Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi) Ikalawang Seksiyon

1. Kung Paano Tinatrato ng mga Anticristo ang Mapungusan

Ang mga anticristo ay nagkikimkim ng mga napakalaking ambisyon at pagnanais pagdating sa katayuan at reputasyon, at masyado itong nakakasuya at kasuklam-suklam para sa iba. Sapat na ito para maipakita na ang kalikasang diwa ng isang anticristo ay napakapangit at buktot. Kung gayon, aling mga partikular na pagpapamalas ang naglalarawan sa kalikasang diwa ng isang anticristo? Una, pag-isipan natin kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan. (Kinamumuhian nila ito at hindi nila ito tinatanggap.) Sa anong paraan nila ito kinamumuhian? Idetalye mo. (May isang anticristo na gumawa ng maraming kasamaan, at nang ilantad ng kanyang mga kapatid ang ilan sa kanyang mga pagpapamalas, hindi man lang siya nagsisi, masyado siyang mapagmatigas, at hindi man lang nakaramdam ng kahit katiting na pagsisisi. Pakiramdam pa nga niya ay inagrabyado siya. Ito ang uri ng pagpapamalas na nakita ko.) Isa itong klasikong pagpapamalas ng isang anticristo. Ang karaniwang pag-uugali ng mga anticristo sa pagpupungos ay masidhing tanggihang tanggapin o aminin iyon. Gaano man karaming kasamaan ang ginagawa nila o gaano mang pinsala ang ginagawa nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, hindi sila nakakaramdam ni katiting na pagsisisi o na may pagkakautang silang ano man. Mula sa pananaw na ito, mayroon bang pagkatao ang mga anticristo? Talagang wala. Nagdudulot sila ng samu’t saring pinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos at nagdadala ng pinsala sa gawain ng iglesia—kitang-kita itong maliwanag pa sa sikat ng araw ng hinirang na mga tao ng Diyos, at nakikita nila ang sunod-sunod na masasamang gawa ng mga anticristo. At gayumpaman hindi tinatanggap o kinikilala ng mga anticristo ang katunayang ito; nagmamatigas silang tumatangging aminin na mali sila o na sila ang may pananagutan. Hindi ba’t isa itong indikasyon na tutol sila sa katotohanan? Tutol ang mga anticristo sa katotohanan hanggang sa puntong ito—gaano man karaming masamang bagay ang gawin nila, matigas silang tumatangging aminin ito, at nananatili silang hindi nagpapasakop hanggang sa huli. Sapat nitong pinatutunayan na hindi kailanman sineseryoso ng mga anticristo ang gawain ng sambahayan ng Diyos o tinatanggap ang katotohanan. Hindi sila naparito para manampalataya sa Diyos; mga alipin sila ni Satanas, na naparito para gambalain at guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Reputasyon at katayuan lamang ang laman ng puso ng mga anticristo. Naniniwala sila na kung aaminin nila ang kanilang pagkakamali, kakailanganin nilang tanggapin ang responsabilidad, at kung magkagayon, lubhang makokompromiso ang kanilang katayuan at reputasyon. Bilang resulta, lumalaban sila nang may saloobin ng “magkaila hanggang mamatay.” Paano man sila inilalantad o hinihimay-himay ng mga tao, ginagawa nila ang makakaya nila para itanggi ito. Kung sinasadya man o hindi ang kanilang pagtanggi, sa madaling salita, sa isang banda, inilalantad ng mga ugaling ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo na tumututol at namumuhi sa katotohanan. Sa isa pang banda, ipinapakita nito kung gaano pinahahalagahan ng mga anticristo ang kanilang sariling katayuan, reputasyon, at mga interes. Samantala, ano ang kanilang saloobin ukol sa gawain at mga interes ng iglesia? Paghamak at pagiging iresponsable. Walang-wala silang konsensiya at katwiran. Ipinapakita ba ng pag-iwas ng mga anticristo sa responsabilidad ang mga problemang ito? Sa isang banda, ang pag-iwas sa responsabilidad ay nagpapatunay sa kanilang kalikasang diwa ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan, habang sa isa pang banda, ipinapakita nito ang kawalan nila ng konsensiya, katwiran, at pagkatao. Gaano man napipinsala ng kanilang panggugulo at masasamang gawain ang buhay pagpasok ng mga kapatid, hindi sila nakadarama ng paninisi sa sarili at hindi kailanman nababahala tungkol dito. Anong uri ng nilikha ito? Kahit ang pag-amin sa bahagi ng kanilang pagkakamali ay maituturing bilang pagkakaroon nila ng kaunting konsensiya at katwiran ngunit wala ni katiting na ganoong pagkatao ang mga anticristo. Kaya ano sila sa palagay ninyo? Ang mga anticristo ay mga diyablo sa diwa. Gaano mang pinsala ang kanilang ginagawa sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ito nakikita. Hindi nila ito ikinalulungkot ni bahagya sa kanilang mga puso, ni hindi nila sinisisi ang kanilang mga sarili, at lalong hindi nakakaramdam ng pagkakautang. Hinding-hindi ito ang dapat na makita sa mga normal na tao. Sila ay mga diyablo, at ang mga diyablo ay walang anumang konsensiya o katwiran. Kahit gaano karaming masamang bagay ang ginagawa nila, at kahit gaano kalaking mga kawalan ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, mariin nilang tinatangging aminin ito. Naniniwala sila na ang pag-amin dito ay nangangahulugang may nagawa silang mali. Iniisip nila, “Makakagawa ba ako ng mali? Hindi ako kailanman gagawa ng mali! Kung ipapaamin sa akin ang pagkakamali ko, hindi ba’t isang insulto iyon sa aking pagkatao? Bagama’t sangkot ako sa insidenteng iyon, hindi ako ang nagpasimuno nito, at hindi ako ang pangunahing responsable rito. Hanapin mo ang sinumang gusto mo, pero hindi dapat ako ang hinahanap mo. Anumang mangyari, hindi ko puwedeng aminin ang pagkakamaling ito. Hindi ko puwedeng pasanin ang responsabilidad na ito!” Iniisip nila na sila ay kokondenahin, sesentensiyahan ng kamatayan, at ipapadala sa impiyerno at sa lawa ng apoy at asupre kung aaminin nila ang kanilang pagkakamali. Sabihin mo sa Akin, kaya bang tanggapin ng mga ganitong tao ang katotohanan? Makakaasa ba ang isang tao na tunay siyang magsisisi? Paano man magbahagi ang iba tungkol sa katotohanan, nilalabanan pa rin ito ng mga anticristo, ipinupuwesto nila ang kanilang sarili laban dito, at sinusuway ito sa kaibuturan ng kanilang puso. Kahit pagkatapos silang tanggalin, hindi pa rin nila inaamin ang kanilang mga pagkakamali, at wala silang ipinapakitang anumang pagpapamalas ng pagsisisi. Nang binanggit ang usapin pagkatapos ng 10 taon, hindi pa rin nila kilala ang kanilang sarili, at hindi pa rin nila inaamin na nagkamali sila. Nang binanggit ang usapin pagkatapos ng 20 taon, hindi pa rin nila kilala ang kanilang sarili, at sinusubukan pa rin nilang pangatwiranan at ipagtanggol ang kanilang sarili. At ang mas kasuklam-suklam pa, nang binanggit ang usapin pagkatapos ng 30 taon, hindi pa rin nila kilala ang kanilang sarili, at sinusubukan pa rin nilang makipagtalo at pangatwiranan ang kanilang sarili, sinasabing: “Hindi ako nagkamali, kaya hindi ko puwedeng aminin ito. Hindi ko ito responsabilidad; hindi ko dapat pasanin ito.” At sa gulat ng lahat, 30 taon pagkatapos silang tanggalin, nagkikimkim pa rin ang mga anticristong ito ng isang saloobin ng paglaban sa paraan ng pangangasiwa sa kanila ng iglesia. Kahit na pagkatapos ng 30 taon, hindi man lang sila nagbago. Kung gayon, paano nila ginugol ang 30 taon na iyon? Maaari kayang hindi nila binasa ang salita ng Diyos o pinagnilayan ang kanilang sarili? Maaari kayang hindi sila nanalangin o nagtapat ng saloobin sa Diyos? Maaari kayang hindi sila nakinig sa mga sermon at pagbabahaginan? Maaari kayang hindi sila nag-iisip, at hindi nagtataglay ng pag-iisip ng isang normal na pagkatao? Tunay na isang misteryo kung paano nila ginugol ang 30 taon na iyon. Tatlumpung taon pagkatapos mangyari ang insidente, puno pa rin sila ng sama ng loob, iniisip na inagrabyado sila ng kanilang mga kapatid, na hindi sila nauunawaan ng Diyos, na hindi sila trinato nang maayos ng sambahayan ng Diyos, naglikha ito ng mga problema para sa kanila, pinahirapan sila, at hindi makatarungang pinagbintangan sila. Sabihin ninyo sa Akin, kaya bang magbago ng mga ganitong tao? Tiyak na hindi nila kayang magbago. Ang puso nila ay puno ng pagkamapanlaban sa mga positibong bagay, at ng paglaban at pagsalungat. Naniniwala sila na, sa pamamagitan ng paglalantad sa kanilang masasamang gawa at pagpupungos sa kanila, sinisira ng ibang tao ang kanilang pagkatao, dinudungisan ang kanilang reputasyon, at dinudulutan ng napakalaking pinsala ang kanilang reputasyon at katayuan. Hindi sila kailanman lalapit sa Diyos para manalangin, maghanap, at kilalanin ang kanilang sariling mga pagkakamali sa usaping ito, at hindi sila kailanman magkakaroon ng saloobin ng pagsisisi o pag-amin sa kanilang mga pagkakamali. Lalong hindi nila tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Ngayon, nagkikimkim pa rin sila ng pagsuway, kawalan ng kasiyahan, at mga hinaing habang pinangangatwiranan ang kanilang sarili sa Diyos, at hinihiling sa Diyos na ituwid ang mga kamaliang ito, na ibunyag ang usaping ito, at hatulan kung sino talaga ang tama at sino ang mali, hanggang sa puntong pinagdududahan at itinatatwa pa nga nila ang pagiging matuwid ng Diyos dahil sa usaping ito, at pinagdududahan at itinatatwa ang katunayan na ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan at ng Diyos. Ito ang huling kalalabasan ng pagpungos sa mga anticristo—tinatanggap ba nila ang katotohanan? Hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti; determinado silang hindi tanggapin ito. Mula rito, makikita natin na ang kalikasang diwa ng isang anticristo ay tumututol at namumuhi sa katotohanan.

Dahil hindi tinatanggap ng mga anticristo na mapungusan, mayroon ba silang anumang kaalaman sa pagpupungos? Kapag nagbabahagi sila tungkol sa aspektong ito ng katotohanan, ano ang sinasabi nila? Ano ang itinuturo nila sa iba? Sinasabi nila, “Ang pagpupungos sa mga tao ay isang pamamaraan na ginagamit ng diyos para gawin silang perpekto. Nagbibigay-daan ito sa mga tao na mas makilalang mabuti ang kanilang sarili. Kapag ang mga tao ay pinupungusan, dapat nilang tanggapin ito at dapat magpasakop sila rito nang walang kondisyon. Ang mga hindi tumatanggap sa pagpupungos ay mga tao na naghihimagsik laban sa diyos at hindi nagmamahal sa katotohanan. Kung gusto mong isagawa ang katotohanan, kailangan mo munang tumanggap ng pagpupungos; ganito ginagawang perpekto ng diyos ang mga tao, at dapat itong maranasan ng bawat indibidwal. Masasabing ang pagtanggap sa pagpupungos ay isa sa mga pinakamagandang landas ng pagsasagawa para maunawaan ng mga tao ang katotohanan at nang sa gayon ay makilala nila ang kanilang sarili at mapalugod ang diyos. Kahit sino ka man—isang lider o isang ordinaryong mananampalataya—at anumang tungkulin ang ginagampanan mo, dapat kang maghandang mapungusan. Kung hindi mo matanggap na mapungusan, pinatutunayan nito na isa kang taong walang tayog, isang bata. Ang bawat isa na kayang tanggapin ang mapungusan ay isang taong nasa hustong gulang na nagtataglay ng buhay at may kakayahan na magawang perpekto.” Ang malalaking salitang ito ay lumalabas mula sa mga bibig ng mga anticristo na parang mga pukpok ng martilyo, at napakagandang pakinggan ng mga ito! Pero ano ang mga salitang ito? Ang isa man lang bang linya na binibigkas nila ay ang katotohanan? Nakikilatis ba ninyo ito? Madalas din kayong nagsasabi ng mga gayong bagay, hindi ba? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, ano ang mga salitang ito? (Mga doktrina.) Gumamit ng karaniwang parirala upang ibuod at tukuyin kung ano ang mga doktrina. (Mga islogan.) May iba pa ba kayong naiisip na mga parirala? (Mga walang kuwenta at teoretikal na salita.) Mayroon pa ba? (Lahat ng ito ay basura at kalokohan.) Tama, tumatama sa punto ang depinisyong ito, at ito ay makatotohanan. Ito ay tinatawag na pang-araw-araw na wika: Ang mga doktrina ay puro kalokohan. Ano ang ipinapahiwatig ng salitang “kalokohan”? Mga walang kabuluhang salita. Sa realidad, paano natin ito tinutukoy? Bilang mga salita at doktrina. Ang mga salitang ito na binibigkas ng mga anticristo ay mga salita at doktrina lamang. Pagdating sa paksa ng pagpupungos, kaya nilang bigkasin nang madalas ang mga doktrinang ito, ngunit pinatutunayan ba niyon na tunay nilang nauunawaan at naaarok ito? Sa sandaling marinig ninyo silang bumibigkas ng mga salitang ito, alam ninyo na wala silang tunay na pagkaunawa sa pagpupungos. Ang kanilang abilidad na bumigkas ng mga ganitong tambak ng kalokohan ay nagpapakita na hindi nila hinahangad ang katotohanan. Kung talagang mapupungusan sila, hinding-hindi nila tatanggapin ito. Ang saloobin ng isang anticristo sa pagpupungos ay iyong pagkamapanlaban at pagtutol; hindi niya ito ganap na tinatanggap at hindi rin siya nagpapasakop dito bilang ang katotohanan. Para sa kanya, magiging insulto sa kanyang pagkatao at dignidad kung gagawin niya iyon.

Mayroon ba kayong iba pang halimbawa tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mapungusan? (Ang ilang anticristo, kapag nahaharap sa pagpupungos, ay maaaring tila natututo nang kilalanin ang kanilang sarili kung titingnan sa panlabas, ngunit sa likod ng kanilang mga salita, magkakaroon ng mga panlilinlang at isang katangian ng pagtatangkang iligaw ang mga tao. Minsan, kapag nagkakamali sila, sinasabi nila na, “Pinahintulutan ng diyos na mangyari ito, dapat magpasakop ang lahat sa kataas-taasang kapangyarihan ng diyos.” Minsan, gumagawa pa nga ang mga anticristo ng mga huwad na kontra-akusasyon, nagsasabi na, “Hindi mo dapat subukang hanapan ng mali ang mga lider at manggagawa, o magkaroon ng sobrang taas na mga hinihingi sa kanila.” Sinasabi ng mga anticristo ang mga gayong bagay para subukang ilihis ang mga tao at pigilan ang mga tao na makilatis sila.) Ito ay isang pagpapamalas—ibig sabihin, binabaluktot ng mga anticristo ang mga mali para maging tama, binabaligtad nila ang puti at itim. Sa takot na makita ng mga tao ang kanilang mga problema, nagmamadali ang mga anticristo na gumawa ng panlilinlang at gumamit ng lahat ng uri ng pasalitang panlalansi para ilihis ang mga tao, guluhin ang kanilang isipan, at palabuin ang kanilang paningin, upang pigilan silang magkaroon ng anumang kaalaman o pagkilatis sa mga bagay na ginawa nila, at sa gayon ay mapanatili ang kanilang mataas na katayuan at magandang reputasyon sa isipan ng mga tao. Ito ay parehong uri ng saloobin na binanggit natin kanina, tungkol sa kung paanong tiyak na hindi magbabago ang mga anticristo kapag sila ay pinungusan, o kapag sila ay nagkamali o tumahak sa maling landas. Ano pa ang ibang halimbawa? (Naghihinanakit ang mga anticristo sa sinumang pumupungos sa kanila, at sa kalaunan ay maaari pa ngang maghanap sila ng mga pagkakataon na gantihan at atakihin ang mga ito.) Ang pag-atake at pagganti ay isa pang pagpapamalas. Paano ito nauugnay sa pagprotekta ng mga anticristo sa kanilang sariling katayuan at reputasyon? Bakit nila gustong umatake at maghiganti? (Ang sinumang nagpungos sa kanila ay naglantad sa lahat ng kasamaan na ginawa nila at sa mga katunayan ng usapin; sinira ng mga ito ang kanilang katayuan at reputasyon, at winasak ang imahe nila na umiiral sa puso ng mga tao, kaya’t nagkimkim sila ng hinanakit sa mga ito.) Tama, doon nakasalalay ang relasyon. Iniisip nila na sinira ng mga taong nagpungos sa kanila ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, inilagay sila sa kahihiyan, sinira ang kanilang reputasyon, at lubos na ibinaba ang kanilang katayuan sa isipan ng iba sa pamamagitan ng paglalantad sa kanila sa harap ng maraming tao. Ito ang dahilan ng kanilang pagganti. Dahil dito, nasira ang kanilang reputasyon at katayuan, at upang mailabas ang kanilang sama ng loob at ang pagkamuhi sa kanilang puso, naghahanap sila ng mga pagkakataon para atakihin at gantihan ang mga tao na naglantad at pumungos sa kanila. Ano pang ibang pagpapamalas ang ipinapakita ng mga anticristo? (Napakatuso rin ng ilang anticristo. Kapag may pumupungos sa kanila, maaaring hindi sila kokontra rito o magpapahayag ng anumang pagkontra sa panlabas, at sa katunayan, tila may nauunawaan na sila sa kanilang sarili, pero sa kalaunan, patuloy nilang gagawin ang parehong masasamang gawa na kanilang ginawa noon at hindi kailanman tunay na magsisisi. Gumagamit sila ng mga gayong pagpapanggap para ilihis ang mga tao.) Ito ay isa pang pagpapamalas. Isang partikular na uri ng anticristo ang gumagawa mismo nang ganoon. Iniisip nila sa kanilang sarili, “Kung may buhay, may pag-asa. Magpapasensiya ako sa ngayon at hindi ko hahayaang makilatis mo ako. Kung tahasan kitang kokontrahin at hindi ko tatanggapin na mapungusan, sasabihin mo na ako ay isang tao na hindi nagsasagawa o nagmamahal sa katotohanan, at kung kumalat iyang sinabi mo, maaapektuhan nito ang aking reputasyon. Kung malalaman ito ng ating mga kapatid, siguradong tatanggihan nila ang pamumuno ng isang tao na tiyak na walang pagmamahal para sa katotohanan. Kailangan muna akong magtatag ng magandang imahe. Kapag nahaharap ako sa pagpupungos, at may isang tao na naglalantad ng anumang kamalian o pagsalangsang na nagawa ko, ngingisi ako at titiisin ko ito sa pamamagitan ng pagkukunwaring tatanggapin ko ito at tatango ako bilang pag-amin, nang hindi hinahayaang makilatis ako ng sinuman o malaman ng sinuman kung ano talaga ang iniisip ko. Pagkatapos ay magpapakitang-tao lang ako, luluha nang kaunti, at magsasabi ng ilang bagay tungkol sa pagkakautang ko sa diyos, at tatapusin na ang usapin. Sa ganoong paraan, iisipin ng aking mga kapatid na ako ay isang tao na tumatanggap sa katotohanan, at maaari akong magpatuloy na maging lider—at pagkatapos ay mapapanatili ang aking reputasyon at katayuan, hindi ba?” Ang lahat ng kanilang ginagawa ay pagpapakitang-tao. Masasabi ba ninyo na ang mga ganitong tao ay madaling makilatis? (Hindi sila madaling makilatis.) Kinakailangan ang isang panahon ng pagmamasid at pakikipag-ugnayan sa kanila para makita kung pinoprotektahan ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa tuwing nahaharap sa mga problema, at kung talaga bang nagsasagawa sila ayon sa mga katotohanang prinsipyo o hindi. Gaano man kaganda o kawasto ang kanilang pananalita sa panlabas, pansamantala lamang iyon; sa malao’t madali, lalabas ang paraan kung paano talaga sila mag-isip. Kahit na hindi sila ibunyag ng Diyos, kaya ba ng mga anticristo na itago nang mahigpit ang kanilang mga tunay na kaisipan at ang kalikasang diwa? Kaya ba nilang pagtakpan ang mga ito sa buong buhay nila? Imposible iyon; sa malao’t madali, mabubunyag ang mga bagay na ito. Kaya, gaano man kabuktot o katuso ang mga anticristo, hangga’t nagkikimkim sila ng mga layunin at motibo at kumokontra sa katotohanan sa kanilang mga kilos, makikilala at makikilatis sila sa huli ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan. Ang mga anticristong gaya nito ang pinakatuso sa lahat; sa panlabas, tila tinatanggap nila ang katotohanan at mga positibong bagay, pero ang totoo, sa kaibuturan ng kanilang puso at sa kanilang diwa, hindi nila minamahal ang katotohanan, at tutol pa nga sila sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Dahil mahusay silang magsalita, karamihan ay hindi nakakakilatis sa kanila, at tanging ang mga tao na nakakaunawa sa katotohanan ang nakakakilatis at nakakakilala sa ganitong uri ng tao. Mayroon pa bang ibang halimbawa? (May isang anticristo na nakakita na ang kanyang mga katrabaho ay may mas mahusay na kakayahan kaysa sa kanya at mas mahusay sa gawain kaysa sa kanya. Upang mapanatili ang kanyang katayuan, palihim niyang binaluktot ang mga katunayan at nanghusga siya sa kanyang mga katrabaho at kapareha, inililihis ang mga tao, inaakit at hinihikayat ang mga ito na makinig sa kanya. Humantong ito sa kawalan ng tiwala sa isa’t isa sa kanyang mga katrabaho. Hindi na sila nagtutulungan nang maayos at wala nang resultang natatamo sa anumang aspekto ng gawain. Nang malantad ang masasamang gawa ng anticristo, bukod sa hindi niya tinanggap ito, nagdahilan pa siya at nagtangkang umiwas sa responsabilidad. Malinaw na gagawin niya ang lahat alang-alang sa kanyang reputasyon at katayuan; kahit gaano karaming kapatid ang napinsala niya, at kahit gaano kalubha niya nagulo at nagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos, sadyang wala siyang pakialam, at lalong hindi siya nalungkot o nakonsensiya. Wala siyang ni isang hibla ng pagkatao o katwiran.) Sa madaling salita, walang pag-aalinlangan ang mga anticristo tungkol sa pagsasakripisyo nila sa mga interes ng sinuman para lang maprotektahan ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Kahit na kailangan pa nilang tapakan ang lahat ng tao para mapanatili ang kanilang sariling katayuan, hindi sila mag-aatubiling gawin ito. Pagdating sa pagpoprotekta ng kanilang reputasyon at katayuan, wala silang pakialam kung mabubuhay o mamamatay ang iba, sadyang wala sa kanilang isipan ang mga gawain ng sambahayan ng Diyos at ang mga interes ng iglesia, at talagang hindi saklaw ng kanilang pagsasaalang-alang. Mula sa mga kilos na ito, makikita natin na ang mga anticristo ay hindi mga tao ng sambahayan ng Diyos; sila ay mga walang pananampalataya na nakapasok dito. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi ang kanilang tahanan, kaya’t wala sa mga interes nito ang may anumang kinalaman sa kanila. Gusto lang nilang matamo ang kanilang layon na humawak ng kapangyarihan at kontrolin ang mga tao, at matugunan ang kanilang mga pansariling ambisyon at pagnanais sa sambahayan ng Diyos. Dahil ito ang uri ng kalikasang diwa na mayroon ang mga anticristo, tiyak na hindi nila tatanggapin na mapungusan sila, ni tatanggapin ang anumang aspekto ng katotohanan.

Mula sa mga halimbawang ibinigay natin, makikita mo na likas sa mga anticristo ang kanilang ambisyon at pagnanais na maghangad ng reputasyon at katayuan. Ipinanganak nang ganito ang mga anticristo, na may ganitong uri ng kalikasang diwa. Tiyak na hindi nila ito natututunan pagkatapos nilang ipanganak, at hindi rin ito isang kinahinatnan nang dahil sa kanilang kapaligiran. Katulad ito ng mga taong may sakit na hindi naman nagkakasakit pagkatapos nilang ipanganak, kundi minamana nila ito. Ang mga ganitong uri ng mga sakit ay imposibleng magamot. Ipinanganak ang mga anticristo nang may ambisyon na maghangad ng reputasyon at katayuan, at hindi sila naiiba sa mga reinkarnasyon ng mga haring diyablo. Ang mga anticristo ay tumututol at namumuhi sa katotohanan, at hindi nila tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos kahit kailan. Kaya, anumang klase ng pagpupungos ang kinakaharap nila, hindi nila ito tatanggapin. Kung pupungusan sila ng isang ordinaryong kapatid, lalong ayaw nilang tanggapin ito. Naniniwala sila na: “Hindi ka kalipikadong pungusan ako, hindi ka karapat-dapat! Ilang araw ka pa lang bang naging isang mananampalataya? Noong maging mananampalataya ako, ni hindi ka pa nga naipanganak! Noong maging lider ako, ni hindi ka pa nga nagsisimulang manampalataya sa diyos!” Iyon ang saloobing kinikimkim nila ukol sa mga kapatid na pumupungos sa kanila. Nakatuon sila sa mga kalipikasyon at kataasan ng ranggo, at tinatanggihan nila ang pagpupungos batay sa mga bagay na ito. Kung gayon, kaya ba nilang tanggapin kung pupungusan sila ng Itaas? Batay sa kanilang kalikasang diwa, hindi rin nila iyon tatanggapin. Bagama’t wala silang sinasabi sa panlabas, tiyak na lalabanan at tatanggihan ito ng puso nila. Walang duda ito. Kapag tunay silang naharap sa pagpupungos ng Itaas, ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga anticristo ay ang desperadong makipagtalo at pangatwiranan ang kanilang sarili para umiwas sa responsabilidad, magsisinungaling pa nga sa Itaas at magtatago ng mga bagay-bagay sa mga mababa sa kanila para makaligtas sila nang walang parusa. Madalas ginagamit ng mga anticristo ang pamamaraan ng pagsisinungaling sa Itaas at pagtatago ng mga bagay-bagay sa mga mababa sa kanila para maiwasan ang pagpupungos ng Itaas. Halimbawa, kung maraming problema sa isang iglesia, hindi nila ito kailanman iniuulat. Kung nais ng kanilang mga kapatid na iulat ang mga problemang iyon, hindi pinahihintulutan ng mga anticristo ang mga ito, at ang sinumang gumagawa niyon ay susupilin at ibubukod nila. Dahil dito, karamihan sa mga tao ay napipilitang umiwas dito, hinahayaang hindi nalulutas ang mga problema, at kumikilos bilang mga mapagpalugod ng tao. Pinagtatakpan ng mga anticristo ang lahat ng problema ng iglesia, ganap na inililihim ang mga ito, at hindi nila pinapayagang makialam o mag-usisa ang Itaas. Inaantala rin ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas sa abot ng kanilang makakaya, at hindi nila ipinapasa o ipinapatupad ang mga ito. Kung hindi nakakaapekto sa kanilang personal na reputasyon o katayuan ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas, maaaring magpapahayag lang sila ng mga bagay na pakitang-tao, at iraraos lang ang gawain, ngunit tiyak na hindi nila talaga ito ipapatupad. Kung ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas ay magdudulot ng banta, o magkakaroon ng partikular na epekto sa kanilang reputasyon at katayuan, kung gayon, kailangang mag-isip-isip ng mga anticristo. Kailangan nilang isaalang-alang kung paano kumilos, kanino dapat kumilos, at kailan dapat kumilos. Kailangang maging maingat sila tungkol sa mga bagay-bagay na ito, paulit-ulit na kakalkulahin ang mga ito sa isipan nila. Kung lumilitaw ang ilang problema sa gawain ng iglesia, alam ng mga anticristo na tiyak silang mapupungusan, o matatanggal pa nga kapag nalaman ng Itaas ang tungkol sa mga isyu, kaya, itinatago nila ang mga problema, at hindi iniuulat ang mga ito sa Itaas. Wala silang anumang pakialam kung ano ang epekto o pinsalang maidudulot ng mga problemang iyon sa gawain ng sambahayan ng Diyos kung hindi ito malulutas; wala silang malasakit sa kahit anong kawalan na mararanasan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila iniisip kung anong paraan ng pagkilos ang makakabuti sa gawain ng sambahayan ng Diyos o makakapagpalugod sa Diyos, isinasaalang-alang lamang nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, kung paano sila titingnan at tatratuhin ng Itaas, at kung paano pangangalagaan ang kanilang reputasyon at katayuan upang hindi maapektuhan ang mga ito. Sa ganitong paraan tinitingnan ng mga anticristo ang mga bagay-bagay at pinag-iisipan ang mga problema, at ganap itong kumakatawan sa kanilang disposisyon. Kaya, tiyak na hindi makatotohanang iuulat ng mga anticristo ang mga problema na umiiral sa loob ng iglesia, o na lumilitaw sa kanilang gawain. Anuman ang gawain nila, anumang paghihirap ang kinakaharap nila, o kung nahaharap sila ng mga sitwasyon na hindi nila alam kung paano pangasiwaan, o kung saan hindi nila alam kung ano ang gagawing pagpapasya, habang isinasakatuparan ang gawain na iyon, pagtatakpan at itatago nila ito, natatakot sila na sasabihin ng Itaas na masyadong mahina ang kanilang kakayahan, o na malalaman nito ang kanilang tunay na sitwasyon, o pupungusan sila dahil hindi nila maagap na pinangasiwaan at nilutas ang mga paghihirap o sitwasyong iyon. Binabalewala ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng iglesia upang maiwasan ang pagpupungos ng Itaas. Hindi sila nag-aatubiling isakripisyo ang gawain at mga interes ng iglesia para lang mapanatili ang kanilang katayuan at kabuhayan, at para matiyak na mayroong magandang impresyon tungkol sa kanila ang Itaas. Wala silang pakialam kung naaantala o naaapektuhan ba nila ang pag-usad ng gawain ng iglesia, at mas lalong wala silang pakialam tungkol sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Anuman ang mga suliraning kinakaharap ng mga kapatid, o kung anuman ang mga problemang umiiral sa kanilang buhay pagpasok, hindi ito kayang lutasin ng mga anticristo, at hindi sila maghahanap mula sa Itaas. Malinaw nilang alam na ang pagtatago ng mga problema at hindi paglutas sa mga ito ay makakaantala at makakaapekto sa pag-usad ng gawain ng iglesia, at magsasanhi ng mga kawalan sa buhay ng mga kapatid, subalit hindi nila pinapansin ang mga bagay na ito, at wala silang pakialam sa mga ito. Anumang malalaking problema ang lumilitaw sa iglesia, hindi nila kailanman iniuulat ang mga ito, sa halip ay ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para itago at pagtakpan ang mga ito. Kung natutuklasan ng kanilang mga kapatid ang kanilang masasamang gawa at nagsusulat ang mga ito ng mga liham na nag-uulat ng kanilang masasamang gawa, lalo pang nagsisikap ang mga anticristo na itago at pagtakpan ang mga liham na iyon. Ano ang kanilang layon sa pagtatago at pagtatakip sa mga liham na iyon? Ito ay para mapanatili ang kanilang katayuan, maprotektahan ang kanilang reputasyon at katanyagan, at mapanatili ang lahat ng kanilang kasalukuyang pag-aari. Para sa kanila, ang tanggalin, o ang pagsusuri ng Itaas sa kanila bilang hindi karapat-dapat sa kanilang gawain, ay parang pagkawala ng kanilang buhay at mahatulan ng kamatayan, ito ay parang pagdating nila sa dulo ng daan sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kaya, ano’t anuman, hindi sila kailanman naghahanap mula sa Itaas. Sa halip, nag-iisip sila ng mga paraan kung paano itago ang lahat ng mga problema na umiiral sa kanilang gawain at pigilan ang Itaas na matuklasan ang mga ito. Hindi ba’t sobrang kasuklam-suklam ang pagsasagawa nilang ito? Naniniwala sila na ang isang mabuting lider sa mga mata ng Diyos at ng Itaas ay dapat na isang tao na hindi kailanman nagkakaroon ng anumang problema o paghihirap, isang tao na kayang pangasiwaan nang maayos ang lahat ng bagay, at angkop para sa lahat ng uri ng gawain. Iniisip nila na ang isang mabuting lider ay hindi kailanman nagrereklamo tungkol sa mga paghihirap, o naghahanap ng tulong para sa mga problema, at na ang isang mabuting lider ay tiyak na isang tao na perpekto at walang kapintasan sa isipan ng Diyos at ng Itaas, na kayang tapusin nang maayos ang gawain nang hindi kailangang pungusan ng Itaas. Dahil dito, masidhi nilang pinangangalagaan ang kanilang katayuan, umaasa na makapagbibigay ng magandang impresyon sa Itaas, at maling papaniwalain ang Itaas na angkop sila para sa kanilang gawain, na kaya nilang pasanin ang kanilang gawain, at na walang mangyayaring malalaking problema, at kaya, iniisip na hindi sila kinakailangang direktang tanungin tungkol sa kanilang gawain o bigyan ng gabay, at lalong hindi sila kinakailangang pungusan. Gusto ng mga anticristo na lumikha ng ganitong uri ng imahe para sa kanilang sarili, upang maling papaniwalain ang iba na naniniwala sa kanila ang Diyos at ipinagkakatiwala sa kanila ng Diyos ang lahat ng bagay, na iniaatas Niya sa kanila ang mahahalagang gampanin at may malaking tiwala ang Diyos sa kanila, hanggang sa punto na nag-aatubili Siyang pungusan sila, dahil sa takot na ang kanilang pagiging negatibo at pagpapakatamad ay makakaapekto sa gawain. Pinapaniwala ng mga anticristo ang mga kapatid na sila ay mga tanyag na tao sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia, at mahahalagang personalidad sa sambahayan ng Diyos. Bakit ba gusto nilang itanim sa isip ng mga kapatid ang ganitong uri ng ilusyon at pagpapanggap? Ito ay upang pahalagahan at sambahin sila ng mga tao, upang matamasa nila ang mga pakinabang ng kanilang katayuan sa iglesia, pati na ang mataas na katayuan at magandang pagtrato, hanggang sa punto na maaaring mapalitan nila ang puwesto ng Diyos. Madalas nilang sinasabi sa mga kapatid na, “Hindi magagawa ng diyos na makipag-usap sa inyo nang personal, hindi niya magagawang bumaba sa inyong antas at personal na isakatuparan ang gawain, at hindi posibleng makapamumuhay siya nang kasama ninyo, at gagabayan kayo sa lahat ng magkakaibang bagay na kinakaharap ninyo sa inyong pang-araw-araw na buhay. Kaya, sino ang magsasagawa ng mga partikular na gampaning ito? Hindi ba’t ang mga lider at manggagawa na gaya natin?” Habang ginagawa nila ang kanilang makakaya para mapangalagaan ang kanilang katayuan, madalas nilang sinasabi ang mga ganitong bagay at ipinapahayag ang mga ganitong ideya, nang sa gayon ay ganap at walang alinlangang maniniwala at magtitiwala sa kanila ang mga kapatid. Ano ang kalikasan ng kanilang pagsasagawang ito? Hindi ba’t ito ay pagsisinungaling sa Itaas at pagtatago ng mga bagay-bagay mula sa mga taong nasa ibaba nila? (Oo.) Ito ang wais na parte ng kanilang pamamaraan. Karamihan sa mga tao ay may mahinang kakayahan, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi nakikilatis ang mga anticristo, at maaari lamang silang ilihis at gamitin ng mga anticristo. Kung direktang magtatangka ang mga anticristo na ilihis ang mga tao sa pamamagitan ng pagsasabing: “Talagang may pananalig sa akin ang itaas, nakikinig sila sa akin sa lahat ng bagay,” baka maging medyo mapagbantay ang mga tao at magkaroon ng kaunting pagkilatis sa kanila, ngunit hindi nagsasalita ang mga anticristo sa direktang paraan tulad nito. Gumagamit sila ng partikular na paraan ng pagsasalita para ilihis ang mga tao, at maling pinapaniwala ang mga ito na tiyak na may pananalig at tiwala sa kanila ang Itaas para ipagkatiwala sa kanila ang gawain ng isang lider. Ang mga hangal na walang pagkilatis at hindi naghahangad sa katotohanan ay napapapaniwala rito at napapasunod sa kanila. At, kapag may nangyayari, hindi nagdarasal sa Diyos o naghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Diyos ang mga hangal na iyon, sa halip, lumalapit sila sa mga anticristo, humihiling sa mga anticristo na ipakita sa kanila ang daan at pumili ng landas para sa kanila. Ito ang layon na gustong matamo ng mga anticristo sa kanilang mga kilos. Kung walang iilang tao sa iglesia ang nakakaunawa sa katotohanan, na kumikilatis at naglalantad sa mga anticristo, ang karamihan sa mga tao ay bulag na maniniwala sa kanila, sasamba at susunod sa kanila, at mamumuhay sa ilalim ng kanilang kontrol. Napakamapanganib nito! Kung ang isang tao ay malilihis at makokontrol ng isang anticristo sa loob ng tatlo o limang taon, dadanas ng malaking kawalan ang buhay niya. Kung siya ay malilihis at makokontrol ng isang anticristo sa loob ng walo o sampung taon, tuluyan na siyang mawawasak; kahit na gusto pa niyang tubusin ang kanyang sarili, hindi na siya magkakaroon pa ng pagkakataon.