Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalawang Bahagi) Unang Seksiyon
II. Ang mga Interes ng mga Anticristo
Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikasiyam na aytem sa mga pagpapamalas ng mga anticristo. Ang ikasiyam na aytem tungkol sa kanilang mga pagpapamalas ay ang sumusunod: Ginagawa nila ang kanilang tungkulin para lang maging tanyag sila at maisakatuparan ang kanilang sariling mga interes at ambisyon; hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipinagkakanulo pa ang mga interes na iyon, ipinagpapalit para sa kanilang personal na kaluwalhatian. Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa isang maliit na parte nito, sinisimulan ang ating paksa at nagbabahagi kung ano ang mga interes, na siyang unang punto. Para sa ikalawang punto, nagbahaginan tayo tungkol sa kung ano ang mga interes ng mga tao at kung ano ang diwa ng mga interes ng mga tao. Ang ikatlong punto na pinagbahaginan natin ay kung ano ang mga interes ng Diyos at kung ano ang diwa ng mga interes ng Diyos—ito ang halos laman ng tatlong puntong pinagbahaginan natin. Ang ating pinagbahaginan noong huli ay ang mahahalagang konseptuwal na katotohanan, na nagbibigay ng depinisyon sa iba’t ibang aspekto ng mga interes at nagbibigay ng pag-unawa sa mga tao tungkol sa mga pangunahing konsepto. Hindi na natin susuriin pang mabuti sa pagkakataong ito ang nabanggit na nilalaman, dahil ang paksang pagbabahaginan para sa ating ikasiyam na aytem ay naglalayong magbigay-diin sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Kaya, ipagpapatuloy natin ang pagtuon sa mga pagpapamalas ng mga anticristo sa ating pagbabahaginan sa aytem na ito. Pangunahin nating hihimayin ang saloobin at pag-uugali ng mga anticristo patungkol sa iba’t ibang interes na may kaugnayan sa kanilang sarili, susubukang tukuyin ang kalikasang diwa at disposisyon ng mga anticristo at hihimayin ang mga ito mula sa ganitong perspektiba. Magsisimula tayo sa pamamagitan ng pagbabahaginan kung ano, sa mga mata ng mga anticristo, ang mga bagay na may kaugnayan sa kanilang mga interes.
Sa mga mata ng mga anticristo, ang Diyos, ang sambahayan ng Diyos, at ang iglesia ay mga tatak lamang, marahil ay walang iba kundi mga pangalan lamang, na walang tunay na halaga. Samakatwid, itinuturing nila nang may paghamak ang mga interes ng Diyos, ng sambahayan ng Diyos, at ng iglesia, at hindi nila isinasaalang-alang ang mga ito o binibigyang-pansin. Sa kabaligtaran, ang mga personal na interes ng mga anticristo ang pinakamahalaga para sa kanila. Dahil dito, madalas na ipinagpapalit ng mga anticristo ang mga interes ng iglesia at ng sambahayan ng Diyos para sa kanilang personal na interes. Ngayon, ikategorya at himayin natin nang mabuti kung alin ang mga bagay na may kaugnayan sa mga interes ng mga anticristo, para mabigyan ang mga tao ng malinaw na pananaw tungkol sa kanilang mga opinyon sa mga bagay-bagay. Una sa lahat, anuman ang tawag sa mga anticristo, ito man ay bilang mga anticristo, masasamang tao, o mga indibidwal na hindi nagsasagawa ng katotohanan o nagkikimkim ng pagkamapanlaban dito, ang mga ganitong uri ng tao ay hindi namumuhay nang hiwalay sa iba. Namumuhay sila sa laman at may parehong mga pangangailangan ng normal na buhay ng tao. Samakatwid, ang mga taong katulad ng mga anticristo na namumuhay kasama ang mga kapatid o sa loob ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia, ay mayroon ding mga interes na nauugnay sa sarili nilang seguridad. Ito ang unang subseksiyon tungkol sa mga interes ng mga anticristo—ang sarili nilang seguridad. Ang ikalawang subseksiyon tungkol sa mga interes ng mga anticristo ay ang sarili nilang reputasyon at katayuan, na may kinalaman sa kanilang awtoridad. Ang ikatlong subseksiyon tungkol sa mga interes ng mga anticristo ay may kinalaman sa kanilang benepisyo. Mas malinaw ba na himayin ang mga interes ng mga anticristo sa pamamagitan ng tatlong subseksiyon na ito kumpara sa hindi pormal at sa direktang pagbabahagi tungkol sa mga ito? (Oo.) Kung hihilingin Ko sa inyo na magbahagi batay sa tatlong subseksiyon na ito, mayroon ba kayong anumang kabatiran? Makapagbabahagi ba kayo ng kaunting pag-unawa? (Maaaring magawa kong talakayin ang ilang kabatiran ukol sa ikalawang subseksiyon, pero hindi masyadong malinaw sa akin ang tungkol sa personal na seguridad at benepisyo.) Sige, habang nagbabahagi Ako, maaari kayong magdagdag kung saan kayo malinaw na makapagsasalita, at magbabahagi Ako sa mga bagay na hindi malinaw sa inyo. Ayos ba iyon? (Oo.)
A. Ang Sarili Nilang Seguridad
Sisimulan natin ang ating pagbabahaginan sa unang subseksiyon ng mga interes ng mga anticristo—ang sarili nilang seguridad. Dapat malinaw sa lahat ang kahulugan ng subseksiyong ito; ito ay tumutukoy sa pisikal na seguridad ng isang tao. Sa mainland Tsina, ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pamumuhay sa isang mapanganib na kapaligiran. Ang bawat tao na sumusunod sa Diyos ay araw-araw na nahaharap sa panganib na maaresto, masentensiyahan, at mapasailalim sa malupit na pag-uusig ng malaking pulang dragon. Ang mga anticristo ay hindi eksepsiyon dito. Bagama’t makaklasipika sila bilang mga anticristo sa loob ng sambahayan ng Diyos, ang malaking pulang dragon, kasama ang pamayanang panrelihiyon, ay patuloy na nagsusumikap supilin at usigin ang iglesia ng Diyos at ang Kanyang mga hinirang, at siyempre, nasusumpungan din ng mga anticristo ang kanilang sarili sa ganitong kapaligiran at hindi sila libre sa banta ng pagkakaaresto. Samakatwid, madalas nilang kailangang harapin ang isyu ng kanilang sariling seguridad. Tumutukoy ito sa katanungan kung paano pinangangasiwaan ng mga anticristo ang sarili nilang seguridad. Para sa subseksiyong ito, pangunahing pinagbabahaginan natin ang saloobin ng mga anticristo patungkol sa sarili nilang seguridad. Kung gayon, ano ang kanilang saloobin? (Ginagawa nila ang kanilang makakaya para maprotektahan ang sarili nilang seguridad.) Ginagawa ng mga anticristo ang kanilang makakaya para protektahan ang kanilang seguridad. Ang iniisip nila ay: “Dapat ko talagang tiyakin ang seguridad ko. Sinuman ang mahuli, hindi dapat ako iyon.” Sa usaping ito, madalas silang lumalapit sa Diyos sa panalangin, nagsusumamo na ilayo sila ng Diyos sa gulo. Nararamdaman nila na anuman ang mangyari, talagang isinasakatuparan nila ang gawain ng isang lider ng iglesia at na dapat silang protektahan ng Diyos. Alang-alang sa sarili nilang seguridad at para makaiwas na maaresto, makatakas sa lahat ng pag-uusig at maging ligtas ang kanilang sitwasyon, madalas magsumamo at magdasal ang mga anticristo para sa sarili nilang seguridad. Pagdating sa sarili nilang seguridad, saka lamang sila tunay na umaasa at nag-aalay ng sarili nila sa Diyos. Mayroon silang tunay na pananalig pagdating sa ganitong bagay at tunay ang pag-asa nila sa Diyos. Nag-aabala lamang silang magdasal sa Diyos para hilingin na protektahan Niya ang kanilang seguridad, kahit katiting ay hindi nila iniisip ang gawain ng iglesia o ang kanilang tungkulin. Sa kanilang gawain, ang personal na seguridad ang prinsipyong gumagabay sa kanila. Kung ligtas ang isang lugar, pipiliin ng mga anticristo ang lugar na iyon upang doon sila gumawa, at, tunay nga, magmumukha silang napakasipag at positibo, ibinibida nila ang kanilang matinding “pagiging responsable” at “katapatan.” Kung may gawain na talagang delikado at malamang na mahaharap sa isang insidente, na matutuklasan ng malaking pulang dragon ang gumagawa ng gawaing ito, nagdadahilan sila at tinatanggihan ito, at naghahanap ng pagkakataong matakasan iyon. Sa sandaling magkaroon ng panganib, o sa sandaling may tanda ng panganib, nag-iisip sila ng mga paraan para makaalis at inaabandona nila ang kanilang tungkulin, nang walang malasakit sa mga kapatid. Ang tanging iniisip nila ay makalayo sila sa panganib. Maaaring sa puso nila ay handa sila: Sa sandaling lumitaw ang panganib, iniiwanan nila kaagad ang kanilang gawain, nang walang pakialam kung ano ang mangyayari sa gawain ng iglesia, o kung ano ang mawawala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o sa seguridad ng mga kapatid. Ang mahalaga sa kanila ay makatakas. Mayroon pa nga silang “lihim na alas,” isang plano para protektahan ang kanilang sarili: Sa sandaling sumapit sa kanila ang panganib o maaresto sila, iuulat nila ang lahat ng nalalaman nila, nililinis ang kanilang pangalan at pinawawalang-sala ang kanilang sarili sa lahat ng responsabilidad para maipreserba ang sarili nilang seguridad. Ito ang nakahanda nilang plano. Ayaw ng mga taong ito na makaranas ng pang-uusig dahil sa pananampalataya sa Diyos; takot silang maaresto, mapahirapan, at mahatulan. Ang totoo ay matagal na silang sumuko kay Satanas sa puso nila. Takot na takot sila sa kapangyarihan ng satanikong rehimen, at mas takot na maranasan ang mga bagay na tulad ng pagpapahirap at marahas na interogasyon. Para sa mga anticristo, samakatwid, kung maayos ang lahat, at walang anumang peligro o isyu sa kanilang seguridad, at hindi posibleng magkaroon ng panganib, maaaring ialay nila ang kanilang kasigasigan at “katapatan,” at maging ang kanilang mga ari-arian. Ngunit kung masama ang sitwasyon at maaari silang arestuhin anumang oras dahil sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng kanilang tungkulin, at kung maaari silang mapatalsik sa kanilang opisyal na posisyon o maabandona ng mga kamag-anak at kaibigan dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos, lalo silang nag-iingat, hindi sila mangangaral ng ebanghelyo at magpapatotoo sa Diyos, ni hindi nila gagampanan ang kanilang tungkulin. Kapag may kaunting tanda ng problema, umuurong sila na parang isang pagong na nagtatago sa talukab nito; kapag may kaunting tanda ng problema, agad nilang ninanais na ibalik sa iglesia ang kanilang mga aklat ng mga salita ng Diyos at anumang may kaugnayan sa pananampalataya sa Diyos, upang sila ay manatiling ligtas at hindi mapahamak. Hindi ba’t mapanganib sila? Kung maaresto, hindi ba sila magiging Hudas? Ang mga anticristo ay masyadong mapanganib na maaari siyang maging Hudas anumang oras; laging may posibilidad na ipagkakanulo nila ang Diyos. Bukod pa riyan, makasarili sila at lubhang kasuklam-suklam. Natutukoy ito sa kalikasang diwa ng mga anticristo.
Maaaring sinasabi ng ilan na, “Marahil ang mga taong may ganitong mga pagpapamalas ay matatagpuan lang sa bansa ng malaking pulang dragon, sa kontekstong panlipunan ng Tsina. Kapag pumupunta ka sa ibang bansa, walang pag-uusig o pag-aresto, kaya nawawalan ng kabuluhan ang personal na seguridad. Kailangan pa ba ang paksang ito?” Sa tingin ba ninyo ay kailangan pa ito? (Oo.) Kahit sa ibang bansa, maraming tao na gumagawa ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos ang madalas na nagpapakita ng ganitong mga pag-uugali. Sa sandaling ang talakayan ay napupunta sa mga pag-atake, paninirang-puri, at mga kilusang itinayo ng pulitikal na rehimen ng isang partikular na bansa ng mga walang pananampalataya o ng pamayanang panrelihiyon laban sa sambahayan ng Diyos, may mga tao na nakakaramdam ng matinding takot at kaduwagan sa kaloob-looban. Maaari pa ngang nararamdaman nila na mas makabubuti sa kanila sa sandaling ito at mas malaya sila kung hindi sila nananampalataya sa Diyos, ang ilan sa kanila ay nagsisisi sa kanilang pananalig sa Diyos, at sa kanilang puso, ang ilan ay nag-iisip pa nga na umurong at umatras. Sa lahat ng pagkakataon, ang mga ganitong tao ay nagkikimkim ng mga alalahanin tungkol sa sarili nilang seguridad, pakiramdam nila ay wala nang mas mahalaga pa rito. Ang kanilang buhay at ang sarili nilang seguridad ang mga pangunahing alalahanin sa kaibuturan ng kanilang puso. Kaya, kapag nahaharap sa kung paano pinipinsala, sinisiraan, at kinokondena ng mundo at ng buong sangkatauhan ang iglesia at ang gawain ng Diyos, ang mga taong ito ay hindi tumitindig kasama ng Diyos sa kanilang puso. Sa halip, kapag nangyayari ang mga bagay na ito, kapag nakakarinig sila ng mga boses na pumipinsala at kumokondena sa Diyos, sa kaibuturan nila, sila ay kumokontra sa Diyos. Gustong-gusto nilang ihiwalay ang kanilang sarili sa Diyos, sa Kanyang sambahayan, at sa iglesia. Higit pa rito, sa mga ganitong pagkakataon, mahirap at masakit para sa kanila na amining nananampalataya sila sa Diyos. Desperado silang hindi magkaroon ng kaugnayan sa Diyos, sa Kanyang sambahayan, o sa iglesia. Sa mga ganitong pagkakataon, hindi sila mapalagay at nahihiya pa nga at hindi nila maipakita ang kanilang mukha bilang isang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Tunay bang tagasunod ng Diyos ang mga ganitong tao? Tunay ba nilang tinalikuran ang lahat para sundan ang Diyos? (Hindi.) Kapag nananampalataya ang mga tao sa Diyos sa mainland Tsina, madalas silang nahaharap sa pag-uusig at pag-aresto, at madalas silang nakakatagpo ng mga isyu sa personal na seguridad; bagama’t ang kapaligiran sa ibang bansa ay hindi kasinglupit, nakakaranas pa rin ang mga tao ng mga kaparehong sitwasyon. Nahaharap sila sa paninirang-puri at pagkondena mula sa pamayanang panrelihiyon, at kailangan nilang harapin ang kawalang-pakialam o mga partikular na pahayag ng hindi pagkakaunawa ng iba’t ibang bansa tungkol sa iglesia. Hindi alam ng ilan kung ano ang gagawin at mayroon pa nga silang mga pag-aalinlangan at pagdududa tungkol sa kung tunay nga ba ang gawain ng Diyos, lalo pa nilang kinukuwestiyon ang kawastuhan ng Diyos. Samakatwid, dahil madalas nilang isinasaalang-alang ang kanilang sariling seguridad, hindi nila magawa ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos nang may matatag at mapayapang puso. Tunay bang naibigay ng mga indibidwal na ito ang kanilang buhay sa Diyos? (Hindi, hindi nila nagawa.) Iniisip pa nga ng ilan na, “Ang pagpunta sa ibang bansa ay nangangahulugang pagtakas mula sa mahigpit na hawak ng malaking pulang dragon, hindi ba? Hindi ba’t may kalayaan sa relihiyon sa ibang bansa? Hindi ba’t lahat ay libre at malaya? Dahil dinala tayo ng Diyos sa ibang bansa para gawin ang ating mga tungkulin, bakit kailangan pa rin nating harapin ang parehong malulupit na kalagayan? Bakit kailangan pa rin nating matutunan ang mga aral na ito at mapasailalim sa pagdurusang ito sa ibang bansa?” Ang ilang tao ay may pagdududa sa kanilang puso, at ang ilan ay hindi lang nagdududa kundi lumalaban, nagkikimkim ng mga katanungan tulad ng, “Sapagkat ito ang tunay na daan, sapagkat ito ang gawain ng Diyos, bakit kaming mga tapat sa paggawa ng aming mga tungkulin, na tumalikod sa lahat para igugol ang aming sarili sa Diyos, ay kinakailangan pa ring magtiis sa ganitong hindi patas na pagtrato sa mundong ito?” Hindi nila ito nauunawaan. Dahil hindi nila ito nauunawaan at inuuna nila ang sarili nilang seguridad sa lahat ng bagay, dahil doon, ang kanilang kawalan ng pagkaunawang ito ay nagiging mga reklamo at pangunguwestiyon sa Diyos. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Ang ilang tao sa ibang bansa ay natatakot pa ngang magbakasakali sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Kung itinatalaga sa kanila ang isang tungkulin na may kaunting peligro, nagdadahilan sila tulad ng, “Hindi ako angkop para sa tungkuling ito. Nasa mainland Tsina pa rin ang pamilya ko, at kung madidiskubre ako ng malaking pulang dragon, hindi ba’t magiging malaking problema ito para sa akin?” Tumatanggi silang gampanan ang mga ganitong tungkulin. Pinipili nilang ingatan ang kanilang sarili, protektahan ang sarili nilang seguridad, at iligtas ang sarili nilang buhay. Umiiwas sila sa gawain sa halip na ganap na ialay ang kanilang sarili, bitiwan ang lahat, at talikuran ang lahat para tanggapin ang kanilang mga tungkulin. Hindi nila ito magawa. Ito ang ilan sa kanilang mga pag-uugali pagdating sa sarili nilang seguridad. Hindi napapalagay ang ilang tao sa kanilang puso at madalas nilang ipinagdarasal ang tungkol dito. Ang iba ay madalas na natatakot at naduduwag, iniisip na masyadong makapangyarihan ang mga puwersa ni Satanas, at paano makakalaban ang isang ordinaryong taong katulad nila? Kaya, madalas silang natatakot at nag-aalala tungkol dito. Pakiramdam pa nga ng ilan, na sa sandaling maaresto sila, walang magagawa ang iglesia o ang sambahayan ng Diyos, na walang sinuman ang magiging epektibo kung may mangyayari. Kaya naman, iniisip nila na pinakamahalagang protektahan ang kanilang sarili. Kaya, kapag kinakailangan nilang sumuong sa panganib at umako ng delikadong tungkulin, nagtatago sila, at walang makakahimok sa kanila. Sinasabi nila na wala silang kakayahan, naghahanap ng iba’t ibang dahilan at palusot para tanggihan ang mahahalagang tungkulin na ipinagkatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Kung maganda ang kapaligiran, maaari pa ngang tumayo ang mga taong ito sa pampublikong lugar sa harap ng maraming tao nang may hawak na mikropono at sumisigaw ng, “Nananampalataya ako sa Makapangyarihang Diyos, isa akong miyembro ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sana lahat ay makapunta at makapagsiyasat sa tunay na daan.” Nagagawa nila ito nang walang anumang takot kapag hindi nanganganib ang kanilang personal na seguridad. Subalit kapag mayroong kahit katiting na senyales ng pagbabanta o anumang sitwasyon na may kinalaman sa kanilang sariling seguridad, o kapag biglaang lumilitaw ang mga sitwasyon, nawawala ang kanilang kasigasigan, naglalaho ang kanilang “katapatan,” at kumukupas ang kanilang “pananalig.” Ang alam lang nila ay ang tumakas sa kahit anong paraan, palaging naghahanap ng hindi napapansin at hindi nakikitang gawain na isasakatuparan, ipinapasa sa ibang tao ang mga gampanin at tungkulin na nangangailangan ng kanilang pagsuong sa panganib. Kapag bumubuti na ang kapaligiran, bigla silang nagpapakitang muli na parang mga payasong nasa entablado. Bakit sila muling nagpapakita? Para ipresenta ang kanilang sarili, para ipaalam sa mga tao ang kanilang presensiya, para ipakita sa Diyos ang kanilang kasigasigan, ipakita sa Diyos ang kanilang katapatan sa sandaling iyon, at kasabay nito, para itama ang mga pagkakamali nila noon, desperadong nagsisikap na makabawi. Gayumpaman, sa pinakamaliit na senyales ng problema o pagbabago sa kapaligiran, muling naglalaho ang mga taong ito at nagtatago sila.
Noong nagsisimula pa lang lumawig ang gawain ng ebanghelyo, talagang mahirap na ipalaganap ang ebanghelyo. Noong panahong iyon, hindi maraming tao ang nakapagpapangaral ng ebanghelyo, at ang mga nakakagawa nito ay may napakababaw na pagkaunawa sa katotohanan. Hindi nila makilatis nang mabuti ang mga kuru-kurong panrelihiyon ng mga tao, at mahirap ang pagkakamit ng mga tao. Bukod dito, may kasamang mga panganib ang pangangaral ng ebanghelyo. Kapag nakakatagpo ka ng mga taong medyo may mabuting pagkatao, kadalasan, tumatanggi silang tanggapin ito at iyon lang iyon, pero hindi ka nila pipinsalain o iinsultuhin. Kung mananatili kang nakikipag-ugnayan sa kanila, maaaring may pag-asa pa ring makamit sila, na magbubunga ng ilang resulta. Gayumpaman, kapag nakakatagpo ka ng masasamang tao o mga pastor at elder mula sa iba’t ibang mga denominasyon, hindi lang tumatangging tumanggap ang mga taong ito, kundi pamumunuan din nila ang isang magkasanib na pag-atake, pupuwersahin kang umamin sa iyong mga kasalanan, at kung hindi mo gagawin, maaaring saktan ka nila sa pisikal. Sa mas malulubhang kaso, maaaring iuulat ka pa nila sa mga pulis at dadalhin ka sa istasyon, ilalagay ka sa panganib na madetine anumang oras. Hindi napipigilan ang ilang lider ng iglesia ng mga bagay na ito. Patuloy nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin kapag kinakailangan, at nangunguna pa nga sila sa pangangaral ng ebanghelyo at patotohanan ang Diyos. Gayumpaman, hindi kumilos sa ganitong paraan ang ilang diumano’y lider o mga huwad na lider. Kapag nahaharap sila sa mga ganitong panganib, hindi sila mismo ang pumupunta kundi nagpapadala sila ng iba. Nabalitaan ko na natuklasan ng isang lider na ang isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ay isang lider pala sa isang partikular na denominasyon. Balak niyang magtalaga ng isang tao na magpapalaganap ng ebanghelyo sa lider na iyon. Matapos itong pag-isipan, hindi siya makahanap ng naaangkop na tao at naisip niyang mas nararapat na siya na lang mismo ang pumunta. Gayumpaman, natatakot siya sa panganib at ayaw niyang pumunta, kaya, itinalaga niyang pumunta ang isang batang sister na nasa edad labing-walo o labing-siyam sa halip na siya. Ano sa palagay ninyo? Dapat ba niyang italaga ang pagpunta ng batang sister na ito? (Hindi dapat.) Bakit hindi dapat? (Dahil ang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ay isang lider sa isang partikular na denominasyon na may maraming kuru-kurong panrelihiyon. Mababa ang tayog ng batang sister, mababaw ang pagkaunawa niya sa katotohanan, hindi niya kayang magbahagi tungkol sa katotohanan para tugunan ang mga problema ng potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo, at bukod sa maaaring hindi mapapabalik-loob ng batang sister ang potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo, maaaring ang sister mismo ang nalihis.) Sa kanyang edad, gaano karaming katotohanan ang talagang nauunawaan ng batang sister na ito? Gaano karaming kaalaman sa Bibliya ang taglay niya? Gaano siya kakumpiyansa sa pagpapabalik-loob sa lider mula sa denominasyong iyon? Sa kanyang edad, tiyak na wala pa siyang gaanong karanasan sa pangangaral ng ebanghelyo. Dagdag pa rito, bago pa lang siya umabot sa hustong gulang at wala siyang karanasan. Kaya ba niyang kilatisin ang mga kuru-kuro, ideya, at suliranin ng mga taong nasa hustong gulang na? (Hindi, hindi niya kaya.) Tiyak na hindi. Sa kanyang edad, sadyang hindi pa niya kayang pangasiwaan ang mga kaisipan ng mga taong nasa hustong gulang na. Sabihin ninyo sa Akin, kung titingnan ang kanyang edad, ang sister ba na ito ang pinakamahusay na piliin? (Hindi.) Hindi siya ang pinakamahusay na dapat piliin. Kaya, sa pagpapadala sa batang sister, tama ba ang layunin ng lider na ito? (Hindi tama ang kanyang layunin.) Hindi tama ang kanyang layunin. Hindi niya dapat pinadala ang batang sister. Kalaunan, nang makipag-ugnayan ang batang sister sa lider ng denominasyong iyon at natuklasan na hindi mabuting tao ang lider ng denominasyon, iniulat niya ito pabalik sa lider, ipinapahayag na talagang natatakot siya at hindi na siya nangahas na bumalik. Ginipit siya ng lider, iginigiit na, “Hindi, tungkulin mo ito, at dapat kang pumunta!” Napaluha ang batang sister, sinasabing, “Tungkulin ko ito, at dapat akong pumunta, pero hindi ko kaya, hindi ko ito kayang pangasiwaan.” Gayumpaman, hindi nagpatinag ang lider na ito at patuloy niyang sinabi, “Kahit na hindi mo ito kaya, kailangan mong pumunta; walang ibang pupunta, kaya kailangang ikaw ang pumunta!” Anong klaseng lider ang tingin ninyo rito? Bukod sa pinoprotektahan niya ang kanyang sarili kapag may papalapit na panganib, inilalagay rin niya ang ibang tao sa panganib habang siya ay umaatras. Kahit sa mga sitwasyon na ipinahayag ng batang sister ang kanyang kawalan ng kakayahan at umiyak pa ito sa takot, hindi pa rin sumang-ayon ang lider. Anong klaseng sawing-palad ito? Tao ba ito? (Hindi.) Hindi ito isang tao. Hindi niya isinaalang-alang ang seguridad ng kanyang mga kapatid, kundi ang sarili lamang niya. Ipinagpalit pa nga niya ang seguridad ng iba sa kanyang sariling interes, katulad ng mga magulang na nagsusugal, na kapag naubos na ang lahat ng kanilang pera at wala nang natira, iniaalok nila ang kanilang sariling mga anak na babae bilang kolateral sa kanilang mga utang, para makaligtas sila sa hirap at makaiwas sa sakuna, isinasakripisyo ang kanilang pinakamamahal kapalit ng kanilang sariling kaligayahan. Anong klaseng sawing-palad ang lider na ito? May natitira pa bang pagkatao sa kanya? (Wala.) Walang bahid na pagkatao sa kanya. Batay sa pag-uugaling ito, maaari bang maklasipika ang mga taong tulad nito bilang mga anticristo? (Oo, maaari.) Talagang maaari! Maaaring sinasabi ng iba, “Ang ginagawa nila ay alang-alang sa gawain ng iglesia, para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Hindi ba’t mabuti ang layon nila? Hindi ba’t ginagawa nila ito para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Paanong makaklasipika sila bilang mga anticristo?” Mayroon na bang nag-isip nang ganito? Mabibigyan ba ng katwiran ito? (Hindi.) Kung gayon, sabihin ninyo sa Akin, ano ang kalikasan ng isyung ito? (Ginamit ng lider na ito, alang-alang sa sarili niyang interes at seguridad, ang buhay at seguridad ng batang sister bilang kapalit, ibig sabihin, sinadya niyang itulak ang batang sister sa kapahamakan—mayroon siyang lubos na mapaminsalang pagkatao.) Sa mas simpleng salita, ginawa ng lider na ito ang ganitong pagsasaayos kahit alam na alam niyang hindi kaya ng batang sister ang gampaning ito, para lamang maprotektahan ang kanyang sarili. Kasabay nito, ginawa niya ito para may maipakita siyang patunay sa pagtupad ng kanyang sariling tungkulin, isinasakripisyo ang mga interes at seguridad ng iba para matamo ang kanyang mga pansariling layon. Iyon ang kanyang layunin. Sadyang hindi niya isinaalang-alang kung sino ang may kakayahang gumawa sa trabahong ito, kung sino ang makakapagpabalik-loob sa taong ito, o kung sino ang epektibong makakagawa sa trabahong ito, hinahanap ang pinakamahusay na tao para sa gampanin. Ang diwa ng kanyang mga kilos ay hindi tungkol sa paggampan ng kanyang tungkulin o pagtupad ng kanyang katapatan o responsabilidad, kundi ito ay tungkol sa pagkakaroon ng kakayahang magbigay ng paliwanag sa kanyang mga nakatataas, at pagprotekta sa kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsasakripisyo sa mga interes ng iba, na nakakapinsala pa nga sa iba. Kumilos siya sa paraang nakakapinsala sa iba para maprotektahan ang kanyang sarili at matamo ang sarili niyang mga layon—hindi ba’t ito ang diwa nito? (Oo.) Iyan ang diwa nito. Samakatwid, ang mga kilos ng lider na ito ay maaaring maklasipika bilang mga kilos ng isang anticristo. Hindi ba’t ito ang ugat ng usapin? (Oo, ito nga.) Ito mismo ang sitwasyon. Kung walang naaangkop na mga kandidato, at wala roon ang batang sister, kung siya mismo ang inutusan na pumunta para mapabalik-loob ang lider ng denominasyong iyon, pupunta kaya siya? Makakaya kaya niyang sabihin na, “Kung walang mga naaangkop na kandidato, ako na ang pupunta. Hindi ako natatakot. Kahit pa ibig sabihin nito ay isasakripisyo ko ang aking buhay para makamit ang taong ito, handa akong gawin iyon, dahil ito ang aking tungkulin at responsabilidad”? Magagawa kaya niya iyon? (Hindi.) Bakit natin sinasabing hindi niya magagawa ito? Hindi tayo nanghuhula rito. Ano ang batayan natin sa pagsasabing hindi niya ito magagawa? (Dahil noong ginagawa niya ang kanyang tungkulin, hindi talaga ito para magkamit ng mga resulta at mapabalik-loob ang potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo. Kaya, iniraraos lamang niya ang gawain sa pamamagitan ng pagpapadala ng batang sister. Kung wala ang batang sister doon, hindi siya personal na pupunta para makamit ang taong ito.) Tama, ganoon nga ang mangyayari. Kung nakita niyang walang naaangkop na kandidatong maipapadala, hindi ba’t dapat siya na mismo ang pumunta? (Oo.) Kung tunay siyang tapat sa kanyang tungkulin at hindi isinasaalang-alang ang sarili niyang seguridad, hindi sana niya hinayaang pumunta ang batang sister, kundi siya na sana mismo ang pupunta. Kung gayon, ano ang isyung binibigyang-diin sa hindi niya pagpunta mismo? (Pinoprotektahan niya ang sarili niyang seguridad at mga interes.) Tama, ganoon nga ang nangyari. Kung tunay siyang tapat sa kanyang tungkulin, dapat sana ay pinasan niya ang mabigat na responsabilidad na iyon nang siya mismo. Subalit, hindi niya ginawa iyon; sa halip, pinili niya ang pinakahindi-angkop na kandidato na pumunta sa halip na siya. Layunin ba niya na magpadala ng pinakahindi-angkop na tao sa pinakamapanganib na lugar para makamit ang sarili niyang layon na pagpananggalang sa kanyang sarili mula sa panganib at pagprotekta sa kanyang sarili? (Oo.) Ito ang pag-uugali ng mga anticristo. Ito ay may kinalaman sa pagsasaayos ng mga tao.
Sa mainland Tsina, tuloy-tuloy at brutal na sinusupil, inaaresto, at inuusig ng malaking pulang dragon ang mga mananampalataya sa Diyos, madalas na inilalagay sila sa mga mapanganib na kapaligiran. Halimbawa, gumagamit ng iba’t ibang palusot ang gobyerno para hulihin ang mga mananampalataya. Sa tuwing nadidiskubre nila ang lugar kung saan naninirahan ang isang anticristo, ano ang unang naiisip ng anticristo? Hindi ito tungkol sa wastong pagsasaayos ng gawain ng iglesia, kundi ito ay tungkol sa kung paano makakatakas sa mapanganib na sitwasyong ito. Kapag nahaharap ang iglesia sa panunupil at mga pag-aresto, hindi kailanman nakikibahagi ang mga anticristo sa gawain pagkatapos. Hindi sila nagsasaayos ng mahahalagang mapagkukunan o ng mga tauhan sa iglesia. Sa halip, naghahanap sila ng mga palusot at dahilan para makakuha sila ng isang ligtas na lugar para sa kanilang sarili at iyon lang iyon. Kapag nasiguro na ang kanilang personal na seguridad, bihira na silang makibahagi nang personal sa pagsasaayos ng mga gawain, tauhan, o mapagkukunan ng iglesia, at hindi rin sila nag-uusisa sa usapin o gumagawa ng anumang mga partikular na pagsasaayos. Dahil dito, hindi agad nalilipat sa mga ligtas na lugar ang mga mapagkukunan at pananalapi ng iglesia, at sa huli, marami ang ninanakaw at tinatangay ng malaking pulang dragon, na nagdudulot ng malalaking kawalan sa iglesia at humahantong sa pagkakadakip ng mas maraming kapatid. Ito ang resulta ng pag-iwas ng mga anticristo sa kanilang responsabilidad sa gawain. Sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, palaging nangunguna ang kanilang personal na seguridad. Isa itong isyu sa puso nila na isang palagiang alalahanin para sa kanila. Iniisip nila, “Hindi ako dapat malagay sa gulo. Kung sino man ang mahuhuli, hindi dapat ako—kailangan kong manatiling buhay. Naghihintay pa rin akong makibahagi sa kaluwalhatian ng diyos kapag natapos na ang gawain ng diyos. Kung mahuhuli ako, kikilos ako tulad ni Hudas, at magiging katapusan ko na. Walang magiging magandang kalalabasan para sa akin. Parurusahan ako.” Kaya, sa tuwing pumupunta sila sa isang bagong lugar para gumawa, una nilang sinisiyasat kung sino ang may pinakaligtas at pinakamakapangyarihang sambahayan, kung saan maaari silang magtago mula sa paghahanap ng gobyerno at makaramdam na ligtas sila. Pangalawa, naghahanap sila ng mga sambahayan na may mas mainam na kondisyon ng pamumuhay, kung saan may karne sa bawat kainan, aircon sa tag-init, at heater sa taglamig. Dagdag pa rito, inuusisa nila kung sino sa mga mananampalataya ang mas masigasig at mayroong mas matibay na pundasyon, isang taong kayang magbigay ng proteksyon kapag nagkakaproblema. Sinisiyasat muna nila ang lahat ng bagay na ito. Pagkatapos ng kanilang pagsisiyasat, naghahanap sila ng lugar na matitirhan at gumagawa sila ng ilang mababaw na gawain, nagpapadala ng liham, o naghahatid ng ilang impormasyon o mga pagsasaayos ng gawain sa pamamagitan ng pasalita. Ngayon, sa tingin mo ba ay may kakayahan ang mga anticristo na gumawa? Kapag tinitingnan mo kung paano nila maingat at maayos na isinasaalang-alang at isinasaayos ang kanilang personal na seguridad, mukhang alam nila kung paano gumawa ng partikular na gawain, alam nila sa kanilang puso kung paano ito gagawin. Gayumpaman, hindi tama ang kanilang layunin, personal na pakinabang lang ang iniisip nila, at sila ay tutol sa katotohanan; kahit na alam nila na ang ginagawa nila ay kontra sa katotohanan at ito ay makasarili at kasuklam-suklam, iginigiit nilang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang sariling paraan at kumikilos sila nang walang pakundangan at walang ingat. Lahat ng ginagawa ay para mapanatili ang kanilang sariling seguridad. Pagkatapos nilang mapanatag ang kanilang sarili at maramdaman nilang malayo na sila sa kapahamakan, na lumipas na ang panganib, nagpapatuloy ang mga anticristo sa paggawa ng mababaw na gawain. Talagang maselan ang mga anticristo sa kanilang mga pagsasaayos, pero nakadepende ito sa kung sino ang kanilang kinakaharap. Napakaingat nilang pinag-iisipan ang mga bagay na may kinalaman sa kanilang sariling mga interes, pero pagdating sa gawain ng iglesia o sa kanilang sariling mga tungkulin, ipinapakita nila ang kanilang pagiging makasarili at kasuklam-suklam at hindi sila nagpapakita ng pagkaresponsable, ni wala silang kahit bahid ng konsensiya o katwiran. Dahil mismo sa mga pag-uugaling ito kaya sila nakaklasipika bilang mga anticristo. Kung manghuhusga tayo batay lamang sa kakayahan, kung isasaalang-alang kung paano sila nag-iisip nang mabuti at gumagawa ng detalyado at kongkretong mga plano para sa sarili nilang seguridad, hindi sila nagkukulang sa kakayahan at may utak sila. Tiyak na may kakayahan silang pangasiwaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ngayon, kung titingnan mo ito batay sa kanilang kakayahan, hindi sila dapat bansagang mga anticristo, kung gayon bakit binabansagan pa rin sila nang ganoon? Ito ay natutukoy batay sa kanilang diwa, sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at isagawa ito, sa kung sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan. Maingat at tiyak nilang isinasaalang-alang at isinasaayos ang kanilang kapaligiran sa pamumuhay, ang kanilang pagkain at inumin, at ang kanilang seguridad. Ngunit pagdating sa gawain ng sambahayan ng Diyos, sila ay nagiging ganap na ibang tao, lubos na makasarili at kasuklam-suklam, hindi nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa layunin ng Diyos. Tiyak na hindi ito ang mga taong naghahangad sa katotohanan. Hinaharap ng mga anticristo ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas sa pamamagitan ng pagsasala sa mga ito. Pinipili nila kung ano ang nais at ayaw nilang gawin, at kung ano ang may kaugnayan at walang kaugnayan sa sarili nilang seguridad. Pagkatapos, gumagawa sila ng ilang madaling gawain na walang panganib, para lang maiwasan na malaman ng Itaas na mabilis silang kumain at mabagal magtrabaho, at na hindi nila inaasikaso ang kanilang mga nararapat na tungkulin. Matapos isaayos ang gawain, hindi nila kailanman inuusisa o pinangangasiwaan kung paano isinasakatuparan ang mga partikular na gampanin. Halimbawa, may mga partikular na prinsipyo at regulasyon ang sambahayan ng Diyos tungkol sa mga handog at iba’t ibang mapagkukunan: kung paano isaayos, saan ilalagay, paano pangangalagaan ang mga ito, at kung sino ang dapat mangalaga. Ang mga anticristo, sa kabilang banda, ay nagsasalita lang tungkol sa mga bagay na ito, at kapag nagawa na nila ang mga pagsasaayos, itinuturing nila itong tapos na. Hindi mahalaga kung ang kapaligiran ay naaangkop o hindi, hindi nila kailanman binibisita ang lugar para tingnan ang paligid; gumagalaw lang ang kanilang mga labi, at sa puso nila ay hindi sila nakakaarok, at hindi nag-uusisa, nagsisiyasat, o nag-aalala kung ang mga partikular na pagsasaayos para sa mapagkukunan ng sambahayan ng Diyos ay angkop o ligtas. Kaya, sa panahon ng pamumuno ng mga anticristo, sa loob ng saklaw ng gawain nila, nasamsam ng masasamang tao ang ilang aklat ng mga salita ng Diyos. Ang ilang aklat ay nabubulok dahil sa hindi tamang pag-iimbak, at sa ilang pagkakataon, ang ilang partikular na aklat o mapagkukunan ay inilalagay sa mga lugar na walang nag-aalaga sa mga ito. Bukod sa nabigo ang mga anticristo na gumawa ng mga partikular na pagsasaayos para sa mga bagay na ito, tiyak na hindi sila nag-uusisa, nagsisiyasat, o nagtatanong tungkol sa mga ito. Sa halip, itinuturing nila na tapos na ang kanilang gampanin kapag nagawa na nila ang mga pagsasaayos. Magaling lang silang magsalita at iyon na iyon; iniraraos lang nila ang gawain nang hindi naghahanap ng aktuwal na mga resulta. Nagpapakita ba ng katapatan ang mga anticristo sa pamamagitan ng mga pag-uugaling ito? (Hindi.) Wala silang katapatan. Pagdating sa pagsasaayos ng iba’t ibang mapagkukunan ng iglesia, hindi kailanman nag-uusisa ang mga anticristo. Ano ang ibig sabihin ng “hindi kailanman nag-uusisa”? Ibig bang sabihin nito ay wala silang ginagawang anumang pagsasaayos? Iniraraos lang nila ang gawain at gumagawa sila ng mga pagsasaayos para linlangin ang mga tao, baka may mag-ulat sa kanila sa mga nakatataas. Ngunit hindi sila gumagawa ng anumang partikular na gawain. Ano ang tinutukoy ng partikular na gawain? Kasama rito ang pagtukoy kung saan dapat ilagay ang mga bagay na ito, kung ligtas ba o hindi, kung baka may mangyari sa mga ito, kung baka dumating ang mga daga at ngatngatin ng mga ito ang mga gamit, kung baka bahain o nakawin ang mga ito, kung naaangkop ba ang mga indibidwal na responsable sa pangangalaga, at iba pa. Ang mga anticristo, gayumpaman, ay hindi kailanman nag-uusisa, hindi kailanman nagsisiyasat, at hindi kailanman nag-aalala. Sa kanilang puso, naniniwala silang hindi para tamasahin nila ang mga bagay na ito; hindi nila pinahahalagahan ang mga ito at walang silbi ang mga ito sa kanila. Ang mga ito ay pag-aari ng iba, pag-aari ng sambahayan ng Diyos, at walang kinalaman sa kanila. Wala silang pakialam; hinahayaan ang sinumang gustong magmalasakit ang siyang mag-alala tungkol dito—hindi sila nag-aalala. Isinasaayos nila ang mga bagay-bagay, at iyon na iyon. Ang ilang anticristo ay hindi man lang nag-aabalang magsaayos. Naniniwala sila na, hindi sila makakakuha ng anumang gantimpala kahit na gawin pa nila ang gawaing ito nang maayos, at na walang sinuman ang magpapanagot sa kanila kung hindi nila ito ginawa nang maayos. Sino ang mag-uulat sa kanila para sa ganito kaliit na bagay? Parurusahan ba sila ng Diyos dahil dito? Ang saloobin at pananaw ng mga anticristo sa kanilang mga tungkulin ay ganoon lang: Iniraraos lang nila ang gawain at pabasta-bastang pinangangasiwaan ang mga bagay-bagay. Hangga’t hindi nakakaapekto ang mga bagay na ito sa sarili nilang katayuan o seguridad, wala silang pakialam kung pinamahalaan ang mga ito o hindi. Kung ang mga bagay na ito ay nawala, nabawasan, o nasira man, ang lahat ay walang kaugnayan sa kanila. Sa isipan ng mga anticristo, ang mga mapagkukunang ito ng sambahayan ng Diyos ay itinuturing na pampublikong ari-arian. Hindi nila kailangang mag-alala tungkol sa mga ito, hindi nila kailangang intindihin, at hindi nila kailangang gumugol ng lakas para pamahalaan ang mga ito. Kaya, sa panahon ng pamumuno ng mga anticristo, dahil sa kanilang kapabayaan sa tungkulin, sa pagtuon nila sa pansariling kasiyahan, at sa pagkabigong gampanan ang ilang partikular na gampanin, ang iba’t ibang mapagkukunan sa sambahayan ng Diyos ay ninanakaw o tinangay ng malaking pulang dragon, o kinumpiska ng ilang masamang tao. Maraming ganitong kaso. Maaaring sinasabi ng ilan, “Sa ganitong mapanlaban na kapaligiran, sino ang metikulosong makakapag-asikaso sa lahat? Sino ang makakaiwas sa kaunting kapabayaan o paggawa ng ilang kamalian?” Tungkol lang ba ito sa paggawa ng ilang kamalian? Maglalakas-loob Ako na sabihing, kung kayang tuparin ng mga tao ang kanilang mga responsabilidad at magpakita ng katapatan, hindi magiging ganoon kalaki ang kawalan sa mga mapagkukunang ito; tiyak na mababawasan ito, at mapapabuti nang husto ang pagiging epektibo ng gawain.