Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalawang Bahagi) Ikatlong Seksiyon
B. Ang Sarili Nilang Reputasyon at Katayuan
Ipagpatuloy natin ang ikalawang subseksiyon ng pagbabahaginan, ang sariling reputasyon at katayuan ng mga anticristo. Nakapaloob din dito ang mga interes ng mga anticristo. Ngayon, ang tatlong subseksiyong ito na tatalakayin natin: ang sariling seguridad ng mga anticristo, ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, at ang kanilang mga pakinabang—lahat ng ito ay may kaugnayan sa mga sariling interes ng mga anticristo. Mayroon ba itong anumang kaugnayan sa gawain ng sambahayan ng Diyos? (Oo, mayroon.) Ano ang kaugnayan nito? (Maaaring guguluhin at sisirain ng mga anticristo ang gawain ng iglesia para lang maingatan ang kanilang sarili at mapangalagaan ang kanilang reputasyon at katayuan.) Pinipinsala ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng iglesia upang mapangalagaan ang kanilang sariling mga interes. Kung titingnan ang makasarili at kasuklam-suklam na kalikasan ng mga anticristo, ano ang pinahahalagahan ng ganitong uri ng tao, bukod pa sa labis na pagpoprotekta sa kanilang sariling seguridad? (Gustong-gusto nila ng reputasyon at katayuan.) Tama iyan. Gustong-gusto ng mga anticristo ng reputasyon at katayuan. Ang reputasyon at katayuan ang dugong nagbibigay-buhay sa kanila; pakiramdam nila ay walang kabuluhan ang buhay kung walang reputasyon at katayuan, at wala silang lakas na gumawa ng anumang bagay kung walang reputasyon at katayuan. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay mahigpit na nakatali sa kanilang mga pansariling interes; ang mga ito ang kanilang matinding kahinaan. Kaya naman lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay umiikot sa katayuan at reputasyon. Kung hindi dahil sa mga bagay na ito, baka hindi man lang sila gumawa ng anumang gawain. May katayuan man ang mga anticristo o wala, ang layong ipinaglalaban nila, ang direksiyon na kanilang pinagsusumikapan ay patungo sa dalawang bagay na ito—reputasyon at katayuan. Kapag nananampalataya sila sa Diyos sa isang awtokratikong kapaligiran tulad ng mainland Tsina, hindi isinasaalang-alang ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, para lang matiyak ang kanilang sariling seguridad. Parte ng kanilang ginagawa ay ang puspusang paghahangad sa katayuan, mahigpit na pagkapit sa kapangyarihan, at pagkokontrol sa iglesia. Ang isa pang parte ay palagi silang nagsasalita, gumagawa, naglilibot, at nagpapakapagod alang-alang sa kanilang sariling reputasyon at katayuan. Ito ang sentro kung saan umiikot ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga anticristo. Hindi sila kailanman gumagawa ng anumang aktuwal na gawain para sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos, at hindi sila kailanman gumagawa ng anumang aktuwal na gawain sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Kapag nagbabayad sila ng halaga, tingnan ninyo kung bakit sila nagbabayad ng halaga. Kapag masigasig silang nagdedebate tungkol sa isang isyu, tingnan kung bakit sila nagdedebate tungkol dito. Kapag pinag-uusapan o kinokondena nila ang isang tao, tingnan kung ano ang intensiyon at layon nila. Kapag masama ang loob nila o nagagalit sila tungkol sa isang bagay, tingnan kung anong disposisyon ang ibinubunyag nila. Hindi nakikita ng mga tao ang nasa loob ng puso ng tao, pero nakikita ito ng Diyos. Kapag tinitingnan ng Diyos ang nasa loob ng puso ng mga tao, ano ang ginagamit Niya para sukatin ang diwa ng mga sinasabi at ginagawa ng mga tao? Ginagamit Niya ang katotohanan para sukatin ito. Sa mga mata ng tao, ang pagpoprotekta sa sariling reputasyon at katayuan ay nararapat. Kung gayon, bakit ito binabansagan sa mga mata ng Diyos bilang ang pagbubunyag at pagpapahayag ng mga anticristo, at bilang ang diwa ng mga anticristo? Nakabatay ito sa kasigasigan at motibasyon ng mga anticristo sa lahat ng kanilang ginagawa. Sinisiyasat ng Diyos ang kanilang kasigasigan at motibasyon sa kanilang mga ginagawa, at sa huli, natutukoy ng Diyos na ang lahat ng kanilang ginagawa ay para sa kanilang sariling reputasyon at katayuan, sa halip na para sa paggawa ng kanilang tungkulin, at lalong hindi para sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos.
Hinahangad ng mga anticristo ang reputasyon at katayuan, kaya tiyak na nagsasalita at gumagawa rin sila para maitaguyod ang kanilang reputasyon at katayuan. Pinahahalagahan nila ang kanilang reputasyon at katayuan nang higit sa lahat. Kung may isang tao sa paligid nila na may mahusay na kakayahan at naghahangad sa katotohanan, at nakakamit ng taong ito ang kaunting katanyagan sa mga kapatid at napipiling maging lider ng isang pangkat, at talagang hinahangaan at sinasang-ayunan ng mga kapatid ang taong ito, ano ang magiging reaksiyon ng mga anticristo? Tiyak na hindi sila matutuwa rito, at maiinggit sila. Kung nagkikimkim ng inggit ang mga anticristo, sabihin mo sa Akin, kaya ba nilang manahimik lang? Hindi ba’t kailangan nilang may gawin tungkol dito? (Oo.) Ano ang gagawin nila kung talagang naiinggit sila sa taong ito? Sa isip nila, tiyak na gagawa sila ng ganitong pagkakalkula: “Mahusay ang kakayahan ng taong ito, mayroon siyang kaunting pagkaunawa sa propesyong ito, at mas malakas siya kaysa sa akin. Kapaki-pakinabang ito para sa gawain ng sambahayan ng diyos, ngunit hindi para sa akin! Aagawin ba nila ang posisyon ko? Kung talagang papalitan nila ako balang araw, hindi ba’t magiging problema iyon? Dapat akong kumilos nang maagap. Kung kaya nilang tumayo sa kanilang sariling mga paa balang araw, hindi na magiging madali para sa akin na alisin sila. Mas mabuting ako ang unang umaksiyon. Kung magpapaliban ako at hahayaan silang ilantad ako, sino ang nakakaalam kung ano ang magiging mga kahihinatnan. Kaya, paano ako makakagawa ng aksyon? Kailangan kong makahanap ng dahilan, makahanap ng pagkakataon.” Sabihin ninyo sa Akin, kung nais ng mga tao na parusahan ang isang tao, hindi ba’t madali para sa kanila na makahanap ng dahilan at pagkakataon na gawin ito? Ano ang isa sa mga taktika ng diyablo? (“Siya na nakaisip na paluin ang kanyang aso ay madaling matatagpuan ang kanyang pamalo.”) Mismo, “Siya na nakaisip na paluin ang kanyang aso ay madaling matatagpuan ang kanyang pamalo.” Sa mundo ni Satanas, umiiral ang ganitong uri ng lohika, at nangyayari ang ganitong bagay. Hindi ito umiiral sa Diyos sa anumang paraan. Ang mga anticristo ay kay Satanas at sila ang pinakamahusay sa paggawa ng mga bagay na ito. Pagbubulayan nila ito: “Siya na nakaisip na paluin ang kanyang aso ay madaling matatagpuan ang kanyang pamalo. Paparatangan kita, maghahanap ng pagkakataon na parusahan ka, susupilin ang iyong kayabangan at pagmamalaki, at pipigilan ang mga kapatid sa pagpapahalaga sa iyo at pagpili sa iyo bilang lider ng pangkat sa susunod na pagkakataon. Pagkatapos, hindi ka na magiging isa pang banta sa akin, hindi ba? Kung maaalis ko ang potensiyal na problemang ito at ang karibal na ito, hindi ba’t mapapanatag na ako?” Kung ganito ang kanilang iniisip, kaya ba nilang kumalma sa panlabas? Batay sa kalikasan ng mga anticristo, kaya ba nilang panatilihing nakabaon ang ideyang ito sa loob nila at hindi kumilos? Talagang hindi. Tiyak na maghahanap sila ng paraan para kumilos. Ito ang kalupitan ng mga anticristo. Bukod sa ganoon sila mag-isip, gusto rin nilang makamit ang layong ito. Kaya, pagbubulayan nila nang husto ang usaping ito, desperadong pinipiga ang kanilang utak. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ni ang gawain ng iglesia. Lalong wala silang pakialam kung ang kanilang mga aksyon ay naaayon ba sa layunin ng Diyos. Ang iniisip lang nila ay kung paano mapananatili ang kanilang reputasyon at katayuan, kung paano mapapangalagaan ang kanilang kapangyarihan. Iniisip nila na ang kanilang karibal ay nagdulot na ng banta sa kanilang katayuan, kaya sinusubukan nilang maghanap ng pagkakataon para pabagsakin ito. Kapag nalaman nila na pinalitan ng kanilang karibal nang di kumokunsulta sa kanila ang isang taong palaging pabasta-bastang gumagawa sa tungkulin, ituturing nila ito bilang perpektong pagkakataon na magsampa ng paratang laban sa kanilang karibal. Sa harap ng mga kapatid, sasabihin nila, “Dahil narito ang lahat ngayon, ihain natin ang usaping ito para mahimay-himay. Hindi ba’t isang uri ng diktadurya ang pagpapalit sa isang tao nang walang pahintulot, nang hindi ito tinatalakay sa iyong mga katrabaho o katuwang? Bakit gagawa ng gayong pagkakamali ang isang tao? Hindi ba’t may problema sa kanyang disposisyon? Hindi ba’t dapat siyang pungusan? Hindi ba’t dapat siyang abandonahin ng mga kapatid?” Sinasamantala nila ang isyung ito at pinalalaki ito para siraan ang kanilang karibal at itaas ang kanilang sarili. Ang totoo, hindi naman ganoon kalubha ang sitwasyon. Katanggap-tanggap lang naman na mag-ulat pagkatapos palitan o ayusin ang tungkulin ng isang miyembro ng grupo basta’t naaayon ito sa mga prinsipyo. Gayumpaman, pinalalaki ng mga anticristo ang isyung ito. Sadya nilang inaatake ang kanilang karibal at itinataas ang kanilang sarili. Hindi ba’t ito ay isang pagpapamalas ng pagpaparusa sa iba? Malupit nilang pinupungusan ang kanilang karibal, at pinalalaki ang kanilang mga paratang laban dito. Matapos marinig ang tungkol dito, iniisip ng mga kapatid, “Ano ang nangyayari dito? Parang may mali. Hindi umaayon sa realidad ang sinasabi nila! Ang taong may tungkulin na inayos ay hindi naman responsableng gumagawa nito—iyon ay isang kinilalang katunayan. Pinalitan siya para maitaguyod ang gawain ng iglesia. Ang paggawa ng tungkulin sa ganitong paraan ay isang seryoso at responsableng pamamaraan, at isang pagpapamalas ng katapatan. Kaya bakit ito tinatawag na diktadura? Malinaw na isa itong kaso ng ‘Siya na nakaisip na paluin ang kanyang aso ay madaling matatagpuan ang kanyang pamalo’!” Ang sinumang may kaunting pagkaunawa sa katotohanan at kaunting pagkilatis ay agad na makakakilala na ang mga anticristong ito ay gumagamit lang ng kanilang kapangyarihan at ibinubunton nila ang kanilang mga pagkadismaya sa kanilang karibal. Paanong matatawag ito na pag-ako ng responsabilidad sa kanilang gawain? Paanong pagpupungos ito sa tao? Pinalalaki ng mga anticristo ang isang bagay na wala namang kabuluhan: Ito ay simpleng pagganti at personal na paghihiganti. Nagmumula ito sa kalooban ng tao at kay Satanas, hindi ito galing sa Diyos. Tiyak na hindi ito nagmumula sa isang saloobin ng pagiging responsable para sa gawain at para sa kanilang mga tungkulin—hindi iyon ang kanilang layunin. Masyadong malinaw na inilalantad ng mga anticristo ang kanilang mga layunin, at nakikita ito ng ilan. Nararamdaman ba iyon ng mga anticristo? (Oo.) Iyon ang katusuhan ng mga anticristo. Sila ang pinakamahusay sa pangangalaga ng kanilang katayuan, sa nakalilinlang na argumento, sa pagkuha ng loob ng mga tao, at lalo na sa pagkakaroon ng “kabatiran” sa puso ng mga tao. Iniisip nila na, “Nakikilatis ko ang bawat saloobin sa puso ninyo. Marahil nauunawaan ninyo ang katotohanan, ngunit hindi ninyo ako makikilatis. Nakikilatis ko kayo. Kilala ko kung sino ang hindi kumbinsido sa mga sinasabi ko.” Pero sinasabi ba nila ito? Hindi, hindi nila sinasabi. Ginagamit nila ang ilang nakakalugod na salita at ekspresyon para kumbinsihin ang lahat, para isipin ng mga ito na makatwiran sila sa pagpupungos sa taong iyon. Anong mga salita ang ginagamit nila? Sinasabi nila, “Hindi kita pinungusan dahil sa makasarili at personal na motibo. Sa realidad, walang personal na sama ng loob sa pagitan natin. Kaya lang, nang basta-basta mong inalis ang taong iyon mula sa kanyang tungkulin, napinsala nito ang mga interes ng sambahayan ng diyos. Puwede ba akong magbulag-bulagan sa bagay na iyon? Kung pinahintulutan kitang gawin iyon, pagiging iresponsable iyon sa parte ko. Hindi ko ito ginagawa para puntiryahin ka o ang sinumang partikular. Kung mali ako, puwede akong batikusin at sawayin ng mga kapatid. Hindi na ako tatakbo sa susunod na halalan.” Kapag naririnig ito ng ibang tao, naguguluhan sila. Iniisip nila, “Mukhang nagkamali ako ng pagkaunawa sa kanila. Payag pa nga silang hindi tumakbo sa halalan. Hindi nila pinungusan ang taong iyon para makipagkompetensiya para sa katayuan, nakabatay ang kanilang kilos sa saloobin ng pag-ako ng responsabilidad para sa gawain ng iglesia. Walang mali rito.” Nagawa na namang ilihis ng mga anticristong ito ang ilang tao. Hindi ba’t tuso ang mga anticristo? (Oo, tuso sila.) Napakatuso nila! Masasabing pinipiga ng mga anticristo ang kanilang utak, sinasaliksik ang kaibuturan ng kanilang isipan, at ginagamit ang anumang pamamaraan na kinakailangan para sa kanilang reputasyon at katayuan. May isang partikular na kasabihan: “Suntok muna, bago yakap.” Hindi ba’t gagamitin ng mga anticristo ang taktikang ito? Pagkatapos ka nilang atakihin, maaaring magsasabi sila ng mga nakalulugod na salita para kumbinsihin ka, aluin ka, at iparamdam sa iyo na sila ay napakamapagparaya, mapagpasensiya, at mapagmahal. Sa huli, kailangan mo silang sang-ayunan at sabihing, “Tingnan ninyo, napakalinaw ng mga layunin ng taong ito sa gawain niya, at napakagaling niya rito—napakahusay na kasanayan! Malinaw na may taglay siyang mga katangian ng isang lider, at kumpara sa kanila ay pakiramdam nating lahat na wala tayong kakayahan.” Hindi ba’t naabot na ng mga anticristo ang kanilang layon kung gayon? Ito ang mga panlalansi ng mga anticristo.
Ang mga anticristo ay talagang taksil at tuso. Lahat ng sabihin niya ay pinag-isipang mabuti; wala nang mas huhusay pa sa kanya sa pagkukunwari. Ngunit sa sandaling lumabas na ang totoo, sa sandaling makita na ng mga tao kung ano talaga sila, ginagawa nila ang lahat para ipagtanggol ang kanilang sarili, at nag-iisip sila ng mga paraan para ayusin ang sitwasyon at magpanggap bilang isang paraan para maisalba ang kanilang imahe at reputasyon. Ang mga anticristo ay namumuhay bawat araw para lamang sa reputasyon at katayuan, namumuhay lamang sila para magpakasasa sa mga pakinabang ng katayuan, ito lamang ang iniisip nila. Kahit kapag dumaranas nga sila ng kaunting paghihirap paminsan-minsan o nagbabayad ng kaunting halaga, para ito sa pagtatamo ng katayuan at reputasyon. Ang paghahangad ng katayuan, paghawak ng kapangyarihan, at pagkakaroon ng maginhawang buhay ang mga pangunahing bagay na laging binabalak na matamo ng mga anticristo sa sandaling manampalataya sila sa Diyos, at hindi sila sumusuko hanggang sa makamtan nila ang kanilang mga layon. Kung sakaling nalantad ang kanilang masasamang gawa, natataranta sila, na para bang pagsusukluban sila ng langit. Hindi sila makakain o makatulog, at para silang wala sa ulirat, para silang dumaranas ng depresyon. Kapag tinatanong sila ng mga tao kung ano ang problema, nagsisinungaling sila at sinasabing, “Abalang-abala ako kahapon kaya hindi ako nakatulog buong magdamag, pagod na pagod ako.” Ngunit hindi talaga totoo ang lahat ng ito, lahat ito ay panlilinlang. Ganito ang pakiramdam nila dahil palagi nilang pinagbubulayan, “Nalantad na ang masasamang bagay na ginawa ko, kaya paano ko maipanunumbalik ang reputasyon at katayuan ko? Anong mga pamamaraan ang maaari kong gamitin para tubusin ang sarili ko? Anong tono ang maaari kong gamitin sa lahat para ipaliwanag ito? Ano ang maaari kong sabihin para hindi ako mahalata ng mga tao?” Sa loob ng matagal na panahon, hindi nila maisip kung ano ang gagawin, kung kaya’t nalulumbay sila. Kung minsan ay nakatitig sila sa iisang lugar nang wala namang nakikita, at walang nakakaalam kung ano ang tinitingnan nila. Dahil sa isyu ay nag-iisip sila nang husto, napapagod sa kakaisip, at ayaw nilang kumain o uminom. Sa kabila nito, nagkukunwari pa rin sila na nagmamalasakit sa gawain ng iglesia, at nagtatanong sa mga tao, “Kumusta na ang gawain ng ebanghelyo? Gaano kabisa ang pangangaral nito? Nagkamit na ba ng anumang buhay pagpasok ang mga kapatid kamakailan? Mayroon bang nanggagambala o nanggugulo?” Ang mga tanong nilang ito tungkol sa gawain ng iglesia ay para magpakitang-tao sa iba. Kung malaman man nila ang mga problema, wala silang paraan para lutasin ang mga iyon, kaya ang kanilang mga tanong ay pormalidad lamang, itinatanong para magmukhang nagmamalasakit sila sa gawain ng iglesia. Kung sakaling may mag-ulat ng mga problema ng iglesia para lutasin nila, mapapailing lang sila. Walang pakana na makakatulong sa kanila, at kahit na gustuhin nilang magpanggap, hindi nila magagawa, at mamimiligro silang malantad at mabunyag. Ito ang pinakamalaking problemang kinakaharap ng mga anticristo sa buong buhay nila. Sa sandaling ito, ang mga anticristo ay parang isang langgam sa mainit na kawali, paminsan-minsang napapailing na parang nagsasabing, “Hindi na ito puwedeng magpatuloy.” Pagkatapos, tinatapik nila ang kanilang ulo gamit ang kanilang mga kamay, na para bang iniisip na, “Bakit napakahangal ko? Paanong nagkamali ako sa bagay na ito?” Hindi matanggap ng mga anticristo ang katunayang ito at napapabuntong-hininga na lang sila. Sila ay nagpapagal, nagdurusa, at nagbabayad ng halaga para lang sa kanilang sariling reputasyon at katayuan, nagpapakasasa sa iba’t ibang masasamang gawa para matugunan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais. Hindi maiiwasan ang mailantad ng mga hinirang ng Diyos. Ang mga tao ay nakatakdang bumagsak balang araw dahil sa hindi paghahangad sa katotohanan. Ang kasabihang ito ay perpektong natutupad sa mga anticristo. Bagama’t bihasa sa pagpapanggap at marunong magsalita nang nakahihikayat at manlihis ng iba, kung nauunawaan ng mga hinirang ng Diyos ang katotohanan at kaya nilang kilatisin ang diwa ng isang tao, kung gayon, gaano man kalalim magtago o gaano man karami ang kasamaang ginagawa ng mga anticristo, ganap silang makikilatis ng mga hinirang ng Diyos. May ilang kasabihan: “Ang pagpupursige sa kasamaan ay magdudulot ng pagkawasak sa sarili,” at “Ang paglalaro ng apoy ay nakakapaso.” Ito ay mga obhetibong batas na namamahala sa pag-unlad ng mga bagay-bagay, na itinatag ng Diyos para sa pag-unlad ng lahat ng bagay at pangyayari. Walang sinuman ang makakatakas sa mga ito. Bagama’t nagpapatuloy ang gawain ng iglesia sa ilalim ng pamumuno ng mga anticristo, lubhang nababawasan ang pagiging epektibo nito. Ang ilang mahahalagang gawain ay kontrolado pa rin ng masasamang indibidwal, at hindi pa naisasakatuparan ang mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Bagama’t bawat isa sa mga hinirang ng Diyos ay gumagampan sa kanilang tungkulin, walang tunay na resulta, at ang iba’t ibang gampanin ay matagal nang natigil. Ano ang ugat ng mga problemang ito? Ito ay dahil nakontrol na ng mga anticristo ang iglesia. Saan man may hawak na kapangyarihan ang mga anticristo, gaano man kalawak ang kanilang impluwensiya, kahit na isang grupo lamang ito, maiimpluwensiyahan nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang buhay pagpasok ng ilan sa mga hinirang ng Diyos. Kung may hawak silang kapangyarihan sa isang iglesia, nahahadlangan doon ang gawain ng iglesia at ang kalooban ng Diyos. Bakit ba hindi maipatupad sa ilang iglesia ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Ito ay dahil hawak ng mga anticristo ang kapangyarihan sa mga iglesiang ito. Ang sinumang anticristo ay hindi taos-pusong gugugol para sa Diyos, ang pagganap ng kanilang mga tungkulin ay magiging pormalidad lamang at paggawa nang wala sa loob. Hindi sila gagawa ng tunay na gawain kahit sila ay lider o manggagawa, at magsasalita at kikilos lamang sila alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, nang hindi man lang pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Kaya, ano ang ginagawa ng mga anticristo sa buong maghapon? Abala sila sa pagkukunwari at pagpapasikat. Ginagawa lamang nila ang mga bagay na may kinalaman sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Abala sila sa panlilihis sa iba, sa pangungumbinsi sa mga tao, at kapag nakaipon na sila ng lakas, magpapatuloy silang kontrolin ang mas maraming iglesia. Ang nais lamang nila ay maghari at gawing nagsasariling kaharian nila ang iglesia. Nais lamang nilang maging dakilang lider, magkaroon ng ganap at solong awtoridad, upang makontrol ang mas maraming iglesia. Wala silang pakialam kahit kaunti sa anumang iba pang bagay. Wala silang pakialam sa gawain ng iglesia, o sa buhay pagpasok ng mga taong hinirang ng Diyos, lalo nang wala silang pakialam kung naisasagawa ba ang kalooban ng Diyos. Ang tanging inaalala nila ay kung kailan nila mag-isang mahahawakan ang kapangyarihan, makokontrol ang mga taong hinirang ng Diyos, at makakapantay ang Diyos. Napakalaki talaga ng mga pagnanais at ambisyon ng mga anticristo! Gaano man kasipag tingnan ang mga anticristo, abala lamang sila sa sarili nilang mga hangarin, sa paggawa ng gusto nilang gawin, at sa mga bagay na nauugnay sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ni hindi nila iniisip ang kanilang mga responsabilidad o ang tungkulin na dapat nilang ginagampanan, at wala talaga silang ginagawang tama. Ganito ang mga anticristo—sila ay mga diyablo at Satanas, na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng Diyos.
Noon, may isang lider na pinagkatiwalaan Ko ng limang gampanin sa loob ng kanyang termino. Ngunit, pagkalipas ng dalawang buwan, walang naisakatuparan sa mga ito. Sa panlabas, parang hindi naman paupo-upo lang ang lider, abalang-abala siya at sobrang pagod, at halos hindi mo siya nakikita. Kaya, ano nga ba ang pinagkakaabalahan niya, at bakit hindi niya natupad ang mga gampaning itinalaga Ko sa kanya? May problema rito. Hindi ginawa ng lider ang ilang gampanin dahil hindi niya gustong gawin ang mga ito, iniisip na hindi ito kabilang sa kanyang mga tungkulin. Ito ang isang problema. Bukod dito, mayroon siyang iba’t ibang opinyon tungkol sa ilang gampanin, sadya niyang isinasantabi ang mga ito. Mayroon ding mga gampanin na medyo mahirap, na nangangailangan ng tulong mula sa iba at medyo malaking abala, kaya ayaw itong asikasuhin ng lider. Ito ang mga sitwasyong lumitaw. Kaya, lumipas ang dalawang buwan at wala ni isang gampanin ang natapos. Sabi ng ilang tao, “Posible bang matapos ang lahat ng gampaning ito sa loob ng dalawang buwan?” Posible ito, maaaring matapos ang mga gampaning ito sa loob ng dalawang buwan, at karamihan sa mga gampaning ito ay puwedeng tapusin sa loob ng isa o dalawang araw, ngunit nabigo ang lider na isakatuparan ang mga ito. Nang may ibang taong pumalit at gumawa sa mga gampaning ito, lahat ng lima ay natapos sa loob lang ng isang linggo. Sa tingin ba ninyo ay dapat palitan ang ganitong lider? (Oo.) Kung makakatagpo kayo ng isang taong tulad nito na hindi tumutupad sa anumang gampaning itinatalaga mula sa Itaas, pero sa panlabas ay abalang-abala siya tingnan, kung gayon, isa siyang huwad na lider. Ang mga ganitong indibidwal ay dapat palitan o itiwalag kaagad. Ano ang tingin ninyo sa prinsipyong ito? (Mabuti ito.) Huwag tingnan ang kanilang panlabas na sigasig at ang katunayang mukha silang abalang-abala buong araw. Ang totoo, wala silang ginagawang aktuwal na gawain; pinapanatili nilang abala ang kanilang sarili sa mga walang kabuluhang bagay. Ano ang ginagawa nila? Nabibilang sa iba’t ibang kategorya ang kanilang mga kilos. Una, umaako sila ng mga gampaning pinaniniwalaan nilang kaya nilang asikasuhin, iyong mga gampanin na ligtas at hindi masyadong mapanganib. Ano ang ibig Kong sabihin sa “hindi masyadong mapanganib”? Ang ibig Kong sabihin, sa paggawa ng mga gampaning ito, madaling maiwasan na magkamali, hindi nila kailangang makipag-ugnayan sa Itaas, at maiiwasan nilang magkamali sa paggawa ng mga bagay-bagay at mapungusan. Bukod pa rito, inaasikaso nila ang mga gampanin kung saan sila bihasa, kung saan mas mababa ang tsansang magkamali sila. Sa ganitong paraan, maiiwasan nilang managot at lubos nilang mapoprotektahan ang kanilang sarili mula sa pagpupungos, pagpapaalis, o pagpapatalsik. Ang mga gampaning ito ay walang panganib at walang responsabilidad, kaya’t kaya nilang tugunan at asikasuhin ang mga ito. Ang totoo, may nakatagong elemento rito. Gagawin ba nila ang mga gampaning ito kung magagawa nila ang mga ito nang walang sinumang nakakakita sa kanila? Kung walang personal na pakinabang para sa kanila, gagawin ba nila ang mga ito? Siguradong hindi. Anong klaseng mga gampanin ang gusto nila? Mas gusto nila ang mga gampaning medyo madali, simple, at puwedeng matapos nang hindi sila masyadong nagdurusa. Dagdag pa rito, handa silang makinig at isaulo ang mas marami pang sermon na interesado sila at naaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Kapag naintindihan na nila ang mga ito, maaari nilang talakayin ang mga sermon na ito sa iba, ginagawa nila ito para ipresenta ang kanilang sarili at makakuha ng paghanga mula sa iba. Bukod pa rito, kung ang paggawa sa mga gampaning ito ay magbibigay sa kanila ng pagkakataong makipag-ugnayan sa mas maraming tao at ipaalam sa iba na abala silang gumagawa, na sila ay nasa isang posisyon ng pamumuno, at may ganitong katayuan at pagkakakilanlan, gagawin nila ang mga ito. Ganito ang kalikasan ng mga gampaning pinipili nila. Gayumpaman, kung komplikado ang gawaing kailangan nilang gampanan at lagpas sa kanilang mga kakayahan, at kung may isang taong mas mahusay sa kanila, at nanganganib silang mapahiya kung mabibigo sila, na maliitin sila ng iba, kung gayon ay ayaw nilang gawin ang mga ganitong gampanin. Takot sila sa mahihirap na gawain, sa pagkapagal, at sa kahihiyan ng hindi paggampan nang maayos. Higit pa rito, talagang tamad sila at may ugali silang umiiwas sa mabibigat at matatrabahong gampanin, tinatago ang kanilang sarili malayo sa mga ito. Sa halip, mas gusto nilang gawin ang mga gampaning nagpapaganda sa kanilang imahe, mga gampaning madali, kung saan puwede lang nilang iraos ito at makuha nila ang loob ng mga tao, nang hindi sila nakikilatis ng Itaas. Lahat ng ito ay likas na katangian ng mga anticristo. Pagdating sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, namimili sila at nagpapasya. Mayroon silang mga personal na pasya, plano, at mga pakana pa nga. Hindi sila basta sumusunod sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos; sa halip, gumagawa sila ng sarili nilang mga pasya. Tungkol sa mga partikular na pagsasaayos mula sa Itaas, kung hindi sila sang-ayon sa mga ito, tiyak na hindi nila ito ipatutupad. Lubusan nilang hinaharang ang mga bagay na ito, at walang alam ang mga kapatid sa iglesia tungkol sa mga ito. Kung ang pagpapatupad sa mga pagsasaayos mula sa Itaas ay kokontra sa ilang partikular na indibidwal o makakasama ng loob sa mga tao, ipapatupad ba nila ang mga ito? Hindi nila gagawin iyon. Sa kanilang puso, iniisip nila, “Kung gusto ng itaas na magawa ito, hindi ko ito gagawin. Kahit na gagawin ko ito, kailangan kong gawin ito sa pangalan ng itaas, sasabihin ko na iniutos ito mula sa kanila. Hindi ko kayang saktan ang loob ng mga taong iyon.” Tuso talaga ang mga anticristo, hindi ba? Sa anumang ginagawa nila, nagsasabwatan sila at kinakalkula ito nang walo o sampung beses, o baka higit pa. Punung-puno ang kanilang isip ng mga saloobing tungkol sa kung paano sila magkakaroon ng matatatag na posisyon sa karamihan, kung paano magkakaroon ng magagandang reputasyon at higit na katanyagan, kung paano magpapalakas sa Itaas, kung paano nila mahihikayat ang mga kapatid na suportahan, mahalin at irespeto sila, at ginagawa nila ang lahat para makuha ang mga resultang ito. Anong landas ang tinatahak nila? Para sa kanila, ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang mga interes ng iglesia, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi ang pangunahing isinasaalang-alang nila, lalong hindi ito mga bagay na iniintindi nila. Ano ang iniisip nila? “Walang kinalaman sa akin ang mga bagay na ito. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba; kailangang mabuhay ang mga tao para sa kanilang sarili at para sa sarili nilang reputasyon at katayuan. Iyon ang pinakamataas na layon. Kung hindi alam ng isang tao na kailangan niyang mabuhay para sa kanyang sarili at protektahan ang kanyang sarili, hangal siya. Kung hihilingan akong magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo at magpasakop sa diyos at sa mga pagsasaayos ng kanyang sambahayan, nakadepende ito sa kung may anumang pakinabang ba ito para sa akin o wala, at kung may anumang mga kalamangan ba kung gagawin ko ito. Kung ang hindi pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng diyos ay posibleng maging dahilan para alisin ako at mawalan ng oportunidad na magkamit ng mga pagpapala, kung gayon ay magpapasakop ako.” Kaya, para maprotektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan, kadalasan ay pinipili ng mga anticristo na makipagkompromiso. Masasabi mo na alang-alang sa katayuan, magagawa ng mga anticristo na magtiis ng anumang uri ng pagdurusa, at alang-alang sa pagkakaroon ng magandang reputasyon, makakaya nilang magbayad ng anumang uri ng halaga. Ang kasabihang, “Alam ng isang mahusay na tao kung kailan susuko at kung kailan hindi,” ay totoong-totoo sa kanila. Ganito ang lohika ni Satanas, hindi ba? Ito ang pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo, at ito rin ang prinsipyo ni Satanas para manatiling buhay. Ito ay talagang karima-rimarim!
Itinuturing ng mga anticristo na mas mahalaga ang sarili nilang katayuan at reputasyon kaysa sa anupamang bagay. Ang mga taong ito ay hindi lamang mapanlinlang, tuso, at buktot, kundi lubos ding malulupit. Ano ang ginagawa nila kapag napag-alaman nilang nasa panganib ang kanilang katayuan, o kapag nawawala ang puwang nila sa puso ng mga tao, kapag nawala ang pagtangkilik at pagmamahal ng mga taong ito, kapag hindi na sila iginagalang at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at nahulog na sila sa kahiya-hiyang kalagayan? Bigla na lang silang nagiging mapanlaban. Sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang katayuan, ayaw na nilang gampanan ang anumang tungkulin, nagiging pabasta-basta na lang sila sa lahat ng kanilang ginagawa, at wala silang interes na gumawa ng kahit ano. Subalit hindi ito ang pinakamalalang pagpapamalas. Ano ang pinakamalalang pagpapamalas? Sa sandaling mawalan ng katayuan ang mga taong ito, at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng sinuman, at wala na silang nalilihis, lumalabas ang poot, inggit, at paghihiganti. Bukod sa wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, wala rin sila ni katiting na pagpapasakop. Bukod pa rito, sa kanilang mga puso, malamang na kamuhian nila ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga lider at manggagawa; pinakaaasam-asam nilang magkaproblema at mahinto ang gawain ng iglesia; gusto nilang pagtawanan ang iglesia, at ang mga kapatid. Kinamumuhian din nila ang sinumang naghahangad ng katotohanan at natatakot sa Diyos. Binabatikos at kinukutya nila ang sinumang tapat sa kanyang tungkulin at handang magsakripisyo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo—at hindi ba’t malupit ito? Malinaw na masasamang tao sila; ang mga anticristo sa diwa nila ay masasamang tao. Kahit kapag ginaganap ang mga pagtitipon online, kung nakikita nila na maganda ang signal, tahimik silang napapamura at sinasabi sa kanilang sarili: “Sana humina ang signal! Sana humina ang signal! Mas maigi kung walang makarinig sa mga sermon!” Ano ang mga taong ito? (Mga diyablo.) Mga diyablo sila! Talagang hindi sila mga tao ng sambahayan ng Diyos. Ang mga ganitong uri ng diyablo at masasamang tao ay sadyang nagsasanhi ng gulo sa ganitong paraan, kahit saang iglesia man sila naroroon. Kahit inilalantad at nililimitahan sila ng mga taong marunong kumilatis, hindi sila magninilay-nilay sa kanilang sarili o aamin sa kanilang mga pagkakamali. Iisipin nila na ito ay pansamantalang pagkakamali lamang sa kanilang parte at na dapat silang matuto mula rito. Ang taong tulad nito, na talagang tumatangging magsisi, ay hindi magpapasakop kahit sino pa ang kumikilatis at naglalantad sa kanila. Hahanap sila ng paraan na makapaghiganti laban sa taong iyon. Kapag hindi maginhawa ang lagay nila, ayaw din nilang maging madali ang mga bagay-bagay para sa mga kapatid. Sa kanilang puso, lihim pa nga nilang isinusumpa ang mga kapatid, hinihiling nila na may masasamang bagay na mangyayari sa mga kapatid, at sinusumpa rin nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hinihiling na magkaroon dito ng gulo. Kapag nagkakaproblema ang sambahayan ng Diyos, lihim silang nagagalak at nagdiriwang, iniisip nila na, “Hmph! Sa wakas, nagkaproblema rin. Lahat ng ito ay nangyayari dahil pinalitan mo ako. Buti nga, nagkakagulo na ang lahat!” Natutuwa at nasisiyahan sila na makita ang iba na nanghihina at nagiging negatibo. Nagsasalita sila nang mapangutya at mapanghamak para siraan ang mga tao, at nagpapakalat pa nga sila ng mga salita ng pagkanegatibo at kamatayan, sinasabing, “Isinasakripisyo nating mga mananampalataya ang ating mga pamilya at propesyon para magawa ang ating mga tungkulin at magtiis ng paghihirap. Sa tingin mo ba ay kaya talagang akuin ng sambahayan ng diyos ang responsabilidad para sa ating kinabukasan? Naisip mo na ba iyon? Sulit ba ang halagang ibinabayad natin? Hindi maganda ang kalusugan ko ngayon, at kung mapagod ako nang husto, sino ang mag-aalaga sa akin sa aking pagtanda?” Nagsasabi sila ng mga ganitong bagay para makaramdam ng pagkanegatibo ang lahat—saka lamang sila magiging masaya. Hindi ba’t masama ang kanilang balak, hindi ba’t sila ay masama at mapaminsala? Hindi ba’t dapat silang tumanggap ng ganti? (Oo, dapat.) Sa tingin ba ninyo ay talagang may Diyos sa puso ang mga ganitong tao? Hindi sila mukhang mga tunay na mananampalataya sa Diyos, sa panimula ay hindi sila naniniwalang sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Hindi ba’t sila ay mga hindi mananampalataya? Kung tunay silang nananampalataya sa Diyos, paano nila nasasabi ang mga gayong bagay? Maaaring sinasabi ng ilan na ito ay dahil wala silang may-takot-sa-Diyos na puso—tama ba iyon? (Hindi, hindi ito tama.) Bakit hindi ito tama? (Sadyang walang Diyos sa puso nila; sila ay kumokontra sa Diyos.) Sa realidad, may lakas ng loob silang sabihin ang mga bagay na iyon dahil hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Mas lalong hindi sila naniniwala na sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng tao, at hindi sila naniniwalang inoobserbahan ng Diyos ang kanilang bawat salita at gawa, bawat kaisipan at ideya. Hindi sila naniniwala sa mga bagay na ito, kaya hindi sila natatakot at malaya at walang pag-aalinlangang nagsasalita sila ng gayong mga maladiyablong salita. Kahit ang mga walang pananampalataya ay madalas nagsasabing, “May mga mata ang Langit” at “Kapag kumikilos ang tao, nagmamasid ang Langit.” Kahit sinong may kaunting tunay na pananalig ay hindi basta-basta bibigkas ng ganitong mga maladiyablong salita ng mga hindi mananampalataya. Hindi ba’t magkakaroon ng matitinding kahihinatnan para sa mga mananampalataya na nag-iisip at nagsasalita nang ganito? Hindi ba’t malubha ang kalikasan nito? Napakalubha nito! Na nagagawa nilang itatwa ang Diyos sa ganitong paraan ay nangangahulugan na sila ay mga tunay na diyablo, at masasamang nilalang na nakalusot sa sambahayan ng Diyos. Tanging ang mga diyablo at anticristo ang nangangahas na tahasang tumutol laban sa Diyos. Ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ay kumakatawan sa mga interes ng Diyos, at ang lahat ng ginagawa ng sambahayan ng Diyos ay nasa ilalim ng pamumuno, pahintulot, at patnubay ng Diyos; ito ay malapit na konektado sa gawain ng pamamahala ng Diyos at hindi maaaring mahiwalay rito. Ang mga taong hayagang sumusumpa sa gawain ng sambahayan ng Diyos sa ganitong paraan, na naninira dito sa kanilang puso, at nais na gawing katawa-tawa ang sambahayan ng Diyos, na nagnanais na makakitang naaresto lahat ang mga hinirang ng Diyos, na ganap na natigil ang gawain ng iglesia, at na tumatalikod sa kanilang pananalig ang mga mananampalataya, at na magiging masaya kapag nangyari ito—anong klaseng mga tao sila? (Mga diyablo.) Sila ay mga diyablo, sila ay masasamang demonyo na muling nagkatawang-tao! Ang mga ordinaryong tao ay may mga tiwaling disposisyon, sila ay paminsan-minsang naghihimagsik, at nag-iisip sila ng ilang maliliit na ideya kapag nagiging negatibo at mahina sila, iyon lang, pero hindi sila magiging ganoon kasama o magkakaroon ng gayong mga buktot at mapaminsalang kaisipan. Ang ganitong uri ng diwa ay makikita lang sa mga anticristo at diyablo. Kapag may ganitong mga ideya ang mga anticristo, naghihinala ba sila na baka nagkamali sila? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil itinuturing nila na katotohanan ang kanilang iniisip at sinasabi. Hindi sila nananampalataya sa Diyos, wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, at kalikasan na nila ang labanan ang Diyos.) Mismo, iyon ang kalikasan nila. Kailan ba itinuring ni Satanas ang Diyos bilang Diyos? Kailan ba ito naniwala na ang Diyos ang katotohanan? Hindi kailanman, at hinding-hindi ito mangyayari. Ang mga anticristo, ang mga diyablong ito, ay ganoon din; hindi nila itinuturing ang Diyos bilang Diyos o pinaniniwalaan na Siya ang katotohanan. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang Siyang lumikha at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kaya iniisip nila na tama ang anumang sinasabi nila. Nag-iisip at kumikilos sila nang walang moralidad sa ganitong paraan; ito ang kanilang kalikasan. Kapag ganito rin ang ginagawa ng mga tiwaling tao, nakakaranas sila ng pagtatalo sa kanilang kalooban. Mayroon silang konsensiya at kamalayang pantao. Ang kanilang konsensiya, kamalayan, at ang mga katotohanang nauunawaan nila ay may epekto sa kanilang kalooban, at nagdudulot ito ng pagtatalo. Kapag lumilitaw ang pagtatalong ito, nagaganap ang isang labanan sa pagitan ng tama at mali at katarungan at kabuktutan, at nagkakaroon ng kalalabasan: Ang mga naghahangad sa katotohanan ay pumapanig sa Diyos, samantalang ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay pumapanig sa buktot na puwersa ni Satanas. Lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay pakikipagtulungan kay Satanas. Nagpapakalat sila ng pagkanegatibo, mga tsismis, at ginagawa nilang katawa-tawa ang sambahayan ng Diyos. Isinusumpa at sinisiraan nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos at isinusumpa ang mga kapatid. Magaan pa nga sa kanilang pakiramdam na gawin ang lahat ng ito, nang walang anumang pag-usig mula sa kanilang konsensiya, nang walang kahit kaunting pagsisisi, at naniniwala silang tama lahat ang mga kilos nila. Ganap nitong ibinubunyag ang satanikong kalikasan ng mga anticristo, at ibinubunyag ang kanilang mga pangit na mukha na lumalaban sa Diyos. Kaya, hindi isang pagmamalabis na sabihing ang mga anticristo ay tunay na mga diyablo at mga Satanas. Ang mga anticristo ay likas na mga diyablo at tiyak na hindi sila tatanggap ng pagliligtas ng Diyos. Sila ay tiyak na hindi parte ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan. Ang mga anticristo ay mga diyablong muling nagkatawang-tao, sila ay likas na masasamang demonyo. Ganoon iyon.
Ang pangunahing pokus ng mga anticristo ay nakatuon sa reputasyon at katayuan. Pagdating sa reputasyon at katayuan, ano ang mga aksiyong ginagawa ng mga anticristo? Walang moralidad silang kumikilos, pinipiga ang kanilang utak, pinapagod ang kanilang pag-iisip, at handa silang gumastos nang malaki para panatilihin ang kanilang reputasyon at katayuan. Ang dalawang bagay na ito ang dugong nagbibigay-buhay sa kanila, ang kanilang lahat-lahat. Naniniwala sila na ang pagtatamo ng dalawang bagay na ito ay nangangahulugang natamo na nila ang lahat. Sa kanilang mundo, mayroon lamang katayuan, reputasyon, at kanilang sariling mga interes; wala nang iba pang mahalaga sa kanila. Kaya, may silbi ba na magbahagi tungkol sa katotohanan, pagkatao, katarungan, o mga positibong bagay sa mga taong tulad ng mga anticristo? (Wala itong silbi.) Tama, wala itong silbi. Katulad ito ng pagtatangkang kausapin ang isang bayarang babae tungkol sa kung paano maging isang babaeng nasa isang malinis na bahay, o turuan siyang maging isang malinis na asawa at ina; ayaw niyang makinig, hindi niya ito gusto, at kasuklam-suklam ito para sa kanya. Gaano kasuklam-suklam? Pinagagalitan ka niya sa puso niya, at sinasamantala niya ang mga pagkakataon para tuyain ka, kutyain ka, atakihin ka, at ibukod ka. Sa panahon ngayon, sa iglesia, hindi ba’t may mga taong, sa sandaling mabalitaan nila na may isang taong nagbabahagi tungkol sa katotohanan, o tungkol sa mga katotohanan gaya ng pagpapasakop sa mga pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos o pagsunod sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, ay nagpapakita ng lubos na mapaghimagsik na saloobin? (Oo, mayroong mga gayong tao.) Tiyak na mayroon. Obserbahan at tukuyin ang mga taong nagpapakita ng ganoong pag-uugali. Kapag nagbabahagi ka tungkol sa pangangailangan na makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, tumutugon sila nang mayroong matinding pagkasuklam, iniisip nila na, “Buong araw nilang pinag-uusapan ang tungkol sa pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng diyos, na para bang isinaayos ng diyos ang lahat, at walang anumang mapagpipilian ang mga tao!” Sa sandaling magbahagi ka tungkol sa katotohanan o sa pangangailangan na makipagtulungan nang maayos, hanapin mo ang mga layunin ng Diyos, at kumilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo sa kanilang mga tungkulin, lalo lang nasusuklam ang mga taong ito at ayaw nilang makinig. Kahit na atubili silang makinig, hindi sila mapakali sa inuupuan, at kung sakaling magawa nilang pumirmi sa upuan, malamang ay nakatulog na sila. Kapag nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan at tungkol sa pagsunod sa mga prinsipyo kapag pinangangasiwaan ang mga bagay-bagay, inaantok sila at naiidlip. Pagkaraan ng ilang oras na walang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan at walang pagpupungos, nagiging masiglang-masigla sila. Kumikilos sila nang walang pakundangan at walang ingat, gumagawa sila ng mga sarilinang desisyon, at sa isang kamay, sinusunggaban nila ang reputasyon, habang sa kabila ay ang katayuan. Tumatalon sila nang mas mataas kaysa kaninuman at nagpapakasasa sa iba’t ibang kaguluhan. Ang mga taong ito ay anticristo lahat; nilalabanan nilang lahat ang Diyos at kaya nilang gumawa ng malaking kaguluhan anumang sandali.
Ang sinumang nagtataglay ng kalikasan ng mga anticristo ay dapat iklasipika bilang isang anticristo. Kapag nais nilang kumilos nang sarilinan, sila ay dapat mapigilan at mapahinto; hindi ito maikakaila. Maaaring sinasabi ng ilan na, “Paano kung hindi namin sila mapigilan? Ano ang dapat naming gawin?” Sasabihin Ko sa inyo ang isang siguradong paraan para mapigilan sila gamit lamang ang isang pangungusap. Kapag nakakatagpo ka ng ganoong sitwasyon, sabihin mo lang na, “Kung titigil ka sa pagkilos nang walang ingat, paggawa ng mga sarilinang desisyon, at pagiging may huling salita, mamamatay ka ba?” Ano ang tingin ninyo roon? (Mabuti.) Sa tingin ba ninyo ay talagang mamamatay ang isang anticristo kung siya ay pipigilan sa pagkilos nang sarilinan? (Oo.) Paano kayo umabot sa sagot na ito na “oo”? (Ang mga anticristo ay ganito sa pinakakaibuturan nila; kung hindi nila magawang kumilos nang sarilinan, nagiging miserable ang pakiramdam nila, at hindi nila makakayang patuloy na mabuhay.) Tama, ganito talaga sila sa kaibuturan nila, at kung hindi sila makakakilos sa ganitong paraan, nagiging miserable sila. Kung gayon, normal ba ang mga taong ito? (Hindi.) Hindi sila normal. Paano mag-isip ang isang normal na tao? “Kung hindi ako puwedeng kumilos nang sarilinan, hahayaan ko na lang; ano ba ang mahirap doon? Mas mapapadali pa nga ang buhay ko!” Ganyan mag-isip ang isang normal na tao. Pero ang isang anticristo ay magiging miserable kung hindi mo sila hahayaang kumilos sa ganitong paraan. Hindi ba’t may diyablong naninirahan sa loob nila? (Oo.) Kaya, ang hindi pagtulot sa kanila na kumilos nang sarilinan ay maaaring magparamdam sa kanila na para bang mamamatay na sila. Ano ang ibig sabihin ng “mamamatay” na ito? Ibig sabihin nito ay pinahihirapan at ginugulo sila ng diyablo sa loob ng puso nila, kaya’t pakiramdam nila ay hindi na nila kayang tiisin ito o magpatuloy sa buhay, na para bang nasa bingit na sila ng kamatayan; iyon ang ibig sabihin nito. Para sa mga anticristo, masasamang tao, at mga diyablong naghahangad na guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang pagsasabi ng isang pangungusap na ito sa kanila ay mas epektibo kaysa sa pagtatalakay ng anumang katotohanan sa kanila. Ang isang pahayag na ito ay kapaki-pakinabang sa mga tao tulad ng mga anticristo, masasamang tao, at mga diyablo, na gumugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kapaki-pakinabang ba ang pagsasabi ng katotohanan sa mga taong ito? (Hindi, hindi ito kapaki-pakinabang.) “Kailangan mong makipagtulungan nang maayos, at gawin ang iyong tungkulin at pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo”—ang mga ganitong uri ng salita ay nasabi na sa loob ng maraming taon; mayroon bang sinumang hindi nakakaintindi o nakakaalala sa mga ito? Dapat wala. Kung gayon, bakit may ilang tao na nagsasarili pa rin sa pagkilos? Ito ay nangangahulugan lamang ng isang bagay: Hindi nila kontrolado ang kanilang sarili; hindi sila mga normal na tao. Hindi sila kayang pamahalaan ng kanilang isipan at puso; mayroong iba pang nasa loob nila na namamahala sa kanila, marahas at sapilitang nagdidikta sa kanila na kumilos sa ganitong paraan, ang mismong panggugulo at panggagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos, ang pamiminsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos at pagsanhi ng mga kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sino ang maaaring gumawa ng mga gayong bagay? Mga Satanas at diyablo lamang. Ang mga sumusunod sa Diyos, ang mga normal na tao, ang mga tunay na nilikha, ay hindi magkakaroon ng motibasyong gawin ang mga gayong bagay; tanging ang mga Satanas at diyablo ang mayroong motibo at sila lang ang sadyang gagawa ng mga ganitong bagay. Naalala ba ninyo ang pahayag na ito? (Oo.) Kung gayon, dito na natin tatapusin ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam!
Pebrero 29, 2020
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.