Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikaapat na Bahagi) Ikatlong Seksiyon

2. Paggamit sa mga Kapatid Para Maglingkod at Gumawa Para sa Kanila

Ang mga pakinabang na pinagsusumikapang matamo ng mga anticristo kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin ay hindi limitado sa mga natalakay na natin—pera, mga materyal na bagay, pagkain, at mga gamit na may pakinabang—napakalawak ng saklaw ng mga pakinabang na ito. Halimbawa, kapag gumagawa ng tungkulin ang mga anticristo, ginagamit nila ang mga kapatid sa ngalan ng paggawa ng tungkuling iyon, pinagseserbisyo at pinagtatrabaho ang mga kapatid para sa kanila, at inuutus-utusan ang mga ito—hindi ba’t isa itong pakinabang na pinagsusumikapang matamo ng mga anticristo? (Oo.) Bago pa man maging lider ng iglesia ang ilang tao, sila mismo ang palaging nag-aasikaso sa lahat ng bagay sa kanilang tahanan, at mukha silang walang mga ambisyon o masasamang intensiyon. Gayumpaman, kapag nahalal sila bilang mga lider ng iglesia at nagkakaroon ng katayuan, sila pa rin ba mismo ang nag-aasikaso sa lahat ng bagay? Iniisip nila na naiiba sila kapag nagkaroon na sila ng katayuan, na dapat mayroong espesyal na pagtrato sa kanila sa sambahayan ng Diyos, at na dapat nilang matutunan kung paano gamitin ang “kapangyarihan ng mga masa” para magkatuwang na maisakatuparan ang kanilang sariling “tungkulin”; ang bawat trabaho sa kanilang tahanan ay nagiging trabaho na kasama sa saklaw ng iglesia, at hinahati-hati nila sa mga kapatid ang mga gawaing-bahay at pang-araw-araw na gawain. Halimbawa, kapag may trabahong kailangang gawin sa kanilang tahanan, sinasabi nila sa mga kapatid, “Abala ako sa gawain ng iglesia nitong mga nakaraang araw. Mayroon ba sa inyo ang may oras na tulungan ako sa isang trabaho?” Tatlo o limang tao ang nagboboluntaryo at, pagkatapos ng ilang oras, tapos na ang trabaho. Iniisip nitong mga lider na, “Kapag marami ang nagtutulungan, mas magaan ang trabaho. Magandang maging lider, kailangan ko lang magsabi at magagawa na ito. Sa tuwing may kailangan akong gawin sa bahay sa hinaharap, magpapatulong na lang ako sa mga kapatid.” Habang nagpapatuloy ito, wala silang masyadong natatapos na gawain ng mga lider ng iglesia, subalit napakarami nilang ipinapatrabaho sa mga tao para sa sarili nilang tahanan, at inilalagay pa nga nila ito sa iskedyul—ganoon sila “kaabala” na mga lider ng iglesia! Wala naman silang gaanong kailangan gawin sa bahay bago sila maging mga lider, ngunit pagkatapos nilang maging lider, napakarami nang trabahong dapat gawin sa bahay. May ilang kapatid na nagtatanim para sa kanila, ang ilan naman ay nagdidilig ng lupa para sa kanila, ang ilan ay nagtatanim ng mga gulay para sa kanila, ang ilan ay nagbubunot ng damo, ang ilan ay naglalagay ng pataba, at ang ilan ay tumutulong sa kanila sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga gulay at pagkatapos ay ibinibigay sa kanila ang lahat ng perang kinikita, walang itinatabi ang mga kapatid na kahit isang kusing para sa kanilang sarili. Pagkatapos nilang maging mga lider ng iglesia, umuunlad ang buhay sa kanilang tahanan; anuman ang ginagawa nila, palagi silang sinusuportahan at tinutulungan ng mga tao, at napakabisa ng bawat salita nila. Labis silang natutuwa at nasisiyahan, at lalo nilang iniisip na, “Maganda ang titulong ito na lider ng iglesia, at kamangha-mangha ang magkaroon ng katayuan. Kung magkukulang ako ng pagkain sa bahay, kailangan ko lang magsabi at bibigyan ako ng pagkain ng mga tao, at ni ayaw nilang bayaran ko ito. Napakakomportableng buhay nito! Talagang pinagpapala ako ng diyos dahil sa pananampalataya ko. Ito ay isang malaking pagpapala, at talagang ito ay biyaya ng diyos! Napakadakila ng diyos; salamat sa diyos!” Sa tuwing tapos na ang isang tao sa paglilingkod sa kanila o tapos na nilang utus-utusan, palagi silang “nagpapasalamat sa diyos” at “tinatanggap ito mula sa diyos.” Kayang gamitin ng mga hamak na lider ng iglesiang ito ang kanilang posisyon hanggang sa ganitong antas—magagawa ba ninyo ito? Makakaya ba ninyong gawin ang ganitong bagay? Bakit nakikipagkompetensiya ang mga tao na maging lider? Bakit sila nakikipagkompetensiya para sa katayuan? Kung walang benepisyong makukuha, may makikipagkompetensiya pa ba para sa katayuan? Kung nakikipagkompetensiya sila para sa katayuan na nangangahulugang magpapakapagod nang husto na parang nagtatrabahong kabayo, wala nang mag-aabala pa. Tiyak na dahil napakaraming benepisyo ang makukuha mula sa pagkakaroon ng katayuan kaya nagpapakahirap ang mga tao para makuha ito at nakikipagkompetensiya para dito. Ang pagiging isang hamak na lider ng iglesia ay naghahatid sa kanila ng napakaraming pakinabang, at ng napakaraming kaginhawahan at benepisyo sa kanilang buhay—anong klaseng tao ang umaasal nang ganito? Sila ba ay isang taong naghahangad sa katotohanan? Sila ba ay isang taong may pagkatao at konsensiya? Sila ba ay isang taong may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Naniniwala sila na kumikilos sila bilang lider ng iglesia para sa lahat at para sa sambahayan ng Diyos, at hindi nila ito itinuturing bilang isang tungkulin. Naniniwala sila na ang anumang gawaing ginagawa nila bilang lider ng iglesia ay ginawa batay sa pagsasakripisyo nila ng buhay sa kanilang tahanan, kaya dapat tumbasan ng mga kapatid ang halagang ibinabayad nila. Kung wala silang oras na gumawa ng gawaing-bahay, dapat silang tulungan ng mga kapatid; kung wala silang oras para magtrabaho sa bukid, dapat na pumunta ang mga kapatid sa kanilang bukid at gawin ang trabaho para sa kanila na para bang tungkulin ng mga ito na gawin iyon. Anuman ang kanilang isinakripisyo dahil sa pagiging lider ng iglesia, dapat itong tumbasan nang doble ng kanilang mga kapatid. Ito ang ilan sa mga bagay kung saan ginagamit ng mga anticristo ang mga kapatid para paglingkuran sila ng mga ito at utusan ang mga kapatid na gawin ang mga bagay-bagay para sa kanilang personal na buhay habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin. Sa sandaling maging lider ang isang anticristo, tiyak na hindi niya palalampasin ang gayong pagkakataon at tiyak na hindi siya tatayo lang sa isang tabi at palalagpasin ang mga benepisyong ito. Sa halip, mismong kabaligtaran ang ginagawa niya: Ginagamit niya ang bawat sandali at sinasamantala ang bawat pagkakataon para gamitin ang mga kapatid na magtrabaho para sa kanya, at pagtrabahuhin ang mga ito na parang mga kalabaw. Sinasamantala niya ang kamangmangan at pagkamatapat ng mga kapatid, at sinasamantala pa nga niya ang mentalidad ng mga kapatid na handang gumawa ng kanilang mga tungkulin at magbayad ng halaga para sa Diyos, para pagsilbihan siya ng mga ito. Samantala, nagkukunwari din siya na ang ilang salita ay ang katotohanan at ginagamit niya ang mga ito para turuan ang mga kapatid, para matuto ang mga ito sa ideya na: Ang mga lider ay tao rin, may mga pamilya rin, at may sarili rin silang buhay, at kung walang oras ang isang lider para asikasuhin ang kanyang mga gawaing-bahay, dapat ituring ng mga kapatid na sariling tungkulin nila ang mga ito; hindi na dapat nila kailangang hintayin ang lider na utusan silang gawin ang mga bagay na ito, kundi dapat ay aktibo at boluntaryo nilang ginagawa ang mga bagay na ito na hindi kayang gawin ng lider. Maraming kapatid ang kusang naglilingkod sa mga lider sa ilalim ng ganitong uri ng pang-uuto at pang-uudyok. Ito ang pakay na nais makamit ng mga anticristo sa pamamagitan ng pag-angkin ng kapangyarihan at katayuan, at ito ang isa sa mga gampaning nais nilang isakatuparan at isa sa mga pakinabang na nais nilang pagsumikapan sa pag-angkin ng kapangyarihan at katayuan. Marami bang ganitong tao? (Oo.) Ang mga taong ito ay mga Satanas. Kayang gawin ng mga taong walang katotohanan at hindi sumusunod sa tamang landas ang mga gayong bagay, kahit na may mababang katayuan lang sila—kaawa-awa ba ang mga taong ito? Ano ang tingin ninyo sa kanilang pagkatao? Mayroon ba silang anumang konsensiya o katwiran?

Sa ilang iglesia, may mga kapatid na hindi karaniwang naninirahan sa sarili nilang tahanan, sa halip ay naninirahan sila sa bahay ng lider ng kanilang iglesia sa loob ng mahabang panahon. Bakit madalas silang tumitira sa bahay ng kanilang lider? Dahil simula nang tanggapin ng lider ang posisyon na “lider,” nangailangan na ang bahay nito ng pangmatagalang kasambahay. Pinipili niya ang isang sister, at ang sister na ito ang nagiging dedikadong kasambahay para sa bahay ng lider. Nagiging kasambahay ang sister na ito, at kaya, ano na ang kanyang tungkulin? Hindi niya ginagawa ang gawaing responsabilidad niya o ang gawaing may kinalaman sa iglesia, sa halip ay pinaglilingkuran niya ang buong angkan ng lider sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at pakiramdam niya ay ganap na makatwiran para sa kanya na asikasuhin ang mga gawaing-bahay para sa lider, at wala siyang anumang reklamo o kuru-kuro tungkol dito. Sino ang problema rito? Kahit gaano pa karaming gawain ang kailangang gawin ng isang lider ng iglesia o gaano man karaming tao ang pinangungunahan niya, talaga bang sobrang abala siya? Talaga bang hindi siya makaraos sa kanyang pang-araw-araw na buhay? Kahit na hindi niya kaya, sariling problema na niya iyon. Ano ang kinalaman nito sa iba? Kung ang mga kapatid ay pabaya o walang ginagawa, ang mga lider na ito ay nagagalit at sinasamantala ang pagkakataong ito para “magbahagi tungkol sa katotohanan” sa kanila, at dahil sa usaping ito, napupungusan ang mga kapatid—ano ang nangyayari dito? Kapag marumi ang kubrekama sa bahay ng lider, kailangang labhan ito ng mga kapatid, kapag magulo ang kanyang bahay, kailangang linisin ito ng mga kapatid, at kailangang magluto ng mga kapatid tuwing oras ng kainan; ang mga lider na ito ay nagiging tamad, at ganito sila kumilos bilang lider. Kapag may mga ganitong pagpapamalas at ganitong uri ng pagkatao ang mga gayong tao, kaya ba nilang hangarin ang katotohanan? (Hindi.) Bakit hindi? (Ang mga gayong tao ay lubhang walang pagkatao at napakakasuklam-suklam. Sadyang hindi sila nagiging interesado sa katotohanan.) Kung hindi sila nagiging interesado sa katotohanan, bakit sila nagiging lider? (Ginagawa nila ito para hangarin ang reputasyon at katayuan, at para ipresenta ang kanilang sarili.) Hindi ninyo ito maipaliwanag nang malinaw, hindi ba? Anong uri ng mga tao ang kayang samantalahin ang mga kapatid para magtrabaho at maglingkod sa kanila? Hindi ba’t isa ito sa mga halatang katangian ng mga anticristo? Ang paghahanap lamang ng kanilang sariling mga benepisyo sa lahat ng bagay, ang pag-aalala lamang sa kanilang sariling pakinabang at kawalan, at hindi pagsasaalang-alang kung ang pagkilos sa ganitong paraan ay umaayon sa katotohanan, kung may pagkatao ba rito, kung nalulugod ba rito ang Diyos, kung kapaki-pakinabang o nakapagpapatibay ba ito sa mga kapatid—hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito, kundi isinasaalang-alang lamang nila ang kanilang sariling pakinabang at kawalan, at kung maaari ba silang makakuha ng mga kongkretong benepisyo. Ito ang landas na sinusunod ng mga anticristo, at ito ang karakter ng mga anticristo. Ito ay isang uri ng taong nagtataglay ng katayuan. Ang ilang tao ay walang katayuan at gumagawa ng mga karaniwang tungkulin, at kapag nagkaroon sila ng ilang kalipikasyon, nais din nilang paglingkuran sila ng iba. Ang ilang tao ay gumagawa ng ilang mapanganib na tungkulin at nais din nilang utusan ang iba na paglingkuran sila. May ilan din na gumagawa ng mga espesyal na tungkulin at itinuturing nila ang kanilang mga tungkulin bilang isang pangunahing kondisyon, isang alas, at isang uri ng kapital para paglingkuran sila ng mga kapatid. Halimbawa, ang ilang tao ay marunong ng mga espesyal na propesyonal na kasanayan na hindi natutunan o naarok ng iba. Kapag nagsimula silang gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos na may kaugnayan sa mga propesyonal na kasanayang ito, iniisip nila na naiiba sila sa ibang tao, na inilalagay sila sa isang mahalagang posisyon sa sambahayan ng Diyos, na nasa mas matataas na antas na sila ngayon, at lalo na nilang nararamdaman na dumoble ang kanilang halaga, at na kagalang-galang sila. Dahil dito, iniisip nila na may mga partikular na gampanin na hindi sila mismo ang kailangang gumawa, na natural lang na utusan ang iba na paglingkuran sila nang walang bayad pagdating sa mga pang-araw-araw na gampanin tulad ng paghahatid sa kanila ng pagkain o paglalaba ng kanilang mga damit. Mayroon pa ngang ilan na ginagamit ang dahilan na abala sila sa kanilang tungkulin para ipagawa sa mga kapatid ang kung ano-ano para sa kanila. Bukod sa mga bagay na talagang kailangang sila mismo ang gumawa, ipinapagawa nila sa ibang tao ang lahat ng iba pang bagay na maaari nilang ipagawa sa iba o iutos sa iba na gawin. Bakit ganito? Iniisip nila, “May kapital ako, kagalang-galang ako, isa akong bihirang talento sa sambahayan ng diyos, espesyal ang tungkuling ginagawa ko, at isa akong pangunahing tumatanggap ng paglilinang ng sambahayan ng diyos. Wala sa inyo ang kasinggaling ko, lahat kayo ay nasa mas mababang antas kumpara sa akin. Kaya kong gumawa ng espesyal na kontribusyon sa sambahayan ng diyos, at hindi ninyo iyon kaya. Kaya, dapat lang ninyo akong paglingkuran.” Hindi ba’t labis-labis at walang kahihiyan ang mga hinihinging ito? Lahat ay nagkikimkim ng mga ganitong hinihingi sa puso nila, ngunit siyempre, walang awa at walang kahihiyang hinihingi ng mga anticristo ang mga bagay na ito nang mas higit pa, at kahit gaano ka magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila isusuko ang mga ito. Ang mga ordinaryong tao ay nagtataglay rin ng mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, at kung mayroon silang kaunting talento o nakagawa sila ng kaunting kontribusyon, iniisip nila na karapat-dapat silang makatanggap ng espesyal na pagtrato. Hindi nila nilalabhan ang kanilang sariling mga damit at medyas at ipinapagawa nila ito sa iba, at humihingi sila nang hindi makatwiran na lumalabag sa pagkatao—lubha silang walang katwiran! Ang mga ideya at hinihinging ito ng mga tao ay wala sa loob ng saklaw ng pagkamakatwiran; sa pinakamababang antas, hindi umaayon ang mga ito sa mga pamantayan ng pagkatao at konsensiya, at sa pinakamataas na antas, hindi ito umaayon sa katotohanan. Ang mga pagpapamalas na ito ay maaaring isama lahat sa kategorya ng mga anticristong nagsusumikap para sa kanilang sariling mga pakinabang. Kayang gawin ng lahat ng nagtataglay ng mga tiwaling disposisyon ang mga bagay na ito, at nangangahas din silang gawin ang mga ito. Kung ang isang tao ay may kaunting talento at kapital at gumawa ng ilang kontribusyon, nais na niyang samantalahin ang iba, nais niyang gamitin ang pagkakataon na magawa ang kanyang tungkulin para magsumikap para sa kanyang sariling pakinabang, nais niya na nakahanda ang mga bagay-bagay para sa kanya at magtamasa ng kaligayahan at pagtrato na mula sa pag-uutos niya sa iba na paglingkuran siya. Mayroon pa ngang ilan na tinatalikuran ang kanilang mga pamilya at trabaho para gawin ang kanilang tungkulin, at sa panahong ito, nagkakaroon sila ng simpleng karamdaman at dahil dito, nagiging emosyonal sila, at nagrereklamo na walang nagmamalasakit sa kanila o nag-aalaga sa kanila. Ginagawa mo ang iyong tungkulin para sa iyong sarili, ginagawa mo ang iyong sariling tungkulin at tinutupad ang iyong sariling responsabilidad—ano ang kinalaman nito sa ibang tao? Anuman ang tungkuling ginagawa ng isang tao, hindi ito kailanman ginagawa para sa iba o para paglingkuran ang iba, at kaya, walang obligasyon ang sinuman na paglingkuran ang iba nang walang bayad o na mapag-utus-utusan ng iba. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Bagama’t hinihingi ng Diyos na maging mapagmahal ang mga tao, at na maging mapagpasensiya at matiisin sa ibang tao, hindi mo maaaring pansariling hilingin sa iba na maging ganito sila, at hindi iyon makatwiran. Kung ang isang tao ay kayang maging matiisin at mapagpasensiya sa iyo at ipakita sa iyo ang pagmamahal nang hindi mo ito hinihingi, nasa sa kanya na iyon. Gayumpaman, kung pinaglilingkuran ka ng mga kapatid dahil hinihingi mo ito sa kanila, kung sila ay sapilitang inuutus-utusan at ginagamit mo, o kung naglilingkod sila sa iyo dahil sa panloloko mo sa kanila, kung gayon, may problema sa iyo. Sinasamantala pa nga ng ilan ang oportunidad na gawin ang kanilang tungkulin at madalas nila itong ginagamit para makapangikil ng mga bagay mula sa ilang mayamang kapatid, nagpapabili sa mga kapatid ng kung ano-ano at nagpapaserbisyo sa mga ito. Halimbawa, kung kailangan nila ng karagdagang damit, sinasabi nila sa isang kapatid, “Marunong kang magtahi ng damit, hindi ba? Magtahi ka nga ng damit para sa akin.” Sinasabi ng kapatid na iyon, “Kung gayon, maglabas ka ng pera. Bumili ka ng materyales at igagawa kita ng damit.” Hindi nila inilalabas ang kanilang pera, bagkus ay pinipilit nila ang kapatid na bumili ng materyales para sa kanila—hindi ba’t mapanlinlang ang kalikasan ng kilos na ito? Ang paggamit sa ugnayan sa mga kapatid, paggamit sa kanilang sariling kapital, paggamit sa pagkakataon na magawa ang kanilang tungkulin upang humingi ng iba’t ibang serbisyo at pagtrato mula sa mga kapatid, upang utusan ang mga kapatid na magtrabaho para sa kanila—mga pagpapamalas ang lahat ng ito ng mababang karakter ng mga anticristo. Makapaghahangad ba ng katotohanan ang mga gayong tao? Maaari ba silang magbago? (Hindi.) Sa pakikinig sa Akin na magbahagi nang ganito, marahil ay mapagtatanto ng ilang tao na masamang gawin ang mga bagay na ito at magagawa nilang pigilan nang kaunti ang kanilang sarili, ngunit ang pagpigil ba sa kanilang sarili ay katumbas ng kakayahang hanapin at isagawa ang katotohanan? Ang pagpigil sa sarili ay pagkakaroon lang ng pagkatanto, at pagsasaalang-alang sa kanilang imahe at banidad. Matapos Akong marinig na gumawa ng paghihimay na ito, nakikita ng mga taong ito kung gaano kalubha ang problema at napagtatanto na hindi na sila maaaring muling magkamali, at na malalantad at itatakwil sila kung tutulutan nila ang mga kapatid na kilatisin sila. Ang pagkatanto nila ay umaabot lamang hanggang sa puntong ito, ngunit hindi maalis sa puso nila ang kanilang mga pagnanais at kasakiman.

Iniisip ng ilang tao, “Nagsusumikap ako para sa sambahayan ng diyos, napakarami kong nagawang kontribusyon sa sambahayan ng diyos, at gumagawa ako ng isang tungkulin na kung saan ay walang makakapalit sa akin. Kapag mayroon akong mga pangangailangan, tungkulin ng mga kapatid at ng sambahayan ng diyos na tulungan ako para matugunan ang aking mga hinihingi. Sa lahat ng pagkakataon, dapat silang maglingkod sa akin nang walang kondisyon at nang walang hinihinging kabayaran.” Hindi ba’t kahiya-hiya ang ganitong pag-iisip? Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng mababang karakter? Halimbawa, lahat ay nagkakasakit minsan, pero kapag nagkasakit ang ilang tao, hindi nila ito sinasabi sa iba, kundi patuloy nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin gaya ng nararapat. Walang nakakaalam o nagmamalasakit sa kanila, at hindi sila lihim na nagrereklamo o nagpapaliban ng kanilang mga tungkulin. Subalit may ilang tao na nagpapanggap na may sakit kahit wala naman, kumikilos sila na parang mga emperatris o maharlika, ginagawa ang lahat ng paraan para pagsilbihan sila ng mga tao, at ginagawa ang lahat ng posibleng paraan para makakuha ng espesyal na pagtrato. Nagpapanggap sila na may sakit kahit wala naman, at kung sakaling magkasakit nga sila, mas lalong malaking problema iyon, sapagkat walang nakakaalam kung ilang tao ang magdurusa sa kanilang mga kamay at uutus-utusan nila. Isang kamalasan para sa lahat kapag nagkasakit ang gayong tao; may ilan na nagluluto ng sopas para sa kanila, may ilan na nagmamasahe sa kanila, may ilan na nagpapakain sa kanila, at may ilan na tumutulong sa kanila na makalakad—hindi ba’t maraming tao ang nagdurusa? (Oo.) Ang totoo ay isang ordinaryo at simpleng sakit lamang ito, pero kailangan nilang magpanggap na ito ay isang malubha at nakamamatay na sakit—bakit kailangan nilang magpanggap? Ginagawa nila ito para malansi ang mga kapatid na magserbisyo sa kanila, na pagsilbihan at paglingkuran sila. Hindi ba’t kahiya-hiya ang mga taong ito? (Oo.) Marami bang tao ang ganito? Hindi ba’t lahat kayo ay ganito? (Hindi ko pa ito napapansin sa aking sarili.) Kung hindi pa ninyo ito napapansin, pinatutunayan lang nito na karaniwang hindi ninyo sinusuri ang iyong pag-uugali sa iyong pang-araw-araw na buhay, hindi ninyo sinusuri ang iyong mga kaisipan at kalikasang diwa, at hindi ninyo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos. Ang ilang tao ay mas napapagod habang ginagawa ang kanilang tungkulin at nababawasan nang kaunti ang kanilang tulog sa gabi, at itinuturing nila itong isang napakahirap na sitwasyon. Pagkagising nila kinaumagahan, nagrereklamo sila, “Hindi ako nakatulog kagabi. Sobrang abala ako sa tungkulin ko nitong mga nakaraang araw, kaya sa sobrang pagod ko ay hindi ako makatulog. Bilisan mo at maghanap ka ng magmamasahe sa akin!” Sa katunayan, anim na oras silang natulog. Anumang isyu ang mayroon sila, palagi nila itong isinisisi sa kanilang tungkulin; kung pagod sila, nagdurusa, may sakit, o hindi komportable, palagi nilang isinisisi ang mga bagay na ito sa kanilang tungkulin. Bakit nila sinisisi ang kanilang tungkulin? Para lang makakuha ng mga benepisyo, makuha ang simpatiya ng lahat, at nang sa gayon ay may katwiran silang utusan ang mga tao na paglingkuran at pagsilbihan sila. Anong klaseng mga tao ang ganito na palaging gustong umasta na parang mga emperador o emperatris at palaging inuutusan ang iba na paglingkuran sila? Ang mga taong ito ay mababa ang karakter at kasuklam-suklam sila. Kapag medyo masama ang pakiramdam ng ilang tao, at paminsan-minsan ay hindi sila makakain, pinalalabas nila na sobrang malubha ito, gumagawa sila ng malaking gulo, at kaagad na naghahanap ng magmamasahe sa kanila. Kapag medyo nasaktan sila sa pagmamasahe, sumisigaw sila nang malakas, ang ibig sabihin ay: “Kahit sa pagpapamasahe ko ay nahihirapan pa rin ako. Kung hindi ako gagantimpalaan ng diyos at gagawing perpekto, talagang malulugi ako!” Kapag nagtitiis sila ng kaunting paghihirap at nagbabayad ng kaunting halaga, nais nila itong i-anunsiyo sa buong mundo para malaman ito ng lahat ng nasa lupa. Hindi ba’t ginagawa mo ang iyong tungkulin para sa iyong sarili? Hindi ba’t ginagawa mo ang iyong tungkulin sa harap ng Diyos? Bakit mo pa ina-anunsiyo ang iyong paghihirap sa mga tao? Hindi ba’t paimbabaw iyon? Ang mga ganitong tao ay mababa ang karakter at sobrang kasuklam-suklam! Sa ano pang ibang paraan sila mababa? Nagpapakita rin sila ng ilang espesyal na kagawian at kakaibang ugali, umaasang malaman ng mga tao na naiiba sila sa lahat, at na napakahalaga nila at kinakailangang alagaan at protektahan. Halimbawa, kapag may nagsabing wala siyang ganang kumain at hindi makakain ng kahit ano, agad na napapahawak ang isang taong tulad nito sa kanyang tiyan at sasabihing masakit din daw ang kanyang sikmura, pero patuloy siyang gumagawa ng kanyang tungkulin, at inuutusan niya ang isang tao na magmadali at dalhan siya ng gamot para sa sikmura. May isang tao rin na sinabihan Ko ng, “Kita mo, kaunti lang ang kaya Kong kainin, at sensitibo ang tiyan Ko sa malalamig na pagkain at inumin.” Nang marinig ng taong ito ang sinabi Ko, sumagot siya, “Sensitibo ang tiyan mo sa malalamig na pagkain? Ganoon din ako.” Sabi Ko, “Bakit sensitibo ang tiyan mo sa malalamig na pagkain?” Sabi niya, “Kapag nakakakain ako ng malalamig, sumasakit ang tiyan ko; sensitibo ito sa malalamig na pagkain.” Habang sinasabi niya ito, binalatan niya ang isang saging at sinubo ito sa ilang kagat lang. Sabi Ko, “Tiyak na talagang sensitibo ang tiyan mo sa malalamig na pagkain, dahil ang bilis mong nilamon ang saging na iyan sa ilang kagat lang. Talaga bang sensitibo ang tiyan mo sa malalamig na pagkain?” Hindi ba’t walang kahihiyan at walang pagkamakatwiran ang mga gayong tao? Kung ang isang tao ay walang katwiran at walang pakiramdam ng kahihiyan sa kanyang normal na pagkatao, hindi talaga siya tao, kundi isang hayop. Ang mga hayop ay hindi nakakaunawa sa katotohanan, at wala silang integridad, dignidad, konsensiya, at katwiran ng normal na pagkatao. Dahil walang kahihiyan o dignidad ang mga taong ito, kapag gumagawa sila ng kaunting tungkulin at nagtitiis ng kaunting paghihirap, gusto nila itong i-anunsiyo sa buong mundo para kilalanin ng lahat ang kanilang mga pagsisikap, para tingalain sila nang may sariwang paghanga, at para bigyan sila ng Diyos ng espesyal na pagtrato, tratuhin silang mabuti at pagpalain ng Diyos. Kasabay nito, kailangang may isang tao na maglingkod agad sa kanila, tumugon sa kanilang mga hinihingi, at palaging handa sa kanilang utos. Kapag nauuhaw sila, kailangang may magsalin ng tsaa para sa kanila; kapag nagugutom sila, kailangang may maghain ng pagkain para sa kanila. Dapat palaging may isang taong naglilingkod sa kanila, gumagawa sa kanilang iniuutos, at tumutugon sa kanilang mga pangangailangan. Para bang ang kanilang laman ay ipinanganak para sa ibang tao, at likas na kailangan nila ng isang tao na maglilingkod sa kanila; para bang wala silang abilidad na alagaan ang kanilang sarili kung walang maglilingkod sa kanila, at para silang may kapansanan. Kapag wala silang mapagsabihan kung ano ang gagawin, o sinuman na mapag-utusan para magtrabaho at maglingkod sa kanila, nakakaramdam sila ng pagkalumbay at kahungkagan, at na walang kabuluhan o pag-asa ang buhay. Kapag nakahanap sila ng pagkakataon at dahilan para utusan ang iba na maglingkod at magsilbi sa kanila, nasisiyahan at natutuwa sila, na parang nakatungtong sila sa alapaap. Iniisip nila na ganito kaganda ang buhay, ganito kaganda ang pananalig sa Diyos, na ito ang ibig sabihin ng pananalig sa Diyos, at na ganito dapat manampalataya sa Diyos ang isang mananampalataya. Ang pagkakaintindi nila sa isang tungkulin ay na tungkol ito sa pagsusumikap at pagtupad ng kanilang mga responsabilidad batay sa pang-uudyok sa iba na paglingkuran sila at sa pagiging malayang makapag-utos sa iba—ito ang kanilang tungkulin. Naniniwala sila na dapat palagi silang makatanggap ng gantimpala sa kanilang tungkulin, na dapat palagi silang may nakukuha at nagsisikap na may makuha. Kung hindi pera o materyal na bagay, sinusubukan nilang makakuha ng kasiyahan at kaligayahan ng laman, at sa pinakamababa, dapat nasa kalagayan ng kasiyahan at kaginhawahan ang kanilang laman, at pagkatapos ay magiging masaya sila, magkakaroon sila ng enerhiya na gawin ang kanilang tungkulin, at magagawa nila ito nang may katapatan. Mayroon bang baluktot na pagkaunawa sa katotohanan ang mga gayong tao, o sadya bang hindi nila tinatanggap ang katotohanan dahil sa kanilang mababang karakter? (Mayroon silang mababang karakter, kaya hindi nila tinatanggap ang katotohanan.) Ang mga taong ito ay ganap na mga hindi mananampalataya, sila ang mga anak ng mga anticristo, at ang pagsasakatawan ng mga anticristo.

May ilang aktor sa sambahayan ng Diyos na nasiyahan sa pagganap at nagustuhan nila ang propesyon ng pag-arte noong sila ay nasa mundo, pero hindi nila nakamit ang kanilang mga ambisyon doon. Ngayon, pumarito na sila sa sambahayan ng Diyos at sa wakas ay natupad na ang kanilang mga kahilingan: Maaari silang magtrabaho sa propesyong gusto nila, ang puso nila ay puno ng di-mailarawang kagalakan, at kasabay nito, nagpapasalamat sila sa Diyos sa pagbibigay sa kanila ng oportunidad na ito. Isa sa mga taong ito ang masuwerteng nakakuha ng pangunahing papel, at pagkatapos, pakiramdam niya ay isa siyang tao na may posisyon at halaga, at na dapat mayroon siyang gawin alang-alang sa kanyang posisyon at halaga. Tinitingnan niya kung ano ang ginagawa ng mga sikat na tao at mga artista sa mundo, kung paano umaarte ang mga ito, kung ano ang estilo ng mga ito, at kung anong uri ng pamumuhay mayroon ang mga ito, at ginagaya at tinutularan niya ang mga ito, naniniwala na pamumuhay ito nang may kalidad at karangalan. Kaya, mula nang makuha niya ang pangunahing papel at naging isang “bituin,” nagsimula siyang magmayabang. Gaano siya kayabang? May isang maliit na insidente minsan na maaaring makapagpaliwanag sa problemang ito. Nang handa na ang lahat sa crew na magsimulang kunan ang eksena, ang kilay ng partikular na “bituin” na ito ay hindi naiguhit nang maayos, at kinailangan ng lahat na hintayin siya, tumutok sa kanya, at pagsilbihan siya. Lumipas ang sampung minuto, at saka dalawampung minuto, at pakiramdam ng bituin na hindi naiguhit nang maayos ang kanyang kilay, kaya pinabura niya ito sa make-up artist at ipinaguhit muli. Isang oras ang lumipas, at hinihintay ng lahat ng cast at crew ang “bituin” na ito na maiguhit nang maayos ang kilay nito bago sila makapagsimulang kunan ang eksena—kailangan pagsilbihan at tutukan ng lahat ang taong ito. Anong klaseng tao ito? Normal ba siyang tao? Siya ba ay isang taong may pagkatao? Hindi. Siya ay isang tao mula sa kampo ni Satanas, siya ay kay Satanas, at siya ay hindi tao ng sambahayan ng Diyos. Mayroon bang mga bituin sa sambahayan ng Diyos? Walang mga bituin sa sambahayan ng Diyos, mga kapatid lamang; mayroon lamang iba’t ibang tungkulin, walang mataas o mababang posisyon. Kaya, sa anong batayan pinapahintay ng taong ito ang mga kapatid? Isang bagay ang tiyak, akala niya ay mas importante siya kaysa sa ibang tao, na ang kanyang tungkulin ay mas mabigat kaysa sa tungkulin ng iba, na ang pagtatanghal ay hindi maaaring makunan kung wala siya, at na kung wala siya, magiging walang silbi ang paggawa ng ibang tao sa kanilang mga tungkulin. Kaya ang lahat ay kailangang maglingkod sa kanya, magbayad ng halaga, at magpasensiya sa paghihintay sa kanya, at walang dapat magreklamo. Bukod sa kawalan ng pagkatao, saan kinukuha ng mga taong ito ang mga prinsipyo sa pagkilos nang ganito? Nanggagaling ba sa katotohanan at mga salita ng Diyos ang mga prinsipyo nila, o nanggagaling sa mga tiwaling disposisyon ng tao? (Sa mga tiwaling disposisyon ng tao.) Bukod sa may mga tiwaling disposisyon ni Satanas iyong mga nanggagaling sa kampo ni Satanas, kasuklam-suklam din ang kanilang mga kilos, pag-uugali, at mga pagpapamalas sa loob ng mga grupo ng tao. Bakit sila kasuklam-suklam? Palagi nilang gustong kontrolin ang sitwasyon, manipulahin ang ibang tao, at patutukin ang ibang tao sa kanila at sila ang maging pinakasentro ng atensiyon. Sa paggawa nito, malinaw na inilalagay nila ang kanilang sarili sa isang posisyon na mas mataas kaysa sa lahat; gusto nilang mangibabaw at kontrolin ang lahat. Ito ba ay isang bagay na dapat gawin ng mga tao? (Hindi.) Sino ang gumagawa nito? (Si Satanas.) Ito ay isang bagay na ginagawa ni Satanas. Sa mga katotohanan kung saan hinihingi ng Diyos sa mga tao na gawin ang kanilang mga tungkulin, mayroon bang anumang hinihingi sa mga tao na panghawakan ang sitwasyon at kontrolin ang mga kaisipan at pag-uugali ng lahat habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin? (Wala.) Kung gayon, saan ito nagmumula? Ipinanganak ang mga tao na may ganitong satanikong kalikasan. Ang mga tao ay mga Satanas at taglay nila ang kalikasang ito simula nang sila ay isilang. Hindi na nila kailangang matutunan ito, hindi nila kailangan ang sinuman na ituro ito sa kanila, at gaano ka man magbahagi sa kanila sa katotohanan, hindi nila bibitiwan ang bagay na ito. Mayroon ding isang tao na may ilang hibla ng buhok ang hindi naayos bago siya sumampa sa entablado para magtanghal. Mukha namang maayos ang kanyang hitsura, pero ayaw niyang umakyat sa entablado para magtanghal sa saktong oras; kahit ano pang panghihikayat sa kanya ng mga kapatid, wala pa ring nangyari. Itinuturing niya ang kanyang sarili bilang isang bituin, bilang isang nangungunang liwanag; pinagbayad niya ng halaga at pinagugol ng oras ang lahat para lang sa ilang hibla ng buhok na ito, at kailangang siya lang ang paglingkuran ng lahat. Ito ba ay isang pagpapamalas na dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao? Ano ang kalikasan ng kilos na ito? Hindi ba’t nagyayabang siya? Hindi siya nagpapakaresponsable at bingi siya sa anumang katwiran. Para sa kanya, hindi kasinghalaga ng sa kanya ang tungkulin ng iba, at kailangan siyang pagsilbihan ng lahat. Iniisip niya, “Kung aabutin ng isang buong araw para ma-blow-dry ang dalawang hibla ng buhok na ito, eh di kailangan ninyo akong hintayin ng isang buong araw; kung aabutin ng dalawang araw, kailangan ninyo akong hintayin ng dalawang araw; at kung aabutin ng habambuhay, kailangan ninyo akong hintayin ng habambuhay. Ano ba ang halaga ng gawain at mga interes ng sambahayan ng diyos—ang mga interes ko ang prayoridad! Kung hindi ko mabo-blow-dry nang maayos ang buhok ko, hindi ba’t masisira ang imahe ko kapag humarap ako sa kamera? Napakahalaga ng imahe ko. Walang saysay ang mga interes ng sambahayan ng diyos!” Anong klaseng tao ito? Sasabihin din ng ganitong uri ng tao na, “Mahal ko ang diyos, nagpapatotoo ako sa diyos, ginagawa ko ang tungkulin ko para sa diyos, at tinatalikuran ko ang lahat.” Hindi ba’t kasinungalingan ang lahat ng ito? Ni hindi nga niya kayang bitiwan ang isang bagay tulad ng pagbo-blow-dry ng buhok, kaya ano ba ang kaya niyang bitiwan? Ano ang kaya niyang talikuran? Peke ang lahat ng kanyang pagtalikod sa mga bagay-bagay! Ang mga ganitong tao ay ganap na walang katwiran, wala silang konsensiya, at mababa ang kanilang pagkatao, at lalong wala silang pagmamahal sa katotohanan. Dahil hindi pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao, walang sinuman ang magsasalita ng katotohanan sa kanila, hindi sila karapat-dapat para dito, at hindi pasok sa pamantayan ang kanilang karakter. At sa gayon kababang pagkatao, hindi ba’t ang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa katotohanan ay parang pakikipag-usap sa isang baboy o aso? Kapag mayroon silang kaunting wangis ng tao at nakakapagsalita gaya ng tao, makikipag-usap ang mga tao sa kanila tungkol sa katotohanan, pero sa ngayon, hindi sila karapat-dapat para dito. Maraming tao ang ganito, mangilan-ngilan din sila. Kaya, bakit hindi nagpapamalas ng mga ganitong bagay ang ilang tao? Ito ay dahil hindi pa sila nagkaroon ng pagkakataon; ito ay dahil lang napakaordinaryo ng kanilang kakayahan at talento, at hindi pa sila nagkaroon ng pagkakataong makilala at hindi pa sila nagtamo ng kapital, pero sa puso nila, nagpapakana na sila, ang kanilang mga plano ay binubuo pa lang. Iyon ang dahilan kung bakit hindi pa nila ipinapakita ang ganitong uri ng pagbubunyag. Gayumpaman, kahit wala silang ganitong pagbubunyag, hindi ito nangangahulugan na wala silang ganitong kalikasan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at sinusunod mo ang landas ng mga anticristo, sa malao’t madali ay darating ang araw na ibubunyag mo ito. Ikaw ay ikaw, at ang kawalan ng pagkatao ay kawalan ng pagkatao; hindi ka maaaring maging isang taong may pagkatao sa pamamagitan ng pagpapanggap o dahil wala kang talento at mababa ang iyong kakayahan. Kaya, iisa lang ang landas: Kapag kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at tanggapin ang pagpupungos, maaaring bumuti nang kaunti ang kanyang karakter. Kapag kaya niyang harapin ang mga katunayang ito, harapin ang mga katunayang ito nang tama, at pagkatapos ay magawang suriin at tingnan ang kanyang sariling pag-uugali at kaibuturan ng puso, kung gayon ay maaari siyang mas bumuti at makapagtimpi. Anong layon ang makakamit ng kaunting pagtitimpi? Hindi mo masyadong maipapahiya ang sarili mo, gaganda nang kaunti ang reputasyon mo, hindi masusuya ang mga tao sa iyo, hindi ka kasusuklaman ng Diyos, at sa ganitong paraan, maaaring magkaroon ka pa ng pagkakataong maligtas ng Diyos. Hindi ba’t ito ang pinakamababang katwiran na dapat taglayin ng isang tao? Hindi ba’t madali para sa isang taong may kaunting konsensiya at katwiran na magsagawa at pumasok nang ganito?

Kapag naririnig ninyo Akong nagsasalita tungkol sa mga gayong tao, medyo gumagaan ang pakiramdam ninyo, pero kung magsasalita Ako tungkol sa ilang tao na kabilang sa inyo, ano ang mararamdaman ninyo? Magiging normal ba ang reaksiyon ninyo? Sasabihin Ko sa inyo, kung gusto ninyong makamit ang pagbabago ng disposisyon at makapasok sa katotohanang realidad, kailangan ninyong makapasa sa sunud-sunod na pagsubok. Huwag ninyong maliitin ang mga bagay na ito; kung hindi pasok sa pamantayan ang inyong pagkatao, hindi lamang masusuya sa inyo ang mga kapatid, kundi hindi rin kayo gagawing perpekto o ililigtas ng Diyos. Ang mga pinakapangunahing kondisyon para iligtas ng Diyos ang isang tao ay ang magtaglay ang taong iyon ng pagkatao, katwiran, at konsensiya, at dapat marunong siyang mahiya. Kapag ang ganitong tao ay lumapit sa Diyos at narinig ang Kanyang mga salita, tatanglawan, papatnubayan, at gagabayan siya ng Diyos. Ang mga taong walang pagkatao, konsensiya, katwiran, o kahihiyan ay hindi kailanman magiging kalipikadong lumapit sa Diyos. Kahit na nakikinig ka sa mga sermon at alam mo ang ilang doktrina, hindi ka pa rin maliliwanagan, kaya’t habambuhay kang hindi makakapasok sa katotohanang realidad. Kung hindi ka makakapasok sa katotohanang realidad, madali mong mapagtatanto na wala kang pag-asa na maligtas. Kung nagtataglay ka lang nitong mga pagpapamalas ng mga anticristo at ng disposisyon at diwa ng mga anticristo, at wala kang mga pagpapamalas ng normal na pagkatao na hinihingi ng Diyos na taglayin mo, nasa malaking panganib ka. Kung tumutugma ka sa bawat pagpapamalas at diwang ito ng mga anticristo na inilalantad Ko, kasama na ang kanilang mga kilos at pagbubunyag, kung taglay mo ang mga ito sa iba’t ibang antas, kung gayon ay napakamapanganib nito para sa iyo. Kung hindi mo pa rin hinahangad ang katotohanan at hinihintay mo hanggang sa maklasipika ka bilang isang anticristo, magiging katapusan mo na talaga. Alin ang nakamamatay na sakit: Ang pagkakaroon ng diwa ng anticristo o ng disposisyon ng anticristo? (Ang pagkakaroon ng diwa ng anticristo.) Ganoon ba? (Oo.) Pag-isipan mong mabuti, at saka sumagot muli. (Ang pagkakaroon ng diwa ng anticristo at ng disposisyon ng anticristo ay parehong nakamamatay na sakit.) Bakit ganoon? (Dahil ang mga taong may diwa ng anticristo ay hindi maghahangad sa katotohanan, at ganoon din ang mga taong may disposisyon ng anticristo. Kahit anong isyu ang kinakaharap nila, ang mga taong may disposisyon ng anticristo ay hindi kailanman tumutuon sa paghahangad sa katotohanan, at wala silang kahit katiting na pagkatao at katwiran; ang mga ganitong tao ay walang kakayahang magkamit ng katotohanan, at hindi rin nila matatamo ang kaligtasan—nakamamatay rin na sakit ito.) Sino pa ang gustong magsalita? (Ang pagkaunawa ko ay wala sa dalawang ito ang nakamamatay na sakit, ngunit kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, iyon ang nakamamatay na sakit.) Maganda ang pananaw na ito tungkol dito. Gayumpaman, may paunang kondisyon dito, na ang diwa ng isang anticristo—ang mga taong nagtataglay ng diwa ng isang anticristo ay sadyang hindi naghahangad sa katotohanan, sila ay mga hindi mananampalataya—ang pagtataglay ng diwa ng isang anticristo ang pinakamapanganib na bagay. Ano ang ibig sabihin ng diwa ng isang anticristo? Ang ibig sabihin nito ay na sadyang hindi naghahangad sa katotohanan ang mga taong ito; katayuan lang ang hinahangad nila, likas silang mga kaaway ng Diyos, mga anticristo sila, sila ang pagsasakatawan ni Satanas, mga diyablo na sila mula nang isilang sila, wala silang pagkatao, mga materyalista sila, mga karaniwan silang hindi mananampalataya, at tutol sa katotohanan ang mga gayong tao. Ano ang ibig sabihin ng “tutol sa katotohanan”? Ibig sabihin nito ay hindi nila pinaniniwalaan na ang Diyos ang katotohanan, hindi nila kinikilala ang katunayan na ang Diyos ang Lumikha, lalong hindi nila kinikilala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kaya, kapag binigyan ng pagkakataon ang mga gayong tao na hangarin ang katotohanan, magagawa ba nila ito? (Hindi.) Dahil hindi nila kayang hangarin ang katotohanan, at dahil sila ay habambuhay na mga kaaway ng katotohanan at mga kaaway ng Diyos, hindi nila kailanman makakamit ang katotohanan. Isang nakamamatay na sakit ang hindi kailanman makamit ang katotohanan. At ang lahat ng nagtataglay ng disposisyon ng anticristo ay may mga pagkakatulad sa disposisyon sa mga taong nagtataglay ng diwa ng anticristo: Ipinapakita nila ang parehong mga pagpapamalas, parehong mga pagbubunyag, at maging ang paraan ng kanilang pagpapakita sa mga pagpapamalas at pagbubunyag na ito, ang kanilang paraan ng pag-iisip, at ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos ay pareho lahat. Gayumpaman, para sa mga taong nagtataglay ng disposisyon ng anticristo, hindi mahalaga kung kaya man nilang tanggapin ang katotohanan at kilalanin ang katunayan na ang Diyos ang Lumikha, hangga’t hindi nila hinahangad ang katotohanan, nagiging isang nakamamatay na sakit ang kanilang disposisyon ng anticristo, at dahil dito, ang kanilang kalalabasan ay magiging pareho sa mga may diwa ng anticristo. Gayumpaman, mapalad na may ilan sa mga may disposisyon ng anticristo ang nagtataglay ng pagkatao, katwiran, konsensiya, at kahihiyan, na nagmamahal sa mga positibong bagay, at nagtataglay ng mga kondisyon para mailigtas ng Diyos. Dahil hinahangad nila ang katotohanan, nakakamit ng mga taong ito ang pagbabago sa disposisyon, naiwawaksi nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at naiwawaksi ang kanilang disposisyon ng anticristo, kaya ang kanilang disposisyon ng anticristo ay hindi na isang nakamamatay na sakit para sa kanila, at may posibilidad na sila ay maligtas. Sa anong sitwasyon masasabi na ang pagtataglay ng disposisyon ng anticristo ay isang nakamamatay na sakit? May paunang kinakailangan para dito, na kahit na kinikilala ng mga taong ito ang pag-iral ng Diyos, kahit nananampalataya sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, nananampalataya at kinikilala ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at kayang gawin ang kanilang mga tungkulin, may isang bagay na kulang: Hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan o hinahangad ang katotohanan. Kaya ang kanilang disposisyon ng anticristo ay nagiging nakamamatay para sa kanila, at maaaring bawiin nito ang kanilang buhay. Pagdating sa mga taong may diwa ng anticristo, anuman ang mga sitwasyon, hindi posible para sa mga taong ito na mahalin o tanggapin ang katotohanan, at hindi nila kailanman makakamit ang katotohanan. Naiintindihan ba ninyo? (Oo.) Naiintindihan ninyo. Ulitin ninyo ito sa Akin. (Ang mga taong may diwa ng anticristo ay likas na mga kaaway ng Diyos. Sila ay tiyak na hindi mga taong nagmamahal at kayang tumanggap sa katotohanan, at imposible para sa kanila na makamit ang katotohanan kailanman, kaya para sa kanila, ang kanilang disposisyon ng anticristo ay isang nakamamatay na sakit. Samantalang para sa ilang tao na may disposisyon ng anticristo, nang may paunang kinakailangan na dapat silang magtaglay ng pagkatao, katwiran, konsensiya, at kahihiyan, at nagmamahal sa mga positibong bagay at naghahangad sa katotohanan, at pagkatapos ay nagkakamit ng pagbabago ng disposisyon sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, sumusunod sila sa tamang landas, at para sa kanila, hindi isang nakamamatay na sakit ang kanilang disposisyon ng anticristo. Natutukoy ang lahat ng ito ng diwa ng mga taong ito at ng landas na sinusunod nila.) Ibig sabihin, hindi posible para sa mga taong may diwa ng anticristo na hangarin ang katotohanan, at hindi nila kailanman makakamit ang kaligtasan, samantalang ang mga taong may disposisyon ng anticristo ay maaaring maklasipika sa dalawang uri: Ang isang uri ay naghahangad sa katotohanan at maaaring magkamit ng kaligtasan, at ang isang uri ay hindi talaga naghahangad sa katotohanan at hindi maaaring magkamit ng kaligtasan. Ang mga hindi maaaring magkamit ng kaligtasan ay pawang mga trabahador; ang ilang tapat na trabahador ay maaaring manatili, at posibleng magkaroon sila ng ibang resulta.

Bakit hindi makakamit ng mga taong may diwa ng anticristo ang kaligtasan? Dahil hindi kinikilala ng mga taong ito ang katotohanan, at hindi rin nila kinikilala na ang Diyos ang katotohanan. Hindi kinikilala ng mga taong ito na mayroong mga positibong bagay, at hindi nila mahal ang mga positibong bagay. Sa halip, mahal nila ang mga buktot na bagay at negatibong bagay; sila ang pagsasakatawan ng lahat ng bagay na buktot at negatibo, at sila ang mga nagpapahayag ng lahat ng bagay na negatibo at buktot, kaya sila tutol sa katotohanan, mapanlaban sa katotohanan, at namumuhi sa katotohanan. Mahahangad ba nila ang katotohanan nang may gayong diwa? (Hindi.) Samakatwid, imposibleng hikayatin ang mga taong ito na hangarin ang katotohanan. Posible bang gawing ibang hayop ang isang hayop? Halimbawa, posible bang gawing aso o daga ang isang pusa? (Hindi.) Ang daga ay mananatiling isang daga, madalas na nagtatago sa mga butas at namumuhay sa dilim. Ang pusa ay mananatiling likas na kaaway ng daga, at hindi ito mababago—hindi ito kailanman mababago. Gayumpaman, may ilan sa mga may disposisyon ng anticristo ang nagmamahal sa katotohanan at mga positibong bagay, na handang magsumikap para isagawa at hangarin ang katotohanan; isinasagawa nila ang anumang sinasabi ng Diyos, sumusunod sila paano man sila akayin ng Diyos, ginagawa nila ang anumang hinihiling ng Diyos, ang landas na sinusunod nila ay ganap na naaayon sa landas na hinihingi ng Diyos, at naghahangad sila ayon sa direksiyon at mga layong itinuro ng Diyos. Para naman sa iba, bukod sa katunayan na hindi nila hinahangad ang katotohanan, sinusunod din nila ang landas ng anticristo, at madaling mapagtanto kung ano ang kalalabasan ng mga taong ito. Bukod sa hindi nila makakamit ang katotohanan, mawawalan din sila ng pagkakataon na maligtas—napakakahabag-habag ng mga taong ito! Binibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataon at tinutustusan din sila ng katotohanan at buhay, ngunit hindi nila pinahahalagahan ang mga bagay na ito, at hindi nila sinusunod ang landas para magawang perpekto. Hindi naman dahil sa pinapaboran ng Diyos ang ilang tao kaysa sa iba at hindi binibigyan ng mga pagkakataon ang mga taong ito, kundi dahil sa hindi nila pinahahalagahan ang mga pagkakataong ito o hindi sila kumikilos gaya ng hinihingi ng Diyos kaya sila nawawalan ng pagkakataon na maligtas. Samakatwid, nagiging nakamamatay ang kanilang disposisyon ng anticristo at nagiging sanhi na mawalan sila ng buhay. Iniisip nila na ang pagkaunawa sa ilang doktrina at pagpapakita ng ilang panlabas na kilos at mabuting pag-uugali ay nangangahulugang hindi titingnan ng Diyos ang kanilang disposisyon ng anticristo, na maitatago nila ito, at dahil dito, natural na hindi nila kailangang isagawa ang katotohanan at maaari nilang gawin ang anumang gusto nila, at maaari silang kumilos ayon sa sarili nilang pagkaunawa, mga pamamaraan, at mga kahilingan. Sa huli, anumang pagkakataon ang ibinibigay ng Diyos sa kanila, nagpapatuloy silang kumapit sa sarili nilang direksiyon, sinusunod nila ang landas ng isang anticristo, at nagiging kaaway sila ng Diyos. Hindi sila nagiging kaaway ng Diyos dahil itinakda sila ng Diyos bilang ganoon mula sa simula—walang pagtatakda ang Diyos sa kanila sa simula, dahil sa mga mata ng Diyos, hindi Niya sila kaaway o mga taong may diwa ng anticristo, kundi mga taong may sataniko at tiwaling disposisyon lamang. Gaano man karaming katotohanan ang ipinapahayag ng Diyos, hindi pa rin nila pinagsusumikapan ang katotohanan sa kanilang paghahangad. Hindi nila magawang tumahak sa landas ng kaligtasan, at sa halip, sinusunod nila ang landas ng isang anticristo, at sa huli, nawawalan sila ng pagkakataon na maligtas. Hindi ba’t nakakapanghinayang naman iyon? Lubos na nakakapanghinayang iyon! Sobrang kahabag-habag ang mga taong ito. Bakit sila kahabag-habag? Nauunawaan nila ang ilang salita at doktrina at inaakala nila na nauunawaan nila ang katotohanan; nagbabayad sila ng kaunting halaga at nagpapakita ng mabuting pag-uugali habang ginagawa ang kanilang tungkulin at inaakala nila na isinasagawa nila ang katotohanan; mayroon silang talento, kakayahan, at mga kaloob, at kayang bumigkas ng ilang salita at doktrina, gumawa ng kaunting gawain, gumawa ng ilang espesyal na tungkulin, at inaakala nila na nakamit na nila ang buhay; kaya nilang magtiis ng kaunting paghihirap at magbayad ng kaunting halaga at mali nilang inaakala na kaya nilang magpasakop sa Diyos at isuko ang lahat para sa Diyos. Ginagamit nila ang kanilang panlabas na mabuting pag-uugali, ang kanilang mga kaloob, at ang mga salita at doktrina na kanilang isinangkap sa kanilang sarili para palitan ang pagsasagawa sa katotohanan—ito ang kanilang pinakamalaking problema, ang kanilang nakamamatay na kapintasan. Dahil dito, mali nilang pinaniniwalaan na nakatahak na sila sa landas ng kaligtasan, at na nagtataglay na sila ng tayog at buhay. Sa anumang kaso, kung hindi matatamo ng mga taong ito ang kaligtasan sa huli, wala silang dapat sisihin kundi ang sarili nila; ito ay dahil hindi sila mismo nakatuon sa katotohanan, hindi naghahangad sa katotohanan, at mas handa pa silang sumunod sa landas ng mga anticristo.

May ilang tao ngayon na, pagkatapos makinig ng mga sermon sa loob ng 30 taon, hindi pa rin nakakaalam kung ano ang katotohanan, o kung ano ang doktrina. Kapag ibinubuka nila ang kanilang bibig, puro teoryang walang kabuluhan ang sinasabi nila, mga salita para sermunan ang iba, at mga walang kabuluhang islogan, at ang tinatalakay lang nila ay kung paano sila nagtiis ng paghihirap at nagbayad ng halaga noon, kung saan ipinagmamalaki nila ang kanilang pagiging nakatataas. Hindi nila kailanman tinatalakay ang kanilang pagkilala sa sarili, kung paano nila tinatanggap ang pagpupungos, kung paano sila nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, kung paano sila nakikipagkompetensiya para sa kasikatan at pakinabang, o kung anong mga pagpapakita ng disposisyon ng isang anticristo ang mayroon sila. Hindi nila kailanman tinatalakay ang mga bagay na ito; tinatalakay lang nila ang kanilang mga kontribusyon at hindi nila binabanggit ang kanilang mga pagsalangsang. Hindi ba’t lubhang nanganganib ang mga taong ito? Ang ilang tao ay nakikinig ng mga sermon sa loob ng 20 o 30 taon at hindi pa rin nakakaalam kung ano ang katotohanang realidad o kung ano ang ibig sabihin ng magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, kaya ang hinala Ko ay maaaring walang kakayahan ang mga taong ito na maunawaan ang mga salita ng Diyos. Pagkatapos makinig ng mga sermon sa loob ng 30 taon, inaakala nila na mayroon silang tayog, ngunit kapag wala silang katayuan, nagiging negatibo pa rin sila, at palihim na umiiyak at nagrereklamo, at maaaring magbitiw pa nga sa kanilang gawain. Pagkatapos makinig ng mga sermon sa loob ng 30 taon, kapag sila ay tinanggal, posible pa rin silang magmukmok at maging hindi makatwiran, at maaaring labanan nila ang Diyos. Ano ang naunawaan nila pagkatapos makinig ng mga sermon sa loob ng napakaraming taon? Kung hindi nila naunawaan kung ano ang katotohanan pagkatapos makinig ng napakaraming sermon, hindi ba’t nasayang lang ang kanilang pananampalataya? Ito ang tinatawag na naguguluhang pananalig!

Marso 14, 2020