Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi) Ikaapat na Seksiyon

2. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang Mas Malalakas Kaysa sa Kanila

Pagdating sa pagnanais ng mga anticristo na protektahan ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, hindi lang sila nagpapakita at nagbubunyag ng kanilang kalikasang diwa kapag sila ay pinupungusan—nahaharap din ang mga anticristo sa maraming iba pang uri ng sitwasyon at usapin. Kaya, ang pangalawang paksa na pagbabahaginan natin ay kung paano pinapanatili ng mga anticristo ang kanilang katayuan at reputasyon sa loob ng grupo ng mga tao. Habang nasa isang grupo ng mga tao, anong mga pag-uugali ang ipinapakita ng mga anticristo na makapaglalarawan na sa lahat ng kanilang ginagawa, sinusubukan nilang protektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan? Maliwanag ba ang paksang ito o hindi? Malaki ba o maliit ang saklaw nito? Ito ba ay tipikal o hindi? (Tipikal ito.) Ang paksang ito ay direktang nauugnay sa kalikasang diwa ng mga anticristo. Anong mga pagpapamalas ang ipinapakita ng mga anticristo habang namumuhay kasama ng grupo ng mga tao? Anong uri ng saloobin at anong mga kilos ang ginagamit nila para protektahan ang kanilang reputasyon at katayuan? Una sa lahat, kung walang katayuan ang mga anticristo, mga anticristo pa rin ba sila? (Oo.) Kailangan mong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa konseptong ito. Huwag mong isipin na tanging ang mga tao na may katayuan ang maaaring magtaglay ng diwa ng mga anticristo at maging mga anticristo, o na ang mga ordinaryong tao na walang katayuan ay hindi mga anticristo. Sa totoo lang, napakalawak ng saklaw. Ang sinumang tao na nagtataglay ng diwa ng mga anticristo ay isang anticristo pa rin, hindi mahalaga kung siya ay may katayuan o wala, at kung siya man ay isang lider o isang ordinaryong mananampalataya; ito ay natutukoy sa pamamagitan ng kanyang diwa. Kung gayon, anong mga pagpapamalas ang ipinapakita ng mga taong may diwa ng mga anticristo habang sila ay mga ordinaryong tagasunod? Aling mga pagbubunyag ng kalikasang diwa ang nagsisilbing sapat na patunay na sila ay, sa katunayan, mga anticristo? Una, tingnan natin kung paano sila namumuhay sa loob ng mga grupo ng mga tao, kung paano nila tinatrato ang iba, at kung ano ang saloobing kinikimkim nila patungkol sa katotohanan. Ang higit na dapat nating pagbahaginan ay hindi kung ano ang kinakain ng mga anticristo, kung ano ang kanilang isinusuot, kung saan sila nakatira, o kung paano sila gumagala, kundi kung paano nila pinoprotektahan ang kanilang reputasyon at katayuan habang nasa loob ng mga grupo. Kahit na sila ay mga ordinaryong mananampalataya, palagi pa rin nilang sinusubukang protektahan ang kanilang reputasyon at katayuan, palaging nagbubunyag ng ganitong uri ng disposisyon at diwa, at ginagawa ang ganitong uri ng mga bagay. Samakatwid, nagbibigay-daan ito sa atin na mas lalong maunawaan ang disposisyon at diwa ng mga anticristo. May katayuan man o wala ang mga anticristo, at kailanman o saan man sila naroroon, ang disposisyon at diwa ng mga anticristo ay palaging nabubunyag at naipapamalas sa kanila. Hindi ito limitado sa anumang espasyo, heograpiya, o mga tao, pangyayari, at mga bagay.

Kapag gumagawa ng tungkulin ang mga anticristo, anuman ito at kahit nasaang grupo pa sila, nagpapamalas sila ng kakaibang uri ng pag-uugali, iyon ay na sa lahat ng bagay, gusto nila palaging namumukod-tangi at nagpapakitang-gilas, palagi silang may gawing pigilan ang mga tao at kontrolin ang mga ito, gusto nilang palaging pamunuan ang mga tao at na sila ang masunod, gusto nilang palagi silang napapansin, gusto nila palaging makuha ang tingin at atensiyon ng mga tao, at gusto nilang hangaan sila ng lahat. Sa tuwing sumasali ang mga anticristo sa isang grupo, kahit gaano pa karami ang bilang nito, kahit sino pa ang mga miyembro ng grupo, o kahit ano pa ang kanilang propesyon o pagkakakilanlan, pinag-iisipan munang mabuti ng mga anticristo ang mga bagay-bagay upang makita kung sino ang kapita-pitagan at namumukod-tangi, sino ang mahusay magsalita, sino ang kahanga-hanga, at sino ang kalipikado o may katanyagan. Tinatantiya nila kung sino ang kaya nilang talunin at kung sino ang hindi nila kaya, pati na rin kung sino ang nakahihigit sa kanila at kung sino ang mas mababa. Ito ang mga unang bagay na tinitingnan nila. Matapos na mabilisang suriin ang sitwasyon, sinisimulan nilang gumawa ng aksiyon, isinasantabi at pansamantalang hindi pinapansin ang mga nasa ilalim nila. Inuuna nila ang mga pinaniniwalaan nilang mas nakatataas, ang mga medyo may katanyagan at katayuan, o ang mga may kaloob at talento. Sinusukat muna nila ang kanilang sarili sa mga taong ito. Kung ang isa man sa mga taong ito ay iginagalang ng mga kapatid, o matagal nang mananampalataya sa Diyos at nasa mabuting kalagayan, nagiging puntirya siya ng inggit ng mga anticristo, at siyempre, nakikita siya bilang kakompetensiya. Tapos, tahimik na ikinukumpara ng mga anticristo ang kanilang sarili sa mga taong ito na may katanyagan, may katayuan, at hinahangaan ng mga kapatid. Sinisimulan nilang pagnilayan ang gayong mga tao, sinusuri kung ano ang kaya nilang gawin at kung saan sila nagpakadalubhasa, at kung bakit sila pinahahalagahan ng ilang tao. Habang nanonood at nagmamasid, napag-iisip-isip ng mga anticristo na ang mga taong ito ay mga eksperto sa isang partikular na propesyon, pati na rin ang katunayan na lubos silang iginagalang ng lahat, dahil mas matagal na silang nananampalataya sa Diyos, at nakakapagbahagi sila ng isang patotoong batay sa karanasan. Itinuturing ng mga anticristo ang gayong mga tao bilang “masisila” at kinikilala ang mga ito bilang mga katunggali, at pagkatapos ay bumubuo sila ng planong pagkilos. Anong planong pagkilos? Tinitingnan nila ang mga aspekto kung saan sila mahina kung ikukumpara sa kanilang mga katunggali at pagkatapos ay magsisimulang pagbutihan sa mga aspektong ito. Halimbawa, kung hindi sila ganoon kahusay sa isang partikular na propesyon gaya ng mga ito, pag-aaralan nila ang propesyong iyon, mas magbabasa ng mga libro, mas magsasaliksik ng lahat ng iba’t ibang impormasyon, at mapagpakumbabang mas hihingi ng panuto mula sa iba. Makikilahok sila sa iba’t ibang uri ng gawaing may kinalaman sa propesyong iyon, habang unti-unting nadaragdagan ang karanasan at nalilinang ang sarili nilang kapangyarihan. At kapag naniniwala sila na mayroon silang kapital para makipagtuos sa kanilang mga kalaban, madalas silang sumusulong para ipahayag ang kanilang sariling “napakatalinong mga pananaw,” at madalas nilang sadyang pinabubulaanan at minamaliit ang kanilang mga kalaban, para ipahiya sila at dumihan ang kanilang mga pangalan, at sa gayon ay mabigyang-diin kung gaano sila katalino at kakatangi-tangi, at supilin ang kanilang mga kalaban. Nakikita ng mga taong may matalas na pag-unawa ang lahat ng bagay na ito, tanging ang mga hangal at mangmang at walang pagkilatis ang hindi nakakakita nito. Ang nakikita lang ng karamihan sa mga tao ay ang kasigasigan ng mga anticristo, ang kanilang paghahangad, pagdurusa, pagbabayad ng halaga, at panlabas na mabuting pag-uugali, pero ang tunay na sitwasyon ay nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo. Ano ang kanilang pangunahing layunin? Ito ay ang magkamit ng katayuan. Ang puntirya kung saan nakasentro ang lahat ng kanilang gawain, ang lahat ng kanilang pagpapakapagod, at ang lahat ng halagang ibinabayad nila ay ang bagay na sinasamba nila nang higit sa lahat sa puso nila: ang katayuan at kapangyarihan.

Upang magkamit ng kapangyarihan at katayuan, ang unang ginagawa ng mga anticristo sa iglesia ay ang subukang kunin ang tiwala at pagpapahalaga ng ibang tao, para makakumbinsi sila ng mas maraming tao, at mahikayat ang mas maraming tao na tingalain at sambahin sila, sa gayon ay makamit ang kanilang layon na magkaroon ng huling salita sa iglesia, at humawak ng kapangyarihan. Pagdating sa pagkakaroon ng kapangyarihan, pinakabihasa sila sa pakikipagkompetensiya at pakikipaglaban sa ibang tao. Ang mga taong naghahangad sa katotohanan, na may katanyagan sa iglesia, at minamahal ng mga kapatid, ay ang kanilang pangunahing kakompetensiya. Ang sinumang tao na nagbabanta sa kanilang katayuan ay ang kanilang kakompetensiya. Nakikipagkompetensiya sila sa mga mas malakas sa kanila nang hindi natitinag; at nakikipagkompetensiya sila sa mga mas mahina sa kanila, nang walang anumang nararamdaman na awa. Ang puso nila ay puno ng mga pilosopiya ng labanan. Naniniwala sila na kung ang mga tao ay hindi nakikipagkompetensiya at nakikipaglaban, hindi sila makakakuha ng anumang pakinabang, at na makukuha lamang nila ang mga bagay na gusto nila sa pamamagitan ng pakikipagkompetensiya at pakikipaglaban. Upang magtamo ng katayuan, at makakuha ng nangungunang posisyon sa isang grupo ng mga tao, gagawin nila ang lahat para makipagkompetensiya sa iba, at hindi nila pinapalampas ang kahit isang tao na nagsisilbing banta sa kanilang katayuan. Kahit sino ang kanilang nakakasalamuha, puno sila ng pagnanais na makipaglaban, at kahit habang tumatanda na sila, lumalaban pa rin sila. Madalas nilang sinasabi na: “Kaya ko bang talunin ang taong iyon kung makikipagkompetensiya ako sa kanila?” Ang sinumang mahusay magsalita, at kayang magsalita sa isang lohikal, nakabalangkas, at sistematikong paraan, ay nagiging puntirya ng kanilang inggit at panggagaya. Dagdag pa rito, nagiging kakompetensiya nila ito. Ang sinumang naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng pananalig, at kayang tumulong at sumuporta sa mga kapatid nang madalas, at nakapagpapaahon sa kanila mula sa pagiging negatibo at mahina, ay nagiging kakompetensiya rin nila, pati na rin ang sinumang eksperto sa isang partikular na propesyon, at medyo pinahahalagahan ng mga kapatid. Ang sinumang nakakakuha ng mga resulta sa kanilang gawain, at nagtatamo ng pagkilala ng Itaas, ay natural na nagiging mas malaking kakompetensiya para sa kanila. Ano ang mga kasabihan ng mga anticristo, kahit saang grupo man sila naroroon? Ibahagi ang inyong mga kaisipan. (Ang pakikipaglaban sa ibang tao at sa Langit ay isang walang katapusang kasiyahan.) Hindi ba’t kabaliwan ito? Kabaliwan ito. May iba pa bang gustong magsalita? (Diyos, hindi kaya iniisip nila na: “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa”? Ibig sabihin, gusto nila na maging sila ang pinakamataas, at kahit sino pa ang kasama nila, palagi nilang gustong higitan ang mga ito.) Isa ito sa kanilang mga ideya. Sino pa ang may sasabihin? (Diyos, naisip ko ang apat na salita: “Ang panalo ay hari.” Sa tingin ko, gusto nila palagi silang nakalalamang kaysa sa iba at mamukod-tangi, saan man sila naroroon, at nagsisikap sila na maging pinakamataas.) Karamihan sa sinabi ninyo ay mga uri ng ideya; subukan ninyong gumamit ng isang uri ng pag-uugali para ilarawan sila. Hindi kinakailangang naisin ng mga anticristo na mag-okupa ng pinakamataas na posisyon saan man sila naroroon. Sa tuwing pumupunta sila sa isang lugar, mayroon silang disposisyon at mentalidad na pumupuwersa sa kanila na kumilos. Ano ang pag-iisip na ito? Ito ay “Kailangan kong makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya!” Bakit tatlong “makipagkompetensiya,” bakit hindi iisang “makipagkompetensiya”? (Kompetisyon na ang naging buhay nila, namumuhay sila ayon dito.) Ito ang kanilang disposisyon. Isinilang sila na may disposisyon na napakayabang at mahirap pigilan, iyon ay ang pagturing nila sa kanilang sarili bilang pinakamagaling sa lahat, at pagiging lubhang mapagmataas. Walang makapipigil sa kanilang napakayabang na disposisyon; sila rin mismo ay hindi ito makontrol. Kaya ang buhay nila ay tungkol lamang sa pakikipaglaban at pakikipagkompetensiya. Ano ang ipinaglalaban at pinagkokompetensiyahan nila? Karaniwan, nakikipagkompetensiya sila para sa kasikatan, pakinabang, katayuan, dangal, at sarili nilang mga interes. Anumang mga pamamaraan ang kailangan nilang gamitin, basta’t nagpapasakop ang lahat sa mga ito, at basta’t natatamo nila ang mga pakinabang at katayuan para sa kanilang sarili, nakamit na nila ang kanilang layon. Ang kagustuhan nilang makipagkompetensiya ay hindi isang pansamantalang libangan; ito ay isang uri ng disposisyon na nagmumula sa satanikong kalikasan. Katulad ito ng disposisyon ng malaking pulang dragon na nakikipaglaban sa Langit, nakikipaglaban sa lupa, at nakikipaglaban sa mga tao. Ngayon, kapag nakikipaglaban at nakikipagkompetensiya ang mga anticristo sa iba sa iglesia, ano ang gusto nila? Walang duda, nakikipagkompetensiya sila para sa reputasyon at katayuan. Ngunit kung magkamit sila ng katayuan, ano ang silbi nito sa kanila? Anong buti ang idudulot sa kanila kung pakinggan, hangaan, at sambahin sila ng iba? Ni hindi nga ito maipaliwanag ng mga anticristo mismo. Ang totoo, gusto nilang magtamasa ng reputasyon at katayuan, na ngitian sila ng lahat ng tao, at batiin sila nang may pambobola at papuri. Kaya, tuwing pumupunta sa iglesia ang isang anticristo, isa lang ang ginagawa nila: nakikipaglaban at nakikipagkompetensiya sa iba. Kahit magkaroon sila ng kapangyarihan at katayuan, hindi pa sila tapos. Para maprotektahan ang kanilang katayuan at masiguro ang kanilang kapangyarihan, patuloy silang nakikipaglaban at nakikipagkompetensiya sa iba. Gagawin nila ito hanggang sa mamatay sila. Kaya, ang pilosopiya ng mga anticristo ay, “Hangga’t buhay ka, huwag kang tumigil sa pakikipaglaban.” Kung may isang masamang taong katulad nito sa loob ng iglesia, makakagulo ba ito sa mga kapatid? Halimbawa, sabihin nating ang lahat ay tahimik na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, at ang atmospera ay payapa at masaya ang lagay ng loob. Sa panahong ito, magngingitngit sa kawalang-kasiyahan ang isang anticristo. Maiinggit siya sa mga nagbabahaginan tungkol sa katotohanan at kinamumuhian niya ang mga ito. Sisimulan niyang tuligsain at husgahan ang mga ito. Hindi ba nito magugulo ang payapang kapaligiran? Masamang tao siya na dumating para guluhin at inisin ang iba. Ganyan ang mga anticristo. Kung minsan, walang balak ang mga anticristo na sirain o talunin ang mga kinokompetensiya at sinusupil nila; basta’t nagtatamo sila ng reputasyon, katayuan, pagpapahalaga sa sarili, at dangal, at napapahanga nila ang mga tao, nakamit na nila ang kanilang layon. Habang nakikipagkompetensiya sila, nagbubunyag sila ng medyo malinaw na satanikong disposisyon. Anong disposisyon ito? Ibig sabihin, sa anumang iglesia man sila naroroon, palagi nilang gustong makipagkompetensiya at makipaglaban sa ibang tao, palagi nilang gustong makipagkompetensiya para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at nararamdaman lamang nila na naisakatuparan na nila ang kanilang layon kapag nasadlak ang iglesia sa kaguluhan at kaligaligan, at kapag nagkamit na sila ng katayuan at ang lahat ay nagpaubaya na sa kanila. Ito ang kalikasan ng mga anticristo, ibig sabihin, ginagamit nila ang kompetisyon at pakikipaglaban para matamo ang kanilang mga layon.

Ano ang kasabihan ng mga anticristo, kahit nasaang grupo man sila? “Kailangan kong makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Dapat akong makipagkompetensiya upang maging pinakamataas at pinakadakila!” Ito ang disposisyon ng mga anticristo; kahit saan sila pumunta, sila ay nakikipagkompetensiya at sumusubok na kamtin ang kanilang mga pakay. Sila ang mga tagasunod ni Satanas, at ginagambala nila ang gawain ng iglesia. Ang disposisyon ng mga anticristo ay ganito: Nagsisimula sila sa pagtingin-tingin sa iglesia para makita kung sino ang maraming taon nang nananampalataya sa Diyos at mayroong kapital, sino ang may ilang kaloob o talento, sino ang naging kapaki-pakinabang sa mga kapatid sa buhay pagpasok nila, sino ang may higit na katanyagan, sino ang may mataas na ranggo, sino ang pinupuri ng mga kapatid, sino ang may mas maraming positibong bagay. Ang mga taong iyon ang magiging kakompetensiya nila. Sa kabuuan, tuwing nasa isang grupo ng mga tao ang mga anticristo, ito ang palagi nilang ginagawa: Sila ay nakikipagkompetensiya para sa katayuan, nakikipagkompetensiya para sa magandang reputasyon, nakikipagkompetensiya para sila ang may huling salita sa mga bagay-bagay at ang may karapatan na gumawa ng mga desisyon sa grupo, na, kapag nakamit na nila ito, ay nagpapasaya sa kanila. Nakakagawa ba sila ng aktuwal na gawain matapos nilang makamit ang mga bagay na ito? Tiyak na hindi, hindi sila nakikipagkompetensiya at nakikipaglaban para gumawa ng aktuwal na gawain; ang layon nila ay ang madaig ang lahat. “Wala akong pakialam kung handa kang magpaubaya sa akin o hindi; kung kapital ang pag-uusapan, ako ang pinakamagaling, pagdating sa mga kasanayan sa pagsasalita, ako ang pinakamahusay, at pagdating sa mga kaloob at talento, ako ang may pinakamarami.” Anuman ang larangan, palagi nilang gustong makipagkompetensiya para sa nangungunang puwesto. Kung nagpapasya ang mga kapatid na maging superbisor ang mga anticristo, makikipagkompetensiya ang mga anticristo sa kanilang mga katuwang para magkaroon ng huling salita at karapatan na gumawa ng mga desisyon. Kung ipinapangasiwa sa kanila ng iglesia ang isang partikular na gawain, igigiit nila na sila ang masusunod sa kung paano ito isasakatuparan. Gugustuhin nila na magsikap para magtagumpay at maging realidad ang lahat ng kanilang sinasabi at ang lahat ng bagay na kanilang pinagpapasyahan. Kung panghahawakan ng mga kapatid ang ideya ng ibang tao, papalampasin ba nila ito? (Hindi.) Magkakaroon ng gulo. Kung hindi ka makikinig sa kanila, tuturuan ka nila ng leksiyon, ipaparamdam nila sa iyo na hindi mo kaya nang wala sila, at ipapakita sa iyo kung ano ang magiging mga kahihinatnan kung hindi mo sila susundin. Ganito kapalalo, kakasuklam-suklam, at ka-di-makatwiran ang disposisyon ng mga anticristo. Wala silang konsensiya ni katwiran, ni wala sila kahit kaunting bahid ng katotohanan. Nakikita ng isang tao sa mga kilos at gawa ng isang anticristo na ang ginagawa niya ay wala sa katwiran ng isang normal na tao, at bagama’t maaaring magbahagi sa kanya ang isang tao tungkol sa katotohanan, hindi niya iyon tinatanggap. Gaano man katama ang sinasabi mo, hindi iyon katanggap-tanggap sa kanya. Ang tanging gusto niyang hangarin ay reputasyon at katayuan, na kanyang pinagpipitaganan. Basta’t natatamasa niya ang mga pakinabang ng katayuan, kontento na siya. Pinaniniwalaan niyang ito ang kahalagahan ng kanyang pag-iral. Anumang grupo ng mga tao ang kanyang kinabibilangan, kailangan niyang ipakita sa mga tao ang “liwanag” at “init” na ibinibigay niya, ang kanyang mga talento, ang kanyang pagiging natatangi. At ito ay dahil naniniwala siyang espesyal siya kaya likas sa kanyang isipin na dapat siyang tratuhin nang mas mabuti kaysa sa mga ordinaryong tao, na dapat siyang tumanggap ng suporta at paghanga ng mga tao, na dapat siyang tingalain ng mga tao, sambahin siya—iniisip niyang ang lahat ng ito ay naaangkop sa kanya. Hindi ba garapal at walang kahihiyan ang gayong mga tao? Hindi ba problema ang magkaroon ng gayong mga tao sa iglesia? Kapag may nangyayari, natural lang na dapat makinig ang mga tao sa sinumang nagsasalita nang tama, magpasakop sa sinumang nagbibigay ng isang mungkahi na kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at tanggapin ang mungkahi ng sinuman na siyang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung may sasabihin ang mga anticristo na hindi naaayon sa mga prinsipyo, maaaring hindi sila pakikinggan ng lahat o tatanggapin ang kanilang mungkahi. Sa ganoong sitwasyon, ano ang gagawin ng mga anticristo? Patuloy nilang sisikapin na ipagtanggol at pangatwiranan ang kanilang sarili, at mag-iisip ng mga paraan upang makumbinsi ang iba, at mahikayat ang mga kapatid na pakinggan sila at tanggapin ang kanilang mungkahi. Hindi nila isinasaalang-alang kung ano ang maaaring maging epekto nito sa gawain ng iglesia kung tinanggap ang kanilang mungkahi. Wala ito sa loob ng saklaw ng mga bagay na kanilang isinasaalang-alang. Ano ang tanging bagay na kanilang isasaalang-alang? “Kung hindi tatanggapin ang aking mungkahi, saan ko maipapakita ang aking mukha? Kaya, kailangan kong makipagkompetensiya, at magsikap para matanggap ang aking mungkahi.” Sa tuwing may nangyayari, ganito sila mag-isip at kumilos. Hindi sila kailanman nagninilay-nilay kung naaayon ba ito sa mga prinsipyo o hindi, at hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan. Ito ang disposisyon ng mga anticristo.

Ano ang pangunahing pagpapamalas ng ganap na kawalan ng katwiran ng mga anticristo? Naniniwala sila na mayroon silang mga kaloob, na sila ay magaling, nagtataglay ng mahusay na kakayahan, at na dapat silang sambahin at suportahan ng ibang tao, at ilagay sa isang mahalagang posisyon ng sambahayan ng Diyos. Higit pa rito, naniniwala sila na dapat tanggapin at isulong ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng mungkahi at ideya na inihahain nila, at kung hindi ito tatanggapin ng sambahayan ng Diyos, magagalit sila nang husto, lalabanan ang sambahayan ng Diyos, at magtatayo ng kanilang nagsasariling mga kaharian. Hindi ba’t ang pagbubunyag na ito ng disposisyon at diwa ng mga anticristo ay nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa iglesia? Maaaring sabihin na ang lahat ng kilos ng mga anticristo ay nagsasanhi ng napakalaking pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag nakikipagkompetensiya ang mga anticristo para sa mga posisyon ng pamumuno sa iglesia at sa katanyagan sa gitna ng mga taong hinirang ng Diyos, gumagamit sila ng lahat ng paraang kaya nila para atakihin ang iba at itaas ang kanilang sarili. Hindi nila isinasaalang-alang kung gaano nila maaaring masira nang husto ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang buhay pagpasok ng mga taong hinirang ng Diyos. Ang isinasaalang-alang lamang nila ay kung mapapalugod ba ang kanilang mga ambisyon at pagnanais, at kung magiging tiyak ba ang sarili nilang katayuan at reputasyon. Ang kanilang papel sa mga iglesia at sa gitna ng mga taong hinirang ng Diyos ay bilang mga demonyo, bilang ang masasama, bilang mga kampon ni Satanas. Hinding-hindi sila mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos, ni hindi sila mga tagasunod ng Diyos, lalong hindi sila mga taong nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan. Kapag hindi pa natatamo ang kanilang mga intensiyon at layon, hindi nila kailanman pinagninilayan at kinikilala ang kanilang sarili, hindi nila kailanman pinagninilayan kung ang kanilang mga intensiyon at layon ay nakaayon sa katotohanan, hindi nila kailanman sinasaliksik kung paano tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan para makamit ang kaligtasan. Hindi sila nananampalataya sa Diyos at pumipili ng landas na dapat nilang tahakin nang may mapagpasakop na isipan. Sa halip, pinipiga nila ang kanilang utak, iniisip na: “Paano ko mararating ang posisyon ng isang lider o ng isang manggagawa? Paano ako makikipagkompetensiya sa mga lider at manggagawa ng iglesia? Paano ko malilihis at makokontrol ang mga taong hinirang ng diyos, at gawing tau-tauhan lamang si cristo? Paano ako makakakuha ng puwesto para sa aking sarili sa iglesia? Paano ko matitiyak na mayroon akong matatag na posisyon sa iglesia at nakapagkakamit ng katayuan, masisiguro na magtatagumpay ako at hindi mabibigo, at matatamo sa huli ang aking layon na kontrolin ang hinirang na mga tao ng diyos at magtatag ng sarili kong kaharian?” Ito ang mga bagay na iniisip ng mga anticristo sa mga araw at gabi. Anong disposisyon at kalikasan ito? Halimbawa, kapag nagsusulat ng mga artikulo ng patotoo ang mga ordinaryong kapatid, iniisip nila kung paano tapat na maipapahayag ang kanilang mga karanasan at pagkaunawa sa pamamagitan ng pagsulat. Kaya, nananalangin sila sa harap ng Diyos nang umaasa na pagkakalooban sila ng Diyos ng higit pang kaliwanagan tungkol sa katotohanan, at bigyang-daan sila na makapagkamit ng mas malaki at malalim na pagkaunawa rito. Samantalang kapag nagsusulat ng mga artikulo ang mga anticristo, pinipiga nila ang kanilang utak sa pagninilay-nilay kung paano susulat sa paraan na mas maraming tao ang makakaintindi sa kanila, makakakilala sa kanila, at hahangaan sila, at sa gayon ay magkakamit sila ng katayuan sa isipan ng mas maraming tao. Nais nilang gamitin itong pinakaordinaryo at pinakamaliit na bagay para madagdagan ang kanilang kasikatan. Ni hindi nila kayang palampasin ang ganitong uri ng pagkakataon. Anong klaseng tao sila? Kapag nakikita ng ilang anticristo na nakapagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ang ibang tao, nagnanais sila na sumulat ng isang bagay na mas kamangha-mangha kaysa sa patotoong batay sa karanasan ng sinuman, sa pagsisikap na makipagkompetensiya sa mga ito para sa katayuan at katanyagan. At dahil dito, nag-iimbento at nangongopya sila ng mga kuwento. Nangangahas pa nga sila na gumawa ng mga bagay-bagay gaya ng pekeng patotoo. Para sumikat sila, para makilala ng mas maraming tao, at mapalaganap ang kanilang pangalan, hindi nag-aatubili ang mga anticristo na gumawa ng iba’t ibang kahiya-hiyang bagay. Ni hindi nila pinapalampas maging ang pinakamaliit na pagkakataon para maging kilala, para magkamit ng katayuan, at mapahalagahan sa isang grupo ng mga tao at matrato nang may espesyal na paggalang. Ano ang pakay ng pagtrato nang may espesyal na paggalang? Anong mga kahihinatnan at mga layon ang nais makamit ng mga anticristo? Nais ng mga anticristo na ituring sila ng iba bilang mga pambihirang tao, mga tao na mas marangal kaysa kaninuman, at mahusay sa ilang partikular na larangan; nais nilang mag-iwan ng magandang impresyon sa isipan ng iba, isang malalim na impresyon, at unti-unti pa nga nilang itinutulak ang ibang tao na kainggitan, hangaan, at tingalain sila. Habang nagsusumikap sila sa abot ng kanilang makakaya para matamo ang layong ito, patuloy rin nilang tinatahak ang parehong landas na tinatahak nila noon.

Kahit anong grupo ng mga tao sila kasama, hindi mahalaga kung nagkukunwari sila o nagpapakapagod, ang nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo ay walang iba kundi isang pagnanais para sa katayuan. Ang diwa na ibinubunyag at ipinamamalas nila ay walang iba kundi ang pakikipaglaban at pakikipagkompetensiya. Anuman ang ginagawa ng mga anticristo, nakikipagkompetensiya sila sa iba para sa katayuan, dangal, at mga interes. Ang pinakakaraniwang pagpapamalas nito ay ang pakikipagkompetensiya para sa isang magandang pangalan, magandang pagtatasa, at katayuan sa isipan ng mga tao, upang pahalagahan at sambahin sila ng mga tao, at nakatuon at nakasentro ang mga ito sa kanila. Ito ang landas na tinatahak ng mga anticristo; ito ang ipinaglalaban ng mga anticristo. Hindi mahalaga kung paano kinokondena at hinihimay-himay ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi tatanggapin ng mga anticristo ang katotohanan, o tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, o bibitiwan ang mga bagay na ito na hinahatulan at kinokondena ng Diyos. Sa kabaligtaran, habang mas inilalantad ng Diyos ang mga bagay na ito, mas nagiging tuso ang mga anticristo. Gumagamit sila ng mga mas tago at tusong paraan para hangarin ang mga bagay na ito, nang sa gayon ay hindi makita ng mga tao ang kanilang ginagawa, at maling paniniwalaan na binitiwan na nila ang mga bagay na ito. Habang mas inilalantad ng Diyos ang mga bagay na ito, mas lalong naghahanap ng mga paraan ang mga anticristo na gumamit ng mga mas mapanlinlang at mas mautak na pamamaraan para hangarin at kamtin ang mga ito. Dagdag pa rito, gumagamit sila ng magagandang-pakinggan na salita para itago ang kanilang mga lihim na motibo. Sa kabuuan, lubos na hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, hindi nagninilay-nilay sa kanilang pag-uugali, o lumalapit sa Diyos nang nagdarasal at naghahanap sa katotohanan. Sa kabaligtaran, mas lalo pa nga silang hindi nasisiyahan sa kanilang puso sa paglalantad at paghatol ng Diyos, hanggang sa punto na pinanghahawakan nila ang isang mapanlaban na saloobin patungkol sa mga bagay na ito. Bukod sa hindi nila isinusuko ang kanilang paghahangad ng reputasyon at katayuan, mas lalo pa nilang pinahahalagahan ang mga bagay na ito, at nag-iisip sila ng mga paraan para ilihim at itago ang paghahangad na ito, at para pigilan ang mga tao na makilatis at makita ito. Anuman ang sitwasyon, hindi lamang nabibigo ang mga anticristo na isagawa ang katotohanan, kundi, kapag nabubunyag ang kanilang tunay na kulay, ibig sabihin, kapag hindi sinasadyang naibubunyag nila itong mga ambisyon at pagnanais nila, mas nag-aalala sila na makikilatis ng iba ang kanilang diwa at tunay na mukha batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, kaya, sinisikap nilang itago ito, at ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para ipagtanggol ang kanilang sarili. Ano ang pakay nila sa pagtatago nito? Ito ay para protektahan ang kanilang katayuan at reputasyon mula sa pagdanas ng mga kawalan, at upang mapanatili ang kanilang lakas para sa susunod nilang pakikipaglaban. Ito ang diwa ng mga anticristo. Anumang oras o sitwasyon, ang mga layon at direksiyon ng kanilang pag-asal ay hindi magbabago, pati na rin ang mga layon nila sa buhay, o ang mga prinsipyo sa likod ng kanilang mga kilos, o ang pagnanais, ambisyon, at pakay sa kaibuturan ng kanilang puso na maghangad ng katayuan. Bukod sa gagawin nila ang kanilang makakaya para sikaping makamit ang katayuan, paiigtingin nila ang kanilang pagsusumikap para matamo ito. Habang mas nagbabahagi ang sambahayan ng Diyos sa katotohanan, mas lalo silang mautak na umiiwas sa paggamit ng ilang malinaw na pag-uugali at pagpapamalas na nakikita at nakikilatis ng ibang tao. Magpapalit sila ng ibang uri ng pamamaraan, at mapait na iiyak habang inaamin ang kanilang mga pagkakamali at kinokondena ang kanilang sarili, nakukuha ang simpatiya ng mga tao, maling pinapaniwala ang mga tao na nagsisi at nagbago na sila, at ginagawa nilang mas mahirap para sa mga tao na makilatis sila. Ano ang diwang ito ng mga anticristo? Hindi ba’t medyo mapanlinlang ito? (Oo, ganoon nga.) Kapag ganito kamapanlinlang ang mga tao, sila ay mga diyablo. Kaya ba ng mga diyablo na tunay na magsisi? Kaya ba talaga nilang isantabi ang kanilang ambisyon at pagnanais na hangarin ang katayuan? Mas gugustuhin pa ng mga diyablo na mamatay kaysa sa isantabi ang ambisyong ito. Kahit gaano mo ibahagi sa kanila ang katotohanan, magiging walang silbi ito, hindi nila isasantabi ang ambisyong ito. Kung, sa ganitong sitwasyon, ay natalo sila at inilantad sila ng mga kapatid, magpapatuloy pa rin sila sa pakikipaglaban at pakikipagkompetensiya para sa katayuan, dangal, huling salita, at karapatan na gumawa ng mga desisyon kapag lumipat na sila sa susunod na grupo. Makikipagkompetensiya sila para sa mga bagay na ito. Anumang sitwasyon, o anumang grupo ng mga tao ang kinabibilangan nila, ang prinsipyo na palagi nilang sinusunod ay ang makipagkompetensya: “Ako lang ang maaaring mamuno; walang ibang puwedeng mamuno sa akin!” Talagang ayaw nilang maging mga ordinaryong tagasunod, o tumanggap ng pamumuno o tulong ng ibang tao. Ito ang diwa ng mga anticristo.