Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalawang Bahagi) Ikalawang Seksiyon
Nananampalataya ang mga anticristo sa Diyos upang magkamit ng mga pagpapala. Hindi sila kailanman nag-aalala sa anumang bagay na may kaugnayan sa sambahayan ng Diyos o sa mga interes ng Diyos. Anuman ang gawin nila ay kailangang umiikot sa kanilang mga pansariling interes. Kung ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay walang kinalaman sa kanilang mga pansariling interes, sadyang wala silang pakialam at hindi sila nag-uusisa tungkol dito. Lubha silang makasarili! Noong kumikilos bilang lider ang ilang partikular na anticristo, ninakaw ng malaking pulang dragon ang napakaraming handog na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa, at isang nakakagulat na halaga ang nawala. Pero hindi man lang sinisi ng mga anticristong ito ang kanilang sarili. Sinabi pa nga nila pagkatapos, “Hindi lang naman ako ang responsable rito: Paanong sa akin lahat ibubunton ang sisi? Bukod pa rito, hindi maiiwasan ang ganitong uri ng sitwasyon.” Wala man lang silang naramdamang pagsisisi, ibinunton nila ang sisi sa ibang tao, at, puno ng mga palusot, sinubukan nilang ipagtanggol ang kanilang sarili. Anong uri sila? Hindi ba’t dapat patalsikin ang mga ganitong tao? Hindi ba’t dapat silang sumpain at parusahan? (Oo.) Pagkatapos gumawa ng ganito kalaking pagkakamali, talagang walang pagsisisi ang mga anticristong ito! Anong mga pagpapamalas ang maipapakita ng isang normal na tao, isang taong may pagkatao, isang taong tapat sa Diyos, o isang taong may-takot-sa-Diyos na puso, kung dahil sa kanilang kapabayaan ay naagaw ng malaking pulang dragon ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos? (Makararamdam sila ng pagsisisi, sisisihin nila ang kanilang sarili, at mararamdaman nila sa kanilang puso na hindi nila tinupad nang maayos ang kanilang tungkulin.) Ano ang susunod nilang gagawin? Mag-iisip sila ng paraan para makabawi. Mula sa kaibuturan ng kanilang puso, makakaramdam sila ng pagkakautang at pagsisisi; anuman ang sabihin ng iba, hindi sila magrereklamo ng kahit isang salita, hindi nila ipagtatanggol ang kanilang sarili. Aaminin nila na kapabayaan nila iyon, ang kanilang pagsalangsang. Tatanggapin nila ang anumang sinabi sa kanila ng Diyos at kung paano man sila napagpasyahang pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos. Kung gayon, bakit hindi ito matanggap ng mga anticristo? Bakit puno ng hinaing ang pakiramdam nila pagkatapos mapatalsik? Ibinubunyag nito ang kalikasan ng mga anticristo. Ang mga anticristong ito ang nagdulot ng malalaking kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, napakaraming pagsisikap ng iba ang nasayang dahil sa kanilang pagpapabaya sa kanilang mga tungkulin, at napakaraming handog ang nakuha ng malaking pulang dragon, ngunit wala silang naramdamang paninisi sa sarili, walang naramdamang pagkakautang, at ipinagtanggol pa nga nila ang kanilang sarili. Nang pangasiwaan sila ng sambahayan ng Diyos, tumanggi silang magpasakop, at ipinagkalat nila kahit saan ang kanilang pagsuway. Anong uri sila? Hindi ba’t ito ay pagtawag ng sariling kamatayan? (Oo.) Ito ay pagtawag ng sariling kamatayan. Kung titingnan ang kaibuturan ng mga anticristo, ang kanilang kalikasang diwa ay pagiging mapanlaban sa katotohanan at sa Diyos. Wala silang pagkatao; sila ay mga buhay na demonyo, mga Satanas, mga hayop na nakasuot ng damit ng tao. Kapag gumawa ng maliit na pagkakamali o nagsabi ng maling bagay ang mga taong may pagkatao, nakakaramdam sila ng paninisi sa sarili. Ngunit ang mga buhay na demonyo, ang mga anticristo, ay hindi nakakaramdam nito. Kahit na pagkatapos gumawa ng napakatinding pagkakamali, hindi nakaramdam ng anumang paninisi sa sarili ang mga anticristong iyon, at sinubukan pa nga nilang ipagtanggol ang kanilang sarili. Kung gayon, ano ang katotohanan para sa kanila? Kinikilala ba nila ang katotohanan sa puso nila? Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at ang Diyos ang katotohanan—kinikilala ba nila ang katunayang ito? (Hindi nila ito kinikilala.) Malinaw na hindi nila ito kinikilala. Sa puso nila, itinuturing nila ang kanilang sarili bilang ang katotohanan, bilang Diyos; iniisip nila na maliban sa kanila, wala nang ibang Diyos. Hindi ba’t mga diyablo ito? (Oo.) Ito ay mga diyablo, mga tipikal na diyablo. Ang mga anticristo ay hindi man lang nag-uusisa tungkol sa mga mapagkukunan ng iglesia, at hindi rin sila gumagawa ng anumang mga partikular na pagsasaayos para sa mga ito. Pero kapag nagkataong may pag-aari silang isang mahalagang bagay, makakasiguro ka na aalagaan nila ito nang mabuti. Hindi sila magbubunyag ni isang salita tungkol dito kahit na nagsasalita sila kapag tulog, at hindi mo rin ito mapipilit na ilabas mula sa kanila. Binabantayan nila ito nang napakahusay. Gayumpaman, pagdating sa mga mapagkukunan ng sambahayan ng Diyos, ang kanilang saloobin ay ganap na naiiba. Ang totoo ay may ganitong klaseng saloobin sila: “Ano ba ang kinalaman niyan sa akin? Hindi ko naman natatamasa ang mapagkukunang iyan, at hindi naman sa akin iyan. Kahit na alagaan ko iyan nang mabuti, baka ibigay lang ito sa iba! Ano ang silbi ng pagbabantay rito nang maigi?” Hindi nila itinuturing na tungkulin nila ang bagay na ito. Hindi ba’t kawalan ito ng pagkatao? (Oo.) Ito ay isang pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao. Ano ang tawag dito? Ang tawag dito ay pagiging hindi maaasahan. Ipinagkatiwala ng Diyos ang gawaing ito sa iyo, at ibinigay sa iyo ang mga tungkuling dapat mong gampanan—ito ay parte ng trabaho mo. Dapat mong pangasiwaan nang maayos ang mga bagay na ito, isa-isang isinasakatuparan ang mga ito, sinusunod ang mga hinihinging prinsipyo ng Diyos at ang mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos, at isinasaayos ang mga ito nang tama, pagkatapos, matutupad na ang iyong responsabilidad. Pero mayroon bang ganitong pag-iisip o ideya ang mga anticristo? (Wala.) Wala talaga. Ito ay ganap na kawalan ng pagkatao. Ano ang partikular na pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao? Ito ay ang walang pakialam sa pagkakaroon ng konsensiya o katwiran, at pagiging makasarili at kasuklam-suklam, pagiging hindi mapagkakatiwalaan, pagiging hindi maaasahan, at pagiging hindi karapat-dapat pagkatiwalaan ng anumang bagay.
Pagdating sa mga usapin ng mga tauhan sa loob ng iglesia, tulad ng kung sino ang gumagawa ng partikular na gawain sa kung saan, kung ginagawa ba nila ito nang tama, kung epektibo ba nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin, kung may lumabas na mga pagkakataon ng pagkagambala o kaguluhan, o kung ano ang feedback ng mga kapatid, ang mga anticristo ay hindi kailanman detalyadong nag-uusisa o nagsasaayos ukol sa mga bagay na ito. Halimbawa, kapag hinihiling ng sambahayan ng Diyos sa kanila na magbigay ng iba’t ibang uri ng indibidwal na may talento, sinusulyapan lang ng mga anticristo ang mga nakasulat na pagpapakilala ng mga indibidwal na ito nang hindi partikular na inaalam o inuusisa ang kanilang mga sitwasyon—halimbawa, kung ang mga indibidwal na ito ay may pundasyon sa kanilang pananalig, kung kumusta ang kanilang pagkatao, kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, kung ang kanilang mga partikular na talento at teknikal na kasanayan ay naaayon sa mga pamantayang hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at kung sila ay angkop na linangin at na umako ng mahahalagang tungkulin. Pabasta-basta lang na ginagawa ng mga anticristo ang mga bagay na ito, nagpapakitang-tao sila, sandaling sinusuri ang mga nakasulat na pagpapakilala, at iyon na iyon. Hindi talaga sila kailanman nakikisalamuha sa mga sinasabing indibidwal, ni naghahanap ng detalyado o malalim na pag-unawa sa mga ito. Dahil dito, karamihan sa mga taong pinipili nila ay natitiwalag sa huli dahil hindi nagampanan ng mga ito ang kanilang mga tungkulin o hindi naasikaso ang nararapat na gawain ng mga ito. Paano tinitingnan ng mga anticristo ang sitwasyong ito? “Hindi naman itinataas ang ranggo ko sa paggawa ng mga tungkuling ito; wala akong parte sa mga ito. Ano ang pagkakaiba kung sino ang pupunta? Hangga’t inaaprubahan ko ang mga rekomendasyon at ibinibigay ang mga taong ito, ibig sabihin niyon ay ginagawa ko ang aking trabaho. Bukod pa rito, ang mga indibidwal na itinaas ang ranggo ay magkakaroon ng utang na loob sa akin. Hindi ko na problema iyon kung angkop man silang linangin o hindi.” Kung ang mga anticristo ay nagbibigay ng mga hindi angkop na indibidwal, na nagdudulot ng mga hadlang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, may pananagutan ba sila? (Oo.) Malaki ang kanilang pananagutan, pero ang mga diyablong ito ay hindi man lang nagsasagawa ng anumang pagsusuri. Sabi ng ilan, “Sa mga partikular na lugar na may malulupit na kapaligiran, hindi namin nagagawang makipag-ugnayan sa mga tao nang harapan. Paano namin maisasagawa ang pagsusuri sa kanila?” Gaano man kalupit ang kapaligiran, mayroon pa ring mga pamamaraan at diskarte para pangasiwaan ang mga usaping ito. Depende ito kung responsable ka at tunay na nakatuon. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Kung ibinibigay mo ang iyong katapatan at pagiging responsable, kahit hindi ideyal ang kalalabasan, sinisiyasat at alam ito ng Diyos, at hindi ikaw ang mananagot. Pero kung hindi mo ibibigay ang iyong katapatan at pagiging responsable, kahit na hindi magkaroon ng problema at hindi ito humantong sa anumang masamang kahihinatnan sa huli, sisiyasatin ito ng Diyos. Magkaiba ang kalikasan ng dalawang pamamaraang ito, at tatratuhin din ng Diyos nang magkaiba ang mga ito. Nagpapakana rin ang mga anticristo pagdating sa pagbibigay ng mga tao, mayroon din silang mga makasarili at kasuklam-suklam na motibo, at wala silang katapatan. Kahit ano pa ang kanilang ginagawa, ang mga anticristo ay may sariling mga kalkulasyon at hindi sila sumusunod sa mga prinsipyo. Higit pa rito, para magawa nang maayos ang kongkretong gawain, kailangan nilang magpakita ng kanilang mukha, maglibot-libot para makipagkita sa mas maraming tao, magtiis ng mga paghihirap, at sumuong sa mga panganib. Sa sandaling may kinalaman ang isang bagay sa kanilang sariling seguridad, nagsisimula na namang muling magkalkula ang mga anticristo, at nabubunyag ang kanilang kalikasan. Ano ang nabubunyag? Naniniwala sila na ang pakikipag-ugnayan sa napakaraming tao ay isang panganib sa kanilang sariling seguridad, at na hindi sila puwedeng basta-bastang makipag-ugnayan sa mga tao. Hindi nakikipag-ugnayan ang mga anticristo sa mga dapat nilang kausapin at hindi sila nakikipagkita sa kahit sino, sa halip ay naghahanap sila ng isang ligtas na lugar na matutuluyan, nagtatago at walang ibang ginagawa kundi mga simpleng gampanin. Tungkol naman sa kung gaano kaayos ang pagkakagawa sa iba pang aspekto ng gawain, kung may mga tao bang nagsasanhi ng mga kaguluhan, o kung ang mga pagsasaayos ng gawain, iba’t ibang aklat ng mga salita ng Diyos, o mga naitalang sermon ay naipamamahagi ba, hindi kailanman gumagawa ng mga partikular na pagsasaayos o pag-uusisa ang mga anticristo tungkol sa mga bagay na ito. Hindi ibig sabihin na kailangan nilang sumuong sa mga panganib, magpakita ng kanilang mukha, at makaranas ng problema para maituring na tapat. Ano ang isyu rito? Sino ang makakapagpaliwanag? (Noong una nilang sinimulan ang gawaing ito, hindi nila kailanman isinaalang-alang kung paano ito gagawin nang maayos o kung ang mga inirekomendang tauhan ay angkop ba, at hindi sila kailanman kumilos nang buong puso o tumupad sa kanilang responsabilidad. Hindi nila naisip ang mga bagay na ito kahit kailan.) Sadyang wala silang ipinapakitang katapatan. May kaibahan sa kalikasan ng kung paano gumagawa ang mga taong may katapatan sa Diyos kumpara sa mga taong wala nito. Kapag kapwa sila nahaharap sa mga bagay na may kinalaman sa panganib, nagagawa ng mga taong may katapatan na humarap sa panganib at gawin ang kanilang gawain, gamit ang karunungan at mga pamamaraan para ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Gayumpaman, hindi nakikibahagi ang mga anticristo sa kongkretong gawain, may sangkot man na panganib o wala, at hindi nila kailanman naipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Iyan ang pagkakaiba. Maaaring pasalitang nagtatanong ang mga anticristo tungkol sa sitwasyon ng iglesia, sa iba’t ibang gampanin, at iba pa, ngunit kahit ang kanilang mga pag-uusisa ay mga pormalidad lamang, gumagawa lamang sila ng pang-ibabaw na pagsisikap, at hindi talaga sila metikuloso tungkol sa mga ito. Sa panlabas, maaaring mukhang gumagawa sila ng kongkretong gawain, pero ang totoo, hindi nila naiintindihan ang gawain, hindi sila nagtatala, hindi nila ito pinagninilay-nilayan, at hindi sila nagdarasal o naghahanap. Hindi sila gumugugol ng lakas sa pag-iisip kung paano umuusad ang iba’t ibang parte ng gawain, o kung sino ang responsable sa mga aspekto kung saan hindi nagawa nang maayos ang mga bagay-bagay, o kung sinong mga lider ng iglesia ang maaaring hindi angkop, o kung saan hindi naipatupad ang gawain. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito, iniraraos lang nila ang gawain, at kapag natutukoy nila ang mga isyu, hindi nila nilulutas ang mga ito. Ang ilang di-umano’y lider ay pinagsasama lang ang mga tao para sa mga pagtitipon, nag-uusisa tungkol sa sitwasyon, at nagsusuri at nagsisiyasat sa gawain. Sa sandaling may sangkot na kongkretong gawain, at hinihingi nitong magdusa at magbayad sila ng halaga, na maaaring maglagay sa kanilang personal na seguridad sa panganib, at may kasamang partikular na antas ng paghihirap, hindi nila ito ginagawa. Humihinto sila sa gawain sa puntong iyon, inuuna ang pangangalaga sa kanilang sarili. Kahit na kapag nakakapansin sila ng mga isyu, hindi sila gumagawa ng mga partikular na pagsasaayos. Kung kilala sila sa kanilang pananalig, at nanganganib na mahuli, ipinagkakatiwala ba nila ang mga gampaning ito sa iba? Hindi. Hindi nila isinasaayos na gawin ng ibang tao ang mga gampaning ito, at iyon ang problema. Kung gayon, ano ang diwang ibinubunyag ng mga ganitong tao? Wala silang katapatan, makasarili at kasuklam-suklam sila, at isinasaalang-alang lang nila ang kanilang sariling seguridad sa lahat ng bagay. Hindi nila kailanman inuusisa ang tungkol sa kung naipapatupad ba ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, o ang tungkol sa pag-usad ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at wala silang pakialam sa mga bagay na ito. Hindi nila ibinigay ang kanilang katapatan, at hindi nila ipinapakita ang kanilang katapatan. Para sa kanila, sapat na ang iraos lang ang gawain tungkol sa mga bagay na ito; itinuturing nila ito na paggawa ng gawain. Kung maliit ang panganib, maaaring atubiling gagawa sila ng kaunting gawain. Pero kung malaki ang panganib, at may posibilidad na mahuli sila, hindi nila ito gagawin, gaano man kahalaga ang gampanin. Iyan ang diwa ng mga anticristo. Sa kaibuturan ng kanilang puso, hangga’t ligtas ang kanilang mga interes, kaya nilang ipagkanulo ang kahit sino. Nakakamit ang kanilang mga interes kapalit ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; para sa kanila, ang kanilang interes ang pinakamahalaga. Kaya bang maging tapat ng mga anticristo kapag umaako sila ng tungkulin? (Hindi, hindi nila kaya.) Imposible para sa kanila ang magkaroon ng katapatan. Kaya ba nilang isaalang-alang ang buhay at seguridad ng kanilang mga kapatid? (Hindi nila kaya.) Pagdating sa kanilang sariling seguridad, sarili lamang nila ang iniingatan ng mga anticristo, itinutulak nila ang kanilang mga kapatid sa umaapoy na hukay, at ginagamit ang mga ito bilang mga nakasanlang isasakripisyo. Iyan ang kalikasang diwa ng mga anticristo.
Bukod sa pagsasaalang-alang sa sarili nilang seguridad, ano pa ang iniisip ng ilang partikular na anticristo? Sinasabi nila, “Ngayon, hindi maganda ang kapaligiran natin, kaya, huwag na nating gaanong ipakita ang ating mukha at bawasan na rin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa ganitong paraan, mas maliit ang tsansa natin na mahuli, at hindi masisira ang gawain ng iglesia. Kung iiwasan natin na mahuli tayo, hindi tayo magiging Hudas, at magagawa nating manatili sa hinaharap, hindi ba?” Hindi ba’t mayroong mga anticristo na gumagamit ng mga gayong dahilan para ilihis ang kanilang mga kapatid? Ang ilang anticristo ay takot na takot sa kamatayan at umiiral sa buhay nang walang dangal; gusto rin nila ang reputasyon at katayuan, at handa silang umako ng mga tungkulin ng pamumuno. Bagama’t alam nila na, “Hindi madaling pasanin ang gawain ng isang lider—kapag nalaman ng malaking pulang dragon na ginawa akong isang lider, magiging sikat ako, at baka mailagay ako sa listahan ng mga pinaghahanap, at kapag nahuli ako, manganganib ang buhay ko,” alang-alang sa pagtatamasa ng mga pakinabang sa katayuang ito, binabalewala nila ang mga panganib na ito. Kapag nagsisilbi sila bilang mga lider, ang kasiyahan lang ng kanilang laman ang iniisip nila, at hindi sila nakikibahagi sa aktuwal na gawain. Bukod sa kaunting pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang iglesia, wala na silang ginagawa pa. Nagtatago sila sa isang lugar at hindi nakikipagkita sa kahit sino, nananatili silang malayo, at hindi alam ng mga kapatid kung sino ang kanilang lider—ganoon katindi ang kanilang takot. Kaya, hindi ba’t tama na sabihing sila ay mga lider sa pangalan lamang? (Oo.) Hindi sila nakikibahagi sa anumang aktuwal na gawain bilang mga lider; inaalala lamang nila ang pagtatago ng kanilang sarili. Kapag tinatanong sila ng iba, “Kumusta ang pagiging lider?” sinasabi nila, “Masyado akong abala, at alang-alang sa seguridad, kailangan kong magpalipat-lipat ng bahay. Masyadong nakakabagabag ang kapaligirang ito na hindi ako makatutok sa gawain ko.” Palagi nilang nararamdaman na parang maraming mata ang nagmamasid sa kanila, at hindi nila alam kung saan ligtas na magtago. Bukod sa pagbabalatkayo, pagtatago sa iba’t ibang lugar, at hindi pananatili sa isang lokasyon, hindi rin sila gumagawa ng aktuwal na gawain araw-araw. Mayroon bang mga ganitong lider? (Oo.) Anong mga prinsipyo ang sinusunod nila? Sinasabi ng mga taong ito, “Ang isang tusong kuneho ay may tatlong lungga. Para mabantayan ang sarili mula sa atake ng maninila, kailangang maghanda ng kuneho ng tatlong lungga na mapagtataguan. Kung nahaharap sa panganib ang isang tao at kinakailangang tumakas, pero walang mapagtataguan, katanggap-tanggap ba iyon? Dapat tayong matuto mula sa mga kuneho! Ang mga nilikhang hayop ng diyos ay may ganitong kakayahan na manatiling buhay, at dapat matuto ang mga tao mula sa mga ito.” Simula nang umako ng mga tungkulin ng pamumuno ang mga anticristo, napagtanto nila ang doktrinang ito, at naniwala pa nga sila na nauunawaan na nila ang katotohanan. Sa realidad, lubha silang natatakot. Sa sandaling mabalitaan nila ang tungkol sa isang lider na naiulat sa pulis dahil hindi ligtas ang lugar na tinitirhan ng mga ito, o ang tungkol sa isang lider na tinarget ng mga espiya ng malaking pulang dragon dahil masyado itong madalas lumabas para gawin ang tungkulin nito at nakipag-ugnayan ito sa napakaraming tao, at kung paano nauwi ang mga taong ito sa pagkakaaresto at pagkakasentensiya, sila ay agad na natatakot. Iniisip nila, “Hala! Ako na ba ang susunod na huhulihin? Dapat akong matuto mula rito. Hindi ako dapat masyadong aktibo. Kung maiiwasan ko ang ilang gawain ng iglesia, hindi ko ito gagawin. Kung maiiwasan kong ipakita ang aking mukha, hindi ko ito ipapakita. Babawasan ko ang gawain ko hangga’t maaari, iiwasang lumabas, iiwasang makipag-ugnayan sa kahit sino, at tiyakin na walang nakakaalam na ako ay isang lider. Sa panahon ngayon, sino ang kayang mag-alala para sa iba? Ang pananatiling buhay pa lang ay malaking hamon na!” Simula nang tanggapin ang tungkulin ng pagiging lider, bukod sa pagdadala ng isang bag at pagtatago, wala silang ginagawang anumang gawain. Sila ay nababalisa, palaging natatakot na mahuli at masentensiyahan. Ipagpalagay na may narinig silang nagsabi ng, “Kung mahuhuli ka nila, papatayin ka! Kung hindi ka naging lider, kung isa ka lang ordinaryong mananampalataya, maaaring palalayain ka nila pagkatapos lang magbayad ng kaunting multa, pero dahil lider ka, hindi natin ito masasabi. Masyado itong mapanganib! Ang ilang lider o manggagawa na nahuli ay tumangging magbigay ng anumang impormasyon at binugbog sila ng mga pulis hanggang mamatay.” Kapag nababalitaan nila na may isang taong binugbog hanggang mamatay, lalong tumitindi ang kanilang pangamba, at mas lalo silang natatakot na gumawa. Araw-araw, ang iniisip lang nila ay ang kung paano maiiwasang mahuli, paano maiiwasang magpakita ng kanilang mukha, paano maiiwasang masubaybayan, at paano maiiwasang makipag-ugnayan sa kanilang mga kapatid. Pinipiga nila ang kanilang utak sa kakaisip tungkol sa mga bagay na ito at tuluyan nang nakakalimutan ang kanilang mga tungkulin. Mga tapat na tao ba ang mga ito? Kaya bang pangasiwaan ng mga ganitong tao ang anumang gawain? (Hindi, hindi nila kaya.) Ang mga ganitong tao ay sadyang mahina ang loob, at talagang hindi natin sila maaaring bansagan na mga anticristo batay lang sa pagpapamalas na ito, pero ano ang kalikasan ng pagpapamalas na ito? Ang diwa ng pagpapamalas na ito ay katulad ng sa isang hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala na kayang protektahan ng Diyos ang seguridad ng mga tao, at lalong hindi sila naniniwala na ang pag-aalay ng sarili sa paggugol para sa Diyos ay isang paglalaan ng sarili sa katotohanan, at na isa itong bagay na sinasang-ayunan ng Diyos. Wala silang takot sa Diyos sa kanilang puso; kay Satanas lang sila natatakot at sa mga buktot na partidong pampulitika. Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, hindi sila naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at lalong hindi sila naniniwala na sasang-ayunan ng Diyos ang isang taong gumugugol ng lahat para sa Kanya, at alang-alang sa pagsunod sa Kanyang daan, at pagkumpleto sa Kanyang atas. Hindi nila nakikita ang alinman dito. Ano ang pinaniniwalaan nila? Naniniwala sila na kung mahuhulog sila sa mga kamay ng malaking pulang dragon, mapapahamak ang sarili nila, maaaring masentensiyahan sila o manganib na mawalan ng buhay. Sa puso nila, isinasaalang-alang lang nila ang kanilang sariling seguridad at hindi ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t mga hindi mananampalataya ang mga ito? (Oo, ganoon sila.) Ano ang sinasabi ng Bibliya? “Ang mawalan ng buhay dahil sa Akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39). Naniniwala ba sila sa mga salitang ito? (Hindi, hindi sila naniniwala.) Kung hihilingin sa kanila na sumuong sila sa panganib habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, gugustuhin nilang magtago at hindi magpakita kahit kanino—gugustuhin nilang maging hindi-nakikita. Ganito kalaki ang kanilang takot. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang sandigan ng tao, na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, na kung talagang may mangyayaring hindi maganda o mahuhuli sila, ito ay pinahihintulutan ng Diyos, at na dapat magkaroon ng pusong nagpapasakop ang mga tao. Ang mga taong ito ay hindi nagtataglay ng ganitong puso, ganitong pang-unawa, o kahandaan. Tunay ba silang nananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Hindi ba’t ang diwa ng pagpapamalas na ito ay katulad ng sa isang hindi mananampalataya? (Oo.) Ganoon iyon. Ang mga ganitong tao ay sobrang mahina ang loob, labis na natatakot, at takot sa pisikal na paghihirap at takot na may masamang mangyari sa kanila. Natatakot sila na parang mga matatakuting ibon at hindi na nila magampanan ang kanilang gawain. Ang uri ng tao na pinag-usapan natin kanina ay talagang hindi gumagawa ng anumang gawain man lang, kahit na kaya nila itong gawin. Kahit na alam nila na may isyu, hindi nila ito pangangasiwaan. Pinoprotektahan lang nila ang kanilang sarili, at labis silang makasarili at kasuklam-suklam. Ang dalawang uri ng tao na ito ay mga hindi mananampalataya. Ang unang uri ay tuso at traydor, takot sa hirap at pagod, nag-aalala sa kanilang laman, at hindi nakikibahagi sa aktuwal na gawain. Ang pangalawang uri ay mahina ang loob at natatakot, hindi naglalakas-loob na gumawa ng aktuwal na gawain, at natatakot na mahuli at usigin ng malaking pulang dragon. Hindi ba’t may pagkakaiba sa dalawang uri ng tao na ito? (Oo.)
Mayroon ba kayong mga halimbawang nalalaman tungkol sa kung paano pinoprotektahan ng mga anticristo ang kanilang sariling seguridad? (O Diyos, may alam akong halimbawa. May isang iglesia na nahuli ng malaking pulang dragon dahil kontrolado ito ng isang anticristo na nagwawala sa paggawa ng masasamang bagay, at ang mga lider, diyakono, at ilang kapatid ay nahuli lahat. Noong panahong iyon, takot ang anticristo na mahuli. Nang hindi gumagawa ng mga pagsasaayos para sa gawaing pangangasiwa ng resulta ng pangyayari, nagtago siya sa isang liblib na lugar. Tumanggi pa nga siyang manatili sa isang pamilyang nagpapatuloy sa bahay, at sa halip ay iginiit niyang gamitin ang mga handog para magrenta ng lugar. Dahil hindi siya gumawa ng mga nararapat na pagsasaayos para sa mga sumunod na gawain at hindi maagap na inalis ang mga nakatagong panganib, naaresto ang ilang kapatid pagkatapos, at napilitang huminto ang gawain ng iglesia. Malinaw na ang mga anticristo ay sobrang makasarili at kasuklam-suklam. Sa mga kritikal na sandali, pinoprotektahan lang nila ang kanilang mga sariling interes at hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.) Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, lalong wala silang katapatan sa Diyos; kapag nahaharap sila sa isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan at iniingatan. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang seguridad. Hangga’t maaari silang mabuhay at hindi maaaresto, wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsalang naidulot sa gawain ng iglesia. Labis na makasarili ang mga taong ito, hindi man lang nila iniisip ang mga kapatid, o ang gawain ng iglesia, sariling seguridad lamang nila ang kanilang iniisip. Sila ay mga anticristo. Kaya, kapag may gayong mga pangyayari sa mga tapat sa Diyos at sa may tunay na pananalig sa Diyos, paano nila hinaharap ito? Paanong naiiba sa ginagawa ng mga anticristo ang kanilang ginagawa? (Kapag nangyayari ang mga gayong bagay sa mga tapat sa Diyos, mag-iisip sila ng kahit anong paraan para mapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, para maiwasan ang mga kawalan sa mga handog ng Diyos, at gagawa sila ng mga kinakailangang pagsasaayos para sa mga lider at manggagawa, at sa mga kapatid, upang mabawasan ang mga kawalan. Samantala, sinisiguro muna ng mga anticristo na protektado ang kanilang sarili. Hindi sila nag-aalala sa gawain ng iglesia o sa seguridad ng mga hinirang ng Diyos, at kapag nahaharap sa mga pang-aaresto ang iglesia, nagreresulta ito sa kawalan sa gawain ng iglesia.) Tinatalikuran ng mga anticristo ang gawain ng iglesia at ang mga handog ng Diyos, at hindi nila isinasaayos na pangasiwaan ng mga tao ang mga naiwang pinsala. Katulad ito ng pagpapahintulot sa malaking pulang dragon na kamkamin ang mga handog ng Diyos at ang Kanyang mga hinirang. Hindi ba’t isa itong lihim na pagkakanulo sa mga handog ng Diyos at sa Kanyang mga hinirang? Kapag malinaw na alam ng mga tapat sa Diyos na mapanganib ang isang kapaligiran, hinaharap pa rin nila ang panganib ng paggawa sa gawain ng pangangasiwa sa mga naiwang pinsala, at sinisikap nilang panatilihing kakaunti lang ang mga kawalan sa sambahayan ng Diyos bago sila mismo ang umatras. Hindi nila inuuna ang kanilang sariling seguridad. Sabihin mo sa Akin, sa buktot na bansang ito ng malaking pulang dragon, sino ang makatitiyak na walang anumang panganib sa pananampalataya sa Diyos at sa paggawa ng isang tungkulin? Anuman ang tungkuling akuin ng isang tao, may nakapaloob na panganib dito—gayumpaman, ang pagganap sa tungkulin ay iniatas ng Diyos, at habang sinusunod ang Diyos, dapat akuin ng isang tao ang panganib sa paggawa ng kanyang tungkulin. Dapat gumamit ng karunungan ang isang tao, at kailangan niyang gumamit ng mga hakbang para matiyak ang kanyang seguridad, ngunit hindi niya dapat unahin ang pansarili niyang seguridad. Dapat niyang isaalang-alang ang layunin ng Diyos, unahin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang pagkumpleto sa atas ng Diyos sa kanila ang pinakamahalaga, at ito ang prayoridad. Pangunahing prayoridad ng mga anticristo ang kanilang personal na seguridad; naniniwala sila na walang anumang kinalaman sa kanila ang iba pang bagay. Wala silang pakialam kapag may nangyayari sa ibang tao, kahit sino man ito. Hangga’t walang masamang nangyayari sa mismong mga anticristo, panatag ang pakiramdam nila. Wala silang anumang katapatan, na natutukoy sa kalikasang diwa ng mga anticristo. Sa kapaligiran ng mainland Tsina, posible bang maiwasang sumuong sa anumang panganib at tiyaking walang masamang mangyayari habang ginagampanan ang tungkulin? Kahit ang pinakamaingat na tao ay hindi makakatiyak niyon. Ngunit ang pagiging maingat ay kinakailangan. Ang pagiging handa nang maaga ay makakapagpabuti nang kaunti sa mga bagay-bagay, at makakatulong ito na mabawasan ang mga kawalan kapag nagkakaproblema. Kung walang anumang paghahanda man lang, magiging malaki ang mga kawalan. Nakikita mo ba nang malinaw ang kaibahan ng dalawang sitwasyong ito? Samakatwid, tungkol man ito sa mga pagtitipon o sa paggampan ng anumang uri ng tungkulin, pinakamainam na maging maingat, at kinakailangang magsagawa ng ilang hakbang na pang-apula. Kapag ang isang tapat na tao ay gumagampan sa kanyang tungkulin, maaari siyang mag-isip nang mas komprehensibo at masusi. Gusto niyang isaayos nang mabuti ang mga bagay na ito sa abot ng kanyang makakaya para kung magkakaproblema man, mababawasan ang mga kawalan. Pakiramdam niya ay dapat niyang matamo ang resultang ito. Ang isang taong walang katapatan ay hindi nagsasaalang-alang sa mga bagay na ito. Iniisip niya na hindi mahalaga ang mga bagay na ito, at hindi niya itinuturing ang mga ito bilang kanyang responsabilidad o tungkulin. Kapag may nangyayaring hindi maganda, wala siyang nararamdamang anumang paninisi sa kanyang sarili. Ito ay isang pagpapamalas ng kawalan ng katapatan. Ang mga anticristo ay walang ipinapakitang katapatan sa Diyos. Kapag inaatasan sila ng gawain, masaya nila itong tinatanggap, at gumagawa sila ng ilang magagandang deklarasyon, ngunit kapag dumarating ang panganib, tumatakbo sila nang napakabilis; sila ang unang tumatakbo, ang unang tumatakas. Ipinapakita nito na ang kanilang pagiging makasarili at kasuklam-suklam ay talagang malala. Wala silang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad o katapatan man lang. Kapag nahaharap sa isang problema, ang alam lang nila ay tumakas at magtago, at iniisip lang nila ang pagprotekta sa kanilang sarili, hindi kailanman isinasaalang-alang ang kanilang mga responsabilidad o tungkulin. Alang-alang sa kanilang pansariling seguridad, palaging ipinapakita ng mga anticristo ang kanilang makasarili at kasuklam-suklam na kalikasan. Hindi nila inuuna ang gawain ng sambahayan ng Diyos o ang kanilang sariling mga tungkulin. Lalong hindi nila inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, inuuna nila ang sarili nilang seguridad.
Hindi ba’t ang subseksiyong pinagbahaginan natin ay nauugnay sa ikasiyam na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo—hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipinagkakanulo pa ang mga interes na iyon, ipinagpapalit para sa kanilang personal na kaluwalhatian? (Oo.) Para maprotektahan ang kanilang sarili, para maiwasan ang panganib at pisikal na pagdurusa, umaangkin ang mga anticristo ng pabasta-bastang saloobin tungo sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa kanilang sariling mga tungkulin. Humahawak sila ng mga posisyon nang hindi talaga gumagawa ng aktuwal na gawain. Hindi ba’t pagkakanulo ito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t ito ay pagbabalewala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa gawain ng Diyos, at sa kanilang sariling mga responsabilidad, kapalit ng personal na seguridad? (Oo.) Ang mga pagpapamalas na hinimay-himay natin sa subseksiyong ito ay lubusang naglalantad sa makasarili at kasuklam-suklam na diwa ng mga anticristo. Ano ang pangunahing napagbahaginan natin tungkol dito? Ang mga anticristo, dahil sa takot na magkaproblema at para maingatan ang kanilang sarili, ay hindi tumutupad sa kanilang mga tungkulin, at hindi nagpapakita ng anumang katapatan sa Diyos. Mayroon bang anumang katotohanang realidad sa pagpapamalas na ito? Hindi ba’t ito ay kawalan ng konsensiya at katwiran? Ito ay isang ganap na kawalan ng pagkatao!