Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikaapat na Bahagi) Unang Seksiyon
II. Ang mga Interes ng mga Anticristo
Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa paksang tinalakay natin noong huling pagtitipon. Noong huli, tinalakay natin ang ikalawang seksiyon ng mga interes ng mga anticristo sa loob ng ikasiyam na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Sa seksiyong ito, nagbahaginan tayo tungkol sa kanilang sariling reputasyon at katayuan, tama ba? (Tama.) Gunitain ninyo at bigyan ninyo Ako ng medyo tumpak na buod. Ilang punto ang pangunahin nating pinagbahaginan tungkol sa sariling reputasyon at katayuan ng mga anticristo? (Nagbahagi ang Diyos tungkol sa dalawang punto noong nakaraan. Ang una ay ang saloobin ng mga anticristo tungkol sa pagpupungos. Ang mga anticristo ay hindi kailanman matatanggap ang pagpupungos o makapagpapasakop dito, hindi rin nila ito matatanggap bilang ang katotohanan. Ang ikalawa ay kung paano pinoprotektahan ng mga anticristo ang kanilang reputasyon at katayuan sa isang grupo ng mga tao at kung anong mga pagpapamalas ang mayroon sila. Ang diwa ng mga anticristo ay pakikipagkompetensiya, at kailangan nilang makipagkompetensiya para sa kanilang reputasyon at katayuan.) Kaya, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol dito ngayon. Anong takdang-aralin ang ibinigay Ko sa inyo noong nakaraan? Ano ang sinabi Ko sa inyo na pag-isipan at pagbahaginan pagkatapos ng ating pagtitipon? Natatandaan ba ninyo? (Sinabihan kami ng Diyos na ikumpara ang aming sarili sa pagbabahaginan at paghihimay ng mga pagpapamalas ng mga anticristo upang makita kung alin sa mga disposisyon ng mga anticristo ang taglay namin, at upang makita kung alin sa mga kalikasan ng mga anticristo ang sinasandalan namin sa paggawa ng mga bagay-bagay.) Ito ang pangunahing paksa. Tungkol saan ang maliit na paksa? (Tungkol ito sa kung aling mga nagkokompetensiyang kalikasan ang ipinapakita ng mga anticristo habang pinangangalagaan ang kanilang reputasyon at katayuan, at ikinukumpara ang aming sarili sa mga ito para masaksihan kung paano namin ito ipinapakita sa aming tunay na buhay, at kung paano namin ginagawa ang mga bagay-bagay, kung ano ang sinasabi namin, at kung ano ang ginagawa namin alang-alang sa reputasyon at katayuan, at kung aling mga pagpapamalas ng pakikipag-agawan sa mga kapatid para sa kasikatan at pakinabang ang ipinapakita namin para mapangalagaan ang aming katayuan.) May iba pa bang makapagdadagdag dito? (Sinabi sa amin ng Diyos na huwag laging pag-usapan kung ano ang katangian ng ibang tao habang nagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, sa halip, dapat naming ikumpara ang aming sarili sa mga ito at pagbahaginan kung aling mga disposisyon at pagbubunyag ang mayroon kami na katulad ng sa mga anticristo.) Iyan na halos ang lahat. Ano ang kasabihan tungkol sa kung paano kumikilos ang mga anticristo sa isang grupo ng mga tao na pinagbahaginan natin noong nakaraan? Hindi ba’t nag-iwan ito ng impresyon sa inyo? (Ang kasabihan nila ay, “Kailangan kong makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya!”) Naaalala ninyo ito. Paanong naalala ninyo ito? (Dahil ang kasabihang ito ng mga anticristo na sinabi ng Diyos, “Kailangan kong makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya!” ay isang bagay na madalas kong ipinapamalas at ibinubunyag. At saka, ang tono ng pakikipagbahaginan ng Diyos ay napakasigla, at tumutugma sa kalagayan ng puso ko ang paraan ng pagpapahayag ng Diyos sa mga salitang ito, kaya’t nag-iwan ito ng malalim na impresyon sa akin.) Minsan, kapag nagbabahagi Ako at naghihimay tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas at iba’t ibang uri ng kalikasang diwa ng mga anticristo, gumagamit Ako ng pang-araw-araw na wika, pati na rin ng ilang tono at pamamaraan na madaling tanggapin ng mga tao, at nag-iiwan ng malalim na impresyon sa mga tao, at gumagamit din Ako ng ilang halimbawa na medyo malapit sa totoong buhay. Nakatutulong ang ginagawa Kong ito na makilala ng mga tao ang diwa ng mga anticristo at makilala nila ang kanilang sarili. Kapaki-pakinabang din ito sa mga tao na makilala ang kanilang sarili at maranasan ang mga salita ng Diyos sa kanilang totoong buhay, at mas nakakabuti pa nga sa kanila na baguhin ang ganitong uri ng disposisyon ng mga anticristo, hindi ba? (Tama.) Nagbigay kayo ng halos tumpak na paggunita sa nakaraang pagbabahaginan, pero lampas pa sa mga bagay na ito ang mga detalye—marami pang ibang detalye. Dapat kayong lumikha ng buod pagkatapos makinig sa isang pagbabahaginan. Sa pinakamababa, pagkatapos makinig sa isang pagbabahaginan, dapat kayong magtipon-tipon at makinig muli rito nang ilang beses, at pagkatapos ay makakagawa ang lahat ng buod nang sama-sama. Pagkatapos makinig sa inyong mga paggunita at pagbubuod ng ating nakaraang pagbabahaginan, masasabi Ko na medyo malabo na ito sa inyo, para bang pinakinggan ninyo ang pagbabahaginan nang isa o dalawang taon na ang nakalipas at wala itong iniwang impresyon sa inyo. Maaaring may naiwan sa inyo na kaunting konsepto at impresyon tungkol sa isang seksiyon, isa o dalawang pangungusap, o isa o dalawang usapin, pero tila karamihan sa mga tao ay walang konsepto o impresyon nang higit pang mahahalagang kaalaman at paghihimay sa paglalantad ng mga anticristo. Kaya, kailangan ninyong higit na magnilay-nilay at magbahaginan tungkol sa mga usaping tinalakay natin. Huwag lang makinig sa mga ito at pagkatapos ay isantabi ang mga ito nang hindi man lang sineseryoso ang mga ito. Kung gagawin ninyo iyon, magiging masyadong mabagal ang inyong pagpasok sa katotohanan—hindi puwedeng hindi pagninilay-nilayan ang mga sermong ito! Kaya, paano kayo nakikipagtulungan sa mga sermon na ito sa inyong buhay iglesia? Nagbabahaginan ba kayo tungkol sa mga sermong ito sa inyong mga pagtitipon kada linggo? O nakikinig ba kayo sa mga pinakabagong sermon at nagbabahaginan nang maraming beses, nang sa gayon ay magkaroon ang karamihan sa inyo ng impresyon at malalim na kaalaman tungkol sa mga ito, at pagkatapos ay maunawaan ang katotohanan sa pamamagitan ng mga ito? Ginagawa ba ninyo ito? (O Diyos, sa mga pagtitipon namin kada linggo, kumakain at umiinom muna kami ng mga pinakabagong pagbabahagi ng Diyos.) Dapat akuin ng mga lider ng iglesia, mga mangangaral, at iyong mga namamahala sa buhay iglesia sa mga grupo ng mga tagapagpasya ang responsabilidad para dito; sa ganitong paraan lamang magagawa nang maayos ang gawain ng iglesia.
C. Pagpapakana Para sa Sarili Nilang mga Pakinabang
1. Paglulustay sa mga Pag-aari ng Sambahayan ng Diyos
Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa ikatlong seksiyon ng mga interes ng mga anticristo—ang mga pakinabang. Ano ang mga pakinabang? (Pagtanggap ng mga pagpapala, at mga interes.) Napakasimpleng paliwanag nito; ito ang literal na kahulugan. Dagdagan pa ito nang kaunti—ano ang mga pakinabang? (Ang mga ito ang mga materyal at di-materyal na interes, mga kanais-nais na bagay, at mga kaginhawahan na matatanggap ng mga tao mula sa paggawa ng kanilang tungkulin o mula sa pagtatrabaho sa mundo.) Tama ang paliwanag na ito. Ang mga pakinabang ay mga uri ng magandang pagtrato na natatanggap ng mga tao bukod pa sa kanilang sahod, at kabilang dito ang mga bagay gaya ng mga pang-araw-araw na pangangailangan, pagkain, o mga kupon. Tumutukoy rin ang mga ito sa mga kaginhawahan at materyal o di-materyal na pagtrato na nakukuha ng isang tao habang ginagawa ang kanyang tungkulin; mga pakinabang ang lahat ng bagay na ito. Ngayong naipaliwanag Ko na ang ibig sabihin ng terminong ito, alam ba ninyong lahat ang mga saklaw, halimbawa, at pagpapamalas na pagbabahaginan natin sa seksiyong ito? Lumilitaw sa inyong isipan ngayon ang ilang pag-uugali at kilos ng mga tao, pati na ang mga taong kayang gumawa ng mga bagay na ito, tama ba? Sino ang mga taong una ninyong naiisip? (Mga taong nagsasamantala sa kanilang katayuan para umasa sa iglesia.) Isang uri ito ng tao. Ginagawa rin ng mga taong ito ang kanilang mga tungkulin. May katayuan ang ilan sa kanila, mga lider at manggagawa sila sa iba’t ibang antas o mga superbisor, habang gumagawa naman ang iba ng mga ordinaryong tungkulin. Anong pagpapamalas ang pareho sa kanilang lahat? Habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, patuloy silang gumagawa ng ilang gawain at mga partikular na bagay para sa kanilang sariling laman, mga pamilya, at sariling kasiyahan. Araw-araw silang nagpapakaabala at nagbabayad ng halaga, at ang bagay na laging iniisip nila ay kung anong mga kanais-nais na bagay ang matatamo nila sa pamamagitan ng paggawa ng gampaning ito o paggawa ng tungkuling ito. Palagi silang nagpaplano at nagkakalkula tungkol sa kung anong mga kaginhawahan at espesyal na pagtrato ang makukuha nila mula rito. Sa sandaling malaman nila, gagawin nila ang lahat ng kinakailangan para makuha ang mga bagay na ito, at higit pa rito, siguradong hindi nila palalampasin ang anumang pagkakataon para makuha nila ang mga kaginhawahan at interes na ito. Pagdating sa usaping ito, masasabing wala silang awa at walang damdamin, at siguradong hindi nila isinasaalang-alang ang kanilang sariling integridad at dignidad. Hindi sila natatakot na baka maging negatibo ang tingin sa kanila ng mga kapatid, at lalong hindi sila nag-aalala kung paano sila huhusgahan ng Diyos dahil dito. Ang ginagawa lang nila ay palihim na magnilay-nilay at magpakana kung paano samantalahin ang mga tungkuling ginagawa nila upang matamasa nila ang lahat ng kapaki-pakinabang na pagtratong maaari nilang makuha. Kaya, ang mga ganitong tao ay may isang uri ng kaisipan at argumento na, sa panlabas ay hindi maituturing na mali: “Ang sambahayan ng diyos ay pamilya ko, at ang pamilya ko ay sambahayan ng diyos; kung ano ang akin ay sa diyos, at kung ano ang sa diyos ay akin. Ang mga tungkulin ng mga tao ay mga responsabilidad nila, at ang lahat ng pakinabang na maaari nilang tamasahin mula sa kanilang mga tungkulin ay mga biyayang ipinagkaloob ng diyos; hindi maaaring tanggihan ng mga tao ang mga ito at dapat nilang tanggapin ang mga ito mula sa diyos. Kung hindi ko matatamo ang mga ito, iba ang magtatamo nito, kaya mas mabuti pang tamasahin ko na ang mga pakinabang na ito at huwag nang magpanggap na mapagpakumbaba, at lalong hindi ko dapat mapagpakumbabang tanggihan ang anumang bagay. Kailangan ko lang pagsumikapan ang mga pakinabang na ito at iabot ang aking kamay para tanggapin ang mga ito nang may pusong mapagpasakop at tapat na saloobin.” Itinuturing nila ang mga gayong pakinabang bilang isang uri ng pagtrato na likas na nararapat sa kanila at na dapat nilang angkinin; katulad ito ng kapag ang isang tao ay nagtatrabaho at naglalaan ng oras at pagsusumikap, kaya pakiramdam niya na nararapat lang para sa kanya ang suweldo at kabayarang natatanggap niya. Kaya, kahit na nilustay nila ang mga bagay na ito at natamo ang mga pakinabang na ito sa pamamagitan ng pagsusumikap para dito, hindi nila iyon itinuturing na mali o isang bagay na kamumuhian ng Diyos, lalong wala silang pakialam kung mayroong anumang uri ng opinyon tungkol sa kanila ang mga kapatid. Para bang ganap na tama at natural lang na gawin nila iyon, tinatamasa ng mga anticristo ang lahat ng bagay na ito, pinagsusumikapan nila ang mga bagay na ito, at higit pa rito, nagpapakana sila para sa lahat ng bagay na ito sa puso nila araw-araw. Ito ang karaniwang kalagayan ng mga anticristo habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at ito rin ang karaniwang kalagayan ng mga anticristo na nagpapakana para sa kanilang mga pansariling interes habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Kaya, ano ang mentalidad ng mga anticristo? “Habang ginagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin, kailangang subukan nilang makakuha ng kapalit. Dahil tinalikuran ko ang aking pamilya para gawin ang tungkuling ito, at dahil ibinigay ko ang aking pagsusumikap, enerhiya, at oras para sa diyos at sa kanyang sambahayan, dapat kong matamasa ang lahat ng magagandang pagtrato na gusto ko.” Itinuturing ng mga anticristo ang lahat ng ito bilang mga bagay na likas na nararapat para sa kanila, bilang mga bagay na dapat ipagkaloob ng Diyos sa mga tao nang hindi na nila kailangang pagsumikapan pa. Ito ang pananaw ng mga anticristo. Kaya, habang ginagawa ang kanilang tungkulin, palagi silang nagsusumikap para sa mga pakinabang, at palagi silang natatakot na may ibang makakuha ng isa sa mga pakinabang na iyon at kakaunti na lang ang matitira sa kanila. Ito ay isang kalagayan ng mga anticristo na gumagawa ng kanilang mga tungkulin. Saan nauuwi ang lahat ng kanilang intensiyon, motibo, at layon sa paggawa ng kanilang tungkulin? Nauuwi ang lahat ng ito sa kanilang pagpapakana na makuha nila ang lahat ng pakinabang, iniisip na kung hindi nila ito gagawin, magiging hangal lamang sila at mawawalan ng kabuluhan ang buhay. Ito ang mentalidad ng mga anticristo.
Paano man ilantad ng Diyos ang kalikasan ng mga anticristo o ang kanilang mga pagpapamalas ng hindi pagmamahal sa katotohanan, hindi sila susuko sa mga intensiyon at paghahangad nilang ito; patuloy silang nagsusumikap para sa mga pakinabang. Halimbawa, pagkatapos simulan ng ilang tao ang tungkulin na pagpapatuloy sa bahay, bumibili ang iglesia o ang mga kapatid ng ilang pagkain o mga kagamitan o magbibigay pa nga ng pera sa mga pamilyang nagpapatuloy sa bahay. Kung isang anticristo ang taong gumagawa ng tungkuling ito, ang mga kanais-nais na bagay na sinusubukan nilang makuha ay hindi kasingsimple ng isang posporo o maliit na kutsara. Sinasabi nila, “Ibinibigay ko ang aking tahanan para mag-host sa mga kapatid na ito, at nag-aalok ng serbisyo para sa kanila habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, kaya dapat lang na ibigay ng sambahayan ng diyos ang lahat ng materyales at pera. Inilalaan ko ang aking bahay at nagluluto ako para sa inyong lahat at sinisiguro ko ang inyong kaligtasan; sapat na iyon. Tungkol naman sa iba pa—ang inyong kinakain, iniinom, at ginagamit—dapat ibinibigay ito ng iglesia.” Hindi naman talaga mali na ibibigay ng iglesia ang mga bagay na ito, pero ang nais Kong ibahagi rito ay ang pagkakaiba sa pagitan ng kung paano ginagawa ng mga anticristo ang mga tungkulin na pagpapatuloy sa bahay at kung paano ito taos-pusong ginagawa ng ibang tao. Kapag gumagawa ang mga anticristo ng mga tungkulin na pagpapatuloy sa bahay, hindi nila ito maaaring basta-basta na lang tanggapin; mayroon silang mga nakatagong motibo. Iniisip nila, “Ginagawa ko itong tungkulin na pagpapatuloy sa bahay, kaya kailangan kong magpakana para may makuha ako mula rito. Nagbibigay ang iglesia ng ilang pagkain at ng iba pang mga pangangailangan, kaya kailangang kainin ng mga kapamilya ko ang pagkaing iyon kasama ang mga kapatid at gamitin din ang lahat ng bagay na iyon kapag gusto nila. Parte ng sambahayan ng diyos ang pamilya ko, kaya, ang pag-aari ng sambahayan ng diyos ay pag-aari din ng pamilya ko.” Ito ang saloobin ng mga anticristo sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, hindi ba? (Oo.) Samakatwid, kapag sinimulang gawin ng ilang tao ang mga tungkulin na pagpapatuloy sa bahay, nagsisimulang magbago ang kanilang puso, palagi silang nag-iisip tungkol sa mga materyal na bagay at pera na ginagamit para sa pagpapatuloy sa bahay ng mga kapatid, at kung walang tumitingin nang maigi sa mga bagay na ito, darating na ang oportunidad para sa mga anticristong ito na makakuha ng ilang pakinabang. Anong uri ng oportunidad? Palihim silang magkakalkula, “Ganito kalaki ang nagagastos ng isang tao sa isang araw, kaya kung magkano man ang natitirang pera, hindi ko na isasauli sa iglesia; akin na lang ito. Kahit papaano, ito ay pera na kinita ko, kaya hindi ako masisisi ng sinuman kung aangkinin ko ito; siyempre, nararapat lang ito para sa akin!” Pagkatapos, ibubulsa nila ang natitirang pera. Maghahanap ang ilang anticristo ng iba’t ibang uri ng palusot para maangkin nila ang ilang materyal na bagay na idinonate ng mga kapatid o ibinigay ng sambahayan ng Diyos. Sa ilang lugar, kapag tumirang muli ang mga kapatid doon, wala na ang kutson sa kama, wala na ang mga unan at kumot, wala na ang lahat ng karne at gulay, at kapag tinatanong nila ang kanilang mga host tungkol dito, sinasabi ng mga anticristong ito na, “Kapag matagal mong inimbak ang mga pagkain, hindi na ito magiging masarap, kaya kinain na namin ang mga iyon.” Hindi ba’t sakim ang mga taong ito? (Oo.) Sa sandaling ang mga materyal na bagay na ibinigay ng sambahayan ng Diyos, pati na rin ang mga bagay na binili ng mga kapatid para sa pamilyang nagho-host, ay napunta sa mga kamay ng mga anticristong ito, nagiging kanila na ito; ginagamit o kinakain nila ang mga ito ayon sa kagustuhan nila, o itinuturing pa nga nila ang mga ito bilang kanilang sariling pag-aari at itinatago ang mga ito. Kapag bumabalik doon ang mga kapatid, hindi na nila nakikita ang mga bagay na ito. Kung kailangan ng iglesia na gamiting muli ang mga tirahang ito ng mga anticristo, kailangan nitong gumastos ng pera para muling bilhin ang mga bagay na iyon, at kailangan na namang dalhin ng mga kapatid ang mga bagay na iyon sa kanilang bahay. Natutuwa ang mga anticristo sa nakikita nilang ito, iniisip nila, “Talagang magandang manampalataya sa diyos! Hindi ako magiging mayaman nang ganito kabilis kung iba ang ginagawa ko; ito ang pinakamaginhawang paraan para makakuha ng mga bagay-bagay. Bukod pa rito, walang maglalakas-loob na magsumbong sa mga pulis na nawawala ang mga gamit na ito ng iglesia; kung susubukan mo nga akong isumbong, ikaw ang una kong isusumbong! Kaya ang magagawa mo lang ay manahimik at tanggapin ito, wala kayong mapagsusumbungan tungkol dito. Naangkin ko na ang mga bagay na ito at kinain ang pagkaing ito. May magagawa ka ba sa akin? Walang kinikilingan ang diyos. Ibinibigay ko ang bahay ko para sa pagpapatuloy sa mga kapatid, kaya iyon ang naiambag ko, at tatandaan ako ng diyos dahil dito. Ano ang ikakatakot ko kung kukuha ako nang kaunti? Nararapat lang ito para sa akin! Ano ang ikatatakot sa pagkain nang kaunti sa pagkaing ito? Ano, kayo lang ang may karapatang kumain nito at ako hindi? Mga miyembro kayo ng sambahayan ng diyos, pero hindi ba’t miyembro din ako? Hindi lang ako makikinabang sa sitwasyon, kakainin ko ang mga bagay na ito nang mag-isa!” Ito ang saloobin ng mga anticristo sa kanilang mga tungkulin. Sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, layon nilang makuha ang mga bagay na ito, at itinuturing nila ang mga ito bilang mga pinakamalaking pakinabang, sinasabi nila, “Ito ang pinakamalaking biyayang ipinagkaloob ng diyos; wala nang mas kongkreto kaysa sa biyayang ito, at wala nang mas totoo at mas malinaw na kapaki-pakinabang kaysa sa pagpapalang ito. Napakaganda talaga nito! Sinasabi ng lahat na ang pananampalataya sa diyos ay nangangahulugang ‘tatanggap ng isang daang beses na biyaya sa buhay na ito at ng walang-hanggang buhay sa darating na mundo’; tinutupad nito ang kasabihang iyon. Maaga ko ngayong natitikman ang pagpapalang ito. Talagang kabutihan ito ng diyos!” Kaya naman, wala man lang pag-aalinlangan ang mga anticristo sa pag-aangkin ng mga bagay na pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos, at walang awa nilang kinukuha ang mga ito. Paano itinuturing ng mga anticristo ang mga ari-ariang ito ng sambahayan ng Diyos? Itinuturing nila ang mga ito na parang pampublikong pag-aari ng mga walang pananampalataya; sakim silang lahat, gusto nilang lahat na angkinin ang mga gamit ng sambahayan ng Diyos, at gayumpaman, naniniwala pa rin sila na ang mga ito ay ang biyaya at mga pagpapalang nararapat nilang matamasa dahil sa paggawa nila ng kanilang mga tungkulin. Dagdag pa rito, hindi sila kailanman nakakaramdam ng pagsisisi o kahihiyan tungkol dito, hindi rin nila nakikilala ang kanilang sariling kabuktutan o kawalan ng integridad. Lalo pa ngang nagiging sakim at ambisyoso ang ilan sa mga anticristong ito. Habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin na pagpapatuloy sa bahay, hindi nila kailanman nararamdaman na kamumuhian ng Diyos ang kanilang mga kilos o na sasalungatin ng kanilang mga kilos ang Diyos. Sa halip, patuloy lang silang nagkakalkula at nagkukumpara sa kanilang isipan, iniisip nila, “Nagpatuloy sa bahay ang pamilyang iyon at nakakuha sila ng mga gamit na iyon. Kung patutuluyin ko rin sa bahay ang mga taong iyon, nararapat lang na mapasaakin ang mga gamit na iyon. Mas namumuhay nang komportable kaysa sa akin ang nagpapatuloy sa bahay na iyon, at mas masarap din ang kinakain nila. Bakit hindi ako nakapanamantala nang ganoon?” Nagkakalkula at nakikipag-agawan din sila para sa mga bagay na ito. Sa sandaling may dumating na oportunidad, wala silang awa at tiyak na hindi nila ito palalagpasin. Kaya, kapag gumagawa ang mga anticristo ng mga tungkulin na pagpapatuloy sa bahay, nag-iimbot sila at sinusubukan nilang angkinin ang anumang bagay na maaangkin nila—mula sa maliliit na gamit tulad ng isang pares ng lete hanggang sa isang malaking kagamitang binibili ng sambahayan ng Diyos. Sinasamantala nila ang oportunidad na makagawa ng kanilang mga tungkulin para makahanap ng iba’t ibang palusot at paraan na maangkin ang mga gamit, nilulustay ang pag-aari ng sambahayan ng Diyos, habang walang kahihiyang sinasabi na ginagawa lamang nila ito para protektahan ang pag-aari ng sambahayan ng Diyos, at na nararapat lamang na mapasakanila ang mga bagay na ito dahil sa paggawa nila ng kanilang mga tungkulin. Nangyayari ang mga ganitong bagay sa mga taong nananampalataya at sumusunod sa Diyos.
Habang ginagawa ng mga anticristo ang kanilang mga tungkulin na pagpapatuloy sa bahay, maaaring palabasin nila na hindi sila nagnanasa o hindi nila sinusubukang kuhain ang mga gamit, na tumatanggi silang tumanggap ng anumang bayad sa pagpapatuloy sa bahay ng mga kapatid, at kapag nakakakita sila ng ilang walang kuwentang bagay, nagmamadali silang sinupin ang mga ito. Gayumpaman, pagdating sa mahahalagang bagay na pag-aari ng sambahayan ng Diyos, talagang hindi nila bibitiwan ang mga ito nang ganoon-ganoon lang. Maaaring ibibigay nila ang isang bagay na nagkakahalaga ng isang yuan, pero anumang bagay na nagkakahalaga ng isang daang yuan, isang libong yuan, sampung libong yuan, o isang bagay na mas mahal pa, isisiksik nila ito sa kanilang pitaka at aangkinin. Sa kaso ng ilang tao, lumilitaw ang isang mapanganib na sitwasyon habang iniingatan nila ang mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos, at ang mga taong nakakaalam na ginagawa nila ito ay maaaring tumatakas sa ibang lugar o naaaresto, at kaya walang ibang nakakaalam tungkol sa mga ari-ariang ito na iniingatan nila kundi sila lamang—sa mga ganitong sitwasyon nasusubukan ang mga tao. Ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos, na nagmamahal sa katotohanan at nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, ay kayang manatiling nakatutok sa kanilang tungkulin sa lahat ng oras, at hindi sila magkakaroon ng ideya o kaisipan na lustayin ang mga ari-ariang ito. Gayumpaman, hindi ganito ang mga anticristo; pipigain nila ang kanilang utak at mag-iisip sila ng anumang posibleng paraan para maangkin ang mga ari-ariang ito. Sa sandaling may mangyari sa mga taong nakakaalam na iniingatan nila ang mga ari-arian, lihim na natutuwa ang mga anticristo sa puso nila at nagtatatalon pa nga sila sa tuwa. Kaagad nilang inaangkin ang mga ari-arian nang hindi man lang natatakot, at lalong wala silang nararamdaman na panunumbat sa sarili o pagkakonsensiya. Ginagamit ng ilang anticristo ang mga ari-ariang ito para sa kanilang sariling gastusin sa bahay at itinatapon ang mga ito kapag gusto nila, agad namang ginagamit ng ilan ang pera para bumili ng mga bagay na gusto nila para sa kanilang tahanan, at inilalagay pa nga ng ilan ang pera diretso sa bangko nila at inaangkin ito. At kapag kinokolekta na ng mga kapatid ang mga ari-arian, nagagawa bang aminin ng mga anticristo ang kanilang ginawa? Tiyak na hinding-hindi ito aaminin ng mga anticristo. Ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng kanilang tungkulin ay upang makakuha ng mga kanais-nais na bagay, at kabilang sa mga kanais-nais na bagay na ito ang mga handog sa Diyos, ang ari-arian ng sambahayan ng Diyos, at maging ang mga personal na pag-aari ng mga kapatid. Samakatwid, ginagawa ng mga anticristo ang kanilang tungkulin nang may kasakiman, pagnanais, at personal na ambisyon; hindi sila naririto para hangarin ang katotohanan, para tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, o para tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, bagkus ay pumarito sila upang makuha ang bawat pakinabang, ang lahat ng kaginhawahan, at ang lahat ng ari-arian. Masasabi na puno ng kasakiman at pagnanais ang mga taong ito. Saan nakatuon ang kanilang puso? Nakatuon ang kanilang puso sa mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos. Kaya, kapag ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin na pagpapatuloy sa bahay, nakatuon sila sa kung ano ang binibili ng sambahayan ng Diyos para kanino, kung gaano kalaking pera ang ibinibigay ng sambahayan ng Diyos para kanino, at kung gaano kalaking mga benepisyo at mga kanais-nais na bagay ang natatamo ng mga tao mula sa sambahayan ng Diyos at sa mga kapatid para sa paggawa ng mga tungkulin na pagpapatuloy sa bahay—ito ang mga bagay na tinututukan nila. Kung hihilingin sa kanila na magpatuloy sa bahay ng mga ordinaryong kapatid at hindi sila makakakuha ng anumang kanais-nais na bagay sa paggawa nito, makakaisip sila ng iba’t ibang dahilan para hindi ito gawin. Ngunit sa sandaling hilingin sa kanila na magpatuloy sa bahay ng isang nakatataas na lider, ganap na nag-iiba ang kanilang saloobin, nagbabago ito, ang laki ng ngiti nila, at sabik nilang hinihintay ang lider; hindi sila makapaghintay na imbitahin ang “bigating” taong ito na papatuluyin nila sa kanilang bahay at sambahin ang lider na ito na parang diyos. Iniisip nila na dumating na ang kanilang pagkakataon, na ito na ang kanilang gagatasan ng pera, at kung mapapalagpas nila ang pagkakataong ito, mawawala ang kanilang pagkakataon na yumaman, kaya paanong palalampasin nila ito? Nang may kasakiman, pagnanais, at motibasyon at intensiyon na lustayin ang ari-arian ng sambahayan ng Diyos, tinatanggap nila ang tungkuling ito na makapagbibigay sa kanila ng mga kanais-nais na bagay—ano ang kanilang panghuling pakay? Ito ba ay para gawin nang maayos ang kanilang tungkulin? Ito ba ay para patuluyin sa bahay nang mabuti ang mga kapatid? Ito ba ay para ialay ang kanilang katapatan? Ito ba ay para makamit ang katotohanan? Hindi, wala sa mga ito; gusto nilang gamitin ang pagkakataong ito para magtamo ng mga kanais-nais na bagay. Hindi sila magpapatuloy sa bahay ng mga ordinaryong tao, ngunit kapag nababalitaan nila na kailangan nilang magpatuloy sa bahay ng isang lider o manggagawa na may katayuan, nagsusumikap silang gawin ito, at pagkatapos ay nakakaisip sila ng iba’t ibang dahilan para magpabili sa sambahayan ng Diyos ng iba’t ibang pang-araw-araw na pangangailangan at kagamitan sa bahay para sa mga ito, sinasabi na, “Hindi puwedeng tumira ang mga lider sa isang hindi maayos na kalagayan kapag pumunta na sila rito. Hindi ba’t dapat maihanda ang lahat para maging maginhawa ang pagpapatuloy sa bahay? Hindi kami nakikinabang sa mga bagay na ibinibigay ng sambahayan ng diyos; at kung nakikinabang man kami, nakikisalo lang kami sa mga lider. Bukod dito, kung may darating na isang lider, nangangamba ako na baka hindi nila makasanayan ang pagkaing kinakain namin dito araw-araw. Maraming bagay na inaasikaso ang mga lider araw-araw, at kung magkasakit sila, hindi ba’t mabibigo kami sa aming tungkulin bilang mga nagpapatuloy sa bahay? Kaya, dapat maghanda ang iglesia ng tatlong pagkain sa isang araw para sa mga lider. Kailangan naming magkaroon ng gatas, tinapay, itlog, at iba’t ibang uri ng gulay, prutas, karne, at mga nakahandang health supplement para sa kanila.” Hindi ba’t maganda at maalalahaning kaisipan ito? Nagsasalita ng wika ng tao ang mga anticristo nang malakas, ngunit inaalala ba talaga nila ang mga lider sa kanilang puso? Ano ba mismo ang lihim nilang pakay? Hindi ganoon kasimple ang kanilang pakay. Maaaring mahirap lang sila at hindi pa nakakakain o nakakakita ng magagandang bagay dati, at gusto nilang gamitin ang pagkakataong ito para makaranas, para mamuhay katulad ng mayayaman, para mamuhay nang natutugunan ang lahat ng kanilang pangunahing pangangailangan, para gamitin ang pagkakataong ito na alagaan ang kanilang kalusugan, para makakain ng mga pagkaing hindi nakakain ng mga ordinaryong tao at makapagtamasa ng mga pagtrato na hindi natatamasa ng mga ordinaryong tao. Iyon ang dahilan kung bakit mukhang napakamaalalahanin ng kanilang mga iniisip. Pero ano ba talaga ang nasa likod ng kanilang pag-aalala? Gusto nilang magpakana para sa sarili nilang kapakanan, gusto nilang makuha at mapanghawakan ang mga bagay na ito, at tiyak na iniisip nila ang bawat aspekto ng kanilang mga pakana—hindi nila ito gagawin para sa sinumang iba. At kapag nagpapatuloy sila sa bahay ng isang lider, talagang namumuhay ng magandang buhay ang mga anticristong ito. Pagkatapos, napapaisip sila, “Magandang mamuhay nang ganito, pero hindi naman talaga sa akin ang mga bagay na ito. Kailan kaya magiging akin ang mga bagay na ito? Kung paaalisin ko ang lider na ito, hindi ko na matatamasa ang mga bagay na ito, pero kung hindi ko siya paaalisin, hindi talaga magaan sa loob ko na patuloy siyang patuluyin sa bahay. Talagang hindi ko gagawin ang tungkuling ito kung hindi dahil sa mga kanais-nais na bagay na ito. Araw-araw, kailangan kong magising nang maaga at matulog nang dis-oras sa gabi, palagi akong natatakot, at kailangan ko siyang pagsilbihan. Palagi kong iniisip ngayon na mas marami yatang mawawala sa akin kaysa sa makukuha ko mula sa paggawa ng tungkuling ito, at na hindi naman sapat ang mga benepisyo at kasiyahang nakukuha ko mula rito. Ano ang gagawin ko kung matagal pang maninirahan dito ang lider? Kailangan kong mag-isip ng paraan para mapaalis siya, at pagkatapos ay muli na akong mapapayapa at matatahimik sa bahay ko.” Ganito ba mag-isip ang mga tao? Ganito ba mag-isip ang mga taong may normal na pagkatao at tapat na gumagawa sa kanilang tungkulin? (Hindi.) Ganito mag-isip ang mga anticristo. Kahit gaano pa karami ang mga kanais-nais na bagay o benepisyo na nakukuha nila, hindi kailanman matutugunan ang kanilang kasakiman at pagnanais; hindi sila kailanman nakokontento, iniisip nila na wala silang anumang nakamit, at hindi nila iniisip na ang paggawa ng tungkuling ito ang trabahong dapat nilang gawin. Sa kabaligtaran, iniisip nila na karagdagang sakripisyo at halagang babayaran ito. Kahit gaano pa karaming bagay ang nakukuha nila o gaano kalaking benepisyo ang nakakamit nila, pakiramdam nila ay nawawalan pa rin sila at iniisip nilang ang sambahayan ng Diyos ang nakikinabang sa kanilang mga naigugol, na ang mga kapatid ang nakikinabang, at na sila mismo ay walang anumang nakukuhang kanais-nais mula rito. Habang tumatagal, nararamdaman nilang hindi sila kayang mapasaya ng mga kanais-nais na bagay na ito at hindi kayang busugin ng mga ito ang kanilang kasakiman. Sabihin mo sa Akin, anong pagkatao ang taglay ng mga anticristo? Mayroon ba silang anumang pagkatao? (Wala.) At mayroon bang konsensiya ang mga taong walang pagkatao? Kaya ba nilang gawin ang kanilang tungkulin habang nagkikimkim ng pagnanais na magampanan ito nang tapat, pati na rin ng pagnanais na maging mapagkumbaba, na maging sinsero, at taos-pusong igugol ang kanilang sarili? Kaya ba nilang gawin ang kanilang tungkulin nang walang hinihinging kabayaran, nang walang hinahangad na anumang kapalit, at nang walang hinahangad na anumang gantimpala? (Hindi.) Bakit hindi? Wala silang kamalayan ng konsensiya, at gaano man kalaki ang mga benepisyong nakukuha nila, iniisip nilang nararapat lang sa kanila ang mga ito. Hindi ba’t ang “nararapat lang” na ito ay isang bagay na hindi maiisip ng mga normal na tao at isang bagay na hindi nila kailanman iisipin? Mayroon bang pakiramdam ng kahihiyan sa ganitong klaseng kaisipan at saloobin? (Wala.) Mayroon bang anumang pagkatao ang mga taong walang pakiramdam ng kahihiyan? Inilalantad ng usaping ito ang isang kalikasan na taglay ng mga anticristo, ang pagiging walang kahihiyan o konsensiya.
Anong uri ng mga tao ang mga walang kahihiyan? Anong uri ng mga tao sa loob ng sangkatauhan ang walang kahihiyan? (Mga taong may sakit sa utak.) Walang kahihiyan ang mga taong may sakit sa pag-iisip, tumatakbo sila nang nakahubad sa kalsada, walang malay sa mga taong nakatingin sa kanila, marahil ay pinagtatawanan pa nga nila ang mga taong nakasuot ng damit, at sinasabing, “Tingnan nga ninyo kung gaano kahirap para sa inyo na magsuot ng mga damit. Tumatakbo ako nang nakahubad sa kalsada, at malayang-malaya at walang sagabal ang pakiramdam ko!” Hindi ba’t ito ang ibig sabihin ng pagiging walang kahihiyan? (Oo, ito nga.) Ito ang ibig sabihin ng pagiging walang kahihiyan. Ang mga taong walang kahihiyan ay walang konsensiya at sila ay may sakit sa pag-iisip; nakikinabang sila habang napipinsala ang lahat, gusto nilang kuhain ang anumang pag-aari ng iba, ang kanilang kasakiman at pagnanais ay lumampas sa saklaw ng normal na pagkamakatwiran ng tao—umabot na sila sa puntong hindi na nila kayang kontrolin ang kanilang sarili at wala na silang konsensiya. Makakamit ba ng mga ganitong tao ang katotohanan? Tiyak na hindi. Naghahangad lamang sila ng kasikatan, pakinabang, katayuan, at mga materyal na interes, at hindi nila kailanman nakakamit ang katotohanan. Kaya, magkakaroon ba sila ng puwang sa kaharian ng langit? Hindi inililigtas o pineperpekto ng Diyos ang mga gayong tao. Dapat bang kaawaan ang mga taong ito? (Hindi.) Dapat kamuhian ang mga taong ito; nakasusuya, kapoot-poot, at kasuklam-suklam sila. Kasuklam-suklam at mababa ang karakter ng mga taong ito; wala silang dignidad o kahihiyan. Puno ng kasakiman, ambisyon, at pagnanais ang puso nila. Gusto lang nilang samantalahin ang pagkakataong gawin ang kanilang tungkulin para subukang magtamo ng mga interes para sa kanilang sarili, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, at hindi rin nila ginagawa ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag nagdarasal sila sa Diyos, humihiling din sila ng mga kanais-nais na bagay, ng mga interes, at ng mga pagpapala ng Diyos. Inilalarawan nila sa Diyos kung paano sila nagdusa at nagsakripisyo, at lumalapit sila sa Diyos para magdasal tungkol sa mga bagay na ito upang gamitin lamang ang mga paghihirap na tiniis nila at ang mga halagang ibinayad nila para makipagkasundo sa Kanya, upang humingi ng mga pagpapala at gantimpala mula sa Diyos, at iniaabot pa nga nila ang kanilang mga palad sa Diyos at hinihingi ang materyal na bagay na gusto nila. Ang gusto nilang ipahayag kapag lumalapit sila sa Diyos ay ang kanilang mga reklamo, pagsuway, kawalang-kasiyahan, hinaing, at sama ng loob, pati na rin ang kanilang pagkadismaya na hindi natutugunan ang kanilang kasakiman at mga pagnanais. Kapag nakikita ng Diyos ang mga pagpapamalas na ito, minamahal o kinamumuhian ba Niya sila? (Kinamumuhian Niya sila.) Kapag gumagawa sila ng kaunting pagsisikap para sa kapakanan ng iglesia, agad silang lumalapit sa Diyos para ideklara ito at angkinin ang papuri, para sabihin sa Diyos ang kanilang mga sakripisyo at kung ano ang inialay nila habang gumagawa ng iba’t ibang tungkulin o trabaho; takot na takot sila na hindi malaman ng Diyos ang mga bagay na ito, na hindi makita ng Diyos ang mga bagay na ito, at na makalimutan ng Diyos ang mga halagang ibinayad nila. Samakatwid, ang mga taong ito ay itinuturing na masama at lubos na wala nang kahihiyan sa harap ng Diyos. Kapag lumalapit sila sa Diyos para ilarawan at ideklara ang mga halagang ibinayad nila, para ilarawan sa Kanya kung ano ang mga bagay na nais nilang makuha, at para iabot ang kanilang palad sa Diyos at humingi ng mga gantimpalang gusto nila, sinasabi ng Diyos, “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” Ano ang saloobin ng Diyos? “Hindi karapat-dapat na lumapit sa Akin ang mga taong tulad mo. Nasusuklam Ako sa iyo at nakakaramdam Ako ng pagtutol sa iyo. Naibigay Ko ang lahat ng gusto mo; natanggap mo na nang isandaang ulit ang nais mong makamit sa buhay na ito. Ano pa ba ang gusto mo?” Ang nais na unang ibigay ng Diyos sa sangkatauhan ay hindi materyal na bagay, sa halip, nais Niyang ipagkaloob ang katotohanan sa sangkatauhan, nang sa gayon ay matamo nila ang kaligtasan sa pamamagitan ng katotohanan. Subalit, walang pakundangang kinokontra ng mga anticristo ang gawain ng Diyos, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi nila isinasagawa ang katotohanan. Sa halip, gusto nilang gamitin ang oportunidad na makagawa ng kanilang tungkulin sa panahon ng gawain ng Diyos upang hindi marapat na makapagtamo sila ng mga kanais-nais na bagay; sinasamantala nila ang mga butas sa sistema at nakikinabang sila sa lahat ng bagay habang napipinsala naman ang iba, subalit madalas nilang nararamdaman na nawawalan sila at hindi masyadong nakikinabang. Madalas din nilang nararamdaman na labis silang nagsakripisyo at nag-alay, na higit ang kanilang mga kawalan kaysa sa kanilang mga pakinabang at, dagdag pa rito, madalas nilang pinagsisisihan ang kanilang mga sakripisyo, at iniisip nila na hindi nila sapat na napag-isipang mabuti ang mga bagay-bagay o na hindi sila nakaisip ng plano para makaalis. Kaya, sa puso nila, madalas silang nagagalit dahil hindi sila nakakatanggap ng mga agarang gantimpala para sa kanilang mga sakripisyo, at puno rin sila ng mga reklamo laban sa Diyos. Sa kanilang puso, madalas silang nagkakalkula, iniisip na, “Hindi ba’t matuwid ang diyos? Walang kinikilingan ang diyos, hindi ba? Hindi ba’t ang diyos ay ang diyos na nagpapala sa mga tao? Hindi ba’t natatandaan ng diyos ang lahat ng mabubuting gawa at ang lahat ng inilaan at iginugol ng isang tao? Tinalikuran ko ang aking pamilya para sa gawain ng diyos at nagbayad ako ng halaga, pero ano ang nakukuha ko mula sa diyos?” Kung hindi natutugunan ang kanilang kasakiman at pagnanais sa loob ng maikling panahon, nagiging negatibo sila at nagsisimulang magreklamo. Kung hindi natutugunan ang kanilang kasakiman at pagnanais sa loob ng mahabang panahon, napupuno ng naipong sama ng loob ang kaibuturan ng kanilang puso. At ano ang mga kahihinatnan ng naipong sama ng loob na ito? Sa puso nila, sisimulan nilang pagdudahan at kuwestiyunin ang Diyos, husgahan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at maging ang pagmamahal at diwa ng Diyos. Kung maiipon nang matagal ang sama ng loob na ito, nagiging kanser ang mga bagay na ito at nagsisimulang kumalat, at magagawa na nilang ipagkanulo ang Diyos anumang oras. Lalo na kapag nasa harap sila ng ilang tao na negatibo at mahina at na may medyo mababang tayog, o sa harap ng ilang tao na bago pa lang sa pananalig, ibinubunyag at ipinapakalat nila paminsan-minsan ang mga negatibong emosyong ito, ipinapakalat ang kanilang kawalang-kasiyahan sa Diyos at paglapastangan sa Diyos, at ililigaw pa nga nila ang ilang tao na walang pagkilatis na pagdudahan ang matuwid na disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi ba’t ginagawa ito ng mga anticristo? Dahil hindi natutugunan ang kanilang mga ambisyon, pagnanais, paghahangad, at intensiyon, nakakaya nilang gawin ang mga bagay na ito at nakapagpapakita ng ganitong uri ng saloobin sa Diyos—anong disposisyon ito? Malinaw na disposisyon ito ng isang anticristo at isa itong satanikong disposisyon.