang isang bagay na labis niyang ninanais; hindi kapani-paniwala na binitiwan siya, kaya naisip niyang wala siyang mataas na puwesto sa puso ng Diyos, at isa lamang siyang karaniwang tao. Tuluyang gumuho ang pananggalang niya sa puso niya, at hindi na siya nagpanggap o nagkubli ng mga bagay-bagay. Nagsimula siyang magwala, manigaw ng mga tao, maglabas ng sama ng loob, magalit, at maglantad ng likas niyang ugali, nang hindi alintana kung ano ang sasabihin o iisipin ng iba. Pagkatapos, ipinadala siya sa isang grupo para gumawa ng isang tungkulin. Habang ginagawa niya ang tungkulin niya, marami siyang ginawang masamang bagay, at sa huli, sumulat ang mga kapatid sa grupo ng isang liham na humihiling na patalsikin siya. Ano ang dahilan ng pagpapatalsik sa kanya? Ipinahayag ng mga kapatid na mailalarawan sa isang parirala ang kasamaang ginawa niya: napakarami nito na hindi ito kayang isulat lahat! Sa madaling salita, napakarami niyang ginawang kasamaan, at masyadong malubha ang kalikasan ng ginawa niya—hindi ito maipaliwanag nang malinaw sa isa o dalawang pangungusap lamang, o maisalaysay sa isa o dalawang kuwento lamang. Hindi mabilang ang kasamaang ginawa niya at sobrang nagalit dito ang mga tao, kaya, pinatalsik siya ng iglesia. Ang masasamang bagay na ginawa niya ay hindi niya ginawa bago pa lumitaw ang isyu ng usapin ng pagpunta sa ibang bansa, kaya bakit kaya niyang gawin ang mga bagay na ito pagkatapos lumitaw ang isyu? Dahil hindi nagresulta ayon sa gusto niya ang usapin ng pagpunta sa ibang bansa. Malinaw na ang masasamang bagay na ginawa niya at ang kapangitang ibinunyag niya ay isang uri ng paghihiganti at paglalabas ng sama ng loob na dulot lamang ng hindi niya nakuha ang kanais-nais na bagay na ito. Sabihin mo sa Akin, kapag naharap sa ganitong sitwasyon ang isang taong tunay na naghahangad sa katotohanan at may pagkatao, kahit hindi siya nakakaunawa ng maraming katotohanan, may kakayahan ba siyang magpakita ng mga ganitong pagpapamalas? May kakayahan ba siyang magbunyag ng mga ganitong bagay? Hindi gagawa ng mga bagay na ito ang sinumang may kaunting pagkatao, kaunting konsensiya, at kaunting pakiramdam ng kahihiyan, bagkus ay pipigilan nila ang sarili nila. Bagama’t hindi masaya ang puso nila, hindi nasisiyahan, at may kaunting kirot, iniisip nila na karaniwang tao lamang sila, na hindi sila dapat makipaglaban para makuha ang bagay na ito, na dapat hangarin ng mga nananampalataya sa Diyos ang katotohanan, magpasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos sa lahat ng bagay, na wala silang dapat na pagpipilian, at na ang mga tao ay mga nilikha at hindi kahanga-hanga sa kahit anong paraan. Malulungkot sila nang ilang araw, pero kalilimutan na nila ito pagkatapos. Patuloy pa rin silang mananampalataya gaya ng nararapat, at hindi gagawa ng masama o maghihiganti dahil sa bagay na ito, at hindi rin sila maglalabas ng sama ng loob dahil dito. Sa kabaligtaran, dahil lamang sa isang maliit na bagay, ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan at may napakasamang karakter ay may kakayahang magpakita ng lahat ng masamang gawang ito na hindi nila kailanman nagawa noon. Ipinapakita nito ang problema. Ipinapakita nito ang pagkataong diwa ng mga ganitong uri ng tao, at ipinapakita ang mga tunay na paghahangad ng mga ganitong uri ng tao, ibig sabihin, ganap na nalalantad ang tunay nilang mukha sa pamamagitan ng pagkakabunyag sa isyung ito. Una, ganap na sa isang anticristo ang diwa nila. Pangalawa, hindi nila kailanman hinangad ang katotohanan, ni hindi nila kailanman itinuring ang sarili nila bilang ang pakay ng pagliligtas at hindi sila kailanman nagpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Hindi sila naghahangad ng pagpapasakop sa Diyos; naghahangad lamang sila ng katayuan at kasiyahan; naghahangad lamang sila ng magandang pagtrato, at naghahangad lamang na maging kapantay ng Diyos. Tinatamasa rin nila ang anumang tinatamasa ng Diyos. Sa ganitong paraan, hindi walang saysay ang pagsunod nila sa Diyos. Ito ang mga bagay na hinahangad nila. Ito ang kalikasang diwa ng mga ganitong uri ng tao; ito ang tunay nilang mukha, at ang panloob na kalagayan ng puso nila. Tinapos ng isyung ito ang dalawampung taon ng pananalig ng babaeng ito—nauwi lang sa wala ang lahat.
Sabihin mo sa Akin, nasaan na dapat ang dalawang taong ito ngayon? Nasa loob ba dapat ng iglesia o sa ibang lugar? (Sa mundo ng mga walang pananampalataya.) Bakit mo nasabi iyan? Paano ninyo ito napagpasyahan? Saan nakabatay ang mga salita ninyo? (Dahil sila ay mga hindi mananampalataya, at ang pananampalataya nila sa Diyos ay hindi para sa paghahangad na gawin ang mga tungkulin nila bilang mga nilikha. Sa huli, hindi makakapanindigan sa pananalig nila ang mga ganitong tao, at ang maaari lamang sa kanila ay ang bumalik sa mundo.) Sa huli, hindi sila makakapanindigan sa pananalig nila, pero hindi pa naman ito ang katapusan, kaya paanong naglaho na sila? Dapat mong tingnan kung ano ang iniisip nila sa loob-loob nila. Nakakagawa lamang sila ng mga ganitong bagay, at nakakagawa ng mga ganitong pasya kapag mayroong mga saloobin sa puso nila. Paano nila inanalisa at sinuri ang usaping ito na nagtulak sa kanila na pumili ng ganitong landas? Sa loob ng puso nila, naisip nila, “Nanampalataya ako sa diyos sa loob ng maraming taon at nagdusa ng labis na paghihirap. Palagi kong pinananabikan ang araw na magiging kilala ako. Sa pagsama sa mga nakatataas, magiging kilala ako at maipapakita ko ang mukha ko. Ngayon, sa wakas, may pagkakataon na akong makapunta sa ibang bansa. Malaking bagay ito! Isa itong bagay na hindi ko kailanman naisip bago ako nanampalataya sa diyos. Katulad ito ng pagkamit ng korona sa pamamagitan ng pananampalataya sa diyos, pero hindi pala ako kasama sa napakakanais-nais na bagay na ito. Hindi ko ito makuha. Dati, inakala ko na mayroon akong tiyak na puwang sa puso ng diyos, pero ngayon, nakikita ko na hindi pala ganoon. Mukhang wala akong makukuhang anumang kanais-nais na bagay mula sa pagsunod sa diyos. Hindi nila ako naisip pagdating sa malaking bagay tulad ng pagpunta sa ibang bansa, kaya, hindi ba’t mas maliit ang tsansa ko na makakuha ng korona sa hinaharap? Hindi sigurado kung sino ang makakakuha nito, at mukhang wala akong pag-asa rito.” Handa pa rin ba silang sumunod sa Diyos nang maisip nila na wala nang pag-asa? Ano ang layon nila sa pagdurusa ng paghihirap at pagbabayad ng halaga noon? Dahil lamang iyon sa maliit na pag-asa, sa mga munting ideya na pinanghawakan nila sa puso nila, kaya sila kumilos at nagpamalas ng sarili nila sa ganoong paraan. Ngayong gumuho na ang pag-asa nila at wala nang saysay ang mga ideya nila, kaya ba nilang patuloy na manampalataya? Kaya ba nilang makontentong manatili sa sambahayan ng Diyos at gawin ang tungkulin nila? Kaya ba nilang tanggapin na wala silang makakamit at kaya ba nilang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos? Napakalaki ng mga ambisyon at pagnanais ng mga anticristo, kaya tiyak na hindi sila magiging handa na ganito ang resulta ng lahat ng pagsisikap nila at ng halagang ibinayad nila. Ang pinapangarap nila ay ang makakuha sila ng korona at mga kanais-nais na bagay bilang kapalit ng halagang ibinabayad nila at ng mga pagsisikap nila, na anuman ang kanais-nais na bagay na mayroon sa sambahayan ng Diyos, dapat makabahagi sila—ayos lang kung wala ang iba, pero dapat mayroon sila. Kaya ba ng mga taong may ganoon kalakas na ambisyon at kasakiman na gawin ang tungkulin nila at magsikap nang walang anumang natatanggap na kapalit? Tiyak na hindi nila kayang isakatuparan ito. Sinasabi ng ilang tao, “Hayaan silang hangarin ang katotohanan. Kapag napakinggan na nila ang maraming katotohanan, hindi ba’t maisasakatuparan nila ito?” May ibang tao na nagsasabi, “Kung kinakastigo at hinahatulan sila ng Diyos, hindi ba’t babaguhin sila nito?” Ito ba ang nangyayari? Hindi kinakastigo at hinahatulan ng Diyos ang mga tao nang ganito, at hindi rin Niya inililigtas ang mga tao nang ganito. Ang mga ganitong uri mismo ng tao ang ititiwalag Niya. Ano ang pagkakaiba ng sinabi Ko kumpara sa sinabi ninyo ngayon lang? Ang sinabi ba ninyo ang tunay na saloobin ng puso nila? Ito ba ang pagpapamalas ng diwa ng mga ganitong uri ng tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ba ang sinabi ninyo? (Mga damdamin at mga walang kabuluhang teorya.) Ang kalikasan ng sinabi ninyo ay medyo mapag-analisa at mapanuri, at sinusuri at tinutukoy sila batay sa teorya. Hindi ito ang tunay nilang mga kaisipan at mga pagbubunyag, at hindi rin ito ang mga tunay nilang pananaw. Isa itong pagpapamalas ng mga taong may diwa ng isang anticristo. Kung may isang kanais-nais na bagay na hindi nila nakuha, isang pakinabang na hindi nila natamasa, o isang benepisyo na hindi nila natamo, nagagalit sila nang husto, nawawalan sila ng pananalig sa pananampalataya sa Diyos at sa paghahangad sa katotohanan, ayaw na nilang manampalataya sa Diyos, gusto nilang lumayo, at gumawa ng masasamang bagay. Gumagawa sila ng masasamang bagay para maglabas ng sama ng loob at maghiganti—maglabas ng mga mali nilang pagkaunawa tungkol sa Diyos at ng hinanakit nila sa Diyos. Dapat bang pangasiwaan ang mga taong ito? Dapat ba silang pahintulutan na patuloy na gawin ang tungkulin nila sa iglesia? (Hindi.) Kung gayon, paano dapat pangasiwaan ang mga taong ito? (Dapat silang patalsikin.) Mayroon bang sinuman na huminto sa pananampalataya dahil hindi sila makapunta sa ibang bansa? (Oo.) Anong klaseng mga tao ito? (Mga hindi mananampalataya. Nananampalataya lang sila sa Diyos para maghangad na pagpalain, at kapag hindi natugunan ang mga ambisyon at pagnanais nila, ipinagkakanulo nila ang Diyos.) Kaya nilang huminto sa pananampalataya sa Diyos dahil lang sa isang maliit na bagay na gaya nito. Hindi masasabing may tunay na pananampalataya o huwad na pananampalataya ang mga ganitong tao—masyadong mababa ang karakter nila!
Ikatlong Kaso: Pakiramdam na Imposibleng Patuloy na Mamuhay Pagkatapos na Umuwi sa Kanayunan
May mga taong ipinanganak sa kanayunan, at walang sapat na pera ang pamilya nila para mabuhay. Simple lang ang mga kagamitan nila sa pang-araw-araw na buhay, at bukod sa isang matigas na kama, isang aparador at isang mesa, wala nang iba pang kasangkapan sa bahay nila. Gawa sa ladrilyo o lupa ang sahig nila—ni wala silang sementadong sahig. Napakapayak ng kalagayan nila. Pagkatapos manampalataya sa Diyos, ginagawa nila ang tungkulin nila ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at pumupunta sila sa ilang mayamang lugar. May ganitong babae na tumingin-tingin sa paligid at nakita niya na karamihan sa mga kapatid ay may mga sahig na gawa sa kahoy o baldosa; may wallpaper naman ang mga pader; napakalinis ng mga bahay nila, at puwede silang maligo araw-araw. Marami rin silang kasangkapan sa tahanan nila: mga patungan ng telebisyon at malalaking aparador, pati na mga sofa at aircon. Ang mga kuwarto nila ay may mga mamahaling kama, at kompleto sa appliances ang kusina nila: mga refrigerator, microwave, oven, kalan, range hood, at iba pa. Nakakahilo iyong tingnan. Bukod dito, sa malalaking lungsod tulad nito, may ilang lugar kung saan puwede siyang gumamit ng elevator para mag-akyat-baba sa iba’t ibang palapag. Binuksan ng lugar na ito ang mga mata niya, at pagkatapos gumawa at magpalaganap ng ebanghelyo roon nang ilang panahon, ayaw na niyang bumalik. Bakit nga ba? Naisip niya, “Ang bahay namin na gawa sa lupa ay walang panama sa lugar na ito kahit sa anong aspekto. Nananampalataya kaming lahat sa diyos, kaya bakit mas higit na maganda ang pamumuhay ng mga taong ito kaysa sa pamilya ko? Parang langit ang buhay ng mga taong ito. Nakatira sa kulungan ng baboy ang pamilya ko—lubhang mas malala ito kaysa sa mga taong ito!” Pagkatapos niyang magkumpara, sumasama ang loob niya, lalo siyang napapalapit sa lugar na ito at lalong ayaw na niyang bumalik. Naisip niya, “Kung makagagawa ako rito nang pangmatagalan, hindi ko na kakailanganin pang umuwi, hindi ba? Hindi bagay na panirahan ng mga tao ang lunggang iyon na gawa sa lupa.” Nanatili siya sa malaking lungsod nang ilang panahon at natutunan niya kung paano kumain, magbihis, at magtamasa ng buhay gaya ng mga taga-lungsod, at natutunan niyang mamuhay katulad ng mga ito. Pakiramdam niya ay napakaganda ng buhay sa mga araw na iyon. Mainam kapag may pera. Walang kinabukasan ang mga tao sa pagiging mahirap. Minamaliit lang ng iba ang mahihirap na tao, at sila mismo ay nangmamaliit sa sarili nila. Habang mas iniisip niya ito, mas lalong ayaw niyang bumalik, pero wala siyang magawa—kailangan niyang umuwi. Pagkauwi niya, halo-halong emosyon ang naramdaman niya sa puso niya at napakahirap nitong tanggapin. Pagpasok niya sa bahay, nakita niya na gawa sa lupa ang sahig, at nang umupo siya sa kama na malapit sa tsimenea, sobrang tigas nito at hindi komportable. Nang hawakan niya ang mga pader, nabalot ng lupa ang kamay niya. Kapag nagbabanggit siya ng masarap na pagkain na gusto niyang kainin, walang nakakaintindi sa mga pangalan nito, at wala ring mga pasilidad na mapagliliguan niya kapag gusto niyang maligo bago matulog. Naisip niya na napakababa ng ganitong pamumuhay, at naghinanakit siya sa mga magulang niya dahil sa pagiging dukha nila, na hindi nila kayang bilhin ang anumang gusto niya, at palagi siyang nawawalan ng pasensiya sa kanila. Simula nang bumalik siya, para bang naging ibang tao na siya. Mapanghamak niyang tiningnan ang mga kapamilya niya at pati na ang lahat sa loob ng tahanan nila, iniisip na napakaatrasado nito na hindi na niya kayang tumira doon, at kung patuloy siyang mamumuhay roon, mamamatay siya sa mga hinaing. Nagmulat sa mga mata niya ang pag-alis sa bahay nila, pero nakasama ito, na naging dahilan para magalit sa kanya nang husto ang mga magulang niya. Sa puntong iyon, pumasok sa isip niya ang isang ideya: “Kung hindi nanampalataya sa diyos ang mga magulang ko, at kung hindi rin ako nanampalataya sa diyos, tiyak na magiging mas maganda ang buhay namin kaysa sa ngayon. Kahit hindi mamahaling kama ang tinutulugan namin, kahit papaano ay makakakain kami nang mas maayos, at makakapaglagay kami ng mga baldosa sa sahig.” Inakala niya na bunga ito ng pananampalataya sa Diyos, na ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugang dapat mahirap ang isang tao, na hindi puwedeng magkaroon ng magandang buhay kung nananampalataya ang isang tao sa Diyos, at hindi makakakain ng masasarap na pagkain o makakapagsuot ng magagandang damit. Mula noon, ang kamangha-manghang babaeng bayani na ito na may naisakatuparan sa ilang lalawigan ay hindi na mapilit ang sarili na bumangon at inaantok siya buong araw. Nahihirapan siyang bumangon sa umaga, at ang unang ginagawa niya ay maghanda at maglagay ng kolorete, at pagkatapos ay magsuot ng mga damit na karaniwang sinusuot ng mga tao sa siyudad. Pagkatapos, napapasimangot siya at pinag-iisipan niya kung kailan siya makakaalis sa buhay-probinsiyang ito at makapamumuhay tulad ng mga tao sa siyudad. Nawala na lahat ang mga sermon na dati niyang ipinapangaral at ang determinasyong mayroon siya noon—nakalimutan na niya ang lahat ng ito. Ni hindi na niya alam kung isa ba siyang mananampalataya. Ganito kabilis ang pagbabago niya. Dahil medyo namulat na siya at nagbago ang kapaligiran at kalidad ng pamumuhay niya, nabunyag siya.
Noon, naglakbay ang babaeng ito sa iba’t ibang lugar para mangaral at gumawa ng gawain. May matibay siyang determinasyon at kamangha-manghang lakas, pero panlabas lamang ang mga ito. Kahit hindi niya alam kung ano ang hinangad niya sa kaibuturan niya, kung ano ang gusto niya, at kung anong uri siya ng tao. Ang isang karanasan ng pagpunta sa siyudad ang nagbago sa kaibuturan ng kalagayan ng buhay niya, at ang isang panahon ng pagdanas ng mayamang pamumuhay ay lubos na nagpabago sa direksiyon ng kanyang buhay. Ano nga ba ang dahilan? Sino ang nagpabago sa kanya? Hindi puwedeng ang Diyos, hindi ba? Siyempre, hindi. Kung gayon, ano ang dahilan? Ito ay dahil ibinunyag siya ng kapaligiran, ibinunyag ang kalikasang diwa niya, at ibinunyag ang kanyang mga paghahangad at landas na tinatahak. Anong landas ang tinatahak niya? Hindi ito ang landas ng paghahangad sa katotohanan, hindi rin ito ang landas ni Pedro, ni ang landas ng mga inililigtas at pineperpekto, ni ang landas ng paghahangad na tuparin ang tungkulin ng isang nilikha; sa halip, ito ang landas ng isang anticristo. Sa partikular, ang landas ng isang anticristo ay ang landas ng paghahangad ng reputasyon, katayuan, at mga materyal na kasiyahan. Ito ang diwa ng mga taong tulad nito. Kung hindi ito ang mga bagay na hinahangad niya, at kung isa siyang taong naghahangad sa katotohanan, tiyak na hindi siya ibubunyag ng ganitong maliit na pagbabago sa kapaligiran. Ang pinakaposible, medyo magiging mahina ang puso niya, medyo sasama ang loob niya, at medyo magiging masakit ito para sa kanya, o magkakaroon siya ng ilang hangal na pagpapamalas, pero hindi hanggang sa punto na mabubunyag siya nang ganito katindi. Ano ang diwa ng mga paghahangad ng mga ganitong tao? Naghahangad sila ng mga bagay na pareho ng sa mga walang pananampalataya, at ng mga bagay na pareho sa sinumang tao sa mundong ito na naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at masasamang kalakaran. Gusto nila ang mga maposturang pananamit ng mga walang pananampalataya, tulad ng kung paano sinusunod ng mga walang pananampalataya ang masasamang kalakaran, at lalo pang gusto nila ang pagkahumaling ng mga walang pananampalataya sa marangyang pamumuhay ng laman. Kaya, sa isang pagbabago sa kapaligiran niya, ganap na nagbago ang pananaw ng babaeng ito sa buhay at ang saloobin niya sa mundong ito at sa buhay. Naisip niya na ang pananampalataya sa Diyos at ang paghahangad sa katotohanan ay hindi ang pinakamahalaga, at na kapag buhay ang mga tao sa mundong ito, dapat nilang tamasahin ang laman at ang buhay, dapat nilang hangarin ang mga uso, at dapat silang maging katulad ng mga kaakit-akit at magagarang tao sa lipunan na nililingon ng mga tao kapag dumadaan sila, na nang-uudyok na kainggitan sila ng iba, at idolohin sila ng mga tao. May ilang tao na, pagkatapos makatagpo ng mas maraming kapaligiran, makatagpo ng iba’t ibang uri ng tao, at mamulat, dahil hinahangad nila ang katotohanan at dahil nauunawaan nila ang mga layunin ng Diyos, mas nakakakilatis sa masasamang kalakaran na ito at sa sangkatauhan. Mas nagagawa nang kamuhian ng puso nila ang landas na tinatahak ng mga makamundong tao, at nakikilatis na nila ito at ganap na naaabandona sa paghahangad nilang tumahak sa landas na itinuturo sa kanila ng Diyos. Para naman sa mga taong naghahangad sa katotohanan at may diwa ng anticristo, sa sandaling mamulat sila at makatagpo sila ng iba’t ibang kapaligiran, hindi lang nababawasan ang mga ambisyon at pagnanais nila, kundi lalo pang lumalago at lumalaki ang mga ito. Kapag lumaki na ang mga ambisyon at pagnanais nila, lalong kinaiinggitan ng mga taong ito iyong mga tao sa mundo na nagtatamasa ng magagandang bagay at may pera at impluwensiya, at nakakaramdam sila ng paghamak sa buhay ng mga mananampalataya sa kaibuturan ng puso nila. Iniisip nila na hindi hinahangad ng karamihan sa mga mananampalataya ang mundo, na ang mga ito ay walang pera, walang katayuan, walang impluwensiya, at wala pang masyadong karanasan sa mundo, na ang mga ito ay hindi kasingkaakit-akit ng mga walang pananampalataya, hindi nakakaunawa kung paano tamasahin nang husto ang buhay gaya ng mga walang pananampalataya, at hindi masyadong nagpapasikat ang mga mananampalatayang ito gaya ng mga walang pananampalataya. Bilang resulta, lalong lumalalim sa puso nila ang pagsalungat at pagkontra sa pananampalataya sa Diyos. Kaya, para sa maraming tao na may diwa ng anticristo, mula nang magsimula silang manampalataya sa Diyos hanggang ngayon, hindi matutukoy kung sila ba ay talagang isang taong may diwa ng anticristo, pero balang araw, kapag dumating na ang tamang kapaligiran, ibubunyag sila nito. Noon, nang hindi pa nabunyag ang mga taong ibinunyag, sinusunod din nila ang mga panuntunan at ginagawa ang dapat nilang gawin. Anuman ang ipinapagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos, ginagawa nila ito, at nagagawa nilang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga. Mukha silang mapagpahalaga sa tungkulin, mga taong nasa tamang landas, at may wangis at tindig ng mga taong nananampalataya sa Diyos. Gayumpaman, anuman ang ginagawa nila sa panlabas, hindi nanatiling matatag ang diwa at landas na tinatahak nila o hindi nakayanan ng mga ito ang pagsubok ng iba’t ibang kapaligiran. Gaano man karaming taon nananampalataya sa Diyos ang isang tao, at gaano man kalakas ang pundasyon ng pananampalataya niya, kung mayroon siyang diwa ng isang anticristo at kung nasa landas siya ng isang anticristo, tiyak na hahangarin niya ang mga materyal na kasiyahan, marangyang pamumuhay, masaganang materyal na pagtrato, at higit pa rito, hahangarin niya ang bawat uri ng kanais-nais na bagay, habang kasabay nito ay kaiinggitan niya ang saloobin at pamamaraan ng mga makamundong tao sa pamumuhay. Sigurado ito. Kaya, bagama’t nakikinig ang lahat ngayon sa mga sermon, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, at ginagawa nila ang mga tungkulin nila, ang mga taong gumagawa nito pero hindi naghahangad sa katotohanan ay tiyak na maghahangad ng mga materyal na bagay. Magiging prayoridad ang mga bagay na ito sa puso nila, at sa sandaling dumating ang tamang kapaligiran o sitwasyon, lalago at magiging aktibo ang mga pagnanais nila. Sa sandaling umabot ito sa puntong ito, saka sila mabubunyag. Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, darating sa kanila ang araw na ito sa malao’t madali. Para sa mga taong naghahangad sa katotohanan, nakakaunawa sa katotohanan, at sa mga taong ang katotohanan ang pundasyon nila, kapag sumapit na ang mga tukso at kapaligirang ito, nagagawa nilang harapin ang mga ito nang tama, tanggihan ang mga ito, at manindigan sa patotoo nila sa Diyos. Kapag dumating ang mga tuksong ito, nagagawa rin nilang kilatisin kung ano ang positibo at kung ano ang negatibo, at alamin kung isa ba itong bagay na gusto nila. Katulad ito ng kung paanong may ilang babae na hindi interesado sa mga lalaking nanliligaw sa kanila kahit gaano pa karami ang pera ng mga lalaki. Bakit hindi sila interesado? Dahil hindi maganda ang karakter ng mga lalaking iyon. May mga babae naman na hindi naghahanap ng kapareha dahil walang mayayamang lalaki na nanliligaw sa kanila. Kung may lalaking may pera na manliligaw sa kanila at bibilhan sila ng damit na may tatak na nagkakahalaga ng 20,000 yuan, maaakit sila, at kung bibilhan sila ng lalaking iyon ng mink coat na nagkakahalaga ng 100,000 yuan, o ng isang malaking diyamante, maganda at malaking bahay, at kotse, agad silang magiging handang pakasalan ang lalaking ito. Kaya, noong sabihin ng mga babaeng ito na hindi sila mag-aasawa, totoo ba ito o hindi? Kasinungalingan ito. Kaya, maraming tao ang nagsasabi na hindi nila hinahangad ang mundo at hindi hinahangad ang magandang kapalaran at mga kasiyahan ng mundo, pero iyon ay kapag walang mga tukso sa harapan nila; kapag hindi paborable ang kapaligiran para doon. Sa sandaling dumating ang isang paborableng kapaligiran, masasadlak sila nang malalim dito at hindi sila makakaahon. Katulad lang ito ng ibinigay nating halimbawa. Hindi umalis ang babae sa sitwasyon. Pagkatapos tamasahin ang buhay sa siyudad sa loob ng ilang panahon, hindi na niya kilala ang sarili niya at naligaw na siya. Kung inilagay siya sa isang palasyo, dapat sana ba ay ipinapatay niya ang mga magulang niya sa lalong madaling panahon para hindi madungisan ang pangalan niya? Ang mga ganitong tao ay kayang gumawa ng kahit anong kahangalan alang-alang sa kanilang kasiyahan, reputasyon, marangyang pamumuhay, at mataas na kalidad ng buhay. Sila ay walang kuwenta at may mababang karakter. Ni minsan ba ay hinangad ng mga ganitong tao ang katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, saan nanggaling ang mga sermon na ipinangaral niya? Mayroon ba siyang mga sermon na ipapangaral? Ang ipinangaral niya ay hindi mga sermon, kundi doktrina. Nagpapanggap lang siya at inililihis niya ang mga tao, hindi siya nangangaral ng mga sermon. Nangaral siya ng napakaraming sermon, kaya paanong hindi niya malutas ang sarili niyang mga problema? Alam ba niya na puwede siyang umabot sa puntong ito? Malinaw ba niyang nakita ang mga bagay-bagay? Nangaral siya ng napakaraming sermon, pero pagkatapos niyang tamasahin ang buhay sa siyudad nang ilang panahon, hindi niya mapagtagumpayan ang mga ganitong tukso at hindi siya makapanindigan sa kanyang patotoo. Kaya, mga sermon ba iyong mga ipinangaral niya? Malinaw na hindi. Ito ang ikatlong kaso.