Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi) Ikaanim na Seksiyon

Sa ngayon, sa isipan ninyo, aling mga trabaho sa iglesia ang pinakamahalaga at kasama sa pagpapalawig ng plano ng pamamahala ng Diyos? (Pagpapalaganap ng ebanghelyo.) Isang pangunahing trabaho ang gawain ng ebanghelyo. Ang gawain ng Diyos ay gawain ayon sa nakikita ng Diyos, ngunit para sa mga tao, tungkulin nila ito. Bukod sa gawain ng ebanghelyo, may mga gawain din ng produksiyon ng video, pagsasalin, himno at iba’t ibang gawaing nakabatay sa teksto. Sa panahon ngayon, karamihan sa mga taong gumagawa ng tungkulin nila nang full-time ay nakikibahagi sa mga aktibidad na nauugnay sa mga trabahong ito. Sabihin ninyo sa Akin, alin sa mga trabahong ito ang maaaring alisin? Sinasabi ng ilang tao, “Tungkol lang sa ilang nota ang musika, na sa tingin ko ay hindi mahalaga. Maipoproklama at maipapalaganap pa rin naman ang mga salita ng Diyos kahit wala ang lahat ng himig na iyon, at madadala pa rin ang mga tao sa harap ng Diyos.” Tama bang sabihin iyon? (Hindi, mali ito.) Bakit mali ito? Magiging maayos ba ang iba’t ibang uri ng produksiyon ng video kung walang musika? (Hindi.) Bukod pa sa kailangan ito para sa pag-awit ng mga himno sa loob ng iglesia, ang lahat ng pelikula, music video, koro, at dula sa entablado, pati na ang mga video ng pagbasa ng mga salita ng Diyos at iba pa, ay nangangailangan din ng musika. Bagama’t sa unang tingin, talagang tungkol sa mga nota lamang ang musika, sa sandaling marinig ng mga tao ang musikang ito, nagiging mas epektibo ito sa pagpoproklama ng mga salita ng Diyos, at maaari itong gumampan ng papel sa pagsusulong ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya, hindi maaaring wala ito. Kahit na kaswal ka lang na nagsasalita rito at may musikang pansaliw, magiging iba ang epekto, hindi ba? Kaya napakahalaga ng tungkuling ito. May ilang tao na nagsasabing: “Kung gayon, mahalaga ba ang ating gawaing pangvideo?” Sabihin ninyo sa Akin, mahalaga ba ang gawaing pangvideo? (Oo.) Halimbawa, ang malaking parte ng mga imaheng ginawa gamit ang teknolohiya ng mga special effect ay hindi maaaring maging kapalit ng anumang hindi pa napoprosesong kuha ng video, at hindi rin ito maaaring makunan ng video—ito ay modernong sining. May mga nagsasabi na: “Kahit ang sambahayan ng Diyos ay nagsasalita tungkol sa modernong sining. Hindi ba pagsabay ito sa uso?” Paano ito matatawag na pagsabay sa uso? Tinatawag itong pagsasamantala kay Satanas para magserbisyo. Siyempre, hindi ito pagsasamantala sa mga kapatid para magserbisyo. Ang ibig Kong sabihin, kung matututo ka ng ilang teknikal at masining na propesyon at gagamitin mo ang propesyonal na kaalamang ito sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpoproklama ng mga salita ng Diyos, kung gayon, kapaki-pakinabang ang natutunan mo. Kung matututunan mo ito, ito ay biyaya ng Diyos, at pagkatapos ay magagawa mo na ang kaugnay na tungkulin, at ikaw ay pagpapalain. Hindi ba’t isa itong pagpapala para sa iyo? (Oo.) Kaya, hindi mahalaga kung ano ang natutunan mo, ang mahalaga ay kung gagamitin mo ito para sa tungkulin mo. May ibang tao na nagsasabing: “Gumagawa kami ng mga gawaing nakabatay sa teksto, ngunit walang nakakakilala sa amin kahit kailan, walang nagbabanggit sa amin, at maraming tao ang hindi man lang nakakakita sa amin. Kami ay kapalit-palit naman.” Hindi ito malinaw na pagtingin sa usapin. Hindi ka nakikita ng mga tao, ngunit nakikita ka ng Diyos, sinisiyasat ka ng Diyos, ginagabayan ka ng Diyos, pinagpapala ka ng Diyos, bakit hindi mo ito nararamdaman? Mahalaga ba kung nakikita ka o binabanggit kayo o hindi ng mga tao? Aling katotohanan ang hindi ibinigay sa inyo? Aling mga sermon at pagbabahagi ang hindi ninyo nasalihan? Sa totoo lang, ang teknikal na nilalaman ng mga gawaing nakabatay sa teksto ay hindi masyadong mataas, at hindi kailangang palakasin nang husto ang mga propesyonal na aspekto. Gayumpaman, may isang bagay na hindi maaaring mawala. Dapat ninyong maunawaan ang katotohanan. Kung hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, wala kayong maisusulat na kahit ano. May kaalaman ka sa pagsulat, kaya maaari mong iayon sa pamantayan ng wika, ayusin ang wika, at maaari kang magtakda ng isang estruktura at ng mga ideya sa isang sulatin. Gayumpaman, ang estruktura mismo ay hindi ang artikulo. Kailangang mapuno ito ng nilalaman. Ano mismo ang dapat isulat bilang nilalaman, at paano mismo ito dapat isulat para makamit ang resulta ng pagpapatotoo sa Diyos—ito ang dapat ninyong pasukin. Kung mananatili lang kayo sa pundasyong ito, iyong pagpapatotoo sa mga salita ng Diyos at pagpoproklama ng yugtong ito ng gawain ng Diyos, kung gayon ay hindi kailanman lalago ang inyong tayog. Kung, bukod sa pagpapatotoo sa bagong gawain ng Diyos, pagkontra sa mga kuru-kuro ng mga tao, at pagbabahagi tungkol sa ilang katotohanan ng mga pangitain, maaari din kayong magbahagi tungkol sa ilang katotohanan tungkol sa buhay pagpasok, at gumamit ng ilang katunayan, mga kuwento, at ilang maayos na inilarawang detalye para ipahayag ang lahat ng iba’t ibang kalagayan sa kaibuturan ng puso ng mga tao, nang sa gayon ay makilala ng mga tao ang katiwalian nila, at maunawaan nila kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan at kung ano ang mga layunin ng Diyos, at upang higit pang makilala ang mga pinakakritikal na isyu—kung ano talaga ang katotohanan, kung ano ang landas na dapat tahakin ng mga tao, kung saan naroroon ang pagkakamali sa mga maling landas na tinatahak ng mga tao ngayon, kung anong uri ng mga tao ang hinihingi ng Diyos sa kanila, at kung ano ang landas na hinihingi ng Diyos na tahakin ng mga tao—kung makakausad kayo nang dahan-dahan patungo rito, magiging lubos na kapaki-pakinabang ang tungkuling ginagawa ninyo. Ngunit ito ang mahirap na parte, ito ang pinakamahirap na bagay. Ang pagpasok ng mga tao sa buhay ay hindi nangyayari sa loob ng isa o dalawang araw. Sa maraming bagay, tumatagal ng isa o dalawang taon mula sa noong unang binanggit ang mga bagay na ito hanggang sa nang magkamit ng kamalayan ang isang tao tungkol sa mga bagay na ito. Tumatagal ng dalawa hanggang tatlong taon, o tatlo hanggang limang taon pa nga mula sa pagkakaroon ng malabong kamalayan tungo sa pagkakaroon ng malinaw na kamalayan, tumatagal ng dalawa o tatlong taon mula sa pagiging malinaw ng kamalayan ng isang tao tungo sa pagkilala sa kalikasan ng bagay na ito, at pagkatapos ay tumatagal ng dalawa o tatlong taon pa para malaman ang kalubhaan ng problemang ito. Hanggang dito lamang ang mararating ng mga taong manhid at may mahinang kakayahan. Alam ng mga taong may mas mahusay na kakayahan at matalas na espiritu kung paano aktibong hanapin ang katotohanan, na tumatagal pa ng dalawa o tatlong taon…. Bago pa nila mamalayan, lumipas na ang buong buhay nila. Ganito kabagal ang buhay pagpasok! Higit na mabilis ang pag-unawa at paggunita ng mga tao sa katotohanan kaysa sa pagdanas at pag-arok dito. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ang ibig Kong sabihin, palaging mabagal ang pagdanas at pag-arok, dahil ito ay buhay, samantalang ang pag-unawa at paggunita ay nangangailangan lamang ng isipan. Ang mga tao na may matalas na memorya, mahusay na abilidad sa pag-unawa, may ilang kakayahan at kaunting pundasyon sa edukasyon ay mabilis na makakatamo ng mga bagay na ito. Ngunit pagkatapos makaunawa, nagkakaroon ba ng kaalaman ang isang tao? Hindi. Pagkatapos makaunawa, humihinto lang ang isang tao sa pag-alam kung tungkol saan ang bagay na ito, at wala nang iba pa, ngunit hindi pa rin sapat iyon kapag gumagawa ng aksiyon. Bakit hindi sapat? Kadalasan, ang doktrinang nauunawaan mo ay hindi magagamit o maiuugnay sa mga bagay na nangyayari sa iyo. Bilang resulta, pagkatapos mabigo nang maraming beses, magdusa ng maraming kawalan, lumihis ng daan nang maraming beses, at makatanggap ng maraming paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, saka mo lang mauunawaan sa wakas ang katotohanan, at makapagsasagawa at mararanasan ang mga salita ng Diyos sa lahat ng iba’t-ibang bagay na nangyayari sa iyo. Sa oras na iyon, napakaraming taon na ang lumipas na ang mukha mo ay maaaring puno na ng kulubot—hindi ba’t napakabagal nito? Napakabagal ng pag-usad ng buhay ng mga tao, dahil ang katotohanang nauunawaan ng mga tao ay may kinalaman sa kalikasang diwa ng mga tao, sa pag-iral ng mga tao, at sa mga bagay na ipinamumuhay ng mga tao, at kasama na rito ang pagbabago ng disposisyon ng isang tao pati na rin ang mga pagbabago sa kanyang buhay. Paanong napakadaling magbago ang iyong buhay tungo sa ibang buhay? Sa isang aspekto, kinakailangan nito ang gawain ng Diyos, at kasabay nito, kinakailangan din nito na aktibong makipagtulungan ang mga tao; dagdag pa roon, nariyan din ang mga pagsubok sa panlabas na kapaligiran, pati na ang iyong personal na paghahangad; dagdag pa rito, dapat mayroon kang sapat na kakayahan at abilidad na umunawa, at pagkatapos ay bibigyan ka ng Diyos ng karagdagang kaliwanagan at patnubay; higit pa roon, magpapataw ang Diyos ng ilang pagkastigo, paghatol, at pagpupungos sa iyo, at pupunahin ka ng iyong mga kapatid, at kailangan mo pa ring maagap na maghangad, upang maalis ang mga bagay na iyon na nabibilang kay Satanas—at saka lamang unti-unting makapapasok ang mga positibong bagay na nabibilang sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao na, “Kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nagbabago ang buhay nila.” Tama ba o mali na sabihin ito? (Mali ito.) Bakit mali ito? Hindi katumbas ng pagkakaroon ng katotohanan ang pag-unawa sa katotohanan, at kapag naunawaan mo na ito, hindi pa rin ito ang buhay mo. Kapag narinig mo na ang katotohanan, naarok ito, at naunawaan kung ano ang naririnig mo, gaano katagal itong mananatili sa puso mo? Maaaring pagkatapos ng isang buwan, ang mga salitang iyon na inakala mong pinakamahalaga noong panahong iyon ay ganap nang nawala, at kapag narinig mo ulit ang mga ito, pakiramdam mo ay parang hindi mo pa kailanman narinig ang mga ito. Gayumpaman, kung nagtataglay ka ng gayong tayog na buhay, hindi mo na kailangang paulit-ulit na pakinggan ang mga ito. Kung wala ka nito, dapat patuloy kang makinig, at kung hindi ka makikinig, unti-unting mababawasan at mawawala ang pag-unawa mo hanggang sa ikaw ay maging katulad ng mga walang pananampalataya. Samakatwid, ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay dapat na palaging pinakikinggan at binabasa. Hindi magiging sapat kung masyadong kaunti ang pagbasa o pakikinig sa mga ito. Lahat kayo ay may malalim na pagkatanto rito, tama? (Oo.) Minsan, pagkatapos ng hindi pagkanta ng mga himno o pagdarasal sa Diyos nang dalawa o tatlong araw, nakakaramdam ka ng kahungkagan sa puso mo at hindi mo maramdaman ang Diyos, kaya napapaisip ka kung saan ka pupunta para maglakad at magpaalwan. Bilang resulta, habang lalo kang nagpapaalwan, lalo kang nagiging hindi disiplinado, at kapag pumupunta ka sa iglesia para makipagbahaginan sa mga kapatid mo tungkol sa katotohanan, pakiramdam mo ay hindi ka sanay rito, at kapag nabanggit ang gawain ng iglesia, medyo hindi ka komportable. Sa loob lamang ng dalawa o tatlong araw, nagbago ka na at naging parang ibang tao ka, kaya pakiramdam mo ay hindi mo na kilala ang sarili mo. Paano nangyari ito? Huwag mong isipin na dahil marami ka nang napakinggang sermon, naging buhay mo na ang katotohanan, at natamo mo na ang katotohanan. Malayo ka pa roon! Huwag mong isipin na dahil lang sa nakapagsulat ka ng isang artikulo ng patotoo o nagkaroon ng gayong karanasan, ikaw ay ligtas na. Wala ka pa roon! Isa lang iyong maliit na piraso sa iyong mahabang karanasan sa buhay. Ang pirasong ito ay maaaring isang panandaliang lagay ng loob lamang, isang panandaliang damdamin, isang panandaliang kahilingan o ambisyon, at wala nang iba pa. Isang araw, kapag ikaw ay mahina at nagbalik-tanaw ka at nakinig sa mga patotoong minsan mong ibinahagi, sa mga panunumpang minsan mong sinambit, at sa mga pagkaunawang minsan mong nakuha, magiging hindi pamilyar ang mga ito sa iyo, at sasabihin mo na, “Ako ba iyon? Ganoon ba kataas ang naging tayog ko? Bakit hindi ko alam? Siguradong hindi ako iyon, hindi ba?” Sa puntong ito, mapagtatanto mo na hindi pa rin nagbago ang iyong buhay. Ano ang ipinahihiwatig nito kung hindi pa nagbago ang iyong buhay? Ibig sabihin nito ay hindi pa rin nagbago ang iyong disposisyon. Ano ang mararamdaman mo kapag natuklasan mo na—sa kabila ng pagbigay mo ng mga patotoo at sa kabila ng inakala mo noon na mayroon ka nang malaking tayog—maaari ka pa ring maging negatibo tulad ngayon? Hindi ba’t iisipin mo na masyadong mahirap baguhin ang sariling disposisyon? Ang katotohanan ay hindi isang bagay na maaaring agad-agad na taglayin ng mga tao. Kung talagang makakamit ng mga tao ang katotohanan bilang kanilang buhay, sila ay pagpapalain, at magbabago ang buhay nila. Hindi na sila magiging katulad ng kung ano sila ngayon, na madalas na nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, bagkus ay magagawa nilang magpasakop nang lubos sa Diyos at magawa nang tapat ang kanilang tungkulin, at sila ay ganap na magbabago.

Dahil masyadong tiwali ang sangkatauhan, ang pagtanggap sa katotohanan ay hindi madali, at dahil napakahalaga ng katotohanan, mas lalong mahirap para sa Diyos na gawin ang katotohanan sa mga tao. Napakahalaga at makabuluhan para sa mga tao ang halaga at kahulugan ng katotohanan at lahat ng iba’t ibang aspekto ng katotohanan. Ngunit dahil lubhang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao at napakaraming bagay sa loob nila ang pagmamay-ari ni Satanas, hindi ganoon kadaling itanim ang katotohanan sa mga tao upang maging buhay nila ito. Ibig bang sabihin nito ay hindi maitatanim ang katotohanan sa mga tao? Hindi, hindi ganoon. Maitatanim ito sa kanila, ngunit dapat magkaroon ang mga tao ng tamang saloobin at pananaw, at dapat sumunod sila sa tamang landas. Ang pagiging mahirap gawin ay hindi nangangahulugang hindi ito magagawa, gaya na lang ng unang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, noong hindi pa ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagperpekto, hindi rin Niya inihahayag ang mga katotohanang ito o sinasabi ang mga salitang ito, ngunit nagawang perpekto ang ilang tao, at nakilala pa rin ng ilan ang Diyos. Kung titingnan ang katunayang ito, maaaring makamit at hindi imposibleng maitanim ang katotohanan sa mga tao, nakasalalay lamang ito sa kung hinahangad ng mga tao ang katotohanan. Kaya, paano dapat maghangad ang isang tao? Ang pinakasimpleng paraan ay ang basahin ang mga salita ng Diyos araw-araw, sauluhin ang mahahalagang salita ng Diyos, pagnilayan ang isang sipi ng mga salita ng Diyos araw-araw, at magdasal-magbasa at magbahagi tungkol sa mga salitang iyon nang paulit-ulit. Kapag nagawa mo nang magdasal-magbasa ng mga pananaw at kasabihang ito—pati na sa mga saloobin ukol sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay—na nilalayong ituro sa iyo ng mga salita ng Diyos, para maunawaan mo ang mga ito at pumasok ang mga ito sa puso mo, kung gayon, bago mo pa ito mamalayan, ang mga positibong kaisipan at pananaw, at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ay maisasabuhay sa tuwing sumasapit sa iyo ang iba’t ibang bagay. Hindi pa ninyo naabot ang antas na ito. Nabasa mo ba kung ano ang ginawa ni Job? Ano ang ginagawa ni Job habang nagsasaya ang mga anak niya? Lumapit siya sa Diyos para magdasal at mag-alay ng mga sakripisyo para sa mga anak niya. Hindi siya kailanman lumayo mula sa Diyos. Ibig sabihin, iwasan mo ang anumang bagay na maaaring magdulot ng paglayo ng puso mo mula sa Diyos; huwag magsabi ng anumang bagay na maaaring magdulot ng paglayo ng puso mo mula sa Diyos; iwasang tumingin sa mga bagay na maaaring magdulot sa iyo na lumayo ka mula sa Diyos o bumuo ng mga kuru-kuro o duda tungkol sa Kanya; huwag makipag-ugnayan sa mga taong maaaring magtulak sa iyo na maging negatibo, mababang-uri, at mapagpalayaw sa sarili, o na maaaring magtulak sa iyo na magduda, sumuway, o lumayo mula sa Diyos, sa halip, layuan mo ang gayong mga tao; manatiling malapit sa sinumang maaari mong pagkunan ng magandang aral, tulong, at panustos; at huwag gumawa ng mga bagay na maaaring magtulak sa iyo na itaboy, ayawan, o kasuklaman ang katotohanan. Dapat mayroon kang ideya tungkol sa mga bagay na ito sa isipan mo. Huwag iniraraos lang ang buhay, iniisip na, “Wala akong pakialam kung gaano ako katagal mabubuhay, o kung ano ang patutunguhan ng buhay ko, hahayaan ko na lang ang lahat sa kalikasan at sa mga pamamatnugot ng Diyos.” Nagsaayos ang Diyos ng kapaligiran para sa iyo at binigyan ka Niya ng malayang kalooban na pumili, ngunit kung hindi ka makikipagtulungan, at palagi kang kusang makikipag-ugnayan sa mga taong mahilig sa mga makamundong bagay, at laging nagpapakasasa sa laman, at hindi tapat sa mga tungkulin nila, at hindi responsable, at kung patuloy kang nakikihalubilo sa mga taong iyon, ano ang magiging resulta at kalalabasan? Kapag walang magawa ang mga taong iyon, nag-uusap sila tungkol sa kainan, inuman, at kasayahan, at madalas nagkukuwentuhan at nagtsitsismisan. Kung mahaharap ka sa mga gayong tukso at hindi ka iiwas sa mga ito at mahuhumaling ka pa nga sa mga bagay na ito at sadyang makikisama sa mga gayong tao, kung gayon, nanganganib ka, sapagkat napapaligiran ka ng tukso! Kapag nakikita ng matatalinong tao ang gayong tukso, lumalayo sila. Malinaw sa puso nila na, “Wala akong ganitong tayog, hindi ako makikinig, at ayaw ko ring bigyan sila ng pansin. Hindi naghahangad sa katotohanan o nagmamahal sa katotohanan ang mga taong ito. Iiwas ako at maghahanap ako ng tahimik na lugar para basahin ang mga salita ng Diyos nang mag-isa, payapain ang puso ko at magninilay-nilay sandali, at lalapit ako sa Diyos.” Ang lahat ng prinsipyo at layong ito ay: Una, huwag lumayo mula sa mga salita ng Diyos; at ikalawa, huwag lumayo mula sa Diyos sa puso mo. Sa ganitong paraan, maaari kang palaging mamuhay sa harap ng Diyos batay sa pundasyon ng pagkaunawa sa kung ano ang katotohanan. Sa isang banda, poprotektahan ka ng Diyos mula sa pagkakalugmok sa tukso. Sa ibang banda, pagpapalain ka ng Diyos nang sagana, bibigyan ka ng kakayahang maunawaan kung ano ang dapat mong gawin para maisagawa ang katotohanan, at magbibigay-daan para matanglawan at maliwanagan ka tungkol sa lahat ng iba’t ibang katotohanan. Pagdating sa tungkulin mo, gagabayan ka ng Diyos na subukang hindi ka magkamali, na palaging magawa mo nang tama ang mga bagay-bagay, at para malaman ang mga prinsipyo. Sa ganitong paraan, hindi ba’t mapoprotektahan ka? Siyempre, hindi ito ang pinakamalaki at panghuling layon. Kung gayon, ano ang panghuling layon? Ito ay na matuto ka ng mga aral mula sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, maunawaan ang mga layunin ng Diyos, malaman ang gawain ng Diyos, at magsagawa ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos. Sa ganitong paraan, ang buhay at tayog ay makakapagpatuloy na umusad sa halip na huminto. Kung palagi kang abala sa pag-aasikaso ng mga usapin at hindi ka nakatuon sa pagsasagawa ng katotohanan sa paggampan ng mga tungkulin mo at paglutas sa mga suliranin ng buhay pagpasok, hindi ka uusad sa buhay mo. Nakakamit ang buhay pagpasok sa pamamagitan ng paggampan ng tungkulin. Kung hihiwalay ang isang tao sa paggampan ng tungkulin at sa mga salita ng Diyos, hindi magkakaroon ng pag-usad sa buhay. Nakikita ng ilang tao ang iba na walang kabuluhang nag-uusap at kaya nakikisali sila at nakikialam, palaging nanghihimasok at mahilig sa tsismis—ayaw ng Diyos sa mga gayong tao. Anong klaseng mga tao ang gusto ng Diyos? Mga taong kayang payapain ang puso nila. Payapain ang sarili nila para gawin ang ano? Para maging isang papet na walang iniisip? Hindi, kundi para payapang manalangin sa harap ng Diyos, hangarin ang mga layunin ng Diyos, hilingin sa Diyos na protektahan ka, at bigyan ka ng kaliwanagan. Gayundin, para hangarin na mabigyan ng kaliwanagan at tanglaw tungkol sa ilang aspekto ng katotohanan na hindi mo nauunawaan nang sa gayon ay magkamit ng pagkaunawa at kalinawan sa aspektong ito ng katotohanan, o para hangarin na malutas ang alinmang aspekto ng gawain mo na puno ng mga problema, at matamo ang patnubay ng Diyos. Napakaraming gampanin na kailangang isagawa at mga bagay na kailangang gawin kapag ang isang tao ay payapa sa harap ng Diyos. Hindi ito isang kaso na lalapit sa Diyos nang basta-basta kapag wala kang ginagawa at sasabihing, “O Diyos, nandito po ako, nasa puso Kita, samahan Mo ako, huwag Mo akong hayaang mahulog sa tukso!” Kung wala sa loob mo ang iyong ginagawa gaya nito at kaswal ka lang sa Diyos, hindi ka isang tunay na mananampalataya, at hindi ipagkakaloob ng Diyos ang katotohanan sa ganitong mga tao. Ano ang dapat unang taglayin ng mga tao upang ipagkaloob sa kanila ng Diyos ang katotohanan? Dapat mayroon silang pusong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, isang sinsero na puso. Ano ang kinakatawan nito kung ang puso mo ay sinsero? Kumakatawan ito na talagang mahal mo ang katotohanan. Kung palagi kang kaswal lang sa Diyos at hindi ka talaga sinsero, at palaging gustong gumawa ng sarili mong mga desisyon sa lahat ng bagay, at palagi mong gustong lumapit sa Diyos nang basta-basta, bumati, at pagkatapos ay kontrolin at gawin ang mga bagay-bagay nang mag-isa, kung gayon, kahit na iniatas sa iyo ng Diyos ang gawain Niya, hahantong kang walang kinalaman sa Diyos o sa katotohanan. Ano ang tawag dito? Tinatawag itong paglaban sa Diyos at pag-aasikaso sa sarili mong gawain. Liliwanagan ka ba ng Diyos sa ganitong paraan? Hindi. Naiintindihan na ba ninyong lahat ang paraan para mahangad at maunawaan ang katotohanan? Dapat kang lumapit sa Diyos nang madalas, payapain ang puso mo para hanapin ang katotohanan at manalangin sa Diyos, at dapat matutong payapain ang sarili mo. Ang pagpapayapa sa sarili mo ay hindi nangangahulugang walang laman ang isipan mo, kundi ito ay pagkakaroon ng mga kahilingan, kaisipan, at pasanin sa puso mo, paglapit sa Diyos nang may sinsero at nananabik na puso, may pananabik sa katotohanan at sa mga layunin ng Diyos, at pagdadala ng pasanin para sa tungkuling ginagampanan mo at para sa gawaing ginagawa mo—ito ang dapat mong taglayin kapag lumalapit ka sa Diyos at pinapayapa ang sarili.

Katatapos Ko lang ibahagi kanina na ang lahat ng gawain ng iglesia ay direktang nauugnay sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Lalo na, ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at ang lahat ng trabaho na may kaugnayan sa mga propesyon ay may mahalaga at hindi mapaghihiwalay na koneksiyon sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kaya, ang anumang may kinalaman sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ay may kinalaman sa mga interes ng Diyos at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kung tama ang pagkaunawa ng mga tao sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat tama ang pagharap nila sa mga tungkuling ginagawa nila at sa mga tungkuling ginagawa ng iba. Paano ang tamang pagharap dito? Gawin ang makakaya mo at gawin ito ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Sa pinakasimple, huwag makilahok sa mga kagawian at kaugalian na sadyang nagdudulot ng pinsala o kaguluhan, at huwag sadyang gumawa ng mga bagay na alam mong mali. Kung iginigiit ng isang tao na gawin ang isang bagay kahit na alam niyang nakakagambala at nakakagulo ito sa gawain ng iglesia, at walang makakapigil sa kanya rito, kung gayon, gumagawa siya ng kasamaan, naghahanap ng kamatayan, at nagpapakita ng tunay niyang kulay bilang isang diyablo. Bilisan at ipakilatis mo ang taong ito sa mga kapatid kung ano talaga siya, at pagkatapos ay alisin ang masamang taong ito sa iglesia. Kung ang isang taong gumagawa ng masama ay nasa sandali ng kahangalan at hindi sadyang gumagawa ng kasamaan, paano dapat tratuhin ang ganoong sitwasyon? Dapat bang turuan at tulungan ang tao? Paano naman kung tinuruan siya at hindi pa rin nakikinig? Nagsasama-sama ang mga kapatid para punahin siya. Paano kung ang tao ay may kakayahan sa trabaho niya pero hindi niya ginagawa ang lahat ng makakaya niya para gawin ito, pero sa kasalukuyan ay walang ibang puwedeng pumalit sa kanya, at gusto pa rin ng lahat na siya ang gumawa nito? Nagsasama-sama ang lahat para pungusan ang tao at balaan siya, “Itinaas ka ng Diyos at hiniling Niya sa iyo na gawin ang tungkuling ito. Kung hindi mo gagawin ang lahat ng iyong makakaya, at patuloy na nagdudulot ng kaguluhan, at aabandonahin mong muli ang tungkulin mo, kung gayon ay malinaw na wala kang konsensiya at hindi ka angkop na gumawa ng tungkulin mo.” Maganda ba ang ganitong paraan o hindi? Kung may taong puwedeng pumalit sa kanya, hayaan siyang umalis. Maglalakas-loob ba kayong gawin iyon? Karamihan sa mga tao ay hindi maglalakas-loob. Pagdating sa pagtatanggol sa gawain ng iglesia, maraming tao ang hindi naglalakas-loob na tumayo at magtaguyod sa katarungan. Hindi ba’t isa itong kaso ng hindi paglalakas-loob na sumunod sa katotohanan? Sadyang binabalewala ng ilang tao ang mga problema at wala silang pakialam kapag nakikita nila na nagagambala o nagugulo ang gawain ng iglesia, na para bang wala itong kinalaman sa kanila, at ang magbulag-bulagan ang saloobin nila dito. Ngunit kung may isang tao na bumabatikos sa kanila sa pamamagitan ng pagsasabing hindi sila dapat maging ganito, o namumuhi sa kanila o nangmamaliit sa kanila, naiirita sila at iniisip nila: “Sino ka ba sa inaakala mo? Sino ka para batikusin ako? Sino ka para maliitin ako? Kailangang pag-usapan natin ang bagay na ito.” Masyado nilang dinidibdib at siniseryoso ang usaping ito, at hindi nila magawang hindi magsalita at ipahayag ang paninindigan nila. Wala silang naramdaman noong nahadlangan, nagulo, at nasira ang gawain ng iglesia, bagkus ay nagbulag-bulagan sila rito. Anong klaseng mga tao ito? (Makasarili at kasuklam-suklam na mga tao.) Pagiging makasarili ba ito at kasuklam-suklam lang? Napakaseryoso ng problemang ito na hindi ito maibubuod sa isang pangungusap lang. Maaari lamang sabihin na ang mga gayong tao ay walang pagkatao at talagang hindi mabubuting tao. Sa katunayan, ito ang ginagawa ng mga anticristo, at siyempre, kasama rito ang mga huwad na lider. Walang ideya ang mga anticristo kung ano ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapag nahahadlangan ang gawain ng iglesia, hindi nila ito nakikita. Nagdudulot ang ilang tao ng malubhang kaguluhan sa pamamagitan ng panggugulo sa gawain ng iglesia, ngunit kapag nakita ito ng mga anticristo, hindi nila ito sineseryoso. Minamaliit nila ito at bahagyang pinagagalitan ang maysala gamit ang ilang simpleng komento, saglit itong pinaaalalahanan at wala nang iba pa, nang walang kahit katiting na galit. May pagkaunawa ba sa katarungan ang mga taong ito? Anong klaseng mga tao ito? Ang mga ganitong tao ay kumakagat sa kamay na nagpapakain sa kanila, sila ay mga traydor! Sila ay mga basura!

Katatapos Ko lang magbigay ng pangkalahatang ideya sa kung ano ang mga interes ng mga tao, ano ang diwa ng mga interes ng mga tao, bakit hinahangad ng mga tao ang mga pansariling interes, ano ang kalikasan ng paghahangad ng mga tao sa mga pansariling interes, at kung ano rin ang kalikasan ng mga interes ng Diyos, at kung paano natutukoy ang mga ito. Pinakamakatarungang layunin ang mga interes ng Diyos at dapat na ituring na ganoon. Talagang lubos na hindi makasarili para sa Diyos na ipagtanggol ang mga interes Niya, at hindi rin ito para lang ipagtanggol ang dignidad at kaluwalhatian Niya. Sa halip, nais Niyang ipagtanggol ang pagsulong at mga resulta ng gawain Niya, at ipagtanggol ang isang makatarungang layunin. Isa itong napakamakatarungan at napakamarapat na pag-uugali at paraan ng pagkilos, at isa itong gawa ng Diyos. Hindi dapat magkimkim ang mga nilikhang tao ng anumang mga kuru-kuro tungkol sa gawang ito ng Diyos, lalo na ang magkimkim ng anumang mga akusasyon o panghuhusga. Masasabi ba natin na ang mga interes ng Diyos ay nakahihigit sa lahat? (Oo.) Makasarili bang sabihin ito? (Hindi.) Nauunawaan ng mga tao ang aspektong ito ng katotohanan, at sa batayang ito, may katotohanan ang pahayag na ito. Hindi ito sadyang may kinikilingan, walang pinapanigan at marapat ito. “Hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipinagkakanulo pa ang mga interes na iyon, ipinagpapalit para sa kanilang personal na kaluwalhatian”—ito ang diwa ng mga anticristo. Ganito ang kalikasan ng saloobin at pagharap nila sa mga interes, at hindi kailanman nila isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “hindi kailanman”? Ibig sabihin, hindi nila iniisip ang tungkol sa mga interes ng Diyos kahit kaunti, wala rin silang ganoong konsepto, isinasaalang-alang lamang nila ang pansariling mga interes—iyon ang ibig sabihin nito. Gaano ba ito kaseryoso? Ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ipinagpapalit ang mga ito para sa personal na kaluwalhatian at mga pansariling interes. Ang kanilang mga interes ay pinakamahalaga at maaaring pumalit sa mga interes ng Diyos. Lalaban sila para sa mga interes nila gaano pa man ito kabuktot, hindi marapat, o negatibo, at para makuha at maipaglaban ang mga interes nila handa silang isakripisyo ang sinuman, anuman ang halagang kapalit. Anong uri ng pag-uugali ito? (Pag-uugali ng mga anticristo.) Ang pag-uugali ng mga anticristo—ito ang ginagawa ni Satanas. Nangingibabaw si Satanas sa sangkatauhang ito, nangingibabaw sa isang bansa, nangingibabaw sa isang lahi, at handang magsakripisyo ng gaano man karaming buhay kapalit ng katatagan ng kapamahalaan nito. Ano ang mga interes nito? Kapangyarihan at isang posisyon ng pangingibabaw. Kung gayon, paano ito nagkakamit ng isang posisyon ng pangingibabaw at paano nito pinatatatag ang pangingibabaw na ito? (Sa anumang halaga.) Sa anumang halaga. Ibig sabihin, wala itong pakialam kung ang mga kaugalian at pamamaraan nito ay mukhang marapat o hindi marapat sa publiko, at ginagamit nito ang lahat mula sa pagpatay at panunupil, hanggang sa malambot at matigas na mga taktika, pamimilit at pang-aakit, at aabot pa nga sa pagsasakripisyo ng buhay ng sinuman o ng gaano man karaming buhay kapalit ng katatagan ng posisyon nito at ng kapangyarihan sa mga kamay nito—ito ang pag-uugali ni Satanas. Ginagawa ng mga anticristo ang mga bagay-bagay sa ganito ring paraan.

Naaayon ba sa panlasa ninyo ang mga salitang ito sa pagbabahaginan natin ngayong araw? (Marami akong natutuhan pagkatapos makinig ngayon, at lalo na, labis na nakapagpaantig sa akin ang paghihimay-himay ng kaalaman at mga intelektuwal. Noon, hindi ako masyadong sang-ayon sa ideya na ang mga intelektuwal ay walang espirituwal na pang-unawa, ngunit sa panahong ito, sa pamamagitan ng paghihimay-himay ng Diyos sa kaalaman, unti-unti kong naikukumpara at nakikita na, sa maraming pagkakataon, ako mismo ay hindi makaarok ng mga salita ng Diyos, hindi ko nauunawaan ang mga ito kapag naririnig ko, at kapag tinitingnan ko ang mga tao at pangyayari, tinitingnan at sinusuri ko sila mula sa intelektuwal na pananaw, na humahantong sa baluktot na pagkaunawa—kawalan ito ng espirituwal na pang-unawa. Ngayon, mas malinaw ko nang nakikita ang diwa ng mga intelektuwal.) Sa pakikipag-usap tungkol sa mga intelektuwal ngayon, talagang wala Akong pinupuntirya na sinumang tao, pero kung maihahambing ninyo ang inyong sarili sa Aking mga salita, mabuting bagay iyon, at may pag-asa na maaari kayong magbago at pumasok. Dapat masigasig kayong maghangad, mula sa punto ng hindi pagkaunawa o pagkaarok ng katotohanan, hanggang sa unti-unting umabot sa punto kung saan nauunawaan ninyo ang ilang simple, hiwalay, at hindi gaanong malalim na katotohanan nang sunod-sunod, nang sa gayon ay katotohanan ang nauunawaan ninyo sa halip na mga salita at doktrina. Sa ganitong paraan, unti-unti, magkakaroon ka ng espirituwal na pang-unawa. Kung naiintindihan mo na ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagtuon sa katotohanan at realidad, unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan; kung palagi mong susuriin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagtuon sa doktrina, paggamit ng lohika at ng iyong isipan, kung gayon, doktrina o teorya lang ang mauunawaan mo, na hindi kailanman magiging katotohanan, at hindi ka kailanman lalampas sa pundasyon ng doktrina. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Bakit hindi ko maintindihan ang ilan sa mga salita ng Diyos na binabasa ko? Bakit hindi ganoon kadali para sa mga tao na maintindihan at tanggapin ang mga ito kapag sinusukat gamit ang gramatika at batay sa estruktura ng sanaysay?” Paano ninyo maipapaliwanag ang problemang ito? Naiintindihan ba ninyo ito ngayon? Ipapaliwanag Ko sa inyo. Nagsasalita ang Diyos sa mga tao mula pa nang umiral ang sangkatauhan, at ang bawat salita at talatang sinasabi Niya ay isang wika lamang, sa halip na mga sanaysay. Habang nagsasalita Ako rito ngayon, naglalahad ba Ako ng isang sanaysay, nagbibigay ng ulat, o nakikipag-usap lamang? (Nakikipag-usap.) Nakikipag-usap Ako sa inyo, nagsasabi ng katotohanan, at nagsasalita tungkol sa mga paksang kailangan ninyo. Nagsasalita Ako, hindi naghahatid ng isang sanaysay. Kaya, kailangang maunawaan ninyo kung ano ang isang sanaysay at kung ano ang pagsasalita—may mga pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Ang ilang elementong hinihingi ng sanaysay ay mga aspekto ng kaalaman na nagmumula sa sangkatauhan, at hindi kailangang sumunod ng Diyos sa kaalamang ito kapag nagsasalita. Kailangan lamang na simple at malinaw Siyang magsalita ng mga katotohanan na nais Niyang sabihin, at hangga’t nauunawaan ng mga tao ang mga katotohanang naririnig nila, sapat na iyon, at hindi na kailangang gumamit pa ng mga bantas. Inimbento ng sangkatauhan ang mga bantas at sanaysay, at pati na ang gramatika at mga elementong hinihingi ng mga sanaysay. Nakapaloob lahat ang mga bagay na ito sa kategorya ng kaalaman, at hindi kailangan sumunod ng Diyos sa mga ito. Bukod pa rito, ang wika ay mula sa Diyos, at isa itong positibong bagay. Samakatwid, kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, tama ito. Hindi mo na kailangang busisiin ang mga isyu nito sa gramatika, o ikumpara o himayin ang mga isyung gramatika. Kailangan mo lang makaunawa sa isang partikular na parte, sa isang talata, at sa isang pangungusap, kung ano ang layunin ng Diyos, kung ano ang katotohanan, kung ano ang mga katotohanang prinsipyo na hinihingi ng Diyos sa mga tao, at kung ano ang landas ng pagsasagawa na sinasabi ng Diyos sa mga tao, at sapat na iyon. Ito ang katwiran na dapat taglayin ng mga nilikha—ng mga tao. Hindi kailangang sumunod ang mga salita at kilos ng Diyos sa lahat ng kaugalian at balangkas na ito na binuo ng mga tao, at gayundin sa mga regulasyong ito at mga purong intelektuwal na bagay na likas sa kaalaman, na hindi kinakailangang sundin. Nagsabi ang Diyos ng maraming bagay, at kahit ano pa ang sabihin Niya, katotohanan ito. Habang mas nagbabasa ng mga salita ng Diyos ang mga taong may espirituwal na pang-unawa at mga taong may karanasan, mas lalo nilang nararamdaman na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Kung ano ang katotohanang nakapaloob sa mga salitang ito ay isang bagay na kailangang alamin, hanapin, at danasin ng mga tao. Nagsasalita ang Diyos sa sangkatauhan—tandaan, ang ginagawa ng Diyos ay magsalita, at ang “pagsasalita” ay kilala sa kolokyal na termino bilang pakikipag-kuwentuhan, o pag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay. Anong diwa ang nakapaloob sa gustong sabihin ng Diyos dito? Mga layunin ito ng Diyos, ang katotohanan, at ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao—ito ang nilalaman. Ang kalikasan ng pagsasalita ay ang magsalita nang simple at malinaw sa paraang nagkukuwentuhan, puso sa puso, at harap-harapan, gumagamit minsan ng kolokyal na wika at diyalekto, at kung minsan ay ilang salitang pampanitikan. Para magsulat ng sanaysay, kailangan mong magkaroon ng pambungad sa unang talata, palawakin at ipaliwanag ang isyu sa gitna, at pagkatapos ay humantong sa sukdulan at wakas. Dapat itong isulat nang tumpak ayon sa pormat na ito upang maituring na isang sanaysay, at saka lang ito babasahin ng guro at bibigyan ng grado na katamtaman, magaling, o napakahusay. Maaari mo bang bigyan ng grado ang mga salita ng Diyos sa ganitong paraan? Ipagpalagay na sinabi mong, “Maganda ang gawang ito, may mahusay na gramatika, sinasalita sa banal na wika, at lubos na umaayon sa estruktura ng isang sanaysay; hindi gaanong mahusay ang gawang iyon, medyo magulo, at hindi gaanong maayos ang estruktura. Hindi gaanong wasto ang gramatika ng ilan sa mga salita, at may ilang salita pa nga na tila hindi tama ang pagkakaayos.” Tama bang basahin ang mga salita ng Diyos sa ganitong paraan? (Hindi.) Magiging baluktot kung babasahin ang mga ito sa ganitong paraan, at hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan. Dapat kang matutong umarok sa nakatagong kahulugan ng mga salita ng Diyos upang makita kung ano ang hinihingi sa iyo ng Diyos at kung ano ang katotohanang nakapaloob sa mga salitang ito—iyon ang matalinong bagay na gagawin. Ni hindi mo nga alam kung paano tingnan ang mga bagay na ito, at patuloy mong sinasabi buong araw na: “Bakit hindi man lang maituturing na mga sanaysay ang mga salita ng Diyos? Dapat maging katulad ng mga talumpati ang mga salita ng Diyos, at dapat magsalita ang Diyos sa sopistikadong wika.” Hindi Ko ginagawa iyon. Magiging masyado itong nakakapagod, at mapapagod kayo sa pakikinig, at mapapagod din ang taong nagsasalita. Isipin ninyo ang Diyos na nagsasalita sa langit, nagsasalita kay Job, kay Pedro, kay Moises at kay Jonas—hindi ba’t simple at malinaw ang mga salita ng Diyos? Talagang hindi mo makikita kung gaano kamangha-mangha, kahirap unawain, o kadakila ang mga ito, o kung gaano kahigpit ang pagkakaayos ng mga salita. Tingnan ninyo noong tinukso ni Satanas si Job, sinabi ng Diyos kay Satanas, “Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan?” (Job 1:8), at “Siya’y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kanyang buhay” (Job 2:6). Simple lang at maikli ang mga salita ng Diyos, at napakalinaw na naipaliwanag ang bagay na ito. Ito ang disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi sadyang gumagamit ang Diyos ng nakalilitong mga pahiwatig, at ang kadakilaan Niya, pagiging ekstraordinaryo, pagiging marangal, awtoridad, at kapangyarihan ay hindi peke. Bakit Ko sinasabing hindi peke ang mga ito? Kapag kinakausap Niya ang isang tao, hindi Siya nagpapanggap, hindi nagbabalatkayo na may isang matayog na imahe, o nagsasabi ng mga bagay na hindi kayang unawain ng mga tao—si Satanas ang gumagawa niyon, hindi gumagawa ang Diyos ng ganoong bagay—at dahil sinasabi ito ng Diyos, ipapaunawa Niya ito sa iyo. Kung isa kang bata, kakausapin ka Niya sa mga salitang naiintindihan ng mga bata. Kung may edad ka na, kakausapin ka Niya sa wika ng may edad na tao. Kung ikaw ay isang lalaki, kakausapin ka Niya sa wikang karaniwang ginagamit ng kalalakihan. Kung isa kang tiwaling tao, kakausapin ka Niya sa isang paraan at estruktura ng Kanyang wika na naiintindihan ng mga tiwaling tao. Nagsasalita ang Diyos sa maraming paraan. Minsan, nagbibiro Siya, minsan naman ay nagsasalita ng kabalintunaan, minsan ay sarkastiko Siya, minsan ay naghihimay-himay, minsan ay mas maghigpit Siya, minsan ay mas malumanay, minsan ay inaantig ka Niya, at minsan naman ay pinapagaan Niya ang loob mo matapos ka Niyang pungusan…. Ang lahat ng gawaing ito na ginagawa ng Diyos at ang mga katotohanang ipinapahayag Niya ay hindi permanente, ang mga ito ay pabago-bago. Ang Diyos ay ang bukal ng buhay na tubig, at ang pinagmumulan ng katotohanan ay ang Diyos. Anuman ang sinasabi ng Diyos ay tama, may katotohanan dito, at hindi mahalaga kung sa anong paraan Niya ito sinasabi. Kung palaging may kuru-kuro ang isang tao tungkol sa mga paraan ng pagsasalita ng Diyos, sa estruktura ng Kanyang wika, at iba pa, at palaging sinisiyasat at pinagdududahan ang mga ito, at palaging nababahala sa mga bagay na ito at nag-iisip, “Ang diyos na pinananampalatayaan ko ay parang hindi talaga diyos, bakit siya ganoon? Kaya, ayaw ko siyang tanggapin, magiging masyadong nakakahiya kung tatanggapin ko siya, mas mabuti pa kung mananampalataya ako kay Ganito-at-ganyan,” anong klaseng tao ito? (Isang hindi mananampalataya.) Isa itong hindi mananampalataya. Anong uri ng mga tao ang karamihan sa mga hindi mananampalataya? Mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Kapag binabasa ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa ang mga salita ng Diyos, sinisiyasat nila ang mga ito nang masinsinan, at ang resulta ay hindi pa rin nila lubos na maunawaan ang mga ito, kaya napapaisip sila, “Sapagkat ito ang tunay na daan, posible ba talagang magkamit ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pananampalataya sa ganitong paraan? Napakaraming taong nananampalataya. Kung hindi ako mananampalataya, hindi ba’t mapupunta ako sa impiyerno?” Nagkikimkim pa nga sila ng maliliit na pakana. Hindi sila nagtataka, “Sinasabi nila na may katotohanan sa mga salita ng Diyos, kung gayon, ano ang katotohanan? Bakit hindi ko pa ito nakikita? Dapat akong magbasa at makinig!” Isang araw, sa wakas ay “nauunawaan nila ang naririnig nila” at iniisip nila, “Ang mga ibinubunyag ng mga salitang ito ay ang totoong sitwasyon, ito ang katotohanan. Ngunit ang wika ay masyadong ordinaryo at pangkaraniwan, masyadong hindi kapansin-pansin, at maaaring hamakin at diskriminahin ng mga intelektuwal, at ituring bilang ang pinakaordinaryong usapan, at pangkaraniwan pa nga pagdating sa ilang salita, at ang ilang salita na ayaw gamitin ng mga nakatataas na intelektuwal sa industriya ng kaalaman ay sa katunayan, sinasalita mula sa bibig ng diyos—hindi talaga kapani-paniwala ito at hindi ito dapat ganoon, hindi ba?” Ano ang mga kahihinatnan ng palaging pagsisiyasat? Mararamdaman mo na mas mahusay ka kaysa sa Diyos, at na dapat maniwala sa iyo ang Diyos at itaas ka. Hindi ba’t problema ito? Ang mga ito ay mga taong walang espirituwal na pang-unawa. Ang saloobin nila ukol sa Diyos ay ang laging pagkontra sa Diyos at pagsiyasat sa Kanya. Kasabay ng pagsisiyasat sa Diyos, sinusuway nila Siya, at kasabay ng pagsuway nila sa Kanya, iniisip nila, “Mas mabuti nang hindi ka diyos, dahil masyado kang hamak, hindi ka katulad ng diyos. Kung ikaw ang diyos, hindi ako mapapanatag. Kung kamumuhian at sisiyasatin kita, susuriin ka hanggang sa puntong hindi ka na diyos, at wala nang mananampalataya sa iyo, magiging masaya ako, at kung maghahanap ako ng isang dakilang diyos na pananampalatayaan, mapapanatag ako.” Hindi mananampalataya ang ganitong mga tao. Walang espirituwal na pang-unawa ang karamihan sa mga hindi mananampalataya. Hindi nila kailanman mauunawaan o makakamit ang katotohanan mula sa mga napakaordinaryong pagbigkas na ito ng Diyos. Paulit-ulit lang nilang sinisiyasat ang mga ito, bukod sa nabibigo silang makamit ang katotohanan, sinisira din nila ang mahalagang bagay ng sarili nilang kaligtasan, at ibinubunyag din at itinitiwalag nila ang sarili nila. Tapusin na natin dito ang pagbabahaginan ngayong araw. (Salamat sa Diyos!) Paalam!

Enero 17, 2020