Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalimang Bahagi) Unang Seksiyon
II. Ang mga Interes ng mga Anticristo
C. Pagpapakana Para sa Sarili Nilang mga Pakinabang
Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikasiyam na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo at sa parte ng aytem na ito na nauugnay sa mga interes ng mga anticristo. Noong nakaraan, nagbahagi Ako tungkol sa ikatlong aytem ng mga interes ng mga anticristo: mga pakinabang. Sa aytem na iyon, inilista Ko ang mga partikular na pagpapamalas ng ilang aspekto, at pangunahin Kong tinalakay ang pag-uugali, mga kaisipan at pananaw ng mga anticristo, at ang iba’t ibang bagay na ginagawa nila sa ilalim ng kontrol ng mga kaisipan at pananaw na ito. Nagbahagi Ako tungkol sa dalawang aspekto noong nakaraan: Ang una ay ang paglulustay sa mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos, at ang pangalawa ay ang paggamit sa mga kapatid para maglingkod at gumawa para sa kanila. Ang mga ito ay dalawang partikular na pagpapamalas ng mga anticristong nagpapakana para sa sarili nilang mga pakinabang. Ngayong nagbahagi na Ako tungkol sa mga ito, mayroon na ba kayong pagkaunawa sa kalikasang diwa ng mga anticristo? Sa totoo lang, walang malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga tiwaling tao pagdating sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, tungkol man ito sa disposisyon o kalikasang diwa nila. Mas magkatulad sila kaysa sa magkaiba; nagkakaiba lamang sila sa kung mayroon silang mabuti o masamang pagkatao, at may malinaw na pagkakaiba lamang pagdating sa saloobin nila sa katotohanan. Kahit na pare-pareho lang lahat ng tiwaling disposisyon ng mga tao, kaya ng mga anticristo na kamuhian ang katotohanan, labanan ang Diyos, husgahan ang Diyos, at lapastanganin ang Diyos, at kaya rin nilang gumawa ng masama at guluhin ang gawain ng iglesia. Ito ang mga aspekto kung saan may malinaw na pagkakaiba ang mga anticristo at ang mga ordinaryong tiwaling tao. Ang bawat tao ay may disposisyon ng isang anticristo, pero kung hindi pa sila nakagawa ng masama at nakagulo sa gawain ng iglesia, at hindi pa nila direktang kinompronta ang Diyos, kung gayon, hindi sila mailalarawan na isang anticristo. Bagama’t ang mga tiwaling tao ay may magkapareho o magkatulad na mga kaisipan, pananaw, at tiwaling disposisyon, kung hindi sa isang masamang tao ang pagkataong diwa ng isang tao, kung gayon, isang malinaw na pagkakaiba iyon sa pagitan nila at ng mga anticristo. Hindi nakikita ng karamihan sa mga tao ang pagkakaibang ito, at pinagsasama-sama nila sa iisang grupo ang mga taong may disposisyon ng isang anticristo at ang mga taong tumatahak sa landas ng isang anticristo, at inilalarawan nila ang mga ito bilang mga anticristo—madaling pinsalain ang mabubuting tao sa pamamagitan ng paggawa nito! Kung hindi ninyo malinaw na nauunawaan ang diwa ng mga anticristo, malaking balakid din ito sa pag-unawa ninyo sa inyong sarili. Kung nakikita mo na kapareho ng sa isang anticristo ang tiwali mong disposisyon, iisipin mo na isa kang anticristo, at kung nakikita mo na kapareho ng sa isang anticristo ang landas na tinatahak mo, iisipin mo rin na isa kang anticristo. Ilalarawan mo pa rin ang sarili mo bilang isang anticristo kung nakikita mo na ang paraan ng paggawa mo sa mga bagay-bagay at ang mga kaisipan at pananaw mo ay kapareho ng sa isang anticristo. Kung nakikita mo ang sarili mo bilang isang anticristo sa tatlong paraang ito, ilalarawan mo ang sarili mo bilang isang anticristo. Ano ang magiging mga kahihinatnan nito? Tiyak na magiging negatibo ka sa isang antas at susukuan mo ang sarili mo. Medyo baluktot ang pag-unawa sa sarili mo sa gayong paraan. Kaya, hindi na ba kinakailangan na unawain ang anticristong disposisyon mo? Hindi, kailangan ito siyempre. Ang layunin ng pagbabahaginan at paghihimay sa disposisyon ng mga anticristo ay para maikumpara ninyo ang inyong sarili at umabot kayo sa punto na tunay ninyong maunawaan ang inyong sarili. Kung nauunawaan mo lang na mayroon kang karaniwang tiwaling disposisyon pero hindi mo kinikilala na mayroon kang disposisyon ng isang anticristo, kung gayon, napakababaw at di-kompleto ang pag-unawa mo sa sarili mo; hindi ito pasok sa pamantayan. Maaaring hindi pa ninyo ito alam sa ngayon. Iniisip ng karamihan ng tao, “Hindi ako tumatahak sa landas ng isang anticristo, hindi rin ako isang anticristo, at wala rin akong diwa ng isang anticristo, kaya hindi ko na kailangang umabot sa puntong nauunawaan ko na mayroon akong disposisyon ng isang anticristo, na kaya kong tumahak sa landas ng isang anticristo, at na puwede akong maging isang anticristo. Kung ito ang pag-unawa ko sa sarili ko, hindi ba’t minamaliit ko ang sarili ko?” Kaya, hindi kayo gaanong interesado sa mga paksang ito tungkol sa pagsisiwalat sa mga anticristo. Hindi mahalaga kung interesado ka o hindi, kung isa kang taong naghahangad sa katotohanan, darating ang araw na unti-unti mong mauunawaan ang mga aspektong ito ng katotohanan at ang mga kasabihang ito. Narinig Ko na nagbabahagi ang ilang tao ng kanilang pagkaunawang batay sa karanasan pero wala silang sinasabing anuman tungkol sa kung paanong mayroon silang disposisyon ng isang anticristo, o kung paanong tumatahak sila sa landas ng isang anticristo. Malinaw na katulad mismo ng sa isang anticristo ang mga kaisipan, pananaw, at disposisyon nila—magkaparehong-magkapareho ang mga ito—pero hindi nila nauunawaan ito. Sapat na itong patunay na masyadong mababaw ang pag-unawa ng maraming tao sa sarili nila, na kaya lamang nilang maunawaan na mayroon silang tiwaling disposisyon, na nilalabanan nila ang Diyos at naghihimagsik sila laban sa Diyos, na hindi gaanong mabuti ang pagkatao nila, at na hindi nila masyadong mahal ang katotohanan. Sa katunayan, ang ipinapamalas at ipinapakita nila ay ang disposisyon ng isang anticristo, at ang landas na tinatahak nila ay sa isang anticristo, pero hindi nila ito nauunawaan. Bakit hindi nila ito nauunawaan? Dahil hindi nila nauunawaan ang iba’t ibang pagpapamalas na kaugnay sa disposisyon ng isang anticristo, at marami pa ngang mga tao ang natatakot na magsabi na mayroon silang disposisyon ng isang anticristo o na nasa landas sila ng isang anticristo. Kahit na nauunawaan nila ito, hindi sila naglalakas-loob na sabihin ito; kung sasabihin nila ito, para bang isinusumpa o kinokondena sila. Sa realidad, hindi ba’t pareho lang din ang sitwasyon mo sabihin mo man ito o hindi? Mababago ba nito ang katunayan na mayroon kang disposisyon ng isang anticristo? Hindi. Ang katunayan na hindi mo ito nauunawaan ay nagpapatunay na masyadong mababaw ang pagkaarok mo sa katotohanan, at na wala kang tunay na pag-unawa sa sarili mo.
3. Paggamit ng Kanilang Posisyon para Makakuha ng Makakain, Maiinom, at Iba pang mga Kanais-nais na Bagay sa Pamamagitan ng Pandaraya
Sunod, magbabahaginan tayo tungkol sa pangatlong pagpapamalas ng mga anticristong nagpapakana para sa sarili nilang mga pakinabang—paggamit ng kanilang posisyon para makakuha ng makakain, maiinom, at iba pang mga kanais-nais na bagay sa pamamagitan ng pandaraya. Siyempre, ang “paggamit ng kanilang posisyon” ay matatawag din na madayang pagkuha ng makakain, maiinom, at iba pang mga kanais-nais na bagay sa pamamagitan ng pagpapanggap na nananampalataya sila sa Diyos. Nasubukan na ba ninyong pagnilayan at pag-isipan ang aytem na ito noon? (Hindi pa.) Nakakita na ba kayo ng ganitong uri ng tao? Mayroon ba kayong anumang opinyon tungkol sa ganitong klase ng tao? Mayroon ba kayong anumang nararamdamang pagkapoot o pagkasuklam? Nakakaramdam ba kayo ng paghamak sa ganitong klase ng tao? (Oo.) Anong uri ng tao sila? Ano ang pagkatao nila? Bakit nila ginagawa ang mga bagay na ito? Ano ang pananaw nila sa pananampalataya sa Diyos? Nililigtas ba ng Diyos ang ganitong klase ng tao? Ano, sa huling pagsusuri, ang layunin ng pananampalataya nila sa Diyos? Tinalikuran nila ang mga pamilya at propesyon nila, at nagpakita sila ng mga ekspresyon ng pagdurusa ng paghihirap at pagbabayad ng halaga, pero ano, sa huling pagsusuri, ang layunin nila sa paggamit ng kanilang posisyon para makakuha ng makakain at maiinom sa pamamagitan ng pandaraya? Alam ba nila na, kapag ginagawa nila ito, kinasusuklaman ito ng Diyos at hindi nalulugod ang Diyos? Naisip na ba ninyo ang mga katanungang ito noon? Sa totoo lang, karamihan sa inyo ay hindi pa ito naisip. At bakit hindi pa? Sinasabi ng ilan: “Napakaraming taong ganito sa lipunan, kaya hindi malaking bagay kung may ilan sa kanila sa sambahayan ng Diyos. Isa pa, tayo mismo ay hindi naman ganoon kadalisay.” Itinuturing mo ang sarili mo bilang isang taong naghahangad sa katotohanan, pero hindi mo kailanman inihahanay sa katotohanan ang sarili mong mga gawa, kaisipan, at ideya, pati na rin ang mga gawa at pag-uugali ng iba, gamit ang perspektiba ng katotohanan para tingnan at tukuyin ang mga ito. Kaya, isa ka pa rin bang taong naghahangad sa katotohanan? May halaga at kabuluhan pa ba sa iyo ang mga katotohanang naunawaan mo sa iyong pananampalataya sa Diyos? Wala. Ang lahat ng nagkukunwaring espirituwal kahit wala silang espirituwal na pagkaunawa ay may pekeng espirituwalidad, at wala silang inaalala kundi ang gugulin ang buong araw nang mahigpit na sumusunod sa mga regulasyon o nagsasalita ng mga salita at doktrina, na katulad ng ginagawa ng mga sinaunang iskolar, “ganap na ginugugol ang sarili sa pag-aaral ng mga aklat ng mga pantas at hindi nagbibigay-pansin sa mga panlabas na usapin.” Iniisip ng mga taong nagkukunwaring espirituwal na walang kinalaman sa kanila ang anumang ginagawa ng ibang tao, na problema na ng ibang tao kung paano man mag-isip ang mga ito, at tumatanggi silang matuto kung paano kilatisin ang mga tao, makilatis ang mga bagay-bagay, at maunawaan ang mga layunin ng Diyos batay sa mga salita ng Diyos. Ganito ang karamihan ng tao; pagkatapos nilang makinig sa isang sermon o magbasa ng mga salita ng Diyos, isinusulat nila ito sa papel, inilalagay sa puso nila, at itinuturing ito bilang mga doktrina o regulasyon na sinusunod lang nila bilang pakitang-tao, at pagkatapos ay tapos na sila rito. Pagdating naman sa kung paano nauugnay sa mga katotohanang ito ang mga bagay na nangyayari sa paligid nila o ang iba’t ibang pag-uugali at pagpapamalas na nakikita nila sa mga tao sa paligid nila, hindi nila ito kailanman pinag-iisipan o sinusubukang pagnilayan sa puso nila, at hindi rin sila nagdarasal o naghahanap. Ganito ang kalagayan ng espirituwal na buhay ng karamihan ng tao. Kaya, maraming tao ang mabagal at paimbabaw sa pagpasok sa katotohanan; lubos na walang sigla ang espirituwal nilang buhay, sumusunod lamang sila sa mga regulasyon, at walang mga prinsipyo sa paggawa nila ng mga bagay-bagay. Masasabi na, sa kaso ng maraming tao, ang espirituwal nilang buhay ay hiwalay sa tunay na buhay at hungkag ito, at kaya, kahit na sa mga lantarang pag-uugali at pagpapamalas ng masasamang tao at mga anticristo, lubos na wala silang mga konsepto, mas lalong wala silang anumang depinisyon, at wala rin silang anumang ideya o ipinapakitang anumang pagkilatis. Tungkol sa mga pag-uugali, pagpapamalas, at kasabihan ng mga anticristo sa pagpapakana para sa sarili nilang mga kapakinabangan, maaaring may ilan na rin kayong nakita, pero hindi ninyo kailanman sinubukang pagnilayan sa puso ninyo kung anong uri sila mismo ng mga tao, kung kaya ba nilang makamit ang katotohanan sa pananampalataya nila sa Diyos, kung sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan, at ang iba pang mga gayong katanungan. Sa halip, nagpapatianod kayo sa inyong mga tungkulin nang hindi tunay na nakikilahok sa buong araw, iniraraos ang mga bagay sa lahat ng ginagawa ninyo, at hindi kayo naghahangad na makamit ang katotohanan o makaunawa at makapasok sa katotohanang realidad. Ginagamit ng mga anticristo ang posisyon nila para magpakana para sa sarili nilang mga kapakinabangan at ginagamit nila ang pananampalataya sa Diyos bilang pagkukunwari para makuha ang iba’t ibang uri ng kanais-nais na bagay sa pamamagitan ng pandaraya sa loob ng sambahayan ng Diyos. Likas na napapaloob sa mga kanais-nais na bagay na ito ang pagkain at inumin, pati na rin ang ilang materyal na kasiyahan at iba pa. Ang diwa ng mga gayong tao ay kapareho ng sa materyalistikong diwa ng mga anticristo na napag-usapan natin dati—ito ang karakter ng parehong uri ng tao. Hinahangad lang nila na matamasa ang iba’t ibang materyal na pagtrato; hindi nila hinahangad ang katotohanan, at lalong hindi rin sila naghahanda ng mabubuting gawa. Nagkukunwari lang sila na naghahangad sa katotohanan at nagmumukhang ginagawa nila ito sa panlabas. Ang pangunahing hinahangad nila sa kaibuturan ng puso nila ay ang kasiyahan ng laman gaya ng pagkain, pag-inom, at maayos na pagtrato na palaging nasa isipan nila. Marami-raming ganitong klase ng tao sa paligid; malamang na may isa o dalawa sa bawat iglesia, at baka higit pa nga. Ngayon, hindi Ko muna tatalakayin ang tungkol sa mga pagpapamalas, pag-uugali, at diwa ng mga taong ito sa teoretikal na aspekto. Tatalakayin Ko muna ang tungkol sa ilang partikular na kasong kumakatawan, at hahayaan Ko kayong lahat na makinig, magkamit ng kabatiran mula rito, at makita kung paano nauugnay ang mga ganitong tao sa aytem na pinagbabahaginan natin at kung ginagamit ba nila ang posisyon nila at ibinabandera ang pananampalataya nila sa Diyos para madayang makakuha ng pagkain, inumin, pera, at mga materyal na bagay. Subukang kilatisin ang ganitong tipo ng tao, at pagkatapos ay isipin kung ang mga taong nakakasalamuha ninyo ay may ganitong mga pagpapamalas na pinag-uusapan natin. Kung may sinumang pumasok sa isipan ninyo, maaari din kayong magbigay ng ilang halimbawa. Sabihin ninyo sa Akin, mas mabuti bang magbigay ng mga halimbawa o magbahagi lang nang pangkalahatan gaya nito? (Mas mabuting magbigay ng mga halimbawa.) Ano ang kagandahan sa pagbibigay ng mga halimbawa? Una sa lahat, handang makinig ang karamihan ng tao sa mga kuwento at mga kasong ito na hango sa tunay na buhay. Mayroong mga tauhan at istorya ang mga ito, at interesante ang mga ito para sa karamihan ng tao. Katulad lang ito ng kapag ikinukuwento mo ang personal mong karanasan: Kung magsusulat ka ng artikulo tungkol dito, kadalasan ay babasahin ito ng mga tao nang isa o dalawang beses, at iyon na iyon, pero kung gagawan mo ito ng pelikula o dula, mas maraming tao ang manonood nito, at hindi lang nila ito papanoorin nang isang beses. Sa ganitong paraan, mas masusi at may higit na kalinawang titingnan ng mga tao ang aspektong ito ng katotohanan o ang mga kaugnay na tao, pangyayari, at bagay, at magiging mas malalim ang impresyon nila sa mga ito. Dagdag pa rito, ang pagbibigay ng ilang partikular na halimbawa ay nakakatulong sa mga tao na mas tumpak na maikumpara at maiugnay ang bawat aspekto ng katotohanan sa sarili nila.
Unang Kaso: Pagkukunwaring Gumagawa para Makahingi ng Makakain at Maiinom
Una, magbigay tayo ng ilang halimbawa na karaniwan sa mga hinirang ng Diyos. Pumupunta sa isang bagong lugar ng gawain ang ilang lider at manggagawa, kung saan nakakatagpo sila ng iba’t ibang kapatid at nakakatuklas ng ilang magandang bagay, at iniisip nila, “Magaganda ang mga bagay na ito. Bakit wala ako ng mga ito?” Hindi ba’t mayroon silang hindi magagandang saloobin sa loob nila? Lumitaw na ang kasakiman nila. Sa sandaling lumitaw ang kasakiman nila, napapako ang mga paa ng mga mababang-uri at walang kahihiyang mababang nilalang na ito, at maghahanap sila ng iba’t ibang dahilan para makapagtrabaho sa lugar na iyon at hindi na umalis. Ano ang pakay nila sa hindi pag-alis? (Para balang araw ay makinabang sila.) Tama, nais nilang makinabang. Kung hindi nila makukuha ang pakinabang na ito, hindi sila makakatulog nang maayos sa gabi. Nag-aalala sila na kapag pumunta sila sa ibang lugar, may ibang makakakuha sa pakinabang na ito at hindi na sila muling magkakaroon ng ganitong pagkakataon, kaya, naghahanap sila ng dahilan para mangaral at magtrabaho sa lugar na iyon. Ang totoo, palaging laman ng puso nila ang mga kanais-nais na bagay na ito, at palaging nakatutok ang mga mata nila sa mga kanais-nais na bagay na ito. Sa wakas, naitatag na nila ang sarili nila sa lugar na iyon, at kinagigiliwan sila ng karamihan ng mga kapatid, kilala sila ng mga ito bilang mga mangangaral, at sinasamba at tinitingala sila ng mga ito. Ngayon na ang oras para banggitin ng mga lider at manggagawa na ito na mayroon silang gusto, kaya nag-iisip sila ng iba’t ibang paraan para maipakilala ang paksa, pero habang mas nagsasalita sila, mas lalo silang nababalisa. Nagninilay-nilay sila, “Paano ko ba dapat hingin ang bagay na ito? Hindi ko puwedeng ipaalam sa mga kapatid na gusto ko at ninanais ko ang bagay na ito. Kailangan ay kusa nila itong ibigay sa akin; hindi ko dapat ipaisip sa kanila na hinihingi ko ito, sa halip, dapat nilang isipin na kusang-loob nila itong ibinibigay sa akin, at na siyempre ay karapat-dapat lang akong magkaroon nito.” Pagkatapos nito, tinatanong nila ang mga kapatid, “Kumusta ang buhay pagpasok ninyo kamakailan?” Sinasabi ng mga kapatid, “Simula nang dumating ka, gumanda ang buhay iglesia namin at sumigla ang lahat.” “Ang katunayan na masigla kayo ay nangangahulugang mas gumanda ang kondisyon ng espiritu ninyo. Maganda rin ang takbo ng negosyo ninyo. Kung pahihintulutan ng diyos, mas gaganda ang takbo ng negosyo ninyo sa hinaharap.” Habang nagsasalita ang mga lider at manggagawa, inililiko nila ang usapan tungo sa bagay na nais nila. Kapag naging malinaw na sa mga kapatid na nais ng mga lider at manggagawa ang bagay na iyon, sasabihin nila na dapat magdala ang mga lider at manggagawa ng ilan sa mga iyon pag-alis ng mga ito. Sinasabi ng mga lider at manggagawa, “Hindi, hindi ako puwedeng kumuha ng kahit ano. Hindi ito naaayon sa mga prinsipyo. Hindi matutuwa ang diyos.” “Walang problema. Karapat-dapat kang magkaroon ng ilan sa mga ito.” “Kahit karapat-dapat ako, hindi puwede.” Pagkatapos sabihin ito, nag-aalala sila na baka hindi talaga iyon ibigay sa kanila ng mga kapatid, kaya paligoy-ligoy nilang sinasabi ang ilang bagay, para pasalamatan sila ng mga kapatid sa kabutihan nila, habang kusa rin na binabanggit ang bagay na gusto nila, para maalala ng mga kapatid na bigyan sila ng ilan sa mga ito. Pagkatapos, nagiging malinaw sa mga kapatid kung ano ang ibig sabihin ng mga lider at manggagawa, at sinasabi nila, “Huwag natin itong pag-usapan sa ngayon. Puwede natin itong pag-usapan pag-alis mo.” Kapag naririnig ng mga lider at manggagawa ang sinasabing ito ng mga kapatid, tuwang-tuwa ang puso nila at iniisip nila, “Mabuti! Sa wakas, makukuha ko na ang gusto ko!” At iniisip din nila, “Kung aalis ako kaagad bukas, magiging masyadong halata sa mga tao na gusto ko ang bagay na iyon. Aalis na lang ako sa loob ng dalawa o tatlong araw.” Nang sa wakas ay dumating na ang ikatlong araw, binigyan sila ng mga kapatid ng isang mabigat na parsel pag-alis nila. Nakikita ng mga lider at manggagawa na naroroon sa parsel ang bagay na gusto nila, pero nagkukunwari silang hindi nila ito nakita, at hindi nila ito tinanggihan. Walang imik nilang kinuha ang parsel. Anong klaseng mga tao ito? Mga tao silang ginagamit ang gawain nila bilang isang pamamaraan—at ang trabaho bilang salapi—sa pagpapakana na makakuha ng mga kanais-nais na bagay, at mga tao silang nangingikil sa mga kapatid. Hindi ba’t isa itong uri ng pandaraya? Ano ba ang layon ng gawain nila? Para makakuha ng mga kanais-nais na bagay sa pamamagitan ng panggagantso sa iba. Sa sandaling makatuklas sila ng isang lugar na may kanais-nais na bagay at isang bagay na gusto nila, napapako ang kanilang mga paa at ayaw na nilang umalis. Kinukuha nila ang bawat magandang gamit para sa sarili nilang tahanan. Pagkatapos maging lider o manggagawa sa loob ng ilang taon, maraming gamit sa bahay nila ang nahuthot nila mula sa mga kapatid. Ang ilan sa kanila ay nanghuthot sa mga kapatid ng mga lihim na recipe ng pamilya o ng mga ari-ariang namana ng mga kapatid, at nanghuthot naman ang ilan sa kanila ng mga lokal na espesyal na produkto. Ang pananampalataya ng mga taong ito sa Diyos ay mukhang tila nililibot nila ang iba’t ibang lugar at gumagawa sila ng gawain nang walang anumang hinihinging kapalit, pero ang totoo, masyado na silang maraming nahuthot na mga kanais-nais na bagay mula sa mga kapatid.
Pagdating ng isang lider sa isang partikular na iglesia, nakikita niya na sikat sa buong bansa ang mga jujube sa lugar na iyon, at naisip niya, “Mahilig akong kumain ng jujube. Kung dito ako ipinanganak, araw-araw akong makakakain ng jujube, pero sayang, hindi ako puwedeng manatili nang matagal at hindi pa hinog ang mga jujube. Kailan kaya ako makakakain ng mga ito? Alam ko na—puwede akong humanap ng dahilan para manatili hanggang sa mahinog ang mga jujube, at pagkatapos ay makakain ko na ang mga ito, hindi ba?” Pagkatapos, idinadahilan niya na nasa masamang kalagayan ang karamihan ng kapatid dito at walang anumang naisasakatuparan sa gawain nila, kaya kailangan niyang manatili rito nang matagal at sikaping patakbuhin ang bawat aspekto ng gawain bago siya umalis. Gayumpaman, iyon ba talaga ang saloobin ng puso niya? (Hindi.) Sa puso niya, nagkakalkula siya: “Kung kailan man mahihinog ang mga jujube at makakapagdala na ako ng ilan pauwi, saka ako aalis.” Puno ng ganoong kaisipan ang puso niya, at napapako ang mga paa niya dahil doon at pumupuwesto siya roon. Habang naroroon siya, nangangaral siya ng ilang salita at doktrina, gumagawa ng ilang mababaw na bagay, pero wala siyang gaanong naisasakatuparang gawain. Sa wakas, hinog na ang mga jujube at nag-uumapaw sa tuwa ang puso niya: “Sa wakas, makakakain na ako ng mga jujube. Dumating na sa wakas ang araw na pinapangarap ko!” Sa sandaling mahinog na ang mga jujube, sinisimulan niyang kainin ang mga ito, habang nagninilay-nilay siya sa puso niya, “Hindi puwedeng araw-araw na lang akong kakain ng mga jujube dito. Hindi ako puwedeng manatili para lang kumain ng mga jujube. Paano kung mapansin ng mga kapatid? Kailangan kong mag-isip ng paraan para bigyan nila ako ng ilan na puwede kong dalhin. Kung hindi nila ako bibigyan, kailangan kong magsikap at mas magsalita pa para maisulong ito.” Sa sandaling makita ng mga kapatid na nakatira doon na mahilig siyang kumain ng mga jujube, sasabihin ng mga ito na bibigyan nila siya ng ilan pag-alis niya. Pagkarinig niya rito, natutuwa siya, pero ang sinasabi ng kanyang bibig ay, “Hindi puwede. Hindi ito naaayon sa mga prinsipyo. Hindi maaaring magnasa sa bagay na ito ang mga mananampalataya. Hindi ba’t sinasamantala ko naman kayo kung ganoon? Hindi ko ito puwedeng tanggapin nang hindi kayo binabayaran. Pag-alis ko, babayaran ko kayo.” Mga salita lang ang mga sinasabi niyang iyon. Kapag nagpakasawa na siya sa pagkain at oras na para umalis, sa loob-loob niya, iniisip pa rin niya, “Bibigyan kaya nila ako, o baka bibigyan lang nila ako ng mga may depekto? Gusto kong kumain ng malalaki at mga de-kalidad na jujube.” Dalawang araw bago siya umalis, palagi niyang sinasabi, “Halos napitas na lahat ng jujube, tama? Kailan kaya muling mahihinog ang mga ito sa susunod na taon?” Ang ibig niyang sabihin doon, ipinapaalala niya sa mga kapatid na huwag kalimutang pabaunan siya ng mga jujube. Naiintindihan naman ito ng mga kapatid sa sandaling marinig nila ito: “Mukhang kailangan talaga natin siyang padalhan ng ilan bago siya umalis, at dapat tayong pumitas ng magagandang jujube para sa kanya; kung hindi, baka pahirapan niya tayo.” Nang sa wakas ay oras na para umalis siya, pinadalhan siya ng mga kapatid ng tatlong malaking kahon. Hindi niya kayang dalhin ang mga ito nang mag-isa, kaya nagpatulong siya sa ibang tao na nasa ilalim ng kanyang pamumuno. Bago siya umalis, kinain niya nang kinain ang makakaya niya—kahit na parang magkakasakit na siya, pakiramdam niya ay sulit lang ito. Natatakot siya na baka hindi na niya ito matitikman kapag umalis na siya. Sa pag-alis niya, mayroon pa rin siyang pag-aatubili, at iniisip niya, “Sa pagkakataong ito ay kontento na ako. Babalik ako sa panahong ito sa susunod na taon. Hindi ko kailangang pumarito nang napakaaga, pero hindi rin ako dapat mahuli. Dapat nandito ako kapag hinog na ang mga jujube. Nang sa gayon, makakakain ako ng mga sariwa, at kapag natuyo na ang mga ito, makakakain ako ng mga pinatuyong jujube. Makakapagdala rin ako ng ilan pa pag-alis ko.” Hindi ba’t napakadetalyado niya itong kinakalkula? Ang mga bagay na ito ang tanging laman ng puso niya. Palagi niyang iniisip kung paano makapagsasamantala at nag-iisip siya ng mga pakana para makakuha ng mga kanais-nais na bagay, at makapanghuthot din sa mga kapatid ng mga bagay na pinag-iinteresan niya. Wala siyang palalagpasin na anumang kanais-nais na bagay na nakikita niya. Kahit na isa itong bagay na hindi kapansin-pansin, basta’t nakukuha nito ang kanyang atensiyon at tumatatak ito sa isipan niya, siguradong mapapasakamay niya ito. Hindi ba’t ito ang pag-uugali ng isang anticristo? Hindi ba’t napakababa ng pagkatao at karakter ng mga ganitong uri ng tao? Kahit gaano pa nila kayang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga sa panlabas, at kahit gaano pa nila kayang talikuran ang pamilya at propesyon nila, masasabi ba na mga tao silang naghahangad sa katotohanan? Tiyak na hindi. Ang mga taong ito ang mga uri ng tao na mapandayang kumukuha ng pagkain at inumin sa pamamagitan ng pagbabandera ng pananampalataya sa Diyos.
Ang ilang tao ay pumupunta sa iba’t ibang lugar para ipangaral ang ebanghelyo at gumawa ng mga gawain, at kapag umuuwi sila, nagdadala sila ng iba’t ibang lokal na espesyal na produkto mula sa bawat lugar, o maging mga kagamitan na hinuthot nila mula sa mga kapatid. Ito man ay damit na may kilalang tatak o gadyet, hangga’t nakukuha nito ang pansin nila, hindi nila ito pinapalampas, at hihingin nila ito. Kung hindi mo ito ibibigay sa kanila, mag-iisip sila ng kung ano-anong dahilan para pungusan ka, at ipapaunawa nila sa iyo kung bakit ka nila pinupungusan, at hindi sila titigil hanggang sa ibigay mo ito sa kanila sa wakas. Ang mga taong ito ay nanghuhuthot ng iba’t ibang kanais-nais na bagay sa pamamagitan ng pagbabandera ng paggawa nila sa tungkulin nila, at walang humpay nilang sinusubukang kunin ang mga kanais-nais na bagay na ito. Minsan, binibigyan sila ng mga kapatid ng munting bagay, pero iniisip nila na hindi ito mamahalin at sinasabi nila, “Huwag na, salamat. Labis na akong pinagpala ng diyos. Wala na akong kailangan pa.” Ginagamit nila ang mga ganitong uri ng salita para tumanggi, at nilalansi nila ang mga kapatid upang kagiliwan at tingalain sila ng mga ito. Subalit, kapag ang ibinibigay ng mga kapatid sa kanila ay isang bagay na matagal na nilang pinapangarap, at isang bagay na kailangan nila at palagi nilang iniisip, kapag nakita nila ang mga bagay na ito, gusto nilang kamkamin ang mga ito, at talagang hindi sila magpipigil. May ilang babae na kumakamkam ng mga kosmetiko, magagandang damit at sapatos mula sa mga kapatid, at may ilang lalaki na nanghuhuthot ng mga kagamitan sa bahay, ng motorsiklo o mga gadyet mula sa mga kapatid. Kumikilos sila para angkinin ang bawat kanais-nais na bagay. Anuman ang magandang bagay na mayroon ang mga kapatid, basta’t nagiging interesado rito ang mga taong ito, mag-iisip sila ng iba’t ibang paraan para makuha ito nang may pandaraya. Dagdag pa rito, nakakaisip pa nga ang mga taong ito ng iba’t ibang dahilan at nakakahanap ng iba’t ibang palusot para makapagsalo-salo sa hapunan, para magpakabundat sa pagkain at inumin. Hanggang saan? Kahit saan sila magpunta, tinitingnan nila kung sino ang may pamilyang may pera at kung sino ang nakakakain nang maayos, pagkatapos ay nakikituloy sila sa pamilyang iyon at hindi sila umaalis. Pagkatapos, nakakaisip sila ng iba’t ibang dahilan para magdaos ng mga pagtitipon para sa mga katrabaho at magsalo-salo sa mga hapunan. At ano ang mga pambungad nilang salita sa bawat hapunan? “Ang pagtitipon natin ngayon ay isang pagtitipon ng kaharian. Binibigyan tayo ng hapag-kainang ito ng paunang tikim sa piging ng kaharian.” Agad namang sinasabi ng mga taong sumisipsip sa kanila, “Amen. Salamat sa diyos!” May ilang diumano’y lider at manggagawa na nagpapakabundat sa pagkain at inumin kahit saan sila magpunta. Ang bawat pagkain ay dapat may masustansyang sangkap, at dapat mayroong isda at karne, at dapat iba-iba ang mga ulam kada linggo; hindi puwedeng paulit-ulit ang mga ito. Pagkatapos ng hapunan, dapat silang uminom ng masarap na tsaa, at nagdadahilan sila, “Hindi ako puwede na walang tsaa. Mabigat ang gawain ko araw-araw at kailangan ko pang magpuyat sa gabi. Kung hindi ako makakainom ng kaunting tsaa para magising, hindi ako makakapagtrabaho sa gabi.” Ito ang sinasabi ng bibig nila, pero ano ang saloobin ng puso nila? “Hindi madali ang makarating sa posisyon ko ngayon. Hindi ba’t dapat akong kumilos nang maawtoridad? At saka, pinangarap kong matamasa ang mas magagandang bagay sa buhay, kaya hindi ba’t dapat mag-isip ako ng iba’t ibang paraan para matamasa ang mga bagay na ito ngayon? Kung hindi ko gagamitin ang kapangyarihan ko ngayong mayroon na ako nito, hindi na ako magkakaroon ng pagkakataon na gawin ito muli kapag nawala na ito. Dapat akong kumain at uminom hangga’t maaari. Walang nakakaalam kung darating ang araw na wala na akong ganitong posisyon at hindi ko na matatamasa ang mga bagay na ito. Hindi na ako magkakaroon ng ganitong pagkakataon. Kung gayon, hindi ba’t masasayang lang ang buong buhay ko?” Madayang kumukuha ng pagkain at inumin ang mga ganitong uri ng tao sa pamamagitan ng pagbabandera na gumagawa sila ng gawain. Gumagawa sila nang kaunti at nangangaral ng ilang salita at doktrina, at pagkatapos ay nais nilang manghuthot ng mga kanais-nais na bagay at kumain ng masasarap na pagkain.
May isang tao dati na gumagawa sa isang partikular na lugar, at kailangang magkatay ng manok araw-araw ang mga kapatid na naninirahan doon para sa taong ito. Nakagawian na niyang kumain ng isang manok araw-araw. Ano ang nararamdaman ninyo nang mabalitaan ninyo ito? (Nasusuklam.) Nag-alaga ng mga manok ang mga kapatid para sa mga itlog ng mga ito, at nagkakatay lamang sila ng manok kapag matanda na ito. Simula nang dumating ang taong iyon, kahit ang mga nangingitlog na manok ay kailangan nang katayin, at dahil dito, paunti nang paunti ang mga manok, at lubos nang nasagad ang mga kapatid. Kalaunan, natanggal ang taong iyon at umuwi na, pero hindi pa rin niya mabago ang kapintasang ito. Nagpapakatay siya sa asawa niya ng isang manok araw-araw; kung hindi, makikipagtalo siya sa asawa niya. Anong klaseng tao ito? Ang pagkain ng manok ay naging bahagi na ng kanyang kalikasan. Kumakain siya nito araw-araw, sa bawat oras ng kainan. Kahit pagkatapos niyang matanggal, kailangan pa rin niyang kumain nito—nakadepende na siya rito. Hindi ba’t may problema ang taong ito? Ano ang masasabi ninyo, mabuti ba ang mga ganitong klaseng tao? (Hindi.) Sa madaling salita, ang sinumang nagbabandera ng pananampalataya sa Diyos at gumagamit sa mga oportunidad na nagmumula sa mga tungkulin nila para mangikil sa mga ari-arian ng mga kapatid sa bawat pagkakataon, at para madayang kumuha ng mga pagkain at inumin sa bawat pagkakataon, ay hindi mabubuting tao. Ang diwa nila ay sa isang anticristo. Saan man sila pumunta para gumawa o anong uri man ng gawain ang ginagawa nila, pumipili muna sila ng mga pamilyang naghohost na may-kaya at namumuhay nang komportable para patirahin sila. Ano ang pakay nila sa paghahanap ng mga ganitong lugar? Para kumain ng masarap at tumira sa magandang tahanan—para bigyang-kasiyahan ang laman. May ilang lugar na hindi nila matirhan dahil sa masamang kapaligiran, pero bibitiwan ba nila ang kasakiman nila at ang mga kaisipang ito? Hindi. Maghahanap sila ng ibang lugar na katulad nito para magpatuloy sa kanila sa bahay. Bilang resulta, pagkatapos ng ilang taon ng paggawa ng mga taong ito sa ibang mga lugar, ganap na mag-iiba ang hitsura nila, at kapag umuwi sila, hindi na sila makikilala ng mga kapatid doon—magiging mas malaman ang mukha nila, mas mabilog ang tiyan; magiging mas maganda ang pananamit nila; magiging mas mapili sila, at nag-iinarte sila. Paano na ang paglago ng buhay nila? Hindi lalago kahit kaunti ang buhay nila; kakain at magbibihis lamang sila nang maayos, magiging mataba, at makakakain hanggang sa puntong magiging mataba ang baba nila at magiging bilbilin sila. Sa isang kakila-kilabot na kapaligiran katulad ng sa mainland Tsina, anumang tungkulin ang ginagawa ng isang tao, nakakabalisa na bagay ito. Bagama’t nakakakain sila nang maayos paminsan-minsan at tumitira sila sa mga komportableng tahanang matutuluyan, hindi pa rin madadagdagan ang timbang nila. Kung gayon, anong klase ng mga tao iyong nakakakain hanggang sa nagiging mataba na ang baba nila at nagiging bilbilin sila? (Mga taong nagpapakasasa sa mga pakinabang ng katayuan.) Sila ang mga palaging nag-iisip kung ano ang kanilang kakainin at iinumin at kung ano ang kanilang tatamasahin sa tatlong beses nilang pagkain sa isang araw. Kung hindi masarap ang pagkain ng mga ganitong uri ng tao, wala silang gana na magtrabaho o gawin ang mga tungkulin nila. Kung hindi kontento ang tiyan nila, hindi balanse ang pag-iisip nila: “Hindi talaga ako nakakain nang maayos ngayong araw. Wala man lang karne, at pagkatapos kumain, hindi mo ako inalok ng tsaa. Kaya, hindi ko na kayo papansinin. Kapag nagbahaginan kayo tungkol sa gawain ng iglesia, hindi ako magsasalita. Maghihiganti ako sa inyo. Sino ang nagsabing ayos lang na hindi ninyo ako bigyan ng masarap na pagkain? Kinailangan kong kainin ang ganito lang na pagkain, pero gusto pa rin ninyo akong makipagbahaginan sa inyo. Hindi maaari!” Ito ang saloobin nila, pero hindi nila ito hayagang masabi. Sinasabi na lang nila, “Nagpuyat ako nang husto kagabi dahil sa pagtatrabaho, kaya kailangan kong umidlip ngayong hapon.” Hindi ba’t lubha silang manloloko? Natutulog sila hanggang alas-kuwatro o alas-singko ng hapon, at maraming tao ang naghihintay sa kanila roon, pero ayaw nilang bumangon. Bigla silang nakakaamoy ng mga mansanas at napapabalikwas sila ng bangon, nag-aalala na baka hindi na sila makakain. Ganito sila magtrabaho, at ganito nila ginagawa ang mga tungkulin nila. Kahit saan magpunta ang mga taong ito, at kahit gaano sila kumain at uminom ng mga salita ng Diyos o makinig sa mga sermon, hindi nila babaguhin ang mga intensiyon at layunin nila, ni bibitiwan ang mga ambisyon at pagnanais nila. Ang lahat ng materyal na bagay ay ang layon ng paghahangad nila sa buhay na ito; ang kumain nang mabuti, magdamit nang maayos, at magtamasa ng magandang pagtrato ang mga layon ng pananampalataya nila sa Diyos sa buhay na ito. Iniisip nila na kung sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos sa buhay na ito, patuloy silang makakakain ng masasarap na pagkain, makakapagsuot ng magagandang damit, at makakatira sa magagandang bahay, at nagkakaroon din ng suporta mula sa mga kapatid—kung nagagawa nilang makuha ang mga bagay na ito nang may pandaraya—masisiyahan na sila sa buhay na ito. Sa mundong ito, hindi kikita ng maraming pera ang isang tao sa pamamagitan ng pagtatrabaho nang husto sa isang regular na trabaho, at hindi madaling kumita ng pera sa pagnenegosyo—hindi nila matatamasa ang mga bagay na gaya nito. Kaya, pagkatapos itong pag-isipan nang mabuti, naniniwala pa rin sila na pinakamainam ang manampalataya sa Diyos, dahil hindi na nila kailangang masyadong magsikap. Ang kailangan lang nilang gawin ay magsabi ng ilang salita, mag-asikaso ng ilang bagay, at pumasan ng kaunting panganib, at pagkatapos ay makakakain at makapagdadamit na sila nang maayos, at magagawa pa nga nilang pagsilbihan sila ng maraming tao, at matatamasa nila ang pagtrato na parang isang VIP. Iniisip nila na napakagandang mamuhay nang ganito, at na lubos silang pinagpala dahil sa pananampalataya sa Diyos. Kaya, madalas silang nagsasabi ng mga hindi sinserong bagay sa harap ng mga kapatid, tulad ng, “Napakarami ng ipinagkaloob ng diyos sa atin, napakasagana, at higit pa sa anumang hiniling o pinangarap ng tao.” Tama naman ang mga salitang ito, pero lubos na hindi tumutugma sa mga personal nilang paghahangad at karakter, at sa mga kaisipan, intensiyon, at layunin nila. Nilalansi nila ang mga tao sa lahat ng sinasabi nila. Ang panlabas nilang ipinapakita ng pag-aasikaso ng ilang bagay at paggugol ng sarili nila ay para lang din lansihin ang mga tao. Tanging ang mga kalkulasyon, intensiyon, at kasakiman sa puso nila ang totoo. Ito ang karakter ng mga taong ito. Anuman ang gawin nila o saanman sila magpunta, nangunguna sa puso nila ang mga materyal na kasiyahang ito, at hinding-hindi nila bibitiwan o kakalimutan ang mga ito. Gaano ka man magbahagi tungkol sa katotohanan at sa mga layunin ng Diyos, gagampanan nila ang mga tungkulin nila habang mapagmatigas na kumakapit sa kasakiman at mga pagnanais na ito, at kinikimkim ang mga intensiyon at layuning ito, at may katayuan man sila o wala, hindi magbabago ang mga intensiyon nila.