Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikaapat na Bahagi) Ikalawang Seksiyon

Anumang kapirasong paghihirap ang nararanasan ng isang anticristo o anumang halaga ang ibinabayad niya sa iglesia, hindi niya nararamdaman na parte ito ng kanyang obligasyon, na ito ang tungkuling dapat gawin ng isang nilikha, bagkus ay itinuturing niya ito bilang kanyang kontribusyon, na dapat tandaan ng Diyos. Iniisip niya na kung natatandaan ng Diyos ang kanyang kontribusyon, dapat Siyang magbigay kaagad, magbigay sa kanya ng mga pagpapala, pangako, at espesyal na materyal na pabor, at dapat siyang tulutan ng Diyos na magkamit ng mga benepisyo at magtamo ng mga partikular na pakinabang. Saka lamang masisiyahan ang anticristo. Ano ang pagkaunawa ng isang anticristo sa tungkulin? Hindi niya nararamdaman na ang tungkulin ay isang obligasyon na dapat gampanan ng mga nilikha, o isang responsabilidad na dapat tuparin ng mga sumusunod sa Diyos. Sa halip, pakiramdam niya, ang paggampan ng tungkulin ay isang alas sa pakikipagtransaksiyon sa Diyos, isang bagay na maaaring ipagpalit para sa Kanyang mga gantimpala, at isang paraan upang matugunan ang kanyang sariling mga ambisyon at pagnanais at makakuha ng mga pagpapala para sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Iniisip niya na ang pagkakaroon ng biyaya at pagpapala ng Diyos ay dapat na maging isang paunang kondisyon sa paggawa ng kanyang tungkulin at na nagbibigay ito sa mga tao ng tunay na pananalig sa Diyos, na maaari lamang maging panatag ang mga tao sa paggawa ng kanilang mga tungkulin kung titiyakin ng Diyos na wala na silang mga alalahanin sa hinaharap. Iniisip din niya na dapat ibigay ng Diyos ang lahat ng kaginhawahan at espesyal na pagtrato sa mga taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin, at na dapat tamasahin ng mga tao ang lahat ng pakinabang na ibinibigay ng sambahayan ng Diyos habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Ito ang mga bagay na dapat matanggap ng mga tao. Sa puso nila, ganito mag-isip ang mga anticristo. Ang mga ganitong paraan ng pag-iisip ay ang tumpak na perspektiba at salawikain ng mga anticristo, at kinakatawan ng mga ito ang kanilang saloobin sa tungkulin. Kahit gaano pa magbahagi ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan sa paggawa ng tungkulin, hinding-hindi magbabago ang mga bagay na kinikimkim ng mga anticristo sa kanilang puso. Habang-buhay silang kakapit sa kanilang pananaw sa paggawa ng kanilang tungkulin. Mayroong isang parirala na maaari nating gamitin kaugnay sa pagpapamalas na ito—ano iyon? Ito ay ang pagpapahalaga sa mga materyal na bagay nang higit sa lahat; ibig sabihin, ang mga bagay lamang na maaari nilang hawakan sa kanilang mga kamay ang tunay, at walang saysay ang pangangako. Ang diwa ng mga pagpapamalas ng mga anticristong ito ay materyalistiko, tama ba? (Tama.) Ang materyalismo ay ateismo; naniniwala lamang sila sa kung ano ang kanilang nakikita at nahahawakan, ang nakikita lamang nila ang may halaga, at itinatanggi nila ang pag-iral ng anumang bagay na hindi nila nakikita. Kaya, matutukoy natin na ang kaalaman at pagkaunawa ng isang anticristo sa tungkulin ay tiyak na salungat sa mga katotohanang prinsipyo, at na ganap itong kapareho ng pananaw ng mga walang pananampalataya; tunay na sila ay mga hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, at hindi sila naniniwala na ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, ang tunay na daan. Naniniwala lamang sila na totoo ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at na ang lahat ng kanilang hinahangad at tinatamasa ay maaari lamang makamit sa pamamagitan ng pagsusumikap at pakikibaka ng tao, at sa pamamagitan ng halagang ibinabayad nila. Paano ito naiiba sa pananaw na nagsasabing, “Dapat lumikha ng kaligayahan ang mga tao gamit ang kanilang sariling mga kamay”? Walang pagkakaiba. Hindi sila naniniwala na makakamtan ng mga tao sa huli ang katotohanan at ang buhay sa pamamagitan ng paggugol ng kanilang sarili at pagbabayad ng halaga para gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin para sa Diyos. Hindi rin sila naniniwala na maaaring magkamit ng pagsang-ayon at mga pagpapala ng Lumikha ang mga taong kumikilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos at nakagagampan nang maayos sa kanilang mga tungkulin. Ipinapakita nito na hindi sila naniniwala sa pangako ng Diyos sa sangkatauhan o sa mga pagpapala ng Diyos. Hindi sila naniniwala sa katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat, kaya, hindi sila nagtataglay ng tunay na pananalig. Ang pinaniniwalaan lang nila ay, “Ginagawa ko ang aking tungkulin, kaya dapat akong magtamasa ng espesyal na pagtrato mula sa sambahayan ng diyos at ng mga materyal na pagpapala. Dapat akong bigyan ng sambahayan ng diyos ng lahat ng materyal na pribilehiyo at kasiyahan. Makatotohanan iyon.” Iyon ang mentalidad at pananaw ng isang anticristo. Hindi sila naniniwala na tapat ang mga pangako ng Diyos, o naniniwala sa katunayan na sa pamamagitan ng pagkamit ng katotohanan ay nagkakamit ng buhay at pinagpapala ng Diyos ang isang tao. Pagdating sa paggawa ng kanilang tungkulin, sadyang hindi nila hinahanap ang katotohanan, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at lalong hindi nila kinikilala ang katotohanang ito: Na nagagawang gampanan ng tao ang tungkulin ng isang nilikha ay ang pinakamalaking pagpapala ng Diyos at isang bagay na matatandaan ng Diyos, at sa prosesong ito, makakamit ng tao ang katotohanan at maliligtas siya ng Diyos sa huli—ito ang pinakadakilang ipinangako ng Diyos sa tao. Kung pinaniniwalaan mo ang mga ipinangako sa iyo ng Diyos at matatanggap mo ang mga pangakong ito, kung gayon, mayroon kang tunay na pananalig sa Diyos. Ano ang nararamdaman ng mga anticristo at mga hindi mananampalataya kapag naririnig nila ang mga salitang ito? (Hindi sila naniniwala sa sinasabi ng Diyos at iniisip nila na panlilinlang ito.) Sa tingin nila, ang mga salitang ito na sinasabi ng Diyos ay para lamang taniman ang mga tao ng ilusyon upang mahikayat na magserbisyo sa Diyos ang ilang taong hangal at mahina ang isip, at pagkatapos ay itaboy ang mga ito kapag natapos na ang serbisyo ng mga ito. Iniisip ng mga anticristo na, “Makamit ang katotohanan? Ha! Sino ba ang nakakakita kung ano ang katotohanan? Sino ang nakakahawak sa mga pangako ng diyos? Sino ang nakatanggap na sa mga ito? Hindi makatotohanan ang mga pangako ng diyos; tanging ang pagkakamit ng kasikatan at pakinabang at pagtatamasa ng mga pakinabang ng katayuan ang makatotohanan; tanging ang pagsusumikap para sa kasikatan at pakinabang at pagtatamasa ng mga benepisyo ng katayuan ang totoo. Matagal ko nang naririnig ang tungkol sa mga pangakong ipinagkakaloob ng diyos sa tao at ang katotohanang ibinibigay niya sa tao, pero wala akong anumang ipinagbago, wala akong nakamit na anumang pakinabang, at lalong hindi ako nakapamuhay ng mataas na buhay na may katayuan sa mga bagay na ito. Bagama’t nagpapatotoo ang ilang tao at nagsasabing nakamit nila ang katotohanan at nagbago sila, at na natanggap nila ang mga pagpapala ng diyos, mukha pa rin silang napakaordinaryo, normal na tao silang lahat, kaya paano nila makakamit ang mga pagpapala ng diyos at makapapasok sa kaharian ng langit?” Iniisip nila na tanging ang mga bagay na nahahawakan at nakukuha nila gamit ang kanilang mga kamay ang pinakatotoo. Hindi ba’t ganito ang pananaw ng mga hindi mananampalataya? Ganitong-ganito nga. Kaya, kapag pumasok ang mga anticristo sa iglesia, pinagdududahan nila ang lahat ng bagay, palaging pinagninilay-nilayan kung saan sila makakakuha ng pakinabang, anong oportunidad ang maaari nilang gamitin para makakuha ng bentaha at makakuha ng mas malalaking praktikal na benepisyo mula sa kanilang pananalig sa Diyos—madalas nilang kinakalkula ang mga bagay na ito sa kanilang isipan. Pakiramdam nila na tanging sa pagkakamit ng kasikatan, pakinabang, at katayuan sila makakatanggap ng lahat ng benepisyo, kaya pinipili nilang hangarin ang katayuan at ilaan lamang ang kanilang sarili sa pagsusumikap para sa mga bagay na ito. Hindi nila kailanman pinagninilay-nilayan ang katotohanan o hinahanap ang mga layunin ng Diyos, at kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos para lang bigyang-ginhawa ang kanilang puso at punan ang kahungkagan, hindi para hangarin ang katotohanan. Sa anumang oras, kung hihilingin mo sa isang anticristo na bitiwan ang kanyang kasakiman at mga pagnanais, na lubusang talikuran ang kanyang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at bitiwan ang mga benepisyong ito na gusto niya mula sa kanyang pananalig sa Diyos, hindi niya ito magagawa. Kapag hinihimok mo siyang bitiwan ang mga bagay na ito, pakiramdam niya ay para bang sinusubukan mong alisan siya ng balat o bunutin ang kanyang mga litid; kung wala ang mga bagay na ito, pakiramdam niya ay dinukot ang kanyang puso, na parang nawalan siya ng kanyang kaluluwa, at kung wala ang mga ambisyon at pagnanais na ito, pakiramdam niya ay walang pag-asa sa kanyang pananalig sa Diyos, at nawawalan ng kabuluhan ang buhay. Sa mga mata niya, ang mga gumugugol at naglalaan ng kanilang sarili at nagbabayad ng halaga para lamang sa kanilang tungkulin, na hindi naghahanap ng mga pansariling pakinabang, ay pawang mga hangal. Ang prinsipyo para sa mga makamundong pakikitungo na pinanghahawakan ng mga anticristo ay “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Iniisip nila, “Paanong hindi iisipin ng mga tao ang kanilang sarili? Paanong hindi magsusumikap ang mga tao para sa kanilang sariling kapakinabangan?” Sa puso nila, kinamumuhian nila ang mga nag-aalay ng lahat at taos-pusong gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos, kinamumuhian nila ang mga tapat na gumagawa ng kanilang tungkulin at namumuhay nang matipid at simple pagdating sa mga materyal na bagay, at kinamumuhian nila ang mga inuusig dahil sa nananampalataya ang mga ito sa Diyos at gumagampan ng tungkulin kaya hindi na nakakauwi ang mga ito. Sa puso nila, madalas nilang pinagtatawanan ang mga taong ito, sinasabing, “Nawalan kayo ng tahanan dahil sa pananalig ninyo sa diyos. Hindi ninyo makasama ang inyong pamilya at namumuhay kayo sa kakarampot na badyet—napakahangal ninyo! Kahit ano pa ang ginagawa ng isang tao, kabilang na ang kanyang pananalig sa diyos, dapat niyang sundin ang prinsipyo sa mga makamundong pakikitungo: Hinding-hindi siya dapat magdusa ng kawalan. Dapat niyang makita at mahawakan ang mga pangako at pagpapala ng diyos, at ang tanging tamang saloobin ay ang huwag pakawalan ang lawin hangga’t hindi mo pa nakikita ang kuneho. Napakahangal ninyo! Tingnan ninyo ako. Pareho akong nananampalataya sa diyos at naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Natatamasa ko ang lahat ng magandang pagtrato ng sambahayan ng diyos at maaari din akong magkamit ng mga pagpapala sa hinaharap. Hindi ko kailangang magtiis ng anumang paghihirap, at ang mga pagpapalang matatanggap ko ay magiging higit pa kaysa ng sa inyo. Hindi ako nagbabayad ng halaga katulad ninyo, na tumatalikod sa inyong mga pamilya at trabaho at hindi na makauwi ng tahanan, nang hindi nakakasiguro kung makakatanggap ba kayo ng anumang pagpapala sa hinaharap.” Anong klase ang mga taong ito? Hindi nila hinahangad ang katotohanan, hindi nila taos-pusong ginagawa ang kanilang tungkulin, at gayumpaman ay kinamumuhian nila ang mga naghahangad sa katotohanan at tumatalikod sa kanilang mga pamilya at trabaho, nagtitiis ng mga paghihirap at nagbabayad ng halaga para magawa ang kanilang tungkulin, isinasakatuparan ang atas ng Diyos, at sinusunod ang kalooban ng Diyos. Marami bang ganitong tao? (Oo.) May ilan sa bawat iglesia. Mga tunay bang mananampalataya sa Diyos ang mga taong ito? Maliligtas ba sila? (Hindi.) Hindi sila mga tunay na mananampalataya sa Diyos, at lalong hindi sila maliligtas.

Kahit anong isyu ang kinakaharap ng mga anticristo o kahit ano ang ginagawa nila, ang unang iniisip nila ay hindi kung paano nila makakamit ang katotohanan at matatamo ang kaligtasan, kundi iniisip nila ang lahat ng pakinabang ng kanilang laman. Sa puso nila, ang lahat ng pakinabang na may kaugnayan sa kanilang laman ang pinakamahalaga, ang pinakamataas, at pinakanangingibabaw. Sa puso nila, hindi nila kailanman isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, ang gawain ng Diyos, at lalo na ang tungkulin na dapat gampanan ng tao. Kahit paano pa hinihingi ng Diyos sa mga tao na gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, kahit paano pa hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging mga kalipikadong nilikha, ganap na walang pakialam ang mga anticristo. Kahit ano pang mga pamamaraan ang ginagamit ng Diyos o mga salitang binibigkas Niya, hindi maaantig ng Diyos ang mga taong ito, kaya hindi Niya sila mahikayat na baguhin ang kanilang mga plano at talikuran ang kanilang kasakiman at mga pagnanais. Ang mga taong ito, kapwa sa pangalan at katunayan, ay mga materyalista at hindi mananampalataya, na kabilang sa mga anticristo. Kaya, maituturing ba ang mga taong ito na pinakamasama sa hanay ng mga anticristo? (Oo, dahil kaya pa ring magserbisyo ng ilang anticristo alang-alang sa katayuan, samantalang ang mga taong ito ay hindi man lang handang magserbisyo.) Tama. Nagnanais ang mga taong ito ng mga pakinabang, ang tanging pinagtutuunan at iniisip nila sa buong araw ay mga pakinabang, at ang lahat ng kanilang ginagawa ay umiikot sa mga pakinabang. Ang ilang tao ay gumagawa ng mga tungkulin na pagpapatuloy sa bahay at kapag nauubusan sila ng mga itlog, bigas, o harina, agad nilang sinasabi sa iglesia na magpadala ng tao na bibili ng mga bagay na ito. Hindi sila bumibili ng anuman nang sila mismo; para bang hindi nila kailanman kinain ang mga bagay na ito sa kanilang bahay bago sila nagsimulang gumawa ng tungkulin na pagpapatuloy sa bahay. Noong hindi pa sila gumagawa sa tungkuling ito, binibili nila ang lahat ng bagay na ito nang sila mismo, pero sa sandaling magsimula sila sa tungkuling ito, nakakaisip sila ng mga palusot, pakiramdam nila ay tama at siguradong-sigurado sila, at nagiging tagasingil sila ng utang, mga tagapagpautang ng sambahayan ng Diyos, na para bang may utang sa kanila ang sambahayan ng Diyos—hindi mabuti ang mga ganitong tao.

Nakapanirahan Ako sa ilang bahay-tuluyan sa mainland Tsina, at may kamangha-manghang pagkatao ang ilan sa mga kapatid. Kahit na dalawa o tatlong taon pa lang sila nananampalataya at hindi pa gaanong nakakaunawa sa katotohanan, taos-puso nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin na pagpapatuloy sa bahay. Kapag sinubukan silang bigyan ng pera ng sambahayan ng Diyos, tatanggihan nila ito; magbibigay sila ng pera kapalit ng anumang ibinigay sa kanila ng mga kapatid, at maingat nilang sinisinop ang anumang pag-aari ng sambahayan ng Diyos; kung may anumang bagay na binili ang sambahayan ng Diyos na hindi nagamit, magbibigay pa sila ng pera sa sambahayan ng Diyos na katumbas sa halaga ng bagay na ito. Handang magpatuloy sa bahay ang ilang mas may kakayahan sa pinansiyal, at hindi sila tumatanggap ng kahit isang sentimo na bigay ng sambahayan ng Diyos. Hindi naman ganoon kayaman ang ibang tao, pero maging sila ay hindi tumatanggap ng anumang pera na bigay ng sambahayan ng Diyos. Anuman ang ibigay ng iglesia o ng mga kapatid sa kanilang bahay para gamitin sa pagpapatuloy, hindi nila ito lulustayin. Ito ba ay dahil nauunawaan nila ang katotohanan? Hindi, sadyang ito ang kanilang karakter. Higit pa rito, at ang mas mahalaga, mga tunay silang mananampalataya, at kasabay ng pagkakaroon nila ng mabuting karakter, nagagawa nila ang bagay na ito, kung hindi ay hindi nila magagawa. Nakapunta na Ako sa ilang bahay-tuluyan at inilabas ng mga host ang kanilang mga pinakamagandang kubrekama at kumot para magamit Ko, at sinabi Ko, “Bago pa ang mga ito at hindi pa nagagamit. Ibalik ninyo sa lalagyan, hindi Ko ito gagamitin.” Pero pinilit pa rin nila Akong gamitin ito. May ilang pamilyang nagpapatuloy sa bahay na bumili ng lahat ng bagong kagamitan para magamit Ko, at sinabi Ko, “Huwag kayong bumili ng mga bagong gamit, sayang lang ang pera. Gagamitin Ko na lang kung ano ang mayroon kayo rito. Huwag na kayong gumastos pa. Hindi Ko iminumungkahi na bumili ang mga tao ng kung anu-ano kahit saan Ako pumunta. Hindi naman kinakailangan na palaging bagong mga gamit ang gamitin.” Pero may ilang tao na nagpumilit pa ring gumastos ng pera. May ilan din na pamilyang nagpapatuloy sa bahay na naghanda ng maraming putahe tuwing oras ng kainan. Dahil hindi nila alam kung ano ang gusto Kong kainin, naghanda sila ng maraming putahe para may pagpipilian Ako, dahil kung kaunti lang ang inihanda nila, mag-aalala sila na hindi Ako makakain nang maayos. Marami ring taong ganito. Gayumpaman, may ilang bahay-tuluyan na naiiba. Pagpunta Ko roon, ang mga nagpapatuloy sa bahay ay mayroong kung ano-ano lang na mga pang-araw-araw na kagamitan na puwede Kong pagtiyagaan, ang mga sangkap na ginagamit nila sa pagluluto ay mula lang sa mga dinala ng mga kapatid, at kapag kailangan nilang bumili ng iba pa, hihingi sila sa Akin ng pera. May iba namang mga bahay-tuluyan kung saan iniwan Ko ang ilan Kong kagamitan para maingatan. Kapag matagal-tagal Akong hindi nakabalik, binubuksan nila ang drawer at nawawala na ang ilang gamit. Lahat sila ay nananampalataya sa Diyos at gumagawa ng mga tungkulin na pagpapatuloy sa bahay, pero malaki ba ang pagkakaiba sa pagitan nila? Kayang gawin ng ilang tao na nananampalataya sa Diyos ang mga gayong bagay—ito ba ay isang bagay na ginagawa ng mga tao? Ito ang ginagawa ng mga magnanakaw, bandido, kontrabida, at tampalasan. Kaya bang gawin ng mga tunay na mananampalataya ang mga gayong bagay? Kung iniingatan ng isang tunay na mananampalataya ang isang bagay para sa iyo, kung gayon, gaano ka man katagal na hindi bumalik, kahit walo o sampung taon, palagi nila itong iingatan para sa iyo; hindi nila ito gagalawin, titingnan, o hahalungkatin. Subalit, sa ilang pamilyang nagpapatuloy sa bahay, kung may iiwan kang gamit, bubuksan at titingnan nila ito kaagad sa sandaling nakalabas ka na ng pintuan. Ano ang hinahalungkat nila? Hahalungkatin nila ang bag mo para tingnan kung may anumang kapaki-pakinabang na bagay sa loob, gaya ng alahas, mobile phone, o pera—hinahalungkat nila ang lahat ng ito. Ano naman ang mahilig halungkatin ng ilang babae? Gusto nilang makita kung may magaganda kang damit. Kapag nakapaghalungkat na sila, iniisip nila, “Oh, ang gaganda naman ng mga damit na ito. Susukatin ko nga.” Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t nangyayari ang mga bagay na ito? (Oo.) Paano mo nalaman? Nakita na ba ninyo na nangyari ito? May matibay Akong ebidensya sa pagsasabing nangyayari ang mga bagay na ito. Isang taon, nang patapos na ang taglagas, nag-iwan Ako ng ilang damit sa isang bahay-tuluyan. Isang araw, bigla Kong naalala ang ilan sa mga damit na ito na dapat Kong isuot at nagplano Akong kuhain ang mga ito, kaya pumunta Ako sa bahay-tuluyan na iyon. Hulaan mo kung ano ang nangyari. Pagpasok Ko sa bahay, sinusukat ng matandang babaeng nagpapatuloy sa bahay ang coat Ko. Nagkataon lang na nakita Ko ito. Sabi Ko, “Ano ang ginagawa mo?” Nagulat siya. Hindi niya kailanman inasahan na magkakataong makikita Ko ang ginagawa niya, at sobra siyang napahiya. Gayumpaman, makakapal ang mukha ng mga ganitong tao, at agad niyang sinabi, “O, hindi ba’t bagay na bagay sa akin ang coat mo?” Sabi Ko, “Coat Ko iyan. Hindi Ko iyan maisusuot kung suot-suot mo iyan.” Sabi niya, “Heto, ayaw ko naman nito.” Sabi Ko, “Bakit mo ito sinusukat kung ayaw mo pala nito? Hindi ba’t naka-lock ang pinto ng aparador?” Sabi niya, “Nagkataon lang na wala akong magawa ngayon kaya kinuha ko ito para tingnan.” Sabi Ko, “Hindi ito sa iyo kaya hindi mo ito dapat pinakialamanan.” Halimbawa ito ng isang bagay na aktuwal na nangyari. Hindi Ko alam kung ano ang kanyang intensiyon sa paggawa nito. Sabihin mo sa Akin, ang ganitong tao ba ay isang taong nananampalataya sa Diyos? Dapat Ko ba siyang ituring na mananampalataya sa Diyos at kasapi ng pamilya ng Diyos? (Hindi.) Hindi siya karapat-dapat na maging tagasunod ng Diyos, isa siya sa mga kasamahan ni Satanas, walang kahihiyan, walang konsensiya o pagkamakatwiran, walang kahit anong pagkatao—isa siyang buhong. Ililigtas ba ng Diyos ang mga gayong tao? Ang mga ganitong tao ay wala man lang pinakamababang antas ng integridad at dignidad o ng pinakakatiting na paggalang para sa Diyos—imposibleng mailigtas sila ng Diyos. Ang katotohanang sinasalita ng Diyos at ang buhay na ibinibigay Niya sa tao ay hindi ibinibigay sa mga gayong tao; ang mga taong ito ay hindi kasapi ng pamilya ng Diyos, kundi sila ay mga hindi mananampalataya sa labas ng sambahayan ng Diyos, at sila ay sa mga diyablo. Bukod sa kalikasang diwa ng mga anticristo na hindi nagmamahal sa katotohanan at tutol sa katotohanan, napakababa at napakakasuklam-suklam din ng kanilang karakter, at ang mga gayong tao ay kasuklam-suklam, kalait-lait, at kamuhi-muhi. Mula sa mga pagpapamalas ng mga taong ito na lumulustay ng mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos na pinag-usapan natin kanina lang, sapat na ito para ipakita na anumang tungkulin ang ginagawa ng mga taong ito, hindi nila kailanman tunay na ginugugol ang kanilang sarili at hindi nila ito kailanman ginagawa nang may sinseridad. Sa halip, nakakaisip sila ng kanilang sariling mga adyenda, kasakiman, at pagnanais; naghahabol sila ng mga pakinabang, at hindi para makamit ang katotohanan. Kaya, kahit paano mo ito tingnan, hindi sapat para sa Diyos ang pagkatao ng mga gayong tao. Kaya sabihin ninyo sa Akin, itinuturing ba ninyong sapat ang pagkatao ng mga gayong tao, at itinuturing ba ninyo sila na mabubuting tao? (Hindi.) Hinahamak din ninyo ang mga gayong tao, hindi ba? (Tama.) Kapag nabalitaan ng ilang tao na may biniling gamit ang sambahayan ng Diyos, gusto nilang makibahagi rito, at kapag nakikita nilang nagdodonate ng mga damit ang mga kapatid, hindi mahalaga kung karapat-dapat ba sila o dapat ba silang magkaroon nito, sinisikap nilang makuha ito, mas maagap na kumikilos kaysa sa sinuman; kapag nababalitaan nila na may trabaho ang sambahayan ng Diyos na kinakailangang gawin o na mayroong ilang marumi o nakakapagod na trabaho na kailangang gampanan, agad silang nagtatago at hindi mo sila makita kahit saan. Ang mga gayong tao ay tuso at madaya, mababa ang pagkatao—kalait-lait, kasuklam-suklam, at nakakasuya sila!

Sa paggamit ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo sa kanilang paglulustay sa mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos para himayin ang kanilang pag-aalala sa kanilang sariling mga pakinabang sa bawat aspekto, makikita natin na ang mga taong ito ay mga hindi mananampalataya, sila ay mga materyalista, mga taong kalait-lait, mababa, at may hamak na karakter, kasuklam-suklam, at hindi mga tao na ililigtas ng Diyos. Ang depinisyon sa mga gayong tao ay hindi na kailangang ikategorya bilang tutol sa katotohanan; makikilatis na natin sila sa pamamagitan ng kanilang pagkatao at karakter, kaya’t hindi na kailangan na itaas pa ito nang husto sa antas na may kinalaman sa katotohanan. Samakatwid, sa sambahayan man ng Diyos o sa anumang grupo ng mga tao, ang mga gayong tao ay palaging ang pinakamabababa at pinakakulang sa dangal. Siyempre, kung susukatin sila sa sambahayan ng Diyos gamit ang katotohanan, lalo silang magmumukhang kalait-lait at mababa. Mayroon pa ba kayong mga halimbawa ng ganitong pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo? (Isang anticristo ang nag-aasikaso sa pag-imprenta ng mga aklat para sa sambahayan ng Diyos, at nilustay niya ang daan-daang libong yuan ng mga handog sa Diyos sa pamamagitan ng huwad na pag-a-account. Matapos siyang maimbestigahan, natuklasan na bago siya nagsimula sa paggawa ng tungkuling ito, napakakaunti lang ng pera ng kanyang pamilya, ngunit pagkatapos niyang simulan ang tungkuling ito, nakabili siya ng bahay at kotse, pero hindi makita ang mga bagay na ito sa mga account. Talagang malulupit lahat ang kanyang kapamilya, at kaya, hindi na mababawi ang mga handog.) Hindi ba’t may direktang pananagutan ang mga lider at manggagawa sa pangyayaring ito? (Oo. Kalaunan, nang mas maraming detalye na ang naisawalat, natuklasan na hindi kailanman tiningnan ng mga lider at manggagawa na may pananagutan noong panahong iyon ang mga account na pinamahalaan ng anticristong ito. Naging pabaya sila sa kanilang tungkulin at ang sitwasyon ay sanhi ng kanilang pagkairesponsable. Tiyak na sila ay may direktang pananagutan.) Kaya, dapat bang itala ang kanilang mga pagsalangsang sa talaang-aklat ng Diyos? (Oo.) Paano pinangasiwaan ang mga taong ito pagkatapos ng nangyari? (Ang ilan ay inalis at pinatalsik, at ang ilan ay binabayaran ang mga nalustay na handog.) Ito ay isang angkop na paraan ng pangangasiwa sa kanila. Ang mga lider at manggagawa ay nagpabaya sa kanilang tungkulin at nabigo silang tuparin ang kanilang mga responsabilidad sa pangangasiwa sa bagay na ito. Sa partikular, ginamit nila ang maling tao at hindi sila nagsikap na bantayan o pangasiwaan ang taong ito, hindi nila maagap na natuklasan ang mga problema sa taong ginagamit nila, at kaya, lumitaw ang matitinding kahihinatnan, na nagsanhi ng malaking kawalan sa mga handog sa Diyos at sa mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos; pananagutan ito ng lahat ng taong ito na direktang responsable, at dapat na itala ang kanilang mga pagsalangsang. Ito ang mapaminsalang kahihinatnan na idinulot nila sa kanilang sarili sa hindi paggamit ng tamang tao para sa trabaho at nagdulot ito ng kawalan sa sambahayan ng Diyos, at sa huli, ang mga handog sa Diyos ang ibinayad na halaga. Sabihin ninyo sa Akin, palagi bang sakim ang mga anticristo, o lumilitaw lang ba ang masasamang ideyang ito kapag may nakikita silang kapaki-pakinabang? (Palagi silang sakim.) Ito ang dahilan kung bakit kapag nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan kayo sa mga gayong tao, tiyak na matutuklasan ninyo ang kanilang kasakiman at mga pagnanais. Ang kahihinatnang ito ay bunga ng pagiging iresponsable ng mga lider at manggagawa, hindi pagkilatis sa mga tao, hindi malinaw na pagtingin sa mga tao, at maling paggamit ng mga tao, at kaya, naging mabigat ang pananagutan nila at nararapat lang silang patalsikin.

Pinagbahaginan natin dati ang tungkol sa mga pangunahing aspekto ng kalikasan, diwa, at mga disposisyon ng mga anticristo, at ang landas na sinusunod nila. Ang pinagbabahaginan at hinihimay natin ngayon ay ang mga pagpapamalas sa loob ng saklaw ng pagkatao ng mga anticristo, at ito ay kaugnay sa tunay na buhay. Bagama’t isa lang itong maliit na aspekto, makakatulong pa rin ito sa mga tao na matukoy ang ilang pagpapamalas ng mga anticristo; ang mga ito rin ay mga partikular na halatang katangian, palatandaan, at simbolo ng mga anticristo. Halimbawa, ang isang anticristo ay mahilig sa katayuan, kasikatan, pakinabang, at impluwensiya, at napakamakasarili, kalait-lait, at malupit siya, at hindi niya minamahal ang katotohanan, kaya kumusta ang kanyang pagkatao at karakter? Sinasabi ng ilan, “Bagama’t mahilig ang ilang anticristo sa reputasyon at katayuan, mayroon pa rin silang marangal at kagalang-galang na mga karakter, at nagtataglay sila ng konsensiya at katwiran.” Tama ba ito? (Hindi, hindi ito tama.) Bakit hindi? Huwag na nating pag-usapan kung anong disposisyong diwa mayroon ang mga anticristo; tingnan muna ang kanilang pagkatao at karakter. Tiyak na hindi sila mabubuting tao, hindi sila mga taong may dignidad, konsensiya, o marangal na integridad, lalong hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan. Kaya ba ng mga taong may ganitong pagkatao na sumunod sa tamang landas? Tiyak na hindi, dahil hindi taglay ng kanilang karakter ang diwang sumusunod sa tamang landas, at kaya, hindi posibleng mamahalin ng mga taong ito ang katotohanan, lalong hindi nila ito matatanggap. Batay sa intensiyon at saloobin kung paano ginagawa ng mga anticristo ang kanilang tungkulin, ang karakter at pagkatao ng mga anticristo ay nagiging sanhi para itakwil at tutulan sila ng mga tao, at higit pa rito, itinataboy sila ng Diyos. Kahit anong tungkulin ang gawin nila, palagi nilang gustong lustayin ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos, at humingi sa Diyos ng mga gantimpala, pera, gamit, at mga pakinabang. At ano ang tingin ng Diyos sa kanila? Tiyak na hindi sila mabubuting tao. Kaya, sa mga mata ng Diyos, paano Niya mismo tinutukoy ang mga gayong tao? Anong pangalan ang ibinibigay Niya sa mga gayong tao? May isang kwentong nakatala sa Bibliya mula sa Kapanahunan ng Biyaya: Madalas magnakaw si Hudas mula sa lukbutan ng pera, at sa huli ay ginamit siya ng Diyos para magserbisyo—ang ipagkanulo ang Panginoong Jesus. Ipinako ang Panginoong Jesus sa krus, at si Hudas, na gumampan sa papel ng pagkakanulo sa kanyang Panginoon at mga kaibigan, ay namatay nang may biyak sa kanyang tiyan. Samakatwid, ang mga taong ito na lumulustay sa mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos at nagnanakaw sa mga handog na inialay sa Diyos ay pawang mga Hudas sa paningin ng Diyos, na nagpapahiwatig na pinangalanan ng Diyos ang mga taong ito na Hudas. Bagama’t ang mga anticristong kinokondena ngayon bilang mga Hudas ay hindi na gumagawa ng mga bagay tulad ng pagkakanulo sa kanilang Panginoon at mga kaibigan gaya ng ginawa ni Hudas, pareho pa rin ang kanilang kalikasang diwa. Ano ang pagkakapareho nila? Sinasamantala nila ang kanilang posisyon at ang oportunidad na makagawa ng kanilang tungkulin para nakawin at lustayin ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos. Kaya pinangalanan ng Diyos na Hudas ang mga taong ito, at sila ay kapantay ng Hudas na nagkanulo sa kanyang Panginoon at mga kaibigan. Ibig sabihin, ang mga anticristong ito na lumulustay at umaangkin sa mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos ay katumbas ng Hudas na nagkanulo sa kanyang Panginoon at mga kaibigan, at hindi na kailangang masyadong pag-isipan pa ang magiging kalalabasan ng mga gayong tao.