Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasampung Bahagi) Ikaapat na Seksiyon

May ilang tao na gumagampan ng tungkulin nila sa iglesia na malinaw na walang kakayahang umako ng mga trabahong nangangailangan ng teknikal na kasanayan, pero iginigiit nila na mapasama sa grupo. Naniniwala sila na dahil natuto na sila ng kaugnay na propesyonal na kasanayan dati, naiintindihan nila ang espesyalisasyong ito, at alam nila kung paano gawin ang mga bagay-bagay, kaya iginigiit nilang kunin ang trabahong ito. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at bukod pa rito, dahil sa hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi sila nakikipagbahaginan o gumagawa nang kasama ng iba, at lalong hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, iginigiit na nauunawaan at alam na nila ito. Kaya, may kaibahan ba sa pagitan ng pagkatuto ng isang propesyonal na kasanayan at pagkatuto kung paano gawin ang mga bagay-bagay sa isang banda, at ng pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo sa kabilang banda? Sa pagkatuto ng isang propesyonal na kasanayan at kung paano gawin ang mga bagay-bagay, nangangahulugan ba iyon na nauunawaan ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo? (Hindi.) Ang mga taong ito na walang espirituwal na pagkaunawa ay naniniwala na ang pagkatuto ng isang propesyonal na kasanayan ay nangangahulugan na nauunawaan nila ang mga katotohanang prinsipyo, at kaya mapangahas nilang nagagawa ang trabaho ayon sa sarili nilang paraan, hindi nakikinig sa sinuman, at hindi kinakailangang gawin ang trabaho ayon sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Naniniwala sila na sarili nila itong gawain at walang ibang puwedeng makialam o magtanong sa kanila tungkol dito—ang trabaho ay magiging ayon sa kung paano nila ito gagawin, at ang ginagawa nila ay itinuturing bilang pamantayan. Hindi ba’t ganito umasal ang mga anticristo? Hindi ba’t seryosong problema ito? Kung ang isang tao ay marunong lang ng isang propesyonal na kasanayan at hindi nakakaunawa sa katotohanan, ano ang magiging mga kahihinatnan ng paggampan niya sa kanyang tungkulin? (Magsasanhi siya ng kaguluhan sa gawain ng iglesia.) Kaguluhan lang ba? Hindi ba’t magiging mayabang at palalo siya? Hindi ba’t gagawa siya ng mga bagay na maglalagay sa Diyos sa kahihiyan? (Oo.) Sa pamamagitan ng paggampan sa tungkulin mo, ang epektong dapat mong makamit ay ang magpatotoo tungkol sa Diyos; hindi ka lang sumasabak sa isang propesyon, kundi dapat mong makamit ang epekto ng pagpapatotoo tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng paggampan sa tungkulin mo, at kaya, ang propesyonal na kasanayang ito ay ginagamit lang para sa tungkuling ginagampanan mo. Ang isang propesyonal na kasanayan ay hindi kumakatawan sa katotohanan, at ang pagiging bihasa sa isang propesyonal na kasanayan ay hindi nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan o na kaya mong gawin ang trabaho ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Tutol dito ang ilang tao, sinasabi nila, “Pumunta ako sa sambahayan ng diyos, alam ko ang propesyonal na kasanayang ito, alam ko kung paano gawin ang bagay-bagay, kaya dapat bigyan ako ng sambahayan ng diyos ng mahahalagang gampanin at pahalagahan ako. Hindi ako nito dapat ipahiya o pakialaman sa anumang bagay na saklaw ng propesyonal na kasanayan ko. Ako dapat ang nagtuturo sa iba. Hindi dapat isaayos ng sambahayan ng diyos na makatrabaho ko ang mga taong hindi alam kung paano gawin ang bagay-bagay. Hindi sila karapat-dapat na gumawa kasama ko.” Tama ba ang ganitong paraan ng pag-iisip? (Hindi.) Hindi karapat-dapat ang ibang tao na gumawa kasama nila—hindi ba’t ganito mag-isip ang isang anticristo? Kung walang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang karapat-dapat na gumawa kasama ka, kung gayon, karapat-dapat ka bang gumampan sa tungkuling ito? Sino ka sa palagay mo? Naperpekto ka na ba? Hindi ka karapat-dapat gumampan sa tungkuling ito! Dahil lang sa itinataas ka ng Diyos kaya may pagkakataon kang magampanan ang tungkuling ito. Dapat mong maunawaan ang mga prinsipyo ng paggampan sa tungkulin mo. Nagpapatotoo ka ngayon sa Diyos, hindi lang basta nagtatrabaho sa isang propesyon. Ang kaunting propesyonal na kasanayan na alam mo ay ginagamit lang para magserbisyo at magamit sa tungkuling ito. Samakatwid, kahit gaano pa kahirap sa teknikal na aspekto ang tungkuling ginagampanan mo, dapat lagi kang tumuon sa mga katotohanang prinsipyo sa bawat parte nito para makamit mo ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos. Kung hindi mo makakamit ang epektong ito at nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos ang tungkuling ginagampanan mo, ano pa ang silbi ng mga teknikal na abilidad mo kung gayon? Magkakaroon pa ba ng anumang halaga ang mga ito? Hindi, hindi magkakaroon ng anumang halaga ang mga ito. Kaya, huwag mong ituring bilang katotohanan ang kaunting propesyonal na kasanayan at teknikal na abilidad na iyon—hindi katotohanan at hindi dapat pahalagahan ang mga ito. Kung hindi ka ginamit ng sambahayan ng Diyos, kung hindi ka itinaas ng Diyos, magiging walang saysay ang munti mong propesyonal na kasanayan at teknikal na abilidad. Kung ihahambing sa katotohanan, ang mga bagay na iyon ay hindi nagkakahalaga ng kahit isang kusing!

Masasabi na ang pagpapanggap ng mga anticristo ay isang paraang ginagamit nila para magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao—ginagamit nila ang paraan ng pagpapanggap para ilihis at iligaw ang mga tao. Ipinapakita ng pagpapanggap ng mga taong ito na bukod sa likas nilang hindi tinatanggap o kinikilala ang katotohanan, mayroon ding mas higit pang makatotohanang interpretasyon tungkol sa mga taong ito: Wala silang espirituwal na pagkaunawa. Ano ang ibig sabihin ng “wala silang espirituwal na pagkaunawa”? Nangangahulugan ito na hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan. At dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, wala silang ideya kung anong uri ng mga tao ang mahal ng Diyos, kaya naiisip nila ang ganitong uri ng espirituwal na tao at pagkatapos ay nagpapanggap at nagkukunwari sila. Kumikilos sila gaya ng ganitong uri ng tao, naniniwala na sa ginagawa nila ay magugustuhan sila ng Diyos at ng ibang tao. Sa katunayan, kabaligtaran ang nangyayari, dahil ang mga taong tulad nito ay ang mismong mga kinasusuklaman at kinokondena ng Diyos. Kaya, huwag kang gumaya sa ganitong tao. Kung gusto mo ring maging kagaya ng taong ito, kung madalas kang nagpapanggap at nagkukunwari sa ganitong paraan, at inililihis mo ang mga tao sa ganitong paraan, kung gayon ay sinusunod mo ang landas ng isang anticristo. Dapat mong matutuhang sabihing, “Mayroon akong kahinaan, pagkanegatibo, at mga tiwaling disposisyon. Ako ay isang ordinaryong tao, hindi ako espesyal. Maraming bagay ang hindi ko nauunawaan at hindi ko alam kung paano gawin. Madalas akong mahina at naililihis ni Satanas kaya ay nahuhulog ako sa tukso ni Satanas. Pagdating sa pag-aaral ng mga teknikal na kasanayan, kaya ko lang magpakadalubhasa sa isa o dalawa, at kaya kong matuto kung paano gawin ang mga ito sa pangkalahatan. Alam ko kung paano gawin ang kaunting propesyonal na kasanayang ito, at mayroon akong kaunting espesyal na kasanayan. Ordinaryong tao lang ako, wala akong mataas na kakayahan, at katamtaman lang ang pang-unawa ko. Pagdating sa katotohanan, kung ano ang ibinabahagi ng Diyos, hanggang doon lang ang nauunawaan ko. Hindi ko nauunawaan ang anumang bagay na hindi inilalahad o malinaw na ipinapaliwanag ng Diyos, at katamtaman lang ang kakayahan ko. Ako ang pinipili ng mga kapatid na maging lider ng iglesia o lider ng pangkat, at ito ay dahil itinataas ako ng Diyos, at hindi ito dahil sa mas magaling ako kaysa sa iba. Wala akong dapat ipagmalaki.” Kaya ba ninyong sabihin ang ganitong bagay? Nasabi na ba ninyo ang ganitong bagay? Ganito ba kayo mag-isip sa puso ninyo? Kung palagi mong nararamdaman sa puso mo na ikaw ay dakila, kamangha-mangha, mas magaling kaysa sa iba, natatangi, espesyal sa kahit anong grupong kinabibilangan mo, na ikaw ang pinakamahusay, na kung gugugol ka ng isang buwan o dalawa sa isang grupo ng mga tao, masasaksihan ng lahat ang mga espesyal mong kasanayan, talento, kakayahan, at pang-unawa at makikita bilang mas mahusay kaysa sa mga ordinaryong tao—kung palagi mong sinusukat at inilalagay ang iyong sarili sa puso mo sa ganitong paraan, kung gayon ay lubha kang nanganganib at nasa malaking gulo.

Napakakakaunti lang sa buong sangkatauhan ang tunay na nakakaunawa sa katotohanan, at mas lalong kakaunti ang mga taong perpekto o may kakayahang gumawa ng anumang bagay—ordinaryo lang ang lahat. Iniisip ng ilang tao na hindi sila ordinaryo, kaya paano nagkakaroon ng ganitong kaisipan? Nagkakaroon ng ganitong kaisipan dahil mahusay sila sa isang bagay; may ilan na magaling sa pagkanta, may magaling sa pag-arte, may magaling sa mga teknikal na kasanayan, may magaling sa pisikal na trabaho, may magaling sa pakikisalamuha, may magaling sa politika, may magaling sa negosyo, at iba pa. Wala sa mga bagay na ito ang may kinalaman sa katotohanan, pero dahil sa mga ito, madalas kang nagkakaroon ng maling pagkaunawa at mali mong pinaniniwalaang mas magaling ka kaysa sa iba. Bakit mali na isipin mo na dahil sa mga bagay na ito ay mas magaling ka kaysa sa iba? Ang mga bagay na ito na magaling ka at itong tinatawag na “mas magaling kaysa sa iba” ay hindi nangangahulugang kaya mong maunawaan ang katotohanan, na kaya mong lampasan ang mga ordinaryong tao pagdating sa pag-unawa sa katotohanan, o na nagtataglay ka ng magagandang kondisyon pagdating sa paghahangad ng kaligtasan mula sa Diyos at sa pagiging perpekto—hindi ito ang ibig sabihin ng mga bagay na ito. Dapat malinaw ninyong makilala ang bagay na ito! Mula sa panahong nagsimulang bumigkas ang Diyos ng Kanyang mga salita at gumampan ng Kanyang gawain hanggang ngayon, nagsalita Siya ng hindi mabilang na mga salita at gumampan ng hindi mabilang na mga gawain, at mayroon bang kahit isang tao sa lahat ng tiwaling sangkatauhan ang nakakita sa mga pagbigkas ng Diyos na Siya ang Lumikha at na ang mga salitang binibigkas Niya ay ang katotohanan? Mayroon bang kahit isang tao na makakakita ng pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos sa mga salita ng Diyos at pagkatapos ay tatayo upang magpatotoo sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos? Wala ni isa! Pinapatunayan ng katunayang ito na, pagdating sa kakayahan, isipan, at pananaw ng buong sangkatauhan, wala sila ng mga kinakailangang kondisyon para sa pag-arok ng katotohanan, bukod pa sa katunayang ang lahat ng tao ay nagtataglay ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas. Sinasabi ng ilang tao, “Kung wala kami ng kinakailangang kondisyon sa pag-arok ng katotohanan, bakit kami nakakaunawa ng kaunting katotohanan ngayon?” Hindi ba’t iyon ay dahil napakarami Kong sinabi tungkol dito? Napakarami Ko nang sinabi na ayaw Ko nang magsalita at sawa na Akong magsalita. Sa tuwing nagsasalita at nakikipagbahaginan Ako sa inyo, kailangan Kong hati-hatiin ang mga paksa sa mga pangunahing paksa, mga panggitnang paksa, at mga pangalawang paksa, palaging ipinapaliwanag ang bagay-bagay nang detalyado, at hindi pa rin kayo nakakaunawa, kung gayon, anong klaseng kakayahan ba ang mayroon kayo? May mga tao na sobra pa ring mayabang at mapagmagaling, pero ano ba ang dapat mong ipagmayabang? Nakikita Ko na wala namang kahanga-hanga sa karamihan sa inyo. Pagkatapos gumampan ng mga teknikal na trabaho sa loob ng napakaraming taon, ilan ba sa inyo ang tunay na nakakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo, kayang sumunod sa mga katotohanang prinsipyo, at kayang gawin ang mga trabaho ninyo ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan? Wala kayong nagagawang maayos na trabaho, kahit ano pa man ito, at palaging kinakailangang personal kayong turuan ng Itaas kung paano gawin ang bagay-bagay. Kung hindi, walang magiging tamang resulta, at kung magpapatuloy ang anumang trabaho nang walang pagsusubaybay at pagtuturo sa inyo ng Itaas kung paano gawin ito, lilitaw ang mga problema. Sabihin ninyo sa Akin, may maipagmamalaki ba ang mga ganitong tao? Wala, pero nagkukunwari pa rin sila bilang perpekto, espirituwal, dakila, at nakakataas na tao sa lahat ng aspekto—hindi ba’t wala silang kahihiyan? Ang hirap talaga ninyong pakisamahan! Anuman ang paksang ibinabahagi Ko, kailangan Kong gawin ito nang detalyado, mas maraming detalye, mas mainam. Hindi sapat na ipaliwanag lang nang mas simple ang bagay-bagay. Ganito ang kakayahan at kaunting pang-unawa ng mga tao; lubha silang kahabag-habag at gayumpaman, naniniwala pa rin sila na dakila sila. Tatapusin Ko na rito ang Aking pagbabahagi tungkol sa aspektong ito.

c. Sa Pamamagitan ng Pangingibabaw sa Lahat

Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa ikatlong aspekto: sa pamamagitan ng pangingibabaw sa lahat. Anuman ang ginagawa ng mga anticristo, palagi nilang gustong mangibabaw sa lahat—ito ang pinakakapansin-pansing pagpapamalas ng kalikasan nila. Kapag gusto ng sinuman na mangibabaw sa lahat, isang napakaseryosong problema nito, at mga tunay na anticristo ang lahat ng ganitong tao. Ano ang ibig sabihin ng “pangingibabaw sa lahat”? Taglay ng mga anticristo ang diwa ni Satanas, ang arkanghel; likas na ayaw nilang maging normal o ordinaryong tao. Kung gagawin silang ordinaryong tao, para mamuhay ng isang simpleng buhay, hindi sila papayag at hindi sila masisiyahan dito, at patuloy silang makikibaka. Bakit sila patuloy na makikibaka? Dahil gusto nilang mag-ingay at gumawa ng mga pakulo para mapansin ng iba, para malaman ng ibang tao na may isang nakakaangat na tao na gaya nila sa pagitan ng langit at lupa. Gusto nilang gumawa ng pangalan para sa sarili nila, para malaman ng iba na isa silang napakalaking isda sa maliit na lawa, gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya. Anong uri ng mga bagay ang mga isdang ito na masyadong malaki para sa maliit na lawa? Masasamang espiritu sila, maruruming demonyo, mga arkanghel, mga Satanas, at mga diyablo. Hindi likas na gustong palipasin ng mga anticristo ang mga araw nila nang kontento na sa kasalukuyang kalagayan ng buhay nila, nang namumuhay bilang isang ordinaryong tao; hindi nila tahimik na ginagampanan ang tungkulin nila o kumikilos na parang mga ordinaryong tao na maganda ang asal—hindi sila kontento sa ganoon. Samakatwid, paano man sila umasal sa panlabas, sa kaibuturan ng kanilang puso, palagi silang malungkot sa kasalukuyang kalagayan ng buhay nila at gagawa sila ng mga partikular na bagay. Anong mga bagay? Gagawa sila ng mga partikular na bagay na hindi kayang isipin ng mga normal na tao. Gusto nilang maging sentro ng atensiyon at hindi sila magdadalawang-isip na magtiis ng kaunting hirap at magbayad ng kaunting halaga. May isang kasabihan: “Ang mga bagong opisyal ay sabik magpasikat.” Sa sandaling maging isang lider ang isang anticristo, pakiramdam niya ay dapat siyang gumawa ng ilang kahanga-hangang bagay at gumawa ng ilang “tagumpay sa propesyon niya” para patunayang hindi siya ordinaryo. Ano ang pinakamalubhang problema rito? Bagama’t gumagawa siya ng mga bagay sa iglesia, at bagama’t nagpapanggap siya na ginagampanan ang tungkulin niya, hindi siya kailanman humihingi ng gabay sa Diyos kung paano gampanan ang tungkulin niya o kung paano gawin nang maayos ang gawain ng iglesia, hindi rin niya taimtim na tinitiyak kung ano ang mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos, kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, o kung paano kumilos sa paraang kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga kapatid, na hindi magdudulot ng kahihiyan sa Diyos, na magpapatotoo sa Diyos, na magpapahintulot sa gawain ng iglesia na umusad nang maayos, at magtitiyak na walang lilitaw na mga kapabayaang pagkakamali sa gawain niya. Hindi niya kailanman tinatanong ang tungkol sa mga bagay na ito at hindi niya kailanman inuusisa ang mga bagay na ito—wala siyang ganitong mga bagay sa puso niya, ang puso niya ay hindi puno ng mga bagay na ito. Kung gayon, ano ang inuusisa niya? Ano ang laman ng puso niya? Puno ito ng mga kaisipan tungkol sa kung paano niya maipangangalandakan ang mga talento niya, at maipapakita na naiiba siya sa karamihan, at maipapabida ang estilo niya ng pamumuno sa iglesia, para makita ng ibang mga tao na haligi siya ng iglesia, at na hindi kakayanin ng iglesia kung wala siya, at na tanging kapag naroroon siya makakausad nang maayos ang lahat ng gawain ng iglesia. Kung pagbabatayan ang mga pagpapamalas ng mga anticristo, at ang motibasyon at orihinal na motibo ng kanilang mga kilos, sa anong posisyon nila inilalagay ang sarili nila? Inilalagay nila ang sarili nila nang nangingibabaw sa lahat. At paano ito naipapamalas? (Sila ay masuwayin sa lahat at palagi nilang gusto na sila ang may huling salita, at ipinapagawa nila sa iba kung ano ang kanilang sinasabi.) May problema sa pagiging masuwayin nila sa lahat; may nakatagong kahulugan dito. Ibig sabihin, kapag ginagawa nila ang gawain ng iglesia, hindi nila ginagawa ang kanilang tungkulin, hindi rin nila isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at kaya hindi nila nararamdaman na kailangan nilang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, na mag-abalang alamin kung ano ang mga panuntunan ng iglesia o kung anong mga prinsipyo ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos—ni hindi nila binibigyang-pansin ang anumang sinasabi Ko. Anong mga prinsipyo ang sinusunod nila? Sinusunod nila ang mga prinsipyo at motibasyon tulad ng paglilingkod sa iglesia at sa mga kapatid para maisakatuparan ang kanilang sariling mga gawain. Hangga’t nakakakuha sila ng posisyon sa iglesia at sa mga kapatid, at nagkakaroon ng katanyagan at kapangyarihang magdesisyon, sapat na iyon, at matatamo na nila ang tinatawag nilang “resulta” sa paggawa ng kanilang tungkulin. Ano ang pakay nila? Hindi para tuparin ang tungkulin ng isang nilikha o isaalang-alang ang pasanin ng Diyos, kundi sa halip ay para paglingkuran ang iglesia at ang mga kapatid at, habang ginagawa ito, para kontrolin ang lahat ng bagay na ito. Bakit Ko sinasabing gusto nilang kontrolin ang lahat ng bagay na ito? Dahil kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay, una nilang itinatatag ang kanilang posisyon, para magkamit ng tiyak na kabantugan, lumalago ang kanilang reputasyon, nagkakaroon sila ng kapangyarihang mamahala at magdesisyon, at pagkatapos ay maaari nilang gawing palamuti na lang ang Diyos at palitan ang posisyon ng Diyos. Sa loob ng saklaw ng kanilang impluwensiya, ginagawa nilang palamuti na lang ang nagkatawang-taong Diyos, isang sunud-sunuran, at ito ang ibig sabihin ng “pangingibabaw sa lahat.” Hindi ba ito ang ginagawa ng mga anticristo? Ganito umasal ang mga anticristo. Ginagamit ng mga anticristo ang pagkakataong magawa ang kanilang tungkulin para lubusang maipamalas ang kanilang mga kaloob at talento, at maipakita ang kanilang mga natatanging kaisipan at gawa, para makuha ang pabor ng mga tao at mapansin ng mas maraming tao. Pagkatapos, nakukuha nila ang kapangyarihang mamahala, magdesisyon, at kontrolin ang mga bagay-bagay sa iglesia, at dahil dito, maraming tao ang sumusunod at nagpapasakop sa kanila, at nagiging tagalabas ang Diyos—hindi ba’t ginagawa lang nilang palamuti ang Diyos? Ito ang pakay na gustong makamit ng mga anticristo sa mga kilos nila, at ito ang nangyayari sa huli saanman naghahari ang mga anticristo.

Kung may isang anticristong humahawak ng kapangyarihan sa iglesia, ano ang magiging kalagayan ng mga kapatid doon? Gagawin lang nila kung ano ang sinasabi ng anticristo, susunod lang sila sa mga regulasyon sa lahat ng kanilang ginagawa, hindi nila mauunawaan ang katotohanan, at hindi nila hahanapin ang katotohanan. Kahit gaano man sila magdusa o gaano man kalaking halaga ang ibayad nila, hindi sila makakausad kahit kaunti sa buhay pagpasok. Maging Ako ay itatakwil sa ganitong iglesia kapag pumunta Ako roon. Kasama nila, ang anticristong ito ay isang lider sa pangalan, pero ang totoo, naging amo at diyos na nila ang anticristong ito. Sa anumang iglesia na kontrolado ng isang anticristo, ang katotohanan at ang Diyos ay nagiging mga palamuti na lang. Ito ang ibig sabihin kapag nangingibabaw ang isang anticristo sa lahat. Hindi ba’t malubha ito? Kapag ang mga tao sa isang iglesia ay kontrolado ng isang anticristo, at pumupunta roon ang mga tagalabas para magtrabaho, hindi ba’t kailangang sumunod ng mga tao sa mga pahiwatig ng amo nila sa tuwing nagsasalita at kumikilos sila? Sila ay nasasailalim sa pinag-isang utos, kumikilos nang nagkakaisa, at walang sinuman ang nangangahas magsalita nang labag sa anticristo. Sa isang tingin lang mula sa amo nila, alam na ng mga taong ito kung ano ang ibig sabihin niyon, at pagkatapos ay kumikilos sila nang naaayon. Kung may itinatanong Ako sa kanila, nag-uusap sila sa sarili nilang diyalekto. Ibig sabihin, ayaw nilang malaman Ko kung ano ang sinasabi nila, gusto nila Akong iwasan, at itinuturing nila Akong isang tagalabas. Hindi ba’t problema ito? Ano ang kalikasan ng kagustuhan nilang umiwas sa Akin? Ito ang disposisyon at diwa ng isang anticristo—nais nilang kontrolin ang iglesia at ang mga tao. Anuman ang gawin ng mga anticristo, tiyak na hindi sila gagawa ng mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, lalong hindi nila isasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; sinusubukan nilang magtatag ng sarili nilang mga kaharian at asikasuhin ang sarili nilang mga gawain. Paano ito matatawag na paggawa sa tungkulin nila? Ito ay ang pagtatatag nila ng sarili nilang mga kaharian sa ilalim ng pagpapanggap na paggawa ng kanilang tungkulin. Dahil may ganitong uri ng kalikasan ang mga anticristo, kahit na hindi nila sabihing personal nilang mahal at gusto ang katayuan, sa oras na may gagawin sila at iuunat ang kanilang kamay, mabilis nilang tatahakin ang landas ng mga anticristo, mabubunyag ang demonyo nilang kalikasan, at susubukan nilang magtatag ng sarili nilang mga kaharian. Sa sandaling may gagawin silang anumang bagay, susubukan nilang asikasuhin ang sarili nilang mga gawain; sa sandaling may gagawin silang anumang bagay, susubukan nilang magpatuloy sa sarili nilang mga diskarte at pamamaraan. Kapag may isinasaayos ang Itaas at umaabot ito sa kanila, hindi ito ipinapatupad ng mga anticristo, kundi sa halip ay pinag-aaralan nila ito, pinag-iisipang mabuti, at pinagbabahaginan. Ano ang pakay nila sa pagbabahaginan tungkol dito? Para mahimok ang lahat na pag-usapan ito para makita kung ito ba ay tatanggapin o hindi, at kung magagamit ba ito o hindi—hindi para isakatuparan ito. Ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan, pero nagbabago ito kapag umabot na ito sa isang anticristo, ito ay nagiging isang bagay na kailangan nilang pag-aralan. Inaaral, sinusuri, at tinatalakay nila ito, at sa huli, hinihimok nila ang lahat na tanggihan ng lahat ang mga hinihingi ng Diyos sa tao at ang mga iniaayos ng Diyos. Sa puso nila, iniisip nila, “Hindi ikaw ang katotohanan, isa ka lang ordinaryong tao. Walang halaga ang sinasabi mo, at kung gusto mong ikaw ang may huling salita sa aking nasasakupan, kalimutan mo na lang iyon! Ako na ang namamahala rito, kaya kailangang gawin ng lahat ang sinasabi ko. Mayroon akong ganap na kapangyarihan para magdesisyon at gumawa ng mga desisyon, at puwede ka lang maging isang palamuti rito. Ako dapat ang may huling salita sa lahat ng bagay sa loob ng saklaw ng aking gawain at impluwensiya. Kahit pa nauunawaan mo ang katotohanan, at ang lahat ng sinasabi mo ay katotohanan, hindi iyon uubra sa akin!” Isa itong anticristo at diyablo, hindi ba? Kaya, kapag narating nila ang teritoryo ng isang anticristo, hindi naipapatupad kahit kaunti ang mga pagsasaayos ng gawain ng iglesia, ang mga hinihingi ng Itaas, at ang mga katotohanang prinsipyo. Ano ang puwedeng gawin sa mga bagay na ito na hindi naipapatupad? Kapag hindi ipinapatupad ng iglesia ang mga ito, ibig sabihin ay may problema sa mga lider at manggagawa roon, at ang mga balakid at hadlang na ito ay dapat masolusyonan. Sa tingin mo ba ay walang kayang gawin ang sambahayan ng Diyos sa iyo? Kung kaya kang gamitin ng sambahayan ng Diyos, kaya ka rin nitong pangasiwaan. Sa tingin mo ba ay ito ang mundo? Sa tingin mo ba na kung mayroon kang impluwensiya, umaasta na parang isang maniniil, at kung lubos kang malupit, mapang-api, at mapanira, wala nang kayang gawin ang sinuman sa iyo? Kung ganoon, nagkakamali ka! Ito ang sambahayan ng Diyos, pinamumunuan ng katotohanan ang sambahayan ng Diyos, at maprinsipyo nitong tinatrato ang mga tao. Maaari kang gamitin at itiwalag ng sambahayan ng Diyos—kung gagamitin ka man o hindi ay napagpapasyahan ng isang salita mula sa Diyos. Kung magdudulot ka ng mga kaguluhan at hahadlang sa mga bagay sa hindi makatwirang paraan dito, sa huli ay ititiwalag ka; kung magsusumikap kang magserbisyo, kung mananatili ka rito at marunong kang lumugar at umasal nang tama, papanatilihin ka ng sambahayan ng Diyos para magserbisyo at titingnan Niya ang kalalabasan ng iyong pagseserbisyo.

Ang diwa ng mga anticristong nagtatatag ng sarili nilang mga kaharian ay ang pangingibabaw sa lahat, pagbabalewala sa Diyos, pagbabalewala sa katotohanan, at pagbabalewala sa mga panuntunan ng iglesia. Pinaglilingkuran lang nila ang pangalang “iglesia,” pinaglilingkuran lang ang titulong “sambahayan ng Diyos,” pinaglilingkuran lang nila ang grupo ng mga tao na tinatawag na “mga kapatid,” at hindi nila kailanman ginagawa ang tungkulin ng isang nilikha, lalong hindi sila sumusunod sa Diyos o nagpapasakop sa Kanyang mga salita—ito ay pagtatatag nila ng sarili nilang mga kaharian. Ito ang diwa ng mga anticristo, at ang diwang ito ay ang pangingibabaw sa lahat. Ngayon, ang diwa bang ito ay kinokondena o sinasang-ayunan? (Kinokondena.) At dahil kinokondena ito, dapat itakwil ang mga taong ito sa hanay ninyo. Sinusunod, pinupuri, hinahangaan, at sinasamba ng ilang taong naguguluhan, mangmang, at bulag ang mga ganitong tao kapag nakikita nila ang mga ito, at gusto pa nga nilang yumukod sa mga ito—napakahangal nila! Saan ka aakayin ng mga anticristo? Kapag inaakay ka nila, para itong inaakay ka ng malaking pulang dragon, at hindi sila titigil hanggang sa maligaw ka o madala ka nila sa walang hanggang hukay. Kapag ganap ka na nilang nasira, sisipain ka nila; wala kang anumang mapapala, at magiging walang saysay ang pananampalataya mo sa Diyos. Kung bulag kayo at hindi ninyo nakikita ang tunay na kulay ng mga taong ito, at tumatalima, nagpapasakop, at sumusunod kayo sa mga taong ito, kung gayon, mga lubos kayong mangmang, at nararapat lang kayong mamatay. Kaya, ano ang dapat ninyong gawin kung makatagpo kayo ng ganitong tao? Kapag nakatagpo kayo ng isang tao sa iglesia na nagkukunwari at nagpapanggap, na nangingibabaw sa lahat kapag gumagawa ng anumang bagay, isang taong namumuhi sa katotohanan, namumuhi sa Diyos, at namumuhi sa mga panuntunan ng iglesia, dapat manindigan ang lahat na pungusan at itakwil sila. Kung kaya nilang magtrabaho sa sambahayan ng Diyos nang may maayos na pag-uugali, hayaan silang magtrabaho; pero kung hindi maayos ang pag-uugali nila at palagi nilang hinahadlangan ang bagay-bagay nang walang katwiran, kailangan ninyong ipatupad ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos at alisin sila.

Mayo 23, 2020